Sacred Texts  Bible  World Bible  Index  Previous  Next 

Tagalog Bible: Isaiah

1:1 Ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz, na nakita tungkol sa Juda at Jerusalem, sa mga kaarawan ni Uzias, ni Jotham, ni Ahaz, at ni Ezechias, na mga hari sa Juda.

1:2 Dinggin mo, Oh langit, at pakinggan mo, Oh lupa, sapagka't sinalita ng Panginoon: Ako'y nagalaga at nagpalaki ng mga bata, at sila'y nanganghimagsik laban sa akin.

1:3 Nakikilala ng baka ang kaniyang panginoon, at ng asno ang pasabsaban ng kaniyang panginoon: nguni't ang Israel ay hindi nakakakilala, ang bayan ko ay hindi gumugunita.

1:4 Ah bansang salarin, bayang napapasanan ng kasamaan, lahi ng mga manggagawa ng kasamaan, mga anak na nagsisigawa ng kalikuan: pinabayaan nila ang Panginoon, hinamak nila ang Banal ng Israel, sila'y nangapalayo na nagsiurong.

1:5 Bakit kayo'y hahampasin pa, na kayo'y manganghimagsik ng higit at higit? ang buong ulo ay masakit, at ang buong puso ay nanglulupaypay.

1:6 Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo ay walang kagalingan; kundi mga sugat, at mga pasa, at nangagnananang sugat: hindi nangatikom, o nangatalian man, o nangapahiran man ng langis.

1:7 Ang inyong lupain ay giba; ang inyong mga bayan ay sunog ng apoy; ang inyong lupain ay nilalamon ng mga taga ibang lupa sa inyong harapan, at giba, na gaya ng iniwasak ng mga taga ibang lupa.

1:8 At ang anak na babae ng Sion ay naiwang parang balag sa isang ubasan, parang pahingahan sa halamanan ng mga pepino, parang bayang nakukubkob.

1:9 Kung hindi nagiwan sa atin ng napakakaunting labi ang Panginoon ng mga hukbo, naging gaya sana tayo ng Sodoma, naging gaya sana tayo ng Gomorra.

1:10 Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, ninyong mga pinuno ng Sodoma; mangakinig kayo sa kautusan ng ating Dios, kayong bayan ng Gomorra.

1:11 Sa anong kapararakan ang karamihan ng inyong mga hain sa akin? sabi ng Panginoon: ako'y puno ng mga handog na susunugin na mga lalaking tupa, at ng mataba sa mga hayop na pinataba; at ako'y hindi nalulugod sa dugo ng mga toro, o ng mga kordero o ng mga kambing na lalake.

1:12 Nang kayo'y magsidating na pakita sa harap ko, sinong humingi nito sa inyong kamay, upang inyong yapakan ang aking mga looban?

1:13 Huwag na kayong magdala ng mga walang kabuluhang alay; kamangyan ay karumaldumal sa akin; ang bagong buwan, at ang sabbath, ang tawag ng mga kapulungan, hindi ako makapagtitiis ng kasamaan at ng takdang pulong.

1:14 Ipinagdaramdam ng aking puso ang inyong mga bagong buwan at ang inyong mga takdang kapistahan: mga kabagabagan sa akin; ako'y pata ng pagdadala ng mga yaon.

1:15 At pagka inyong iginagawad ang inyong mga kamay, aking ikukubli ang aking mga mata sa inyo: oo, pagka kayo'y nagsisidalangin ng marami, hindi ko kayo didinggin: ang inyong mga kamay ay puno ng dugo.

1:16 Mangaghugas kayo, mangaglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng aking mga mata; mangaglikat kayo ng paggawa ng kasamaan:

1:17 Mangatuto kayong magsigawa ng mabuti; inyong hanapin ang kahatulan, inyong saklolohan ang napipighati, inyong hatulan ang ulila, ipagsanggalang ninyo ang babaing bao.

1:18 Magsiparito kayo ngayon, at tayo'y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon: bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng bagong paligong tupa,

1:19 Kung kayo'y magkusa at mangagmasunurin, kayo'y magsisikain ng buti ng lupain:

1:20 Nguni't kung kayo'y magsitanggi at manganghimagsik, kayo'y lilipulin ng tabak: sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon.

1:21 Ano't ang tapat na bayan ay naging tila patutot! noong una siya'y puspos ng kahatulan! katuwiran ay tumatahan sa kaniya, nguni't ngayo'y mga mamamatay tao.

1:22 Ang iyong pilak ay naging dumi, ang iyong alak ay nahaluan ng tubig.

1:23 Ang iyong mga pangulo ay mapanghimagsik, at mga kasama ng mga tulisan; bawa't isa'y umiibig ng mga suhol, at naghahangad ng mga kabayaran: hindi nila hinahatulan ang ulila, o pinararating man sa kanila ang usap ng babaing bao.

1:24 Kaya't sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, ng Makapangyarihan ng Israel, Ah kukuhang sulit ako sa aking mga kaalit, at manghihiganti ako sa aking mga kaaway.

1:25 At aking ibabalik ang aking kamay sa iyo, at aking lilinising lubos ang naging dumi mo, at aalisin ko ang iyong lahat na tingga:

1:26 At aking papananauliin ang iyong mga hukom na gaya ng una, at ang iyong mga kasangguni na gaya ng pasimula: pagkatapos ay tatawagin ka, Ang bayan ng katuwiran, ang tapat na bayan.

1:27 Ang Sion ay tutubusin ng kahatulan, at ng katuwiran ang kaniyang mga nahikayat.

1:28 Nguni't ang pagkalipol ng mga mananalangsang at ng mga makasalanan ay magkakapisan, at silang nagtatakuwil sa Panginoon ay mangalilipol.

1:29 Sapagka't kanilang ikahihiya ang mga encina na inyong ninasa, at kayo'y mangalilito dahil sa mga halamanan na inyong pinili.

1:30 Sapagka't kayo'y magiging parang encina na ang dahon ay nalalanta, at parang halamanan na walang tubig.

1:31 At ang malakas ay magiging parang taling estopa, at ang kaniyang gawa ay parang alipato; at kapuwa sila magliliyab, at walang papatay sa apoy.

2:1 Ang salita na naalaman ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem.

2:2 At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon.

2:3 At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka't mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem.

2:4 At siya'y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao: at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma.

2:5 Oh sangbahayan ni Jacob, halikayo, at tayo'y magsilakad sa liwanag ng Panginoon.

2:6 Sapagka't iyong binayaan ang iyong bayan na sangbahayan ni Jacob, sapagka't sila'y puspos ng mga kaugaliang mula sa silanganan, at mga enkantador gaya ng mga Filisteo, at sila'y nangakikipagkamay sa mga anak ng mga taga ibang lupa.

2:7 Ang kanilang lupain naman ay puno ng pilak at ginto, ni walang wakas ang kanilang mga kayamanan; ang kanila namang lupain ay puno ng mga kabayo, ni walang katapusang bilang ang kanilang mga karo.

2:8 Ang kanila namang lupain ay puno ng mga diosdiosan; kanilang sinasamba ang gawa ng kanilang sariling mga kamay, na ginawa ng kanilang sariling mga daliri.

2:9 At ang taong hamak ay yumuyuko, at ang mataas na tao ay nabababa: kaya't huwag mong patawarin sila.

2:10 Pumasok ka sa malaking bato, at magkubli ka sa alabok, sa kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan.

2:11 Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay mabababa, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mahuhutok, at ang Panginoon magisa ay mabubunyi sa kaarawang yaon.

2:12 Sapagka't magkakaroon ng isang kaarawan ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat na palalo at mapagmataas, at sa lahat na nagmamataas; at yao'y mabababa:

2:13 At sa lahat ng cedro ng Libano, na matayog at mataas, at sa lahat ng encina ng Basan;

2:14 At sa lahat ng matataas na bundok, at sa lahat ng mga burol na nangataas;

2:15 At sa bawa't matayog na moog, at sa bawa't kutang nababakod:

2:16 At sa lahat ng mga sasakyang dagat ng Tarsis, at sa lahat ng maligayang bagay.

2:17 At ang kahambugan ng tao ay huhutukin, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mabababa: at ang Panginoon magisa ay mabubunyi sa kaarawang yaon.

2:18 At ang mga diosdiosan ay mapapawing lubos.

2:19 At ang mga tao ay magsisipasok sa mga yungib ng malalaking bato, at sa mga puwang ng lupa, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya'y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa.

2:20 Sa kaarawang yaon ay ihahagis ng mga tao ang kanilang mga diosdiosang pilak, at ang kanilang mga diosdiosang ginto, na kanilang ginawa upang sambahin, sa yungib ng mga bilig at ng mga paniki;

2:21 Upang pumasok sa mga puwang ng malalaking bato, at sa mga bitak ng mga malaking bato, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya'y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa.

2:22 Layuan ninyo ang tao, na ang hinga ay nasa kaniyang mga butas ng ilong: sapagka't sa ano pahahalagahan siya?

3:1 Sapagka't, narito, ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, ay nagaalis sa Jerusalem at sa Juda ng alalay at tungkod, ng buong alalay na tinapay at ng buong alalay na tubig;

3:2 Ng makapangyarihang lalake, at ng lalaking mangdidigma; ng hukom, at ng propeta, at ng manghuhula, at ng matanda;

3:3 Ng kapitan ng lilimang puin, at ng marangal na tao, at ng tagapayo, at ng bihasang manggagawa, at ng matalinong mangeenkanto.

3:4 At mga bata ang ilalagay kong maging kanilang mga pangulo, at mga sanggol ang magpupuno sa kanila.

3:5 At ang bayan ay mapipighati, bawa't isa'y ng iba, at bawa't isa'y ng kaniyang kapuwa: ang bata ay magpapalalo laban sa matanda at ang hamak laban sa marangal.

3:6 Pagka ang lalake ay hahawak sa kaniyang kapatid sa bahay ng kaniyang ama, na magsasabi: Ikaw ay may damit, ikaw ay maging aming pinuno, at ang pagkabagsak ito ay mapasa ilalim ng iyong kamay:

3:7 Sa araw na yaon ay manglalakas siya ng kaniyang tinig, na magsasabi, Hindi ako magiging tagapagpagaling; sapagka't sa aking bahay ay wala kahit tinapay o damit man; huwag ninyo akong gawing pinuno ng bayan.

3:8 Sapagka't ang Jerusalem ay giba, at ang Juda ay bagsak: sapagka't ang kanilang dila at ang kanilang mga gawa ay laban sa Panginoon, upang mungkahiin ang mga mata niyang maluwalhati.

3:9 Ang kanilang pagtatangi ng mga tao ay sumasaksi laban sa kanila; at kanilang ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan na gaya ng Sodoma, hindi nila ikinukubli. Sa aba ng kanilang kaluluwa! sapagka't sila'y nagsiganti ng kasamaan sa kanilang sarili.

3:10 Sabihin ninyo sa matuwid, na ikabubuti niya: sapagka't sila'y magsisikain ng bunga ng kanilang mga gawa.

3:11 Sa aba ng masama! ikasasama niya: sapagka't ang kagantihan sa kaniyang mga kamay ay mabibigay sa kaniya.

3:12 Tungkol sa aking bayan, mga bata ang mga mamimighati sa kanila, at mga babae ang mangagpupuno sa kanila. Oh bayan ko, silang nagsisipatnubay sa iyo, mangagliligaw sa iyo, at sisira ng daan ng iyong mga landas.

3:13 Ang Panginoon ay tumayo upang magsanggalang, at tumayo upang humatol sa mga bayan.

3:14 Ang Panginoon ay hahatol sa mga matanda ng kaniyang bayan, at sa mga pangulo niyaon; Kayo ang nagkainan sa ubasan: ang samsam sa dukha ay nasa inyong mga bahay;

3:15 Anong ibig ninyong sabihin na inyong dinidikdik ang aking bayan, at inyong ginigiling ang mukha ng dukha? sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.

3:16 Bukod dito'y sinabi ng Panginoon, Sapagka't ang mga anak na babae ng Sion ay mga mapagmataas, at nagsisilakad na mga may kapalaluan at mga matang nakairap, na nagsisilakad at nagsisikendeng habang nagsisiyaon, at nagpapakalatis ng kanilang mga paa:

3:17 Kaya't papaglalangibin ng Panginoon ang bao ng ulo ng mga anak na babae ng Sion, at huhubdan ng Panginoon ang kanilang mga lihim na bahagi.

3:18 Sa araw na yaon ay aalisin ng Panginoon ang kagayakan ng kanilang mga hiyas ng paa, at ang mga hiyas ng ulo, at ang mga pahiyas na may anyong kalahating buwan;

3:19 Ang mga hikaw, at ang mga pulsera, at ang mga lambong na pangmukha;

3:20 Ang mga laso ng buhok, at ang mga kuwintas sa bukong-bukong, at ang mga pamigkis, at ang mga sisidlan ng pabango, at ang mga amuleto;

3:21 Ang mga singsing, at ang mga hiyas na pang-ilong;

3:22 Ang mga damit na pamista, at ang mga balabal, at ang mga panleeg, at ang mga supot;

3:23 Ang mga maliit na salamin, at ang mainam na kayong lino, at ang mga turbante, at ang mga lambong.

3:24 At mangyayari na sa halip na mga mainam na especia ay kabulukan; at sa halip na pamigkis ay panali; at sa halip na buhok na ayos ay kakalbuhan; at sa halip na pamigkis na mainam ay pamigkis na kayong magaspang; hero sa halip ng kagandahan.

3:25 Ang iyong mga lalake ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang iyong mga makapangyarihan ay sa pakikipagdigma.

3:26 At ang kaniyang mga pintuang-bayan ay tataghoy at magsisitangis; at siya'y magiging giba at guho sa lupa.

4:1 At pitong babae ay magsisihawak sa isang lalake sa araw na yaon, na mangagsasabi, Kami ay magsisikain ng aming sariling tinapay, at mangagsusuot ng aming sariling kasuutan: tawagin lamang kami sa iyong pangalan; alisin mo ang aming kadustaan.

4:2 Sa araw na yaon ay magiging maganda at maluwalhati ang sanga ng Panginoon, at ang bunga ng lupain ay magiging magaling at mainam sa kanilang mga taga Israel na nangakatanan.

4:3 At mangyayari, na siyang naiwan sa Sion, at siyang nalabi sa Jerusalem, tatawaging banal, sa makatuwid baga'y bawa't nasusulat sa mga nabubuhay sa Jerusalem:

4:4 Pagka huhugasan ng Panginoon ang karumhan ng mga anak na babae ng Sion, at lilinisin ang dugo ng Jerusalem sa gitna ng bayan sa pamamagitan ng bisa ng kahatulan, at sa pamamagitan ng bisa ng pagniningas.

4:5 At ang Panginoon ay lilikha sa itaas ng buong tahanan ng bundok ng Sion, at sa itaas ng kaniyang mga kapulungan ng isang ulap at usok sa araw, at ng liwanag ng nagniningas na apoy sa gabi: sapagka't sa itaas ng lahat ng kaluwalhatian ay magkakaroon ng isang kubong na kayo.

4:6 At magkakaroon ng kanlungan upang maging lilim sa kaarawan laban sa init, at upang maging kanlungan at kublihan sa bagyo at sa ulan.

5:1 Paawitin ninyo ako sa aking pinakamamahal, ng awit ng aking minamahal tungkol sa kaniyang ubasan. Ang aking pinakamamahal ay may ubasan sa isang mainam na burol:

5:2 At kaniyang binangbangan ang palibot at inalis ang mga bato, at tinamnan ng piling puno ng ubas, at nagtayo ng isang moog sa gitna niyaon, at tinabasan din naman ng isang pisaan ng ubas: at kaniyang hinintay na magbunga ng ubas, at nagbunga ng ubas gubat.

5:3 At ngayon, Oh mga nananahan sa Jerusalem at mga tao sa Juda, hatulan ninyo, isinasamo ko sa inyo, ako at ang aking ubasan.

5:4 Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan na hindi ko nagawa? ano't nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas, nagbunga ng ubas gubat?

5:5 At ngayo'y aking sasaysayin sa inyo ang gagawin ko sa aking ubasan: aking aalisin ang bakod na siit niyaon, at sasalantain; aking ibabagsak ang bakod niyaon at mayayapakan:

5:6 At aking pababayaang sira; hindi kakapunin o bubukirin man; kundi magsisitubo ay mga dawag at mga tinik: akin ding iuutos sa mga alapaap, na huwag nilang ulanan.

5:7 Sapagka't ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo ay ang sangbahayan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ay ang kaniyang maligayang pananim: at siya'y naghihintay ng kahatulan, nguni't narito, kapighatian; ng katuwiran, nguni't narito, daing.

5:8 Sa aba nila, na nangaguugpong ng bahay sa bahay, na nangaglalagay ng bukid sa bukid hanggang sa mawalan ng pagitan, at kayo'y magsisitahang magisa sa gitna ng lupain!

5:9 Sa aking mga pakinig ay sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sa katotohana'y maraming bahay ang magigiba, malalaki at magaganda, na walang mananahan.

5:10 Sapagka't sangpung acre ng ubasan ay mangagbubunga ng isang bath, at isang homer na binhi ay magbubunga ng isang epa.

5:11 Sa aba nila na nagsisibangong maaga sa umaga, upang sila'y makasunod sa nakalalasing na inumin; na nagtatagal hanggang sa kalaliman ng gabi, hanggang sa magalab ang alak sa kanila!

5:12 At ang alpa at ang viola, ang pandareta at ang plauta, at ang alak, ay nangasa kanilang mga kapistahan: nguni't hindi nila pinakundanganan ang gawa ng Panginoon, o ginunita man nila ang gawa ng kaniyang mga kamay.

5:13 Kaya't ang aking bayan ay nasok sa pagkabihag, sa kasalatan sa kaalaman: at ang kanilang mararangal na tao ay nangagugutom, at ang kanilang karamihan ay nangahahandusay sa uhaw.

5:14 Kaya't pinalaki ng Sheol ang kaniyang nasa, at ibinuka ang kaniyang bibig ng walang sukat: at ang kanilang kaluwalhatian, at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan, at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon.

5:15 At ang taong hamak ay pinayuyukod, at ang makapangyarihang tao ay pinapagpapakumbaba, at ang mga mata ng nagmamataas ay pinapagpapakumbaba:

5:16 Nguni't ang Panginoon ng mga hukbo ay nabunyi sa kahatulan, at ang Dios na Banal ay inaring banal sa katuwiran.

5:17 Kung magkagayo'y sasabsab ang mga kordero na gaya sa kanilang sabsaban, at ang mga sirang dako ng matataba ay kakanin ng mga palaboy.

5:18 Sa aba nila na nagsisihila ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng walang kabuluhan, at ng kasalanan na tila panali ng kariton:

5:19 Na nagsasabi, Magmaliksi siya, madaliin niya ang kaniyang gawa upang aming makita: at lumapit at dumating nawa ang payo ng Banal ng Israel upang aming maalaman!

5:20 Sa aba nila na nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim; na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!

5:21 Sa aba nila na pantas sa kanilang sariling mga mata, at mabait sa kanilang sariling paningin!

5:22 Sa aba nila na malakas uminom ng alak, at mga taong malakas sa paghahalo ng matapang na inumin:

5:23 Na nagsisiaring ganap sa masama dahil sa suhol, at inaalis ang katuwiran sa matuwid!

5:24 Kaya't kung paanong ang liyab ng apoy ay pumupugnaw ng pinagputulan ng trigo, at kung paanong ang tuyong damo ay nasusupok sa alab, gayon magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat, at ang kanilang bulaklak ay iilanglang na gaya ng alabok: sapagka't kanilang itinakuwil ang kautusan ng Panginoon ng mga hukbo, at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.

5:25 Kaya't nagalab ang galit ng Panginoon laban sa kaniyang bayan, at iniunat niya ang kaniyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila, at ang mga burol ay nanginig, at ang kanilang mga bangkay ay naging dumi sa gitna ng mga lansangan. Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kaniyang galit, kundi laging nakaunat ang kaniyang kamay.

5:26 At siya'y magtataas ng watawat sa mga bansa mula sa malayo, at susutsutan sila mula sa wakas ng lupa: at, narito, sila'y darating na lubhang nagmamadali:

5:27 Walang mapapagod o matitisod man sa kanila; walang iidlip o matutulog man; ni hindi man kakalagin ang pamigkis ng kanilang mga balakang, o mapapatid man ang mga panali ng kanilang mga panyapak:

5:28 Na ang kanilang mga pana ay hasa, at lahat nilang busog ay nangakaakma; ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay maibibilang na parang pingkiang bato, at ang kanilang mga gulong ay parang ipoipo:

5:29 Ang kanilang angal ay magiging gaya ng sa leon, sila'y magsisiangal na gaya ng mga batang leon: oo, sila'y magsisiangal, at magsisipangal ng huli, at tatangayin, at walang magliligtas.

5:30 At ang mga yao'y magsisiangal laban sa kanila sa araw na yaon na gaya ng hugong ng dagat: at kung tingnan ang lupain, narito, kadiliman at kahirapan, at ang liwanag ay magdidilim sa mga ulap niyaon.

6:1 Noong taong mamatay ang haring Uzzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang luklukan, matayog at mataas; at pinuno ang templo ng kaniyang kaluwalhatian.

6:2 Sa itaas niya ay nangakatayo ang mga serapin: bawa't isa'y may anim na pakpak: na may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mukha, at may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kaniya.

6:3 At nagsisigawang isa't isa, at nagsasabi, Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo: ang buong lupa ay napuno ng kaniyang kaluwalhatian.

