1:1 At si Salomon na anak ni David ay tumibay sa kaniyang kaharian, at ang Panginoon niyang Dios ay sumakaniya, at pinadakila siyang mainam.
1:2 At si Salomon ay nagsalita sa buong Israel, sa mga pinunong kawal ng lilibuhin at dadaanin, at sa mga hukom, at sa bawa't prinsipe sa buong Israel, na mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang.
1:3 Sa gayo'y si Salomon, at ang buong kapisanan na kasama niya, ay naparoon sa mataas na dako na nasa Gabaon; sapagka't nandoon ang tabernakulo ng kapisanan ng Dios, na ginawa sa ilang ni Moises na lingkod ng Panginoon.
1:4 Nguni't ang kaban ng Dios ay iniahon ni David mula sa Chiriath-jearim hanggang sa dakong pinaghandaan ni David: sapagka't kaniyang ipinagtayo ng tolda sa Jerusalem.
1:5 Bukod dito'y ang dambanang tanso na ginawa ni Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, ay nandoon sa harap ng tabernakulo ng Panginoon: at doo'y sumangguni si Salomon at ang buong kapisanan.
1:6 At si Salomon ay sumampa roon sa dambanang tanso sa harap ng Panginoon, na nasa tabernakulo ng kapisanan, at naghandog ng isang libong handog na susunugin doon.
1:7 Nang gabing yaon ay napakita ang Dios kay Salomon, at nagsabi sa kaniya, Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.
1:8 At sinabi ni Salomon sa Dios, Ikaw ay nagpakita ng malaking kagandahang loob kay David na aking ama, at ginawa mo akong hari na kahalili niya.
1:9 Ngayon, Oh Panginoong Dios, itatag mo ang iyong pangako kay David na aking ama: sapagka't ginawa mo akong hari sa bayang gaya ng alabok ng lupa sa karamihan.
1:10 Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman, upang ako'y makapaglabas pumasok sa harap ng bayang ito: sapagka't sinong makahahatol dito sa iyong bayan na totoong malaki?
1:11 At sinabi ng Dios kay Salomon, Sapagka't ito ang sumaiyong puso, at hindi ka humingi ng kayamanan, pag-aari o karangalan o ng buhay man ng nangapopoot sa iyo, o humingi ka kaya ng mahabang buhay; kundi humingi ka ng karunungan at kaalaman sa ganang iyong sarili, upang iyong mahatulan ang aking bayan, na aking pinaggawan sa iyo na hari:
1:12 Karunungan at kaalaman ay nabigay sa iyo; at bibigyan kita ng kayamanan, at pag-aari, at karangalan na walang hari na una sa iyo na nagkaroon ng ganyan, o sinoman ay magkakaroon ng gayong pagkamatay mo.
1:13 Sa gayo'y dumating si Salomon mula sa mataas na dako na nasa Gabaon, mula sa harap ng tabernakulo ng kapisanan hanggang sa Jerusalem; at siya'y naghari sa Israel.
1:14 At si Salomon ay nagpisan ng mga karo at mga mangangabayo: at siya'y mayroong isang libo at apat na raang karo, at labing dalawang libong mangangabayo, na kaniyang inilagay sa bayan ng mga karo, at kasama ng hari sa Jerusalem.
1:15 At ginawa ng hari ang pilak at ginto na maging gaya ng mga bato sa Jerusalem, at ang mga sedro na maging gaya ng mga sikomoro na nangasa mababang lupa dahil sa kasaganaan.
1:16 At ang mga kabayo na tinatangkilik ni Salomon ay inilabas sa Egipto; ang mga mangangalakal ng hari ay nagsitanggap sa kanila ng mga kawan, na bawa't kawan ay sa halaga.
1:17 At kanilang iniaahon at inilalabas sa Egipto ang isang karo sa halagang anim na raang siklong pilak, at ang isang kabayo sa isang daan at limangpu: at gayon sa lahat na hari ng mga Hetheo, at sa mga hari sa Siria, kanilang mga inilalabas sa pamamagitan nila.
2:1 Si Salomon nga ay nagpasiya na ipagtayo ng bahay ang pangalan ng Panginoon, at ng isang bahay ang kaniyang kaharian.
2:2 At si Salomon ay bumilang ng pitong pung libong lalake upang magsipagpasan ng mga pasan, at walong pung libong lalake na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan upang mamahala sa kanila.
2:3 At si Salomon ay nagsugo kay Hiram na hari sa Tiro, na ipinasasabi, Kung paanong iyong ginawa kay David na aking ama at pinadalhan siya ng mga sedro upang ipagtayo siya ng bahay na matirahan doon, gayon din ang gawin mo sa akin.
2:4 Narito, aking ipinagtatayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, upang italaga sa kaniya, at upang magsunog sa harap niya ng kamangyan na may mga mainam na espesia, at maiukol sa palaging tinapay na handog, at sa mga handog na susunugin sa umaga at hapon, sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan sa Panginoon naming Dios. Ito ang utos sa Israel magpakailan man.
2:5 At ang bahay na aking itinatayo ay dakila: sapagka't dakila ang aming Dios kay sa lahat ng mga Dios.
2:6 Nguni't sinong makapagtatayo para sa kaniya ng isang bahay, dangang sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi siya magkasiya? sino nga ako, na ipagtatayo ko siya ng isang bahay, liban sa magsunog lamang ng kamangyan sa harap niya?
2:7 Ngayon nga'y suguan mo ako ng isang lalake na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso, at sa bakal, at sa kulay ube, at matingkad na pula, at bughaw, at ng makauukit ng sarisaring ukit, upang makasama ng mga matalinong lalake na kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, na itinaan ni David na aking ama.
2:8 Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na abeto, at mga kahoy na algum, na mula sa Libano, sapagka't talastas ko na ang iyong mga bataan ay matalinong pumutol ng kahoy sa Libano. At, narito, ang aking mga alipin ay sasama sa iyong mga bataan,
2:9 Sa makatuwid baga'y upang ipaghanda ako ng kahoy na sagana: sapagka't ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kagilagilalas.
2:10 At narito, aking ibibigay sa iyong mga bataan, na mga mamumutol ng kahoy, ang dalawangpung libong koro ng binayong trigo, at dalawang pung libong koro ng sebada, at dalawangpung libong bath ng alak, at dalawangpung libong bath ng langis.
2:11 Nang magkagayo'y si Hiram na hari sa Tiro ay sumagot sa sulat, na kaniyang ipinadala kay Salomon, Sapagka't minamahal ng Panginoon ang kaniyang bayan, ay ginawa ka niyang hari sa kanila.
2:12 Sinabi ni Hiram bukod dito, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na lumikha ng langit at lupa, na nagbigay kay David na hari ng isang pantas na anak, na may bait at kaalaman, na ipagtatayo ng isang bahay ang Panginoon, at ng isang bahay ang kaniyang kaharian.
2:13 At ngayo'y nagsugo ako ng bihasang lalake na may kaalaman, kay Hiram na aking ama,
2:14 Na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kaniyang ama ay taga Tiro na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, sa tanso, sa bakal, sa bato, at sa kahoy, sa kulay ube, sa bughaw, at sa mainam na kayong lino, at sa matingkad na pula; upang umukit din naman ng anomang paraan ng ukit, at magmunakala ng anoman; upang magkaroon ng isang takdang dako sa kaniya na kasama ng iyong mga bihasang lalake at ng mga bihasang lalake ng aking panginoong si David na iyong ama.
2:15 Ngayon nga'y ang trigo at ang sebada, ang langis at ang alak, na sinalita ng aking panginoon, ipadala niya sa kaniyang mga bataan:
2:16 At kami ay magsisiputol ng kahoy mula sa Libano, kung gaano ang iyong kakailanganin: at aming dadalhin sa iyo sa mga balsa na idadaan sa dagat hanggang sa Joppe; at iyong iaahon sa Jerusalem.
2:17 At binilang ni Salomon ang lahat na taga ibang lupa na nangasa lupain ng Israel, ayon sa bilang na ibinilang ni David na kaniyang ama sa kanila; at nasumpungan ay isang daan at limang pu't tatlong libo at anim na raan.
2:18 At kaniyang inilagay sa kanila ay pitong pung libong tagadala ng pasan, at walong pung libo na mga maninibag ng bato sa mga bundok, at tatlong libo at anim na raan na kapatas upang magayos ng gawain ng bayan.
3:1 Nang magkagayo'y pinasimulan ni Salomon na itayo ang bahay ng Panginoon, sa Jerusalem sa bundok ng Moria, na pinagkakitaan ng Panginoon kay David na kaniyang ama, sa dakong kaniyang pinaghandaan na pinagtakdaan ni David sa giikan ni Ornan na Jebuseo.
3:2 At siya'y nagpasimulang magtayo nang ikalawang araw ng ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kaniyang paghahari.
3:3 Ang mga ito nga ay ang mga tatagangbaon na inilagay ni Salomon na ukol sa pagtatayo ng bahay ng Dios. Ang haba sa mga siko ayon sa panukat ng una ay anim na pung siko, at ang luwang ay dalawangpung siko.
3:4 At ang portiko na nasa harap ng bahay, ang haba niyao'y ayon sa luwang ng bahay ay dalawang pung siko, at ang taas ay isang daang at dalawangpu: at kaniyang binalutan sa loob ng taganas na ginto.
3:5 At ang lalong malaking bahay ay kaniyang kinisamihan ng kahoy na abeto, na kaniyang binalot ng dalisay na ginto, at ginawan niya ng mga palma at mga tanikala.
3:6 At kaniyang ginayakan ang bahay ng mga mahalagang bato na pinakapangpaganda: at ang ginto, ay ginto sa Parvaim.
3:7 Kaniyang binalutan din naman ng ginto ang bahay, ang mga sikang, ang mga pintuan, at ang mga panig niyaon at ang mga pinto; at inukitan ng mga querubin sa mga panig niyaon.
3:8 At kaniyang ginawa ang kabanalbanalang bahay; ang haba niyaon, ayon sa luwang ng bahay, ay dalawangpung siko, at ang luwang niyaon ay dalawangpung siko; at kaniyang binalutan ng dalisay na ginto, na may timbang na anim na raang talento.
3:9 At ang bigat ng mga pako ay limangpung siklong ginto. At kaniyang binalot ng ginto ang pinakamataas na silid.
3:10 At sa kabanalbanalang bahay ay gumawa siya ng dalawang querubin na gawang nilarawan; at binalot nila ng ginto.
3:11 At ang mga pakpak ng mga querubin ay dalawangpung siko ang haba; ang pakpak ng isang querubin ay limang siko, na abot sa panig ng bahay; at ang kabilang pakpak ay gayon din na limang siko na abot sa pakpak ng isang querubin.
3:12 At ang pakpak ng isang querubin ay limang siko, na abot sa panig ng bahay: at ang kabilang pakpak ay limang siko rin, na nakadaiti sa pakpak ng isang querubin.
3:13 Ang mga pakpak ng mga querubing ito ay nangakaladlad ng dalawangpung siko: at sila'y nangakatayo ng kanilang mga paa, at ang kanilang mga mukha ay paharap sa dako ng bahay.
3:14 At kaniyang ginawa ang lambong na bughaw, at kulay ube, at matingkad na pula, at mainam na kayong lino, at ginawan ng mga querubin.
3:15 Siya'y gumawa rin sa harap ng bahay ng dalawang haligi na may tatlongpu't limang siko ang taas, at ang kapitel na nasa ibabaw ng bawa't isa sa mga yaon ay limang siko.
3:16 At kaniyang ginawan ng mga tanikala ang sanggunian at inilagay sa ibabaw ng mga haligi; at siya'y gumawa ng isang daang granada, at inilagay sa mga tanikala.
3:17 At kaniyang itinayo ang mga haligi sa harap ng templo, ang isa'y sa kanan, at ang isa'y sa kaliwa; at tinawag ang pangalan niyaong nasa kanan ay Jachin, at ang pangalan niyaong nasa kaliwa ay Boaz.
4:1 Bukod dito'y gumawa siya ng dambanang tanso na dalawangpung siko ang haba niyaon, at dalawangpung siko ang luwang niyaon, at sangpung siko ang taas niyaon.
4:2 Gumawa rin siya ng dagatdagatan na binubo na may sangpung siko sa labi't labi, na mabilog, at ang taas niyaon ay limang siko; at isang panukat na pisi na may tatlong pung siko na nakalibid sa paligid.
4:3 At sa ilalim niyao'y may kawangis ng mga baka na lumilibot sa palibot, na sangpung siko, na nakaligid sa palibot ng dagatdagatan. Ang mga baka ay dalawang hanay, na binubo nang bubuin yaon.
4:4 Nakapatong ang dagatdagatan sa labing dalawang baka, tatlo'y nakaharap sa dakong hilagaan, at tatlo'y nakaharap sa dakong kalunuran, at tatlo'y nakaharap sa dakong timugan, at tatlo'y nakaharap sa dakong silanganan: at ang dagatdagatan ay napapatong sa mga yaon sa ibabaw, at lahat nilang puwitan ay nasa dakong loob.
4:5 At ang kapal ng dagatdagatan ay isang dangkal; at ang labi niyao'y yaring gaya ng labi ng isang saro, gaya ng bulaklak ng lila: naglalaman ng tatlong libong bath.
4:6 Siya nama'y gumawa ng sangpung hugasan, at inilagay ang lima sa kanan, at lima sa kaliwa, upang paghugasan: na ang mga bagay na nauukol sa handog na susunugin ay hinugasan doon: nguni't ang dagatdagatan ay upang paghugasan ng mga saserdote.
4:7 At siya'y gumawa ng sangpung kandelero na ginto ayon sa ayos tungkol sa mga yaon; at inilagay niya sa templo, na lima sa kanan, at lima sa kaliwa.
4:8 Gumawa rin naman siya ng sangpung dulang, at inilagay sa templo, na lima sa dakong kanan, at lima sa kaliwa. At siya'y gumawa ng isang daang mangkok na ginto.
4:9 Bukod dito'y ginawa niya ang looban ng mga saserdote, at ang malaking looban, at ang mga pinto na ukol sa looban at binalot ng tanso ang mga pinto ng mga yaon.
4:10 At kaniyang inilagay ang dagatdagatan sa dakong kanan ng bahay sa may dakong silanganan na gawing timugan.
4:11 At ginawa ni Hiram ang mga palayok, at ang mga pala, at ang mga mangkok. Gayon tinapos ni Hiram ang paggawa ng gawain na ginawa niya na ukol sa haring Salomon sa bahay ng Dios:
4:12 Ang dalawang haligi, at ang mga kabilugan, at ang dalawang kapitel na nasa dulo ng mga haligi, at ang dalawang yaring lambat na nagsisitakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nangasa dulo ng mga haligi;
4:13 At ang apat na raang granada na ukol sa dalawang yaring lambat; dalawang hanay na granada na ukol sa bawa't yaring lambat, upang tumakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nangasa dulo ng mga haligi.
4:14 Ginawa rin niya ang mga tungtungan, at ang mga hugasan ay ginawa niya sa ibabaw ng mga tungtungan;
4:15 Isang dagatdagatan, at ang labing dalawang baka ay sa ilalim niyaon.
4:16 Ang mga palayok naman, at ang mga pala, at ang mga pangduro, at lahat ng kasangkapan niyaon, ay ginawa ni Hiram na kaniyang ama para sa haring Salomon na ukol sa bahay ng Panginoon na tansong binuli.
4:17 Sa kapatagan ng Jordan binubo ng hari, sa malagkit na lupa sa pagitan ng Suchot at ng Sereda.
4:18 Ganito ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapang ito na totoong sagana; sapagka't ang timbang ng tanso ay hindi makukuro.
4:19 At ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapan na nangasa bahay ng Dios, ang gintong dambana rin naman, at ang mga dulang na kinaroroonan ng tinapay na handog;
4:20 At ang mga kandelero na kalakip ng mga ilawan niyaon, na mga paniningasan ayon sa ayos sa harap ng sanggunian, na taganas na ginto;
4:21 At ang mga bulaklak, at ang mga ilawan at ang mga gunting, na ginto, at yao'y dalisay na ginto;
4:22 At ang mga gunting, at ang mga mangkok, at ang mga panandok, at ang mga pangsuob, na taganas na ginto: at tungkol sa pasukan ng bahay, ang mga pinakaloob na pinto niyaon na ukol sa kabanalbanalang dako, at ang mga pinto ng bahay, ng templo, ay ginto.
5:1 Ganito natapos ang gawaing ginawa ni Salomon sa bahay ng Panginoon. At ipinasok ni Salomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kaniyang ama; sa makatuwid baga'y ang pilak, at ang ginto, at ang lahat ng mga kasangkapan, at inilagay sa mga ingatang-yaman ng bahay ng Dios.
5:2 Nang magkagayo'y pinulong ni Salomon ang mga matanda ng Israel, at ang lahat na pangulo ng mga lipi, ang mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel, sa Jerusalem, upang iahon ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bayan ni David na siyang Sion.
5:3 At ang lahat na lalake ng Israel ay nangakipagpulong sa hari sa kapistahan, na sa ikapitong buwan.
5:4 At ang lahat ng mga matanda sa Israel ay nagsiparoon; at pinasan ng mga Levita ang kaban;
5:5 At kanilang iniahon ang kaban, at ang tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nangasa Tolda; ang mga ito'y iniahon ng mga saserdote na mga Levita.
5:6 At ang haring Salomon at ang buong kapisanan ng Israel, na nangakipagpulong sa kaniya, ay nangasa harap ng kaban na nagsisipaghain ng mga tupa at mga baka, na hindi masasaysay o mabibilang man dahil sa karamihan.
5:7 At ipinasok ng mga saserdote ang kaban ng tipan ng Panginoon sa dako niyaon, sa loob ng sanggunian ng bahay, sa kabanalbanalang dako, sa makatuwid baga'y sa ilalim ng mga pakpak ng mga querubin.
5:8 Sapagka't ibinubuka ng mga querubin ang kanilang mga pakpak sa dako ng kaban, at ang mga querubin ay nagsisitakip sa kaban, at sa mga pingga niyaon sa ibabaw.
5:9 At ang mga pingga ay nangapakahaba na ang mga dulo ng mga pingga ay nakikita mula sa kaban sa harap ng sanggunian: nguni't hindi nangakikita sa labas: at nandoon hanggang sa araw na ito.
5:10 Walang anomang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises sa Horeb, nang ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y magsilabas sa Egipto.
5:11 At nangyari, nang ang mga saserdote ay magsilabas sa banal na dako (sapagka't ang lahat na saserdote na nangahaharap ay nangagpakabanal, at hindi sinunod ang kanilang pagkakahalihalili;
5:12 Ang mga Levita rin naman na mga mangaawit, silang lahat, sa makatuwid baga'y si Asaph, si Heman, si Jeduthun, at ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga kapatid na may suot na mainam na kayong lino, na may mga simbalo at mga salterio at mga alpa, ay nangakatayo sa dakong sulok na silanganan ng dambana, at kasama nila'y isang daan at dalawang pung saserdote na nagpapatunog ng mga pakakak:)
5:13 Nangyari nga, nang ang mga nangagpapakakak at mga mangaawit ay nangagkakatugma, upang mangagpatunog ng isang tunog na maririnig sa pagdalangin at pasasalamat sa Panginoon; at nang kanilang itaas ang kanilang tinig na katugma ng mga pakakak, at mga simbalo, at mga panugtog ng tugtugin at magsipuri sa Panginoon, na magsipagsabi, Sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man: na nang magkagayo'y ang bahay ay napuno ng ulap; sa makatuwid bagay ang bahay ng Panginoon,
5:14 Na anopa't ang mga saserdote ay hindi mangakatayo na mangakapangasiwa dahil sa ulap: sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Dios.
6:1 Nang magkagayo'y nagsalita si Salomon, Ang Panginoo'y nagsabi na siya'y tatahan sa salimuot na kadiliman,
6:2 Nguni't ipinagtayo kita ng isang bahay na tahanan, at isang dako na ukol sa iyo na tahanan magpakailan man.
6:3 At ipinihit ng hari ang kaniyang mukha, at binasbasan ang buong kapisanan ng Israel: at ang buong kapisanan ng Israel ay tumayo.
6:4 At kaniyang sinabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsalita ng kaniyang bibig kay David na aking ama, at tinupad ng kaniyang mga kamay, na sinasabi,
6:5 Mula sa araw na aking ilabas ang aking bayan mula sa lupain ng Egipto, hindi ako pumili ng siyudad mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; o pumili man ako ng sinomang lalake upang maging pangulo sa aking bayang Israel:
6:6 Kundi aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay dumoon; aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.
6:7 Nasa puso nga ni David na aking ama ang ipagtayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
6:8 Nguni't sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, Yamang nasa iyong puso ang ipagtayo ng isang bahay ang aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na inakala mo sa iyong puso;
6:9 Gayon ma'y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang iyong anak na lalabas sa iyong mga balakang ay siyang magtatayo ng bahay na ukol sa aking pangalan.
6:10 At tinupad ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita; sapagka't ako'y bumangon na kahalili ni David na aking ama, at umupo sa luklukan ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay na ukol sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel.
6:11 At doo'y aking inilagay ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa mga anak ni Israel.
6:12 At siya'y tumayo sa harap ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapisanan ng Israel, at iniunat ang kaniyang mga kamay:
6:13 (Sapagka't gumawa si Salomon ng isang tungtungang tanso, na may limang siko ang haba, at limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas, at inilagay sa gitna ng looban; at sa ibabaw niyao'y tumayo siya, at lumuhod ng kaniyang mga tuhod sa harap ng buong kapisanan ng Israel, at iginawad ang kaniyang mga kamay sa dakong langit:)
6:14 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon ang Dios ng Israel, walang Dios na gaya mo, sa langit o sa lupa; na nagiingat ng tipan at ng kaawaan sa iyong mga lingkod, na nagsisilakad sa harap mo ng kanilang buong puso:
6:15 Na siyang tumupad sa iyong lingkod na kay David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kaniya: oo, ikaw ay nagsalita ng iyong bibig, at tinupad mo ng iyong kamay, gaya sa araw na ito.
6:16 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na kay David na aking ama ang iyong ipinangako sa kaniya, na iyong sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa aking paningin na uupo sa luklukan ng Israel; kung ang iyong mga anak lamang ay magsisipagingat ng kanilang lakad, na magsisilakad sa aking kautusan, gaya ng inilakad mo sa harap ko.
6:17 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, papangyarihin mo ang iyong salita na iyong sinalita sa iyong lingkod na kay David.
6:18 Nguni't katotohanan bang ang Dios ay tatahang kasama ng mga tao sa lupa? narito, sa langit, at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa nga sa bahay na ito na aking itinayo!
6:19 Gayon ma'y iyong pakundanganan ang dalangin ng iyong lingkod, at ang kaniyang samo, Oh Panginoon kong Dios, na dinggin ang daing at ang dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harap mo:
6:20 Na anopa't ang iyong mga mata ay idilat sa dako ng bahay na ito araw at gabi, sa makatuwid baga'y sa gawi ng dakong iyong pinagsabihan na iyong ilalagay ang iyong pangalan doon: upang dinggin ang dalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa dakong ito.
