1:1 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises sa ilang ng Sinai sa tabernakulo ng kapisanan, nang unang araw ng ikalawang buwan, sa ikalawang taon pagkatapos na makaalis sila sa lupain ng Egipto, na sinasabi,
1:2 Bilangin mo ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel, ayon sa mga angkan nila, ayon sa mga sangbahayan ng kanikanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, bawa't lalake ayon sa dami ng mga ulo nila;
1:3 Mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa Israel sa pakikibaka, na bibilangin ninyo at ni Aaron sila ayon sa kanilang mga hukbo.
1:4 At magsasama kayo ng isang lalake ng bawa't lipi; na bawa't isa'y pangulo sa sangbahayan ng kaniyang mga magulang.
1:5 At ito ang mga pangalan ng mga lalake na sasama sa inyo. Sa lipi ni Ruben: si Elisur na anak ni Sedeur.
1:6 Sa lipi ni Simeon; si Selumiel na anak ni Zurisaddai.
1:7 Sa lipi ni Juda; si Naason na anak ni Aminadab.
1:8 Sa lipi ni Issachar; si Nathanael na anak ni Suar.
1:9 Sa lipi ni Zabulon; si Eliab na anak ni Helon.
1:10 Sa mga anak ni Jose: sa lipi ni Ephraim; si Elisama na anak ni Ammiud: sa lipi ni Manases; si Gamaliel na anak ni Pedasur.
1:11 Sa lipi ni Benjamin; si Abidan na anak ni Gedeon.
1:12 Sa lipi ni Dan; si Ahiezer na anak ni Ammisaddai.
1:13 Sa lipi ni Aser; si Phegiel na anak ni Ocran.
1:14 Sa lipi ni Gad; si Eliasaph na anak ni Deuel.
1:15 Sa lipi ni Nephtali; si Ahira na anak ni Enan.
1:16 Ito ang mga tinawag sa kapisanan, na mga prinsipe sa mga lipi ng kanikanilang mga magulang; sila ang mga pangulo ng libolibong taga Israel.
1:17 At dinala ni Moises at ni Aaron ang mga lalaking ito na nasaysay sa pamamagitan ng kanikaniyang pangalan:
1:18 At kanilang pinisan ang buong kapisanan nang unang araw ng ikalawang buwan; at kanilang sinaysay ang kanikaniyang kanunuan ayon sa kanikanilang angkan, sangayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ayon sa dami ng mga ulo nila.
1:19 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon niya binilang sa ilang ng Sinai.
1:20 At ang mga anak ni Ruben, na panganay ni Israel, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, sangayon sa dami ng kanilang mga ulo, bawa't lalake mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka;
1:21 Ay nangabilang sa kanila, sa lipi ni Ruben, ay apat na pu't anim na libo at limang daan.
1:22 Sa mga anak ni Simeon, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ay nangabilang sa kanila, ayon sa bilang ng mga pangalan, sangayon sa dami ng mga ulo nila, bawa't lalaking mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka;
1:23 Ay nangabilang sa kanila, sa lipi ni Simeon, ay limang pu't siyam na libo at tatlong daan.
1:24 Sa mga anak ni Gad, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka,
1:25 Ay nangabilang sa kanila, sa lipi ni Gad, ay apat na pu't limang libo at anim na raan at limang pu.
1:26 Sa mga anak ni Juda, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka;
1:27 Ay nangabilang sa kanila, sa lipi ni Juda, ay pitong pu't apat na libo at anim na raan.
1:28 Sa mga anak ni Issachar, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka;
1:29 Ay nangabilang sa kanila, sa lipi ni Issachar, ay limang pu't apat na libo at apat na raan.
1:30 Sa mga anak ni Zabulon, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka;
1:31 Ay nangabilang sa kanila, sa lipi ni Zabulon, ay limang pu't pitong libo at apat na raan.
1:32 Sa mga anak ni Jose, sa mga anak ni Ephraim, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka;
1:33 Ay nangabilang sa kanila sa lipi ni Ephraim, ay apat na pung libo at limang daan.
1:34 Sa mga anak ni Manases, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka;
1:35 Ay nangabilang sa kanila, sa lipi ni Manases, ay tatlong pu't dalawang libo at dalawang daan.
1:36 Sa mga anak ni Benjamin, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka;
1:37 Ay nangabilang sa kanila, sa lipi ni Benjamin, ay tatlong pu't limang libo at apat na raan.
1:38 Sa mga anak ni Dan, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka;
1:39 Ay nangabilang sa kanila, sa lipi ni Dan, ay anim na pu't dalawang libo at pitong daan.
1:40 Sa mga anak ni Aser, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka;
1:41 Ay nangabilang sa kanila, sa lipi ni Aser, ay apat na pu't isang libo at limang daan.
1:42 Sa mga anak ni Nephtali, ang kanilang mga lahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng makalalabas sa pakikibaka;
1:43 Ay nangabilang sa kanila, sa lipi ni Nephtali, ay limang pu't tatlong libo at apat na raan.
1:44 Ito ang nangabilang na binilang ni Moises at ni Aaron at ng labing dalawang lalake, na mga pangulo sa Israel: na bawa't isa sa kanila'y sa sangbahayan ng kanikaniyang mga magulang.
1:45 Kaya't lahat ng nangabilang sa mga anak ni Israel, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, na mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, lahat ng sa Israel ay makalalabas sa pakikibaka:
1:46 Lahat ng nangabilang ay anim na raan at tatlong libo at limang daan at limang pu.
1:47 Datapuwa't ang mga Levita ayon sa lipi ng kanilang mga magulang ay hindi ibinilang sa kanila.
1:48 Sapagka't sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
1:49 Ang lipi lamang ni Levi ang hindi mo bibilangin, ni di mo ilalahok ang bilang nila sa mga anak ni Israel:
1:50 Kundi ipamamahala mo sa mga Levita ang tabernakulo ng patotoo, at ang lahat ng kasangkapan niyaon, at ang lahat ng nauukol doon; kanilang dadalhin ang tabernakulo, at ang lahat ng kasangkapan niyaon; at kanilang pangangasiwaan at sila'y hahantong sa palibot ng tabernakulo.
1:51 At pagka ililipat ang tabernakulo ay pagtatanggaltanggalin ng mga Levita: at pagka itatayo ang tabernakulo ay paguugnay-ugnayin ng mga Levita: at ang taga ibang bayan na lumapit ay papatayin.
1:52 At ang mga anak ni Israel ay magtatayo ng kanilang mga tolda, na bawa't lalake ay sa kaniyang sariling kampamento at bawa't lalake ay sa siping ng kaniyang sariling watawat ayon sa kanilang mga hukbo.
1:53 Datapuwa't ang mga Levita ay magsisitayo sa palibot ng tabernakulo ng patotoo, upang huwag magtaglay ng galit sa kapisanan ng mga anak ni Israel: at ang mga Levita ay mamahala ng tabernakulo ng patotoo.
1:54 Gayon ginawa ng mga anak ni Israel; ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon nila ginawa.
2:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
2:2 Ang mga anak ni Israel ay magsisitayo bawa't lalake sa siping ng kaniyang sariling watawat, na may tanda ng mga sangbahayan ng kaniyang mga magulang: sa tapat ng tabernakulo ng kapisanan ay tatayo sila sa palibot.
2:3 At yaong tatayo sa dakong silanganan, sa dakong sinisikatan ng araw, ay ang mga sa watawat ng kampamento ng Juda, ayon sa kanilang mga hukbo: at ang magiging prinsipe sa mga anak ni Juda ay si Naason na anak ni Aminadab.
2:4 At ang kaniyang hukbo, at yaong nangabilang sa kanila ay pitong pu't apat na libo at anim na raan.
2:5 At yaong magsisitayo sa siping niya ay ang lipi ni Issachar: at ang magiging prinsipe sa mga anak ni Issachar ay si Nathanael na anak ni Suar.
2:6 At ang kaniyang hukbo, at ang nangabilang niyaon ay limang pu't apat na libo at apat na raan.
2:7 At ang lipi ni Zabulon: at ang magiging prinsipe sa mga anak ni Zabulon, ay si Eliab na anak ni Helon:
2:8 At ang kaniyang hukbo, at ang nangabilang niyaon, ay limang pu't pitong libo at apat na raan.
2:9 Lahat ng nangabilang sa kampamento ng Juda ay isang daan at walong pu't anim na libo at apat na raan, ayon sa kanilang mga hukbo. Sila ang unang magsisisulong.
2:10 Sa dakong timugan, ay malalagay ang watawat ng kampamento ng Ruben, ayon sa kanilang mga hukbo: at ang magiging prinsipe ng mga anak ni Ruben, ay si Elisur na anak ni Sedeur.
2:11 At ang kaniyang hukbo at ang nangabilang niyaon, ay apat na pu't anim na libo at limang daan.
2:12 At yaong tatayo sa siping niya ay ang lipi ni Simeon: at ang magiging prinsipe sa mga anak ni Simeon ay si Selumiel na anak ni Zurisaddai.
2:13 At ang kaniyang hukbo at yaong nangabilang sa kanila, ay limang pu't siyam na libo at tatlong daan:
2:14 At ang lipi ni Gad: at ang magiging prinsipe sa mga anak ni Gad ay si Eliasaph na anak ni Rehuel:
2:15 At ang kaniyang hukbo, at yaong nangabilang sa kanila, ay apat na pu't limang libo at anim na raan at limang pu.
2:16 Lahat ng nangabilang sa kampamento ng Ruben ay isang daan at limang pu't isang libo at apat na raan at limang pu, ayon sa kanilang mga hukbo. At sila ang pangalawang magsisisulong.
2:17 Kung magkagayon, ang tabernakulo ng kapisanan ay susulong na kaakbay ng kampamento ng mga Levita sa gitna ng mga kampamento: ayon sa kanilang pagkahantong, ay gayon sila magsisisulong, na bawa't lalake ay sa kanikaniyang sariling dako, sa siping ng kanilang mga watawat.
2:18 Sa dakong kalunuran ay malalagay ang watawat ng kampamento ng Ephraim, ayon sa kanilang mga hukbo: at ang magiging prinsipe sa mga anak ni Ephraim ay si Elisama na anak ni Ammiud.
2:19 At ang kaniyang hukbo, at yaong nangabilang sa kanila ay apat na pung libo at limang daan.
2:20 At sa siping niya ay malalagay ang lipi ni Manases at ang magiging prinsipe sa mga anak ni Manases ay si Gamaliel na anak ni Pedasur.
2:21 At ang kaniyang hukbo, at yaong nangabilang sa kanila ay tatlong pu't dalawang libo at dalawang daan:
2:22 At ang lipi ni Benjamin: at ang magiging prinsipe sa mga anak ni Benjamin, ay si Abidan na anak ni Gedeon.
2:23 At ang kaniyang hukbo, at yaong nangabilang sa kanila, ay tatlong pu't limang libo at apat na raan.
2:24 Yaong lahat na nangabilang sa kampamento ng Ephraim ay isang daan at walong libo at isang daan, ayon sa kanilang mga hukbo. At sila ang pangatlong magsisisulong.
2:25 Sa dakong hilagaan ay malalagay ang watawat ng kampamento ng Dan, ayon sa kanilang mga hukbo: at ang magiging prinsipe sa mga anak ni Dan, ay si Ahiezer na anak ni Ammisaddai.
2:26 At ang kanilang hukbo, at yaong nangabilang sa kanila ay anim na pu't dalawang libo at pitong daan.
2:27 At yaong hahantong sa siping niya ay ang lipi ni Aser: at ang magiging prinsipe sa mga anak ni Aser ay si Phegiel na anak ni Ocran:
2:28 At ang kaniyang hukbo, at yaong nangabilang sa kanila ay apat na pu't isang libo at limang daan.
2:29 At ang lipi ni Nephtali: at ang magiging prinsipe sa mga anak ni Nephtali ay si Ahira na anak ni Enan.
2:30 At ang kaniyang hukbo at yaong nangabilang sa kanila ay limang pu't tatlong libo at apat na raan.
2:31 Yaong lahat na nangabilang sa kampamento ng Dan, ay isang daan at limang pu't pitong libo at anim na raan. Sila ang magsisisulong na huli, ayon sa kanilang mga watawat.
2:32 Ito ang nangabilang sa mga anak ni Israel, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang: yaong lahat na nangabilang sa mga kampamento, ayon sa kanilang mga hukbo, ay anim na raan at tatlong libo at limang daan at limang pu.
2:33 Datapuwa't ang mga Levita ay hindi ibinilang sa mga anak ni Israel: gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
2:34 Gayon ginawa ng mga anak ni Israel; ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon sila humantong sa siping ng kanilang mga watawat, at gayon sila nagsisulong, na bawa't isa'y ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.
3:1 At ito ang mga lahi ni Aaron at ni Moises, nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai.
3:2 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron: si Nadab ang panganay, at si Abiu, si Eleazar, at si Ithamar.
3:3 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote na pinahiran ng langis, na itinalaga upang mangasiwa sa katungkulang saserdote.
3:4 At si Nadab at si Abiu ay nangamatay sa harap ng Panginoon, nang sila'y maghandog ng ibang apoy sa harap ng Panginoon, sa ilang ng Sinai, at sila'y hindi nagkaanak: at si Eleazar at si Ithamar ay nangasiwa sa katungkulang saserdote sa harap ni Aaron na kanilang ama.
3:5 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
3:6 Ilapit mo ang lipi ni Levi, at ilagay mo sila sa harap ni Aaron na saserdote, upang pangasiwaan nila siya.
3:7 At kanilang gaganapin ang kaniyang katungkulan, at ang katungkulan ng buong kapisanan sa harap ng tabernakulo ng kapisanan upang isagawa ang paglilingkod sa tabernakulo.
3:8 At kanilang iingatan ang lahat ng kasangkapan ng tabernakulo ng kapisanan at ang katungkulan ng mga anak ni Israel upang isagawa ang paglilingkod sa tabernakulo.
3:9 At iyong ibibigay ang mga Levita kay Aaron at sa kaniyang mga anak: sila'y tunay na ibinigay sa kaniya sa ganang mga anak ni Israel.
3:10 At iyong ihahalal si Aaron at ang kaniyang mga anak, at kanilang gaganapin ang kanilang pagkasaserdote: at ang taga ibang bayan na lumapit ay papatayin.
3:11 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
3:12 At tungkol sa akin, narito, aking kinuha ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel sa halip ng mga panganay na nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel: at ang mga Levita ay magiging akin:
3:13 Sapagka't lahat ng mga panganay ay sa akin; sapagka't nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto ay aking pinapagingbanal sa akin, ang lahat ng mga panganay sa Israel, maging tao at maging hayop: sila'y magiging akin; ako ang Panginoon.
3:14 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, na sinasabi,
3:15 Bilangin mo ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ayon sa kanilang mga angkan: bawa't lalake na mula sa isang buwang gulang na patanda ay bibilangin mo.
3:16 At sila'y binilang ni Moises ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos sa kaniya.
3:17 At ito ang mga naging anak ni Levi ayon sa kanilang mga pangalan: si Gerson, at si Coath, at si Merari.
3:18 At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gerson ayon sa kanilang mga angkan: si Libni at si Simei.
3:19 At ang mga anak ni Coath ayon sa kanilang mga angkan, ay si Amram, at si Izhar, si Hebron, at si Uzziel.
3:20 At ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan; ay si Mahali at si Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.
3:21 Kay Gerson galing ang angkan ng mga Libnita, at ang angkan ng mga Simeita: ito ang mga angkan ng mga Gersonita.
3:22 Yaong nangabilang sa kanila, ayon sa bilang ng lahat ng mga lalake, mula sa isang buwang gulang na patanda, ay pitong libo at limang daan ang nangabilang sa kanila.
3:23 Ang mga angkan ng mga Gersonita ay hahantong sa likuran ng tabernakulo sa dakong kalunuran.
3:24 At ang magiging prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang ng mga Gersonita ay si Eliasaph na anak ni Lael.
3:25 At ang magiging katungkulan ng mga anak ni Gerson sa tabernakulo ng kapisanan ay ang tabernakulo, at ang Tolda, ang takip niyaon at ang tabing sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan,
3:26 At ang mga tabing ng looban at ang tabing sa pintuan ng looban na nasa palibot ng tabernakulo at sa palibot ng dambana, at ang mga tali niyaon na naukol sa buong paglilingkod doon.
3:27 At kay Coath ang angkan ng mga Amramita at ang angkan ng mga Izharita, at ang angkan ng mga Hebronita, at ang angkan ng mga Uzzielita: ito ang mga angkan ng mga Coathita.
3:28 Ayon sa bilang ng lahat na mga lalake, mula sa isang buwang gulang na patanda, ay may walong libo at anim na raang nangamamahala ng katungkulan sa santuario.
3:29 Ang mga angkan ng mga anak ni Coath ay magsisihantong sa tagiliran ng tabernakulo, sa dakong timugan.
3:30 At ang magiging prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang ng mga angkan ng mga Coathita ay si Elisaphan na anak ni Uzziel.
3:31 At ang magiging katungkulan nila ay ang kaban, at ang dulang, at ang kandelero, at ang mga dambana, at ang mga kasangkapan ng santuario na kanilang pinangangasiwaan, at ang tabing at ang lahat ng paglilingkod doon.
3:32 At si Eleazar na anak ni Aaron na saserdote ay siyang magiging prinsipe ng mga prinsipe ng mga Levita at mamamahala sa mga may katungkulan sa santuario.
3:33 Kay Merari ang angkan ng mga Mahalita at angkan ng mga Musita: ito ang mga angkan ni Merari.
3:34 At yaong nangabilang sa kanila, ayon sa bilang ng lahat na mga lalake, mula sa isang buwang gulang na patanda, ay anim na libo at dalawang daan.
3:35 At ang magiging prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang ng mga angkan ni Merari ay si Suriel na anak ni Abihail: sila'y magsisihantong sa tagiliran ng tabernakulo sa dakong hilagaan.
3:36 At ang magiging katungkulan ng mga anak ni Merari, ay ang mga tabla ng tabernakulo, at ang mga barakilan, at ang mga haligi, at ang mga tungtungan, at ang lahat ng kasangkapan, at lahat ng paglilingkod doon;
3:37 At ang mga haligi sa palibot ng looban, at ang mga tungtungan, at ang mga tulos, at ang mga tali ng mga yaon.
3:38 At yaong lahat na hahantong sa harap ng tabernakulo sa dakong silanganan, sa harap ng tabernakulo ng kapisanan, sa dakong sinisikatan ng araw, ay si Moises, at si Aaron, at ang kaniyang mga anak na mamamahala ng katungkulan sa santuario, upang ganapin ang pamamahala ng mga anak ni Israel: at ang taga ibang bayan na lumapit ay papatayin.
3:39 Yaong lahat na nangabilang sa mga Levita na binilang ni Moises at ni Aaron sa utos ng Panginoon ayon sa kanilang mga angkan, lahat ng lalake mula sa isang buwang gulang na patanda, ay dalawang pu't dalawang libo.
3:40 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Bilangin mo ang lahat ng mga lalaking panganay sa mga anak ni Israel mula sa isang buwang gulang na patanda, at iguhit mo ang bilang ng kanilang mga pangalan.
3:41 At iuukol mo sa akin ang mga Levita (ako ang Panginoon) sa halip ng lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel; at ang mga hayop ng mga Levita sa halip ng lahat ng mga panganay sa mga hayop ng mga anak ni Israel.
3:42 At binilang ni Moises, gaya ng iniutos sa kaniya ng Panginoon, ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel.
3:43 At lahat ng mga panganay na lalake ayon sa bilang ng mga pangalan, mula sa isang buwang gulang na patanda, doon sa nangabilang sa kanila, ay dalawang pu't dalawang libo at dalawang daan at pitong pu't tatlo.
3:44 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
3:45 Kunin mo ang mga Levita sa halip ng lahat na mga panganay sa mga anak ni Israel, at ang mga hayop ng mga Levita sa halip ng kanilang mga hayop: at ang mga Levita ay magiging akin; ako ang Panginoon.
3:46 At sa ikatutubos sa dalawang daan at pitong pu't tatlong panganay ng mga anak ni Israel na higit sa bilang ng mga Levita,
3:47 Ay kukuha ka ng limang siklo sa bawa't isa ayon sa ulo; ayon sa siklo ng santuario kukunin mo (isang siklo ay dalawang pung gera):
3:48 At ibibigay mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak ang salaping ikatutubos na humigit sa bilang nila.
3:49 At kinuha ni Moises ang salaping pangtubos sa mga labis na humigit sa mga natubos ng mga Levita:
3:50 Mula sa mga panganay ng mga anak ni Israel kinuha niya ang salapi; isang libo at tatlong daan at anim na pu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuario:
3:51 At ibinigay ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak ang salaping pangtubos ayon sa salita ng Panginoon, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
4:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
4:2 Ayusin ninyo ang bilang ng mga anak ni Coath, sa gitna ng mga anak ni Levi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.
4:3 Mula sa tatlong pung taong gulang hanggang sa limang pung taong gulang, lahat ng pumapasok sa paglilingkod, upang gumawa ng gawain sa tabernakulo ng kapisanan.
4:4 Ito ang paglilingkod ng mga anak ni Coath sa tabernakulo ng kapisanan, sa mga bagay na kabanalbanalan:
4:5 Pagka ang kampamento ay isusulong, ay papasok si Aaron sa loob, at ang kaniyang mga anak, at kanilang ibababa ang lambong ng tabing, at kanilang tatakpan niyaon ang kaban ng patotoo:
4:6 At kanilang ilalagay sa ibabaw ang isang takip na balat ng foka at kanilang lalatagan ang ibabaw ng isang kayong taganas na bughaw, at kanilang ilalagay ang mga pingga niyaon.
4:7 At sa ibabaw ng dulang ng tinapay na handog ay maglalatag sila ng isang kayong bughaw, at kanilang ilalagay sa ibabaw nito ang mga pinggan, at ang mga sandok, at ang mga mangkok, at ang mga tasa upang buhusan; at ang namamalaging tinapay ay malalagay sa ibabaw niyaon.
4:8 At kanilang lalatagan ang ibabaw ng mga yaon ng kayong pula, at kanilang tatakpan ito ng isang panakip na balat ng foka, at kanilang ilalagay ang mga pingga.
4:9 At kukuha sila ng isang kayong bughaw at kanilang tatakpan ang kandelerong pangtanglaw at ang mga ilawan, at ang mga gunting, at ang mga pinggan, at ang lahat ng sisidlan ng langis niyaon, na kanilang pinangangasiwaan:
4:10 At kanilang ilalagay, pati ang lahat ng kasangkapan niyaon sa loob ng isang takip na balat ng foka, at kanilang ilalagay sa ibabaw ng isang patungan.
4:11 At ang ibabaw ng dambanang ginto ay kanilang lalatagan ng isang kayong bughaw, at kanilang tatakpan ng isang panakip na balat ng foka, at kanilang ilalagay ang mga pingga niyaon:
4:12 At kanilang kukunin ang lahat ng mga kasangkapan na ukol sa pangangasiwa na ipinangangasiwa nila sa santuario, at kanilang ilalagay sa isang kayong bughaw, at kanilang tatakpan ng isang panakip na balat ng foka, at kanilang ipapatong sa patungan.
4:13 At kanilang aalisin ang mga abo sa dambana at kanilang lalatagan ng isang kayong kulay ube.
4:14 At kanilang ipapatong doon ang lahat ng mga kasangkapan na kanilang ipinangangasiwa sa palibot ng dambana, ang suuban at ang mga pangipit, at ang mga pala at ang mga mangkok, lahat ng mga kasangkapan ng dambana; at kanilang lalatagan ng isang panakip na balat ng foka, at kanilang ilalagay ang mga pingga niyaon.
4:15 At pagka si Aaron at ang kaniyang mga anak ay nakatapos na makapagtakip sa santuario at sa buong kasangkapan ng santuario, kailan ma't isusulong ang kampamento: ay magsisilapit pagkatapos ang mga anak ni Koath upang kanilang buhatin yaon: datapuwa't huwag silang hihipo sa santuario, baka sila'y mamatay. Ang mga bagay na ito ay siyang pasanin ng mga anak ni Coath sa tabernakulo ng kapisanan.
4:16 At ang magiging katungkulan ni Eleazar na anak ni Aaron na saserdote, ay ang langis sa ilawan, at ang mabangong kamangyan, at ang palaging handog na harina, at ang langis na pang-pahid, at ang pagiingat ng buong tabernakulo at ng lahat na nandoon, ang santuario at ang mga kasangkapan niyaon.
4:17 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
4:18 Huwag ninyong ihiwalay ang lipi ng mga angkan ng mga Coathita sa gitna ng mga Levita.
4:19 Kundi gawin ninyo sa kanila ang ganito, upang sila'y mabuhay at huwag mamatay, paglapit nila sa mga kabanalbanalang bagay: si Aaron at ang kaniyang mga anak ay paparoon at ituturo sa bawa't isa ang kanikaniyang paglilingkod at ang kanikaniyang pasanin:
4:20 Nguni't sila'y huwag magsisipasok upang tingnan ang santuario kahit sandali man, baka sila'y mamatay.
4:21 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
4:22 Aayusin mo rin ang bilang ng mga anak ni Gerson, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang ayon sa kanilang mga angkan;
4:23 Mula sa tatlong pung taong gulang hanggang sa limang pung taong gulang ay bibilangin mo sila; yaong lahat na pumapasok na nangangasiwa sa paglilingkod upang gawin ang gawain sa tabernakulo ng kapisanan.
4:24 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gersonita, sa paglilingkod at sa pagdadala ng mga pasanin:
4:25 Dadalhin nila ang mga tabing ng tabernakulo, at ang tabernakulo ng kapisanan, ang takip niyaon, at ang panakip na balat ng foka na nasa ibabaw nito, at ang tabing sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan;
4:26 At ang mga tabing sa looban, at ang tabing sa pintuang-daan ng looban na nasa siping ng tabernakulo, at ng dambana, at ang mga tali ng mga yaon, at ang lahat ng kasangkapan sa kanilang paglilingkod at ang lahat na marapat na gawin sa mga yaon ay kanilang ipaglilingkod.
