1:1 Si Pablo na alipin ni Jesucristo, na tinawag na maging apostol, ibinukod sa evangelio ng Dios,
1:2 Na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan,
1:3 Tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak sa binhi ni David ayon sa laman,
1:4 Na ipinahayag na Anak ng Dios na may kapangyarihan ayon sa espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, sa makatuwid baga'y si Jesucristo na Panginoon natin,
1:5 Na sa pamamagitan niya'y tinanggap namin ang biyaya at pagkaapostol, sa pagtalima sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kaniyang pangalan;
1:6 Sa mga ito kayo naman, ay tinawag kay Jesucristo:
1:7 Sa lahat ninyong nangasa Roma, mga iniibig ng Dios, tinawag na mangagbanal: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at Panginoong Jesucristo.
1:8 Kaunaunahan, ay nagpapasalamat ako sa aking Dios sa pamamagitan ni Jesucristo tungkol sa inyong lahat, na ang inyong pananampalataya ay bantog sa buong sanglibutan.
1:9 Sapagka't ang Dios ang aking saksi, na siyang pinaglilingkuran ko sa aking espiritu sa evangelio ng kaniyang Anak, na walang patid na aking kayong binabanggit, sa aking mga panalangin,
1:10 At laging isinasamo ko, kung ngayon sa wakas sa anomang paraan ay magkapalad ako sa kalooban ng Dios na makarating sa inyo.
1:11 Sapagka't ninanasa kong makita kayo, upang ako'y makapamahagi sa inyo ng kaloob na ukol sa espiritu, upang kayo'y mangagsitibay;
1:12 Sa makatuwid baga, upang ako't kayo ay maaliw sa inyo, ang bawa't isa sa atin sa pananampalataya ng iba, ang sa inyo at sa akin.
1:13 At hindi ko ibig, mga kapatid, na hindi ninyo matalastas na madalas kong inaakalang makarating sa inyo (datapuwa't hanggang ngayon ako'y nahahadlangan), upang magkaroon naman ako sa inyo ng anomang bunga, na gaya sa mga ibang Gentil.
1:14 Ako'y may utang sa mga Griego at gayon din naman sa mga barbaro, sa marurunong at gayon din sa mga mangmang.
1:15 Kaya nga, sa ganang akin, ay handa akong ipangaral din ang evangelio sa inyong nangasa Roma.
1:16 Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego.
1:17 Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.
1:18 Sapagka't ang poot ng Dios ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat na kasamaan at kalikuan ng mga tao, na mga sinasawata ang katotohanan ng kalikuan;
1:19 Sapagka't ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka't ito'y ipinahayag ng Dios sa kanila.
1:20 Sapagka't ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila'y walang madahilan:
1:21 Sapagka't kahit kilala nila ang Dios, siya'y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim.
1:22 Ang mga nangagmamarunong ay naging mga mangmang,
1:23 At pinalitan nila ang kaluwalhatian ng Dios na hindi nasisira, ng isang katulad ng larawan ng tao na nasisira, at ng mga ibon, at ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.
1:24 Dahil dito'y sa karumihan ng mga pita ng kanilang mga puso ay ibinigay sila ng Dios sa kahalayan, upang alisan nila ng puri ang kanilang mga katawan sa kanikanilang sarili:
1:25 Sapagka't pinalitan nila ang katotohanan ng Dios ng kasinungalingan, at sila'y nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailan man. Siya nawa.
1:26 Dahil dito'y ibinigay sila ng Dios sa mga mahahalay na pita: sapagka't pinalitan ng kanilang mga babae ang katutubong kagamitan niyaong nalalaban sa katutubo:
1:27 At gayon din naman ang mga lalake, na nang iwan na ang katutubong kagamitan sa mga babae, ay nangagningas sa kanilang karumihan ng pita ang isa't isa, na gumagawa ng kahalayan ang mga lalake sa mga kapuwa lalake, at tumatanggap sa kanilang sarili ng kagantihan ng kanilang pagkakamali.
1:28 At palibhasa'y hindi nila minagaling na kilalanin ang Dios, ibinigay sila ng Dios sa isang mahalay na pagiisip, upang gawin yaong mga bagay na hindi nangararapat;
1:29 Nangapuspus sila ng buong kalikuan, ng kasamaan, ng kasakiman, ng kahalayan; puspos ng kapanaghilian, ng pagpatay sa kapuwa tao, ng pagtatalo, ng pagdaraya, ng mga kasamaan; mga mapagupasala,
1:30 Mga mapanirang puri, mga napopoot sa Dios, mga manglalait, mga palalo, mga mapagmapuri, mga mangangatha ng mga kasamaan, mga masuwayin sa mga magulang,
1:31 Mga haling, mga hindi tapat sa tipanan, mga walang katutubong paggiliw, mga walang habag:
1:32 Na, bagama't nalalaman nila ang kautusan ng Dios, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay mga karapatdapat sa kamatayan, ay hindi lamang gayon ang ginagawa, kundi naman pinapayagan ang mga nagsisigawa ng mga yaon.
2:1 Dahil dito'y wala kang madadahilan, Oh tao, sino ka man na humahatol: sapagka't sa iyong paghatol sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagka't ikaw na humahatol ay gumagawa ka ng gayon ding mga bagay.
2:2 At nalalaman natin na ang hatol ng Dios ay ayon sa katotohanan laban sa kanila na mga nagsisigawa ng gayong mga bagay.
2:3 At iniisip mo baga ito, Oh tao, na humahatol sa mga nagsisigawa ng gayong mga bagay, at ginagawa mo ang gayon din, na ikaw ay makatatanan sa hatol ng Dios?
2:4 O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi?
2:5 Datapuwa't ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios;
2:6 Na siya ang magbibigay sa bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa:
2:7 Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan:
2:8 Datapuwa't ang sa mga palaaway, at mga hindi nagsisitalima sa katotohanan, kundi bagkus nagsisisunod sa kalikuan, ay ang kagalitan at kapootan,
2:9 Kapighatian at kahapisan, ang sa bawa't kaluluwa ng tao na gumagawa ng masama, ng Judio una-una, at gayon din ng Griego;
2:10 Datapuwa't kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sa bawa't taong gumagawa ng mabuti, sa Judio ang una-una, at gayon din sa Griego:
2:11 Sapagka't ang Dios ay hindi nagtatangi ng mga tao.
2:12 Sapagka't ang lahat ng nangagkasala ng walang kautusan ay mangapapahamak din naman ng walang kautusan: at ang lahat na nangagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din sila hahatulan;
2:13 Sapagka't hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang mga ganap sa harapan ng Dios, kundi ang nangagsisitalima sa kautusan ay aariing mga ganap;
2:14 (Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili;
2:15 Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't isa);
2:16 Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking evangelio, sa pamamagitan ni Jesucristo.
2:17 Nguni't kung ikaw na may taglay na pangalang Judio, at nasasalig sa kautusan, at nagmamapuri sa Dios,
2:18 At nakaaalam ng kaniyang kalooban, at sumasangayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y tinuruan ka ng kautusan,
2:19 At nagkakatiwala ka na ikaw ay tagaakay ng mga bulag, ilaw ng mga nasa kadiliman,
2:20 Tagasaway sa mga di nakaaalam, guro ng mga bata, na sa kautusan ay mayroon kang anyo ng pagkakilala at ng katotohanan;
2:21 Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo tinuturuan ang iyong sarili? ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnanakaw, ay nagnanakaw ka?
2:22 Ikaw na nagsasabing ang tao ay huwag mangalunya, ay nangangalunya ka? ikaw na nasusuklam sa mga diosdiosan, ay nanakawan mo ang mga templo?
2:23 Ikaw na nagmamapuri sa kautusan, sa iyong pagsuway sa kautusan ay niwawalan mo ng puri ang Dios?