6:21 At dinggin mo ang mga samo ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka sila'y dadalangin sa gawi ng dakong ito: oo, dinggin mo mula sa iyong tahanang dako, sa makatuwid baga'y mula sa langit; at pagka iyong narinig ay patawarin mo.
6:22 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kaniyang kapuwa, at papanumpain siya upang siya'y sumumpa, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito:
6:23 Dinggin mo nga sa langit, at iyong gawin, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang masama, upang iyong dalhin ang kaniyang lakad sa kaniyang sariling ulo: at patotohanan ang matuwid, upang bigyan siya ng ayon sa kaniyang katuwiran.
6:24 At kung ang iyong bayang Israel ay masaktan sa harap ng kaaway, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, at magbabalik-loob, at kikilalanin ang iyong pangalan, at mananalangin at mamamanhik sa harap mo sa bahay na ito:
6:25 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga magulang.
6:26 Pagka ang langit ay nasarhan, at walang ulan, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo: kung sila'y dumalangin sa gawi ng dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikdan ang kanilang kasalanan, pagka iyong pinagdadalamhati sila:
6:27 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang kasalanan ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na kanilang lalakaran; at hulugan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan na pinakamana.
6:28 Kung magkaroon ng kagutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng pagkalanta o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa lupain ng kanilang mga bayan; anomang salot o anomang sakit na magkaroon;
6:29 Anomang dalangin at samo na gawin ng sinomang tao, o ng iyong buong bayang Israel, pagka makikilala ng bawa't isa ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling sakit, at igagawad ang kaniyang mga kamay sa dako ng bahay na ito:
6:30 Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at iyong ipatawad, at gantihin mo ang bawa't tao, ng ayon sa lahat niyang mga lakad, na ang puso ay iyong natataho: (sapagka't ikaw, sa makatuwid baga'y ikaw lamang, ang nakatataho ng mga puso ng mga anak ng mga tao;)
6:31 Upang sila'y mangatakot sa iyo, upang magsilakad sa iyong mga daan, samantalang sila'y nangabubuhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga magulang.
6:32 Bukod dito'y tungkol sa taga ibang lupa, na hindi sa iyong bayang Israel, pagka siya'y magbubuhat sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig; pagka sila'y magsisiparito at magsisidalangin sa dako ng bahay na ito:
6:33 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga'y sa iyong tahanang dako, at gawin mo ang ayon sa lahat na itawag sa iyo ng taga ibang lupa; upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, at mangatakot sa iyo, na gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
6:34 Kung ang iyong bayan ay lumabas sa pakikipagbaka laban sa kanilang mga kaaway, saan mo man sila suguin, at manalangin sa iyo sa dako ng bayang ito na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
6:35 Dinggin mo nga sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang samo, at alalayan mo ang kanilang usap.
6:36 Kung sila'y magkasala laban sa iyo, (sapagka't walang tao na di nagkakasala,) at ikaw ay magalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, na anopa't sila'y dalhing bihag sa isang lupaing malayo o malapit;
6:37 Gayon ma'y kung sila'y magbulay sa kanilang sarili sa lupain na pagdadalhang bihag sa kanila, at magbalik-loob, at sumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sasabihin, Kami ay nangagkasala, kami ay nagsigawa ng kalikuan, at nagsigawa ng kasamaan;
6:38 Kung sila'y nangagbalik-loob sa iyo ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang pagkabihag, saan man sila dalhing bihag, at manalangin sa dako ng kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang, at ng bayan na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
6:39 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga'y sa iyong tahanang dako, ang kanilang dalangin at ang kanilang mga pamanhik, at alalayan mo ang kanilang usap; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.
6:40 Ngayon, Oh Dios ko, isinasamo ko sa iyo na iyong idilat ang iyong mga mata, at pakinggan ng iyong mga pakinig ang dalangin na gawin sa dakong ito.
6:41 Ngayon nga'y bumangon ka, Oh Panginoong Dios, sa iyong pahingahang dako, ikaw, at ang kaban ng iyong kalakasan: suutan mo ng kaligtasan, Oh Panginoong Dios, ang iyong mga saserdote, at ang iyong mga banal ay mangagalak sa kabutihan.
6:42 Oh Panginoon, Dios, huwag mong papihitin ang mukha ng iyong pinahiran ng langis: alalahanin mo ang iyong mga kaawaan kay David na iyong lingkod.
7:1 Nang makatapos nga ng pananalangin si Salomon, ang apoy ay lumagpak mula sa langit, at sinupok ang handog na susunugin at ang mga hain; at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.
7:2 At ang mga saserdote ay hindi mangakapasok sa bahay ng Panginoon, sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
7:3 At ang lahat na mga anak ni Israel ay nagsitingin, nang ang apoy ay lumagpak, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nasa bahay; at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa pabimento, at nagsisamba, at nangagpasalamat sa Panginoon, na nagsisipagsabi, Sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
7:4 Nang magkagayo'y ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng hain sa harap ng Panginoon.
7:5 At ang haring Salomon ay naghandog ng hain sa dalawangpu't dalawang libong baka, at isang daan at dalawangpung libong tupa. Gayon ang hari at ang buong bayan ay nagtalaga sa bahay ng Dios.
7:6 At ang mga saserdote ay nagsitayo ayon sa kanilang mga katungkulan; gayon din ang mga Levita na may mga panugtog ng tugtugin ng Panginoon, na ginawa ni David na hari na ipinagpasalamat sa Panginoon, (sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man), nang si David ay dumalangin sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa: at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak sa harap nila, at ang buong Israel ay tumayo.
7:7 Bukod dito'y itinalaga ni Salomon ang gitna ng looban na nasa harap ng bahay ng Panginoon; sapagka't doon niya inihandog ang mga handog na susunugin, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, sapagka't ang tansong dambana na ginawa ni Salomon ay hindi makakaya sa handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa taba.
7:8 Sa gayo'y ipinagdiwang ang kapistahan nang panahong yaon na pitong araw, ni Salomon, at ng buong Israel na kasama niya, ng totoong malaking kapisanan, mula sa pasukan sa Hamath hanggang sa batis ng Egipto.
7:9 At sa ikawalong araw ay nagsipagdiwang sila ng dakilang kapulungan: sapagka't kanilang iningatan ang pagtatalaga sa dambana na pitong araw, at ang kapistahan ay pitong araw.
7:10 At sa ikadalawangpu't tatlong araw ng ikapitong buwan, ay kaniyang pinauwi ang bayan sa kanilang mga tolda, na galak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, at kay Salomon, at sa Israel na kaniyang bayan.
7:11 Ganito tinapos ni Salomon ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari: at lahat na isinaloob ni Salomon gawin sa bahay ng Panginoon, at sa kaniyang sariling bahay, ay nagkawakas ng mabuti.
7:12 At ang Panginoon ay napakita kay Salomon sa gabi, at sinabi sa kaniya, Aking narinig ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito sa aking sarili na pinakabahay na hainan.
7:13 Kung aking sarhan ang langit na anopa't huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang na lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;
7:14 Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.
7:15 Ngayo'y ang aking mga mata ay didilat, at ang aking pakinig ay makikinig, sa dalangin na gagawin sa dakong ito.
7:16 Sapagka't ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito, upang ang aking pangalan ay dumoon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.
7:17 At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan;
7:18 Akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian ayon sa aking itinipan kay David na iyong ama, na sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake na magpupuno sa Israel.
7:19 Nguni't kung kayo ay magsisihiwalay, at iiwan ninyo ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harap ninyo, at magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:
7:20 Akin ngang bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan, at iwawaksi ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan, at isang kakutyaan sa gitna ng lahat ng mga bayan.
7:21 At ang bahay na ito na totoong mataas, bawa't magdaan sa kaniya'y magtataka, at magsasabi, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?
7:22 At sila'y magsisisagot, Sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang na naglabas sa kanila sa lupain ng Egipto, at nanghawak sa ibang mga dios at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: kaya't kaniyang dinala ang lahat na kasamaang ito sa kanila.
8:1 At nangyari, sa katapusan ng dalawangpung taon na ipinagtayo ni Salomon ng bahay ng Panginoon, at ng kaniyang sariling bahay.
8:2 Na ang mga bayan na ibinigay ni Hiram kay Salomon, mga itinayo ni Salomon, at pinatahan doon ang mga anak ni Israel.
8:3 At si Salomon ay naparoon sa Hamath-soba, at nanaig laban doon.
8:4 At kaniyang itinayo ang Tadmor sa ilang, at lahat na bayan na imbakan na kaniyang itinayo sa Hamath.
8:5 Itinayo rin niya ang Bet-horon sa itaas, at ang Bet-horon sa ibaba, na mga bayang nakukutaan, na may mga kuta, mga pintuang-bayan, at mga halang;
8:6 At ang Baalath at ang lahat na bayan na imbakan na tinatangkilik ni Salomon, at lahat na bayan na ukol sa kaniyang mga karo, at ang mga bayan na ukol sa kaniyang mga mangangabayo, at lahat na ninasa ni Salomon, na itayo para sa kaniyang kasayahan sa Jerusalem, at sa Libano, at sa buong lupain ng kaniyang sakop.
8:7 Tungkol sa buong bayan na naiwan sa mga Hetheo, at mga Amorrheo, at mga Perezeo, at mga Heveo, at mga Jebuseo, na hindi sa Israel;
8:8 Ang kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain na hindi nilipol ng mga anak ni Israel, ay sa kanila naglagay si Salomon ng mangaatag na mga alipin, hanggang sa araw na ito.
8:9 Nguni't sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Salomon sa kaniyang gawain; kundi sila'y mga lalaking mangdidigma, at mga pinuno sa kaniyang mga pinunong kawal, at mga pinuno sa kaniyang mga karo, at sa kaniyang mga mangangabayo.
8:10 At ito ang mga pangulong pinuno ng haring Salomon, na dalawang daan at limang pu na nagpupuno sa bayan.
8:11 At iniahon ni Salomon ang anak na babae ni Faraon mula sa bayan ni David hanggang sa bahay na kaniyang itinayo na ukol sa kaniya; sapagka't kaniyang sinabi, Hindi tatahan ang aking asawa sa bahay ni David na hari sa Israel, sapagka't ang mga dako ay banal na pinagpasukan sa kaban ng Panginoon.
8:12 Nang magkagayo'y naghandog si Salomon sa Panginoon ng mga handog na susunugin, sa dambana ng Panginoon, na kaniyang itinayo sa harap ng portiko,
8:13 Sa makatuwid baga'y ayon sa kailangan sa bawa't araw, na naghahandog ayon sa utos ni Moises, sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na makaitlo sa isang taon, sa kapistahan ng tinapay na walang lebadura, at sa kapistahan ng mga sanglinggo, at sa kapistahan ng mga balag.
8:14 At siya'y naghalal, ayon sa utos ni David na kaniyang ama ng mga bahagi ng mga saserdote sa kanilang paglilingkod, at ng mga Levita sa kanilang mga katungkulan upang mangagpuri, at upang mangasiwa sa harap ng mga saserdote, ayon sa kailangan ng katungkulan sa bawa't araw: ang mga tagatanod-pinto naman ayon sa kanilang mga bahagi sa bawa't pintuang-daan: sapagka't gayon ang iniutos ni David na lalake ng Dios.
8:15 At sila'y hindi nagsihiwalay sa utos ng hari sa mga saserdote at mga Levita tungkol sa anomang bagay, o tungkol sa mga kayamanan.
8:16 Ang lahat ngang gawain ni Salomon ay nahanda sa araw ng pagtatayo ng bahay ng Panginoon, at hanggang sa natapos. Sa gayo'y nayari ang bahay ng Panginoon.
8:17 Nang magkagayo'y naparoon si Salomon sa Ezion-geber, at sa Eloth, sa tabi ng dagat sa lupain ng Edom.
8:18 At nagpadala sa kaniya si Hiram ng mga sasakyang dagat sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang mga bataan, at mga bataan na bihasa sa dagat; at sila'y nagsiparoon sa Ophir na kasama ng mga bataan ni Salomon, at nagsipagdala mula roon ng apat na raan at limangpung talentong ginto, at dinala sa haring Salomon.
9:1 At nang mabalitaan ng reina sa Seba ang kabantugan ni Salomon, siya'y naparoon upang subukin si Salomon, sa mga mahirap na tanong sa Jerusalem, na may maraming kaakbay, at mga kamelyo na may pasang mga espesia, at ginto na sagana, at mga mahalagang bato: at nang siya'y dumating kay Salomon, kaniyang inihinga sa kaniya ang lahat na laman ng kaniyang dibdib.
9:2 At isinaysay ni Salomon sa kaniya ang lahat niyang tanong: at walang bagay na nalingid kay Salomon na hindi niya isinaysay sa kaniya.
9:3 At nang makita ng reina sa Seba ang karunungan ni Salomon, at ang bahay na kaniyang itinayo.
9:4 At ang pagkain sa kaniyang dulang, at ang pagkaayos ng kaniyang mga alila, at ang tayo ng kaniyang mga tagapaglingkod, at ang kanilang mga pananamit, gayon din ang kaniyang mga tagahawak ng saro, at ang kanilang mga pananamit; at ang kaniyang sampahan na kaniyang sinasampahan sa bahay ng Panginoon: nawalan siya ng loob.
9:5 At sinabi niya sa hari, Tunay na balita ang aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga gawa, at sa iyong karunungan.
9:6 Gayon ma'y hindi ko pinaniwalaan ang kanilang mga salita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata: at, narito, ang kalahati ng kalakhan ng iyong karunungan ay hindi nasaysay sa akin: ikaw ay humigit sa kabantugan na aking narinig.
9:7 Mapapalad ang iyong mga tao, at mapapalad itong iyong mga lingkod, na nagsisitayong palagi sa harap mo, at nangakakarinig ng iyong karunungan.
9:8 Purihin ang Panginoon mong Dios, na nalulugod sa iyo, na inilagay ka sa kaniyang luklukan, upang maging hari na ukol sa Panginoon mong Dios: sapagka't minamahal ng iyong Dios ang Israel, upang itatag magpakailan man, kaya't ginawa ka niyang hari sa kanila, upang magsagawa ng kahatulan at ng katuwiran.
9:9 At siya'y nagbigay sa hari ng isang daan at dalawangpung talentong ginto, at mga espesia na totoong sagana, at mga mahalagang bato: ni nagkaroon pa man ng gayong espesia na gaya ng ibinigay ng reina sa Seba sa haring Salomon.
9:10 At ang mga bataan naman ni Hiram, at ang mga bataan ni Salomon, na nagsipagdala ng ginto mula sa Ophir, nagsipagdala ng mga kahoy na algum at mga mahalagang bato.
9:11 At ginawang mga hagdanan ng hari ang mga kahoy na algum sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari, at mga alpa, at mga salterio na ukol sa mga mangaawit: at wala nang nakita pang gaya niyaon sa lupain ng Juda.
9:12 At ang haring Salomon ay nagbigay sa reina sa Seba ng lahat niyang nasa, anomang hiningi niya, bukod sa timbang ng kaniyang dinala sa hari. Sa gayo'y siya'y bumalik, at umuwi sa kaniyang sariling lupain, siya at ang kaniyang mga lingkod.
9:13 Ang timbang nga ng ginto na dumating kay Salomon sa isang taon ay anim na raan at anim na pu't anim na talentong ginto,
9:14 Bukod doon sa dinala ng mga manglalako at mga mangangalakal; at ang lahat na hari sa Arabia at ang mga tagapamahala sa lupain ay nagsipagdala ng ginto at pilak kay Salomon.
9:15 At ang haring Salomon ay gumawa ng dalawang daang kalasag na pinukpok na ginto: anim na raang siklo na pinukpok na ginto ang ginamit sa bawa't kalasag.
9:16 At siya'y gumawa ng tatlong daang kalasag na pinukpok na ginto; tatlong daang siklo na ginto ang ginamit sa bawa't kalasag: at inilagay ng hari sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano.
9:17 Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking luklukang garing, at binalot ng taganas na ginto.
9:18 At may anim na baytang sa luklukan, at isang gintong tungtungan, na mga nakakapit sa luklukan, at may mga pinakakamay sa bawa't tagiliran sa siping ng dako ng upuan, at dalawang leon ang nakatayo sa siping ng mga pinakakamay.
9:19 At labing dalawang leon ang nakatayo roon sa isang dako at sa kabilang dako sa ibabaw ng anim na baytang: walang nagawang gayon sa alinmang kaharian.
9:20 At ang lahat na sisidlang inuman ni Salomon ay ginto, at ang lahat ng sisidlan sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano ay taganas na ginto; ang pilak ay hindi mahalaga sa mga kaarawan ni Salomon.
9:21 Sapagka't ang hari ay may mga sasakyan na nagsisiparoon sa Tharsis na kasama ng mga bataan ni Hiram: minsan sa bawa't tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang dagat ng Tharsis, na nagsisipagdala ng ginto, at pilak, garing, at mga ungoy, at mga pabo real.
9:22 Sa gayo'y ang haring Salomon ay humihigit sa lahat ng hari sa lupa, sa kayamanan at sa karunungan.
9:23 At hinanap ng lahat na hari sa lupa ang harapan ni Salomon, upang magsipakinig ng kaniyang karunungan, na inilagay ng Dios sa kaniyang puso.
9:24 At sila'y nagsipagdala bawa't isa ng kanikaniyang kaloob, na mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at damit, sandata, at mga espesia, mga kabayo, at mga mula, isang takdang kayamanan sa taon-taon.
9:25 At si Salomon ay may apat na libong silungan ng kabayo at mga karo, at labing dalawang libong mangangabayo, na kaniyang mga inilagay sa mga bayan ng mga karo, at kasama ng hari sa Jerusalem.
9:26 At siya'y nagpuno sa lahat ng mga hari mula sa Ilog hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at sa hangganan ng Egipto.
9:27 At ginawa ng hari na maging parang mga bato ang pilak sa Jerusalem, at ang mga sedro ay ginawa niyang maging parang mga puno ng sikomoro na nasa mababang lupa, dahil sa kasaganaan.
9:28 At sila'y nagsipagdala ng mga kabayo kay Salomon mula sa Egipto, at mula sa lahat ng mga lupain.
9:29 Ang iba nga sa mga gawa ni Salomon, na una at huli, di ba nangasusulat sa kasaysayan ni Nathan na propeta, at sa panghuhula ni Ahias na Silonita, at sa mga pangitain ni Iddo na tagakita tungkol kay Jeroboam na anak ni Nabat?
9:30 At si Salomon ay naghari sa Jerusalem sa buong Israel na apat na pung taon.
9:31 At natulog si Salomon na kasama ng kaniyang mga magulang, at siya'y nalibing sa bayan ni David na kaniyang ama: at si Roboam na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
10:1 At si Roboam ay naparoon sa Sichem: sapagka't ang buong Israel ay naparoon sa Sichem upang gawin siyang hari.
10:2 At nangyari, nang mabalitaan ni Jeroboam na anak ni Nabat (sapagka't siya'y nasa Egipto, na siya niyang tinakasan mula sa harap ng haring Salomon,) na si Jeroboam ay bumalik mula sa Egipto.
10:3 At sila'y nangagsugo at ipinatawag nila siya; at si Jeroboam at ang buong Israel ay nagsiparoon, at sila'y nagsipagsalita kay Roboam, na nagsisipagsabi,
10:4 Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin: ngayon nga'y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang atang na iniatang niya sa amin, at kami ay magsisipaglingkod sa iyo.
10:5 At sinabi niya sa kanila, Magsiparito uli kayo sa akin pagkatapos ng tatlong araw. At ang bayan ay yumaon.
10:6 At ang haring Roboam ay kumuhang payo sa mga matanda na nagsitayo sa harap ni Salomon na kaniyang ama samantalang siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, Anong payo ang ibinibigay ninyo sa akin upang magbalik ng sagot sa bayang ito?
10:7 At sila'y nagsipagsalita sa kaniya, na nagsisipagsabi, Kung ikaw ay magmagandang loob sa bayang ito, at iyong pagbigyang loob sila, at magsalita ng mga mabuting salita sa kanila, iyo ngang magiging lingkod sila magpakailan man.
10:8 Nguni't iniwan niya ang payo ng mga matanda na kanilang ibinigay sa kaniya, at kumuhang payo sa mga binata na nagsilaking kasabay niya, na nagsitayo sa harap niya.
10:9 At sinabi niya sa kanila, Anong payo ang ibinibigay ninyo, upang maibalik nating sagot sa bayang ito, na nagsalita sa akin, na sinasabi, Pagaanin mo ang atang na iniatang ng iyong ama sa amin?
10:10 At ang mga binata na nagsilaki na kasabay niya, ay nagsipagsalita sa kaniya, na nagsisipagsabi, Ganito ang iyong sasabihin sa bayan na nagsalita sa iyo, na sinasabi, Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin, nguni't pagaanin mo sa amin; ganito ang iyong sasabihin sa kanila, Ang aking kalingkingan ay makapal kay sa mga balakang ng aking ama.
10:11 At sa paraan ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na atang, aking dadagdagan pa ang atang sa inyo: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, nguni't parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.
10:12 Sa gayo'y naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Roboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari na sinasabi, Magsibalik kayo sa akin sa ikatlong araw.
10:13 At ang hari ay sumagot sa kanila na may katigasan, at iniwan ng haring Roboam ang payo ng mga matanda.
10:14 At nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga binata, na sinasabi, Pinabigat ng aking ama ang atang sa inyo, nguni't aking dadagdagan pa: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, nguni't parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.
10:15 Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan: sapagka't buhat sa Dios, upang itatag ng Panginoon ang kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Ahias na Silonita kay Jeroboam na anak ni Nabat.
10:16 At nang makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, sumagot ang bayan sa hari, na sinasabi, Anong bahagi mayroon kami kay David? wala man kaming mana sa anak ni Isai: bawa't tao sa inyo-inyong tolda, Oh Israel: ngayo'y ikaw ang bahala ng iyong sariling sangbahayan, David. Sa gayo'y yumaon ang buong Israel sa kanikanilang tolda.
10:17 Nguni't tungkol sa mga anak ni Israel na nagsisitahan sa mga bayan ng Juda, pinagharian sila ni Roboam.
10:18 Nang magkagayo'y sinugo ng haring Roboam si Adoram, na nasa buwisan; at binato siya ng mga bato ng mga anak ni Israel, na anopa't siya'y namatay. At ang haring Roboam ay nagmadaling sumampa sa kaniyang karo, upang tumakas sa Jerusalem.
10:19 Gayon nanghimagsik ang Israel laban sa sangbahayan ni David, hanggang sa araw na ito.
11:1 At nang dumating si Roboam sa Jerusalem, kaniyang pinisan ang sangbahayan ni Juda at ni Benjamin, na isang daan at walong pung libo na piling mga lalake, na mga mangdidigma, na magsisilaban sa Israel, upang ibalik ang kaharian kay Roboam.
