Sacred Texts  Bible  World Bible  Index  Previous  Next 

Tagalog Bible: Deuteronomy

1:1 Ito ang mga salita na sinalita ni Moises sa buong Israel sa dako roon ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suph, sa pagitan ng Paran, at ng Thopel, at ng Laban, at ng Haseroth, at ng Di-zahab.

1:2 Labing isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung dadaan ng bundok ng Seir hanggang sa Cades-barnea.

1:3 At nangyari nang ikaapat na pung taon, nang ikalabing isang buwan, nang unang araw ng buwan, na nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel, tungkol sa lahat na ibinigay sa kaniyang utos ng Panginoon sa kanila;

1:4 Pagkatapos na kaniyang masaktan si Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumatahan sa Hesbon, at si Og na hari sa Basan, na tumatahan sa Astarot sa Edrei:

1:5 Sa dako roon ng Jordan, sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipinahayag ang kautusang ito, na sinasabi,

1:6 Ang Panginoon nating Dios ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, Kayo'y nakatahan ng malaon sa bundok na ito:

1:7 Pumihit kayo, at kayo'y maglakbay, at kayo'y pumaroon sa lupaing maburol ng mga Amorrheo, at sa lahat ng mga dakong malapit, sa Araba, sa lupaing maburol, at sa mababang lupain, at sa Timugan, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo at sa Lebano, hanggang sa malaking ilog, na ilog Eufrates.

1:8 Narito, aking inilagay ang lupain sa harap ninyo: inyong pasukin at ariin ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang binhi pagkamatay nila.

1:9 At ako'y nagsalita sa inyo nang panahong yaon na sinasabi, Hindi ko madadalang magisa kayo:

1:10 Pinarami kayo ng Panginoon ninyong Dios, at, narito, kayo sa araw na ito ay gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan.

1:11 Kayo nawa'y dagdagan ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang, ng makalibo pa sa dami ninyo ngayon, at kayo nawa'y pagpalain, na gaya ng ipinangako niya sa inyo!

1:12 Paanong madadala kong magisa ang inyong ligalig, at ang inyong pasan, at ang inyong pagkakaalitan?

1:13 Kumuha kayo sa inyo ng mga lalaking pantas, at nakakaalam, at kilala, ayon sa inyong mga lipi, at sila'y aking gagawing pangulo sa inyo.

1:14 At kayo'y sumagot sa akin at nagsabi, Ang bagay na iyong sinalita ay mabuting gawin namin.

1:15 Sa gayo'y kinuha ko sa inyo ang mga pangulo ng inyong mga lipi, na mga taong pantas, at kilala, at akin silang ginawang pangulo sa inyo, na mga punong kawal ng libolibo, at mga punong kawal ng mga daandaan, at mga punong kawal ng mga limangpu-limangpu, at mga punong kawal ng mga sangpu-sangpu, at mga pinuno ayon sa inyong mga lipi.

1:16 At aking pinagbilinan ang inyong mga hukom nang panahong yaon na sinasabi, Inyong dinggin ang mga usap ng inyong mga kapatid, at inyong hatulan ng matuwid ang tao at ang kaniyang kapatid, at ang taga ibang lupa na kasama niya.

1:17 Huwag kayong magtatangi ng tao sa kahatulan; inyong didinggin ang maliliit, na gaya ng malaki: huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagka't ang kahatulan ay sa Dios: at ang usap na napakahirap sa inyo, ay inyong dadalhin sa akin, at aking didinggin.

1:18 At aking iniutos sa inyo nang panahong yaon ang lahat ng mga bagay na inyong dapat gagawin.

1:19 At tayo ay naglakbay mula sa Horeb at ating tinahak yaong buong malawak at kakilakilabot na ilang na inyong nakita, sa daang patungo sa lupaing maburol ng mga Amorrheo, na gaya ng iniutos ng Panginoon nating Dios sa atin, at tayo'y dumating sa Cades-barnea.

1:20 At aking sinabi sa inyo, Inyong narating ang lupaing maburol ng mga Amorrheo na ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Dios.

1:21 Narito, inilalagay ng Panginoon ninyong Dios ang lupain sa harap mo: sampahin mo, ariin mo, na gaya ng sinalita sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang; huwag kang matakot, ni manglupaypay.

1:22 At kayo'y lumapit sa akin, bawa't isa sa inyo, at nagsabi, Tayo'y magsugo ng mga lalake sa unahan natin, upang kanilang kilalanin ang lupain para sa atin, at magbigay alam sa atin ng daang ating marapat sampahan, at ng mga bayang ating daratnin.

1:23 At ang bagay na yaon ay inakala kong magaling: at ako'y kumuha ng labing dalawang lalake sa inyo, na isang lalake sa bawa't lipi.

1:24 At sila'y pumihit at sumampa sa bundok, at dumating hanggang sa libis ng Escol, at kanilang tiniktikan.

1:25 At sila'y nagbitbit ng bunga ng lupain sa kanilang mga kamay, at kanilang ipinanaog sa atin, at sila'y nagdala ng kasagutan at nagsabi, Mabuting lupain ang ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Dios.

1:26 Gayon ma'y hindi kayo umakyat, kundi nanghimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon ninyong Dios.

1:27 At kayo'y dumaing sa inyong mga tolda, at inyong sinabi, Sapagka't kinapootan tayo ng Panginoon, ay inilabas tayo sa lupain ng Egipto, upang tayo'y ibigay sa kamay ng mga Amorrheo, upang tayo'y lipulin.

1:28 Saan tayo sasampa? pinapanglupaypay ng ating mga kapatid ang ating puso, na sinasabi, Ang mga tao ay malalaki at matataas kay sa atin; ang mga bayan ay malalaki at nakukutaan ng hanggang sa himpapawid; at bukod dito'y aming nakita roon ang mga anak ng mga Anaceo.

1:29 Nang magkagayo'y sinabi ko sa inyo, Huwag kayong mangilabot ni matakot sa kanila.

1:30 Ang Panginoon ninyong Dios, na nangunguna sa inyo, ay kaniyang ipakikipaglaban kayo, ayon sa lahat ng kaniyang ginawa sa Egipto dahil sa inyo sa harap ng inyong mga mata;

1:31 At sa ilang, na inyong kinakitaan kung paanong dinala ka ng Panginoon ninyong Dios, na gaya ng pagdadala ng tao sa kaniyang anak, sa buong daang inyong nilakaran hanggang sa dumating kayo sa dakong ito.

1:32 Gayon ma'y sa bagay na ito, ay hindi kayo sumampalataya sa Panginoon ninyong Dios,

1:33 Na nagpauna sa inyo sa daan, upang ihanap kayo ng dakong mapagtatayuan ng inyong mga tolda, na nasa apoy pagka gabi, upang ituro sa inyo kung saang daan kayo dadaan, at nasa ulap pagka araw.

1:34 At narinig ng Panginoon ang tinig ng inyong mga salita, at nag-init, at sumumpa, na nagsasabi,

1:35 Tunay na hindi makikita ng isa man nitong mga taong masamang lahi ang mabuting lupain na aking isinumpang ibigay sa inyong mga magulang,

1:36 Liban si Caleb na anak ni Jephone; at siya ang makakakita; at sa kaniya ko ibibigay ang lupain na kaniyang tinuntungan, at sa kaniyang mga anak: sapagka't siya'y lubos na sumunod sa Panginoon.

1:37 Ang Panginoon ay nagalit din sa akin, dahil sa inyo, na nagsasabi, Ikaw man ay hindi papasok doon:

1:38 Si Josue na anak ni Nun, na nakatayo sa harap mo, ay siyang papasok doon: palakasin mo ang kaniyang loob; sapagka't kaniyang ipamamana sa Israel.

1:39 Bukod dito'y ang inyong mga bata, na inyong sinasabing magiging bihag, at ang inyong mga anak na sa araw na ito ay hindi nakakaalam ng mabuti o ng masama, ay sila ang papasok doon, at sa kanila'y aking ibibigay, at kanilang aariin.

1:40 Nguni't tungkol sa inyo, ay bumalik kayo, at maglakbay kayo sa ilang sa daang patungo sa Dagat na Mapula.

1:41 Nang magkagayo'y sumagot kayo at sinabi ninyo sa akin, Kami ay nagkasala laban sa Panginoon, kami ay sasampa at lalaban, ayon sa buong iniutos sa amin ng Panginoon naming Dios. At nagsipagsakbat bawa't isa sa inyo ng kanikaniyang sandata na pangdigma, at kayo'y nagmadaling sumampa sa bundok.

1:42 At sinabi sa akin ng Panginoon, Sabihin mo sa kanila, Huwag kayong sumampa, ni lumaban; sapagka't ako'y wala sa inyo; baka kayo'y masugatan sa harap ng inyong mga kaaway.

1:43 Gayon sinalita ko sa inyo, at hindi ninyo dininig; kundi kayo'y nanghimagsik laban sa utos ng Panginoon, at naghambog at umakyat sa bundok.

1:44 At ang mga Amorrheo na tumatahan sa bundok na yaon, ay nagsilabas na laban sa inyo, at kayo'y hinabol, na gaya ng ginagawa ng mga pukyutan, at kayo'y tinalo sa Seir, hanggang sa Horma.

1:45 At kayo'y bumalik at umiyak sa harap ng Panginoon; nguni't hindi dininig ng Panginoon ang inyong tinig, ni pinakinggan kayo.

1:46 Sa gayon, ay natira kayong malaon sa Cades, ayon sa mga araw na inyong itinira roon.

2:1 Nang magkagayo'y pumihit tayo, at lumakad tayo sa ilang na daang patungo sa Dagat na Mapula, gaya ng sinalita sa akin ng Panginoon; at tayo'y malaong lumigid sa bundok ng Seir.

2:2 At ang Panginoon ay nagsalita sa akin, na sinasabi,

2:3 Malaon na ninyong naligid ang bundok na ito: lumiko kayo sa dakong hilagaan.

2:4 At iutos mo sa bayan, na iyong sabihin, Kayo'y dadaan sa hangganan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir; at sila'y matatakot sa inyo. Magsipagingat nga kayong mabuti:

2:5 Huwag kayong makipagkaalit sa kanila; sapagka't hindi ko ibibigay sa inyo ang kanilang lupain, kahit ang natutungtungan ng talampakan ng isang paa: sapagka't ibinigay ko kay Esau, na pinakaari ang bundok ng Seir.

2:6 Kayo'y bibili sa kanila ng pagkain sa pamamagitan ng salapi, upang kayo'y makakain; at kayo'y bibili rin sa kanila ng tubig sa pamamagitan ng salapi, upang kayo'y makainom.

2:7 Sapagka't pinagpala ka ng Panginoon mong Dios, sa lahat ng gawa ng iyong kamay; kaniyang natalastas ang iyong paglalakbay dito sa malawak na ilang; sa loob nitong apat na pung taon ay sumaiyo ang Panginoon mong Dios; ikaw ay di kinulang ng anoman.

2:8 Gayon tayo nagdaan sa ating mga kapatid, na mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, mula sa daan ng Araba, mula sa Elath at mula sa Esion-geber. At tayo'y bumalik at nagdaan sa ilang ng Moab.

2:9 At sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong kaalitin ang Moab, ni kakalabanin sila sa digma; sapagka't hindi kita bibigyan sa kaniyang lupain ng pinakaari; sapagka't aking ibinigay na pinakaari ang Ar sa mga anak ni Lot.

2:10 (Ang mga Emimeo ay nanahan doon noong una, bayang malaki, at marami, at matataas na gaya ng mga Anaceo:

2:11 Ang mga ito man ay ibinilang na mga Rephaim, na gaya ng mga Anaceo; nguni't tinatawag silang Emimeo ng mga Moabita.

2:12 Ang mga Hereo man ay tumahan sa Seir noong una, nguni't ang mga anak ni Esau ay humalili sa kanila; at nalipol sila ng mga ito sa harap din nila, at tumahan na kahalili nila; gaya ng ginawa ng Israel sa lupaing kaniyang pag-aari, na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)

2:13 Ngayon, tumindig kayo, at tumawid kayo sa batis ng Zered. At tayo'y tumawid sa batis ng Zered.

2:14 At ang mga araw na ating ipinaglakad mula sa Cades-barnea hanggang sa tayo'y nakarating sa batis ng Zered, ay tatlong pu't walong taon, hanggang sa ang buong lahi ng mga lalaking mangdidigma ay nalipol sa gitna ng kampamento, gaya ng isinumpa sa kanila ng Panginoon.

2:15 Bukod dito'y ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa kanila, upang lipulin sila sa gitna ng kampamento, hanggang sa sila'y nalipol.

2:16 Kaya't nangyari, nang malipol at mamatay sa gitna ng bayan ang lahat ng lalaking mangdidigma.

2:17 Ay sinalita sa akin ng Panginoon, na sinasabi,

2:18 Ikaw ay dadaan sa araw na ito sa Ar, na hangganan ng Moab:

2:19 At pagka ikaw ay matatapat sa mga anak ni Ammon, ay huwag kang manampalasan sa kanila ni makipagtalo sa kanila: sapagka't hindi ko ibibigay sa iyo na pinakaari ang lupain ng mga anak ni Ammon: sapagka't aking ibinigay na pinakaari sa mga anak ni Lot.

2:20 (Yaon man ay ibinilang na lupain ng mga Rephaim: ang mga Rephaim ang tumatahan doon noong una; nguni't tinawag na mga Zomzommeo ng mga Ammonita;

2:21 Bayang malaki at marami at matataas na gaya ng mga Anaceo; nguni't nilipol sila ng Panginoon sa harap nila; at sila'y humalili sa kanila, at tumahang kahalili nila:

2:22 Gaya ng ginawa ng Panginoon sa mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, nang kaniyang lipulin ang mga Horeo sa harap nila; at sila'y humalili sa kanila, at tumahang kahalili nila hanggang sa araw na ito:

2:23 At ang mga Heveo na nangagsitahan sa mga nayon hanggang sa Gaza, ay nilipol ng mga Caftoreo na nangagmula sa Caftor, at tumahang kahalili nila.)

2:24 Magsitindig kayo, kayo'y maglakbay, at magdaan kayo sa libis ng Arnon: narito, aking ibinigay sa iyong kamay si Sehon na Amorrheo, na hari sa Hesbon, at ang kaniyang lupain: pasimulan mong ariin, at kalabanin mo siya sa digma.

2:25 Sa araw na ito ay pasisimulan kong ilagay sa mga bayang nangasa silong ng buong langit, ang sindak sa iyo at ang takot sa iyo, na maririnig nila ang iyong kabantugan, at magsisipanginig, at mangahahapis, dahil sa iyo.

2:26 At ako'y nagsugo ng mga sugo mula sa ilang ng Cademoth kay Sehon na hari sa Hesbon na may mapayapang pananalita, na sinasabi,

2:27 Paraanin mo ako sa iyong lupain: sa daan lamang ako lalakad, hindi ako liliko maging sa kanan ni sa kaliwa.

2:28 Pagbibilhan mo ako ng pagkain sa salapi, upang makakain ako, at bibigyan mo ako ng tubig sa salapi, upang makainom ako; paraanin mo lamang ako ng aking mga paa;

2:29 Gaya ng ginawa sa akin ng mga anak ni Esau, na tumatahan sa Seir, at ng mga Moabita na tumatahan sa Ar; hanggang sa makatawid ako sa Jordan, sa lupaing sa amin ay ibinibigay ng Panginoon naming Dios.

2:30 Nguni't ayaw tayong paraanin ni Sehon na hari sa Hesbon sa lupa niya; sapagka't pinapagmatigas ng Panginoon mong Dios ang kaniyang diwa, at pinapagmatigas ang kaniyang puso, upang maibigay siya sa iyong kamay gaya sa araw na ito.

2:31 At sinabi sa akin ng Panginoon, Narito, aking pinasimulang ibigay sa harap mo si Sehon at ang kaniyang lupain: pasimulan mong ariin upang iyong mamana ang kaniyang lupain.

2:32 Nang magkagayo'y lumabas si Sehon laban sa atin, siya at ang buong bayan niya, sa pakikipagbaka sa Jahaz.

2:33 At ibinigay siya ng Panginoon nating Dios sa harap natin; at ating sinaktan siya, at ang kaniyang mga anak at ang kaniyang buong bayan.

2:34 At ating sinakop ang lahat niyang mga bayan nang panahong yaon, at ating lubos na nilipol ang bawa't bayan na tinatahanan, sangpu ng mga babae at ng mga bata; wala tayong itinira:

2:35 Ang mga hayop lamang ang dinalang pinakasamsam, sangpu ng mga nasamsam sa mga bayan na ating sinakop.

2:36 Mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon at mula sa bayan na nasa libis, hanggang sa Galaad, ay wala tayong minataas na bayan: ibinigay na lahat sa harap natin ng Panginoon nating Dios:

2:37 Sa lupain lamang ng mga anak ni Ammon hindi ka lumapit; sa buong pangpang ng ilog Jaboc at sa mga bayan ng lupaing maburol, at saan man na ipinagbawal sa atin ng Panginoon nating Dios.

3:1 Nang magkagayo'y pumihit tayo, at ating sinampa ang daang patungo sa Basan: at si Og na hari sa Basan ay lumabas laban sa atin, siya at ang buong bayan niya, sa pakikipagbaka sa Edrei.

3:2 At sinabi sa akin ng Panginoon, Huwag mong katakutan siya, sapagka't aking ibinigay sa iyong kamay siya, at ang kaniyang buong bayan, at ang kaniyang lupain; at iyong gagawin sa kaniya ang gaya ng iyong ginawa kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumahan sa Hesbon.

3:3 Gayon din ibinigay ng Panginoon nating Dios sa ating kamay si Og, na hari sa Basan, at ang buong bayan niya; at ating sinaktan siya hanggang sa walang natira sa kaniya.

3:4 At ating sinakop ang lahat niyang mga bayan nang panahong yaon; walang bayan na di sinakop natin sa kanila; anim na pung bayan ang buong lupain ng Argob, ang kaharian ni Og, sa Basan.

3:5 Ang lahat ng ito'y mga bayang nakukutaan ng matataas na kuta, na may mga pintuang-bayan at mga halang; bukod pa ang napakaraming mga bayan na walang kuta.

3:6 At ating lubos na nilipol, na gaya ng ating ginawa kay Sehon na hari sa Hesbon, na lubos nating nilipol bawa't bayan na tinatahanan, sangpu ng mga babae at ng mga bata.

3:7 Nguni't ang madlang kawan at ang nasamsam sa mga bayan ay ating dinala.

3:8 At ating sinakop ang lupain nang panahong yaon sa kamay ng dalawang hari ng mga Amorrheo na nasa dako roon ng Jordan, mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon;

3:9 (Na siyang Hermon ay tinatawag ng mga taga Sidon na Sirion, at tinatawag ng mga Amorrheo na Senir):

3:10 Lahat ng mga bayan ng kapatagan, at ang buong Galaad, at ang buong Basan, hanggang Salcha at Edrei, na mga bayan ng kaharian ni Og sa Basan.

3:11 (Sapagka't si Og lamang na hari sa Basan ang nalalabi sa natira sa mga Rephaim; narito, ang kaniyang higaan ay higaang bakal; wala ba ito sa Rabbath ng mga anak ni Ammon? siyam na siko ang haba niyaon at apat na siko ang luwang niyaon, ayon sa siko ng isang lalake).

3:12 At ang lupaing ito'y ating sinakop na pinakaari nang panahong yaon; mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon, at kalahati ng lupaing maburol ng Galaad, at ang mga bayan niyaon, ay aking ibinigay sa mga Rubenita at sa mga Gadita:

3:13 At ang labis ng Galaad, at ang buong Basan, na kaharian ni Og, ay aking ibinigay sa kalahating lipi ni Manases; ang buong lupain ng Argob, sa makatuwid baga'y ang buong Basan. (Siya ring tinatawag na lupain ng mga Rephaim.

3:14 Sinakop ni Jair na anak ni Manases ang buong lupain ng Argob, hanggang sa hangganan ng mga Gessureo at ng mga Machateo; at mga tinawag niya ng Basan ayon sa kaniyang pangalang Havot-jair hanggang sa araw na ito.)

3:15 At aking ibinigay ang Galaad kay Machir.

3:16 At sa mga Rubenita at sa mga Gadita ay aking ibinigay ang mula sa Galaad hanggang sa libis ng Arnon, na siyang kalahatian ng libis, na pinaka hangganan niyaon hanggang sa ilog Jaboc, na siyang hangganan ng mga anak ni Ammon;

3:17 Pati ng Araba at ng Jordan at ng hangganan niyaon, mula sa Cinereth hanggang sa Dagat ng Araba na Dagat na Alat, sa ibaba ng gulod ng Pisga sa dakong silanganan.

3:18 At kayo'y aking inutusan nang panahong yaon, na sinasabi, Ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios ang lupaing ito upang ariin: kayo'y daraang may sakbat sa harap ng inyong mga kapatid na mga anak ni Israel, lahat ng taong matapang.

3:19 Nguni't ang inyong mga asawa at ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop, (aking talastas na kayo'y mayroong maraming hayop), ay mangatitira sa inyong mga bayan na aking ibinigay sa inyo;

3:20 Hanggang sa bigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanilang ariin naman ang lupain na ibinigay sa kanila ng Panginoon ninyong Dios, sa dako roon ng Jordan; kung magkagayon ay babalik ang bawa't lalake sa inyo sa kaniyang pag-aari, na aking ibinigay sa inyo.

3:21 At aking iniutos kay Josue nang panahong yaon, na sinasabi, Nakita ng iyong mga mata ang lahat ng ginawa ng Panginoon mong Dios sa dalawang haring ito; gayon ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng mga kahariang iyong daraanan.

3:22 Huwag kayong matakot sa kanila: sapagka't ipinakikipaglaban kayo ng Panginoon ninyong Dios.

3:23 At ako'y dumalangin sa Panginoon nang panahong yaon, na sinasabi,

3:24 Oh Panginoong Dios, iyong minulang ipinakilala sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at ang iyong kamay na makapangyarihan: ano ngang Dios sa langit o sa lupa ang makagagawa ng ayon sa iyong mga gawa, at ayon sa iyong mga makapangyarihang kilos?

3:25 Paraanin mo nga ako, isinasamo ko sa iyo, at aking makita ang mabuting lupain na nasa dako roon ng Jordan, yaong mainam na bundok, at ang Libano.

3:26 Nguni't ang Panginoon ay nagalit sa akin dahil sa inyo, at hindi ako dininig; at sinabi sa akin ng Panginoon, Siya na; huwag ka nang magsalita pa sa akin ng tungkol sa bagay na ito.

3:27 Sumampa ka sa taluktok ng Pisga at ilingap mo ang iyong mga mata sa dakong kalunuran, at sa dakong hilagaan, at sa dakong timugan, at sa dakong silanganan, at masdan mo ng iyong mga mata; sapagka't hindi ka makatatawid sa Jordang ito.

3:28 Nguni't pagbilinan mo si Josue, at palakasin mo ang kaniyang loob at palakasin mo siya: sapagka't siya'y daraan sa harap ng bayang ito, at kaniyang ipamamana sa kanila ang lupain na iyong makikita.

3:29 Sa gayo'y tumahan tayo sa libis, na nasa tapat ng Beth-peor.

4:1 At ngayon, Oh Israel, dinggin mo ang mga palatuntunan at ang mga kahatulan, na aking itinuturo sa inyo, upang sundin ninyo; upang kayo'y mabuhay, at pumasok, at inyong ariin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang.

4:2 Huwag ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong maingatan ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios na aking iniuutos sa inyo.

4:3 Nakita ng inyong mga mata ang ginawa ng Panginoon tungkol kay Baal-peor, sapagka't lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor, ay nilipol ng Panginoon mong Dios sa gitna mo.

4:4 Nguni't kayong umayon sa Panginoon ninyong Dios ay nangabubuhay pa ang bawa't isa sa inyo sa araw na ito.

4:5 Narito, aking tinuruan kayo ng mga palatuntunan at ng mga kahatulan, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon kong Dios upang inyong gawing gayon sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang ariin.

4:6 Ingatan nga ninyo at inyong isagawa; sapagka't ito ang inyong karunungan at ang inyong kaalaman sa paningin ng mga tao, na makakarinig ng mga palatuntunang ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan.

