Sacred Texts  Bible  World Bible  Index  Previous  Next 

Tagalog Bible: 1 Samuel

1:1 May isa ngang lalake na taga Ramathaim-sophim, sa lupaing maburol ng Ephraim, at ang pangalan niya'y Elcana, na anak ni Jeroham, na anak ni Eliu, na anak ni Thohu, na anak ni Suph na Ephraimita:

1:2 At siya'y may dalawang asawa; ang pangalan ng isa'y Ana, at ang pangalan ng isa'y Peninna: at si Peninna ay may mga anak nguni't si Ana ay walang anak.

1:3 At ang lalaking ito ay umaahon sa taon-taon mula sa kaniyang bayan upang sumamba at maghain sa Panginoon ng mga hukbo sa Silo. At ang dalawang anak ni Eli, na si Ophni at si Phinees, na mga saserdote sa Panginoon, ay nangandoon.

1:4 At pagka dumarating ang araw na si Elcana ay naghahain, ay kaniyang binibigyan ng mga bahagi si Peninna na kaniyang asawa, at ang lahat ng kaniyang mga anak na lalake at babae:

1:5 Nguni't si Ana ay binibigyan niya ng ibayong bahagi: sapagka't minamahal niya si Ana, bagaman sinarhan ng Panginoon ang kaniyang bahay-bata.

1:6 At minumungkahi siyang mainam ng kaniyang kaagaw upang yamutin siya, sapagka't sinarhan ng Panginoon ang kaniyang bahay-bata.

1:7 At gayon ang ginagawa niya sa taon-taon, na pagka inaahon niya ang bahay ng Panginoon ay minumungkahi niyang gayon ang isa; kaya't siya'y umiiyak, at hindi kumakain.

1:8 At sinabi ni Elcana na kaniyang asawa sa kaniya, Ana, bakit ka umiiyak? at bakit hindi ka kumakain? at bakit nagdadalamhati ang iyong puso? hindi ba ako mabuti sa iyo kay sa sangpung anak?

1:9 Sa gayo'y bumangon si Ana pagkatapos na makakain sila sa Silo at pagkatapos na sila'y makainom. Ngayo'y si Eli na saserdote ay nakaupo sa upuan niya sa siping ng haligi ng pintuan ng templo ng Panginoon.

1:10 At siya'y nanalangin sa Panginoon ng buong paghihinagpis ng kaluluwa, at tumangis na mainam.

1:11 At siya'y nanata ng isang panata, at nagsabi, Oh Panginoon ng mga hukbo, kung tunay na iyong lilingunin ang pagkapighati ng iyong lingkod, at aalalahanin mo at hindi mo kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalake, ay akin ngang ibibigay sa Panginoon sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay, at walang pangahit na daraan sa kaniyang ulo.

1:12 At nangyari, habang siya'y nananatili ng pananalangin sa harap ng Panginoon, ay pinagmamasdan ni Eli ang kaniyang bibig.

1:13 Si Ana nga'y nagsasalita sa kaniyang puso; ang kaniya lamang mga labi ang gumagalaw, nguni't ang kaniyang tinig ay hindi naririnig: kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing.

1:14 At sinabi ni Eli sa kaniya, Hanggang kailan magiging lasing ka? ihiwalay mo ang iyong alak sa iyo.

1:15 At sumagot si Ana, at nagsabi, Hindi, panginoon ko, ako'y isang babae na may diwang mapanglaw: hindi ako nakainom ng alak o inuming nakalalasing, kundi aking inihayag ang aking kaluluwa sa harap ng Panginoon.

1:16 Huwag mong ibilang na babaing hamak ang iyong lingkod: sapagka't sa kasaganaan ng aking daing at ng aking pagkaduwahagi ay nagsalita ako hanggang ngayon.

1:17 Nang magkagayo'y sumagot si Eli, at nagsabi, Yumaon kang payapa: at ipagkaloob nawa sa iyo ng Dios ng Israel ang iyong hiling na hinihingi mo sa kaniya.

1:18 At sinabi niya, Makasumpong nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin. Sa gayo'y nagpatuloy ng kaniyang lakad ang babae at kumain, at ang kaniyang mukha'y hindi na malumbay.

1:19 At sila'y bumangong maaga ng kinaumagahan, at sumamba sa Panginoon, at bumalik, at umuwi sa kanilang bahay sa Ramatha; at nakilala ni Elcana si Ana na kaniyang asawa; at inalaala siya ng Panginoon.

1:20 At nangyari, nang sumapit ang panahon, na si Ana ay naglihi, at nanganak ng isang lalake; at tinawag ang pangalan niya na Samuel, na sinasabi, Sapagka't aking hiningi siya sa Panginoon.

1:21 At ang lalaking si Elcana, at ang buong sangbahayan niya, ay nagsiahon upang maghandog sa Panginoon ng hain sa taon-taon, at ganapin ang kaniyang panata.

1:22 Nguni't si Ana ay hindi umahon; sapagka't sinabi niya sa kaniyang asawa, Hindi ako aahon hanggang sa ang bata'y mahiwalay sa suso; at kung magkagayo'y aking dadalhin siya, upang siya'y pakita sa harap ng Panginoon, at tumahan doon magpakailan man.

1:23 At sinabi ni Elcana na kaniyang asawa sa kaniya, Gawin mo ang inaakala mong mabuti; maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa suso; pagtibayin lamang ng Panginoon ang kaniyang salita. Sa gayo'y naghintay ang babae, at pinasuso ang kaniyang anak, hanggang sa naihiwalay niya sa suso.

1:24 At nang kaniyang maihiwalay na sa suso, ay kaniyang iniahon, na may dala siyang tatlong guyang lalake, at isang epang harina, at isang sisidlang balat ng alak, at dinala niya siya sa bahay ng Panginoon sa Silo: at ang anak ay sanggol.

1:25 At kanilang pinatay ang guyang lalake, at dinala ang bata kay Eli.

1:26 At sinabi niya, Oh panginoon ko, alangalang sa buhay ng iyong kaluluwa, panginoon ko, ako ang babaing tumayo sa siping mo rito, na nanalangin sa Panginoon.

1:27 Dahil sa batang ito ako nanalangin; at ipinagkaloob sa akin ng Panginoon ang aking hiling na aking hiningi sa kaniya:

1:28 Kaya't aking ipinagkakaloob naman sa Panginoon habang siya'y nabubuhay ay ipinagkakaloob ko siya sa Panginoon. At siya ay sumamba sa Panginoon doon.

2:1 At si Ana ay nanalangin, at nagsabi: Nagagalak ang aking puso sa Panginoon; Ang aking sungay ay pinalaki ng Panginoon; Binigyan ako ng bibig sa aking mga kaaway; Sapagka't ako'y nagagalak sa iyong pagliligtas.

2:2 Walang banal na gaya ng Panginoon; Sapagka't walang iba liban sa iyo, Ni may bato mang gaya ng aming Dios.

2:3 Huwag na kayong magsalita ng totoong kapalaluan; Huwag mabuka ang kahambugan sa inyong bibig; Sapagka't ang Panginoon ay Dios ng kaalaman, At sa pamamagitan niya'y sinusukat ang mga kilos.

2:4 Ang mga busog ng mga makapangyarihang tao ay nasisira; At yaong nangatisod ay nabibigkisan ng kalakasan.

2:5 Yaong mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay; At yaong mga gutom ay hindi na gutom: Oo, ang baog ay nanganak ng pito; At yaong may maraming anak ay nanghihina.

2:6 Ang Panginoo'y pumapatay, at bumubuhay: Siya ang nagbababa sa Sheol, at nagsasampa.

2:7 Ang Panginoo'y nagpapadukha at nagpapayaman: Siya ang nagpapababa, at siya rin naman ang nagpapataas.

2:8 Kaniyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok, Kaniyang itinataas ang mapagkailangan mula sa dumihan, Upang sila'y palukluking kasama ng mga prinsipe, At magmana ng luklukan ng kaluwalhatian: Sapagka't ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon, At kaniyang ipinatong ang sanglibutan sa kanila.

2:9 Kaniyang iingatan ang mga paa ng kaniyang mga banal; Nguni't ang masama ay patatahimikin sa mga kadiliman; Sapagka't sa pamamagitan ng kalakasan ay walang lalaking mananaig.

2:10 Yaong makipagkaalit sa Panginoon ay malalansag; Laban sa kanila'y kukulog siya mula sa langit: Ang Panginoon ang huhukom sa mga wakas ng lupa; At bibigyan niya ng kalakasan ang kaniyang hari, At palalakihin ang sungay ng kaniyang pinahiran ng langis.

2:11 At si Elcana ay umuwi sa Ramatha sa kaniyang bahay. At ang bata'y nangangasiwa sa Panginoon sa harap ni Eli na saserdote.

2:12 Ngayo'y ang mga anak ni Eli ay mga hamak na lalake; hindi nila nakikilala ang Panginoon.

2:13 At ang kaugalian ng mga saserdote sa bayan, ay, na pagka ang sinoma'y naghahandog ng hain, lumalapit ang bataan ng saserdote, samantalang ang laman ay niluluto, na may hawak sa kamay na pang-ipit na may tatlong ngipin;

2:14 At kaniyang dinuduro sa kawali, o sa kaldera, o sa kaldero, o sa palyok; at lahat ng nadadala ng pang-ipit ay kinukuha ng saserdote para sa kaniya. Gayon ang ginagawa nila sa Silo sa lahat ng mga Israelita na naparoroon.

2:15 Oo, bago nila sunugin ang taba, ay lumalapit ang bataan ng saserdote, at sinasabi sa lalake na naghahain, Magbigay ka ng lamang maiihaw para sa saserdote, sapagka't hindi siya tatanggap sa iyo ng lamang luto, kundi hilaw.

2:16 At kung sabihin ng lalake sa kaniya, Walang pagsalang kanila munang susunugin ang taba, at saka mo kunin kung gaano ang nasain ng iyong kaluluwa; kaniya ngang sinasabi, Hindi, kundi ibibigay mo sa akin ngayon: at kung hindi ay aking kukuning sapilitan.

2:17 At ang kasalanan ng mga binatang yaon ay totoong malaki sa harap ng Panginoon; sapagka't niwawalan ng kabuluhan ng mga tao ang handog sa Panginoon.

2:18 Nguni't si Samuel ay nangangasiwa sa harap ng Panginoon, sa bagay ay bata pa, na may bigkis na isang kayong linong epod.

2:19 Bukod sa rito'y iginagawa siya ng kaniyang ina ng isang munting balabal, at dinadala sa kaniya taon-taon, pagka siya'y umaahon na kasama ng kaniyang asawa upang maghandog ng hain sa taon-taon.

2:20 At binasbasan ni Eli si Elcana at ang kaniyang asawa, at sinabi, Bigyan ka nawa ng Panginoon ng binhi sa babaing ito sa lugar ng hingi na kaniyang hiningi sa Panginoon. At sila'y umuwi sa kanilang sariling bahay.

2:21 At dinalaw ng Panginoon si Ana, at siya'y naglihi, at nagkaanak ng tatlong lalake at dalawang babae. At ang batang si Samuel ay lumalaki sa harap ng Panginoon.

2:22 Si Eli nga ay totoong matanda na; at kaniyang nababalitaan ang lahat ng ginagawa ng kaniyang mga anak sa buong Israel, at kung paanong sila'y sumisiping sa mga babae na naglilingkod sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.

2:23 At sinabi niya sa kanila, Bakit ginagawa ninyo ang mga ganiyang bagay? sapagka't aking nababalitaan sa buong bayang ito ang inyong mga masamang kilos.

2:24 Huwag, mga anak ko; sapagka't hindi mabuting balita ang aking naririnig: inyong pinasasalangsang ang bayan ng Panginoon.

2:25 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa iba, ay hahatulan siya ng Dios; nguni't kung ang isang tao ay magkasala laban sa Panginoon, sino ang mamamagitan sa kaniya? Gayon ma'y hindi nila dininig ang tinig ng kanilang ama, sapagka't inakalang patayin sila ng Panginoon.

2:26 At ang batang si Samuel ay lumalaki, at kinalulugdan ng Panginoon at ng mga tao rin naman.

2:27 At naparoon ang isang lalake ng Dios kay Eli, at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Napakita ba ako ng hayag sa sangbahayan ng iyong ama, nang sila'y nasa Egipto sa pagkaalipin sa sangbahayan ni Faraon?

2:28 At pinili ko ba siya sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging saserdote ko, upang maghandog sa aking dambana, upang magsunog ng kamangyan, at upang magsuot ng epod sa harap ko? at ibinigay ko ba sa sangbahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ni Israel na pinaraan sa apoy?

2:29 Bakit nga kayo'y tumututol sa aking hain at sa aking handog, na aking iniutos sa aking tahanan, at iyong pinararangalan ang iyong mga anak ng higit kaysa akin, upang kayo'y magpakataba sa mga pinakamainam sa lahat ng mga handog ng Israel na aking bayan?

2:30 Kaya't sinasabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Aking sinabi nga na ang iyong sangbahayan, at ang sangbahayan ng iyong ama, ay lalakad sa harap ko magpakailan man: nguni't sinasabi ngayon ng Panginoon, Malayo sa akin; sapagka't yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalin, at yaong mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.

2:31 Narito, ang mga araw ay dumarating, na aking ihihiwalay ang iyong bisig, at ang bisig ng sangbahayan ng iyong ama, upang huwag magkaroon ng matanda sa iyong sangbahayan.

2:32 At iyong mamasdan ang kadalamhatian sa aking tahanan, sa buong kayamanan na ibibigay ng Dios sa Israel; at mawawalan ng matanda sa iyong sangbahayan magpakailan man.

2:33 At ang lalaking iyo, na hindi ko ihihiwalay sa aking dambana, ay magiging upang lunusin ang iyong mga mata at papanglawin ang iyong puso; at ang madlang mararagdag sa iyong sangbahayan ay mamamatay sa kanilang kabataan.

2:34 At ito ang magiging tanda sa iyo, na darating sa iyong dalawang anak, kay Ophni at kay Phinees: sa isang araw, sila'y kapuwa mamamatay.

2:35 At ako'y magbabangon para sa akin ng isang tapat na saserdote, na gagawa ng ayon sa nasa aking puso at nasa aking pagiisip: at ipagtatayo ko siya ng panatag na sangbahayan; at siya'y lalakad sa harap ng aking pinahiran ng langis, magpakailan man.

2:36 At mangyayari, na bawa't isa na naiwan sa iyong sangbahayan, ay paroroon at yuyukod sa kaniya dahil sa isang putol na pilak at sa isang putol na tinapay, at magsasabi, Isinasamo ko sa iyong ilagay mo ako sa isa sa mga katungkulang pagkasaserdote, upang makakain ako ng isang subong tinapay.

3:1 At ang batang si Samuel ay nangangasiwa sa Panginoon sa harap ni Eli. At ang salita ng Panginoon ay mahalaga noong mga araw na yaon; walang hayag na pangitain.

3:2 At nangyari nang panahon na yaon, nang si Eli ay mahiga sa kaniyang dako, (ang kaniya ngang mata'y nagpasimulang lumabo, na siya'y hindi nakakita,)

3:3 At ang ilawan ng Dios ay hindi pa namamatay, at si Samuel ay nakahiga upang matulog, sa templo ng Panginoon, na kinaroroonan ng kaban ng Dios;

3:4 Na tinawag ng Panginoon si Samuel: at kaniyang sinabi, Narito ako.

3:5 At siya'y tumakbo kay Eli, at nagsabi, Narito ako; sapagka't tinawag mo ako. At kaniyang sinabi, Hindi ako tumawag; mahiga ka uli. At siya'y yumaon at nahiga.

3:6 At tumawag pa uli ang Panginoon, Samuel. At bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at nagsabi, Narito ako: sapagka't ako'y tinawag mo. At siya'y sumagot, Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli.

3:7 Hindi pa nga nakikilala ni Samuel ang Panginoon, o ang salita man ng Panginoon ay nahahayag pa sa kaniya.

3:8 At tinawag uli ng Panginoon na ikaitlo. At siya'y bumangon, at naparoon kay Eli, at nagsabi, Narito ako; sapagka't ako'y iyong tinawag. At nahalata ni Eli na tinatawag ng Panginoon ang bata.

3:9 Kaya't sinabi ni Eli kay Samuel, Yumaon ka, mahiga ka: at mangyayari, na kung tatawagin ka niya, ay iyong sasabihin, Magsalita ka, Panginoon; sapagka't dinirinig ng iyong lingkod. Sa gayo'y yumaon si Samuel at nahiga sa kaniyang dako.

3:10 At ang Panginoon ay naparoon, at tumayo, at tumawag na gaya ng una, Samuel, Samuel. Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, Magsalita ka; sapagka't dinirinig ng iyong lingkod.

3:11 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Narito, gagawa ako ng isang bagay sa Israel, na ang dalawang tainga ng bawa't isa na nakikinig ay magpapanting.

3:12 Sa araw na yaon ay aking tutuparin kay Eli ang lahat na aking sinalita tungkol sa kaniyang sangbahayan, mula sa pasimula hanggang sa wakas.

3:13 Sapagka't aking isinaysay sa kaniya na aking huhukuman ang kaniyang sangbahayan magpakailan man, dahil sa kasamaan na kaniyang nalalaman, sapagka't ang kaniyang mga anak ay nagdala ng sumpa sa kanilang sarili, at hindi niya sinangsala sila.

3:14 At kaya't ako'y sumumpa sa sangbahayan ni Eli, na ang kasamaan ng sangbahayan ni Eli ay hindi mapapawi ng hain, o handog man magpakailan man.

3:15 At nahiga si Samuel hanggang sa kinaumagahan, at ibinukas ang mga pinto ng bahay ng Panginoon. At natakot si Samuel na saysayin kay Eli ang panaginip.

3:16 Nang magkagayo'y tinawag ni Eli si Samuel, at nagsabi, Samuel, anak ko. At kaniyang sinabi, Narito ako.

3:17 At kaniyang sinabi, Ano ang bagay na sinalita sa iyo? isinasamo ko sa iyo na huwag mong ilihim sa akin: hatulan ka ng Dios, at lalo na, kung iyong ililihim sa akin ang anomang bagay sa lahat ng mga bagay na kaniyang sinalita sa iyo.

3:18 At isinaysay sa kaniya ni Samuel ang buong sinalita, at hindi naglihim ng anoman sa kaniya. At kaniyang sinabi, Panginoon nga: gawin niya ang inaakala niyang mabuti.

3:19 At si Samuel ay lumalaki at ang Panginoon ay sumasakaniya, at walang di pinapangyari sa kaniyang mga salita.

3:20 At nakilala ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag na maging propeta ng Panginoon.

3:21 At napakilala uli ang Panginoon sa Silo, sapagka't ang Panginoo'y napakilala kay Samuel sa Silo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.

4:1 At ang salita ni Samuel ay dumating sa buong Israel, Ngayo'y lumabas ang Israel laban sa mga Filisteo upang makipagbaka, at humantong sa Ebenezer: at ang mga Filisteo ay humantong sa Aphec.

4:2 At ang mga Filisteo ay humanay laban sa Israel: at nang sila'y magsagupa, ang Israel ay nasaktan sa harap ng mga Filisteo; at kanilang pinatay sa hukbo sa parang, ay may apat na libong lalake.

4:3 At nang ang bayan ay dumating sa kampamento, ay sinabi ng mga matanda sa Israel, Bakit sinaktan tayo ngayon ng Panginoon sa harap ng mga Filisteo? Ating dalhin sa atin ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa Silo, upang mapasa gitna natin yaon, at iligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway.

4:4 Sa gayo'y nagsugo ang bayan sa Silo, at kanilang dinala mula roon ang kaban ng tipan ng Panginoon ng mga hukbo, na nauupo sa gitna ng mga querubin: at ang dalawang anak ni Eli, si Ophni at si Phinees, ay nandoon na binabantayan ang kaban ng tipan ng Dios.

4:5 At nang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay pumasok sa kampamento, ang buong Israel ay humiyaw ng malakas na hiyaw, na ano pa't naghinugong sa lupa.

4:6 At nang marinig ng mga Filisteo ang ingay ng hiyaw, ay nagsipagsabi, Ano ang kahulugan ng ingay nitong malakas na hiyaw sa kampamento ng mga Hebreo? At kanilang natalastas na ang kaban ng Panginoon ay ipinasok sa kampamento.

4:7 At ang mga Filisteo ay nangatakot, sapagka't kanilang sinabi, Ang Dios ay pumasok sa kampamento. At kanilang sinabi, Sa aba natin! sapagka't hindi pa nagkakaroon ng ganyang bagay kailan man.

4:8 Sa aba natin! sino ang magliligtas sa atin sa kamay ng makapangyarihang mga dios na ito? ito ang mga dios na nanakit sa mga taga-Egipto ng sarisaring salot sa ilang.

4:9 Kayo'y magpakalakas at magpakalalake, Oh kayong mga Filisteo, upang kayo'y huwag maging mga alipin ng mga Hebreo, na gaya ng naging lagay nila sa inyo: kayo'y magpakalalake, at magsilaban.

4:10 At ang mga Filisteo ay nagsilaban, at ang Israel ay nasaktan, at tumakas ang bawa't isa sa kanila sa kaniyang tolda: at nagkaroon ng malaking patayan; sapagka't nabuwal sa Israel ay tatlong pung libong lalaking lakad.

4:11 At ang kaban ng Dios ay kinuha; at ang dalawang anak ni Eli, si Ophni at Phinees ay pinatay.

4:12 At tumakbo ang isang lalake ng Benjamin na mula sa hukbo, at naparoon sa Silo nang araw ding yaon, na may barong hapak at may lupa sa kaniyang ulo.

4:13 At nang siya'y dumating, narito, si Eli ay nakaupo sa kaniyang upuan sa tabi ng daan na nagbabantay; sapagka't ang kaniyang puso'y nanginginig dahil sa kaban ng Dios. At nang ang tao ay pumasok sa bayan, at saysayin ang mga balita, ang buong bayan ay humiyaw.

4:14 At nang marinig ni Eli ang ingay ng hiyawan, ay kaniyang sinabi, Ano ang kahulugan ng kaingay ng gulong ito? At ang tao'y nagmadali, at naparoon, at isinaysay kay Eli.

4:15 Si Eli nga'y may siyam na pu't walong taon na; at ang kaniyang mga mata'y malalabo na, siya'y di na makakita.

4:16 At sinabi ng lalake kay Eli, Ako yaong nanggaling sa hukbo, at ako'y tumakas ngayon mula sa hukbo. At kaniyang sinabi, Paano ang nangyari, anak ko?

4:17 At siya na nagdala ng mga balita ay sumagot at nagsabi, Ang Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at nagkaroon din naman doon ng isang malaking patayan sa gitna ng bayan, at pati ng iyong dalawang anak, si Ophni at si Phinees ay patay na, at ang kaban ng Dios ay kinuha.

4:18 At nangyari, nang kaniyang banggitin ang kaban ng Dios, na siya'y nabuwal sa likuran sa kaniyang upuan sa dako ng pintuang-bayan; at nabalian siya sa leeg, at siya'y namatay: sapagka't siya'y lalaking matanda at mabigat. At hinatulan niya ang Israel na apat na pung taon.