11:2 Nguni't ang salita ng Panginoon ay dumating kay Semeias na lalake ng Dios, na sinasabi,
11:3 Salitain mo kay Roboam na anak ni Salomon, na hari sa Juda, at sa buong Israel sa Juda at Benjamin, na iyong sabihin,
11:4 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y huwag magsisiahon, o magsisilaban man sa inyong mga kapatid: bumalik ang bawa't lalake sa kaniyang bahay; sapagka't ang bagay na ito ay sa akin. Sa gayo'y kanilang dininig ang mga salita ng Panginoon, at umurong ng kanilang lakad laban kay Jeroboam.
11:5 At si Roboam ay tumahan sa Jerusalem, at nagtayo ng mga bayan na pinaka sanggalang sa Juda.
11:6 Kaniyang itinayo nga ang Bethlehem, at ang Etham, at ang Tecoa,
11:7 At ang Beth-sur, at ang Socho, at ang Adullam,
11:8 At ang Gath, at ang Maresa, at ang Ziph,
11:9 At ang Adoraim, at ang Lachis, at ang Asecha,
11:10 At ang Sora, at ang Ajalon, at ang Hebron, na nangasa Juda at sa Benjamin, na mga bayang nangakukutaan.
11:11 At kaniyang pinagtibay ang mga katibayan, at mga nilagyan ng mga pinunong kawal, at saganang pagkain, at ng langis at alak.
11:12 At sa bawa't bayan, siya'y naglagay ng mga kalasag at mga sibat, at pinatibay niyang mainam ang mga yaon. At ang Juda at ang Benjamin ay ukol sa kaniya.
11:13 At ang mga saserdote at mga Levita na nangasa buong Israel ay napasakop sa kaniya na mula sa kanilang buong hangganan.
11:14 Sapagka't iniwan ng mga Levita ang kanilang mga nayon at ang kanilang pag-aari, at nagsiparoon sa Juda at Jerusalem: sapagka't pinalayas sila ni Jeroboam at ng kaniyang mga anak, na huwag nilang gagawin ang katungkulang pagkasaserdote sa Panginoon;
11:15 At siya'y naghalal para sa kaniya ng mga saserdote na ukol sa mga mataas na dako, at sa mga kambing na lalake, at sa mga guya na kaniyang ginawa.
11:16 At pagkatapos nila, yaong sa lahat ng mga lipi ng Israel na naglagak ng kanilang puso na hanapin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsiparoon sa Jerusalem upang maghain sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.
11:17 Sa gayo'y kanilang pinagtibay ang kaharian ng Juda, at pinalakas si Roboam na anak ni Salomon sa tatlong taon: sapagka't sila'y nagsilakad na tatlong taon sa lakad ni David at ni Salomon.
11:18 At nagasawa si Roboam kay Mahalath na anak ni Jerimoth na anak ni David, at kay Abihail na anak ni Eliab, na anak ni Isai;
11:19 At siya'y nagkaanak sa kaniya ng mga lalake; si Jeus, at si Samaria, at si Zaham.
11:20 At pagkatapos sa kaniya ay nagasawa siya kay Maacha na anak ni Absalom; ipinanganak nito sa kaniya si Abias, at si Athai, at si Ziza, at si Selomith.
11:21 At minahal ni Roboam si Maacha na anak ni Absalom ng higit kay sa lahat ng kaniyang mga asawa at sa kaniyang mga babae (sapagka't siya'y nagasawa ng labing walo, at anim na pung babae, at nagkaanak ng dalawang pu't walong lalake, at anim na pung babae.)
11:22 At inihalal ni Roboam si Abias na anak ni Maacha na maging pinuno, sa makatuwid baga'y prinsipe sa kaniyang mga kapatid: sapagka't kaniyang inisip na gawin siyang hari.
11:23 At siya'y kumilos na may katalinuhan, at kaniyang pinangalat ang lahat niyang mga anak na nalabi, sa lahat ng lupain ng Juda at Benjamin, hanggang sa bawa't bayang nakukutaan: at binigyan niya sila ng pagkaing sagana. At inihanap niya sila ng maraming asawa.
12:1 At nangyari, nang matatag ang kaharian ni Roboam at siya'y malakas, na kaniyang iniwan ang kautusan ng Panginoon, at ang buong Israel ay kasama niya.
12:2 At nangyari nang ikalimang taon ng haring Roboam, na si Sisac na hari sa Egipto ay umahon laban sa Jerusalem, sapagka't sila'y nagsisalangsang laban sa Panginoon,
12:3 Na may isang libo at dalawang daang karo, at anim na pung libong mangangabayo. At ang bayan ay walang bilang na naparoong kasama niya mula sa Egipto; ang mga Lubim, ang mga Sukim, at ang mga taga Etiopia.
12:4 At sinupok niya ang mga bayang nakukutaan na nauukol sa Juda, at naparoon sa Jerusalem.
12:5 Si Semeias nga na propeta ay naparoon kay Roboam, at sa mga prinsipe ng Juda, na pagpipisan sa Jerusalem dahil kay Sisac, at nagsabi sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Inyo akong pinabayaan, kaya't iniwan ko naman kayo sa kamay ni Sisac.
12:6 Nang magkagayo'y ang mga prinsipe ng Israel at ang hari ay nagpakababa; at kanilang sinabi, Ang Panginoon ay matuwid.
12:7 At nang makita ng Panginoon na sila'y nangagpakumbaba, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Semeias, na sinasabi, Sila'y nangagpakumbaba; hindi ko gigibain sila: kundi aking bibigyan sila ng kaunting pagliligtas, at ang aking galit ay hindi mabubugso sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Sisac.
12:8 Gayon ma'y sila'y magiging kaniyang alipin; upang kanilang makilala ang paglilingkod sa akin, at ang paglilingkod sa mga kaharian ng mga lupain.
12:9 Sa gayo'y umahon si Sisac na hari sa Egipto laban sa Jerusalem, at dinala ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at mga kayamanan ng bahay ng hari; kaniyang kinuhang lahat: kaniyang kinuha pati ng mga kalasag na ginto na ginawa ni Salomon.
12:10 At ang haring Roboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso na kahalili ng mga yaon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga punong kawal ng bantay, na nagsisipagingat ng pintuan ng bahay ng hari.
12:11 At nangyari, na kung gaanong kadalas pumapasok ang hari sa bahay ng Panginoon, ang bantay ay naparoroon at dinadala ang mga yaon, at ibinabalik sa silid ng bantay.
12:12 At nang siya'y magpakumbaba, ang galit ng Panginoon ay nahiwalay sa kaniya, na anopa't siya'y hindi lubos na pinatay: at bukod dito'y may nasumpungan sa Juda na mga mabuting bagay.
12:13 Sa gayo'y ang haring Roboam ay nagpakalakas sa Jerusalem at naghari: sapagka't si Roboam ay may apat na pu't isang taon nang siya'y magpasimulang maghari, at siya'y nagharing labing pitong taon sa Jerusalem, na bayang pinili ng Panginoon sa lahat na lipi ng Israel, upang ilagay ang kaniyang pangalan doon: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Naama na Ammonita.
12:14 At siya'y gumawa ng masama, sapagka't hindi niya inilagak ang kaniyang puso na hanapin ang Panginoon.
12:15 Ang mga gawa nga ni Roboam, na una at huli, di ba nangasusulat sa kasaysayan ni Semeias na propeta at ni Iddo na tagakita, ayon sa ayos ng mga talaan ng lahi? At nagkaroong palagi ng mga digmaan si Roboam at si Jeroboam.
12:16 At si Roboam ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang at nalibing sa bayan ni David: at si Abias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
13:1 Nang ikalabing walong taon ng haring Jeroboam ay nagpasimula si Abias na maghari sa Juda.
13:2 Tatlong taong naghari siya sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Michaia na anak ni Uriel na taga Gabaa. At nagkaroon ng digmaan si Abias at si Jeroboam.
13:3 At si Abias ay nagpisan sa pakikipagbaka ng isang hukbo na matatapang na lalaking mangdidigma, na apat na raang libo, na mga piling lalake: at humanay si Jeroboam sa pakikipagbaka laban sa kaniya na may walong daang libo, na piling mga lalake, na mga makapangyarihang lalaking may tapang.
13:4 At si Abias ay tumayo sa bundok ng Semaraim, na nasa lupaing maburol ng Ephraim, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Jeroboam at buong Israel;
13:5 Hindi ba ninyo nalalaman na ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel, ang kaharian sa Israel kay David magpakailan man, sa kaniya at sa kaniyang mga anak, sa pamamagitan ng tipan na asin?
13:6 Gayon ma'y si Jeroboam na anak ni Nabat, na lingkod ni Salomon na anak ni David, ay tumindig, at nanghimagsik laban sa kaniyang panginoon.
13:7 At napisan sa kaniya ay mga walang kabuluhang lalake, na mga hamak na tao, na nangagpakatibay laban kay Roboam na anak ni Salomon, nang si Roboam ay bata at malumanay na puso, at hindi makapanaig sa kanila.
13:8 At ngayo'y inyong inaakalang daigin ang kaharian ng Panginoon sa kamay ng mga anak ni David; at kayo'y isang malaking karamihan, at mayroon kayong mga gintong guya, na ginawang mga dios sa inyo ni Jeroboam.
13:9 Hindi ba ninyo pinalayas ang mga saserdote ng Panginoon, na mga anak ni Aaron, at ang mga Levita, at kayo'y naghalal ng mga saserdote na ayon sa kaugalian ng mga bayan ng mga ibang lupain? na anopa't sinomang naparoroon upang tumalaga sa pamamagitan ng isang guyang baka, at pitong lalaking tupa, yao'y maaaring saserdote sa mga yaon na hindi mga dios.
13:10 Nguni't tungkol sa amin, ang Panginoon ay ang aming Dios, at hindi namin pinabayaan siya; at mayroon kaming mga saserdote na nagsisipangasiwa sa Panginoon, ang mga anak ni Aaron, at ang mga Levita sa kanilang gawain:
13:11 At sila'y nagsisipagsunog sa Panginoon tuwing umaga at tuwing hapon ng mga handog na susunugin at ng mainam na kamangyan: ang tinapay na handog naman ay inihanay nila sa dulang na dalisay; at ang kandelerong ginto na may mga ilawan, upang magsipagningas tuwing hapon: sapagka't aming iningatan ang bilin ng Panginoon naming Dios; nguni't pinabayaan ninyo siya.
13:12 At, narito, ang Dios ay nangungulo sa amin, at ang kaniyang mga saserdote ay mga may pakakak na panghudyat, upang mangagpatunog ng hudyat laban sa iyo. Oh mga anak ni Israel, huwag kayong mangakipaglaban sa Panginoon, sa Dios ng inyong mga magulang; sapagka't kayo'y hindi magsisiginhawa.
13:13 Nguni't pinaligid sa likuran nila ni Jeroboam ang isang kawal na bakay: na anopa't sila'y nangasa harap ng Juda, at ang bakay ay nasa likuran nila.
13:14 At nang ang Juda ay lumingon, narito, ang pagbabaka'y nasa harap at likuran nila: at sila'y nagsidaing sa Panginoon, at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak.
13:15 Nang magkagayo'y nagsihiyaw ang mga lalake ng Juda: at habang nagsisihiyaw ang mga anak ng Juda, nangyari, na sinaktan ng Dios si Jeroboam at ang buong Israel sa harap ni Abias at ng Juda.
13:16 At ang mga anak ni Israel ay nagsitakas sa harap ng Juda: at ibinigay ng Dios sila sa kanilang kamay.
13:17 At pinatay sila ni Abias at ng kaniyang bayan ng malaking pagpatay: sa gayo'y nangabuwal na patay sa Israel ay limang daang libo na piling mga lalake.
13:18 Ganito nangasakop ang mga anak ni Israel nang panahong yaon, at ang mga anak ni Juda ay nagsipanaig, sapagka't sila'y nagsitiwala sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.
13:19 At hinabol ni Abias si Jeroboam, at inagawan siya ng mga bayan, ang Beth-el pati ng mga nayon niyaon, at ang Jesana pati ng mga nayon niyaon at ang Ephron pati ng mga nayon niyaon.
13:20 Na hindi man nagsauling lakas si Jeroboam uli sa mga kaarawan ni Abias: at sinaktan siya ng Panginoon at siya'y namatay.
13:21 Nguni't si Abias ay naging makapangyarihan, at nagasawa ng labing apat, at nagkaanak ng dalawang pu't dalawang lalake, at labing anim na babae.
13:22 At ang iba sa mga gawa ni Abias, at ang kaniyang mga lakad, at ang kaniyang mga sabi ay nangakasulat sa kasaysayan ni Iddo na propeta.
14:1 Sa gayo'y natulog si Abias na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan ni David, at si Asa na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya. Nang kaniyang mga kaarawan ay tahimik ang lupain na sangpung taon.
14:2 At gumawa si Asa ng mabuti at matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon niyang Dios:
14:3 Sapagka't kaniyang inalis ang mga dambana ng iba, at ang mga mataas na dako, at pinagputolputol ang mga haligi, at ibinagsak ang mga Asera,
14:4 At iniutos sa Juda na hanapin ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, at tuparin ang kautusan at ang utos.
14:5 Kaniya rin namang inalis sa lahat na bayan ng Juda ang mga mataas na dako at ang mga larawang araw: at ang kaharian ay tahimik sa harap niya.
14:6 At siya'y nagtayo ng mga bayang nakukutaan sa Juda: sapagka't ang lupain ay tahimik, at siya'y hindi nagkaroon ng pakikipagdigma sa mga taong yaon; sapagka't binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan.
14:7 Sapagka't sinabi niya sa Juda, Itayo natin ang mga bayang ito, at gawan sa palibot ng mga kuta, at ng mga moog, ng mga pintuang-bayan, at ng mga halang; ang lupain ay nasa harap pa natin, sapagka't ating hinahanap ang Panginoon nating Dios; ating hinanap siya, at binigyan niya tayo ng kapahingahan sa lahat ng dako. Sa gayo'y kanilang itinayo at nagsiginhawa.
14:8 At si Asa ay may isang hukbo na may dalang mga kalasag at mga sibat, na mula sa Juda, na tatlong daang libo; at mula sa Benjamin, na nagdadala ng mga kalasag at nagpapahilagpos ng mga busog na dalawang daan at walong pung libo: lahat ng mga ito ay mga makapangyarihang lalake na matatapang.
14:9 At lumabas laban sa kanila si Zera na taga Etiopia na may hukbo na isang angaw, at tatlong daang karo; at siya'y naparoon sa Maresa.
14:10 Nang magkagayo'y lumabas si Asa na sumalubong sa kaniya, at sila'y nagsihanay ng pakikipagbaka sa libis ng Sephata sa Maresa.
14:11 At si Asa ay dumaing sa Panginoon niyang Dios, at kaniyang sinabi, Panginoon, walang iba liban sa iyo na makatutulong, sa pagitan ng makapangyarihan at niya na walang lakas: tulungan mo kami, Oh Panginoon naming Dios: sapagka't kami ay nagsisitiwala sa iyo, at sa iyong pangalan ay kami nagsisiparito laban sa karamihang ito. Oh Panginoon, ikaw ay aming Dios; huwag mong panaigin ang tao laban sa iyo.
14:12 Sa gayo'y sinaktan ng Panginoon ang mga taga Etiopia sa harap ni Asa, at sa harap ng Juda; at ang mga taga Etiopia ay nagsitakas.
14:13 At si Asa at ang bayan na kasama niya ay nagsihabol sa kanila hanggang sa Gerar: at nangabuwal sa mga taga Etiopia ang totoong marami, na anopa't sila'y hindi makabawi, sapagka't sila'y nalansag sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang hukbo; at sila'y nagsipagdala ng totoong maraming samsam.
14:14 At kanilang sinaktan ang lahat na bayan sa palibot ng Gerar; sapagka't sila'y naratnan ng takot sa Panginoon; at kanilang sinamsaman ang lahat na bayan; sapagka't maraming nasamsam sa kanila.
14:15 Kanila rin namang sinaktan ang mga toldang silungan ng mga hayop, at nagsipagdala ng mga tupa na sagana, at mga kamelyo, at nagsibalik sa Jerusalem.
15:1 At ang espiritu ng Dios ay suma kay Azarias na anak ni Obed:
15:2 At siya'y lumabas na sinalubong si Asa, at sinabi niya sa kaniya, Dinggin ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: ang Panginoon ay sumasa inyo samantalang kayo'y sumasa kaniya: at kung inyong hanapin siya, siya'y masusumpungan ninyo; nguni't kung pabayaan ninyo siya, kaniyang pababayaan kayo.
15:3 Ngayon nga ang Israel ay malaon nang walang Dios na tunay at walang tagapagturong saserdote, at walang kautusan:
15:4 Nguni't nang sa kanilang kapanglawan ay nagsipagbalik sila sa Panginoon, sa Dios ng Israel, at hinanap nila siya, siya'y nasumpungan nila.
15:5 At nang mga panahong yaon ay walang kapayapaan sa kaniya na lumabas, o sa kaniya na pumasok, kundi malaking ligalig ang nangasa lahat ng mga nananahan sa mga lupain.
15:6 At sila'y nagkapangkatpangkat, bansa laban sa bansa, at bayan laban sa bayan: sapagka't niligalig sila ng Dios ng buong kapighatian.
15:7 Nguni't mangagpakalakas kayo, at huwag manglata ang inyong mga kamay; sapagka't ang inyong mga gawa ay gagantihin.
15:8 At nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, at ang hula ni Obed na propeta, siya'y lumakas, at inalis ang mga karumaldumal sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga bayan na kaniyang sinakop sa lupaing maburol ng Ephraim; at kaniyang binago ang dambana ng Panginoon, na nasa harap ng portiko ng Panginoon.
15:9 At kaniyang pinisan ang buong Juda at Benjamin, at silang mga nakikipamayan na kasama nila mula sa Ephraim at Manases, at mula sa Simeon; sapagka't sila'y nagsihilig sa kaniya na mula sa Israel na sagana, nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Dios ay sumasa kaniya.
15:10 Sa gayo'y nangagpipisan sila sa Jerusalem sa ikatlong buwan, sa ikalabing limang taon ng paghahari ni Asa.
15:11 At sila'y nagsipaghain sa Panginoon sa araw na yaon, sa samsam na kanilang dinala, na pitong daang baka at pitong libong tupa.
15:12 At sila'y pumasok sa tipan upang hanapin ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, ng kanilang buong puso, at ng kanilang buong kaluluwa.
15:13 At sinomang hindi humanap sa Panginoon, sa Dios ng Israel, ay papatayin, maging maliit o malaki, maging lalake o babae.
15:14 At sila'y nagsisumpa sa Panginoon ng malakas na tinig, at may mga hiyawan, at may mga pakakak, at may mga patunog.
15:15 At ang buong Juda ay nagalak sa sumpa: sapagka't sila'y nagsisumpa ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang nasa; at siya'y nasumpungan sa kanila: at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.
15:16 At si Maacha naman na ina ni Asa na hari, ay inalis niya sa pagkareina, sapagka't siya'y gumawa ng nakasusuklam na larawan na pinaka Asera; at pinutol ni Asa ang kaniyang larawan, at ginawang alabok, at sinunog sa batis ng Cedron.
15:17 Nguni't ang mga mataas na dako ay hindi inalis sa Israel: gayon ma'y ang puso ni Asa ay sakdal sa lahat ng kaniyang mga kaarawan.
15:18 At kaniyang ipinasok sa bahay ng Dios ang mga bagay na itinalaga ng kaniyang ama, at yaon mang kaniyang itinalaga, na pilak, at ginto, at mga sisidlan.
15:19 At nawalan na ng digma sa ikatatlong pu't limang taon ng paghahari ni Asa.
16:1 Nang ikatatlong pu't anim na taon ng paghahari ni Asa, si Baasa na hari sa Israel ay umahon laban sa Juda, at itinayo ang Rama, upang huwag niyang matiis na sinoma'y lumabas o pumaroon kay Asa na hari sa Juda.
16:2 Nang magkagayo'y kumuha si Asa ng pilak, at ginto sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari, at nagsugo kay Ben-adad, na hari sa Siria, na tumatahan sa Damasco, na ipinasasabi,
16:3 May pagkakasundo ako at ikaw, na gaya ng aking ama at ng iyong ama: narito, ako'y nagpapadala sa iyo ng pilak at ginto; yumaon ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari sa Israel, upang siya'y lumayas sa akin.
16:4 At dininig ni Ben-adad ang haring Asa, at sinugo niya ang mga pinunong kawal ng kaniyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at kanilang sinaktan ang Ion, at ang Dan, at ang Abel-maim, at ang lahat na bayang kamaligan ng Nephtali.
16:5 At nangyari, nang mabalitaan ni Baasa, na iniwan niya ang pagtatayo ng Rama, at ipinatigil ang kaniyang gawa.
16:6 Nang magkagayo'y ipinagsama ni Asa na hari ang buong Juda; at kanilang dinala ang mga bato ng Rama, at ang kahoy niyaon, na ipinagtayo ni Baasa; at itinayo niya sa pamamagitan niyaon ang Gibaa at Mizpa.
16:7 At nang panahong yaon ay naparoon kay Asa na hari sa Juda si Hanani na tagakita, at nagsabi sa kaniya, Sapagka't ikaw ay nagtiwala sa hari sa Siria, at hindi ka nagtiwala sa Panginoon mong Dios, kaya't ang hukbo ng hari sa Siria ay nagtanan sa iyong kamay.
16:8 Hindi ba ang mga taga Etiopia at ang mga Lubim ay makapal na hukbo, na may mga karo at mangangabayo na totoong marami? gayon ma'y sapagka't ikaw ay nagtiwala sa Panginoon, ibinigay sila sa iyong kamay.
16:9 Sapagka't ang mga mata ng Panginoon ay nagsisiyasat sa palibot ng buong lupa, upang pakilala na matibay sa ikagagaling ng mga yaon na ang puso ay sakdal sa kaniya. Ikaw ay gumawang may kamangmangan; sapagka't mula ngayo'y magkakaroon ka ng mga pakikipagdigma.
16:10 Nang magkagayo'y nagalit si Asa sa tagakita, at inilagay niya siya sa bilangguan: sapagka't siya'y nagalit sa kaniya dahil sa bagay na ito. At pinighati ni Asa ang iba sa bayan nang panahon ding yaon.
16:11 At, narito, ang mga gawa ni Asa, na una at huli, narito, nangakasulat sa aklat ng mga hari sa Juda at Israel.
16:12 At nang ikatatlong pu't siyam na taon ng kaniyang paghahari, si Asa ay nagkasakit sa kaniyang mga paa; ang kaniyang sakit ay totoong malubha: gayon ma'y sa kaniyang sakit ay hindi niya hinanap ang Panginoon, kundi ang mga manggagamot.
16:13 At si Asa ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at namatay sa ikaapat na pu't isang taon ng kaniyang paghahari.
16:14 At inilibing nila siya sa kaniyang sariling mga libingan, na kaniyang ipinahukay para sa kaniya sa bayan ni David, at inihiga siya sa higaan na pinunu ng mga masarap na amoy at sarisaring espesia na inihanda ng manggagawa ng mga pabango; at ipinagsunog nila niyaon ng di kawasa.