4:7 Sapagka't anong dakilang bansa nga ang may dios na napakalapit sa kanila, na gaya ng Panginoon nating Dios kailan man tayo'y tumawag sa kaniya?

4:8 At anong dakilang bansa nga, ang may mga palatuntunan at mga kahatulang napaka-tuwid na gaya ng buong kautusang ito, na aking inilalagda sa harap ninyo sa araw na ito?

4:9 Magingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka iyong malimutan ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mangahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay; kundi iyong ipakilala sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak;

4:10 Yaong araw na ikaw ay tumayo sa harap ng Panginoon mong Dios sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, Papagpisanin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y magaral na matakot sa akin sa lahat ng araw na kanilang ikabubuhay sa ibabaw ng lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak.

4:11 At kayo'y lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok; at ang bundok ay nagningas sa apoy hanggang sa kaibuturan ng langit, sangpu ng kadiliman, ulap, at salisalimuot na kadiliman.

4:12 At ang Panginoo'y nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy; inyong narinig ang tinig ng mga salita, nguni't wala kayong anyong nakita; ang inyo lamang narinig ay isang tinig.

4:13 At kaniyang ipinahayag sa inyo ang kaniyang tipan, na kaniyang iniutos sa inyong ganapin, sa makatuwid baga'y ang sangpung utos; at kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato.

4:14 At iniutos sa akin ng Panginoon nang panahong yaon, na turuan ko kayo ng mga palatuntunan at mga kahatulan, upang inyong mangagawa sa lupaing inyong paroroonan upang ariin.

4:15 Ingatan nga ninyong mabuti ang inyong sarili; sapagka't wala kayong nakitang anomang anyo nang araw na magsalita ang Panginoon sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy:

4:16 Baka kayo'y mangagpakasama, at kayo'y gumawa sa inyo ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alin mang larawan, na kahawig ng lalake o babae,

4:17 Na kahawig ng anomang hayop na nasa lupa, na kahawig ng anomang ibong may pakpak na lumilipad sa himpapawid,

4:18 Na kahawig ng anomang bagay na umuusad sa lupa, na kahawig ng anomang isda na nasa tubig sa ilalim ng lupa:

4:19 At baka iyong itingin ang iyong mga mata sa langit, at kung iyong makita ang araw at ang buwan, at ang mga bituin, sangpu ng buong natatanaw sa langit, ay mabuyo ka at iyong sambahin, at paglingkuran, na binahagi ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng mga bayan na nasa silong ng buong langit.

4:20 Nguni't kinuha kayo ng Panginoon, at hinango kayo sa hurnong bakal, sa Egipto, upang kayo'y maging sa kaniya'y isang bayang mana, gaya sa araw na ito.

4:21 Bukod dito'y nagalit sa akin ang Panginoon dahil sa inyo, at sumumpa na ako'y hindi tatawid sa Jordan, at hindi ako papasok sa mabuting lupaing yaon, na ibinigay ng Panginoon mong Dios sa iyo na pinakamana:

4:22 Kundi ako'y nararapat mamatay sa lupaing ito, ako'y hindi nararapat tumawid sa Jordan: nguni't kayo'y tatawid, at inyong aariin ang mabuting lupaing yaon.

4:23 Mangagingat nga kayo, baka inyong malimutan ang tipan ng Panginoon ninyong Dios, na kaniyang pinagtibay sa inyo, at kayo'y gumawa ng larawang inanyuan na kahawig ng anomang bagay na ipinagbawal sa iyo ng Panginoon mong Dios.

4:24 Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay isang apoy na mamumugnaw, mapanibughuing Dios nga.

4:25 Pagka ikaw ay nagkaanak at nagkaanak ang inyong mga anak, at nagluwat kayo ng malaon sa lupaing yaon, at nagpakasama kayo, at gumawa kayo ng larawang inanyuan na kahawig ng anomang bagay, at gumawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon mong Dios, upang mungkahiin ninyo siya sa kagalitan:

4:26 Ay aking tinatawag ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa inyo sa araw na ito, na kayo'y malilipol na madali na walang pagsala sa lupain na inyong tinutungo ng pagdadaan sa Jordan, upang ariin: hindi ninyo mapatatagal doon ang inyong mga araw, kundi kayo'y lubos na malilipol.

4:27 At pangangalatin kayo ng Panginoon sa mga bayan, at kayo'y malalabing kaunti sa bilang sa gitna ng mga bansa, na pagdadalhan sa inyo ng Panginoon.

4:28 At doo'y maglilingkod kayo sa mga dios, na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nangakakakita, ni nangakakarinig, ni nangakakakain, ni nangakakaamoy.

4:29 Nguni't mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Dios, at iyong masusumpungan, kung iyong hahanapin siya ng buo mong puso at ng buo mong kaluluwa.

4:30 Pagka ikaw ay nasa kapighatian, at ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik loob ka sa Panginoon mong Dios, at iyong didinggin ang kaniyang tinig.

4:31 Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay maawaing Dios; hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya ni kalilimutan ang tipan sa iyong mga magulang na kaniyang isinumpa sa kanila.

4:32 Sapagka't ipagtanong mo nga sa mga araw na nagdaan, na nangauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Dios ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng gaya ng dakilang bagay na ito, o may narinig na gaya nito?

4:33 Narinig ba kaya kailan man ng mga tao ang tinig ng Dios na nagsalita sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabuhay?

4:34 O may Dios kaya na nagsikap na yumaon at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa, sa pamamagitan ng mga tukso, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan, at ng pagbabaka, at ng makapangyarihang kamay, at ng unat na bisig, at ng mga malaking kakilabutan ayon sa lahat na ginawa ng Panginoon mong Dios sa iyo sa Egipto, sa harap ng iyong mga mata?

4:35 Sa iyo ipinakita ito, upang iyong makilala na ang Panginoon ay siyang Dios; wala nang iba liban sa kaniya.

4:36 Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kaniyang tinig, upang kaniyang turuan ka; at sa ibabaw ng lupa ay kaniyang ipinakita sa iyo ang kaniyang dakilang apoy, at iyong narinig ang kaniyang mga salita sa gitna ng apoy.

4:37 At sapagka't kaniyang inibig ang iyong mga magulang, kaya kaniyang pinili ang kaniyang binhi pagkatapos nila, at inilabas ka niya sa Egipto ng kaniyang pagharap, ng kaniyang dakilang kapangyarihan;

4:38 Upang palayasin sa harap mo ang mga bansang lalong malalaki at lalong makapangyarihan kay sa iyo, upang ikaw ay kaniyang papasukin, na ibigay sa iyo na pinakamana ang kanilang lupain, gaya sa araw na ito.

4:39 Talastasin mo nga sa araw na ito at isapuso mo, na ang Panginoon ay siyang Dios sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang iba pa.

4:40 At iyong iingatan ang kaniyang mga palatuntunan at ang kaniyang mga utos, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, at upang iyong mapalaon ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing yaon, na ibinigay sa iyo magpakailan man ng Panginoon mong Dios.

4:41 Nang magkagayo'y inihiwalay ni Moises ang tatlong bayan sa dako roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw;

4:42 Upang ang nakamatay ng tao ay tumakas doon, na nakamatay sa kaniyang kapuwa na hindi sinasadya, at hindi niya kinapopootan nang panahong nakaraan; at sa pagtakas sa isa sa mga bayang ito ay mabuhay siya:

4:43 Sa makatuwid baga'y sa Beser, sa ilang, sa kapatagang lupa, na ukol sa mga Rubenita; at sa Ramoth sa Galaad, na ukol sa mga Gadita; at sa Golan sa Basan, na ukol sa mga Manasita.

4:44 At ito ang kautusang sinalaysay ni Moises sa harap ng mga anak ni Israel:

4:45 Ito ang mga patotoo, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Egipto;

4:46 Sa dako pa roon ng Jordan, sa libis na nasa tapat ng Beth-peor, sa lupain ni Sehon na hari ng mga Amorrheo na tumatahan sa Hesbon, na siyang sinaktan ni Moises at ng mga anak ni Israel, nang sila'y umalis sa Egipto;

4:47 At kanilang sinakop ang kaniyang lupain na pinakaari, at ang lupain ni Og na hari sa Basan, ang dalawang hari ng mga Amorrheo, na nangasa dako pa roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw;

4:48 Mula sa Aroer na nasa hangganan ng libis ng Arnon, hanggang sa bundok ng Sion (na siya ring Hermon),

4:49 At ang buong Araba sa dako roon ng Jordan sa dakong silanganan, hanggang sa dagat ng Araba sa ibaba ng gulod ng Pisga.

5:1 At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Dinggin mo, Oh Israel, ang mga palatuntunan at mga kahatulan na aking sinalita sa inyong mga pakinig sa araw na ito, upang matutunan ninyo sila, at ingatan at isagawa sila.

5:2 Ang Panginoong ating Dios ay nakipagtipan sa atin sa Horeb.

5:3 Hindi pinagtibay ng Panginoon ang tipang ito sa ating mga magulang, kundi sa atin, sa atin ngang nangariritong lahat na buhay sa araw na ito.

5:4 Sinalita ng Panginoon sa inyo ng mukhaan sa bundok mula sa gitna ng apoy

5:5 (Ako'y tumayo sa pagitan ng Panginoon at ninyo nang panahong yaon, upang ipatalastas sa inyo ang salita ng Panginoon: sapagka't kayo'y natatakot dahil sa apoy, at hindi kayo sumampa sa bundok;) na sinasabi,

5:6 Ako ang Panginoon mong Dios na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.

5:7 Huwag kang magkakaroon ng ibang mga Dios sa harap ko.

5:8 Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan na kawangis ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:

5:9 Huwag mong yuyukuran sila o paglilingkuran man sila: sapagka't akong Panginoon mong Dios ay mapanibughuing Dios, na aking dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak, sa ikatlo at sa ikaapat na salin ng nangapopoot sa akin;

5:10 At pinagpapakitaan ko ng kaawaan ang libolibong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

5:11 Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan; sapagka't hindi aariin ng Panginoon na walang sala ang bumanggit ng kaniyang pangalan sa walang kabuluhan.

5:12 Iyong ipagdiwang ang araw ng sabbath, upang ipangilin, gaya ng iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Dios.

5:13 Anim na araw na gagawa ka, at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain:

5:14 Nguni't ang ikapitong araw ay sabbath sa Panginoon mong Dios: sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anomang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalake ni babae, ni ang iyong aliping lalake ni babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong asno, ni anoman sa iyong hayop, ni ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan; upang ang iyong aliping lalake at babae ay makapagpahingang gaya mo.

5:15 At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Egipto, at ikaw ay inilabas ng Panginoon mong Dios doon sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at unat na bisig: kaya't iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios, na ipangilin mo ang araw ng sabbath.

5:16 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios: upang ang iyong mga araw ay lumawig at upang ikabuti mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

5:17 Huwag kang papatay.

5:18 Ni mangangalunya.

5:19 Ni magnanakaw.

5:20 Ni sasaksi sa di katotohanan laban sa iyong kapuwa.

5:21 Ni huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa; ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapuwa, ang kaniyang bukid, ni ang kaniyang aliping lalake, o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa.

5:22 Ang mga salitang ito ay sinalita ng Panginoon sa buong kapisanan ninyo sa bundok mula sa gitna ng apoy, sa ulap, at sa salisalimuot na kadiliman, ng malakas na tinig: at hindi na niya dinagdagan pa. At kaniyang isinulat sa dalawang tapyas na bato, at ibinigay sa akin.

5:23 At nangyari, nang inyong marinig ang tinig mula sa gitna ng kadiliman, samantalang ang bundok ay nagliliyab sa apoy, ay lumapit kayo sa akin, sa makatuwid baga'y ang lahat ng mga pangulo sa inyong mga lipi, at ang inyong mga matanda;

5:24 At inyong sinabi, Narito, ipinakita sa amin ng Panginoon nating Dios ang kaniyang kaluwalhatian at ang kaniyang kadakilaan, at aming narinig ang kaniyang tinig mula sa gitna ng apoy: aming nakita sa araw na ito, na ang Dios ay nakikipag-usap sa tao, at siya'y buhay.

5:25 Ngayon nga, bakit kami mamamatay? sapagka't pupugnawin kami ng dakilang apoy na ito: kung marinig pa namin ang tinig ng Panginoon nating Dios, ay mamamatay nga kami.

5:26 Sapagka't sino sa lahat ng laman na nakarinig ng tinig ng buhay na Dios na nagsasalita mula sa gitna ng apoy, na gaya namin, at nabuhay?

5:27 Lumapit ka, at iyong pakinggan ang lahat ng sasabihin ng Panginoon nating Dios: at iyong salitain sa amin, yaong lahat na sasalitain sa iyo ng Panginoon nating Dios; at aming didinggin, at gagawin.

5:28 At narinig ng Panginoon ang tinig ng inyong mga salita, nang kayo'y magsalita sa akin; at sinabi ng Panginoon sa akin, Aking narinig ang tinig ng mga salita ng bayang ito, na kanilang sinalita sa iyo; mabuti ang kanilang pagkasabi ng lahat na kanilang sinalita.

5:29 Oh mamalagi nawa sa kanila ang kaloobang ito, na sila'y matakot sa akin, at kanilang ingatan kailan man ang lahat ng aking mga utos upang ikabuti nila at pati ng kanilang mga anak magpakailan man!

5:30 Yumaon ka, sabihin mo sa kanila, Magsibalik kayo sa inyong mga tolda.

5:31 Nguni't tungkol sa iyo, matira ka rito sa akin, at aking sasalitain sa iyo ang lahat ng utos, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na iyong ituturo sa kanila, upang kanilang gawin sa lupain na aking ibinibigay sa kanila upang ariin.

5:32 Inyo ngang isagawa na gaya ng iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.

5:33 Kayo'y lalakad ng buong lakad na iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, upang kayo'y mabuhay, at upang ikabuti ninyo, at upang inyong mapalawig ang inyong mga araw sa lupain na inyong aariin.

6:1 Ito nga ang utos, ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na iniutos ng Panginoon ninyong Dios na ituro sa inyo, upang inyong magawa sa lupaing inyong paroroonan upang ariin:

6:2 Na ikaw ay matakot sa Panginoon mong Dios, na iyong ingatan ang lahat niyang mga palatuntunan at ang kaniyang mga utos, na aking iniutos sa iyo, sa iyo, at sa iyong anak, at sa anak ng iyong anak sa lahat ng araw ng iyong buhay; at upang ang iyong mga araw ay lumawig.

6:3 Dinggin mo nga, Oh Israel, at iyong isagawa upang ikabuti mo, at upang kayo'y dumaming maigi, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang, sa lupaing binubukalan ng gatas at pulot.

6:4 Dinggin mo, Oh Israel: ang Panginoon nating Dios ay isang Panginoon:

6:5 At iyong iibigin ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas.

6:6 At ang mga salitang ito, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay sasa iyong puso;

6:7 At iyong ituturo ng buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.

6:8 At iyong itatali na pinakatanda sa iyong kamay at mga magiging pinakatali sa iyong noo.

6:9 At iyong isusulat sa itaas ng pintuan ng iyong bahay at sa iyong mga pintuan-daan.

6:10 At mangyayari, pagka ipapasok ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, upang ibigay sa iyo; na may malalaki at mabubuting bayan na hindi mo itinayo,

6:11 At mga bahay na puno ng lahat na mabubuting bagay, na hindi mo pinuno, at mga balong hukay na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga puno ng olibo, na hindi mo itinanim, at iyong kakanin at ikaw ay mabubusog;

6:12 At magingat ka nga, baka iyong malimutan ang Panginoon, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.

6:13 Ikaw ay matakot sa Panginoon mong Dios; at sa kaniya'y maglilingkod ka, at sa pamamagitan lamang ng kaniyang pangalan susumpa ka.

6:14 Huwag kang susunod sa ibang mga dios, sa mga dios ng mga bansang nasa palibot mo;

6:15 Sapagka't ang Panginoon mong Dios na nasa gitna mo, ay isang mapanibughuing Dios; baka ang galit ng Panginoon mong Dios ay magalab laban sa iyo, at ikaw ay kaniyang lipulin sa ibabaw ng lupa.

6:16 Huwag ninyong tutuksuhin ang Panginoon ninyong Dios, gaya ng tuksuhin ninyo siya sa Massah.

6:17 Inyong iingatan ng buong sikap ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, na kaniyang iniutos sa iyo.

6:18 At iyong gagawin ang matuwid at mabuti sa paningin ng Panginoon: upang ikabuti mo, at upang iyong mapasok at ariin ang mabuting lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang,

6:19 Upang palayasin ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo, gaya ng sinalita ng Panginoon.

6:20 Pagka tatanungin ka ng iyong anak sa panahong darating, na sasabihin: Anong kahulugan ng mga patotoo, at ng mga palatuntunan, at ng mga kahatulan, na iniutos sa inyo ng Panginoon nating Dios?

6:21 Ay iyo ngang sasabihin sa iyong anak: Kami ay naging mga alipin ni Faraon sa Egipto, at inilabas kami ng Panginoon sa Egipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.

6:22 At ang Panginoon ay nagpakita ng mga tanda at ng mga kababalaghan, dakila at panggiba, sa Egipto, kay Faraon, at sa kaniyang buong sangbahayan, sa harap ng aming mga mata:

6:23 At kami ay inilabas niya roon, na kaniyang ipinasok kami rito, upang ibigay sa amin ang lupain na kaniyang isinumpa sa ating mga magulang.

6:24 At iniutos ng Panginoon sa amin na gawin ang lahat ng mga palatuntunang ito, na matakot sa Panginoon nating Dios, sa ikabubuti natin kailan man, upang ingatan niya tayong buhay, gaya sa araw na ito.

6:25 At siya'y magiging katuwiran sa atin, kung ating isagawa ang buong utos na ito sa harap ng Panginoon nating Dios, gaya ng iniutos niya sa atin.

7:1 Pagka ipapasok ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na iyong pinaroroonan upang ariin, at palalayasin ang maraming bansa sa harap mo, ang Hetheo, at ang Gergeseo at ang Amorrheo, at ang Cananeo, at ang Pherezeo, at ang Heveo, at ang Jebuseo, na pitong bansang lalong malalaki at mga lalong makapangyarihan kay sa iyo;

7:2 At pagka sila'y ibibigay sa harap mo ng Panginoon mong Dios, at iyong sasaktan sila; ay lubos mo ngang lilipulin sila; huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni huwag mong pagpakitaan ng kaawaan sila:

7:3 Ni magaasawa sa kanila; ang iyong anak na babae ay huwag mong papag-aasawahin sa kaniyang anak na lalake, ni ang kaniyang anak na babae, ay huwag mong papag-aasawahin sa iyong anak na lalake.

7:4 Sapagka't kaniyang ihihiwalay ang iyong anak na lalake sa pagsunod sa akin, upang sila'y maglingkod sa ibang mga dios: sa gayo'y magaalab ang galit ng Panginoon laban sa iyo, at kaniyang lilipulin kang madali.

7:5 Kundi ganito ang inyong gagawin sa kanila; inyong igigiba ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputolputulin ang kanilang mga haligi na pinakaalaala at inyong ibubuwal ang kanilang mga Asera, at inyong susunugin sa apoy ang kanilang mga larawang inanyuan.

7:6 Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios; pinili ka ng Panginoon mong Dios upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa.

7:7 Hindi kayo inibig ng Panginoon, ni pinili kayo ng dahil sa kayo'y marami sa bilang kay sa alin mang bayan; sapagka't kayo ang pinakamaliit sa lahat ng mga bayan:

7:8 Kundi dahil sa inibig kayo ng Panginoon, at dahil sa kaniyang tinupad ang sumpa na kaniyang isinumpa sa inyong mga magulang, ay inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto.

7:9 Talastasin mo nga, na ang Panginoon ninyong Dios, ay siyang Dios: ang tapat na Dios, na nag-iingat ng tipan at naggagawad ng kagandahang-loob sa mga umiibig sa kaniya, at tumutupad ng kaniyang mga utos, hanggang sa isang libong salin ng lahi;

7:10 At pinanghihigantihan sa kanilang mukha, ang mga napopoot sa kaniya, upang lipulin: siya'y hindi magpapaliban doon sa napopoot sa kaniya, kaniyang panghihigantihan sa kaniya ring mukha.

7:11 Iyo ngang iingatan ang utos, at ang mga palatuntunan, at ang mga kahatulan, na aking iniutos sa iyo sa araw na ito, na iyong ganapin.

7:12 At mangyayari, na sapagka't iyong dininig ang mga kahatulang ito, at iyong tinutupad at iyong ginaganap, ay tutuparin sa iyo ng Panginoon mong Dios ang tipan, at igagawad ang kagandahang-loob, na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang:

7:13 At kaniyang iibigin ka, at pagpapalain ka, at padadamihin ka: kaniya rin namang pagpapalain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, at ang iyong alak, at ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, upang ibigay sa iyo.

7:14 Magiging mapalad ka kay sa lahat ng mga bayan: walang magiging baog na babae o lalake sa inyo o sa inyong mga hayop.

7:15 At ilalayo sa iyo ng Panginoon ang lahat ng sakit: at wala siyang ihuhulog sa inyo sa masamang sakit sa Egipto, na iyong nalalaman, kundi ihuhulog niya sa lahat ng nangapopoot sa iyo.

7:16 At iyong lilipulin ang lahat ng mga bayan na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios; ang iyong mata ay huwag mahahabag sa kanila; ni huwag kang maglilingkod sa kanilang mga dios; sapagka't magiging isang silo sa iyo.

7:17 Kung iyong sasabihin sa iyong puso, Ang mga bansang ito ay higit kay sa akin; paanong aking makakamtan sila?

7:18 Huwag kang matatakot sa kanila; iyong aalalahaning mabuti ang ginawa ng Panginoon mong Dios kay Faraon, at sa buong Egipto.

7:19 Ang mga dakilang tukso na nakita ng iyong mga mata, at ang mga tanda, at ang mga kababalaghan, at ang makapangyarihang kamay, at ang unat na bisig, na ipinaglabas sa iyo ng Panginoon mong Dios: ay gayon ang gagawin ng Panginoon mong Dios sa lahat ng mga bayan na iyong kinatatakutan.

7:20 Bukod dito'y susuguin sa kanila ng Panginoon mong Dios ang malaking putakti hanggang sa ang nangaiiwan, at nangagtatago ay mamatay sa harap mo.

7:21 Huwag kang masisindak sa kanila; sapagka't ang Panginoon mong Dios ay nasa gitna mo, dakilang Dios at kakilakilabot.

7:22 At itataboy na untiunti ng Panginoon mong Dios ang mga bansang yaon sa harap mo: hindi mo malilipol silang paminsan, baka ang mga hayop sa parang ay kumapal sa iyo.

7:23 Kundi ibibigay sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo, at pagtataglayin sila ng isang malaking kalituhan hanggang sa sila'y mangalipol.

7:24 At kaniyang ibibigay ang kanilang mga hari sa iyong kamay, at iyong papawiin ang kanilang pangalan sa silong ng langit: walang lalaking makatatayo doon sa harap mo, hanggang sa iyong malipol sila.

7:25 Ang mga larawang inanyuan na kanilang mga dios ay iyong susunugin sa apoy: huwag mong iimbutin ang pilak o ang ginto na nasa mga yaon, ni huwag mong kukunin para sa iyo, baka sa iyo'y maging silo: sapagka't ito'y isang karumaldumal sa Panginoon mong Dios.

7:26 At huwag kang magpapasok ng karumaldumal sa iyong bahay, at baka ikaw ay maging itinalaga na gaya niyaon: iyong lubos na kapopootan at iyong lubos na kasusuklaman, sapagka't itinalagang bagay.

8:1 Ang lahat ng utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay inyong isasagawa, upang kayo'y mangabuhay at dumami, at inyong mapasok at ariin ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang.

8:2 At iyong aalalahanin ang buong paraan na ipinatnubay sa iyo ng Panginoon mong Dios nitong apat na pung taon sa ilang, upang kaniyang mapangumbaba ka, at subukin ka, na maalaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong gaganapin ang kaniyang mga utos o hindi.