4:27 Mapapasa kapangyarihan ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang buong paglilingkod ng mga anak ng mga Gersonita sa buong kanilang pasanin, at sa buong kanilang paglilingkod: at inyong ituturo sa kanila ang mga nauukol sa kanilang buong pasanin.
4:28 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gersonita sa tabernakulo ng kapisanan: at ang katungkulan nila ay mapapasa ilalim ng pamamahala ni Ithamar na anak ni Aaron na saserdote.
4:29 Tungkol sa mga anak ni Merari, ay bibilangin mo sila ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang;
4:30 Mula sa tatlong pung taong gulang na patanda hanggang sa limang pung taong gulang ay iyong bibilangin sila, lahat na pumapasok sa paglilingkod, upang gawin ang gawain sa tabernakulo ng kapisanan.
4:31 At ito ang katungkulan sa kanilang pasanin ayon sa buong paglilingkod nila sa tabernakulo ng kapisanan: ang mga tabla ng tabernakulo, at ang mga barakilan, at ang mga haligi, at ang mga tungtungan;
4:32 At ang mga haligi sa palibot ng looban, at ang mga tungtungan, at ang mga tulos, at ang mga tali pati ng lahat ng kasangkapan at ng buong paglilingkod: at ayon sa pangalan, ay ituturo mo sa kanila ang mga kasangkapan na katungkulan sa kanilang pasanin.
4:33 Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa buong paglilingkod nila sa tabernakulo ng kapisanan, sa ilalim ng pamamahala ni Ithamar na anak ni Aaron na saserdote.
4:34 At binilang ni Moises at ni Aaron, at ng mga prinsipe ng kapisanan ang mga anak ng mga Coathita ayon sa kanilang mga angkan, at ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang,
4:35 Mula sa tatlong pung taong gulang na patanda hanggang sa limang pung taong gulang, ang bawa't isa na pumapasok sa paglilingkod, upang gumawa sa tabernakulo ng kapisanan;
4:36 At yaong nangabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan, ay dalawang libo at pitong daan at limangpu.
4:37 Ito ang nangabilang sa mga angkan ng mga Coathita, lahat ng nagsisipaglingkod sa tabernakulo ng kapisanan na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
4:38 At yaong nangabilang sa mga anak ni Gerson, ang kanilang mga angkan, at ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang,
4:39 Mula sa tatlong pung taong gulang na patanda hanggang sa limang pung taong gulang, bawa't isa na pumapasok sa paglilingkod upang gumawa sa tabernakulo ng kapisanan.
4:40 Sa makatuwid baga'y ang nangabilang sa kanila, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ay dalawang libo at anim na raan at tatlong pu.
4:41 Ito ang nangabilang sa mga angkan ng mga anak ni Gerson, sa lahat ng naglingkod sa tabernakulo ng kapisanan, na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng Panginoon.
4:42 At ang nangabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.
4:43 Mula sa tatlong pung taong gulang na patanda hanggang sa limang pung taong gulang, bawa't isa na pumapasok sa paglilingkod, upang gumawa sa tabernakulo ng kapisanan,
4:44 Sa makatuwid baga'y yaong lahat na nangabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan, ay tatlong libo at dalawang daan.
4:45 Ito ang nangabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
4:46 Yaong lahat na nangabilang sa mga Levita, na binilang ni Moises at ni Aaron at ng mga prinsipe sa Israel, ayon sa kanilang mga angkan, at ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang,
4:47 Mula sa tatlong pung taong gulang na patanda hanggang sa limang pung taong gulang, bawa't isa na pumapasok upang gumawa ng gawang paglilingkod, at ng gawang pagdadala ng mga pasanin sa tabernakulo ng kapisanan,
4:48 Sa makatuwid baga'y yaong nangabilang sa kanila, ay walong libo at limang daan at walong pu.
4:49 Ayon sa utos ng Panginoon ay nangabilang sa pamamagitan ni Moises, bawa't isa ayon sa kaniyang paglilingkod, at ayon sa kaniyang pasanin: ganito niya binilang sila gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
5:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
5:2 Iutos mo sa mga anak ni Israel na ilabas sa kampamento ang bawa't may ketong, at bawa't inaagasan, at ang sinomang karumaldumal sa pagkahipo sa patay:
5:3 Lalake at babae ay kapuwa ninyo ilalabas, sa labas ng kampamento ilalagay ninyo sila; upang huwag nilang ihawa ang kanilang kampamento na aking tinatahanan sa gitna.
5:4 At ginawang gayon ng mga anak ni Israel, at inilabas sa labas ng kampamento: kung paanong sinalita ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
5:5 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
5:6 Salitain mo sa mga anak ni Israel, Pagka ang isang lalake o babae ay nakagawa ng anomang kasalanan na nagagawa ng mga tao, na sumasalangsang laban sa Panginoon at ang gayong tao ay naging salarin;
5:7 Ay kaniyang isusulit nga ang kaniyang kasalanang nagawa: at kaniyang pagbabayarang lubos ang kaniyang sala, at dadagdagan pa niya ng ikalimang bahagi at ibibigay sa pinagkasalahan.
5:8 Datapuwa't kung ang lalake ay walang kamaganak na mapagbabayaran ng sala, ay mapapasa saserdote ang kabayaran ng sala na handog sa Panginoon, bukod sa tupang lalaking pinakatubos na ipangtutubos sa kaniya.
5:9 At ang bawa't handog na itinaas sa lahat ng bagay na banal ng mga anak ni Israel, na kanilang ihaharap sa saserdote ay magiging kaniya.
5:10 At ang mga bagay na banal ng bawa't lalake ay magiging kaniya: ang ibigay ng sinomang tao sa saserdote ay magiging kaniya.
5:11 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
5:12 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Kung ang asawa ng sinomang lalake ay malilisya, at sasalangsang sa kaniya,
5:13 At ang ibang lalake ay sisiping sa kaniya, at ito'y makukubli sa mga mata ng kaniyang asawa at ang bagay ay malilihim, at ang babae ay madudumhan at walang saksi laban sa kaniya, o hindi man matututop siya sa pagkakasala;
5:14 At ang diwa ng paninibugho ay sasakaniya, at siya'y maninibugho sa kaniyang asawa at siya'y madudumhan: o kung sasakaniya ang diwa ng paninibugho at siya'y maninibugho sa kaniyang asawa, at ito'y hindi madudumhan:
5:15 Ay dadalhin nga ng lalake sa saserdote ang kaniyang asawa, at ipagdadala ng alay ng babae ng ikasangpung bahagi ng isang epa ng harina ng sebada: hindi niya bubuhusan ng langis o lalagyan man ng kamangyan; sapagka't handog na harina tungkol sa paninibugho, handog na harinang alaala na nagpapaalaala ng kasalanan.
5:16 At ilalapit ng saserdote ang babae, at pahaharapin sa Panginoon:
5:17 At ang saserdote ay kukuha ng banal na tubig sa isang sisidlang lupa: at sa alabok na nasa lapag ng tabernakulo ay dadampot ang saserdote, at ilalagay sa tubig:
5:18 At pahaharapin ng saserdote ang babae sa Panginoon, at ipalulugay ang buhok ng babae, at ilalagay ang handog na harina na alaala sa kaniyang mga kamay, na handog na harina tungkol sa paninibugho: at tatangnan ng saserdote sa kamay ang mapapait na tubig na nagbubugso ng sumpa:
5:19 At siya'y papanunumpain ng saserdote, at sasabihin sa babae, Kung walang sumiping sa iyo na ibang lalake, at kung di ka nalisya sa karumihan, sa isang hindi mo asawa, ay maligtas ka nga sa mapapait na tubig na ito na nagbubugso ng sumpa:
5:20 Datapuwa't kung ikaw ay tunay na nalisya sa iba na di mo asawa, at kung ikaw ay nadumhan, at ibang lalake ay sumiping sa iyo, bukod sa iyong asawa:
5:21 Ay panunumpain nga ng saserdote ang babae ng panunumpang sumpa, at sasabihin ng saserdote sa babae, Ilagay ka ng Panginoon na pinakasumpa at pinakapula sa gitna ng iyong bayan, kung papanglumuhin ng Panginoon ang iyong hita at pamagain ang iyong tiyan;
5:22 At ang tubig na ito na nagbubugso ng sumpa ay tatalab sa iyong tiyan, at ang iyong katawan ay pamamagain at ang iyong hita ay panglulumuhin. At ang babae ay magsasabi, Siya nawa, Siya nawa.
5:23 At isusulat ng saserdote ang mga sumpang ito sa isang aklat, at kaniyang buburahin sa mapait na tubig:
5:24 At kaniyang ipaiinom sa babae ang mapait na tubig ng nagbubugso ng sumpa at tatalab sa kaniya ang tubig na nagbubugso ng sumpa, at magiging mapait.
5:25 At kukunin ng saserdote sa kamay ng babae ang handog na harina tungkol sa paninibugho at kaniyang aalugin ang handog na harina sa harap ng Panginoon, at dadalhin sa dambana:
5:26 At ang saserdote ay kukuha ng isang dakot ng handog na harina na pinakaalaala niyaon at susunugin sa ibabaw ng dambana, at pagkatapos ay ipaiinom sa babae ang tubig.
5:27 At pagka napainom na siya ng tubig, ay mangyayari na kung siya'y nadumhan, at siya'y sumalangsang sa kaniyang asawa, na ang tubig na nagbubugso ng sumpa ay tatalab sa kaniya at magiging mapait, at ang kaniyang katawan ay mamamaga at ang kaniyang hita ay manglulumo: at ang babae ay magiging sumpa sa gitna ng kaniyang bayan.
5:28 At kung ang babae ay hindi nadumhan, kundi malinis; ay magiging laya nga at magdadalang-tao.
5:29 Ito ang kautusan tungkol sa paninibugho, pagka ang isang babae ay nalilisiya sa lalaking di niya asawa, at nadumhan;
5:30 O pagka ang diwa ng paninibugho ay sumasaisang lalake, at naninibugho sa kaniyang asawa; ay pahaharapin nga ang babae sa Panginoon at gagawin ng saserdote sa kaniya ang buong kautusang ito.
5:31 At ang lalake ay maliligtas sa kasamaan, at ang babae ay siyang magdadala ng kaniyang kasamaan.
6:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6:2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagka ang sinomang lalake o babae ay gagawa ng isang tanging panata, ng panata ng isang Nazareo, upang tumalaga sa Panginoon:
6:3 Ay hihiwalay siya sa alak at sa matapang na inumin; siya'y hindi iinom ng suka ng alak, o tubang nakalalasing, ni iinom man ng anomang katas na galing sa ubas o kakain man ng sariwang ubas o pasas.
6:4 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagkatalaga ay hindi siya kakain ng anomang bagay na ibinubunga ng puno ng ubas, magmula sa mga butil hanggang sa balat.
6:5 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagkatalaga ay walang pang-ahit na daraan sa ibabaw ng kaniyang ulo: hanggang sa matupad ang mga araw na kaniyang itinalaga sa Panginoon, ay magpapakabanal siya; kaniyang pababayaang humaba ang buhok ng kaniyang ulo.
6:6 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagtalaga sa Panginoon, ay huwag siyang lalapit sa patay na katawan.
6:7 Siya'y huwag magpapakarumi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, o sa kaniyang kapatid na lalake, o babae, pagka sila'y namatay: sapagka't ang pagtalaga niya sa Dios, ay sumasa kaniyang ulo.
6:8 Sa lahat ng araw ng kaniyang pagtalaga, ay banal siya sa Panginoon.
6:9 At kung ang sinoman ay biglang mamatay sa kaniyang siping, at mahawa ang ulo ng kaniyang pagkatalaga: ay aahitan nga niya ang kaniyang ulo sa araw ng paglilinis, sa ikapitong araw ay aahitan niya ito.
6:10 At sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batobato o dalawang inakay ng kalapati sa saserdote, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
6:11 At ihahandog ng saserdote ang isa na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ang isa'y pinakahandog na susunugin at itutubos sa kaniya, sapagka't siya'y nagkasala dahil sa patay, at babanalin ang kaniyang ulo sa araw ding yaon.
6:12 At itatalaga niya sa Panginoon ang mga araw ng kaniyang pagkatalaga, at siya'y magdadala ng isang korderong lalake ng unang taon na pinakahandog dahil sa pagkakasala: datapuwa't ang mga unang araw ay mawawalan ng kabuluhan, sapagka't ang kaniyang pagkatalaga ay nadumhan.
6:13 At ito ang kautusan tungkol sa Nazareo, pagka natupad na ang mga araw ng kaniyang pagkatalaga: siya'y dadalhin sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan;
6:14 At kaniyang ihahandog ang kaniyang alay sa Panginoon, na isang korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan, na pinakahandog na susunugin, at isang korderong babae ng unang taon na walang kapintasan na pinakahandog dahil sa kasalanan at isang tupang lalake na walang kapintasan na pinakahandog tungkol sa kapayapaan,
6:15 At isang bakol na tinapay na walang lebadura, mga munting tinapay ng mainam na harina na hinaluan ng langis at mga manipis na tinapay na walang lebadura na pinahiran ng langis, at ang handog na harina niyaon at ang mga handog na inumin niyaon.
6:16 At ihaharap ng saserdote yaon sa harapan ng Panginoon, at ihahandog ang kaniyang handog dahil sa kasalanan at ang kaniyang handog na susunugin:
6:17 At kaniyang ihahandog sa Panginoon ang tupang lalake na pinaka-hain na handog tungkol sa kapayapaan na kalakip ng bakol ng mga tinapay na walang lebadura: ihahandog din ng saserdote ang handog na harina niyaon at ang handog na inumin niyaon.
6:18 At ang Nazareo ay magaahit ng ulo sa kaniyang pagkatalaga sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan at kaniyang dadamputin ang buhok ng ulo ng kaniyang pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng hain na handog tungkol sa kapayapaan.
6:19 At kukunin ng saserdote ang lutong balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang lebadura sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang lebadura, at ilalagay sa mga kamay ng Nazareo, pagkatapos na makapagahit ng ulo ng kaniyang pagkatalaga:
6:20 At aalugin ng saserdote na pinakahandog na inalog sa harapan ng Panginoon; ito'y banal sa saserdote, pati ng dibdib na inalog at ng hitang itinaas; at pagkatapos nito'y ang Nazareo ay makaiinom ng alak.
6:21 Ito ang kautusan tungkol sa Nazareo na nagpanata, at tungkol sa kaniyang alay sa Panginoon dahil sa kaniyang pagtalaga, bukod pa sa aabutin ng kaniyang mga kaya: ayon sa kaniyang panata na kaniyang ipinanata, ay gayon niya dapat gagawin, ayon sa kautusan tungkol sa kaniyang pagkatalaga.
6:22 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6:23 Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na sasabihin, Sa ganitong paraan babasbasan ninyo ang mga anak ni Israel; inyong sasabihin sa kanila:
6:24 Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan ka:
6:25 Paliwanagin nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo:
6:26 Ilingap nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan.
6:27 Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel; at aking pagpapalain sila.
7:1 At nangyari ng araw na matapos ni Moises na maitayo ang tabernakulo, at mapahiran ng langis at mapaging banal, pati ng lahat ng kasangkapan niyaon, at ang dambana pati ng lahat na kasangkapan niyaon, at mapahiran ng langis at mapaging banal;
7:2 Na naghandog ang mga prinsipe sa Israel, ang mga pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang. Ito ang mga prinsipe sa mga lipi, ito ang mga namamahala roon sa nangabilang:
7:3 At kanilang dinala ang kanilang alay sa harap ng Panginoon, anim na karitong may takip, at labing dalawang baka; isang kariton sa bawa't dalawa sa mga prinsipe, at sa bawa't isa'y isang baka: at kanilang iniharap sa harapan ng tabernakulo.
7:4 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
7:5 Tanggapin mo sa kanila, upang sila'y gumawa ng paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan, at ibibigay mo sa mga Levita, sa bawa't lalake ang ayon sa kanikaniyang paglilingkod.
7:6 At tinanggap ni Moises ang mga kariton at ang mga baka, at ibinigay sa mga Levita.
7:7 Dalawang kariton at apat na baka ay ibinigay niya sa mga anak ni Gerson, ayon sa kanilang paglilingkod:
7:8 At apat na kariton at walong baka ay kaniyang ibinigay sa mga anak ni Merari, ayon sa kanilang paglilingkod, sa ilalim ng pamamahala ni Ithamar na anak ni Aaron na saserdote.
7:9 Nguni't sa mga anak ni Coath ay walang ibinigay siya: sapagka't ang paglilingkod sa santuario ay nauukol sa kanila; kanilang pinapasan sa kanilang mga balikat.
7:10 At ang mga prinsipe ay naghandog sa pagtatalaga sa dambana noong araw na pahiran ng langis, sa makatuwid baga'y ang mga prinsipe ay naghandog ng kanilang alay sa harap ng dambana.
7:11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sila'y maghahandog ng kanilang alay, na bawa't prinsipe'y sa kaniyang kaarawan, sa pagtatalaga sa dambana.
7:12 At ang naghandog ng kaniyang alay nang unang araw ay si Naason na anak ni Aminadab sa lipi ni Juda:
7:13 At ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
7:14 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan,
7:15 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
7:16 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
7:17 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Naason na anak ni Aminadab.
7:18 Nang ikalawang araw, si Nathanael na anak ni Suar, na prinsipe ni Issachar ay naghandog:
7:19 Kaniyang inihandog na pinakaalay niya, ay isang pinggang pilak na ang bigat ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
7:20 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo na puno ng kamangyan;
7:21 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
7:22 Isang lalaking kambing na handog dahil sa kasalanan;
7:23 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Nathanael na anak ni Suar.
7:24 Nang ikatlong araw ay si Eliab na anak ni Helon, na prinsipe sa mga anak ni Zabulon:
7:25 Ang kaniyang alay, ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
7:26 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
7:27 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
7:28 Isang lalake sa mga kambing, na handog dahil sa kasalanan;
7:29 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Eliab na anak ni Helon.
7:30 Nang ikaapat na araw ay si Elisur na anak ni Sedeur, na prinsipe sa mga anak ni Ruben:
7:31 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina.
7:32 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
7:33 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
7:34 Isang lalaking kambing na handog dahil sa kasalanan;
7:35 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Elisur na anak ni Sedeur.
7:36 Nang ikalimang araw ay si Selumiel na anak ni Zurisaddai, na prinsipe sa mga anak ni Simeon:
7:37 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
7:38 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo na puno ng kamangyan.
7:39 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
7:40 Isang kambing na lalake, na handog dahil sa kasalanan;
7:41 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Selumiel na anak ni Zurisaddai.
7:42 Nang ikaanim na araw ay si Eliasaph na anak ni Dehuel, na prinsipe sa mga anak ni Gad:
7:43 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
7:44 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
7:45 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
7:46 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
7:47 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Eliasaph na anak ni Dehuel.
7:48 Nang ikapitong araw ay si Elisama na anak ni Ammiud, na prinsipe sa mga anak ni Ephraim:
7:49 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
7:50 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
7:51 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon na handog na susunugin;
7:52 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
7:53 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Elisama na anak ni Ammiud.
7:54 Nang ikawalong araw ay si Gamaliel na anak ni Pedasur, na prinsipe sa mga anak ni Manases:
7:55 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyaon ay isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
7:56 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
7:57 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
7:58 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
7:59 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Gamaliel na anak ni Pedasur.
7:60 Nang ikasiyam na araw ay si Abidan, na anak ni Gedeon, na prinsipe sa mga anak ni Benjamin:
7:61 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyao'y isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
7:62 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
7:63 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
7:64 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
7:65 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Abidan na anak ni Gedeon.
7:66 Nang ikasangpung araw ay si Ahiezer na anak ni Ammisaddai, na prinsipe sa mga anak ni Dan:
7:67 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyao'y isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
7:68 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
7:69 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
7:70 Isang lalake sa mga kambing na handog dahil sa kasalanan;
7:71 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Ahiezer na anak ni Ammisaddai.
7:72 Nang ikalabing isang araw ay si Pagiel na Anak ni Ocran, na prinsipe sa mga anak ni Aser:
7:73 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyao'y isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
7:74 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
7:75 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
7:76 Isang lalake sa mga kambing, na handog dahil sa kasalanan;
7:77 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, at limang kambing na lalake, at limang korderong lalake, ng unang taon: ito ang alay ni Pagiel na anak ni Ocran.
7:78 Nang ikalabing dalawang araw ay si Ahira na anak ni Enan, na prinsipe sa mga anak ni Nephtali:
7:79 Ang kaniyang alay ay isang pinggang pilak, na ang bigat niyao'y isang daan at tatlong pung siklo, isang mangkok na pilak na ang bigat ay pitong pung siklo, ayon sa siklo ng santuario; kapuwa puno ng mainam na harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na harina;
7:80 Isang kutsarang ginto na ang bigat ay sangpung siklo, na puno ng kamangyan;
7:81 Isang guyang toro, isang tupang lalake, isang korderong lalake ng unang taon, na handog na susunugin;
7:82 Isang lalake sa mga kambing, na handog dahil sa kasalanan;
7:83 At sa hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang baka, limang tupang lalake, limang kambing na lalake, at limang korderong lalake ng unang taon: ito ang alay ni Ahira na anak ni Enan.
7:84 Ito ang pagtatalaga ng dambana nang araw na pahiran ng langis ng mga prinsipe sa Israel: labing dalawang pinggang pilak, labing dalawang mangkok na pilak, labing dalawang kutsarang ginto:
7:85 Na bawa't pinggang pilak ay isang daan at tatlong pung siklo ang bigat, at bawa't mangkok ay pitong pu: lahat ng pilak ng mga sisidlan ay dalawang libo at apat na raang siklo, ayon sa siklo ng santuario;
7:86 Ang labing dalawang kutsarang ginto, na puno ng kamangyan, na ang bigat ay sangpung siklo bawa't isa, ayon sa siklo ng santuario; lahat ng ginto ng mga kutsara, ay isang daan at dalawang pung siklo:
7:87 Lahat ng mga baka na handog na susunugin ay labing dalawang toro, ang mga tupang lalake ay labing dalawa, ang mga korderong lalake ng unang taon ay labing dalawa, at ang mga handog na harina niyaon; at ang mga kambing na lalake na handog dahil sa kasalanan ay labing dalawa:
7:88 At lahat ng mga baka na pinaka-hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, ay dalawang pu't apat na toro, ang mga tupang lalake ay anim na pu, ang mga kambing na lalake ay anim na pu, ang mga korderong lalake ng unang taon ay anim na pu. Ito ang pagtatalaga sa dambana pagkatapos na mapahiran ng langis.
7:89 At nang si Moises ay pumasok sa tabernakulo ng kapisanan, upang makipagsalitaan sa kaniya, ay narinig nga niya ang tinig na nagsasalita sa kaniya, mula sa itaas ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, na nasa gitna ng dalawang querubin: at siya'y nagsalita sa kaniya.
8:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
8:2 Salitain mo kay Aaron, at sabihin mo sa kaniya, Pagsisindi mo ng mga ilawan, ay iyong papagliliwanagin ang pitong ilawan sa harap ng kandelero.
8:3 At ginawang gayon ni Aaron: kaniyang sinindihan ang mga ilawan upang magliwanag sa harap ng kandelero, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
8:4 At ito ang pagkayari ng kandelero, gintong niyari sa pamukpok; mula sa tungtungan niyaon hanggang sa mga bulaklak niyaon ay yari sa pamukpok: ayon sa anyo na ipinakita ng Panginoon kay Moises, ay gayon niya ginawa ang kandelero.
8:5 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
8:6 Kunin mo ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel at linisin mo sila.
8:7 At ganito ang gagawin mo sa kanila, upang linisin sila: iwisik mo sa kanila ang tubig na panglinis ng sala, at kanilang paraanin ang pang-ahit sa buong laman nila, at labhan nila ang kanilang mga suot, at sila'y magpakalinis.
8:8 Kung magkagayo'y pakunin mo sila ng isang guyang toro at ng handog na harina niyaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, at kukuha ka ng ibang guyang toro na handog dahil sa kasalanan.
8:9 At ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng tabernakulo ng kapisanan at pipisanin mo ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel:
8:10 At ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng Panginoon. At ipapatong ng mga anak ni Israel ang kanilang mga kamay sa mga Levita:
8:11 At ihahandog ni Aaron ang mga Levita sa harap ng Panginoon na pinakahandog, na inalog sa ganang mga anak ni Israel upang kanilang gawin ang paglilingkod sa Panginoon.
8:12 At ipapatong ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa mga ulo ng mga guyang toro: at ihandog mo ang isa na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ang isa'y pinakahandog na susunugin sa Panginoon, upang itubos sa mga Levita.
8:13 At patayuin mo ang mga Levita sa harap ni Aaron at sa harap ng kaniyang mga anak, at ihahandog mo ang mga yaon na pinakahandog na inalog sa Panginoon.
8:14 Ganito mo ihihiwalay ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel: at ang mga Levita ay magiging akin.
8:15 At pagkatapos nito ay magsisipasok ang mga Levita, upang gawin ang paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan at iyo silang lilinisin, at ihahandog mo na pinakahandog na inalog.
8:16 Sapagka't sila'y buong nabigay sa akin sa gitna ng mga anak ni Israel; na kinuha ko silang kapalit ng lahat ng nagsisipagbukas ng bahay-bata, ng mga panganay sa lahat ng mga anak ni Israel.
8:17 Sapagka't lahat ng mga panganay sa gitna ng mga anak ni Israel ay akin, maging tao at maging hayop: nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, ay aking pinapagingbanal para sa akin.
8:18 At aking kinuha ang mga Levita na kapalit ng lahat ng mga panganay sa gitna ng mga anak ni Israel.
8:19 At aking ibinigay ang mga Levita na pinaka kaloob kay Aaron at sa kaniyang mga anak mula sa gitna ng mga anak ni Israel upang gawin nila ang paglilingkod sa mga anak ni Israel sa tabernakulo ng kapisanan, at upang magsigawa ng pangtubos sa mga anak ni Israel, upang huwag magkaroon ng salot sa gitna ng mga anak ni Israel, pagka ang mga anak ni Israel, ay lumalapit sa santuario.