17:1 At si Josaphat na kaniyang anak ay naghari, na kahalili niya, at nagpakalakas laban sa Israel.
17:2 At siya'y naglagay ng mga kawal sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda, at naglagay ng mga pulutong sa lupain ng Juda, at sa mga bayan ng Ephraim, na sinakop ni Asa sa kaniyang ama.
17:3 At ang Panginoon ay sumasa kay Josaphat, sapagka't siya'y lumakad ng mga unang lakad ng kaniyang magulang na si David, at hindi hinanap ang mga Baal;
17:4 Kundi hinanap ang Dios ng kaniyang ama, at lumakad sa kaniyang mga utos, at hindi ayon sa mga gawa ng Israel.
17:5 Kaya't itinatag ng Panginoon ang kaharian sa kaniyang kamay; at ang buong Juda ay nagdala kay Josaphat ng mga kaloob; at siya'y nagkaroon ng mga kayamanan at dangal na sagana.
17:6 At ang kaniyang puso ay nataas sa mga daan ng Panginoon: at bukod dito'y inalis niya ang mga mataas na dako at ang mga Asera sa Juda.
17:7 Nang ikatlong taon naman ng kaniyang paghahari ay kaniyang sinugo ang kaniyang mga prinsipe, sa makatuwid bagay si Ben-hail, at si Obdias, at si Zacharias, at si Nathaniel, at si Micheas, upang mangagturo sa mga bayan ng Juda.
17:8 At kasama nila ang mga Levita, na si Semeias, at si Nethanias, at si Zebadias, at si Asael, at si Semiramoth, at si Jonathan, at si Adonias, at si Tobias, at si Tob-adonias, na mga Levita; at kasama nila si Elisama, at si Joram na mga saserdote.
17:9 At sila'y nangagturo sa Juda, na may aklat ng kautusan ng Panginoon; at sila'y nagsiyaon sa palibot ng lahat na bayan ng Juda, at nangagturo sa gitna ng bayan.
17:10 At ang takot sa Panginoon ay nahulog sa lahat ng kaharian ng mga lupain na nangasa palibot ng Juda, na anopa't sila'y hindi nangakipagdigma laban kay Josaphat.
17:11 At ang ilan sa mga Filisteo ay nangagdala ng mga kaloob kay Josaphat, at pilak na pinakabuwis; ang mga taga Arabia man ay nangagdala rin sa kaniya ng mga kawan, na pitong libo at pitong daang lalaking tupa, at pitong libo at pitong daang kambing na lalake.
17:12 At si Josaphat ay dumakilang mainam; at siya'y nagtayo sa Juda ng mga kastilyo at mga bayang kamaligan.
17:13 At siya'y nagkaroon ng maraming mga gawain sa mga bayan ng Juda; at ng mga lalaking mangdidigma, na mga makapangyarihang lalaking matatapang, sa Jerusalem.
17:14 At ito ang bilang nila ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang: sa Juda, ang mga pinunong kawal ng lilibuhin; si Adna na pinunong kawal, at ang kasama niya na mga makapangyarihang lalaking matatapang ay tatlong daang libo:
17:15 At sumusunod sa kaniya ay si Johanan na pinunong kawal, at kasama niya'y dalawang daan at walong pung libo;
17:16 At sumusunod sa kaniya ay si Amasias na anak ni Zichri, na humandog na kusa sa Panginoon; at kasama niya ay dalawang daang libo na mga makapangyarihang lalaking matatapang:
17:17 At sa Benjamin; si Eliada na makapangyarihang lalaking matapang, at kasama niya ay dalawang daang libong may sakbat na busog at kalasag:
17:18 At sumusunod sa kaniya ay si Jozabad, at kasama niya ay isang daan at walong pung libo na handa sa pakikipagdigma.
17:19 Ang mga ito ang nangaglingkod sa hari bukod doon sa inilagay ng hari sa mga bayang nakukutaan sa buong Juda.
18:1 Si Josaphat nga ay nagkaroon ng kayamanan, at dangal na sagana; at siya'y nakipagkamaganak kay Achab.
18:2 At pagkatapos ng ilang taon, kaniyang nilusong si Achab sa Samaria. At ipinagpatay siya ni Achab ng mga tupa at baka na sagana, at ang bayan na kasama niya; at inupahan siya na umahon na kasama niya sa Ramoth-galaad.
18:3 At sinabi ni Achab na hari sa Israel kay Josaphat na hari sa Juda, Sasama ka ba sa akin sa Ramoth-galaad? At sinagot niya siya, Ako'y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan; at kami ay sasaiyo sa pakikipagdigma.
18:4 At sinabi ni Josaphat sa hari sa Israel, Magusisa ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, sa salita ng Panginoon.
18:5 Nang magkagayo'y pinisan ng hari sa Israel ang mga propeta, na apat na raang lalake, at sinabi sa kanila, Magsisiparoon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi nila, Umahon ka; sapagka't ibibigay ng Dios sa kamay ng hari.
18:6 Nguni't sinabi ni Josaphat: Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon, upang tayo'y makapagusisa sa kaniya?
18:7 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, May isa pang lalake na mapaguusisaan natin sa Panginoon: nguni't kinapopootan ko siya: sapagka't kailan man ay hindi siya nanghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi laging kasamaan; si Micheas nga na anak ni Imla. At sinabi ni Josaphat, Huwag magsabi ng ganyan ang hari.
18:8 Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang pinuno, at kaniyang sinabi, Dalhin mo ritong madali si Micheas na anak ni Imla.
18:9 Ang hari nga ng Israel at si Josaphat na hari sa Juda, ay nakaupo bawa't isa sa kanikaniyang luklukan na nakapanamit hari, at sila'y nakaupo sa isang hayag na dako sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria; at ang lahat na propeta ay nanganghula sa harap nila.
18:10 At si Sedechias na anak ni Chenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga Siria, hanggang sa mangalipol.
18:11 At lahat na propeta ay nanganghulang gayon, na sinasabi, Umahon ka sa Ramoth-galaad, at guminhawa ka: sapagka't ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.
18:12 At ang sugo na yumaong tumawag kay Micheas ay nagsalita sa kaniya na sinasabi, Narito, ang mga salita ng mga propeta ay nagsaysay ng mabuti sa hari na magkakaisa: isinasamo ko nga sa iyo na ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng mabuti.
18:13 At sinabi ni Micheas, Buhay ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng aking Dios, yaon ang aking sasalitain.
18:14 At nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kaniya, Micheas, magsisiyaon ba kami sa Ramoth-galaad upang makipagbaka, o uurong ako? At sinabi niya, Magsiyaon kayo at magsiginhawa nawa; at sila'y mangabibigay sa inyong kamay.
18:15 At sinabi ng hari sa kaniya: Makailang ipasusumpa ko sa iyo na ikaw ay huwag magsalita ng anoman sa akin kundi katotohanan sa pangalan ng Panginoon?
18:16 At kaniyang sinabi, Aking nakita ang buong Israel na nangangalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastor: at sinabi ng Panginoon, Ang mga ito'y walang panginoon; umuwing payapa ang bawa't lalake sa kaniyang bayan.
18:17 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Di ba isinaysay ko sa iyo na siya'y hindi manghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan?
18:18 At sinabi ni Micheas, Kaya't dinggin ninyo ang salita ng Panginoon: Aking nakita ang Panginoon na nakaupo sa kaniyang luklukan, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa.
18:19 At sinabi ng Panginoon, Sinong dadaya kay Achab na hari sa Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramoth-galaad? At ang isa'y nagsalita na nagsabi ng ayon sa ganitong paraan, at ang iba'y nagsabi ayon sa gayong paraan.
18:20 At lumabas ang isang espiritu, at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya. At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Sa ano?
18:21 At kaniyang sinabi, Ako'y lalabas, at ako'y magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon.
18:22 Ngayon nga, narito, inilagay ng Panginoon ang magdarayang espiritu sa bibig ng iyong mga propetang ito; ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.
18:23 Nang magkagayo'y lumapit si Sedechias na anak ni Chenaana, at sinampal si Micheas, at nagsabi, Saan nagdaan ang Espiritu ng Panginoon na mula sa akin upang magsalita sa iyo?
18:24 At sinabi ni Micheas, Narito, iyong makikita sa araw na yaon, pagka ikaw ay papasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.
18:25 At sinabi ng hari sa Israel, Dalhin ninyo si Micheas, at ibalik ninyo siya kay Amon na tagapamahala ng bayan, at kay Joas na anak ng hari;
18:26 At sabihin ninyo, Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ang taong ito sa bilangguan, at pakanin siya ng tinapay ng kadalamhatian at ng tubig ng kadalamhatian hanggang sa ako'y bumalik na payapa.
18:27 At sinabi ni Micheas, Kung ikaw ay bumalik sa anomang paraan na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko. At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, ninyong mga bayan, ninyong lahat.
18:28 Sa gayo'y ang hari sa Israel at si Josaphat na hari sa Juda ay nagsiahon sa Ramoth-galaad.
18:29 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Ako'y magpapakunwaring iba, at paroroon ako sa pagbabaka; nguni't ikaw ay magbalabal ng iyong mga balabal hari. Sa gayo'y ang hari ng Israel ay nagpakunwaring iba; at sila'y nagsiparoon sa pagbabaka.
18:30 Ang hari nga sa Siria ay nagutos sa mga pinunong kawal ng kaniyang mga karo, na sinasabi, Huwag kayong magsilaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari sa Israel.
18:31 At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo ni Josaphat, na kanilang sinabi, Siyang hari sa Israel. Kaya't sila'y nagsiligid upang magsilaban sa kaniya: nguni't si Josaphat ay humiyaw, at tinulungan siya ng Panginoon; at kinilos sila ng Dios na humiwalay sa kaniya.
18:32 At nangyari nang makita ng mga pinunong kawal ng mga karo na hindi siyang hari sa Israel, na sila'y nagsihiwalay ng paghabol sa kaniya.
18:33 At inihilagpos ng isang lalake ang kaniyang pana sa isang pagbabakasakali, at tinamaan ang hari sa Israel, sa pagitan ng mga pagkakasugpong ng sakbat kaya't sinabi niya sa nagpapatakbo ng karo, Ipihit mo ang iyong kamay, at ihiwalay mo ako sa hukbo; sapagka't ako'y nasugatan ng mabigat.
18:34 At ang pagbabaka ay lumala nang araw na yaon; gayon ma'y ang hari sa Israel ay nanatili sa kaniyang karo laban sa mga taga Siria hanggang sa kinahapunan: at sa may paglubog ng araw ay namatay siya.
19:1 At si Josaphat na hari sa Juda ay umuwing payapa sa kaniyang bahay sa Jerusalem.
19:2 At si Jehu na anak ni Hanani na tagakita ay lumabas na sinalubong siya, at sinabi sa haring Josaphat: Tutulungan mo ba ang mga masama at mamahalin yaong mga napopoot sa Panginoon? dahil sa bagay na ito ay kapootan ang sasaiyo na mula sa harap ng Panginoon.
19:3 Gayon ma'y may mabuting mga bagay na nasumpungan sa iyo, sa iyong pagaalis ng mga Asera sa lupain, at inilagak mo ang iyong puso upang hanapin ang Dios.
19:4 At si Josaphat ay tumahan sa Jerusalem: at siya'y lumabas uli sa gitna ng bayan na mula sa Beer-seba hanggang sa lupaing maburol ng Ephraim, at ibinalik niya sila sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.
19:5 At siya'y naglagay ng mga hukom sa lupain sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda sa bayan at bayan.
19:6 At sinabi sa mga hukom, Buhayin ninyo kung ano ang inyong ginagawa: sapagka't hindi kayo nagsisihatol ng dahil sa tao, kundi dahil sa Panginoon, at siya'y sumasainyo sa kahatulan.
19:7 Ngayon nga'y sumainyo nawa ang takot sa Panginoon; magsipagingat kayo at inyong gawin: sapagka't walang kasamaan sa Panginoon nating Dios, o tumangi man sa mga tao, o tumanggap man ng mga suhol.
19:8 Bukod dito'y naglagay si Josaphat sa Jerusalem ng ilan sa mga Levita, at sa mga saserdote, at sa mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, dahil sa kahatulan ng Panginoon, at sa mga pagkakaalitan. At sila'y nagsibalik sa Jerusalem.
19:9 At kaniyang binilinan sila, na sinasabi, Ganito ang inyong gagawin, sa takot sa Panginoon, na may pagtatapat, at may sakdal na puso.
19:10 At anomang kaalitan ang dumating sa inyo na mula sa inyong mga kapatid na nagsisitahan sa kanilang mga bayan, na dugo't dugo, kautusan at utos, mga palatuntunan at mga kahatulan, ay inyong papayuhan sila, upang sila'y huwag maging salarin sa Panginoon, at sa gayo'y kapootan ay huwag dumating sa inyo, at sa inyong mga kapatid: ito'y inyong gawin, at kayo'y hindi magiging salarin.
19:11 At, narito, si Amarias na punong saserdote ay nasa inyo sa lahat ng bagay ng Panginoon; at si Zebadias na anak ni Ismael, na tagapamahala sa sangbahayan ni Juda, sa lahat ng mga bagay ng hari: ang mga Levita rin naman ay magiging mga pinuno sa harap ninyo. Gawin ninyong may katapangan at ang Panginoon ay sumasamabuti nawa.
20:1 At nangyari, pagkatapos nito, na ang mga anak ni Moab, at ang mga anak ni Ammon, at pati ng iba sa mga Ammonita, ay naparoon laban kay Josaphat upang makipagbaka.
20:2 Nang magkagayo'y nagsiparoon ang iba na nagsipagsaysay kay Josaphat, na nagsasabi, May lumalabas na isang lubhang karamihan laban sa iyo na mula sa dako roon ng dagat na mula sa Siria; at, narito, sila'y nangasa Hasason-tamar (na siyang Engedi).
20:3 At si Josaphat ay natakot, at tumalagang hanapin ang Panginoon; at siya'y nagtanyag ng ayuno sa buong Juda.
20:4 At ang Juda'y nagpipisan, upang huminging tulong sa Panginoon: sa makatuwid baga'y mula sa lahat na bayan ng Juda ay nagsiparoon upang hanapin ang Panginoon.
20:5 At si Josaphat ay tumayo sa kapisanan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng Panginoon, sa harap ng bagong looban;
20:6 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon, na Dios ng aming mga magulang, di ba ikaw ay Dios sa langit? at di ba ikaw ay puno sa lahat na kaharian ng mga bansa? at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at lakas, na anopa't walang makahaharap sa iyo.
20:7 Di mo ba pinalayas, Oh aming Dios, ang mga nananahan sa lupaing ito sa harap ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailan man?
20:8 At nagsitahan sila roon at ipinagtayo ka ng santuario roon na ukol sa iyong pangalan, na sinasabi,
20:9 Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak ng kahatulan, o salot, o kagutom, kami ay magsisitayo sa harap ng bahay na ito, at sa harap mo, (sapagka't ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito,) at kami ay dadaing sa iyo sa aming pagdadalamhati, at kami ay iyong didinggin at ililigtas.
20:10 At ngayon, narito, ang mga anak ni Ammon at ni Moab, at ng sa bundok ng Seir na hindi mo ipinalusob sa Israel, nang sila'y magsilabas sa lupain ng Egipto, kundi kanilang nilikuan sila, at hindi sila nilipol;
20:11 Tingnan mo, kung paanong sila'y gumaganti sa amin, na nagsisiparito upang palayasin kami sa iyong pag-aari, na iyong ibinigay sa amin upang manahin.
20:12 Oh aming Dios, hindi mo ba hahatulan sila? sapagka't wala kaming kaya laban sa malaking pulutong na ito na naparirito laban sa amin, ni hindi man nalalaman namin kung anong marapat gawin; nguni't ang aming mga mata ay nasa iyo.
20:13 At ang buong Juda ay tumayo sa harap ng Panginoon, pati ang kanilang mga bata, ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak.
20:14 Nang magkagayo'y dumating kay Jahaziel na anak ni Zacharias, na anak ni Benaias, na anak ni Jeiel, na anak ni Mathanias na Levita, sa mga anak ni Asaph ang Espiritu ng Panginoon sa gitna ng kapisanan;
20:15 At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, buong Juda, at ninyong mga taga Jerusalem, at ikaw na haring Josaphat: ganito ang sabi ng Panginoon sa inyo, Huwag kayong mangatakot, o manglupaypay man dahil sa malaking karamihang ito; sapagka't ang pakikipagbaka ay hindi inyo, kundi sa Dios.
20:16 Bukas ay magsilusong kayo laban sa kanila: narito, sila'y nagsiahon sa ahunan ng Sis; at inyong masusumpungan sila sa dulo ng libis, sa harap ng ilang ng Jeruel.
20:17 Kayo'y hindi magkakailangan na makipaglaban sa pagbabakang ito: magsilagay kayo, magsitayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagliligtas, ng Panginoon na kasama ninyo, Oh Juda at Jerusalem: huwag kayong mangatakot, o manganglupaypay man: bukas ay magsilabas kayo laban sa kanila; sapagka't ang Panginoon ay sumasa inyo.
20:18 At itinungo ni Josaphat ang kaniyang ulo sa lupa: at ang buong Juda at ang mga taga Jerusalem ay nangagpatirapa sa harap ng Panginoon, na nagsisamba sa Panginoon.
20:19 At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Coathita at sa mga anak ng mga Coraita; ay nagsitayo upang purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ng totoong malakas na tinig.
20:20 At sila'y nagsibangong maaga sa kinaumagahan, at nagsilabas sa ilang ng Tecoa: at habang sila'y nagsisilabas, si Josaphat ay tumayo, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Juda, at ninyong mga taga Jerusalem; sumampalataya kayo sa Panginoon ninyong Dios, sa gayo'y matatatag kayo; sumampalataya kayo sa kaniyang mga propeta, sa gayo'y giginhawa kayo.
20:21 At nang siya'y makakuhang payo sa bayan, kaniyang inihalal sa kanila ang magsisiawit sa Panginoon at magsisipuri sa ganda ng kabanalan habang sila'y nagsisilabas na nagpapauna sa hukbo at magsipagsabi, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
20:22 At nang sila'y mangagpasimulang magsiawit at magsipuri, ang Panginoon ay naglagay ng mga bakay laban sa mga anak ni Ammon, ni Moab, at ng sa bundok ng Seir, na nagsiparoon laban sa Juda; at sila'y nangasugatan.
20:23 Sapagka't ang mga anak ni Ammon at ni Moab ay nagsitayo laban sa mga taga bundok ng Seir, upang lubos na magsipatay at lipulin sila: at nang sila'y makatapos sa mga taga bundok ng Seir, bawa't isa'y tumulong na lumipol sa iba.
20:24 At nang ang Juda ay dumating sa bantayang moog sa ilang, sila'y nagsitingin sa karamihan; at, narito, mga bangkay na nangakabuwal sa lupa, at walang nakatanan.
20:25 At nang si Josaphat at ang kaniyang bayan ay magsiparoon upang kunin ang samsam sa kanila, kanilang nasumpungan sa kanila na sagana ay mga kayamanan at mga bangkay, at mga mahahalagang hiyas na kanilang mga sinamsam para sa kanilang sarili, na higit kay sa kanilang madala: at sila'y nagsidoon na tatlong araw, sa pagkuha ng samsam, na totoong marami.
20:26 At nang ikaapat na araw, sila'y nagpupulong sa libis ng Baracah; sapagka't doo'y kanilang pinuri ang Panginoon: kaya't ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Libis ng Baracah, hanggang sa araw na ito.
20:27 Nang magkagayo'y nagsibalik sila, bawa't lalake sa Juda, at sa Jerusalem, at si Josaphat ay sa unahan nila, upang bumalik sa Jerusalem na may kagalakan; sapagka't sila'y pinapagkatuwa ng Panginoon sa kanilang mga kaaway.
20:28 At sila'y nagsiparoon sa Jerusalem na may mga salterio at mga alpa, at mga pakakak sa bahay ng Panginoon.
20:29 At ang takot sa Dios ay napasa lahat na kaharian ng mga lupain, nang kanilang mabalitaang ang Panginoon ay nakipaglaban sa mga kaaway ng Israel.
20:30 Sa gayo'y ang kaharian ni Josaphat ay natahimik: sapagka't binigyan siya ng kaniyang Dios ng kapahingahan sa palibot.
20:31 At si Josaphat ay naghari sa Juda: siya'y may tatlong pu't limang taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang pu't limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.
20:32 At siya'y lumakad ng lakad ni Asa na kaniyang ama, at hindi siya lumiko sa paggawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon.
20:33 Gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ni inilagak pa man ng bayan ang kanilang puso sa Dios ng kanilang mga magulang.
20:34 Ang iba nga sa mga gawa ni Josaphat, na una at huli, narito, nangakasulat sa kasaysayan ni Jehu na anak ni Hanani, na nasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel.
20:35 At pagkatapos nito ay nakipisan si Josaphat na hari sa Juda kay Ochozias na hari sa Israel; na siyang gumawa ng totoong masama:
20:36 At siya'y nakipisan sa kaniya upang gumawa ng mga sasakyang dagat na magsisiparoon sa Tharsis: at kanilang ginawa ang mga sasakyan sa Esion-geber.
20:37 Nang magkagayo'y si Eliezer na anak ni Dodava sa Mareosah ay nanghula laban kay Josaphat, na kaniyang sinabi, Sapagka't ikaw ay nakipisan kay Ochozias, giniba ng Panginoon ang iyong mga gawa. At ang mga sasakyan ay nangabasag, na anopa't sila'y hindi na makaparoon sa Tharsis.
21:1 At si Josaphat ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Joram na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
21:2 At siya'y nagkaroon ng mga kapatid, na mga anak ni Josaphat, na si Azarias, at si Jehiel, at si Zacharias, at si Azarias, at si Michael, at si Sephatias: lahat ng ito ay mga anak ni Josaphat na hari sa Israel.
21:3 At binigyan sila ng kanilang ama ng mga dakilang kaloob, na pilak, at ginto, at mga mahalagang bagay, pati ng mga bayang nakukutaan ng Juda: nguni't ang kaharian ay ibinigay niya kay Joram, sapagka't siya ang panganay.
21:4 Nang si Joram nga ay bumangon sa kaharian ng kaniyang ama, at lumakas, ay kaniyang pinatay ng tabak ang lahat niyang mga kapatid, at gayon din ang iba sa mga prinsipe ng Israel.
21:5 Si Joram ay tatlongpu't dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing walong taon sa Jerusalem.
21:6 At siya'y lumakad ng lakad ng mga hari sa Israel, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab; sapagka't siya'y nagasawa sa anak ni Achab: at siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.
21:7 Gayon ma'y hindi nilipol ng Panginoon ang sangbahayan ni David, dahil sa tipan na kaniyang ginawa kay David, at yamang siya'y nangako na bibigyan siya ng ilawan at ang kaniyang mga anak magpakailan man.
21:8 Sa kaniyang mga kaarawan ay nanghimagsik ang Edom na mula sa kapangyarihan ng Juda, at naghalal ng hari sa kanilang sarili.