8:3 At ikaw ay pinapangumbaba niya, at pinapagdamdam ka niya ng gutom, at pinakain ka niya ng mana, na hindi mo nakilala, ni nakilala ng iyong mga magulang; upang kaniyang maipakilala sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawa't bagay na nagmumula sa bibig ng Panginoon.

8:4 Ang iyong suot ay hindi naluma sa iyo, ni hindi namaga ang iyong paa nitong apat na pung taon.

8:5 At iyong pagmunimuniin sa iyong puso, na kung paanong pinarurusahan ng tao ang kaniyang anak, ay gayon pinarurusahan ka ng Panginoon mong Dios.

8:6 At iyong tutuparin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, na lumakad ka sa kaniyang mga daan, at matakot ka sa kaniya.

8:7 Sapagka't dinala ka ng Panginoon mong Dios sa isang mabuting lupain, na lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman, na bumubukal sa mga libis at mga bundok.

8:8 Lupain ng trigo at ng sebada at ng puno ng ubas at ng mga puno ng igos, at ng mga granada; lupain ng mga puno ng olibo at ng pulot:

8:9 Lupain na kakainan mo ng tinapay na di kapos, na walang magkukulang sa iyo roon; lupain na ang mga bato ay bakal, at ang kaniyang mga burol ay makukunan mo ng tanso.

8:10 At kakain ka, at mabubusog ka, at iyong pupurihin ang Panginoon mong Dios dahil sa mabuting lupain na kaniyang ibinigay sa iyo.

8:11 Magingat ka na baka iyong malimutan ang Panginoon mong Dios, sa hindi mo pagtupad ng kaniyang mga utos, at ng kaniyang mga kahatulan, at ng kaniyang mga palatuntunan, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito:

8:12 Baka pagka ikaw ay nakakain at nabusog, at nakapagtayo ng mabubuting bahay, at iyong natahanan;

8:13 At pagka ang iyong mga bakahan at ang iyong mga kawan ay dumami at ang iyong pilak at ang iyong ginto ay dumami at ang lahat ng tinatangkilik mo ay dumami;

8:14 Ay magmataas ang iyong puso, at iyong malimutan ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin;

8:15 Na siyang pumatnubay sa iyo sa malaki at kakilakilabot na ilang na tinatahanan ng mga makamandag na ahas at mga alakdan, at uhaw na lupa, na walang tubig; na siyang naglabas sa iyo ng tubig mula sa batong pingkian;

8:16 Na siyang nagpakain sa iyo ng mana sa ilang, na hindi nakilala ng iyong mga magulang; upang kaniyang mapangumbaba ka, at kaniyang subukin ka, na pabutihin ka sa iyong wakas:

8:17 At baka iyong sabihin sa iyong puso, Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito.

8:18 Kundi iyong aalalahanin ang Panginoon mong Dios, sapagka't siya ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan upang magkaroon ka ng kayamanan; upang kaniyang papagtibayin ang kaniyang tipan na kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, gaya nga sa araw na ito.

8:19 At mangyayari, na kung iyong kalilimutan ang Panginoon mong Dios, at ikaw ay susunod sa ibang mga dios, at iyong paglilingkuran sila, at iyong sasambahin sila ay aking pinatototohanan laban sa inyo sa araw na ito, na kayo'y tunay na malilipol.

8:20 Kung paano ang bansang nililipol ng Panginoon sa harap ninyo, ay gayon kayo malilipol; sapagka't hindi ninyo dininig ang tinig ng Panginoon ninyong Dios.

9:1 Dinggin mo, Oh Israel, ikaw ay tatawid sa Jordan sa araw na ito, upang iyong pasukin na ariin ang mga bansang lalong dakila at lalong makapangyarihan kay sa iyo, na mga bayang malaki at nakukutaan hanggang sa himpapawid,

9:2 Isang bayang malaki at mataas ng mga anak ng Anaceo, na iyong nakikilala, at tungkol sa kanila ay narinig mong sinasabi, Sinong makatatayo sa harap ng mga anak ni Anac?

9:3 Talastasin mo nga sa araw na ito, na ang Panginoon mong Dios ay siyang mangunguna sa iyo na parang mamumugnaw na apoy; kaniyang lilipulin sila, at kaniyang payuyukurin sila sa harap mo; sa gayo'y iyong mapalalayas sila, at iyong malilipol silang madali, na gaya ng sinalita sa iyo ng Panginoon.

9:4 Huwag kang magsasalita sa iyong puso, pagkatapos na mapalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo, na iyong sasabihin, Dahil sa aking katuwiran ay ipinasok ako ng Panginoon upang ariin ang lupaing ito; na dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinalalayas ng Panginoon sila sa harap mo.

9:5 Hindi dahil sa iyong katuwiran o dahil sa pagtatapat ng iyong loob ay iyong pinapasok upang ariin ang kanilang lupain: kundi dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinalalayas sila ng Panginoong Dios sa harap mo, at upang kaniyang papagtibayin ang salita na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob.

9:6 Talastasin mo nga na hindi ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios ang mabuting lupaing ito upang ariin ng dahil sa iyong katuwiran; sapagka't ikaw ay isang bayang matigas ang ulo.

9:7 Alalahanin mo, huwag mong kalimutan, kung paanong minungkahi mo sa galit ang Panginoon mong Dios sa ilang: mula nang araw na kayo'y umalis sa lupain ng Egipto, hanggang sa kayo'y dumating sa dakong ito ay naging mapanghimagsik kayo laban sa Panginoon.

9:8 Gayon din sa Horeb na inyong minungkahi ang Panginoon sa galit, at ang Panginoon ay nagalit sa inyo na kayo sana'y lilipulin.

9:9 Nang ako'y sumampa sa bundok upang tanggapin ang mga tapyas na bato, sa makatuwid baga'y ang mga tapyas ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo, ay natira nga ako sa bundok na apat na pung araw at apat na pung gabi; hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig.

9:10 At ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Dios; at sa mga yao'y nasusulat ang ayon sa lahat ng mga salita na sinalita ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang araw ng kapulungan.

9:11 At nangyari sa katapusan ng apat na pung araw at apat na pung gabi, na ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato, sa makatuwid baga'y ang mga tapyas ng tipan.

9:12 At sinabi ng Panginoon sa akin, Tumindig ka, manaog kang madali rito; sapagka't ang iyong bayan na iyong inilabas sa Egipto ay nangagpakasama; sila'y madaling lumihis sa daang aking iniutos sa kanila; sila'y nagsigawa para sa kanila ng isang larawang binubo.

9:13 Bukod dito'y sinalita sa akin ng Panginoon, na sinasabi, Aking nakita ang bayang ito, at, narito, isang bayang matigas ang ulo:

9:14 Bayaan mo ako na aking lipulin sila, at aking pawiin ang kanilang pangalan sa silong ng langit; at gagawin kita na isang bansang lalong makapangyarihan at lalong malaki kay sa kanila.

9:15 Sa gayo'y pumihit ako at bumaba ako mula sa bundok, at ang bundok ay nagniningas sa apoy, at ang dalawang tapyas ng tipan ay nasa aking dalawang kamay.

9:16 At tumingin ako, at, narito, kayo'y nakapagkasala na laban sa Panginoon ninyong Dios: kayo'y nagsigawa para sa inyo ng isang guyang binubo: kayo'y lumihis na madali sa daan na iniutos sa inyo ng Panginoon.

9:17 At aking tinangnan ang dalawang tapyas, at aking inihagis sa aking dalawang kamay, at aking iniwalat sa harap ng inyong mga mata.

9:18 At ako'y nagpatirapa sa harap ng Panginoon, gaya ng una, na apat na pung araw at apat na pung gabi; hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig; dahil sa inyong buong kasalanan na inyong ipinagkasala sa paggawa ninyo ng masama sa paningin ng Panginoon na minungkahi ninyo siya sa galit;

9:19 Sapagka't natatakot ako dahil sa galit at maningas na poot, na ikinayamot ng Panginoon sa inyo, na lilipulin sana kayo. Nguni't dininig din naman ako noon ng Panginoon.

9:20 At ang Panginoo'y totoong nagalit kay Aaron na siya sana'y papatayin: at akin din namang idinalangin si Aaron nang panahon ding yaon.

9:21 At aking kinuha ang inyong kasalanan, ang guyang inyong ginawa, at aking sinunog sa apoy, at aking niyapakan, na dinurog na mainam, hanggang sa naging durog na parang alabok; at aking inihagis ang alabok niyaon sa batis na umaagos mula sa bundok.

9:22 At sa Tabera, at sa Massa, at sa Kibroth-hataa-vah, ay inyong minungkahi ang Panginoon sa galit.

9:23 At nang suguin kayo ng Panginoon mula sa Cades-barnea, na sabihin, Sumampa kayo at ariin ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyo; kayo nga'y nanghimagsik laban sa utos ng Panginoon ninyong Dios, at hindi ninyo pinanampalatayanan siya, ni dininig ang kaniyang tinig.

9:24 Kayo'y naging mapanghimagsik laban sa Panginoon, mula nang araw na kayo'y aking makilala.

9:25 Sa gayo'y nagpatirapa ako sa harap ng Panginoon na apat na pung araw at apat na pung gabi na ako'y nagpatirapa, sapagka't sinabi ng Panginoon, na kaniyang lilipulin kayo.

9:26 At aking ipinanalangin sa Panginoon, at sinabi, Oh Panginoong Dios, huwag mong lipulin ang iyong bayan at ang iyong mana, na iyong tinubos ng iyong kadakilaan na iyong inilabas sa Egipto ng makapangyarihang kamay.

9:27 Alalahanin mo ang iyong mga lingkod, si Abraham, si Isaac, at si Jacob; huwag mong masdan ang pagmamatigas ng bayang ito, ni ang kasamaan nila, ni ang kasalanan nila:

9:28 Baka sabihin ng mga taga lupaing pinaglabasan mo sa amin: Sapagka't hindi sila naipasok ng Panginoon sa lupain na ipinangako sa kanila, at sa kapootan niya sa kanila, ay inilabas sila upang patayin sa ilang.

9:29 Gayon man sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas ng iyong dakilang kapangyarihan at ng iyong unat na bisig.

10:1 Nang panahong yaon ay sinabi ng Panginoon sa akin, Humugis ka ng dalawang tapyas na bato, na gaya ng una, at sampahin mo ako sa bundok, at gumawa ka ng isang kaban na kahoy;

10:2 At aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag, at iyong isisilid ang mga iyan sa kaban.

10:3 Sa gayo'y gumawa ako ng isang kaban na kahoy na akasia, at ako'y humugis ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una, at ako'y sumampa sa bundok na aking dala sa aking kamay ang dalawang tapyas.

10:4 At kaniyang isinulat sa mga tapyas, ang ayon sa unang sulat, ang sangpung utos na sinalita ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang kaarawan ng kapulungan: at ang mga yaon ay ibinigay sa akin ng Panginoon.

10:5 At ako'y pumihit at bumaba mula sa bundok, at aking isinilid ang mga tapyas sa kaban na aking ginawa, at nangandoon, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.

10:6 (At ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Beerot Bene-ja-acan hanggang sa Mosera: doon namatay si Aaron, at doon siya inilibing; at si Eleazar na kaniyang anak ay nangasiwa sa katungkulang saserdote na kahalili niya.

10:7 Mula roon ay naglakbay sila hanggang Gudgod; at mula sa Gudgod hanggang sa Jotbatha, na lupain ng mga batis ng tubig.

10:8 Nang panahong yaon ay inihiwalay ng Panginoon ang lipi ni Levi, upang magdala ng kaban ng tipan ng Panginoon, upang tumayo sa harap ng Panginoon na mangasiwa sa kaniya, at upang magbasbas sa kaniyang pangalan hanggang sa araw na ito.

10:9 Kaya't ang Levi ay walang bahagi ni mana sa kasamahan ng kaniyang mga kapatid; ang Panginoo'y siyang kaniyang mana, ayon sa sinalita ng Panginoon mong Dios sa kaniya.)

10:10 At ako'y nalabi sa bundok, gaya ng una, na apat na pung araw at apat na pung gabi; at ako'y dininig din noon ng Panginoon; hindi ka lilipulin ng Panginoon.

10:11 At sinabi ng Panginoon sa akin, Tumindig ka, lumakad ka na manguna sa bayan; at sila'y papasok at kanilang aariin ang lupain, na aking isinumpa sa kanilang mga magulang upang ibigay sa kanila.

10:12 At ngayon, Israel, ano ang hinihingi sa iyo ng Panginoon mong Dios, kundi matakot ka sa Panginoon mong Dios, lumakad ka sa lahat ng kaniyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang Panginoon mong Dios, ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo.

10:13 Na ganapin mo ang mga utos ng Panginoon, at ang kaniyang mga palatuntunan, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito sa iyong ikabubuti?

10:14 Narito, sa Panginoon mong Dios nauukol ang langit, at ang langit ng mga langit, ang lupa, sangpu ng lahat na nangariyan.

10:15 Ang Panginoon ay nagkaroon lamang ng hilig sa iyong mga magulang na ibigin sila, at kaniyang pinili ang kanilang binhi pagkamatay nila, sa makatuwid baga'y kayo, sa lahat ng mga bayan na gaya ng nakikita sa araw na ito.

10:16 Tuliin nga ninyo ang balat ng inyong puso, at huwag ninyong papagmatigasin ang inyong ulo.

10:17 Sapagka't ang Panginoon ninyong Dios, ay siyang Dios ng mga dios, at Panginoon ng mga panginoon, siyang dakilang Dios, siyang makapangyarihan at siyang kakilakilabot, na hindi nagtatangi ng tao ni tumatanggap ng suhol.

10:18 Kaniyang hinahatulan ng matuwid ang ulila at babaing bao, at iniibig ang taga ibang lupa, na binibigyan niya ng pagkain at kasuutan.

10:19 Ibigin nga ninyo ang taga ibang lupa: sapagka't kayo'y naging taga ibang lupa sa lupain ng Egipto.

10:20 Katatakutan mo ang Panginoon mong Dios; sa kaniya'y maglilingkod ka, at sa kaniya'y lalakip ka, at sa pamamagitan ng kaniyang pangalan susumpa ka.

10:21 Siya ang iyong kapurihan, at siya ang iyong Dios, na iginawa ka niya nitong mga dakila at kakilakilabot na mga bagay, na nakita ng iyong mga mata.

10:22 Ang iyong mga magulang ay lumusong sa Egipto na may pitong pung tao; at ngayo'y ginawa ka ng Panginoon mong Dios na gaya ng mga bituin sa langit ang dami.

11:1 Kaya't iyong iibigin ang Panginoon mong Dios, at iyong susundin ang kaniyang bilin, at ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga kahatulan, at ang kaniyang mga utos kailan man.

11:2 At talastasin ninyo sa araw na ito: sapagka't hindi ko sinasalita sa inyong mga anak na hindi nangakakilala, at hindi nangakakita ng parusa ng Panginoon ninyong Dios ng kaniyang kadakilaan, ng kaniyang makapangyarihang kamay at ng kaniyang unat na bisig,

11:3 At ng kaniyang mga tanda, at ng kaniyang mga gawa, na kaniyang ginawa sa gitna ng Egipto kay Faraon na hari sa Egipto, at sa kaniyang buong lupain;

11:4 At ang kaniyang ginawa sa hukbo ng Egipto, sa kanilang mga kabayo, at sa kanilang mga karo; kung paanong tinakpan niya sila ng tubig ng Dagat na Mapula nang kanilang habulin kayo, at kung paanong nilipol sila ng Panginoon sa araw na ito;

11:5 At kung ano ang kaniyang ginawa sa inyo sa ilang hanggang sa dumating kayo sa dakong ito;

11:6 At kung ano ang kaniyang ginawa kay Dathan at kay Abiram, na mga anak ni Eliab, na anak ni Ruben; kung paanong ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig, at nilamon sila, at ang kanilang mga sangbahayan, at ang kanilang mga tolda, at bawa't bagay na may buhay na sa kanila'y sumusunod sa gitna ng buong Israel:

11:7 Nguni't nakita ng inyong mga mata ang lahat ng dakilang gawa ng Panginoon na kaniyang ginawa.

11:8 Kaya't inyong susundin ang buong utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y lumakas at kayo'y pumasok at ariin ninyo ang lupain, na inyong tatawirin upang ariin;

11:9 At upang inyong maparami ang inyong mga araw sa ibabaw ng lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang na ibibigay sa kanila at sa kanilang binhi na lupaing binubukalan ng gatas at pulot.

11:10 Sapagka't ang lupain na iyong pinaroroonan upang ariin, ay hindi gaya ng lupain ng Egipto, na inyong pinanggalingan, na doo'y nagtatanim ka ng iyong binhi, at iyong dinidilig ng iyong paa, na parang taniman ng mga gulay;

11:11 Kundi ang lupain, na inyong tatawirin upang ariin, ay lupaing maburol at malibis, at dinidilig ng tubig ng ulan sa langit:

11:12 Lupaing inaalagaan ng Panginoon mong Dios, at ang mga mata ng Panginoon mong Dios ay nandoong lagi, mula sa pasimula ng taon hanggang sa katapusan ng taon.

11:13 At mangyayari, na kung inyong didingging maigi ang aking mga utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon ninyong Dios at siya'y paglingkuran ng buo ninyong puso, at ang buo ninyong kaluluwa,

11:14 Ay ibibigay ko ang ulan ng inyong lupain sa kaniyang kapanahunan, ang una at huling ulan upang iyong makamalig ang iyong trigo, at ang iyong alak, at ang iyong langis.

11:15 At aking bibigyan ng damo ang iyong mga hayop sa iyong mga bukid, at ikaw ay kakain at mabubusog.

11:16 Mangagingat kayo, baka ang inyong puso ay madaya, at kayo'y maligaw, at maglingkod sa ibang mga dios, at sumamba sa kanila;

11:17 At ang galit ng Panginoon ay magalab laban sa inyo, at kaniyang sarhan ang langit, upang huwag magkaroon ng ulan, at ang lupa'y huwag magbigay ng kaniyang bunga; at kayo'y malipol na madali sa mabuting lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon.

11:18 Kaya't inyong ilalagak itong aking mga salita sa inyong puso, at sa inyong kaluluwa; at inyong itatali na pinakatanda sa inyong kamay at magiging pinakatali sa inyong noo.

11:19 At inyong ituturo sa inyong mga anak, na inyong sasalitain sa kanila, pagka ikaw ay nauupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumalakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga, at pagka ikaw ay bumabangon.

11:20 At iyong isusulat sa itaas ng pintuan ng iyong bahay, at sa iyong mga pintuang-daan:

11:21 Upang ang inyong mga araw ay dumami at ang mga araw ng inyong mga anak, sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang na ibibigay sa kanila, gaya ng mga araw ng langit sa ibabaw ng lupa.

11:22 Sapagka't kung inyong susunding masikap ang buong utos na ito na aking iniuutos sa inyo upang gawin, na ibigin ang Panginoon ninyong Dios, lumakad sa lahat ng kaniyang daan, at makilakip sa kaniya:

11:23 Ay palalayasin nga ng Panginoon ang lahat ng mga bansang ito sa harap ninyo, at kayo'y magaari ng mga bansang lalong malaki at lalong makapangyarihan kay sa inyo.

11:24 Bawa't dakong tutuntungan ng talampakan ng inyong paa ay magiging inyo: mula sa ilang, at sa Libano, mula sa ilog, sa ilog Eufrates, hanggang sa dagat kalunuran ay magiging inyong hangganan.

11:25 Walang lalaking makatatayo sa harap ninyo: sisidlan ng Panginoon ninyong Dios ng takot sa inyo at ng sindak sa inyo sa ibabaw ng buong lupain na inyong tutuntungan, gaya ng kaniyang sinalita sa inyo.

11:26 Narito, inilalagay ko sa harap ninyo sa araw na ito ang pagpapala at ang sumpa;

11:27 Ang pagpapala, kung inyong didinggin ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios, na aking iniutos sa inyo sa araw na ito;

11:28 At ang sumpa, kung hindi ninyo didinggin ang mga utos ng Panginoon ninyong Dios, kundi kayo lilihis sa daan na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang sumunod sa ibang mga dios, na hindi ninyo nangakilala.

11:29 At mangyayari, na pagka ikaw ay ipapasok ng Panginoon mong Dios sa lupain na iyong pinaroroonan upang ariin, na iyong ilalagay ang pagpapala sa bundok ng Gerizim, at ang sumpa sa bundok ng Ebal.

11:30 Di ba sila'y nasa dako pa roon ng Jordan, sa dakong nilulubugan ng araw, sa lupain ng mga Cananeo na tumatahan sa Araba, sa tapat ng Gilgal na kasiping ng mga encina sa More?

11:31 Sapagka't kayo'y tatawid sa Jordan upang inyong pasukin na ariin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, at inyong aariin, at tatahan kayo roon.

11:32 At inyong isasagawa ang lahat ng mga palatuntunan at mga kahatulan na aking iginagawad sa inyo sa araw na ito.

12:1 Ito ang mga palatuntunan at mga kahatulan na inyong isasagawa sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang upang ariin, sa lahat ng mga araw na inyong ikabubuhay sa ibabaw ng lupa.

12:2 Tunay na gigibain ninyo ang lahat ng mga dako, na pinaglilingkuran sa kanilang dios ng mga bansang inyong aariin, sa ibabaw ng matataas na bundok, at sa ibabaw ng mga burol, at sa lilim ng bawa't punong kahoy na sariwa:

12:3 At iyong iwawasak ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputol-putulin ang kanilang mga haliging pinakaalaala, at susunugin ang kanilang mga Asera sa apoy; at inyong ibubuwal ang mga larawang inanyuan na kanilang mga dios; at inyong papawiin ang kanilang pangalan sa dakong yaon.

12:4 Huwag kayong gagawa ng ganito sa Panginoon ninyong Dios.

12:5 Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng inyong mga lipi na paglalagyan ng kaniyang pangalan, sa makatuwid baga'y sa kaniyang tahanan ay inyong hahanapin, at doon kayo paroroon:

12:6 At doon ninyo dadalhin ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga hain, at ang inyong mga ikasangpung bahagi, at ang handog na itataas ng inyong kamay, at ang inyong mga panata, at ang inyong mga kusang handog, at ang mga panganay sa inyong mga bakahan at sa inyong mga kawan:

12:7 At doon kayo kakain sa harap ng Panginoon ninyong Dios, at kayo'y mangagagalak sa lahat na kalagyan ng inyong kamay, kayo at ang inyong mga sangbahayan kung saan ka pinagpala ng Panginoon mong Dios.

12:8 Huwag ninyong gagawin ang ayon sa lahat ng mga bagay na ating ginagawa dito sa araw na ito, na ang magalingin ng bawa't isa sa kaniyang paningin;

12:9 Sapagka't hindi pa kayo nakararating sa kapahingahan at sa mana, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon ninyong Dios.

12:10 Datapuwa't pagtawid ninyo ng Jordan, at pagtahan sa lupain na ipinamamana sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, at pagkabigay niya sa inyo ng kapahingahan sa lahat ng inyong mga kaaway sa palibot, na ano pa't kayo'y tumahang tiwasay;

12:11 Ay mangyayari nga, na ang dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Dios na patatahanan sa kaniyang pangalan ay doon ninyo dadalhin ang lahat na aking iniuutos sa inyo; ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga hain, ang inyong mga ikasangpung bahagi, at ang handog na itataas ng inyong kamay, at ang lahat ng inyong piling panata na inyong ipinananata sa Panginoon:

12:12 At kayo'y magagalak sa harap ng Panginoon ninyong Dios, kayo at ang inyong mga anak na lalake at babae, at ang inyong mga aliping lalake at babae, at ang Levita na nasa loob ng inyong mga pintuang-daan, sapagka't siya'y walang bahagi ni mana na kasama ninyo.

12:13 Magingat ka na huwag mong ihahandog ang iyong handog na susunugin sa alinmang dakong iyong makikita:

12:14 Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon sa isa sa iyong mga lipi ay doon mo ihahandog ang iyong mga handog na susunugin, at doon mo gagawin ang lahat na aking iniuutos sa iyo.

