1:1 Ang Apocalipsis ni Jesucristo, na ibinigay ng Dios sa kaniya upang ipahayag sa kaniyang mga alipin, sa makatuwid ay ang mga bagay na nararapat mangyaring madali: at kaniyang ipinadala at ipinaalam sa pamamagitan ng kaniyang anghel sa kaniyang alipin na si Juan;
1:2 Na sumaksi sa salita ng Dios, at sa patotoo ni Jesucristo, sa lahat ng mga bagay na nakita niya.
1:3 Mapalad ang bumabasa, at ang nangakikinig ng mga salita ng hula, at tumutupad ng mga bagay na nangasusulat doon: sapagka't ang panaho'y malapit na.
1:4 Si Juan sa pitong iglesia na nasa Asia: Biyaya ang sumainyo nawa, at kapayapaang mula doon sa kaniya na ngayon, at nang nakaraan at darating; at mula sa pitong Espiritu na nasa harapan ng kaniyang luklukan;
1:5 At mula kay Jesucristo na siyang saksing tapat, na panganay sa mga patay, at pangulo ng mga hari sa lupa. Doon sa umiibig sa atin, at sa nagkalag sa atin sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang dugo;
1:6 At ginawa tayong kaharian, mga saserdote sa kaniyang Dios at Ama; sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailan kailan man. Siya nawa.
1:7 Narito, siya'y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita siya ng bawa't mata, at ng nangagsiulos sa kaniya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya. Gayon din, Siya nawa.
1:8 Ako ang Alpha at ang Omega, sabi ng Panginoong Dios, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat.
1:9 Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis na kay Jesus, ay nasasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Dios at sa patotoo ni Jesus.
1:10 Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang dakilang tinig, na tulad sa isang pakakak.
1:11 Na nagsasabi, Ang iyong nakikita, ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesia: sa Efeso, at sa Smirna, at sa Pergamo, at sa Tiatira, at sa Sardis, at sa Filadelfia, at sa Laodicea.
1:12 At ako'y lumingon upang makita ang tinig na nagsasalita sa akin. At nang ako'y lumingon ay nakita ko ang pitong kandelerong ginto:
1:13 At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto.
1:14 At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy;
1:15 At ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig.
1:16 At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi.
1:17 At nang siya'y aking makita, ay nasubasob akong waring patay sa kaniyang paanan. At ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay, na sinasabi, Huwag kang matakot; ako'y ang una at ang huli,
1:18 At ang Nabubuhay; at ako'y namatay, at narito, ako'y nabubuhay magpakailan man, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.
1:19 Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating;
1:20 Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ng pitong kandelerong ginto. Ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesia: at ang pitong kandelero ay ang pitong iglesia.
2:1 Sa anghel ng iglesia sa Efeso ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay, na yaong lumalakad sa gitna ng pitong kandelerong ginto:
2:2 Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagpapagal at pagtitiis, at hindi mo matiis ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagpapanggap na apostol, at sila'y hindi gayon, at nasumpungan mo silang pawang bulaan;
2:3 At may pagtitiis ka at nagbata ka dahil sa aking pangalan, at hindi ka napagod.
2:4 Nguni't mayroon akong laban sa iyo, na iyong iniwan ang iyong unang pagibig.
2:5 Kaya't alalahanin mo kung saan ka nahulog, at magsisi ka at gawin mo ang iyong mga unang gawa; o kung hindi ay paririyan ako sa iyo, at aalisin ko ang iyong kandelero sa kaniyang kinalalagyan, maliban na magsisi ka.
2:6 Nguni't ito'y nasa iyo, na iyong kinapopootan ang mga gawa ng mga Nicolaita, na kinapopootan ko naman.
2:7 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay, ay siya kong pakakanin ng punong kahoy ng buhay, na nasa Paraiso ng Dios.
2:8 At sa anghel ng iglesia sa Smirna ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng una at ng huli, na namatay, at muling nabuhay:
2:9 Nalalaman ko ang iyong kapighatian, at ang iyong kadukhaan (datapuwa't ikaw ay mayaman), at ang pamumusong ng mga nagsasabing sila'y mga Judio, at hindi sila gayon, kundi isang sinagoga ni Satanas.
2:10 Huwag mong katakutan ang mga bagay na iyong malapit ng tiisin: narito, malapit ng ilagay ng diablo ang ilan sa inyo sa bilangguan, upang kayo'y masubok; at magkakaroon kayo ng kapighatiang sangpung araw. Magtapat ka hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng putong ng buhay.
2:11 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay hindi parurusahan ng ikalawang kamatayan.
2:12 At sa anghel ng iglesia sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim:
2:13 Nalalaman ko kung saan ka tumatahan, sa makatuwid baga'y sa kinaroroonan ng luklukan ni Satanas; at iniingatan mong matibay ang aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang aking pananampalataya, kahit nang mga araw man ni Antipas na aking saksi, aking taong tapat, na pinatay sa gitna ninyo, na tinatahanan ni Satanas.
2:14 Datapuwa't mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagka't mayroon ka diyang ilan na nanghahawak sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balac na maglagay ng katisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang magsikain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan, at makiapid.
2:15 Gayon din naman na mayroon kang ilan na nanghahawak sa aral ng mga Nicolaita.
2:16 Magsisi ka nga; o kung hindi ay madaling paririyan ako sa iyo, at babakahin ko sila ng tabak ng aking bibig.
2:17 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap.
2:18 At sa anghel ng iglesia sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Dios, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng tansong binuli:
2:19 Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagibig, at pananampalataya at ministerio at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kay sa mga una.
2:20 Datapuwa't mayroon akong laban sa iyo, na pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na nagpapanggap na propetisa; at siya'y nagtuturo at humihikayat sa aking mga lingkod upang makiapid, at kumain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan.
2:21 At binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; at siya'y ayaw magsisi sa kaniyang pakikiapid.
2:22 Narito, akin siyang iniraratay sa higaan, at ang mga nakikiapid sa kaniya sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisipagsisi sa kaniyang mga gawa.
2:23 At papatayin ko ng salot ang kaniyang mga anak; at malalaman ng lahat ng mga iglesia na ako'y yaong sumasaliksik ng mga pagiisip at ng mga puso: at bibigyan ko ang bawa't isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa.
2:24 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa lahat ng walang aral na ito, na hindi nakakaalam ng malalalim na bagay ni Satanas, gaya ng sinasabi nila; hindi na ako magpapasan sa inyo ng ibang pasan.
2:25 Gayon ma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako'y pumariyan.
2:26 At ang magtagumpay, at tumupad ng aking mga gawa hanggang sa katapusan, ay bibigyan ko ng kapamahalaan sa mga bansa:
2:27 At sila'y paghaharian niya sa pamamagitan ng isang panghampas na bakal, gaya ng pagkadurog ng mga sisidlang lupa ng magpapalyok; gaya naman ng tinanggap ko sa aking Ama:
2:28 At sa kaniya'y ibibigay ko ang tala sa umaga.
2:29 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.
3:1 At sa anghel ng iglesia sa Sardis ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may pitong Espiritu ng Dios, at may pitong bituin: Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay may pangalang ikaw ay nabubuhay, at ikaw ay patay.
3:2 Magpuyat ka, at pagtibayin mo ang mga bagay na natitira, na malapit ng mamatay: sapagka't wala akong nasumpungang iyong mga gawang sakdal sa harapan ng aking Dios.
3:3 Alalahanin mo nga kung paanong iyong tinanggap at narinig; at ito'y tuparin mo, at magsisi ka. Kaya't kung hindi ka magpupuyat ay paririyan akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong panahon paririyan ako sa iyo.
3:4 Nguni't mayroon kang ilang pangalan sa Sardis na hindi nangagdumi ng kanilang mga damit: at sila'y kasama kong magsisilakad na may mga damit na maputi; sapagka't sila'y karapatdapat.
3:5 Ang magtagumpay ay daramtang gayon ng mga mapuputing damit; at hindi ko papawiin sa anomang paraan ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay, at ipahahayag ko ang kaniyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kaniyang mga anghel.
3:6 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.
3:7 At sa anghel ng iglesia sa Filadelfia ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng banal, niyaong totoo, niyaong may susi ni David, niyaong nagbubukas at di mailalapat ng sinoman, at naglalapat at di maibubukas ng sinoman:
3:8 Nalalaman ko ang iyong mga gawa (narito, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas, na di mailalapat ng sinoman), na ikaw ay may kaunting kapangyarihan, at tinupad mo ang aking salita, at hindi mo ikinaila ang aking pangalan.