21:9 Nang magkagayo'y nagdaan si Joram na kasama ang kaniyang mga punong kawal, at dala ang lahat niyang mga karo: at siya'y bumangon ng kinagabihan at sinaktan ang mga Idumeo na kumubkob sa kaniya, at ang mga pinunong kawal sa mga karo.
21:10 Sa gayo'y nanghimagsik ang Edom na mula sa kapangyarihan ng Juda, hanggang sa araw na ito: nang magkagayo'y nanghimagsik ang Libna nang panahong yaon na mula sa kaniyang kapangyarihan: sapagka't kaniyang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang.
21:11 Bukod dito'y kaniyang ginawa ang mga mataas na dako sa mga bundok ng Juda, at pinasamba sa diosdiosan ang mga taga Jerusalem, at iniligaw ang Juda.
21:12 At dumating ang isang sulat sa kaniya na mula kay Elias na propeta, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ni David na iyong ama, sapagka't hindi ka lumakad ng mga lakad ni Josaphat na iyong ama, o ng mga lakad man ni Asa na hari sa Juda:
21:13 Kundi ikaw ay lumakad ng mga lakad ng mga hari sa Israel, at iyong pinasamba sa diosdiosan ang Juda at ang mga nananahan sa Jerusalem, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab; at iyo rin namang pinatay ang iyong mga kapatid sa sangbahayan ng iyong ama, na lalong mabuti kay sa iyo:
21:14 Narito, ang Panginoon ay mananalot ng malaki sa iyong bayan, at sa iyong mga anak, at sa iyong mga asawa, at sa lahat ng iyong pag-aari:
21:15 At ikaw ay magkakasakit ng mabigat, na sakit ng iyong tiyan, hanggang sa lumabas ang loob ng iyong tiyan dahil sa sakit araw-araw.
21:16 At inudyukan ng Panginoon laban kay Joram ang diwa ng mga Filisteo, at ng mga taga Arabia na nangasa siping ng mga taga Etiopia:
21:17 At sila'y nagsiahon laban sa Juda, at nagpumilit doon, at dinala ang lahat na pag-aari na nasumpungan sa bahay ng hari, at pati ang mga anak niya, at ang mga asawa niya; na anopa't walang naiwang anak sa kaniya, liban si Joachaz na bunso sa kaniyang mga anak.
21:18 At pagkatapos ng lahat na ito ay sinaktan siya ng Panginoon sa kaniyang tiyan ng walang kagamutang sakit.
21:19 At nangyari, sa lakad ng panahon sa katapusan ng dalawang taon, na ang loob ng kaniyang tiyan ay lumabas dahil sa kaniyang sakit, at siya'y namatay sa mabigat na sakit. At hindi ipinagsunog siya ng kaniyang bayan, na gaya ng pagsusunog sa kaniyang mga magulang.
21:20 May tatlongpu't dalawang taon siya nang siya'y magpasimulang maghari, at siya'y naghari sa Jerusalem na walong taon: at siya'y nanaw na walang nagnasang pumigil; at inilibing nila siya sa bayan ni David, nguni't hindi sa mga libingan ng mga hari.
22:1 At ginawang hari ng mga taga Jerusalem si Ochozias na kaniyang bunsong anak na kahalili niya: sapagka't pinatay ang mga pinaka matanda sa kampamento ng pulutong na lalake na naparoon na kasama ng mga taga Arabia. Sa gayo'y si Ochozias na anak ni Joram na hari sa Juda ay naghari.
22:2 May apat na pu't dalawang taon si Ochozias nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Athalia na anak ni Omri.
22:3 Siya rin naman ay lumakad ng mga lakad ng sangbahayan ni Achab: sapagka't ang kaniyang ina ay siyang kaniyang taga-payo upang gumawang may kasamaan.
22:4 At siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab: sapagka't sila ang naging kaniyang taga-payo pagkamatay ng kaniyang ama, sa ikapapahamak niya.
22:5 Siya'y lumakad din naman ng ayon sa kanilang payo, at yumaon na kasama ni Joram na anak ni Achab na hari sa Israel upang makipagdigma laban kay Hazael na hari sa Siria sa Ramoth-galaad: at sinugatan ng mga taga Siria si Joram.
22:6 At siya'y bumalik upang magpagaling sa Jezreel ng mga sugat na isinugat nila sa kaniya sa Rama, ng siya'y makipaglaban kay Hazael na hari sa Siria. At si Azarias na anak ni Joram na hari sa Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Achab sa Jezreel, sapagka't siya'y may sakit.
22:7 Ang kapahamakan nga ni Ochozias ay sa ganang Dios, sa kaniyang pagparoon kay Joram: sapagka't nang siya'y dumating, siya'y lumabas na kasama ni Joram laban kay Jehu na anak ni Nimsi, na siyang pinahiran ng langis ng Panginoon upang ihiwalay ang sangbahayan ni Achab.
22:8 At nangyari, nang si Jehu ay maglalapat ng kahatulan sa bahay ni Achab, na kaniyang nasumpungan ang mga prinsipe sa Juda, at ang mga anak ng mga kapatid ni Ochozias, na nagsisipangasiwa kay Ochozias, at pinatay sila.
22:9 At kaniyang hinanap si Ochozias, at hinuli nila siya, (siya nga'y nagtatago sa Samaria,) at dinala nila siya kay Jehu, at pinatay siya; at inilibing nila siya, sapagka't kanilang sinabi, Siya'y anak ni Josaphat, na humanap sa Panginoon ng buo niyang puso. At ang sangbahayan ni Ochozias ay walang kapangyarihang humawak ng kaharian.
22:10 Nang makita nga ni Athalia na ina ni Ochozias na ang kaniyang anak ay patay, siya'y tumindig at nilipol ang lahat na binhing hari ng sambahayan ni Juda.
22:11 Nguni't kinuha ni Josabeth, na anak na babae ng hari, si Joas na anak ni Ochozias, at inalis niyang lihim siya sa gitna ng mga anak ng hari na nangapatay, at inilagay niya siya at ang kaniyang yaya sa silid na higaan. Gayon ikinubli ni Josabeth, na anak ng haring Joram, na asawa ni Joiada na saserdote, (sapagka't siya'y kapatid ni Ochozias) kay Athalia, na anopa't siya'y hindi napatay.
22:12 At siya'y nakakubling kasama nila sa bahay ng Dios na anim na taon: at si Athalia ay naghari sa lupain.
23:1 At sa ikapitong taon ay lumakas si Joiada, at nakipagtipan siya sa mga pinunong kawal ng dadaanin, kay Azarias na anak ni Joram, at kay Ismael na anak ni Johanan, at kay Azarias na anak ni Obed, at kay Maasias na anak ni Adaias, at kay Elisaphat na anak ni Zichri.
23:2 At kanilang nilibot ang Juda, at pinisan ang mga Levita mula sa lahat na bayan ng Juda, at ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng Israel, at sila'y nagsiparoon sa Jerusalem.
23:3 At ang buong kapisanan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Dios. At sinabi niya sa kanila, Narito, ang anak ng hari ay maghahari, gaya ng sinalita ng Panginoon tungkol sa mga anak ni David.
23:4 Ito ang bagay na inyong gagawin: isang ikatlong bahagi ninyo, na pumapasok sa sabbath, sa mga saserdote at sa mga Levita, magiging mga tagatanod-pinto;
23:5 At ang ikatlong bahagi ay magiging sa bahay ng hari; at ang ikatlong bahagi sa pintuang-bayan ng patibayan; at ang buong bayan ay malalagay sa mga looban ng bahay ng Panginoon.
23:6 Nguni't walang papasok sa bahay ng Panginoon, liban sa mga saserdote, at nagsisipangasiwang mga Levita; sila'y magsisipasok, sapagka't sila'y mga banal: nguni't ang buong bayan ay magiingat ng pagbabantay sa Panginoon.
23:7 At kukulungin ng mga Levita ang hari sa palibot, bawa't isa'y may dalang kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay; at sinomang pumasok sa bahay, patayin: at kayo'y magsiabay sa hari pagka siya'y pumapasok at pagka siya'y lumalabas.
23:8 Gayon ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat na iniutos ni Joiada na saserdote: at sila'y kumuha bawa't lalake ng kaniyang mga lalake, yaong nagsisipasok sa sabbath, na kasama niyaong nagsisilabas sa sabbath; sapagka't hindi pinayaon ni Joiada na saserdote ang mga pangkat.
23:9 At si Joiada na saserdote ay nagbigay sa mga pinunong kawal ng mga dadaanin ng mga sibat, at mga maliit na kalasag at mga kalasag na naging sa haring David, na nangasa bahay ng Dios.
23:10 At kaniyang inilagay ang buong bayan, na bawa't isa'y may kaniyang sandata sa kaniyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa siping ng dambana at ng bahay, sa siping ng hari sa palibot.
23:11 Nang magkagayo'y kanilang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang putong sa kaniya, at binigyan siya ng patotoo, at ginawa siyang hari: at pinahiran siya ng langis ni Joiada at ng kaniyang mga anak; at kanilang sinabi, Mabuhay ang hari.
23:12 At nang marinig ni Athalia ang kaingay ng bayan, na tumatakbo at pinupuri ang hari, siya'y naparoon sa bayan sa loob ng bahay ng Panginoon:
23:13 At siya'y tumingin, at, narito, ang hari ay nakatayo sa siping ng kaniyang haligi sa pasukan, at ang mga punong kawal at ang mga may pakakak ay sa siping ng hari: at ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at humihip ng mga pakakak; ang mga mangaawit naman ay nagsitugtog ng mga panugtog ng tugtugin, at tinugmaan ang awit ng papuri. Nang magkagayo'y hinapak ni Athalia ang kaniyang suot, at sinabi: Paglililo, paglililo.
23:14 At inilabas ni Joiada na saserdote ang mga pinunong kawal ng dadaanin na nangalalagay sa hukbo, at sinabi sa kanila, Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay; at sinomang sumunod sa kaniya, patayin ng tabak: sapagka't sinabi ng saserdote, Huwag patayin siya sa bahay ng Panginoon.
23:15 Sa gayo'y binigyang daan nila siya; at siya'y naparoon sa pasukan ng pintuang-daan ng kabayo sa bahay ng hari: at pinatay nila siya roon.
23:16 At si Joiada ay nakipagtipan sa kaniya, at sa buong bayan, at sa hari na sila'y magiging bayan ng Panginoon.
23:17 At ang buong bayan ay naparoon sa bahay ni Baal, at ibinagsak, at pinagputolputol ang kaniyang mga dambana at ang kaniyang mga larawan, at pinatay si Mathan na saserdote ni Baal sa harap ng mga dambana.
23:18 At inihalal ni Joiada ang mga katungkulan sa bahay ng Panginoon, sa kapangyarihan ng kamay ng mga saserdote na mga Levita, na siyang binahagi ni David sa bahay ng Panginoon, upang maghandog ng mga handog na susunugin sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na may pagkagalak, at may pagawit ayon sa ayos ni David.
23:19 At kaniyang inilagay ang mga tagatanod-pinto sa mga pintuangdaan ng bahay ng Panginoon, upang walang pumasok na marumi sa anomang bagay.
23:20 At kaniyang ipinagsama ang mga pinunong kawal ng dadaanin at ang mga mahal na tao, at ang mga tagapamahala ng bayan, at ang buong bayan ng lupain, at ibinaba ang hari mula sa bahay ng Panginoon: at sila'y pumasok sa bahay ng hari, na nagdaan sa pinakamataas na pintuang-daan, at inilagay ang hari sa luklukan ng kaharian.
23:21 Sa gayo'y ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at ang bayan ay natahimik: at pinatay nila ng tabak si Athalia.
24:1 Si Joas ay may pitong taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing apat na pung taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Sibia na taga Beer-seba.
24:2 At gumawa si Joas ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon lahat ng mga kaarawan ni Joiada na saserdote.
24:3 At kumuha si Joiada ng dalawang babae upang maging asawa ng hari, at siya'y nagkaanak ng mga lalake at mga babae.
24:4 At nangyari, pagkatapos nito, na inisip ni Joas na husayin ang bahay ng Panginoon.
24:5 At kaniyang pinisan ang mga saserdote at ang mga Levita, at sinabi sa kanila, Magsilabas kayo hanggang sa mga bayan ng Juda, at magtipon kayo sa buong Israel ng salapi upang husayin ang bahay ng inyong Dios sa taontaon, at sikapin ninyo na inyong madaliin ang bagay. Gayon ma'y hindi minadali ng mga Levita.
24:6 At ipinatawag ng hari si Joiada na pinuno, at sinabi sa kaniya, Bakit hindi mo ipinadala sa mga Levita ang buwis na iniutos ni Moises, na lingkod ng Panginoon, at ng kapisanan ng Israel, mula sa Juda, at mula sa Jerusalem, na ukol sa tabernakulo ng patotoo?
24:7 Sapagka't giniba ng mga anak ni Athalia, niyaong masamang babae, ang bahay ng Dios, at kanila namang ginugol sa mga Baal ang lahat na itinalagang bagay sa bahay ng Panginoon.
24:8 Sa gayo'y nagutos ang hari, at sila'y nagsigawa ng isang kaban, at inilagay sa labas sa pintuang daan ng bahay ng Panginoon.
24:9 At sila'y nangagtanyag sa Juda at sa Jerusalem, na dalhin sa Panginoon ang buwis na iniatang ni Moises na lingkod ng Dios sa Israel sa ilang.
24:10 At ang lahat na prinsipe at ang buong bayan ay nagalak, at dinala, at inilagay sa kaban, hanggang sa natapos.
24:11 At nagkagayon, nang dalhin ang kaban sa kawanihan ng hari, sa pamamagitan ng kamay ng mga Levita, at nang kanilang makita na maraming salapi, na ang kalihim ng hari at ang pinuno ng pangulong saserdote ay naparoon at inalisan ng laman ang kaban, at kinuha, at dinala uli sa dakong kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginawa araw-araw, at nagtipon ng salapi na sagana.
24:12 At ibinigay ng hari at ni Joiada sa gumagawa ng gawaing paglilingkod sa bahay ng Panginoon; at sila'y nagsiupa ng mga kantero at ng mga anluwagi upang husayin ang bahay ng Panginoon, at ng nagsisigawa naman sa bakal at tanso upang husayin ang bahay ng Panginoon.
24:13 Sa gayo'y nagsigawa ang mga manggagawa, at ang gawa ay nayari sa pamamagitan nila, at kanilang itinayo ang bahay ng Dios sa kaniyang kalagayan, at pinatibay.
24:14 At nang kanilang matapos, kanilang dinala ang labis ng salapi sa harap ng hari at ni Joiada, na siyang mga ipinagpagawa ng mga sisidlan sa bahay ng Panginoon, sa makatuwid baga'y mga sisidlan upang ipangasiwa, at upang ipaghandog ng hain, at mga sandok, at mga sisidlang ginto, at pilak. At sila'y nangaghandog na palagi ng mga handog na susunugin sa bahay ng Panginoon sa lahat ng mga kaarawan ni Joiada.
24:15 Nguni't si Joiada ay tumanda at napuspos ng mga araw, at siya'y namatay; siya'y may isang daan at tatlongpung taon nang siya'y mamatay.
24:16 At inilibing nila siya sa bayan ni David sa kasamahan ng mga hari, sapagka't siya'y gumawa ng mabuti sa Israel, at sa Dios at sa kaniyang sangbahayan.
24:17 Pagkamatay nga ni Joiada ay nagsiparoon ang mga prinsipe ng Juda, at nangagbigay galang sa hari. Nang magkagayo'y dininig sila ng hari.
24:18 At kanilang pinabayaan ang bahay ng Panginoon, ng Dios ng kanilang mga magulang, at nangaglingkod sa mga Asera at sa mga dios-diosan: at ang pag-iinit ay dumating sa Juda at sa Jerusalem dahil sa kanilang salang ito.
24:19 Gayon ma'y nagsugo siya ng mga propeta sa kanila upang dalhin sila uli sa Panginoon; at sila'y sumaksi laban sa kanila; nguni't hindi sila pinakinggan.
24:20 At ang Espiritu ng Dios ay dumating kay Zacharias na anak ni Joiada na saserdote; at siya'y tumayong mataas kay sa bayan, at nagsabi sa kanila, Ganito ang sabi ng Dios, Bakit kayo'y nagsisisalangsang sa mga utos ng Panginoon, na anopa't kayo'y huwag magsiginhawa? sapagka't inyong pinabayaan ang Panginoon, kaniya namang pinabayaan kayo.
24:21 At sila'y nagsipagbanta laban sa kaniya, at binato siya ng mga bato, sa utos ng hari sa looban ng bahay ng Panginoon.
24:22 Sa ganito ay hindi inalaala ni Joas na hari ang kagandahang loob na ginawa ni Joiada na kaniyang ama sa kaniya, kundi pinatay ang kaniyang anak. At nang siya'y mamatay, kaniyang sinabi, Masdan ng Panginoon, at pakialaman.
24:23 At nangyari, sa katapusan ng taon, na ang hukbo ng mga taga Siria ay umahon laban sa kaniya: at sila'y nagsiparoon sa Juda at sa Jerusalem, at nilipol ang lahat na prinsipe ng bayan mula sa gitna ng bayan, at ipinadala ang buong samsam sa kanila sa hari sa Damasco.
24:24 Sapagka't ang hukbo ng mga taga Siria ay naparoong may munting pangkat ng mga lalake; at ibinigay ng Panginoon ang isang totoong malaking hukbo sa kanilang kamay sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang. Sa gayo'y nilapatan nila ng kahatulan si Joas.
24:25 At nang kanilang lisanin siya, (sapagka't iniwan nila siya sa maraming mga sakit,) ang kaniyang sariling mga lingkod ay nagsipagbanta laban sa kaniya dahil sa dugo ng mga anak ni Joiada na saserdote, at pinatay siya sa kaniyang higaan, at siya'y namatay: at inilibing nila siya sa bayan ni David, nguni't hindi inilibing nila siya sa mga libingan ng mga hari.
24:26 At ang mga ito ang nagsipagbanta laban sa kaniya; si Zabad na anak ni Simath, na Ammonita, at si Jozabad na anak ni Simrith, na Moabita.
24:27 Tungkol nga sa kaniyang mga anak, at sa kalakhan ng mga pasang ipinasan sa kaniya, at sa pagtatayong muli ng bahay ng Dios, narito, nakasulat sa kasaysayan ng aklat ng mga hari. At si Amasias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
25:1 Si Amasias ay may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y naghari na dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay si Joadan na taga Jerusalem.
25:2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, nguni't hindi ng sakdal na puso.
25:3 Nangyari nga nang ang kaharian ay matatag sa kaniya, na kaniyang pinatay ang kaniyang mga lingkod na nagsipatay sa hari na kaniyang ama.
25:4 Nguni't hindi niya pinatay ang kanilang mga anak, kundi gumawa ng ayon sa nakasulat sa kautusan sa aklat ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, ang mga ama ay hindi mangamamatay ng dahil sa mga anak, ni ang mga anak man ay nangamamatay ng dahil sa ama: kundi bawa't tao ay mamamatay dahil sa kaniyang sariling kasalanan.
25:5 Bukod dito'y pinisan ni Amasias ang Juda, at iniutos sa kanila ang ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, sa kapangyarihan ng mga pinunong kawal ng lilibuhin at ng mga pinunong kawal ng dadaanin, sa makatuwid baga'y ang buong Juda at Benjamin: at kaniyang binilang sila mula sa dalawangpung taong gulang na patanda, at nasumpungan niya silang tatlong daang libong piling lalake, na makalalabas sa pakikipagdigma, na makahahawak ng sibat at kalasag.
25:6 Siya'y umupa rin naman ng isang daang libong makapangyarihang lalake na matatapang na mula sa Israel sa halagang isang daang talentong pilak.
25:7 Nguni't naparoon ang isang lalake ng Dios sa kaniya, na nagsasabi, Oh hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel; sapagka't ang Panginoon ay hindi sumasa Israel, sa makatuwid baga'y sa lahat ng mga anak ni Ephraim.
25:8 Nguni't kung ikaw ay yayaon, gumawa kang may katapangan, magpakalakas ka sa pakikipagbaka: ibubuwal ka ng Dios sa harap ng kaaway: sapagka't ang Dios ay may kapangyarihang tumulong at magbuwal.
25:9 At sinabi ni Amasias sa lalake ng Dios, Nguni't anong aming gagawin sa isang daang talento na aking ibinigay sa hukbo ng Israel? At ang lalake ng Dios ay sumagot: Ang Panginoon ay makapagbibigay sa iyo ng mahigit kay sa rito.
25:10 Nang magkagayo'y inihiwalay sila ni Amasias, sa makatuwid baga'y ang hukbo na paparoon sa kaniya na mula sa Ephraim, upang umuwi uli: kaya't ang kanilang galit ay totoong nagalab laban sa Juda, at sila'y nagsiuwi na may malaking galit.
25:11 At si Amasias ay tumapang, at inilabas ang kaniyang bayan, at naparoon sa Libis ng Asin, at sumakit sa mga anak ni Scir ng sangpung libo.
25:12 At sangpung libo ang dinala ng mga anak ni Juda na buhay, at dinala sila sa taluktok ng burol at inihagis sila mula sa taluktok ng burol na anopa't silang lahat ay nagkawaraywaray.
25:13 Nguni't ang mga lalake ng hukbo na ipinabalik ni Amasias, upang sila'y huwag magsisunod sa kaniya sa pakikipagbaka, ay nagsidaluhong sa mga bayan ng Juda, mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon, at nanakit sa kanila ng tatlong libo, at nagsikuha ng maraming samsam.
25:14 Nangyari nga, pagkatapos na si Amasias ay manggaling na mula sa pagpatay sa mga Idumio na kaniyang dinala ang mga dios ng mga anak ni Seir, at inilagay na maging kaniyang mga dios, at yumukod sa harap ng mga yaon, at nagsunog ng kamangyan sa mga yaon.
25:15 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Amasias, at siya'y nagsugo sa kaniya ng isang propeta, na sinabi sa kaniya, Bakit mo hinanap ang dios ng bayan na hindi nakapagligtas ng kanilang sariling bayan sa iyong kamay?
25:16 At nangyari, habang siya'y nakikipagusap sa kaniya, na sinabi ng hari sa kaniya, Ginawa ka ba naming tagapayo ng hari? umurong ka; bakit ka sasaktan? Nang magkagayo'y umurong ang propeta, at nagsabi, Talastas ko na pinasiyahan ng Dios na patayin ka, sapagka't iyong ginawa ito, at hindi mo dininig ang aking payo.
25:17 Nang magkagayo'y kumuhang payo si Amasias na hari sa Juda, at nagsugo kay Joas na anak ni Joachaz na anak ni Jehu, na hari sa Israel, na nagsabi, Halika, tayo'y magtitigan.
25:18 At si Joas na hari sa Israel ay nagsugo kay Amasias na hari sa Juda, na nagsasabi, Ang dawag na nasa Libano, ay nagsugo sa sedro na nasa Libano, na nagsasabi, Ibigay mong asawa ang iyong anak na babae sa aking anak: at nagdaan ang mabangis na hayop na nasa Libano, at niyapakan ang dawag.