2:24 Sapagka't ang pangalan ng Dios ay nalalait ng mga Gentil dahil sa iyo, gaya ng nasusulat.
2:25 Sapagka't ang pagtutuli'y tunay na pinakikinabangan, kung tinutupad mo ang kautusan; datapuwa't kung ikaw ay masuwayin sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di pagtutuli.
2:26 Kung ang di pagtutuli nga ay tumutupad ng katuwiran ng kautusan, hindi baga aariing pagtutuli ang kaniyang di pagtutuli?
2:27 At ang di pagtutuli sa katutubo, kung tumupad ng kautusan, ay hindi baga hahatol sa iyo na may titik at may pagtutuli na masuwayin sa kautusan?
2:28 Sapagka't siya'y hindi Judio kung sa labas lamang; ni magiging pagtutuli yaong hayag sa laman;
2:29 Datapuwa't siya'y Judio sa loob; at ang pagtutuli ay yaong sa puso, sa Espiritu hindi sa titik; ang kaniyang kapurihan ay hindi sa mga tao, kundi sa Dios.
3:1 Ano nga ang kahigitan ng Judio? o ano ang mapapakinabang sa pagtutuli?
3:2 Marami sa anomang paraan: ang una sa lahat, ay ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Dios.
3:3 Ano nga kung ang ilan ay hindi nangagsisampalataya? ang di pananampalataya nila ay nagpapawalang halaga baga sa pagtatapat ng Dios?
3:4 Huwag nawang mangyari: oo, bagkus pa nga ang Dios ay tapat, datapuwa't ang bawa't tao'y sinungaling; gaya ng nasusulat, Upang ikaw ay ariing ganap sa iyong mga salita, At makapagtagumpay ka kung ikaw ay mahatulan.
3:5 Datapuwa't kung ang ating kalikuan ay nagbibigay dilag sa katuwiran ng Dios, ano ang ating sasabihin? Liko baga ang Dios na dumadalaw na may poot? (nagsasalita akong ayon sa pagkatao.)
3:6 Huwag nawang mangyari: sapagka't kung gayo'y paanong paghatol ng Dios sa sanglibutan?
3:7 Datapuwa't kung ang katotohanan ng Dios sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay sumagana sa ikaluluwalhati niya, bakit pa naman ako'y hinahatulang tulad sa isang makasalanan?
3:8 At bakit hindi (gaya ng pagkalibak sa atin, at gaya ng pinatotohanan ng ilan na ating sinasabi), Magsigawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti? ang kaparusahan sa mga gayon ay matuwid.
3:9 Ano nga? tayo baga'y lalong mabuti kay sa kanila? Hindi, sa anomang paraan: sapagka't ating kapuwa isinasakdal na muna ang mga Judio at ang mga Griego, na silang lahat ay nangasa ilalim ng kasalanan;
3:10 Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
3:11 Walang nakatatalastas, Walang humahanap sa Dios;
3:12 Silang lahat ay nagsilihis, magkakasamang nawalan ng kasaysayan; Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa:
3:13 Ang kanilang lalamunan ay isang libingang bukas; Nagsigamit ng daya sa pamamagitan ng kanilang mga dila: Ang kamandag ng mga ulupong ang siyang nasa ilalim ng kanilang mga labi:
3:14 Ang kanilang bibig ay puno ng panunumpa at ng kapaitan:
3:15 Ang kanilang mga paa ay matulin sa pagbububo ng dugo;
3:16 Kagibaan at kahirapan ang nasa kanilang mga daan;
3:17 At ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala;
3:18 Walang pagkatakot sa Dios sa harap ng kanilang mga mata.
3:19 Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan; upang matikom ang bawa't bibig, at ang buong sanglibutan ay mapasa ilalim ng hatol ng Dios:
3:20 Sapagka't sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka't sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.
3:21 Datapuwa't ngayon bukod sa kautusan ay ipinahahayag ang isang katuwiran ng Dios, na sinasaksihan ng kautusan at ng mga propeta;
3:22 Sa makatuwid baga'y ang katuwiran ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo sa lahat ng mga nagsisisampalataya; sapagka't walang pagkakaiba;
3:23 Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios;
3:24 Palibhasa'y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus:
3:25 Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios;
3:26 Sa pagpapakilala'y aking sinasabi, ng kaniyang katuwiran sa panahong kasalukuyan, upang siya'y maging ganap at tagaaring-ganap sa may pananampalataya kay Cristo.
3:27 Kaya nga saan naroon ang pagmamapuri? Ito'y inihiwalay na. Sa pamamagitan ng anong kautusan? ng mga gawa? Hindi: kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.
3:28 Kaya nga maipasisiya natin na ang tao ay inaaring-ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.
3:29 O ang Dios baga ay Dios ng mga Judio lamang? hindi baga siya ang Dios din ng mga Gentil? Oo, ng mga Gentil din naman:
3:30 Kung gayon nga na iisa ang Dios, at kaniyang aariing-ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.
3:31 Niwawalan kaya nating kabuluhan ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari: kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.
4:1 Ano nga ang ating sasabihin, na nasumpungan ni Abraham na ating magulang ayon sa laman?
4:2 Sapagka't kung si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamapuri; datapuwa't hindi sa Dios.
4:3 Sapagka't ano ang sinasabi ng kasulatan? At sumampalataya si Abraham sa Dios, at sa kaniya'y ibinilang na katuwiran.
4:4 Ngayon sa kaniya na gumagawa'y, hindi ibinibilang na biyaya ang ganti, kundi utang.
4:5 Datapuwa't sa kaniya na hindi gumagawa, nguni't sumasampalataya sa kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran.
4:6 Gaya naman ng sinasambit ni David na kapalaran ng tao, na sa kaniya'y ibinibilang ng Dios ang katuwiran nang walang mga gawa,
4:7 Na sinasabi, Mapapalad yaong ang kanilang mga pagsalangsang ay ipinatawad, At ang kanilang mga kasalanan ay nangatakpan.
4:8 Mapalad ang tao na sa kaniya'y hindi ibibilang ng Panginoon ang kasalanan.
4:9 Sinambit nga baga ang kapalarang ito tungkol sa pagtutuli, o tungkol din naman sa di-pagtutuli? sapagka't sinasabi natin, Kay Abraham ay ibinilang na katuwiran ang kaniyang pananampalataya.
4:10 Paano ngang ito'y ibinilang? nang siya baga'y nasa pagtutuli, o sa di-pagtutuli? Hindi sa pagtutuli, kundi sa di-pagtutuli:
4:11 At tinanggap niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng katuwiran ng pananampalataya na nasa kaniya samantalang siya'y nasa di-pagtutuli: upang siya'y maging ama ng lahat ng mga nagsisisampalataya, bagaman sila'y nasa di-pagtutuli, upang ang katuwiran ay maibilang sa kanila;
4:12 At ang ama ng pagtutuli nila na hindi lamang sa pagtutuli, kundi pati naman sa mga nagsisilakad sa mga bakas niyaong pananampalataya ng ating amang si Abraham na nasa kaniya nang siya'y nasa di-pagtutuli.
4:13 Sapagka't hindi sa pamamagitan ng kautusan ginawa ang pangako kay Abraham o sa kaniyang binhi na siyang magmamana ng sanglibutan, kundi sa pamamagitan ng katuwiran ng pananampalataya.
4:14 Sapagka't kung silang nangasa kautusan ay siyang mga tagapagmana, ay walang kabuluhan ang pananampalataya, at nawawalang kabuluhan ang pangako:
4:15 Sapagka't ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa't kung saan walang kautusan ay wala ring pagsalangsang.
4:16 Dahil dito'y sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay lumagi sa lahat ng binhi; hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham, na ama nating lahat.