8:20 Ganito ang ginawa ni Moises, at ni Aaron, at ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel sa mga Levita: ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel sa kanila.
8:21 At ang mga Levita ay nagsipaglinis ng kanilang sarili sa kasalanan, at nagsipaglaba ng kanilang mga damit; at inihandog ni Aaron sila na pinakahandog na inalog sa harap ng Panginoon; at si Aaron ay naggawa ng pangtubos sa kanila upang linisin sila.
8:22 At pagkatapos niyaon ay nagsipasok ang mga Levita upang gawin ang kanilang paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan sa harap ni Aaron at sa harap ng kaniyang mga anak: kung paano ang iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ang ginawa nila sa kanila.
8:23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
8:24 Ito ang nauukol sa mga Levita: mula sa dalawang pu't limang taong gulang na patanda, ay papasok upang maglingkod sa gawa ng tabernakulo ng kapisanan.
8:25 At mula sa limang pung taong gulang ay titigil sila sa paglilingkod sa gawain at hindi na sila maglilingkod;
8:26 Nguni't sila'y mangangasiwa ng kanilang mga kapatid sa tabernakulo ng kapisanan, upang ingatan ang katungkulan, at sila'y walang gagawing paglilingkod. Gayon ang gagawin mo sa mga Levita tungkol sa kanilang mga katungkulan.
9:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Egipto, na sinasabi,
9:2 Bukod sa rito ay ipagdiwang ng mga anak ni Israel ang paskua sa kaniyang kaukulang panahon.
9:3 Sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipagdidiwang sa kaniyang kaukulang panahon: ayon sa lahat na palatuntunan niyaon, at ayon sa lahat ng ayos niyaon, ay inyong ipagdidiwang.
9:4 At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipagdiwang ang paskua.
9:5 At kanilang ipinagdiwang ang paskua nang unang buwan, sa ikalabing apat na araw ng buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai: ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
9:6 At may mga lalake na mga marurumi dahil sa bangkay ng isang tao, na anopa't hindi nila naipagdiwang ang paskua nang araw na yaon; at nagsiharap sila kay Moises at kay Aaron nang araw na yaon:
9:7 At ang mga lalaking yaon ay nagsipagsabi sa kanila, Kami ay mga marumi dahil sa bangkay ng isang tao: bakit kami ay masasansala na anopa't kami ay huwag maghandog ng alay sa Panginoon sa kaniyang kaukulang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?
9:8 At sinabi ni Moises sa kanila, Maghintay kayo; upang aking marinig ang ipaguutos ng Panginoon tungkol sa inyo.
9:9 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
9:10 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Kung ang sinomang tao sa inyo o sa inyong sali't saling lahi ay maging marumi dahil sa isang bangkay, o masumpungan sa isang malayong paglalakbay, ay kaniyang ipagdidiwang din ang paskua sa Panginoon:
9:11 Sa ikalawang buwan nang ikalabing apat na araw sa paglubog ng araw, ay kanilang ipagdidiwang; kanilang kakanin na may mga tinapay na walang lebadura at mga gulay na mapait:
9:12 Wala silang ititira niyaon hanggang sa kinaumagahan, ni sisira ng buto niyaon: ayon sa buong palatuntunan ng paskua ay kanilang ipagdidiwang.
9:13 Datapuwa't ang lalaking malinis, at wala sa paglalakbay, at hindi magdiwang ng paskua, ay ihihiwalay ang taong yaon, sa kaniyang bayan; sapagka't siya'y hindi naghandog ng alay sa Panginoon sa kaukulang panahon, ang taong yaon ay magtataglay ng kaniyang kasalanan.
9:14 At kung ang isang taga ibang bayan ay makikipamayan sa inyo, at ipagdidiwang ang paskua sa Panginoon; ayon sa palatuntunan ng paskua, at ayon sa ayos, ay gayon gagawin niya; kayo'y magkakaroon ng isang palatuntunan, maging sa taga ibang lupa, at maging sa ipinanganak sa lupain.
9:15 At nang araw na ang tabernakulo ay itayo, ay tinakpan ng ulap ang tabernakulo, sa makatuwid baga'y ang tabernakulo ng patotoo: at sa paglubog ng araw ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy hanggang sa kinaumagahan.
9:16 Gayon namalagi: ang ulap ang tumakip doon, at ang anyong apoy sa gabi.
9:17 At kailan pa man ang ulap ay napaitaas mula sa ibabaw ng Tolda ay naglakbay nga pagkatapos ang mga anak ni Israel: at sa dakong tigilan ng ulap ay doon humantong ang mga anak ni Israel.
9:18 Sa utos ng Panginoon ay nagsisipaglakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng Panginoon ay humantong sila: kung gaano kalaon ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo, ay siya nilang ipina-nanatili sa kampamento.
9:19 At pagka ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo na maluwat, ay iningatan ng mga anak ni Israel ang bilin ng Panginoon at hindi naglalakbay.
9:20 At kung minsan ay nananatiling ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; ayon nga sa utos ng Panginoon ay tumitira sila sa mga tolda at ayon sa utos ng Panginoon ay naglakbay sila.
9:21 At kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan; at pagka ang ulap ay napaitaas sa kinaumagahan, ay naglakbay sila: maging araw maging gabi, na ang ulap ay paitaas, ay naglakbay sila.
9:22 Maging dalawang araw o isang buwan, o isang taon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo, na manatili sa ibabaw niyaon, ay tumitira ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglakbay: datapuwa't pagtaas ay naglakbay sila.
9:23 Sa utos ng Panginoon ay humantong sila, at sa utos ng Panginoon ay naglakbay sila; kanilang iningatan ang bilin ng Panginoon, sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
10:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10:2 Gumawa ka ng dalawang pakakak na pilak; yari sa pamukpok gagawin mo: at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapisanan, at sa paglalakbay ng mga kampamento.
10:3 At pagka kanilang hihipan, ay magpipisan sa iyo ang buong kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
10:4 At kung kanilang hihipan ang isa lamang, ang mga prinsipe nga, ang mga pangulo sa mga libolibong taga Israel, ay magpipisan sa iyo.
10:5 At paghihip ninyo ng hudyat, ay magsisisulong ang mga kampamento na nasa dakong silanganan.
10:6 At paghihip ninyo ng hudyat na ikalawa, ay magsisisulong ang mga kampamento na nasa dakong timugan: sila'y hihihip ng isang hudyat para sa kanilang paglalakbay.
10:7 Datapuwa't pagka ang kapisanan ay magpipisan ay hihihip kayo, nguni't huwag ninyong patutunuging ayon sa hudyat.
10:8 At ang mga anak ni Aaron, ang mga saserdote, ay magsisihihip ng mga pakakak; at magiging palatuntunan sa inyo magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi.
10:9 At pagka makikipagbaka kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na sa inyo'y pumipighati, ay inyo ngang patutunugin ang hudyat ng pakakak; at kayo'y aalalahanin sa harap ng Panginoon ninyong Dios, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway.
10:10 Gayon sa kaarawan ng inyong kasayahan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang mga pakakak sa ibabaw ng inyong mga handog na susunugin, at sa ibabaw ng mga hain ng inyong mga handog tungkol sa kapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Dios: ako ang Panginoon ninyong Dios.
10:11 At nangyari sa ikalawang taon, nang ikalawang buwan, nang ikadalawang pung araw ng buwan, na ang ulap ay napaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo.
10:12 At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa kanilang mga paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay tumahan sa ilang ng Paran.
10:13 At kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
10:14 At unang sumulong ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga hukbo; at nangungulo sa kaniyang hukbo si Naason na anak ni Aminadab.
10:15 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Issachar, si Nathanael na anak ni Suar.
10:16 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon, si Eliab na anak ni Helon.
10:17 At ang tabernakulo ay tinanggal at ang mga anak ni Gerson at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo ay nagsisulong.
10:18 At ang watawat ng kampamento ng Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur.
10:19 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurisaddai.
10:20 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad, si Eliasaph na anak ni Dehuel.
10:21 At ang mga Coathita ay nagsisulong na dala ang santuario: at itinayo ng iba ang tabernakulo samantalang ang mga ito'y nagsisidating.
10:22 At ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Ephraim ay nagsisulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Elisama na anak ni Ammiud.
10:23 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases, si Gamaliel na anak ni Pedasur.
10:24 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin, si Abidan na anak ni Gedeon.
10:25 At ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampamento ay nagsisulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Ahiezer na anak ni Ammisaddai.
10:26 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Phegiel na anak ni Ocran.
10:27 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Nephtali si Ahira na anak ni Enan.
10:28 Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo; at sila'y nagsisulong.
10:29 At si Moises ay nagsabi kay Hobab na anak ni Rehuel na Madianita, biyanan ni Moises: Kami ay naglalakbay sa dakong sinabi ng Panginoon, Aking ibibigay sa inyo: sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti: sapagka't ang Panginoon ay nagsalita ng mabuti tungkol sa Israel.
10:30 At sinabi niya sa kaniya, Ako'y hindi paroroon; kundi ako'y babalik sa aking sariling lupain, at sa aking kamaganakan.
10:31 At sinabi ni Moises, Huwag mo kaming iwan, ipinamamanhik ko sa iyo; sapagka't nalalaman mo kung paanong hahantong kami sa ilang, at ikaw ay maaari sa aming pinakamata.
10:32 At mangyayari, na kung ikaw ay sasama sa amin, oo, mangyayari, na anomang mabuting gagawin ng Panginoon sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo.
10:33 At sila'y nagsisulong mula sa bundok ng Panginoon ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa unahan nila ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan.
10:34 At ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila sa araw, pagka sila'y sumulong mula sa kampamento.
10:35 At nangyari pagka ang kaban ay isinulong na sinabi ni Moises, Bumangon ka, Oh Panginoon, at mangalat ang mga kaaway mo, at magsitakas sa harap mo ang nangapopoot sa iyo.
10:36 At pagka inilapag ay kaniyang sinabi, Bumalik ka, Oh Panginoon sa mga laksang libolibong Israelita.
11:1 At ang bayan ay naging parang mapag-upasala na nagsalita ng masasama sa pakinig ng Panginoon: at nang marinig ng Panginoon ay nagningas ang kaniyang galit; at ang apoy ng Panginoon ay sumunog sa gitna nila, at sinupok ang kahulihulihang bahagi ng kampamento.
11:2 At ang bayan ay humibik kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay.
11:3 At ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Tabera: sapagka't ang apoy ng Panginoon ay sumunog sa gitna nila.
11:4 At ang halohalong karamihan na nasa gitna nila ay nahulog sa kasakiman: at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, Sino ang magbibigay sa atin ng karneng makakain?
11:5 Ating naaalaala ang isda, na ating kinakain sa Egipto na walang bayad; ang mga pipino, at ang mga milon, at ang mga puero, at ang mga sibuyas, at ang bawang:
11:6 Nguni't ngayo'y ang ating kaluluwa ay natutuyo; walang kaanoanoman: sa ating harapan ay walang anoman kundi ang manang ito.
11:7 At ang mana ay gaya ng butil ng culantro, at ang kulay niyaon ay gaya ng kulay ng bdelio.
11:8 Ang bayan ay dumadaan sa palibot, at pinupulot yaon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan, o kanilang dinidikdik sa mga lusong, at kanilang niluluto sa mga palyok, at ginagawa nilang munting tinapay at ang lasa ay gaya ng lasa ng bagong langis.
11:9 At pagka ang hamog ay nahuhulog sa ibabaw ng kampamento sa gabi, ang mana ay nahuhulog.
11:10 At narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanikaniyang sangbahayan, na bawa't lalake ay nasa pintuan ng kaniyang tolda; at ang galit ng Panginoon ay nagningas na mainam; at sumama ang loob ni Moises.
11:11 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? at bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasan ng buong bayang ito.
11:12 Akin ba kayang ipinaglihi ang buong bayang ito? ipinanganak ko ba upang iyong sabihin sa akin, Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakandong ang kaniyang batang pasusuhin, sa lupain na iyong isinumpa sa kanilang mga magulang?
11:13 Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? sapagka't sila'y umiyak sa akin, na nagsisipagsabi, Bigyan mo kami ng karneng aming makain.
11:14 Hindi ko kayang dalhing magisa ang buong bayang ito, sapagka't totoong mabigat sa akin.
11:15 At kung ako'y ginagawan mo ng ganito ay patayin mo na ako, ipinamamanhik ko sa iyo, kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin; at huwag ko nang makita ang aking kahirapan.
11:16 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pisanin mo sa akin ang pitong pung lalake sa mga matanda sa Israel, sa iyong mga nalalaman na mga matanda sa bayan at mga nangungulo sa kanila; at dalhin mo sa tabernakulo ng kapisanan, upang sila'y makatayo roon na kasama mo.
11:17 At ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha sa Espiritung sumasaiyo at aking isasalin sa kanila; at kanilang dadalhin ang pasan ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing magisa.
11:18 At sabihin mo sa bayan, Magpakabanal kayo, para sa kinabukasan, at kayo'y magsisikain ng karne: sapagka't kayo'y nagsisiiyak sa pakinig ng Panginoon, na sinasabi, Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? sapagka't maigi kahit nang nasa Egipto: dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo.
11:19 Hindi ninyo kakaning isang araw, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sangpung araw, ni dalawang pung araw;
11:20 Kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong kasuyaan: sapagka't inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, Bakit kami nakaalis sa Egipto?
11:21 At sinabi ni Moises, Ang bayan na kinaroroonan ko, ay anim na raang libong katao na nakatayo; at iyong sinabi, Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.
11:22 Papatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan, upang magkasya sa kanila? o ang lahat ng isda sa dagat at titipunin sa kanila upang magkasya sa kanila?
11:23 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Umikli na ba kaya ang kamay ng Panginoon? ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.
11:24 At si Moises ay lumabas, at isinaysay sa bayan ang mga salita ng Panginoon: at siya'y nagpisan ng pitong pung lalake sa mga matanda sa bayan at kaniyang pinatayo sa palibot ng Tolda.
11:25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at nagsalita sa kaniya; at kumuha sa Espiritung sumasakaniya at isinalin sa pitong pung matanda: at nangyari, na nang sumakanila ang Espiritu, ay nanganghula, nguni't hindi na sila umulit.
11:26 Nguni't naiwan ang dalawang lalake sa kampamento, na ang pangalan ng isa ay Eldad, at ang pangalan ng isa ay Medad: at ang Espiritu ay sumasakanila; at sila'y kabilang sa nangasulat, nguni't hindi nagsilabas sa Tolda: at sila'y nanghula sa kampamento.
11:27 At tumakbo ang isang binata, at isinaysay kay Moises, at sinabi, Si Eldad at si Medad ay nanghuhula sa kampamento.
11:28 At si Josue na anak ni Nun, na tagapangasiwa ni Moises, na isa sa kaniyang mga piling lalake, ay sumagot at nagsabi, Panginoon kong Moises, pagbawalan mo sila.
11:29 At sinabi ni Moises sa kaniya, Ikaw ba'y may paninibugho sa akin? ibigin nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na isakanila ng Panginoon ang kaniyang Espiritu!
11:30 At naparoon si Moises sa kampamento, siya at ang mga matanda sa Israel.
11:31 At lumabas ang isang hanging galing sa Panginoon, at nagdala ng mga pugo na mula sa dagat, at pinalapag sa kampamento na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampamento, at nagsilipad na may dalawang siko ang taas sa balat ng lupa.
11:32 At ang bayan ay nangakatindig ng buong araw na yaon at ng buong gabi, at ng buong ikalawang araw, at nagsipanghuli ng mga pugo; yaong kaunti ang napisan ay nakapisan ng sangpung homer: at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampamento.
11:33 Samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa, na hindi pa nila nangunguya ay nagningas laban sa bayan ang galit ng Panginoon at sinaktan ng Panginoon ang bayan ng isang salot na di kawasa.
11:34 At ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Kibroth-hattaavah; sapagka't doon inilibing nila ang bayang sakim.
11:35 Mula sa Kibroth-hattaavah ay naglakbay ang bayan na patungo sa Haseroth; at sila'y tumira sa Haseroth.
12:1 At si Miriam at si Aaron ay nagsalitaan laban kay Moises tungkol sa pagkapagasawa niya sa isang babaing Cusita: sapagka't siya'y nag-asawa sa isang babaing Cusita.
12:2 At kanilang sinabi, Ang Panginoon ba'y kay Moises lamang nakipagsalitaan? hindi ba nakipagsalitaan din naman sa atin? At narinig ng Panginoon.
12:3 Ang lalake ngang si Moises ay totoong maamong loob, na higit kay sa lahat ng lalaking nasa ibabaw ng lupa.
12:4 At sinalita agad ng Panginoon kay Moises, at kay Aaron, at kay Miriam, Lumabas kayong tatlo sa tabernakulo ng kapisanan. At silang tatlo ay lumabas.
12:5 At ang Panginoon ay bumaba sa isang tila haliging ulap, at tumayo sa pintuan ng Tolda, at tinawag si Aaron at si Miriam: at sila'y kapuwa lumabas.
12:6 At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo ngayon ang aking mga salita: kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay pakikilala sa kaniya sa pangitain, na kakausapin ko siya sa panaginip.
12:7 Ang aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; siya'y tapat sa aking buong buhay:
12:8 Sa kaniya'y makikipag-usap ako ng bibig, sa bibig, ng maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kaniyang makikita: bakit nga hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises?
12:9 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila; at siya'y umalis.
12:10 At ang ulap ay lumayo sa Tolda; at narito, si Miriam ay nagkaketong, na pumuting gaya ng niebe; at tiningnan ni Aaron si Miriam, at narito, siya'y nagkaketong.
12:11 At sinabi ni Aaron kay Moises, Oh panginoon ko, isinasamo ko sa iyo na huwag mong iparatang ang kasalanan sa amin, sapagka't ginawa namin na may kamangmangan, at sapagka't kami ay nagkasala.
12:12 Huwag mong itulot sa kaniya, isinasamo ko sa iyo, na maging parang isang patay na tunaw ang kalahati ng kaniyang laman paglabas sa tiyan ng kaniyang ina.
12:13 At humibik si Moises sa Panginoon, na sinasabi, Pagalingin mo siya, Oh Dios, ipinamamanhik ko sa iyo.
12:14 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Kung siya'y niluran ng kaniyang ama sa kaniyang mukha, hindi ba siya mahihiyang pitong araw? kulungin siyang pitong araw sa labas ng kampamento, at pagkatapos ay madadala siyang muli sa loob.
12:15 At si Miriam ay kinulong na pitong araw sa labas ng kampamento: at ang bayan ay hindi naglakbay hanggang si Miriam ay nadalang muli sa loob.
12:16 At pagkatapos nito ay naglakbay ang bayan mula sa Haseroth, at humantong sa ilang ng Paran.
13:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
13:2 Magsugo ka ng mga lalake na makakapaniktik sa lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel: isang lalake sa bawa't isa sa mga lipi ng kanilang mga magulang ay susuguin ninyo, na bawa't isa'y prinsipe sa kanila.
13:3 At sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon: silang lahat ay mga lalaking pangulo sa mga anak ni Israel.
13:4 At ito ang kanilang mga pangalan: sa lipi ni Ruben, ay si Sammua na anak ni Zaccur.
13:5 Sa lipi ni Simeon, ay si Saphat na anak ni Huri.
13:6 Sa lipi ni Juda, ay si Caleb na anak ni Jephone.
13:7 Sa lipi ni Issachar, ay si Igal na anak ni Jose.
13:8 Sa lipi ni Efraim, ay si Oseas na anak ni Nun.
13:9 Sa lipi ni Benjamin, ay si Palti na anak ni Raphu.
13:10 Sa lipi ni Zabulon, ay si Gaddiel na anak ni Sodi.
13:11 Sa lipi ni Jose, sa makatuwid baga'y sa lipi ni Manases, ay si Gaddi na anak ni Susi.
13:12 Sa lipi ni Dan, ay si Ammiel na anak ni Gemalli.
13:13 Sa lipi ni Aser, ay si Sethur, na anak ni Michael.
13:14 Sa lipi ni Nephtali, ay si Nahabi na anak ni Vapsi.
13:15 Sa lipi ni Gad, ay si Geuel na anak ni Machi.
13:16 Ito ang mga pangalan ng mga lalake na sinugo ni Moises upang tiktikan ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue ang anak ni Nun na si Oseas.
13:17 At sinugo sila ni Moises upang tiktikan ang lupain ng Canaan, at sinabi sa kanila, Sumampa kayo rito sa dakong Timugan at umakyat kayo sa mga bundok:
13:18 At tingnan ninyo ang lupain, kung ano; at ang bayan na tumatahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;
13:19 At kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga bayan na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampamento, o sa mga nakukutaan;
13:20 At kung ano ang lupain, kung mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. At magpakatapang kayo, at magdala kayo rito ng bunga ng lupain. Ngayon ang panahon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.
13:21 Sila nga'y umakyat, at kanilang tiniktikan ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Emath.
13:22 At sila'y umakyat sa dakong Timugan, at sila'y dumating sa Hebron; at si Aimen, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anac, ay nangaroon. (Ngayon ang Hebron ay natayong pitong taon bago ang Zoan sa Egipto).
13:23 At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa; sila'y nagdala rin ng mga granada, at mga igos.
13:24 Ang dakong yaon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na kinitil ng mga anak ni Israel doon.
13:25 At sila'y nagbalik pagkatiktik sa lupain, sa katapusan ng apat na pung araw.
13:26 At sila'y nagsiyaon at nagsiparoon kay Moises, at kay Aaron at sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Cades; at kanilang binigyang sagot sila, at ang buong kapisanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.
13:27 At kanilang isinaysay sa kaniya, at sinabi, Kami ay dumating sa lupaing yaong pinaparoonan mo sa amin, at tunay na binubukalan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyaon.
13:28 Gayon man ang bayan na tumitira sa lupaing yaon ay malakas, at ang mga bayan ay nakukutaan, at napakalalaki: at saka aming nakita ang mga anak ni Anac doon.
13:29 Si Amalec ay tumatahan sa lupain ng Timugan: at ang Hetheo, at ang Jebuseo, at ang Amorrheo ay tumatahan sa mga bundok: at ang Cananeo ay tumatahan sa tabi ng dagat, at sa mga pangpang ng Jordan.
13:30 At pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, Ating akyating paminsan, at ating ariin; sapagka't kaya nating lupigin.
13:31 Nguni't sinabi ng mga lalaking nagsiakyat na kasama niya, Hindi tayo makaaakyat laban sa bayan; sapagka't sila'y malakas kay sa atin.
13:32 At sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang tiniktikan, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming pinaroonan upang tiktikan ay isang lupain na kinakain ang mga tumatahan doon; at lahat ng bayan na aming nakita roon, ay mga taong malalaki.
13:33 At doo'y aming nakita ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anac, na mula sa mga Nefilim: at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga balang, at gayon din kami sa kanilang paningin.
14:1 At ang buong kapisanan ay naglakas ng kanilang tinig, at humiyaw; at ang bayan ay umiyak ng gabing yaon.
14:2 At inupasala ng lahat ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron: at sinabi sa kanila ng buong kapisanan, Nangamatay na sana tayo sa lupain ng Egipto! o kaya'y nangamatay na sana tayo sa ilang na ito!
14:3 At bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y mabuwal sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging mga huli: hindi ba magaling sa atin na tayo'y magbalik sa Egipto?
14:4 At nag-sangusapan sila, Tayo'y maglagay ng isang kapitan at tayo'y magbalik sa Egipto.
14:5 Nang magkagayon, si Moises at si Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan na kapisanan ng mga anak ni Israel.
14:6 At hinapak ni Josue na anak ni Nun, at ni Caleb na anak ni Jephone, na mga kasamang tumiktik sa lupain, ang kanilang mga suot:
14:7 At sinalita nila sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming dinaanan upang tiktikan ay isang napakainam na lupain.
14:8 Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing yaon, at ibibigay niya sa atin; na yao'y lupaing binubukalan ng gatas at pulot.
14:9 Huwag lamang kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni matakot sa bayan ng lupaing yaon, sapagka't sila'y tinapay sa atin; ang kaniyang kalinga ay inilayo sa kanila, at ang Panginoon ay sumasaatin: huwag kayong matakot sa kanila.
14:10 Datapuwa't tinangka ng buong kapisanan na pagbatuhanan sila. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa tabernakulo ng kapisanan sa lahat ng mga anak ni Israel.
14:11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan hahamakin ako ng bayang ito? at hanggang kailan hindi sila mananampalataya sa akin, sa lahat ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?
14:12 Aking sasaktan sila ng salot, at hindi ko sila pamamanahan at gagawin kita na isang bansang malaki at matibay kay sa kanila.
14:13 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Kung gayo'y mababalitaan ng mga taga Egipto; sapagka't isinampa mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan sa gitna nila;
14:14 At kanilang sasaysayin sa mga tumatahan sa lupaing ito. Kanilang nabalitaan na ikaw Panginoon, ay nasa gitna ng bayang ito; sapagka't ikaw Panginoon, ay napakita ng mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga yaon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi.
14:15 Kung iyong papatayin nga ang bayang ito na parang isang tao, ay magsasalita nga ang mga bansang nakabalita ng iyong kabantugan na sasabihin,
14:16 Sapagka't hindi madadala ng Panginoon ang bayang ito sa lupain, na kaniyang isinumpa sa kanila, kaya't kaniyang pinatay sila sa ilang.
14:17 At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, na itulot mo na ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa iyong sinalita, na sinasabi,
14:18 Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit at sagana sa kaawaan, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsalangsang; at sa anomang paraan ay hindi aariing walang muang ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salin ng lahi.
14:19 Ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo, ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kalakhan ng iyong kaawaan, at ayon sa iyong pagkapatawad sa bayang ito, mula sa Egipto hanggang ngayon.
14:20 At sinabi ng Panginoon, Aking pinatawad ayon sa iyong salita:
14:21 Nguni't tunay, na kung paanong ako'y buhay at kung paanong mapupuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa:
14:22 Sapagka't ang lahat ng taong yaon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda, na aking ginawa sa Egipto at sa ilang ay tinukso pa rin ako nitong makasangpu, at hindi dininig ang aking tinig;
14:23 Tunay na hindi nila makikita ang lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang, ni sinoman sa kanila na humamak sa akin ay hindi makakakita:
14:24 Kundi ang aking lingkod na si Caleb, sapagka't siya'y nagtaglay ng ibang diwa at siya'y sumunod na lubos sa akin, ay aking dadalhin siya sa lupain na kaniyang pinaroonan; at aariin ng kaniyang lahi.