6:4 At ang mga patibayan ng mga pintuan ay nakilos sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.

6:5 Nang magkagayo'y sinabi ko, Sa aba ko! sapagka't ako'y napahamak; sapagka't ako'y lalaking may maruming mga labi, at ako'y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka't nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo.

6:6 Nang magkagayo'y nilipad ako ng isa sa mga serapin, na may baga sa kaniyang kamay, na kaniyang kinuha ng mga pangipit mula sa dambana:

6:7 At hinipo niya niyaon ang aking bibig, at nagsabi, Narito, hinipo nito ang iyong mga labi; at ang iyong kasamaan ay naalis, at ang iyong kasalanan ay naalis.

6:8 At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, Sinong susuguin ko, at sinong yayaon sa ganang amin? Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito ako; suguin mo ako.

6:9 At sinabi niya, Ikaw ay yumaon, at saysayin mo sa bayang ito, inyong naririnig nga, nguni't hindi ninyo nauunawa; at nakikita nga ninyo, nguni't hindi ninyo namamalas.

6:10 Patabain mo ang puso ng bayang ito, at iyong pabigatin ang kanilang mga pakinig, at iyong ipikit ang kanilang mga mata; baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata; at mangakarinig ng kanilang mga pakinig, at mangakaunawa ng kanilang puso, at mangagbalik loob, at magsigaling.

6:11 Nang magkagayo'y sinabi ko, Panginoon, hanggang kailan? At siya'y sumagot, Hanggang sa ang mga bayan ay mangagiba na walang tumahan, at ang mga bahay ay mangawalan ng tao, at ang lupain ay maging lubos na giba,

6:12 At ilayo ng Panginoon ang mga tao, at ang mga nilimot na dako ay magsidami sa gitna ng lupain.

6:13 At kung magkaroon ng ikasangpung bahagi roon, mapupugnaw uli: gaya ng isang roble, at gaya ng isang encina, na ang puno ay naiiwan, pagka pinuputol; gayon ang banal na lahi ay siyang puno niyaon.

7:1 At nangyari, nang mga kaarawan ni Achaz na anak ni Jotham, anak ni Uzzias, na hari sa Juda, na si Rezin na hari sa Siria, at si Peca na anak ni Remalias, hari sa Israel, ay nagsiahon sa Jerusalem upang makipagdigma laban doon; nguni't hindi nanganaig laban doon.

7:2 At nasaysay sa sangbahayan ni David, na sinasabi, Ang Siria ay nalakip sa Ephraim. At ang puso niya'y nakilos, at ang puso ng kaniyang bayan na gaya ng mga punong kahoy sa gubat na kinilos ng hangin.

7:3 Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Isaias, Lumabas ka na iyong salubungin si Achaz, ikaw, at si Sear-jasub na iyong anak, sa dulo ng padaluyan ng tipunan ng tubig sa itaas, sa lansangan ng parang ng nagpapaputi ng kayo;

7:4 At sabihin mo sa kaniya, Ikaw ay magingat, at tumahimik ka; huwag kang matakot, o manglupaypay man ang iyong puso ng dahil sa dalawang buntot na apoy na ito na umuusok, ng dahil sa mabangis na galit ng Rezin at Siria, at ng anak ni Remalias.

7:5 Dahil sa ang Siria ay pumayo ng masama laban sa iyo, ang Ephraim din naman, at ang anak ni Remalias, na nagsasabi,

7:6 Magsiahon tayo laban sa Juda, at ating bagabagin, at ating papasukin sila, at tayo'y maglagay ng hari sa gitna niyaon, sa makatuwid baga'y ang anak ni Tabeel:

7:7 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Hindi matatayo o mangyayari man.

7:8 Sapagka't ang pangulo ng Siria ay ang Damasco, at ang pangulo ng Damasco ay ang Rezin: at sa loob ng anim na pu't limang taon ay magkakawatakwatak ang Ephraim, upang huwag maging bayan:

7:9 At ang pangulo ng Ephraim ay ang Samaria, at ang pangulo ng Samaria ay ang anak ni Remalias. Kung kayo'y hindi maniniwala, tunay na hindi kayo mangatatatag.

7:10 At ang Panginoon ay nagsalita uli kay Achaz, na nagsasabi,

7:11 Humingi ka sa ganang iyo ng tanda na mula sa Panginoon mong Dios; humingi ka maging sa kalaliman, o sa kaitaasan sa itaas.

7:12 Nguni't sinabi ni Achaz, Hindi ako hihingi, ni tutuksuhin ko man ang Panginoon.

7:13 At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo ngayon, Oh sangbahayan ni David; maliit na bagay ba sa inyo ang mamagod sa mga tao na inyong papagurin rin ang aking Dios?

7:14 Kaya't ang Panginoon nga ay magbibigay sa inyo ng tanda; narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel.

7:15 Siya'y kakain ng mantekilla at pulot, pagka siya'y natutong tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti.

7:16 Sapagka't bago maalaman ng bata na tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti, pababayaan ang lupain ng dalawang haring iyong kinayayamutan.

7:17 Ang Panginoon ay magpapasapit sa iyo, at sa iyong bayan, at sa sangbahayan ng iyong magulang ng mga araw na hindi nangyari mula ng araw na humiwalay ang Ephraim sa Juda; sa makatuwid baga'y ang hari sa Asiria.

7:18 At mangyayari sa araw na yaon, na susutsutan ng Panginoon ang langaw na nasa kahulihulihang bahagi ng mga ilog ng Egipto, at ang pukyutan na nasa lupain ng Asiria.

7:19 At sila'y magsisidating, at silang lahat ay mangagpapahinga sa mga gibang libis, at sa mga bitak ng malalaking bato, at sa lahat ng mga tinikan, at sa lahat ng mga sukal.

7:20 Sa araw na yaon ay aahitin ng Panginoon ang ulo at ang balahibo ng mga paa, ng pangahit na inupahan, ang nangasa bahagi ng dako roon ng Ilog, ang hari sa Asiria: at aalisin din ang balbas.

7:21 At mangyayari sa araw na yaon, na ang isang tao ay magaalaga ng guyang baka, at ng dalawang tupa;

7:22 At mangyayari, na dahil sa kasaganaan ng gatas na kanilang ibibigay ay kakain siya ng mantekilla: sapagka't ang bawa't isa na naiwan sa gitna ng lupain ay kakain ng mantekilla at pulot.

7:23 At mangyayari sa araw na yaon, na ang bawa't dakong kinaroroonan ng libong puno ng ubas na nagkakahalaga ng isang libong siklong pilak, ay magiging dawagan at tinikan.

7:24 Paroroon ang isa na may mga pana at may busog; sapagka't ang buong lupain ay magiging mga dawag at mga tinikan.

7:25 At ang lahat ng burol na hinukay ng azarol, hindi mo paroroonan dahil sa takot sa mga dawag at sa mga tinikan; kundi magiging pagalaan sa mga baka, at yurakan ng mga tupa.

8:1 At sinabi ng Panginoon sa akin, Kumuha ka ng malapad na tabla, at sulatan mo ng panulat ng tao, Kay Maher-salalhash-baz;

8:2 At magdadala ako ng mga tapat na saksi upang mangagpaalaala, si Urias na saserdote, at si Zacarias na anak ni Jeberechias.

8:3 At ako'y naparoon sa propetisa; at siya'y naglihi, at nanganak ng isang lalake. Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Tawagin mo ang kaniyang pangalan na Maher-salalhash-baz.

8:4 Sapagka't bago ang anak ay matutong dumaing ng, Ama ko, at: Ina ko, ang mga kayamanan ng Damasco at ang samsam sa Samaria ay dadalahin sa harap ng hari ng Asiria.

8:5 At nagsalita pa ang Panginoon uli sa akin, na nagsasabi,

8:6 Yamang tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloe na nagsisiagos na marahan, at siya'y nagagalak kay Rezin at sa anak ni Remalias;

8:7 Ngayon nga, narito, iniaahon ng Panginoon sa kanila ang tubig ng Ilog, malakas at marami, sa makatuwid baga'y ang hari sa Asiria at ang buo niyang kaluwalhatian: at siya'y aahon sa lahat niyang bangbang, at aapaw sa buo niyang baybayin:

8:8 At magpapatuloy sa dako ng loob ng Juda; aapaw at lalampas; aabot hanggang sa leeg; at ang laganap ng kaniyang mga pakpak ay siyang magpupuno ng kaluwangan ng iyong lupain, Oh Emmanuel.

8:9 Kayo'y magsamasama, Oh mga bayan, at kayo'y mangagkakawatakwatak; at kayo'y mangakinig, kayong lahat na taga malayong lupain: mangagbigkis kayo, at kayo'y mangagkakawatakwatak; kayo'y mangagbigkis, at kayo'y mangagkakawatakwatak.

8:10 Mangagsanggunian kayo, at yao'y mauuwi sa wala; mangagsalita kayo ng salita at hindi matatayo: sapagka't ang Dios ay sumasaamin.

8:11 Sapagka't ang Panginoon ay nagsalitang ganito sa akin na may malakas na kamay, at tinuruan ako na huwag lumakad ng lakad ng bayang ito, na sinasabi,

8:12 Huwag ninyong sabihin, Pagbabanta; tungkol sa lahat na sasabihin ng bayang ito, Pagbabanta, o huwag mang mangatakot kayo ng kanilang takot, o mangilabot man doon.

8:13 Ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang inyong aariing banal; at sumakaniya ang inyong takot, at sumakaniya ang inyong pangingilabot.

8:14 At siya'y magiging pinakasantuario; nguni't pinakabatong katitisuran at pinaka malaking batong pangbuwal sa dalawang sangbahayan ng Israel, na pinakabitag at pinakasilo sa mga nananahan sa Jerusalem.

8:15 At marami ang mangatitisod doon, at mangabubuwal, at mangababalian, at mangasisilo, at mangahuhuli.

8:16 Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang kautusan sa gitna ng aking mga alagad.

8:17 At aking hihintayin ang Panginoon na nagkukubli ng kaniyang mukha sa sangbahayan ni Jacob, at aking hahanapin siya.

8:18 Narito, ako at ang mga anak na ibinigay ng Panginoon sa akin ay mga pinakatanda at pinaka kababalaghan sa Israel na mula sa Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa bundok ng Sion.

8:19 At pagka kanilang sasabihin sa inyo, Hanapin ninyo silang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu at mga manghuhula, na nagsisihuni at nagsisibulong; hindi ba marapat na sanggunian ng bayan ang kanilang Dios? dahil baga sa mga buhay ay sasangguni sila sa mga patay?

8:20 Sa kautusan at sa patotoo! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila.

8:21 At sila'y magsisidaan doon, na nahihirapan at gutom: at mangyayari, na pagka sila'y mangagugutom, sila'y mangagagalit, at magsisisumpa alangalang sa kanilang hari at sa kanilang Dios, at ititingala nila ang kanilang mga mukha:

8:22 At sila'y titingin sa lupa, at, narito, kahirapan at kadiliman, ulap ng kahapisan, at sa salimuot na kadiliman ay itataboy sila.

9:1 Gayon man ay hindi magkakaroon ng paguulap sa kaniya na nasa kahapisan. Nang unang panahon ay dinala niya sa pagkawalang kabuluhan ang lupain ng Zabulon at ang lupain ng Nephtali, nguni't sa huling panahon ay ginawa niyang maluwalhati, sa daang patungo sa dagat, sa dako roon ng Jordan, ng Galilea ng mga bansa.

9:2 Ang bayan na lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag: silang nagsisitahan sa lupain ng lilim ng kamatayan, sa kanila sumilang ang liwanag.

9:3 Iyong pinarami ang bansa, iyong pinalago ang kanilang kagalakan: sila'y nangagagalak sa harap mo ayon sa kagalakan sa pagaani, gaya ng mga tao na nangagagalak pagka nangagbabahagi ng samsam.

9:4 Sapagka't ang pamatok na kaniyang pasan, at ang pingga sa kaniyang balikat, ang panghampas ng mamimighati sa kaniya, ay iyong sinira na gaya sa kaarawan ng Madian.

9:5 Sapagka't ang lahat na sakbat ng nasasakbatang tao sa kaguluhan, at ang mga kasuutang puno ng dugo ay magiging para sa pagkasunog, para sa mitsa ng apoy.

9:6 Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalake; at ang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.

9:7 Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa luklukan ni David, at sa kaniyang kaharian, upang itatag, at upang alalayan ng kahatulan at ng katuwiran mula ngayon hanggang sa magpakailan man. Isasagawa ito ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.

9:8 Nagpasabi ang Panginoon sa Jacob, at naliliwanagan ang Israel,

9:9 At malalaman ng buong bayan ng Ephraim, at ng nananahan sa Samaria, na nagsasabi sa kapalaluan at sa pagmamatigas ng ulo,

9:10 Ang mga laryo ay nangahulog, nguni't aming itatayo ng tinabas na bato: ang mga sikomoro ay nangaputol, nguni't aming papalitan ng mga cedro.

9:11 Kaya't itataas ng Panginoon laban sa kaniya ang mga kaaway ng Rezin, at manghihikayat ng kaniyang mga kaalit;

9:12 Ang mga taga Siria sa unahan, at ang mga Filisteo sa likuran; at kanilang lalamunin ang Israel ng bukang bibig. Sa lahat na ito ang kaniyang galit ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

9:13 Gayon ma'y ang bayan ay hindi nagbalik-loob sa kaniya na sumakit sa kanila, o hinanap man nila ang Panginoon ng mga hukbo.

9:14 Kaya't puputulin ng Panginoon sa Israel ang ulo't buntot, ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw.

9:15 Ang matanda at ang marangal na tao, siyang ulo; at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan, siyang buntot.

9:16 Sapagka't silang nagsisipatnubay ng bayang ito ay siyang nangagliligaw; at silang pinapatnubayan ay nangapapahamak.

9:17 Kaya't ang Panginoon ay hindi magagalak sa kanilang mga binata, ni mahahabag man sa kanilang mga ulila at mga babaing bao: sapagka't bawa't isa ay marumi at manggagawa ng kasamaan, at bawa't bibig ay nagsasalita ng kamangmangan. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

9:18 Sapagka't ang kasamaan ay sumusunog na gaya ng apoy; pumupugnaw ng mga dawag at mga tinikan: oo, nagaalab na sa siitan sa gubat, at umiilanglang na paitaas sa mga masinsing ulap na usok.

9:19 Sa poot ng Panginoon ng mga hukbo ay nasusunog ang lupain: ang bayan naman ay gaya ng panggatong sa apoy; walang taong mahahabag sa kaniyang kapatid.

9:20 At isa'y susunggab ng kanang kamay, at magugutom; at kakain ng kaliwa, at hindi sila mabubusog: sila'y magsisikain bawa't isa ng laman ng kaniyang sariling bisig:

9:21 Ang Manases, ay kakanin ang Ephraim; at ang Ephraim, ay ang Manases: at sila kapuwa ay magiging laban sa Juda. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

10:1 Sa aba nila na nagpapasiya ng mga likong pasiya, at ng mga manunulat na sumusulat ng mga kasuwailan:

10:2 Upang iligaw sa kahatulan ang mapagkailangan, at upang alisin ang katuwiran ng dukha ng aking bayan, upang ang mga babaing bao ay maging kanilang samsam, at upang kanilang gawing kanilang huli ang mga ulila!

10:3 At ano ang inyong gagawin sa araw ng pagdalaw, at sa kagibaan na manggagaling sa malayo? sa kanino kayo magsisitakas upang kayo'y tulungan? at saan ninyo iiwan ang inyong kaluwalhatian?

10:4 Sila'y magsisiyukod na gaya ng mga bilanggo, at mangabubuwal sa bunton ng mga patay. Sa lahat ng ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kaniyang kamay ay laging nakaunat.

10:5 Hoy, taga Asiria, na pamalo ng aking galit, siyang tungkod na kasangkapan ng aking pag-iinit.

10:6 Aking susuguin siya laban sa maruming bansa, at laban sa bayan na aking kinapopootan ay pagbibilinan ko siya, upang manamsam, at upang manunggab, at yapakan sila na parang putik ng mga lansangan.

10:7 Gayon ma'y hindi niya inaakalang gayon, o iniisip mang gayon ng kaniyang puso; kundi ang nasa kaniyang puso ay manggiba, at manglipol ng mga bansa na hindi kakaunti.

10:8 Sapagka't kaniyang sinasabi, Hindi baga ang aking mga pangulo ay hari silang lahat?

10:9 Hindi baga ang calno ay gaya ng Carchemis? hindi ba ang Hamath ay gaya ng Arphad? hindi ba ang Samaria ay gaya ng Damasco?

10:10 Kung paanong nakasumpong ang aking kamay ng mga kaharian ng mga diosdiosan, na ang mga larawan nilang inanyuan ay mga higit ng dami kay sa Jerusalem at sa Samaria;

10:11 Hindi ko baga gagawing gayon sa Jerusalem at sa kaniyang mga diosdiosan, ang gaya ng ginawa ko sa Samaria at sa kaniyang mga diosdiosan?

10:12 Kaya't mangyayari, na pagka naisagawa ng Panginoon ang buo niyang gawain sa bundok ng Sion at sa Jerusalem, aking parurusahan ang kagagawan ng mapagmalaking loob na hari sa Asiria, at ang kaluwalhatian ng kaniyang mga mapagmataas na tingin.

10:13 Sapagka't kaniyang sinabi, Aking ginawa ito sa kalakasan ng aking kamay at sa aking karunungan; sapagka't ako'y mabait: at aking binago ang mga hangganan ng mga tao, at ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan, at parang matapang na lalake na ibinaba ko silang nangakaupo sa mga luklukan:

10:14 At nasumpungan ng aking kamay na parang pugad ang mga kayamanan ng mga tao; at ako'y namulot sa buong lupa na parang namumulot ng mga itlog na napabayaan: at walang magkilos ng pakpak, o magbuka ng bibig o sumiyap.

10:15 Magmamapuri ba ang palakol laban sa nagpuputol niyaon? Nakapagmamalaki ba ang lagari laban sa humahawak niyaon? gaya ng kung ang pamalo ay makapagpapanginig sa kanila na nagtataas niyaon, o gaya ng kung ang tungkod ay magtataas sa tao na hindi kahoy.

10:16 Kaya't pangangayayatin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, ang kaniyang mga mataba; at sa ilalim ng kaniyang kaluwalhatian ay magkakaroon ng pagniningas na gaya ng ningas na apoy.

10:17 At ang liwanag ng Israel ay magiging pinakaapoy, at ang kaniyang Banal ay pinakaliyab: at magniningas at susupukin ang kaniyang mga tinikan at mga dawag sa isang araw.

10:18 At kaniyang pupugnawin ang kaluwalhatian ng kaniyang gubat, at ng kaniyang pinakikinabangang bukid, ang kaluluwa at gayon din ang katawan: at magiging gaya ng kung nanglulupaypay ang may dala ng watawat.

10:19 At ang nalabi sa mga punong kahoy ng kaniyang gubat ay mangangaunti, na anopat mabibilang ng bata.

10:20 At mangyayari sa araw na yaon, na ang nalabi sa Israel, at ang nangakatanan sa sangbahayan ni Jacob, hindi na titiwala pa uli sa kaniya na sumakit sa kanila; kundi titiwala sa Panginoon, sa Banal ng Israel, sa katotohanan.

10:21 Isang nalabi ay manunumbalik, sa makatuwid baga'y ang nalabi sa Jacob, sa makapangyarihang Dios.

10:22 Sapagka't bagaman ang iyong bayang Israel ay magiging parang buhangin sa dagat, ang isang nalabi lamang sa kanila ang manunumbalik: ang pagkalipol ay naipasiya, na magtataglay ng katuwiran.

10:23 Sapagka't ang kagibaan, at ang ipinasiya, gagawin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, sa gitna ng buong lupa.

10:24 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, Oh bayan kong tumatahan sa Sion, huwag kang matakot sa taga Asiria: bagaman ikaw ay sinaktan niya ng pamalo at nagtaas ng kaniyang tungkod laban sa iyo, ayon sa paraan ng Egipto.

10:25 Sapagka't sangdali pa, at ang pagkagalit ay magaganap, at ang aking galit, sa kanilang ikamamatay.

10:26 At ibabangon ng Panginoon ng mga hukbo, ang kasakunaan laban sa kaniya, na gaya ng pagpatay sa Madian sa bato ng Oreb: at ang kaniyang panghampas ay malalagay sa dagat, at kaniyang itataas ng ayon sa paraan ng Egipto.

10:27 At mangyayari sa araw na yaon, na ang atang niya ay mahihiwalay sa iyong balikat, at ang kaniyang ipinasan sa iyong leeg, at ang ipinasan ay malalagpak dahil sa pinahiran.

10:28 Siya'y dumating sa Ajad, siya'y nagdaan sa Migron; sa Michmas inilalapag niya ang kaniyang mga daladalahan:

10:29 Sila'y nangagdaraan sa landas; sila'y nagsituloy na nangagpahinga sa Geba: ang Rama ay nanginginig; ang Gabaa ni Saul ay tumakas.

10:30 Humiyaw kang malakas ng iyong tinig, Oh anak na babae ng Galim! duminig ka, Oh Lais! Oh ikaw na kaawaawang Anathoth!

10:31 Madmena ay palaboy; ang mga nananahan sa Gebim ay nagtitipon upang magsitakas.

10:32 Sa araw ding ito ay titigil siya sa Nob: kaniyang iniuunat ang kaniyang kamay sa bundok ng anak na babae ng Sion, na burol ng Jerusalem.