12:15 Gayon ma'y makapapatay ka at makakakain ka ng karne sa loob ng lahat ng iyong mga pintuang-daan, ayon sa buong nasa ng iyong kaluluwa, ayon sa pagpapala ng Panginoon mong Dios na kaniyang ibinigay sa iyo: ang marumi at ang malinis ay makakakain niyaon, gaya ng maliit na usa, at gaya ng malaking usa.

12:16 Huwag lamang ninyong kakanin ang dugo; iyong ibubuhos sa lupa na parang tubig.

12:17 Hindi mo makakain sa loob ng iyong mga pintuang-daan ang ikasangpung bahagi ng iyong trigo, o ng iyong alak, o ng iyong langis, o ng mga panganay sa iyong bakahan o sa iyong kawan, ni anoman sa iyong mga panata na iyong ipananata, ni ang iyong mga kusang handog, ni ang handog na itataas ng iyong kamay:

12:18 Kundi iyong kakanin sa harap ng Panginoon mong Dios sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios, kakanin mo, at ng iyong anak na lalake at babae, at ng iyong aliping lalake at babae, at ng Levita na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan: at kagagalakan mo sa harap ng Panginoon mong Dios, ang lahat ng kalagyan ng iyong kamay.

12:19 Ingatan mong huwag mong pabayaan ang Levita samantalang nabubuhay ka sa iyong lupain.

12:20 Pagka palalakihin ng Panginoon mong Dios ang iyong hangganan, gaya ng kaniyang ipinangako sa iyo, at iyong sasabihin, Ako'y kakain ng karne, sapagka't nasa mong kumain ng karne; ay makakakain ka ng karne, ayon sa buong nasa mo.

12:21 Kung ang dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios na paglalagyan ng kaniyang pangalan ay totoong malayo sa iyo, ay papatay ka nga sa iyong bakahan at sa iyong kawan, na ibinigay sa iyo ng Panginoon, gaya ng iniutos ko sa iyo, at makakakain ka sa loob ng iyong mga pintuang-daan, ayon sa buong nasa mo.

12:22 Kung paano ang pagkain sa maliit at malaking usa, ay gayon kakanin; ang marumi at ang malinis ay kapuwang makakakain niyaon.

12:23 Lamang ay pagtibayin mong hindi mo kakanin ang dugo: sapagka't ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakanin ang buhay na kasama ng laman.

12:24 Huwag mong kakanin yaon; iyong ibubuhos sa ibabaw ng lupa na parang tubig.

12:25 Huwag mong kakanin yaon; upang ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, kung iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng Panginoon.

12:26 Ang iyo lamang mga itinalagang bagay na tinatangkilik mo, at ang iyong mga panata, ang iyong dadalhin, at yayaon ka sa dakong pipiliin ng Panginoon:

12:27 At iyong ihahandog ang iyong mga handog na susunugin, ang laman at ang dugo, sa ibabaw ng dambana ng Panginoon mong Dios: at ang dugo ng iyong mga hain ay ibubuhos sa ibabaw ng dambana ng Panginoon mong Dios; at iyong kakanin ang karne.

12:28 Iyong sundin at dinggin ang lahat ng mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo, upang magpakailan man ay ikabuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, pagka iyong ginawa ang mabuti at matuwid sa paningin ng Panginoon mong Dios.

12:29 Pagka naihiwalay ng Panginoon mong Dios sa harap mo, ang mga bansa na iyong pinapasok upang ariin, at iyong halinhan sila, at nakatahan ka sa kanilang lupain,

12:30 Ay magingat ka na huwag masilong sumunod sa kanila, pagkatapos na sila'y malipol sa harap mo; at huwag kang magusisa ng tungkol sa kanilang mga dios, na magsabi, Paanong naglilingkod ang mga bansang ito sa kanilang mga dios? na gayon din ang gagawin ko.

12:31 Huwag mong gagawing gayon sa Panginoon mong Dios: sapagka't bawa't karumaldumal sa Panginoon, na kaniyang kinapopootan, ay kanilang ginagawa sa kanilang mga dios; sapagka't pati ng kanilang mga anak na lalake at babae ay kanilang sinusunog sa apoy sa kanilang mga dios.

12:32 Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong isasagawa: huwag mong dadagdagan, ni babawasan.

13:1 Kung may bumangon sa gitna mo na isang manghuhula, o isang mapanaginipin ng mga panaginip, at kaniyang bigyan ka ng isang tanda o kababalaghan,

13:2 At ang tanda o ang kababalaghan ay mangyari, na kaniyang pagsalitaan ka, na sabihin, Sumunod tayo sa ibang mga dios, na hindi mo nakikilala, at ating paglingkuran sila;

13:3 Ay huwag mong didinggin ang mga salita ng manghuhulang yaon, o ng mapanaginiping yaon ng mga panaginip: sapagka't sinusubok kayo ng Panginoon ninyong Dios, upang maalaman kung iniibig ninyo ang Panginoon ninyong Dios ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa.

13:4 Kayo'y lalakad ayon sa Panginoon ninyong Dios, at matatakot sa kaniya, at gaganap ng kaniyang mga utos, at susunod sa kaniyang tinig at maglilingkod sa kaniya at lalakip sa kaniya.

13:5 At ang manghuhulang yaon o ang mapanaginiping yaon ng mga panaginip, ay papatayin, sapagka't siya'y nagsalita ng panghihimagsik laban sa Panginoon ninyong Dios na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, at tumubos sa iyo sa bahay ng pagkaalipin, upang iligaw ka sa daan na iniutos sa iyong lakaran mo ng Panginoon mong Dios. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

13:6 Kung ang inyong kapatid na lalake, na anak ng iyong ina, o ang iyong anak na lalake o babae, o ang asawa ng iyong sinapupunan, o ang iyong kaibigan, na parang iyong sariling kaluluwa, ay humimok sa iyo ng lihim, na magsabi, Tayo'y yumaon at maglingkod sa ibang mga dios, na hindi mo nakilala, ninyo o ng iyong mga magulang;

13:7 Sa mga dios ng mga bayan na nasa palibot ninyo na malapit sa iyo, o malayo sa iyo, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa;

13:8 Ay huwag mong papayagan siya ni didinggin siya; ni huwag mong kahahabagan siya ng iyong mata, ni patatawarin, ni ikukubli:

13:9 Kundi papatayin mo nga; ang iyong kamay ang mangunguna sa kaniya upang patayin siya, at pagkatapos ay ang kamay ng buong bayan.

13:10 At iyong babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay, sapagka't kaniyang pinagsikapang ihiwalay ka sa Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto, sa bahay ng pagkaalipin.

13:11 At maririnig ng buong Israel, at matatakot, at hindi na gagawa ng anomang kasamaan pa na gaya nito sa gitna mo.

13:12 Kung iyong maririnig saysayin ang tungkol sa isa sa iyong mga bayan, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang tumahan ka roon, na sasabihin.

13:13 Ilang hamak na tao ay nagsialis sa gitna mo, at iniligaw ang mga nananahan sa kanilang bayan, na sinasabi, Tayo'y yumaon at maglingkod sa ibang mga dios, na hindi ninyo nangakilala;

13:14 Ay iyo ngang sisiyasatin at uusisain, at itatanong na mainam; at, narito, kung magkatotoo at ang bagay ay tunay, na nagawa sa gitna mo ang gayong karumaldumal;

13:15 Iyo ngang susugatan ng talim ng tabak, ang mga nananahan sa bayang yaon, na iyong lubos na lilipulin, at ang lahat na nandoon at ang mga hayop doon ay iyong lilipulin ng talim ng tabak.

13:16 At iyong titipunin ang buong nasamsam doon, sa gitna ng lansangan niyaon, at iyong susunugin sa apoy ang bayan, at ang buong nasamsam doon, na bawa't putol, ay sa Panginoon mong Dios; at magiging isang bunton ng dumi magpakailan man; hindi na muling matatayo.

13:17 At huwag kang magsasagi ng bagay na itinalaga sa iyong kamay: upang talikdan ng Panginoon ang kabagsikan ng kaniyang galit, at pagpakitaan ka niya ng kaawaan, at mahabag sa iyo at paramihin ka, na gaya ng isinumpa niya sa iyong mga magulang;

13:18 Pagka iyong didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios, na iyong gaganapin ang lahat ng kaniyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng Panginoon mong Dios.

14:1 Kayo'y mga anak ng Panginoon ninyong Dios: huwag kayong magkukudlit, ni magpapakakalbo sa pagitan ng inyong mga mata, ng dahil sa patay.

14:2 Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios, at ikaw ay pinili ng Panginoon upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa.

14:3 Huwag kang kakain ng anomang karumaldumal na bagay.

14:4 Ito ang mga hayop na inyong makakain: ang baka, ang tupa, at ang kambing,

14:5 Ang malaking usa, at ang maliit na usa, at ang lalaking usa, at ang mabangis na kambing, at ang pigargo, at ang antilope, at ang gamuza.

14:6 At bawa't hayop na may hati ang paa, at baak, at ngumunguya sa mga hayop, ay inyong makakain.

14:7 Gayon ma'y ang mga ito ay hindi kakanin sa mga ngumunguya, o sa baak ang paa: ang kamelyo, at ang liebre, at ang coneho, sapagka't sila'y ngumunguya, nguni't walang hati ang paa; mga marumi sa inyo;

14:8 At ang baboy, sapagka't may hating paa, nguni't hindi ngumunguya, ito'y marumi sa inyo: ang laman nila'y huwag ninyong kakanin, at ang kanilang bangkay ay huwag hihipuin.

14:9 At ang mga ito'y inyong makakain sa lahat ng nasa tubig: anomang may mga kaliskis at mga palikpik, ay inyong makakain:

14:10 At anomang walang kaliskis at palikpik, ay huwag ninyong kakanin; marumi nga ito sa inyo.

14:11 Sa lahat ng ibong malinis ay makakakain kayo.

14:12 Nguni't ang mga ito'y hindi ninyo makakain: ang aguila, at ang aguilang dumudurog ng mga buto, at ang aguilang dagat;

14:13 At ang ixio, at ang halkon, at ang lawin ayon sa kaniyang pagkalawin;

14:14 At lahat na uwak ayon sa kanilang pagkauwak;

14:15 At ang avestruz, at ang chotacabras, at ang graviota, at ang lawin ayon sa kaniyang pagkalawin;

14:16 Ang munting kuwago, at ang malaking kuwago, at ang kuwagong tila may sungay;

14:17 At ang pelikano, at ang buitre, at ang somormuho;

14:18 At ang ciguena at ang tagak, ayon sa kanilang pagkatagak; at ang abubilla, at ang kabagkabag.

14:19 At lahat ng may pakpak na umuusad, ay marumi sa inyo: hindi kakanin.

14:20 Sa lahat ng ibong malinis ay kayo'y makakakain.

14:21 Huwag kayong kakain ng anomang bagay na namatay sa sarili: iyong maibibigay sa taga ibang bayang nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, upang kaniyang kanin; o iyong maipagbibili sa taga ibang bayan: sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios. Huwag mong lulutuin ang guyang kambing sa gatas ng kaniyang ina.

14:22 Iyo ngang pagsasangpuing bahagi ang lahat na bunga ng iyong binhi na nanggagaling taontaon sa iyong bukid.

14:23 At iyong kakanin sa harap ng Panginoon mong Dios, sa dakong kaniyang pipiliin na patatahanan sa kaniyang pangalan, ang ikasangpung bahagi ng iyong trigo, ng iyong alak at ng iyong langis, at ang mga panganay sa iyong bakahan at sa iyong kawan; upang magaral kang matakot sa Panginoon mong Dios na palagi.

14:24 At kung ang daan ay totoong mahaba sa ganang iyo, na ano pa't hindi mo madadala, sapagka't totoong malayo sa iyo ang dako, na pipiliin ng Panginoon mong Dios na paglalagyan ng kaniyang pangalan, pagka ikaw ay pagpapalain ng Panginoon mong Dios:

14:25 Ay iyo ngang sasalapiin, at iyong itatali ang salapi sa iyong kamay at paroroon ka sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios:

14:26 At iyong gugulin ang salapi sa anomang nasain mo sa mga baka, o sa mga tupa, o sa alak, o sa matapang na inumin, o sa anomang nasain ng iyong kaluluwa: at iyong kakanin doon sa harap ng Panginoon mong Dios, at ikaw ay magagalak, ikaw at ang iyong sangbahayan;

14:27 At ang Levita na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, ay huwag mong pababayaan: sapagka't siya'y walang bahagi ni mana na kasama mo.

14:28 Sa katapusan ng bawa't tatlong taon ay iyong kukunin ang buong ikasangpung bahagi ng iyong bunga ng taong yaon, at iyong ilalagay sa loob ng iyong mga pintuang-daan:

14:29 At ang Levita, sapagka't siya'y walang bahagi ni mana na kasama mo, at ang taga ibang bayan, at ang ulila, at ang babaing bao, na nangasa loob ng iyong mga pintuang-daan, ay magsisiparoon at magsisikain at mangabubusog; upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng gawa ng iyong kamay sa iyong ginagawa.

15:1 Sa katapusan ng bawa't pitong taon ay magpapatawad ka ng iyong mga pautang.

15:2 At ito ang paraan ng pagpapatawad: bawa't may pautang ay magpapatawad ng kaniyang ipinautang sa kaniyang kapuwa; huwag niyang sisingilin sa kaniyang kapuwa, at sa kaniyang kapatid; sapagka't ang pagpapatawad ng Panginoon ay ipinahayag.

15:3 Sa isang taga ibang lupa ay iyong masisingil; nguni't anomang tinatangkilik mo na nasa iyong kapatid ay ipatatawad ng iyong kamay.

15:4 Nguni't hindi magkakadukha sa iyo (sapagka't pagpapalain ka nga ng Panginoon sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana upang iyong ariin),

15:5 Kung iyong didinggin lamang na masikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, na isagawa ang buong utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.

15:6 Sapagka't pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios, na gaya ng ipinangako niya sa iyo: at ikaw ay magpapautang sa maraming bansa, nguni't hindi ka mangungutang; at ikaw ay magpupuno sa maraming bansa, nguni't hindi ka nila pagpupunuan.

15:7 Kung magkaroon sa iyo ng isang dukha, na isa sa iyong mga kapatid, na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan sa iyong lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay huwag mong pagmamatigasin ang iyong puso, ni pagtitikuman ng iyong kamay ang iyong dukhang kapatid:

15:8 Kundi iyo ngang bubukhin ang iyong kamay sa kaniya, at iyo ngang pauutangin siya ng sapat sa kaniyang kailangan sa kaniyang kinakailangan.

15:9 Pagingatan mong huwag magkaroon ng masamang pagiisip sa iyong puso, na iyong sabihin, Ang ikapitong taon, na taon ng pagpapatawad, ay malapit na; at ang iyong mata'y magmasama laban sa iyong dukhang kapatid at hindi mo siya bigyan; at siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo, at maging kasalanan sa iyo.

15:10 Siya nga'y bibigyan mo, at ang iyong puso'y huwag magdamdam pagka binibigyan mo siya; sapagka't dahil sa bagay na ito'y pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong gawa, at sa lahat ng hipuin ng iyong kamay.

15:11 Sapagka't hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailan man: kaya't aking iniutos sa iyo, na aking sinasabi, Bubukhin mo nga ang iyong kamay sa iyong kapatid, sa nagkakailangan sa iyo, at sa dukha mo, sa iyong lupain.

15:12 Kung ang iyong kapatid, na Hebreong lalake o babae, ay ipagbili sa iyo, at maglingkod sa iyong anim na taon; sa ikapitong taon nga ay iyong papagpapaalaming laya sa iyo.

15:13 At pagka iyong papagpapaalaming laya sa iyo, ay huwag mo siyang papagpapaalaming walang dala:

15:14 Iyo siyang papagbabaunin na may kasaganaan ng bunga ng iyong kawan, at ng iyong giikan, at ng iyong pisaan ng ubas, kung paano ang ipinagpala sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay bibigyan mo siya.

15:15 At iyong aalalahanin na ikaw ay alipin sa lupain ng Egipto, at tinubos ka ng Panginoon mong Dios: kaya't iniuutos ko sa iyo ngayon ang bagay na ito.

15:16 At mangyayari, na kung sabihin niya sa iyo, Hindi ako aalis sa iyo; sapagka't iniibig ka niya at ang iyong bahay, sapagka't kinalulugdan mo siya;

15:17 At kukuha ka nga ng isang pangbutas at ibutas mo sa kaniyang tainga sa pintuan, at siya'y magiging iyong alipin magpakailan man. At sa iyong aliping babae man ay gayon din ang iyong gagawin.

15:18 Huwag mong mamabigatin, pagka iyong papagpapaalaming laya sa iyo: sapagka't ibayo ng kaupahang magpapaupa ang kaniyang ipinaglingkod sa iyo sa anim na taon: at pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong ginagawa.

15:19 Lahat ng panganay na lalake na ipinanganak sa iyong bakahan, at sa iyong kawan ay iyong itatalaga sa Panginoon mong Dios: huwag mong pagagawin ang panganay ng iyong baka, ni huwag mong gugupitan ang panganay ng iyong kawan.

15:20 Iyong kakanin sa harap ng Panginoon mong Dios taontaon sa dakong pipiliin ng Panginoon, kakanin mo, at ng iyong mga sangbahayan.

15:21 At kung may anomang kapintasan, na pilay o bulag, anomang masamang kapintasan, ay huwag mong ihahain sa Panginoon mong Dios.

15:22 Iyong kakanin sa loob ng iyong mga pintuang-daan: ang marumi at ang malinis ay kapuwa kakain, na gaya ng maliit na usa at gaya ng malaking usa.

15:23 Huwag mo lamang kakanin ang dugo niyaon; iyong ibubuhos sa ibabaw ng lupa na parang tubig.

16:1 Magdidiwang ka sa buwan ng Abib, at ipangingilin ang paskua sa Panginoon mong Dios: sapagka't sa buwan ng Abib inilabas ka ng Panginoon mong Dios sa Egipto sa gabi.

16:2 At iyong ihahain ang paskua sa Panginoon mong Dios, ang sa kawan at sa bakahan, sa dakong pipiliin ng Panginoon na patatahanan sa kaniyang pangalan.

16:3 Huwag kang kakain sa paskua ng tinapay na may lebadura; pitong araw na kakanin mo sa paskua ang tinapay na walang lebadura, ang tinapay ng pagkapighati; sapagka't umalis kang madalian sa lupain ng Egipto: upang iyong maalaala ang araw na inialis mo sa lupain ng Egipto sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.

16:4 At pitong araw na walang makikitang lebadura sa iyo, sa lahat ng iyong mga hangganan; ni sa anomang karne na iyong ihahain sa unang araw sa paglubog ng araw ay walang maiiwan sa buong gabi, hanggang sa umaga;

16:5 Hindi mo maihahain ang paskua sa loob ng alin man sa iyong mga pintuang-daan, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios:

16:6 Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios na patatahanan sa kaniyang pangalan, ay doon mo ihahain ang paskua sa pagtatakip silim, sa paglubog ng araw, sa panahon na iyong inialis sa Egipto.

16:7 At iyong iihawin at kakanin sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios; at ikaw ay babalik sa kinaumagahan, at uuwi sa iyong mga tolda.

16:8 Anim na araw na kakain ka ng tinapay na walang lebadura: at sa ikapitong araw ay magkakaroon ka ng takdang pagpupulong sa Panginoon mong Dios: huwag kang gagawa ng anomang gawa sa araw na iyan.

16:9 Pitong sanglinggo ang iyong bibilangin sa iyo: mula sa iyong pagpapasimulang isuot ang panggapas sa mga nakatayong trigo ay magpapasimula kang bumilang ng pitong sanglinggo.

16:10 At iyong ipagdidiwang ang kapistahan ng mga sanglinggo sa Panginoon mong Dios na may dulot ng kusang handog ng iyong kamay, na iyong ibibigay, ayon sa ipinagpala sa iyo ng Panginoon mong Dios:

16:11 At ikaw ay magagalak sa harap ng Panginoon mong Dios, ikaw at ang iyong anak na lalake at babae, at ang iyong aliping lalake at babae, at ang Levita na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, at ang taga ibang bayan, at ang ulila, at ang babaing bao, na nasa gitna mo, sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios na patatahanan sa kaniyang pangalan.

16:12 At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa Egipto: at iyong gaganapin at gagawin ang mga palatuntunang ito.

16:13 Iyong ipagdidiwang na pitong araw ang kapistahan ng mga tabernakulo, pagkatapos na makamalig mo ang aning mula sa iyong giikan at sa iyong pisaan ng ubas:

16:14 At ikaw ay magagalak sa iyong pagpipista, ikaw, at ang iyong anak na lalake at babae, at ang iyong aliping lalake at babae, at ang Levita, at ang taga ibang bayan, at ang ulila, at ang babaing bao, na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan.

16:15 Pitong araw na ipagdidiwang mo ang pista sa Panginoon mong Dios sa dakong pipiliin ng Panginoon: sapagka't pagpapalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong kinikita, at sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay, at ikaw ay lubos na magagalak.

16:16 Makaitlo sa isang taon na ang iyong mga lalake ay magsisiharap sa Panginoon mong Dios, sa dakong kaniyang pipiliin; sa kapistahan ng tinapay na walang lebadura, at sa kapistahan ng mga sanglinggo, at sa kapistahan ng mga tabernakulo: at huwag silang haharap na walang dala sa Panginoon:

16:17 Bawa't lalake ay magbibigay ng kaniyang kaya, ayon sa pagpapala na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

16:18 Maghahalal ka sa iyo ng mga hukom at ng mga pinuno sa lahat ng iyong mga pintuang-daan, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ayon sa iyong mga lipi: at sila'y hahatol sa bayan ng matuwid na paghatol.

16:19 Huwag kang magliliko ng paghatol; huwag kang tatangi ng mga pagkatao: ni kukuha ng suhol; sapagka't ang suhol ay bumubulag ng mga mata ng marunong, at nagliliko ng mga salita ng matuwid.

16:20 Susundin mo ang tunay na katuwidtuwiran, upang mabuhay ka at manahin mo ang lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

16:21 Huwag kang magtatanim sa iyo ng Asera ng anomang kahoy sa siping ng dambana ng Panginoon mong Dios, na gagawin mo para sa iyo.

16:22 Ni magtatayo ka para sa iyo ng pinakaalaalang haligi; na kinapopootan ng Panginoon mong Dios.

17:1 Huwag kang maghahain sa Panginoon mong Dios ng baka o tupa, na may dungis o anomang kapintasan; sapagka't yao'y isang karumaldumal sa Panginoon mong Dios.

17:2 Kung may masusumpungan sa gitna mo, sa loob ng alin man sa iyong mga pintuang-daan, na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ang lalake o babae na gumagawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon mong Dios, sa pagsalangsang sa kaniyang tipan,

17:3 At yumaon at naglingkod sa ibang mga dios, at sumamba sa kanila, o sa araw, o sa buwan, o sa anomang natatanaw sa langit na hindi ko iniutos;

17:4 At maisaysay sa iyo, at iyong mabalitaan; ay iyo ngang sisiyasating masikap; at, narito, kung totoo, at ang bagay ay tunay, na ang gayong karumaldumal ay nagawa sa Israel,

17:5 Ay iyo ngang ilalabas ang lalake o babaing yaon, na gumawa nitong bagay na kasamaan, sa iyong mga pintuang-daan, sa makatuwid baga'y ang lalake o babae; at iyong babatuhin sila ng mga bato, hanggang sila'y mamatay.

17:6 Sa bibig ng dalawang saksi, o ng tatlong saksi ay papatayin ang dapat mamatay; sa bibig ng isang saksi ay hindi siya papatayin.

17:7 Ang kamay ng mga saksi ay siyang unang papatay sa kaniya at pagkatapos ang kamay ng buong bayan. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

17:8 Kung magkakaroon ng totoong mahirap na bagay sa iyo sa paghatol, na dugo't dugo, usap at usap, at bugbog at bugbog, na bagay na pagkakaalit sa loob ng iyong mga pintuang-daan, ikaw nga'y titindig at sasampa sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios;

17:9 At ikaw ay paroroon sa mga saserdote na mga Levita, at sa magiging hukom sa mga araw na yaon: at iyong sisiyasatin; at kanilang ipakikilala sa iyo ang hatol ng kahatulan.