3:9 Narito, ibinibigay ko sa sinagoga ni Satanas, ang mga nagsasabing sila'y mga Judio, at sila'y hindi, kundi nangagbubulaan; narito, sila'y aking papapariyanin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa, at nang maalamang ikaw ay aking inibig.
3:10 Sapagka't tinupad mo ang salita ng aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa panahon ng pagsubok, na darating sa buong sanglibutan, upang subukin ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa.
3:11 Ako'y dumarating na madali: panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang huwag kunin ng sinoman ang iyong putong.
3:12 Ang magtagumpay, ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Dios, at hindi na siya'y lalabas pa doon: at isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Dios, at ang pangalan ng bayan ng aking Dios, ang bagong Jerusalem, na mananaog buhat sa langit mula sa aking Dios, at ang aking sariling bagong pangalan.
3:13 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.
3:14 At sa anghel ng iglesia sa Laodicea ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Siya Nawa, ng saksing tapat at totoo, ng pasimula ng paglalang ng Dios:
3:15 Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay hindi malamig o mainit man: ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit.
3:16 Kaya sapagka't ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita sa aking bibig.
3:17 Sapagka't sinasabi mo, Ako'y mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi ako nangangailangan ng anoman; at hindi mo nalalamang ikaw ang aba at maralita at dukha at bulag at hubad:
3:18 Ipinapayo ko sa iyo na ikaw ay bumili sa akin ng gintong dinalisay ng apoy, upang ikaw ay yumaman: at ng mapuputing damit, upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiyahiyang kahubaran; at ng pangpahid sa mata, na ipahid sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita.
3:19 Ang lahat kong iniibig, ay aking sinasaway at pinarurusahan: ikaw nga'y magsikap, at magsisi.
3:20 Narito ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako'y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya'y kasalo ko.
3:21 Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan.
3:22 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.
4:1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ang isang pintong bukas sa langit, at ang unang tinig na aking narinig, na gaya ng sa pakakak, na nakikipagusap sa akin, ay sa isang nagsasabi, Umakyat ka rito, at ipakikita ko sa iyo ang mga bagay na dapat mangyari sa haharapin.
4:2 Pagdaka'y napasa Espiritu ako: at narito, may isang luklukang nalalagay sa langit, at sa ibabaw ng luklukan ay may isang nakaupo;
4:3 At ang nakaupo ay katulad ng isang batong jaspe at isang sardio: at naliligid ng isang bahaghari na tulad sa anyo ng isang esmeralda.
4:4 At sa palibot ng luklukan ay may dalawangpu't apat na luklukan: at sa mga luklukan ay nakita kong nangakaupo ang dalawangpu't apat na matatanda, na nadaramtan ng mapuputing damit; at sa kanilang mga ulo ay may mga putong na ginto.
4:5 At mula sa luklukan ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga kulog. At may pitong ilawang apoy na mga nagliliyab sa harapan ng luklukan, na siyang pitong Espiritu ng Dios;
4:6 At sa harapan ng luklukan, ay wari na may isang dagat na bubog na katulad ng salamin; at sa gitna ng luklukan, at sa palibot ng luklukan, ay may apat na nilalang na buhay na puno ng mga mata sa harapan at sa likuran.
4:7 At ang unang nilalang ay katulad ng isang leon, at ang ikalawang nilalang ay katulad ng isang guyang baka, at ang ikatlong nilalang ay may mukhang katulad ng sa isang tao, at ang ikaapat na nilalang ay katulad ng isang agila na lumilipad.
4:8 At ang apat na nilalang na buhay, na may anim na pakpak bawa't isa sa kanila, ay mga puno ng mata sa palibot at sa loob; at sila'y walang pahinga araw at gabi, na nagsasabi, Banal, banal, banal, ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, na nabuhay at nabubuhay at siyang darating.
4:9 At pagka ang mga nilalang na buhay ay nangagpupuri, at nangagpaparangal at nangagpapasalamat sa nakaupo sa luklukan, doon sa nabubuhay magpakailan kailan man,
4:10 Ang dalawangpu't apat na matatanda ay mangagpapatirapa sa harapan niyaong nakaupo sa luklukan, at mangagsisisamba doon sa nabubuhay magpakailan kailan man, at ilalagay ang kanilang putong sa harapan ng luklukan na nangagsasabi,
4:11 Marapat ka, Oh Panginoon namin at Dios namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng kapurihan at ng kapangyarihan: sapagka't nilikha mo ang lahat ng mga bagay at dahil sa iyong kalooban ay nangagsilitaw, at nangalikha.
5:1 At nakita ko sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakang mahigpit ng pitong tatak.
5:2 At nakakita ako ng isang malakas na anghel na nagtatanyag ng malakas na tinig, Sinong karapatdapat magbukas ng aklat, at magtanggal ng mga tatak nito?
5:3 At sinoman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ay hindi makapagbukas ng aklat, o makatingin man.
5:4 At ako'y umiyak na mainam, sapagka't hindi nakasumpong ng sinomang marapat magbukas ng aklat, o makatingin man:
5:5 At sinabi sa akin ng isa sa matatanda, Huwag kang umiyak; narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito.
5:6 At nakita ko sa gitna ng luklukan at ng apat na nilalang na buhay, at sa gitna ng matatanda, ang isang Cordero na nakatayo, na wari ay pinatay, na may pitong sungay, at pitong mata, na siyang pitong Espiritu ng Dios, na sinugo sa buong lupa.
5:7 At siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan.
5:8 At pagkakuha niya ng aklat, ang apat na nilalang na buhay at ang dalawangpu't apat na matatanda ay nangagpatirapa sa harapan ng Cordero, na ang bawa't isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na puno ng kamangyan, na siyang mga panalangin ng mga banal.
5:9 At sila'y nangagaawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi, Ikaw ang karapatdapat na kumuha ng aklat, at magbukas ng mga tatak nito: sapagka't ikaw ay pinatay, at binili mo sa Dios ng iyong dugo ang mga tao sa bawa't angkan, at wika, at bayan, at bansa.
5:10 At sila'y iyong ginawang kaharian at mga saserdote sa aming Dios; at sila'y nangaghahari sa ibabaw ng lupa.
5:11 At nakita ko, at narinig ko ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng luklukan at ng mga nilalang na buhay at ng matatanda; at ang bilang nila ay sangpung libong tigsasangpung libo at libolibo;
5:12 Na nangagsasabi ng malakas na tinig, Karapatdapat ang Cordero na pinatay upang tumanggap ng kapangyarihan, at kayamanan, at karunungan, at kalakasan, at kapurihan, at kaluwalhatian, at pagpapala.
5:13 At ang bawa't bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito, ay narinig kong nangagsasabi, Sa kaniya na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero ay ang pagpapala, at kapurihan, at kaluwalhatian, at paghahari, magpakailan kailan man.
5:14 At ang apat na nilalang na buhay ay nagsabi, Siya nawa. At ang matatanda ay nangagpatirapa at nangagsisamba.
6:1 At nakita ko nang buksan ng Cordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko sa isa sa apat na nilalang na buhay, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, Halika.
6:2 At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay may isang busog; at binigyan siya ng isang putong: at siya'y yumaong nagtatagumpay, at upang magtagumpay.
6:3 At nang buksan niya ang ikalawang tatak, ay narinig ko sa ikalawang nilalang na buhay, na sinasabi, Halika.
6:4 At may lumabas na ibang kabayo, na kabayong mapula: at ang nakasakay dito, ay pinagkaloobang magalis sa lupa ng kapayapaan, at upang mangagpatayan ang isa't isa: at binigyan siya ng isang malaking tabak.
6:5 At nang buksan niya ang ikatlong tatak, ay narinig ko sa ikatlong nilalang na buhay, na nagsasabi, Halika. At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maitim; at yaong nakasakay dito ay may isang timbangan sa kaniyang kamay.
6:6 At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna ng apat na nilalang na buhay na nagsasabi, Sa isang denario ay isang takal na trigo, at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; at huwag mong ipahamak ang langis at ang alak.
6:7 At nang buksan niya ang ikaapat na tatak, ay narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buhay na nagsasabi, Halika.