10:33 Narito, puputulin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, na kakilakilabot ang mga sanga: at ang mga mataas sa anyo ay ibubuwal, at ang mapagmataas ay ibababa.

10:34 At kaniyang puputulin ang mga siitan ng gubat sa pamamagitan ng bakal, at ang Libano ay mawawasak sa pamamagitan ng isang makapangyarihan.

11:1 At may lalabas na usbong sa puno ni Isai, at isang sanga mula sa kaniyang mga ugat ay magbubunga:

11:2 At ang Espiritu ng Panginoon ay sasa kaniya, ang diwa ng karunungan at ng kaunawaan, ang diwa ng payo at ng katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;

11:3 At ang kaniyang kaluguran ay magiging sa pagkatakot sa Panginoon: at hindi siya hahatol ng ayon sa paningin ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ng ayon sa pakinig ng kaniyang mga tainga:

11:4 Kundi hahatol siya ng katuwiran sa dukha, at sasaway na may karampatan dahil sa mga maamo sa lupa: at sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kaniyang bibig, at ng hinga ng kaniyang mga labi ay kaniyang papatayin ang masama.

11:5 At katuwiran ang magiging bigkis ng kaniyang baywang, at pagtatapat ang pamigkis ng kaniyang mga balakang.

11:6 At ang lobo ay tatahang kasama ng kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing; at ang guya, at ang batang leon, at ang patabain na magkakasama; at papatnubayan sila ng munting bata.

11:7 At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping: at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.

11:8 At ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas, at isusuot ng batang kahihiwalay sa suso ang kaniyang kamay sa lungga ng ulupong.

11:9 Hindi sila magsisipanakit o magsisipanira man sa aking buong banal na bundok: sapagka't ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon, gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.

11:10 At mangyayari, sa araw na yaon na ang angkan ni Isai, na tumatayong pinakawatawat ng mga bayan, hahanapin ng mga bansa; at ang kaniyang pahingahang dako ay magiging maluwalhati.

11:11 At mangyayari, sa araw na yaon, na ilalapag ng Panginoon uli ang kaniyang kamay na ikalawa upang mabawi ang nalabi sa kaniyang bayan na malalabi, mula sa Asiria, at mula sa Egipto, at mula sa Patros, at mula sa Cus, at mula sa Elam, at mula sa Sinar, at mula sa Amath, at mula sa mga pulo ng dagat.

11:12 At siya'y maglalagay ng pinakawatawat sa mga bansa, at titipunin niya ang mga tapon ng Israel, at pipisanin ang mga nangalat ng Juda mula sa apat na sulok ng lupa.

11:13 Ang inggit naman ng Ephraim ay maaalis, at ang mga lumiligalig ng Juda ay mahihiwalay: ang Ephraim ay hindi maiinggit sa Juda, at ang Juda ay hindi liligalig sa Ephraim.

11:14 At sila'y lulusob sa mga Filisteo sa kalunuran; magkasamang sasamsam sila sa mga anak ng silanganan: kanilang iuunat ang kanilang kamay sa Edom at sa Moab; at susundin sila ng mga anak ni Ammon.

11:15 At lubos na sisirain ng Panginoon ang look ng dagat ng Egipto; at iwawaswas ang kaniyang kamay sa Ilog ng kaniyang malakas na hangin, at papagpipituhing batis, at palalakarin ang mga tao na hindi basa ang mga paa.

11:16 At magkakaroon ng isang lansangan sa nalabi sa kaniyang bayan, na malalabi, mula sa Asiria; gaya ng nagkaroon sa Israel ng araw na siya'y umahon mula sa lupain ng Egipto.

12:1 At sa araw na yaon ay iyong sasabihin, Ako'y pasasalamat sa iyo, Oh Panginoon; sapagka't bagaman ikaw ay nagalit sa akin ang iyong galit ay napawi, at iyong inaaliw ako.

12:2 Narito, Dios ay aking kaligtasan; ako'y titiwala, at hindi ako matatakot: sapagka't ang Panginoon si Jehova ay aking kalakasan at awit; at siya'y naging aking kaligtasan.

12:3 Kaya't kayo'y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.

12:4 At sa araw na yao'y inyong sasabihin, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kaniyang pangalan, ipahayag ninyo ang kaniyang mga gawa sa mga bayan, sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay marangal.

12:5 Magsiawit kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y gumawa ng mga marilag na bagay: ipaalam ito sa buong lupa.

12:6 Humiyaw ka ng malakas at sumigaw ka, ikaw na nananahan sa Sion: sapagka't dakila ang Banal ng Israel sa gitna mo.

13:1 Ang hula tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.

13:2 Kayo'y mangaglagay ng isang watawa't sa bundok, na walang punong kahoy, mangaglakas kayo ng tinig sa kanila, inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.

13:3 Aking inutusan ang aking mga itinalaga, oo, aking tinawag ang aking mga makapangyarihang lalake dahil sa aking galit, sa makatuwid baga'y ang nangagagalak sa aking kamahalan.

13:4 Ang ingay ng karamihan sa mga bundok, gaya ng malaking bayan: ang ingay ng kagulo ng mga kaharian ng mga bansa na nagpipisan! pinipisan ng Panginoon ng mga hukbo ang hukbo ukol sa pagbabaka.

13:5 Sila'y nangagmumula sa malayong lupain, mula sa kaduluduluhang bahagi ng langit, sa makatuwid baga'y ang Panginoon, at ang mga almas ng kaniyang galit, upang gibain ang buong lupain.

13:6 Magsiangal kayo; sapagka't ang araw ng Panginoon ay malapit na; darating na pinaka paggiba na mula sa Makapangyarihan sa lahat.

13:7 Kaya't lahat ng kamay ay manghihina, at bawa't puso ng tao ay manglulumo:

13:8 At sila'y manglulupaypay; mga pagdaramdam at mga kapanglawan ay dadanasin nila; sila'y mangaghihirap na gaya ng babae sa pagdaramdam: mangagkakatigilan; ang kanilang mga mukha ay magiging parang liyab.

13:9 Narito, ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, mabagsik, na may poot at mabangis na galit; upang gawin kagibaan ang lupa, at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyaon.

13:10 Sapagka't ang mga bituin ng langit at ang mga gayak niyaon, hindi magbibigay ng kanilang liwanag: ang araw ay magdidilim sa kaniyang pagsikat, at hindi pasisilangin ng buwan ang kaniyang liwanag.

13:11 At aking parurusahan ang sanglibutan dahil sa kanilang kasamaan, at ang mga masama dahil sa kanilang kabalakyutan; at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo, at aking ibababa ang kapalaluan ng kakilakilabot.

13:12 At aking gagawin ang isang lalake ay maging mahalaga kay sa dalisay na ginto, ang tao na higit kay sa dalisay na ginto ng Ophir.

13:13 Kaya't aking panginginigin ang mga langit, at ang lupa ay yayanigin mula sa kinaroroonan sa poot ng Panginoon ng mga hukbo, at sa kaarawan ng kaniyang mabangis na galit,

13:14 At mangyayari, na kung paano ang usang hinahabol, at kung paano ang mga tupa na walang pumisan, ay magsisibalik sila bawa't isa sa kaniyang sariling bayan, at tatakas bawa't isa sa kaniyang sariling lupain.

13:15 Bawa't masusumpungan ay palalagpasan; at bawa't nahuli ay mabubuwal sa tabak.

13:16 Ang kanilang mga sanggol ay pagluluraylurayin sa harap ng kanilang mga mata; ang kanilang mga bahay ay sasamsaman, at ang kanilang mga asawa ay dadahasin.

13:17 Narito, aking hihikayatin ang mga Medo laban sa kanila, na hindi magpapakundangan sa pilak, at tungkol sa ginto, hindi nila kaluluguran.

13:18 At pagluluraylurayin ng kanilang mga busog ang mga binata; at sila'y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata; ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata.

13:19 At ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian, ang ganda ng kapalaluan ng mga Caldeo, ay magiging gaya nang gibain ng Dios ang Sodoma at Gomorra.

13:20 Hindi matatahanan kailan man, ni di tatahanan sa buong panahon: ni di magtatayo roon ang taga Arabia ng tolda; ni di pahihigain doon ng mga pastor ang kanilang kawan.

13:21 Kundi mga maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon; at ang kanilang mga bahay ay mangapupuno ng mga hayop na nagsisiungal; at mga avestruz ay magsisitahan doon, at ang mga lalaking kambing ay magluluksuhan roon.

13:22 At ang mga lobo ay magsisihiyaw sa kanilang mga moog, at ang mga chakal sa mga maligayang palasio: at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit, at ang kanilang mga kaarawan ay hindi magtatagal.

14:1 Sapagka't ang Panginoon ay maaawa sa Jacob, at kaniyang pipiliin pa ang Israel, at ilalagay sila sa kanilang sariling lupain: at ang taga ibang lupa ay lalakip sa kanila, at sila'y masasanib sa sangbahayan ni Jacob.

14:2 At kukunin sila ng mga tao, at dadalhin sila sa kanilang dako: at aariin sila ng sangbahayan ng Israel sa lupain ng Panginoon, na mga pinakaaliping lalake at babae: at kanilang bibihagin sila, na nagsibihag sa kanila; at mangagpupuno sila sa mga mamimighati sa kanila.

14:3 At mangyayari, sa araw na bibigyan ka ng Panginoon ng kapahingahan sa iyong kapanglawan, at sa iyong kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod sa iyo,

14:4 Na iyong gagamitin ang talinghagang ito laban sa hari sa Babilonia, at iyong sasabihin, Kung paano ang mamimighati ay naglikat! ang bayang ginto ay naglikat!

14:5 Binali ng Panginoon ang tungkod ng masama, ang cetro ng mga pinuno;

14:6 Siya na sumakit ng mga tao sa poot ng walang likat na bugbog, na nagpuno sa mga bansa sa galit, na may pag-uusig na hindi pinigil ng sinoman.

14:7 Ang buong lupa ay nasa katiwasayan, at tahimik: sila'y biglang nagsisiawit.

14:8 Oo, ang mga puno ng cipres ay nagagalak dahil sa iyo, at ang mga cedro sa Libano, na nangagsasabi, Mula nang ikaw ay malugmok wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.

14:9 Ang Sheol mula sa ibaba ay nakikilos sa iyo upang salubungin ka sa iyong pagdating; nangapupukaw ang mga patay dahil sa iyo, sa makatuwid baga'y ang lahat na pinakapangulo sa lupa; nagsitindig mula sa kanilang mga luklukan ang lahat ng hari ng mga bansa.

14:10 Silang lahat ay magsisisagot at mangagsasabi sa iyo, Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin? ikaw ba'y naging gaya namin?

14:11 Ang iyong kahambugan ay nababa sa Sheol pati ng tunog ng iyong mga biola: ang uod ay nangangalat sa ilalim mo, at tinatakpan ka ng mga uod.

14:12 Ano't nahulog ka mula sa langit, Oh tala sa umaga, anak ng umaga! paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpahina sa mga bansa!

14:13 At sinabi mo sa iyong sarili, Ako'y sasampa sa langit, aking itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Dios; at ako'y uupo sa bundok ng kapisanan, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hilagaan:

14:14 Ako'y sasampa sa itaas ng mga kaitaasan ng mga alapaap; ako'y magiging gaya ng Kataastaasan.

14:15 Gayon ma'y mabababa ka sa Sheol, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hukay.

14:16 Silang nangakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo, kanilang mamasdan ka, na mangagsasabi, Ito baga ang lalake na nagpayanig ng lupa, na nagpauga ng mga kaharian;

14:17 Na ginawang gaya ng ilang ang sanglibutan, at gumiba ng mga bayan nito; na hindi nagpakawala ng kaniyang mga bilanggo upang magsiuwi?

14:18 Lahat ng mga hari ng mga bansa, silang lahat, nangatutulog sa kaluwalhatian, bawa't isa'y sa kaniyang sariling bahay.

14:19 Nguni't ikaw ay natapon mula sa iyong libingan na gaya ng kasuklamsuklam na sanga, gaya ng bihisan ng mga patay, na tinaga ng tabak, na bumaba sa mga bato ng hukay: gaya ng bangkay na nayapakan ng paa.

14:20 Ikaw ay hindi malalakip sa kanila sa libingan, sapagka't iyong sinira ang iyong lupain, iyong pinatay ang iyong bayan; ang angkan ng mga manggagawa ng kasamaan ay hindi lalagi magpakailan man.

14:21 Mangaghanda kayo na pumatay sa kanilang mga anak dahil sa kasamaan ng kanilang mga magulang; upang sila'y huwag magsibangon, at ariin ang lupain, at punuin ang ibabaw ng lupa ng mga bayan.

14:22 At ako'y babangon laban sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ihihiwalay ko sa Babilonia ang pangalan at ang nalabi, at ang anak at ang anak ng anak, sabi ng Panginoon.

14:23 Akin namang gagawing pinakaari ng hayop na erizo, at mga lawa ng tubig: at aking papalisin ng pangpalis na kagibaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

14:24 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa, na nagsabi, Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking pinanukala, gayon mananayo:

14:25 Na aking lalansagin ang taga Asiria sa aking lupain, at sa aking mga bundok ay yayapakan ko siya sa ilalim ng paa; kung magkagayo'y mahihiwalay ang kaniyang atang sa kanila, at ang ipinasan niya ay mahihiwalay sa kanilang balikat.

14:26 Ito ang panukala na aking pinanukala sa buong lupa: at ito ang kamay na umunat sa lahat ng mga bansa.

14:27 Sapagka't pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo, at sinong wawala ng kabuluhan? at ang kaniyang kamay na nakaunat, at sinong maguurong?

14:28 Nagkaroon ng hulang ito nang taong mamatay ang haring Achaz.

14:29 Ikaw ay huwag magalak, ikaw na buong Filistia, sa pagkabali ng pamalo na sumakit sa iyo: sapagka't sa ahas ay lalabas ang ulupong, at ang kaniyang anak ay magiging mabangis na ahas na lumilipad.

14:30 At ang panganay ng dukha ay kakain, at ang mapagkailangan ay mahihigang tiwasay: at aking papatayin ng gutom ang iyong angkan, at ang nalabi sa iyo ay papatayin.

14:31 Ikaw ay umungal, Oh pintuang-bayan; ikaw ay humiyaw, Oh bayan; ikaw ay napugnaw, Oh ikaw na buong Filistia; sapagka't lumalabas ang usok na mula sa hilagaan, at walang malalabi sa kaniyang mga takdang panahon.

14:32 Ano nga ang isasagot sa mga sugo ng bansa? Na itinayo ng Panginoon ang Sion, at doon nanganganlong ang nagdadalamhati sa kaniyang bayan.

15:1 Ang hula tungkol sa Moab. Sapagka't sa isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba, at nawalan ng kabuluhan; sapagka't sa isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab, at nawalan ng kabuluhan.

15:2 Siya'y umahon sa Bayith, at sa Dibon, sa mga mataas na dako, upang umiyak: ang Moab ay umaangal sa Nebo, at sa Medeba: lahat nilang ulo ay kalbo, bawa't balbas ay gupit.

15:3 Sa kanilang mga lansangan ay nangagbibigkis sila ng kayong magaspang: sa kanilang mga bubungan, at sa kanilang mga luwal na dako, umaangal ang bawa't isa, na umiiyak ng di kawasa.

15:4 At ang Hesbon ay humihiyaw, at ang Eleale; ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa Jahas: kaya't ang mga lalaking nangasasakbatan sa Moab ay nagsihiyaw ng malakas; ang kaniyang kalooban ay nagugulumihanan.

15:5 Ang aking puso ay dumadaing dahil sa Moab, ang kaniyang mga mahal na tao ay nagsisitakas sa Zoar, sa Eglat-selisiyah: sapagka't sa ahunan sa Luhith ay nagsisiahon silang may iyakan: sapagka't sa daan ng Horonaim ay nagsisihagulhol sila sa kapahamakan.

15:6 Sapagka't ang tubig ng Nimrim ay natuyo, sapagka't ang damo ay natuyo, ang sariwang damo ay nalalanta, walang sariwang bagay.

15:7 Kaya't ang kasaganaan na kanilang tinamo, at ang kanilang tinipon, ay kanilang dadalhin sa mga batis ng mga kahoy na sauce.

15:8 Sapagka't ang daing ay lumilipana sa mga hangganan ng Moab; ang angal niya ay hanggang sa Eglaim, at ang angal niya ay hanggang sa Beer-elim.

15:9 Sapagka't ang tubig ng Dimon ay nahaluan ng dugo: sapagka't magpapasapit pa ako sa Dimon ng isang leon na nakatanan sa Moab, at sa nalabi sa lupain.

16:1 Ipadadala ninyo ang mga kordero na ukol sa pinuno ng lupain mula sa Selah na nasa dakong ilang, hanggang sa bundok ng anak na babae ng Sion.

16:2 Sapagka't mangyayari, na gaya ng mga ibong nagsisigala, na gaya ng kalat na pugad, magiging gayon ang mga anak na babae ng Moab sa mga tawiran ng Arnon.

16:3 Magpayo ka, magsagawa ka ng kahatulan; iyong gawin ang iyong anino na gaya ng gabi sa gitna ng katanghaliang tapat: ikubli mo ang mga tapon; huwag mong ilitaw ang palaboy.

16:4 Patirahin mong kasama mo ang aking natapon; tungkol sa Moab, maging kanlungan ka niya sa mukha ng mananamsam: sapagka't ang mamimighati ay mauuwi sa wala, ang pagsamsam ay matitigil, ang mga mamimighati ay malilipol sa lupain.

16:5 At ang luklukan ay matatatag sa kagandahang-loob, at isa'y uupo roon sa katotohanan, sa tabernakulo ni David; na humahatol at humahanap ng kahatulan, at nagmamadaling nagsasagawa ng katuwiran.

16:6 Aming nabalitaan ang kapalaluan ng Moab, na siya'y totoong palalo; ang kaniyang kahambugan, at ang kaniyang kapalaluan, at ang kaniyang poot, ang kaniyang paghahambog ay nauuwi sa wala.

16:7 Kaya't aangal ang Moab dahil sa Moab, bawa't isa'y aangal: dahil sa mga binilong pasas ng Kirhareseth ay mananangis kayong lubha na nangamamanglaw.

16:8 Sapagka't ang mga bukid ng Hesbon ay nanghihina, at ang ubasan ng Sibma; sinira ng mga mahal na tao ng mga bansa ang mga piling pananim niyaon; sila'y nagsisapit hanggang sa Jazer, sila'y nagsilaboy sa ilang; ang kaniyang mga sanga ay nangalaladlad, sila'y nagsitawid sa dagat.

16:9 Kaya't iiyak ako ng iyak ng Jazer dahil sa puno ng ubas ng Sibma: aking didiligin ka ng aking mga luha, Oh Hesbon, at Eleale; sapagka't sa iyong mga bunga ng taginit at sa iyong pagaani, dumating ang hiyaw sa pakikipagbaka.

16:10 At ang kasayahan ay naalis, at ang kagalakan sa mainam na bukid; at sa mga ubasan ay hindi magkakaroon ng mga awitan, o masayang kaingay man: walang manyayapak na gagawa ng alak sa alakan; aking pinatigil ang awitan sa pagaani.

16:11 Kaya't ang aking tiyan ay tumutunog na parang alpa dahil sa Moab, at ang aking mga lamang-loob dahil sa Kir-hares.

16:12 At mangyayari, pagka ang Moab ay humarap, pagka siya'y napagod sa mataas na dako, at paroroon sa kaniyang santuario upang dumalangin, ay hindi siya mananaig.

16:13 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Moab sa panahong nakaraan.

16:14 Nguni't ngayo'y nagsalita ang Panginoon, na nagsasabi, Sa loob ng tatlong taon, na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab sangpu ng lahat niyang karamihan; at ang nalabi ay mangangaunti at walang halaga.

17:1 Ang hula tungkol sa Damasco. Narito, ang Damasco ay naalis sa pagkabayan, at magiging isang buntong ginto.

17:2 Ang mga bayan ng Aroer ay napabayaan: yao'y magiging sa mga kawan, na hihiga, at walang tatakot.

17:3 Ang moog sa kuta naman ay mawawala sa Ephraim, at mawawalan ng kaharian ang Damasco, at ang nalabi sa Siria; sila'y magiging gaya ng kaluwalhatian ng mga anak ni Israel, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

17:4 At mangyayari sa araw na yaon, na ang kaluwalhatian ng Jacob ay mangliliit, at ang katabaan ng kaniyang laman ay mangangayayat.

17:5 At mangyayari na gaya ng pamumulot ng mangaani ng nakatayong trigo, at ng panggapas ng kaniyang kamay ng mga uhay; oo, magiging gaya ng pamumulot ng mga uhay sa libis ng Ephraim.

17:6 Gayon ma'y maiiwan doon ang mga pinulot, gaya ng pagugog sa puno ng olibo na dalawa o tatlong bunga ay naiiwan sa dulo ng kataastaasang sanga, apat o lima sa kaduluduluhang mga sanga ng mabungang punong kahoy, sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel.

17:7 Sa araw na yaon ay titingin ang mga tao sa Maylalang sa kanila, ang kanilang mga mata ay magkakaroon ng pitagan sa Banal ng Israel.

17:8 At sila'y hindi titingin sa mga dambana, na gawa ng kanilang mga kamay, o magkakaroon man sila ng pitagan sa ginawa ng kanilang mga daliri, maging sa mga Asera, o sa mga larawang araw.