17:10 At iyong gagawin ayon sa tinig ng hatol, na kanilang ipakikilala sa iyo mula sa dakong yaon na pipiliin ng Panginoon; at iyong isasagawa ayon sa lahat na kanilang ituturo sa iyo:

17:11 Ayon sa tinig ng kautusan na kanilang ituturo sa iyo, at ayon sa kahatulan na kanilang isasaysay sa iyo, ay gagawin mo: huwag kang liliko sa hatol na kanilang ipakikilala sa iyo, maging sa kanan o sa kaliwa man.

17:12 At ang tao na gumawa ng pagpapalalo, sa di pakikinig sa saserdote na tumatayo upang mangasiwa doon sa harap ng Panginoon mong Dios, o sa hukom, ay papatayin nga ang taong yaon: at iyong aalisin ang kasamaan sa Israel.

17:13 At maririnig ng buong bayan at matatakot, at di na gagawa pa ng pagpapalalo.

17:14 Pagka ikaw ay dumating sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, at iyong aariin, at iyong tatahanan; at iyong sasabihin, Ako'y maglalagay ng isang hari sa akin gaya ng lahat ng mga bansang nasa palibot ko;

17:15 Ay ilalagay mo ngang hari sa iyo, yaong pipiliin ng Panginoon mong Dios: na isa sa iyong mga kapatid ang ilalagay mong hari sa iyo: hindi mo mailalagay sa iyo ang isang taga ibang bayan, na hindi mo kapatid.

17:16 Huwag lamang siyang magpaparami ng mga kabayo, ni pababalikin niya ang bayan sa Egipto, upang siya'y makapagparami ng mga kabayo: sapagka't sinabi sa inyo ng Panginoon, Huwag na ninyong babalikan mula ngayon ang daang yaon.

17:17 Ni huwag siyang magpaparami ng mga asawa, upang huwag maligaw ang kaniyang puso: ni huwag siyang magpaparami ng pilak at ginto.

17:18 At mangyayari, na pagka siya'y luluklok sa luklukan ng kaniyang kaharian, ay kaniyang susulatin ang isang salin ng kautusang ito sa isang aklat, na nasa harap ng mga saserdote na mga Levita:

17:19 At mamamalagi sa kaniya, at kaniyang babasahin sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay: upang siya'y magaral na matakot sa Panginoon niyang Dios, upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ng mga palatuntunang ito;

17:20 Upang ang kaniyang puso ay huwag magmataas sa kaniyang mga kapatid at siya'y huwag maligaw sa utos, maging sa kanan, o sa kaliwa: upang kaniyang maparami ang kaniyang mga araw sa kaniyang kaharian, niya, at ng kaniyang mga anak sa gitna ng Israel.

18:1 Ang mga saserdote na mga Levita, ang buong lipi ni Levi, ay hindi magkakaroon ng bahagi ni mana na kasama ng Israel; sila'y kakain ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ng kaniyang mana.

18:2 At sila'y hindi magkakaroon ng mana na kasama ng kanilang mga kapatid; ang Panginoon ang kanilang mana, gaya ng sinalita niya sa kanila.

18:3 At ito ang magiging karampatan ng mga saserdote sa bayan, sa kanila na naghahandog ng hain, maging baka o tupa, na kanilang ibibigay sa saserdote ang balikat, at ang dalawang pisngi, at ang sikmura.

18:4 Ang mga unang bunga ng iyong trigo, ng iyong alak, at ng iyong langis, at ang unang balahibo ng iyong mga tupa, ay ibibigay mo sa kaniya.

18:5 Sapagka't pinili siya ng Panginoon mong Dios sa lahat ng iyong mga lipi, upang tumayong mangasiwa sa pangalan ng Panginoon, siya at ang kaniyang mga anak magpakailan man.

18:6 At kung ang isang Levita ay umalis sa alinman sa iyong mga pintuang-daan ng buong Israel na kaniyang pinakikipamayanan at pumaroon ng buong nasa ng kaniyang kaluluwa sa dakong pipiliin ng Panginoon;

18:7 Ay mangangasiwa nga siya sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, na gaya ng ginagawa ng lahat ng kaniyang mga kapatid na mga Levita, na tumatayo roon sa harap ng Panginoon.

18:8 Sila'y magkakaroon ng magkakaparehong bahagi na kakanin, bukod sa magmumula sa pinagbilhan sa pamana ng kaniyang ama.

18:9 Pagpasok mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay huwag kang magaaral gumawa ng ayon sa mga karumaldumal ng mga bansang yaon.

18:10 Huwag makakasumpong sa iyo ng sinomang nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalake o babae, o nanghuhula o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway,

18:11 O enkantador ng mga ahas, o nakikipagsanggunian sa mga masamang espiritu, o mahiko, o sumasangguni sa mga patay.

18:12 Sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon: at dahil sa mga karumaldumal na ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Dios sa harap mo.

18:13 Ikaw ay magpapakasakdal sa Panginoon mong Dios.

18:14 Sapagka't ang mga bansang ito, na iyong aariin, ay nakikinig sa kanila na nagmamasid ng mga pamahiin, at sa mga manghuhula: nguni't tungkol sa iyo, ay hindi pumayag ang Panginoon mong Dios na gawin mo.

18:15 Palilitawin sa iyo ng Panginoon mong Dios ang isang propeta sa gitna mo, sa iyong mga kapatid, na gaya ko; sa kaniya kayo makikinig;

18:16 Ayon sa lahat ng iyong ninasa sa Panginoon mong Dios sa Horeb, sa araw ng kapulungan, na sinasabi, Huwag mong iparinig uli sa akin ang tinig ng Panginoon kong Dios, ni ipakita pa sa akin itong dakilang apoy, upang huwag akong mamatay.

18:17 At sinabi ng Panginoon sa akin, Mabuti ang kanilang pagkasabi ng kanilang salitain.

18:18 Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya, at kaniyang sasalitain sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kaniya.

18:19 At mangyayari, na sinomang hindi makikinig sa aking mga salita na kaniyang sasalitain sa aking pangalan, ay aking sisiyasatin yaon sa kaniya.

18:20 Nguni't ang propeta na magsasalita ng salitang may pagpapalalo sa aking pangalan, na hindi ko iniutos sa kaniyang salitain o magsasalita sa pangalan ng ibang mga dios, ay papatayin nga ang propetang yaon.

18:21 At kung iyong sasabihin sa iyong puso: Paanong malalaman namin ang salita na hindi sinalita ng Panginoon?

18:22 Pagka ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi sumunod ni mangyari, ay hindi sinalita ng Panginoon ang bagay na yaon: ang propetang yaon ay nagsalita ng kahambugan, huwag mong katatakutan siya.

19:1 Pagka ihihiwalay ng Panginoon mong Dios ang mga bansa, na lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, at hahalili ka sa kanila, at iyong tatahanan ang kanilang mga bayan, at ang kanilang mga bahay;

19:2 Ay maghihiwalay ka para sa iyo ng tatlong bayan sa gitna ng iyong lupain, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang ariin.

19:3 Ikaw ay maghahanda sa iyo ng daan, at pagtatluhin mong bahagi ang mga hangganan ng iyong lupain, na ipinamamana sa iyo ng Panginoon mong Dios, upang matakasan ng bawa't nakamatay tao.

19:4 At ito ang bagay ng nakamatay tao, na tatakas doon at mabubuhay: sinomang makapatay sa kaniyang kapuwa ng di sinasadya, at hindi niya kinapopootan ng panahong nakaraan;

19:5 Gaya ng isang tao na yumaon sa gubat na kasama ang kaniyang kapuwa upang pumutol ng kahoy, at sa kamay niya na pumapalakol upang pumutol ng kahoy, ay humagpos ang patalim sa tatangnan, at bumagsak sa kaniyang kapuwa, na anopa't mamatay; ay tatakas siya sa isa sa mga bayang yaon at siya'y mabubuhay:

19:6 Baka habulin ng tagapanghiganti sa dugo ang nakamatay, samantalang ang puso'y nagaalab, at siya'y kaniyang abutan, sapagka't ang daan ay mahaba, at siya'y saktan ng malubha; na siya'y di marapat patayin, sapagka't hindi niya kinapopootan nang panahong nakaraan.

19:7 Kaya't iniuutos ko sa iyo, na sinasabi, Maghihiwalay ka para sa iyo ng tatlong bayan.

19:8 At kung palakihin ng Panginoon mong Dios ang iyong hangganan gaya ng kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, at ibigay niya sa iyo ang buong lupain na kaniyang ipinangakong ibibigay sa iyong mga magulang;

19:9 Kung iyong isasagawa ang buong utos na ito, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon mong Dios, at lumakad kailan man sa kaniyang mga daan; ay magdadagdag ka pa nga ng tatlong bayan sa iyo, bukod sa tatlong ito:

19:10 Upang huwag mabubo ang dugong walang sala sa gitna ng iyong lupain, na ibinibigay sa iyo na pinakamana ng Panginoon mong Dios, at sa gayo'y maging salarin ka sa iyo.

19:11 Nguni't kung ang sinoman ay mapoot sa kaniyang kapuwa, at pag-abangan niya siya, at siya'y tumindig laban sa kaniya, at saktan niya siya ng malubha, na anopa't mamatay; at siya'y tumakas sa isa sa mga bayang ito:

19:12 Ay magsusugo nga ang mga matanda sa kaniyang bayan at kukunin siya roon, at ibibigay siya sa kamay ng tagapanghiganti sa dugo, upang siya'y mamatay.

19:13 Ang iyong mata'y huwag mahahabag sa kaniya; kundi aalisin mo sa Israel ang dugong walang sala, upang ikabuti mo.

19:14 Huwag mong babaguhin ang lindero ng iyong kapuwa, na kanilang inilagay ng una, sa iyong mana na iyong mamanahin, sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang ariin.

19:15 Isang saksi ay huwag titindig laban sa kanino man sa anomang kasamaan, o sa anomang kasalanang kaniyang pinagkasalahan: sa bibig ng dalawang saksi, o sa bibig ng tatlong saksi ay pagtitibayin ang usap.

19:16 Kung ang isang sinungaling na saksi ay tumindig laban sa kanino man upang sumaksi laban sa kaniya ng isang masamang gawa,

19:17 Ang dalawang taong naguusapin ay tatayo sa harap ng Panginoon, sa harap ng mga saserdote at ng mga magiging hukom sa mga araw na yaon;

19:18 At sisiyasating masikap ng mga hukom: at, narito, kung ang saksi ay saksing sinungaling, at sumaksi ng kasinungalingan laban sa kaniyang kapatid;

19:19 Ay gagawin mo nga sa kaniya, ang gaya ng kaniyang inisip gawin sa kaniyang kapatid: sa gayo'y iyong aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

19:20 At maririnig niyaong mga natitira at matatakot, at hindi na sila magkakamit pa ng gayong kasamaan sa gitna mo.

19:21 At ang iyong mata'y huwag mahahabag: buhay kung buhay, mata kung mata, ngipin kung ngipin, kamay kung kamay, paa kung paa.

20:1 Pagka ikaw ay lalabas upang makibaka laban sa iyong mga kaaway at makakita ka ng mga kabayo, at mga karo, at ng isang bayang higit kay sa iyo, ay huwag kang matatakot sa kanila: sapagka't ang Panginoon mong Dios ay sumasaiyo, na siyang naglabas sa iyo sa lupain ng Egipto.

20:2 At mangyayari paglapit ninyo sa pakikibaka, na ang saserdote ay lalapit at magsasalita sa bayan.

20:3 At magsasabi sa kanila, Dinggin mo, Oh Israel, kayo'y lumapit sa araw na ito sa pakikibaka laban sa inyong mga kaaway: huwag manglupaypay ang inyong puso; huwag kayong matakot, ni manginig, ni maduwag dahil sa kanila.

20:4 Sapagka't ang Panginoon ninyong Dios ay siyang yumayaong kasama ninyo, upang ipakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, upang kayo'y iligtas.

20:5 At ang mga pinuno ay magsasalita sa bayan, na sasabihin, Sinong tao ang nagtayo ng isang bagong bahay, at hindi pa niya natatalagahan? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikibaka at ibang tao ang magtalaga.

20:6 At sinong lalake ang may itinanim na isang ubasan at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga niyaon? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikibaka at ibang lalake ang makinabang ng bunga niyaon.

20:7 At sinong lalake ang nagasawa sa isang babae at di pa niya nakukuha? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikibaka, at ibang lalake ang kumuha sa kaniyang asawa.

20:8 At muling magsasalita ang mga puno sa bayan, at kanilang sasabihin, Sinong lalake ang matatakutin at mahinang loob? siya'y yumaon at bumalik sa kaniyang bahay, baka ang puso ng kaniyang mga kapatid ay manglupaypay na gaya ng kaniyang puso.

20:9 At mangyayari, pagka ang mga pinuno ay natapos nang makapanalita sa bayan, na sila'y maghahalal ng mga kapitan ng mga hukbo sa unahan ng bayan.

20:10 Pagka ikaw ay lalapit sa isang bayan upang makipaglaban, ay iyo ngang ihahayag ang kapayapaan doon.

20:11 At mangyayari, na kung sagutin ka ng kapayapaan, at pagbuksan ka, ay mangyayari nga, na ang buong bayang masusumpungan sa loob ay magiging sakop mo, at maglilingkod sa iyo.

20:12 At kung ayaw makipagpayapaan sa iyo, kundi makikipagbaka laban sa iyo, ay kukubkubin mo nga siya:

20:13 At pagka ibinigay ng Panginoon mong Dios sa iyong kamay ay iyong susugatan ang bawa't lalake niyaon ng talim ng tabak:

20:14 Nguni't ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga hayop, at ang buong nasa bayan, pati ng buong nasamsam doon, ay kukunin mong pinakasamsam; at kakanin mo ang samsam sa iyong mga kaaway na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

20:15 Gayon ang iyong gagawin sa lahat ng bayang totoong malayo sa iyo, na hindi sa mga bayan ng mga bansang ito.

20:16 Nguni't sa mga bayan ng mga taong ito na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana, ay huwag kang magtitira ng may buhay sa anomang bagay na humihinga:

20:17 Kundi iyong lilipulin sila; ang Hetheo, at ang Amorrheo, ang Cananeo, at ang Pherezeo, ang Heveo, at ang Jebuseo; gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Dios.

20:18 Upang huwag kayong turuan nilang gumawa ng ayon sa lahat nilang karumaldumal, na kanilang ginawa sa kanilang mga dios; na anopa't kayo'y magkasala laban sa Panginoon ninyong Dios.

20:19 Pagka iyong kukubkubing mahabang panahon ang isang bayan sa pakikibaka upang sakupin, ay huwag mong sisirain ang mga punong kahoy niyaon, na pagbubuhatan ng palakol; sapagka't makakain mo, at huwag mong ipagbububuwal; sapagka't tao ba ang kahoy sa parang na kukubkubin mo?

20:20 Ang mga punong kahoy lamang na iyong kilala na hindi mga kahoy na nakakain, ang iyong sisirain at ibubuwal; at iyong itatayong mga kuta laban sa bayang nakikibaka sa iyo, hanggang sa maibuwal mo.

21:1 Kung may masumpungang pinatay sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios upang ariin, na nabubulagta sa parang, at hindi maalaman kung sinong sumugat sa kaniya:

21:2 Ay lalabas nga ang iyong mga matanda at ang iyong mga hukom, at kanilang susukatin ang layo ng mga bayang nasa palibot ng pinatay:

21:3 At mangyayari, na ang mga matanda sa bayang yaon, na bayang malapit sa pinatay, ay kukuha ng isang dumalagang baka sa bakahan, na hindi pa nagagamit at hindi pa nakakapagpasan ng pamatok;

21:4 At ibababa ng mga matanda ang dumalagang baka sa isang libis na may agos ng tubig, na di pa nabubukid, ni nahahasikan, at babaliin ang leeg ng dumalagang baka doon sa libis:

21:5 At ang mga saserdote na mga anak ni Levi ay lalapit, sapagka't sila ang pinili ng Panginoon mong Dios na mangasiwa sa kaniya, at bumasbas sa pangalan ng Panginoon; at ayon sa kanilang salita ay pasisiyahan ang bawa't pagkakaalit at bawa't awayan:

21:6 At lahat ng mga matanda sa bayang yaon, na malapit sa pinatay, ay maghuhugas ng kanilang kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa libis:

21:7 At sila'y sasagot at sasabihin, Ang aming kamay ay hindi nagbubo ng dugong ito, ni nakita ng aming mga mata.

21:8 Patawarin mo, Oh Panginoon, ang iyong bayang Israel, na iyong tinubos, at huwag mong tikising matira sa gitna ng iyong bayang Israel, ang dugong walang sala. At ang dugo'y ipatatawad sa kanila.

21:9 Gayon mo aalisin ang dugong walang sala sa gitna mo, pagka iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng Panginoon.

21:10 Pagka ikaw ay lalabas upang makipagbaka laban sa iyong mga kaaway, at ibibigay sila ng Panginoon mong Dios sa iyong mga kamay, at dadalhin mo silang bihag,

21:11 At makakakita ka sa mga bihag ng isang magandang babae, at magkaroon ka ng nasa sa kaniya, at iibigin mo siyang kuning asawa,

21:12 Ay iyo nga siyang dadalhin sa iyong bahay; at kaniyang aahitan ang kaniyang ulo, at gugupitin ang kaniyang mga kuko;

21:13 At kaniyang huhubarin ang suot na pagkabihag sa kaniya, at matitira sa iyong bahay, at iiyakan ang kaniyang ama at ang kaniyang ina na isang buong buwan: at pagkatapos noo'y sisiping ka sa kaniya, at ikaw ay magiging asawa niya, at siya'y magiging iyong asawa.

21:14 At mangyayari, na kung di mo kalugdan siya, ay iyo ngang pababayaan siyang yumaon kung saan niya ibig; nguni't huwag mo siyang ipagbibili ng salapi, huwag mo siyang aalipinin, sapagka't iyong pinangayupapa siya.

21:15 Kung ang isang lalake ay may dalawang asawa, na ang isa'y sinisinta, at ang isa'y kinapopootan, at kapuwa magkaanak sa kaniya, ang sinisinta at ang kinapopootan; at kung ang maging panganay ay sa kinapopootan:

21:16 Ay mangyayari nga sa araw na kaniyang pagmanahin ang kaniyang mga anak ng kaniyang tinatangkilik, ay hindi niya magagawang panganay ang anak ng sinisinta na higit kay sa anak ng kinapopootan, na siyang panganay;

21:17 Kundi kaniyang kikilalaning panganay, ang anak ng kinapopootan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng dalawang bahagi sa buong kaniyang tinatangkilik; sapagka't siya ang pasimula ng kaniyang lakas; ang karapatan nga ng pagkapanganay ay kaniya.

21:18 Kung ang isang lalake ay may matigas na loob at mapanghimagsik na anak, na ayaw makinig ng tinig ng kaniyang ama, o ng tinig ng kaniyang ina, at bagaman kanilang parusahan siya ay ayaw makinig sa kanila:

21:19 Ay hahawakan nga ng kaniyang ama at ng kaniyang ina at dadalhin sa mga matanda sa kaniyang bayan, at sa pintuang-bayan ng kaniyang pook;

21:20 At kanilang sasabihin sa mga matanda sa kaniyang bayan. Itong aming anak ay matigas na loob at mapanghimagsik, na ayaw niyang dinggin ang aming tinig; siya'y may masamang pamumuhay, at manglalasing.

21:21 At babatuhin siya ng mga bato, ng lahat ng mga lalake sa kaniyang bayan upang siya'y mamatay: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo; at maririnig ng buong Israel, at matatakot.

21:22 Kung ang isang lalake ay magkasala ng kasalanang marapat sa kamatayan, at siya'y patayin, at iyong ibitin siya sa isang punong kahoy;

21:23 Ay huwag maiiwan buong gabi ang kaniyang bangkay sa punong kahoy, kundi walang pagsalang siya'y iyong ililibing sa araw ding yaon; sapagka't ang bitin ay sinumpa ng Dios; upang huwag mong ihawa ang iyong lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, na ipinamana.

22:1 Huwag mong makikitang naliligaw ang baka ng iyong kapatid o ang kaniyang tupa, at ikaw ay magkukubli sa mga yaon: iyo ngang ibabalik sa iyong kapatid.

22:2 At kung ang iyong kapatid ay hindi malapit sa iyo, o kung hindi mo siya nakikilala, ay iyo ngang iuuwi sa iyong bahay, at mapapasaiyo hanggang sa hanapin ng iyong kapatid, at iyong isasauli sa kaniya.

22:3 At gayon ang iyong gagawin sa kaniyang asno; at gayon ang iyong gagawin sa kaniyang damit, at gayon ang iyong gagawin sa bawa't nawalang bagay ng iyong kapatid, na nawala sa kaniya at iyong nasumpungan: huwag kang magkukubli.

22:4 Huwag mong makikitang napahiga sa daan ang asno ng iyong kapatid o ang kaniyang baka at ikaw ay magkukubli sa mga yaon; iyo ngang tutulungan siya upang itindig sila uli.

22:5 Ang babae ay huwag mananamit ng nauukol sa lalake, ni ang lalake ay magsusuot ng pananamit ng babae; sapagka't sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon mong Dios.

22:6 Kung ang isang pugad ng ibon ay magkataong masumpungan mo sa daan, sa anomang punong kahoy, o sa lupa, na may mga inakay, o mga itlog at humahalimhim ang inahin sa mga inakay, o sa mga itlog, ay huwag mong kukunin ang inahin na kasama ng mga inakay:

22:7 Sa anomang paraan, ay iyong pawawalan ang inahin, nguni't ang inakay ay makukuha mong sa iyo; upang ikabuti mo at upang tumagal ang iyong mga araw.

22:8 Pagka ikaw ay magtatayo ng isang bagong bahay, ay igagawa mo nga ng isang halang ang iyong bubungan, upang huwag kang magtaglay ng sala ng dugo sa iyong bahay, kung ang sinomang tao ay mahulog mula roon.

22:9 Huwag mong tatamnan ang iyong ubasan ng dalawang magkaibang binhi: baka ang buong bunga ay masira, ang binhi na iyong inihasik at ang bunga ng ubasan.

22:10 Huwag kang mag-aararo na may isang baka at isang asno na magkatuwang.

22:11 Huwag kang magbibihis ng magkahalong kayo, ng lana at lino na magkasama.

22:12 Gagawa ka sa iyo ng mga tirintas sa apat na laylayan ng iyong balabal, na ipinangbabalabal mo sa iyo.

22:13 Kung ang sinoman ay magasawa, at sumiping sa kaniya, at kaniyang kapootan siya,

22:14 At kaniyang bintangan ng mga kahiyahiyang bagay, at ikalat ang isang masamang dangal niya, at sabihin, Aking kinuha ang babaing ito, at nang sipingan ko siya, ay hindi ko nasumpungan sa kaniya ang mga tanda ng pagka donselya:

22:15 Kung magkagayo'y ang ama ng dalaga at ang kaniyang ina ay kukuha at maglalabas ng mga tanda ng pagka donselya ng dalaga sa harap ng mga matanda sa bayan, sa pintuang-bayan;

22:16 At sasabihin ng ama ng dalaga sa mga matanda, Ibinigay ko ang aking anak sa lalaking ito na maging asawa at kaniyang kinapootan siya;

22:17 At, narito, kaniyang binibintangan ng mga kahiyahiyang bagay, na sinasabi, Hindi ko nasumpungan sa iyong anak ang mga tanda ng pagka donselya: at gayon ma'y ito ang mga tanda ng pagka donselya ng aking anak. At kanilang ilaladlad ang kasuutan sa harap ng matatanda sa bayan.

22:18 At kukunin ng mga matanda sa bayang yaon ang lalake at parurusahan siya;

22:19 At kanilang sisingilin siya ng isang daang siklong pilak at ibibigay sa ama ng dalaga sapagka't kaniyang ikinalat ang isang masamang dangal ng isang donselya sa Israel: at siya'y magiging kaniyang asawa; hindi niya mapalalayas siya sa lahat ng kaniyang kaarawan.

