1:1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, sa mga banal na nangasa Efeso, at sa mga tapat kay Cristo Jesus:
1:2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.
1:3 Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo:
1:4 Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig:
1:5 Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban,
1:6 Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa Minamahal:
1:7 Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya,
1:8 Na pinasagana niya sa atin, sa buong karunungan at katalinuhan,
1:9 Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin.
1:10 Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko,
1:11 Tayo rin naman sa kaniya ay ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban;
1:12 Upang tayo'y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo:
1:13 Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan, na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako,
1:14 Na siyang patotoo sa ating mana, hanggang sa ikatutubos ng sariling pag-aari ng Dios, sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.
1:15 Dahil dito ako rin naman, pagkarinig ng pananampalataya sa Panginoong Jesus na nasa inyo, at ng pagibig na inyong ipinakita sa lahat ng mga banal,
1:16 Ay hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat dahil sa inyo, na aking binabanggit kayo sa aking mga panalangin;
1:17 Upang ipagkaloob sa inyo ng Dios ng ating Panginoong Jesucristo, ng Ama ng kaluwalhatian, ang espiritu ng karunungan at ng pahayag sa pagkakilala sa kaniya;
1:18 Yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang maalaman ninyo kung ano ang pagasa sa kaniyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal,
1:19 At kung ano ang dakilang kalakhan ng kaniyang kapangyarihan sa ating nagsisisampalataya, ayon sa gawa ng kapangyarihan ng kaniyang lakas,
1:20 Na kaniyang ginawa kay Cristo, nang ito'y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at pinaupo sa kaniyang kanan sa sangkalangitan,
1:21 Sa kaibaibabawan ng lahat na pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa bawa't pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating:
1:22 At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia,
1:23 Na siyang katawan niya, na kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.
2:1 At kayo'y binuhay niya, nang kayo'y mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan,
2:2 Na inyong nilakaran noong una ayon sa lakad ng sanglibutang ito, ayon sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway;
2:3 Sa gitna ng mga yaon, tayo rin naman, ng ibang panahon ay nangabubuhay sa mga kahalayan ng ating laman, na ating ginagawa ang mga pita ng laman at ng pagiisip, at tayo noo'y katutubong mga anak ng kagalitan, gaya naman ng mga iba:
2:4 Nguni't ang Dios, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kaniyang malaking pagibig na kaniyang iniibig sa atin,
2:5 Bagama't tayo'y mga patay dahil sa ating mga kasalanan, tayo'y binuhay na kalakip ni Cristo (sa pamamagitan ng biyaya kayo'y nangaligtas),
2:6 At tayo'y ibinangong kalakip niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus:
2:7 Upang sa mga panahong darating ay maihayag niya ang dakilang kayamanan ng kaniyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin kay Cristo Jesus:
2:8 Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios;
2:9 Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri.
2:10 Sapagka't tayo'y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.
2:11 Kaya nga alalahanin ninyo, na kayo noong una, mga Gentil sa laman, tinatawag na Di-pagtutuli niyaong tinatawag na Pagtutuli sa laman, na ginawa ng mga kamay:
2:12 Na kayo nang panahong yaon ay mga hiwalay kay Cristo, na mga di kabilang sa bansa ng Israel, at mga taga ibang lupa tungkol sa mga tipan ng pangako, na walang pagasa at walang Dios sa sanglibutan.
2:13 Datapuwa't ngayon kay Cristo Jesus kayo na noong panahon ay nalalayo ay inilapit sa dugo ni Cristo.
2:14 Sapagka't siya ang ating kapayapaan, na kaniyang pinagisa ang dalawa, at iginiba ang pader na nasa gitna na nagpapahiwalay,
2:15 Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan;
2:16 At upang papagkasunduin silang dalawa sa isang katawan sa Dios sa pamamagitan ng krus, na sa kaniya'y pinatay ang pagkakaalit.
2:17 At siya'y naparito at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong nalalayo, at ang kapayapaan sa nangalalapit:
2:18 Sapagka't sa pamamagitan niya tayo'y may pagpasok sa isang Espiritu rin sa Ama.