4:19 At ang kaniyang manugang, na asawa ni Phinees, ay buntis na kagampan: at pagkarinig niya ng balita na ang kaban ng Dios ay kinuha, at ang kaniyang biyanan at kaniyang asawa ay patay na, ay yumukod siya at napanganak; sapagka't ang kaniyang pagdaramdam ay dumating sa kaniya.

4:20 At nang mamatay na siya, ay sinabi sa kaniya ng mga babaing nakatayo sa siping niya, Huwag kang matakot; sapagka't ikaw ay nanganak ng isang lalake. Nguni't hindi siya sumagot, o inalumana man niya.

4:21 At ipinangalan niya sa bata ay Ichabod, na sinasabi, Ang kaluwalhatian ay nahiwalay sa Israel; sapagka't ang kaban ng Dios ay kinuha, at dahil sa kaniyang biyanan at sa kaniyang asawa.

4:22 At kaniyang sinabi, Ang kaluwalhatian ng Dios ay nahiwalay sa Israel; sapagka't ang kaban ng Dios ay kinuha.

5:1 Kinuha nga ng mga Filisteo ang kaban ng Dios, at kanilang dinala sa Asdod mula sa Eben-ezer.

5:2 At kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng Dios at ipinasok sa bahay ni Dagon, at inilagay sa tabi ni Dagon.

5:3 At nang bumangong maaga ang mga taga Asdod ng kinaumagahan, narito, si Dagon ay buwal na nakasubasob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. At kanilang kinuha si Dagon, at inilagay siya uli sa dako niyang kinaroroonan.

5:4 At nang sila'y bumangong maaga ng kinaumagahan, narito, si Dagon ay buwal na nakasubasob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon; at ang ulo ni Dagon at gayon din ang mga palad ng kaniyang mga kamay ay putol na nasa tayuan ng pintuan; ang katawan lamang ang naiwan sa kaniya.

5:5 Kaya't ang mga saserdote man ni Dagon, o ang sinomang nanasok sa bahay ni Dagon, ay hindi itinutungtong ang paa sa tayuan ng pintuan ni Dagon sa Asdod, hanggang sa araw na ito.

5:6 Nguni't ang kamay ng Panginoon ay bumigat sa mga taga Asdod, at mga ipinahamak niya, at mga sinaktan ng mga bukol, sa makatuwid baga'y ang Asdod at ang mga hangganan niyaon.

5:7 At nang makita ng mga lalake sa Asdod na gayon, ay kanilang sinabi, Ang kaban ng Dios ng Israel ay huwag matirang kasama natin; sapagka't ang kaniyang kamay ay mabigat sa atin, at kay Dagon ating dios.

5:8 Sila'y nagsugo nga at nagpipisan ang lahat ng mga pangulo ng mga Filisteo sa kanila at sinabi, Ano ang ating gagawin sa kaban ng Dios ng Israel? At sila'y sumagot, Dalhin sa Gath ang kaban ng Dios ng Israel. At kanilang dinala roon ang kaban ng Dios ng Israel.

5:9 At nangyari, na pagkatapos na kanilang madala, ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa bayan, na nagkaroon ng malaking pagkalito: at sinaktan niya ang mga tao sa bayan, ang maliit at gayon din ang malaki; at mga bukol ay sumibol sa kanila.

5:10 Sa gayo'y kanilang ipinadala ang kaban ng Dios sa Ecron. At nangyari, pagdating ng kaban ng Dios sa Ecron, na ang mga Ecronita ay sumigaw, na nagsasabi, Kanilang dinala sa atin ang kaban ng Dios ng Israel, upang patayin tayo at ang ating bayan.

5:11 Pinasuguan nga nilang magpipisan ang lahat ng pangulo ng mga Filisteo, at kanilang sinabi, Ipadala ninyo ang kaban ng Dios ng Israel, at ipabalik ninyo sa kaniyang sariling dako, upang huwag kaming patayin at ang aming bayan. Sapagka't nagkaroon ng panglitong ikamamatay sa buong bayan: ang kamay ng Dios ay totoong bumigat doon.

5:12 At ang mga lalaking hindi namatay ay nasaktan ng mga bukol; at ang daing ng bayan ay umabot sa langit.

6:1 At ang kaban ng Panginoon ay napasa lupain ng mga Filisteo na pitong buwan.

6:2 At tinawag ng mga Filisteo ang mga saserdote at ang mga manghuhula, na sinasabi, Anong aming gagawin sa kaban ng Panginoon? Ipatalastas ninyo sa amin kung aming ipadadala sa kaniyang dako.

6:3 At kanilang sinabi, Kung inyong ipadadala ang kaban ng Dios ng Israel, ay huwag ninyong ipadalang walang laman; kundi sa ano pa man ay inyong ibalik siya na may handog ng dahil sa pagkakasala: kung magkagayo'y gagaling kayo, at malalaman ninyo kung bakit ang kaniyang kamay ay hindi humiwalay sa inyo.

6:4 Nang magkagayo'y kanilang sinabi, Ano ang handog dahil sa pagkakasala na aming igaganti sa kaniya? At kanilang sinabi, Limang gintong bukol, at limang gintong daga ayon sa bilang ng mga pangulo ng mga Filisteo; sapagka't iisang salot ang napasa inyong lahat, at napasa inyong mga pangulo.

6:5 Kaya't kayo'y gagawa ng mga larawan ng inyong mga bukol, at mga larawan ng inyong mga daga na sumira ng lupain, at inyong bibigyan ng kaluwalhatian ang Dios ng Israel: baka sakaling kaniyang gaanan ang kaniyang kamay sa inyo, at sa inyong mga dios, at sa inyong lupain.

6:6 Bakit nga ninyo pinapagmamatigas ang inyong puso, na gaya ng mga taga Egipto at ni Faraon na pinapagmatigas ang kanilang puso? Nang siya'y makagawa ng kahangahanga sa kanila, di ba nila pinayaon ang bayan, at sila'y yumaon?

6:7 Ngayon nga'y kumuha kayo at maghanda kayo ng isang bagong karo, at dalawang bagong bakang gatasan, na hindi napatungan ng pamatok; at ikabit ninyo ang mga baka sa karo, at iuwi ninyo ang kanilang mga guya.

6:8 At kunin ninyo ang kaban ng Panginoon, at isilid ninyo sa karo; at isilid ninyo sa isang kahang nasa tabi niyaon ang mga hiyas na ginto na inyong ibabalik sa kaniya na pinakahandog dahil sa pagkakasala; at inyong ipadala upang yumaon.

6:9 At tingnan ninyo; kung umahon sa daan ng kaniyang sariling hangganan sa Beth-semes, ginawa nga niya sa atin ang malaking kasamaang ito: nguni't kung hindi, malalaman nga natin na hindi kaniyang kamay ang nanakit sa atin; isang pagkakataong nangyari sa atin.

6:10 At ginawang gayon ng mga lalake, at kumuha ng dalawang bagong bakang gatasan, at mga ikinabit sa karo, at kinulong ang kanilang mga guya sa bahay:

6:11 At kanilang inilagay ang kaban ng Panginoon sa karo, at ang kaha na may mga dagang ginto at mga larawan ng kanilang mga bukol.

6:12 At tinuwid ng mga baka ang daan sa Beth-semes; sila'y nagpatuloy sa lansangan, na umuungal habang yumayaon, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa; at ang mga pangulo ng mga Filisteo ay sumunod sa kanila hanggang sa hangganan ng Beth-semes.

6:13 At silang mga Beth-semita ay umaani ng kanilang trigo sa libis: at kanilang itiningin ang kanilang mga mata, at nakita ang kaban, at nangagalak sa pagkakita niyaon.

6:14 At ang karo ay pumasok sa bukid ni Josue na Beth-semita, at tumayo roon, sa kinaroroonan ng isang malaking bato: at kanilang biniyak ang kahoy ng karo, at inihandog sa Panginoon ang mga baka na pinakahandog na susunugin.

6:15 At ibinaba ng mga Levita ang kaban ng Panginoon, at ang kaha na kasama niyaon, na may silid na mga hiyas na ginto, at mga ipinatong sa malaking bato at ang mga lalake sa Beth-semes ay naghandog ng mga handog na susunugin at naghain ng mga hain ng araw ding yaon sa Panginoon.

6:16 At nang makita ng limang pangulo ng mga Filisteo, ay bumalik sa Ecron nang araw ding yaon.

6:17 At ito ang mga bukol na ginto na ibinalik ng mga Filisteo sa Panginoon na pinakahandog dahil sa pagkakasala: sa Asdod ay isa, sa Gaza ay isa, sa Ascalon ay isa, sa Gath ay isa, sa Ecron ay isa;

6:18 At ang mga dagang ginto, ayon sa bilang ng lahat ng mga bayan ng mga Filisteo na nauukol sa limang pangulo, ng mga bayan na nakukutaan at gayon din ng mga nayon sa parang; sa makatuwid baga'y hanggang sa malaking bato na kanilang pinagbabaan ng kaban ng Panginoon, na ang batong yaon ay namamalagi hanggang sa araw na ito sa bukid ni Josue na Beth-semita.

6:19 At sumakit ang Dios sa mga tao sa Beth-semes, sapagka't kanilang tiningnan ang loob ng kaban ng Panginoon, sa makatuwid baga'y pumatay siya sa bayan ng pitong pung lalake at limang pung libong tao. At ang bayan ay nanaghoy, sapagka't sinaktan ng Panginoon ang bayan ng di kawasang pagpatay.

6:20 At ang mga lalake sa Beth-semes ay nagsabi, Sino ang makatatayo sa harap ng Panginoon, dito sa banal na Dios? at sino ang kaniyang sasampahin mula sa atin?

6:21 At sila'y nagsugo ng mga sugo sa mga tumatahan sa Chiriath-jearim, na nagsasabi, Ibinalik ng mga Filisteo ang kaban ng Panginoon; kayo'y magsilusong at iahon ninyo sa inyo.

7:1 At ang mga lalake sa Chiriath-jearim ay nagsiparoon, at iniahon ang kaban ng Panginoon, at dinala sa bahay ni Abinadab sa burol, at pinapagbanal si Eleazar na kaniyang anak, upang ingatan ang kaban ng Panginoon.

7:2 At nangyari, mula nang araw na itahan ang kaban sa Chiriath-jearim, na ang panahon ay nagtatagal; sapagka't naging dalawang pung taon; at ang buong sangbahayan ng Israel ay tumaghoy sa Panginoon.

7:3 At nagsalita si Samuel sa buong sangbahayan ng Israel, na nagsasabi, Kung kayo'y babalik sa Panginoon ng buo ninyong puso ay inyo ngang alisin sa inyo ang mga dios na iba, at ang mga Astaroth, at ihanda ninyo ang inyong mga puso sa Panginoon, at sa kaniya lamang kayo maglingkod; at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.

7:4 Nang magkagayo'y inalis ng mga anak ni Israel ang mga Baal at ang mga Astaroth, at sa Panginoon lamang naglingkod.

7:5 At sinabi ni Samuel, Pisanin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at idadalangin ko kayo sa Panginoon.

7:6 At sila'y nagtitipon sa Mizpa, at nagsiigib ng tubig, at ibinuhos sa harap ng Panginoon, at nagsipagayuno nang araw na yaon, at nangagsabi, Kami ay nangagkasala laban sa Panginoon. At naghukom si Samuel sa mga anak ni Israel sa Mizpa.

7:7 At nang mabalitaan ng mga Filisteo na ang mga anak ni Israel ay nagtitipon sa Mizpa, nagsiahon laban sa Israel ang mga pangulo ng mga Filisteo. At nang mabalitaan ng mga anak ni Israel, ay nangatakot sa mga Filisteo.

7:8 At sinabi ng mga anak ni Israel kay Samuel, Huwag kang tumigil ng kadadalangin sa Panginoon nating Dios, ng dahil sa atin, upang iligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo.

7:9 At kumuha si Samuel ng isang korderong pasusuhin, at inihandog na pinaka buong handog na susunugin sa Panginoon: at dumaing si Samuel sa Panginoon dahil sa Israel; at ang Panginoon ay sumagot sa kaniya.

7:10 At samantalang si Samuel ay naghahandog ng handog na susunugin, ay lumapit ang mga Filisteo upang makipagbaka laban sa Israel; nguni't ang Panginoon ay nagpakulog ng isang malakas na kulog nang araw na yaon sa mga Filisteo, at nilito sila; at sila'y nangabuwal sa harap ng Israel.

7:11 At ang mga lalake sa Israel ay nagsilabas sa Mizpa, at hinabol ang mga Filisteo, at sinaktan sila, hanggang sa nagsidating sila sa Beth-car.

7:12 Nang magkagayo'y kumuha si Samuel ng isang bato, at inilagay sa pagitan ng Mizpa at ng Sen, at tinawag ang pangalan niyaon na Ebenezer, na sinasabi, Hanggang dito'y tinulungan tayo ng Panginoon.

7:13 Sa gayo'y nagsisuko ang mga Filisteo, at hindi na sila pumasok pa sa hangganan ng Israel: at ang kamay ng Panginoon ay laban sa Filisteo lahat ng mga araw ni Samuel.

7:14 At ang mga bayan na sinakop ng mga Filisteo sa Israel ay nasauli sa Israel, mula sa Ecron hanggang sa Gath; at ang mga hangganan niyaon ay pinapaging laya ng Israel sa kamay ng mga Filisteo. At nagkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amorrheo.

7:15 At hinatulan ni Samuel ang Israel lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.

7:16 At siya'y naparoon na lumigid taon-taon sa Beth-el, at sa Gilgal, at sa Mizpa; at hinatulan niya ang Israel sa lahat ng mga dakong yaon.

7:17 At ang kaniyang balik ay sa Rama, sapagka't nandoon ang kaniyang bahay; at doo'y hinatulan niya ang Israel: at siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon.

8:1 At nangyari, nang si Samuel ay matanda na, na kaniyang ginawang mga hukom sa Israel ang kaniyang mga anak.

8:2 Ang pangalan nga ng kaniyang panganay ay Joel; at ang pangalan ng kaniyang ikalawa ay Abia: sila'y mga hukom sa Beer-seba.

8:3 At ang kaniyang mga anak ay hindi lumakad sa kaniyang mga daan, kundi lumingap sa mahalay na kapakinabangan, at tumanggap ng mga suhol, at sinira ang paghatol.

8:4 Nang magkagayo'y nagpipisan ang mga matanda ng Israel, at naparoon kay Samuel sa Ramatha;

8:5 At kanilang sinabi sa kaniya, Narito, ikaw ay matanda na, at ang iyong mga anak ay hindi lumalakad sa iyong mga daan: ngayon nga'y lagyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.

8:6 Nguni't hindi minabuti ni Samuel, nang kanilang sabihin, Bigyan mo kami ng isang hari upang humatol sa amin. At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon.

8:7 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagka't hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako, upang huwag akong maghari sa kanila.

8:8 Ayon sa lahat na gawa na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Egipto hanggang sa araw na ito, sa kanilang pagiiwan sa akin, at paglilingkod sa ibang mga dios ay gayon ang ginagawa nila sa iyo.

8:9 Ngayon nga'y dinggin mo ang kanilang tinig: gayon ma'y tatanggi kang mainam sa kanila, at ipakikilala mo sa kanila ang paraan ng hari na maghahari sa kanila.

8:10 At isinaysay ni Samuel ang buong salita ng Panginoon sa bayan na humihingi sa kaniya ng isang hari.

8:11 At kaniyang sinabi, Ito ang magiging paraan ng hari na maghahari sa inyo: kaniyang kukunin ang inyong mga anak at kaniyang ilalagay sa kaniyang mga karo, at upang maging mga mangangabayo niya; at sila'y tatakbo sa unahan ng kaniyang mga karo;

8:12 At kaniyang mga ihahalal sa kaniya na mga kapitan ng lilibuhin at mga kapitan ng lilimangpuin; at ang iba ay upang umararo ng kaniyang lupa, at umani ng kaniyang aanihin, at upang gumawa ng kaniyang mga sangkap na pangdigma, at sangkap sa kaniyang mga karo.

8:13 At kaniyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging mga manggagawa ng pabango, at maging mga tagapagluto, at maging mga magtitinapay.

8:14 At kaniyang kukunin ang inyong mga bukid, at ang inyong mga ubasan, at ang inyong mga olibohan, sa makatuwid baga'y ang pinakamabuti sa mga yaon, upang mga ibigay sa kaniyang mga lingkod.

8:15 At kaniyang kukunin ang ika-sangpung bahagi ng inyong binhi, at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kaniyang mga punong kawal, at sa kaniyang mga lingkod.

8:16 At kaniyang kukunin ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang inyong pinakamabuting bataan, at ang inyong mga asno, at mga ilalagay sa kaniyang mga gawain.

8:17 Kaniyang kukunin ang ikasangpung bahagi ng inyong mga kawan: at kayo'y magiging kaniyang mga lingkod.

8:18 At kayo'y dadaing sa araw na yaon, dahil sa inyong hari na inyong pipiliin; at hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na yaon.

8:19 Nguni't tinanggihang dinggin ng bayan ang tinig ni Samuel; at kanilang sinabi, Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari sa amin;

8:20 Upang kami naman ay maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang hatulan kami ng aming hari, at lumabas sa unahan namin, at ipakipaglaban ang aming pakikipagbaka.

8:21 At narinig ni Samuel ang lahat ng mga salita ng bayan, at kaniyang mga isinaysay sa pakinig ng Panginoon.

8:22 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Dinggin mo ang kanilang tinig at lagyan mo sila ng hari. At sinabi ni Samuel sa mga tao sa Israel, Yumaon ang bawa't isa sa inyo sa kanikaniyang bayan.

9:1 May isang lalake nga sa Benjamin, na ang pangala'y Cis, na anak ni Abiel, na anak ni Seor, na anak ni Bechora, na anak ni Aphia, na anak ng isang Benjamita, na isang makapangyarihang lalake na may tapang.

9:2 At siya'y may isang anak na lalake, na ang pangala'y Saul, isang bata at makisig: at sa mga anak ni Israel ay walang lalong makisig na lalake kay sa kaniya: mula sa kaniyang mga balikat at hanggang sa paitaas ay lalong mataas siya kay sa sinoman sa bayan.

9:3 At ang mga asno ni Cis na ama ni Saul ay nawala. At sinabi ni Cis kay Saul na kaniyang anak, Ipagsama mo ngayon ang isa sa mga bataan, at ikaw ay tumindig, at hanapin mo ang mga asno.

9:4 At siya'y nagdaan sa lupaing maburol ng Ephraim, at nagdaan sa lupain ng Salisa, nguni't hindi nila nangasumpungan: nang magkagayo'y nagdaan sila sa lupain ng Saalim, at wala roon: at sila'y nagdaan sa lupain ng mga Benjamita, nguni't hindi nila nangasumpungan doon.

9:5 Nang sila'y dumating sa lupain ng Suph, ay sinabi ni Saul sa kaniyang bataan na kasama niya, Halina at bumalik tayo, baka walaing bahala ng aking ama ang mga asno at ang alalahanin ay tayo.

9:6 At sinabi niya sa kaniya, Narito, may isa ngang lalake ng Dios sa bayang ito, at siya'y isang lalaking may dangal; lahat ng kaniyang sinasabi ay tunay na nangyayari: ngayo'y pumaroon tayo; marahil ay masasaysay niya sa atin ang tungkol sa ating paglalakbay kung saan tayo paroroon.

9:7 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang bataan, Nguni't narito, kung tayo'y pumaroon, ano ang ating dadalhin sa lalake? sapagka't naubos na ang tinapay sa ating mga buslo, at wala na tayong madadalang kaloob sa lalake ng Dios: anong mayroon tayo?

9:8 At sumagot uli ang bataan kay Saul, at nagsabi, Narito, mayroon ako sa aking kamay na ikaapat na bahagi ng isang siklong pilak: iyan ang aking ibibigay sa lalake ng Dios, upang saysayin sa atin ang ating paglalakbay.

9:9 (Nang una sa Israel, pagka ang isang lalake ay mag-uusisa sa Dios, ay ganito ang sinasabi, Halika, at tayo'y pumaroon sa tagakita: sapagka't yaon ngang tinatawag na Propeta ngayon ay tinatawag nang una na Tagakita.)

9:10 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang bataan, Mabuti ang sinasabi mo; halika, tayo'y pumaroon. Sa gayo'y naparoon sila sa bayang kinaroroonan ng lalake ng Dios.

9:11 Samantalang inaahon nila ang ahunan sa bayan ay nakasalubong sila ng mga dalagang lumalabas upang umigib ng tubig, at sinabi nila sa kanila, Narito ba ang tagakita?

9:12 At sila'y sumagot sa kanila, at nagsabi, Siya'y nariyan, narito, nasa unahan mo: magmadali kayo ngayon, sapagka't siya'y naparoon ngayon sa bayan; sapagka't ang bayan ay may hain ngayon sa mataas na dako.

9:13 Pagkapasok ninyo sa bayan, ay agad masusumpungan ninyo siya, bago siya umahon sa mataas na dako upang kumain; sapagka't ang bayan ay hindi kakain hanggang sa siya'y dumating, sapagka't kaniyang binabasbasan ang hain; at pagkatapos ay kumakain ang mga inanyayahan. Kaya nga umahon kayo; sapagka't sa oras na ito'y inyong masusumpungan siya.

9:14 At sila'y umahon sa bayan; at pagpasok nila sa bayan, narito, si Samuel ay nasasalubong nila, na papaahon sa mataas na dako.

9:15 Inihayag nga ng Panginoon kay Samuel isang araw bago si Saul ay naparoon, na sinasabi,

9:16 Bukas sa ganitong oras ay susuguin ko sa iyo ang isang lalake na mula sa lupain ng Benjamin, at iyong papahiran siya ng langis upang maging pangulo sa aking bayang Israel; at kaniyang ililigtas ang aking bayan sa kamay ng mga Filisteo: sapagka't aking tiningnan ang aking bayan, dahil sa ang kanilang daing ay sumapit sa akin.

9:17 At nang makita ni Samuel si Saul, ay sinabi ng Panginoon sa kaniya, Narito ang lalake na aking sinalita sa iyo! ito nga ang magkakaroon ng kapangyarihan sa aking bayan.

9:18 Nang magkagayo'y lumapit si Saul kay Samuel sa pintuang-bayan, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na saysayin mo sa akin, kung saan nandoon ang bahay ng tagakita.

9:19 At sumagot si Samuel kay Saul, at nagsabi, Ako ang tagakita; umahon kang magpauna sa akin sa mataas na dako, sapagka't kakain kang kasalo ko ngayon: at sa kinaumagahan ay payayaunin kita, at sasaysayin ko sa iyo ang lahat na nasa loob mo.

9:20 At tungkol sa iyong mga asno na may tatlong araw ng nawawala ay huwag mong alalahanin; sapagka't nasumpungan na. At kanino ang buong pagnanasa sa Israel? Hindi ba sa iyo, at sa buong sangbahayan ng iyong ama?