25:19 Ikaw ay nagsasabi, Narito, iyong sinaktan ang Edom; at itinaas ka ng iyong puso upang magmalaki: tumahan ka ngayon sa bahay; bakit ibig mong makialam sa iyong ikapapahamak, upang ikaw ay mabuwal, ikaw, at ang Juda na kasama mo?
25:20 Nguni't hindi dininig ni Amasias; sapagka't sa Dios, upang sila'y mabigay sa kamay ng kanilang mga kaaway, sapagka't hinanap nila ang mga dios ng Edom.
25:21 Sa gayo'y umahon si Joas na hari sa Israel; at siya at si Amasias na hari sa Juda ay nagtitigan sa Beth-semes, na ukol sa Juda.
25:22 At ang Juda ay nalagay sa kasamasamaan sa harap ng Israel; at sila'y nagsitakas bawa't isa sa kanikaniyang tolda.
25:23 At kinuha ni Joas na hari sa Israel si Amasias na hari sa Juda, na anak ni Joas, na anak ni Joachaz, sa Beth-semes, at dinala siya sa Jerusalem, at ibinagsak ang kuta ng Jerusalem mula sa pintuang-bayan ng Ephraim hanggang sa pintuang-bayan ng sulok, na apat na raang siko.
25:24 At kinuha niya ang lahat na ginto at pilak, at lahat na sisidlan na nasumpungan sa bahay ng Dios na kay Obed-edom; at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ng mga sanglang tao, at bumalik sa Samaria.
25:25 At si Amasias na anak ni Joas na hari sa Juda ay nabuhay pagkamatay ni Joas na anak ni Joachaz na hari sa Israel na labing limang taon.
25:26 Ang iba nga sa mga gawa ni Amasias, na una at huli, narito, di ba nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Juda at sa Israel?
25:27 Mula sa panahon nga na humiwalay si Amasias sa pagsunod sa Panginoon ay nagsipagbanta sila laban sa kaniya sa Jerusalem; at siya'y tumakas sa Lachis: nguni't pinasundan nila siya sa Lachis, at pinatay siya roon.
25:28 At dinala siya na nakapatong sa mga kabayo, at inilibing siya na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ng Juda.
26:1 At kinuha ng buong bayan ng Juda si Uzzias na may labing anim na taon, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama na si Amasias.
26:2 Kaniyang itinayo ang Eloth at isinauli sa Juda, pagkatapos na ang hari ay makatulog na kasama ng kaniyang mga magulang.
26:3 May labing anim na taon si Uzzias nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limangpu't dalawang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Jecholia na taga Jerusalem.
26:4 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang amang si Amasias.
26:5 At siya'y tumalagang hanapin ang Dios sa mga kaarawan ni Zacharias, na siyang maalam sa pangitain sa Dios: at habang kaniyang hinahanap ang Panginoon, pinagiginhawa siya ng Dios.
26:6 At siya'y lumabas at nakipagdigma laban sa mga Filisteo, at ibinagsak ang kuta ng Gath, at ang kuta ng Jabnia, at ang kuta ng Asdod; at siya'y nagtayo ng mga bayan sa lupain ng Asdod, at sa gitna ng mga Filisteo.
26:7 At tinulungan siya ng Dios laban sa mga Filisteo, at laban sa mga taga Arabia na nagsisitahan sa Gurbaal, at sa mga Meunim.
26:8 At ang mga Ammonita ay nagsipagbigay ng mga kaloob kay Uzzias; at ang kaniyang pangalan ay lumaganap hanggang sa pasukan ng Egipto; sapagka't siya'y lumakas na mainam.
26:9 Bukod dito'y si Uzzias ay nagtayo ng mga moog sa Jerusalem sa pintuang-bayan na nasa panulok, at sa pintuang-bayan sa libis, at sa pagliko ng kuta, at mga pinagtibay.
26:10 At siya'y nagtayo ng mga moog sa ilang, at humukay ng maraming balon, sapagka't siya'y nagkaroon ng maraming kawan; sa mababang lupa rin naman, at sa kapatagan; at siya'y may mangbubukid at manggagawa sa ubasan sa mga bundok at sa mga mabungang bukid; sapagka't siya'y may hilig sa bukiran.
26:11 Bukod dito'y si Uzzias ay may hukbo ng mga manglalaban, na nagsisilabas sa pakikipagdigma na pulupulutong ayon sa bilang ng kanilang kabilangan na ginawa ni Jehiel na kalihim, at ni Maasias na pinuno, sa kapangyarihan ni Hananias, na isa sa mga punong kawal ng hari.
26:12 Ang buong bilang ng mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang, na mga makapangyarihang lalaking matatapang, ay dalawang libo at anim na raan.
26:13 At sa kapangyarihan ng kanilang kamay ay may isang maayos na hukbo, na tatlong daan at pitong libo at limang daan, na nakikipagdigmang may malakas na kapangyarihan, upang tulungan ang hari laban sa kaaway.
26:14 At ipinaghanda sila ni Uzzias sa makatuwid baga'y ang buong hukbo, ng mga kalasag, at mga sibat, at ng mga turbante, at ng mga sapyaw, at ng mga busog, at ng mga bato na ukol sa panghilagpos.
26:15 At siya'y gumawa sa Jerusalem ng mga makina, na katha ng mga bihasang tao, upang malagay sa mga moog at sa kuta upang magpahilagpos ng mga pana at mga malaking bato. At ang kaniyang pangalan ay lumaganap na mainam: sapagka't siya'y tinulungang kagilagilalas hanggang sa siya'y lumakas.
26:16 Nguni't nang siya'y lumakas, ang kaniyang puso ay nagmataas, na anopa't siya'y gumawa ng kapahamakan, at siya'y sumalangsang laban sa Panginoon niyang Dios; sapagka't siya'y pumasok sa templo ng Panginoon upang magsunog ng kamangyan sa ibabaw ng dambana ng kamangyan.
26:17 At si Azarias na saserdote ay pumasok pagkatapos niya, at kasama niya'y walong pung saserdote ng Panginoon, na mga matapang na lalake:
26:18 At kanilang hinadlangan si Uzzias na hari, at nagsipagsabi sa kaniya, Hindi nauukol sa iyo, Uzzias, na magsunog ng kamangyan sa Panginoon, kundi sa mga saserdote na mga anak ni Aaron, na mga itinalaga na magsunog ng kamangyan; lumabas ka sa santuario; sapagka't ikaw ay sumalangsang; ni di magiging karangalan sa iyo sa ganang Panginoong Dios.
26:19 Nang magkagayo'y si Uzzias ay naginit; at siya'y may suuban sa kaniyang kamay upang magsunog ng kamangyan; at habang siya'y nagiinit sa mga saserdote, ang ketong ay lumabas sa kaniyang noo sa harap ng mga saserdote sa bahay ng Panginoon, sa siping ng dambana ng kamangyan,
26:20 At si Azarias na punong saserdote, at ang lahat ng mga saserdote, ay nagsitingin sa kaniya, at narito, siya'y may ketong sa kaniyang noo, at kanilang itinulak siya na madalian mula roon; oo, siya nama'y nagmadaling lumabas sapagka't sinaktan siya ng Panginoon.
26:21 At si Uzzias na hari ay nagkaketong hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan, at tumahan sa bahay na bukod dahil sa may ketong: sapagka't siya'y nahiwalay sa bahay ng Panginoon; at si Joatham na kaniyang anak ay katiwala ng bahay ng hari, na humahatol sa bayan ng lupain.
26:22 Ang iba nga sa mga gawa ni Uzzias, na una at huli, isinulat ni Isaias na propeta, na anak ni Amos.
26:23 Sa gayo'y natulog si Uzzias na kasama ng kaniyang mga magulang; at inilibing nila siya na kasama ng kaniyang mga magulang sa parang na libingan na ukol sa mga hari; sapagka't kanilang sinabi, Siya'y may ketong: at si Joatham na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
27:1 Si Joatham ay may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Jerusa na anak ni Sadoc.
27:2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang amang si Uzzias: gayon ma'y hindi siya pumasok sa templo ng Panginoon, At ang bayan ay gumawa pa ng kapahamakan.
27:3 Siya'y nagtayo ng mataas na pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, at sa kuta ng Ophel ay nagtayo siya ng marami.
27:4 Bukod dito'y nagtayo siya ng mga bayan sa lupaing maburol ng Juda, at sa mga gubat ay nagtayo siya ng mga palasyo at mga moog.
27:5 Siya'y nakipaglaban din naman sa hari ng mga anak ni Ammon, at nanaig laban sa kanila. At ang mga anak ni Ammon ay nagsipagbigay sa kaniya ng taon ding yaon ng isang daang talentong pilak, at sangpung libong karo ng trigo, at sangpung libo ng sebada. Gayon ding karami ang ibinayad ng mga anak ni Ammon sa kaniya sa ikalawang taon naman, at sa ikatlo.
27:6 Sa gayo'y si Joatham ay naging makapangyarihan, sapagka't kaniyang inayos ang kaniyang mga lakad sa harap ng Panginoon niyang Dios.
27:7 Ang iba nga sa mga gawa ni Joatham, at ang lahat niyang mga pakikipagdigma, at ang kaniyang mga lakad, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel, at sa Juda.
27:8 Siya'y may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari, at nagharing labing anim na taon sa Jerusalem.
27:9 At si Joatham ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan ni David: at si Achaz na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
28:1 Si Achaz ay may dalawangpung taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at hindi siya gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, na gaya ni David na kaniyang magulang.
28:2 Kundi siya'y lumakad ng mga lakad ng mga hari sa Israel, at iginawa rin naman ng mga larawang binubo ang mga Baal.
28:3 Bukod dito'y nagsunog siya ng kamangyan sa libis ng anak ni Hinnom, at sinunog ang kaniyang mga anak sa apoy, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na mga pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
28:4 At siya'y naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako, at sa mga burol, at sa ilalim ng bawa't punong kahoy na sariwa.
28:5 Kaya't ibinigay ng Panginoon niyang Dios siya sa kamay ng hari sa Siria; at sinaktan nila siya, at tumangay sa kaniya ng isang malaking karamihang bihag, at mga dinala sa Damasco. At siya nama'y nabigay sa kamay ng hari sa Israel na siyang sumakit sa kaniya ng malaking pagpatay.
28:6 Sapagka't si Peca na anak ni Remalias ay pumatay sa Juda ng isang daan at dalawangpung libo sa isang araw, silang lahat ay mga matapang na lalake; sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang.
28:7 At pinatay ni Zichri, na makapangyarihang lalake sa Ephraim, si Maasias na anak ng hari, at si Azricam na pinuno sa bahay, at si Elcana na pangalawa ng hari.
28:8 At ang mga anak ni Israel ay nagsipagdala ng bihag sa kanilang mga kapatid na dalawang daang libo, mga babae, mga anak na lalake at babae, at nagsipaglabas din ng maraming samsam na mula sa kanila, at dinala ang samsam sa Samaria.
28:9 Nguni't isang propeta ng Panginoon ay nandoon, na ang pangalan ay Obed: at siya'y lumabas na sinalubong ang hukbo na dumarating sa Samaria, at sinabi sa kanila, Narito, sapagka't ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, ay naginit sa Juda, ay ibinigay niya sila sa inyong kamay, at inyong pinatay sila sa isang pagaalab ng loob na umaabot hanggang sa langit.
28:10 At ngayo'y inyong inaakalang pasukuin ang mga anak ni Juda at ng Jerusalem na maging pinaka aliping lalake at babae sa inyo: wala ba kayong pagsalangsang sa inyong sarili laban sa Panginoon ninyong Dios?
28:11 Ngayo'y dinggin nga ninyo ako, at pabalikin ninyo ang mga bihag, na inyong kinuhang bihag sa inyong mga kapatid: sapagka't ang malaking pagiinit ng Panginoon ay dumating sa inyo.
28:12 Nang magkagayo'y ilan sa mga pangulo sa mga anak ni Ephraim, si Azarias na anak ni Johanan, si Berachias na anak ni Mesillemoth at si Ezechias na anak ni Sallum, at si Amasa na anak ni Hadlai, ay nagsitayo laban sa kanila na nanggaling sa pakikipagdigma,
28:13 At sinabi sa kanila, Huwag kayong magsisipagdala ng mga bihag dito: sapagka't inyong inaakala na magdala sa atin ng pagsalangsang laban sa Panginoon, upang idagdag sa ating mga kasalanan at sa ating mga pagsalangsang: sapagka't ang ating pagsalangsang ay malaki, at may malaking pagiinit laban sa Israel.
28:14 Sa gayo'y iniwan ng mga lalaking may sakbat ang mga bihag at ang mga samsam sa harap ng mga prinsipe at ng buong kapisanan.
28:15 At ang mga lalaking nasaysay sa pangalan ay nagsitindig, at kinuha ang mga bihag, at sa samsam ay binihisan ang lahat na hubad sa kanila, at dinamtan at sinapatusan, at mga pinakain at pinainom, at mga pinahiran ng langis, at dinala ang lahat na mahina sa kanila na nakasakay sa mga asno, at mga dinala sa Jerico, na bayan ng mga puno ng palma, sa kanilang mga kapatid: saka nagsibalik sila sa Samaria.
28:16 Nang panahong yao'y nagsugo ang haring Achaz sa mga hari sa Asiria upang tulungan siya.
28:17 Sapagka't nagsiparoon uli ang mga Idumeo at sinaktan ang Juda, at dinalang bihag.
28:18 Nilusob naman ng mga Filisteo ang mga bayan ng mababang lupain, at ang Timugan ng Juda, at sinakop ang Beth-semes, at ang Ajalon, at ang Gederoth, at ang Socho pati ang mga nayon niyaon, at ang Timna pati ang mga nayon niyaon, ang Gimzo man at ang mga nayon niyaon: at sila'y nagsitahan doon.
28:19 Sapagka't ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil kay Achaz na hari sa Israel; sapagka't hinubaran ang Juda, at sumalangsang na mainam laban sa Panginoon.
28:20 At si Tilgath-pilneser na hari sa Asiria ay naparoon sa kaniya, at ginipit siya, nguni't hindi siya pinalakas.
28:21 Sapagka't si Achas ay kumuha ng bahagi sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari at sa mga prinsipe, at ibinigay sa hari sa Asiria: nguni't hindi siya tinulungan.
28:22 At sa panahon ng kaniyang kagipitan ay lalo pa manding sumalangsang siya laban sa Panginoon, ang hari ring ito na si Achaz.
28:23 Sapagka't siya'y naghain sa mga dios ng Damasco, na sumakit sa kaniya: at sinabi niya, Sapagka't tinulungan sila ng mga dios ng mga hari sa Siria, kaya't ako'y maghahain sa kanila, upang tulungan nila ako. Nguni't sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel.
28:24 At pinisan ni Achaz ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at pinagputolputol ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at isinara ang mga pinto ng bahay ng Panginoon; at siya'y gumawa sa kaniya ng mga dambana sa bawa't sulok ng Jerusalem.
28:25 At sa bawa't iba't ibang bayan ng Juda ay gumawa siya ng mga mataas na dako upang pagsunugan ng kamangyan sa mga ibang dios, at minungkahi sa galit ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang.
28:26 Ang iba nga sa kaniyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, na una at huli, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Juda at Israel.
28:27 At si Achaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan, sa Jerusalem; sapagka't hindi nila dinala siya sa mga libingan ng mga hari sa Israel: at si Ezechias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
29:1 Si Ezechias ay nagpasimulang maghari nang siya'y dalawangpu't limang taon: at siya'y naghari na dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem, at ang pangalan ng kaniyang ina ay Abia na anak ni Zacharias.
29:2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni David na kaniyang magulang.
29:3 Siya'y nagbukas sa unang taon ng kaniyang paghahari, na unang buwan, ng mga pinto ng bahay ng Panginoon, at mga hinusay.
29:4 At kaniyang ipinasok ang mga saserdote at mga Levita, at pinisan sila sa maluwang na dako sa silanganan,
29:5 At sinabi sa kanila, Dinggin ninyo ako, ninyong mga Levita; ngayo'y mangagpakabanal kayo, at italaga ninyo ang bahay ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, at ilabas ninyo ang dumi mula sa dakong banal.
29:6 Sapagka't ang ating mga magulang ay nagsisalangsang, at nagsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon nating Dios, at pinabayaan siya, at itinalikod ang kanilang mga mukha sa tahanan ng Panginoon, at nagsitalikod.
29:7 Kanila ring isinara ang mga pinto ng portiko, at pinatay ang mga ilawan, at hindi nagsipagsunog ng kamangyan ni nagsipaghandog man ng mga handog na susunugin sa dakong banal sa Dios ng Israel.
29:8 Kaya't ang pagiinit ng Panginoon ay dumating sa Juda at Jerusalem, at ibinigay niya sila upang hamakin saa't saan man, upang maging katigilan, at kasutsutan, gaya ng inyong nakikita ng inyong mga mata.
29:9 Sapagka't narito, ang ating mga magulang ay nangabuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang ating mga anak na lalake at babae at ang ating mga asawa ay nangasa pagkabihag dahil dito.
29:10 Nasa akin ngang puso na makipagtipan sa Panginoon, sa Dios ng Israel, upang ang kaniyang malaking galit ay maalis sa atin.
29:11 Mga anak ko, huwag kayong mangagpabaya: sapagka't pinili kayo ng Panginoon upang magsitayo sa harap niya, upang magsipangasiwa sa kaniya, at kayo'y maging kaniyang mga tagapangasiwa, at mangagsunog kayo ng kamangyan.
29:12 Nang magkagayo'y nagsitindig ang mga Levita, si Mahath na anak ni Amasai, at si Joel na anak ni Azarias sa mga anak ng mga Coathita: at sa mga anak ni Merari, si Cis na anak ni Abdi, at si Azarias na anak ni Jehaleleel: at sa mga Gersonita, si Joah na anak ni Zimma, at si Eden na anak ni Joah:
29:13 At sa mga anak ni Elisaphan, si Simri, at si Jehiel: at sa mga anak ni Asaph, si Zacharias at si Mathanias:
29:14 At sa mga anak ni Heman, si Jehiel at si Simi: at sa mga anak ni Jeduthun, si Semeias at si Uzziel.
29:15 At pinisan nila ang kanilang mga kapatid, at nangagpakabanal, at nagsipasok ayon sa utos ng hari sa pamamagitan ng mga salita ng Panginoon, upang linisin ang bahay ng Panginoon.
29:16 At ang mga saserdote ay nagsipasok sa pinakaloob ng bahay ng Panginoon, upang linisin, at inilabas ang lahat na dumi na kanilang nasumpungan sa templo ng Panginoon. At kinuha ng mga Levita upang ilabas sa batis ng Cedron.
29:17 Sila nga'y nagpasimula na mangagpakabanal nang unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw ng buwan ay nagsiparoon sila sa portiko ng Panginoon; at kanilang itinalaga ang bahay ng Panginoon sa walong araw; at sa ikalabing anim na araw ng unang buwan ay kanilang niwakasan.
29:18 Nang magkagayo'y kanilang pinasok si Ezechias na hari, sa loob ng palasio, at kanilang sinabi, Aming nilinis ang buong bahay ng Panginoon, at ang dambana ng handog na susunugin, pati ng lahat na kasangkapan niyaon, at ang dulang ng tinapay na handog, pati ng lahat na kasangkapan niyaon.
29:19 Bukod dito'y lahat na kasangkapan, na inihagis ng haring Achaz sa kaniyang paghahari, nang siya'y sumalangsang, aming inihanda at itinalaga, at, narito, nangasa harap ng dambana ng Panginoon.
29:20 Nang magkagayo'y si Ezechias na hari ay bumangong maaga, at pinisan ang mga prinsipe ng bayan, at sumampa sa bahay ng Panginoon.
29:21 At sila'y nagsipagdala ng pitong baka, at pitong tupa, at pitong kordero, at pitong kambing na lalake, na pinakahandog dahil sa kasalanan sa ikagagaling ng kaharian, at ng santuario, at ng Juda. At siya'y nagutos sa mga saserdote na mga anak ni Aaron na ihandog ang mga yaon sa dambana ng Panginoon.
29:22 Sa gayo'y kanilang pinatay ang mga baka, at tinanggap ng mga saserdote ang dugo, at iniwisik sa dambana: at kanilang pinatay ang mga tupa, at iwinisik ang dugo sa ibabaw ng dambana: pinatay rin nila ang mga kordero, at iniwisik ang dugo sa ibabaw ng dambana.
29:23 At kanilang inilapit ang mga kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan sa harap ng hari at ng kapisanan; at ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga yaon:
29:24 At mga pinatay ng mga saserdote, at sila'y nagsigawa ng isang handog dahil sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng mga yaon sa ibabaw ng dambana, upang itubos sa buong Israel: sapagka't iniutos ng hari na ang handog na susunugin at ang handog dahil sa kasalanan ay gagawin para sa buong Israel.
29:25 At kaniyang inilagay ang mga Levita sa bahay ng Panginoon na may mga simbalo, may mga salterio, at may mga alpa, ayon sa utos ni David, at ni Gad na tagakita ng hari, at ni Nathan na propeta: sapagka't ang utos ay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta.
29:26 At ang mga Levita ay nagsitayo na may mga panugtog ni David, at ang mga saserdote na may mga pakakak.
29:27 At si Ezechias ay nagutos na maghandog ng handog na susunugin sa ibabaw ng dambana. At nang ang handog na susunugin ay pasimulan, ang awit sa Panginoon ay pinasimulan naman, at ang mga pakakak, pati ang mga panugtog ni David na hari sa Israel.
29:28 At ang buong kapisanan ay sumamba, at ang mga mangaawit ay nagsiawit, at ang mga manghihihip ng pakakak ay nangagpatunog; lahat ng ito ay ipinagpatuloy hanggang sa ang handog na susunugin ay natapos.
29:29 At nang sila'y makatapos ng paghahandog ang hari at ang lahat na nakaharap na kasama niya ay nagsiyukod at nagsisamba.
29:30 Bukod dito'y iniutos ni Ezechias na hari at ng mga prinsipe sa mga Levita na magsiawit ng mga pagpuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ni David, at ni Asaph na tagakita. At sila'y nagsiawit ng mga pagpuri na may kasayahan, at kanilang itinungo ang kanilang mga ulo at nagsisamba.
29:31 Nang magkagayo'y sumagot si Ezechias na nagsabi, Ngayo'y nagsitalaga kayo sa Panginoon, kayo'y magsilapit at mangagdala ng mga hain at mga handog na pasalamat sa bahay ng Panginoon: At nagdala ng mga hain at ng mga handog na pasalamat ang kapisanan; at lahat ng may kusang kalooban ay nagsipagdala ng mga handog na susunugin.
29:32 At ang bilang ng mga handog na susunugin na dinala ng kapisanan, pitongpung baka, isang daang tupang lalake, dalawang daang kordero: lahat ng mga ito ay pinakahandog na susunugin sa Panginoon.