14:25 Ngayon nga'y ang mga Amalecita at ang mga Cananeo ay tumatahan sa libis: bukas ay magbalik kayo at kayo'y pasa ilang sa daang patungo sa Dagat na Mapula.
14:26 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
14:27 Hanggang kailan titiisin ko ang masamang kapisanang ito, na naguupasala laban sa akin? Aking narinig ang mga pag-upasala ng mga anak ni Israel na kanilang inuupasala laban sa akin.
14:28 Sabihin mo sa kanila, Ako'y buhay, sabi ng Panginoon, tunay na kung paano ang sinalita ninyo sa aking pakinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo:
14:29 Ang inyong mga bangkay ay mangabubuwal sa ilang na ito; at yaong lahat na nangabilang sa inyo ayon sa inyong kabuoan ng bilang, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda na nag-upasala laban sa akin,
14:30 Ay tunay na hindi kayo papasok sa lupaing pinagtaasan ko ng aking kamay, na patatahanan ko sana sa inyo, maliban si Caleb na anak ni Jephone, at si Josue na anak ni Nun.
14:31 Nguni't ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga huli ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil.
14:32 Nguni't tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mangabubuwal sa ilang na ito.
14:33 At ang inyong mga anak ay magiging gala sa ilang na apat na pung taon, at kanilang tataglayin ang inyong pakikiapid, hanggang sa ang inyong mga bangkay ay matunaw sa ilang.
14:34 Ayon sa bilang ng mga araw na inyong itiniktik sa lupain, sa makatuwid baga'y apat na pung araw, sa bawa't araw ay isang taon, ay inyong tataglayin ang inyong mga kasamaan, na apat na pung taon, at inyong makikilala ang pagsira ko ng kapangakuan.
14:35 Akong Panginoon ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapisanang ito, na nagpipisan laban sa akin: sa ilang na ito matutunaw sila, at diyan sila mamamatay.
14:36 At ang mga lalake, na sinugo ni Moises upang tumiktik ng lupain, na nagsipagbalik, at nagpaupasala ng buong kapisanan laban sa kaniya sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain,
14:37 Sa makatuwid baga'y ang mga taong yaon na nagsipaghatid ng masamang balita ng lupain, ay nangamatay sa salot sa harap ng Panginoon.
14:38 Nguni't si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jephone, ay naiwang buhay sa mga taong yaon na nagsiparoong tumiktik ng lupain.
14:39 At sinaysay ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel: at ang bayan ay tumaghoy na mainam.
14:40 At sila'y bumangong maaga sa kinaumagahan, at umakyat sila sa taluktok ng bundok, na sinasabi, Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng Panginoon: sapagka't kami ay nagkasala.
14:41 At sinabi ni Moises, Bakit sinasalangsang ninyo ngayon ang utos ng Panginoon, sa bagay ay hindi ninyo ikasusulong?
14:42 Huwag kayong umakyat, sapagka't ang Panginoon ay wala sa gitna ninyo; upang huwag kayong masaktan sa harap ng inyong mga kaaway.
14:43 Sapagka't nandoon ang mga Amalecita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y mangabubuwal sa tabak: sapagka't kayo'y humiwalay sa pagsunod sa Panginoon, kaya't ang Panginoon ay wala sa inyo.
14:44 Nguni't sila'y nagpumilit umakyat sa taluktok ng bundok: gayon ma'y ang kaban ng tipan ng Panginoon, at si Moises ay hindi nagsilabas sa kampamento.
14:45 Nang magkagayon ang mga Amalecita ay bumaba at ang mga Cananeo na tumatahan sa bundok na yaon, ay sinaktan sila at nilupig silang hinabol, hanggang sa Horma.
15:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
15:2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain na inyong mga tahanan, na aking ibibigay sa inyo,
15:3 At maghahandog kayo sa Panginoon ng pinaraan sa apoy na handog na susunugin, o ng hain upang tumupad ng panata, o ng kusang handog, o sa inyong mga takdang kapistahan, upang gawing masarap na amoy sa Panginoon, na mula sa bakahan, o mula sa kawan:
15:4 Kung gayon ay maghandog sa Panginoon yaong maghahandog ng alay ng isang handog na harina, na ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis:
15:5 At ng alak na inuming handog, na ikaapat na bahagi ng isang hin, ang iyong ihahanda na kalakip ng handog na susunugin, o ng hain, sa bawa't kordero.
15:6 O kung isang tupang lalake, ay iyong ihahanda na pinakahandog na harina, ang dalawang ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng ikatlong bahagi ng isang hin ng langis:
15:7 At bilang pinakainuming handog ay iyong ihahandog ang ikatlong bahagi ng isang hin ng alak na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.
15:8 At pagka maghahanda ka ng isang toro na handog na susunugin, o upang ihain, sa katuparan ng isang panata, o upang mga handog sa Panginoon tungkol sa kapayapaan;
15:9 Ay kaniyang ihahandog nga na kalakip ng toro ang isang handog na harina na tatlong ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng kalahating hin ng langis.
15:10 At iyong ihahandog na pinakainuming handog ay kalahating hin ng alak na pinakahandog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.
15:11 Gayon gagawin sa bawa't toro, o sa bawa't tupang lalake, o sa bawa't korderong lalake, o sa mga anak ng kambing.
15:12 Ayon sa bilang ng inyong ihahanda, ay gayon ninyong gagawin sa bawa't isa ayon sa kanilang bilang.
15:13 Lahat ng tubo sa lupain ay gagawa ng mga bagay na ito sa ganitong paraan, sa paghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.
15:14 At kung ang isang taga ibang bayan ay makipamayang kasama ninyo, o sinomang nasa gitna ninyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, at maghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; ay kaniyang gagawin ang gaya ng inyong ginagawa.
15:15 Sa kapisanan ay magkakaroon ng isang palatuntunan sa inyo, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo, isang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi: kung paano kayo, ay magiging gayon din ang taga ibang bayan sa harap ng Panginoon.
15:16 Isang kautusan at isang ayos ay magkakaroon sa inyo, at sa taga ibang bayan sa nakikipamayan sa inyo.
15:17 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
15:18 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupaing aking pinagdadalhan sa inyo,
15:19 Ay mangyayari nga, na pagkain ninyo ng tinapay sa lupain, ay maghahandog kayo ng isang handog na itinaas sa Panginoon.
15:20 Sa pinaka una sa inyong masang harina ay maghahandog kayo ng isang munting tinapay na pinakahandog na itinaas: kung paano ninyo ginagawa ang handog na itinaas tungkol sa giikan, ay gayon ninyo itataas ito.
15:21 Sa pinaka una sa inyong masang harina ay magbibigay kayo sa Panginoon ng isang handog na itinaas sa buong panahon ng inyong mga lahi.
15:22 At pagka kayo'y nagkamali, at hindi ninyo tinupad ang lahat ng utos na ito, na sinalita ng Panginoon kay Moises,
15:23 Sa makatuwid baga'y lahat ng iniutos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises, mula sa araw na lagdaan kayo ng utos ng Panginoon, at sa haharapin sa buong panahon ng inyong mga lahi;
15:24 Ay mangyayari nga na kung magkasala ng walang malay, na hindi nalalaman ng kapisanan, na ang buong kapisanan ay maghahandog ng isang guyang toro na pinakahandog na susunugin, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon, na kalakip ng handog na harina niyaon at inuming handog niyaon, ayon sa ayos, at isang lalaking kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan.
15:25 At itutubos ng saserdote sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sila'y patatawarin; sapagka't isang kamalian, at kanilang dinala ang kanilang alay, na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ang kanilang handog dahil sa kasalanan sa harap ng Panginoon, dahil sa kanilang kamalian:
15:26 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay patatawarin at ang taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila; sapagka't tungkol sa buong bayang nakagawa ng walang malay.
15:27 At kung ang isang tao ay nagkasala ng walang malay, ay maghahandog nga siya ng isang kambing na babae ng unang taon na pinakahandog dahil sa kasalanan.
15:28 At itutubos ng saserdote sa taong nagkamali, kung tunay na siya'y nagkasala ng walang malay sa harap ng Panginoon, upang itubos sa kaniya; at siya'y patatawarin.
15:29 Kayo'y magkakaroon ng isang kautusan sa kaniya na nagkasala ng walang malay, sa kaniya na ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila.
15:30 Nguni't ang tao na makagawa ng anoman ng buong kapusukan, maging tubo sa lupain o taga ibang lupa, ay lumapastangan sa Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa gitna ng kaniyang bayan.
15:31 Sapagka't kaniyang hinamak ang salita ng Panginoon, at kaniyang sinira ang kaniyang utos; ang taong yaon ay lubos na ihihiwalay, ang kaniyang kasamaan ay tataglayin niya.
15:32 At samantalang ang mga anak ni Israel ay nangasa ilang, ay nakasumpong sila ng isang lalake na namumulot ng kahoy sa araw ng sabbath.
15:33 At silang nakasumpong sa kaniya na namumulot ng kahoy, ay dinala siya kay Moises, at kay Aaron, at sa buong kapisanan.
15:34 At kanilang inilagay siya sa bilangguan, sapagka't hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kaniya.
15:35 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ang lalake ay walang pagsalang papatayin; babatuhin siya ng buong kapisanan sa labas ng kampamento.
15:36 At inilabas siya ng buong kapisanan sa kampamento at kanilang binato siya hanggang sa mamatay ng mga bato; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
15:37 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
15:38 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila na sila'y gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga lahi, at kanilang patungan ang tirintas ng bawa't laylayan ng isang panaling bughaw:
15:39 At sa inyo'y magiging isang tirintas, upang inyong mamasdan, at inyong maalaala ang lahat ng mga utos ng Panginoon, at inyong tuparin; at upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso at sa inyong sariling mga mata, na siya ninyong ipinangaapid:
15:40 Upang inyong maalaala at gawin ang lahat ng aking mga utos, at maging banal kayo sa inyong Dios.
15:41 Ako ang Panginoon ninyong Dios, na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang maging inyong Dios: ako ang Panginoon ninyong Dios.
16:1 Si Core nga na anak ni Ishar, na anak ni Coath, na anak ni Levi sangpu ni Dathan at ni Abiram na mga anak ni Eliab, at si Hon na anak ni Peleth, na mga anak ni Ruben, ay nagsikuha ng mga tao:
16:2 At sila'y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel, na dalawang daan at limang pung prinsipe sa kapisanan na tinawag sa kapulungan na mga lalaking bantog:
16:3 At sila'y nagpupulong laban kay Moises at laban kay Aaron, at sinabi nila sa kanila, Kayo'y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawa't isa sa kanila, at ang Panginoon ay nasa gitna nila: bakit nga kayo'y magmamataas sa kapisanan ng Panginoon?
16:4 At nang marinig ni Moises, ay nagpatirapa.
16:5 At sinalita niya kay Core at sa kaniyang buong pulutong, na sinasabi, Sa kinaumagahan ay ipakikilala ng Panginoon kung sino ang kaniya, at kung sino ang banal, at kung sino ang palalapitin niya sa kaniya: sa makatuwid baga'y ang piliin ay siyang kaniyang palalapitin sa kaniya.
16:6 Ito'y inyong gawin; kumuha kayo ng mga suuban, si Core at ang kaniyang buong pulutong;
16:7 At lagyan ninyo ng apoy at patungan ninyo ng kamangyan bukas sa harap ng Panginoon: at mangyayari na ang tao na piliin ng Panginoon, ay siyang banal: kayo'y kumukuha ng malabis sa inyo, kayong mga anak ni Levi.
16:8 At sinabi ni Moises kay Core, Dinggin ninyo ngayon, kayong mga anak ni Levi:
16:9 Minumunting bagay pa ba ninyo na kayo'y ibinukod ng Dios ng Israel sa kapisanan ng Israel, upang ilapit niya kayo sa kaniya, upang gawin ninyo ang paglilingkod sa tabernakulo ng Panginoon, at upang kayo'y tumayo sa harap ng kapisanan na mangasiwa sa kanila;
16:10 At inilapit ka niya sangpu ng lahat ng iyong mga kapatid na mga anak ni Levi? at hangarin din naman ninyo ang pagkasaserdote?
16:11 Kaya't ikaw at ang iyong buong pulutong ay napipisan laban sa Panginoon: at si Aaron, ano nga't siya'y inyong inupasala?
16:12 At ipinatawag ni Moises si Dathan at si Abiram, na mga anak ni Eliab: at kanilang sinabi, Hindi kami sasampa:
16:13 Munting bagay pa ba na kami ay iyong pinasampa sa isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot, upang kami ay patayin sa ilang, kundi napapanginoon ka pa mandin sa amin?
16:14 Bukod dito'y hindi mo kami dinala sa isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot, ni binigyan mo kami ng manang bukid at mga ubasan: dudukitin mo ba ang mga mata ng mga taong ito? hindi kami sasampa.
16:15 At si Moises ay nag-init na mainam, at sinabi sa Panginoon, Huwag mong pagpitaganan ang kanilang handog: ako'y hindi kumuha ng isang asno sa kanila ni gumawa ng masama sa kanino man sa kanila.
16:16 At sinabi ni Moises kay Core, Humarap ka at ang iyong buong kapisanan sa Panginoon, ikaw, at sila, at si Aaron, bukas:
16:17 At kumuha ang bawa't isa ng kaniyang suuban, at lagyan ninyo ng kamangyan, at dalhin ninyo sa harap ng Panginoon, na bawa't isa'y magdala ng kaniyang suuban, na dalawang daan at limang pung suuban; ikaw naman at si Aaron, bawa't isa sa inyo'y may kaniyang suuban.
16:18 At kinuha ng bawa't isa ang kaniyang suuban, at kanilang nilagyan ng apoy at kanilang pinatungan ng kamangyan, at sila'y tumayo sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan na kasama ni Moises at ni Aaron.
16:19 At pinisan ni Core ang buong kapisanan laban sa kanila sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa buong kapisanan.
16:20 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
16:21 Humiwalay kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali.
16:22 At sila'y nagpatirapa, at nagsabi, Oh Dios, na Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapisanan?
16:23 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
16:24 Salitain mo sa kapisanan na iyong sabihin, Lumayo kayo sa palibot ng tabernakulo ni Core, ni Dathan, at ni Abiram.
16:25 At si Moises ay tumayo at naparoon kay Dathan at kay Abiram; at ang mga matanda sa Israel ay sumunod sa kaniya.
16:26 At sinalita ni Moises sa kapisanan na sinasabi, Magsilayo kayo, isinasamo ko sa inyo, sa mga tolda ng masasamang taong ito, at huwag kayong humipo ng anomang bagay nila, baka kayo'y mamatay sa lahat nilang kasalanan.
16:27 Gayon sila nagsilayo sa tabernakulo ni Core, ni Dathan, at ni Abiram sa lahat ng dako: at si Dathan at si Abiram ay nagsilabas, at nagsitayo sa pintuan ng kanilang mga tolda, at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak, at ang kanilang bata.
16:28 At sinabi ni Moises, Dito ninyo makikilala na ako'y sinugo ng Panginoon na gawin ang lahat ng mga gawang ito; sapagka't hindi kinatha ng aking sariling pagiisip.
16:29 Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o kung sila'y dalawin ayon sa karaniwang pagdalaw sa lahat ng tao; ay hindi nga ako sinugo ng Panginoon.
16:30 Nguni't kung ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay, na anopa't ibuka ng lupa ang kaniyang bibig, at sila'y lamunin, sangpu ng buong nauukol sa kanila, at sila'y ibabang mga buhay sa Sheol; ay inyo ngang mapagkikilala na minungkahi ng mga taong ito ang Panginoon.
16:31 At nangyari, na pagkatapos na masalita niya ang lahat ng salitang ito, na ang lupa na nasa ilalim nila ay bumuka:
16:32 At ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sangbahayan, at ang lahat ng lalake na nauukol kay Core, at lahat ng kanilang pag-aari.
16:33 Na anopa't sila at lahat ng nauukol sa kanila, ay nababang buhay sa Sheol: at sila'y pinagtikuman ng lupa, at sila'y nalipol sa gitna ng kapisanan.
16:34 At ang buong Israel na nasa palibot nila ay tumakas sa hiyaw nila; sapagka't kanilang sinabi, Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.
16:35 At apoy ang lumabas na mula sa Panginoon, at nilamon ang dalawang daan at limang pung lalake na naghandog ng kamangyan.
16:36 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
16:37 Salitain mo kay Eleazar na anak ni Aaron na saserdote, na kaniyang kunin ang mga suuban sa sunog, at magkalat ng apoy doon; sapagka't mga banal yaon;
16:38 Pati ng mga suuban ng mga makasalanang ito laban sa kanilang sariling buhay, at gawin mo sa kanilang mga laminang pinukpok na pinaka pangtakip sa dambana: sapagka't kanilang inihandog sa harap ng Panginoon: kaya't mga banal: at magiging isang tanda sa mga anak ni Israel.
16:39 At kinuha ni Eleazar na saserdote ang mga tansong suuban na inihandog ng mga nasunog; at kanilang pinukpok na ginawang pinaka pangtakip sa dambana:
16:40 Upang maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel, upang sinomang ibang tao na hindi sa mga anak ni Aaron ay huwag lumapit na magsunog ng kamangyan sa harap ng Panginoon; upang huwag magaya kay Core at sa kaniyang mga kasama: gaya ng sinalita ng Panginoon sa kaniya sa pamamagitan ni Moises.
16:41 Datapuwa't sa kinabukasan ay inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron, na sinasabi, Inyong pinatay ang bayan ng Panginoon.
16:42 At nangyari, nang magpipisan ang kapisanan laban kay Moises at laban kay Aaron, na sila'y tumingin sa dako ng tabernakulo ng kapisanan; at, narito, tinakpan ng ulap at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw.
16:43 At si Moises at si Aaron ay naparoon sa tapat ng tabernakulo ng kapisanan.
16:44 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
16:45 Lumayo kayo sa gitna ng kapisanang ito, upang aking lipulin sila sa isang sangdali. At sila'y nagpatirapa.
16:46 At sinabi ni Moises kay Aaron, Kunin mo ang iyong suuban, at lagyan mo ng apoy mula sa dambana at patungan ng kamangyan, at dalhin mong madali sa kapisanan, at itubos mo sa kanila: sapagka't may galit na lumabas sa harap ng Panginoon; ang salot ay nagpapasimula na.
16:47 At kinuha ni Aaron gaya ng sinalita ni Moises, at siya'y tumakbo sa gitna ng kapulungan; at, narito, ang salot ay nagpasimula sa gitna ng bayan; at siya'y naglagay ng kamangyan at itinubos sa bayan.
16:48 At siya'y tumayo sa gitna ng mga patay at ng mga buhay; at ang salot ay tumigil.
16:49 Ang nangamatay nga sa salot ay labing apat na libo at pitong daan, bukod pa yaong nangamatay dahil kay Core.
16:50 At si Aaron ay nagbalik kay Moises sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan: at ang salot ay tumigil.
17:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17:2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at kumuha ka sa kanila ng mga tungkod, isa sa bawa't sangbahayan ng mga magulang; sa lahat nilang mga prinsipe ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, labing dalawang tungkod: isulat mo ang pangalan ng bawa't isa sa kaniyang tungkod.
17:3 At isusulat mo ang pangalan ni Aaron sa tungkod ni Levi: sapagka't isa lamang tungkod magkakaroon sa bawa't pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang.
17:4 At iyong ilalagay sa tabernakulo ng kapisanan sa harap ng patotoo, na aking pinakikipagkitaan sa inyo.
17:5 At mangyayari na ang lalaking aking pipiliin, ay mamumulaklak ang kaniyang tungkod: at aking ipatitigil sa akin, ang mga pag-upasala ng mga anak ni Israel, na kanilang iniupasala laban sa inyo.
17:6 At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel, at ang lahat nilang mga prinsipe ay nagbigay sa kaniya ng tungkod, na bawa't pangulo ay isa, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, labing dalawang tungkod: at ang tungkod ni Aaron ay nasa gitna ng kanilang mga tungkod.
17:7 At inilagay ni Moises ang mga tungkod sa harap ng Panginoon sa tabernakulo ng patotoo;
17:8 At nangyari nang kinabukasan, na si Moises ay pumasok sa tabernakulo ng patotoo; at, narito, na ang tungkod ni Aaron sa sangbahayan ni Levi ay namulaklak at nagkaroon ng mga hinog na almendras.
17:9 At mula sa harap ng Panginoon ay inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod sa lahat ng mga anak ni Israel: at kanilang pinagmalas, at kinuha ng bawa't lalake ang kaniyang tungkod.
17:10 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ibalik mo ang tungkod ni Aaron sa harap ng patotoo, upang ingatang pinakatanda laban sa mga anak ng panghihimagsik; upang iyong wakasan ang kanilang mga pag-upasala laban sa akin, upang huwag silang mamatay.
17:11 Gayon ginawa ni Moises: kung paanong iniutos ng Panginoon sa kaniya, ay gayon niya ginawa.
17:12 At sinalita ng mga anak ni Israel kay Moises, na sinasabi, Narito, kami ay mga patay, kami ay napahamak, kaming lahat ay napahamak.
17:13 Lahat ng lumalapit, na lumalapit sa tabernakulo ng Panginoon, ay namamatay: kami bang lahat ay malilipol?
18:1 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, Ikaw at ang iyong mga anak at ang sangbahayan ng iyong mga magulang na kasama mo ay magtataglay ng kasamaan ng santuario: at ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay magtataglay ng kasamaan ng inyong pagkasaserdote.
18:2 At ang iyong mga kapatid naman, ang lipi ni Levi, ang lipi ng iyong ama, ay palalapitin mo sa iyo upang sila'y lumakip sa iyo at mangasiwa sa iyo: nguni't ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo, ay lalagay sa harap ng tabernakulo ng patotoo.
18:3 At kanilang iingatan ang iyong katungkulan, at ang katungkulan ng buong tolda: huwag lamang silang lalapit sa mga kasangkapan ng santuario ni sa dambana, upang huwag silang mamatay, ni maging kayo.
18:4 At sila'y lalakip sa iyo, at mag-iingat ng katungkulan sa tabernakulo ng kapisanan, sa buong paglilingkod sa tolda: at sinomang taga ibang lupa ay huwag lalapit sa inyo.
18:5 At inyong iingatan ang katungkulan ng santuario, at ang katungkulan ng dambana; upang huwag nang magkaroon pa ng kagalitan sa mga anak ni Israel.
18:6 At ako, narito, aking pinili ang inyong mga kapatid na mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel: sa inyo sila ay isang kaloob, na bigay sa Panginoon, upang gawin ang paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan.
18:7 At iingatan mo at ng iyong mga anak na kasama mo at ang inyong pagkasaserdote sa bawa't bagay ng dambana; at doon sa nasa loob ng tabing; at kayo'y maglilingkod: aking ibinibigay sa inyo ang pagkasaserdote na parang isang paglilingkod na kaloob: at ang taga ibang lupa na lumapit ay papatayin.
18:8 At sinalita ng Panginoon kay Aaron, At ako'y, narito, aking ibinigay sa iyo ang katungkulan sa mga handog na itinaas sa aking, lahat ng mga banal na bagay ng mga anak ni Israel; aking ibinigay sa iyo dahil sa pagpapahid, at sa iyong mga anak na marapat na bahagi ninyo, magpakailan man.
18:9 Ito'y magiging iyo sa mga pinakabanal na bagay, na hindi pinaraan sa apoy: bawa't alay nila, bawa't handog na harina nila, at bawa't handog nila dahil sa kasalanan, at bawa't handog nila dahil sa pagkakasala na kanilang ihahandog sa akin, ay magiging pinaka banal sa iyo at sa iyong mga anak.
18:10 Gaya ng mga kabanalbanalang bagay ay kakain ka ng mga iyan: bawa't lalake ay kakain niyaon magiging banal na bagay sa iyo.
18:11 At ito ay iyo; ang handog na itinaas na kanilang kaloob, sa makatuwid baga'y ang lahat ng mga handog na inalog ng mga anak ni Israel: aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalake at babae na kasama mo na marapat na bahagi magpakailan man: bawa't malinis sa iyong bahay ay kakain niyaon.
18:12 Lahat ng pinakamainam sa langis, at lahat ng pinakamainam sa alak, at sa trigo, ang mga pinakaunang bunga ng mga yaon na kanilang ibibigay sa Panginoon, ay ibibigay ko sa iyo.
18:13 Ang mga unang hinog na bunga ng lahat na nasa kanilang lupain, na kanilang dinadala sa Panginoon, ay magiging iyo; bawa't malinis sa iyong bahay ay kakain niyaon.
18:14 Lahat ng mga bagay na natatalaga sa Israel ay magiging iyo.
18:15 Lahat ng mga bagay na nagbubukas ng bahay-bata, sa lahat ng laman na kanilang inihahandog sa Panginoon, sa mga tao at gayon din sa mga hayop, ay magiging iyo: gayon man ang panganay sa tao ay tunay na iyong tutubusin, at ang panganay sa maruruming hayop ay iyong tutubusin.
18:16 At yaong mga matutubos sa kanila, mula sa isang buwang gulang ay iyong tutubusin, ayon sa iyong pagkahalaga, ng limang siklong pilak, ayon sa siklo ng santuario (na dalawang pung gera).
18:17 Nguni't ang panganay ng baka, o ang panganay ng tupa, o ang panganay ng kambing ay huwag mong tutubusin; mga banal: iyong iwiwisik ang kanilang dugo sa ibabaw ng dambana, at iyong susunugin ang kanilang taba na pinakahandog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.
18:18 At ang laman nila ay magiging iyo, gaya ng dibdib na inalog at gaya ng kanang hita ay magiging iyo.
18:19 Lahat ng mga handog na itinaas sa mga banal na bagay na ihahandog ng mga anak ni Israel sa Panginoon, ay aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalake at babae na kasama mo, na marapat na bahagi magpakailan man: tipan ng asin magpakailan man sa harap ng Panginoon sa iyo, at sa iyong binhi na kasama mo.