9:21 At si Saul ay sumagot, at nagsabi, Hindi ba ako Benjamita, sa pinakamaliit na lipi ng Israel? at ang aking angkan ang pinakamababa sa mga angkan ng lipi ng Benjamin? bakit nga nagsasalita ka sa akin ng ganitong paraan?

9:22 At ipinagsama ni Samuel si Saul at ang kaniyang bataan, at ipinasok niya sila sa kabahayan, at pinaupo sila sa pinakapangulong dako sa gitna niyaong mga naanyayahan, na may tatlong pung katao.

9:23 At sinabi ni Samuel sa tagapagluto, Dalhin mo rito ang bahagi na ibinigay ko sa iyo, na siyang aking sinabi sa iyo, Ilagay mo ito sa iyo.

9:24 At itinaas nga ng tagapagluto ang hita, at yaong nakapatong, at inilagay sa harap ni Saul. At sinabi ni Samuel, Narito, siya ngang itinago! ilagay mo sa harap mo at iyong kanin; sapagka't iningatan sa takdang panahon na ukol sa iyo, sapagka't aking sinabi, Aking inanyayahan ang bayan. Sa gayo'y kumain si Saul na kasalo ni Samuel nang araw na yaon.

9:25 At nang sila'y makalusong sa bayan mula sa mataas na dako, siya'y nakipagpulong kay Saul sa bubungan ng bahay.

9:26 At sila'y bumangong maaga: at nangyari sa pagbubukang liwayway, na tinawag ni Samuel si Saul sa bubungan, na sinasabi, Bangon, upang mapagpaalam kita. At si Saul ay bumangon, at lumabas kapuwa sila, siya at si Samuel.

9:27 At nang sila'y lumalabas sa hangganan ng bayan, ay sinabi ni Samuel kay Saul, Sabihin mo sa bataang magpauna sa atin (at siya'y nagpauna,) nguni't tumigil ka sa oras na ito, upang maiparinig ko sa iyo ang salita ng Dios.

10:1 Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis, at ibinuhos sa ulo niya, at hinagkan niya siya, at sinabi, Hindi ba ang Panginoon ang nagpahid sa iyo ng langis upang maging prinsipe ka sa kaniyang mana?

10:2 Paghiwalay mo sa akin ngayon, ay masusumpungan mo nga ang dalawang lalake sa siping ng libingan ni Rachel, sa hangganan ng Benjamin sa Selsah; at sasabihin nila sa iyo, Ang mga asno na iyong hinahanap ay nasumpungan na; at, narito, niwalang bahala ng iyong ama ang mga asno, at ang inaalaala ay kayo, na sinasabi, Paano ang aking gagawin sa aking anak?

10:3 Kung magkagayo'y magpapatuloy ka mula roon, at darating ka sa ensina ng Tabor; at masasalubong ka roon ng tatlong lalake na inaahon ang Dios sa Beth-el, ang isa'y may dalang tatlong batang kambing, at ang isa'y may dalang tatlong tinapay, at ang isa'y may dalang isang balat na sisidlan ng alak:

10:4 At babatiin ka nila, at bibigyan ka ng dalawang tinapay, na iyong tatanggapin sa kanilang kamay.

10:5 Pagkatapos ay darating ka sa burol ng Dios, na nandoon ang isang pulutong ng mga Filisteo: at mangyayari pagdating mo roon sa bayan, na makakasalubong ka ng isang pulutong na mga propeta na lumulusong mula sa mataas na dako, na may salterio, at pandereta, at flauta, at alpa sa harap nila; at sila'y magsisipanghula.

10:6 At ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang sasaiyo, at manghuhula kang kasama nila, at ikaw ay magiging ibang lalake.

10:7 At mano nawa, na pagka ang mga tandang ito ay mangyari sa iyo, na gawin mo ang idudulot ng pagkakataon; sapagka't ang Dios ay sumasaiyo.

10:8 At ikaw ay lulusong na una sa akin sa Gilgal; at, narito, lulusungin kita, upang maghandog ng mga handog na susunugin, at maghain ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan: pitong araw na maghihintay ka, hanggang sa ako'y pumaroon sa iyo, at ituro sa iyo kung ano ang iyong gagawin.

10:9 At nangyaring gayon, na nang kaniyang matalikdan na iwan niya si Samuel, ay binigyan siya ng Dios ng ibang puso: at ang lahat na tandang yaon ay nangyari sa araw na yaon.

10:10 At nang sila'y dumating doon sa burol, narito, isang pulutong na mga propeta ay nasasalubong niya; at ang Espiritu ng Dios ay makapangyarihang suma kaniya, at siya'y nanghula sa gitna nila.

10:11 At nangyari nang makita siya ng lahat na nakakakilala sa kaniya nang una, na, narito siya'y nanghuhulang kasama ng mga propeta, ay nagsalisalitaan ang bayan, Ano itong nangyari sa anak ni Cis? Si Saul ba ay nasa gitna rin ng mga propeta?

10:12 At isang taga dakong yaon ay sumagot at nagsabi, At sino ang kanilang ama? Kaya't naging kawikaan, Si Saul ba ay nasa gitna rin ng mga propeta?

10:13 At nang siya'y makatapos ng panghuhula, siya'y sumampa sa mataas na dako.

10:14 At sinabi ng amain ni Saul sa kaniya at sa kaniyang bataan, Saan kayo naparoon? At kaniyang sinabi, Upang hanapin ang mga asno, at nang aming makita na hindi mangasumpungan, ay naparoon kami kay Samuel.

10:15 At sinabi ng amain ni Saul, Isinasamo ko sa iyo na saysayin mo sa akin, kung ano ang sinabi ni Samuel sa inyo.

10:16 At sinabi ni Saul sa kaniyang amain, Sinabi niyang maliwanag sa amin na ang mga asno ay nasumpungan na. Nguni't tungkol sa bagay ng kaharian, na sinalita ni Samuel, ay hindi niya isinaysay sa kaniya.

10:17 At tinipon ni Samuel ang bayan sa Panginoon sa Mizpa;

10:18 At sinabi niya sa mga anak ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Iniahon ko ang Israel mula sa Egipto, at pinapaging laya ko kayo sa kamay ng mga taga Egipto, at sa kamay ng lahat ng mga kaharian na pumighati sa inyo:

10:19 Nguni't itinakuwil ninyo sa araw na ito ang inyong Dios, na siyang nagligtas sa inyo sa lahat ng mga inyong kasakunaan at mga kapighatian; at sinabi ninyo sa kaniya, Hindi, kundi lagyan mo kami ng isang hari. Ngayon nga'y humarap kayo sa Panginoon ayon sa inyoinyong mga lipi, at ayon sa inyong mga libolibo.

10:20 Sa gayo'y pinalapit ni Samuel ang lahat ng mga lipi, at ang lipi ni Benjamin ang napili.

10:21 At kaniyang inilapit ang lipi ni Benjamin ayon sa kaniyang mga angkan; at ang angkan ni Matri ay siyang napili; at si Saul na anak ni Cis, ay siyang napili: nguni't nang kanilang hanapin siya ay hindi nasumpungan.

10:22 Kaya't kanilang itinanong uli sa Panginoon, May lalake pa bang paririto? At ang Panginoon ay sumagot, Narito siya'y nagtago sa mga kasangkapan.

10:23 At sila'y tumakbo at kinuha nila siya roon; at nang siya'y tumayo sa gitna ng bayan, ay mataas siya kay sa sinoman sa bayan, mula sa kaniyang mga balikat at paitaas.

10:24 At sinabi ni Samuel sa buong bayan, Nakikita ba ninyo siya na pinili ng Panginoon, na walang gaya niya sa buong bayan? At ang buong bayan ay sumigaw, at nagsabi, Mabuhay ang hari.

10:25 Nang magkagayo'y sinaysay ni Samuel sa bayan ang paraan ng kaharian, at isinulat sa isang aklat, at inilagay sa harap ng Panginoon. At pinayaon ni Samuel ang buong bayan, na pinauwi bawa't tao sa kaniyang bahay.

10:26 At si Saul man ay umuwi sa kaniyang bahay sa Gabaa; at yumaong kasama niya ang hukbo, na ang kanilang mga kalooban ay kinilos ng Dios.

10:27 Nguni't sinabi ng ilang hamak na tao, Paanong ililigtas tayo ng taong ito? At kanilang niwalang kabuluhan at hindi nila dinalhan ng kaloob. Nguni't siya'y hindi umimik.

11:1 Nang magkagayo'y umahon si Naas na Ammonita at humantong laban sa Jabes-galaad: at sinabi kay Naas ng lahat na lalake sa Jabes, Makipagtipan ka sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.

11:2 At sinabi ni Naas na Ammonita sa kanila, Sa ganitong paraan gagawin ko sa inyo, na ang lahat ninyong kanang mata ay dukitin; at aking ilalagay na pinakapintas sa buong Israel.

11:3 At sinabi ng mga matanda sa Jabes sa kaniya, Bigyan mo kami ng palugit na pitong araw upang kami ay makapagpasugo ng mga sugo sa lahat ng mga hangganan ng Israel; at kung wala ngang magliligtas sa amin, lalabasin ka namin.

11:4 Nang magkagayo'y pumaroon ang mga sugo sa Gabaa kay Saul at sinalita ang mga salitang ito sa mga pakinig ng bayan: at ang buong bayan ay naglakas ng tinig at umiyak.

11:5 At, narito, sinusundan ni Saul ang mga baka sa bukid; at sinabi ni Saul, Anong mayroon ang bayan na sila'y umiiyak? At kanilang isinaysay ang mga salita ng mga lalake sa Jabes.

11:6 At ang Espiritu ng Dios ay makapangyarihan suma kay Saul nang kaniyang marinig ang mga salitang yaon, at ang kaniyang galit ay nagalab na mainam.

11:7 At siya'y kumuha ng dalawang magkatuwang na baka, at kaniyang kinatay, at ipinadala niya sa lahat ng mga hangganan ng Israel sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo, na sinasabi, Sinomang hindi lumabas na sumunod kay Saul at kay Samuel, ay ganyan ang gagawin sa kaniyang mga baka. At ang takot sa Panginoon ay nahulog sa bayan, at sila'y lumabas na parang iisang tao.

11:8 At binilang niya sila sa Bezec; at ang mga anak ni Israel, ay tatlong daang libo, at ang mga lalake ng Juda ay tatlong pung libo.

11:9 At sinabi nila sa mga sugo na naparoon, Ganito ang inyong sasabihin sa mga lalake sa Jabes-galaad, Bukas sa kainitan ng araw, ay magtataglay kayo ng kaligtasan. At naparoon ang mga sugo at isinaysay sa mga lalake sa Jabes; at sila'y natuwa.

11:10 Kaya't sinabi ng mga lalake sa Jabes, Bukas ay lalabasin namin kayo at inyong gagawin sa amin ang lahat na inyong inaakalang mabuti sa inyo.

11:11 At naging gayon sa kinabukasan, na inilagay ni Saul ang bayan ng tatlong pulutong; at sila'y pumasok sa gitna ng kampamento sa pagbabantay sa kinaumagahan at sinaktan ang mga Ammonita hanggang sa kainitan ng araw: at nangyari, na ang mga nalabi ay nangalat, na anopa't walang naiwang dalawang magkasama.

11:12 At sinabi ng bayan kay Samuel, Sino yaong nagsasabi, Maghahari ba si Saul sa amin? dalhin dito ang mga taong yaon upang aming patayin sila.

11:13 At sinabi ni Saul, Walang taong papatayin sa araw na ito; sapagka't ngayo'y gumawa ang Panginoon ng pagliligtas sa Israel.

11:14 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel sa bayan, Halikayo at tayo'y paroon sa Gilgal, at ating baguhin ang kaharian doon.

11:15 At ang buong bayan ay naparoon sa Gilgal; at doo'y ginawa nilang hari sa Gilgal si Saul sa harap ng Panginoon; at doo'y naghain sila ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon; at si Saul at ang lahat ng mga lalake sa Israel ay nagalak na mainam doon.

12:1 At sinabi ni Samuel sa buong Israel, Narito, aking dininig ang inyong tinig sa lahat na inyong sinabi sa akin, at naghalal ako ng isang hari sa inyo.

12:2 At ngayo'y narito, ang hari ay lumalakad sa unahan ninyo; at ako'y matanda na at mauban; at, narito, ang aking mga anak ay kasama ninyo: at ako'y lumakad sa unahan ninyo mula sa aking kabataan hanggang sa araw na ito.

12:3 Narito ako: sumaksi kayo laban sa akin sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang pinahiran ng langis: kung kaninong baka ang kinuha ko? kung kaninong asno ang kinuha ko? o kung sino ang aking dinaya? kung sino ang aking pinighati? o kung kaninong kamay ako kumuha ng suhol upang bulagin ang aking mga mata niyaon? at aking isasauli sa inyo.

12:4 At kanilang sinabi, Hindi ka nagdaya sa amin, ni pumighati man sa amin, ni tumanggap man ng anoman sa kamay ng sinoman.

12:5 At sinabi niya sa kanila, Ang Panginoon ay saksi laban sa inyo at ang kaniyang pinahiran ng langis ay saksi sa araw na ito na hindi kayo nakasumpong ng anoman sa aking kamay. At kanilang sinabi, Siya'y saksi.

12:6 At sinabi ni Samuel sa bayan, Ang Panginoon ang siyang naghalal kay Moises at kay Aaron, at siyang nagahon sa inyong mga magulang mula sa lupain ng Egipto.

12:7 Ngayon nga'y tumayo kayo, upang aking maisaysay sa inyo sa harap ng Panginoon ang tungkol sa lahat na matuwid na gawa ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa inyo at sa inyong mga magulang.

12:8 Nang si Jacob ay makapasok sa Egipto, at ang inyong mga magulang ay dumaing sa Panginoon, sinugo nga ng Panginoon si Moises at si Aaron, na siyang nagsipaglabas sa inyong mga magulang mula sa Egipto, at pinatira sila sa dakong ito.

12:9 Nguni't nilimot nila ang Panginoon nilang Dios; at ipinagbili niya sila sa kamay ng Sisara, na kapitan ng hukbo ni Azor, at sa kamay ng mga Filisteo, at sa kamay ng hari sa Moab; at sila'y nakipaglaban sa kanila.

12:10 At sila'y dumaing sa Panginoon at nagsabi, Kami ay nagkasala, sapagka't pinabayaan namin ang Panginoon at naglingkod kami sa mga Baal at sa mga Astaroth: nguni't ngayo'y palayain mo kami sa kamay ng aming mga kaaway, at kami ay maglilingkod sa iyo.

12:11 At sinugo ng Panginoon si Jerobaal, at si Bedan, at si Jephte, at si Samuel, at pinapaging laya ko sa kamay ng inyong mga kaaway sa bawa't dako, at kayo'y tumahang tiwasay.

12:12 At nang makita ninyo na si Naas na hari ng mga anak ni Ammon ay naparito laban sa inyo, ay inyong sinabi sa akin, Hindi, kundi isang hari ang maghahari sa amin; dangang ang Panginoon ninyong Dios ay siya ninyong hari.

12:13 Ngayon nga'y masdan ninyo ang hari na inyong pinili, at siya ninyong hiningi: at, narito, nilagyan kayo ng Panginoon ng isang hari sa inyo.

12:14 Kung kayo'y matatakot sa Panginoon, at maglilingkod sa kaniya, at makikinig sa kaniyang tinig, at hindi manghihimagsik laban sa utos ng Panginoon, at kayo at gayon din ang hari na naghahari sa inyo ay maging masunurin sa Panginoon ninyong Dios, ay mabuti:

12:15 Nguni't kung hindi ninyo didinggin ang tinig ng Panginoon, kundi manghihimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon, ay magiging laban nga sa inyo ang kamay ng Panginoon gaya sa inyong mga magulang.

12:16 Ngayon nga'y tumahimik kayo at tingnan ninyo itong dakilang bagay na gagawin ng Panginoon sa harap ng inyong mga mata.

12:17 Hindi ba pagaani ng trigo sa araw na ito? Ako'y tatawag sa Panginoon, na siya'y magpapasapit ng kulog at ulan; at inyong malalaman at makikita na ang inyong kasamaan ay dakila, na inyong ginawa sa paningin ng Panginoon sa paghingi ninyo ng isang hari.

12:18 Sa gayo'y tumawag si Samuel sa Panginoon; at ang Panginoon ay nagpasapit ng kulog at ulan ng araw na yaon: at ang buong bayan ay natakot na mainam sa Panginoon at kay Samuel.

12:19 At sinabi ng buong bayan kay Samuel, Ipanalangin mo ang iyong mga lingkod sa Panginoon mong Dios, upang huwag kaming mamatay; sapagka't aming idinagdag sa lahat ng aming mga kasalanan ang kasamaang ito, na humingi kami para sa amin ng isang hari.

12:20 At sinabi ni Samuel sa bayan, Huwag kayong matakot: tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito; gayon ma'y huwag kayong lumihis ng pagsunod sa Panginoon, kundi kayo'y maglingkod ng buong puso sa Panginoon.

12:21 At huwag kayong lumiko; sapagka't kung gayo'y susunod kayo sa mga walang kabuluhang bagay na hindi ninyo mapapakinabangan o makapagpapalaya man, sapagka't mga walang kabuluhan.

12:22 Sapagka't hindi pababayaan ng Panginoon ang kaniyang bayan dahil sa kaniyang dakilang pangalan, sapagka't kinalulugdan ng Panginoon na gawin kayong bayan niya.

12:23 Saka sa ganang akin, malayo nawang sa akin na ako'y magkasala laban sa Panginoon sa paglilikat ng pananalangin dahil sa inyo: kundi ituturo ko sa inyo ang mabuti at matuwid na daan.

12:24 Matakot lamang kayo sa Panginoon, at maglingkod kayo sa kaniya sa katotohanan ng inyong buong puso; dilidilihin nga ninyo kung gaanong dakilang mga bagay ang kaniyang ginawa sa inyo.

12:25 Nguni't kung kayo'y mamamalaging gagawa ng kasamaan, kayo'y malilipol, kayo at gayon din ang inyong hari.

13:1 Si Saul ay may (apat na pung) taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang taon sa Israel.

13:2 At pumili si Saul para sa kaniya ng tatlong libong lalake sa Israel, na ang dalawang libo ay kasama ni Saul sa Michmas at sa bundok ng Bethel, at ang isang libo ay kasama ni Jonathan sa Gabaa ng Benjamin: at ang labis ng bayan ay sinugo niya bawa't isa sa kaniyang tolda.

13:3 At sinaktan ni Jonathan ang pulutong ng mga Filisteo na nasa Geba; at nabalitaan ng mga Filisteo. At hinipan ni Saul ang pakakak sa buong lupain, na sinasabi, Marinig ng mga Hebreo.

13:4 At narinig nga ng buong Israel ng sabihin na sinaktan ni Saul ang pulutong ng mga Filisteo, at ang Israel naman ay naging kasuklam-suklam sa mga Filisteo. At ang bayan ay nagpipisan na sumunod kay Saul sa Gilgal.

13:5 At ang mga Filisteo ay nagpupulong upang lumaban sa Israel, tatlong pung libong karo, at anim na libong mangangabayo, at ang bayan na gaya ng buhangin na nasa baybayin ng dagat sa karamihan: at sila'y umahon at humantong sa Michmas sa dakong silanganan ng Beth-aven.

13:6 Nang makita ng mga lalake ng Israel na sila'y nasa kagipitan, (sapagka't ang bayan ay napipighati) ang bayan nga ay nagkubli sa mga yungib, at sa mga tinikan, at sa mga bato, at sa mga katibayan, at sa mga hukay.

13:7 Ang iba nga sa mga Hebreo ay tumawid sa Jordan na patungo sa lupain ng Gad, at ng Galaad; nguni't si Saul ay nasa Gilgal siya, at ang buong bayan ay sumunod sa kaniya na nanginginig.

13:8 At siya'y naghintay ng pitong araw, ayon sa takdang panahon na itinakda ni Samuel: nguni't si Samuel ay hindi naparoon sa Gilgal; at ang bayan ay nangangalat sa kaniya.

13:9 At sinabi ni Saul, Dalhin dito sa akin ang handog na susunugin, at ang handog tungkol sa kapayapaan. At kaniyang inihandog ang handog na susunugin.

13:10 At nangyari, na pagkatapos niyang maihandog ang handog na susunugin, narito, si Samuel ay dumating; at lumabas si Saul na sinalubong siya upang bumati sa kaniya.

13:11 At sinabi ni Samuel, Ano ang iyong ginawa? At sinabi ni Saul, Sapagka't aking nakita na ang bayan ay nangangalat sa akin, at hindi ka dumarating sa mga takdang araw, at ang mga Filisteo ay nagpupulong sa Michmas;

13:12 Kaya aking sinabi, Ngayo'y lulusungin ako ng mga Filisteo sa Gilgal, at hindi ko pa naipamamanhik ang kagalingan sa Panginoon: ako'y nagpumilit nga at inihandog ko ang handog na susunugin.

13:13 At sinabi ni Samuel kay Saul, Gumawa kang may kamangmangan; hindi mo ginanap ang utos ng Panginoon mong Dios na iniutos niya sa iyo: sapagka't itinatag sana ng Panginoon ang kaniyang kaharian sa Israel magpakailan man.

13:14 Nguni't ngayon ay hindi matutuloy ang iyong kaharian: ang Panginoo'y humanap para sa kaniya ng isang lalaking ayon sa kaniyang sariling puso, at inihalal ng Panginoon siya na maging prinsipe sa kaniyang bayan, sapagka't hindi mo ginanap ang iniutos ng Panginoon sa iyo.

13:15 At bumangon si Samuel at umahon siya mula sa Gilgal hanggang sa Gabaa ng Benjamin. At binilang ni Saul ang bayan na nakaharap sa kaniya, na may anim na raang lalake.

13:16 At si Saul, at si Jonathan na kaniyang anak, at ang bayan na nakaharap sa kanila, ay tumigil sa Geba ng Benjamin: nguni't ang mga Filisteo ay humantong sa Michmas.

13:17 At ang mga mananamsam ay lumabas na tatlong pulutong sa kampamento ng mga Filisteo; ang isang pulutong ay lumiko sa daan na patungo sa Ophra, na patungo sa lupain ng Sual:

13:18 At ang isang pulutong ay lumiko sa daan na patungo sa Beth-horon at ang isang pulutong ay lumiko sa daan ng hangganan na humaharap na palusong sa libis ng Seboim sa dakong ilang.

13:19 Wala ngang panday na masumpungan sa buong lupain ng Israel: sapagka't sinasabi ng mga Filisteo, Baka ang mga Hebreo ay igawa nila ng mga tabak o mga sibat:

13:20 Nguni't nilusong ng lahat ng mga taga Israel ang mga Filisteo upang ihasa ng bawa't lalake ang kaniyang pangararo, at ang kaniyang asarol, at ang kaniyang palakol, at ang kaniyang piko;

13:21 Gayon ma'y mayroon silang pangkikil sa mga piko at sa mga asarol, at sa mga kalaykay, at sa mga palakol, at upang ipang-hasa ng mga panundot.