17:9 Sa araw na yao'y ang kanilang mga matibay na bayan ay magiging gaya ng mga dakong pinabayaan sa gubat, at sa taluktok ng bundok, na pinabayaan sa harap ng angkan ni Israel: at magiging sira.

17:10 Sapagka't iyong nilimot ang Dios ng inyong kaligtasan, at hindi mo inalaala ang malaking bato ng iyong kalakasan: kaya't nagtatanim ka ng mga maligayang pananim, at iyong ibinabaon ang punla ng iba:

17:11 Sa araw ng iyong pagtatanim ay iyong binabakuran, at sa kinaumagahan ay iyong pinamumulaklak ang iyong binhi; nguni't nawawalan ng ani sa araw ng kalumbayan at sa lubhang kahapisan.

17:12 Ah, ang kaingay ng maraming bayan, na nagsisiugong na gaya ng ugong ng mga dagat; at ang daluhong ng mga bansa, na nagsisiugong na parang ugong ng bugso ng tubig!

17:13 Ang mga bansa ay magsisihugos na parang agos ng maraming tubig nguni't sila'y sasawayin niya, at magsisitakas sa malayo, at papaspasin na gaya ng ipa sa mga bundok sa harap ng hangin, at gaya ng ipoipong alabok sa harap ng bagyo.

17:14 Sa gabi ay narito ang kakilabutan; at bago dumating ang umaga ay wala na sila. Ito ang bahagi nila na nagsisisamsam sa atin, at ang palad nila na nangagnanakaw sa atin.

18:1 Ah, ang lupain ng pagaspas ng mga pakpak, na nasa dako roon ng mga ilog ng Etiopia:

18:2 Na nagsusugo ng mga sugo na nangagdadagat, sa makatuwid baga'y sa mga sasakyang papiro sa tubig, na nagsasabi, Magsiyaon kayo, maliliksing sugo, sa bansang mataas at patag, sa bayang kakilakilabot mula sa kanilang pasimula at sa haharapin; sa bansang sumusukat at yumayapak, na ang lupain ay hinahati ng mga ilog!

18:3 Kayong lahat na nananahan sa sanglibutan, at kayong mga naninirahan sa lupa, pagka ang isang watawat ay nataas sa mga bundok, inyong tingnan; at pagka ang pakakak ay hinipan, makinig kayo.

18:4 Sapagka't ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, Ako'y tatahimik, at aking mamasdan mula sa aking dakong tahanan, gaya ng malinaw na init sa sikat ng araw, gaya ng ulap na hamog sa init ng pagaani.

18:5 Sapagka't bago magani, pagka ang bulaklak ay nalagas, at ang bulaklak ay nagiging ubas na nahihinog, kaniyang puputulin ng karit na pangkapon ang mga usbong, at ang mga ladlad na sanga ay kaniyang aalisin at puputulin.

18:6 Ang mga yaon ay pawang mangaiiwan sa mga ibong mangdadagit sa mga bundok, at sa mga hayop sa lupa: at pagtataginitan ang mga yaon ng mga ibong mangdadagit, at pagtataginawan ang mga yaon ng lahat na hayop sa lupa.

18:7 Sa panahong yao'y dadalhin ang isang kaloob sa Panginoon ng mga hukbo ng mga taong matataas at makikisig, at mula sa bayang kakilakilabot na mula sa kanilang pasimula hanggang sa haharapin; isang bansa na sumusukat at yumayapak, na ang lupain ay hinahati ng mga ilog, sa dako ng pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, na bundok ng Sion.

19:1 Ang hula tungkol sa Egipto. Narito, ang Panginoon ay nakasakay sa isang matuling alapaap, at napasasa Egipto: at ang mga diosdiosan ng Egipto ay makikilos sa kaniyang harapan, at ang puso ng Egipto ay manglulumo sa gitna niyaon.

19:2 At aking hihikayatin ang mga Egipcio laban sa mga Egipcio: at lalaban bawa't isa sa kanikaniyang kapatid, at bawa't isa laban sa kaniyang kapuwa; bayan laban sa bayan, at kaharian laban sa kaharian.

19:3 At ang diwa ng Egipto ay mauupos sa gitna niyaon; at aking sisirain ang payo niyaon: at sasangguni sila sa mga diosdiosan, at sa mga enkantador, at sa mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga manghuhula.

19:4 At aking ibibigay ang mga Egipcio sa kamay ng mabagsik na panginoon; at mabangis na hari ay magpupuno sa kanila, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.

19:5 At magkukulang ng tubig sa mga dagat, at ang ilog ay mawawalan ng tubig at matutuyo.

19:6 At ang mga ilog ay babaho; ang mga batis ng Egipto ay huhupa at matutuyo: ang mga tambo at mga talahib ay mangatutuyo.

19:7 Ang mga parang sa pangpang ng Nilo, sa baybayin ng Nilo, at lahat na nahasik sa tabi ng Nilo, mangatutuyo, mangatatangay, at mangawawala.

19:8 Ang mga mangingisda naman ay magsisitaghoy, at lahat ng nangaglalawit ng bingwit sa Nilo ay tatangis, at silang nangaglaladlad ng mga lambat sa mga tubig ay manganglalata.

19:9 Bukod dito'y silang nagsisigawa sa mga lino, at silang nagsisihabi ng puting damit ay mangapapahiya.

19:10 At ang kaniyang mga haligi ay magkakaputolputol, silang lahat na nangagpapaupa ay nangagdadalamhati ang kalooban.

19:11 Ang mga pangulo sa Zoan ay lubos na mangmang; ang payo ng mga pinakapantas at kasangguni ni Faraon ay naging tampalasan: paanong masasabi ninyo kay Faraon, Ako'y anak ng pantas, anak ng mga dating hari?

19:12 Saan nangaroon nga ang iyong mga pantas? at sasabihin nila sa iyo ngayon; at alamin nila kung ano ang pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa Egipto.

19:13 Ang mga pangulo sa Zoan ay naging mga mangmang, ang mga pangulo sa Nof ay nangadaya; kanilang iniligaw ang Egipto, na siyang panulok na bato ng kaniyang mga lipi.

19:14 Naghalo ang Panginoon ng diwa ng kasuwailan sa gitna niya: at iniligaw nila ang Egipto sa bawa't gawa niya, na parang langong tao na nahahapay sa kaniyang suka.

19:15 Hindi na magkakaroon man sa Egipto ng anomang gawain, na magagawa ng ulo o ng buntot, sanga ng palma, o tambo.

19:16 Sa araw na yaon ay magiging parang mga babae ang Egipto: at manginginig at matatakot dahil sa bala ng kamay ng Panginoon ng mga hukbo, na kaniyang ibinabala.

19:17 At ang lupain ng Juda ay magiging kakilabutan sa Egipto; sa kanino man mabanggit yaon ay matatakot, dahil sa panukala ng Panginoon ng mga hukbo, na ipinanukala laban doon.

19:18 Sa araw na yaon ay magkakaroon ng limang bayan sa lupain ng Egipto, na mangagsasalita ng wika ng Canaan, at magsisisumpa sa Panginoon ng mga hukbo; isa'y tatawagin: Ang bayang giba.

19:19 Sa araw na yaon ay magkakaroon ng isang dambana sa Panginoon sa gitna ng lupain ng Egipto, at isang haligi sa hangganan niyaon sa Panginoon.

19:20 At magiging pinakatanda at pinakasaksi sa Panginoon ng mga hukbo sa lupain ng Egipto: sapagka't sila'y magsisidaing sa Panginoon dahil sa mga mamimighati, at magsusugo siya sa kanila ng isang tagapagligtas, at isang tagapagsanggalang, at kaniyang ililigtas sila.

19:21 At ang Panginoon ay makikilala sa Egipto, at makikilala ng mga Egipcio ang Panginoon sa araw na yaon; oo, sila'y magsisisamba na may hain at alay, at magsisipanata ng panata sa Panginoon, at tutuparin.

19:22 At sasaktan ng Panginoon ang Egipto, na nananakit at magpapagaling; at sila'y manunumbalik sa Panginoon, at siya'y madadalanginan nila, at pagagalingin niya sila.

19:23 Sa araw na yaon ay magkakaroon ng lansangan mula sa Egipto hanggang sa Asiria, at ang mga taga Asiria ay magsisipasok sa Egipto, at ang mga Egipcio ay sa Asiria, at ang mga Egipcio ay magsisisambang kasama ng mga taga Asiria.

19:24 Sa araw na yao'y magiging pangatlo ang Israel sa Egipto at sa Asiria, na pagpapala sa gitna ng lupain:

19:25 Sapagka't pinagpala sila ng Panginoon ng mga hukbo, na sinasabi, Pagpalain ang bayan kong Egipto, at ang Asiria na gawa ng aking mga kamay, at ang Israel na aking mana.

20:1 Nang taong dumating si Tartan kay Asdod, nang suguin siya ni Sargon na hari sa Asiria, at siya'y makipaglaban kay Asdod, at sakupin niya;

20:2 Nang panahong yaon ay nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Isaias na anak ni Amoz, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, at kalagin mo ang kayong magaspang sa iyong mga balakang, at maghubad ka ng iyong panyapak sa iyong paa. At ginawa niyang gayon na lumakad na hubad at walang panyapak.

20:3 At sinabi ng Panginoon, Kung paanong ang aking lingkod na si Isaias ay lumakad na hubad at walang panyapak na tatlong taon na pinakatanda at pinakakamanghaan sa Egipto at sa Etiopia;

20:4 Gayon ihahatid ng hari sa Asiria ang mga bihag sa Egipto, at ang mga tapon sa Etiopia, bata at matanda, hubad at walang panyapak, at may mga pigi na litaw, sa ikapapahiya ng Egipto.

20:5 At sila'y manganglulupaypay at mangapapahiya, dahil sa Etiopia na kanilang pagasa at sa Egipto na kanilang kaluwalhatian.

20:6 At ang nananahan sa baybaying ito ay mangagsasabi sa araw na yaon, Narito, gayon na lamang ang aming pagasa, na aming tinakasan na hiningan ng tulong upang makalaya sa hari sa Asiria: at kami paanong makatatanan?

21:1 Ang hula tungkol sa ilang na nasa baybayin ng dagat. Kung paanong umiikot ang mga ipoipo sa Timugan gayon dumarating ang hangin na mula sa ilang mula sa kakilakilabot na lupain.

21:2 Isang malubhang pangitain ay naipahayag sa akin; ang manggagawa ng karayaan ay gumagawang may karayaan, at ang mananamsam ay nananamsam. Umahon ka, Oh Elam; kumubkob ka, Oh Media; lahat ng buntong-hininga niya'y aking pinatigil.

21:3 Kaya't ang aking mga balakang ay puspos ng kahirapan; mga hirap ay dinamdam ko, gaya ng mga hirap ng babae sa pagdaramdam; ako'y naghihirap na anopa't hindi ako makarinig; ako'y nanglulupaypay na anopa't hindi ako makakita.

21:4 Ang aking puso ay sumisikdo, kakilabutan ay tumakot sa akin: ang pagtatakip-silim na aking ninasa ay naging kapanginigan sa akin.

21:5 Sila'y nangaghanda ng dulang, sila'y nangaglagay ng bantay, sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom: magsitindig kayo, kayong mga pangulo, inyong ihanda ang kalasag.

21:6 Sapagka't ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, maglagay ka ng bantay; ipahayag niya kung ano ang nakikita niya:

21:7 At pagka siya'y nakakita ng pulutong, ng mga nangangabayong dalawa't dalawa, ng mga asno, ng pulutong ng mga kamelyo siya'y masikap na makikinig na ma'y pagiingat.

21:8 At siya'y umungal na parang leon: Oh Panginoon, ako'y tumatayong lagi sa moog na bantayan kung araw, at ako'y tumatanod sa aking bantayan na magdamagan:

21:9 At, narito, dito'y dumarating ang isang pulutong na lalake, mga nangangabayong dalawa't dalawa. At siya'y sumagot at nagsabi, Babilonia ay nabagsak, nabagsak, at lahat na larawang inanyuan na kaniyang mga dios ay nangabagsak sa lupa.

21:10 Oh ikaw na aking giniik, at trigo ng aking giikan: ang aking narinig sa Panginoon ng mga hukbo, sa Dios ng Israel, aking ipinahayag sa iyo.

21:11 Ang hula tungkol sa Duma. May tumatawag sa akin mula sa Seir, Bantay, anong nangyari sa gabi? Bantay, anong nangyari sa gabi?

21:12 Sinabi ng bantay, Ang umaga ay dumarating, at gayon din ang gabi: kung inyong uusisain, usisain ninyo: magsipihit kayo, parito kayo.

21:13 Ang hula tungkol sa Arabia. Sa gubat ng Arabia ay magsisitigil kayo, Oh kayong nangaglalakbay na pulupulutong na mga Dedaneo.

21:14 Ang nauuhaw ay dinadalhan nila ng tubig; sinalubong ng mga nananahan sa lupain ng Tema na may kanilang tinapay ang mga bihag.

21:15 Sapagka't kanilang tinatakasan ang mga tabak, ang bunot na tabak, at ang akmang busog, at ang lala ng digmaan.

21:16 Sapagka't ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, Sa loob ng isang taon, ayon sa mga taon ng magpapaupa, ang lahat ng kaluwalhatian ng Cedar ay mapapawi:

21:17 At ang malabi sa bilang sa mga mangbubusog, sa mga makapangyarihang lalake na mga anak ni Cedar, ay mangiilan: sapagka't ang Panginoon, ang Dios ng Israel, siyang nagsalita.

22:1 Ang hula tungkol sa libis ng pangitain. Anong ipinakikialam mo ngayon na ikaw ay lubos na sumampa sa mga bubungan?

22:2 Oh ikaw na puspos ng mga hiyawan, magulong bayan, masayang bayan; ang iyong mga patay ay hindi nangapatay ng tabak, o nangamatay man sila sa pakikipagbaka.

22:3 Lahat mong pinuno ay nagsitakas na magkakasama, nangatalian ng mga mangbubusog: lahat na nangasumpungan sa iyo ay nangataliang magkakasama, nagsitakas na malayo.

22:4 Kaya't sinabi ko, Bayaan ninyo ako, ako'y iiyak na may kapanglawan; huwag ninyong sikaping aliwin ako, ng dahil sa pagkasamsam sa anak na babae ng aking bayan.

22:5 Sapagka't araw na pagkatulig at ng pagyurak, at ng pagkalito, mula sa Panginoon, mula sa Panginoon ng mga hukbo, sa libis ng pangitain; pagkabagsak ng mga kuta at paghiyaw sa mga bundok.

22:6 At ang Elam ay may dalang lalagyan ng pana, may mga karo ng mga tao at mga mangangabayo; at ang Kir ay Bunot ang kalasag.

22:7 At nangyari, na ang iyong pinakapiling libis ay puno ng mga karo, at ang mga mangangabayo ay nagsisihanay sa pintuang-bayan.

22:8 At kaniyang inalis ang takip ng Juda; at ikaw ay tumitig ng araw na yaon sa sakbat sa bahay na kahoy sa gubat.

22:9 At inyong nakita ang mga sira ng bayan ni David, na napakarami: at inyong pinisan ang tubig ng mababang tangke.

22:10 At inyong binilang ang mga bahay ng Jerusalem, at inyong iginiba ang mga bahay upang patibayin ang kuta.

22:11 Kayo'y nagsigawa naman ng tipunang tubig sa pagitan ng dalawang kuta para sa tubig ng dating tangke. Nguni't hindi ninyo tiningnan siyang gumawa nito, o nagpakundangan man kayo sa kaniya na naganyo nito na malaon na.

22:12 At nang araw na yao'y tumawag ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, sa pagiyak, at sa pagtangis, at sa pagkakalbo, at sa pagbibigkis ng kayong magaspang.

22:13 At, narito, kagalakan at kasayahan, pagpatay ng mga baka at pagpatay ng mga tupa, pagkain ng karne, at paginom ng alak: Tayo'y magsikain at magsiinom, sapagka't bukas tayo ay mangamamatay.

22:14 At ang Panginoon ng mga hukbo ay naghayag sa aking mga pakinig, Tunay na ang kasamaang ito ay hindi malilinis sa inyo hanggang sa kayo'y mangamatay, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.

22:15 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, Ikaw ay yumaon, pumaroon ka sa tagaingat-yamang ito sa makatuwid baga'y kay Sebna, na katiwala sa bahay, at iyong sabihin,

22:16 Anong ginagawa mo rito? at sinong ibinaon mo rito, na gumawa ka rito ng isang libingan para sa iyo? na gumagawa ka ng libingan sa itaas, at umuukit ka ng tahanan niyang sarili sa malaking bato!

22:17 Narito, ibabagsak kang bigla ng Panginoon na gaya ng malakas na tao: oo, kaniyang hihigpitan ka.

22:18 Tunay niyang papipihit-pihitin at itatapon ka na parang bola sa malaking lupain; doon ka mamamatay, at doon malalagay ang mga karo ng iyong kaluwalhatian, ikaw na kahihiyan ng sangbahayan ng iyong panginoon.

22:19 At aalisin kita sa iyong katungkulan, at sa iyong kinaroroonan ay ibubuwal ka.

22:20 At mangyayari sa araw na yaon, na aking tatawagin ang aking lingkod na si Eliacim na anak ni Hilcias:

22:21 At aking susuutan siya ng iyong balabal, at patitibayin siya ng iyong pamigkis, at aking ipagkakatiwala ang iyong pamamahala sa kaniyang kamay: at siya'y magiging ama sa mga nananahan sa Jerusalem, at sa sangbahayan ni Juda.

22:22 At ang katungkulan sa sangbahayan ni David ay iaatang ko sa kaniyang balikat; at siya'y magbubukas, at walang magsasara; at siya'y magsasara, at walang magbubukas.

22:23 At aking ikakapit siya na parang pako sa isang matibay na dako; at siya'y magiging pinakaluklukan ng kaluwalhatian sa sangbahayan ng kaniyang magulang.

22:24 At kanilang ipagkakaloob sa kaniya ang buong kaluwalhatian ng sangbahayan ng kaniyang magulang, ang mga anak at ang angkan, bawa't sisidlan, mula sa mga munting sisidlan hanggang sa mga malalaking sisidlan.

22:25 Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, matatanggal ang pakong nakapit sa matibay na dako; at mababalikwat, at mahuhulog, at ang mga sabit niyaon ay malalaglag; sapagka't sinalita ng Panginoon.

23:1 Ang hula tungkol sa Tiro. Magsiangal kayo, kayong mga sasakyang dagat ng Tarsis; sapagka't nasira, na anopa't walang bahay, walang pasukan: mula sa lupain ng Chittim ay nahayag sa kanila.

23:2 Magsitahimik kayo, kayong mga nananahan sa baybayin; ikaw na pinasagana ng mga mangangalakal ng Sidon, na nagdaraan sa dagat.

23:3 At nasa baybayin ng malawak na tubig ang binhi ng Sihor, ang ani ng Nilo, naging kaniyang pakinabang; at siya'y naging pamilihan ng mga bansa.

23:4 Mahiya ka, O Sidon: sapagka't sinalita ng dagat, ng tanggulan ng dagat, na sinasabi, hindi ako nagdamdam, o nanganak man, o nagalaga man ako ng mga binata, o nagpalaki ng mga dalaga.

23:5 Pagka ang balita ay dumating sa Egipto, ay mamamanglaw silang mainam sa balita tungkol sa Tiro.

23:6 Mangagpatuloy kayo sa Tarsis: magsiangal kayo, kayong mga nananahan sa baybayin.

23:7 Ito baga ang inyong masayang bayan, na matanda na mula pa noong unang araw, na dinadala ng kaniyang mga paa sa malayo upang mangibang bayan?

23:8 Sinong nagpanukala nito laban sa Tiro na siyang bayang nagpuputong, na ang mga manininda ay mga pangulo, na ang mga mangangalakal ay mararangal sa lupa.

23:9 Pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo, upang hamakin ang kapalaluan ng buong kaluwalhatian, upang hiyain ang lahat na mararangal sa lupa?

23:10 Magdaan ka sa iyong lupain na gaya ng Nilo, Oh anak na babae ng Tarsis; wala ka ng lakas.

23:11 Kaniyang iniunat ang kaniyang kamay sa dagat, kaniyang niyanig ang mga kaharian: ang Panginoon ay nagutos tungkol sa Canaan, upang gibain ang mga kuta niyaon.

23:12 At kaniyang sinabi, Ikaw ay hindi na magagalak pa, Oh ikaw na aping dalaga ng Sidon; bumangon ka, magdaan ka sa Chittim: doon ma'y hindi ka magkakaroon ng kapahingahan.

23:13 Tingnan mo ang lupain ng mga Caldeo; ang bayang ito ay wala na; inilaan ng taga Asiria para sa mga hayop sa ilang; kanilang itinayo ang kanilang mga moog; iginiba nila ang mga palacio niyaon: kaniyang pinapaging isang guho.

23:14 Magsiangal kayo, kayong mga sasakyang dagat ng Tarsis: sapagka't ang inyong tanggulan ay giba.

23:15 At mangyayari, sa araw na yaon na ang Tiro ay malilimutang pitong pung taon, ayon sa mga kaarawan ng isang hari: pagkatapos ng pitong pung taon ay mangyayari sa Tiro ang gaya sa awit ng patutot.

23:16 Ikaw ay humawak ng alpa, lumibot ka sa bayan, ikaw na patutot na nalimutan; magpainam ka ng tinig, umawit ka ng maraming awit, upang ikaw ay maalaala.

