Sacred Texts  Bible  World Bible  Index  Previous  Next 

Tagalog Bible: 2 Peter

1:1 Si Simon Pedro, na alipin at apostol ni Jesucristo, sa nagsipagkamit na kasama namin ng mahalagang pananampalataya sa katuwiran ng ating Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo:

1:2 Biyaya at kapayapaan ang sa inyo'y dumami sa pagkakilala sa Dios at kay Jesus na Panginoon natin;

1:3 Yamang ipinagkaloob sa atin ng kaniyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na nauukol sa kabuhayan at sa kabanalan, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kaniya na tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaniyang sariling kaluwalhatian at kagalingan;

1:4 Na dahil dito ay ipinagkaloob niya sa atin ang kaniyang mahahalaga at napakadakilang pangako; upang sa pamamagitan ng mga ito ay makabahagi kayo sa kabanalang mula sa Dios, yamang nakatanan sa kabulukang nasa sanglibutan dahil sa masamang pita.

1:5 Oo, at dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman;

1:6 At sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan;

1:7 At sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pagibig.

1:8 Sapagka't kung nasa inyo ang mga bagay na ito at sumasagana, ay hindi kayo pababayaang maging mga tamad o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesucristo.

1:9 Sapagka't yaong wala ng mga bagay na ito ay bulag, na ang nakikita lamang ay ang nasa malapit, sa pagkalimot ng paglilinis ng kaniyang dating mga kasalanan.

1:10 Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na mangapanatag kayo sa pagkatawag at pagkahirang sa inyo: sapagka't kung gawin ninyo ang mga bagay na ito ay hindi kayo mangatitisod kailan man:

1:11 Sapagka't sa gayon ay ipinamamahaging sagana sa inyo ang pagpasok sa kahariang walang hanggan ng Panginoon natin at Tagapagligtas na si Jesucristo.

1:12 Kaya't magiging handa akong lagi na ipaalaala ko sa inyo ang mga bagay na ito, bagama't inyong nalalaman, at kayo'y pinatitibay sa katotohanang nasa inyo.

1:13 At inaakala kong matuwid, na samantalang ako'y nasa tabernakulong ito, ay kilusin ko kayo na ipaalaala ko sa inyo;

1:14 Yamang aking nalalaman na dumarating na madali ang paghiwalay ko sa aking tabernakulo, na gaya ng ipinahiwatig sa akin ng Panginoon nating Jesucristo.

1:15 Oo, pagsisikapan ko na sa tuwituwi na, pagkamatay ko'y inyong maalaala ang mga bagay na ito.

1:16 Sapagka't kami ay hindi nagsisunod sa mga kathang ginawang mainam, noong aming ipinakilala sa inyo ang kapangyarihan at pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, kundi kami ay naging mga saksing nakakita ng kaniyang karangalan.

1:17 Sapagka't siya'y tumanggap sa Dios Ama ng karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kaniya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan:

1:18 At ang tinig na ito ay aming narinig na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.

1:19 At kami ay mayroong lalong panatag na salita ng hula; na mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong sinusundan, na gaya ng sa isang ilawang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso:

1:20 Na maalaman muna ito, na alin mang hula ng kasulatan ay hindi nagbuhat sa sariling pagpapaliwanag.

1:21 Sapagka't hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman: kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Dios, na nangaudyokan ng Espiritu Santo.

2:1 Nguni't may nagsilitaw din naman sa bayan na mga bulaang propeta, na gaya naman sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na mangagpapasok sa lihim ng mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya, na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na mangagtataglay sa kanilang sarili ng madaling pagkapahamak.

2:2 At maraming magsisisunod sa kanilang mga gawang mahahalay; na dahil sa kanila ay pagsasalitaan ng masama ang daan ng katotohanan.

2:3 At sa kasakiman sa mga pakunwaring salita ay ipangangalakal kayo: na ang hatol nga sa kanila mula nang una ay hindi nagluluwat, at ang kanilang kapahamakan ay hindi nagugupiling.

2:4 Sapagka't kung ang Dios ay hindi nagpatawad sa mga anghel nang mangagkasala ang mga yaon, kundi sila'y ibinulid sa impierno, at kinulong sa mga hukay ng kadiliman, upang ilaan sa paghuhukom;

2:5 At ang dating sanglibutan ay hindi pinatawad, datapuwa't iningatan si Noe na tagapangaral ng katuwiran na kasama ng ibang pito pa, noong dalhin ang pagkagunaw sa sanglibutan ng masasama;

2:6 At pinarusahan niya ng pagkalipol ang mga bayan ng Sodoma at Gomorra na pinapaging abo, nang maging halimbawa sa mga magsisipamuhay na masama:

2:7 At iniligtas ang matuwid na si Lot, na lubhang nahahapis sa mahahalay na pamumuhay ng masasama:

2:8 (Sapagka't ang matuwid na ito na namamayang kasama nila, ay lubhang nahapis araw-araw ang kaniyang matuwid na kaluluwa sa pagkakita at pagkarinig niya, ng mga gawa nilang laban sa kautusan):

2:9 Ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal, sa tukso at maglaan ng mga di matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom;

2:10 Datapuwa't lalong-lalo na ng mga nagsisilakad ng ayon sa laman sa masamang pita ng karumihan, at nangapopoot sa pagkasakop. Mga pangahas, mapagsariling kalooban, sila'y hindi natatakot na magsialipusta sa mga pangulo:

2:11 Samantalang ang mga anghel, bagama't lalong dakila ang lakas at kapangyarihan, ay hindi nagtataglay ng paghatol na may alipusta laban sa kanila sa harapan ng Panginoon.