13:22 Sa gayo'y nangyari, na sa araw ng pagbabaka, ay wala kahit tabak o sibat mang masumpungan sa kamay ng sinoman sa bayan na kasama ni Saul at ni Jonathan: kundi si Saul at si Jonathan na kaniyang anak ang kinasumpungan lamang.

13:23 At ang pulutong ng mga Filisteo ay lumabas na napatungo sa daanan ng Michmas.

14:1 Nangyari nga isang araw, na si Jonathan na anak ni Saul ay nagsabi sa bataan na tagadala ng kaniyang sandata, Halika at tayo'y dumaan sa pulutong ng mga Filisteo, na nasa dakong yaon. Nguni't hindi niya ipinagbigay alam sa kaniyang ama.

14:2 At tumigil si Saul sa kaduluduluhang bahagi ng Gabaa sa ilalim ng puno ng granada na nasa Migron: at ang bayan na nasa kaniya ay may anim na raang lalake.

14:3 At si Achias na anak ni Achitob, na kapatid ni Ichabod, na anak ni Phinees, na anak ni Eli, na saserdote ng Panginoon sa Silo, ay nagsusuot ng epod. At hindi nalalaman ng bayan na si Jonathan ay yumaon.

14:4 At sa pagitan ng mga daanan, na pinagsikapan ni Jonathan na pagdaanan ng pulutong ng mga Filisteo, ay mayroong isang tila tukang bato sa isang dako at isang tila tukang bato sa kabilang dako: at ang pangalan ng isa ay Boses at ang pangalan niyaon isa ay Sene.

14:5 Ang isang tila tuka ay pataas sa hilagaan sa tapat ng Michmas, at ang isa ay sa timugan sa tapat ng Gabaa.

14:6 At sinabi ni Jonathan sa bataan na tagadala ng kaniyang sandata: Halika at tayo ay dumaan sa pulutong ng mga hindi tuling ito: marahil ang Panginoon ay tutulong sa atin: sapagka't hindi maliwag sa Panginoon na magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti.

14:7 At sinabi sa kaniya ng tagadala niya ng sandata, Gawin mo ang buong nasa loob mo: lumiko ka, narito, ako'y sumasa iyo ayon sa nasa loob mo.

14:8 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, Narito, tayo'y dumaan sa mga lalaking yaon, at tayo'y pakikilala sa kanila.

14:9 Kung kanilang sabihing ganito sa atin, Kayo'y maghintay hanggang sa kami ay dumating sa inyo; ay maghihintay nga tayo sa ating dako at hindi natin aahunin sila.

14:10 Nguni't kung kanilang sabihing ganito, Ahunin ninyo kami; aahon nga tayo: sapagka't ibinigay sila ng Panginoon sa ating kamay: at ito ang magiging tanda sa atin.

14:11 At kapuwa nga sila napakilala sa pulutong ng mga Filisteo: at sinabi ng mga Filisteo: Narito, ang mga Hebreo na lumabas sa mga hukay na kanilang pinagtaguan.

14:12 At sumagot ang mga lalake sa pulutong kay Jonathan at sa kaniyang tagadala ng sandata, at sinabi, Ahunin ninyo kami, at pagpapakitaan namin kayo ng isang bagay. At sinabi ni Jonathan sa kaniyang tagadala ng sandata, Umahon ka na kasunod ko: sapagka't ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel.

14:13 At gumapang si Jonathan ng kaniyang mga kamay at ng kaniyang mga paa, at ang kaniyang tagadala ng sandata ay kasunod niya. At sila'y nangabuwal sa harap ni Jonathan; at ang mga yao'y pinagpapatay ng kaniyang tagadala ng sandata na kasunod niya.

14:14 At yaon ang unang pagpatay na ginawa ni Jonathan at ng kaniyang tagadala ng sandata, sa may dalawang pung lalake, sa may pagitan ng kalahating akre ng lupa.

14:15 At nagkaroon ng panginginig sa kampamento, sa parang, at sa buong bayan: ang pulutong at ang mga mananamsam ay nagsipanginig din; lumindol; sa gayo'y nagkaroon ng totoong malaking pagkayanig.

14:16 At ang mga bantay ni Saul sa Gabaa ng Benjamin ay tumanaw; at, narito, ang karamihan ay nawawala at sila'y nagparoo't parito.

14:17 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa bayan na kasama niya, Magbilang kayo ngayon at inyong tingnan kung sino ang umalis sa atin. At nang sila'y magbilang, narito, si Jonathan at ang kaniyang tagadala ng sandata ay wala roon.

14:18 At sinabi ni Saul kay Achias, Dalhin ninyo rito ang kaban ng Dios. Sapagka't ang kaban ng Dios ay nandoon nang panahong yaon sa mga anak ni Israel.

14:19 At nangyari, samantalang nagsasalita si Saul sa saserdote, na ang kaingay na nasa kampamento ng mga Filisteo ay lumala ng lumala: at sinabi ni Saul sa saserdote, Iurong mo ang iyong kamay.

14:20 At nagpipisan si Saul at ang buong bayan na nasa kaniya at naparoon sa pakikibaka: at, narito, ang tabak ng bawa't isa ay laban sa kaniyang kasama, at nagkaroon ng malaking pagkalito.

14:21 Ang mga Hebreo nga na napasa mga Filisteo nang una, na umahong kasama nila sa kampamento mula sa palibot ng lupain, ay nagsibalik pa rin na nakipisan sa mga Israelita na kasama ni Saul at ni Jonathan.

14:22 Gayon din ang mga lalake sa Israel na nagsikubli sa lupaing maburol ng Ephraim, na nang kanilang mabalitaan na ang mga Filisteo ay tumakas, ay nakihabol pati sila sa kanila sa pakikipagbaka.

14:23 Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na yaon: at ang pagbabaka ay napalipat sa Beth-aven.

14:24 At ang mga lalake sa Israel ay namanglaw nang araw na yaon: sapagka't ibinilin ni Saul sa bayan, na sinasabi, Sumpain ang lalake na kumain ng anomang pagkain hanggang sa kinahapunan, at ako'y nakaganti sa aking mga kaaway. Sa gayo'y wala sinoman sa bayan na lumasap ng pagkain.

14:25 At ang buong bayan ay naparoon sa gubat; at may pulot sa ibabaw ng lupa.

14:26 At nang dumating ang bayan sa gubat, narito, ang pulot ay tumutulo nguni't walang tao na naglagay ng kaniyang kamay sa kaniyang bibig; sapagka't ang bayan ay natakot sa sumpa.

14:27 Nguni't hindi narinig ni Jonathan, nang ibilin ng kaniyang ama sa bayan na may sumpa: kaya't kaniyang iniunat ang dulo ng tungkod na nasa kaniyang kamay at isinagi sa pulot, at inilagay ang kaniyang kamay sa kaniyang bibig, at ang kaniyang mga mata ay lumiwanag.

14:28 Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa bayan, at nagsabi, Ibiniling mahigpit ng iyong ama sa bayan na may sumpa, na sinasabi, Sumpain ang tao na kumain ng pagkain sa araw na ito. At ang bayan ay pata.

14:29 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, Binagabag ng aking ama ang lupain: tingnan ninyo, isinasamo ko sa inyo, kung paanong ang aking mga mata ay lumiwanag, sapagka't ako'y lumasa ng kaunti sa pulot na ito.

14:30 Gaano pa kaya kung ang bayan ay kumaing may kalayaan ngayon sa samsam sa kanilang mga kaaway na kanilang nasumpungan? sapagka't hindi nagkaroon ng malaking patayan ngayon sa gitna ng mga Filisteo.

14:31 At kanilang sinaktan ang mga Filisteo nang araw na yaon mula sa Michmas hanggang sa Ajalon: at ang bayan ay totoong pata.

14:32 At ang bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, at mga baka, at mga guyang baka, at mga pinatay sa lupa: at kinain ng bayan pati ng dugo.

14:33 Nang magkagayo'y kanilang isinaysay kay Saul, na sinasabi, Narito, ang bayan ay nagkakasala laban sa Panginoon, sa kanilang pagkain ng dugo. At kaniyang sinabi, Kayo'y gumawang may paglililo: inyong igulong ang isang malaking bato sa akin sa araw na ito.

14:34 At sinabi ni Saul, Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, Dalhin sa akin dito ng bawa't tao ang kaniyang baka, at ng bawa't tao ang kaniyang tupa, at patayin dito, at kanin; at huwag nang magkasala laban sa Panginoon sa pagkain ng dugo. At dinala ng buong bayan, bawa't tao ang kaniyang baka nang gabing yaon at pinatay roon.

14:35 At nagtayo si Saul ng isang dambana sa Panginoon: yaon ang unang dambana na itinayo niya sa Panginoon.

14:36 At sinabi ni Saul, Ating lusungin na sundan ang mga Filisteo sa kinagabihan, at atin silang samsaman hanggang sa pagliliwanag sa umaga, at huwag tayong maglabi ng isang tao sa kanila. At kanilang sinabi, Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo. Nang magkagayo'y sinabi ng saserdote, Tayo'y lumapit dito sa Dios.

14:37 At si Saul ay humingi ng payo sa Dios: Lulusungin ko ba na susundan ang mga Filisteo? ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel? Nguni't hindi siya sinagot nang araw na yaon.

14:38 At sinabi ni Saul, Lumapit kayo rito, kayong lahat na puno ng bayan: at maalaman at makita kung saan nanggaling ang kasalanang ito sa araw na ito.

14:39 Sapagka't buhay nga ang Panginoon na nagliligtas sa Israel, na kahit si Jonathan na aking anak, ay walang pagsalang mamatay. Nguni't walang tao sa buong bayan na sumagot sa kaniya.

14:40 Nang magkagayo'y sinabi niya sa buong Israel, Lumagay kayo sa isang dako, at ako at si Jonathan na aking anak ay lalagay sa kabilang dako. At sinabi ng bayan kay Saul, Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo.

14:41 Kaya sinabi ni Saul sa Panginoon, sa Dios ng Israel, Ituro mo ang matuwid. At si Jonathan at si Saul ay napili: nguni't ang bayan ay nakatanan.

14:42 At sinabi ni Saul, Pagsapalaran ninyo ako at si Jonathan na aking anak: at si Jonatan ay napili.

14:43 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul kay Jonathan, Saysayin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa. At isinaysay ni Jonathan sa kaniya, at sinabi, Tunay na ako'y lumasa ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay: at, narito, ako'y marapat mamatay.

14:44 At sinabi ni Saul, Gawing gayon ng Dios at lalo na: sapagka't ikaw ay walang pagsalang mamamatay, Jonathan.

14:45 At sinabi ng bayan kay Saul, Mamamatay ba si Jonathan, na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Malayo nawa: buhay ang Panginoon, hindi malalaglag ang isang buhok ng kaniyang ulo sa lupa; sapagka't siya'y gumawa na kasama ng Dios sa araw na ito. Sa gayo'y iniligtas ng bayan si Jonathan, na anopa't siya'y hindi namatay.

14:46 Nang magkagayo'y umahon si Saul na mula sa pagsunod sa mga Filisteo: at ang mga Filisteo ay naparoon sa kanilang sariling dako.

14:47 Nang masakop nga ni Saul ang kaharian sa Israel, ay bumaka siya laban sa lahat niyang mga kaaway sa bawa't dako, laban sa Moab, at laban sa mga anak ni Ammon, at laban sa Edom, at laban sa mga hari sa Soba, at laban sa mga Filisteo: at saan man siya pumihit ay kaniyang binabagabag sila.

14:48 At kaniyang ginawang may katapangan, at sinaktan ang mga Amalecita, at iniligtas ang Israel sa mga kamay ng mga sumamsam sa kanila.

14:49 Ang mga anak nga ni Saul ay si Jonathan, at si Isui, at si Melchi-sua: at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak na babae ay ito; ang pangalan ng panganay ay Merab, at ang pangalan ng bata ay Michal:

14:50 At ang pangalan ng asawa ni Saul ay Ahinoam, na anak ni Aimaas: at ang pangalan ng kaniyang kapitan sa hukbo ay Abner na anak ni Ner, amain ni Saul.

14:51 At si Cis ay ama ni Saul; at si Ner na ama ni Abner ay anak ni Abiel.

14:52 At nagkaroon ng mahigpit na pagbabaka laban sa mga Filisteo sa lahat ng mga araw ni Saul: at sa tuwing nakakakita si Saul ng sinomang makapangyarihang lalake, o ng sinomang matapang na lalake ay kaniyang ipinagsasama.

15:1 At sinabi ni Samuel kay Saul, Sinugo ako ng Panginoon upang pahiran kita ng langis na maging hari sa kaniyang bayan, sa Israel: ngayon nga'y dinggin mo ang tinig ng mga salita ng Panginoon.

15:2 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Aking tinandaan yaong ginawa ng Amalec sa Israel, kung paanong siya'y humadlang sa kaniya sa daan, nang siya'y umahon mula sa Egipto.

15:3 Ngayo'y yumaon ka at saktan mo ang Amalec, at iyong lubos na lipulin ang buo nilang tinatangkilik, at huwag kang manghinayang sa kanila; kundi patayin mo ang lalake at babae, sanggol at sumususo, baka at tupa, kamelyo at asno.

15:4 At pinisan ni Saul ang bayan at binilang sila sa Telaim, dalawang yutang lalake na naglalakad, at sangpung libong lalake sa Juda.

15:5 At dumating si Saul sa bayan ng Amalec, at bumakay sa libis.

15:6 At sinabi ni Saul sa mga Cineo, Kayo'y magsiyaon, humiwalay kayo at umalis kayo sa gitna ng mga Amalecita, baka kayo'y lipulin kong kasama nila; sapagka't kayo'y nagpakita ng kagandahang loob sa mga anak ni Israel, nang sila'y umahong mula sa Egipto. Sa gayo'y umalis ang mga Cineo sa gitna ng mga Amalecita.

15:7 At sinaktan ni Saul ang mga Amalecita mula sa Havila kung patungo ka sa Shur, na nasa tapat ng Egipto.

15:8 At kaniyang kinuhang buhay si Agag na hari ng mga Amalecita, at lubos na nilipol ang buong bayan ng talim ng tabak.

15:9 Nguni't pinanghinayangan ni Saul at ng bayan si Agag, at ang pinakamabuti sa mga tupa, sa mga baka, at sa mga pinataba, at sa mga kordero, at lahat ng mabuti, at yaong mga hindi nila lubos na nilipol: nguni't bawa't bagay na hamak at walang kabuluhan, ay kanilang lubos na nilipol.

15:10 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Samuel, na sinasabi,

15:11 Ikinalulungkot ko na aking inilagay na hari si Saul; sapagka't siya'y tumalikod na hindi sumunod sa akin, at hindi tinupad ang aking mga utos. At si Samuel ay nagalit, at siya'y dumaing sa Panginoon buong gabi.

15:12 At si Samuel ay bumangong maaga upang salubungin si Saul sa kinaumagahan; at nasaysay kay Samuel, na sinasabi, Si Saul ay naparoon sa Carmel, at, narito, ipinagtayo niya siya ng isang monumento, at siya'y lumibot at nagpatuloy, at lumusong sa Gilgal.

15:13 At naparoon si Samuel kay Saul, at sinabi ni Saul sa kaniya, Pagpalain ka nawa ng Panginoon, aking tinupad ang utos ng Panginoon.

15:14 At sinabi ni Samuel, Anong kahulugan nga nitong iyak ng tupa sa aking pakinig, at ng ungal ng mga baka na aking naririnig?

15:15 At sinabi ni Saul, Sila'y dinala mula sa mga Amalecita: sapagka't ang bayan ay nagligtas ng pinakamabuti sa mga tupa at sa mga baka, upang ihain sa Panginoon mong Dios; at ang natira ay aming lubos na nilipol.

15:16 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel kay Saul, Tumigil ka, at aking sasaysayin sa iyo kung ano ang sinabi ng Panginoon sa akin nang gabing ito. At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo.

15:17 At sinabi ni Samuel, Bagaman ikaw ay maliit sa iyong sariling paningin, hindi ka ba ginawang pangulo sa mga lipi ng Israel? At pinahiran ka ng langis ng Panginoon na maging hari sa Israel;

15:18 At sinugo ka ng Panginoon sa isang paglalakbay, at sinabi, Ikaw ay yumaon, at iyong lubos na lipulin ang mga makasalanang Amalecita, at labanan mo sila hanggang sa sila'y malipol.

15:19 Bakit nga hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, kundi ikaw ay dumaluhong sa pananamsam, at ikaw ay gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon?

15:20 At sinabi ni Saul kay Samuel, Oo, aking sinunod ang tinig ng Panginoon, at ako'y yumaon sa daan na pinagsuguan sa akin ng Panginoon, at aking dinala si Agag na hari ng Amalec, at aking lubos na nilipol ang mga Amalecita.

15:21 Nguni't ang bayan ay kumuha sa samsam ng mga tupa at mga baka, ng pinakamabuti sa mga itinalagang bagay, upang ihain sa Panginoon mong Dios sa Gilgal.

15:22 At sinabi ni Samuel, Nagtataglay kaya ang Panginoon ng napakadakilang pagkatuwa sa mga handog na susunugin at sa mga hain, na gaya sa pagsunod ng tinig ng Panginoon? Narito, ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdinig kay sa taba ng mga tupang lalake.

15:23 Sapagka't ang panghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng panghuhula, at ang katigasan ng ulo ay gaya ng pagsamba sa mga diosdiosan at sa mga terap. Sapagka't dahil sa iyong itinakuwil ang salita ng Panginoon, ay kaniya namang itinakuwil ka upang huwag ka nang maging hari.

15:24 At sinabi ni Saul kay Samuel, Ako'y nagkasala; sapagka't ako'y sumalangsang sa utos ng Panginoon, at sa iyong mga salita; sapagka't ako'y natakot sa bayan, at sumunod sa kanilang tinig.

15:25 Ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, ipatawad mo ang aking kasalanan, at bumalik ka uli na kasama ko, upang ako'y sumamba sa Panginoon.

15:26 At sinabi ni Samuel kay Saul, Hindi ako babalik na kasama mo; sapagka't iyong itinakuwil ang salita ng Panginoon, at itinakuwil ka ng Panginoon upang huwag ka nang maging hari sa Israel.

15:27 At nang pumihit si Samuel upang yumaon, siya'y pumigil sa laylayan ng kaniyang balabal, at nahapak.

15:28 At sinabi ni Samuel sa kaniya, Hinapak sa iyo ng Panginoon ang kaharian ng Israel sa araw na ito, at ibinigay sa iyong kapuwa, na maigi kay sa iyo.

15:29 At ang Lakas ng Israel naman ay hindi magbubulaan o magsisisi man; sapagka't siya'y hindi isang tao na magsisisi.

15:30 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Ako'y nagkasala: gayon ma'y parangalan mo ako ngayon, isinasamo ko sa iyo, sa harap ng mga matanda ng aking bayan at sa harap ng Israel, at bumalik ka uli na kasama ko upang aking sambahin ang Panginoon mong Dios.

15:31 Gayon bumalik uli na sumunod si Samuel kay Saul; at sumamba si Saul sa Panginoon.

15:32 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, Dalhin ninyo rito sa akin si Agag na hari ng mga Amalecita. At masayang naparoon si Agag sa kaniya. At sinabi ni Agag, Tunay na ang kapaitan ng kamatayan ay nakaraan na.

15:33 At sinabi ni Samuel, Kung paanong niwalan ng anak ng iyong tabak ang mga babae, ay magiging gayon ang iyong ina na mawawalan ng anak, sa gitna ng mga babae. At pinagputolputol ni Samuel si Agag sa harap ng Panginoon sa Gilgal.

15:34 Nang magkagayo'y naparoon si Samuel sa Rama, at si Saul ay sumampa sa kaniyang bahay sa Gabaa ni Saul.

15:35 At si Samuel ay hindi na bumalik na napakitang muli kay Saul hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan; sapagka't tinangisan ni Samuel si Saul: at ang Panginoon ay nagdamdam na kaniyang nagawang hari si Saul sa Israel.

16:1 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Hanggang kailan pananangisan mo si Saul yamang aking itinakuwil siya na maging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay, at ikaw ay yumaon, susuguin kita kay Isai na Bethlehemita: sapagka't ako'y naglaan sa kaniyang mga anak ng isang hari.

16:2 At sinabi ni Samuel, Paanong ako'y paroroon? Kung mabalitaan ni Saul, ay kaniyang papatayin ako. At sinabi ng Panginoon, Magdala ka ng isang dumalagang baka, at iyong sabihin, Ako'y naparito upang maghain sa Panginoon.

16:3 At tawagin mo si Isai sa paghahain at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin; at iyong papahiran sa akin yaong sa iyo'y aking sabihin.

16:4 At ginawa ni Samuel ang sinalita ng Panginoon at naparoon sa Bethlehem. At ang mga matanda sa bayan ay naparoon upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, Naparirito ka bang may kapayapaan?

16:5 At kaniyang sinabi, May kapayapaan: ako'y naparito upang maghain sa Panginoon: magpakabanal kayo at sumama kayo sa akin sa paghahain. At pinapagbanal niya si Isai at ang kaniyang mga anak, at tinawag niya sila sa paghahain.

16:6 At nangyari, nang sila'y dumating na siya'y tumingin kay Eliab, at nagsabi, Tunay na ang pinahiran ng Panginoon ay nasa harap niya.

16:7 Nguni't sinabi ng Panginoon kay Samuel, Huwag mong tingnan ang kaniyang mukha, o ang taas ng kaniyang kataasan; sapagka't aking itinakuwil siya: sapagka't hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka't ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni't ang Panginoon ay tumitingin sa puso.

16:8 Nang magkagayo'y tinawag ni Isai si Abinadab, at pinaraan niya sa harap ni Samuel. At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon.

16:9 Nang magkagayo'y pinaraan ni Isai si Samma. At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon.

16:10 At pinaraan ni Isai ang pito sa kaniyang mga anak sa harap ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Isai, Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.

16:11 At sinabi ni Samuel kay Isai, Narito ba ang iyong lahat na anak? At kaniyang sinabi, Natitira pa ang bunso, at, narito, siya'y nag-aalaga sa mga tupa. At sinabi ni Samuel kay Isai, Ipasundo mo siya; sapagka't hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.

16:12 At siya'y nagsugo, at sinundo siya roon. Siya nga'y may mapulang pisngi, may magandang bikas, at mabuting anyo. At sinabi ng Panginoon, Tumindig ka: pahiran mo siya ng langis, sapagka't ito nga.

16:13 Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sungay ng langis, at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid: at ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang suma kay David mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin. Gayon bumangon si Samuel at napasa Rama.

16:14 Ang Espiritu nga ng Panginoon ay humiwalay kay Saul, at isang masamang espiritu na mula sa Panginoon ay bumagabag sa kaniya.

16:15 At sinabi ng mga bataan ni Saul sa kaniya, Narito ngayon, isang masamang espiritu na mula sa Dios ay bumabagabag sa iyo.