6:8 At tumingin ako, at narito, ang isang kabayong maputla: at ang nakasakay dito ay may pangalang Kamatayan; at ang Hades ay sumusunod sa kaniya. At sila'y pinagkalooban ng kapamahalaan sa ikaapat na bahagi ng lupa, na pumatay sa pamamagitan ng tabak, at ng gutom, at ng salot, at ng mga ganid na hayop sa lupa.
6:9 At nang buksan niya ang ikalimang tatak, ay nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Dios, at dahil sa patotoong sumakanila:
6:10 At sila'y sumigaw ng tinig na malakas, na nagsasabi, Hanggang kailan, Oh Panginoong banal at totoo, hindi mo hahatulan at ipaghihiganti ang aming dugo, sa mga nananahan sa ibabaw ng lupa?
6:11 At binigyan ang bawa't isa sa kanila ng isang maputing balabal; at sa kanila'y sinabi, na mangagpahinga pa ng kaunting panahon, hanggang sa maganap ang bilang ng kanilang mga kapuwa alipin at ng kanilang mga kapatid, na mga papatayin namang gaya nila.
6:12 At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na tatak, at nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng isang magaspang na kayong buhok na maitim, at ang buong buwan ay naging gaya ng dugo;
6:13 At ang mga bituin sa langit ay nangahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na isinasambulat ang kaniyang mga bungang bubot pagka hinahampas ng malakas na hangin.
6:14 At ang langit ay nahawi na gaya ng isang lulong aklat kung nalululon; at ang bawa't bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinatatayuan.
6:15 At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe, at ang mga pangulong kapitan, at ang mayayaman, at ang mga makapangyarihan, at ang bawa't alipin at ang bawa't laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok;
6:16 At sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, Mahulog kayo sa amin, at kami'y inyong itago sa mukha noong nakaupo sa luklukan, at sa galit ng Cordero:
6:17 Sapagka't dumating na ang dakilang araw ng kanilang kagalitan; at sino ang makatatayo?
7:1 At pagkatapos nito ay nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anomang punong kahoy.
7:2 At nakita ko ang ibang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Dios na buhay: at siya'y sumigaw ng tinig na malakas sa apat na anghel na pinagkaloobang maipahamak ang lupa at ang dagat,
7:3 Na nagsasabi, Huwag ninyong ipahamak ang lupa, kahit ang dagat, kahit ang mga punong kahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Dios.
7:4 At narinig ko ang bilang ng mga natatakan, na isang daan at apat na pu't apat na libo, na natatakan, sa bawa't angkan ng mga anak ni Israel:
7:5 Sa angkan ni Juda ay labingdalawang libo ang tinatakan; Sa angkan ni Ruben ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Gad ay labingdalawang libo;
7:6 Sa angkan ni Aser ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Neftali ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Manases ay labingdalawang libo;
7:7 Sa angkan ni Simeon ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Levi ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Isacar ay labingdalawang libo;
7:8 Sa angkan ni Zabulon ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Jose ay labingdalawang libo; Sa angkan ni Benjamin ay labingdalawang libo ang tinatakan.
7:9 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at narito, ang isang lubhang karamihan na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa't bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng luklukan at sa harapan ng Cordero, na nangadaramtan ng mapuputing damit, at may mga palma sa kanilang mga kamay;
7:10 At nagsisigawan ng tinig na malakas, na nangagsasabi, Ang pagliligtas ay sumaaming Dios na nakaupo sa luklukan, at sa Cordero.
7:11 At ang lahat ng mga anghel ay nangakatayo sa palibot ng luklukan, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buhay; at sila'y nangagpatirapa sa harapan ng luklukan, at nangagsisamba sa Dios,
7:12 Na nangagsasabi, Siya nawa: Pagpapala at kaluwalhatian, at karunungan, at pagpapasalamat, at karangalan, at kapangyarihan, at kalakasan, nawa ang sumaaming Dios magpakailan kailan man. Siya nawa.
7:13 At sumagot ang isa sa matatanda na, nagsasabi sa akin, Ang mga ito na nangadaramtan ng mapuputing damit, ay sino-sino at saan nagsipanggaling?
7:14 At sinabi ko sa kaniya, Panginoon ko, Ikaw ang nakakaalam. At sinabi niya sa akin, Ang mga ito'y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero.
7:15 Kaya't sila'y nasa harapan ng luklukan ng Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo: at siyang nakaupo sa luklukan, ay lulukuban sila ng kaniyang tabernakulo.
7:16 Sila'y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw pa man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anomang init:
7:17 Sapagka't ang Cordero na nasa gitna ng luklukan ay siyang magiging pastor nila, at sila'y papatnugutan sa mga bukal ng tubig ng buhay: at papahirin ng Dios ang bawa't luha ng kanilang mga mata.
8:1 At nang buksan niya ang ikapitong tatak, ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na may kalahating oras.
8:2 At nakita ko ang pitong anghel na nangakatayo sa harapan ng Dios; at sila'y binigyan ng pitong pakakak.
8:3 At dumating ang ibang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong pangsuob ng kamangyan; at binigyan siya ng maraming kamangyan, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng luklukan.
8:4 At ang usok ng kamangyan, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, ay napailanglang mula sa kamay ng anghel, sa harapan ng Dios.
8:5 At kinuha ng anghel ang pangsuob ng kamangyan; at pinuno niya ng apoy ng dambana, at itinapon sa lupa: at nagkaroon ng mga kulog, at mga tinig, at mga kidlat, at ng isang lindol.
8:6 At ang pitong anghel na may pitong pakakak ay nagsihanda upang magsihihip.
8:7 At humihip ang una, at nagkaroon ng granizo at apoy, na may halong dugo, at itinapon sa lupa: at ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punong kahoy ay nasunog, at ang lahat ng sariwang damo ay nasunog.
8:8 At humihip ang ikalawang anghel, at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay nabulusok sa dagat: at ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo;
8:9 At namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na nasa dagat, na mga may buhay; at ang ikatlong bahagi sa mga daong ay nawalat.
8:10 At humihip ang ikatlong anghel, at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig;
8:11 At ang pangalan ng bituin ay Ajenjo: at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging ajenjo; at maraming tao ay nangamatay dahil sa tubig, sapagka't mapait ang tubig.
8:12 At humihip ang ikaapat na anghel, at nasugatan ang ikatlong bahagi ng araw, at ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin; upang magdilim ang ikatlong bahagi nila, at upang ang ikatlong bahagi ng maghapon ay huwag lumiwanag, at gayon din naman ang gabi.
8:13 At nakita ko, at narinig ko ang isang anghel, na lumilipad sa pagitan ng langit, na nagsasabi ng malakas na tinig, Sa aba, sa aba, sa aba ng mga nananahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga ibang tunog ng pakakak ng tatlong anghel, na magsisihihip pa.
9:1 At humihip ang ikalimang anghel, at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit: at sa kaniya'y ibinigay ang susi ng hukay ng kalaliman.
9:2 At binuksan niya ang balon ng kalaliman; at napailanglang ang usok mula sa hukay, na gaya ng usok ng isang malaking lutuang-bakal; at nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay.
9:3 At nangagsilabas sa usok ang mga balang sa lupa; at binigyan sila ng kapangyarihan, na gaya ng mga alakdan sa lupa na may kapangyarihan.
9:4 At sinabi sa kanila na huwag ipahamak ang damo sa lupa, ni ang anomang bagay na sariwa, ni ang anomang punong kahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Dios sa kanilang mga noo.
9:5 At pinagkalooban silang huwag patayin ang mga ito, kundi pahirapan nilang limang buwan: at ang kanilang pahirap ay gaya ng pahirap ng alakdan kung kumakagat sa isang tao.
9:6 At sa mga araw na yaon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan, at sa anomang paraa'y hindi nila masusumpungan; at mangagnanasang mamatay, at ang kamatayan ay tatakas sa kanila.
9:7 At ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong nahahanda sa pagbabaka; at sa kanilang mga ulo ay gaya ng mga putong na katulad ng ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao.
9:8 At sila'y may buhok na gaya ng buhok ng mga babae, at ang kanilang mga ngipin ay gaya ng sa mga leon.
9:9 At sila'y may mga baluti, na gaya ng baluting bakal; at ang ugong ng kanilang mga pakpak ay gaya ng ugong ng mga karro, at ng maraming kabayo na dumadaluhong sa pagbabaka.