22:20 Nguni't kung ang bagay na ito ay totoo na ang mga tanda ng pagka donselya ay hindi masumpungan sa dalaga;

22:21 Ay kanila ngang ilalabas ang dalaga sa pintuan ng bahay ng kaniyang ama, at babatuhin siya ng mga bato, ng mga lalake sa kaniyang bayan upang siya'y mamatay: sapagka't nagkasala siya ng kaululan sa Israel, na nagpatutot sa bahay ng kaniyang ama: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

22:22 Kung ang isang lalake ay masumpungan, na sumisiping sa isang babaing may asawa, ay kapuwa nga sila papatayin, ang lalake na sumiping sa babae, at ang babae: gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.

22:23 Kung ang isang dalagang magaasawa sa isang lalake, at masumpungan siya ng isang lalake sa bayan, at sumiping sa kaniya;

22:24 Ay inyo ngang ilalabas kapuwa sila sa pintuan ng bayang yaon, at inyong babatuhin sila ng mga bato upang sila'y mamatay; ang babae, sapagka't di siya sumigaw, ay nasa bayan; at ang lalake, sapagka't pinangayupapa ang asawa ng kaniyang kapuwa: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

22:25 Nguni't kung masumpungan sa parang ng lalake ang isang dalagang magaasawa, at dahasin ng lalake siya, at sumiping sa kaniya; ang lalake nga lamang na sumiping sa kaniya ang papatayin:

22:26 Nguni't sa babae ay huwag kang gagawa ng anoman, wala sa babaing yaon ang anomang kasalanang marapat ikamatay: sapagka't gaya ng kung ang isang lalake ay bumabangon laban sa kaniyang kapuwa, at pinapatay niya siya, ay gayon din ang bagay na ito:

22:27 Sapagka't nasumpungan niya siya sa parang, ang dalagang magaasawa ay sumigaw, at walang magligtas sa kaniya.

22:28 Kung masumpungan ng isang lalake ang isang dalagang donselya na hindi pa naipangangako, at ihiga niya siya, at sipingan niya siya, at sila'y masumpungan;

22:29 Ang lalake nga na sumiping sa kaniya ay magbibigay sa ama ng babae ng limang pung siklong pilak, at siya'y magiging kaniyang asawa, sapagka't kaniyang pinangayupapa siya; hindi niya mapalalayas sa lahat ng kaniyang kaarawan.

22:30 Huwag kukunin ng isang lalake ang asawa ng kaniyang ama, at huwag ililitaw ang balabal ng kaniyang ama.

23:1 Ang nasaktan sa mga iklog, o ang may lihim na sangkap na putol ng katawan ay hindi makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.

23:2 Isang anak sa ligaw ay huwag papasok sa kapisanan ng Panginoon; hanggang sa ikasangpung salin ng lahi ay walang sa kaniya'y makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.

23:3 Huwag papasok ang isang Ammonita o Moabita sa kapulungan ng Panginoon; hanggang sa ikasangpung salin ng lahi ay walang nauukol sa kanila na makapapasok magpakailan man sa kapisanan ng Panginoon:

23:4 Sapagka't hindi kayo sinalubong nila ng tinapay at ng tubig sa daan, nang kayo'y umalis sa Egipto; at sapagka't kanilang inupahan laban sa iyo si Balaam na anak ni Beor mula sa Pethor ng Mesopotamia upang sumpain ka.

23:5 Gayon ma'y hindi dininig ng Panginoon mong Dios si Balaam; kundi pinapaging pagpapala ng Panginoon mong Dios, ang sumpa sa iyo; sapagka't iniibig ka ng Panginoon mong Dios.

23:6 Huwag mong hahanapin ang kanilang kapayapaan o ang kanilang ikasusulong sa lahat ng iyong araw magpakailan man.

23:7 Huwag mong kasusuklaman ang Idumeo; sapagka't siya'y iyong kapatid: huwag mong kasusuklaman ang taga Egipto; sapagka't ikaw ay nakipamayan sa kaniyang lupain.

23:8 Ang mga anak ng ikatlong salin ng lahi nila na ipinanganak sa kanila ay makapapasok sa kapisanan ng Panginoon.

23:9 Pagka ikaw ay lalabas sa kampamento laban sa iyong mga kaaway, ay magbabawa ka nga sa iyo sa bawa't masamang bagay.

23:10 Kung magkaroon sa iyo ng sinomang lalake, na hindi malinis dahil sa anomang nangyari sa kaniya ng kinagabihan, ay lalabas nga sa kampamento, hindi siya papasok sa kampamento:

23:11 Nguni't mangyayari kinahapunan, na siya'y maliligo sa tubig: at pagka ang araw ay nakalubog na, ay papasok siya sa kampamento.

23:12 Ikaw ay magkakaroon naman, ng isang pook sa labas ng kampamento, na iyong lalabasan:

23:13 At ikaw ay magkakaroon din ng isang pala sa kasamahan ng iyong mga kasangkapan; at mangyayari, na pagka ikaw ay palilikod sa labas ay huhukay ka, at ikaw ay babalik at tatabunan mo ang ipinalikod mo:

23:14 Sapagka't ang Panginoon mong Dios ay lumalakad sa gitna ng iyong kampamento, upang iligtas ka, at ibigay ang iyong mga kaaway sa harap mo; kaya't ang iyong kampamento ay magiging banal: upang huwag siyang makakita ng anomang maruming bagay sa iyo, at baka humiwalay sa iyo.

23:15 Huwag mong ibibigay sa kaniyang panginoon ang isang aliping nagtanan sa kaniyang panginoon na napasa iyo:

23:16 Siya'y tatahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kaniyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga pintuang-daan na kaniyang magalingin: huwag mo siyang pipighatiin.

23:17 Huwag kang magkakaroon ng masamang babae sa mga anak ng Israel, ni magkakaroon ng sodomita sa mga anak ng Israel.

23:18 Huwag mong dadalhin ang bayad sa isang masamang babae, o ang kaupahan sa isang aso, sa bahay ng Panginoon mong Dios sa anomang panata: sapagka't ang mga ito ay kapuwa karumaldumal sa Panginoon mong Dios.

23:19 Huwag kang magpapahiram na may tubo sa iyong kapatid; tubo ng salapi, tubo ng kakanin, tubo ng anomang bagay na ipinahihiram na may tubo:

23:20 Sa isang taga ibang lupa ay makapagpapahiram ka na may tubo; nguni't sa iyong kapatid ay huwag kang magpapahiram na may tubo: upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng pagpapatungan mo ng iyong kamay, sa lupain na iyong pinapasok upang ariin.

23:21 Pagka ikaw ay magpapanata ng isang panata sa Panginoon mong Dios, ay huwag kang magluluwat ng pagtupad: sapagka't walang pagsalang uusisain sa iyo ng Panginoon mong Dios; at magiging kasalanan sa iyo.

23:22 Nguni't kung ikaw ay magbawang manata, ay hindi magiging kasalanan, sa iyo:

23:23 Ang nabuka sa iyong mga labi ay iyong gaganapin at gagawin; ayon sa iyong ipinanata sa Panginoon mong Dios, na isang kusang handog, na ipinangako mo ng iyong bibig.

23:24 Pagka ikaw ay pumasok sa ubasan ng iyong kapuwa, ay makakakain ka nga ng mga ubas sa iyong kagustuhan hanggang sa ikaw ay mabusog; nguni't huwag kang maglalagay sa iyong sisidlan.

23:25 Pagka ikaw ay pumasok sa nangakatayong trigo ng iyong kapuwa, ay makikitil mo nga ng iyong kamay ang mga uhay; nguni't huwag mong gagalawin ng karit ang nakatayong trigo ng iyong kapuwa.

24:1 Pagka ang isang lalake ay kumuha ng isang babae at pinakasalan, ay mangyayari nga, na kung ang babae ay hindi kalugdan ng kaniyang mga mata, sapagka't kinasumpungan niya ng isang kahiyahiyang bagay, ay lalagda siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay, at ibibigay niya sa kaniyang kamay, at papagpapaalamin niya siya sa kaniyang bahay.

24:2 At pagkaalis niya sa bahay ng lalake, ay makayayaon siya at makapagaasawa sa ibang lalake.

24:3 At kung kapootan siya ng huling asawa, at lagdaan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay, at ibigay sa kaniyang kamay, at papagpaalamin siya sa kaniyang bahay; o kung mamatay ang huling asawa, na kumuha sa kaniya upang maging asawa niya;

24:4 Hindi na siya makukuhang muling maging asawa ng kaniyang unang asawa na humiwalay sa kaniya, pagkatapos na kaniyang mapangayupapa siya; sapagka't yao'y karumaldumal sa harap ng Panginoon: at huwag mong papagkakasalahin ang lupain na ibinibigay na pinakamana sa iyo ng Panginoon mong Dios.

24:5 Pagka ang isang lalake ay bagong kasal, ay huwag lalabas na sasama sa hukbo ni mamamahala ng anomang katungkulan; siya'y magiging laya sa bahay na isang taon at kaniyang pasasayahin ang kaniyang asawa na kaniyang kinuha.

24:6 Walang taong kukuha ng gilingan o ng batong nasa itaas ng gilingan na pinakasangla: sapagka't parang kaniyang kinuhang pinakasangla ang buhay ng tao.

24:7 Kung ang sinoman ay masumpungang nagnanakaw ng sinoman sa kaniyang mga kapatid, sa mga anak ni Israel, at kaniyang inalipin siya, o ipinagbili siya; ang magnanakaw ngang yaon ay papatayin: gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

24:8 Magingat ka sa salot na ketong, na iyong isagawang masikap at gawin ang ayon sa lahat na ituturo sa iyo ng mga saserdote na mga Levita: kung paanong iniutos ko sa kanila ay gayon mo isasagawa.

24:9 Alalahanin mo ang ginawa ng Panginoon mong Dios kay Miriam sa daan nang kayo'y lumalabas sa Egipto.

24:10 Pagka ikaw ay magpapahiram sa iyong kapuwa ng anomang bagay na hiram, ay huwag kang papasok sa kaniyang bahay upang kumuha ng kaniyang sangla.

24:11 Ikaw ay tatayo sa labas, at ang taong iyong pinahihiram ay maglalabas ng sangla sa iyo.

24:12 At kung siya'y taong mahirap ay huwag kang matutulog na may sangla niya:

24:13 Iyo ngang isasauli sa kaniya ang sangla paglubog ng araw, upang siya'y matulog sa kaniyang damit, at pagpalain ka: at magiging katuwiran mo sa harap ng Panginoon mong Dios.

24:14 Huwag mong pipighatiin ang isang nagpapaupang dukha at salat, maging siya'y sa iyong mga kapatid, o sa mga iyong taga ibang bayan na nangasa iyong bayan sa loob ng iyong mga pintuang-daan:

24:15 Sa kaniyang kaarawan ay ibibigay mo sa kaniya ang kaniyang kaupahan, ni huwag lulubugan ng araw (sapagka't siya'y mahirap, at siyang inaasahan ng kaniyang puso); baka siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo at maging kasalanan sa iyo.

24:16 Hindi papatayin ang mga magulang dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.

24:17 Huwag mong ililiko ang matuwid ng taga ibang bayan, ni ng ulila; ni huwag mong kukuning sangla ang damit ng babaing bao:

24:18 Kundi aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa Egipto, at tinubos ka ng Panginoon mong Dios mula roon: kaya't iniuutos ko sa iyong gawin mo ang bagay na ito.

24:19 Pagka iyong aanihin ang iyong ani sa bukid, at nakalimot ka ng isang bigkis sa bukid, ay huwag mong pagbabalikang kunin: magiging sa taga ibang lupa, sa ulila, at sa babaing bao: upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay.

24:20 Pagka iyong papaspasan ang iyong puno ng olibo, ay huwag mong pagbabalikan ang mga nalagpasan; magiging sa taga ibang bayan, sa ulila, at sa babaing bao.

24:21 Pagka ikaw ay namimitas sa iyong ubasan, ay huwag mong pupulutin ang nasa likuran mo; magiging sa taga ibang bayan, sa ulila, at sa babaing bao.

24:22 At iyong aalalahanin na naging alipin ka sa lupain ng Egipto: kaya't iniuutos ko sa iyong gawin ang bagay na ito.

25:1 Kung magkaroon ng pagkakaalit ang mga tao, at sila'y dumating sa hukuman, at sila'y hatulan ng mga hukom; ay kanila ngang mamatuwirin ang may matuwid at hahatulan ang salarin:

25:2 At mangyayari, na kung ang salarin ay marapat paluin, ay padadapain siya ng hukom sa lupa, at papaluin sa kaniyang harap, ayon sa kaniyang sala na may bilang,

25:3 Apat na pung palo ang maibibigay niya sa kaniya, huwag niyang lalagpasan: baka kung siya'y lumagpas, at paluin niya ng higit sa mga ito ng maraming palo, ay maging hamak nga sa iyo ang iyong kapatid.

25:4 Huwag mong lalagyan ng pugong ang baka pagka gumigiik.

25:5 Kung ang magkapatid ay tumahang magkasama, at isa sa kanila'y mamatay, at walang anak, ang asawa ng patay ay huwag magaasawa ng iba sa labas: ang kapatid ng kaniyang asawa ay sisiping sa kaniya, at kukunin siya niyang asawa, at tutuparin sa kaniya ang tungkulin ng pagkakapatid ng asawa.

25:6 At mangyayari, na ang panganay na kaniyang ipanganganak ay hahalili sa pangalan ng kaniyang kapatid na namatay, upang ang kaniyang pangalan ay huwag mapawi sa Israel.

25:7 At kung ayaw kunin ng lalake ang asawa ng kaniyang kapatid, ay sasampa nga ang asawa ng kaniyang kapatid sa pintuang-bayan sa mga matanda, at sasabihin, Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging itindig ang pangalan ng kaniyang kapatid sa Israel; ayaw niyang tuparin sa akin ang tungkulin ng pagkakapatid ng asawa.

25:8 Kung magkagayo'y tatawagin siya ng mga matanda sa kaniyang bayan at pangungusapan siya: at kung siya'y tumayo at sabihin niya, Ayaw kong kunin siya;

25:9 Ang asawa nga ng kapatid ay paroroon sa kaniya sa harap ng mga matanda at huhubarin ang panyapak niya sa kaniyang mga paa, at luluran siya sa mukha; at siya'y sasagot at sasabihin, Ganyan ang gagawin sa lalake, na ayaw magtayo ng sangbahayan ng kaniyang kapatid.

25:10 At ang kaniyang pangala'y tatawagin sa Israel, Ang bahay ng hinubaran ng panyapak.

25:11 Pag may dalawang lalaking nag-away, at ang asawa ng isa ay lumapit upang iligtas ang kaniyang asawa sa kamay ng nananakit sa kaniya, at iniunat niya ang kaniyang kamay at hinawakan niya ang mga sangkap na lihim:

25:12 Ay iyo ngang puputulin ang kaniyang kamay; ang iyong mata'y huwag manghihinayang.

25:13 Huwag kang magkakaroon sa iyong supot ng iba't ibang panimbang, ng isang malaki at ng isang maliit.

25:14 Huwag kang magkakaroon sa iyong bahay ng iba't ibang takalan, ng isang malaki at ng isang maliit.

25:15 Isang tunay at tapat na takalan magkakaroon ka; isang tunay at tapat na takalan magkakaroon ka: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

25:16 Sapagka't yaong lahat na gumagawa ng gayong mga bagay, sa makatuwid baga'y yaong lahat ng gumagawa ng di matuwid ay kasuklamsuklam sa Panginoon mong Dios.

25:17 Alalahanin mo ang ginawa sa iyo ng Amalec sa daan nang ikaw ay lumabas sa Egipto;

25:18 Na kung paanong sinalubong ka niya sa daan, at sinaktan niya ang mga kahulihulihan sa iyo, yaong lahat na mahina sa hulihan mo, nang ikaw ay pagod at pagal; at siya'y hindi natakot sa Dios.

25:19 Kaya't mangyayari, na pagka binigyan ka ng Panginoon mong Dios ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway sa palibot, sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana upang ariin, ay iyong papawiin ang pagalaala sa Amalec sa silong ng langit; huwag mong lilimutin.

26:1 At mangyayari, pagka nakapasok ka sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios na pinakamana, at iyong inaari, at iyong tinatahanan;

26:2 Na iyong kukunin ang mga una sa lahat ng bunga ng lupain, na iyong mga pipitasin sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios: at iyong isisilid sa isang buslo, at ikaw ay paroroon sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Dios, na patatahanan sa kaniyang pangalan:

26:3 At paroroon ka sa saserdote sa mga araw na yaon, at sasabihin mo sa kaniya, Aking ipinahahayag sa araw na ito sa Panginoon mong Dios, na ako'y nasok sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa aming mga magulang, upang ibigay sa amin.

26:4 At kukunin ng saserdote ang buslo sa iyong kamay at ilalagay sa harap ng dambana ng Panginoon mong Dios.

26:5 At ikaw ay sasagot, at magsasabi sa harap ng Panginoon mong Dios, Isang taga Siria na kamunti nang mamatay ang aking ama; siyang bumaba sa Egipto, at nakipamayan doon, na kaunti sa bilang; at doo'y naging isang bansang malaki, makapangyarihan, at makapal:

26:6 At kami ay tinampalasan ng mga taga Egipto, at pinighati kami at inatangan kami ng isang mabigat na pagkaalipin:

26:7 At kami ay dumaing sa Panginoon, sa Dios ng aming mga magulang at dininig ng Panginoon ang aming tinig, at nakita ang aming kadalamhatian, at ang aming gawa, at ang aming kapighatian;

26:8 At inilabas kami ng Panginoon sa Egipto ng kamay na makapangyarihan, at ng unat na bisig, at ng malaking kakilabutan, at ng mga tanda, at ng mga kababalaghan:

26:9 At kaniyang dinala kami sa lupaing ito, at ibinigay sa amin ang lupaing binubukalan ng gatas at pulot.

26:10 At ngayon, narito, aking dala ang mga una sa bunga ng lupa, na ibinigay mo sa akin, Oh Panginoon. At iyong ilalapag sa harap ng Panginoon mong Dios, at sasamba ka sa harap ng Panginoon mong Dios:

26:11 At magagalak ka sa lahat ng magaling na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, at sa iyong sangbahayan, ikaw, at ang Levita, at ang taga ibang lupa na nasa gitna mo.

26:12 Pagkatapos mo ng pagbibigay ng buong ikasangpung bahagi ng iyong pakinabang sa ikatlong taon, na siyang taon ng pagbibigay ng ikasangpung bahagi, ay magbibigay ka nga rin sa Levita, sa taga ibang lupa, sa ulila, at sa babaing bao, upang sila'y makakain sa loob ng iyong mga pintuang-daan, at mabusog;

26:13 At iyong sasabihin sa harap ng Panginoon mong Dios, Aking inalis ang mga pinapaging banal na bagay sa aking bahay, at akin ding ibinigay sa Levita, at sa taga ibang lupa, sa ulila at sa babaing bao, ayon sa iyong madlang utos na iyong iniutos sa akin: hindi ko sinalangsang ang anoman sa iyong mga utos, ni kinalimutan ko:

26:14 Hindi ko kinain sa aking pagluluksa, ni inilabas ko nang ako'y marumi, ni ibinigay ko upang gamitin sa patay: aking dininig ang tinig ng Panginoon kong Dios; aking ginawa ayon sa buong iniutos mo sa akin.

26:15 Tumungo ka mula sa iyong banal na tahanan, mula sa langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel, at ang lupa na iyong ibinigay sa amin, gaya ng iyong isinumpa sa aming mga magulang, na isang lupang binubukalan ng gatas at pulot.

26:16 Sa araw na ito ay iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Dios, na tuparin mo ang mga palatuntunan at mga hatol na ito: iyo ngang gaganapin at tutuparin ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa.

26:17 Iyong ipinahayag sa araw na ito na ang Panginoo'y iyong Dios, at ikaw ay lalakad sa kaniyang mga daan, at iyong gaganapin ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga hatol, at iyong didinggin ang kaniyang tinig:

26:18 At inihayag ka ng Panginoon sa araw na ito, na maging isang bayan sa kaniyang sariling pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, upang iyong ganapin ang lahat ng kaniyang utos;

26:19 At upang itaas ka sa lahat ng bansa na kaniyang nilikha, sa ikapupuri, at sa ikababantog, at sa ikararangal; at upang ikaw ay maging isang banal na bayan sa Panginoon mong Dios, gaya ng kaniyang sinabi.

27:1 At si Moises at ang mga matanda sa Israel ay nagutos sa bayan, na sinasabi, Ganapin mo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito.

27:2 At mangyayaring sa araw na iyong tatawirin ang Jordan na patungo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, ay maglalagay ka ng malalaking bato, at iyong tatapalan ng argamasa;

27:3 At iyong isusulat sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito, pagka iyong naraanan; upang iyong mapasok ang lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, na isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang.

27:4 At mangyayari na pagtawid mo ng Jordan, na iyong ilalagay ang mga batong ito, na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, sa bundok ng Ebal, at iyong tatapalan ng argamasa.

27:5 At doo'y magtatayo ka ng isang dambana sa Panginoon mong Dios, ng isang dambana na mga bato; huwag mong pagbubuhatan ang mga ito ng kasangkapang bakal.

27:6 Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Dios, at maghahandog ka roon ng mga handog na susunugin, sa Panginoon mong Dios.

27:7 At ikaw ay maghahain ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at iyong kakanin doon; at ikaw ay magagalak sa harap ng Panginoon mong Dios;

27:8 At iyong isusulat na malinaw sa mga batong yaon, ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.

27:9 At si Moises at ang mga saserdote na ang mga Levita ay nagsalita sa buong Israel, na sinasabi, Tumahimik ka at dinggin mo, Oh Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng Panginoon mong Dios.

27:10 Iyo ngang susundin ang tinig ng Panginoon mong Dios, at tutuparin mo ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.

27:11 At ibinilin ni Moises sa bayan nang araw ding yaon, na sinasabi,

27:12 Ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Gerizim, upang basbasan ang bayan, pagka inyong naraanan na ang Jordan; ang Simeon, at ang Levi, at ang Juda, at ang Issachar at ang Jose, at ang Benjamin:

27:13 At ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Ebal upang sumumpa; ang Ruben, ang Gad, at ang Aser, at ang Zabulon, ang Dan, at ang Nephtali.

27:14 At ang mga Levita ay sasagot, at magsasabi ng malakas na tinig sa lahat ng mga lalake sa Israel.

27:15 Sumpain ang taong gumagawa ng larawang inanyuan o binubo, bagay na karumaldumal sa Panginoon, na gawa ng mga kamay ng manggagawa, at inilagay sa dakong lihim. At ang buong bayan ay sasagot at magsasabi, Siya nawa.

27:16 Sumpain yaong sumira ng puri sa kaniyang ama o sa kaniyang ina. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

27:17 Sumpain yaong bumago ng muhon ng kaniyang kapuwa. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

27:18 Sumpain yaong magligaw ng bulag sa daan. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

27:19 Sumpain yaong magliko ng matuwid ng taga ibang bayan, ng ulila at ng babaing bao. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

27:20 Sumpain yaong sumiping sa asawa ng kaniyang ama; sapagka't kaniyang inilitaw ang balabal ng kaniyang ama. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

27:21 Sumpain yaong sumiping sa alinmang hayop. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

27:22 Sumpain yaong sumiping sa kaniyang kapatid na babae, sa anak ng kaniyang ama, o sa anak na babae ng kaniyang ina. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

27:23 Sumpain yaong sumiping sa kaniyang biyanan. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

27:24 Sumpain yaong sumakit ng lihim sa kaniyang kapuwa. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

27:25 Sumpain yaong tumanggap ng suhol upang pumatay ng isang taong walang sala. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

27:26 Sumpain yaong hindi umayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin. At ang buong bayan ay magsasabi, Siya nawa.

28:1 At mangyayaring kung iyong didingging masikap ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang isagawa ang lahat niyang utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay itataas ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng mga bansa sa lupa:

28:2 At ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, kung iyong didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios.

28:3 Magiging mapalad ka sa bayan, at magiging mapalad ka sa parang.