16:16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga bataan na nasa harap mo na humanap ng isang lalake na bihasang manunugtog ng alpa; at mangyayari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay nasa iyo na siya'y tutugtog ng kaniyang kamay at ikaw ay bubuti.

16:17 At sinabi ni Saul sa kaniyang mga bataan, Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalake na makatutugtog na mabuti, at dalhin ninyo sa akin siya.

16:18 Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa mga bataan, at nagsabi, Narito, aking nakita ang isang anak ni Isai na Bethlehemita, na bihasa sa panunugtog, at makapangyarihang lalake na may tapang, at lalaking mangdidigma, at matalino sa pananalita, at makisig na lalake, at ang Panginoon ay sumasa kaniya.

16:19 Kaya't nagsugo si Saul ng mga sugo kay Isai, at sinabi, Suguin mo sa akin si David na iyong anak, na nasa kawan ng mga tupa.

16:20 At kumuha si Isai ng isang asno na may pasang tinapay, at isang balat ng alak, at isang anak ng kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kaniyang anak.

16:21 At dumating si David kay Saul at tumayo sa harap niya: at minahal niya siyang mainam; at siya'y naging tagadala ng sandata niya.

16:22 At nagpasabi si Saul kay Isai, Isinasamo ko sa iyo na bayaang tumayo si David sa harapan ko, sapagka't siya'y nakasumpong ng biyaya sa aking paningin.

16:23 At nangyari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay sumasa kay Saul, ay kinukuha ni David ang alpa, at tinutugtog ng kaniyang kamay: gayon nagiginhawahan si Saul, at bumubuti, at ang masamang espiritu ay nahihiwalay sa kaniya.

17:1 Ngayo'y pinisan ng mga Filisteo ang kanilang hukbo upang bumaka at sila'y nagpipisan sa Socho, na nauukol sa Juda, at nagsihantong sa pagitan ng Socho at ng Azeca, sa Ephesdammim.

17:2 At nagpipisan si Saul at ang mga lalake ng Israel, at nagsihantong sa libis ng Ela, at nagsihanay sa pakikipagbaka laban sa mga Filisteo.

17:3 At nagsitayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo ang Israel sa kabilang dako sa bundok: at may isang libis sa pagitan nila.

17:4 At lumabas ang isang bayani sa kampamento ng mga Filisteo na nagngangalang Goliath, taga Gath, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.

17:5 At siya'y mayroong isang turbanteng tanso, sa kaniyang ulo, at siya'y nasusuutan ng isang baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.

17:6 At siya'y mayroong kasuutang tanso sa kaniyang mga hita, at isang sibat na tanso sa pagitan ng kaniyang mga balikat.

17:7 At ang puluhan ng kaniyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kaniyang sibat ay may anim na raang siklong bakal ang bigat: at ang kaniyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kaniya.

17:8 At siya'y tumayo at humiyaw sa mga hukbo ng Israel, at nagsabi sa kanila, Bakit kayo'y lumabas na nagsihanay sa pakikipagbaka? hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? pumili kayo ng isang lalake sa inyo, at pababain ninyo siya sa akin.

17:9 Kung siya'y makalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin nga ninyo kami; nguni't kung ako'y manaig laban sa kaniya, at mapatay ko siya ay magiging alipin nga namin kayo at maglilingkod sa amin.

17:10 At sinabi ng Filisteo, Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; bigyan ninyo ako ng isang lalake, upang maglaban kami.

17:11 At nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang yaon ng Filisteo, sila'y nanglupaypay, at natakot na mainam.

17:12 Si David nga ay anak niyaong Ephrateo sa Bethlehem-juda, na ang pangala'y Isai; at may walong anak: at ang lalaking yaon ay matanda na sa mga kaarawan ni Saul na totoong napakatanda sa gitna ng mga tao.

17:13 At ang tatlong pinakamatandang anak ni Isai ay naparoong sumunod kay Saul sa pakikipagbaka: at ang mga pangalan ng kaniyang tatlong anak na naparoon sa pakikipagbaka ay si Eliab na panganay, at ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Samma.

17:14 At si David ang bunso: at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul.

17:15 Nguni't si David ay nagpaparoo't parito mula kay Saul upang pasabsabin ang mga tupa ng kaniyang ama sa Bethlehem.

17:16 At lumalapit ang Filisteo sa umaga at hapon, at humarap na apat na pung araw.

17:17 At sinabi ni Isai kay David na kaniyang anak, Dalhin mo ngayon sa iyong mga kapatid ang isang epa nitong trigo na sinangag, at itong sangpung tinapay, at dalhin mong madali sa kampamento, sa iyong mga kapatid;

17:18 At dalhin mo ang sangpung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo, at tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka ng pinakakatunayan.

17:19 Si Saul nga, at sila at ang lahat ng mga lalake ng Israel ay nasa libis ng Ela, na nakikipaglaban sa mga Filisteo.

17:20 At si David ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at iniwan ang tupa na may isang tagapagalaga, at nagdala at yumaon, na gaya ng iniutos sa kaniya ni Isai; at siya'y naparoon sa kinaroroonan ng mga karo, habang ang hukbo na lumalabas sa pakikipaglaban ay sumisigaw ng pakikipagbaka.

17:21 At ang Israel at ang mga Filisteo ay nakahanay na sa pagbabaka, hukbo laban sa hukbo.

17:22 At iniwan ni David ang kaniyang daladalahan sa kamay ng tagapagingat ng daladalahan, at tumakbo sa hukbo, at naparoon, at bumati sa kaniyang mga kapatid.

17:23 At sa kaniyang pakikipagusap sa kanila, narito, dumating ang bayani, ang Filisteo na taga Gath, na Goliath ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at nagsalita ng ayon sa mga gayon ding salita: at narinig ni David.

17:24 At lahat ng mga lalake sa Israel pagkakita sa lalaking yaon ay tumakas mula sa kaniyang harapan, at natakot na mainam.

17:25 At ang mga lalake ng Israel ay nagsabi, Nakita ba ninyo ang lalaking iyan na sumasampa? Tunay na sumasampa siya upang manghamon sa Israel: at mangyayari, na ang lalaking makapatay sa kaniya, ay payayamanin ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kaniya ang kaniyang anak na babae, at palalayain sa Israel ang sangbahayan ng kaniyang ama.

17:26 At nagsalita si David sa mga lalaking nakatayo sa siping niya, na nagsasabi, Ano ang gagawin sa lalaking makapatay sa Filisteong ito, at mag-alis sa Israel ng kadustaang ito? sapagka't sinong Filisteong ito na hindi tuli na siya'y humahamon sa mga hukbo ng buhay na Dios?

17:27 At sumagot sa kaniya ang bayan, ng ganitong paraan, na sinabi, Ganito ang gagawin sa lalake na makapatay sa kaniya.

17:28 At narinig ni Eliab na kaniyang pinakamatandang kapatid, nang siya'y magsalita sa mga lalake; at ang galit ni Eliab ay nagalab laban kay David, at kaniyang sinabi, Bakit ka lumusong dito? at kanino mo iniwan ang ilang tupang yaon sa ilang? Talastas ko ang iyong kahambugan, at ang kalikutan ng iyong puso; sapagka't ikaw ay lumusong upang iyong makita ang pagbabaka.

17:29 At sinabi ni David, Anong aking ginawa ngayon? Wala bang dahilan?

17:30 At tinalikdan niya siya na napatungo sa iba, at siya'y nagsalita ng gayon ding paraan: at sinagot siya uli ng bayan na gaya ng una.

17:31 At nang marinig ang mga salita na sinalita ni David, ay sinaysay nila sa harap ni Saul; at siya'y ipinasundo niya.

17:32 At sinabi ni David kay Saul, Huwag manglupaypay ang puso ng sinoman dahil sa kaniya; ang iyong lingkod ay yayaon at makikipaglaban sa Filisteong ito.

17:33 At sinabi ni Saul kay David: Hindi ka makaparoroon laban sa Filisteong ito upang makipaglaban sa kaniya: sapagka't ikaw ay isang bata, at siya'y isang lalaking mangdidigma mula sa kaniyang pagkabata.

17:34 At sinabi ni David kay Saul, Ang iyong lingkod ay nagaalaga ng mga tupa ng kaniyang ama; at pagka pumaroon ang isang leon, o isang oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan,

17:35 Ay lumalabas akong hinahabol ko siya, at aking sinasaktan, at aking inililigtas sa kaniyang bibig: at pagka dinadaluhong ako ay aking pinapangahan, at aking sinasaktan, at aking pinapatay.

17:36 Pinapatay ng iyong lingkod ang leon at gayon din ang oso: at ang Filisteong ito na hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kaniyang hinahamon ang mga hukbo ng Dios na buhay.

17:37 At sinabi ni David, Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga pangamot ng leon, at sa pangamot ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito. At sinabi ni Saul kay David, Yumaon ka, at ang Panginoon ay sasa iyo.

17:38 At sinandatahan ni Saul si David ng kaniyang mga sandata, at kaniyang inilagay ang isang turbanteng tanso sa kaniyang ulo, at kaniyang sinuutan siya ng isang baluti sa katawan.

17:39 At ibinigkis ni David, ang tabak niya sa kaniyang sandata, at kaniyang tinikmang yumaon; sapagka't hindi pa niya natitikman. At sinabi ni David kay Saul, Hindi ako makayayaon na dala ko ang mga ito; sapagka't hindi ko pa natitikman. At pawang hinubad ni David sa kaniya.

17:40 At tinangnan niya ang kaniyang tungkod sa kaniyang kamay, at pumili siya ng limang makinis na bato mula sa batis, at isinilid sa supot na kaniyang dala, sa makatuwid baga'y sa kaniyang supot pastor; at ang kaniyang panghilagpos ay nasa kaniyang kamay: at siya'y lumapit sa Filisteo.

17:41 At nagpatuloy ang Filisteo at lumapit kay David; at ang lalake na may dala ng kalasag ay nangunguna sa kaniya.

17:42 At nang tumingin ang Filisteo, at makita si David, ay kaniyang niwalan ng kabuluhan siya; sapagka't siya'y bata pa, at mapula ang pisngi, at may magandang bikas.

17:43 At sinabi ng Filisteo kay David, Ako ba ay aso, na ikaw ay paririto sa akin na may mga tungkod? At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga dios.

17:44 At sinabi ng Filisteo kay David, Halika, at aking ibibigay ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang.

17:45 Nang magkagayo'y sinabi ni David sa Filisteo, Ikaw ay naparirito sa akin na may tabak, at may malaking sibat at may kalasag; nguni't ako'y naparirito laban sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng mga kawal ng Israel na iyong hinahamon.

17:46 Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay; at sasaktan kita, at pupugutin ko ang ulo mo; at ibibigay ko ang mga bangkay sa hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid sa araw na ito, at sa mababangis na hayop sa lupa; upang maalaman ng buong lupa na may Dios sa Israel:

17:47 At upang maalaman ng buong kapisanang ito na hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat: sapagka't ang pagbabakang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.

17:48 At nangyari, nang bumangon ang Filisteo, at sumulong at lumapit upang salubungin si David, na si David ay nagmadali, at tumakbo sa dako ng kawal upang salubungin ang Filisteo.

17:49 At isinuot ni David ang kaniyang kamay sa kaniyang supot; at kumuha roon ng isang bato, at inihilagpos, at tinamaan ang Filisteo sa kaniyang noo; at ang bato ay bumaon sa kaniyang noo, at nabuwal na pasubsob sa lupa.

17:50 Sa gayo'y nanaig si David sa Filisteo sa pamamagitan ng isang panghilagpos at ng isang bato, at sinaktan ang Filisteo at pinatay niya siya; nguni't walang tabak sa kamay ni David.

17:51 Nang magkagayo'y tumakbo si David, at tinunghan ang Filisteo, at kinuha ang kaniyang tabak, at binunot sa kaniyang kaluban, at pinatay siya, at ipinagpugot ng kaniyang ulo. At nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang bayani ay patay na, sila'y tumakas.

17:52 At nagsibangon ang mga lalake ng Israel at ng Juda, at humiyaw at hinabol ang mga Filisteo hanggang sa Gath, at sa mga pintuang-bayan ng Ecron. At ang mga sugatan sa mga Filisteo ay nabuwal sa daang patungo sa Saraim, hanggang sa Gath, at sa Ecron.

17:53 At nagsibalik ang mga anak ni Israel sa paghabol sa mga Filisteo, at kanilang sinamsam ang kanilang kampamento.

17:54 At kinuha ni David ang ulo ng Filisteo, at dinala sa Jerusalem; nguni't kaniyang inilagay ang sandata niya sa kaniyang tolda.

17:55 At nang makita ni Saul si David na lumalabas laban sa Filisteo, kaniyang sinabi kay Abner, na kapitan ng hukbo, Abner, kaninong anak ang batang ito? At sinabi ni Abner, Buhay ang iyong kaluluwa, Oh hari, hindi ko masabi.

17:56 At sinabi ng hari, Usisain mo kung kaninong anak ang batang ito.

17:57 At pagbalik ni David sa pagpatay sa Filisteo, kinuha siya ni Abner, at dinala siya sa harap ni Saul na dala ang ulo ng Filisteo sa kaniyang kamay.

17:58 At sinabi ni Saul sa kaniya, Kaninong anak ka, binata? At sumagot si David, Ako'y anak ng iyong lingkod na si Isai na Bethlehemita.

18:1 At nangyari, nang siya'y makatapos na magsalita kay Saul, na ang kaluluwa ni Jonathan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at minahal ni Jonathan siya na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.

18:2 At kinuha siya ni Saul nang araw na yaon, at hindi na siya tinulutang umuwi sa bahay ng kaniyang ama.

18:3 Nang magkagayo'y si Jonathan at si David ay nagtibay ng isang tipan, sapagka't minahal niya siya na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.

18:4 At hinubad ni Jonathan ang kaniyang balabal na nakasuot sa kaniya, at ibinigay kay David, at ang kaniyang kasuutan pati ng kaniyang tabak, at ng kaniyang busog at ng kaniyang pamigkis.

18:5 At lumalabas si David saan man suguin ni Saul, at siya'y nagpakabait: at inilagay ni Saul siya sa mga lalaking mangdidigma, at minabuti ng paningin ng buong bayan, at gayon din ng paningin ng mga lingkod ni Saul.

18:6 At nangyari pagdating nila, nang bumalik si David mula sa pagpatay sa Filisteo, na ang mga babae ay lumabas mula sa lahat ng mga bayan ng Israel, na nagaawitan at nagsasayawan, upang salubungin ang haring si Saul, ng mga pandereta, ng kagalakan, at ng panugtog ng tugtugin.

18:7 At nagaawitan ang mga babae sa kanilang pagtugtog, at sinasabi, Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo, At ni David ang kaniyang laksa-laksa.

18:8 At nagalit na mainam si Saul at ang sabing ito ay isinama niya ng loob; at kaniyang sinabi, Kanilang inilagay kay David ay laksalaksa, at sa akin ay kanilang inilagay ang libolibo lamang: at ano na lamang ang kaniyang tatangkilikin kundi ang kaharian?

18:9 At inirapan ni Saul si David mula sa araw na yaon.

18:10 At nangyari nang kinabukasan, na ang masamang espiritu na mula sa Dios ay dumating na makapangyarihan kay Saul, at siya'y nanghula sa gitna ng bahay: at si David ay tumugtog ng kaniyang kamay, gaya ng kaniyang ginagawa araw-araw; at hawak ni Saul ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay.

18:11 At inihagis ni Saul ang sibat; sapagka't kaniyang sinabi, Aking tutuhugin si David sa dinding. At tumanan si David sa kaniyang harap na makalawa.

18:12 At natakot si Saul kay David, sapagka't ang Panginoon ay sumasakaniya, at nahiwalay na kay Saul.

18:13 Kaya't inihiwalay ni Saul siya sa kaniya, at siya'y ginawa niyang punong kawal sa isang libo; at siya'y naglalabas pumasok sa harap ng bayan.

18:14 Nagpakabait si David sa lahat ng kaniyang kilos; at ang Panginoon ay sumasakaniya.

18:15 At nang makita ni Saul na siya'y nagpakabait, siya'y natakot sa kaniya.

18:16 Nguni't minamahal ng buong Israel at Juda si David; sapagka't siya'y naglalabas pumasok sa harap nila.

18:17 At sinabi ni Saul kay David, Narito ang aking lalong matandang anak na babae na si Merab; siya'y aking ibibigay sa iyo na asawa: magpakatapang ka lamang dahil sa akin, at iyong ilaban ang mga pagbabaka ng Panginoon. Sapagka't sinabi ni Saul, Huwag pagbuhatan siya ng aking kamay, kundi ang kamay ng mga Filisteo, ang magbuhat sa kaniya.

18:18 At sinabi ni David kay Saul, Sino ako at ano ang aking buhay, o ang sangbahayan ng aking ama sa Israel, upang maging manugang ako ng hari?

18:19 Nguni't nangyari na sa panahong ibibigay kay David si Merab na anak na babae ni Saul, ay ibinigay na asawa kay Adriel na Meholatita.

18:20 At sinisinta ni Michal na anak na babae ni Saul si David: at kanilang isinaysay kay Saul, at ang bagay ay ikinalugod niya.

18:21 At sinabi ni Saul, Aking ibibigay sa kaniya siya, upang siya'y maging silo sa kaniya, at upang ang kamay ng mga Filisteo ay maging laban sa kaniya. Kaya't sinabing ikalawa ni Saul kay David: Ikaw ay magiging aking manugang sa araw na ito.

18:22 At iniutos ni Saul sa kaniyang mga lingkod, na sinasabi, Makipagusap kayo kay David ng lihim, at inyong sabihin, Narito, kinatutuwaan ka ng hari at minamahal ka ng lahat ng kaniyang mga lingkod: ngayon nga ay maging manugang ka ng hari.

18:23 At sinalita ng mga lingkod ni Saul ang mga salitang yaon sa pakinig ni David. At sinabi ni David, Inaakala ba ninyo na magaang bagay ang maging manugang ng hari, dangang ako'y isang dukhang tao at niwawalang kabuluhan?

18:24 At isinaysay ng mga lingkod ni Saul sa kaniya, na sinabi, Ganitong paraan nagsalita si David.

18:25 At sinabi ni Saul, Ganito ang inyong sasabihin kay David: Hindi nagnanasa ang hari ng anomang bigaykaya, kundi isang daang balat ng masama ng mga Filisteo, upang mapanghigantihan ang mga kaaway ng hari. Ang balak nga ni Saul ay maibuwal si David sa pamamagitan ng kamay ng mga Filisteo.

18:26 At nang saysayin ng kaniyang mga lingkod kay David ang mga salitang ito, ay ikinalugod na mabuti ni David na maging manugang siya ng hari. At ang mga araw ay hindi pa nagaganap;

18:27 At tumindig si David at yumaon, siya at ang kaniyang mga lalake, at pumatay sa mga Filisteo ng dalawang daang lalake; at dinala ni David ang kanilang mga balat ng masama, at kaniyang ibinigay ng buong bilang sa hari, upang siya'y maging manugang ng hari. At ibinigay na asawa sa kaniya ni Saul si Michal na kaniyang anak na babae.

18:28 At nakita at nalaman ni Saul na ang Panginoon ay sumasa kay David; at sinisinta si David ni Michal na anak ni Saul.

18:29 At si Saul ay lalong natatakot kay David; at naging kaaway ni David si Saul na palagi.

18:30 Nang magkagayo'y lumabas ang mga pangulo ng mga Filisteo: at nangyari, na sa tuwing sila'y lumalabas ay nagpakabait si David kay sa lahat ng mga lingkod ni Saul; sa gayon ang kaniyang pangalan ay lalong namahal.

19:1 At nagsalita si Saul kay Jonathan na kaniyang anak, at sa lahat ng kaniyang mga lingkod, na kanilang patayin si David. Nguni't si Jonathan na anak ni Saul ay naliligayang mainam kay David.

19:2 At isinaysay ni Jonathan kay David, na sinasabi, Pinagsisikapan ni Saul na aking ama na patayin ka: ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, na magingat ka sa kinaumagahan, at manatili sa isang lihim na dako, at magtago ka:

19:3 At ako'y lalabas at tatayo sa siping ng aking ama sa parang na iyong kinaroroonan, at ako'y makikipagusap sa aking ama ng tungkol sa iyo; at kung may makita akong anoman, ay aking sasaysayin sa iyo.

19:4 At nagsalita si Jonathan kay Saul na kaniyang ama, ng mabuti tungkol kay David, at sinabi sa kaniya, Huwag magkasala ang hari laban sa kaniyang lingkod na si David; sapagka't hindi siya nagkasala laban sa iyo; at sapagka't ang kaniyang mga gawa ay naging mabuti sa iyo:

19:5 Sapagka't kaniyang ipinain ang kaniyang buhay, at sinaktan ang Filisteo, at gumawa ang Panginoon ng dakilang pagtatagumpay sa ganang buong Israel: nakita mo at nagalak ka; bakit nga magkakasala ka laban sa walang salang dugo, na papatayin si David ng walang anomang kadahilanan?

19:6 At dininig ni Saul ang tinig ni Jonathan; at sumumpa si Saul: Buhay ang Panginoon, siya'y hindi papatayin.

19:7 At tinawag ni Jonathan si David, at isinaysay ni Jonathan sa kaniya ang lahat ng mga bagay na yaon. At dinala ni Jonathan si David kay Saul, at siya'y lumagay sa kaniyang harap, na gaya ng dati.

19:8 At nagkaroong muli ng digma: at lumabas si David, at nakipaglaban sa mga Filisteo, at pumatay sa kanila ng malaking pagpatay; at sila'y tumakas sa harap niya.

19:9 At isang espiritung masama na mula sa Panginoon ay suma kay Saul, nang siya'y nakaupo sa kaniyang bahay na tangan niya ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay; at tumugtog si David sa pamamagitan ng kaniyang kamay.

19:10 At pinagsikapan ni Saul na tuhugin ng sibat si David sa dinding; nguni't siya'y nakatakas sa harap ni Saul at ang kaniyang tinuhog ng sibat ay ang dinding: at tumakas si David at tumanan ng gabing yaon.

19:11 At nagsugo si Saul ng mga sugo sa bahay ni David, upang siya'y bantayan, at siya'y patayin sa kinaumagahan: at sinaysay sa kaniya ni Michal na asawa ni David, na sinasabi, Kundi mo iligtas ang iyong buhay ngayong gabi bukas ay papatayin ka.

19:12 Kaya inihugos ni Michal si David sa isang dungawan, at siya'y yumaon, at tumakas, at tumanan.

19:13 At kinuha ni Michal ang mga terap, at inihiga sa higaan at nilagyan sa ulunan ng isang unan na buhok ng kambing, at tinakpan ng mga kumot.

19:14 At nang magsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David, kaniyang sinabi, Siya'y may sakit.

19:15 At nagsugo si Saul ng mga sugo upang tingnan si David, na sinasabi, Ipanhik ninyo siya sa akin na nasa kaniyang higaan, upang aking patayin siya.

19:16 At nang pumasok ang mga sugo, narito, ang mga terap at nasa higaan, pati ng unang buhok ng kambing sa ulunan niyaon.