9:10 At sila'y may mga buntot na gaya ng sa mga alakdan, at mga tibo; at sa kanilang mga buntot naroroon ang kanilang kapangyarihan upang ipahamak ang mga taong limang buwan.
9:11 Sila'y may pinakahari na anghel ng kalaliman: ang kaniyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abaddon, at sa Griego ay may pangalan siyang Apolyon.
9:12 Ang unang Pagkaaba ay nakaraan na: narito, darating pa ang dalawang Pagkaaba sa haharapin.
9:13 At humihip ang ikaanim na anghel, at narinig ko ang isang tinig mula sa mga sungay ng dambanang ginto na nasa harapan ng Dios,
9:14 Na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may pakakak, Kalagan mo ang apat na anghel na nagagapos sa malaking ilog ng Eufrates.
9:15 At kinalagan ang apat na anghel, na nangahahanda sa oras at araw at buwan at taon upang patayin ang ikatlong bahagi ng mga tao.
9:16 At ang bilang ng mga hukbong nangangabayo ay makalawang sangpunglibong tigsasangpung libo: aking narinig ang bilang nila.
9:17 At nakita kong sa pangitain ang mga kabayo, at ang mga nakasakay dito, na may mga baluting gaya ng apoy at ng jacinto at ng asupre: at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon; at sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy at usok at asupre.
9:18 Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay napatay ang ikatlong bahagi ng mga tao, sa pamamagitan ng apoy at ng usok at ng asupre, na nangagsisilabas sa kanilang mga bibig.
9:19 Sapagka't ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang bibig, at nasa kanilang mga buntot; sapagka't ang kanilang mga buntot ay kawangis ng mga ahas, at may mga ulo; at siya nilang ipinananakit.
9:20 At ang nalabi sa mga tao, na hindi napatay sa mga salot na ito, ay hindi nagsipagsisi sa mga gawa ng kanilang mga kamay, upang huwag sumamba sa mga demonio, at sa mga diosdiosang ginto, at pilak, at tanso, at bato, at kahoy; na hindi nangakakakita, ni nangakaririnig man, ni nangakalalakad man.
9:21 At sila'y hindi nagsipagsisi sa kanilang mga pagpatay, kahit man sa kanilang panggagaway, kahit man sa kanilang pakikiapid, kahit man sa kanilang pagnanakaw.
10:1 At nakita ko ang ibang malakas na anghel na nanaog na mula sa langit, na nabibihisan ng isang alapaap; at ang bahaghari ay nasa kaniyang ulo, at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng mga haliging apoy;
10:2 At may isang maliit na aklat na bukas sa kaniyang kamay: at itinungtong ang kaniyang kanang paa sa dagat, at ang kaniyang kaliwa ay sa lupa;
10:3 At sumigaw ng malakas na tinig, na gaya ng leon na umaangal: at pagkasigaw niya, ay ang pitong kulog ay umugong.
10:4 At pagkaugong ng pitong kulog, ay isusulat ko sana: at narinig ko ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Tatakan mo ang mga bagay na sinalita ng pitong kulog, at huwag mong isulat.
10:5 At ang anghel na aking nakita na nakatayo sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng lupa ay itinaas ang kaniyang kanang kamay sa langit,
10:6 At ipinanumpa yaong nabubuhay magpakailan kailan man, na lumalang ng langit at ng mga bagay na naroroon, at ng lupa at ng mga bagay na naririto, at ng dagat at ng mga bagay na naririto, na hindi na magluluwat ang panahon:
10:7 Kundi sa mga araw ng tinig ng ikapitong anghel, pagka malapit nang siya'y humihip, kung magkagayo'y ganap na ang hiwaga ng Dios, ayon sa mabubuting balita na kaniyang isinaysay sa kaniyang mga alipin na mga propeta.
10:8 At ang tinig na aking narinig na mula sa langit, ay muling nagsalita sa akin, at nagsabi, Humayo ka, kunin mo ang aklat na bukas na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng lupa.
10:9 At ako'y naparoon sa anghel na nagsabi ako sa kaniya na ibigay sa akin ang maliit na aklat. At kaniyang sinabi sa akin, Kunin mo ito, at ito'y kanin mo; at papapaitin ang iyong tiyan, datapuwa't sa iyong bibig ay magiging matamis na gaya ng pulot.
10:10 At kinuha ko ang maliit na aklat sa kamay ng anghel, at aking kinain; at sa aking bibig ay matamis na gaya ng pulot: at nang aking makain, ay pumait ang aking tiyan.
10:11 At sinasabi nila sa akin, Dapat kang manghulang muli sa maraming mga bayan at mga bansa at mga wika at mga hari.
11:1 At binigyan ako ng isang tambong katulad ng isang panukat: at may isang nagsabi, Magtindig ka, at sukatin mo ang templo ng Dios, at ang dambana, at ang mga sumasamba doon.
11:2 At ang loobang nasa labas ng templo ay pabayaan mo, at huwag mong sukatin; sapagka't ibinigay sa mga Gentil; at kanilang yuyurakang apat na pu't dalawang buwan ang banal na siudad.
11:3 At may ipagkakaloob ako sa aking dalawang saksi, at sila'y magsisipanghulang isang libo at dalawang daan at anim na pung araw, na nararamtan ng magagaspang na kayo.
11:4 Ang mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang kandelero, na nangakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.
11:5 At kung nasain ng sinoman na sila'y ipahamak, ay apoy ang lumalabas sa kanilang bibig, at lumalamon sa kanilang mga kaaway; at kung nasain ng sinoman na sila'y ipahamak ay kailangan ang mamatay sa ganitong paraan.
11:6 Ang mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit, upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang hula: at may kapangyarihan sila sa mga tubig na mapaging dugo, at mapahirapan ang lupa ng bawa't salot sa tuwing kanilang nasain.
11:7 At pagka natapos nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa kalaliman ay babaka sa kanila, at pagtatagumpayan sila, at sila'y papatayin.
11:8 At ang kanilang mga bangkay ay nasa lansangan ng malaking bayan, na ayon sa espiritu ay tinatawag na Sodoma at Egipto, na doon din naman ipinako sa krus ang Panginoon nila.
11:9 At ang mga tao mula sa gitna ng mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa, ay nanonood sa kanilang mga bangkay na tatlong araw at kalahati, at hindi itutulot na ang kanilang mga bangkay ay malibing.
11:10 At ang mga nananahan sa ibabaw ng lupa ay mangagagalak tungkol sa kanila, at mangatutuwa; at sila'y mangagpapadalahan ng mga kaloob; sapagka't ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa nangananahan sa ibabaw ng lupa.
11:11 At pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Dios ay pumasok sa kanila, at sila'y nangagsitindig; at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.
11:12 At narinig nila ang isang malakas na tinig na nagsasabi sa kanila, Umakyat kayo rito. At sila'y umakyat sa langit sa isang alapaap; at pinagmasdan sila ng kanilang mga kaaway.
11:13 At nang oras na yaon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasangpung bahagi ng bayan; at may nangamatay sa lindol na pitong libo katao: at ang mga iba ay nangatatakot, at nangagbigay ng kaluwalhatian sa Dios ng langit.
11:14 Nakaraan na ang ikalawang Pagkaaba: narito, nagmamadaling dumarating ang ikatlong Pagkaaba.
11:15 At humihip ang ikapitong anghel; at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, at nagsasabi, Ang kaharian ng sanglibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa kaniyang Cristo: at siya'y maghahari magpakailan kailan man.
11:16 At ang dalawangpu't apat na matatanda na nakaupo sa kanikaniyang luklukan sa harapan ng Dios ay nangagpatirapa, at nangagsisamba sa Dios,
11:17 Na nangagsasabi, Pinasasalamatan ka namin, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, na ikaw ngayon, at naging ikaw nang nakaraan; sapagka't hinawakan mo ang iyong dakilang kapangyarihan, at ikaw ay naghari.
11:18 At nangagalit ang mga bansa, at dumating ang iyong poot, at ang panahon ng mga patay upang mangahatulan, at ang panahon ng pagbibigay mo ng ganting-pala sa iyong mga alipin na mga propeta, at sa mga banal, at sa mga natatakot sa iyong pangalan, maliliit at malalaki; at upang ipahamak mo ang mga nagpapahamak ng lupa.
11:19 At nabuksan ang templo ng Dios na nasa langit: at nakita sa kaniyang templo ang kaban ng kaniyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog, at isang lindol, at malaking granizo.