29:33 At ang mga bagay na itinalaga ay anim na raang baka at tatlong libong tupa.
29:34 Nguni't ang mga saserdote ay naging kakaunti, na anopa't hindi nila malapnusan ang lahat na handog na susunugin kaya't tinulungan sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita, hanggang sa natapos ang gawain, at hanggang sa nangagpakabanal ang mga saserdote; sapagka't ang mga Levita ay matuwid ang puso na mangagpakabanal na higit kay sa mga saserdote.
29:35 At ang mga handog na susunugin naman ay sagana, pati ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at pati ang mga handog na inumin na ukol sa bawa't handog na susunugin. Sa gayo'y ang paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay naayos.
29:36 At si Ezechias ay nagalak, at ang buong bayan, dahil sa inihanda ng Dios ang bayan: sapagka't ang bagay ay biglang nagawa.
30:1 At si Ezechias ay nagsugo sa buong Israel at Juda, at sumulat ng mga liham naman sa Ephraim at Manases, na sila'y magsiparoon sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskua sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
30:2 Sapagka't ang hari ay nakipagsanggunian, at ang kaniyang mga prinsipe, at ang buong kapisanan sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskua sa ikalawang buwan.
30:3 Sapagka't hindi nila maipangilin sa panahong yaon, sapagka't ang mga saserdote ay hindi nangagpakabanal sa sukat na bilang, ni nagsipisan man ang bayan sa Jerusalem.
30:4 At ang bagay ay matuwid sa harap ng mga mata ng hari at sa buong kapisanan.
30:5 Sa gayo'y itinatag nila ang pasiya upang magtanyag sa buong Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na sila'y magsisiparoon na ipangilin ang paskua sa Panginoon, sa Dios ng Israel, sa Jerusalem: sapagka't hindi nila ipinagdiwang sa malaking bilang sa gayong paraan na gaya ng nakasulat.
30:6 Sa gayo'y ang mga mangdadala ng sulat ay nagsiyaong dala ang sulat na mula sa hari at sa kaniyang mga prinsipe sa buong Israel at Juda, at ayon sa utos ng hari, na sinasabi, Kayong mga anak ni Israel manumbalik kayo sa Panginoon, sa Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, upang siya'y manumbalik sa nalabi na nakatanan sa inyo na mula sa kamay ng mga hari sa Asiria.
30:7 At kayo'y huwag maging gaya ng inyong mga magulang, at gaya ng inyong mga kapatid, na nagsisalangsang laban sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang, na anopa't ibinigay niya sila sa pagkapahamak, gaya ng inyong nakikita.
30:8 Ngayo'y huwag kayong maging mapagmatigas na ulo, na gaya ng inyong mga magulang; kundi magsitalaga kayo sa Panginoon, at magsipasok sa kaniyang santuario, na kaniyang itinalaga magpakailan man at kayo'y mangaglingkod sa Panginoon ninyong Dios, upang ang kaniyang malaking galit ay maalis sa inyo.
30:9 Sapagka't kung kayo'y manumbalik sa Panginoon, ang inyong mga kapatid at ang inyong mga anak ay mangagkakasumpong ng habag sa harap nilang nagsibihag, at magsisibalik sa lupaing ito: sapagka't ang Panginoon ninyong Dios ay mapagbiyaya at maawain, at hindi itatalikod ang kaniyang mukha sa inyo, kung kayo'y manumbalik sa kaniya.
30:10 Sa gayo'y ang mangdadala ng sulat ay nagdaan sa bayan at bayan sa lupain ng Ephraim at Manases hanggang sa Zabulon: nguni't sila'y tinatawanang mainam, at tinutuya sila.
30:11 Gayon ma'y ang iba sa Aser, at sa Manases, at sa Zabulon ay nangagpakumbaba, at nagsiparoon sa Jerusalem.
30:12 Suma Juda naman ang kamay ng Dios upang papagisahing puso sila upang gawin ang utos ng hari at ng mga prinsipe sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.
30:13 At nagpupulong sa Jerusalem ang maraming tao upang ipagdiwang ang kapistahan ng tinapay na walang lebadura sa ikalawang buwan, na isang totoong malaking kapisanan.
30:14 At sila'y nagsitindig at inalis ang mga dambana na nangasa Jerusalem, at ang lahat na dambana na ukol sa kamangyan ay inalis nila, at kanilang inihagis sa batis ng Cedron.
30:15 Nang magkagayo'y kanilang pinatay ang kordero ng paskua nang ikalabing apat ng ikalawang buwan: at ang mga saserdote at ang mga Levita ay nangapahiya, at nangagpakabanal, at nangagdala ng mga handog na susunugin sa bahay ng Panginoon.
30:16 At sila'y nagsitayo sa kanilang dako ayon sa kanilang ayos, ayon sa kautusan ni Moises na lalake ng Dios: iniwisik ng mga saserdote ang dugo, na kanilang tinanggap sa kamay ng mga Levita.
30:17 Sapagka't marami sa kapisanan na hindi nangagpakabanal; kaya't ang mga Levita ang may katungkulan ng pagpatay sa kordero ng paskua na ukol sa bawa't isa na hindi malinis, upang mga italaga sa Panginoon.
30:18 Sapagka't isang karamihan sa bayan, sa makatuwid baga'y marami sa Ephraim at sa Manases, sa Issachar, at sa Zabulon, ay hindi nangagpakalinis, gayon ma'y nagsikain sila ng kordero ng paskua na hindi gaya ng nasusulat. Sapagka't idinalangin sila ni Ezechias, na sinasabi, Patawarin nawa ng mabuting Panginoon ang bawa't isa.
30:19 Na naglalagak ng kaniyang puso upang hanapin ang Dios, ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang, bagaman hindi siya nalinis ng ayon sa paglilinis sa santuario.
30:20 At dininig ng Panginoon si Ezechias, at pinagaling ang bayan.
30:21 At ang mga anak ni Israel na nakaharap sa Jerusalem ay nagdiwang ng kapistahan ng tinapay na walang lebadura na pitong araw, na may malaking kasayahan: at ang mga Levita at ang mga saserdote ay nagsipuri araw-araw sa Panginoon na nagsisiawit na may matunog na panugtog sa Panginoon.
30:22 At si Ezechias ay nagsalitang may kagandahang loob sa lahat na Levita sa mga matalino sa paglilingkod sa Panginoon. Sa gayo'y nagsikain sila sa buong kapistahan sa loob ng pitong araw, na nangaghahandog ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, at nangagpahayag ng kasalanan sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.
30:23 At ang buong kapisanan ay nagsanggunian upang magdiwang ng ibang pitong araw: at sila'y nangagdiwang ng ibang pitong araw na may kasayahan.
30:24 Sapagka't si Ezechias na hari sa Juda ay nagbigay sa kapisanan ng pinakahandog na isang libong baka at pitong libong tupa; at ang mga prinsipe ay nangagbigay sa kapisanan ng isang libong baka at sangpung libong tupa; at lubhang maraming bilang ng mga saserdote ay nangagpakabanal.
30:25 At ang buong kapisanan ng Juda, pati ng mga saserdote at mga Levita, at ang buong kapisanan na lumabas sa Israel, at ang mga taga ibang lupa na nagsilabas sa lupain ng Israel, at nagsitahan sa Juda, ay nangagalak.
30:26 Sa gayo'y nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem: sapagka't mula sa panahon ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel, ay hindi nagkaroon ng gayon sa Jerusalem.
30:27 Nang magkagayo'y ang mga saserdote na mga Levita ay nagsitindig at binasbasan ang bayan: at ang kanilang tinig ay narinig, at ang kanilang dalangin ay umilanglang sa kaniyang banal na tahanan, hanggang sa langit.
31:1 Nang matapos nga ang lahat ng ito, ang buong Israel na nakaharap ay lumabas sa mga bayan ng Juda, at pinagputolputol ang mga haligi na pinakaalaala, at ibinuwal ang mga Asera, at iginiba ang mga mataas na dako at ang mga dambana mula sa buong Juda at Benjamin, sa Ephraim man at sa Manases, hanggang sa kanilang naigibang lahat. Nang magkagayo'y ang lahat ng mga anak ni Israel ay nagsibalik, bawa't isa'y sa kaniyang pag-aari, sa kanilang sariling mga bayan.
31:2 At inihalal ni Ezechias ang mga bahagi ng mga saserdote, at ng mga Levita ayon sa kanilang pagkakabahagi, bawa't lalake ay ayon sa kaniyang katungkulan, ang mga saserdote at gayon din ang mga Levita, na ukol sa mga handog na susunugin at sa mga handog tungkol sa kapayapaan, upang magsipangasiwa, at upang mangagpasalamat, at upang mangagpuri sa mga pintuang-daan ng hantungan ng Panginoon.
31:3 Itinakda naman niya ang bahagi ng hari sa kaniyang pag-aari na ukol sa mga handog na susunugin, sa makatuwid baga'y sa mga handog na susunugin sa umaga at sa hapon, at ang mga handog na susunugin sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na gaya ng nakasulat sa kautusan ng Panginoon.
31:4 Bukod dito'y inutusan niya ang bayan na tumatahan sa Jerusalem, na ibigay ang pagkain ng mga saserdote at ng mga Levita, upang magsitalaga sa kautusan ng Panginoon.
31:5 At paglabas ng utos, ang mga anak ni Israel ay nangagbigay na sagana ng mga unang bunga ng trigo, alak, at langis, at pulot, at sa lahat na bunga sa bukid; at ang ikasangpung bahagi ng lahat na bagay ay dinala nila na sagana.
31:6 At ang mga anak ni Israel at ni Juda, na nagsisitahan sa mga bayan ng Juda, sila nama'y nangagdala ng ikasangpung bahagi ng mga baka at mga tupa, at ng ikasangpung bahagi ng mga itinalagang bagay na mga itinalaga sa Panginoon nilang Dios, at inilagay ang mga yaon na bunton bunton.
31:7 Nang ikatlong buwan ay nangagpasimula silang naglagay ng pasimula ng mga bunton, at nangatapos sa ikapitong buwan.
31:8 At nang pumaroon si Ezechias at ang mga prinsipe at makita ang mga bunton, kanilang pinuri ang Panginoon, at ang kaniyang bayang Israel.
31:9 Nang magkagayo'y nagtanong si Ezechias sa mga saserdote at sa mga Levita tungkol sa mga bunton.
31:10 At si Azarias na punong saserdote sa bahay ni Sadoc, ay sumagot sa kaniya, at nagsabi, Mula ng magpasimulang magdala ang bayan ng mga alay sa bahay ng Panginoon, kami ay nagsikain at nangabusog kami, at lumabis ng sagana sapagka't pinagpala ng Panginoon ang kaniyang bayan; at ang naiwan ay ang malaking kasaganaang ito.
31:11 Nang magkagayo'y nagutos si Ezechias na maghanda ng mga silid sa bahay ng Panginoon; at inihanda nila.
31:12 At kanilang pinagdalhan ng mga alay at ng mga ikasangpung bahagi, at ng mga itinalagang bagay, na may pagtatapat. At sa mga yaon ay katiwala si Chonanias na Levita, at si Simi na kaniyang kapatid ay siyang ikalawa.
31:13 At si Jehiel, at si Azazias, at si Nahat, at si Asael, at si Jerimoth, at si Josabad, at si Eliel, at si Ismachias, at si Mahaath, at si Benaias, ay mga tagapangasiwa sa kapangyarihan ng kamay ni Chonanias, at ni Simi na kaniyang kapatid, ayon sa pagkahalal ni Ezechias, na hari, at ni Azarias na tagapamahala sa bahay ng Dios.
31:14 At si Core na anak ni Imna na Levita, na tagatanod-pinto sa silanganang pintuang-daan, ay katiwala sa mga kusang handog sa Dios, upang magbahagi ng mga alay sa Panginoon, at ng mga kabanalbanalang bagay.
31:15 At nasa kapangyarihan niya si Eden, at si Benjamin, at si Jeshua, at si Semaias, si Amarias, at si Sechanias, sa mga bayan ng mga saserdote, sa kanilang takdang katungkulan, upang magbigay sa kanilang mga kapatid ng ayon sa mga bahagi, gayon sa malaki na gaya sa maliit:
31:16 Bukod doon sa nangabilang sa mga talaan ng lahi ng mga lalake, na mula sa tatlong taong gulang na patanda, sa makatuwid baga'y sa bawa't pumapasok sa bahay ng Panginoon, ayon sa kailangan sa bawa't araw, na ukol sa kanilang paglilingkod sa kanilang mga katungkulan ayon sa kanilang mga bahagi.
31:17 At silang mangabilang sa pamamagitan ng talaan ng lahi ng mga saserdote ayon sa sangbahayan ng kanilang mga magulang, at ang mga Levita mula sa dalawangpung taong gulang na patanda, sa kanilang mga katungkulan ayon sa kanilang mga bahagi;
31:18 At silang nangabilang sa pamamagitan ng talaan ng lahi ng lahat nilang mga bata, ng kanilang mga asawa, at ng kanilang mga anak na lalake at babae, sa buong kapisanan: sapagka't sa kanilang takdang katungkulan ay nangagpakabanal:
31:19 Gayon din sa mga anak ni Aaron na mga saserdote, na nangasa bukiran ng mga nayon ng kanilang mga bayan, sa bawa't iba't ibang bayan, may mga lalake na nasaysay sa pangalan, upang magbigay ng mga pagkain sa lahat na lalake na saserdote, at sa lahat na nangabilang ayon sa talaan ng lahi ng mga Levita.
31:20 At ganito ang ginawa ni Ezechias sa buong Juda; at siya'y gumawa ng mabuti, at matuwid, at tapat sa harap ng Panginoon niyang Dios.
31:21 At sa bawa't gawain na kaniyang pinasimulan sa paglilingkod sa bahay ng Dios, at sa kautusan at sa mga utos, upang hanapin ang kaniyang Dios, kaniyang ginawa ng buong puso niya, at guminhawa.
32:1 Pagkatapos ng mga bagay na ito, at ng pagtatapat na ito, ay naparoon si Sennacherib na hari sa Asiria at pumasok sa Juda, at humantong laban sa mga bayan na nakukutaan, at kaniyang inisip sakupin upang kaniyahin.
32:2 At nang makita ni Ezechias na si Sennacherib ay dumating, at siya'y tumalaga na lumaban sa Jerusalem,
32:3 Ay nakipagsanggunian siya sa kaniyang mga prinsipe at sa kaniyang mga makapangyarihang lalake upang patigilin ang tubig sa mga bukal na nangasa labas ng bayan at kanilang tinulungan siya.
32:4 Sa gayo'y nagpipisan ang maraming tao sa bayan at kanilang pinatigil ang lahat na bukal, at ang batis na umaagos sa gitna ng lupain, na sinasabi, Bakit paririto ang mga hari sa Asiria, at makakasumpong ng maraming tubig?
32:5 At siya'y nagdalang tapang, at itinayo niya ang lahat na kuta na nabagsak, at pinataas pa ang mga moog, at ang ibang kuta sa labas, at pinagtibay ang Millo sa bayan ni David, at gumawa ng mga sandata at mga kalasag na sagana.
32:6 At siya'y naglagay ng mga pinunong kawal sa bayan na mangdidigma, at pinisan niya sila sa luwal na dako sa pintuang-bayan, at nagsalita na may kagandahang loob sa kanila, na sinasabi,
32:7 Kayo'y mangagpakalakas at mangagpakatapang na mabuti, huwag ninyong katakutan o panglupaypayan man ang hari sa Asiria, o ang buong karamihan man na kasama niya; sapagka't may lalong dakila sa atin kay sa kaniya:
32:8 Sumasakaniya ay isang kamay na laman; nguni't sumasaatin ay ang Panginoon nating Dios upang tulungan tayo, at ipakipaglaban ang ating mga pagbabaka, At ang bayan ay sumandal sa mga salita ni Ezechias na hari sa Juda.
32:9 Pagkatapos nito'y sinugo ni Sennacherib na hari sa Asiria ang kaniyang mga lingkod sa Jerusalem, (siya nga'y nasa harap ni Lachis, at ang kaniyang buong kapangyarihan ay sumasa kaniya,) kay Ezechias na hari sa Juda, at sa buong Juda na nasa Jerusalem, na sinasabi,
32:10 Ganito ang sabi ni Sennacherib na hari sa Asiria, Sa ano kayo nagsisiasa na kayo'y nagsisitahan sa pagkakubkob sa Jerusalem?
32:11 Hindi ba kayo hinihikayat ni Ezechias, upang kayo'y ibigay sa pagkamatay sa pamamagitan ng kagutom at ng kauhaw, na sinasabi, Ililigtas tayo ng Panginoon nating Dios sa kamay ng hari sa Asiria?
32:12 Hindi ba ang Ezechias ding ito ang nagalis ng kaniyang mga mataas na dako at ng kaniyang mga dambana, at nagutos sa Juda at sa Jerusalem, na sinasabi, Kayo'y magsisisamba sa harap ng isang dambana, at sa ibabaw niyao'y mangagsusunog kayo ng kamangyan.
32:13 Hindi ba ninyo nalalaman, kung ano ang ginawa ko at ng aking mga magulang sa lahat ng bayan ng mga lupain? Ang mga dios ba ng mga bansa ng mga lupain ay nakapagligtas sa anomang paraan ng kanilang lupain sa aking kamay?
32:14 Sino sa lahat ng mga dios ng mga bansang yaon na lubos na giniba ng aking mga magulang na nakapagligtas ng kaniyang bayan sa aking kamay, upang kayo'y mailigtas ng inyong Dios sa aking kamay?
32:15 Kaya't huwag nga kayong padaya kay Ezechias, ni hikayatin kayo ng ganitong paraan, ni paniwalaan man ninyo siya: sapagka't walang dios sa alinmang bansa o kaharian na nakapagligtas ng kaniyang bayan sa aking kamay, at sa kamay ng aking mga magulang: gasino pa nga kaya ang inyong Dios na makapagliligtas sa inyo sa aking kamay?
32:16 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsalita pa laban sa Panginoong Dios, at laban sa kaniyang lingkod na si Ezechias.
32:17 Siya'y sumulat din ng mga sulat upang tungayawin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, at upang magsalita laban sa kaniya, na sinasabi, Kung paanong hindi iniligtas ng mga dios ng mga bansa ng mga lupain ang kanilang bayan sa aking kamay, gayon hindi iniligtas ng Dios ni Ezechias ang kaniyang bayan sa aking kamay.
32:18 At siya'y sumigaw ng malakas sa wikang Judio sa bayan ng Jerusalem na nasa kuta, upang takutin sila, at upang bagabagin sila; upang kanilang masakop ang bayan.
32:19 At sila'y nangagsalita tungkol sa Dios ng Jerusalem, na gaya sa mga dios ng mga bayan sa lupa, na gawa ng mga kamay ng mga tao.
32:20 At si Ezechias na hari, at si Isaias na propeta na anak ni Amos, ay nagsidalangin dahil dito, at nagsidaing sa langit.
32:21 At ang Panginoon ay nagsugo ng isang anghel, na naghiwalay ng lahat na makapangyarihang lalaking may tapang, at ng mga pangulo at mga pinunong kawal, sa kampamento ng hari sa Asiria. Sa gayo'y bumalik siya na nahihiya sa kaniyang sariling lupain. At nang siya'y dumating sa bahay ng kaniyang dios, ay pinatay siya roon ng tabak ng nagsilabas sa kaniyang sariling tiyan.
32:22 Ganito iniligtas ng Panginoon si Ezechias at ang mga taga Jerusalem sa kamay ni Sennacherib na hari, sa Asiria, at sa kamay ng lahat na iba, at pinatnubayan sila sa bawa't dako.
32:23 At marami ay nangagdala ng mga kaloob ng Panginoon sa Jerusalem, at ng mga mahalagang bagay kay Ezechias na hari sa Juda: na anopa't siya'y nataas sa paningin ng lahat na bansa mula noon.
32:24 Nang mga araw na yao'y nagkasakit ng ikamamatay si Ezechias: at siya'y dumalangin sa Panginoon; at siya'y nagsalita sa kaniya, at binigyan niya siya ng tanda.
32:25 Nguni't si Ezechias ay hindi nagbayad uli ng ayon sa kabutihang ginawa sa kaniya; sapagka't ang kaniyang puso ay nagmataas: kaya't nagkaroon ng kapootan sa kaniya, at sa Juda, at sa Jerusalem.
32:26 Gayon ma'y nagpakababa si Ezechias dahil sa kapalaluan ng kaniyang puso, siya, at gayon din ang mga taga Jerusalem, na anopa't ang poot ng Panginoon ay hindi dumating sa kanila sa mga kaarawan ni Ezechias.
32:27 At si Ezechias ay nagkaroon ng malabis na mga kayamanan at karangalan: at siya'y nagtaan para sa kaniya, ng mga ingatang-yaman na ukol sa pilak, at sa ginto; at sa mga mahalagang bato, at sa mga espisia, at sa mga kalasag, at sa lahat na sarisaring mabubuting mga sisidlan:
32:28 Mga kamalig din naman na ukol sa saganang trigo, at alak at langis; at mga silungan na ukol sa lahat na sarisaring hayop, at mga silungan na ukol sa mga kawan.
32:29 Bukod dito'y nagtaan siya sa kaniya ng mga bayan, at mga pag-aari na mga kawan at mga bakahan na sagana: sapagka't binigyan siya ng Dios ng maraming tinatangkilik.
32:30 Ang Ezechias ding ito ang nagpatigil ng pinakamataas na bukal ng tubig sa Gihon, at ibinabang tuloy sa dakong kalunuran ng bayan ni David. At si Ezechias ay guminhawa sa lahat ng kaniyang mga gawa.
32:31 Gayon ma'y sa bagay ng mga sugo ng mga prinsipe sa Babilonia, na nangagsugo sa kaniya upang magusisa ng kagilagilalas na gawa sa lupain ay pinabayaan siya ng Dios upang tikman siya, upang kaniyang maalaman ang lahat na nasa kaniyang puso.
32:32 Ang iba nga sa mga gawa ni Ezechias, at ang kaniyang mga mabuting gawa, narito, nangakasulat sa pangitain ni Isaias na propeta na anak ni Amos, na aklat ng mga hari, sa Juda at Israel.
32:33 At si Ezechias ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa ahunan ng mga libingan ng mga anak ni David: at binigyan siyang karangalan ng buong Juda at ng mga taga Jerusalem sa kaniyang kamatayan. At si Manases na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
33:1 Si Manases ay may labing dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limang pu't limang taon sa Jerusalem.
33:2 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
33:3 Sapagka't kaniyang itinayo uli ang mga mataas na dako na iginiba ni Ezechias na kaniyang ama: at siya'y nagtayo ng mga dambana na ukol sa mga Baal, at gumawa ng mga Asera, at sumamba sa lahat ng natatanaw sa langit, at naglingkod sa mga yaon,
33:4 At siya'y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na pinagsabihan ng Panginoon, Sa Jerusalem ay malalagay ang aking pangalan magpakailan man.
33:5 At siya'y nagtayo ng mga dambana na ukol sa mga natatanaw sa langit sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon.