19:17 At sinabi ni Saul kay Michal, Bakit mo ako dinaya ng ganiyan, at iyong pinaalis ang aking kaaway, na anopa't siya'y nakatanan? At sumagot si Michal kay Saul, Kaniyang sinabi sa akin: Bayaan mo akong yumaon: bakit kita papatayin?

19:18 Si David nga ay tumakas, at tumanan, at naparoon kay Samuel sa Rama, at isinaysay sa kaniya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kaniya. At siya at si Samuel ay yumaon at tumahan sa Najoth.

19:19 At nasaysay kay Saul na sinasabi, Narito si David ay nasa Najoth sa Rama.

19:20 At nagsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David: at nang kanilang makita ang pulutong ng mga propeta na nanganghuhula, at si Samuel ay tumatayong pinakapangulo sa kanila, ang Espiritu ng Dios ay dumating sa mga sugo ni Saul, at sila naman ay nanganghula.

19:21 At nang maisaysay kay Saul, siya'y nagsugo ng ibang mga sugo, at sila man ay nanganghula. At si Saul ay nagsugo uli ng mga sugo na ikaitlo, at sila man ay nanganghula.

19:22 Nang magkagayo'y naparoon din naman siya sa Rama, at dumating sa dakilang balon na nasa Socho: at siya'y tumanong, at nagsabi, Saan naroon si Samuel at si David? At sinabi ng isa, Narito, sila'y nasa Najoth sa Rama.

19:23 At siya'y naparoon doon sa Najoth sa Rama: at ang Espiritu ng Dios ay dumating din sa kaniya, at siya'y nagpatuloy, at nanghula hanggang sa siya'y dumating sa Najoth sa Rama.

19:24 At siya rin nama'y naghubad ng kaniyang mga suot, at siya man ay nanghula sa harap ni Samuel, at nahigang hubad sa buong araw na yaon at sa buong gabing yaon. Kaya't kanilang sinasabi, Pati ba si Saul ay nasa gitna ng mga propeta?

20:1 At si David ay tumakas mula sa Najoth, na nasa Rama, at siya'y dumating at nagsabi sa harap ni Jonathan, Anong aking ginawa? anong aking kasamaan? at anong aking kasalanan sa harap ng iyong ama, upang kaniyang usigin ang aking buhay?

20:2 At sinabi niya sa kaniya, Malayo nawa; hindi ka mamamatay: narito, ang aking ama ay hindi gumagawa ng anomang bagay na malaki o maliit kundi niya ipaalam sa akin: at bakit ililihim sa akin ng aking ama ang bagay na ito? hindi gayon.

20:3 At gayon ma'y si David ay sumumpa, at nagsabi, Talastas na maigi ng iyong ama, na ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin; at kaniyang sinasabi, Huwag maalaman ni Jonathan ito, baka siya'y magdalamhati; nguni't buhay nga ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, na iisang hakbang ang pagitan ko sa kamatayan.

20:4 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan kay David, Anomang adhikain ng iyong kaluluwa ay aking gagawin dahil sa iyo.

20:5 At sinabi ni David kay Jonathan, Narito, bukas ay bagong buwan, at ako'y di marapat na di sumalo sa hari; nguni't bayaan mo akong yumaon upang ako'y magkubli sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubog ng araw.

20:6 Kung ako'y punahin ng iyong ama, iyo ngang sabihing, Hiniling na mainam sa akin ni David na siya'y patakbuhin sa Bethlehem na kaniyang bayan: sapagka't siyang paghahain na taonan sa lahat ng angkan.

20:7 Kung kaniyang sabihing ganito, Mabuti; ang iyong lingkod ay matitiwasay; nguni't kung siya'y magalit, talastasin mo nga na ang kasamaan ay ipinasiya niya.

20:8 Kaya pagmagandahang loob mo ang iyong lingkod; sapagka't iyong dinala ang iyong lingkod sa isang tipan ng Panginoon sa iyo; nguni't kung magtaglay ako ng kasamaan, patayin mo ako; sapagka't bakit mo pa dadalhin ako sa iyong ama?

20:9 At sinabi ni Jonathan, Malayo nawa sa iyo: sapagka't kung matalastas ko sa anomang paraan na ang kasamaan ay ipinasiya ng ama kong sumapit sa iyo, hindi ko ba sasaysayin sa iyo?

20:10 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, Sino ang magsasaysay sa akin, kung sakaling ang iyong ama ay sumagot sa iyo na may kagalitan?

20:11 At sinabi ni Jonathan kay David, Halika at tayo'y lumabas sa parang. At sila'y kapuwa lumabas sa parang.

20:12 At sinabi ni Jonathan kay David, Ang Panginoon, ang Dios ng Israel, maging saksi; pagka aking natarok ang aking ama sa oras na ito sa kinabukasan o sa ikatlong araw, narito, kung maging mabuti kay David, hindi ko nga ba pasasapitin sa iyo, at ipababatid sa iyo?

20:13 Kung mabutihin ng aking ama na gawan ka ng kasamaan, ay hatulan ng Panginoon si Jonathan, malibang ipabatid ko sa iyo at payaunin ka, upang ikaw ay yumaong payapa: at ang Panginoon ay sumaiyo nawa na gaya ng siya'y nasa aking ama.

20:14 At huwag mangyari kailanman hanggang ako'y nabubuhay, na di mo ako pagpakitaan ng kagandahang loob ng Panginoon upang ako'y huwag mamatay:

20:15 Subali't huwag mo ring ihihiwalay ang iyong kagandahang loob sa aking sangbahayan magpakailan man: huwag kahit man lipulin ng Panginoon ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa.

20:16 Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sangbahayan ni David, na sinabi, At hihingin ng Panginoon sa kamay ng mga kaaway ni David.

20:17 At pinasumpa uli ni Jonathan si David dahil sa pagibig niya sa kaniya: sapagka't kaniyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kaniyang sariling kaluluwa.

20:18 Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan sa kaniya, Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay pupunahin, sapagka't sa iyong upuan ay walang nakaupo.

20:19 At pagtatagal mo ng tatlong araw ay bababa kang madali at paroroon ka sa dakong iyong pinagtaguan ng araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng bato ng Ezel.

20:20 At ako'y papana ng tatlong palaso sa dako niyaon na parang ako'y may pinatatamaan.

20:21 At, narito, aking susuguin ang bata: Ikaw ay yumaon na hanapin mo ang mga palaso. Kung aking sabihin sa bata: Narito, ang mga palaso ay nangarito sa dako mo rito: pagkunin mo, at parito ka; sapagka't may kapayapaan sa iyo at walang anoman, buhay ang Panginoon.

20:22 Nguni't kung aking sabihing ganito sa bata: Narito, ang mga palaso ay nangasa dako mo pa roon: ituloy mo ang iyong lakad, sapagka't pinayaon ka ng Panginoon.

20:23 At tungkol sa usap na ating pinagsalitaan, narito, ang Panginoon ay nasa gitna natin magpakailan man.

20:24 Sa gayo'y nagkubli si David sa parang: at nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupong kumain.

20:25 At umupo ang hari sa kaniyang upuan na gaya ng kinaugalian niya sa makatuwid baga'y sa upuang nasa siping ng dinding; at tumayo si Jonathan, at umupo si Abner sa siping ni Saul; nguni't sa upuan ni David ay walang nakaupo.

20:26 Gayon ma'y hindi nagsalita si Saul ng anoman sa araw na yaon: sapagka't kaniyang inisip: May bagay na nangyari sa kaniya, siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis.

20:27 At nangyari nang kinabukasan, pagkaraan ng bagong buwan na ikalawang araw, na sa upuan ni David ay walang nakaupo, sinabi ni Saul kay Jonathan na kaniyang anak, Bakit hindi naparirito ang anak ni Isai upang kumain, ni kahapon, ni ngayon man.

20:28 At sumagot si Jonathan kay Saul, Namanhik si David na bayaan ko siya na pumaroon sa Bethlehem:

20:29 At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako; sapagka't ang aming angkan ay may paghahain sa bayan; at iniutos sa akin ng aking kapatid na dumoon; at ngayon, kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, ay bayaan mo akong yumaon, isinasamo ko sa iyo, at aking tingnan ang aking mga kapatid. Kaya hindi siya naparito sa dulang ng hari.

20:30 Nang magkagayo'y nagalab ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay anak ng masama at mapanghimagsik na babae, hindi ko ba nalalaman na iyong pinili ang anak ni Isai sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina?

20:31 Sapagka't habang nabubuhay ang anak ni Isai sa ibabaw ng lupa, ikaw ay hindi mapapanatag ni ang iyong kaharian man. Kaya ngayo'y iyong ipasundo at dalhin siya sa akin, sapagka't siya'y walang pagsalang mamamatay.

20:32 At sumagot si Jonathan kay Saul na kaniyang ama; at nagsabi sa kaniya, Bakit siya papatayin? anong kaniyang ginawa?

20:33 At inihandulong ni Saul ang kaniyang sibat sa kaniya upang saktan siya; na doon nakilala ni Jonathan na pasiya ng kaniyang ama na patayin si David.

20:34 Sa gayo'y tumindig si Jonathan sa dulang na may mabangis na galit, at hindi kumain sa ikalawang araw ng buwan: sapagka't siya'y nagdalamhati dahil kay David, sapagka't hiniya siya ng kaniyang ama.

20:35 At nangyari sa kinaumagahan, na si David ay nilabas ni Jonathan sa parang sa takdang panahon, at isang munting bata ang kasama niya.

20:36 At sinabi niya sa kaniyang bataan, Takbo, hanapin mo ngayon ang mga palaso na aking ipinana. At pagtakbo ng bataan, kaniyang ipinana ang palaso sa dako roon niya.

20:37 At nang dumating ang bataan sa dako ng palaso na ipinana ni Jonathan, sinigawan ni Jonathan ang bataan, at sinabi, Hindi ba ang palaso ay nasa dako mo pa roon?

20:38 At sinigawan ni Jonathan ang bataan, Tulin, magmadali ka, huwag kang tumigil. At pinulot ng bataan ni Jonathan ang mga palaso, at naparoon sa kaniyang panginoon.

20:39 Nguni't hindi naalaman ng bataan ang anoman: si Jonathan at si David lamang ang nakaalam ng bagay.

20:40 At ibinigay ni Jonathan ang kaniyang sandata sa kaniyang bataan, at sinabi sa kaniya, Yumaon ka, dalhin mo sa bayan.

20:41 At pagkayaon ng bataan, si David ay tumindig sa dakong tungo sa Timugan, at sumubsob sa lupa, at yumukod na makaitlo: at sila'y naghalikan, at umiyak kapuwa, hanggang si David ay humigit.

20:42 At sinabi ni Jonathan kay David, Yumaon kang payapa, yamang tayo'y kapuwa sumumpa sa pangalan ng Panginoon na nagsasabi, Ang Panginoon ay lalagay sa gitna natin, at sa gitna ng aking binhi at ng iyong binhi, magpakailan man. At siya'y bumangon at yumaon: at pumasok si Jonathan sa bayan.

21:1 Nang magkagayo'y naparoon si David sa Nob kay Ahimelech na saserdote: at sinalubong si David ni Ahimelech na nanginginig, at sinabi sa kaniya, Bakit ka nagiisa, at walang taong kasama ka?

21:2 At si David ay nagsabi kay Ahimelech na saserdote, Inutusan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, Huwag maalaman ng sinoman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking iniutos sa iyo: at aking inilagay ang mga bataan sa gayo't gayong dako.

21:3 Ngayon nga anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay sa aking kamay, o anomang mayroon ka.

21:4 At sumagot ang saserdote kay David, at nagsabi, Walang karaniwang tinapay sa aking kamay, nguni't mayroong banal na tinapay; kung disin ang mga bataan ay magpakalayo lamang sa mga babae.

21:5 At sumagot si David sa saserdote, at nagsabi sa kaniya, Sa katotohanan ang mga babae ay nalayo sa amin humigit kumulang sa tatlong araw na ito; nang ako'y lumabas ang mga daladalahan ng mga bataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakad; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga daladalahan?

21:6 Sa gayo'y binigyan siya ng saserdote ng banal na tinapay: sapagka't walang tinapay roon, kundi tinapay na handog, na kinuha sa harap ng Panginoon, upang lagyan ng tinapay na mainit sa araw ng pagkuha.

21:7 Isang lalake nga sa mga lingkod ni Saul ay naroon nang araw na yaon, na pinigil sa harap ng Panginoon: at ang kaniyang pangalan ay Doeg na Idumeo, na pinakapuno ng mga pastor na nauukol kay Saul.

21:8 At sinabi ni David kay Ahimelech, At wala ka ba sa iyong kamay na sibat o tabak? sapagka't hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bagay ng hari ay madalian.

21:9 At sinabi ng saserdote, Ang tabak ni Goliath na Filisteo, na iyong pinatay sa libis ng Ela, narito, nabibilot sa isang kayo na nasa likod ng epod: kung iyong kukunin yaon, kunin mo: sapagka't walang iba rito liban yaon. At sinabi ni David, Walang ibang gaya niyaon; ibigay mo sa akin.

21:10 At tumindig si David, at tumakas nang araw na yaon dahil sa takot kay Saul, at naparoon kay Achis na hari sa Gath.

21:11 At sinabi ng mga lingkod ni Achis sa kaniya, Hindi ba ito'y si David na hari sa lupain? Hindi ba pinagaawitanan siya sa mga sayaw, na sinasabi, Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo, At ni David ang kaniyang laksalaksa?

21:12 At iningatan ni David ang mga salitang ito sa kaniyang puso, at natakot na mainam kay Achis na hari sa Gath.

21:13 At kaniyang binago ang kaniyang kilos sa harap nila at nagpakunwaring ulol sa kanilang mga kamay, at nagguhit sa mga pinto ng pintuang-daan, at pinatulo ang kaniyang laway sa kaniyang balbas.

21:14 Nang magkagayo'y sinabi ni Achis sa kaniyang mga lingkod, Narito, tingnan ninyo ang lalake ay ulol: bakit nga ninyo dinala siya sa akin?

21:15 Kulang ba ako ng mga ulol, na inyong dinala ang taong ito upang maglaro ng kaululan sa aking harapan? papasok ba ang taong ito sa aking bahay?

22:1 Umalis nga si David doon, at tumakas sa yungib ng Adullam: at nang mabalitaan ng kaniyang mga kapatid at ng sangbahayan ng kaniyang ama, kanilang nilusong siya roon.

22:2 At bawa't isa na napipighati, at bawa't isa na may utang, at bawa't isa na may kalumbayan ay nakipisan sa kaniya; at siya'y naging punong kawal nila: at nagkaroon siya ng may apat na raang tao.

22:3 At naparoon si David mula roon sa Mizpa ng Moab, at kaniyang sinabi sa hari sa Moab: Isinasamo ko sa iyo na ang aking ama at aking ina ay makalabas, at mapasama sa inyo, hanggang sa aking maalaman kung ano ang gagawin ng Dios sa akin.

22:4 At kaniyang dinala sila sa harap ng hari sa Moab: at sila'y tumahan na kasama niya buong panahon na si David ay nasa moog.

22:5 At sinabi ng propetang si Gad kay David, Huwag kang tumahan sa moog; ikaw ay yumaon at pumasok sa lupain ng Juda. Nang magkagayo'y yumaon si David, at pumasok sa gubat ng Hareth.

22:6 At nabalitaan ni Saul na si David ay nasumpungan, at ang mga lalake na kasama niya: si Saul nga'y nauupo sa Gabaa sa ilalim ng punong tamarisko sa Rama, na tangan ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay, at ang lahat ng kaniyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot niya.

22:7 At sinabi ni Saul sa kaniyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya, Dinggin ninyo ngayon, mga Benjamita; bibigyan ba ng anak ni Isai ang bawa't isa sa inyo ng mga bukiran at mga ubasan, gagawin ba niya kayong lahat na mga punong kawal ng lilibuhin at mga punong kawal ng dadaanin;

22:8 Upang kayong lahat ay magsipagsuwail laban sa akin, at walang nagpakilala sa akin nang gawin ng aking anak ang isang pakikipagtipan sa anak ni Isai, at wala sinoman sa inyo na nagdamdam dahil sa akin, o nagpakilala sa akin na ang aking anak ay humihikayat sa aking lingkod laban sa akin upang bumakay, gaya sa araw na ito?

22:9 Nang magkagayo'y sumagot si Doeg na Idumeo na nakatayo sa siping ng mga lingkod ni Saul, at nagsabi, Aking nakita ang anak ni Isai na naparoroon sa Nob, kay Ahimelech na anak ni Ahitob.

22:10 At isinangguni niya siya sa Panginoon, at binigyan siya ng mga pagkain, at ibinigay sa kaniya ang tabak ni Goliath na Filisteo.

22:11 Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari si Ahimelech na saserdote na anak ni Ahitob, at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, na mga saserdote na nasa Nob, at sila'y naparoong lahat sa hari.

22:12 At sinabi ni Saul, Iyong dinggin ngayon, ikaw na anak ni Ahitob. At siya'y sumagot. Narito ako, panginoon ko.

22:13 At sinabi ni Saul sa kaniya, Bakit kayo ay nagsipagsuwail laban sa akin, ikaw, at ang anak ni Isai, na iyong binigyan siya ng tinapay, at ng tabak, at isinangguni siya sa Dios upang siya'y bumangon laban sa akin na bumakay, gaya sa araw na ito?

22:14 Nang magkagayo'y sumagot si Ahimelech sa hari, at nagsabi, At sino sa gitna ng lahat ng iyong mga lingkod ang tapat na gaya ni David, na manugang ng hari, at tinatanggap sa iyong pulong, at karangaldangal sa iyong bahay?

22:15 Pinasimulan ko bang isangguni siya ngayon sa Dios? malayo sa akin: huwag ibintang ng hari ang anomang bagay sa kaniyang lingkod, o sa buong sangbahayan man ng aking ama: sapagka't walang nalalamang bagay ang iyong lingkod tungkol sa lahat na ito, munti o malaki.

22:16 At sinabi ng hari, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay, Ahimelech, ikaw at ang buong sangbahayan ng iyong ama.

22:17 At sinabi ng hari sa bantay na nangakatayo sa palibot niya, Pumihit kayo at patayin ninyo ang mga saserdote ng Panginoon; sapagka't ang kanilang kamay man ay sumasa kay David, at sapagka't kanilang nalaman na siya'y tumakas, at hindi nila ipinakilala sa akin. Nguni't hindi inibig ng mga lingkod ng hari na iunat ang kanilang kamay upang daluhungin ang mga saserdote ng Panginoon.

22:18 At sinabi ng hari kay Doeg: Pumihit ka, at iyong daluhungin ang mga saserdote. At pumihit si Doeg na Idumeo, at kaniyang dinaluhong ang mga saserdote, at kaniyang pinatay nang araw na yaon ay walong pu't limang lalake na nagsusuot ng epod na lino.

22:19 At sinugatan ng talim ng tabak ang Nob, ang bayan ng mga saserdote, ang mga lalake at gayon din ang mga babae, ang mga bata at ang mga pasusuhin, at ang mga baka at mga asno at mga tupa, ng talim ng tabak.

22:20 At isa sa mga anak ni Ahimelech na anak ni Ahitob na nagngangalang Abiathar ay tumanan, at tumakas na sumunod kay David.

22:21 At isinaysay ni Abiathar kay David na pinatay na ni Saul ang mga saserdote ng Panginoon.

22:22 At sinabi ni David kay Abiathar, Talastas ko nang araw na yaon na si Doeg na Idumeo ay naroon, na kaniyang tunay na sasaysayin kay Saul: ako'y naging kadahilanan ng kamatayan ng lahat ng mga tao sa sangbahayan ng iyong ama.

22:23 Matira kang kasama ko, huwag kang matakot; sapagka't siya na umuusig ng aking buhay ay umuusig ng iyong buhay: sapagka't kasama kita ay maliligtas ka.

23:1 At kanilang isinaysay kay David, na sinasabi, Narito, ang mga Filisteo ay nakikipaglaban sa Keila, at kanilang ninanakaw ang mga giikan.

23:2 Kaya't sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, Yayaon ba ako at aking sasaktan ang mga Filisteong ito? At sinabi ng Panginoon kay David, Yumaon ka at iyong saktan ang mga Filisteo, at iligtas mo ang Keila.

23:3 At sinabi ng mga lalake ni David sa kaniya, Narito, tayo'y natatakot dito sa Juda: gaano pa nga kaya kung tayo ay pumaroon sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?

23:4 Nang magkagayo'y sumangguni uli si David sa Panginoon. At sumagot ang Panginoon sa kaniya at sinabi, Bumangon ka at lumusong ka sa Keila; sapagka't aking ibibigay ang mga Filisteo, sa iyong kamay.

23:5 At si David at ang kaniyang mga lalake ay naparoon sa Keila, at bumaka sa mga Filisteo, at dinala ang kanilang kawan, at pinatay nila sila ng malaking pagpatay. Gayon iniligtas ni David ang mga tumatahan sa Keila.

23:6 At nangyari nang makatakas si Abiathar na anak ni Ahimelech kay David sa Keila, na siya'y lumusong na may isang epod sa kaniyang kamay.

23:7 At nasaysay kay Saul na si David ay naparoon sa Keila. At sinabi ni Saul, Ibinigay ng Dios siya sa aking kamay; sapagka't siya'y nasarhan sa kaniyang pagpasok sa isang bayan na mayroong mga pintuang-bayan at mga halang.

23:8 At tinawag ni Saul ang buong bayan sa pakikidigma, upang lumusong sa Keila na kubkubin si David at ang kaniyang mga tao.

23:9 At naalaman ni David na nagiisip si Saul ng masama laban sa kaniya; at kaniyang sinabi kay Abiathar na saserdote, Dalhin mo rito ang epod.

23:10 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Oh Panginoon, na Dios ng Israel, tunay na nabalitaan ng iyong lingkod na pinagsisikapan ni Saul na pumaroon sa Keila, upang ipahamak ang bayan dahil sa akin.

23:11 Ibibigay ba ako ng mga tao sa Keila sa kaniyang kamay? lulusong ba si Saul ayon sa nabalitaan ng iyong lingkod? Oh Panginoon, na Dios ng Israel, idinadalangin ko sa iyo, na saysayin mo sa iyong lingkod. At sinabi ng Panginoon, Siya'y lulusong.

23:12 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Ibibigay ba ng mga tao sa Keila ako at ang aking mga tao sa kamay ni Saul? At sinabi ng Panginoon, Ibibigay ka nila.

23:13 Nang magkagayo'y si David at ang kaniyang mga tao na anim na raan, ay tumindig at umalis sa Keila, at naparoon kung saan sila makakaparoon. At nasaysay kay Saul na si David ay tumanan sa Keila, at siya'y tumigil ng paglabas.

23:14 At si David ay tumahan sa ilang sa mga katibayan, at nanira sa lupaing maburol sa ilang ng Ziph. At pinag-uusig siya ni Saul araw-araw, nguni't hindi siya ibinigay ng Dios sa kaniyang kamay.

