Sacred Texts  Bible  World Bible  Index  Previous  Next 

Tagalog Bible: 1 Timothy

1:1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pagasa;

1:2 Kay Timoteo na aking tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, kahabagan, at kapayapaan nawang mula sa Dios na Ama at kay Jesucristo na Panginoon natin.

1:3 Kung paanong ipinamanhik ko sa iyo na ikaw ay matira sa Efeso, nang pumaparoon ako sa Macedonia, upang maipagbilin mo sa ilang tao na huwag magsipagturo ng ibang aral,

1:4 Ni huwag makinig sa mga katha at sa mga kasaysayan ng mga lahi na walang katapusan, na pinanggagalingan ng pagtatalo, at hindi ng pagkakatiwalang mula sa Dios na nasa pananampalataya; ay gayon din ang ipinamamanhik ko ngayon.

1:5 Nguni't ang kinauuwian ng bilin ay ang pagibig na nagbubuhat sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi paimbabaw:

1:6 Na pagkasinsay ng iba sa mga bagay na ito ay nagsibaling sa walang kabuluhang pananalita;

1:7 Na nagsisipagnasang maging mga guro ng kautusan, bagaman di nila natatalastas kahit ang kanilang sinasabi, kahit ang kanilang buong tiwalang pinatutunayan.

1:8 Datapuwa't nalalaman natin na ang kautusan ay mabuti, kung ginagamit ng tao sa matuwid,

1:9 Yamang nalalaman ito, na ang kautusan ay hindi ginawa dahil sa taong matuwid, kundi sa mga walang kautusan at manggugulo, dahil sa masasama at mga makasalanan, dahil sa mga di banal at mapaglapastangan, dahil sa nagsisipatay sa ama at sa nagsisipatay sa ina, dahil sa mga mamamatay-tao,

1:10 Dahil sa mga nakikiapid, dahil sa mga mapakiapid sa kapuwa lalake, dahil sa mga nagnanakaw ng tao, dahil sa mga bulaan, dahil sa mga mapagsumpa ng kabulaanan, at kung mayroon pang ibang bagay laban sa mabuting aral;

1:11 Ayon sa evangelio ng kaluwalhatian ng mapagpalang Dios, na ipinagkatiwala sa akin.

1:12 Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka't ako'y inari niyang tapat, na ako'y inilagay sa paglilingkod sa kaniya;

1:13 Bagaman nang una ako'y naging mamumusong, at manguusig; at mangaalipusta: gayon ma'y kinahabagan ako, sapagka't yao'y ginawa ko sa di pagkaalam sa kawalan ng pananampalataya;

1:14 At totoong sumagana ang biyaya ng ating Panginoon na nasa pananampalataya at pagibig na pawang kay Cristo Jesus.

1:15 Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangulo sa mga ito;

1:16 Gayon ma'y dahil dito, kinahabagan ako, upang sa akin na pangulong makasalanan, ay maipahayag ni Jesucristo ang buong pagpapahinuhod niya, na halimbawa sa mga magsisisampalataya sa kaniya, sa ikabubuhay na walang hanggan.

1:17 Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa.

1:18 Ang biling ito ay ipinagtatagubilin ko sa iyo, Timoteo na aking anak, ayon sa mga hula na nangauna tungkol sa iyo, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka;

1:19 Na ingatan mo ang pananampalataya at ang mabuting budhi; na nang ito'y itakuwil ng iba sa kanila ay nangabagbag tungkol sa pananampalataya:

1:20 Na sa mga ito'y si Himeneo at si Alejandro; na sila'y aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag mamusong.

2:1 Una-una nga sa lahat ng mga bagay, ay iniaaral ko na manaing, manalangin, mamagitan, at magpasalamat na patungkol sa lahat ng mga tao;

2:2 Ang mga hari at ang lahat ng nangasa mataas na kalagayan; upang tayo'y mangabuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at kahusayan.

2:3 Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas;

2:4 Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.

2:5 Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,

2:6 Na ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan;

2:7 Na dito'y itinalaga ako na tagapangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan, hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan.