12:1 At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nararamtan ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa, at sa kaniyang ulo ay may isang putong na labingdalawang bituin;
12:2 At siya'y nagdadalang tao; at siya'y sumisigaw, na nagdaramdam sa panganganak, at sa hirap upang manganak.
12:3 At ang ibang tanda ay nakita sa langit: at narito, ang isang malaking dragong mapula, na may pitong ulo at sangpung sungay, at sa kaniyang mga ulo'y may pitong diadema.
12:4 At kinaladkad ng kaniyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit, at ipinaghagis sa lupa: at lumagay ang dragon sa harapan ng babaing manganganak na, upang lamunin ang kaniyang anak pagkapanganak niya.
12:5 At siya'y nanganak ng isang anak na lalake, na maghahari na may panghampas na bakal sa lahat ng mga bansa: at ang kaniyang anak ay inagaw na dinala hanggang sa Dios, at hanggang sa kaniyang luklukan.
12:6 At tumakas ang babae sa ilang, na doon siya'y ipinaghanda ng Dios ng isang dako, upang doon siya ampuning isang libo dalawang daan at anim na pung araw.
12:7 At nagkaroon ng pagbabaka sa langit: si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon; at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka;
12:8 At hindi sila nanganalo, ni nasumpungan pa man ang kanilang dako sa langit.
12:9 At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanglibutan; siya'y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya.
12:10 At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit, na nagsasabi, Ngayo'y dumating ang kaligtasan, at ang kapangyarihan, at ang kaharian ng ating Dios, at ang kapamahalaan ng kaniyang Cristo: sapagka't inihagis na ang tagapagsumbong sa ating mga kapatid na siyang sa kanila'y nagsusumbong sa harapan ng ating Dios araw at gabi.
12:11 At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Cordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo, at hindi nila inibig ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan.
12:12 Kaya't mangagalak kayo, Oh mga langit at kayong nagsisitahan diyan. Sa aba ng lupa at ng dagat: sapagka't ang diablo'y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.
12:13 At nang makita ng dragon na siya'y inihagis sa lupa, ay inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalake.
12:14 At sa babae'y ibinigay ang dalawang pakpak ng agilang malaki, upang ilipad sa ilang mula sa harap ng ahas hanggang sa kaniyang tahanan, na pinagkandilihan sa kaniyang isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.
12:15 At ang ahas ay nagbuga sa kaniyang bibig sa likuran ng babae ng tubig na gaya ng isang ilog, upang maipatangay siya sa agos.
12:16 At tinulungan ng lupa ang babae, at ibinuka ang kaniyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon sa kaniyang bibig.
12:17 At nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus:
13:1 At siya'y tumayo sa buhanginan ng dagat. At nakita ko ang isang hayop na umaahon sa dagat, na may sangpung sungay at pitong ulo, at sa kanilang mga sungay ay may sangpung diadema, at sa kaniyang mga ulo ay mga pangalan ng kapusungan.
13:2 At ang hayop na aking nakita ay katulad ng isang leopardo, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang kaniyang bibig ay gaya ng bibig ng leon: at ibinigay sa kaniya ng dragon ang kaniyang kapangyarihan, at ang kaniyang luklukan, at dakilang kapamahalaan.
13:3 At nakita ko ang isa sa kaniyang mga ulo na waring sinugatan ng ikamamatay; at ang kaniyang sugat na ikamamatay ay gumaling: at ang buong lupa'y nanggilalas sa hayop;
13:4 At sila'y nangagsisamba sa dragon, sapagka't ibinigay niya ang kaniyang kapamahalaan sa hayop; at nangagsisamba sa hayop, na nangagsasabi, Sino ang kagaya ng hayop? at sinong makababaka sa kaniya?
13:5 At binigyan siya ng isang bibig na nagsasalita ng malalaking bagay at mga kapusungan: at binigyan siya ng kapamahalaan, upang magpatuloy na apat na pu't dalawang buwan.
13:6 At binuka niya ang kaniyang bibig sa mga kapusungan laban sa Dios, upang pusungin ang kaniyang pangalan, at ang kaniyang tabernakulo, gayon din naman ang mga nananahan sa langit.
13:7 At ipinagkaloob sa kaniya na makipagbaka sa mga banal, at pagtagumpayan sila; at binigyan siya ng kapamahalaan sa bawa't angkan at bayan at wika at bansa.
13:8 At ang lahat ng nangananahan sa lupa ay magsisisamba sa kaniya, na ang kanikaniyang pangalan ay hindi nasusulat sa aklat ng buhay ng Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan.
13:9 Kung ang sinoman ay may pakinig, ay makinig.
13:10 Kung ang sinoman ay sa pagkabihag, ay sa pagkabihag paroroon siya: kung ang sinoman ay papatay sa tabak, ay dapat siyang mamatay sa tabak. Narito ang pagtitiyaga at ang pananampalataya ng mga banal.
13:11 At nakita ko ang ibang hayop na umaahon sa lupa; at may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero, at siya'y nagsasalitang gaya ng dragon.
13:12 At kaniyang isinasagawa ang buong kapamahalaan ng unang hayop sa kaniyang paningin. At pinasasamba niya ang lupa at ang nangananahan dito sa unang hayop, na gumaling ang sugat na ikamamatay.
13:13 At siya'y gumagawa ng mga dakilang tanda, na ano pa't nakapagpapababa ng kahit apoy mula sa langit hanggang sa lupa sa paningin ng mga tao.
13:14 At nadadaya niya ang mga nananahan sa lupa dahil sa mga tanda na sa kaniya'y ipinagkaloob na magawa sa paningin ng hayop; na sinasabi sa mga nananahan sa lupa, na dapat silang gumawa ng isang larawan ng hayop na mayroon ng sugat ng tabak at nabuhay.
13:15 At siya'y pinagkaloobang makapagbigay ng hininga sa larawan ng hayop, upang ang larawan ng hayop ay makapangusap, at maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng hayop.
13:16 At ang lahat, maliliit at malalaki, at mayayaman at mga dukha, at ang mga laya at ang mga alipin ay pinabigyan ng isang tanda sa kanilang kanang kamay, o sa noo;
13:17 At nang huwag makabili o makapagbili ang sinoman, kundi siyang mayroong tanda, sa makatuwid ay ng pangalan ng hayop o bilang ng kaniyang pangalan.
13:18 Dito'y may karunungan. Ang may pagkaunawa ay bilangin ang bilang ng hayop; sapagka't siyang bilang ng isang tao: at ang kaniyang bilang ay Anim na raan at anim na pu't anim.
14:1 At tumingin ako, at narito, ang Cordero ay nakatayo sa bundok ng Sion, at ang kasama niya'y isang daan at apat na pu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kaniyang Ama, na nasusulat sa kanikaniyang noo.
14:2 At narinig ko ang isang tinig na mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog: at ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog ng alpa na tumutugtog ng kanilang mga alpa:
14:3 At sila'y nangagaawitan na wari'y isang bagong awit sa harapan ng luklukan, at sa harap ng apat na nilalang na buhay at ng matatanda: at sinoman ay hindi maaaring matuto ng awit kundi ang isang daan at apat na pu't apat na libo lamang, sa makatuwid ay siyang mga binili mula sa lupa.
14:4 Ang mga ito'y ang hindi nangahawa sa mga babae; sapagka't sila'y mga malilinis. At ang mga ito'y ang nagsisisunod sa Cordero saan man siya pumaroon. Ang mga ito'y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Dios at sa Cordero.
14:5 At sa kanikaniyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila'y mga walang dungis.
14:6 At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa't bansa at angkan at wika at bayan;
14:7 At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka't dumating ang panahon ng kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.
14:8 At ang iba, ang pangalawang anghel, ay sumunod na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat na bansa ng alak ng kagalitan ng kaniyang pakikiapid.
14:9 At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay,
14:10 Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya'y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero:
14:11 At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan.
14:12 Narito ang pagtitiyaga ng mga banal, ng mga nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at ng pananampalataya kay Jesus.
14:13 At narinig ko ang isang tinig na mula sa langit na nagsasabi, Isulat mo, Mapapalad ang mga patay na nangamamatay sa Panginoon mula ngayon: oo, sinasabi ng Espiritu, upang sila'y mangagpahinga sa kanilang mga gawa; sapagka't ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.