4:17 (Gaya ng nasusulat, Ginawa kitang ama ng maraming bansa) sa harapan niyaong kaniyang pinanampalatayanan, sa makatuwid baga'y ang Dios, na nagbibigay ng buhay sa mga patay, at tumatawag sa mga bagay na hindi pa hayag na tila hayag na.
4:18 Siya na sumampalataya na nasa pagasa laban sa pagasa, upang maging ama ng maraming bansa ayon sa sabi, Magiging gayon ang iyong binhi.
4:19 At hindi humina sa pananampalataya na ipinalagay man ang kaniyang katawang tulad sa patay na (gayon siya'y may mga isang daang taon na), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sara;
4:20 Kundi, sa pagtingin niya sa pangako ng Dios, ay hindi nagalinlangan sa pamamagitan ng di pananampalataya, kundi lumakas ng lumakas sa pamamagitan ng pananampalataya, na niluluwalhati ang Dios,
4:21 At lubos nanalig na ang Dios na nangako ay may kapangyarihang makagawa noon.
4:22 Dahil dito'y ibinilang naman na katuwiran sa kaniya.
4:23 Ngayo'y hindi lamang dahil sa kaniya isinulat, na sa kaniya'y ibinilang;
4:24 Kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa ating mga nagsisisampalataya sa kaniya na bumuhay na maguli sa mga patay, kay Jesus na ating Panginoon,
4:25 Na ibinigay dahil sa ating mga kasuwayan, at binuhay na maguli sa ikaaaring-ganap natin.
5:1 Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo;
5:2 Sa pamamagitan din naman niya'y nangagkaroon tayo ng ating pagpasok sa pamamagitan ng pananampalataya sa biyayang ito na diyan ay nagsisilagi tayo; at nangagagalak tayo sa pagasa ng kaluwalhatian ng Dios.
5:3 At hindi lamang gayon, kundi naman nangagagalak tayo sa ating mga kapighatian na nalalamang ang kapighatian ay gumagawa ng katiyagaan;
5:4 At ang katiyagaan, ng pagpapatunay; at ang pagpapatunay, ng pagasa:
5:5 At ang pagasa ay hindi humihiya; sapagka't ang pagibig ng Dios ay nabubuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin.
5:6 Sapagka't nang tayo ay mahihina pa ay namatay si Cristo sa kapanahunan dahil sa mga masama.
5:7 Sapagka't ang isang tao'y bahagya nang mamatay dahil sa isang taong matuwid: bagama't dahil sa isang taong mabuti marahil ay may mangangahas mamatay.
5:8 Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang kaniyang pagibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin.
5:9 Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya.
5:10 Sapagka't kung, noong tayo'y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Dios sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lubha pa, ngayong nangagkakasundo na, ay mangaliligtas tayo sa kaniyang buhay;
5:11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nangagagalak naman sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pagkakasundo.
5:12 Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala:
5:13 Sapagka't ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang kautusan: nguni't hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan.
5:14 Bagaman ang kamatayan ay naghari mula kay Adam hanggang kay Moises, kahit doon sa hindi nangagkasala man ng tulad sa pagsalangsang ni Adam, na siyang anyo niyaong darating.
5:15 Datapuwa't gayon din ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagka't kung sa pagsuway ng isa ay nangamatay ang marami, lubha pang sumagana sa marami ang biyaya ng Dios, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang lalaking si Jesucristo.
5:16 At ang kaloob ay hindi gaya ng nangyari sa pamamagitan ng isang nagkasala: sapagka't ang kahatulan ay dumating sa isa sa ipagdurusa, datapuwa't ang kaloob na walang bayad ay dumating sa maraming pagsuway sa ikaaaring ganap.
5:17 Sapagka't kung, sa pagsuway ng isa, ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; lubha pang magsisipaghari sa buhay ang nagsisitanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng katuwiran sa pamamagitan ng isa, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.
5:18 Kaya kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang hatol sa lahat ng mga tao sa ipagdurusa; gayon din naman sa pamamagitan ng isang gawa ng katuwiran, ang kaloob na walang bayad ay dumating sa lahat ng mga tao sa ikaaaring-ganap ng buhay.
5:19 Sapagka't kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayon din sa pamamagitan ng pagtalima ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.
5:20 At bukod sa rito ay pumasok ang kautusan, upang ang pagsuway ay makapanagana; datapuwa't kung saan nanagana ang kasalanan, ay nanaganang lubha ang biyaya:
5:21 Upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa ikamamatay, ay gayon din naman ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng katuwiran sa ikabubuhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin.
6:1 Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy baga tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay makapanagana?
6:2 Huwag nawang mangyari. Tayong mga patay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa riyan?
6:3 O hindi baga ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nangabautismuhan sa kaniyang kamatayan?
6:4 Tayo nga'y nangalibing na kalakip niya sa pamamagitan ng bautismo sa kamatayan: na kung paanong si Cristo ay nabuhay na maguli sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, ay gayon din naman tayo'y makalalakad sa panibagong buhay.
6:5 Sapagka't kung tayo nga ay naging kalakip niya dahil sa kawangisan ng kaniyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo dahil sa kawangisan ng kaniyang pagkabuhay na maguli;
6:6 Na nalalaman natin, na ang ating datihang pagkatao ay kalakip niyang napako sa krus, upang ang katawang salarin ay magiba, at nang sa gayo'y huwag na tayong maalipin pa ng kasalanan;
6:7 Sapagka't ang namatay ay ligtas na sa kasalanan.
6:8 Datapuwa't kung tayo'y nangamatay na kalakip ni Cristo, ay naniniwala tayo na mangabubuhay naman tayong kalakip niya;
6:9 Na nalalaman nating si Cristo na nabuhay na maguli sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamataya'y hindi naghahari sa kaniya.
6:10 Sapagka't ang kamatayan na ikinamatay niya, ay kaniyang ikinamatay na minsan sa kasalanan: datapuwa't ang buhay na kaniyang ikinabubuhay, ay kaniyang ikinabubuhay sa Dios.
6:11 Gayon din naman kayo, ibilang ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, nguni't mga buhay sa Dios kay Cristo Jesus.
6:12 Huwag ngang maghari ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang kayo'y magsisunod sa kaniyang mga pita:
6:13 At huwag din naman ninyong ihandog ang inyong mga sangkap sa kasalanan na pinaka kasangkapan ng kalikuan; kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Dios, na tulad sa nangabuhay sa mga patay, at ang inyong mga sangkap na pinaka kasangkapan ng katuwiran sa Dios.
6:14 Sapagka't ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagka't wala kayo sa ilalim ng kautusan, kundi sa ilalim ng biyaya.
6:15 Ano nga? mangagkakasala baga tayo, dahil sa tayo'y wala sa ilalim ng kautusan, kundi sa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.
6:16 Hindi baga ninyo nalalaman, na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili na pinaka alipin upang tumalima ay kayo'y mga alipin niyaong inyong tinatalima; maging ng kasalanan sa ikamamatay, maging ng pagtalima sa ikapagiging matuwid?
6:17 Datapuwa't salamat sa Dios, na, bagama't kayo'y naging mga alipin ng kasalanan, kayo'y naging mga matalimahin sa puso doon sa uri ng aral na pinagbigyan sa inyo;
6:18 At yamang pinalaya kayo sa kasalanan ay naging mga alipin kayo ng katuwiran.
6:19 Nagsasalita ako ayon sa kaugalian ng mga tao dahil sa karupukan ng inyong laman: sapagka't kung paanong inyong inihandog ang inyong mga sangkap ng katawan na pinaka alipin ng karumihan at ng lalo't lalong kasamaan, gayon din ihandog ninyo ngayon ang inyong mga sangkap na pinaka alipin ng katuwiran sa ikababanal.
6:20 Sapagka't nang kayo ay mga alipin ng kasalanan, kayo'y laya tungkol sa katuwiran.