23:17 At mangyayari, sa katapusan ng pitong pung taon, na dadalawin ng Panginoon ang Tiro, at pagbabalikan niya ang kaniyang upa, at magiging patutot sa lahat ng kaharian ng sanglibutan sa ibabaw ng lupa.

23:18 At ang kaniyang kalakal at ang upa sa kaniya ay itatalaga sa Panginoon: hindi itatago o isisimpan man, sapagka't ang kaniyang kalakal ay magiging sa ganang kanila na nagsisitahan sa harap ng Panginoon, upang magsikaing may kabusugan, at manamit na mainam.

24:1 Narito, pinawawalan ng laman ng Panginoon ang lupa, at sinisira, at binabaligtad, at pinangangalat ang mga nananahan doon.

24:2 At mangyayari, na kung paano sa mga tao, gayon sa saserdote; kung paano sa alipin, gayon sa kaniyang panginoon; kung paano sa alilang babae, gayon sa kaniyang panginoong babae; kung paano sa mamimili, gayon sa nagbibili; kung paano sa mapagpahiram, gayon sa manghihiram; kung paano sa mapagpatubo, gayon sa pinatutubuan.

24:3 Ang lupa ay lubos na mawawalan ng laman, at lubos na masasamsaman; sapagka't sinalita ng Panginoon ang salitang ito.

24:4 Ang lupa ay tumatangis at nasisira, ang sanglibutan ay nanghihina at nanglalata, ang mapagmataas na bayan sa lupa ay nanghihina.

24:5 Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon; sapagka't kanilang sinalangsang ang kautusan, binago ang alituntunin, sinira ang walang hanggang tipan.

24:6 Kaya't nilamon ng sumpa ang lupa, at silang nagsisitahan doon ay nangasumpungang salarin; kaya't ang mga nananahan sa lupa ay nangasunog, at nangagilan ang tao.

24:7 Ang bagong alak ay pinabayaan, ang puno ng ubas ay nalanta, lahat ng masayang puso ay nagbubuntong-hininga.

24:8 Ang saya ng mga pandereta ay naglikat, ang kaingay nila na nangagagalak ay nagkawakas, ang galak ng alpa ay naglikat.

24:9 Sila'y hindi magsisiinom ng alak na may awitan; matapang na alak ay magiging mapait sa kanila na nagsisiinom niyaon.

24:10 Ang bayan ng pagkalito ay nabagsak: bawa't bahay ay nasarhan, upang walang taong makapasok doon.

24:11 May daing sa mga lansangan dahil sa alak; lahat ng kagalakan ay naparam, ang kasayahan sa lupa ay nawala.

24:12 Naiwan sa bayan ay kagibaan, at ang pintuang-bayan ay nawasak.

24:13 Sapagka't ganito ang mangyayari sa mga tao sa gitna ng lupain na gaya ng paguga sa isang punong olibo, gaya ng pamumulot ng ubas pagkatapos ng pag-aani.

24:14 Ang mga ito ay maglalakas ng kanilang tinig, sila'y magsisihiyaw; dahil sa kamahalan ng Panginoon ay nagsisihiyaw sila ng malakas mula sa dagat.

24:15 Kaya't luwalhatiin ninyo ang Panginoon sa silanganan, sa makatuwid baga'y ang pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, sa mga pulo ng dagat.

24:16 Mula sa kaduluduluhang bahagi ng lupa ay nakarinig kami ng mga awit, kaluwalhatian sa matuwid. Nguni't aking sinabi, Namamatay ako, namamayat ako, sa aba ko! ang mga manggagawang taksil ay nagsisigawang may kataksilan, oo, ang mga manggagawang taksil ay nagsisigawa na may lubhang kataksilan.

24:17 Takot, at ang hukay, at ang silo ay nangasa iyo, Oh nananahan sa lupa.

24:18 At mangyayari, na siyang tumatakas sa kakilakilabot na kaingay ay mahuhulog sa hukay; at siyang sumasampa mula sa gitna ng hukay ay mahuhuli sa silo: sapagka't ang mga dungawan sa itaas ay nangabuksan, at ang mga patibayan ng lupa ay umuuga.

24:19 Ang lupa ay nagibang lubos, ang lupa ay lubos na nasira, ang lupa ay nakilos ng di kawasa.

24:20 Ang lupa ay gigiray na parang lango, at mauuga na parang dampa; at ang kaniyang pagsalangsang ay magiging mabigat sa kaniya, at mabubuwal, at hindi na magbabangon.

24:21 At mangyayari, sa araw na yaon, na parurusahan ng Panginoon ang hukbo ng mga mataas sa itaas, at ang mga hari sa lupa sa ibabaw ng lupa.

24:22 At sila'y mangapipisan, gaya ng mga bilanggo na mangapipisan sa hukay, at masasarhan sa bilangguan, at pagkaraan ng maraming araw ay dadalawin sila.

24:23 Kung magkagayo'y malilito ang buwan, at ang araw ay mapapahiya; sapagka't ang Panginoon ng mga hukbo ay maghahari sa bundok ng Sion, at sa Jerusalem; at sa harap ng kaniyang mga matanda ay may kaluwalhatian.

25:1 Oh Panginoon, ikaw ay aking Dios; aking ibubunyi ka, aking pupurihin ang iyong pangalan; sapagka't ikaw ay gumawa ng kagilagilalas na bagay, sa makatuwid baga'y ang iyong binalak noong una, sa pagtatapat at katotohanan.

25:2 Sapagka't iyong pinapaging isang bunton ang isang bayan, ang bayang matibay ay pinapaging isang guho: ang palasio ng mga taga ibang lupa ay di na magiging bayan; hindi matatayo kailan man.

25:3 Kaya't luluwalhatiin ka ng matibay na bayan, ang bayan ng kakilakilabot na mga bansa ay matatakot sa iyo.

25:4 Sapagka't ikaw ay naging ampunan sa dukha, ampunan sa mapagkailangan sa kaniyang kahirapan, silongan sa bagyo, lilim sa init, pagka ang hihip ng mga kakilakilabot ay parang bagyo laban sa kuta.

25:5 Gaya ng init sa tuyong dako patitigilin mo ang ingay ng mga taga ibang lupa; gaya ng init sa pamamagitan ng lilim ng alapaap, matitigil ang awit ng mga kakilakilabot.

25:6 At sa bundok na ito ay gagawa ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan, ng isang kapistahan ng mga matabang bagay, ng isang kapistahan ng mga alak na laon, ng mga matabang bagay na puno ng utak, ng mga alak na laon na totoong sala.

25:7 At kaniyang aalisin sa bundok na ito ang takip na nalagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na naladlad sa lahat na bansa.

25:8 Sinakmal niya ang kamatayan magpakailan man; at papahirin ng Panginoong Dios ang mga luha sa lahat ng mga mukha; at ang kakutyaan ng kaniyang bayan ay maaalis sa buong lupa: sapagka't sinalita ng Panginoon.

25:9 At sasabihin sa araw na yaon, Narito, ito'y ating Dios; hinintay natin siya, at ililigtas niya tayo: ito ang Panginoon; ating hinintay siya, tayo'y matutuwa at magagalak sa kaniyang pagliligtas.

25:10 Sapagka't sa bundok na ito magpapahinga ang kamay ng Panginoon; at ang Moab ay mayayapakan sa kaniyang dako, gaya ng dayami na nayayapakan sa tapunan ng dumi.

25:11 At kaniyang iuunat ang kaniyang mga kamay sa gitna niyaon, gaya ng paguunat ng lumalangoy upang lumangoy: at kaniyang ibababa ang kaniyang kapalaluan sangpu ng gawa ng kaniyang mga kamay.

25:12 At ang mataas na moog ng iyong mga kuta ay kaniyang ibinaba, giniba, at ibinagsak sa lupa, hanggang sa alabok.

26:1 Sa araw na yaon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda: Tayo ay may matibay na bayan; kaligtasan ay kaniyang ilalagay na pinakakuta at pinakakatibayan.

26:2 Buksan ninyo ang mga pintuang-bayan, upang mapasukan ng matuwid na bansa na nagiingat ng katotohanan.

26:3 Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo: sapagka't siya'y tumitiwala sa iyo.

26:4 Magsitiwala kayo sa Panginoon magpakailan man: sapagka't nasa Panginoong Jehova ang walang hanggang bato.

26:5 Sapagka't ibinaba niya sila na nagsisitahan sa itaas, na mapagmataas na bayan: kaniyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa: kaniyang ibinagsak hanggang sa alabok.

26:6 Yayapakan ng paa, sa makatuwid baga'y ng mga paa ng dukha, at ng mga hakbang ng mapagkailangan.

26:7 Ang daan ng ganap ay katuwiran: ikaw na matuwid ay nagtuturo ng landas ng ganap.

26:8 Oo, sa daan ng iyong mga kahatulan, Oh Panginoon, nangaghintay kami sa iyo: sa iyong pangalan at sa alaala sa iyo ang nasa ng aming kaluluwa.

26:9 Ninasa kita ng aking kaluluwa sa gabi; oo, ng diwa ko sa loob ko ay hahanapin kita na masikap: sapagka't pagka nasa lupa ang iyong mga kahatulan ay nangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa sanglibutan.

26:10 Magpakita man ng awa sa masama, hindi rin siya matututo ng katuwiran; sa lupain ng katuwiran ay gagawa siyang may kamalian, at hindi niya mapapansin ang kamahalan ng Panginoon.

26:11 Panginoon, ang iyong kamay ay nakataas, gayon ma'y hindi nila nakikita: nguni't makikita nila ang iyong sikap sa bayan, at mangapapahiya; oo, sasakmalin ng apoy ang iyong mga kaaway.

26:12 Panginoon, ikaw ay magaayos ng kapayapaan sa amin: sapagka't ikaw rin ang gumawa ng lahat naming gawa na para sa amin.

26:13 Oh Panginoon naming Dios, ang ibang mga panginoon, bukod sa iyo ay nagtaglay ng pagkapanginoon sa amin; nguni't ikaw lamang ang babanggitin namin sa pangalan.

26:14 Sila'y patay, sila'y hindi mabubuhay; sila'y namatay, sila'y hindi babangon: kaya't iyong dinalaw at sinira sila, at pinawi mo ang lahat na alaala sa kanila.

26:15 Iyong pinarami ang bansa, Oh Panginoon, iyong pinarami ang bansa; ikaw ay nagpakaluwalhati: iyong pinalaki ang lahat na hangganan ng lupain.

26:16 Panginoon, sa kabagabagan ay dinalaw ka nila, sila'y nangagbugso ng dalangin, nang pinarurusahan mo sila.

26:17 Gaya ng babae na nagdadalang-tao na lumalapit ang panahon ng kaniyang panganganak, ay nasa hirap at humihiyaw sa kaniyang pagdaramdam; naging gayon kami sa harap mo, Oh Panginoon.

26:18 Kami ay nangagdalang-tao, kami ay nalagay sa pagdaramdam, kami ay tila nanganak ng hangin; kami ay hindi nagsigawa ng anomang kagalingan sa lupa; o nabuwal man ang mga nananahan sa sanglibutan.

26:19 Ang iyong mga patay ay mangabubuhay; ang aking patay na katawan ay babangon. Magsigising at magsiawit, kayong nagsisitahan sa alabok: sapagka't ang iyong hamog ay gaya ng hamog ng mga damo, at iluluwa ng lupa ang mga patay.

26:20 Ikaw ay parito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo: magkubli kang sangdali, hanggang sa ang galit ay makalampas;

26:21 Sapagka't, narito, ang Panginoon ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan: ililitaw naman ng lupa ang kaniyang dugo, at hindi na tatakpan ang kaniyang nangapatay.

27:1 Sa araw na yaon ay parurusahan ng Panginoon, ng kaniyang matigas at malaki at matibay na tabak ang leviatan na maliksing ahas, at ang leviatan na lumilikaw na ahas, at kaniyang papatayin ang buwaya na nasa dagat.

27:2 Sa araw na yaon: Awitin ninyo sa kaniya ang tungkol sa isang ubasang pinagkunan ng alak.

27:3 Akong Panginoon ang nagiingat; aking didiligin tuwituwina: baka saktan ng sinoman, aking iingatan gabi't araw.

27:4 Kagalitan ay hindi sumasa akin: kung makipagbaka sana ang mga dawag at mga tinik laban sa akin! akin yaong yayapakan, aking susunuging magkakasama.

27:5 O manghawak sana siya sa aking lakas, upang siya'y makipagpayapaan sa akin; oo, makipagpayapaan siya sa akin.

27:6 Sa mga araw na darating ay maguugat ang Jacob; ang Israel ay mamumulaklak at magbubuko: at pupunuin nila ng bunga ang ibabaw ng sanglibutan.

27:7 Sinaktan baga niya siya na gaya ng pagsakit niya sa mga yaon, na nanakit sa kaniya? o pinatay siya ng ayon sa pagpatay nila, na napatay niya?

27:8 Sa sukat, pagka iyong pinayayaon siya, ikaw ay nakikipagtalo sa kaniya; kaniyang binago siya ng kaniyang pagispis na hihip sa kaarawan ng silanganang hangin.

27:9 Kaya't sa pamamagitan nito ay malilinis ang kasamaan ng Jacob, at ito ang buong bunga ng pagaalis ng kaniyang kasalanan: pagka kaniyang ginagawa ang mga bato ng dambana na gaya ng mga malambot na batong naluluray upang ang mga Asera at ang mga Iarawang araw ay hindi na matatayo.

27:10 Sapagka't ang bayang nakukutaan ay nagiisa, isang tahanang pinabayaan at iniwanan gaya ng ilang: doon manginginain ang guya, at doon hihiga, at kakainin ang mga sanga niyaon.

27:11 Pagka ang mga sanga niyaon ay nangatuyo, babaliin; paroroonan ng mga babae at igagatong sa apoy: sapagka't bayan na walang unawa; kaya't ang gumawa sa kanila ay hindi magdadalang habag sa kanila, at ang naganyo sa kanila ay hindi magpapakita sa kanila ng lingap.

27:12 At mangyayari sa araw na yaon, na lalagasin ng Panginoon ang bunga niyaon mula sa agos ng ilog hanggang sa batis ng Egipto, at kayo'y mapipisang isa isa, Oh kayong mga anak ni Israel.

27:13 At mangyayari sa araw na yaon, na ang malaking pakakak ay hihipan; at silang nangapapahamak sa lupain ng Asiria ay magsisiparito, at silang mga tapon sa lupain ng Egipto; at sila'y magsisisamba sa Panginoon sa banal na bundok ng Jerusalem.

28:1 Sa aba ng putong ng kapalaluan ng mga manglalasing sa Ephraim, at ng lipas na bulaklak ng kaniyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mainam na libis nila na nadaig ng alak!

28:2 Narito, ang Panginoon ay may isang makapangyarihan at malakas na sugo parang bagyo ng granizo, na manggigibang bagyo, parang unos ng bumubugsong tubig na bumabaha, ay ibubuwal niya sa lupa sa pamamagitan ng malakas na kamay.

28:3 Ang putong ng kapalaluan ng mga manglalasing sa Ephraim ay mayayapakan ng paa:

28:4 At ang lipas na bulaklak ng kaniyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mainam na libis, magiging gaya ng maagang hinog na bunga ng igos bago magtaginit; na kung nakikita ng tumitingin, samantalang na sa kaniyang kamay pa, kinakain na niya.

28:5 Sa araw na yaon ay magiging putong ng kaluwalhatian ang Panginoon ng mga hukbo, at pinakadiadema ng kagandahan, sa nalabi sa kaniyang bayan;

28:6 At pinaka diwa ng kahatulan sa kaniya na nauupo sa kahatulan, at pinakalakas sa kanila na umuurong sa pakikipagbaka hanggang sa pintuang-daan.

28:7 Gayon man ang mga ito ay gumigiray dahil sa alak, at dahil sa matapang na alak ay pahapayhapay; ang saserdote at ang propeta ay gumigiray dahil sa matapang na alak, sila'y nangasakmal ng alak, sila'y pahapayhapay dahil sa matapang na alak: sila'y nangamamali sa pangitain, sila'y nangatitisod sa paghatol.

28:8 Sapagka't lahat ng mga dulang ay puno ng suka, at ng karumihan, na anopa't walang dakong malinis.

28:9 Kanino siya magtuturo ng kaalaman? at kanino niya ipatatalastas ang balita? silang nangalayo sa gatas, at nangahiwalay sa suso?

28:10 Sapagka't utos at utos: utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito'y kaunti, doo'y kaunti.

28:11 Hindi, kundi sa pamamagitan ng mga taong may ibang pangungusap at may iba't ibang wika ay sasalitain niya sa bayang ito.

28:12 Na kaniyang pinagsabihan, Ito ang kapahingahan, papagpahingahin ninyo siya na pagod; at ito ang kaginhawahan: gayon ma'y hindi nila pinakinggan.

28:13 Kaya't ang salita ng Panginoon ay magiging sa kanila'y utos at utos, utos at utos; bilin at bilin, bilin at bilin; dito'y kaunti, doo'y kaunti; upang sila'y mangakayaon, at mangapahinga, at mangabalian, at mangasilo, at mangahuli.

28:14 Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga mangduduwahaging tao, na nangagpupuno sa bayang ito na nasa Jerusalem:

28:15 Sapagka't inyong sinabi, Tayo'y nakipagtipan sa kamatayan, at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay dumaan, hindi darating sa atin; sapagka't ating ginawang pinakakanlungan natin ang mga kabulaanan, at sa ilalim ng kasinungalingan ay nangagkubli tayo,

28:16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking inilalagay sa Sion na pinakapatibayan ang isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok na may matibay na patibayan: ang naniniwala ay hindi magmamadali.

28:17 At aking ilalagay na pinakapising panukat ang katuwiran, at pinakapabato ang kabanalan: at papalisin ng granizo ang kanlungan ng mga kabulaanan, at aapawan ng tubig ang taguang dako.

28:18 At ang inyong tipan sa kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan, at ang iyong pakikipagkasundo sa Sheol ay hindi mamamalagi; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay daraan, kayo nga'y ipapahamak niyaon.

28:19 Sa tuwing dadaan, tatangayin kayo; sapagka't tuwing umaga ay daraan, sa araw at sa gabi: at mangyayari na ang balita ay magiging kakilakilabot na matalastas.

28:20 Sapagka't ang higaan ay lalong maikli na hindi maunatan ng tao; at ang kumot ay lalong makitid na hindi makabalot sa kaniya.

28:21 Sapagka't ang Panginoon ay babangon na gaya sa bundok ng Perasim, siya'y napopoot na gaya sa libis ng Gabaon; upang kaniyang magawa ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain, at papangyarihin ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain.

28:22 Huwag nga kayong mapagtuya, baka ang mga panali sa inyo ay magsitibay: sapagka't ang paglipol na ipinasiya, narinig ko sa Panginoon, sa Panginoon ng mga hukbo, sa buong lupa.

28:23 Pakinggan ninyo, at dinggin ninyo ang aking tinig, inyong dinggin, at pakinggan ang aking pananalita.

28:24 Nag-aararo bagang lagi ang mang-aararo upang maghasik? Kaniya bagang laging binubungkal at dinudurog ang kaniyang lupa.

28:25 Pagka kaniyang napatag ang ibabaw niyaon hindi ba niya binibinhian ng eneldo, at ikinakalat ang binhing comino, at inihahanay ang trigo, at ang cebada sa takdang dako, at ang espelta sa hangganan niyaon?

28:26 Sapagka't itinuturong matuwid sa kaniya ng kaniyang Dios, at itinuturo sa kaniya:

28:27 Sapagka't ang eneldo ay hindi ginigiik ng panggiik na matalas, o ang gulong man ng karo ay gugulong sa comino; kundi ang eneldo ay hinahampas ng tungkod, at ang comino ay ng pamalo.

28:28 Ang trigong ginagawang tinapay ay ginigiling; sapagka't hindi laging magigiik: at bagaman pangalatin yaon ng gulong ng kaniyang karo at ng kaniyang mga kabayo, hindi niya ginigiling.

28:29 Gayon ma'y ito'y mula rin sa Panginoon ng mga hukbo, na kamanghamangha sa payo, at marilag sa karunungan.

29:1 Hoy Ariel, Ariel, na bayang hinantungan ni David! magdagdag kayo ng taon sa taon; magdiwang sila ng mga kapistahan:

29:2 Akin ngang pahihirapan ang Ariel, at magsisitangis at mananaghoy: at siya'y magiging gaya ng Ariel sa akin.

29:3 At ako'y magtatayo ng kampamento laban sa iyo sa palibot, at kukubkubin kita ng mga kuta, at ako'y magbabangon ng mga pangkubkob laban sa iyo.

29:4 At ikaw ay mabababa, at magsasalita mula sa lupa, at ang iyong salita ay magiging mababa na mula sa alabok: at ang iyong tinig ay magiging gaya ng isang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, mula sa lupa, at ang iyong pananalita ay bubulong mula sa alabok.

29:5 Nguni't ang karamihan ng iyong mga kaaway ay magiging gaya ng munting alabok, at ang karamihan ng mga kakilakilabot ay gaya ng ipang inililipad ng hangin: oo, magiging sa biglang sandali.

29:6 Siya'y dadalawin ng Panginoon ng mga hukbo sa pamamagitan ng kulog, at ng lindol, at ng malaking kaingay, ng ipoipo at bagyo, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy.