23:15 At nakita ni David na lumalabas si Saul upang usigin ang kaniyang buhay: at si David ay nasa ilang ng Ziph sa gubat.

23:16 At si Jonathan na anak ni Saul ay bumangon, at naparoon kay David sa gubat, at pinagtibay ang kaniyang kamay sa Dios.

23:17 At sinabi niya sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka't hindi ka masusumpungan ng kamay ni Saul na aking ama; at ikaw ay magiging hari sa Israel, at ako'y magiging pangalawa mo; at nalalamang gayon ni Saul na aking ama.

23:18 At silang dalawa ay nagtipanan sa harap ng Panginoon: at si David ay tumahan sa gubat, at si Jonathan ay umuwi sa kaniyang bahay.

23:19 Nang magkagayo'y inahon ng mga Zipheo si Saul, sa Gabaa, na sinasabi, Hindi ba nagkukubli sa amin si David sa mga katibayan sa gubat, sa burol ng Hachila, na nasa timugan ng ilang?

23:20 Ngayon nga, Oh hari, lumusong ka, ayon sa buong adhika ng iyong kalooban na lumusong; at ang aming bahagi ay ibibigay sa kamay ng hari.

23:21 At sinabi ni Saul, Pagpalain nawa kayo ng Panginoon; sapagka't kayo'y nahabag sa akin.

23:22 Kayo'y yumaon, isinasamo ko sa inyo, inyong turuling maigi, at alamin at tingnan ang kaniyang kinaroroonan, at kung sino ang nakakita sa kaniya roon: sapagka't nasaysay sa akin na siya'y nagpapakatalino.

23:23 Inyo ngang tingnan, at alamin ang mga kublihang dako na kaniyang pinagtataguan, at bumalik kayo sa akin na may katunayan, at ako'y paroroong kasama ninyo: at mangyayari, kung siya'y nasa lupain, ay aking sisiyasatin siya sa gitna ng lahat ng mga libolibo sa Juda.

23:24 At sila'y tumindig at naparoon sa Ziph na nagpauna kay Saul: nguni't si David at ang kaniyang mga tao ay nasa ilang ng Maon sa Araba sa timugan ng ilang.

23:25 At si Saul at ang kaniyang mga tao ay naparoon upang pag-usigin siya. At kanilang sinaysay kay David: kaya't siya'y lumusong sa burol na bato at tumahan sa ilang ng Maon. At nang mabalitaan ni Saul, kaniyang hinabol si David sa ilang ng Maon.

23:26 At naparoon si Saul sa dakong ito ng bundok, at si David at ang kaniyang mga tao ay sa dakong yaon ng bundok: at si David ay nagmadaling umalis dahil sa takot kay Saul; sapagka't kinukubkob ni Saul at ng kaniyang mga tao si David at ang kaniyang mga tao upang sila'y hulihin.

23:27 Nguni't dumating ang isang sugo kay Saul, na nagsasabi, Magmadali ka at parito ka; sapagka't ang mga Filisteo ay sumalakay sa lupain.

23:28 Sa gayo'y bumalik si Saul na mula sa paghabol kay David, at naparoon laban sa mga Filisteo: kaya't kanilang tinawag ang dakong yaon na Sela-hammahlecoth.

23:29 At si David ay umahon mula roon, at tumahan sa mga katibayan ng En-gaddi.

24:1 At nangyari, nang si Saul ay bumalik na mula sa paghabol sa mga Filisteo, na nasaysay sa kaniya, na sinasabi, Narito, si David ay nasa ilang ng En-gaddi.

24:2 Nang magkagayo'y kumuha si Saul ng tatlong libong piling lalake sa buong Israel, at yumaong inusig si David at ang kaniyang mga lalake sa mga bundok ng maiilap na kambing.

24:3 At siya'y naparoon sa mga kulungan ng kawan sa daan, na kinaroroonan ng isang yungib; at pumasok si Saul upang takpan ang kaniyang mga paa. Si David nga at ang kaniyang mga tao ay tumatahan sa pinakaloob na bahagi ng yungib.

24:4 At sinabi ng mga tao ni David sa kaniya, Narito, ang araw na sinabi ng Panginoon sa iyo, Narito, aking ibibigay ang iyong kaaway sa iyong kamay, at iyong gagawin sa kaniya kung ano ang mabutihin mo. Nang magkagayo'y tumindig si David at pinutol na lihim ang laylayan ng balabal ni Saul.

24:5 At nangyari pagkatapos, na nagdamdam ang puso ni David, sapagka't kaniyang pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul.

24:6 At kaniyang sinabi sa kaniyang mga lalake, Huwag itulot ng Panginoon na ako'y gumawa ng ganitong bagay sa aking panginoon, na pinahiran ng langis ng Panginoon, na aking iunat ang aking kamay laban sa kaniya, yamang siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon.

24:7 Sa gayo'y pinigilan ni David ang kaniyang mga tao ng mga salitang ito, at hindi niya sila binayaang bumangon laban kay Saul. At tumindig si Saul sa yungib at nagpatuloy ng kaniyang lakad.

24:8 Si David naman ay tumindig pagkatapos, at lumabas sa yungib, at hiniyawan si Saul, na sinasabi, Panginoon ko na hari. At nang lumingon si Saul ay iniyukod ni David ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang.

24:9 At sinabi ni David kay Saul, Bakit ka nakikinig sa mga salita ng mga tao, na nagsasabi, Narito, pinagsisikapan kang saktan ni David?

24:10 Narito, nakita ngayon ng iyong mga mata kung paanong ibinigay ka ngayon ng Panginoon sa aking kamay sa yungib: at sinabi sa akin ng iba na patayin kita: nguni't hindi kita inano; at aking sinabi, Hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa aking panginoon; sapagka't siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon.

24:11 Bukod dito'y iyong tingnan, ama ko, oo, tingnan mo ang laylayan ng iyong balabal sa aking kamay: sapagka't sa pagputol ko ng laylayan ng iyong balabal ay hindi kita pinatay, talastasin mo at tingnan mo na wala kahit kasamaan o pagsalangsang man sa aking kamay, at hindi ako nagkasala laban sa iyo, bagaman iyong pinag-uusig ang aking kaluluwa upang kunin.

24:12 Hatulan tayo ng Panginoon, at ipanghiganti ako ng Panginoon sa iyo: nguni't ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay.

24:13 Gaya ng sabi ng kawikaan ng mga matanda: Sa masama magmumula ang kasamaan: nguni't ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay.

24:14 Sinong nilabas ng hari ng Israel? sinong hinahabol mo? isang patay na aso, isang kuto.

24:15 Maging hukom nga ang Panginoon, at hatulan tayo, at tingnan, at ipagsanggalang ang aking usap, at iligtas ako sa iyong kamay.

24:16 At nangyari, nang makatapos si David ng pagsasalita ng mga salitang ito kay Saul, ay sinabi ni Saul, Ito ba ang iyong tinig, anak kong David? At inilakas ni Saul ang kaniyang tinig, at umiyak.

24:17 At kaniyang sinabi kay David, Ikaw ay lalong matuwid kay sa akin: sapagka't ikaw ay gumanti sa akin ng mabuti, samantalang ikaw ay aking ginantihan ng kasamaan.

24:18 At iyong ipinakilala sa araw na ito kung paanong gumawa ka sa akin ng mabuti, sapagka't nang ibigay ako ng Panginoon sa iyong kamay, ay hindi mo ako pinatay.

24:19 Sapagka't kung masumpungan ng isang tao ang kaniyang kaaway, pababayaan ba niyang yumaong mabuti? kaya't gantihan ka nawa ng Panginoon ng mabuti dahil sa iyong ginawa sa akin sa araw na ito.

24:20 At ngayo'y narito, talastas ko na ikaw ay tunay na magiging hari, at ang kaharian ng Israel ay matatatag sa iyong kamay.

24:21 Isumpa mo nga ngayon sa akin sa pangalan ng Panginoon, na hindi mo puputulin ang aking binhi pagkamatay ko, at hindi mo papawiin ang aking pangalan sa sangbahayan ng aking magulang.

24:22 At sumumpa si David kay Saul. At si Saul ay umuwi; nguni't si David at ang kaniyang mga lalake ay umakyat sa katibayan.

25:1 At namatay si Samuel; at nagpipisan ang buong Israel, at pinanaghuyan siya, at inilibing siya sa kaniyang bahay sa Rama. At bumangon si David, at lumusong sa ilang ng Paran.

25:2 At may isang lalake sa Maon, na ang mga pag-aari ay nasa Carmelo; at ang lalake ay lubhang dakila, at siya'y mayroong tatlong libong tupa, at isang libong kambing; at kaniyang ginugupitan ng balahibo ang kaniyang tupa sa Carmelo.

25:3 Ang pangalan nga ng lalake ay Nabal; at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Abigail: at ang babae ay matalino, at may magandang pagmumukha; nguni't ang lalake ay masungit at masama sa kaniyang mga gawa; at siya'y supling sa sangbahayan ni Caleb.

25:4 At narinig ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ng balahibo ang kaniyang tupa.

25:5 At nagsugo si David ng sangpung bataan, at sinabi ni David sa mga bataan, Umahon kayo sa Carmelo, at kayo'y pumaroon kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan:

25:6 At ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya na nabubuhay na maginhawa, Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sangbahayan, at kapayapaan nawa ang suma lahat ng iyong tinatangkilik.

25:7 At ngayo'y aking narinig na ikaw ay nagpapagupit ng balahibo ng tupa; ang iyong mga pastor nga ay nasa sa amin, at hindi namin inano sila, o nagkulang man ng anomang bagay sa kanilang buong panahon na kanilang ikinaroon sa Carmelo.

25:8 Tanungin mo ang iyong mga bataan at kanilang sasaysayin sa iyo: kaya't makasumpong nawa ng biyaya sa iyong mga mata ang mga bataan; sapagka't kami ay naparito sa mabuting araw: isinasamo ko sa iyo, na ibigay mo ang anomang masumpungan mo ng iyong kamay, sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na kay David.

25:9 At nang dumating ang mga bataan ni David, kanilang sinalita kay Nabal ang ayon sa lahat ng mga salitang yaon sa pangalan ni David, at nagsitahimik.

25:10 At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, Sino si David? at sino ang anak ni Isai? maraming mga bataan ngayon sa mga araw na ito na nagsisilayas bawa't isa sa kaniyang panginoon.

25:11 Akin nga bang kukunin ang aking tinapay at ang aking tubig, at ang aking hayop na aking pinatay dahil sa aking mga manggugupit, at aking ibibigay sa mga tao na hindi ko nakikilala kung taga saan?

25:12 Sa gayo'y ang mga bataan ni David ay pumihit sa kanilang lakad, at nagsibalik, at naparoon, at isinaysay sa kaniya ang ayon sa lahat ng mga salitang ito.

25:13 At sinabi ni David sa kaniyang mga lalake, Ibigkis ng bawa't isa sa inyo ang kaniyang tabak. At nagbigkis ang bawa't isa ng kaniyang tabak; at si David ay nagbigkis din ng kaniyang tabak: at ang umahon na sumunod kay David ay may apat na raang lalake; at naiwan ang dalawang daan sa daladalahan.

25:14 Nguni't isinaysay ng isa sa mga bataan kay Abigail, na asawa ni Nabal, na sinasabi, Narito, si David ay nagsugo ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon; at kaniyang tinanggihan.

25:15 Nguni't ang mga lalake ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nagkulang man ng anomang bagay habang kami ay nakikisama sa kanila, nang kami ay nasa mga parang:

25:16 Sila'y naging kuta sa amin sa gabi at gayon din sa araw buong panahong aming ikinaroon sa kanila sa pagaalaga ng mga tupa.

25:17 Ngayon nga'y iyong alamin at dilidilihin kung ano ang iyong gagawin; sapagka't ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon, at laban sa kaniyang buong sangbahayan: sapagka't siya'y isang hamak na tao, na sinoma'y hindi makapakiusap sa kaniya.

25:18 Nang magkagayo'y nagmadali si Abigail, at kumuha ng dalawang daang tinapay, at dalawang balat ng alak, at limang handang tupa, at limang takal ng trigo na sinangag, at isang daang kumpol na pasas, at dalawang daang binilong igos, at ipinagpapasan sa mga asno.

25:19 At sinabi niya sa kaniyang mga bataan, Magpauna kayo sa akin; narito ako'y susunod sa inyo. Nguni't hindi niya isinaysay sa kaniyang asawang kay Nabal.

25:20 At nagkagayon na samantalang siya'y nakasakay sa kaniyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok na narito, si David at ang kaniyang mga lalake ay lumulusong na patungo sa kaniya, at sinalubong niya sila.

25:21 Sinabi nga ni David, Tunay na walang kabuluhang aking iningatan ang lahat na tinatangkilik ng taong yaon sa ilang, na anopa't hindi nawala ang anoman sa lahat na nauukol sa kaniya: at kaniyang iginanti sa akin ay masama sa mabuti.

25:22 Hatulan nawa ng Dios ang mga kaaway ni David, at lalo na, kung ako'y magiwan ng labis sa lahat na nauukol sa kaniya sa pagbubukang liwayway kahit isang batang lalake.

25:23 At nang makita ni Abigail si David, ay nagmadali siya, at lumunsad sa kaniyang asno, at nagpatirapa sa harap ni David at yumukod sa lupa.

25:24 At siya'y nagpatirapa sa kaniyang mga paa at nagsabi, Mapasa akin, panginoon ko, mapasa akin ang kasamaan: at isinasamo ko sa iyo na iyong papagsalitain ang iyong lingkod sa iyong mga pakinig, at iyong dinggin ang mga salita ng iyong lingkod.

25:25 Isinasamo ko sa iyo, na ang aking panginoon ay huwag makitungo sa lalaking ito na hamak, sa makatuwid baga'y kay Nabal; sapagka't kung ano ang kaniyang pangalan ay gayon siya: Nabal ang kaniyang pangalan, at ang kamangmangan ay sumasakaniya: nguni't akong iyong lingkod, hindi nakakita sa mga bataan ng aking panginoon, na iyong sinugo.

25:26 Ngayon nga, panginoon ko, buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, yamang ikaw ay pinigil ng Panginoon sa pagbububo ng dugo, at sa panghihiganti mo ng iyong sariling kamay kaya nga ang iyong mga kaaway at yaong mga umuusig ng kasamaan sa aking panginoon ay maging gaya ni Nabal.

25:27 At ngayo'y itong kaloob na dinala ng iyong lingkod sa aking panginoon ay mabigay sa mga bataan na sumusunod sa aking panginoon.

25:28 Isinasamo ko sa iyo na iyong ipatawad ang pagkasalangsang ng iyong lingkod: sapagka't tunay na gagawin ng Panginoon ang aking panginoon ng isang sangbahayan na tiwasay, sapagka't ibinabaka ng aking panginoon ang mga pagbabaka ng Panginoon; at ang kasamaan ay hindi masusumpungan sa iyo sa lahat ng iyong mga araw.

25:29 At bagaman bumangon ang isang lalake upang habulin ka, at usigin ang iyong kaluluwa, gayon ma'y ang kaluluwa ng aking panginoon ay matatali sa talian ng buhay na kasama ng Panginoon mong Dios; at ang mga kaluluwa ng iyong mga kaaway, ay pahihilagpusin niya, na parang mula sa gitna ng isang panghilagpos.

25:30 At mangyayari, pagka nagawa ng Panginoon sa aking panginoon ang ayon sa lahat ng mabuti na kaniyang sinalita tungkol sa iyo, at kaniyang naihalal ka na prinsipe sa Israel;

25:31 Na ito'y hindi magiging kalumbayan sa iyo o kutog man ng loob sa aking panginoon, maging ikaw ay nagbubo ng dugo sa walang kabuluhan, o gumanti ng sa kaniyang sarili ang aking panginoon: at pagka gumawa ang Panginoon ng mabuti sa aking panginoon, alalahanin mo nga ang iyong lingkod.

25:32 At sinabi ni David kay Abigail, Purihin nawa ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako:

25:33 At purihin nawa ang iyong kabaitan, at pagpalain ka, na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagbububo ng dugo, at sa panghihiganti ng aking sariling kamay.

25:34 Sapagka't tunay, buhay ang Panginoon, ang Dios ng Israel na siyang pumigil sa akin sa pagsakit sa iyo, kundi ka nagmadali, at pumaritong sumalubong sa akin, tunay na walang malalabi kay Nabal sa pagbubukang liwayway kahit isang batang lalake.

25:35 Sa gayo'y tinanggap ni David sa kaniyang kamay ang dinala niya sa kaniya: at sinabi niya sa kaniya, Umahon kang payapa na umuwi sa iyong bahay; tingnan mo, aking dininig ang iyong tinig, at aking tinanggap ang iyong pagkatao.

25:36 At naparoon si Abigail kay Nabal; at, narito, siya'y gumawa ng isang kasayahan sa kaniyang bahay, na gaya ng pagsasaya ng isang hari; at ang puso ni Nabal ay nagalak sa kaniyang loob, sapagka't siya'y lubhang nalango; kaya't siya'y hindi nagsaysay sa kaniya ng anoman, munti o malaki, hanggang sa pagbubukang liwayway.

25:37 At nangyari sa kinaumagahan, nang ang alak ay mapawi kay Nabal, na isinaysay ng asawa niya sa kaniya ang mga bagay na ito, at nagkasakit siya sa puso, at siya'y naging parang isang bato.

25:38 At nangyari, pagkaraan ng may sangpung araw, at sinaktan ng Panginoon si Nabal, na anopa't siya'y namatay.

25:39 At nang mabalitaan ni David na si Nabal ay namatay, ay kaniyang sinabi, Purihin nawa ang Panginoon na siyang nagsanggalang ng aking kadustaan mula sa kamay ni Nabal, at pinigil ang kaniyang lingkod sa kasamaan: at ang masamang gawa ni Nabal ay ibinalik ng Panginoon sa kaniyang sariling ulo. At nagsugo si David upang salitain kay Abigail na kunin siya na maging asawa niya.

25:40 At nang dumating ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmelo, ay kanilang sinalita sa kaniya, na sinasabi, Sinugo kami ni David sa iyo, upang kunin ka na maging asawa niya.

25:41 At siya'y bumangon at nagpatirapa sa lupa, at nagsabi, Narito, ang iyong lingkod ay isang aba upang maghugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.

25:42 At nagmadali si Abigail, at bumangon, at sumakay sa isang asno, na kasama ng limang dalaga niya na sumusunod sa kaniya; at siya'y sumunod sa mga sugo ni David, at naging kaniyang asawa.

25:43 Kinuha naman ni David si Ahinoam, na taga Jezreel; at sila'y kapuwa naging asawa niya.

25:44 Ngayo'y ibinigay ni Saul si Michal na kaniyang anak, na asawa ni David, kay Palti na anak ni Lais na taga Gallim.

26:1 At naparoon ang mga Zipheo kay Saul sa Gabaa, na nagsasabi, Hindi ba nagtatago si David sa burol ng Hachila, sa tapat ng ilang?

26:2 Nang magkagayo'y bumangon si Saul at lumusong sa ilang ng Ziph, na may tatlong libong piling lalake sa Israel na kasama niya upang hanapin si David sa ilang ng Ziph.

26:3 At humantong si Saul sa burol ng Hachila na nasa tapat ng ilang sa tabi ng daan. Nguni't si David ay tumahan sa ilang, at kaniyang nakita na sinusundan siya ni Saul sa ilang.

26:4 Nagsugo nga si David ng mga tiktik, at nalaman na tunay na dumarating si Saul.

26:5 At si David ay bumangon at naparoon sa dakong kinahahantungan ni Saul: at nakita ni David ang dakong kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kaniyang hukbo: at si Saul ay nakahiga sa dako ng mga karo, at ang bayan ay humantong sa palibot niya.

26:6 Nang magkagayo'y sumagot si David, at nagsabi kay Ahimelech na Hetheo, at kay Abisai na anak ni Sarvia, na kapatid ni Joab, na nagsasabi, Sinong lulusong na kasama ko kay Saul sa kampamento? At sinabi ni Abisai, Ako'y lulusong na kasama mo.

26:7 Sa gayo'y naparoon si David at si Abisai sa bayan sa kinagabihan: at, narito, si Saul ay nakatulog sa loob ng dako ng mga karo na dala ang kaniyang sibat na nakasaksak sa lupa sa kaniyang ulunan: at si Abner at ang bayan ay nakahiga sa palibot niya.

26:8 Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai kay David, Ibinigay ng Dios ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito: ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, na bayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko pagmamakalawahin.

26:9 At sinabi ni David kay Abisai, Huwag mong patayin siya: sapagka't sinong maguunat ng kaniyang kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon at mawawalan ng sala?

26:10 At sinabi ni David, Buhay ang Panginoon, ang Panginoon ay siyang sasakit sa kaniya; o darating ang kaniyang kaarawan upang mamatay; o siya'y lulusong sa pagbabaka, at mamamatay.

26:11 Huwag itulot ng Panginoon na aking iunat ang aking kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon: nguni't ngayo'y iyong kunin, isinasamo ko sa iyo, ang sibat na nasa kaniyang ulunan, at ang banga ng tubig, at tayo'y yumaon.

26:12 Sa gayo'y kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul; at sila'y umalis, at walang nakakita, o nakaalam man, o nagising man ang sinoman: sapagka't sila'y pawang mga tulog; sapagka't isang mahimbing na pagkakatulog ang inihulog sa kanila ng Panginoon.

26:13 Nang magkagayo'y dumaan si David sa kabilang dako, at tumayo sa taluktok ng bundok na may kalayuan; na may malaking pagitan sa kanila:

26:14 At sumigaw si David sa bayan at kay Abner na anak ni Ner, na nagsabi, Hindi ka sumasagot, Abner? Nang magkagayo'y sumagot si Abner at nagsabi, Sino kang sumisigaw sa hari?

26:15 At sinabi ni David kay Abner, Hindi ka ba matapang na lalake? at sinong gaya mo sa Israel? bakit nga hindi mo binantayan ang iyong panginoon na hari? sapagka't pumasok ang isa sa bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon.

26:16 Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Buhay ang Panginoon, kayo'y marapat na mamatay, sapagka't hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang pinahiran ng langis ng Panginoon. At ngayo'y tingnan ninyo kung saan nandoon ang sibat ng hari, at ang banga ng tubig na nasa kaniyang ulunan.

26:17 At nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, Ito ba ang tinig mo, anak kong David? At sinabi ni David, Aking tinig nga, panginoon ko, Oh hari.

26:18 At kaniyang sinabi, Bakit hinahabol ng aking panginoon ang kaniyang lingkod? sapagka't anong aking ginawa? o anong kasamaan ang nasa aking kamay?

26:19 Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, na dinggin ng aking panginoon na hari ang mga salita ng kaniyang lingkod. Kung ang Panginoon ay siyang nagudyok sa iyo laban sa akin, ay tumanggap siya ng isang handog: nguni't kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng Panginoon; sapagka't sila'y nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi ng mana sa Panginoon, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, maglingkod ka sa ibang mga dios.