2:12 Datapuwa't ang mga ito, na gaya ng mga kinapal na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at lipulin, na nagsisialipusta sa mga bagay na hindi nila nalalaman ay walang pagsalang lilipulin sa kanila ring pagkalipol.

2:13 Na nangagbabata ng masama na kabayaran ng gawang masama; palibhasa'y inaari nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw, mga dungis at kapintasan, na nangagpapakalayaw sa kanilang mga daya, samantalang sila'y nangakikipagpiging sa inyo;

2:14 Na may mga matang puspos ng pangangalunya, at hindi maaaring maglikat sa pagkakasala; na umaakit sa mga kaluluwang walang tiyaga; na may pusong sanay sa kasakiman; mga anak ng paglait,

2:15 Na pagkaalis sa daang matuwid ay nangaligaw sila, palibhasa'y nagsisunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor, na nagibig ng kabayaran ng gawang masama;

2:16 Datapuwa't siya'y sinasaway dahil sa kaniyang sariling pagsalangsang: na isang asnong pipi ay nangusap ng tinig ng tao at pinigil ang kaululan ng propeta.

2:17 Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos; na sa kanila'y itinaan ang kapusikitan ng kadiliman;

2:18 Sapagka't, sa pananalita ng mga kapalaluan na walang kabuluhan, ay umaakit sila sa masasamang pita ng laman, sa pamamagitan ng kalibugan, doon sa nagsisitakas sa nangamumuhay sa kamalian;

2:19 Na pinangangakuan ng kalayaan, samantalang sila'y mga alipin ng kabulukan; sapagka't ang nadaig ninoman ay naging alipin din naman niyaon.

2:20 Sapagka't kung, pagkatapos na sila'y makatakas sa mga pagkahawa sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, ay muling mahalubiluhan at madaig niyaon, ay lalong sumasama ang huling kalagayan nila kay sa nang una.

2:21 Sapagka't magaling pa sa kanila ang hindi nakakilala ng daan ng katuwiran, kay sa, pagkatapos na makakilala ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.

2:22 Nangyari sa kanila ang ayon sa kawikaang tunay, Nagbabalik na muli ang aso sa kaniyang sariling suka, at sa paglulubalob sa pusali ang babaing baboy na nahugasan.

3:1 Ito nga ang ikalawang sulat, mga minamahal, na isinusulat ko sa inyo; at sa dalawa'y ginigising ko ang inyong tapat na pagiisip sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa inyo;

3:2 Upang maalaala ninyo ang mga salitang sinabi nang una ng mga banal na propeta, at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol:

3:3 Na maalaman muna ito, na sa mga huling araw ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtuya, na magsisilakad ayon sa kanikanilang masasamang pita,

3:4 At magsisipagsabi, Saan naroon ang pangako ng kaniyang pagparito? sapagka't, buhat nang araw na mangatulog ang mga magulang, ay nangananatili ang lahat ng mga bagay na gaya ng kalagayan nila mula nang pasimulan ang paglalang.

3:5 Sapagka't sadyang nililimot nila, na mayroong sangkalangitan mula nang unang panahon, at isang lupang inanyuan sa tubig at sa gitna ng tubig, sa pamamagitan ng salita ng Dios;

3:6 Na sa pamamagitan din nito ang sanglibutan noon, na inapawan ng tubig, ay napahamak:

3:7 Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.

3:8 Datapuwa't huwag ninyong kalimutan, mga minamahal, ang isang bagay na ito, na ang isang araw sa Panginoon ay katulad ng isang libong taon, at ang isang libong taon ay katulad ng isang araw.

3:9 Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi.

3:10 Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.

3:11 Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mapupugnaw ng ganito, ano ngang anyo ng mga pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagkamaawain,

3:12 Na ating hinihintay at pinakananasa ang pagdating ng kaarawan ng Dios, na dahil dito'y ang sangkalangitan na nagniningas ay mapupugnaw, at ang mga bagay sa langit ay matutunaw sa matinding init?

3:13 Nguni't, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran.

3:14 Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y nagsisipaghintay ng mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong masumpungan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.

3:15 At inyong ariin na ang pagpapahinuhod ng ating Panginoon ay pagliligtas; na gaya rin naman ni Pablo, na ating minamahal na kapatid, na ayon sa karunungang ibinigay sa kaniya, ay sinulatan kayo;

3:16 Gayon din naman sa lahat ng kaniyang mga sulat, na doo'y sinasalita ang mga bagay na ito; na doo'y may ilang bagay na mahirap unawain, na isinisinsay ng mga di nakaaalam at ng mga walang tiyaga, na gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.

3:17 Kaya nga, mga minamahal, yamang nalalaman na ninyo nang una ang mga bagay na ito, ay magsipagingat kayo, baka kung mangaligaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama, ay mangahulog kayo sa inyong sariling katiyagaan.

3:18 Datapuwa't magsilago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian ngayon at magpakailan man. Siya nawa.


Next: 1 John