14:14 At nakita ko, at narito, ang isang alapaap na maputi; at nakita ko na nakaupo sa alapaap ang isang katulad ng isang anak ng tao, na sa kaniyang ulo'y may isang putong na ginto, at sa kaniyang kamay ay may isang panggapas na matalas.
14:15 At lumabas ang ibang anghel sa templo, na sumisigaw ng malakas na tinig doon sa nakaupo sa alapaap, Ihulog mo ang iyong panggapas, at gumapas ka; sapagka't dumating ang oras ng paggapas, sapagka't ang aanihin sa lupa ay hinog na.
14:16 At inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kaniyang panggapas sa lupa; at ang lupa ay nagapasan.
14:17 At lumabas ang ibang anghel sa templong nasa langit, na may panggapas din namang matalas.
14:18 At ang ibang anghel ay lumabas sa dambana, na siyang may kapangyarihan sa apoy, at tinawagan ng malakas na tinig yaong may panggapas na matalas, na sinasabi, Ihulog mo ang iyong panggapas na matalas, at putihin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa; sapagka't ang kaniyang mga ubas ay mga hinog na.
14:19 At inihagis ng anghel ang kaniyang panggapas sa lupa, at pinuti ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa pisaan ng ubas, sa malaking pisaan ng kagalitan ng Dios.
14:20 At nayurakan ang pisaan ng ubas sa labas ng bayan, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umapaw hanggang sa mga preno ng mga kabayo, sa lawak na isang libo at anim na raang estadio.
15:1 At nakita ko ang ibang tanda sa langit, dakila at kagilagilalas. Pitong anghel na may pitong salot, na siyang mga panghuli, sapagka't sa mga yao'y magaganap ang kagalitan ng Dios.
15:2 At nakita ko ang gaya ng isang dagat na bubog na may halong apoy, at yaong nangagtagumpay sa hayop, at sa kaniyang larawan, at sa bilang ng kaniyang pangalan, ay nangakatayo sa tabi ng dagat na bubog, na may mga alpa ng Dios.
15:3 At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Dios, at ang awit ng Cordero, na sinasabi, Mga dakila at kagilagilalas ang iyong mga gawa, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat; matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa.
15:4 Sinong hindi matatakot, Oh Panginoon, at luluwalhatiin ang iyong pangalan? sapagka't ikaw lamang ang banal; sapagka't ang lahat ng mga bansa ay darating at magsisisamba sa harapan mo; sapagka't ang iyong mga matuwid na gawa ay nangahayag.
15:5 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at ang santuario ng tabernakulo ng patotoo sa langit ay nabuksan.
15:6 At sa santuario ay nagsilabas ang pitong anghel na may pitong salot, na nararamtan ng mahalagang bato, tunay at makintab, at nangabibigkisan ng gintong pamigkis ang kanilang mga dibdib.
15:7 At isa sa apat na nilalang na buhay ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong mangkok na ginto na puno ng kagalitan ng Dios, na siyang nabubuhay magpakailan kailan man.
15:8 At napuno ng usok ang santuario mula sa kaluwalhatian ng Dios, at sa kaniyang kapangyarihan; at sinoman ay hindi nakapasok sa santuario, hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.
16:1 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa santuario, na nagsasabi sa pitong anghel, Humayo kayo, at ibuhos ninyo ang pitong mangkok ng kagalitan ng Dios sa lupa.
16:2 At humayo ang una, at ibinuhos ang kaniyang mangkok sa lupa; at naging sugat na masama at mabigat sa mga taong may tanda ng hayop na yaon, at nangagsisamba sa kaniyang larawan.
16:3 At ibinuhos ng ikalawa ang kaniyang mangkok sa dagat; at naging dugo na gaya ng isang patay; at bawa't kaluluwang may buhay, sa makatuwid ay ang nangasa dagat ay nangamatay.
16:4 At ibinuhos ng ikatlo ang kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at nangaging dugo.
16:5 At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi, Matuwid ka, na ngayon at nang nakaraan, Oh Banal, sapagka't humatol ka na gayon;
16:6 Sapagka't ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at pinainom mo sila ng dugo; ito'y karapatdapat sa kanila.
16:7 At narinig ko ang dambana na nagsasabi, Oo, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, tunay at matuwid ang iyong mga hatol.
16:8 At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa araw; at ibinigay nito sa kaniya ng masunog ng apoy ang mga tao.
16:9 At nangasunog ang mga tao sa matinding init: at sila'y namusong sa pangalan ng Dios na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nangagsisi upang siya'y luwalhatiin.
16:10 At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa luklukan ng hayop na yaon; at nagdilim ang kaniyang kaharian; at nginatngat nila ang kanilang mga dila dahil sa hirap,
16:11 At sila'y namusong sa Dios ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nangagsisi sa kanilang mga gawa.
16:12 At ibinuhos ng ikaanim ang kaniyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates; at natuyo ang tubig nito, upang mahanda ang dadaanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.
16:13 At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon, at sa bibig ng hayop, at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka:
16:14 Sapagka't sila'y mga espiritu ng mga demonio, na nagsisigawa ng mga tanda; na pinaparoonan nila ang mga hari sa buong sanglibutan, upang tipunin sa pagbabaka sa dakilang araw ng Dios, na Makapangyarihan sa lahat.
16:15 (Narito, ako'y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan.)
16:16 At tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.
16:17 At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin; at lumabas sa santuario ang isang malakas na tinig, mula sa luklukan na nagsasabi, Nagawa na:
16:18 At nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog; at nagkaroon ng malakas na lindol, na di nangyari kailan man mula nang magkatao sa lupa, isang lindol na lubhang malakas, lubhang kakilakilabot.
16:19 At ang dakilang bayan ay nabahagi sa tatlo, at ang mga bayan ng mga bansa ay nangaguho: at ang dakilang Babilonia ay napagalaala sa paningin ng Dios, upang siya'y bigyan ng inuman ng alak ng kabagsikan ng kaniyang kagalitan.
16:20 At tumakas ang bawa't pulo, at ang mga bundok ay hindi nangasumpungan.
16:21 At malaking granizo na kasinglaki ng talento ay lumagpak sa mga tao buhat sa langit, at namusong ang mga tao sa Dios dahil sa salot na granizo; sapagka't ang salot na ito ay lubhang malaki.
17:1 At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Pumarito ka, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa bantog na patutot na nakaupo sa maraming tubig;
17:2 Na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.
17:3 At ako'y kaniyang dinalang nasa Espiritu sa isang ilang: at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang hayop na pula, na puno ng mga pangalang pamumusong, na may pitong ulo at sangpung sungay.
17:4 At nararamtan ang babae ng kulay-ube at ng pula, at nahihiyasan ng ginto at ng mga mahalagang bato at mga perlas, na sa kaniyang kamay ay may isang sarong ginto na puno ng mga kasuklamsuklam, at ng mga bagay na marurumi ng kaniyang pakikiapid,
17:5 At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, HIWAGA, DAKILANG BABILONIA, INA NG MGA PATUTOT AT NG MGA KASUKLAMSUKLAM SA LUPA.
17:6 At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir ni Jesus. At nang aking makita siya ay nanggilalas ako ng malaking panggigilalas.
17:7 At sinabi sa akin ng anghel, Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng hayop na sinasakyan niya, na may pitong ulo at sangpung sungay.
17:8 At ang hayop na nakita mo ay naging siya, at wala na; at malapit ng umahon sa kalaliman, at patungo sa kapahamakan. At silang mga nananahan sa lupa ay manggigilalas na ang kanilang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanglibutan, pagkakita nila sa hayop, kung paano naging siya at wala na, at darating.
17:9 Narito ang pagiisip na may karunungan. Ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae:
17:10 At sila'y pitong hari; ang lima ay nanga buwal, ang isa'y narito, ang isa ay hindi pa dumarating; at pagdating niya ay dapat magtagal na sangdaling panahon.
17:11 At ang hayop na naging siya, at wala na, ay siya ring ikawalo at siya'y sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan.
17:12 At ang sangpung sungay na iyong nakita ay sangpung hari, na hindi pa nagsisitanggap ng kaharian; datapuwa't magsisitanggap sila ng kapamahalaang paghahari na isang oras na kasama ng hayop.
17:13 Ang mga ito ay may isang kaisipan, at ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa hayop.
17:14 Makikipagbaka ang mga ito laban sa Cordero, at sila'y dadaigin ng Cordero, sapagka't siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga Hari; at ng mga kasama niya, na mga tinawag at mga pili at mga tapat ay nananaig din.