29:7 At ang karamihan ng lahat na bansa na nagsisilaban sa Ariel, lahat na nagsisilaban sa kaniya at sa kaniyang kuta, at ang nagpapahirap sa kaniya, ay magiging gaya ng panaginip na isang pangitain sa gabi.

29:8 At mangyayari, na gaya ng kung ang isang gutom ay nananaginip, at, narito, siya'y kumakain; nguni't siya'y nagigising, at ang kaniyang kaluluwa ay walang anoman: o gaya ng kung ang isang uhaw ay nananaginip, at, narito, siya'y umiinom; nguni't siya'y nagigising, at, narito, siya'y malata, at ang kaniyang kaluluwa ay uhaw: gayon ang mangyayari sa karamihan ng lahat na bansa, na nagsisilaban sa bundok ng Sion.

29:9 Kayo'y mangatigilan at manganggilalas; kayo'y mangalugod at mangabulag: sila'y lango, nguni't hindi sa alak; sila'y gumigiray, nguni't hindi sa matapang na alak.

29:10 Sapagka't inihulog ng Panginoon sa inyo ang diwa ng mahimbing na pagkakatulog, at ipinikit ang inyong mga mata, na mga propeta; at ang iyong mga pangulo, na mga tagakita, ay kaniyang tinakpan.

29:11 At ang lahat ng pangitain ay naging sa inyo'y gaya ng mga salita ng aklat na natatatakan, na ibinibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka't natatatakan;

29:12 At ang aklat ay nabigay sa kaniya na hindi marunong, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Ako'y hindi marunong bumasa.

29:13 At sinabi ng Panginoon, Yamang ang bayang ito ay lumapit sa akin, at pinapupurihan ako ng kanilang bibig at ng kanilang mga labi, nguni't inilayo ang kanilang puso sa akin, at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na itinuro sa kanila:

29:14 Dahil dito narito, pasisimulan kong gawin ang isang kagilagilalas na gawa sa gitna ng bayang ito, isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha: at ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi, at ang unawa ng kanilang mga mabait ay malilingid.

29:15 Sa aba nila, na nagsisihanap ng kalaliman upang ilingid sa Panginoon ang kanilang payo, at ang kanilang mga gawa ay nasa kadiliman, at kanilang sinasabi, Sinong nakakakita sa atin? at sinong nakakakilala sa atin?

29:16 Kayo'y nangagbabaligtad ng mga bagay! Maibibilang bagang putik ang magpapalyok; upang sabihin ng bagay na yari sa may-gawa sa kaniya, Hindi niya ginawa ako; o sabihin ng bagay na may anyo tungkol sa naganyo, Siya'y walang unawa?

29:17 Hindi baga sangdaling-sangdali na lamang, at ang Libano ay magiging mainam na bukid, at ang mainam na bukid ay magiging pinakagubat?

29:18 At sa araw na yaon ay makikinig ang pipi ng mga salita ng aklat, at ang mga mata ng bulag ay makakakita mula sa kalabuan at sa kadiliman.

29:19 At mananagana naman sa kanilang kagalakan sa Panginoon, ang maamo, at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel.

29:20 Sapagka't ang kakilakilabot ay nauwi sa wala, at ang mangduduwahagi ay naglilikat, at ang lahat na nagbabanta ng kasamaan ay nangahiwalay:

29:21 Yaong nakapagkasala sa tao sa isang usapin, at naglalagay ng silo doon sa sumasaway sa pintuang-bayan, at nagliligaw sa ganap na tao sa pamamagitan ng walang kabuluhan.

29:22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, na siyang tumubos kay Abraham, tungkol sa sangbahayan ni Jacob, Si Jacob nga ay hindi mapapahiya o mamumula pa man ang kaniyang mukha.

29:23 Nguni't pagka kaniyang nakikita ang kaniyang mga anak, ang gawa ng aking mga kamay, sa gitna niya, ay kanilang aariing banal ang aking pangalan; oo, kanilang aariing banal ang Banal ni Jacob, at magsisitayong may takot sa Dios ng Israel.

29:24 Sila namang nangamamali sa diwa ay darating sa pagkaunawa, at silang mga mapag-upasala ay mangatututo ng aral.

30:1 Sa aba ng mga mapanghimagsik na mga anak, sabi ng Panginoon, na nagsisisangguni, nguni't hindi sa akin; at nangagaalay ng alay, nguni't hindi sa aking Espiritu, upang makapagdagdag ng kasalanan sa kasalanan:

30:2 Ang nagsisilakad na nagsisilusong sa Egipto, at hindi nangagtanong sa aking bibig; upang mangagpakalakas sa lakas ni Faraon, at magsitiwala sa lilim ng Egipto!

30:3 Kaya't ang lakas ni Faraon ay magiging inyong kahihiyan, at ang pagtiwala sa lilim ng Egipto ay inyong pagkalito.

30:4 Sapagka't ang kaniyang mga pangulo ay nangasa Zoan, at ang kanilang mga sugo ay nagsidating sa Hanes.

30:5 Silang lahat ay mangapapahiya dahil sa bayan na hindi nila mapapakinabangan, na hindi tulong o pakinabang man, kundi kahihiyan, at kakutyaan din naman.

30:6 Ang hula tungkol sa mga hayop ng Timugan. Sa lupain ng kabagabagan at ng kahapisan, na pinanggagalingan ng leong babae at lalake, ng ulupong at ng lumilipad na makamandag na ahas, kanilang dinadala ang kanilang mga kayamanan sa mga gulugod ng mga batang asno, at ang kanilang mga kayamanan sa umbok ng gulugod ng mga kamelyo, sa isang bayan na hindi nila mapapakinabangan.

30:7 Sapagka't ang Egipto ay tumulong na walang kabuluhan, at walang kapararakan: kaya't aking tinawag siyang Rahab na nauupong walang kibo.

30:8 Ngayo'y yumaon ka, isulat mo sa harap nila sa isang tapyas na bato, at ititik mo sa isang aklat upang manatili sa panahong darating na walang hanggan.

30:9 Sapagka't mapanghimagsik na bayan, mga sinungaling na anak, mga anak na hindi didinig ng kautusan ng Panginoon:

30:10 Na nagsasabi sa mga tagakita, Huwag kayong kumita; at sa mga propeta, Huwag kayong manghula sa amin ng mga matuwid na bagay, magsalita kayo sa amin ng mga malubay na bagay, manghula kayo ng mga magdarayang bagay:

30:11 Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas, papaglikatin ninyo ang Banal ng Israel sa harap namin.

30:12 Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel, Sapagka't inyong hinamak ang salitang ito, at nagsitiwala kayo sa kapighatian at kasuwailan, at yaon ay inyong inaasahan:

30:13 Kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y gaya ng batong sira na madaling mababagsak, na natatanggal sa isang matayog na pader, na biglang dumarating ang pagkasira sa isang sangdali.

30:14 At yao'y kaniyang babasagin na gaya ng pagbasag ng palyok ng magpapalyok, na nababasag na putolputol na walang matitira; na anopat walang masusumpungan na kapiraso sa mga putol niyaon, na maikukuha ng apoy mula sa apuyan, o maikakadlo ng tubig sa balon.

30:15 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, ng Banal ng Israel, Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay matitiwasay kayo; sa katahimikan at sa pagasa ay magiging ang inyong lakas. At hindi ninyo inibig.

30:16 Kundi inyong sinabi, Hindi, sapagka't kami ay magsisitakas na mangangabayo: kaya kayo'y magsisitakas: at, Kami ay magsisisakay sa mga maliksi; kaya't silang magsisihabol sa inyo ay maliliksi.

30:17 Isang libo ay tatakas sa saway ng isa; sa saway ng lima ay tatakas kayo: hanggang sa kayo'y maiwang parang isang palatandaan sa taluktok ng bundok, at gaya ng isang watawat sa isang burol.

30:18 At dahil dito maghihintay ang Panginoon, upang siya'y maging mapagbiyaya sa inyo, at kaya't mabubunyi siya, na siya'y magdadalang habag sa inyo: sapagka't ang Panginoon ay Dios ng kahatulan; mapapalad yaong lahat na nangaghihintay sa kaniya.

30:19 Sapagka't ang bayan ay tatahan sa Sion sa Jerusalem: ikaw ay hindi na iiyak pa; siya'y tunay na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; pagka kaniyang maririnig, sasagutin ka niya.

30:20 At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng tinapay ng kasakunaan at ng tubig ng kadalamhatian, gayon may hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo:

30:21 At ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, Ito ang daan, lakaran ninyo; pagka kayo'y pumipihit sa kanan, at pagka kayo'y pumipihit sa kaliwa.

30:22 At inyong lalapastanganin ang mga panakip ng inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang pangbalot sa inyong mga larawang ginto na binubo: iyong ipaghahagis na gaya ng maruming bagay: iyong sasabihin, Humayo ka.

30:23 At Siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi, na iyong hahasikan ang lupa; at ng pagkaing bunga ng lupa, at magiging mataba at sagana. Sa araw na yaon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan.

30:24 Ang mga baka at gayon din ang mga guyang asno na bumubukid ng lupa ay magsisikain ng may lasang pagkain, na pinahanginan ng pala at hunkoy.

30:25 At magkakaroon ng mga ilog at mga balon ng tubig sa lahat na mataas na bundok, at sa lahat na matayog na burol, sa araw ng malaking patayan, pagka ang mga moog ay nabubuwal.

30:26 Bukod dito'y ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magpipito, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng Panginoon ang sugat ng kaniyang bayan, at pagalingin ang bugbog na kanilang sugat.

30:27 Narito, ang pangalan ng Panginoon ay magmumula sa malayo, na nagniningas ng kaniyang galit, at nasa umiilanglang na salimuot na usok: ang kaniyang mga labi ay puno ng pagkagalit, at ang kaniyang dila ay gaya ng mamumugnaw na apoy:

30:28 At ang kaniyang hinga ay gaya ng umaapaw na ilog, na umaabot hanggang sa leeg, upang igigin ang mga bansa ng pangigig na pangsira; at isang paningkaw na nakapagpapaligaw ay malalagay sa mga panga ng mga bayan.

30:29 Kayo'y mangagkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi pagka ang banal na kapistahan ay ipinagdidiwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng yumayaon na may plauta upang masok sa bundok ng Panginoon, sa malaking Bato ng Israel.

30:30 At iparirinig ng Panginoon ang kaniyang maluwalhating tinig, at ipakikilala ang pagbabaka ng kaniyang bisig, na may pagkagalit ng kaniyang galit, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo,

30:31 Sapagka't sa pamamagitan ng tinig ng Panginoon ay mangagkakawatakwatak ang taga Asiria, na nananakit ng pamalo.

30:32 At bawa't hampas ng takdang tungkod, na ibabagsak ng Panginoon sa kaniya, mangyayaring may mga pandereta at may mga alpa; at sa mga pakikipagbakang may pagkayanig ay makikipaglaban siya sa kanila,

30:33 Sapagka't ang Topheth ay handa nang malaon; oo, sa ganang hari ay inihanda; kaniyang pinalalim at pinalaki: ang bunton niyaon ay apoy at maraming kahoy: ang hinga ng Panginoon na gaya ng bugso ng azufre, ay nagpapaningas ng apoy.

31:1 Sa aba nila na nagsisilusong sa Egipto na humihinging tulong, at nagsisiasa sa mga kabayo; at nagsisitiwala sa mga karo, sapagka't marami, at sa mga mangangabayo, sapagka't mga totoong napakalakas; nguni't hindi sila nagsisitiwala sa Banal ng Israel, o hinahanap man ang Panginoon!

31:2 Gayon ma'y siya'y pantas, at magdadala ng kasamaan, at hindi iuurong ang kaniyang mga salita, kundi babangon laban sa bahay ng mga manggagawa ng kasamaan, at laban sa tulong nila na nagsisigawa ng kasamaan.

31:3 Ang mga Egipcio nga ay mga tao, at hindi Dios; at ang kanilang mga kabayo ay laman, at hindi diwa: at pagka iuunat ng Panginoon ang kaniyang kamay, siyang tumutulong ay matitisod, at gayon din siyang tinutulungan ay mabubuwal, at silang lahat ay mangalilipol na magkakasama.

31:4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Kung paano na ang leon at ang batang leon ay umuungal sa kaniyang huli, pagka ang karamihan ng mga pastor ay nagpipisan laban sa kaniya, na hindi siya matatakot sa kanilang tinig, o maduduwag man dahil sa ingay nila: gayon bababa ang Panginoon ng mga hukbo sa bundok ng Sion, at sa burol niyaon upang makipaglaban.

31:5 Gaya ng mga ibong nagsisilipad gayon aampunin ng Panginoon ng mga hukbo ang Jerusalem; yao'y kaniyang aampunin at ililigtas, siya'y daraan at iingatan niya,

31:6 Kayo'y manumbalik sa kaniya na inyong pinanghimagsikan lubha, Oh mga anak ni Israel.

31:7 Sapagka't sa araw na yaon ay itatapon ng bawa't tao ang kaniyang mga diosdiosang pilak, at ang kaniyang mga diosdiosang ginto, na ginawa ng inyong sariling mga kamay, sa ganang inyo ay naging kasalanan,

31:8 Kung magkagayo'y mabubuwal ang taga Asiria sa pamamagitan ng tabak, na hindi sa tao: at ang tabak, na hindi sa mga tao, lalamon sa kaniya: at kaniyang tatakasan ang tabak, at ang kaniyang mga binata ay magiging mamumuwis.

31:9 At ang kaniyang malaking bato ay lalagpasan, dahil sa kakilabutan, at ang kaniyang mga pangulo ay masisindak sa watawat, sabi ng Panginoon, na ang kaniyang apoy ay nasa Sion, at ang kaniyang hurno ay nasa Jerusalem.

32:1 Narito, isang hari ay maghahari sa katuwiran, at mga pangulo ay magpupuno sa kahatulan.

32:2 At isang lalake ay magiging gaya ng isang kublihang dako sa hangin, at kanlungan sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa tuyong dako, gaya ng lilim ng malaking bato sa kinapapagurang lupain.

32:3 At ang mga mata nila na nangakakakita ay hindi manganlalabo, at ang mga tainga nila na nangakikinig ay mangakikinig.

32:4 Ang puso naman ng walang bahala ay makakaunawa ng kaalaman, at ang dila ng mga utal ay mangahahanda upang mangagsalita ng malinaw.

32:5 Ang taong mangmang ay hindi na tatawagin pang dakila o ang magdaraya man ay sasabihing magandang-loob.

32:6 Sapagka't ang taong mangmang ay magsasalita ng kasamaan, at ang kaniyang puso ay gagawa ng kasalanan, upang magsanay ng paglapastangan, at magsalita ng kamalian laban sa Panginoon, upang alisan ng makakain ang taong gutom, at upang papagkulangin ang inumin ng uhaw.

32:7 Ang mga kasangkapan din naman ng magdaraya ay masama: siya'y kumakatha ng mga masamang katha upang ibuwal ang mga maamo sa pamamagitan ng mga sinungaling na salita, pagka nga ang mapagkailangan ay nagsasalita ng matuwid.

32:8 Nguni't ang mapagbiyaya ay kumakatha ng mga bagay na pagbibiyaya; at sa mga bagay na pagbibiyaya ay mananatili siya.

32:9 Kayo'y magsibangon, kayong mga babaing tiwasay, at dinggin ninyo ang tinig ko; ninyong mga walang bahalang anak na babae, pakinggan ninyo ang aking pananalita.

32:10 Sapagka't sa mga araw na sa dako pa roon ng isang taon ay mangababagabag kayo, kayong mga walang bahalang babae: sapagka't ang ani ng ubas ay magkukulang, ang pagaani ay hindi darating.

32:11 Kayo'y magsipanginig, kayong mga babaing tiwasay; kayo'y mangabagabag, kayong mga walang bahala; kayo'y magsipaghubo, at kayo'y magsipaghubad, at mangagbigkis kayo ng kayong magaspang sa inyong mga balakang.

32:12 Sila'y magsisidagok sa mga dibdib dahil sa mga maligayang parang, dahil sa mabungang puno ng ubas.

32:13 Sa lupain ng aking bayan ay tutubo ang mga tinik at mga dawag; oo, sa lahat na bahay na kagalakan sa masayang bayan:

32:14 Sapagka't ang bahay-hari ay mapapabayaan; ang mataong bayan ay magiging ilang; ang burol at ang bantayang moog ay magiging mga pinaka yungib magpakailan man, kagalakan ng mga mailap na asno, pastulan ng mga kawan;

32:15 Hanggang sa mabuhos sa atin ang Espiritu na mula sa itaas, at ang ilang ay maging mabungang bukid, at ang mabungang bukid ay mabilang na pinakagubat.

32:16 Kung magkagayo'y tatahan ang kahatulan sa ilang, at ang katuwiran ay titira sa mabungang bukid.

32:17 At ang gawain ng katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katuwiran ay katahimikan at pagkakatiwala kailan man.

32:18 At ang bayan ko ay tatahan sa payapang tahanan, at sa mga tiwasay na tahanan, at sa mga tahimik na dako na pahingahan.

32:19 Nguni't lalagpak ang granizo, sa ikasisira ng gubat; at ang bayan ay lubos na mawawasak.

32:20 Mapapalad kayo na nangaghahasik sa siping ng lahat na tubig, na nangagpapalakad ng mga paa ng baka at ng asno.

33:1 Sa aba mo na sumasamsam, at ikaw ay hindi nasamsaman; at gumagawa na may kataksilan, at sila'y hindi gumawang may kataksilan sa iyo! Pagka ikaw ay naglikat ng pagsamsam, ikaw ay sasamsaman; at pagka ikaw ay nakatapos ng paggawang may kataksilan, sila'y gagawang may kataksilan sa iyo.

33:2 Oh Panginoon, magmahabagin ka sa amin; aming hinintay ka: ikaw ay maging kanilang bisig tuwing umaga; aming kaligtasan naman sa panahon ng kabagabagan.

33:3 Sa ingay ng kagulo ay nagsisitakas ang mga bayan; sa pagbangon mo ay nagsisipangalat ang mga bansa.

33:4 At ang iyong samsam ay pipisanin na gaya ng pagpisan ng uod: kung paanong ang mga balang ay nagsisilukso ay gayon luluksuhan ng mga tao.

33:5 Ang Panginoon ay nahayag; sapagka't siya'y tumatahan sa mataas: kaniyang pinuno ang Sion ng kahatulan at katuwiran.

33:6 At magkakaroon ng kapanatagan sa iyong mga panahon, kasaganaan ng kaligtasan, karunungan at kaalaman: ang pagkatakot sa Panginoon ay kaniyang kayamanan.

33:7 Narito, ang kanilang mga matapang ay nagsisihiyaw sa labas; ang mga sugo ng kapayapaan ay nagsisiiyak na mainam.

33:8 Ang mga lansangan ay sira, ang palalakad na tao ay naglilikat: kaniyang sinira ang tipan, kaniyang hinamak ang mga bayan, hindi niya pinakukundanganan ang kapuwa tao.

33:9 Ang lupain ay nananangis at nahahapis: ang Libano ay nahihiya at natutuyo: ang Saron ay gaya ng isang ilang; at ang Basan at ang Carmel ay napapaspas ang kanilang mga dahon.

33:10 Ngayo'y babangon ako, sabi ng Panginoon; ngayo'y magpapakataas ako; ngayo'y magpapakadakila ako.

33:11 Kayo'y mangaglilihi ng ipa, kayo'y manganganak ng dayami: ang inyong hinga ay apoy na pupugnaw sa inyo.

33:12 At ang mga bayan ay magiging gaya ng pagluluto ng apog: gaya ng mga putol na mga tinik, na mga nasusunog sa apoy.

33:13 Pakinggan ninyo, ninyong nangasa malayo, kung ano ang aking ginawa; at kilalanin ninyo, na nangasa malapit, ang aking kapangyarihan.

33:14 Ang mga makasalanan sa Sion ay nangatatakot; nanginginig ang mga masasama. Sino sa atin ang tatahan sa mamumugnaw na apoy? Sino sa atin ang tatahan sa walang hanggang ningas?

33:15 Siyang lumalakad ng matuwid, at nagsasalita ng matuwid; siyang humahamak ng pakinabang sa mga kapighatian, na iniuurong ang kaniyang mga kamay sa paghawak ng mga suhol, na nagtatakip ng kaniyang mga tainga ng pagdinig ng tungkol sa dugo, at ipinipikit ang kaniyang mga mata sa pagtingin sa kasamaan;

33:16 Siya'y tatahan sa mataas, ang kaniyang dakong sanggalangan ay ang mga katibayan na malalaking bato: ang kaniyang tinapay ay mabibigay sa kaniya; ang kaniyang tubig ay sagana.

33:17 Makikita ng iyong mga mata ang hari sa kaniyang kagandahan: sila'y tatanaw sa isang lupaing malawak.

33:18 Ang inyong puso ay gugunita ng kakilabutan: saan nandoon siya na bumibilang, saan nandoon siya na tumitimbang ng buwis? saan nandoon siya na bumibilang ng mga moog?

33:19 Hindi mo makikita ang mabagsik na bayan, ang bayan na may malalim na pananalita na hindi mo matatalastas, na may ibang wika na hindi mo mauunawa.

33:20 Tumingin ka sa Sion, ang bayan ng ating mga takdang kapistahan: makikita ng iyong mga mata ang Jerusalem na tahimik na tahanan, isang tabernakulo na hindi makikilos, ang mga tulos niyao'y hindi mangabubunot kailan man, o mapapatid man ang alin man sa mga tali niyaon.