6:21 Ano nga ang ibinunga ninyo sa panahong yaon sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? sapagka't ang wakas ng mga bagay na yaon ay kamatayan.
6:22 Datapuwa't ngayong mga laya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Dios, kayo ay mayroong inyong bunga sa ikababanal, at ang wakas ay ang buhay na walang hanggan.
6:23 Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
7:1 O hindi baga ninyo nalalaman mga kapatid (sapagka't nagsasalita ako sa mga taong nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay naghahari sa tao samantalang siya'y nabubuhay?
7:2 Sapagka't ang babae na may asawa ay itinali ng kautusan sa asawa samantalang ito ay nabubuhay; datapuwa't kung ang asawa'y mamatay, ay kalag na sa kautusan ng asawa.
7:3 Kaya nga kung, samantalang nabubuhay ang asawa, siya'y makikisama sa ibang lalake, siya'y tatawaging mangangalunya: datapuwa't kung mamatay ang asawa, ay laya na siya sa kautusan, ano pa't siya'y hindi na mangangalunya, bagaman siya'y makisama sa ibang lalake.
7:4 Gayon din naman, mga kapatid ko, kayo'y nangamatay rin sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makisama sa iba, sa makatuwid baga'y doon sa nabuhay na maguli, upang tayo'y magsipagbunga sa Dios.
7:5 Sapagka't nang tayo'y nangasa laman, ang mga pitang salarin na pawang sa pamamagitan ng kautusan, ay nagsigawa sa ating mga sangkap upang magsipagbunga sa kamatayan.
7:6 Datapuwa't ngayon tayo'y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo'y nangamatay doon sa nakatatali sa atin; ano pa't nagsisipaglingkod na tayo sa panibagong espiritu, at hindi sa karatihan ng sulat.
7:7 Ano nga ang ating sasabihin? Ang kautusan baga'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Datapuwa't, hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kundi sa pamamagitan ng kautusan: sapagka't hindi ko sana nakilala ang kasakiman, kung hindi sinasabi ng kautusan, Huwag kang mananakim:
7:8 Datapuwa't ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon, ay gumawa sa akin sa pamamagitan ng utos ng sarisaring kasakiman: sapagka't kung walang kautusan ang kasalanan ay patay.
7:9 At nang isang panahon ako'y nabubuhay na walang kautusan: datapuwa't nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan at ako'y namatay;
7:10 At ang utos na sa ikabubuhay, ay nasumpungan kong ito'y sa ikamamatay;
7:11 Sapagka't ang kasalanan, nang makasumpong ng pagkakataon, ay dinaya ako sa pamamagitan ng utos, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako.
7:12 Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.
7:13 Ang mabuti nga baga ay naging kamatayan sa akin? Huwag nawang mangyari. Kundi ang kasalanan, upang maipakilalang kasalanan, sa pamamagitan ng mabuti ay gumawa sa akin ng kamatayan; na sa pamamagitan ng utos ang kasalanan ay maging lalong sala.
7:14 Sapagka't nalalaman natin na ang kautusa'y sa espiritu: nguni't ako'y sa laman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan.
7:15 Sapagka't ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman: sapagka't ang hindi ko ibig, ang ginagawa ko; datapuwa't ang kinapopootan ko, yaon ang ginagawa ko.
7:16 Nguni't kung ang hindi ko ibig, ang siyang ginagawa ko, ay sumasangayon ako na mabuti ang kautusan.
7:17 Kaya ngayo'y hindi ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin.
7:18 Sapagka't nalalaman ko na sa akin, sa makatuwid ay sa aking laman, ay hindi tumitira ang anomang bagay na mabuti: sapagka't ang pagnanasa ay nasa akin, datapuwa't ang paggawa ng mabuti ay wala.
7:19 Sapagka't ang mabuti na aking ibig, ay hindi ko ginagawa: nguni't ang masama na hindi ko ibig, ay siya kong ginagawa.
7:20 Datapuwa't kung ang hindi ko ibig, ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang tumitira sa akin.
7:21 Kaya nga nasumpungan ko ang isang kautusan na, kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa akin.
7:22 Sapagka't ako'y nagagalak sa kautusan ng Dios ayon sa pagkataong loob:
7:23 Datapuwa't nakikita ko ang ibang kautusan sa aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pagiisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap.
7:24 Abang tao ako! sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?
7:25 Nagpapasalamat ako sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo na Panginoon natin. Kaya nga tunay kong ipinaglilingkod ang aking pagiisip, sa kautusan ng Dios; datapuwa't ang laman ay sa kautusan ng kasalanan.
8:1 Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus.
8:2 Sapagka't ang kautusan ng Espiritu ng buhay na kay Cristo Jesus ay pinalaya ako sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.
8:3 Sapagka't ang hindi magawa ng kautusan, na mahina sa pamamagitan ng laman, sa pagsusugo ng Dios sa kaniyang sariling Anak na naganyong lamang salarin at dahil sa kasalanan, ay hinatulan ng Dios sa laman ang kasalanan:
8:4 Upang ang kahilingan ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi nangagsisilakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.
8:5 Sapagka't ang mga ayon sa laman ay nangagsisitalima sa mga bagay ng laman; datapuwa't ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.
8:6 Sapagka't ang kaisipan ng laman ay kamatayan; datapuwa't ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.
8:7 Sapagka't ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari:
8:8 At ang nangasa laman ay hindi makalulugod sa Dios.
8:9 Datapuwa't kayo'y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo'y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa't kung ang sinoma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kaniya.
8:10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; datapuwa't ang espiritu ay buhay dahil sa katuwiran.
8:11 Nguni't kung ang Espiritu niyaong bumuhay na maguli kay Jesus ay tumira sa inyo, ang bumuhay na maguli kay Cristo Jesus sa mga patay ay magbibigay buhay naman sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na tumitira sa inyo.
8:12 Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mabuhay ayon sa laman:
8:13 Sapagka't kung mangabuhay kayo ng ayon sa laman, ay mangamamatay kayo; datapuwa't kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, ay mangabubuhay kayo.
8:14 Sapagka't ang lahat ng mga pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios, ay sila ang mga anak ng Dios.
8:15 Sapagka't hindi ninyo muling tinanggap ang espiritu ng pagkaalipin sa ikatatakot; datapuwa't tinanggap ninyo ang espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y sumisigaw tayo, Abba, Ama.
8:16 Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Dios:
8:17 At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo'y lumuwalhati namang kasama niya.
8:18 Sapagka't napatutunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito'y hindi karapatdapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.
8:19 Sapagka't ang maningas na pagmimithi ng buong nilalang ay naghihintay ng pagkahayag ng mga anak ng Dios.
8:20 Sapagka't ang buong nilalang ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kaniyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kaniya, sa pagasa
8:21 Na ang buong nilalang naman ay magiging laya mula sa pagkaalipin ng kabulukan sa kalayaang maluwalhati ng mga anak ng Dios.
8:22 Sapagka't nalalaman natin na ang buong nilalang ay humihibik at nagdaramdam na may kahirapan na kasama natin hanggang ngayon.
8:23 At hindi lamang gayon, kundi pati naman tayo na mayroong mga pangunahing bunga ng Espiritu, sa makatuwid baga'y tayo nama'y nangagsisihibik din sa ating sarili, sa paghihintay ng pagkukupkop, na dili iba't, ang pagtubos sa ating katawan.
8:24 Sapagka't tayo'y iniligtas sa pagasa: datapuwa't ang pagasa na nakikita ay hindi pagasa: kaya't sino nga ang umaasa sa nakikita?
8:25 Datapuwa't kung nagsisiasa tayo sa hindi natin nakikita, kung magkagayo'y hinihintay nating may pagtitiis.