28:4 Magiging mapalad ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, at ang bunga ng iyong mga hayop, ang karagdagan sa iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.

28:5 Magiging mapalad ang iyong buslo at ang iyong palayok.

28:6 Magiging mapalad ka sa iyong pagpasok, at magiging mapalad ka sa iyong paglabas.

28:7 Pasasaktan ng Panginoon sa harap mo ang iyong mga kaaway na nagbabangon laban sa iyo: sila'y lalabas laban sa iyo sa isang daan at tatakas sa harap mo sa pitong daan.

28:8 Igagawad sa iyo ng Panginoon ang kaniyang pagpapala sa iyong mga kamalig, at sa lahat ng pagpatungan mo ng iyong kamay at pagpapalain ka niya sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

28:9 Itatatag ka ng Panginoon na isang banal na bayan sa kaniya, gaya ng kaniyang isinumpa sa iyo; kung iyong gaganapin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, at lalakad ka sa kaniyang mga daan.

28:10 At makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa, na ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon at sila'y matatakot sa iyo.

28:11 At ikaw ay pasasaganain ng Panginoon, sa ikabubuti mo, sa bunga ng iyong katawan, at sa bunga ng iyong mga hayop, at sa bunga ng iyong lupa, sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang upang ibigay sa iyo.

28:12 Bubuksan ng Panginoon sa iyo ang kaniyang mabuting kayamanan, ang langit, upang ibigay ang ulan sa iyong lupain sa kapanahunan, at upang pagpalain ang buong gawa ng iyong kamay; at ikaw ay magpapahiram sa maraming bansa, at ikaw ay hindi hihiram.

28:13 At gagawin ka ng Panginoon na ulo at hindi buntot, at ikaw ay magiging sa ibabaw lamang, at hindi ka mapapasailalim; kung iyong didinggin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong sundin at gawin;

28:14 At huwag kang lilihis sa anoman sa mga salita na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, sa kanan o sa kaliwa, upang sumunod sa ibang mga dios na paglilingkuran sila.

28:15 Nguni't mangyayari, na kung hindi mo didinggin ang tinig ng Panginoon mong Dios, na isasagawa ang lahat ng kaniyang mga utos at ang kaniyang palatuntunan na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ang lahat ng sumpang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo.

28:16 Susumpain ka sa bayan, at susumpain ka sa parang.

28:17 Susumpain ang iyong buslo at ang iyong palayok.

28:18 Susumpain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang karagdagan ng iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.

28:19 Susumpain ka sa iyong pagpasok, at susumpain ka sa iyong paglabas.

28:20 Ibubugso ng Panginoon sa iyo ang sumpa, ang kalituhan, at ang saway, sa lahat ng pagpapatungan ng iyong kamay na iyong gagawin, hanggang sa ikaw ay mabuwal, at hanggang sa ikaw ay malipol na madali; dahil sa kasamaan ng iyong mga gawa, na sa gayo'y pinabayaan mo ako.

28:21 Ikakapit sa iyo ng Panginoon ang salot hanggang sa maubos ka sa lupa, na iyong pinapasok upang ariin.

28:22 Sasalutin ka ng Panginoon ng sakit na tuyo, at ng lagnat, at ng pamamaga, at ng nagaapoy na init, at ng tabak, at ng salot ng hangin, at ng sakit sa pagani; at kanilang hahabulin ka hanggang sa ikaw ay malipol.

28:23 At ang iyong langit na nasa itaas ng iyong ulo, ay magiging tanso, at ang lupa na nasa ilalim mo ay magiging bakal.

28:24 Ang ipauulan ng Panginoon sa iyong lupa ay abo at alabok; mula sa langit ay bababa sa iyo, hanggang sa ikaw ay magiba.

28:25 Pasasaktan ka ng Panginoon sa harap ng iyong mga kaaway; ikaw ay lalabas sa isang daan laban sa kanila, at tatakas sa pitong daan sa harap nila: at ikaw ay papagpaparoo't parituhin sa lahat ng mga kaharian sa lupa.

28:26 At ang iyong bangkay ay magiging pagkain sa lahat ng mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa; at walang taong bubugaw sa kanila.

28:27 Sasalutin ka ng Panginoon ng bukol sa Egipto, at ng mga grano, at ng kati, at ng galis, na hindi mapagagaling.

28:28 Sasaktan ka ng Panginoon ng pagkaulol, at ng pagkabulag, at ng pagkagulat ng puso;

28:29 At ikaw ay magaapuhap sa katanghaliang tapat na gaya ng bulag na nagaapuhap sa kadiliman, at hindi ka giginhawa sa iyong mga lakad: at ikaw ay mapipighati at sasamsaman kailan man, at walang taong magliligtas sa iyo.

28:30 Ikaw ay magaasawa, at ibang lalake ang sisiping sa kaniya: ikaw ay magtatayo ng isang bahay, at hindi mo tatahanan: ikaw ay maguubasan, at hindi mo mapapakinabangan ang bunga niyaon.

28:31 Ang iyong baka ay papatayin sa harap ng iyong mga mata, at hindi mo makakain yaon; ang iyong asno ay aagawin sa harap ng iyong mukha, at hindi na masasauli sa iyo: ang iyong tupa ay mabibigay sa iyong mga kaaway, at walang magliligtas sa iyo.

28:32 Ang iyong mga anak na lalake at babae ay magbibigay sa ibang bayan; at ang iyong mga mata ay titingin, at mangangalay ng paghihintay sa kanila sa buong araw: at ang iyong kamay ay walang magagawa.

28:33 Ang bunga ng iyong lupa, at lahat ng iyong gawa ay kakanin ng bansang di mo nakikilala; at ikaw ay mapipighati at magigipit na palagi:

28:34 Na anopa't ikaw ay mauulol dahil sa makikita ng paningin ng iyong mga mata.

28:35 Sasaktan ka ng Panginoon sa mga tuhod at sa mga hita, ng isang masamang bukol na hindi mo mapagagaling, mula sa talampakan ng iyong paa hanggang sa bao ng iyong ulo.

28:36 Dadalhin ka ng Panginoon, at ang iyong haring ilalagay mo sa iyo, sa isang bansang hindi mo nakilala, ninyo ng iyong mga magulang at doo'y maglilingkod ka sa ibang mga dios, na kahoy at bato.

28:37 At ikaw ay magiging isang kamanghaan, isang kawikaan, at isang kabiruan sa lahat ng bayang pagdadalhan sa iyo ng Panginoon.

28:38 Kukuha ka ng maraming binhi sa bukid, at kaunti ang iyong titipunin; sapagka't uubusin ng balang.

28:39 Ikaw ay maguubasan at iyong aalagaan, nguni't ni hindi ka iinom ng alak, ni mamimitas ng ubas; sapagka't kakanin yaon ng uod.

28:40 Magkakaroon ka ng mga puno ng olibo sa lahat ng iyong mga hangganan, nguni't hindi ka magpapahid ng langis; sapagka't ang iyong olibo ay malalagasan ng buko.

28:41 Ikaw ay magkakaanak ng mga lalake at mga babae, nguni't sila'y hindi magiging iyo; sapagka't sila'y yayaon sa pagkabihag.

28:42 Lahat ng iyong puno ng kahoy at bunga ng iyong lupa ay aariin ng balang.

28:43 Ang taga ibang lupa na nasa gitna mo ay tataas ng higit at higit sa iyo, at ikaw ay pababa ng pababa ng pababa.

28:44 Siya'y magpapahiram sa iyo, at ikaw ay hindi makapagpapahiram sa kaniya: siya'y magiging ulo, at ikaw ay magiging buntot.

28:45 At lahat ng mga sumpang ito ay darating sa iyo at hahabulin ka, at aabutan ka, hanggang sa magiba ka; sapagka't hindi mo dininig ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang tuparin ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na kaniyang iniutos sa iyo:

28:46 At ang mga yao'y magiging isang tanda at isang kababalaghan sa iyo, at sa iyong lahi magpakailan man:

28:47 Sapagka't hindi ka naglingkod sa Panginoon mong Dios na may kagalakan, at may kasayahan ng puso, dahil sa kasaganaan ng lahat ng mga bagay:

28:48 Kaya't maglilingkod ka sa iyong mga kaaway na susuguin ng Panginoon laban sa iyo, na may gutom, at uhaw, at kahubaran, at sa kakulangan ng lahat ng mga bagay: at lalagyan ka niya ng isang pamatok na bakal sa iyong leeg hanggang sa maibuwal ka niya.

28:49 Magdadala ang Panginoon ng isang bansang laban sa iyo mula sa malayo, mula sa katapusan ng lupa, na gaya ng lumilipad ang aguila; isang bansang ang wika'y hindi mo nababatid;

28:50 Bansang mukhang mabangis, na hindi igagalang ang pagkatao ng matanda, ni magpapakundangan sa bata:

28:51 At kaniyang kakanin ang anak ng iyong hayop at ang bunga ng iyong lupa, hanggang sa maibuwal ka; na wala ring matitira sa iyong trigo, alak, o langis, ng karagdagan ng iyong bakahan, o ng anak ng iyong kawan, hanggang sa ikaw ay maipalipol.

28:52 At kaniyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga pintuang-daan, hanggang sa ang iyong mataas at nakababakod na kuta ay malagpak, na siyang iyong inaasahan, sa iyong buong lupain; at kaniyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga pintuang-bayan sa iyong buong lupain, na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.

28:53 At kakain ka ng bunga ng iyong sariling katawan, ng laman ng iyong mga anak na lalake at babae, na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Dios, sa pagkakubkob at sa kagipitan, na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway.

28:54 Ang lalaking mahabagin sa gitna mo, at totoong maramdamin, ay magiging masama ang kaniyang mata sa kaniyang kapatid, at sa asawa ng kaniyang sinapupunan, at sa labis sa kaniyang mga anak na ititira:

28:55 Na anopa't hindi niya ibibigay sa kaninoman sa kanila ang laman ng kaniyang mga anak na kaniyang kakanin, sapagka't walang natira sa kaniya, sa pagkubkob at sa kagipitan na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway sa lahat ng iyong mga pintuang-bayan.

28:56 Ang mahabagin at maramdaming babae sa gitna mo, na hindi pa natitikmang itungtong ang talampakan ng kaniyang paa sa lupa dahil sa kahinhinan at pagkamahabagin, ay magiging masama ang kaniyang mata sa asawa ng kaniyang sinapupunan, at sa kaniyang anak na lalake, at babae;

28:57 At sa kaniyang sanggol na lumalabas sa pagitan ng kaniyang mga paa at sa kaniyang mga anak na kaniyang ipanganganak; sapagka't kaniyang kakanin ng lihim sila dahil sa kakulangan ng lahat ng mga bagay, sa pagkubkob at sa kagipitan, na igigipit sa iyo ng iyong mga kaaway sa iyong mga pintuang-bayan.

28:58 Kung hindi mo isasagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito na nasusulat sa aklat na ito, upang ikaw ay matakot dito sa maluwalhati at kakilakilabot na pangalang, Ang Panginoon Mong Dios.

28:59 Kung magkagayo'y gagawin ng Panginoon na kamanghamangha ang salot sa iyo, at ang salot sa iyong binhi, malaking salot, at totoong malaon, at kakilakilabot na sakit, at totoong malaon.

28:60 At kaniyang pararatingin uli sa iyo ang lahat ng mga sakit sa Egipto, na iyong kinatakutan at kakapit sa iyo.

28:61 Bawa't sakit din naman, at bawa't salot, na hindi nasusulat sa aklat ng kautusang ito'y pararatingin nga sa iyo ng Panginoon, hanggang sa ikaw ay maibuwal.

28:62 At kayo'y malalabing kaunti sa bilang, pagkatapos na kayo'y naging gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan; sapagka't hindi ninyo dininig ang tinig ng Panginoon mong Dios.

28:63 At mangyayari, na kung paanong ang Panginoon ay nagagalak sa inyo na gawin kayong mabuti at paramihin kayo: ay gayon magagalak ang Panginoon sa inyo na ipalipol kayo, at ibuwal kayo; at kayo'y palalayasin sa lupa na inyong pinapasok upang ariin.

28:64 At pangangalatin ka ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; at doo'y maglilingkod ka sa ibang mga dios, na hindi mo nakilala, ninyo ng inyong mga magulang, sa makatuwid baga'y sa mga dios na kahoy at bato.

28:65 At sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makakasumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng iyong paa: kundi bibigyan ka ng Panginoon doon ng sikdo ng puso, at pangangalumata, at panglalambot ng kaluluwa:

28:66 At ang iyong buhay ay mabibitin sa pagaalinglangan sa harap mo; at ikaw ay matatakot gabi't araw, at mawawalan ng katiwalaan ang iyong buhay.

28:67 Sa kinaumagaha'y iyong sasabihin, Kahi manawari ay gumabi na! at sa kinagabiha'y iyong sasabihin, Kahi manawari ay umumaga na! dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa paningin ng iyong mga mata na iyong ikakikita.

28:68 At pababalikin ka ng Panginoon sa Egipto sa pamamagitan ng sasakyan, sa daan na aking sinabi sa iyo, Hindi mo na uli makikita; at doo'y pabibili kayo sa inyong mga kaaway na pinaka aliping lalake, at babae, at walang taong bibili sa inyo.

29:1 Ito ang mga salita ng tipan na iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin sa mga anak ni Israel sa lupain ng Moab, bukod sa tipang kaniyang ginawa sa kanila sa Horeb.

29:2 At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Inyong nakita yaong lahat na ginawa ng Panginoon sa harap ng inyong mga mata sa lupain ng Egipto, kay Faraon at sa lahat ng kaniyang lingkod at kaniyang buong lupain;

29:3 Ang mga dakilang tukso na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, at yaong mga dakilang kababalaghan:

29:4 Nguni't hindi kayo binigyan ng Panginoon ng pusong ikakikilala at ng mga matang ikakikita, at ng mga pakinig na ikaririnig, hanggang sa araw na ito.

29:5 At aking pinatnubayan kayong apat na pung taon sa ilang: ang inyong mga damit ay hindi naluma sa inyo, at ang iyong panyapak ay hindi naluma sa iyong paa.

29:6 Hindi kayo kumain ng tinapay, ni uminom ng alak o inuming nakalalasing: upang inyong makilala na ako ang Panginoon ninyong Dios.

29:7 At nang kayo'y dumating sa dakong ito, ay lumabas si Sehon na hari sa Hesbon at si Og na hari sa Basan, laban sa atin sa pakikibaka, at ating sinugatan sila;

29:8 At ating sinakop ang kanilang lupain at ating ibinigay na pinaka mana sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.

29:9 Ganapin nga ninyo ang mga salita ng tipang ito, at inyong gawin, upang kayo'y guminhawa sa lahat ng inyong ginagawa.

29:10 Kayo'y tumatayong lahat sa araw na ito, sa harap ng Panginoon ninyong Dios; ang inyong mga pangulo, ang inyong mga lipi, ang inyong mga matanda, at ang inyong mga puno, sa makatuwid baga'y lahat ng mga lalake sa Israel,

29:11 Ang inyong mga bata, ang inyong mga asawa at ang iyong taga ibang lupa na nasa gitna ng iyong mga kampamento mula sa iyong mangangahoy hanggang sa iyong mananalok:

29:12 Upang ikaw ay pumasok sa tipan ng Panginoon mong Dios, at sa kaniyang sumpa na ginagawa sa iyo ng Panginoon mong Dios sa araw na ito:

29:13 Upang kaniyang itatag ka sa araw na ito na isang bayan, at upang siya'y maging iyong Dios, na gaya ng kaniyang sinalita sa iyo, at gaya ng kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob.

29:14 At hindi lamang sa inyo ginagawa ko ang tipang ito at ang sumpang ito;

29:15 Kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harap ng Panginoon nating Dios, at gayon din sa hindi natin kasama sa araw na ito:

29:16 (Sapagka't talastas ninyo kung paanong tumahan tayo sa lupain ng Egipto; at kung paanong tayo'y pumasok sa gitna ng mga bansang inyong dinaanan;

29:17 At inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal, at ang kanilang mga idolo, na kahoy at bato, pilak at ginto na nasa gitna nila:)

29:18 Baka magkaroon sa gitna ninyo ng lalake, o babae, o angkan, o lipi, na ang puso'y humiwalay sa araw na ito, sa Panginoon nating Dios, na yumaong maglingkod sa mga dios ng mga bansang yaon; baka magkaroon sa gitna ninyo ng isang ugat na nagbubunga ng nakakalason at ng ajenjo;

29:19 At mangyari, na pagka kaniyang narinig ang mga salita ng sumpang ito, na kaniyang basbasan ang kaniyang sarili sa kaniyang puso, na magsabi, Ako'y magkakaroon ng kapayapaan, bagaman ako'y lumalakad sa pagmamatigas ng aking puso upang ilakip ang paglalasing sa kauhawan:

29:20 Ay hindi siya patatawarin ng Panginoon, kundi ang galit nga ng Panginoon at ang kaniyang paninibugho ay maguusok laban sa taong yaon, at ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito ay hihilig sa kaniya, at papawiin ng Panginoon ang kaniyang pangalan sa silong ng langit.

29:21 At ihihiwalay siya ng Panginoon sa lahat ng mga lipi sa Israel sa kasamaan, ayon sa lahat ng mga sumpa ng tipan na nasusulat sa aklat na ito ng kautusan.

29:22 At ang mga lahing darating, ang inyong mga anak na magsisibangon pagkamatay ninyo, at ang taga ibang bayan na magmumula sa malayong lupain, ay magsasabi, pagka nakita nila ang mga salot ng lupaing yaon, at ang sakit na inilagay ng Panginoon, na ipinagkasakit;

29:23 At ang buong lupaing yaon ay asupre, at asin, at sunog, na hindi nahahasikan, at walang ibubunga, ni walang tumutubong damo, na gaya ng nangyari sa pagkagiba ng Sodoma at Gomorra, Adma at Seboim, na giniba ng Panginoon sa kaniyang kagalitan at sa kaniyang maningas na pagiinit;

29:24 Na anopa't lahat ng mga bansa ay magsasabi, Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupaing ito? ano ang kahulugan ng init nitong malaking kagalitan?

29:25 Kung magkagayo'y sasabihin ng mga tao, Sapagka't kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon, ng Dios ng kanilang mga magulang, na kaniyang ginawa sa kanila, nang kaniyang kunin sila sa lupain ng Egipto;

29:26 At sila'y yumaon at naglingkod sa ibang mga dios, at sinamba nila, na mga dios na hindi nila nakilala, at hindi niya ibinigay sa kanila:

29:27 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa lupaing ito, upang dalhin sa kaniya ang buong sumpa na nasusulat sa aklat na ito:

29:28 At sila'y binunot ng Panginoon sa kanilang lupain, sa kagalitan, at sa pagiinit, at sa malaking pagkagalit, at sila'y itinaboy sa ibang lupain gaya sa araw na ito.

29:29 Ang mga bagay na lihim ay nauukol sa Panginoon nating Dios: nguni't ang mga bagay na hayag ay nauukol sa atin at sa ating mga anak magpakailan man, upang ating magawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.

30:1 At mangyayari, na pagka ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa iyo, ang pagpapala at ang sumpa na inilagay ko sa harap mo, at iyong mga didilidilihin sa gitna ng lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa iyo ng Panginoon mong Dios.

30:2 At magbabalik ka sa Panginoon mong Dios, at iyong susundin ang kaniyang tinig ayon sa lahat na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, ninyo at ng iyong mga anak, ng iyong buong puso at ng iyong buong kaluluwa;

30:3 Ay babawiin nga ng Panginoon mong Dios ang iyong pagkabihag, at mahahabag sa iyo, at ibabalik, at titipunin ka sa lahat ng mga bayang pinagkalatan sa iyo ng Panginoon mong Dios.

30:4 Kung ang bihag sa iyo ay nasa kaduluduluhang bahagi ng langit, mula roo'y titipunin ka ng Panginoon mong Dios, at mula roo'y kukunin ka.

30:5 At dadalhin ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na inari ng iyong mga magulang, at iyong aariin, at gagawan ka niya ng mabuti at pararamihin ka niya ng higit kay sa iyong mga magulang.

30:6 At tutuliin ng Panginoon mong Dios ang iyong puso, at ang puso ng iyong binhi, upang ibigin mo ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, upang ikaw ay mabuhay.

30:7 At lahat ng mga sumpang ito ng Panginoon mong Dios ay isasa iyong mga kaaway at sa kanila na nangapopoot sa iyo, na nagsiusig sa iyo.

30:8 At ikaw ay babalik at susunod sa tinig ng Panginoon, at iyong gagawin ang lahat ng kaniyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.

30:9 At pasasaganain ka ng Panginoon mong Dios sa lahat ng gawa ng iyong kamay, sa bunga ng iyong katawan, at sa anak ng iyong bakahan, at sa bunga ng iyong lupa, sa ikabubuti: sapagka't pagagalakin ka uli ng Panginoon, sa ikabubuti mo, gaya ng kaniyang iginalak sa iyong mga magulang:

30:10 Kung iyong susundin ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang tuparin mo ang kaniyang mga utos at ang kaniyang mga palatuntunan na nasusulat sa aklat na ito ng kautusan; kung ikaw ay manunumbalik sa Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa.

30:11 Sapagka't ang utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay hindi totoong mabigat sa iyo, ni malayo.

30:12 Wala sa langit, upang huwag mong sabihin, Sinong sasampa sa langit para sa atin, at magdadala niyaon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating magawa?

30:13 Ni wala sa dako roon ng dagat, upang huwag mong sabihin, Sino ang daraan sa dagat para sa atin, at magdadala niyaon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating magawa?

30:14 Kundi ang salita ay totoong malapit sa iyo, sa iyong bibig, at sa iyong puso, upang iyong magawa.

30:15 Tingnan mo, na inilagay ko sa harap mo sa araw na ito ang buhay at ang kabutihan, at ang kamatayan at ang kasamaan;

30:16 Na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na ibigin mo ang Panginoon mong Dios, na lumakad ka sa kaniyang mga daan, at tuparin mo ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga kahatulan, upang ikaw ay mabuhay at dumami, at upang pagpalain ka ng Panginoon mong Dios sa lupain na iyong pinapasok upang ariin.

30:17 Nguni't kung ang iyong puso ay lumiko, at hindi mo didinggin, kundi maliligaw ka at sasamba ka sa ibang mga Dios, at maglilingkod ka sa kanila;

30:18 Ay aking pinatutunayan sa inyo sa araw na ito, na kayo'y tunay na malilipol; hindi ninyo palalaunin ang inyong mga araw sa ibabaw ng lupain na inyong ipinagtatawid ng Jordan, upang pumasok na ariin.

30:19 Aking tinatawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking ilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya't piliin mo ang buhay, upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi;

30:20 Na iyong ibigin ang Panginoon mong Dios, na sundin ang kaniyang tinig, at lumakip sa kaniya: sapagka't siya ang iyong buhay, at ang kalaunan ng iyong mga araw; upang matahanan mo ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila.

31:1 At si Moises ay yumaon at sinalita ang mga salitang ito sa buong Israel.

31:2 At kaniyang sinabi sa kanila, Ako'y may isang daan at dalawang pung taon sa araw na ito; hindi na ako makapaglalabas at pumasok; at sinabi ng Panginoon sa akin, Huwag kang tatawid sa Jordang ito.

31:3 Magpapauna ang Panginoon mong Dios at kaniyang lilipulin ang mga bansang ito sa harap mo, at iyong aariin: si Josue ay magpapauna sa iyo, gaya ng sinalita ng Panginoon.

31:4 At gagawin sa kanila ng Panginoon ang gaya ng ginawa kay Sehon, at kay Og, na mga hari ng mga Amorrheo, at sa kanilang lupain na kaniyang nilipol.

31:5 At ibibigay sila ng Panginoon sa harap mo, at iyong gagawin sa kanila ang ayon sa buong utos na aking iniutos sa iyo.

31:6 Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot, ni mangilabot sa kanila; sapagka't ang Panginoon mong Dios ay siyang yumayaong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan ka niya.

31:7 At tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kaniya sa paningin ng buong Israel, Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang: sapagka't ikaw ay yayaong kasama ng bayang ito sa lupain na isinumpa ng Panginoon sa kanilang mga magulang na ibibigay sa kanila; at iyong ipamamana sa kanila.