18:20 At sinabi ng Panginoon kay Aaron, Huwag kang magkakaroon ng mana sa kanilang lupain, ni magkakaroon ka ng anomang bahagi sa gitna nila: ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel.
18:21 At sa mga anak ni Levi, ay narito, aking ibinigay ang lahat ng ikasangpung bahagi sa Israel na pinakamana, na ganti sa kanilang paglilingkod na kanilang ipinaglilingkod, sa makatuwid baga'y sa paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan.
18:22 At sa haharapin ay huwag lalapit ang mga anak ni Israel sa tabernakulo ng kapisanan, baka sila'y magtaglay ng kasalanan, at mamatay.
18:23 Nguni't gagawin ng mga Levita ang paglilingkod ng tabernakulo ng kapisanan; at kanilang tataglayin ang kanilang kasamaan: ito'y magiging palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi, at sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.
18:24 Sapagka't ang ikasangpung bahagi ng tinatangkilik ng mga anak ni Israel na kanilang ihahandog na pinakahandog na itinaas sa Panginoon, ay aking ibinigay sa mga Levita na pinakamana: kaya't aking sinabi sa kanila, Sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.
18:25 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
18:26 Bukod dito'y sasalitain mo sa mga Levita, at sasabihin mo sa kanila, Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasangpung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila na inyong pinakamana, ay inyong ihahandog nga na pinakahandog na itinaas sa Panginoon, ang ikasangpung bahagi ng ikasangpung bahagi.
18:27 At ang inyong handog na itinaas ay ibibilang sa inyo, na parang trigo ng giikan at ng kasaganaan ng pisaan ng ubas.
18:28 Ganito rin kayo maghahandog ng handog na itinaas sa Panginoon sa inyong buong ikasangpung bahagi, na inyong tinatanggap sa mga anak ni Israel; at ganito ibibigay ninyo ang handog na itinaas sa Panginoon kay Aaron na saserdote.
18:29 Sa lahat ng inyong natanggap na kaloob ay inyong ihahandog ang bawa't handog na itinaas sa Panginoon, ang lahat ng pinakamainam niyaon, sa makatuwid baga'y ang banal na bahagi niyaon.
18:30 Kaya't iyong sasabihin sa kanila, Pagka inyong naitaas ang pinakamainam sa handog, ay ibibilang nga sa mga Levita, na parang bunga ng giikan, at parang pakinabang sa pisaan ng ubas.
18:31 At inyong kakanin saa't saan man, ninyo at ng inyong mga kasangbahay: sapagka't kabayaran sa inyo, na ganti sa inyong paglilingkod sa tabernakulo ng kapisanan.
18:32 At hindi kayo magtataglay ng kasalanan dahil dito, pagka inyong naitaas ang pinakamainam sa mga yaon: at huwag ninyong lalapastanganin ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, upang huwag kayong mamatay.
19:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
19:2 Ito ang palatuntunan ng kautusan na iniutos ng Panginoon, na sinasabi, Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa iyo ng isang mapulang guyang bakang babae, na walang kapintasan, na walang dungis, na hindi pa napapatungan ng pamatok.
19:3 At ibibigay ninyo kay Eleazar na saserdote, at kaniyang ilalabas sa kampamento at papatayin ng isa sa kaniyang harapan:
19:4 At si Eleazar na saserdote ay dadampot ng dugo sa pamamagitan ng kaniyang daliri, at magwiwisik ng dugo na makapito sa dakong harap ng tabernakulo ng kapisanan:
19:5 At susunugin ng isa sa paningin niya ang guyang bakang babae; ang balat niyaon at ang laman niyaon, at ang dugo niyaon, sangpu ng dumi niyaon, ay susunugin niya:
19:6 At ang saserdote ay kukuha ng kahoy na sedro, at ng isopo, at ng kulay grana, at ihahagis sa gitna ng pinagsusunugan sa guyang bakang babae.
19:7 Saka lalabhan ng saserdote ang kaniyang mga suot at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampamento at ang saserdote ay magiging marumi hanggang sa hapon.
19:8 At yaong sumunog sa baka ay maglalaba ng kaniyang mga suot sa tubig at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at magiging marumi hanggang sa hapon.
19:9 At pupulutin ng isang taong malinis ang mga abo ng guyang bakang babae at ilalagay sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis; at iingatan ukol sa kapisanan ng mga anak ni Israel na pinaka tubig para sa karumihan: handog nga dahil sa kasalanan.
19:10 At yaong pumulot ng mga abo ng guyang bakang babae ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging marumi hanggang sa hapon; at sa mga anak ni Israel at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, ay magiging isang palatuntunan magpakailan man.
19:11 Ang makahipo ng bangkay ng sinomang tao, ay magiging marumi na pitong araw:
19:12 Ang gayon ay maglilinis sa pamamagitan ng tubig na yaon sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw ay magiging malinis: nguni't kung siya'y hindi maglinis sa ikatlong araw, ay hindi nga siya magiging malinis sa ikapitong araw.
19:13 Sinomang humipo ng patay, ng bangkay ng taong patay, at hindi maglilinis, ay ihahawa ang tabernakulo ng Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa Israel: sapagka't ang tubig para sa karumihan ay hindi iniwisik sa kaniya, siya'y magiging marumi; ang kaniyang karumihan ay sumasakaniya pa.
19:14 Ito ang kautusan pagka ang isang tao ay namamatay sa isang tolda: lahat na pumapasok sa tolda at lahat na nasa tolda ay magiging maruming pitong araw.
19:15 At bawa't sisidlang bukas na walang takip na nakatali roon, ay marumi.
19:16 At sinomang humipo sa luwal na parang ng alin mang pinatay ng tabak, o ng bangkay, o ng buto ng tao, o ng libingan, ay magiging maruming pitong araw.
19:17 At sa taong marumi, ay kukuha sila ng mga abo sa sunog niyang handog dahil sa kasalanan, sa mga yaon ay ilalagay ang tubig na buhay sa isang sisidlan.
19:18 At isang malinis na tao ay kukuha ng isopo, at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda at sa lahat ng kasangkapan, at sa mga taong nandoon, at sa humipo ng buto, o ng bangkay, o ng patay, o ng libingan:
19:19 At iwiwisik ng taong malinis sa marumi sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw: at lilinisin niya siya sa ikapitong araw; at siya'y maglalaba ng kaniyang mga suot, at maliligo sa tubig at magiging malinis sa hapon.
19:20 Nguni't ang taong magiging marumi, at hindi maglilinis, ay ihihiwalay ang taong yaon sa gitna ng kapulungan, sapagka't kaniyang inihawa ang santuario ng Panginoon: ang tubig para sa karumihan ay hindi nawisik sa kaniya; siya'y marumi.
19:21 At ito'y magiging isang palatuntunan magpakailan man sa kanila: at yaong nagwiwisik ng tubig para sa karumihan, ay maglalaba ng kaniyang mga suot; at yaong humipo ng tubig para sa karumihan ay magiging marumi hanggang sa hapon.
19:22 At anomang hipuin ng taong marumi ay magiging marumi; at ang taong humipo niyaon ay magiging marumi hanggang sa hapon.
20:1 At ang mga anak ni Israel, sa makatuwid baga'y ang buong kapisanan ay nagsipasok sa ilang ng Zin nang unang buwan: at ang bayan ay tumahan sa Cades; at si Miriam ay namatay doon, at inilibing doon.
20:2 At walang tubig na mainom ang kapisanan; at sila'y nagpulong laban kay Moises at laban kay Aaron.
20:3 At sinisi ng bayan si Moises, at nagsipagsalita, na sinasabi, Ibigin sana na kami ay nangamatay, nang mamatay ang aming mga kapatid sa harap ng Panginoon!
20:4 At bakit ninyo dinala ang kapulungan ng Panginoon sa ilang na ito, upang mamatay rito, kami at ang aming mga hayop?
20:5 At bakit ninyo kami pinasampa mula sa Egipto, upang dalhin kami sa masamang dakong ito? hindi dakong bukirin, o ng igos; o ng ubasan, o ng mga granada; at wala kahit tubig na mainom.
20:6 At si Moises at si Aaron ay umalis sa harap ng kapulungan at napasa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, at nangagpatirapa: at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa kanila.
20:7 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
20:8 Hawakan mo ang tungkod, at pisanin mo ang kapisanan, pisanin mo at ni Aaron na iyong kapatid, at magsalita kayo sa bato sa harap ng kanilang mga mata, na ibibigay niyaon ang kaniyang tubig; at ikukuha mo sila ng tubig sa bato: sa ganito paiinumin mo ang kapisanan at ang kanilang mga hayop.
20:9 At kinuha ni Moises ang tungkod sa harap ng Panginoon, na gaya ng iniutos sa kaniya.
20:10 At pinisan ni Moises at ni Aaron ang kapulungan sa harap ng bato, at kaniyang sinabi sa kanila, Makinig kayo ngayon, mga mapanghimagsik, ikukuha ba namin kayo ng tubig sa batong ito?
20:11 At itinaas ni Moises ang kaniyang kamay, at pinalong makalawa ang bato ng kaniyang tungkod: at ang tubig ay lumabas na sagana, at ang kapisanan ay uminom at ang kanilang mga hayop.
20:12 At sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, Sapagka't hindi kayo sumampalataya sa akin upang ipakilala ninyong banal ako sa mga mata ng mga anak ni Israel, kaya't hindi ninyo dadalhin ang kapisanang ito sa lupain na aking ibinigay sa kanila.
20:13 Ito ang tubig ng Meriba; sapagka't sinisi ng mga anak ni Israel ang Panginoon, at siya'y napakilalang banal sa kanila.
20:14 At si Moises ay nagutos ng mga sugo sa hari sa Edom mula sa Cades, na ipinasabi, Ganito, ang sabi ng iyong kapatid na Israelita, Talastas mo ang buong kahirapan na dumating sa amin:
20:15 Kung paanong ang aming mga magulang ay bumaba sa Egipto, at kami ay tumahan sa Egipto na malaong panahon, at inalipusta ng mga Egipcio kami at ang aming mga magulang:
20:16 At nang kami ay dumaing sa Panginoon ay dininig niya ang aming tinig, at nagsugo siya ng isang anghel, at inilabas kami sa Egipto: at, narito, kami ay nasa Cades, na isang bayan na nasa dulo ng iyong hangganan:
20:17 Isinasamo ko sa iyo, na paraanin mo kami, sa iyong lupain: hindi kami dadaan sa kabukiran o sa ubasan, ni di kami iinom ng tubig sa mga balon: kami ay manunuwid sa maluwang na lansangan, hindi kami liliko sa dakong kanan ni sa dakong kaliwa man hanggang sa maraanan namin ang iyong hangganan.
20:18 At sinabi ni Edom sa kaniya, Huwag kang magdadaan sa aking lupain, baka kita'y salubungin ng tabak.
20:19 At sinabi ng mga anak ni Israel sa kaniya, Kami ay aahon sa lansangan: at kung kami ay uminom ng iyong tubig, ako at ang aking mga hayop, ay pagbabayaran ko ang halaga: pahintulutan mo lamang ako na makaraan ng aking mga paa na walang anoman.
20:20 At kaniyang sinabi, Huwag kang magdadaan. At si Edom ay lumabas laban sa kaniya na may dalang maraming tao, at may malakas na kamay.
20:21 Ganito tumanggi si Edom na paraanin ang Israel sa kaniyang hangganan: kaya't ang Israel ay lumayo sa kaniya.
20:22 At sila'y naglakbay mula sa Cades: at ang mga anak ni Israel, sa makatuwid baga'y ang buong kapisanan, ay napasa bundok ng Hor.
20:23 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron sa bundok ng Hor, sa tabi ng hangganan ng lupain ng Edom, na sinasabi,
20:24 Si Aaron ay malalakip sa kaniyang bayan: sapagka't siya'y hindi makapapasok sa lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel, sapagka't kayo'y nagsipanghimagsik laban sa aking salita sa tubig ng Meriba.
20:25 Dalhin mo si Aaron at si Eleazar na kaniyang anak, at isampa mo sila sa bundok ng Hor.
20:26 At hubaran mo si Aaron ng kaniyang mga suot at isuot mo kay Eleazar na kaniyang anak: at si Aaron ay malalakip sa kaniyang bayan, at doon siya mamamatay.
20:27 At ginawa ni Moises gaya ng iniutos ng Panginoon: at sila'y sumampa sa bundok ng Hor sa paningin ng buong kapisanan.
20:28 At hinubaran ni Moises si Aaron, ng kaniyang mga suot, at isinuot kay Eleazar na kaniyang anak; at namatay si Aaron doon sa taluktok ng bundok: at si Moises at si Eleazar ay bumaba sa bundok.
20:29 At nang makita ng buong kapisanan na si Aaron ay namatay, ay kanilang tinangisan si Aaron na tatlong pung araw, sa makatuwid baga'y ng buong sangbahayan ni Israel.
21:1 At ang Cananeo, na hari sa Arad, na tumatahan sa Timugan ay nakabalita na ang Israel ay dumating sa daan ng Atarim; at nilabanan niya ang Israel at binihag ang iba sa kanila.
21:2 At ang Israel ay nanata sa Panginoon, at nagsabi, Kung tunay na ibibigay mo ang bayang ito sa aking kamay, ay aking lubos na gigibain nga ang kanilang mga bayan.
21:3 At dininig ng Panginoon ang tinig ng Israel, at ibinigay ang Cananeo sa kanila, at kanilang lubos na nilipol sila at ang kanilang mga bayan: at ang ipinangalan sa dakong yaon ay Horma.
21:4 At sila'y naglakbay mula sa bundok ng Hor na napasa daang patungo sa Dagat na Mapula upang lumiko sa lupain ng Edom; at ang damdamin ng bayan ay nainip dahil sa daan.
21:5 At ang bayan ay nagsalita laban sa Dios at laban kay Moises: Bakit ninyo kami pinasampa mula sa Egipto, upang mamatay sa ilang? sapagka't walang tinapay at walang tubig; at ang aming kaluluwa ay nasusuya na sa manang ito.
21:6 At ang Panginoon ay nagsugo ng mababangis na ahas sa gitna ng bayan, at kanilang kinagat ang bayan: at maraming tao sa Israel ay namatay.
21:7 At ang bayan ay naparoon kay Moises, at nagsabi, Kami ay nagkasala, sapagka't kami ay nagsalita laban sa Panginoon, at laban sa iyo; idalangin mo sa Panginoon, na kaniyang alisin sa amin ang mga ahas. At idinalangin ni Moises ang bayan.
21:8 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Gumawa ka ng isang mabagsik na ahas at ipatong mo sa isang tikin: at mangyayari, na bawa't taong makagat, ay mabubuhay pag tumingin doon.
21:9 At si Moises ay gumawa ng isang ahas na tanso at ipinatong sa isang tikin: at nangyari, na pag may nakagat ng ahas ay nabubuhay pagtingin sa ahas na tanso,
21:10 At ang mga anak ni Israel ay naglakbay, at humantong sa Oboth.
21:11 At sila'y naglakbay mula sa Oboth, at humantong sa Ije-abarim sa ilang na nasa tapat ng Moab, sa dakong sinisikatan ng araw.
21:12 Mula roon ay naglakbay sila, at humantong sa libis ng Zared.
21:13 Mula roon ay naglakbay sila, at humantong sa kabilang ibayo ng Arnon, na nasa ilang na lumalabas sa hangganan ng mga Amorrheo: sapagka't ang Arnon ay hangganan ng Moab, na nasa pagitan ng Moab at ng mga Amorrheo.
21:14 Kaya't sinasabi sa aklat ng Mga Pakikipagbaka ng Panginoon, Ang Vaheb ay sa Sufa, At ang mga libis ng Arnon,
21:15 At ang kiling ng mga libis Na kumikiling sa dakong tahanan ng Ar, At humihilig sa hangganan ng Moab.
21:16 At mula roon, ay napasa Beer sila, na siyang balong pinagsabihan ng Panginoon kay Moises, Pisanin mo ang bayan at aking bibigyan sila ng tubig.
21:17 Nang magkagayo'y inawit ng Israel ang awit na ito: Bumalong ka, Oh balon; awitan ninyo siya;
21:18 Siyang balong hinukay ng mga prinsipe, Na pinalalim ng mga mahal sa bayan, Ng setro at ng kanilang mga tungkod. At mula sa ilang, sila'y napasa Mathana.
21:19 At mula sa Mathana ay napasa Nahaliel: at mula sa Nahaliel ay napasa Bamoth;
21:20 At mula sa Bamoth ay napasa libis na nasa bukid ng Moab, sa taluktok ng Pisga, na patungo sa ilang.
21:21 At ang Israel ay nagutos ng mga sugo kay Sehon, na hari ng mga Amorrheo, na sinasabi,
21:22 Paraanin mo ako sa iyong lupain: kami ay hindi liliko sa bukid, ni sa ubasan; kami ay hindi iinom ng tubig ng mga balon: kami ay magdadaan sa maluwang na lansangan, hanggang sa aming maraanan ang iyong hangganan.
21:23 At hindi ipinahintulot paraanin ni Sehon ang Israel sa kaniyang hangganan: kungdi pinisan ni Sehon ang kaniyang buong bayan, at lumabas sa ilang laban sa Israel at dumating hanggang Jahaz: at nilabanan ang Israel.
21:24 At sinaktan siya ng Israel ng talim ng tabak, at inari ang kaniyang lupain mula sa Arnon hanggang Jaboc, hanggang sa mga anak ni Ammon: sapagka't ang hangganan ng mga anak ni Ammon ay matibay.
21:25 At sinakop ng Israel ang lahat ng mga bayang ito: at ang Israel ay tumahan sa lahat ng mga bayan ng mga Amorrheo, sa Hesbon at sa lahat ng mga bayan niyaon.
21:26 Sapagka't ang Hesbon ay siyang bayan ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, na siyang nakipaglaban sa unang hari sa Moab, at sumakop ng buong lupain niyaon sa kaniyang kamay hanggang sa Arnon.
21:27 Kaya't yaong mga nagsasalita ng mga kawikaan ay nagsasabi, Halina kayo sa Hesbon, Itayo at itatag ang bayan ni Sehon:
21:28 Sapagka't may isang apoy na lumabas sa Hesbon, Isang liyab na mula sa bayan ni Sehon: Na sumupok sa Ar ng Moab, Sa mga panginoon sa matataas na dako ng Arnon.
21:29 Sa aba mo, Moab! Ikaw ay napahamak, Oh bayan ni Chemos: Na nagpagala ng kaniyang mga anak na lalake, At ipinabihag ang kaniyang mga anak na babae, Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo.
21:30 Aming pinana sila; ang Hesbon ay namatay hanggang sa Dibon, At aming iniwasak hanggang Nopha, Na umaabot hanggang Medeba.
21:31 Ganito tumahan ang Israel sa lupain ng mga Amorrheo.
21:32 At si Moises ay nagsugo upang tumiktik sa Jazer, at kanilang sinakop ang mga bayan niyaon at pinalayas nila ang mga Amorrheo na nandoon.
21:33 At sila'y lumiko at umahon sa daan ng Basan: at si Og na hari sa Basan ay lumabas laban sa kanila, siya at ang buong bayan niya, upang makipagbaka sa Edrei.
21:34 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Huwag mo siyang katakutan; sapagka't aking ibinigay siya sa iyong kamay, at ang buong bayan niya, at ang kaniyang lupain, at iyong gagawin sa kaniya ang gaya ng iyong ginawa kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumahan sa Hesbon.
21:35 Gayon nila sinaktan siya, at ang kaniyang mga anak, at ang buong bayan niya hanggang sa walang natira sa kaniya: at kanilang inari ang kaniyang lupain.
22:1 At ang mga anak ni Israel ay naglakbay at humantong sa mga kapatagan ng Moab sa dako roon ng Jordan na nasa tapat ng Jerico.
22:2 At nakita ni Balac na anak ni Zippor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amorrheo.
22:3 At ang Moab ay natakot na mainam sa bayan, sapagka't sila'y marami: at ang Moab ay nagulumihanan dahil sa mga anak ni Israel.
22:4 At sinabi ng Moab sa mga matanda sa Madian, Ngayon ay hihimuran ng karamihang ito yaong lahat na nasa palibot natin, gaya ng baka na humihimod sa damo sa parang. At si Balac na anak ni Zippor, ay hari sa Moab ng panahong yaon.
22:5 At siya'y nagutos ng mga sugo kay Balaam na anak ni Beor, hanggang sa Pethor na nasa tabi ng ilog, hanggang sa lupain ng mga anak ng kaniyang bayan, upang tawagin siya, na sabihin, Narito, may isang bayan na lumabas mula sa Egipto: narito, kanilang tinatakpan ang ibabaw ng lupa, at sila'y nangakatayo laban sa akin:
22:6 Parito ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, na sumpain mo sa akin ang bayang ito; sapagka't sila'y totoong makapangyarihan kay sa akin; marahil ako'y mananaig, na aming masasaktan sila, at aking silang mapalalayas sa lupain; sapagka't talastas ko na ang iyong pinagpapala ay mapalad at ang iyong sinusumpa ay mapapasama.
22:7 At ang mga matanda sa Moab at ang mga matanda sa Madian, ay nagsiparoon na dala sa kanilang kamay ang mga ganting pala sa panghuhula; at sila'y dumating kay Balaam at sinalita nila sa kaniya ang mga salita ni Balac.
22:8 At kaniyang sinabi sa kanila, Dito na kayo tumuloy ngayong gabi, at bibigyan ko kayo ng kasagutan, kung ano ang sasalitain ng Panginoon sa akin; at ang mga prinsipe sa Moab ay tumuloy na kasama ni Balaam.
22:9 At ang Dios ay naparoon kay Balaam, at nagsabi, Sinong mga tao itong kasama mo?
22:10 At sinabi ni Balaam sa Dios, Si Balac, na anak ni Zippor, hari sa Moab, ay nagpasugo sa akin, na sinasabi,
22:11 Narito, ang bayan na lumabas sa Egipto, ay tumatakip sa ibabaw ng lupa: ngayo'y parito ka, sumpain mo sila sa akin; marahil ako'y makababaka sa kanila, at sila'y aking mapalalayas.
22:12 At sinabi ng Dios kay Balaam, Huwag kang paroroong kasama nila; huwag mong susumpain ang bayan; sapagka't sila'y pinagpala.
22:13 At si Balaam ay bumangon nang kinaumagahan, at sinabi sa mga prinsipe ni Balac, Yumaon kayo sa inyong lupain: sapagka't ipinagkait ng Panginoon ang pahintulot na ako'y pumaroong kasama ninyo.
22:14 At ang mga prinsipe sa Moab ay bumangon, at sila'y naparoon kay Balac, at nagsabi, Si Balaam ay tumangging pumarito na kasama namin.
22:15 At si Balac ay nagsugong muli ng marami pang prinsipe, at lalong mga mahal kay sa kanila.
22:16 At sila'y naparoon kay Balaam at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ni Balac na anak ni Zippor, Isinasamo ko sa iyo, na ang anomang bagay huwag mong tulutan na makaabala sa iyo sa pagparito mo sa akin:
22:17 Sapagka't ikaw ay aking papupurihan ng mga dakilang karangalan, at anomang sabihin mo sa akin ay gagawin ko: parito ka nga, isinasamo ko sa iyo, na sumpain mo sa akin ang bayang ito.
22:18 At si Balaam ay sumagot at nagsabi sa mga lingkod ni Balac, Kahit ibigay sa akin ni Balac ang kaniyang bahay na puno ng pilak at ginto, ay hindi ko masasalangsang ang salita ng Panginoon kong Dios, na ako'y gumawa ng kulang o higit.
22:19 Ngayon nga, isinasamo ko sa inyo, na tumuloy rin kayo rito ngayong gabi, upang aking maalaman kung ano ang sasalitain pa ng Panginoon sa akin.
22:20 At ang Dios ay naparoon kay Balaam nang kinagabihan, at nagsabi sa kaniya, Kung ang mga taong iyan ay nagsiparito, upang tawagin ka ay bumangon ka, sumama ka sa kanila: nguni't ang salita lamang na aking sasalitain sa iyo, ay siya mong gagawin.
22:21 At si Balaam ay bumangon nang kinaumagahan, at siniyahan ang kaniyang asno, at sumama sa mga prinsipe sa Moab.
22:22 At ang galit ng Dios ay nagningas sapagka't siya'y naparoon: at ang anghel ng Panginoon ay lumagay sa daan na pinaka kalaban niya. Siya nga'y nakasakay sa kaniyang asno at ang kaniyang dalawang alipin ay kasama niya.
22:23 At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, na hawak ang kaniyang bunot na tabak: at ang asno ay lumiko sa daan, at napasa parang: at pinalo ni Balaam ang asno, upang ibalik siya sa daan.
22:24 Nang magkagayo'y tumayo ang anghel ng Panginoon sa isang makipot na daan sa pagitan ng mga ubasan, na ang isang bakod ay sumasadako rito, at ang isang bakod ay sumasadakong yaon.
22:25 At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon, at siya'y inipit sa bakod, at naipit ang paa ni Balaam sa bakod: at kaniyang pinalo uli ang asno.
22:26 At ang anghel ng Panginoon ay nagpauna uli at tumayo sa isang makipot na dako na walang daan lilikuan kahit sa kanan ni sa kaliwa.
22:27 At nakita ng asno ang anghel ng Panginoon, at siya'y nalugmok sa ilalim ni Balaam: at ang galit ni Balaam ay nagningas, at kaniyang pinalo ang asno ng kaniyang tungkod.
22:28 At ibinuka ng Panginoon ang bibig ng asno, at nagsabi kay Balaam, Ano ang ginawa ko sa iyo, na ako'y pinalo mo nitong makaitlo?
22:29 At sinabi ni Balaam sa asno, Sapagka't tinuya mo ako: mayroon sana ako sa aking kamay na isang tabak, pinatay disin kita ngayon.
22:30 At sinabi ng asno kay Balaam, Di ba ako'y iyong asno na iyong sinakyan sa buong buhay mo hanggang sa araw na ito? gumawa ba kaya ako kailan man ng ganito sa iyo? At kaniyang sinabi, Hindi.