8:26 At gayon din naman ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan: sapagka't hindi tayo marunong manalangin ng nararapat; nguni't ang Espiritu rin ang namamagitan dahil sa atin ng mga hibik na hindi maisasaysay sa pananalita;
8:27 At ang nakasisiyasat ng mga puso'y nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagka't siya ang namamagitan dahil sa mga banal alinsunod sa kalooban ng Dios.
8:28 At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa.
8:29 Sapagka't yaong mga nang una pa'y kaniyang nakilala, ay itinalaga naman niya na maging katulad ng larawan ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid:
8:30 At yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay niluwalhati din naman niya.
8:31 Ano ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?
8:32 Siya, na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling anak kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang bayad ang lahat ng mga bagay?
8:33 Sino ang magsasakdal ng anoman laban sa mga hirang ng Dios? Ang Dios ay ang umaaring-ganap;
8:34 Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, yaong nabuhay na maguli sa mga patay na siyang nasa kanan ng Dios, na siya namang namamagitan dahil sa atin.
8:35 Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutum, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?
8:36 Gaya ng nasusulat, Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw; Kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan.
8:37 Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo'y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig.
8:38 Sapagka't ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan,
8:39 Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
9:1 Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo, na hindi ako nagsisinungaling, na ako'y sinasaksihan ng aking budhi sa Espiritu Santo,
9:2 Na mayroon akong malaking kalungkutan at walang tigil na karamdaman sa aking puso.
9:3 Sapagka't ako'y makapagnanasa na ako man ay itakuwil mula kay Cristo dahil sa aking mga kapatid, na aking mga kamaganak ayon sa laman.
9:4 Na pawang mga Israelita; na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan, at ang paglilingkod sa Dios, at ang mga kapangakuan;
9:5 Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang Cristo ayon sa laman, na siyang lalo sa lahat, Dios na maluwalhati magpakailan man. Siya nawa.
9:6 Datapuwa't hindi sa ang salita ng Dios ay nauwi sa wala. Sapagka't hindi ang lahat ng buhat sa Israel ay mga taga Israel:
9:7 Ni sapagka't sila'y binhi ni Abraham, ay mga anak na silang lahat: kundi, Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi.
9:8 Sa makatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Dios: kundi ang mga anak sa pangako'y siyang ibibilang na isang binhi.
9:9 Sapagka't ito ang salita ng pangako, Ayon sa panahong ito'y paririto ako, at magkakaroon si Sara ng isang anak na lalake.
9:10 At hindi lamang gayon; kundi nang maipaglihi na ni Rebeca sa pamamagitan ng isa, ito nga'y ng ating ama na si Isaac-
9:11 Sapagka't ang mga anak nang hindi pa ipinanganganak, at hindi pa nagsisigawa ng anomang mabuti o masama, upang ang layon ng Dios ay mamalagi alinsunod sa pagkahirang, na hindi sa mga gawa, kundi doon sa tumatawag,
9:12 Ay sinabi sa kaniya, Ang panganay ay maglilingkod sa bunso.
9:13 Gaya ng nasusulat, Si Jacob ay inibig ko, datapuwa't si Esau ay aking kinapootan.
9:14 Ano nga ang ating sasabihin? Mayroon baga kayang kalikuan sa Dios? Huwag nawang mangyari.
9:15 Sapagka't sinasabi niya kay Moises, Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.
9:16 Kaya nga hindi sa may ibig, ni hindi sa tumatakbo, kundi sa Dios na naaawa.
9:17 Sapagka't sinasabi ng kasulatan tungkol kay Faraon, Dahil sa layong ito, ay itinaas kita, upang aking maihayag sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangala'y maitanyag sa buong lupa.
9:18 Kaya nga sa kaniyang ibig siya'y naaawa, at sa kaniyang ibig siya'y nagpapatigas.
9:19 Sasabihin mo nga sa akin, Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagka't sino ang sumasalangsang sa kaniyang kalooban?
9:20 Nguni't, Oh tao, sino kang tumututol sa Dios? Sasabihin baga ng bagay na ginawa doon sa gumawa sa kaniya, Bakit mo ako ginawang ganito?
9:21 O wala bagang kapangyarihan sa putik ang magpapalyok, upang gawin sa isa lamang limpak ang isang sisidlan sa ikapupuri, at ang isa'y sa ikahihiya.
9:22 Ano kung ang Dios ay inibig na ihayag ang kaniyang kagalitan, at ipakilala ang kaniyang kapangyarihan, ay nagtiis ng malaking pagpapahinuhod sa mga sisidlan ng galit na nangahahanda na sa pagkasira:
9:23 At upang maipakilala ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa, na kaniyang inihanda nang una pa sa kaluwalhatian,
9:24 Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?
9:25 Gaya naman ng sinasabi niya sa aklat ni Oseas, Tatawagin kong aking bayan na hindi ko dating bayan; At iniibig, na hindi dating iniibig.
9:26 At mangyayari, na sa dakong pinagsabihan sa kanila, kayo'y hindi ko bayan, Ay diyan sila tatawaging mga anak ng Dios na buhay.
9:27 At si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, Kung ang bilang man ng mga anak ng Israel ay maging tulad sa buhangin sa dagat, ay ang nalalabi lamang ang maliligtas:
9:28 Sapagka't isasagawa ng Panginoon ang kaniyang salita sa lupa, na tatapusin at paiikliin.
9:29 At gaya ng sinabi nang una ni Isaias, Kung hindi nagiwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo, Tayo'y naging katulad sana ng Sodoma, at naging gaya ng Gomorra.
9:30 Ano nga ang ating sasabihin? Na ang mga Gentil, na hindi nangagsisisunod sa katuwiran, ay nagkamit ng katuwiran, sa makatuwid baga'y ng katuwiran sa pananampalataya:
9:31 Datapuwa't ang Israel sa pagsunod sa kautusan ng katuwiran, ay hindi umabot sa kautusang iyan.
9:32 Bakit? Sapagka't hindi nila hinanap sa pamamagitan ng pananampalataya, kundi ng ayon sa mga gawa. Sila'y nangatisod sa batong katitisuran;
9:33 Gaya ng nasusulat, Narito, inilalagay ko sa Sion ang isang batong katitisuran, at batong pangbuwal: At ang sumasampalataya sa kaniya'y hindi mapapahiya.
10:1 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang aking panalangin sa Dios ay patungkol sa kanila, upang sila'y mangaligtas.
10:2 Sapagka't sila'y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala.
10:3 Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios.
10:4 Sapagka't si Cristo ang kinauuwian ng kautusan sa ikatutuwid ng bawa't sumasampalataya.
10:5 Sapagka't isinulat ni Moises na ang tao na gumagawa ng katuwirang ayon sa kautusan ay mabubuhay dahil dito.
10:6 Datapuwa't sinasabi ng katuwiran ayon sa pananampalataya ang ganito, Huwag mong sabihin sa iyong puso, Sino ang aakyat sa langit? (sa makatuwid baga'y upang ibaba si Cristo:)
10:7 O, Sino ang mananaog sa kalalimlaliman? (sa makatuwid baga'y upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.)
10:8 Datapuwa't ano ang sinasabi nito? Ang salita ay malapit sa iyo, sa iyong bibig, at sa iyong puso: sa makatuwid baga'y ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral:
10:9 Sapagka't kung ipahahayag mo ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang maguli ng Dios sa mga patay ay maliligtas ka:
10:10 Sapagka't ang tao'y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas.
10:11 Sapagka't sinasabi ng kasulatan, Ang lahat na sa kaniya'y nagsisisampalataya ay hindi mapapahiya.
10:12 Sapagka't walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego: sapagka't ang Panginoon din ay siyang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng sa kaniya'y nagsisitawag:
10:13 Sapagka't, Ang lahat na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.
10:14 Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral?
10:15 At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila nga sinugo? gaya nga ng nasusulat, Anong pagkaganda ng mga paa niyaong mga nagdadala ng masasayang balita ng mga bagay na mabuti!