26:20 Ngayon nga'y huwag ibubo ang aking dugo sa lupa sa harap ng Panginoon; sapagka't lumabas ang hari sa Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol ng isang pugo sa mga bundok.

26:21 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul, Ako'y nagkasala: bumalik ka, anak kong David: sapagka't hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagka't ang aking buhay ay mahalaga sa iyong mga mata sa araw na ito: narito, ako'y nagpakamangmang, at ako'y nagkamali ng di kawasa.

26:22 At sumagot si David at nagsabi, Tingnan mo ang sibat, Oh hari! paparituhin mo ang isa sa mga bataan at kunin.

26:23 At gagantihin ng Panginoon ang bawa't tao sa kaniyang katuwiran at sa kaniyang pagtatapat: sapagka't ibinigay ka ng Panginoon sa aking kamay ngayon, at hindi ko iniunat ang aking kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon.

26:24 At, narito, kung paanong ang iyong buhay ay mahalagang mainam sa aking paningin sa araw na ito, ay maging gayon nawang mahalagang mainam ang aking buhay sa paningin ng Panginoon, at iligtas niya nawa ako sa madlang kapighatian.

26:25 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul kay David, Pagpalain ka, anak kong David: ikaw ay gagawa na makapangyarihan, at tunay na ikaw ay mananaig. Sa gayo'y nagpatuloy si David ng kaniyang lakad, at si Saul ay bumalik sa kaniyang dako.

27:1 At nasabi ni David sa kaniyang sarili, Ako'y mamamatay isang araw sa kamay ni Saul: walang anomang bagay na mabuti sa akin kundi ang tumakas sa lupain ng mga Filisteo; at si Saul ay mawawalan ng pagasa tungkol sa akin, upang huwag na akong pag-usigin sa lahat ng mga hangganan ng Israel: sa gayo'y tatakas ako mula sa kaniyang kamay.

27:2 At si David ay bumangon at lumipat, siya at ang anim na raang lalake na nasa kaniya, kay Achis na anak ni Maoch na hari sa Gath.

27:3 At tumahan si David na kasama ni Achis sa Gath, siya at ang kaniyang mga lalake, bawa't lalake ay kasama ang kaniyang sangbahayan, sa makatuwid baga'y si David pati ng kaniyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga Jezreel at si Abigail na taga Carmelo na asawa ni Nabal.

27:4 At nasaysay kay Saul na si David ay tumakas na napatungo sa Gath: at hindi na niya pinagusig siya uli.

27:5 At sinabi ni David kay Achis, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, bigyan nila ako ng isang matatahanan sa isa sa mga bayan sa lupain, upang ako'y tumahan doon: sapagka't bakit tatahan kasama mo ang iyong lingkod sa bayan ng hari?

27:6 Nang magkagayo'y ibinigay ni Achis sa kaniya ang Siclag nang araw na yaon: kaya't ang Siclag ay nauukol sa mga hari sa Juda hanggang sa araw na ito.

27:7 At ang bilang ng mga araw na itinahan ni David sa lupain ng mga Filisteo ay isang buong taon, at apat na buwan.

27:8 At umahon si David at ang kaniyang mga lalake, at sinalakay ang mga Gesureo, at ang mga Gerzeo, at ang mga Amalecita; sapagka't ang mga yaon ay dating nangananahan sa lupain, mula nang gaya ng kung ikaw ay paroroon sa Shur, hanggang sa lupain ng Egipto.

27:9 At sinaktan ni David ang lupain, at walang iniligtas na buhay kahit lalake o babae man, at dinala ang mga tupa at ang mga baka, at ang mga asno, at ang mga kamelyo, at ang mga kasuutan; at siya'y bumalik, at naparoon kay Achis.

27:10 At sinabi ni Achis, Saan kayo sumalakay ngayon? At sinabi ni David, Laban sa Timugan ng Juda, at laban sa Timugan ng mga Jerameeliteo, at laban sa Timugan ng mga Cineo.

27:11 At walang iniligtas na buhay si David kahit ng lalake o ng babae man, upang dalhin sa Gath, na sinasabi, Baka sila'y magsumbong laban sa atin, na sabihin, Ganoon ang ginawa ni David, at gayon ang kaniyang paraan sa buong panahon na kaniyang itinahan sa lupain ng mga Filisteo.

27:12 At naniwala si Achis kay David, na nagsasabi, Kaniyang ginawa na ang kaniyang bayang Israel ay lubos na nakayayamot sa kaniya: kaya't siya'y magiging aking lingkod magpakailan man.

28:1 At nangyari sa mga araw na yaon, na pinisan ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo sa pakikidigma upang lumaban sa Israel. At sinabi ni Achis kay David, Talastasin mong maigi na ikaw ay lalabas na kasama ko sa hukbo, ikaw at ang inyong mga lalake.

28:2 At sinabi ni David kay Achis, Kaya't iyong nalalaman kung anong gagawin ng iyong lingkod. At sinabi ni Achis kay David, Kaya't gagawin kitang bantay sa aking ulo magpakailan man.

28:3 Si Samuel nga ay namatay, at pinanaghuyan ng buong Israel at inilibing siya sa Rama, sa makatuwid baga'y sa kaniyang sariling bayan. At pinalayas ni Saul sa lupain, yaong mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula.

28:4 At nagpipisan ang mga Filisteo, at naparoon at humantong sa Sunam: at pinisan ni Saul ang buong Israel, at sila'y humantong sa Gilboa.

28:5 At nang makita ni Saul ang hukbo ng mga Filisteo, siya'y natakot, at ang kaniyang puso ay nanginig na mainam.

28:6 At nang magusisa si Saul sa Panginoon, ay hindi siya sinagot ng Panginoon, maging sa panaginip man, ni sa Urim man, ni sa pamamagitan man ng mga propeta.

28:7 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang mga lingkod, Ihanap ninyo ako ng isang babae na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, upang ako'y pumaroon sa kaniya, at magusisa sa kaniya. At sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya. Narito, may isang babae na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu sa Endor.

28:8 At hindi napakilala si Saul, at nagsuot ng ibang kasuutan, at naparoon siya at ang dalawang lalake na kasama niya, at sila'y dumating sa babae nang kinagabihan: at kaniyang sinabi, Hulaan mo ako isinasamo ko sa iyo, sa pamamagitan ng sinasanggunian mong espiritu, at iahon mo sa akin sinomang banggitin ko sa iyo.

28:9 At sinabi ng babae sa kaniya, Narito, iyong nalalaman ang ginawa ni Saul, kung paanong kaniyang inihiwalay yaong mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, sa lupain: bakit nga ipinaglalagay mo ng silo ang aking buhay, upang ipapatay ako?

28:10 At sumumpa si Saul sa kaniya sa pamamagitan ng Panginoon, na sinasabi, Buhay ang Panginoon, walang parusang mangyayari sa iyo dahil sa bagay na ito.

28:11 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, Sinong iaahon ko sa iyo? At kaniyang sinabi, Iahon mo si Samuel sa akin.

28:12 At nang makita ng babae si Samuel, ay sumigaw ng malakas na tinig at nagsalita ang babae kay Saul, na sinasabi, Bakit mo ako dinaya? sapagka't ikaw ay si Saul.

28:13 At sinabi ng hari sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka't anong iyong nakikita? At sinabi ng babae kay Saul, Aking nakikita'y isang dios na lumilitaw sa lupa.

28:14 At kaniyang sinabi sa kaniya, Ano ang kaniyang anyo? At sinabi niya, Isang matandang lalake ay lumilitaw; at siya'y nabibilot ng isang balabal. At nakilala ni Saul, na si Samuel, at siya'y yumukod sa lupa, at nagbigay galang.

28:15 At sinabi ni Samuel kay Saul, Bakit mo binagabag ako sa aking pagahon? At sumagot si Saul, Ako'y totoong naliligalig; sapagka't ang mga Filisteo ay nangdidigma laban sa akin, at ang Dios ay humiwalay sa akin, at hindi na ako sinasagot, kahit sa pamamagitan ng mga propeta, ni ng panaginip man: kaya tinawag kita, upang maipakilala mo sa akin kung ano ang aking gagawin.

28:16 At sinabi ni Samuel, Bakit nga nagtatanong ka sa akin, dangang ang Panginoon ay humiwalay sa iyo, at naging iyong kaaway?

28:17 At ginawa ng Panginoon ang gaya ng sinalita niya sa pamamagitan ko: at inihiwalay ng Panginoon ang kaharian sa iyong kamay, at ibinigay sa iyong kapuwa, sa makatuwid baga'y kay David.

28:18 Sapagka't hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, at hindi mo ginawa ang kaniyang mabagsik na galit sa Amalec, kaya't ginawa ng Panginoon ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito.

28:19 Bukod dito'y ibibigay ng Panginoon ang Israel naman na kalakip mo sa kamay ng mga Filisteo: at bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay masasama sa akin: ibibigay naman ng Panginoon ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.

28:20 Nang magkagayo'y biglang nabulagta si Saul sa lupa, at siya'y natakot na mainam, dahil sa mga salita ni Samuel; at nawalan siya ng lakas; sapagka't hindi siya kumain ng tinapay buong araw, ni buong gabi man.

28:21 At naparoon ang babae kay Saul at nakita na siya'y totoong bagabag, at sinabi sa kaniya, Narito, narinig ng iyong lingkod ang iyong tinig, at aking inilagay ang aking buhay sa aking kamay, at aking dininig ang iyong mga salita na iyong sinalita sa akin.

28:22 Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, iyong dinggin naman ang tinig ng iyong lingkod, at papaglagyin mo ako ng isang subo na tinapay sa harap mo; at iyong kanin upang ikaw ay lumakas, paglakad mo ng iyong lakad.

28:23 Nguni't siya'y tumanggi at nagsabi, Hindi ako kakain. Nguni't ipinilit ng kaniyang mga lingkod na pati ng babae; at dininig niya ang kanilang tinig. Sa gayo'y siya'y bumangon sa lupa, ay umupo sa higaan.

28:24 At ang babae ay mayroong isang matabang guyang baka sa bahay; at siya'y nagmadali, at pinatay niya; at siya'y kumuha ng harina at kaniyang minasa, at kaniyang niluto na tinapay na walang lebadura;

28:25 At kaniyang dinala sa harap ni Saul, at sa harap ng kaniyang mga lingkod; at sila'y kumain. Nang magkagayo'y sila'y bumangon, at umalis nang gabing yaon.

29:1 Pinisan nga ng mga Filisteo ang lahat nilang hukbo sa Aphec: at ang mga taga Israel ay humantong sa bukal na nasa Jezreel.

29:2 At ang mga pangulo ng mga Filisteo ay nagdadaan na mga daan daan, at mga libolibo: at si David at ang kaniyang mga tao ay nagdadaan sa mga huli na kasama ni Achis.

29:3 Nang magkagayo'y sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo, Ano ang mga Hebreong ito? At sumagot si Achis sa mga prinsipe ng mga Filisteo, Hindi ba ito ay si David na lingkod ni Saul na hari sa Israel na napasa akin ng mga araw na ito, o ng mga taong ito, at hindi ako nakasumpong ng anomang kakulangan sa kaniya mula nang siya'y lumapit sa akin hanggang sa araw na ito?

29:4 Nguni't ang mga prinsipe ng mga Filisteo ay nagalit sa kaniya; at sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo sa kaniya, Pabalikin mo ang taong iyan, upang siya'y bumalik sa kaniyang dako na iyong pinaglagyan sa kaniya, at huwag mong pababain na kasama natin sa pakikipagbaka, baka sa pagbabaka ay maging kaaway natin siya: sapagka't paanong makikipagkasundo ito sa kaniyang panginoon? hindi ba sa pamamagitan ng mga ulo ng mga taong ito?

29:5 Hindi ba ito ang David na siyang kanilang pinagaawitanan sa mga sayaw, na sinasabi, Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo, At ni David ang kaniyang laksalaksa?

29:6 Nang magkagayo'y tinawag ni Achis si David, at sinabi sa kaniya, Buhay ang Panginoon, ikaw ay matuwid, at ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok na kasama ko sa hukbo ay mabuti sa aking paningin: sapagka't hindi ako nakasumpong ng kasamaan sa iyo mula sa araw ng iyong pagdating sa akin hanggang sa araw na ito: gayon ma'y hindi ka kinalulugdan ng mga pangulo.

29:7 Kaya't ngayo'y ikaw ay bumalik at yumaong payapa, upang huwag kang kagalitan ng mga pangulo ng mga Filisteo.

29:8 At sinabi ni David kay Achis, Nguni't anong aking ginawa? at anong iyong nasumpungan sa iyong lingkod habang ako'y nasa sa harap mo hanggang sa araw na ito, upang ako'y huwag yumaon at lumaban sa mga kaaway ng aking panginoon na hari?

29:9 At sumagot si Achis, at sinabi kay David, Talastas ko na ikaw ay mabuti sa aking paningin, na gaya ng isang anghel ng Dios: gayon ma'y sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo. Hindi siya aahon na kasama natin sa pakikipagbaka.

29:10 Kaya't bumangon kang maaga sa kinaumagahan na kasama ng mga lingkod ng iyong panginoon na naparitong kasama mo; at pagbangon ninyong maaga sa kinaumagahan, at pagliliwanag ay yumaon kayo.

29:11 Sa gayo'y bumangong maaga si David, siya at ang kaniyang mga lalake, upang yumaon sa kinaumagahan, na bumalik sa lupain ng mga Filisteo. At ang mga Filisteo ay umahon sa Jezreel.

30:1 At nangyari, nang si David at ang kaniyang mga lalake ay dumating sa Siclag, sa ikatlong araw, na ang mga Amalecita ay sumalakay sa Timugan, at sa Siclag, at sinaktan ang Siclag, at sinunog ng apoy;

30:2 At dinalang bihag ang mga babae at lahat na nandoon, ang maliliit at gayon din ang malalaki; hindi nila pinatay ang sinoman, kundi kanilang pinagdadala, at nagpatuloy ng kanilang lakad.

30:3 At nang si David at ang kaniyang mga lalake ay dumating sa bayan, narito, sinunog ng apoy; at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak na lalake at babae ay pinagdadalang bihag.

30:4 Nang magkagayo'y si David at ang bayan na nasa kaniya ay naglakas ng tinig, at umiyak, hanggang sa sila'y nawalan ng lakas na umiyak.

30:5 At ang dalawang asawa ni David ay nabihag, si Ahinoam na taga Jezreel, at si Abigail, na asawa ni Nabal, na taga Carmelo.

30:6 At nagdalamhating totoo si David, sapagka't pinagsasalitaan ng bayan na batuhin siya, sapagka't ang kaluluwa ng buong bayan ay pumanglaw, bawa't tao dahil sa kanikaniyang mga anak na lalake at babae; nguni't si David ay nagpakatibay sa Panginoon niyang Dios.

30:7 At sinabi ni David kay Abiathar na saserdote, na anak ni Ahimelech, Isinasamo ko sa iyo na dalhin mo rito ang epod. At dinala doon ni Abiathar ang epod kay David.

30:8 At sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, Kung aking habulin ang pulutong na ito, ay akin kayang aabutan sila? At sinagot niya siya, Iyong habulin: sapagka't tunay na iyong aabutan, at walang pagsalang mababawi mo ang lahat.

30:9 Sa gayo'y yumaon si David, siya at ang anim na raang lalake na kasama niya, at naparoon sa batis ng Besor, na kinaroroonan niyaong mga naiwan sa likuran.

30:10 Nguni't hinabol ni David, niya at ng apat na raang lalake: sapagka't ang dalawang daan natira sa likuran, na mga pata na hindi na nakatawid sa batis ng Besor:

30:11 At sila'y nakasumpong ng isang taga Egipto sa parang, at dinala nila siya kay David, at binigyan nila siya ng tinapay, at kumain: at binigyan nila siya ng tubig na mainom:

30:12 At binigyan nila siya ng isang putol ng binilong igos, at dalawang buwig na ubas; at nang kaniyang makain, ang kaniyang diwa ay nagsauli uli sa kaniya: sapagka't hindi siya nakakain ng tinapay o nakainom man ng tubig, na tatlong araw at tatlong gabi.

30:13 At sinabi ni David sa kaniya, Kanino ka ba nauukol? at taga saan ka? At sinabi niya, Ako'y isang binatang taga Egipto, bataan ng isang Amalecita; at iniwan ako ng aking panginoon, sapagka't tatlong araw na ako'y nagkasakit.

30:14 Kami ay sumalakay sa Timugan ng mga Ceretheo, at sa nauukol sa Juda, at sa Timugan ng Caleb; at aming sinunog ng apoy ang Siclag.

30:15 At sinabi ni David sa kaniya, Ilulusong mo ba ako sa pulutong na ito? At kaniyang sinabi, Ipanumpa mo sa akin ang Dios, hindi mo ako papatayin, o ibibigay man sa mga kamay ng aking panginoon, at aking ilulusong ka sa pulutong na ito.

30:16 At nang kaniyang mailusong, narito, sila'y nangangalat sa buong lupa, na nagkakainan at nagiinuman, at nagkakasayahan, dahil sa lahat na malaking samsam na kanilang nakuha sa lupain ng mga Filisteo, at sa lupain ng Juda.

30:17 At sinaktan ni David sila mula sa pagtatakip silim hanggang sa paglubog ng araw sa sumunod na araw: at walang taong nakatanan sa kanila liban sa apat na raang bataan na nakasakay sa mga kamelyo at tumakas.

30:18 At binawi ni David ang lahat na nakuha ng mga Amalecita: at iniligtas ni David ang kaniyang dalawang asawa.

30:19 At walang nagkulang sa kanila, kahit maliit o malaki man, kahit mga anak na lalake o babae man, kahit samsam man, kahit anomang bagay na nakuha nila sa kanila: ibinalik na lahat ni David.

30:20 At kinuha ni David ang lahat ng kawan at bakahan, na kanilang dinala na nasa unahan niyaong mga ibang hayop, at sinabi, Ito'y samsam ni David.

30:21 At naparoon si David sa dalawang daang lalake, na totoong mga pata na hindi nangakasunod kay David, na kanila namang pinatahan sa batis ng Besor; at sila'y lumabas upang salubungin si David, at upang salubungin ang mga taong kasama niya: at nang lumapit si David sa bayan, siya'y bumati sa kanila.

30:22 Nang magkagayo'y sumagot ang lahat ng masamang tao, at mga tao na hamak, sa mga yumaong kasama ni David, at nagsabi, Sapagka't hindi sila yumaong kasama namin, hindi namin bibigyan sila ng samsam na aming nabawi, liban sa bawa't lalake ay ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, upang kanilang dalhin, at yumaon.

30:23 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Huwag ninyong gagawing gayon, mga kapatid ko, sa ibinigay sa atin ng Panginoon, na siyang nagadya sa atin, at nagbigay sa ating kamay ng pulutong na naparito laban sa atin.

30:24 At sino ang didinig sa inyo sa bagay na ito? sapagka't kung gaano ang bahagi ng lumusong sa pakikipagbaka, ay gayon ang bahagi ng naiwan sa daladalahan: sila'y paraparang magkakabahagi.

30:25 At nagkagayon, na mula sa araw na yaon, na siya'y gumawa ng isang palatuntunan at ayos sa Israel, hanggang sa araw na ito.

30:26 At nang dumating si David sa Siclag, siya'y nagpadala ng mga samsam sa mga matanda sa Juda, sa makatuwid baga'y sa kaniyang mga kaibigan, na sinasabi, Narito, ang isang kaloob sa inyo na mula sa samsam sa mga kaaway ng Panginoon;

30:27 Sa kanila na nasa Beth-el, at sa kanila na nasa Ramoth ng Timugan, at sa kanila na nasa Jathir;

30:28 At sa kanila na nasa Aroer, at sa kanila na nasa Siphmoth, at sa kanila na nasa Esthemoa;

30:29 At sa kanila na nasa Rachal, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga Jerameelita, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga Cineo;

30:30 At sa kanila na sa Horma, at sa kanila na nasa Chorasan, at sa kanila na nasa Athach;

30:31 At sa kanila na nasa Hebron, at sa lahat na dako na karaniwang pinaroroonan ni David at ng kaniyang mga lalake.

31:1 Ang mga Filisteo nga ay lumaban sa Israel: at ang mga lalake sa Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at nangabuwal na patay sa bundok ng Gilboa.

31:2 At hinabol ng panunod ng mga Filisteo si Saul at ang kaniyang mga anak; at pinatay ng mga Filisteo si Jonathan, at si Abinadab, at si Melchisua, na mga anak ni Saul.

31:3 At ang pagbabaka ay lumubha laban kay Saul, at inabutan siya ng mga mamamana; at siya'y totoong nahirapan dahil sa mga mamamana.

31:4 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang tagadala ng sandata, Bunutin mo ang iyong tabak at palagpasan mo ako niyaon; baka dumating ang mga hindi tuling ito at ako'y palagpasan, at ako'y kanilang pahirapan. Nguni't ayaw ang kaniyang tagadala ng sandata; sapagka't siya'y totoong natakot. Kaya't kinuha ni Saul ang kaniyang tabak, at nagpakabuwal sa kaniyang tabak.

31:5 At nang makita ng kaniyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay, siya naman ay nagpakabuwal sa kaniyang tabak, at nagpakamatay na kasama niya.

31:6 Gayon namatay si Saul, at ang kaniyang tatlong anak, at ang kaniyang tagadala ng sandata, at ang lahat niyang mga lalake nang araw na yaon na magkakasama.

31:7 At nang makita ng mga lalake sa Israel na nasa kabilang dako ng libis, at ng mga nasa dako roon ng Jordan, na ang mga lalake sa Israel ay tumakas, at si Saul at ang kaniyang mga anak ay namatay, kanilang iniwan ang mga bayan, at nagsitakas; at naparoon ang mga Filisteo, at tumahan sa mga yaon.

31:8 At nangyari nang kinabukasan nang ang mga Filisteo ay dumating upang hubaran ang mga patay, ay kanilang nasumpungan si Saul at ang kaniyang tatlong anak na nabuwal sa bundok ng Gilboa.

31:9 At kanilang pinugot ang kaniyang ulo, at hinubad ang kaniyang mga sakbat, at ipinadala sa lupain ng mga Filisteo sa palibot upang ibalita sa mga bahay ng kanilang mga diosdiosan at sa bayan.

31:10 At kanilang inilagay ang kaniyang sakbat, sa bahay ni Astaroth: at kanilang ibinitin ang bangkay niya sa kuta ng Beth-san.

31:11 At nang mabalitaan ng mga tumatahan sa Jabes-galaad ang tungkol sa ginawa ng mga Filisteo kay Saul,

31:12 Lahat ng matapang na lalake ay bumangon at nagsilakad sa buong gabi at kinuha ang bangkay ni Saul at ang mga bangkay ng kaniyang mga anak sa kuta ng Beth-san; at sila'y naparoon sa Jabes, at kanilang pinagsunog doon.

31:13 At kanilang kinuha ang kanilang mga buto at ibinaon sa ilalim ng isang puno ng tamarisko sa Jabes, at nagayuno silang pitong araw.


Next: 2 Samuel