22:31 Nang magkagayo'y idinilat ng Panginoon ang mga mata ni Balaam, at kaniyang nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, na hawak ang kaniyang bunot na tabak: at kaniyang iniyukod ang kaniyang ulo, at nagpatirapa.
22:32 At sinabi sa kaniya ng anghel ng Panginoon, Bakit mo pinalo ang iyong asno nitong makaitlo? Narito, ako'y naparito na pinaka kalaban, sapagka't ang iyong lakad ay masama sa harap ko:
22:33 At nakita ako ng asno, at lumiko sa harap ko nitong makaitlo: kundi siya lumihis sa harap ko, ay tunay na ngayon ay napatay kita, at nailigtas ang kaniyang buhay.
22:34 At sinabi ni Balaam sa anghel ng Panginoon, Ako'y nagkasala; sapagka't hindi ko nalamang ikaw ay nakatayo sa daan laban sa akin: ngayon nga, kung inaakala mong masama, ay babalik ako uli.
22:35 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Balaam, Sumama ka sa mga tao: nguni't ang salita lamang na aking sasalitain sa iyo, ang siyang sasalitain mo. Sa gayon ay sumama si Balaam sa mga prinsipe ni Balac.
22:36 At nang mabalitaan ni Balac na si Balaam ay dumarating, ay lumabas upang kaniyang salubungin siya sa bayan ng Moab, na nasa hangganan ng Arnon, na siyang katapusang bahagi ng hangganan.
22:37 At sinabi ni Balac kay Balaam, Di ba ikaw ay aking pinaparoonang dalidali upang tawagin ka? bakit nga hindi ka naparito sa akin? hindi ba tunay na mapapupurihan kita?
22:38 At sinabi ni Balaam kay Balac, Narito, ako'y naparito sa iyo: mayroon ba ako ngayong anomang kapangyarihan na makapagsalita ng anomang bagay? ang salitang ilagay ng Dios sa aking bibig, yaon ang aking sasalitain.
22:39 At si Balaam ay sumama kay Balac, at sila'y naparoon sa Chiriath-huzoth.
22:40 At naghain si Balac, ng mga baka at mga tupa, at ipinadala kay Balaam, at sa mga prinsipe na kasama niya.
22:41 At nangyari nang kinaumagahan, na isinama ni Balac si Balaam at isinampa siya sa matataas na dako ni Baal, at kaniyang nakita mula roon ang katapustapusang bahagi ng bayan.
23:1 At sinabi ni Balaam kay Balac, Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at ng pitong tupang lalake.
23:2 At ginawa ni Balac gaya ng sinalita ni Balaam; at si Balac at si Balaam ay naghandog sa bawa't dambana ng isang toro at ng isang tupang lalake.
23:3 At sinabi ni Balaam kay Balac, Tumayo ka sa tabi ng iyong handog na susunugin, at ako'y yayaon; marahil ang Panginoon ay paririto na sasalubungin ako: at anomang bagay na kaniyang ipakita sa akin ay aking sasaysayin sa iyo. At siya'y naparoon sa isang dakong mataas na walang tanim.
23:4 At sinalubong ng Dios si Balaam: at sinabi niya sa kaniya, Aking inihanda ang pitong dambana, at aking inihandog ang isang toro at ang isang tupang lalake sa bawa't dambana.
23:5 At nilagyan ng Panginoon ng salita ang bibig ni Balaam, at sinabi: Bumalik ka kay Balac, at ganito ang iyong sasalitain.
23:6 At siya'y bumalik sa kaniya, at, narito, siya'y nakatayo sa tabi ng kaniyang handog na susunugin, siya at ang lahat ng mga prinsipe sa Moab.
23:7 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Mula sa Aram ay dinala ako rito ni Balac, Niyang hari sa Moab, na mula sa mga bundok ng Silanganan: Parito ka, sumpain mo sa akin ang Jacob. At parito ka, laitin mo ang Israel.
23:8 Paanong aking susumpain ang hindi sinumpa ng Dios? At paanong aking lalaitin ang hindi nilait ng Panginoon?
23:9 Sapagka't mula sa taluktok ng mga bato ay aking nakikita siya, At mula sa mga burol ay akin siyang natatanawan: Narito, siya'y isang bayang tatahang magisa, At hindi ibinibilang sa gitna ng mga bansa.
23:10 Sinong makabibilang ng alabok ng Jacob, O ng bilang ng ikaapat na bahagi ng Israel? Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid, At ang aking wakas ay magiging gaya nawa ng kaniya!
23:11 At sinabi ni Balac kay Balaam, Anong ginawa mo sa akin? Ipinagsama kita upang sumpain mo ang aking mga kaaway, at, narito, iyong pinagpala silang totoo.
23:12 At siya'y sumagot, at nagsabi, Hindi ba nararapat na aking pagingatang salitain yaong isinasa bibig ko ng Panginoon?
23:13 At sinabi sa kaniya ni Balac, Isinasamo ko sa iyo, na sumama ka sa akin sa ibang dako, na iyong pagkakakitaan sa kanila; ang iyo lamang makikita ay ang kahulihulihang bahagi nila, at hindi mo makikita silang lahat: at sumpain mo sila sa akin mula roon.
23:14 At dinala niya siya sa parang ng Sophim, sa taluktok ng Pisga, at nagtayo roon ng pitong dambana, at naghandog ng isang toro, at ng isang tupang lalake sa bawa't dambana.
23:15 At kaniyang sinabi kay Balac, Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na susunugin, samantalang aking sinasalubong ang Panginoon doon.
23:16 At sinalubong ng Panginoon si Balaam, at pinapagsalita siya ng salita sa kaniyang bibig, at sinabi, bumalik ka kay Balac, at ganito ang iyong sasalitain.
23:17 At siya'y naparoon sa kaniya, at, narito, siya'y nakatayo sa tabi ng kaniyang handog na susunugin, at ang mga prinsipe sa Moab na kasama niya. At sinabi sa kaniya ni Balac, Anong sinalita ng Panginoon?
23:18 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinghaga, at sinabi, Tumindig ka, Balac, at iyong dinggin; Makinig ka sa akin, ikaw anak ni Zippor:
23:19 Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi; Sinabi ba niya, at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya, at hindi niya isasagawa?
23:20 Narito, ako'y tumanggap ng utos na magpala: At kaniyang pinagpala, at hindi ko na mababago.
23:21 Wala siyang nakitang kasamaan sa Jacob, Ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel: Ang Panginoon niyang Dios ay sumasa kaniya, At ang sigaw ng hari ay nasa gitna nila.
23:22 Dios ang naglalabas sa kanila sa Egipto; Siya'y may lakas na gaya ng mabangis na toro.
23:23 Tunay na walang enkanto laban sa Jacob, Ni panghuhula laban sa Israel: Ngayo'y sasabihin tungkol sa Jacob at sa Israel, Anong ginawa ng Dios!
23:24 Narito, ang bayan ay tumitindig na parang isang leong babae, At parang isang leon na nagpakataas: Siya'y hindi mahihiga hanggang sa makakain ng huli, At makainom ng dugo ng napatay.
23:25 At sinabi ni Balac kay Balaam, Ni huwag mo silang pakasumpain ni pakapagpalain.
23:26 Nguni't si Balaam ay sumagot at nagsabi kay Balac, Di ba isinaysay ko sa iyo, na sinasabi, Yaong lahat na sinasalita ng Panginoon, ay siya kong nararapat gawin?
23:27 At sinabi ni Balac kay Balaam, Halika ngayon, ipagsasama kita sa ibang dako; marahil ay kalulugdan ng Dios na iyong sumpain sila sa akin mula roon.
23:28 At ipinagsama ni Balac si Balaam sa taluktok ng Peor, na nakatungo sa ilang.
23:29 At sinabi ni Balaam kay Balac, Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at ng pitong tupang lalake.
23:30 At ginawa ni Balac gaya ng sinabi ni Balaam, at naghandog ng isang toro at ng isang tupang lalake sa bawa't dambana.
24:1 At nang makita ni Balaam na kinalugdan ng Panginoon na pagpalain ang Israel, ay hindi naparoon na gaya ng una na kumita ng pamahiin, kundi kaniyang itinitig ang kaniyang mukha sa dakong ilang.
24:2 At itinaas ni Balaam ang kaniyang mga mata, at kaniyang nakita ang Israel na tumatahan ayon sa kanilang mga lipi; at ang Espiritu ng Dios ay sumakaniya.
24:3 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Si Balaam na anak ni Beor ay nagsabi, At ang lalaking napikit ang mga mata ay nagsabi;
24:4 Siya'y nagsabi na nakarinig ng mga salita ng Dios, Na nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, Na nalulugmok at nakadilat ang kaniyang mga mata:
24:5 Pagka iinam ng iyong mga tolda, Oh Jacob, Ang iyong mga tabernakulo, Oh Israel!
24:6 Gaya ng mga libis na nalalatag, Gaya ng mga halamanan sa tabi ng ilog, Gaya ng linaloes na itinanim ng Panginoon, Gaya ng mga puno ng sedro sa siping ng tubig.
24:7 Tubig ay aagos mula sa kaniyang pang-igib, At ang kaniyang binhi ay matatatag sa maraming tubig, At ang kaniyang hari ay tataas ng higit kay Agag, At ang kaniyang kaharian ay mababantog.
24:8 Dios ang naglalabas sa kaniya sa Egipto; May lakas na gaya ng mabangis na toro: Kaniyang lalamunin ang mga bansa na kaniyang mga kaaway, At kaniyang pagwawaraywarayin ang kanilang mga buto, At palalagpasan sila ng kaniyang mga pana.
24:9 Siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon, At parang isang leong babae; sinong gigising sa kaniya? Pagpalain nawa yaong lahat na nagpapala sa iyo, At sumpain yaong lahat na sumusumpa sa iyo.
24:10 At ang galit ni Balac ay nagningas laban kay Balaam, at pinaghampas niya ang kaniyang mga kamay; at sinabi ni Balac kay Balaam, Tinawag kita upang iyong sumpain ang aking mga kaaway, at, narito, iyong binasbasan totoo sila nitong makaitlo.
24:11 Ngayon nga ay tumakas ka sa iyong sariling dako: aking inisip na itaas kita sa dakilang karangalan; nguni't, narito, pinigil ka ng Panginoon sa karangalan.
24:12 At sinabi ni Balaam kay Balac, Di ba sinalita ko rin sa iyong mga sugo na iyong sinugo sa akin, na sinasabi,
24:13 Kahit ibigay sa akin ni Balac ang kaniyang bahay na puno ng pilak at ginto, ay hindi ko masasalangsang ang salita ng Panginoon, na gumawa ako ng mabuti o masama sa aking sariling akala; kung ano nga ang salitain ng Panginoon, ay siya kong sasalitain?
24:14 At ngayon, narito, ako'y paroroon sa aking bayan: parito ka nga, at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw.
24:15 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Nagsabi si Balaam na anak ni Beor, At ang lalaking napikit ang mga mata ay nagsabi;
24:16 Siya'y nagsabi, na nakarinig ng mga salita ng Dios, At nakaalam ng karunungan ng Kataastaasan, Na siyang nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, Na nalulugmok at nakadilat ang kaniyang mga mata:
24:17 Aking makikita siya, nguni't hindi ngayon; Aking mapagmamasdan siya, nguni't hindi sa malapit: Lalabas ang isang bituin sa Jacob, At may isang setro na lilitaw sa Israel, At sasaktan ang mga sulok ng Moab, At lilipulin ang lahat ng mga anak ng kaguluhan.
24:18 At ang Edom ay magiging pag-aari niya. Ang Seir man ay magiging pag-aari niya, na siyang dating kaniyang mga kaaway; Samantalang ang Israel ay magpapakatapang.
24:19 At mula sa Jacob ay magkakaroon ng isang may kapangyarihan, At gigibain niya sa bayan ang nalalabi.
24:20 At kaniyang minasdan ang Amalec, at ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Ang Amalec ay siyang dating panguna sa mga bansa; Nguni't ang kaniyang huling wakas ay mapupuksa.
24:21 At kaniyang minasdan ang Cineo, at ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Matibay ang iyong dakong tahanan, At ang iyong pugad ay nalalapag sa malaking bato.
24:22 Gayon ma'y mawawasak ang Cain, Hanggang sa ikaw ay madalang bihag ng Assur.
24:23 At kaniyang ibinadya ang kaniyang talinhaga, at sinabi, Ay! sinong mabubuhay pagka ginawa ng Dios ito?
24:24 Datapuwa't ang mga sasakyan ay manggagaling sa baybayin ng Cittim. At kanilang pagdadalamhatiin ang Assur, at kanilang pagdadalamhatiin ang Eber, At siya man ay mapupuksa.
24:25 At si Balaam ay tumindig, at yumaon at bumalik sa kaniyang sariling dako: at si Balac naman ay yumaon ng kaniyang lakad.
25:1 At ang Israel ay tumahan sa Sittim, at ang bayan ay nagpasimulang magkasala ng pakikiapid sa mga anak na babae ng Moab:
25:2 Sapagka't kanilang tinawag ang bayan sa mga hain sa kanilang mga dios; at ang bayan ay kumain at yumukod sa kanilang mga dios.
25:3 At ang Israel ay nakilakip sa diosdiosang Baal-peor; at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel.
25:4 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ipagsama mo ang lahat ng pangulo sa bayan at bitayin mo sila sa Panginoon sa harap ng araw, upang ang maningas na galit ng Panginoon ay mapawi sa Israel.
25:5 At sinabi ni Moises sa mga hukom sa Israel, Patayin ng bawa't isa sa inyo yaong mga nakilakip sa diosdiosang Baal-peor.
25:6 At, narito, isa sa mga anak ni Israel ay naparoon at nagdala sa kaniyang mga kapatid ng isang babaing Madianita sa paningin ni Moises, at sa paningin ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel, samantalang sila'y umiiyak sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
25:7 At nang makita ni Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron na saserdote, ay tumindig siya sa gitna ng kapisanan, at humawak ng isang sibat sa kaniyang kamay;
25:8 At siya'y naparoon sa likod ng lalaking Israelita sa loob ng tolda, at kapuwa niya sinaksak, ang lalaking Israelita at ang babae sa kaniyang tiyan. Sa gayon ang salot ay natigil sa mga anak ni Israel.
25:9 At yaong nangamatay sa salot ay dalawang pu't apat na libo.
25:10 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
25:11 Pinawi ni Phinees na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron na saserdote, ang aking galit sa mga anak ni Israel, sa paraang siya'y nagsikap dahil sa aking pagsisikap sa kanila, na anopa't hindi ko nilipol ang mga anak ni Israel sa aking sikap.
25:12 Kaya't sabihin mo, Narito, ako'y nakikipagtipan sa kaniya tungkol sa kapayapaan:
25:13 At magiging kaniya, at sa kaniyang binhi pagkamatay niya, ang tipan ng pagkasaserdoteng walang hanggan; sapagka't siya'y nagsikap sa kaniyang Dios, at tumubos sa mga anak ni Israel.
25:14 Ang pangalan nga ng lalaking Israelita na napatay, na pinatay na kalakip ng babaing Madianita ay Zimri na anak ni Salu, na prinsipe sa isang sangbahayan ng mga magulang sa mga Simeonita.
25:15 At ang pangalan ng babaing Madianita na napatay ay Cozbi, na anak ni Zur; siya'y prinsipe sa bayan ng isang sangbahayan ng mga magulang sa Madian.
25:16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
25:17 Bagabagin ninyo ang mga Madianita, at inyong saktan sila:
25:18 Sapagka't kanilang binagabag kayo ng kanilang mga lalang na kanilang ipinangdaya sa inyo sa bagay ng Peor, at sa bagay ni Cozbi, na anak na babae ng prinsipe sa Madian, na kanilang kapatid na namatay nang kaarawan ng salot dahil sa Peor.
26:1 At nangyari, pagkatapos ng salot, na sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Eleazar na anak ni Aaron na saserdote, na sinasabi,
26:2 Bilangin mo ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, yaong lahat na makalalabas sa Israel sa pakikibaka.
26:3 At si Moises at si Eleazar na saserdote ay nakipagsalitaan sa kanila sa mga kapatagan ng Moab sa siping ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,
26:4 Bilangin ninyo ang bayan, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises at sa mga anak ni Israel, na lumabas sa lupain ng Egipto.
26:5 Si Ruben ang panganay ni Israel: ang mga anak ni Ruben; kay Hanoc, ang angkan ng mga Hanocitas; kay Phallu, ang angkan ng mga Palluita:
26:6 Kay Hesron, ang angkan ng mga Hesronita; kay Carmi, ang angkan ng mga Carmita.
26:7 Ito ang mga angkan ng mga Rubenita: at yaong nangabilang sa kanila, ay apat na pu't tatlong libo at pitong daan at tatlong pu.
26:8 At ang mga anak ni Phallu; ay si Eliab.
26:9 At ang mga anak ni Eliab; ay si Nemuel, at si Dathan, at si Abiram. Ito yaong Dathan at Abiram, na tinawag sa kapisanan na siya ngang nagsilaban kay Moises at kay Aaron, sa pulutong ni Core, nang sila'y lumaban sa Panginoon;
26:10 At ibinuka ng lupain ang kaniyang bibig, at nilamon sila pati ni Core, nang mamatay ang pulutong na yaon; noong panahong lamunin ng apoy ang dalawang daan at limang pung tao, at sila'y naging isang tanda.
26:11 Gayon ma'y hindi namatay ang mga anak ni Core.
26:12 Ang mga anak ni Simeon ayon sa kanilang mga angkan; kay Nemuel, ang angkan ng mga Nemuelita: kay Jamin, ang angkan ng mga Jaminita: kay Jachin, ang angkan ng mga Jachinita;
26:13 Kay Zera, ang angkan ng mga Zeraita; kay Saul, ang angkan ng mga Saulita.
26:14 Ito ang mga angkan ng mga Simeonita, dalawang pu't dalawang libo at dalawang daan.
26:15 Ang mga anak ni Gad ayon sa kaniyang mga angkan; kay Zephon, ang angkan ng mga Zephonita; kay Aggi, ang angkan ng mga Aggita; kay Suni, ang angkan ng mga Sunita;
26:16 Kay Ozni, ang angkan ng mga Oznita; kay Eri, ang angkan ng mga Erita;
26:17 Kay Arod, ang angkan ng mga Arodita; kay Areli, ang angkan ng mga Arelita.
26:18 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Gad ayon sa nangabilang sa kanila apat na pung libo at limang daan.
26:19 Ang mga anak ni Juda, ay si Er at si Onan; at si Er at si Onan ay nangamatay sa lupain ng Canaan.
26:20 At ang mga anak ni Juda ayon sa kaniyang mga angkan: kay Sela, ang angkan ng mga Selaita; kay Phares, ang angkan ng mga Pharesita; kay Zera, ang angkan ng mga Zeraita.
26:21 At ang mga naging anak ni Phares: kay Hesron, ang angkan ng mga Hesronita; kay Hamul, ang angkan ng mga Hamulita.
26:22 Ito ang mga angkan ni Juda ayon sa nangabilang sa kanila, pitong pu't anim na libo at limang daan.
26:23 Ang mga anak ni Issachar ayon sa kanilang mga angkan: kay Thola, ang angkan ng mga Tholaita; kay Pua, ang angkan ng mga Puanita;
26:24 Kay Jasub, ang angkan ng mga Jasubita; kay Simron, ang angkan ng mga Simronita.
26:25 Ito ang mga angkan ni Issachar ayon sa nangabilang sa kanila, anim na pu't apat na libo at tatlong daan.
26:26 Ang mga anak ni Zabulon ayon sa kanilang mga angkan: kay Sered, ang angkan ng mga Seredita: kay Elon, ang angkan ng mga Elonita: kay Jalel, ang angkan ng mga Jalelita.
26:27 Ito ang mga angkan ng mga Zebulonita ayon sa nangabilang sa kanila, anim na pung libo at limang daan.
26:28 Ang mga anak ni Jose ayon sa kanilang mga angkan: si Manases at si Ephraim.
26:29 Ang mga anak ni Manases: kay Machir, ang angkan ng mga Machirita: at naging anak ni Machir si Galaad: kay Galaad, ang angkan ng mga Galaadita.
26:30 Ito ang mga anak ni Galaad: kay Jezer, ang angkan ng mga Jezerita: kay Helec, ang angkan ng mga Helecita;
26:31 At kay Asriel, ang angkan ng mga Asrielita: at kay Sechem, ang angkan ng mga Sechemita:
26:32 At kay Semida, ang angkan ng mga Semidaita: at kay Hepher, ang angkan ng mga Hepherita.
26:33 At si Salphaad na anak ni Hepher ay hindi nagkaanak ng lalake, kundi mga babae: at ang mga pangalan ng mga anak na babae ni Salphaad ay Maala, at Noa, Hogla, Milca, at Tirsa.
26:34 Ito ang mga angkan ni Manases; at yaong nangabilang sa kanila, ay limang pu at dalawang libo at pitong daan.
26:35 Ito ang mga anak ni Ephraim ayon sa kanilang mga angkan: kay Suthala, ang angkan ng mga Suthalaita: kay Becher, ang angkan ng mga Becherita: kay Tahan, ang angkan ng mga Tahanita.
26:36 At ito ang mga anak ni Suthala: kay Heran, ang angkan ng mga Heranita.
26:37 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Ephraim ayon sa nangabilang sa kanila, tatlong pu't dalawang libo at limang daan. Ito ang mga anak ni Jose, ayon sa kanilang mga angkan.
26:38 Ang mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan: kay Bela, ang angkan ng mga Belaita; kay Asbel, ang angkan ng mga Asbelita: kay Achiram, ang angkan ng mga Achiramita;
26:39 Kay Supham ang angkan ng mga Suphamita; kay Hupham, ang angkan ng mga Huphamita.
26:40 At ang mga anak ni Bela ay si Ard at si Naaman: kay Ard, ang angkan ng mga Ardita: kay Naaman, ang angkan ng mga Naamanita.
26:41 Ito ang mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan; at yaong nangabilang sa kanila ay apat na pu't limang libo at anim na raan.
26:42 Ito ang mga anak ni Dan ayon sa kanilang mga angkan: kay Suham, ang angkan ng mga Suhamita. Ito ang mga angkan ni Dan ayon sa kanilang mga angkan.
26:43 Lahat ng mga angkan ng mga Suhamita, ayon sa nangabilang sa kanila, ay anim na pu't apat na libo at apat na raan.
26:44 Ang anak ni Aser ayon sa kanilang mga angkan: kay Imna, ang angkan ng mga Imnaita: kay Issui, ang angkan ng mga Issuita, kay Beria, ang angkan ng mga Beriaita.
26:45 Sa mga anak ni Beria: kay Heber, ang angkan ng mga Heberita; kay Malchiel ang angkan ng mga Malchielita.
26:46 At ang pangalan ng anak na babae ni Aser ay si Sera.
26:47 Ito ang mga angkan ng mga anak ni Aser ayon sa nangabilang sa kanila, limang pu't tatlong libo at apat na raan.
26:48 Ang mga anak ni Nephtali ayon sa kanilang mga angkan: kay Jahzeel ang angkan ng mga Jahzeelita: kay Guni, ang angkan ng mga Gunita.
26:49 Kay Jeser, ang angkan ng mga Jeserita: kay Sillem, ang angkan ng mga Sillemita.
26:50 Ito ang mga angkan ni Nephtali ayon sa kanilang mga angkan: at yaong nangabilang sa kanila, ay apat na pu't limang libo at apat na raan.
26:51 Ito yaong nangabilang sa angkan ni Israel, anim na raan at isang libo at pitong daan at tatlong pu.
26:52 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
26:53 Sa mga ito babahagihin ang lupain na pinakamana ayon sa bilang ng mga pangalan.
26:54 Sa marami ay magbibigay kayo ng maraming mana, at sa kaunti ay magbibigay kayo ng kaunting mana: ang bawa't isa ayon sa mga bilang sa kaniya ay bibigyan ng kaniyang mana.
26:55 Gayon ma'y babahagihin ang lupain sa pamamagitan ng sapalaran: ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng kanilang mga magulang ay kanilang mamanahin.
26:56 Ayon sa sapalaran babahagihin ang kanilang mana, alinsunod sa dami o kaunti.
26:57 Ito yaong nangabilang sa mga Levita ayon sa kanilang mga angkan: kay Gerson, ang angkan ng mga Gersonita: kay Coath, ang angkan ng mga Coathita: kay Merari, ang angkan ng mga Merarita.
26:58 Ito ang mga angkan ni Levi: ang angkan ng mga Libnita, ang angkan ng mga Hebronita, ang angkan ng mga Mahalita, ang angkan ng mga Musita, ang angkan ng mga Corita. At naging anak ni Coath si Amram.
26:59 At ang pangalan ng asawa ni Amram ay Jochabed, na anak na babae ni Levi, na ipinanganak kay Levi sa Egipto: at ipinanganak niya kay Amram si Aaron at si Moises, at si Miriam na kapatid nila.
26:60 At naging anak ni Aaron si Nadad at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar.
26:61 At si Nadab at si Abiu ay namatay nang sila'y maghandog ng ibang apoy sa harap ng Panginoon.
26:62 At yaong nangabilang sa kanila ay dalawang pu't tatlong libo, lahat ng lalake mula sa isang buwang gulang na patanda: sapagka't sila'y hindi nangabilang sa mga anak ni Israel, sapagka't sila'y hindi binigyan ng mana sa gitna ng mga anak ni Israel.
26:63 Ito yaong nangabilang ni Moises at ni Eleazar na saserdote, na bumilang ng mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa siping ng Jordan sa Jerico.
26:64 Nguni't sa mga ito ay walang tao sa kanila, na ibinilang ni Moises at ni Aaron na saserdote, na bumilang ng mga anak ni Israel sa ilang ng Sinai.
26:65 Sapagka't sinabi ng Panginoon tungkol sa kanila, Sila'y mamamatay na walang pagsala sa ilang. At walang natira kahi't isang tao sa kanila, liban kay Caleb na anak ni Jephone, at kay Josue na anak ni Nun.