10:16 Datapuwa't hindi silang lahat ay nakinig ng masasayang balita. Sapagka't sinasabi ni Isaias, Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?
10:17 Kaya nga ang paniniwala'y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.
10:18 Datapuwa't sinasabi ko, Hindi baga sila'y nangakinig? Oo, tunay nga, Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa, At ang kanilang mga salita'y hanggang sa mga dulo ng sanglibutan.
10:19 Datapuwa't sinasabi ko, Hindi baga nalalaman ng Israel? Unauna'y sinasabi ni Moises, Ipamumungkahi ko kayo sa paninibugho sa pamamagitan niyaong hindi bansa, Sa pamamagitan ng isang bansang mangmang ay gagalitin ko kayo.
10:20 At si Isaias ay buong tapang na nagsasabi, Ako'y nasumpungan nilang mga hindi nagsisihanap sa akin; Nahayag ako sa kanilang mga hindi nagsisipagtanong tungkol sa akin.
10:21 Datapuwa't tungkol sa Israel ay sinasabi niya, Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang bayang suwail at matutol.
11:1 Sinasabi ko nga, Itinakuwil baga ng Dios ang kaniyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagka't ako man ay Israelita, sa binhi ni Abraham, sa angkan ni Benjamin.
11:2 Hindi itinakuwil ng Dios ang kaniyang bayan na nang una pa'y kinilala niya. O hindi baga ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? kung paanong namamagitan siya sa Dios laban sa Israel na sinabi:
11:3 Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako'y naiwang nagiisa, at hinahanap nila ang aking buhay.
11:4 Datapuwa't ano ang sinasabi ng kasagutan ng Dios sa kaniya? Nagtira ako sa akin ng pitong libong lalake na hindi nangagsiluhod kay Baal.
11:5 Gayon din nga sa panahong itong kasalukuyan ay may isang nalalabi ayon sa pagkahirang ng biyaya.
11:6 Nguni't kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ay hindi na sa mga gawa: sa ibang paraan ang biyaya ay hindi biyaya.
11:7 Ano nga? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya kinamtan; datapuwa't ito'y kinamtan ng pagkahirang, at ang mga iba'y pinapagmatigas:
11:8 Ayon sa nasusulat, Binigyan sila ng Dios ng Espiritu ng pagkakatulog, ng mga matang hindi nangakakakita, at ng mga pakinig na hindi nangakakarinig, hanggang sa araw na ito.
11:9 At sinasabi ni David, Ang kanilang dulang nawa'y maging isang silo, at isang panghuli, At isang katitisuran, at isang kabayaran sa kanila:
11:10 Manganglabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag mangakakita, At laging baluktutin mo nawa ang kanilang gulugod.
11:11 Sinasabi ko nga, Nangatisod kaya sila upang mangahulog? Huwag nawang mangyari: datapuwa't sa pagkahulog nila'y dumating ang pagkaligtas sa mga Gentil, upang ipamungkahi sila sa paninibugho.
11:12 Ngayon kung ang pagkahulog nga nila ay siyang kayamanan ng sanglibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Gentil; gaano pa ang kapunuan nila?
11:13 Datapuwa't nagsasalita ako sa inyong mga Gentil. Palibasa'y ako nga'y apostol ng mga Gentil, ay niluluwalhati ko ang aking ministerio;
11:14 Baka sa anomang paraan ay maipamungkahi ko sa paninibugho yaong aking mga kalaman, at maligtas ang ilan sa kanila.
11:15 Sapagka't kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanglibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay?
11:16 At kung ang pangunahing bunga ay banal, ay gayon din ang lahat: at kung ang ugat ay banal, ay gayon din ang mga sanga.
11:17 Datapuwa't kung ang ilang mga sanga'y nangabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib ka sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo;
11:18 Huwag kang magpalalo sa mga sanga: datapuwa't kung magpalalo ka, ay hindi ikaw ang nagkakandili sa ugat, kundi ang ugat ang nagkakandili sa iyo.
11:19 Sasabihin mo nga, Ang mga sanga ay nangabali upang ako ay makasanib.
11:20 Mabuti; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nangabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magpalalo kundi matakot ka:
11:21 Sapagka't kung hindi nga pinatawad ng Dios ang mga talagang sanga, ikaw man ay hindi patatawarin.
11:22 Masdan mo nga ang kabutihan at ang kabagsikan ng Dios: ang kabagsikan ay sa nangahulog, datapuwa't ang kabutihan ng Dios ay sa iyo, kung mamamalagi ka sa kaniyang kabutihan: sa ibang paraan ay ikaw man ay puputulin.
11:23 At sila naman, kung hindi mangagsisilagi sa di pananampalataya ay mangakakasanib: sapagka't makapangyarihan ang Dios upang sila'y isanib na muli.
11:24 Sapagka't kung ikaw ay pinutol doon sa talagang olibong ligaw, at laban sa kaugalian ay isinanib ka sa mabuting punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga talagang sanga, na mangakakasanib sa kanilang sariling punong olibo?
11:25 Sapagka't hindi ko ibig, mga kapatid, na di ninyo maalaman ang hiwagang ito, baka kayo'y mangagmarunong sa inyong sariling mga haka, na ang katigasan ng isang bahagi ay nangyari sa Israel, hanggang sa pumasok ang kapunuan ng mga Gentil;
11:26 At sa ganito'y ang buong Israel ay maliligtas: gaya ng nasusulat, Magbubuhat sa Sion ang Tagapagligtas; Siya ang maghihiwalay sa Jacob ng kalikuan:
11:27 At ito ang aking tipan sa kanila, Pagka aalisin ko ang kanilang mga kasalanan.
11:28 Tungkol sa evangelio, ay mga kaaway sila dahil sa inyo: datapuwa't tungkol sa pagkahirang, ay mga pinakaiibig sila dahil sa mga magulang.
11:29 Sapagka't ang mga kaloob at ang pagtawag ng Dios ay hindi nagbabago.
11:30 Sapagka't kung paanong kayo nang nakaraang panahon ay mga masuwayin sa Dios, datapuwa't ngayon kayo'y nangagkamit ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway,
11:31 Gayon din naman ang mga ito ay naging mga masuwayin ngayon, upang sa pamamagitan ng habag na ipinagkaloob sa inyo, sila nama'y magkamit ngayon ng habag.
11:32 Sapagka't ang lahat ay kinulong ng Dios sa kasuwayan, upang siya'y mahabag sa lahat.
11:33 Oh kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Dios! oh di matingkalang mga hatol niya, at hindi malirip na kaniyang mga daan!
11:34 Sapagka't sino ang nakaalam ng pagiisip ng Panginoon? o sino ang kaniyang naging kasangguni?
11:35 O sino ang nagbigay na una sa kaniya, at siya'y babayarang muli?
11:36 Sapagka't kaniya, at sa pamamagitan niya, at sa kaniya, ang lahat ng mga bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.
12:1 Kaya nga, mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba.
12:2 At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.
12:3 Sapagka't sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na sa akin ay ibinigay, sa bawa't tao sa inyo, na huwag magisip sa kaniyang sarili ng totoong matayog kay sa nararapat niyang isipin; kundi magisip na may kahinahunan, ayon sa kasukatan ng pananampalataya na ibinahagi ng Dios sa bawa't isa.
12:4 Sapagka't kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain:
12:5 Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa.
12:6 At yamang may mga kaloob na nagkakaibaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin, kung hula, ay manganghula tayo ayon sa kasukatan ng ating pananampalataya;
12:7 O kung ministerio, ay gamitin natin ang ating sarili sa ating ministerio; o ang nagtuturo, ay sa kaniyang pagtuturo;
12:8 O ang umaaral, ay sa kaniyang pagaral: ang namimigay, ay magbigay na may magandang-loob; ang nagpupuno, ay magsikap; ang nahahabag ay magsaya.