31:8 At ang Panginoon, ay siyang nagpapauna sa iyo; siya'y sasa iyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan ka: ikaw ay huwag matatakot ni manglulupaypay.

31:9 At isinulat ni Moises ang kautusang ito, at ibinigay sa mga saserdote na mga anak ni Levi, na silang nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at sa lahat ng matanda sa Israel.

31:10 At iniutos sa kanila ni Moises, na sinabi, Sa katapusan ng bawa't pitong taon, sa takdang panahon ng taon ng pagtubos, sa kapistahan ng mga balag,

31:11 Pagdating ng buong Israel upang pakita sa harap ng Panginoon mong Dios sa dakong kaniyang pipiliin ay iyong babasahin ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa kanilang pakinig.

31:12 Pisanin mo ang bayan, ang mga lalake at mga babae at mga bata, at ang iyong taga ibang lupa na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, upang kanilang marinig, at upang kanilang pagaralan, at matakot sa Panginoon mong Dios, at isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito;

31:13 At upang ang kanilang mga anak, na hindi nakakilala, ay makarinig at magaral na matakot sa Panginoon ninyong Dios, habang kayo'y nabubuhay sa lupain na inyong pinaroroonan, na inyong itinatawid ng Jordan upang ariin.

31:14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, ang iyong mga araw na ikamamatay ay nalalapit: tawagin mo si Josue, at magsiharap kayo sa tabernakulo ng kapisanan upang siya'y aking mapagbilinan. At si Moises at si Josue ay yumaon at humarap sa tabernakulo ng kapisanan.

31:15 At ang Panginoon ay napakita sa Tolda, sa isang tila haliging ulap; at ang tila haliging ulap ay tumayo sa pintuan ng tabernakulo.

31:16 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga magulang; at ang bayang ito'y babangon, at sasamba sa kakaibang mga dios sa lupain, na kanilang pinaroroonan upang sumagitna nila, at ako'y pababayaan, at sisirain ang aking tipan na aking ipinakipagtipan sa kanila.

31:17 Kung magkagayo'y ang aking galit ay magaalab laban sa kanila sa araw na yaon, at aking pababayaan sila, at aking ikukubli ang aking mukha sa kanila, at sila'y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila; na anopa't kanilang sasabihin sa araw na yaon, Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Dios ay wala sa gitna natin?

31:18 At ikukubli ko nga ang aking mukha sa araw na yaon dahil sa buong kasamaang kanilang ginawa, sa paraang sila'y pumihit sa ibang mga dios.

31:19 Ngayon nga'y sulatin ninyo sa ganang inyo ang awit na ito, at ituro mo sa mga anak ni Israel: ilagay mo sa kanilang mga bibig, upang ang awit na ito'y maging saksi sa akin laban sa mga anak ni Israel.

31:20 Sapagka't pagka sila'y naipasok ko na sa lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang, na binubukalan ng gatas at pulot, at sila'y nakakain at nabusog at tumaba; ay pipihit nga sila sa ibang mga dios, at paglilingkuran nila, at ako'y lalabagin nila, at sisirain ang aking tipan.

31:21 At mangyayari na pagka ang maraming kasamaan at kabagabagan ay dumating sa kanila, ay magpapatotoo ang awit na ito sa harap nila na pinakasaksi; sapagka't hindi malilimutan ng mga bibig ng kanilang binhi; sapagka't talastas ko ang kanilang iniisip na kanilang inaakala ngayon pa, bago ko sila ipasok sa lupain na isinumpa ko.

31:22 Kaya't isinulat ni Moises ang awit na ito nang araw ding yaon, at itinuro sa mga anak ni Israel.

31:23 At kaniyang pinagbilinan si Josue na anak ni Nun, at sinabi, Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang: sapagka't iyong ipapasok ang mga anak ni Israel sa lupain na isinumpa ko sa kanila; at ako'y sasa iyo.

31:24 At nangyari, nang matapos ni Moises na masulat ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat, hanggang sa natapos,

31:25 Na nagutos si Moises sa mga Levita, na may dala ng kaban ng tipan ng Panginoon, na sinasabi,

31:26 Kunin ninyo ang aklat na ito ng kautusan at ilagay ninyo sa siping ng kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Dios, upang doo'y maging pinakasaksi laban sa iyo.

31:27 Sapagka't talastas ko ang iyong panghihimagsik, at ang iyong matigas na ulo: narito, nabubuhay pa akong kasama ninyo, sa araw na ito, kayo'y naging mapanghimagsik laban sa Panginoon: at gaano pa kaya pagkamatay ko?

31:28 Pulungin mo ang mga matanda sa iyong mga lipi at ang inyong mga pinuno upang masalita ko ang mga salitang ito sa kanilang pakinig, at matawag ang langit at ang lupa na pinakasaksi laban sa kanila.

31:29 Sapagka't talastas ko na pagkamatay ko, kayo'y mangagsisisama at mangaliligaw sa daan na aking itinuro sa inyo; at ang kasamaan ay sasapit sa inyo sa mga huling araw; sapagka't inyong gagawin yaong masama sa paningin ng Panginoon, upang ipamungkahi niya kayo sa kagalitan sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay.

31:30 At sinalita ni Moises sa pakinig ng buong kapisanan ng Israel ang mga salita ng awit na ito, hanggang sa natapos.

32:1 Makinig kayo, mga langit, at ako'y magsasalita, At pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig.

32:2 Ang aking aral ay papatak na parang ulan; Ang aking salita ay bababa na parang hamog; Gaya ng ambon sa malambot na damo, At gaya ng mahinang ambon sa gugulayin:

32:3 Sapagka't aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon: Dakilain ninyo ang ating Dios.

32:4 Siya ang Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal; Sapagka't lahat niyang daan ay kahatulan: Isang Dios na tapat at walang kasamaan, Matuwid at banal siya.

32:5 Sila'y nagpakasama, sila'y hindi kaniyang mga anak, itong kanilang kapintasan; Mga tampalasan at likong lahi.

32:6 Ganyan ba ninyo ginaganti ang Panginoon, O mangmang na bayan at hindi pantas? Hindi ba siya ang iyong ama na tumangkilik sa iyo? Kaniyang nilalang ka, at itinatag ka.

32:7 Alalahanin mo ang mga araw ng una, Isipin mo ang mga taon ng lahi't lahi: Itanong mo sa iyong ama at kaniyang ibabalita sa iyo; Sa iyong mga matanda, at kanilang sasaysayin sa iyo.

32:8 Nang ibigay ng Kataastaasan sa mga bansa ang kanilang mana, Nang kaniyang ihiwalay ang mga anak ng tao, Kaniyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan Ayon sa bilang ng mga anak ni Israel.

32:9 Sapagka't ang bahagi ng Panginoon ay ang kaniyang bayan; Si Jacob ang bahaging mana niya.

32:10 Kaniyang nasumpungan sa isang ilang sa lupain, At sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang; Kaniyang kinanlungan sa palibot, kaniyang nilingap, Kaniyang iningatang parang salamin ng kaniyang mata:

32:11 Parang aguila na kumikilos ng kaniyang pugad, Na yumuyungyong sa kaniyang mga inakay, Kaniyang ibinubuka ang kaniyang mga pakpak, kaniyang kinukuha, Kaniyang dinadala sa ibabaw ng kaniyang mga pakpak:

32:12 Ang Panginoon na magisa ang pumatnubay sa kaniya, At walang ibang dios na kasama siya.

32:13 Ipinaari sa kaniya ang matataas na dako ng lupa, At siya'y kumain ng tubo sa bukid; At kaniyang pinahitit ng pulot na mula sa bato, At ng langis na mula sa batong pinkian;

32:14 Ng mantika ng baka, at gatas ng tupa, Na may taba ng mga kordero, At ng mga tupang lalake sa Basan, at mga kambing, Na may taba ng mga butil ng trigo; At sa katas ng ubas ay uminom ka ng alak.

32:15 Nguni't tumaba si Jeshurun, at tumutol: Ikaw ay tumataba, ikaw ay lumalapad, ikaw ay naging makinis: Nang magkagayo'y kaniyang pinabayaan ang Dios na lumalang sa kaniya, At niwalang kabuluhan ang Bato na kaniyang kaligtasan.

32:16 Siya'y kinilos nila sa paninibugho sa ibang mga dios, Sa pamamagitan ng mga karumaldumal, minungkahi nila siya sa kagalitan.

32:17 Kanilang inihain sa mga demonio, na hindi Dios, Sa mga dios na hindi nila nakilala, Sa mga bagong dios, na kalilitaw pa lamang, Na hindi kinatakutan ng inyong mga magulang.

32:18 Sa Batong nanganak sa iyo, ay nagwalang bahala ka, At iyong kinalimutan ang Dios na lumalang sa iyo.

32:19 At nakita ng Panginoon, at kinayamutan sila, Dahil sa pamumungkahi ng kaniyang mga anak na lalake at babae.

32:20 At kaniyang sinabi, Aking ikukubli ang aking mukha sa kanila, Aking titingnan kung anong mangyayari sa kanilang wakas; Sapagka't sila'y isang napakasamang lahi, Na mga anak na walang pagtatapat.

32:21 Kinilos nila ako sa paninibugho doon sa hindi Dios; Kanilang minungkahi ako sa galit sa kanilang mga walang kabuluhan: At akin silang kikilusin sa paninibugho sa mga hindi bayan: Aking ipamumungkahi sila sa galit, sa pamamagitan ng isang mangmang na bansa.

32:22 Sapagka't may apoy na nagalab sa aking galit, At nagniningas hanggang sa Sheol, At lalamunin ang lupa sangpu ng tubo nito, At paniningasan ng apoy ang mga tungtungan ng mga bundok.

32:23 Aking dadaganan sila ng mga kasamaan; Aking gugugulin ang aking busog sa kanila:

32:24 Sila'y mangapupugnaw sa gutom, at lalamunin ng maningas na init, At ng mapait na pagkalipol; At ang mga ngipin ng mga hayop ay susunugin ko sa kanila, Sangpu ng kamandag ng nangagsisiusad sa alabok.

32:25 Sa labas ay pipighatiin ng tabak. At sa mga silid ay kakilabutan; Malilipol kapuwa ang binata at dalaga, Ang sanggol sangpu ng lalaking may uban.

32:26 Aking sinabi, Aking pangangalatin sila sa malayo, Aking papaglilikatin sa mga tao ang alaala sa kanila;

32:27 Kundi aking kinatatakutan ang mungkahi ng kaaway; Baka ang kanilang mga kalaban ay humatol ng mali, Baka kanilang sabihin, Ang aming kamay ay tanghal, At hindi ginawa ng Panginoon ang lahat ng ito.

32:28 Sapagka't sila'y bansang salat sa payo, At walang kaalaman sa kanila.

32:29 Oh kung sila'y mga pantas, na kanilang tinalastas ito, Kung nababatid nila ang kanilang wakas!

32:30 Kung paanong hahabulin ng isa ang isang libo, At ang dalawa'y magpapatakas sa sangpung libo, Malibang ipagbili sila ng kanilang Bato, At ibigay sila ng Panginoon?

32:31 Sapagka't ang kanilang bato ay hindi gaya ng ating Bato, Kahit ang ating mga kaaway man ang maging mga hukom.

32:32 Sapagka't ang kanilang puno ng ubas ay mga puno ng ubas sa Sodoma, At sa mga parang ng Gomorra: Ang kanilang ubas ay ubas ng apdo, Ang kanilang mga buwig ay mapait:

32:33 Ang kanilang alak ay kamandag ng mga dragon, At mabagsik na kamandag ng mga ahas.

32:34 Di ba ito'y natatago sa akin, Na natatatakan sa aking mga kayamanan?

32:35 Ang panghihiganti ay akin, at gayon din ang gantingpala, Sa panahon na madudulas ang kanilang mga paa: Sapagka't ang araw ng kanilang pagdadalita ay nalalapit, At ang mga bagay na darating sa kanila ay mangagmamadali.

32:36 Sapagka't hahatulan ng Panginoon ang kaniyang bayan, At magsisisi dahil sa kaniyang mga lingkod; Pagka kaniyang nakitang ang kanilang kapangyarihan ay nawala, At wala ng natitira na natatakpan o naiwan.

32:37 At kaniyang sasabihin, Saan nandoon ang kanilang mga dios, Ang bato na siya nilang pinanganlungan;

32:38 Yaong mga kumakain ng taba ng kanilang mga hain, At umiinom ng alak ng kanilang inuming handog? Bumangon sila at tumulong sa inyo, At sila'y maging pagkupkop sa inyo.

32:39 Tingnan ninyo ngayon, na ako, sa makatuwid baga'y ako nga, At walang dios sa akin: Ako'y pumapatay, at ako'y bumubuhay; Ako'y ang sumusugat, at ako'y ang nagpapagaling: At walang makaliligtas sa aking kamay.

32:40 Sapagka't aking itinataas ang aking kamay sa langit, At aking sinasabi, Buhay ako magpakailan man,

32:41 Kung aking ihahasa ang aking makintab na tabak, At ang aking kamay ay hahawak ng kahatulan; Aking ibibigay ang aking panghihiganti sa aking mga kaaway, At aking gagantihan yaong nangapopoot sa akin.

32:42 At aking lalanguin ng dugo ang aking tunod, At ang aking tabak ay sasakmal ng laman; Sa dugo ng patay at ng mga bihag, Mula sa ulo ng mga pangulo ng kaaway.

32:43 Mangagalak kayo, O mga bansa, na kasama ng kaniyang bayan; Sapagka't ipanghihiganti ang dugo ng kaniyang mga lingkod, At manghihiganti sa kaniyang mga kaalit, At patatawarin ang kaniyang lupain, ang kaniyang bayan.

32:44 At si Moises ay naparoon at sinalita ang lahat ng mga salita ng awit na ito sa pakinig ng bayan, siya, at si Josue na anak ni Nun.

32:45 At tinapos ni Moises na salitain ang lahat ng mga salitang ito sa buong Israel:

32:46 At kaniyang sinabi sa kanila, Ilagak ninyo ang inyong puso sa lahat ng mga salita na aking pinatototohanan sa inyo sa araw na ito, na inyong iuutos sa inyong mga anak upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.

32:47 Sapagka't ito'y hindi hamak na bagay sa inyo; sapagka't inyong kabuhayan, at sa bagay na ito ay inyong palalaunin ang inyong ipinagtatawid ng Jordan upang ariin.

32:48 At sinalita ng Panginoon kay Moises nang araw ding yaon, na sinasabi,

32:49 Sumampa ka sa bundok na ito ng Abarim, sa bundok ng Nebo na nasa lupain ng Moab, na nasa tapat ng Jerico; at masdan mo ang lupain ng Canaan, na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel, na pinakaari:

32:50 At mamatay ka sa bundok na iyong sinasampa, at malakip ka sa iyong bayan, gaya ni Aaron na iyong kapatid na namatay sa bundok ng Hor, at nalakip sa kaniyang bayan:

32:51 Sapagka't kayo'y sumalansang laban sa akin sa gitna ng mga anak ni Israel sa tubig ng Meriba ng Cades, sa ilang ng Zin; sapagka't hindi ninyo ako inaring banal sa gitna ng mga anak ni Israel.

32:52 Sapagka't iyong matatanaw ang lupain sa harap mo; nguni't doo'y hindi ka makapapasok, sa lupain na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel.

33:1 At ito ang basbas na ibinasbas ni Moises, tao ng Dios, sa mga anak ni Israel bago siya namatay.

33:2 At kaniyang sinabi, Ang Panginoo'y nanggaling sa Sinai, At bumangon mula sa Seir na patungo sa kanila; Siya'y lumiwanag mula sa bundok ng Paran, At siya'y nanggaling sa laksa-laksa ng mga banal: Sa kaniyang kanan, ay may hawak na isang mahigpit na kautusan sa kanila.

33:3 Oo't kaniyang iniibig ang bayan: Lahat ng kaniyang mga banal ay nasa iyong kamay: At sila'y umupo sa iyong paanan; Na bawa't isa'y tatanggap ng iyong mga salita.

33:4 Si Moises ay nagutos sa atin ng isang kautusan, Na mana sa kapisanan ng Jacob.

33:5 At siya'y hari sa Jeshurun, Nang magkatipon ang mga pangulo ng bayan, Sangpu ng lahat ng mga lipi ni Israel.

33:6 Mabuhay nawa ang Ruben, at huwag mamatay; Gayon ma'y kumaunti nawa ang kaniyang mga tao.

33:7 At ito ang basbas sa Juda; at kaniyang sinabi, Dinggin mo, Panginoon, ang tinig ng Juda, At padatnin mo sa kaniyang bayan: Sukat na sa kaniya ang kaniyang mga kamay; At ikaw ay maging tulong laban sa kaniyang mga kaalit.

33:8 At tungkol sa Levi ay kaniyang sinabi, Ang iyong Thummim at ang iyong Urim ay sumaiyong banal, Na siyang iyong sinubok sa Massa, Na siya mong kinatunggali sa tubig ng Meriba;

33:9 Na siyang nagsabi tungkol sa kaniyang ama, at tungkol sa kaniyang ina, Hindi ko siya nakita; Ni kinilala niya ang kaniyang mga kapatid, Ni kinilala niya ang kaniyang sariling mga anak; Sapagka't kanilang sinunod ang iyong salita, At ginaganap ang iyong tipan.

33:10 Sila'y magtuturo sa Jacob ng iyong mga kahatulan, At ng iyong mga kautusan, sa Israel; Sila'y maglalagay ng kamangyan sa harap mo, At ng buong handog na susunugin sa ibabaw ng iyong dambana.

33:11 Basbasan mo, Panginoon, ang kaniyang tinatangkilik, At tanggapin mo ang gawa ng kaniyang mga kamay; Saktan mo ang mga balakang niyaong nagsisibangon laban sa kaniya, At niyaong nangapopoot sa kaniya, upang sila'y huwag bumangon uli.

33:12 Tungkol sa Benjamin, ay kaniyang sinabi, Ang minamahal ng Panginoon ay tatahang ligtas sa siping niya; Siya'y kakanlungan niya buong araw, At siya'y mananahan sa pagitan ng kaniyang mga balikat.

33:13 At tungkol sa Jose ay kaniyang sinabi, Pagpalain nawa ng Panginoon ang kaniyang lupain, Sa mga mahalagang bagay ng langit, sa hamog, At sa kalaliman na nasa ilalim niya,

33:14 At sa mga mahalagang bagay na pinatubo ng araw, At sa mga mahalagang bagay na pinatubo ng buwan,

33:15 At sa pinakamarikit na mga bagay ng matandang bundok, At sa mga mahalagang bagay ng mga burol na walang hanggan,

33:16 At sa mga mahalagang bagay ng lupa at ng kapunuan niyaon, At ang mabuting kalooban niyaong tumahan sa mababang punong kahoy: Sumaulo nawa ni Jose ang kapalaran, At sa tuktok ng ulo niya na hiwalay sa kaniyang mga kapatid.

33:17 Ang panganay ng kaniyang baka, na may kamahalan; At ang mga sungay niyaon ay parang mga sungay ng mabangis na toro: Siya niyang ipantutulak sa mga bayan, lahat sa kanila, kahit na nasa mga hangganan ng lupa: At sila ang laksa-laksa ng Ephraim, At sila ang libolibo ng Manases.

33:18 At tungkol sa Zabulon ay kaniyang sinabi, Magalak ka, Zabulon, sa iyong paglabas; At ikaw, Issachar, sa iyong mga tolda.

33:19 Kanilang tatawagin ang mga bayan sa bundok; Doo'y maghahandog sila ng mga hain ng katuwiran: Sapagka't kanilang hihititin ang mga kasaganaan ng mga dagat, At ang natatagong kayamanan sa buhanginan.

33:20 At tungkol sa Gad, ay kaniyang sinabi, Pagpalain yaong magpalaki sa Gad: Siya'y tumatahan parang isang leona, At dudurog ng bisig, sangpu ng bao ng ulo.

33:21 At kaniyang inagap ang unang bahagi para sa kaniya, Sapagka't doon natago ang bahagi ng gumagawa ng kautusan; At siya'y pumaroong kasama ng mga pangulo ng bayan, Kaniyang isinagawa ang katuwiran ng Panginoon, At ang kaniyang mga kahatulan sa Israel.

33:22 At tungkol sa Dan ay kaniyang sinabi, Ang Dan ay anak ng leon, Na lumukso mula sa Basan.

33:23 At tungkol sa Nephtali ay kaniyang sinabi, Oh Nephtali, busog ng lingap, At puspos ng pagpapala ng Panginoon: Ariin mo ang kalunuran at ang timugan.

33:24 At tungkol sa Aser ay kaniyang sinabi, Pagpalain nawa sa mga anak ang Aser, Mahalin nawa siya ng kaniyang mga kapatid, At ilubog ang kaniyang paa sa langis.

33:25 Ang iyong mga halang ay magiging bakal at tanso; At kung paano ang iyong mga kaarawan ay magkagayon nawa ang iyong lakas.

33:26 Walang gaya ng Dios, Oh Jeshurun, Na sumasakay sa langit dahil sa pagtulong sa iyo, At sa himpapawid dahil sa kaniyang karangalan.

33:27 Ang walang hanggang Dios ay iyong dakong tahanan, At sa ibaba'y ang walang hanggang mga bisig: At kaniyang itinutulak sa harap mo ang kaaway, At sinabi, Lansagin mo.

33:28 At ang Israel ay tumatahang tiwala, Ang bukal ng Jacob na nagiisa, Sa isang lupain ng trigo at alak; Oo't, ang kaniyang mga langit ay nagbababa ng hamog.

33:29 Maginhawa ka, Oh Israel: Sino ang gaya mo, bayang iniligtas ng Panginoon, Ng kalasag na iyong tulong, At siyang tabak ng iyong karangalan! At ang iyong mga kaaway ay susuko sa iyo: At ikaw ay tutungtong sa kanilang mga matataas na dako.

34:1 At sumampa si Moises mula sa mga kapatagan ng Moab sa bundok ng Nebo, sa taluktok ng Pisga, na nasa tapat ng Jerico. At itinuro ng Panginoon ang buong lupain ng Galaad hanggang sa Dan,

34:2 At ang buong Nephtali at ang lupain ng Ephraim at ng Manases, at ang buong lupain ng Juda hanggang sa dagat kalunuran,

34:3 At ang Timugan at ang Kapatagan ng libis ng Jerico na bayan ng mga puno ng palma hanggang sa Soar.

34:4 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Ito ang lupain na aking isinumpa kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na sinasabi, Aking ibibigay sa iyong binhi: aking pinatingnan sa iyo ng iyong mga mata, nguni't hindi ka daraan doon.

34:5 Sa gayo'y si Moises na lingkod ng Panginoon ay namatay roon sa lupain ng Moab ayon sa salita ng Panginoon.

34:6 At kaniyang inilibing siya sa libis sa lupain ng Moab na nasa tapat ng Beth-peor; nguni't sinomang tao ay hindi nakaaalam ng libingan niya hanggang sa araw na ito.

34:7 At si Moises ay may isang daan at dalawang pung taong gulang nang siya'y mamatay: ang kaniyang mata'y hindi lumabo, ni ang kaniyang talagang lakas ay humina.

34:8 At iniyakan ng mga anak ni Israel si Moises sa mga kapatagan ng Moab, na tatlong pung araw: sa gayon, natapos ang mga araw ng pagtangis sa pagluluksa kay Moises.

34:9 At si Josue na anak ni Nun ay napuspos ng diwa ng karunungan: sapagka't ipinatong ni Moises ang kaniyang mga kamay sa kaniya; at dininig siya ng mga anak ni Israel, at ginawa nila ang gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

34:10 At wala pang bumangong propeta sa Israel na gaya ni Moises, na kilala ng Panginoon sa mukhaan,

34:11 Sa lahat ng mga tanda at mga kababalaghan na iniutos ng Panginoon gawin sa lupain ng Egipto kay Faraon at sa lahat ng kaniyang mga lingkod, at sa kaniyang buong lupain,

34:12 At sa buong makapangyarihang kamay at sa buong dakilang kakilabutan, na ginawa ni Moises sa paningin ng buong Israel.


Next: Joshua