2:8 Ibig ko ngang ang mga tao'y magsipanalangin sa bawa't dako, na iunat ang mga kamay na banal, na walang galit at pakikipagtalo.

2:9 Gayon din naman, na ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at ginto o perlas o damit na mahalaga;

2:10 Kundi (siyang nararapat sa mga babae na magpakabanal) sa pamamagitan ng mabubuting gawa.

2:11 Ang babae'y magaral na tumahimik na may buong pagkapasakop.

2:12 Nguni't hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalake, kundi tumahimik.

2:13 Sapagka't si Adam ay siyang unang nilalang, saka si Eva;

2:14 At si Adam ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagsalangsang;

2:15 Nguni't ililigtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y magsisipamalagi sa pananampalataya at pagibig at sa pagpapakabanal na may hinahon.

3:1 Tapat ang pasabi, Kung ang sinoman ay magsisikap na maging obispo, ay mabuting gawa ang ninanasa.

3:2 Dapat nga na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae, mapagpigil, mahinahon ang pagiisip, mahusay, mapagpatuloy, sapat na makapagturo;

3:3 Hindi magulo, hindi palaaway, kundi malumanay, hindi mapakipagtalo, hindi maibigin sa salapi;

3:4 Namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sangbahayan, na sinusupil ang kaniyang mga anak na may buong kahusayan;

3:5 (Nguni't kung ang sinoman nga ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sangbahayan paanong makapamamahala sa iglesia ng Dios?)

3:6 Hindi baguhan, baka siya kung magpalalo ay mahulog sa kaparusahan ng diablo.

3:7 Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo ng nangasa labas, baka mahulog sa kapintasan at silo ng diablo.

3:8 Gayon din naman ang mga diakono dapat ay mahuhusay, hindi dalawang dila, hindi mahilig sa maraming alak, hindi mga sakim sa mahahalay na kapakinabangan;

3:9 Na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya ng malinis na budhi.

3:10 At ang mga ito rin naman ay subukin muna; kung magkagayo'y mamahalang may pagka diakono, kung walang kapintasan.

3:11 Gayon din naman ang mga babae dapat ay mahuhusay, hindi palabintangin, mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay.

3:12 Maging asawa ang mga diakono ng tigiisa lamang na babae, na pamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sangbahayan.

3:13 Sapagka't ang nangamamahalang mabuti sa pagka diakono, ay nangagtatamo sa kanilang sarili ng isang mabuting kalagayan, at malaking katapangan sa pananampalataya na kay Cristo Jesus.

3:14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na inaasahang makararating sa iyong madali;

3:15 Nguni't kung ako'y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan.

3:16 At walang pagtatalo, dakila ang hiwaga ng kabanalan; Yaong nahayag sa laman, Pinapaging-banal sa espiritu, Nakita ng mga anghel, Ipinangaral sa mga bansa, Sinampalatayanan sa sanglibutan, Tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.

4:1 Nguni't hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio,

4:2 Sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsisipagsalita ng mga kasinungalingan, na hinerohan ang kanilang mga sariling budhi ng waring bakal na nagbabaga;

4:3 Na ipinagbabawal ang pagaasawa, at ipinaguutos na lumayo sa mga lamangkati, na nilalang ng Dios upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nagsisisampalataya at nangakakaalam ng katotohanan.

4:4 Sapagka't ang bawa't nilalang ng Dios ay mabuti, at walang anomang nararapat na itakuwil, kung tinatanggap na may pagpapasalamat:

4:5 Sapagka't pinakababanal sa pamamagitan ng salita ng Dios at ng pananalangin.

4:6 Kung ipaalaala mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting ministro ni Cristo Jesus, na kinandili sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na sinusunod mo hanggang ngayon:

4:7 Datapuwa't itakuwil mo ang mga kathang masasama at walang kabuluhan. At magsanay ka sa kabanalan:

4:8 Sapagka't sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, nguni't ang kabanalang sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan, na may pangako sa buhay na ito, at sa darating.

4:9 Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat.

4:10 Sapagka't dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap, sapagka't may pagasa kami sa Dios na buhay, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya.