12:9 Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti.
12:10 Sa pagibig sa mga kapatid ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpauna ng isa't isa ang iba;
12:11 Huwag mga tamad sa pagsusumikap; maningas sa espiritu; mapaglingkod sa Panginoon;
12:12 Mangagalak sa pagasa; magmatiisin sa kapighatian; magmatiyagain sa pananalangin;
12:13 Mapagdamay sa mga kailangan ng mga banal; maging mapagpatuloy.
12:14 Pagpalain ninyo ang mga sa inyo'y nagsisiusig; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.
12:15 Makigalak kayo sa nangagagalak; makiiyak kayo sa nagsisiiyak.
12:16 Mangagkaisa kayo ng pagiisip. Huwag ninyong ilagak ang inyong pagiisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong mga pantas sa inyong sariling mga haka.
12:17 Huwag kayong mangagbayad sa kanino man ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuripuri sa harapan ng lahat ng mga tao.
12:18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, ay magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng mga tao.
12:19 Huwag kayong mangaghigantihan, mga iniibig, kundi bigyan ninyong daan ang galit ng Dios: sapagka't nasusulat, Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.
12:20 Kaya't kung ang iyong kaaway ay magutom, pakanin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo: sapagka't sa paggawa mo ng gayon ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kaniyang ulo.
12:21 Huwag kang padaig sa masama, kundi bagkus daigin mo ng mabuti ang masama.
13:1 Ang bawa't kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagka't walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang mga kapangyarihang yao'y hinirang ng Dios.
13:2 Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.
13:3 Sapagka't ang mga pinuno ay hindi kilabot sa gawang mabuti, kundi sa masama. At ibig mo bagang mawalaan ng takot sa may kapangyarihan? gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan sa kaniya:
13:4 Sapagka't siya'y ministro ng Dios sa ikagagaling mo. Datapuwa't kung ginagawa mo ang masama, ay matakot ka; sapagka't hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak: sapagka't siya'y ministro ng Dios, tagapaghiganti sa ikagagalit sa gumagawa ng masama.
13:5 Kaya nga't dapat na kayo'y pasakop, hindi lamang dahil sa kagalitan, kundi naman dahil sa budhi.
13:6 Sapagka't dahil dito ay nagsisipagbayad naman kayo ng buwis; sapagka't sila'y mga tagapangasiwa ng paglilingkod sa Dios, na nagsisipamahalang walang patid sa bagay na ito.
13:7 Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; takot sa dapat katakutan; puri sa dapat papurihan.
13:8 Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kanino man, maliban na sa mangagibigan kayo: sapagka't ang umiibig sa kaniyang kapuwa'y nakaganap na ng kautusan.
13:9 Sapagka't ito, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mananakim, at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, sa makatuwid baga'y Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili.
13:10 Ang pagibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa: ang pagibig nga ay siyang katuparan ng kautusan.
13:11 At ito, yamang nakikilala ang panahon, na ngayo'y kapanahunan nang magsigising kayo sa pagkakatulog: sapagka't ngayon ay lalong malapit na sa atin ang kaligtasan kay sa nang tayo'y magsisampalataya nang una.
13:12 Ang gabi ay totoong malalim, at ang araw ay malapit na: iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.
13:13 Magsilakad tayong mahinhin, gaya ng sa araw; huwag sa katakawan at paglalasing, huwag sa kalibugan at sa kahalayan, huwag sa mga pagkakaalit at pagkakainggitan.
13:14 Kundi bagkus isakbat ninyo ang Panginoong Jesucristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga kahalayan noon.
14:1 Datapuwa't ang mahina sa pananampalataya ay tanggapin ninyo, hindi upang pagtalunan ang kaniyang pagaalinlangan.
14:2 May tao na may pananampalataya na makakain ang lahat ng mga bagay: nguni't ang mahina'y kumakain ng mga gulay.
14:3 Ang kumakain ay huwag magwalang halaga sa hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain: sapagka't siya'y tinanggap ng Dios.
14:4 Sino kang humahatol sa alila ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay natatayo siya o nabubuwal. Oo, patatayuin siya; sapagka't makapangyarihan ang Panginoon na siya'y maitayo.
14:5 May nagmamahal sa isang araw ng higit kay sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip.
14:6 Ang nagmamahal sa araw, ay minamahal ito sa Panginoon; at ang kumakain, ay kumakain sa Panginoon, sapagka't siya'y nagpapasalamat sa Dios; at ang hindi kumakain, ay hindi kumakain sa Panginoon, at nagpapasalamat sa Dios.
14:7 Sapagka't ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili.
14:8 Sapagka't kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo'y nangamamatay: kaya't sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo'y sa Panginoon.
14:9 Sapagka't dahil dito ay namatay si Cristo at nabuhay na maguli, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay.
14:10 Datapuwa't ikaw, bakit humahatol ka sa iyong kapatid? at ikaw naman, bakit pinawalaang halaga mo ang iyong kapatid? sapagka't tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios.
14:11 Sapagka't nasusulat, Buhay ako, sabi ng Panginoon, sa akin ang bawa't tuhod ay luluhod, At ang bawa't dila ay magpapahayag sa Dios.
14:12 Kaya nga ang bawa't isa sa atin ay magbibigay sulit sa Dios ng kaniyang sarili.
14:13 Huwag na nga tayong mangaghatulan pa sa isa't isa: kundi bagkus ihatol ninyo ito, na ang sinoman ay huwag maglagay ng katitisuran sa daan ng kaniyang kapatid o kadahilanan ng ikararapa.
14:14 Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos kay Jesus na Panginoon, na walang anomang bagay na marumi sa kaniyang sarili: maliban na doon sa nagaakala na ang anomang bagay ay marumi, sa kaniya'y marumi ito.
14:15 Sapagka't kung dahil sa pagkain ang iyong kapatid ay naghinanakit ay hindi ka na lumalakad sa pagibig. Huwag mong ipamahamak sa iyong pagkain yaong pinagkamatayan ni Cristo.
14:16 Huwag nga ninyong pabayaan na pagsalitaan ng masama ang inyong kabutihan:
14:17 Sapagka't ang kaharian ng Dios ay hindi ang pagkain at paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo.
14:18 Sapagka't ang sa ganito ay naglilingkod kay Cristo ay kalugodlugod sa Dios, at pinatutunayan ng mga tao.
14:19 Kaya nga sundin ang mga bagay na makapapayapa, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa't isa.
14:20 Huwag mong sirain ang gawa ng Dios dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayon man ay masama sa tao ang kumakain ng laban sa kaniyang budhi.
14:21 Mabuti ang huwag kumain ng lamangkati, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anoman na katitisuran ng iyong kapatid.
14:22 Ang pananampalataya mo na nasa iyo ay ingatan mo sa iyong sarili sa harap ng Dios. Mapalad ang hindi humahatol sa kaniyang sarili sa bagay na kaniyang sinasangayunan.
14:23 Nguni't ang nagaalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagka't hindi siya kumakain sa pananampalataya; at ang anomang hindi sa pananampalataya ay kasalanan.
15:1 Tayo ngang malalakas ay nararapat mangagbata ng kahinaan ng mahihina, at huwag tayong mangagbigay lugod sa ating sarili.
15:2 Bawa't isa sa atin ay magbigay lugod sa kaniyang kapuwa, sa kaniyang ikabubuti sa ikatitibay.
15:3 Sapagka't si Cristo man ay hindi nagbigay lugod sa kaniyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, Ang mga pagalipusta ng mga nagsisialipusta sa iyo, ay nangahulog sa akin.
15:4 Sapagka't ang anomang mga bagay na isinulat nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa.
15:5 Loobin nawa ng Dios ng pagtitiis at paggiliw, na kayo ay magkaisa ng pagiisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus:
15:6 Upang kayo na may isang pagiisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo.