33:6 Kaniya rin namang pinaraan ang kaniyang mga anak sa apoy sa libis ng anak ni Hinnom: at siya'y nagpamahiin, at nagsanay ng panggagaway at nanghula, at nakipagsanggunian sa mga masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit.
33:7 At siya'y naglagay ng larawan ng diosdiosan na inanyuan, na kaniyang ginawa, sa bahay ng Dios na pinagsabihan ng Dios kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, Sa bahay na ito, at sa Jerusalem na aking pinili sa lahat ng mga lipi ni Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man:
33:8 Ni babaguhin pa man ang paa ng Israel sa lupain na aking itinakda na ukol sa inyong mga magulang, kung kanila lamang isasagawa ang lahat na aking iniutos sa kanila, sa makatuwid baga'y ang buong kautusan at ang mga palatuntunan at ang mga ayos, sa pamamagitan ng kamay ni Moises.
33:9 At iniligaw ni Manases ang Juda at ang mga taga Jerusalem, na anopa't sila'y nagsigawa ng higit na sama kay sa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
33:10 At ang Panginoon ay nagsalita kay Manases, at sa kaniyang bayan: nguni't niwalang bahala nila.
33:11 Kaya't dinala ng Panginoon sa kanila ang mga punong kawal ng hukbo ng hari sa Asiria, na siyang nagdala kay Manases na may mga tanikala, at ginapos siya ng mga damal, at nagdala sa kaniya sa Babilonia.
33:12 At nang siya'y nasa pagkapighati siya'y dumalangin sa Panginoon niyang Dios, at nagpakumbabang mainam sa harap ng Dios ng kaniyang mga magulang.
33:13 At siya'y dumalangin sa kaniya; at siya'y dininig, at pinakinggan ang kaniyang pamanhik, at ibinalik siya sa Jerusalem sa kaniyang kaharian. Nang magkagayo'y nakilala ni Manases na ang Panginoon ay siyang Dios.
33:14 Pagkatapos nga nito ay nagtayo siya ng isang kutang panglabas sa bayan ni David, sa dakong kalunuran ng Gihon, sa libis, hanggang sa pasukan sa pintuang-bayan ng mga isda; at kaniyang kinulong ang Ophel, at itinaas ng malaking kataasan: at kaniyang nilagyan ng mga matapang na pinunong kawal ang lahat ng bayan na nakukutaan sa Juda.
33:15 At kaniyang inalis ang mga dios ng iba, at ang diosdiosan sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na dambana na kaniyang itinayo sa bundok ng bahay ng Panginoon, at sa Jerusalem, at inihagis ang mga yaon mula sa bayan.
33:16 At kaniyang itinayo ang dambana ng Panginoon, at naghandog doon ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, at tungkol sa mga pasalamat, at inutusan ang Juda na maglingkod sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
33:17 Gayon ma'y naghain ang bayan na nagpatuloy sa mga mataas na dako, nguni't sa Panginoon lamang na kanilang Dios.
33:18 Ang iba nga sa mga gawa ni Manases, at ang kaniyang dalangin sa kaniyang Dios, at ang mga salita ng mga tagakita na nagsalita sa kaniya sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, narito, nangakasulat sa mga gawa ng mga hari sa Israel.
33:19 Gayon din ang kaniyang panalangin, at kung paanong dininig siya, at ang buo niyang kasalanan at pagsalangsang niya, at ang mga dakong kaniyang pinagtayuan ng mga mataas na dako, at pinagtindigan ng mga Asera at ng mga larawang inanyuan, bago siya nagpakumbaba: narito, nangakasulat sa kasaysayan ni Hozai.
33:20 Sa gayo'y natulog si Manases na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa kaniyang sariling bahay: at si Amon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
33:21 Si Amon ay may dalawang pu't dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang taon sa Jerusalem.
33:22 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manases na kaniyang ama: at si Amon ay naghain sa lahat ng larawang inanyuan na ginawa ni Manases na kaniyang ama, at naglingkod sa mga yaon.
33:23 At siya'y hindi nagpakumbaba sa harap ng Panginoon, na gaya na pagpapakumbaba ni Manases na kaniyang ama: kundi ang Amon ding ito ay siyang sumalangsang ng higit at higit.
33:24 At ang kaniyang mga lingkod ay naghimagsik laban sa kaniya, at pinatay siya sa kaniyang sariling bahay.
33:25 Nguni't pinatay ng bayan ng lupain ang lahat na nagsipanghimagsik laban sa haring Amon; at ginawang hari ng bayan ng lupain si Josias na kaniyang anak na kahalili niya.
34:1 Si Josias ay may walong taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong pu't isang taon sa Jerusalem.
34:2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad ng mga lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.
34:3 Sapagka't sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kaniyang pinasimulang hinanap ang Dios ni David na kaniyang magulang: at sa ikalabing dalawang taon ay kaniyang pinasimulang nilinis ang Juda at Jerusalem na inalis ang mga mataas na dako, at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo.
34:4 At kanilang ibinagsak ang mga dambana ng mga Baal sa kaniyang harapan; at ang mga larawang araw na nasa ibabaw nila, ay kaniyang ibinagsak; at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo, ay kaniyang pinagputolputol, at dinurog, at isinabog sa mga libingan ng nangaghain sa kanila.
34:5 At sinunog niya ang mga buto ng mga saserdote sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem.
34:6 At gayon ang ginawa niya sa mga bayan ng Manases at Ephraim at Simeon, hanggang sa Nephtali, sa kanilang mga guho sa palibot.
34:7 At kaniyang ibinagsak ang mga dambana at pinukpok ang mga Asera at ang mga larawang inanyuan ay dinurog, at pinagputolputol ang lahat na larawang araw sa buong lupain ng Israel, at nagbalik sa Jerusalem.
34:8 Sa ikalabing walong taon nga ng kaniyang paghahari, nang kaniyang malinis ang lupain, at ang bahay, ay kaniyang sinugo si Saphan na anak ni Asalias, at si Maasias na tagapamahala ng bayan, at si Joah na anak ni Joachaz na kasangguni, upang husayin ang bahay ng Panginoon niyang Dios.
34:9 At sila'y nagsiparoon kay Hilcias na dakilang saserdote at ibinigay ang salapi na napasok sa bahay ng Dios, na nakuha ng mga Levita, na mga tagatanod-pinto, sa kamay ng Manases at ng Ephraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, at sa buong Juda, at Benjamin, at sa mga taga Jerusalem.
34:10 At kanilang ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang namamahala sa bahay ng Panginoon; at ibinigay ng mga manggagawa ng bahay ng Panginoon upang husayin at pagtibayin ang bahay;
34:11 Sa makatuwid baga'y sa mga anluwagi at sa mga nagtatayo ibinigay nila, upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga kahoy na panghalang, at upang ipaggawa ng mga sikang sa mga bahay na giniba ng mga hari, sa Juda.
34:12 At ginawa ng mga lalake na may pagtatapat ang gawain: at ang mga tagapamahala ng mga yaon ay si Jahath at si Abdias, na mga Levita, sa mga anak ni Merari; at si Zacharias at si Mesullam, sa mga anak ng mga Coathita, upang ipagpatuloy: at ang iba sa mga Levita, lahat na bihasa sa mga panugtog ng tugtugin.
34:13 Nasa mga tagadala ng mga pasan naman sila, at pinamamahalaan ang lahat na nagsisigawa ng gawain sa sarisaring paglilingkod: at sa mga Levita ay may mga kalihim, at mga pinuno, at mga tagatanod-pinto.
34:14 At nang kanilang ilalabas ang salapi na napasok sa bahay ng Panginoon, nasumpungan ni Hilcias na saserdote ang aklat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.
34:15 At si Hilcias ay sumagot, at sinabi niya kay Saphan na kalihim: Aking nasumpungan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon, At ibinigay ni Hilcias ang aklat kay Saphan.
34:16 At dinala ni Saphan ang aklat sa hari, at bukod dito'y nagdala ng salita sa hari, na sinasabi, Lahat na ipinamahala sa iyong mga lingkod, ay kanilang ginagawa.
34:17 At kanilang ibinubo ang salapi na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at ibinigay sa kamay ng mga tagapamahala, at sa kamay ng mga manggagawa.
34:18 At sinaysay ni Saphan na kalihim sa hari, na sinasabi, Si Hilcias na saserdote ay nagbigay sa akin ng isang aklat. At binasa ni Saphan sa harap ng hari.
34:19 At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot.
34:20 At ang hari ay nagutos kay Hilcias, at kay Ahicham na anak ni Saphan, at kay Abdon na anak ni Micha, at kay Saphan na kalihim, at kay Asaia na lingkod ng hari, na kaniyang sinasabi,
34:21 Kayo'y magsiyaon, isangguni ninyo ako sa Panginoon, at silang naiwan sa Israel, at sa Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na nasumpungan: sapagka't malaki ang pagiinit ng Panginoon na nabugso sa atin, sapagka't hindi iningatan ng ating mga magulang ang salita ng Panginoon, upang gawin ayon sa lahat na nasusulat sa aklat na ito.
34:22 Sa gayo'y si Hilcias at silang pinagutusan ng hari, nagsiparoon kay Hulda na propetisa, na asawa ni Sallum na anak ni Tikoath, na anak ni Hasra, na tagapagingat ng silid ng kasuutan; (siya nga'y tumahan sa Jerusalem sa ikalawang pook;) at kanilang sinabi sa kanila sa gayong paraan.
34:23 At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Saysayin ninyo sa lalake na nagsugo sa inyo sa akin.
34:24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito, at sa mga tagarito, sa makatuwid baga'y lahat ng sumpa na nangakasulat sa aklat na kanilang nabasa sa harap ng hari sa Juda:
34:25 Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at nagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, upang mungkahiin nila ako sa galit ng lahat na gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking pagiinit ay nabugso sa dakong ito, at hindi mapapawi.
34:26 Nguni't sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo upang magusisa sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig,
34:27 Sapagka't ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakababa sa harap ng Dios ng iyong marinig ang kaniyang mga salita laban sa dakong ito, at laban sa mga tagarito; at ikaw ay nagpakababa sa harap ko, at hinapak mo ang iyong suot, at umiyak sa harap ko; dininig naman kita, sabi ng Panginoon.
34:28 Narito, ipipisan kita sa iyong mga magulang, at ikaw ay mapipisan na payapa sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat na kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito, at sa mga tagarito. At sila'y nagbalik ng salita sa hari.
34:29 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at pinisan ang lahat na matanda sa Juda at sa Jerusalem.
34:30 At sumampa ang hari sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na lalake ng Juda, at ang mga taga Jerusalem, at ang mga saserdote, at ang mga Levita, at ang buong bayan, malaki at gayon din ang maliit: at kaniyang binasa sa kanilang mga pakinig ang lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.
34:31 At ang hari ay tumayo sa kaniyang dako, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon, at upang ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, upang tuparin ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito.
34:32 At kaniyang pinapanayo sa tipan ang lahat na nasumpungan sa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga taga Jerusalem ang ayon sa tipan ng Dios ng kanilang mga magulang.
34:33 At inalis ni Josias ang lahat na karumaldumal sa lahat ng lupain na ukol sa mga anak ni Israel, at pinapaglingkod ang lahat na nangasumpungan sa Israel, upang mangaglingkod nga sa Panginoon nilang Dios. Lahat ng mga kaarawan niya ay hindi sila nagsihiwalay sa pagsunod sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.
35:1 At ipinagdiwang ni Josias ang isang paskua sa Panginoon sa Jerusalem; at kanilang pinatay ang kordero ng paskua, sa ikalabing apat na araw ng unang buwan.
35:2 At inilagay niya ang mga saserdote sa kanilang mga katungkulan, at pinatapang sila sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.
35:3 At sinabi niya sa mga Levita na nangagturo sa buong Israel, na mga banal sa Panginoon, Ilagay ninyo ang banal na kaban sa bahay na itinayo ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel; hindi na magkakaroon pa ng pasan sa inyong mga balikat. Maglingkod kayo ngayon sa Panginoon ninyong Dios, at sa kaniyang bayang Israel;
35:4 At magsihanda kayo ayon sa mga sangbahayan ng inyong mga magulang ayon sa inyong mga bahagi, ayon sa sulat ni David na hari sa Israel, at ayon sa sulat ni Salomon sa kaniyang anak.
35:5 At magsitayo kayo sa dakong banal ayon sa mga bahagi ng mga sangbahayan ng mga magulang ng inyong mga kapatid na mga anak ng bayan, at maukol sa bawa't isa'y isang bahagi ng sangbahayan ng mga magulang ng mga Levita.
35:6 At patayin ninyo ang kordero ng paskua, at mangagpakabanal kayo, at ihanda ninyo sa inyong mga kapatid, upang magsigawa ng ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ng kamay ni Moises.
35:7 At si Josias ay nagbigay sa mga anak ng bayan, buhat sa kawan, ng mga kordero at ng mga anak ng kambing, lahat ng yaon ay mga pinakahandog sa paskua, sa lahat na nakaharap, sa bilang na tatlong pung libo, at tatlong libo na baka: ang mga ito'y mga pag-aari ng hari.
35:8 At ang kaniyang mga prinsipe ay nangagbigay ng pinakakusang handog sa bayan, sa mga saserdote, at sa mga Levita. Si Hilcias at si Zacharias at si Jehiel, na mga pinuno sa bahay ng Dios, nangagbigay sa mga saserdote ng mga pinakahandog sa paskua, na dalawang libo at anim na raang tupa at kambing, at tatlong daang baka.
35:9 Si Chonanias naman, at si Semeias, at si Nathanael, na kaniyang mga kapatid, at si Hasabias at si Jehiel at si Josabad, na mga pinuno ng mga Levita, nangagbigay sa mga Levita ng mga pinakahandog sa paskua, na limang libong tupa at kambing, at limang daang baka.
35:10 Sa gayo'y ang paglilingkod ay nahanda, at ang mga saserdote ay nagsitayo sa kanilang dako, at ang mga Levita ayon sa kanilang mga bahagi, ayon sa utos ng hari.
35:11 At kanilang pinatay ang kordero ng paskua, at iwinisik ng mga saserdote ang dugo, na tinangnan nila sa kanilang kamay, at mga nilapnusan ng mga Levita.
35:12 At kanilang ibinago ang mga handog na susunugin, upang kanilang ipamigay ayon sa mga bahagi ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ng bayan, upang ihandog sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa aklat ni Moises. At gayon ang ginawa nila sa mga baka.
35:13 At kanilang inihaw ang kordero ng paskua, sa apoy ayon sa ayos: at ang mga banal na handog ay niluto sa mga palayok, at sa mga kaldera, at sa mga kawali, at pinagdadalang madali sa lahat na anak ng bayan.
35:14 At pagkatapos ay nangaghanda sila sa kanilang sarili, at sa mga saserdote; sapagka't ang mga saserdote na mga anak ni Aaron ay nangasa paghahandog ng mga handog na susunugin at ng taba hanggang sa kinagabihan: kaya't ang mga Levita ay nangaghanda sa kanilang sarili, at sa mga saserdote na mga anak ni Aaron.
35:15 At ang mga mangaawit na mga anak ni Asaph, ay nangasa kanilang dako, ayon sa utos ni David, at ni Asaph, at ni Heman, at ni Jeduthun na tagakita ng hari; at ang mga tagatanod-pinto ay nangasa bawa't pintuang-daan: sila'y hindi nangagkakailangang magsialis sa kanilang paglilingkod; sapagka't ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita.
35:16 Sa gayo'y ang lahat na paglilingkod sa Panginoon ay nahanda nang araw ding yaon, upang ipagdiwang ang paskua, at upang maghandog ng mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, ayon sa utos ng haring Josias.
35:17 At ang mga anak ni Israel na nangakaharap ay nangagdiwang ng paskua nang panahong yaon, at ng kapistahan ng tinapay na walang lebadura na pitong araw.
35:18 At hindi nagkaroon ng paskua na gaya ng ipinagdiwang na yaon sa Israel mula sa mga araw ni Samuel na propeta; ni nagdiwang man ang sinoman sa mga hari sa Israel ng gayong paskua na gaya ng ipinagdiwang ni Josias, at ng mga saserdote, at ng mga Levita, at ng buong Juda at Israel na nangakaharap, at ng mga taga Jerusalem.
35:19 Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias ay ipinagdiwang ang paskuang ito.
35:20 Pagkatapos ng lahat ng ito, nang maihanda ni Josias ang templo, si Nechao na hari sa Egipto ay umahon upang makipaglaban sa Carchemis sa siping ng Eufrates: at si Josias ay lumabas laban sa kaniya.
35:21 Nguni't siya'y nagsugo ng mga sugo sa kaniya, na ipinasasabi, Anong aking ipakikialam sa iyo, ikaw na hari sa Juda? ako'y hindi naparirito laban sa iyo sa araw na ito, kundi laban sa sangbahayan na kinakalaban ko: at iniutos sa akin ng Dios na ako'y magmamadali: iwan mo ang pakikialam sa Dios, na nasa akin nga, upang huwag ka niyang lipulin.
35:22 Gayon ma'y hindi itinalikod ni Josias ang kaniyang mukha sa kaniya, kundi nagpakunwaring iba, upang siya'y makipaglaban sa kaniya, at hindi dininig ang salita ni Nechao, na mula sa bibig ng Dios, at naparoong nakipaglaban sa libis ng Megiddo.
35:23 At pinana ng mga mamamana si Josias: at sinabi ng hari sa kaniyang mga lingkod, Ilabas ninyo ako; sapagka't ako'y nasugatan ng mabigat.
35:24 Sa gayo'y inalis siya ng kaniyang mga lingkod sa karo, at inilagay siya sa ikalawang karo, na kaniyang dala, at dinala siya sa Jerusalem; at siya'y namatay, at nalibing sa mga libingan ng kaniyang mga magulang. At ang buong Juda at Jerusalem ay tumangis kay Josias.
35:25 At tinaghuyan ni Jeremias si Josias: at ang lahat na mangaawit na lalake at babae ay nagsipanambitan tungkol kay Josias sa kanilang mga panaghoy, hanggang sa araw na ito; at sila'y nagsigawa ng alituntunin sa Israel; at, narito, nangasusulat sa mga panaghoy.
35:26 Ang iba nga sa mga gawa ni Josias, at ang kaniyang mga mabuting gawa, ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon,
35:27 At ang kaniyang mga gawa, na una at huli, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel at Juda.
36:1 Nang magkagayo'y kinuha ng bayan ng lupain si Joachaz na anak ni Josias, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama sa Jerusalem.
36:2 Si Joachaz ay may dalawang pu't tatlong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong buwan sa Jerusalem.
36:3 At inalis siya sa Jerusalem ng hari sa Egipto, at pinabuwis ang lupain ng isang daang talentong pilak at ng isang talentong ginto.
36:4 At inihalal na hari sa Juda at sa Jerusalem ng hari sa Egipto si Eliacim na kaniyang kapatid, at pinalitan ang kaniyang pangalan ng Joacim. At kinuha ni Nechao si Joachaz na kaniyang kapatid, at dinala niya siya sa Egipto.
36:5 Si Joacim ay may dalawang pu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing isang taon, sa Jerusalem: at siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon niyang Dios.
36:6 Laban sa kaniya ay umahon si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at tinanikalaan siya, upang dalhin siya sa Babilonia.
36:7 Si Nabucodonosor ay nagdala naman ng mga sisidlan ng bahay ng Panginoon sa Babilonia, at inilagay sa kaniyang templo sa Babilonia.
36:8 Ang iba nga sa mga gawa ni Joacim, at ang kaniyang mga karumaldumal na kaniyang ginawa, at ang nasumpungan sa kaniya, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel at Juda: at si Joachin, na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
36:9 Si Joachin ay may walong taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari: at siya'y nagharing tatlong buwan at sangpung araw sa Jerusalem: at siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon.
36:10 At sa pagpihit ng taon, si Nabucodonosor ay nagsugo, at dinala siya sa Babilonia, pati ng mga mainam na sisidlan ng bahay ng Panginoon at ginawang hari si Zedecias na kaniyang kapatid sa Juda at Jerusalem.
36:11 Si Zedecias ay may dalawang pu't isang taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem:
36:12 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon niyang Dios; siya'y hindi nagpakababa sa harap ni Jeremias na propeta na nagsasalita ng galing sa bibig ng Panginoon.
36:13 At siya rin nama'y nanghimagsik laban sa haring Nabucodonosor, na siyang nagpasumpa sa kaniya sa pangalan ng Dios: nguni't pinapagmatigas niya ang kaniyang ulo at pinapagmatigas niya ang kaniyang puso sa panunumbalik sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
36:14 Bukod dito'y lahat ng mga pinuno ng mga saserdote, at ang bayan, ay nagsisalangsang na mainam ayon sa lahat na karumaldumal ng mga bansa; at kanilang dinumhan ang bahay ng Panginoon na kaniyang itinalaga sa Jerusalem.
36:15 At ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga sugo, na bumangong maaga at nagsugo, sapagka't siya'y nagdalang habag sa kaniyang bayan, at sa kaniyang tahanang dako:
36:16 Nguni't kanilang tinuya ang mga sugo ng Dios, at niwalang kabuluhan ang kaniyang mga salita, at dinusta ang kaniyang mga propeta hanggang sa ang pagiinit ng Panginoon ay bumugso laban sa kaniyang bayan hanggang sa mawalan ng kagamutan.
36:17 Kaya't dinala niya sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na siyang pumatay sa kanilang mga binata sa pamamagitan ng tabak sa bahay ng kanilang santuario, at hindi nagkaroon ng habag sa binata, o sa dalaga, sa matanda o sa may uban: ibinigay niya silang lahat sa kaniyang kamay.
36:18 At lahat ng mga kasangkapan ng bahay ng Dios, malaki at maliit, at ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng hari, at ng kaniyang mga prinsipe; lahat ng mga ito'y dinala niya sa Babilonia.
36:19 At sinunog nila ang bahay ng Dios, at ibinagsak ang kuta ng Jerusalem, at sinunog sa apoy ang lahat na bahay hari niya, at giniba ang lahat na mainam na sisidlan niyaon.
36:20 At ang mga nakatanan sa tabak, dinala niya sa Babilonia; at mga naging alipin niya at ng kaniyang mga anak hanggang sa paghahari ng kaharian ng Persia:
36:21 Upang ganapin ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa ang lupain ay nagalak sa kaniyang mga sabbath: sapagka't habang giba ay kaniyang ipinagdidiwang ang sabbath, upang ganapin ang pitong pung taon.
36:22 Sa unang taon nga ni Ciro na hari sa Persia, upang ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias ay maganap, kinilos ng Panginoon ang loob ni Ciro na hari sa Persia, na siya'y nagtanyag sa kaniyang buong kaharian, at isinulat din naman, na sinasabi,
36:23 Ganito ang sabi ni Ciro na hari sa Persia: Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng Panginoon, ng Dios ng langit; at kaniyang binilinan ako na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinomang mayroon sa inyo sa buong kaniyang bayan, sumakaniya nawa ang Panginoon niyang Dios, at umahon siya.