17:15 At sinabi niya sa akin, Ang tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng patutot, ay mga bayan, at mga karamihan, at mga bansa, at mga wika.
17:16 At ang sangpung sungay na iyong nakita, at ang hayop, ay siyang nangapopoot sa patutot, at siya'y pababayaan at huhubaran, at kakanin ang kaniyang laman, at siya'y lubos na susupukin ng apoy.
17:17 Sapagka't inilagay ng Dios sa kanilang mga puso na gawin ang kaniyang kaisipan, at mangagkaisa ng kaisipan, at ibigay ang kanilang kaharian sa hayop, hanggang sa maganap ang mga salita ng Dios.
17:18 At ang babae na iyong nakita ay ang dakilang bayan, na naghahari sa mga hari sa lupa.
18:1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang ibang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapamahalaan; at ang lupa ay naliwanagan ng kaniyang kaluwalhatian.
18:2 At siya'y sumigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, at naging tahanan ng mga demonio, at kulungan ng bawa't espiritung karumaldumal, at kulungan ng bawa't karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon.
18:3 Sapagka't dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapid ay nangaguho ang lahat ng mga bansa; at ang mga hari sa lupa ay nangakiapid sa kaniya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang kalayawan.
18:4 At narinig ko ang ibang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot:
18:5 Sapagka't ang kaniyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit at naalaala ng Dios ang kaniyang mga katampalasanan.
18:6 Ibigay din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo, at ibayuhin ninyo ng ibayo sa kaniyang mga gawa: sa sarong kaniyang pinaghaluan ay ipaghalo ninyo siya ng ibayo.
18:7 Kung gaano ang pagkakapagmapuri, at pagkapamuhay na malayaw, ay gayon din naman ang ibigay ninyo sa kaniyang pahirap at pagluluksa: sapagka't sinasabi niya sa kaniyang puso, Ako'y nakaupong reina, at hindi ako bao, at hindi ko makikita kailan man ang pagluluksa.
18:8 Kaya't darating sa isang araw ang mga salot sa kaniya, kamatayan at pagluluksa, at gutom; at siya'y lubos na susunugin sa apoy; sapagka't malakas ang Panginoong Dios na humatol sa kaniya.
18:9 At ang mga hari sa lupa, na nangakiapid at nangabuhay na malayaw na kasama niya, ay mangagsisiiyak at mangagsisitaghoy tungkol sa kaniya, pagkakita nila ng usok ng kaniyang pagkasunog,
18:10 At nangakatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kaniya, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba ng dakilang bayang Babilonia, ng bayang matibay! sapagka't sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo.
18:11 At ang mga mangangalakal sa lupa ay mangagsisiiyak at mangagluluksa tungkol sa kaniya, sapagka't wala nang bibili pa ng kaniyang kalakal;
18:12 Ng kalakal na ginto at pilak, at mahalagang bato, at mga perlas, at mainam na lino, at kayong kulay ube, at sutla, at kayong pula; at sarisaring mababangong kahoy, at bawa't kasangkapang garing, at bawa't kasangkapang mahalagang kahoy, at tanso, at bakal, at marmol;
18:13 At kanela, at especias, at incienso, at ungguento, at kamangyan, at alak, at langis, at mainam na harina, at trigo, at mga baka, at mga tupa; at kalakal na mga kabayo at mga karo, at mga alipin; at mga kaluluwa ng mga tao.
18:14 At ang mga bungang pinipita mo ay nangapalayo sa iyo, at lahat ng mga bagay na maiinam at mariringal ay nangalipol sa iyo, at hindi na mangasusumpungan pa.
18:15 Ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito, na nangagsiyaman dahil sa kaniya, ay mangagsisitayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kaniya, na nagsisiiyak at nagsisipagluksa;
18:16 Na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, niyaong dakilang bayan, siya na nararamtan ng mahalagang lino at ng kayong kulay ube, at pula, at napapalamutihan ng ginto at ng mahalagang bato at ng perlas!
18:17 Sapagka't sa loob ng isang oras ay nalipol ang gayong malaking kayamanan. At bawa't pinunong daong, at bawa't naglalayag saan mang dako, at ang mga mangdaragat, at lahat ng nagsisipaghanap-buhay sa dagat, ay nangakatayo sa malayo,
18:18 At nangagsisisigaw pagkakita sa usok ng kaniyang pagkasunog, na nangagsasabi, Anong bayan ang katulad ng dakilang bayan?
18:19 At sila'y nangagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo, at nagsisigawan, na nagiiyakan at nagtataghuyan, na nangagsasabi, Sa aba, sa aba, ang dakilang bayan, na siyang iniyaman ng lahat na may mga daong sa dagat dahil sa kaniyang mga kayamanan! sapagka't sa loob ng isang oras ay nalipol.
18:20 Magalak ka tungkol sa kaniya, Oh langit, at kayong mga banal, at kayong mga apostol, at kayong mga propeta; sapagka't inihatol ng Dios ang inyong hatol sa kaniya.
18:21 At dinampot ng isang anghel na malakas ang isang bato, na gaya ng isang malaking gilingang bato, at inihagis sa dagat, na sinasabi, Gayon sa isang kakilakilabot na pagkahulog, igigiba ang Babilonia, ang dakilang bayan, at hindi na masusumpungan pa.
18:22 At ang tinig ng mga manunugtog ng alpa, at ng mga musiko at ng mga manunugtog ng plauta, at ng mga manunugtog ng pakakak ay hindi na maririnig pa sa iyo; at wala nang manggagawa ng anomang gawa ay masusumpungan pa sa iyo; at ang ugong ng gilingan ay hindi na maririnig pa sa iyo;
18:23 At ang ilaw ng ilawan ay hindi na liliwanag pa sa iyo, at ang tinig ng kasintahang lalake at ng kasintahang babae ay hindi na maririnig pa sa iyo; sapagka't ang mga mangangalakal mo ay naging mga pangulo sa lupa; sapagka't dinaya ng iyong panggagaway ang lahat ng mga bansa.
18:24 At nasumpungan sa kaniya ang dugo ng mga propeta, at ng mga banal, at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.
19:1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malaking tinig ng isang makapal na karamihan sa langit, na nagsasabi, Aleluya; Kaligtasan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan, ay nauukol sa ating Dios:
19:2 Sapagka't tunay at matuwid ang kaniyang mga paghatol; sapagka't hinatulan niya ang bantog na patutot, na siyang nagpasama sa lupa ng kaniyang pakikiapid, at iginanti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin sa pamamagitan ng kaniyang kamay.
19:3 At sila'y muling nangagsabi, Aleluya. At ang usok niya ay napaiilanglang magpakailan kailan man.
19:4 At nangagpatirapa ang dalawangpu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buhay, at nangagsisamba sa Dios na nakaupo sa luklukan, na nangagsasabi, Siya nawa; Aleluya.
19:5 At lumabas ang isang tinig sa luklukan, na nagsasabi, Purihin ninyo ang ating Dios, ninyong lahat na mga lingkod niya, ninyong lahat na mga natatakot sa kaniya, maliliit at malalaki.
19:6 At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malalakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagka't naghahari ang Panginoong ating Dios na Makapangyarihan sa lahat.
19:7 Tayo'y mangagalak at tayo'y mangagsayang mainam, at siya'y ating luwalhatiin; sapagka't dumating ang pagkakasal ng Cordero, at ang kaniyang asawa ay nahahanda na.
19:8 At sa kaniya'y ipinagkaloob na damtan ang kaniyang sarili ng mahalagang lino, makintab at tunay; sapagka't ang mahalagang lino ay siyang mga matuwid na gawa ng mga banal.
19:9 At sinasabi niya sa akin, Isulat mo, Mapapalad ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Cordero. At sinasabi niya sa akin, Ang mga ito'y siyang tunay na mga salita ng Dios.
19:10 At ako'y nagpatirapa sa kaniyang paanan upang siya'y aking sambahin. At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus: sumamba ka sa Dios: sapagka't ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula.
19:11 At nakita kong bukas ang langit; at narito, ang isang kabayong maputi, at yaong nakasakay dito ay tinatawag na Tapat at Totoo; at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagbaka.
19:12 At ang kaniyang mga mata ay ningas ng apoy, at sa kaniyang ulo ay maraming diadema; at siya'y may isang pangalang nakasulat, na sinoman ay di nakaaalam kundi siya rin.