2:19 Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo'y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios,
2:20 Na mga itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok;
2:21 Na sa kaniya'y ang buong gusali, na nakalapat na mabuti, ay lumalago upang maging isang templong banal sa Panginoon;
2:22 Na sa kaniya'y itinayo naman kayo upang maging tahanan ng Dios sa Espiritu.
3:1 Dahil dito, akong si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus dahil sa inyong mga Gentil,
3:2 Kung tunay na inyong narinig yaong pagiging katiwala sa biyaya ng Dios na sa akin ay ibinigay sa ikagagaling ninyo;
3:3 Kung paanong sa pahayag ay ipinakilala sa akin ang hiwaga, gaya ng isinulat ko nang una sa ilang salita.
3:4 Sa pamamagitan niyaon, sa pagbasa ninyo, ay inyong mapagtatalastas ang aking pagkakilala sa hiwaga ni Cristo;
3:5 Na nang ibang panahon ay hindi ipinakilala sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag sa kaniyang mga banal na apostol at propeta sa Espiritu;
3:6 Na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio,
3:7 Na dito'y ginawa akong ministro, ayon sa kaloob ng biyayang yaon ng Dios na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan.
3:8 Sa akin, na ako ang kababababaan sa lahat ng lalong mababa sa mga banal, ay ibinigay ang biyayang ito, upang ipangaral sa mga Gentil ang mga di malirip na mga kayamanan ni Cristo;
3:9 At maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios na lumalang ng lahat ng mga bagay;
3:10 Upang ngayo'y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios,
3:11 Ayon sa panukalang walang hanggan na ipinanukala kay Cristo Jesus na Panginoon natin:
3:12 Na sa kaniya'y mayroon tayong lakas ng loob at pagpasok na may pagasa sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kaniya.
3:13 Kaya nga ipinamamanhik ko na huwag kayong manglupaypay sa mga kapighatian ko dahil sa inyo, na pawang kapurihan ninyo.
3:14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,
3:15 Na sa kaniya'y kumukuha ng pangalan ang bawa't sangbahayan sa langit at sa lupa,
3:16 Upang sa inyo'y ipagkaloob niya, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob;
3:17 Na si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kung kayo'y magugat at magtumibay sa pagibig.
3:18 Ay lumakas upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim,
3:19 At makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo'y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Dios.
3:20 Ngayon sa makapangyarihang gumawa ng lubhang sagana ng higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,
3:21 Ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa iglesia at kay Cristo Jesus sa buong panahon magpakailan man. Siya nawa.
4:1 Namamanhik nga sa inyo akong bilanggo sa Panginoon, na kayo'y magsilakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag,
4:2 Ng buong kapakumbabaan at kaamuan, na may pagpapahinuhod, na mangagbatahan kayo-kayo sa pagibig;
4:3 Na pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng kapayapaan.
4:4 May isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pagasa ng pagtawag sa inyo;
4:5 Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo,
4:6 Isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat.
4:7 Datapuwa't ang bawa't isa sa atin ay binigyan ng biyaya ayon sa sukat na kaloob ni Cristo.
4:8 Kaya't sinasabi niya, Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag, At nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.
4:9 (Ngayon ito, Umakyat Siya, ano ito, kundi siya'y bumaba rin naman sa mga dakong kalaliman ng lupa?
4:10 Ang bumaba ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng buong sangkalangitan, upang kaniyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.)
4:11 At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba'y propeta; at ang mga iba'y evangelista; at ang mga iba'y pastor at mga guro;
4:12 Sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:
4:13 Hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios, hanggang sa lubos na paglaki ng tao, hanggang sa sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo:
4:14 Upang tayo'y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito't doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian;
4:15 Kundi sa pagsasalita ng katotohanan na may pagibig, ay mangagsilaki sa lahat ng mga bagay sa kaniya, na siyang pangulo, sa makatuwid baga'y si Cristo;
4:16 Na dahil sa kaniya'y ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakalakip sa pamamagitan ng tulong ng bawa't kasukasuan, ayon sa paggawang nauukol sa bawa't iba't ibang sangkap, ay nagpapalaki sa katawan sa ikatitibay ng kaniyang sarili sa pagibig.