4:11 Ang mga bagay na ito'y iyong iutos at ituro.

4:12 Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.

4:13 Hanggang ako'y pumariyan ay magsikap ka sa pagbasa, sa pangangaral, sa pagtuturo.

4:14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng hula, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng mga presbitero.

4:15 Magsipag ka sa mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito; upang ang iyong pagkasulong ay mahayag sa lahat.

4:16 Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka't sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo.

5:1 Huwag mong pagwikaan ang matanda, kundi pangaralan mo siyang tulad sa ama; ang mga kabataang lalake na tulad sa mga kapatid:

5:2 Ang mga babaing matatanda na tulad sa mga ina; at ang mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisan.

5:3 Papurihan mo ang mga babaing bao na tunay na bao.

5:4 Nguni't kung ang sinomang babaing bao ay may mga anak o mga apo, magsipagaral ang mga ito muna ng pamamahalang may kabanalan sa kanilang sariling sangbahayan, at magsiganti sa kanilang mga magulang: sapagka't ito'y nakalulugod sa paningin ng Dios.

5:5 Kaya't ang tunay na babaing bao at walang nagaampon, ay may pagasa sa Dios, at nananatili sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw.

5:6 Datapuwa't ang nangagpapakabuyo sa mga kalayawan, bagama't buhay ay patay.

5:7 Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman, upang sila'y mawalan ng kapintasan.

5:8 Datapuwa't kung ang sinoman ay hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sangbahayan, ay tumanggi siya sa pananampalataya at lalong masama kay sa hindi sumasampalataya.

5:9 Huwag itala na gaya ng babaing bao samantalang walang anim na pung taon, na naging asawa ng isang lalake,

5:10 Na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; kung siya'y nagalaga sa mga anak, kung siya'y nagpatuloy sa mga taga ibang bayan, kung siya'y naghugas ng mga paa ng mga banal, kung siya'y umabuloy sa mga napipighati, kung ginanap niya na may kasipagan ang bawa't mabuting gawa.

5:11 Nguni't tanggihan mo ang mga batang babaing bao: sapagka't pagkakaroon nila ng masamang pita na hiwalay kay Cristo, ay nagsisipagnasang magasawa;

5:12 Na nagkakaroon ng kahatulan, sapagka't itinakuwil nila ang unang pananampalataya.

5:13 At bukod dito ay nangagaaral din naman na maging mga tamad, na nagpapalipatlipat sa bahay-bahay; at hindi lamang mga tamad, kundi matatabil din naman at mga mapakialam, na nagsisipagsalita ng mga bagay na di nararapat.

5:14 Ibig ko ngang magsipagasawa ang mga batang babaing bao, magsipanganak, magsipamahala ng sangbahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anomang pagkadahilanan ng ikalilibak:

5:15 Sapagka't ang mga iba'y nagsibaling na sa hulihan ni Satanas.

5:16 Kung ang sinomang babaing nanampalataya ay may inaampong mga babaing bao, ay umabuloy sa kanila, at huwag pabigatan ang iglesia, upang maabuluyan nito ang mga tunay na bao.

5:17 Ang mga matanda na nagsisipamahalang mabuti ay ariing may karapatan sa ibayong kapurihan, lalong lalo na ang mga nangagpapagal sa salita at sa pagtuturo.

5:18 Sapagka't sinasabi ng kasulatan, Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik. At, ang nagpapagal ay karapatdapat sa kaupahan sa kaniya.

5:19 Laban sa matanda ay huwag kang tatanggap ng sumbong, maliban sa dalawa o tatlong saksi.

5:20 Sila na mga nagkakasala ay paalalahanan mo sa harapan ng lahat upang ang iba nama'y mangatakot.

5:21 Pinagbibilinan kita sa paningin ng Dios, at ni Cristo Jesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong ganapin ang mga bagay na ito na walang pagtatangi na huwag mong gagawin ang anomang pagayo.

5:22 Huwag mong ipatong na madalian ang iyong mga kamay sa kanino man, ni huwag kang makaramay sa mga kasalanan ng iba: ingatan mong malinis ang iyong sarili.