33:21 Kundi doon ay sasa atin ang Panginoon sa kamahalan, na dako ng mga maluwang na ilog at batis; na hindi daraanan ng mga daong na may mga gaod, o daraanan man ng magilas na sasakyang dagat.

33:22 Sapagka't ang Panginoon ay ating hukom, ang Panginoon ay ating tagapaglagda ng kautusan, ang Panginoon ay ating hari; kaniyang ililigtas tayo.

33:23 Ang iyong mga tali ay nangakalag: hindi nila mapatibay ang kanilang palo, hindi nila mailadlad ang layag: ang huli nga na malaking samsam ay binahagi; ang pilay ay kumuha ng huli.

33:24 At ang mamamayan ay hindi magsasabi, Ako'y may sakit: ang bayan na tumatahan doon ay patatawarin sa kanilang kasamaan.

34:1 Kayo'y magsilapit, kayong mga bansa, upang mangakinig; at dinggin ninyo, ninyong mga bayan: dinggin ng lupa at ng buong narito; ng sanglibutan, at ng lahat na bagay na nagsisilitaw rito.

34:2 Sapagka't ang Panginoon ay may galit laban sa lahat na bansa, at pusok ng loob laban sa lahat nilang hukbo: kaniyang lubos na nilipol sila, kaniyang ibinigay sila sa patayan.

34:3 Ang kanilang patay naman ay matatapon, at ang baho ng kanilang mga bangkay ay aalingasaw, at ang mga bundok ay tutunawin ng kanilang dugo.

34:4 At ang lahat na natatanaw sa langit ay malilipol, at ang langit ay mababalumbong parang isang ikid: at ang buo nilang hukbo ay mawawala na parang dahong nalalanta sa puno ng ubas, at gaya ng lantang dahon ng puno ng igos.

34:5 Sapagka't ang aking tabak ay nalango sa langit: narito, yao'y bababa sa Edom, at sa bayan ng aking sumpa, sa kahatulan.

34:6 Ang tabak ng Panginoon ay napuno ng dugo, tumaba ng katabaan, sa dugo ng mga kordero at ng mga kambing, sa taba ng mga bato ng mga lalaking tupa: sapagka't may hain sa Panginoon sa Bosra, at may malaking patayan sa lupain ng Edom.

34:7 At ang mga mailap na baka ay magsisibabang kasama nila at ang mga baka na kasama ng mga toro, at ang kanilang lupain ay malalango ng dugo, at ang kanilang alabok ay tataba ng katabaan.

34:8 Sapagka't kaarawan ng panghihiganti ng Panginoon, na taon ng kagantihan sa pagaaway sa Sion.

34:9 At ang mga batis niya ay magiging sahing, at ang alabok niya ay azufre, at ang lupain niya ay magiging nagniningas na sahing.

34:10 Hindi mapapatay sa gabi o sa araw man; ang usok niyaon ay iilanglang magpakailan man: sa buong panahon ay malalagay na sira; walang daraan doon magpakailankailan man.

34:11 Kundi aariin ng ibong pelikano at ng hayop na erizo; at ang kuwago at ang uwak ay magsisitahan doon: at kaniyang iuunat doon ang panukat na pising panglito, at ang pabatong pangpawala ng tao.

34:12 Kanilang tatawagin ang mga mahal na tao niyaon sa kaharian, nguni't mawawalan doon; at lahat niyang mga pangulo ay magiging parang wala.

34:13 At mga tinikan ay tutubo sa kaniyang mga palacio, mga kilitis at mga lipay ay sa mga kuta niyaon: at magiging tahanan ng mga chakal, looban ng mga avestruz.

34:14 At ang mga mailap na hayop sa ilang ay makikipagsalubong doon sa mga lobo, at ang lalaking kambing ay hihiyaw sa kaniyang kasama; oo, ang malaking kuwago ay tatahan doon, at makakasumpong siya ng dakong pahingahan.

34:15 Doon maglulungga ang maliksing ahas, at mangingitlog, at mangapipisa, at aampunin sa ilalim ng kaniyang lilim; oo, doon magpipisan ang mga lawin, bawa't isa'y kasama ng kaniyang kasamahan.

34:16 Inyong saliksikin sa aklat ng Panginoon, at inyong basahin: kahit isa sa mga ito ay hindi magkukulang, walang mangangailangan ng kaniyang kasama; sapagka't iniutos ng aking bibig, at pinisan sila ng kaniyang Espiritu.

34:17 At kaniyang pinagsapalaran, at binahagi ng kaniyang kamay sa kanila sa pamamagitan ng pising panukat: kanilang aariin magpakailan man, sa sali't saling lahi ay tatahan sila roon.

35:1 Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya; at ang ilang ay magagalak, at mamumulaklak na gaya ng rosa.

35:2 Mamumulaklak ng sagana, at magagalak ng kagalakan at awitan; ang kaluwalhatian ng Libano ay mapaparoon, ang karilagan ng Carmel at ng Saron: kanilang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, ang karilagan ng ating Dios.

35:3 Inyong palakasin ang mga mahinang kamay, at patatagin ang mga mahinang tuhod.

35:4 Inyong sabihin sa kanila na matatakuting puso, Kayo'y mangagpakatapang, huwag kayong mangatakot: narito, ang inyong Dios ay pariritong may panghihiganti, may kagantihan ng Dios; siya'y paririto at ililigtas kayo.

35:5 Kung magkagayo'y madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan.

35:6 Kung magkagayo'y lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit: sapagka't sa ilang ay bubukal ang tubig, at magkakailog sa ilang.

35:7 At ang buhanginang kumikislap ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay mga bukal ng tubig; sa tahanan ng mga chakal, na kanilang hinihiligan, magkakaroon ng damo pati ng mga tambo at mga yantok.

35:8 At magkakaroon doon ng isang lansangan, at ng isang daan, at tatawagin Ang daan ng kabanalan; ang marumi ay hindi daraan doon; kundi magiging sa kaniyang bayan: ang mga palalakad na tao, oo, maging ang mga mangmang, ay hindi mangaliligaw roon.

35:9 Hindi magkakaroon ng leon doon, o sasampa man doon ang anomang mabangis na hayop, hindi mangasusumpungan doon; kundi ang nangatubos ay lalakad doon.

35:10 At ang pinagtutubos ng Panginoon ay mangagbabalik, at magsisiparoong nagaawitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay mapapasa kanilang mga ulo: sila'y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan, at ang kapanglawan at ang pagbubuntong-hininga ay mapaparam.

36:1 Nangyari nga nang ikalabing apat na taon ng haring Ezechias, na umahon si Sennacherib na hari sa Asiria laban sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda, at pinagsakop.

36:2 At sinugo ng hari sa Asiria si Rabsaces sa Jerusalem mula sa Lachis sa haring Ezechias, na may malaking hukbo. At siya'y tumayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng lalong mataas na tipunan ng tubig sa lansangan ng parang ng tagapagpaputi.

36:3 Nang magkagayo'y nilabas siya ni Eliacim na anak ni Hilcias, na katiwala sa bahay, at ni Sebna na kalihim, at ni Joah na anak ni Asaph na kasangguni.

36:4 At sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sabihin ninyo ngayon kay Ezechias, Ganito ang sabi ng dakilang hari, ng hari sa Asiria, Anong pagasa itong iyong tinitiwalaan?

36:5 Aking sinasabing ang iyong payo at kalakasan sa pakikidigma ay mga salita lamang na walang kabuluhan: ngayo'y kanino ka tumitiwala na ikaw ay nanghimagsik laban sa akin?

36:6 Narito, ikaw ay tumitiwala sa tungkod na ito na tambong lapok, sa makatuwid baga'y sa Egipto, na kung ang sinoman ay sumandal, ay bubutas sa kaniyang kamay, at tatasakan: nagiging gayon si Faraong hari sa Egipto sa lahat na nagsisitiwala sa kaniya.

36:7 Nguni't kung iyong sabihin sa akin, Kami ay nagsisitiwala sa Panginoon naming Dios: hindi baga siya'y yaong inalisan ni Ezechias ng mga mataas na dako at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, Kayo'y magsisisamba sa harap ng dambanang ito?

36:8 Ngayon nga isinasamo ko sa iyo, na magbigay ka ng mga sanla sa aking panginoon na hari sa Asiria, at bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay sa ganang iyo ng mga mananakay sa mga yaon.

36:9 Paano ngang iyong mapapipihit ang mukha ng isang kapitan sa pinakamababa sa mga alipin ng aking panginoon, at ilalagak mo ang iyong tiwala sa Egipto dahil sa mga karo at dahil sa mga mangangabayo?

36:10 At ako baga'y umahon na di ko kasama ang Panginoon laban sa lupaing ito upang lipulin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.

36:11 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliacim, at ni Sebna at ni Joah kay Rabsaces, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay magsalita sa iyong mga lingkod sa wikang Siria: sapagka't aming naiintindihan: at huwag kang magsalita sa amin sa wikang Judio, sa mga pakinig ng bayan na nasa kuta.

36:12 Nguni't sinabi ni Rabsaces, Sinugo baga ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang magsalita ng mga salitang ito? di baga niya ako sinugo sa mga lalake na nangakaupo sa kuta, upang kumain ng kanilang sariling dumi, at upang uminom ng kanilang tubig na kasama ninyo?

36:13 Nang magkagayo'y tumayo si Rabsaces, at humiyaw ng malakas na tinig sa wikang Judio, at nagsabi: Dinggin ninyo ang mga salita ng dakilang hari, ng hari sa Asiria.

36:14 Ganito ang sabi ng hari, Huwag kayong padaya kay Ezechias; sapagka't hindi niya maililigtas kayo:

36:15 O patiwalain man kayo ni Ezechias sa Panginoon, na sabihin: Walang pagsalang ililigtas tayo ng Panginoon; ang bayang ito ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.

36:16 Huwag ninyong dinggin si Ezechias: sapagka't ganito ang sabi ng hari sa Asiria, Makipagpayapaan kayo sa akin, at labasin ninyo ako; at kumain ang bawa't isa sa inyo sa kaniyang puno ng ubas, at ang bawa't isa sa kaniyang puno ng igos, at inumin ng bawa't isa sa inyo ang tubig ng kaniyang sariling balon:

36:17 Hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan.

36:18 Huwag kayong pahikayat kay Ezechias, na sabihin, Ililigtas tayo ng Panginoon. Nagligtas baga ang sinoman sa mga dios ng mga bansa ng kaniyang lupain sa kamay ng hari sa Asiria?

36:19 Saan nandoon ang mga dios ng Hamath at ng Arphad? saan nandoon ang mga dios ng Sephar-vaim? iniligtas baga nila ang Samaria sa aking kamay?

36:20 Sino sa kanila sa lahat na dios ng mga lupaing ito, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?

36:21 Nguni't sila'y nagsitahimik, at hindi nagsisagot sa kaniya ng kahit isang salita: sapagka't iniutos nga ng hari na sinasabi, Huwag ninyong sagutin siya.

36:22 Nang magkagayo'y naparoon si Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim at si Joah na anak ni Asaph na kasangguni, kay Ezechias na ang kanilang suot ay hapak, at isinaysay sa kaniya ang mga salita ni Rabsaces.

37:1 At nangyari, nang marinig ng haring Ezechias ay hinapak niya ang kaniyang mga suot, at nagbalot ng kayong magaspang, at pumasok sa bahay ng Panginoon.

37:2 At kaniyang sinugo si Eliacim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang mga matanda sa mga saserdote, na may balot na kayong magaspang, kay Isaias na propeta na anak ni Amoz.

37:3 At sinabi nila sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ezechias, Ang araw na ito ay kaarawan ng kabagabagan, at ng pagsaway, at ng paghamak: sapagka't ang mga anak ay dumating sa kapanganakan, at walang kalakasang ipanganak.

37:4 Marahil ay pakikinggan ng Panginoon mong Dios ang mga salita ni Rabsaces, na siyang sinugo ng kaniyang panginoon na hari sa Asiria upang tungayawin ang buhay na Dios, at sansalain ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Dios: kaya't ilakas mo ang iyong dalangin dahil sa nalabi na naiwan.

37:5 Sa gayo'y ang mga lingkod ng haring Ezechias ay naparoon kay Isaias.

37:6 At sinabi ni Isaias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ipinanungayaw sa akin ng mga lingkod ng hari sa Asiria.

37:7 Narito, ako'y maglalagay ng espiritu sa kaniya, at siya'y makakarinig ng kaingay, at babalik sa kaniyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.

37:8 Sa gayo'y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka't nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis.

37:9 At kaniyang narinig na sinabi tungkol kay Tirhakah na hari sa Etiopia, Siya'y lumabas upang makipaglaban sa iyo. At nang kaniyang marinig, siya'y nagsugo ng mga sugo kay Ezechias, na sinasabi,

37:10 Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang padaya sa iyong Dios na iyong tinitiwalaan, na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria.

37:11 Narito nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, na yao'y sinira ng lubos: at maliligtas ka baga?

37:12 Iniligtas baga sila ng mga dios ng mga bansa, na siyang nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran; at ng Rezeph, at ng mga anak ni Eden, na nangasa Thelasar?

37:13 Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari ng bayan ng Sepharvaim, ng Henah, at ng Hivah?

37:14 At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa: at umahon si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at binuklat sa harap ng Panginoon.

37:15 At si Ezechias ay dumalangin sa Panginoon, na kaniyang sinabi,

37:16 Oh Panginoon ng mga hukbo, na Dios ng Israel, na nakaupo sa mga kerubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang, sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa.

37:17 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka; at pakinggan mo ang lahat na salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasabi upang ipanungayaw sa buhay na Dios.

37:18 Sa katotohanan, Panginoon, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari sa Asiria at ang kanikanilang lupain.

37:19 At inihagis ang kanikanilang mga dios sa apoy: sapagka't sila'y hindi mga dios, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya't kanilang sinira.

37:20 Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw ang Panginoon, ikaw lamang.

37:21 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria.

37:22 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya: Hinamak ka ng anak na dalaga ng Sion, at tinawanan kang mainam; iginalaw ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo sa iyo.

37:23 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? laban nga sa Banal ng Israel.

37:24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay iyong pinulaan ang Panginoon, at nagsabi ka, Sa karamihan ng aking mga karo ay nakaahon ako sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking puputulin ang mga matayog na cedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa pinakataluktok na kataasan, ng gubat ng kaniyang mabuting bukid.

37:25 Ako'y humukay at uminom ng tubig, at aking tutuyuin ng talampakan ng aking mga paa ang lahat ng mga ilog ng Egipto.

37:26 Hindi mo baga nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking pinanukala ng una? ngayo'y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guhong bunton.

37:27 Kaya't ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila'y nanganglupaypay at nangatulig; sila'y parang damo sa bukid, at sariwang gugulayin, parang damo sa mga bubungan, at parang bukid ng trigo bago tumaas.

37:28 Nguni't talastas ko ang iyong pagupo, at ang iyong paglabas, at ang iyong pagpasok, at ang iyong galit laban sa akin.

37:29 Dahil sa iyong galit laban sa akin, at dahil sa iyong kapalaluan ay nanuot sa aking mga pakinig, kaya't ilalagay ko ang aking taga ng bingwit sa iyong ilong, at ang aking paningkaw sa iyong mga labi, at pababalikin kita sa daan na iyong pinanggalingan.

37:30 At ito ang magiging tanda sa iyo: kayo'y magsisikain sa taong ito ng tumutubo sa kaniyang sarili, at sa ikalawang taon ay ng tumubo doon; at sa ikatlong taon ay kayo'y mangaghasik, at magsiani, at mangagtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyaon.

37:31 At ang nalabi na nakatanan sa sangbahayan ni Juda ay maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas.

37:32 Sapagka't sa Jerusalem ay lalabas ang nalabi, at mula sa bundok ng Sion ay silang magtatanan. Isasagawa ito ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.

37:33 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari sa Asiria, Siya'y hindi paririto sa bayang ito o magpapahilagpos man ng pana diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, o mahahagis ang bunton laban diyan.

37:34 Sa daan na kaniyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paririto sa bayang ito, sabi ng Panginoon.

37:35 Sapagka't aking ipagsasanggalang ang bayang ito upang iligtas, dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.

37:36 At ang anghel ng Panginoon ay lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria nang isang daan at walongpu't limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, ang lahat ay mga katawang bangkay.

37:37 Sa gayo'y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, at yumaon at umuwi, at tumahan sa Ninive,

37:38 At nangyari, nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adremelech at ni Sarezer na kaniyang mga anak at sila'y nagtanan sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

38:1 Nang mga araw na yaon ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong sangbahayan; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.

38:2 Nang magkagayo'y ipinihit ni Ezechias ang kaniyang mukha sa panig, at nanalangin sa Panginoon,

38:3 At nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo; Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak ng di kawasa.

38:4 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Isaias, na nagsasabi,

38:5 Ikaw ay yumaon, at sabihin mo kay Ezechias, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ni David na iyong magulang, Aking dininig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking idaragdag sa iyong mga kaarawan ang labing limang taon.

38:6 At aking ililigtas ikaw at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria: at aking ipagsasanggalang ang bayang ito.

38:7 At ito ang magiging pinaka tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na ito na kaniyang sinalita,

38:8 Narito, aking ipauurong ang anino sa mga baytang, ng sangpung baytang, na aninong pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw, Sa gayo'y umurong ang araw ng sangpung baytang sa mga baytang na binabaan.

38:9 Ang sulat ni Ezechias na hari sa Juda, nang siya'y magkasakit, at gumaling sa kaniyang sakit.

38:10 Aking sinabi, Sa katanghalian ng aking mga kaarawan ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol: Ako'y nabawahan sa nalalabi ng aking mga taon.

38:11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon, ang Panginoon sa lupain ng buhay: Hindi ko na makikita pa ang tao, na kasama ng mga nananahan sa sanglibutan.

38:12 Ang tirahan ko'y inaalis, at dinadala na gaya ng tolda ng pastor: Aking pinupulon ang aking buhay, na gaya ng pagpupulon ng manghahabi; kaniyang ihihiwalay ako sa habihan: Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.

38:13 Ako'y tumigil hanggang sa kinaumagahan; katulad ng leon, gayon niya binabali ang lahat kong mga buto: Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.

38:14 Gaya ng langaylangayan o ng tagak, humihibik ako; Ako'y tumangis na parang kalapati: ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala; Oh Panginoon, ako'y napipighati, ikaw nawa'y maging tangulan sa akin.

38:15 Anong aking sasabihin? siya'y nagsalita sa akin, at kaniya namang ginawa: Ako'y yayaong marahan lahat kong taon, dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.

38:16 Oh Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao; At buong nasa ilalim niyan ang buhay ng aking diwa: Kaya't pagalingin mo ako, at ako'y iyong buhayin.

38:17 Narito, sa aking ikapapayapa ay nagtamo ako ng malaking paghihirap: Nguni't ikaw, sa pagibig mo sa aking kaluluwa ay iyong iniligtas sa hukay ng kabulukan; Sapagka't iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan sa iyong likuran.

38:18 Sapagka't hindi ka maaring purihin ng Sheol, hindi ka maaring ipagdiwang ng kamatayan! Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makaaasa sa iyong katotohanan.

38:19 Ang buhay, ang buhay, siya'y pupuri sa iyo, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito: Ang ama sa mga anak ay magpapatalastas ng iyong katotohanan.

38:20 Ang Panginoon ay handa upang iligtas ako: Kaya't aming aawitin ang aming mga awit sa mga panugtog na kawad, Lahat ng kaarawan ng aming buhay sa bahay ng Panginoon.

38:21 Sinabi nga ni Isaias, Magsikuha sila ng isang binilong igos, at ilagay na pinakatapal sa bukol, at siya'y gagaling.

38:22 Sinabi rin ni Ezechias, Ano ang tanda na ako'y sasampa sa bahay ng Panginoon?

39:1 Nang panahong yaon si Merodachbaladan na anak ni Baladan, na hari sa Babilonia, ay nagpadala ng mga sulat at isang kaloob kay Ezechias: sapagka't nabalitaan niya na siya'y nagkasakit, at gumaling.

39:2 At si Ezechias ay natuwa sa kanila, at ipinakita sa kanila ang bahay ng kaniyang mahalagang bagay, ang pilak, at ang ginto, at ang mga especia, at ang mahalagang langis, at ang buong bahay na kaniyang sakbatan, at lahat na nandoon sa kaniyang mga kayamanan: walang bagay sa kaniyang bahay, o sa buong sakop man niya, na hindi ipinakita ni Ezechias sa kanila.

39:3 Nang magkagayo'y dumating si Isaias na propeta sa haring Ezechias, at nagsabi sa kaniya, Anong sinabi ng mga lalaking ito? at saan nanggaling na nagsiparito sila sa iyo? At sinabi ni Ezechias, Sila'y nagsiparito sa akin mula sa malayong lupain, sa Babilonia.

39:4 Nang magkagayo'y sinabi niya, Anong kanilang nakita sa iyong bahay? At sumagot si Ezechias, Lahat ng nangasa aking bahay ay kanilang nakita: walang anomang bagay sa aking mga kayamanan na hindi ko ipinakita sa kanila.

39:5 Nang magkagayo'y sinabi ni Isaias kay Ezechias, Iyong pakinggan ang salita ng Panginoon ng mga hukbo.

39:6 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, na ang lahat na nangasa iyong bahay, at ang mga tinangkilik ng iyong mga magulang hanggang sa kaarawang ito, dadalhin sa Babilonia: walang maiiwan, sabi ng Panginoon.