4:17 Ito nga ang sinasabi ko, at sinasaksihan sa Panginoon, na kayo'y hindi na nagsisilakad pa na gaya naman ng lakad ng mga Gentil, sa pagpapalalo sa kanilang pagiisip,
4:18 Na sa kadiliman ng kanilang pagiisip, ay nangahiwalay sa buhay ng Dios, dahil sa kahangalang nasa kanila, dahil sa pagmamatigas ng kanilang puso;
4:19 Na sila sa di pagkaramdam ng kahihiyan ay napahikayat sa kalibugan, upang kalakalin ang lahat ng karumihan ng buong kasakiman.
4:20 Nguni't kayo'y hindi nangatuto ng ganito kay Cristo;
4:21 Kung tunay na siya'y inyong pinakinggan, at kayo'y tinuruan sa kaniya, gaya ng katotohanan na kay Jesus.
4:22 At inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya;
4:23 At kayo'y mangagbago sa espiritu ng inyong pagiisip,
4:24 At kayo'y mangagbihis ng bagong pagkatao, na ayon sa Dios ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.
4:25 Kaya nga, pagkatakuwil ng kasinungalingan, ay magsasalita ang bawa't isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa: sapagka't tayo'y mga sangkap na isa't isa sa atin.
4:26 Kayo'y mangagalit at huwag kayong mangakasala: huwag lumubog ang araw sa inyong galit:
4:27 Ni bigyan daan man ang diablo.
4:28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa: bagkus magpagal, na igawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibigay sa nangangailangan.
4:29 Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig.
4:30 At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Dios, na sa kaniya kayo'y tinatakan hanggang sa kaarawan ng pagkatubos.
4:31 Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala:
4:32 At magmagandang-loob kayo sa isa't isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa't isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Dios kay Cristo.
5:1 Kayo nga'y magsitulad sa Dios, na gaya ng mga anak na minamahal;
5:2 At magsilakad kayo sa pagibig, gaya rin naman ng pagibig ni Cristo sa inyo, at ibinigay dahil sa atin ang kaniyang sarili, na hain at handog sa Dios upang maging samyo ng masarap na amoy.
5:3 Nguni't ang pakikiapid, at ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag man lamang masambit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal;
5:4 O ang karumihan man, o mga mangmang na pananalita, o ang mga pagbibiro, na di nangararapat: kundi kayo'y magpasalamat.
5:5 Sapagka't talastas ninyong lubos, na sinomang mapakiapid, o mahalay, o masakim, na isang mapagsamba sa mga diosdiosan, ay walang anomang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios.
5:6 Huwag kayong madaya ng sinoman ng mga salitang walang kabuluhan: sapagka't dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Dios sa mga anak ng pagsuway.
5:7 Huwag kayong makibahagi sa kanila;
5:8 Sapagka't noong panahon kayo'y kadiliman, datapuwa't ngayon kayo'y kaliwanagan sa Panginoon: magsilakad kayong gaya ng mga anak ng kaliwanagan:
5:9 (Sapagka't ang bunga ng kaliwanagan ay nabubuo ng kabutihan at katuwiran at katotohanan),
5:10 Na inyong pinatutunayan ang kinalulugdan ng Panginoon;
5:11 At huwag kayong makibahagi sa mga walang mapapakinabang na gawa ng kadiliman, kundi bagkus inyong sawatain;
5:12 Sapagka't ang mga bagay na ginagawa nila sa lihim ay mahalay na salitain man lamang.
5:13 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay pagka sawata ay itinatanyag ng kaliwanagan: sapagka't ang lahat ng mga bagay na itinatanyag ay kaliwanagan.
5:14 Kaya sinasabi niya, Gumising kang natutulog, at magbangon ka sa gitna ng mga patay, at liliwanagan ka ni Cristo.
5:15 Mangagingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong;
5:16 Na inyong samantalahin ang panahon, sapagka't ang mga araw ay masasama.
5:17 Kaya huwag kayong maging mga mangmang, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.
5:18 At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan, kundi kayo'y mangapuspos ng Espiritu;
5:19 Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na nangagaawitan at nangagpupuri sa inyong mga puso sa Panginoon;
5:20 Na kayo'y laging magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo sa Dios na ating Ama;
5:21 Na pasakop kayo sa isa't isa sa takot kay Cristo.