5:23 Huwag kang iinom pa ng tubig lamang, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong sikmura at sa iyong madalas na pagkakasakit.

5:24 Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag na, na nagsisipanguna sa paghukom: at ang ilang mga tao naman ay kanilang sinusundan.

5:25 Gayon din naman ang mabubuting gawa ay hayag: at ang mga di gayo'y hindi maaaring ilihim.

6:1 Ang lahat ng mga alipin na nangasa ilalim ng pamatok ay ariin ang kanilang mga panginoon na karapatdapat sa buong kapurihan, upang ang pangalan ng Dios at ang aral ay huwag malapastangan.

6:2 At ang mga may panginoong nagsisisampalataya, ay huwag mayamot sa kanila, sapagka't sila'y pawang magkakapatid; kundi bagkus paglingkuran nila silang mabuti, sapagka't nagsisipanampalataya at mga minamahal ang mga nagsisitanggap ng kapakinabangan. Iyong ituro at iaral ang mga bagay na ito.

6:3 Kung ang sinoma'y nagtuturo ng ibang aral, at hindi sumasangayon sa mga salitang nakagagaling, sa makatuwid ay sa mga salita ng ating Panginoong Jesucristo, at sa aral na ayon sa kabanalan;

6:4 Ang gayon ay palalo, walang nalalamang anoman, kundi may-sakit sa mga usapan at mga pagtatalo, sa mga salitang pinagbubuhatan ng kapanaghilian, mga pagkakaalit, mga pagalipusta, mga masasamang akala.

6:5 Pagtataltalan ng mga taong masasama ang pagiisip at salat sa katotohanan, na nagsisipagakala na ang kabanalan ay paraan ng pakinabang.

6:6 Datapuwa't ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking kapakinabangan:

6:7 Sapagka't wala tayong dinalang anoman sa sanglibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anoman;

6:8 Nguni't kung tayo'y may pagkain at pananamit ay masisiyahan na tayo doon.

6:9 Datapuwa't ang mga nagsisipagnasang yumaman, ay nangahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang hangal at nakasasama, na siyang naglulubog sa mga tao sa kapahamakan at kamatayan.

6:10 Sapagka't ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na sa pagnanasa ng iba ay nangasinsay sa pananampalataya, at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming mga kalumbayan.

6:11 Datapuwa't ikaw, Oh tao, ng Dios, tumakas ka sa mga bagay na ito, at sumunod ka sa katuwiran, sa kabanalan, sa pananampalataya, sa pagibig, sa pagtitiis, sa kaamuan.

6:12 Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya, manangan ka sa buhay na walang hanggan, na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi.

6:13 Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios na bumubuhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus, na sa harapan ni Poncio Pilato ay sumaksi ng mabuting pagpapahayag;

6:14 Na tuparin mo ang utos, na walang dungis, walang kapintasan hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesucristo:

6:15 Na sa kaniyang kapanahunan ay ipahahayag siya, na mapalad at tanging Makapangyarihan Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon;

6:16 Na siya lamang ang walang kamatayan, na nananahan sa liwanag na di malapitan; na di nakita ng sinomang tao, o makikita man: sumakaniya nawa ang kapurihan at paghaharing walang hanggan. Siya nawa.

6:17 Ang mayayaman sa sanglibutang ito, ay pagbilinan mo na huwag magsipagmataas ng pagiisip, at huwag umasa sa mga kayamanang di nananatili, kundi sa Dios na siyang nagbibigay sa ating sagana ng lahat ng mga bagay upang ating ikagalak;

6:18 Na sila'y magsigawa ng mabuti, na sila'y magsiyaman sa mabuting gawa, na sila'y maging handa sa pamimigay, maibigin sa pamamahagi;

6:19 Na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila'y makapanangan sa buhay na tunay na buhay.

6:20 Oh Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na ilagan mo ang mga usapan na walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng maling tawag na kaalaman;

6:21 Na palibhasa'y pinaniwalaan ng ilan ay nangasinsay tungkol sa pananampalataya. Ang biyaya ay sumainyo nawa.


Next: 2 Timothy