27:1 Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga anak na babae ni Salphaad, na anak ni Hepher, na anak ni Galaad, na anak ni Machir, na anak ni Manases, sa mga angkan ni Manases, na anak ni Jose; at ito ang mga pangalan ng kaniyang mga anak: Maala, at Noa, at Hogla, at Milca, at Tirsa.
27:2 At sila'y nagsitayo sa harap ni Moises, at sa harap ni Eleazar na saserdote, at sa harap ng mga prinsipe at ng buong kapisanan, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, na sinasabi,
27:3 Ang aming ama ay namatay sa ilang, at siya'y hindi kasama ng nagpipisang magkakasama laban sa Panginoon, sa pulutong ni Core: kundi siya'y namatay sa kaniyang sariling kasalanan; at hindi nagkaanak ng lalake.
27:4 Bakit ang pangalan ng aming ama ay aalisin sa angkan niya, sapagka't siya'y hindi nagkaanak ng lalake? Bigyan ninyo kami ng pag-aari sa gitna ng mga kapatid ng aming ama.
27:5 At dinala ni Moises ang kanilang usap sa harap ng Panginoon.
27:6 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
27:7 Ang mga anak na babae ni Salphaad ay nagsasalita ng matuwid: bibigyan mo nga sila ng isang pag-aari na pinakamana sa gitna ng mga kapatid ng kanilang ama; at iyong isasalin ang mana ng kanilang ama sa kanila.
27:8 At iyong sasalitain sa mga anak ni Israel, na iyong sasabihin, Kung ang isang lalake ay mamatay, at walang anak na lalake, ay inyo ngang isasalin ang kaniyang mana sa kaniyang anak na babae.
27:9 At kung siya'y walang anak na babae, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa kaniyang mga kapatid.
27:10 At kung siya'y walang kapatid, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa mga kapatid ng kaniyang ama.
27:11 At kung ang kaniyang ama ay walang kapatid, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa kaniyang kamaganak na pinakamalapit sa kaniya sa kaniyang angkan, at kaniyang aariin: at sa mga anak ni Israel ay magiging isang palatuntunan ng kahatulan, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
27:12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Sumampa ka sa bundok na ito ng Abarim, at tanawin mo ang lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel.
27:13 At pagkakita mo niyaon ay malalakip ka rin naman sa iyong bayan, na gaya ng pagkalakip ni Aaron na iyong kapatid:
27:14 Sapagka't kayo'y nanghimagsik laban sa aking salita sa ilang ng Zin, sa pakikipagtalo ng kapisanan, na ipakilala ninyong banal ako sa harap ng mga mata nila sa tubig. (Ito ang tubig ng Meriba sa Cades sa ilang ng Zin.)
27:15 At sinalita ni Moises sa Panginoon, na sinasabi,
27:16 Maghalal ang Panginoon, ang Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, ng isang lalake sa kapisanan,
27:17 Na makalalabas sa harap nila, at makapapasok sa harap nila, at makapaglalabas sa kanila, at makapagpapasok sa kanila; upang ang kapisanan ng Panginoon ay huwag maging parang mga tupa na walang pastor.
27:18 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ipagsama mo si Josue na anak ni Nun, isang lalake na kinakasihan ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya;
27:19 At iharap mo siya kay Eleazar na saserdote, at sa buong kapisanan; at pagbilinan mo siya sa kanilang paningin.
27:20 At lalagyan mo siya ng iyong karangalan upang sundin siya ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel.
27:21 At siya'y tatayo sa harap ni Eleazar na saserdote, na siyang maguusisa tungkol sa kaniya, ng hatol ng Urim sa harap ng Panginoon: sa kaniyang salita, ay lalabas sila, at sa kaniyang salita, ay papasok sila, siya at ang lahat ng mga anak ni Israel na kasama niya, sa makatuwid baga'y ang buong kapisanan.
27:22 At ginawa ni Moises gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya: at kaniyang ipinagsama si Josue, at kaniyang iniharap kay Eleazar na saserdote, at sa buong kapisanan:
27:23 At kaniyang ipinatong ang mga kamay niya sa kaniya, at pinagbilinan niya siya, gaya ng sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
28:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
28:2 Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ang alay sa akin, ang aking pagkain na pinakahandog sa akin na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa akin, ay inyong pagiingatang ihandog sa akin sa ukol na kapanahunan.
28:3 At iyong sasabihin sa kanila, Ito ang handog na pinaraan sa apoy na inyong ihahandog sa Panginoon; mga korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan, dalawa araw-araw, na pinakapalaging handog na susunugin.
28:4 Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga, at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw;
28:5 At ang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina na pinakahandog na harina, na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo.
28:6 Isang palaging handog na susunugin, na iniutos sa bundok ng Sinai na pinakamasarap na amoy, handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
28:7 At ang pinakahandog na inumin niyaon, ay ang ikaapat na bahagi ng isang hin sa isang kordero: sa dakong banal magbubuhos ka ng handog na inumin na pinaka mainam na alak para sa Panginoon.
28:8 At ang isang kordero, ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw: gaya ng handog na harina sa umaga, at gaya ng handog na inumin niyaon, ay iyong ihahandog, isang handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.
28:9 At sa araw ng sabbath ay dalawang korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan, at dalawang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, na pinakahandog na harina na hinaluan ng langis, at ang handog na inumin niyaon:
28:10 Ito ang handog na susunugin sa bawa't sabbath, bukod pa sa palaging handog na susunugin, at ang inuming handog niyaon.
28:11 At sa mga pasimula ng inyong mga buwan ay maghahandog kayo ng handog na susunugin sa Panginoon; dalawang guyang toro at isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon, na walang kapintasan;
28:12 At tatlong ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina na pinakahandog na harina, na hinaluan ng langis, para sa bawa't toro; at dalawang ikasangpung bahagi ng mainam na harina na pinakahandog na harina, na hinaluan ng langis para sa isang tupang lalake;
28:13 At isang ikasangpung bahagi ng mainam na harina, na hinaluan ng langis na pinakahandog na harina para sa bawa't kordero; pinakahandog na susunugin na pinakamasarap na amoy, handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
28:14 At ang magiging handog na inumin ng mga yaon ay kalahati ng isang hin ng alak sa toro, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ay sa tupang lalake, at ang ikaapat na bahagi ng isang hin ay sa kordero: ito ang handog na susunugin sa bawa't buwan sa lahat ng buwan ng taon.
28:15 At isang kambing na lalake na pinakahandog sa Panginoon dahil sa kasalanan; ihahandog ito bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa inuming handog niyaon.
28:16 At sa unang buwan, sa ikalabing apat na araw ng buwan, ay paskua ng Panginoon.
28:17 At sa ikalabing limang araw ng buwang ito ay magkakaroon ng isang pista; pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura.
28:18 Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod:
28:19 Kundi maghahandog kayo sa Panginoon ng isang handog na pinaraan sa apoy, na pinakahandog na susunugin; dalawang guyang toro, at isang lalaking tupa, at pitong korderong lalake ng unang taon; na mga walang kapintasan:
28:20 At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis: tatlong ikasangpung bahagi ang inyong ihahandog para sa isang toro, at dalawang ikasangpung bahagi para sa tupang lalake;
28:21 At isang ikasangpung bahagi ang iyong ihahandog para sa bawa't kordero sa pitong kordero;
28:22 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan, upang itubos sa inyo.
28:23 Inyong ihahandog ang mga ito bukod pa sa handog na susunugin sa umaga, na pinakapalaging handog na susunugin,
28:24 Ganitong paraan ihahandog ninyo araw-araw, sa loob ng pitong araw, ang pagkain na handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon: ihahandog ito bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa inuming handog niyaon.
28:25 At sa ikapitong araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod.
28:26 Gayon din sa araw ng mga unang bunga, na paghahandog ninyo ng isang bagong handog na harina sa Panginoon sa inyong pista ng mga sanglinggo, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod:
28:27 Kundi kayo'y maghahandog ng isang handog na susunugin na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; dalawang guyang toro, isang tupang lalake, at pitong korderong lalake ng unang taon;
28:28 At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi para sa bawa't toro, dalawang ikasangpung bahagi sa isang tupang lalake,
28:29 Isang ikasangpung bahagi sa bawa't kordero sa pitong kordero;
28:30 Isang kambing na lalake upang itubos sa inyo.
28:31 Bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, ay inyong ihahandog ang mga yaon (yaong mga walang kapintasan sa inyo), at ang mga inuming handog ng mga yaon.
29:1 At sa ikapitong buwan, sa unang araw ng buwan, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod; isang araw ngang sa inyo'y paghihip ng mga pakakak.
29:2 At kayo'y maghahandog ng isang handog na susunugin na pinakamasarap na amoy sa Panginoon, ng isang guyang toro, isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan;
29:3 At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina, na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi sa toro, dalawang ikasangpung bahagi sa lalaking tupa,
29:4 At isang ikasangpung bahagi sa bawa't kordero sa pitong kordero:
29:5 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan upang itubos sa inyo:
29:6 Bukod pa sa handog na susunugin sa bagong buwan, at sa handog na harina niyaon, at sa palaging handog na susunugin at sa handog na harina niyaon, at sa mga inuming handog niyaon, ayon sa kanilang palatuntunan, na pinakamasarap na amoy, na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
29:7 At sa ikasangpung araw nitong ikapitong buwan, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; at inyong pagdadalamhatiin ang inyong mga kaluluwa; huwag kayong gagawa ng anomang gawa:
29:8 Kundi kayo'y maghahandog sa Panginoon ng isang handog na susunugin na pinakamasarap na amoy; isang guyang toro, isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon: na mga walang kapintasan sa inyo:
29:9 At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi sa toro, dalawang ikasangpung bahagi sa isang tupang lalake,
29:10 Isang ikasangpung bahagi sa bawa't kordero sa pitong kordero:
29:11 Isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan, bukod pa sa handog dahil sa kasalanan na pangtubos at sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa mga inuming handog ng mga yaon.
29:12 At sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagpipisan; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod, at mangingilin kayong pitong araw sa Panginoon:
29:13 At maghahandog kayo ng isang handog na susunugin, na pinakahandog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon: labing tatlong guyang toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon: na mga walang kapintasan:
29:14 At ang handog na harina ng mga yaon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasangpung bahagi sa bawa't toro sa labing tatlong toro, dalawang ikasangpung bahagi sa bawa't tupang lalake sa dalawang tupang lalake,
29:15 At isang ikasangpung bahagi sa bawa't kordero sa labing apat na kordero
29:16 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon at sa inuming handog niyaon.
29:17 At sa ikalawang araw ay maghahandog kayo ng labing dalawang guyang toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan:
29:18 At ang handog na harina ng mga yaon, at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero ayon sa bilang ng mga yaon, alinsunod sa palatuntunan:
29:19 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa mga inuming handog ng mga yaon.
29:20 At sa ikatlong araw ay labing isang toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan;
29:21 At ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan.
29:22 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.
29:23 At sa ikaapat na araw ay sangpung toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan:
29:24 Ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan:
29:25 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.
29:26 At sa ikalimang araw ay siyam na toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan:
29:27 At ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan:
29:28 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, at sa handog na inumin niyaon.
29:29 At sa ikaanim na araw, ay walong toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan:
29:30 At ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan:
29:31 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan: bukod pa sa palaging handog na susunugin, sa handog na harina niyaon, at sa mga inuming handog niyaon,
29:32 At sa ikapitong araw ay pitong toro, dalawang tupang lalake, labing apat na korderong lalake ng unang taon na walang kapintasan:
29:33 At ang handog na harina ng mga yaon, at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga tupang lalake, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa palatuntunan:
29:34 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.
29:35 Sa ikawalong araw, ay magkakaroon kayo ng isang takdang pagpupulong; huwag kayong gagawa ng anomang gawang paglilingkod;
29:36 Kundi kayo'y maghahandog ng isang handog na susunugin, na isang handog na pinaraan sa apoy na pinakamasarap na amoy sa Panginoon: isang toro, isang tupang lalake, pitong korderong lalake ng unang taon, na walang kapintasan:
29:37 Ang handog na harina ng mga yaon at ang mga inuming handog para sa toro, sa lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang alinsunod sa palatuntunan:
29:38 At isang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan; bukod pa sa palaging handog na susunugin, at sa handog na harina niyaon, at sa inuming handog niyaon.
29:39 Ang mga ito ay inyong ihahandog sa Panginoon sa inyong mga takdang kapistahan, bukod pa sa inyong mga panata, at sa inyong mga kusang handog, na mga pinakahandog ninyong susunugin, at ang inyong mga pinakahandog na harina, at ang inyong mga pinakainuming handog, at ang inyong mga pinakahandog tungkol sa kapayapaan.
29:40 At isinaysay ni Moises sa mga anak ni Israel, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
30:1 At sinalita ni Moises sa mga pangulo ng mga lipi ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon.
30:2 Pagka ang isang lalake ay nagpanata ng isang panata sa Panginoon, o sumumpa ng isang sumpa, na itinali ang kaniyang kaluluwa sa isang gampanin, ay huwag niyang sisirain ang kaniyang salita, kaniyang gaganapin ayon sa lahat ng binuka ng kaniyang bibig.
30:3 Pagka ang isang babae naman ay nagpanata ng isang panata sa Panginoon, at itinali ang kaniyang sarili sa isang gampanin, sa bahay ng kaniyang ama, sa kaniyang kadalagahan;
30:4 At narinig ng kaniyang ama ang kaniyang panata, at ang kaniyang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa, at ang kaniyang ama ay hindi umimik sa kaniya: ay lahat nga niyang panata ay magkakabisa, at ang bawa't tali na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa.
30:5 Nguni't kung sawayin siya ng kaniyang ama sa araw na marinig; alin man sa kaniyang panata, o sa kaniyang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay hindi magkabisa: at patatawarin siya ng Panginoon, sapagka't sinaway siya ng kaniyang ama.
30:6 At kung siya'y may asawa at magpanata o magbitiw na walang dilidili sa kaniyang labi ng anomang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa;
30:7 At marinig ng kaniyang asawa, at hindi umimik sa kaniya sa araw na marinig yaon: ay magkakabisa nga ang kaniyang mga panata, at ang kaniyang mga gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa.
30:8 Nguni't kung sawayin siya ng kaniyang asawa sa araw na marinig yaon; ay mawawalan ng kabuluhan ang kaniyang panata na itinali niya sa kaniya at ang nabitawang pangako ng kaniyang mga labi na ipinanali niya sa kaniyang kaluluwa: at patatawarin siya ng Panginoon.
30:9 Nguni't ang panata ng isang babaing bao, o ng isang hiniwalayan ng asawa, ay magkakabisa sa bawa't bagay na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa.
30:10 At kung siya'y nagpanata sa bahay ng kaniyang asawa, o kaniyang tinalian ang kaniyang kaluluwa ng isang gampanin na kaakbay ng isang sumpa,
30:11 At narinig ng kaniyang asawa, at hindi umimik sa kaniya, at hindi sinaway siya; ay magkakabisa ang lahat niyang panata, at bawa't gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa.
30:12 Nguni't kung niwalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa sa araw na marinig, ay hindi magkakabisa ang anomang bagay na binitiwan ng kaniyang mga labi tungkol sa kaniyang mga panata o tungkol sa tali ng kaniyang kaluluwa: niwalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa; at patatawarin siya ng Panginoon.
30:13 Bawa't panata o bawa't gampaning inakbayan ng sumpa, na makapagpapadalamhati ng kaluluwa, ay mabibigyang bisa ng kaniyang asawa, o mapawawalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa.
30:14 Nguni't kung ang kaniyang asawa ay hindi umimik sa kaniya sa araw-araw; ay binigyan nga ng bisa ang lahat niyang panata, o ang lahat niyang gampaning taglay niya: kaniyang binigyan bisa, sapagka't hindi umimik nang araw na kaniyang marinig.
30:15 Nguni't kung kaniyang pawawalan ng kabuluhan pagkatapos na kaniyang marinig, ay tataglayin nga niya ang kasamaan ng kaniyang asawa.
30:16 Ito ang mga palatuntunan na iniutos ng Panginoon kay Moises, sa magasawa at sa magama samantalang ang anak na dalaga ay nasa bahay ng kaniyang ama.
31:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
31:2 Ipanghiganti mo ang mga anak ni Israel sa mga Madianita; pagkatapos nito'y malalakip ka sa iyong bayan.
31:3 At sinalita ni Moises sa bayan, na sinasabi, Magsipagsakbat kayong mga lalake na humanda sa pakikibaka, upang magsiyaon sila laban sa Madian, upang isagawa ang panghihiganti ng Panginoon sa Madian.
31:4 Sa bawa't lipi ay isang libo, sa lahat ng mga lipi ng Israel, ang susuguin ninyo sa pakikibaka.
31:5 Sa gayo'y sinugo sa libolibong Israelita, ang isang libo sa bawa't lipi, na labing dalawang libo ngang nasasakbatan sa pakikibaka.
31:6 At sinugo sila ni Moises, sa pakikibaka, isang libo sa bawa't lipi, sila at si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote, sa pakikibaka, na may mga kasangkapan ng santuario, at may mga pakakak na panghudyat sa kaniyang kamay.
31:7 At binaka nila ang Madian, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises; at kanilang pinatay ang bawa't lalake.
31:8 At pinatay nila ang mga hari sa Madian na kasama ng mga napatay: si Evi at si Recem, at si Zur, at si Hur, at si Reba, limang hari sa Madian: si Balaam man na anak ni Beor ay kanilang pinatay ng tabak.
31:9 At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Madian at ang kanilang mga bata; at ang lahat nilang mga hayop at ang lahat nilang mga kawan, at ang lahat nilang pag-aari ay kanilang sinamsam.
31:10 At ang lahat nilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinatahanan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy.
31:11 At kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging sa tao at maging sa hayop.
31:12 At kanilang dinala ang mga bihag, ang nasamsam at ang nahuli, kay Moises, at kay Eleazar na saserdote, at sa kapisanan ng mga anak ni Israel, na nasa kampamento sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico.
31:13 At si Moises at si Eleazar na saserdote, at ang lahat ng mga prinsipe sa kapisanan, ay nagsilabas na sinalubong sila sa labas ng kampamento.
31:14 At si Moises ay nag-init sa mga pinuno ng hukbo, sa mga kapitan ng libolibo at sa mga kapitan ng daandaan, na nagsipanggaling sa pakikipagbaka.
31:15 At sinabi ni Moises sa kanila, Iniligtas ba ninyo na buhay ang lahat ng mga babae?
31:16 Narito, sila'y naging sanhi, sa payo ni Balaam, upang ang mga anak ni Israel ay sumalangsang laban sa Panginoon sa bagay ng Peor, at kaya't nagkasalot sa kapisanan ng Panginoon.
31:17 Ngayon nga ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalake at patayin ninyo ang bawa't babae na nasipingan ng lalake.
31:18 Nguni't ang lahat ng batang babae na hindi pa nasisipingan ng lalake ay buhayin ninyo upang mapasa inyo.
31:19 At matira kayo sa labas ng kampamento na pitong araw: sinoman sa inyo na nakamatay ng sinomang tao, at sinoman sa inyo na nakahipo ng anomang pinatay, ay maglilinis kayo sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, kayo at ang inyong mga bihag.
31:20 At tungkol sa bawa't kasuutan, at sa lahat ng yari sa balat, at sa lahat ng yari sa balahibo ng kambing, at sa lahat ng bagay na yari sa kahoy, ay pakalinisin ninyo.
31:21 At sinabi ni Eleazar na saserdote sa mga lalake ng hukbo na nagsiparoon sa pakikipagbaka, Ito ang palatuntunan ng kautusan na iniutos ng Panginoon kay Moises:
31:22 Gayon ma'y ang ginto at ang pilak, ang tanso, ang bakal, ang lata, at ang tingga,
31:23 Bawa't bagay na hindi naaano sa apoy, ay inyong pararaanin sa apoy, at magiging malinis; gayon ma'y inyong lilinisin ng tubig para sa karumihan: at ang lahat na hindi nakatatagal sa apoy, ay inyong pararaanin sa tubig.
31:24 At inyong lalabhan ang inyong mga damit sa ikapitong araw, at kayo'y magiging malinis, at pagkatapos nito'y makapapasok kayo sa kampamento.
31:25 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
31:26 Bilangin mo ang samsam na nakuha sa tao at gayon din sa hayop, ninyo at ni Eleazar na saserdote, at ng mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng kapisanan:
31:27 At hatiin mo ang samsam ng dalawa; sa mga lalaking mangbabaka na nagsilabas sa pakikipagbaka, at sa buong kapisanan:
31:28 Bigyan mo ng buwis ang Panginoon sa mga lalaking mangdidigma na nagsilabas sa pakikipagbaka: isang tao sa bawa't limang daan, sa mga tao at gayon din sa mga hayop, at sa mga asno at sa mga kawan:
31:29 Sa kalahating nauukol sa kanila, ay kukunin mo at ibibigay mo kay Eleazar na saserdote na pinakahandog na itinaas sa Panginoon.
31:30 At sa kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel, ay kunin mo ang isang nakuha sa bawa't limang pu, sa mga tao, sa mga bata, sa mga asno, at sa mga kawan, sa lahat ng hayop at ibigay mo sa mga Levita, na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon.
31:31 At ginawa ni Moises at ni Eleazar na saserdote, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
31:32 Ang nabihag nga bukod pa sa nasamsam ng mga taong nakipagbaka, ay anim na raan at pitong pu't limang libong tupa,
31:33 At pitong pu't dalawang libong baka,
31:34 Anim na pu't isang libong asno,
31:35 At tatlong pu't dalawang libong tao sa lahat, sa mga babae na hindi pa nasisipingan ng lalake.
31:36 At ang kalahati, na siyang bahagi niyaong mga nagsilabas sa pakikipagbaka ay umaabot sa bilang na tatlong daan at tatlong pu't pitong libo at limang daang tupa:
31:37 At ang buwis na tupa sa Panginoon, ay anim na raan at pitong pu't lima.
31:38 At ang mga baka ay tatlong pu't anim na libo; na ang buwis sa Panginoon ay pitong pu't dalawa.
31:39 At ang mga asno ay tatlong pung libo at limang daan; na ang buwis sa Panginoon ay anim na pu't isa.
31:40 At ang mga asno ay labing anim na libo; na ang buwis sa Panginoon ay tatlong pu't dalawang tao.
31:41 At ibinigay ni Moises ang buwis, na ukol sa handog na itinaas sa Panginoon, kay Eleazar na saserdote, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
31:42 At ang kalahati ay sa mga anak ni Israel, na inihiwalay ni Moises sa mga taong nakipagbaka
31:43 (Siya ngang kalahati na nauukol sa kapisanan ay tatlong daan at tatlong pu't pitong libo at limang daang tupa,
31:44 At tatlong pu't anim na libong baka,
31:45 At tatlong pung libo't limang daang asno,
31:46 At labing anim na libong tao),
31:47 At sa kalahati nga na nauukol sa mga anak ni Israel, ay kinuha ni Moises ang isa sa bawa't limang pu, sa tao at gayon din sa hayop, at ibinigay sa mga Levita, na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
31:48 At ang mga pinuno na namamahala sa libolibo ng hukbo, ang mga kapitan ng libolibo, at ang mga kapitan ng daandaan ay nangagsilapit kay Moises:
31:49 At sinabi nila kay Moises, Binilang ng iyong mga lingkod ang mga lalaking mangdidigma na nasa aming kapangyarihan, at walang kulang kahit isa man sa amin.
31:50 At aming dinala na pinakaalay sa Panginoon, ang nakuha ng bawa't lalake, na mga hiyas na ginto, mga tanikala sa bukongbukong, at mga pulsera, mga singsing na pinaka tanda, mga hikaw, at mga kuwintas sa leeg upang itubos sa aming mga kaluluwa sa harap ng Panginoon.
31:51 At kinuha ni Moises at ni Eleazar na saserdote ang ginto nila, lahat ng hiyas na dalisay.
31:52 At ang buong gintong handog na itinaas, na kanilang inihandog sa Panginoon, ng mga kapitan ng libolibo, at ng mga kapitan ng daandaan, ay labing anim na libo at pitong daan at limang pung siklo.
31:53 (Sapagka't ang mga lalake na nakipagbaka ay naguwi ng samsam, na bawa't isa ay may sariling dala.)
31:54 At kinuha ni Moises at ni Eleazar na saserdote ang ginto ng mga kapitan ng libolibo at ng daandaan, at isinilid sa tabernakulo ng kapisanan, pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon.
32:1 Ang mga anak nga ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay mayroong napakaraming hayop: at nang kanilang makita ang lupain ng Jazer, at ang lupain ng Galaad, na, narito, ang dako ay minagaling nilang dako sa hayop,
32:2 Ay lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, at kay Eleazar na saserdote, at sa mga prinsipe ng kapisanan na sinasabi,
32:3 Ang Ataroth, at ang Dibon, at ang Jazer, at ang Nimra, at ang Hesbon, at ang Eleale, at ang Saban, at ang Nebo, at ang Beon,
32:4 Na lupaing sinaktan ng Panginoon sa harap ng kapisanan ng Israel, ay lupaing mabuti sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop.
32:5 At sinabi nila, Kung kami ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, ay ibigay mong pinakaari ang lupaing ito sa iyong mga lingkod; at huwag mo kaming paraanin sa Jordan.
32:6 At sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Ruben, Paroroon ba ang inyong mga kapatid sa pakikipagbaka, at kayo'y mauupo rito?
32:7 At bakit pinapanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, na huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila?
32:8 Ganyan ang ginawa ng inyong mga magulang nang sila'y aking suguin, mula sa Cades-barnea upang tiktikan ang lupain.
32:9 Sapagka't nang sila'y makasampa sa libis ng Eskol at matiktikan ang lupain, ay kanilang pinapanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.
32:10 At ang galit ng Panginoon ay nagningas nang araw na yaon, at siya'y sumumpa na sinasabi,
32:11 Tunay na walang taong lumabas sa Egipto, mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ay makakakita ng lupain na aking isinumpa kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob; sapagka't sila'y hindi lubos na sumunod sa akin:
32:12 Liban si Caleb na anak ni Jephone na Cenezeo, at si Josue na anak ni Nun: sapagka't sila'y sumunod na lubos sa Panginoon.