5:22 Mga babae, pasakop kayo sa inyo-inyong sariling asawa, na gaya ng sa Panginoon.
5:23 Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.
5:24 Datapuwa't kung paanong ang iglesia ay nasasakop ni Cristo, ay gayon din naman ang mga babae ay pasakop sa kani-kaniyang asawa sa lahat ng mga bagay.
5:25 Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa kaniya;
5:26 Upang kaniyang pakabanalin ito, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may salita,
5:27 Upang ang iglesia ay maiharap sa kaniyang sarili na maluwalhati, na walang dungis o kulubot o anomang gayong bagay; kundi ito'y nararapat maging banal at walang kapintasan.
5:28 Gayon din naman nararapat ibigin ng mga lalake ang kani-kaniyang sariling asawa, na gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kaniyang sariling asawa ay umiibig sa kaniyang sarili:
5:29 Sapagka't walang sinoman na napoot kailan man sa kaniyang sariling katawan; kundi kinakandili at minamahal, gaya naman ni Cristo sa iglesia;
5:30 Sapagka't tayo ay mga sangkap ng kaniyang katawan.
5:31 Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman.
5:32 Ang hiwagang ito ay dakila: datapuwa't sinasalita ko ang tungkol kay Cristo at tungkol sa iglesia.
5:33 Gayon man ay umibig naman ang bawa't isa sa inyo sa kani-kaniyang sariling asawa gaya ng sa kaniyang sarili; at ang babae ay gumalang sa kaniyang asawa.
6:1 Mga anak, magsitalima kayo sa inyong mga magulang sa Panginoon: sapagka't ito'y matuwid.
6:2 Igalang mo ang iyong ama at ina (na siyang unang utos na may pangako),
6:3 Upang yumaon kang mabuti, at ikaw ay mabuhay na malaon sa lupa.
6:4 At, kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak: kundi inyong turuan sila ayon sa saway at aral ng Panginoon.
6:5 Mga alipin, magsitalima kayo sa mga yaong ayon sa laman ay inyong mga panginoon, na may takot at panginginig, sa katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo;
6:6 Hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao; kundi bagkus gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa mula sa puso ang kalooban ng Dios;
6:7 Maglingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao:
6:8 Yamang napagaalaman na anomang mabuting bagay na gawin ng bawa't isa, ay gayon din ang muling tatanggapin niya sa Panginoon, maging alipin o laya.
6:9 At kayong mga panginoon, gayon din ang inyong gawin sa kanila, at iwan ninyo ang mga pagbabala: yamang napagaalaman na ang Panginoon nila at ninyo ay nasa langit, at sa kaniya'y walang itinatanging tao.
6:10 Sa katapustapusa'y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.
6:11 Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo.
6:12 Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.
6:13 Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y mangakatagal sa araw na masama, at kung magawa ang lahat, ay magsitibay.
6:14 Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na may sakbat na baluti ng katuwiran,
6:15 At ang inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan;
6:16 Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama.
6:17 At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios:
6:18 Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at daing na patungkol sa lahat ng mga banal,
6:19 At sa akin, upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang ipakilalang may katapangan ang hiwaga ng evangelio,
6:20 Na dahil dito ako'y isang sugong natatanikalaan; upang sa ganito ako'y magsalita na may katapangan gaya ng nararapat na aking salitain.
6:21 Datapuwa't upang mangaalaman ninyo naman ang mga bagay na ukol sa akin, at ang kalagayan ko, si Tiquico na aking minamahal na kapatid at tapat na ministro sa Panginoon, ay siyang magpapakilala sa inyo ng lahat ng mga bagay:
6:22 Na siyang aking sinugo sa inyo sa bagay na ito, upang makilala ninyo ang aming kalagayan, at upang kaniyang aliwin ang inyong mga puso.
6:23 Kapayapaan nawa sa mga kapatid, at pagibig na may pananampalataya, mula sa Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo.
6:24 Ang biyaya nawa'y sumalahat ng mga nagsisiibig sa ating Panginoong Jesucristo ng pagibig na walang pagkasira. Siya nawa.