15:7 Sa ganito'y mangagtanggapan kayo, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa kaluwalhatian ng Dios.
15:8 Sapagka't sinasabi ko na si Cristo ay ginawang ministro ng pagtutuli dahil sa katotohanan ng Dios, upang kaniyang mapagtibay ang mga pangakong ibinigay sa mga magulang,
15:9 At upang ang mga Gentil ay makaluwalhati sa Dios dahil sa kaniyang kahabagan; gaya ng nasusulat, Kaya nga't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Gentil. At aawit ako sa iyong pangalan.
15:10 At muling sinasabi niya, Makigalak kayo, kayong mga Gentil, sa kaniyang bayan.
15:11 At muli, Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Gentil; At purihin siya ng lahat ng mga bayan.
15:12 At muli, sinasabi ni Isaias, Magkakaroon ng ugat kay Jesse, At siya'y lilitaw upang maghari sa mga Gentil; Ay sa kaniya magsisiasa ang mga Gentil.
15:13 Puspusin nga kayo ng Dios ng pagasa ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y managana sa pagasa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
15:14 At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo mga kapatid ko, na kayo naman ay mangapuspos ng kabutihan, pinuspos ng lahat ng kaalaman, na ano pa't makapagpapaalaala naman kayo sa isa't isa.
15:15 Nguni't sinulatan ko kayo na may dakilang kalayaan na bilang pagpapaalaala sa inyo, dahil sa biyaya na sa akin ay ibinigay ng Dios,
15:16 Upang ako'y maging ministro ni Cristo Jesus sa mga Gentil, na nangangasiwa sa evangelio ng Dios, upang ang mga Gentil ay maging kalugodlugod na handog, palibhasa'y pinapaging banal ng Espiritu Santo.
15:17 Mayroon nga akong ipinagmamapuri kay Cristo Jesus sa mga bagay na nauukol sa Dios.
15:18 Sapagka't hindi ako nangangahas magsalita ng anomang mga bagay, maliban na sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, sa pagtalima ng mga Gentil, sa salita at sa gawa,
15:19 Sa bisa ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Dios; ano pa't buhat sa Jerusalem, at sa palibotlibot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang evangelio ni Cristo;
15:20 Aking nilayon na maipangaral ang evangelio, hindi doon sa napagbalitaan na kay Cristo, upang huwag akong magtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba;
15:21 Kundi, gaya ng nasusulat, Makakakita silang mga hindi dinatnan ng mga balita tungkol sa kaniya, At silang hindi nangakapakinig, ay mangakakatalastas.
15:22 Kaya't madalas namang napigil ako ng pagpariyan sa inyo:
15:23 Datapuwa't ngayon, na wala nang dako sa mga lupaing ito, at malaon nang panahong ako'y may nasang pumariyan sa inyo,
15:24 Pagparoon ko sa Espana ay paririyan ako (sapagka't inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay, at ako'y sasamahan ninyo patungo doon, pagkatapos na magkamit ng kaunting kasiyahan sa pakikisama sa inyo).
15:25 Nguni't ngayon, sinasabi ko, ako'y pasasa-Jerusalem, upang mamahagi sa mga banal.
15:26 Sapagka't minagaling ng Macedonia at ng Acaya na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.
15:27 Oo, ito'y kalugodlugod sa kanila; at sila'y may utang na loob sa kanila. Sapagka't kung ang mga Gentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na ayon sa Espiritu, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga yaon sa mga bagay na ayon sa laman.
15:28 Kung maganap ko nga ito, at aking matatakan na sa kanila ang bungang ito, ay magdaraan ako sa inyong patungo sa Espana.
15:29 At nalalaman ko na, pagpariyan ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng evangelio ni Cristo.
15:30 Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, alangalang sa Panginoon nating Jesucristo, at sa pagibig ng Espiritu, na kayo'y makipagsikap na kasama ko sa inyong mga pananalangin sa Dios patungkol sa akin;
15:31 Upang ako'y maligtas sa mga hindi nagsisisampalataya na nangasa Judea, at nang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugodlugod sa mga banal;
15:32 Upang sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at ako'y makipamahinga sa inyo.
15:33 Ngayon ang Dios ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Siya nawa.
16:1 Ipinagtatagubilin ko sa inyo si Febe na ating kapatid na babae, na lingkod sa iglesia na nasa Cencrea:
16:2 Upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon, ayon sa nararapat sa mga banal, at tulungan ninyo siya sa anomang bagay na magiging kailangan niya sa inyo: sapagka't siya nama'y naging katulong ng marami, at ng aking sarili naman.
16:3 Batiin ninyo si Prisca at si Aquila na aking mga kamanggagawa kay Cristo Jesus,
16:4 Na ipinain ang kanilang mga leeg dahil sa aking buhay; na sa kanila'y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi naman ang lahat ng mga iglesia ng mga Gentil:
16:5 At batiin ninyo ang iglesia na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na minamahal ko, na siyang pangunahing bunga ng Asia kay Cristo.
16:6 Batiin ninyo si Maria, na lubhang nagpagal sa inyo.
16:7 Batiin ninyo si Andronico at si Junias, na aking mga kamaganak, at mga kasama ko sa pagkabilanggo, na siyang mga bantog sa mga apostol, na sila nama'y nangauna sa akin kay Cristo.
16:8 Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon.
16:9 Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, at si Estaquis na minamahal ko.
16:10 Batiin ninyo si Apeles na subok kay Cristo. Batiin ninyo ang mga kasangbahay ni Aristobulo.
16:11 Batiin ninyo si Herodion na aking kamaganak. Batiin ninyo ang mga kasangbahay ni Narciso, yaong nangasa Panginoon.
16:12 Batiin ninyo si Trifena at si Trifosa, na nangagpapagal sa Panginoon. Batiin ninyo si Persida na minamahal, na lubhang nagpagal sa Panginoon.
16:13 Batiin ninyo si Rufo na hinirang sa Panginoon, at ang kaniyang ina at akin.
16:14 Batiin ninyo si Asincrito, si Flegonte, si Hermes, si Patrobas, si Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila.
16:15 Batiin ninyo si Filologo at si Julia, si Nereo at ang kaniyang kapatid na babae, at si Olimpas, at ang lahat ng mga banal na kasama nila.
16:16 Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo.
16:17 Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo yaong mga pinanggagalingan ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran, laban sa mga aral na inyong nangapagaralan: at kayo'y magsilayo sa kanila.
16:18 Sapagka't ang mga gayon ay hindi nagsisipaglingkod sa Cristong Panginoon, kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mabuting pananalita at maiinam na mga talumpati ay dinadaya ang mga puso ng mga walang malay.
16:19 Sapagka't ang inyong pagtalima ay naging bantog sa lahat ng mga tao. Kaya't nagagalak ako tungkol sa inyo: datapuwa't ibig ko na kayo'y maging marunong sa kabutihan, at musmos sa kasamaan.
16:20 At si Satanas ay dudurugin ng Dios ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo.
16:21 Binabati kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa; at ni Lucio at ni Jason at ni Sosipatro, na aking mga kamaganak.
16:22 Akong si Tercio, na sumusulat ng sulat na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon.
16:23 Binabati kayo ni Gayo na pinanunuluyanan ko, at ng buong iglesia. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng bayan, at ng kapatid na si Cuarto.
16:24 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyong lahat. Siya nawa.
16:25 At ngayon sa kaniya na makapangyarihan na sa inyo'y makapagpapatibay ayon sa aking evangelio at sa pangangaral ni Jesucristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na natago sa katahimikan nang panahong walang hanggan.
16:26 Datapuwa't nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ayon sa ipinagutos ng Dios na walang hanggan, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa upang magsitalima sa pananampalataya:
16:27 Sa iisang Dios na marunong, sa pamamagitan ni Jesucristo, na sumasa kaniya ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.