32:13 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kaniyang pinagala sila sa ilang, na apat na pung taon hanggang sa ang buong lahing yaon na gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ay nalipol.
32:14 At, narito, kayo'y nagsipagtindig na kahalili ng inyong mga magulang, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang mabangis na galit ng Panginoon sa Israel.
32:15 Sapagka't kung kayo'y lumihis ng pagsunod sa kaniya ay kaniyang iiwang muli sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito.
32:16 At sila'y nagsilapit sa kaniya, at nagsabi, Gagawa kami rito ng mga kulungan sa aming mga hayop, at ng mga bayan sa aming mga bata:
32:17 Nguni't kami ay magsisipagalmas upang magpauna sa mga anak ni Israel hanggang sa aming maipasok sa kanilang dakong karoroonan: at ang aming mga bata ay magsisitahan sa mga bayang nakukutaan dahil sa mga nagsisitahan sa lupain.
32:18 Kami ay hindi magsisibalik sa aming mga bahay, hanggang sa ang mga anak ni Israel ay magari bawa't isa ng kaniyang sariling pag-aari.
32:19 Sapagka't hindi kami makikimana sa kanila sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa dako pa roon; sapagka't tinaglay na namin ang aming mana rito sa dakong silanganan ng Jordan.
32:20 At sinabi ni Moises sa kanila, Kung gagawin ninyo ang bagay na ito; kung kayo'y magsisipagalmas upang pumaroon sa harap ng Panginoon sa pakikipagbaka,
32:21 At bawa't may almas sa inyo ay daraan sa Jordan sa harap ng Panginoon, hanggang sa kaniyang mapalayas ang kaniyang mga kaaway sa harap niya.
32:22 At ang lupain ay mapasuko sa harap ng Panginoon: ay makababalik nga kayo pagkatapos, at hindi kayo magiging salarin sa Panginoon, at sa Israel; at ang lupaing ito ay magiging inyong pag-aari sa harap ng Panginoon.
32:23 Nguni't kung hindi ninyo gagawing ganito ay, narito, kayo'y nagkasala laban sa Panginoon: at talastasin ninyo na aabutin kayo ng inyong kasalanan.
32:24 Igawa ninyo ng mga siyudad ang inyong mga bata, at ng mga kulungan ang inyong mga tupa; at isagawa ninyo ang nabuka sa inyong bibig.
32:25 At sinalita ng mga anak ni Gad at ng mga anak ni Ruben kay Moises, na sinasabi, Isasagawa ng iyong mga lingkod ang gaya ng iniutos ng aking panginoon.
32:26 Ang aming mga bata, ang aming mga asawa, ang aming kawan at ang aming buong bakahan ay matitira riyan sa mga bayan ng Galaad:
32:27 Nguni't ang iyong mga lingkod ay magsisitawid, bawa't lalake na may almas sa pakikipagbaka, sa harap ng Panginoon upang makipagbaka, gaya ng sinabi ng aking panginoon.
32:28 Sa gayo'y ipinagbilin sila ni Moises kay Eleazar na saserdote, at kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel.
32:29 At sinabi sa kanila ni Moises, Kung ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay magsisitawid na kasama ninyo sa Jordan, ang lahat ng lalake na may almas sa pakikipagbaka, sa harap ng Panginoon, at kung ang lupain ay mapasuko sa harap ninyo: ay ibibigay nga ninyo sa kanila na pinakaari ang lupain ng Galaad.
32:30 Nguni't kung sila'y hindi tatawid na kasama ninyo na may almas, ay magkakaroon sila ng pag-aari na kasama ninyo sa lupain ng Canaan.
32:31 At ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay nagsisagot, na nangagsasabi, Kung paano ang sinabi ng Panginoon sa iyong mga lingkod ay gayon ang gagawin namin,
32:32 Kami ay tatawid na may almas sa harap ng Panginoon sa lupain ng Canaan, at ang magiging pag-aari naming mana ay sa dakong ito ng Jordan.
32:33 At ibinigay ni Moises sa kanila, sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Ruben, at sa kalahati ng lipi ni Manases na anak ni Jose, ang kaharian ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, at ang kaharian ni Og na hari sa Basan, ang lupain ayon sa mga bayan niyaon, sa loob ng mga hangganan niyaon, sa makatuwid baga'y ang mga bayan sa palibot ng lupain.
32:34 At itinayo ng mga anak ni Gad ang Dibon, at ang Ataroth, at ang Aroer,
32:35 At ang Ataroth-sophan, at ang Jazer, at ang Jogbaa,
32:36 At ang Beth-nimra at ang Bet-haran: na mga bayang nakukutaan, at kulungan din naman ng mga tupa.
32:37 At itinayo naman ng mga anak ni Ruben ang Hesbon, at ang Eleale, at ang Ciriathaim,
32:38 At ang Nebo, at ang Baal-meon, (na ang pangalan ng mga yaon ay binago,) at ang Sibma: at nilagyan ng ibang mga pangalan ang mga bayan na kanilang itinayo.
32:39 At ang mga anak ni Machir na anak ni Manases ay nagsiparoon sa Galaad, at kanilang sinakop, at pinalayas ang mga Amorrheo na nandoon.
32:40 At ibinigay ni Moises ang Galaad kay Machir na anak ni Manases; at kaniyang tinahanan.
32:41 At si Jair na anak ni Manases ay naparoon at sinakop ang mga bayan niyaon at tinawag na Havoth-jair.
32:42 At si Noba ay naparoon at sinakop ang Kenath, at ang mga nayon niyaon, at tinawag na Noba, ayon sa kaniyang sariling pangalan.
33:1 Ito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, nang sila'y magsilabas sa lupain ng Egipto, ayon sa kanilang mga hukbo sa ilalim ng kapangyarihan ni Moises at ni Aaron.
33:2 At isinulat ni Moises ang kanilang mga pagyao ayon sa kanilang mga paglalakbay alinsunod sa utos ng Panginoon: at ito ang kanilang mga paglalakbay ayon sa kanilang mga pagyao.
33:3 At sila'y nagsipaglakbay mula sa Rameses nang unang buwan, nang ikalabing limang araw ng unang buwan; nang kinabukasan pagkatapos ng paskua ay nagsialis ang mga anak ni Israel na may kamay na nakataas sa paningin ng lahat ng mga taga Egipto,
33:4 Samantalang inililibing ng mga taga Egipto ang lahat ng kanilang panganay, na nilipol ng Panginoon sa gitna nila: na pati ng kanilang mga dios ay hinatulan ng Panginoon.
33:5 At ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses at humantong sa Succoth.
33:6 At sila'y naglakbay mula sa Succoth at humantong sa Etham na nasa gilid ng ilang.
33:7 At sila'y naglakbay mula sa Etham, at lumiko sa Pi-hahiroth, na nasa tapat ng Baal-sephon: at humantong sa tapat ng Migdol.
33:8 At sila'y naglakbay mula sa tapat ng Hahiroth, at nagsipagdaan sa gitna ng dagat hanggang sa ilang: at sila'y naglakbay na tatlong araw sa ilang ng Etham at humantong sa Mara.
33:9 At sila'y naglakbay mula sa Mara, at dumating sa Elim: at sa Elim ay may labing dalawang bukal ng tubig at pitong pung puno ng palma; at sila'y humantong doon.
33:10 At sila'y naglakbay mula sa Elim, at humantong sa tabi ng Dagat na Mapula.
33:11 At sila'y naglakbay mula sa Dagat na Mapula, at humantong sa ilang ng Zin.
33:12 At sila'y naglakbay mula sa ilang ng Zin, at humantong sa Dophca.
33:13 At sila'y naglakbay mula sa Dophca, at humantong sa Alus.
33:14 At sila'y naglakbay mula sa Alus, at humantong sa Rephidim, na doon, nga walang tubig na mainom ang bayan.
33:15 At sila'y naglakbay mula sa Rephidim, at humantong sa ilang ng Sinai.
33:16 At sila'y naglakbay mula sa ilang ng Sinai, at humantong sa Kibroth-hataava.
33:17 At sila'y naglakbay mula sa Kibroth-hataava, at humantong sa Haseroth.
33:18 At sila'y naglakbay mula sa Haseroth, at humantong sa Ritma.
33:19 At sila'y naglakbay mula sa Ritma, at humantong sa Rimmon-peres.
33:20 At sila'y naglakbay mula sa Rimmon-peres, at humantong sa Libna.
33:21 At sila'y naglakbay mula sa Libna, at humantong sa Rissa.
33:22 At sila'y naglakbay mula sa Rissa, at humantong sa Ceelatha.
33:23 At sila'y naglakbay mula sa Ceelatha at humantong sa bundok ng Sepher.
33:24 At sila'y naglakbay mula sa bundok ng Sepher, at humantong sa Harada.
33:25 At sila'y naglakbay mula sa Harada, at humantong sa Maceloth.
33:26 At sila'y naglakbay mula sa Maceloth, at humantong sa Tahath.
33:27 At sila'y naglakbay mula sa Tahath at humantong sa Tara.
33:28 At sila'y naglakbay mula sa Tara, at humantong sa Mithca.
33:29 At sila'y naglakbay mula sa Mithca, at humantong sa Hasmona.
33:30 At sila'y naglakbay mula sa Hasmona, at humantong sa Moseroth.
33:31 At sila'y naglakbay mula sa Moseroth, at humantong sa Bene-jaacan.
33:32 At sila'y naglakbay mula sa Bene-jaacan, at humantong sa Horhagidgad.
33:33 At sila'y naglakbay mula sa Horhagidgad at humantong sa Jotbatha.
33:34 At sila'y naglakbay mula sa Jotbatha, at humantong sa Abrona.
33:35 At sila'y naglakbay mula sa Abrona, at humantong sa Esion-geber.
33:36 At sila'y naglakbay mula sa Esion-geber, at humantong sa ilang ng Zin (na siya ring Cades).
33:37 At sila'y naglakbay mula sa Cades, at humantong sa bundok ng Hor, sa gilid ng lupain ng Edom.
33:38 At si Aaron na saserdote ay sumampa sa bundok ng Hor sa utos ng Panginoon, at namatay roon, sa ikaapat na pung taon, pagkaalis ng mga anak ni Israel sa lupain ng Egipto, sa ikalimang buwan, nang unang araw ng buwan.
33:39 At si Aaron ay may isang daan at dalawang pu't tatlong taon nang siya'y mamatay sa bundok ng Hor.
33:40 At ang Cananeo na hari sa Arad, na tumatahan sa Timugan, sa lupain ng Canaan, ay nakarinig ng pagdating ng mga anak ni Israel.
33:41 At sila'y naglakbay mula sa bundok ng Hor, at humantong sa Salmona.
33:42 At sila'y naglakbay mula sa Salmona, at humantong sa Phunon.
33:43 At sila'y naglakbay mula sa Phunon, at humantong sa Oboth.
33:44 At sila'y naglakbay mula sa Oboth, at humantong sa Igeabarim, sa hangganan ng Moab.
33:45 At sila'y naglakbay mula sa Igeabarim, at humantong sa Dibon-gad.
33:46 At sila'y naglakbay mula sa Dibon-gad, at humantong sa Almon-diblathaim.
33:47 At sila'y naglakbay mula sa Almon-diblathaim, at humantong sa mga bundok ng Abarim, sa harap ng Nebo.
33:48 At sila'y naglakbay mula sa mga bundok ng Abarim, at humantong sa mga kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico.
33:49 At sila'y humantong sa tabi ng Jordan, mula sa Beth-jesimoth hanggang sa Abel-sitim, sa mga kapatagan ng Moab.
33:50 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico, na sinasabi,
33:51 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagtawid ninyo sa Jordan sa lupain ng Canaan,
33:52 Ay inyo ngang palalayasin ang lahat ng nananahan sa lupain sa harap ninyo, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga batong tinapyasan, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga larawang binubo, at inyong gigibain ang lahat ng kanilang mga mataas na dako:
33:53 At inyong ariin ang lupain, at tatahan kayo roon: sapagka't sa inyo ibinigay ko ang lupain upang ariin.
33:54 At inyong aariin ang lupain sa sapalaran ayon sa inyong mga angkan; sa marami ay magbibigay kayo ng maraming mana, at sa kaunti ay magbibigay kayo ng kaunting mana: kung kanino mahulog ang palad sa bawa't isa, ay yaon ang magiging kaniya; ayon sa mga lipi ng inyong mga magulang ay inyong mamanahin.
33:55 Nguni't kung hindi ninyo palalayasin ang mga nananahanan sa lupain sa harap ninyo; ay magiging parang mga tibo nga sa inyong mga mata, at parang mga tinik sa inyong mga tagiliran ang mga ititira ninyo sa kanila, at kanilang babagabagin kayo sa lupain na inyong tinatahanan.
33:56 At mangyayari, na kung ano ang iniisip kong gawin sa kanila, ay gayon ang gagawin ko sa inyo.
34:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
34:2 Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain ng Canaan, (na ito ang lupaing mahuhulog sa inyo na pinakamana, ang lupain ng Canaan ayon sa mga hangganan niyaon),
34:3 At inyong hahantungan ang dakong timugan mula sa ilang ng Zin hanggang sa gilid ng Edom, at ang inyong hangganang timugan ay magiging mula sa dulo ng Dagat na Alat sa dakong silanganan:
34:4 At ang inyong hangganan ay paliko sa dakong timugan sa sampahan ng Acrabbim, at patuloy hanggang sa Zin: at ang mga labasan niyaon ay magiging sa dakong timugan ng Cades-barnea; at mula rito ay pasampa sa Hasar-addar, at patuloy sa Asmon:
34:5 At ang hangganan ay paliko mula sa Asmon hanggang sa batis ng Egipto, at ang magiging mga labasan niyaon ay sa dagat.
34:6 At ang magiging inyong hangganang kalunuran ay ang malaking dagat at ang baybayin niyaon: ito ang magiging inyong hangganang kalunuran.
34:7 At ito ang magiging inyong hangganang hilagaan mula sa malaking dagat ay inyong gagawing palatandaan ang bundok ng Hor:
34:8 Mula sa bundok ng Hor ay inyong gagawing palatandaan ang pasukan ng Hamath; at ang magiging mga labasan ng hangganan ay sa Sedad;
34:9 At ang magiging hangganan ay palabas sa Ziphron, at ang magiging mga labasan niyaon, ay ang Hasar-enan: ito ang magiging inyong hangganang hilagaan.
34:10 At inyong gagawing palatandaan ang inyong hangganang silanganan mula sa Hasar-enan hanggang Sepham:
34:11 At ang hangganan ay pababa mula sa Sepham hanggang sa Ribla, sa dakong silanganan ng Ain; at ang hangganan ay pababa at abot hanggang sa gilid ng dagat ng Cinnereth sa dakong silanganan:
34:12 At ang hangganan ay pababa sa Jordan, at ang magiging mga labasan niyaon ay abot sa Dagat na Alat: ito ang magiging inyong lupain, ayon sa mga hangganan niyaon sa palibot.
34:13 At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Ito ang lupain na inyong mamanahin sa pamamagitan ng sapalaran, na iniutos ng Panginoon na ibigay sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi;
34:14 Sapagka't ang lipi ng mga anak ni Ruben ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, at ang lipi ng mga anak ni Gad ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, ay nagsitanggap na, at gayon din naman ang kalahating lipi ni Manases ay nagsitanggap na ng kanilang mana:
34:15 Ang dalawang lipi na ito, at ang kalahating lipi ay nagsitanggap na ng kanilang mana sa dako roon ng Jordan sa dakong silanganan ng Jerico, sa dakong sinisikatan ng araw.
34:16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
34:17 Ito ang mga pangalan ng mga lalake na magbabahagi ng lupain sa inyo na pinakamana: si Eleazar na saserdote, at si Josue na anak ni Nun.
34:18 At maglalagay kayo ng isang prinsipe sa bawa't lipi, upang magbahagi ng lupain na pinakamana.
34:19 At ito ang mga pangalan ng mga lalake: sa lipi ni Juda, ay si Caleb na anak ni Jephone.
34:20 At sa lipi ng mga anak ni Simeon, ay si Samuel na anak ni Ammiud.
34:21 Sa lipi ni Benjamin, ay si Elidad na anak ni Chislon.
34:22 At sa lipi ng mga anak ni Dan, ay ang prinsipe Bucci na anak ni Jogli.
34:23 Sa mga anak ni Jose: sa lipi ng mga anak ni Manases, ay ang prinsipe Haniel na anak ni Ephod:
34:24 At sa lipi ng mga anak ni Ephraim, ay ang prinsipe Chemuel na anak ni Siphtan.
34:25 At sa lipi ng mga anak ni Zabulon, ay ang prinsipe Elisaphan na anak ni Pharnach.
34:26 At sa lipi ng mga anak ni Issachar, ay ang prinsipe Paltiel na anak ni Azan.
34:27 At sa lipi ng mga anak ni Aser, ay ang prinsipe Ahiud na anak ni Selomi.
34:28 At sa lipi ng mga anak ni Nephtali, ay ang prinsipe Pedael na anak ni Ammiud.
34:29 Ito yaong mga inutusan ng Panginoon na bumahagi ng mana sa mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan.
35:1 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,
35:2 Iutos mo sa mga anak ni Israel, na kanilang bigyan ang mga Levita sa mana na kanilang pag-aari, ng mga bayan na matahanan; at ang mga pastulan sa palibot ng mga bayang yaon ay ibibigay ninyo sa mga Levita,
35:3 At mapapasa kanila ang mga bayan upang tahanan; at ang kanilang mga pastulan ay sa kanilang mga kawan, at sa kanilang mga pag-aari, at sa lahat nilang mga hayop.
35:4 At ang mga pastulan sa mga bayan, na inyong ibibigay sa mga Levita, ay isang libong siko sa palibot mula sa kuta ng bayan hanggang sa dakong labas.
35:5 At ang inyong susukatin sa labas ng bayan sa dakong silanganan ay dalawang libong siko, at sa dakong timugan ay dalawang libong siko, at sa dakong kalunuran ay dalawang libong siko, at sa dakong hilagaan ay dalawang libong siko, na ang bayan ay sa gitna. Ito ang magiging sa kanila'y mga pastulan sa mga bayan.
35:6 At ang mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay ang anim na bayan na ampunan, na siya ninyong ibibigay na matatakasan ng nakamatay ng tao: at bukod sa rito ay magbibigay kayo ng apat na pu't dalawang bayan.
35:7 Lahat ng mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay apat na pu't walong bayan: inyong ibibigay sangpu ng kanilang mga pastulan.
35:8 At tungkol sa mga bayan na pag-aari ng mga anak ni Israel na inyong ibibigay ay kukuha kayo ng marami sa marami; at sa kaunti ay kukuha kayo ng kaunti: bawa't isa ayon sa kaniyang mana na kaniyang minamana ay magbibigay sa kaniyang mga bayan sa mga Levita.
35:9 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
35:10 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagkaraan ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,
35:11 Ay pipili nga kayo ng mga bayan na maging mga bayang ampunan sa inyo, upang ang nakamatay ng tao na pumatay ng sinomang tao na hindi sinasadya, ay makatakas doon.
35:12 At ang mga bayang yaong ay magiging sa inyo'y pinaka ampunan laban sa manghihiganti; upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa maitayo sa kapisanan na hatulan.
35:13 At ang mga bayan na inyong ibibigay ay anim na bayang ampunan sa inyo.
35:14 Magbibigay kayo ng tatlong bayan sa dako roon ng Jordan, at tatlong bayan ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan; siyang magiging mga bayang ampunan.
35:15 Sa mga anak ni Israel, at sa taga ibang lupa, at sa makikipamayan sa kanila ay magiging ampunan ang anim na bayang ito: upang ang bawa't nakamatay ng sinomang tao, na hindi sinasadya, ay makatakas doon.
35:16 Nguni't kung kaniyang saktan ang kaniyang kapuwa ng isang kasangkapang bakal, na ano pa't namatay, siya nga'y mamamatay tao; ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
35:17 At kung kaniyang saktan ng isang batong tangan niya sa kamay na ikamamatay ng isang tao, at namatay nga, mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
35:18 O kung kaniyang saktan ng isang almas na kahoy na tangan niya sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, ay mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
35:19 Ang manghihiganti sa dugo ay siyang papatay sa pumatay: pagka nasumpungan niya ay kaniyang papatayin.
35:20 At kung kaniyang itinulak sa kapootan, o kaniyang hinagis na binanta, ano pa't siya'y namatay;
35:21 O sa pakikipagkaalit ay sinaktan niya ng kaniyang kamay, na ano pa't siya'y namatay: siya na sumakit ay walang pagsalang papatayin; siya'y mamamatay tao: ang manghihiganti sa dugo ay siyang papatay sa pumatay, pagka nasumpungan niya.
35:22 Nguni't kung sa kabiglaanan ay kaniyang maitulak na walang pakikipagkaalit, o mahagisan niya ng anomang bagay na hindi binanta,
35:23 O ng anomang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kaniyang maihagis sa kaniya, na ano pa't namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinagaakalaan ng masama:
35:24 Kung gayo'y ang kapisanan ang siyang hahatol sa sumakit at sa manghihiganti sa dugo, ayon sa mga kahatulang ito:
35:25 At ililigtas ng kapisanan ang nakamatay sa kamay ng manghihiganti sa dugo, at siya'y pababalikin ng kapisanan sa kaniyang bayang ampunan, na kaniyang tinakasan: at siya'y tatahan doon hanggang sa pagkamatay ng pangulong saserdote, na pinahiran ng banal na langis.
35:26 Nguni't kung ang nakamatay ay lumabas sa anomang dahilan, sa hangganan ng kaniyang bayang ampunan, na kaniyang tinakasan;
35:27 At masumpungan siya ng manghihiganti sa dugo sa labas ng hangganan ng kaniyang bayang ampunan, at patayin ng manghihiganti sa dugo ang nakamatay, ay hindi siya magiging salarin sa dugo,
35:28 Sapagka't siya'y nararapat na tumira sa kaniyang bayang ampunan, hanggang sa pagkamatay ng dakilang saserdote: nguni't pagkamatay ng dakilang saserdote ang nakamatay ay makababalik sa lupain ng kaniyang pag-aari.
35:29 At ang mga bagay na ito ay magiging isang palatuntunan sa kahatulan sa inyo, sa buong panahon ng inyong mga lahi sa lahat ng inyong mga tahanan.
35:30 Sinomang pumatay sa kaninoman, ay papatayin ang pumatay sa patotoo ng mga saksi: nguni't ang isang saksi ay hindi makapagpapatotoo laban sa kaninomang tao upang patayin.
35:31 Bukod sa rito, huwag kayong tatanggap ng suhol sa buhay ng pumatay na nagiging salarin sa pagpapatay: kundi siya'y walang pagsalang papatayin.
35:32 At huwag kayong tatanggap ng suhol sa kaninomang tumakas sa kaniyang bayang ampunan, upang bumalik na manahan sa kaniyang lupain, hanggang sa pagkamatay ng dakilang saserdote.
35:33 Kaya't huwag ninyong dudumhan ang lupain na inyong kinaroroonan; sapagka't ang dugo ay nagpaparumi ng lupain: at walang paglilinis na magagawa sa lupa dahil sa dugo na nabubo doon, kundi sa pamamagitan ng dugo niyaong nagbubo.
35:34 At huwag ninyong dudumhan ang lupain na inyong tinatahanan, na ako'y tumahan sa gitna niyan: sapagka't akong Panginoon ay tumatahan sa gitna ng mga anak ni Israel.
36:1 At ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Galaad, na anak ni Machir, na anak ni Manases, sa mga angkan ng mga anak ni Jose, ay nagsilapit, at nagsalita sa harap ni Moises at sa harap ng mga prinsipe, na mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel:
36:2 At sinabi nila, Ang Panginoon ay nagutos sa aking panginoon na ibigay sa sapalaran ang lupain na pinakamana sa mga anak ni Israel: at inutusan din naman ng Panginoon ang aking panginoon na ibigay ang mana ni Salphaad na aming kapatid sa kaniyang mga anak na babae.
36:3 At kung sila'y magasawa sa kaninoman sa mga anak ng ibang mga lipi ng mga anak ni Israel ay aalisin nga ang mana nila na mula sa mana ng aming mga magulang, at sa idaragdag sa mana ng lipi na kinauukulan nila: sa gayo'y aalisin sa manang naukol sa amin.
36:4 At pagjujubileo ng mga anak ni Israel, ay idaragdag nga ang kanilang mana sa mana ng lipi na kanilang kinaukulan: sa gayo'y ang kanilang mana ay aalisin sa mana ng lipi ng aming mga magulang.
36:5 At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel ayon sa salita ng Panginoon na sinasabi, Ang lipi ng mga anak ni Jose ay nagsasalita ng matuwid.
36:6 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Salphaad, na sinasabi, Magasawa sila sa kaninomang kanilang magalingin; nguni't sa angkan ng lipi lamang ng kanilang ama magasawa sila.
36:7 Sa gayon ay hindi magkakalipatlipat ang mana ng mga anak ni Israel sa iba't ibang lipi: sapagka't ang mga anak ni Israel ay masasanib bawa't isa sa mana ng lipi ng kaniyang mga magulang.
36:8 At bawa't anak na babae na nagaari sa anomang lipi ng mga anak ni Israel ay magasawa sa isa ng angkan ng lipi ng kaniyang ama, upang ang mga anak ni Israel ay magmana bawa't isa ng mana ng kaniyang mga magulang.
36:9 Sa gayon ay hindi magkakalipatlipat ang mana sa ibang lipi; sapagka't ang mga lipi ng mga anak ni Israel ay masasanib bawa't isa sa kaniyang sariling mana.
36:10 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayong ginawa ng mga anak na babae ni Salphaad:
36:11 Sapagka't si Maala, si Tirsa, si Holga, at si Milca, at si Noa, na mga anak na babae ni Salphaad ay nagsipagasawa sa mga anak ng mga kapatid ng kanilang ama.
36:12 Sila'y nag-asawa sa mga angkan ng mga anak ni Manases na anak ni Jose; at ang kanilang mana ay naiwan sa lipi ng angkan ng ama nila.
36:13 Ito ang mga utos at ang mga kahatulan, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises sa mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.