19:13 At siya'y nararamtan ng damit na winisikan ng dugo: at ang kaniyang pangalan ay tinatawag na Ang Verbo ng Dios.
19:14 At ang mga hukbong nasa langit ay sumusunod sa kaniya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at nangararamtan ng mahalagang linong maputi at dalisay.
19:15 At sa kaniyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y sugatan niya ang mga bansa: at kaniyang paghaharian ng tungkod na bakal: at niyuyurakan niya ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng kagalitan ng Dios na Makapangyarihan sa lahat.
19:16 At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa kaniyang damit at sa kaniyang hita, HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON.
19:17 At nakita kong nakatayo ang isang anghel sa araw; na siya'y sumisigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid, Halikayo at mangagkatipon sa dakilang hapunan ng Dios;
19:18 Upang kayo'y makakain ng laman ng mga hari, at ng laman ng mga pangulong kapitan, at ng laman ng mga taong makapangyarihan, at ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay dito, at ng laman ng lahat ng mga taong laya at mga alipin man, at maliliit at malalaki.
19:19 At nakita ko ang hayop, at ang mga hari sa lupa, at ang kanilang mga hukbo, na nangagkakatipon upang makipagbaka laban doon sa nakasakay sa kabayo, at laban sa kaniyang hukbo.
19:20 At sinunggaban ang hayop, at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinangdaya sa mga nagsitanggap ng tanda ng hayop at sa mga sumamba sa larawan nito: ang dalawang ito ay inihagis na buhay sa dagatdagatang apoy na nagliliyab sa asupre:
19:21 At ang mga iba ay pinatay sa tabak na lumalabas sa bibig niyaong nakasakay sa kabayo, at ang lahat ng mga ibon ay nangabusog ng mga laman nila.
20:1 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay.
20:2 At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon,
20:3 At siya'y ibinulid sa kalaliman at sinarhan, at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay kailangang siya'y pawalang kaunting panahon.
20:4 At nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, sila'y pinagkalooban ng paghatol: at nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus, at dahil sa salita ng Dios, at ang mga hindi sumamba sa hayop, o sa kaniyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay; at sila'y nangabuhay, at nagsipagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.
20:5 Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli.
20:6 Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.
20:7 At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan,
20:8 At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.
20:9 At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok.
20:10 At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.
20:11 At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila.
20:12 At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.
20:13 At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa.
20:14 At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.
20:15 At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.
21:1 At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka't ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na.
21:2 At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa.
21:3 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila:
21:4 At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.
21:5 At yaong nakaluklok sa luklukan ay nagsabi, Narito, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay. At sinabi niya, Isulat mo: sapagka't ang mga salitang ito ay tapat at tunay.
21:6 At sinabi niya sa akin, Nagawa na. Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinuming walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay.
21:7 Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako'y magiging Dios niya, at siya'y magiging anak ko.
21:8 Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.
21:9 At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, na mga puno ng pitong huling salot; at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing kasintahan, ang asawa ng Cordero.
21:10 At dinala niya akong nasa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang bayang banal na Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios,
21:11 Na may kaluwalhatian ng Dios: ang kaniyang ilaw ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gaya ng salamin:
21:12 Na may isang malaki at mataas na kuta; na may labingdalawang pintuan, at sa mga pintuan ay labingdalawang anghel; at may mga pangalang nakasulat sa mga yaon, na siyang sa labingdalawang angkan ng mga anak ng Israel:
21:13 Sa silanganan ay may tatlong pintuan; at sa hilagaan ay may tatlong pintuan; at sa timugan ay may tatlong pintuan; at sa kalunuran ay may tatlong pintuan.
21:14 At ang kuta ng bayan ay may labingdalawang pinagsasaligan, at sa mga ito'y ang labingdalawang pangalan ng labingdalawang apostol ng Cordero.
21:15 At ang nakikipagusap sa akin ay may panukat na tambong ginto upang sukatin ang bayan, at ang mga pintuan nito, at ang kuta nito.
21:16 At ang pagkatayo ng bayan ay parisukat, at ang kaniyang haba ay gaya ng kaniyang luwang: at sinukat niya ng tambo ang bayan, ay labingdalawang libong estadio: ang haba at ang luwang at ang taas nito ay magkakasukat.
21:17 At sinukat niya ang kuta nito, ay isang daan at apat na pu't apat na siko, ayon sa sukat ng tao, sa makatuwid baga'y ng isang anghel.
21:18 At ang malaking bahagi ng kuta niya ay jaspe: at ang bayan ay dalisay na ginto, na katulad ng malinis na bubog.
21:19 Ang mga pinagsasaligan ng kuta ng bayan ay may pamuting sarisaring mahahalagang bato. Ang unang pinagsasaligan ay jaspe; ang ikalawa ay zafiro; ang ikatlo ay calcedonia; ang ikaapat ay esmeralda;
21:20 Ang ikalima ay sardonica; ang ikaanim ay sardio; ang ikapito ay crisolito; ang ikawalo ay berilo; ang ikasiyam ay topacio; ang ikasangpu ay crisopasio; ang ikalabingisa ay jacinto; ang ikalabingdalawa ay amatista.
21:21 At ang labingdalawang pintuan ay labingdalawang perlas; at bawa't pinto ay isang perlas; at ang lansangan ng bayan ay dalisay na ginto, na gaya ng nanganganinag na bubog.
21:22 At hindi ako nakakita ng templo doon: sapagka't ang Panginoong Dios, ang Makapangyarihan sa lahat, at ang Cordero ay siyang templo doon.
21:23 At ang bayan ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang lumiwanag sa kaniya: sapagka't nililiwanagan ng kaluwalhatian ng Dios, at ang ilaw doon ay ang Cordero.
21:24 At ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito: at ang mga hari sa lupa ay mangagdadala ng kanilang karangalan sa loob niyaon.
21:25 At ang mga pintuan niyaon ay hindi ilalapat kailan man sa araw (sapagka't hindi magkakaroon doon ng gabi):
21:26 At dadalhin nila sa loob niyaon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa:
21:27 At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumaldumal, o siyang gumagawa ng kasuklamsuklam at ng kasinungalingan: kundi yaon lamang na mga nakasulat sa aklat ng buhay ng Cordero.
22:1 At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Dios at ng Cordero,
22:2 Sa gitna ng lansangang yaon. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labingdalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawa't buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa.
22:3 At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin;
22:4 At makikita nila ang kaniyang mukha; at ang kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo.
22:5 At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka't liliwanagan sila ng Panginoong Dios: at sila'y maghahari magpakailan kailan man.
22:6 At sinabi niya sa akin, Ang mga salitang ito'y tapat at tunay, at ang Panginoon, ang Dios ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari madali.
22:7 At narito, ako'y madaling pumaparito. Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng hula ng aklat na ito.
22:8 At akong si Juan, ako ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, ay nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.
22:9 At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito: sumamba ka sa Dios.
22:10 At sinasabi niya sa akin, Huwag mong tatakan ang mga salita ng hula ng aklat na ito; sapagka't malapit na ang panahon.
22:11 Ang liko, ay magpakaliko pa: at ang marumi, ay magpakarumi pa: at ang matuwid, ay magpakatuwid pa: at ang banal, ay magpakabanal pa.
22:12 Narito, ako'y madaling pumaparito; at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa't isa ayon sa kaniyang gawa.
22:13 Ako ang Alpha at ang Omega, at ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas.
22:14 Mapapalad ang nangaghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan.
22:15 Nangasa labas ang mga aso, at ang mga manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang mga mamamatay-tao, at ang mga mapagsamba sa diosdiosan, at ang bawa't nagiibig at gumagawa ng kasinungalingan.
22:16 Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesia. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.
22:17 At ang Espiritu at ang kasintahang babae ay nagsasabi, Halika. At ang nakikinig ay magsabi, Halika. At ang nauuhaw, ay pumarito: ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.
22:18 Aking sinasaksihan sa bawa't taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito:
22:19 At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa punong kahoy ng buhay, at sa bayang banal, na nangakasulat sa aklat na ito.
22:20 Ang sumasaksi sa mga bagay na ito ay nagsasabi, Oo: ako'y madaling pumaparito. Siya nawa: pumarito ka Panginoong Jesus.
22:21 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal nawa. Siya nawa.