39:7 At sa iyong mga anak na magmumula sa iyo, na ipanganganak sa iyo, ay kanilang dadalhin; at sila'y magiging mga bating sa bahay ng hari sa Babilonia.

39:8 Nang magkagayo'y sinabi ni Ezechias kay Isaias, Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinalita. Kaniyang sinabi bukod dito, Sapagka't magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga kaarawan.

40:1 Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan, sabi ng inyong Dios.

40:2 Mangagsalita kayong may pagaliw sa Jerusalem; at sigawan ninyo siya, na ang kaniyang pakikipagdigma ay naganap, na ang kaniyang kasamaan ay ipinatawad, sapagka't siya'y tumanggap sa kamay ng Panginoon ng ibayong ukol sa kaniyang lahat na kasalanan.

40:3 Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Dios.

40:4 Bawa't libis ay mataas, at bawa't bundok at burol ay mabababa; at ang mga bakobako ay matutuwid, at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag:

40:5 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikitang magkakasama ng lahat na tao, sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon,

40:6 Ang tinig ng isang nagsasabi, Ikaw ay dumaing. At sinabi ng isa, Ano ang aking idadaing? Lahat ng laman ay damo, at ang buong kagandahan niyaon ay parang bulaklak ng parang.

40:7 Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta, sapagka't ang hinga ng Panginoon ay humihihip doon; tunay na ang bayan ay damo.

40:8 Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; nguni't ang salita ng ating Dios ay mamamalagi magpakailan man.

40:9 Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Sion, sumampa ka sa mataas na bundok; Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Jerusalem, ilakas mo ang iyong tinig na may kalakasan; ilakas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga bayan ng Juda, Tingnan ang inyong Dios!

40:10 Narito, ang Panginoong Dios ay darating na gaya ng makapangyarihan, at ang kaniyang kamay ay magpupuno sa ganang kaniya: Narito, ang kaniyang ganting pala ay dala niya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.

40:11 Kaniyang papastulin ang kaniyang kawan, na gaya ng pastor, kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay, at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan, at papatnubayan na marahan yaong mga nagpapasuso.

40:12 Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kaniyang kamay, at sumukat sa langit ng dangkal, at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal, at tumimbang ng mga bundok sa mga panimbang, at ng mga burol sa timbangan?

40:13 Sinong pumatnubay ng Espiritu ng Panginoon, o parang kaniyang kasangguni ay nagturo sa kaniya?

40:14 Kanino siya kumuhang payo, at sinong nagsaysay sa kaniya, at nagturo sa kaniya sa landas ng kahatulan, at nagturo sa kaniya ng kaalaman, at nagpakilala sa kaniya ng daan ng unawa?

40:15 Narito, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba, inaari na parang munting alabok sa timbangan: narito, kaniyang itinataas ang mga pulo na parang napakaliit na bagay.

40:16 At ang Libano ay hindi sukat upang sunugin, ni ang mga hayop niyaon ay sukat na pinakahandog na susunugin.

40:17 Lahat ng mga bansa ay parang walang anoman sa harap niya; nangabilang sa kaniya na kulang kay sa wala, at walang kabuluhan.

40:18 Kanino nga ninyo itutulad ang Dios? o anong wangis ang iwawangis ninyo sa kaniya?

40:19 Ang larawang inanyuan na binubo ng mangbububo, at binabalot ng ginto ng platero, at binubuan ng mga pilak na kuwintas.

40:20 Siyang napakadukha sa gayong alay ay pumipili ng isang punong kahoy na hindi malalapok; siya'y humahanap sa ganang kaniya ng isang bihasang manggagawa upang ihandang larawang inanyuan, na hindi makikilos.

40:21 Hindi ba ninyo naalaman? hindi ba ninyo narinig? hindi ba nasaysay sa inyo mula ng una? hindi ba nasaysay sa inyo bago nalagay ang mga patibayan ng lupa?

40:22 Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa, at ang mga nananahan doon ay parang mga balang; siyang naglaladlad ng langit na parang tabing, at inilaladlad na parang tolda upang tahanan;

40:23 Na iniuuwi sa wala ang mga pangulo; siyang umaaring tila walang kabuluhan sa mga hukom sa lupa.

40:24 Oo, sila'y hindi nangatanim; oo, sila'y hindi nangahasik; oo, ang kanilang puno ay hindi nagugat sa lupa: bukod dito'y humihihip siya sa kanila, at sila'y nangatutuyo, at tinatangay sila ng ipoipo na gaya ng dayami.

40:25 Kanino nga ninyo itutulad ako, upang makaparis ako niya? sabi ng Banal.

40:26 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas, at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito, na tinutuos ang kanilang hukbo ayon sa bilang; tinatawag niya sila sa pangalan; sa pamamagitan ng kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan, at dahil sa siya'y malakas sa kapangyarihan ay walang nagkukulang.

40:27 Bakit sinasabi mo, Oh Jacob, at sinasalita mo, Oh Israel, Ang daan ko ay lingid sa Panginoon, at nilalagpasan ng aking Dios ang kahatulan ko?

40:28 Hindi mo baga naalaman? hindi mo baga narinig? ang walang hanggang Dios, ang Panginoon, ang Maylalang ng mga wakas ng lupa, hindi nanlalata, o napapagod man; walang makatarok ng kaniyang unawa.

40:29 Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan.

40:30 Pati ng mga kabinataan ay manlalata at mapapagod, at ang mga binata ay lubos na mangabubuwal:

40:31 Nguni't silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila'y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila'y magsisilakad, at hindi manganghihina.

41:1 Magsitahimik kayo sa harap ko, Oh mga pulo; at mangagbagong lakas ang mga bayan: magsilapit sila; saka mangagsalita sila; tayo'y magsilapit na magkakasama sa kahatulan.

41:2 Sinong nagbangon ng isa na mula sa silanganan, na kaniyang tinawag sa katuwiran sa kaniyang paanan? siya'y nagbigay ng mga bansa sa harap niya, at pinagpuno niya siya sa mga hari; kaniyang ibinibigay sila na parang alabok sa kaniyang tabak, na parang pinaspas na dayami sa kaniyang busog.

41:3 Kaniyang hinahabol sila, at nagpatuloy na tiwasay, sa makatuwid baga'y sa daan na hindi niya dinaanan ng kaniyang mga paa.

41:4 Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali't saling lahi mula ng una? Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga,

41:5 Nakita ng mga pulo, at nangatakot; ang mga wakas ng lupa ay nagsipanginig: sila'y nagsilapit, at nagsiparito.

41:6 Sila'y tumutulong bawa't isa sa kaniyang kapuwa; at bawa't isa'y nagsasabi sa kaniyang kapatid, Ikaw ay magpakatapang.

41:7 Sa gayo'y pinalalakas ang loob ng anluwagi ang panday-ginto, at ng pumapatag ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan, na sinasabi tungkol sa paghinang, Mabuti, at kaniyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos.

41:8 Nguni't ikaw, Israel, lingkod ko, Jacob na siyang aking pinili, na binhi ni Abraham na aking kaibigan;

41:9 Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil;

41:10 Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.

41:11 Narito, silang lahat na nangagagalit sa iyo ay mangapapahiya at mangalilito: silang nangakikipaglaban sa iyo ay papanaw at mangapapahamak.

41:12 Iyong hahanapin sila, at hindi mo mangasusumpungan, sa makatuwid baga'y silang nangakikipaglaban sa iyo: silang nakikipagdigma laban sa iyo ay papanaw, at gaya ng bagay ng wala.

41:13 Sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi sa iyo, Huwag kang matakot; aking tutulungan ka.

41:14 Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob, at kayong mga tao ng Israel; aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon, at ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.

41:15 Narito, aking ginawa kang bagong kasangkapang panggiik na matalas na may mga ngipin; iyong gigiikin ang mga bundok, at didikdiking durog, at iyong gagawin ang mga burol na parang ipa.

41:16 Iyong pahahanginan, at tatangayin ng hangin, at pangangalatin ng ipoipo: at ikaw ay magagalak sa Panginoon, ikaw ay luwalhati sa Banal ng Israel.

41:17 Ang dukha at mapagkailangan ay humahanap ng tubig, at wala, at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw; akong Panginoon ay sasagot sa kanila, akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.

41:18 Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga luwal na kaitaasan, at mga bukal sa gitna ng mga libis: aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig, at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.

41:19 Aking itatanim sa ilang ang cedro, ang puno ng acacia, at ang arayan, at ang olivo; aking ilalagay sa ilang ang puno ng abeto, at ang pino, at ang boj na magkakasama:

41:20 Upang sila'y makakita at makaalam, at makagunita, at makatalos na magkakasama, na ginawa ito ng kamay ng Panginoon, at nilikha ng Banal ng Israel.

41:21 Iharap ninyo ang inyong usap, sabi ng Panginoon; inyong ilabas ang inyong mga matibay sa pagmamatuwid, sabi ng Hari ng Jacob.

41:22 Ilabas nila, at ipahayag sa amin kung anong mangyayari: ipahayag ninyo ang mga dating bagay, maging anoman ang mga yaon, upang aming mabatid at maalaman ang huling wakas nila: o pagpakitaan ninyo kami ng mga bagay na darating.

41:23 Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos, upang aming maalaman na kayo'y mga dios; oo, kayo'y magsigawa ng mabuti, o magsigawa ng kasamaan, upang kami ay mangawalan ng loob, at mamasdan naming magkakasama.

41:24 Narito, kayo'y sa wala, at ang inyong gawa ay sa wala: kasuklamsuklam siya na pumili sa inyo.

41:25 May ibinangon ako mula sa hilagaan, at siya'y dumating; mula sa sikatan ng araw ay tumatawag siya sa aking pangalan: at siya'y paroroon sa mga pinuno na parang cimiento, at para ng magpapalyok na yumuyurak ng putik na malagkit.

41:26 Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming maalaman? at nang una, upang aming masabi, Siya'y matuwid? oo, walang magpahayag, oo, walang magpakita, oo, walang duminig ng inyong mga salita.

41:27 Ako'y unang magsasabi sa Sion, Narito, narito sila; at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.

41:28 At pagka ako'y tumitingin, walang tao; sa gitna nila ay walang tagapayo, na makasagot ng isang salita, pagka ako'y tumatanong sa kanila.

41:29 Narito, silang lahat, ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan at walang anoman ang kanilang mga larawang binubo ay hangin at kalituhan.

42:1 Narito, ang aking lingkod, na aking inaalalayan; ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa; isinakaniya ko ang aking Espiritu; siya'y maglalapat ng kahatulan sa mga bansa.

42:2 Siya'y hindi hihiyaw, o maglalakas man ng tinig, o iparirinig man ang kaniyang tinig sa lansangan.

42:3 Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin, ni ang timsim na umuusok ay hindi niya papatayin: siya'y maglalapat ng kahatulan sa katotohanan.

42:4 Siya'y hindi manglulupaypay o maduduwag man, hanggang sa maitatag niya ang kahatulan sa lupa; at ang mga pulo ay maghihintay sa kaniyang kautusan.

42:5 Ganito ang sabi ng Dios na Panginoon, na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga yaon; siyang naglatag ng lupa at ng nagsisilitaw rito; siyang nagbibigay ng hinga sa bayang nito, at ng diwa sa kanila na nagsisilakad dito:

42:6 Ako, ang Panginoon, ay tumawag sa iyo sa katuwiran, at hahawak ng iyong kamay, at magiingat sa iyo, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, na pinakaliwanag sa mga bansa;

42:7 Upang magdilat ng mga bulag na mata, upang maglabas ng mga bilanggo sa bilangguan, at nilang nangauupo sa kadiliman mula sa bilangguan.

42:8 Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.

42:9 Narito, ang mga dating bagay ay nangyayari na, at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko: bago mangalitaw ay sinasaysay ko sa inyo.

42:10 Magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit, at ng kapurihan niya na mula sa wakas ng lupa; kayong nagsisibaba sa dagat, at ang buong nariyan, ang mga pulo, at mga nananahan doon,

42:11 Mangaglakas ng kanilang tinig ang ilang at ang mga bayan niyaon, ang mga nayon na tinatahanan ng Cedar: magsiawit ang mga nananahan sa Selah, magsihiyaw sila mula sa mga taluktok ng mga bundok.

42:12 Mangagbigay luwalhati sila sa Panginoon, at mangagpahayag ng kaniyang kapurihan sa mga pulo.

42:13 Ang Panginoon ay lalabas na parang makapangyarihang lalake; siya'y pupukaw ng paninibugho na parang lalaking mangdidigma: siya'y hihiyaw, oo, siya'y hihiyaw ng malakas; siya'y gagawang makapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway.

42:14 Ako'y tumahimik ng malaon; ako'y hindi kumibo, at nagpigil ako: ngayo'y hihiyaw akong parang nagdaramdam na babae; ako'y manggigiba at mananakmal na paminsan.

42:15 Aking gagawing giba ang mga bundok at mga burol, at tutuyuin ko ang lahat nilang mga pananim; at gagawin kong mga pulo ang mga ilog, at aking tutuyuin ang mga lawa.

42:16 At aking dadalhin ang bulag sa daan na hindi nila nalalaman; sa mga landas na hindi nila nalalaman ay papatnubayan ko sila; aking gagawing kadiliman ang liwanag sa harap nila, at mga likong daan ang matuwid. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin, at hindi ko kalilimutan sila.

42:17 Sila'y mangapapaurong, sila'y mangapapahiyang mainam, na nagsisitiwala sa mga larawang inanyuan, na nangagsasabi sa mga larawang binubo, Kayo'y aming mga dios.

42:18 Makinig kayong mga bingi; at tumingin kayong mga bulag, upang kayo'y mangakakita.

42:19 Sino ang bulag kundi ang aking lingkod? o ang bingi, na gaya ng aking sugo na aking sinusugo? sino ang bulag na gaya niya na nasa kapayapaan sa akin, at bulag na gaya ng lingkod ng Panginoon?

42:20 Ikaw ay nakakakita ng maraming bagay, nguni't hindi mo binubulay; ang kaniyang mga tainga ay bukas, nguni't hindi niya dininig.

42:21 Kinalulugdan ng Panginoon dahil sa kaniyang katuwiran, na dakilain ang kautusan, at gawing marangal.

42:22 Nguni't ito ay isang bayang nanakaw at nasamsam; silang lahat ay nangasilo sa mga hukay, at sila'y nangakubli sa mga bilangguan: sila'y pinaka huli at walang magligtas; pinaka samsam, at walang magsabi, Iyong papanumbalikin.

42:23 Sino sa gitna ninyo ang makikinig nito? na makikinig at didinig para sa panahong darating?

42:24 Sino ang nagbigay ng Jacob na pinaka samsam, at ng Israel sa mga magnanakaw? di baga ang Panginoon? na laban sa kaniya ay nangagkasala tayo, at sa mga daan niya ay hindi sila nagsilakad, o naging masunurin man sila sa kaniyang kautusan.

42:25 Kaya't ibinugso niya sa kaniya ang pusok ng kaniyang galit, at ang lakas ng pakikipagbaka; at sinulsulan siya ng apoy sa palibot, gayon ma'y hindi niya naalaman; at sinunog siya, gayon ma'y hindi siya naglagak ng kalooban.

43:1 Nguni't ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo, Oh Jacob, at naganyo sa iyo, Oh Israel, Ikaw ay huwag matakot, sapagka't tinubos kita; tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin.

43:2 Pagka ikaw ay dumaraan sa tubig, ako'y sasaiyo; at sa mga ilog ay hindi ka tatakpan niyaon: pagka ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog; o magniningas man ang alab sa iyo.

43:3 Sapagka't ako ang Panginoon mong Dios, ang Banal ng Israel, ang Tagapagligtas sa iyo; aking ibinigay na pinakatubos sa iyo ang Egipto, ang Etiopia at ang Seba.

43:4 Yamang ikaw ay naging mahalaga sa aking paningin, at kagalanggalang, at aking inibig ka; kaya't magbibigay ako ng mga tao na pinakatubos sa iyo, at ng mga bayan na pinakatubos sa iyong buhay.

43:5 Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;

43:6 Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa;

43:7 Bawa't tinatawag sa aking pangalan, at yaong aking nilikha ay sa aking kaluwalhatian, yaong aking inanyuan oo, yaong aking ginawa.

43:8 Iyong ilabas ang bulag na bayan na may mga mata, at ang bingi may mga tainga.

43:9 Mapisan ang lahat na bansa, at magpulong ang mga bayan: sino sa gitna nila ang makapagpapahayag nito, at makapagpapakita sa amin ng mga dating bagay? dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila'y mapatotohanan: o dinggin nila, at magsabi, Katotohanan nga.

43:10 Kayo'y aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at aking lingkod na aking pinili: upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong matalastas na ako nga; walang Dios na inanyuan na una sa akin, o magkakaroon man pagkatapos ko.

43:11 Ako, sa makatuwid baga'y ako, ang Panginoon; at liban sa akin ay walang tagapagligtas.

43:12 Ako'y nagpahayag, at ako'y nagligtas, at ako'y nagpakilala, at walang ibang dios sa gitna ninyo: kaya't kayo ang aking mga saksi, sabi ng Panginoon, at ako ang Dios.

43:13 Oo, mula nang magkaroon ng araw ay ako nga; at walang sinomang makapagliligtas sa aking kamay: ako'y gagawa, at sinong pipigil?

43:14 Ganito ang sabi ng Panginoon, na inyong Manunubos, na Banal ng Israel, Dahil sa inyo ay nagsugo ako sa Babilonia, at aking ibababa silang lahat na parang mga palaboy, sa makatuwid baga'y ang mga Caldeo, sa mga sasakyang dagat ng kaniyang kagalakan.

43:15 Ako ang Panginoon, na inyong Banal, ang Maylalang ng Israel, na inyong Hari.

43:16 Ganito ang sabi ng Panginoon, na gumagawa ng daan sa dagat, ng landas sa mga malawak na tubig;

43:17 Na pinalabas ang karo at kabayo, ang hukbo at ang kapangyarihan (sila'y nangahihigang magkakasama, sila'y hindi na magsisibangon; sila'y nangamamatay na parang timsim):

43:18 Huwag ninyong alalahanin ang mga dating bagay, o bulayin man ang mga bagay ng una.

43:19 Narito, ako'y gagawa ng bagong bagay; ngayon yao'y lalabas; hindi baga ninyo malalaman yaon? gagawa rin ako ng daan sa lupang masukal, at mga ilog sa ilang.

43:20 Pararangalan ako ng mga hayop sa parang, ng mga chakal at ng mga avestruz: sapagka't ako'y nagbibigay ng tubig sa lupaing masukal, at ng mga ilog sa ilang, upang painumin ang aking bayan, na aking pinili,

43:21 Ang bayan, na aking inanyuan para sa aking sarili, upang kanilang maihayag ang aking kapurihan.

43:22 Gayon ma'y hindi ka tumawag sa akin, Oh Jacob; kundi ikaw ay nayamot sa akin, Oh Israel.

43:23 Hindi mo dinala sa akin ang mga tupa't kambing na iyong mga pinakahandog na susunugin; o pinarangalan mo man ako ng iyong mga hain. Hindi kita pinapaglingkod ng mga handog, o niyamot man kita ng kamangyan.

43:24 Hindi mo ako ibinili ng mabangong kalamo sa halaga ng salapi, o binusog mo man ako ng taba ng iyong mga hain: kundi pinapaglingkod mo ako ng iyong mga kasalanan, iyong niyamot ako ng iyong mga kasamaan.

43:25 Ako, ako nga ay siyang pumapawi ng iyong mga pagsalangsang alang-alang sa akin; at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.

43:26 Ipaalaala mo ako; tayo'y kapuwa magkatuwiranan: ilabas mo ang iyong usap, upang ikaw ay mapatotohanan.

43:27 Ang iyong pangunang ama ay nagkasala, at ang iyong mga tagapagpaaninaw ay nagsisalangsang laban sa akin.

43:28 Kaya't aking dudumhan ang mga pangulo ng santuario, at gagawin kong sumpa ang Jacob, at isang kadustaan ang Israel.

44:1 Gayon ma'y dinggin mo ngayon, Oh Jacob na aking lingkod, at Israel, na aking pinili:

44:2 Ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo, at nagbigay anyo sa iyo mula sa bahay-bata, na siyang tutulong sa iyo; Ikaw ay huwag matakot, Oh Jacob na aking lingkod; at ikaw Jeshurun, na aking pinili.

44:3 Sapagka't ipagbubuhos ko ng tubig siya na uhaw, at ng mga bukal ang tuyong lupa; aking ibubuhos ang aking Espiritu sa iyong lahi, at ang aking pagpapala sa iyong suwi:

44:4 At sila'y sisibol sa gitna ng damo, gaya ng mga sauce sa tabi ng mga batis.

44:5 Sasabihin ng isa, Ako'y sa Panginoon; at magpapangalan ang iba ng pangalang Jacob; at magsusulat ang iba ng kaniyang kamay ng sa Panginoon, at magpapamagat ng pangalan ng Israel.

44:6 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang Manunubos, na Panginoon ng mga hukbo, Ako ang una, at ako ang huli; at liban sa akin ay walang Dios.

44:7 At sino, na gaya ko, tatawag, at magpapahayag, at magaayos sa ganang akin, mula nang aking itatag ang matandang bayan? at ang mga bagay na dumarating, at ang mangyayari, ay ipahahayag nila.

44:8 Kayo'y huwag mangatakot, o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa akin? oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.

44:9 Silang nangagbibigay anyo sa larawang inanyuan ay walang kabuluhan silang lahat; at ang kanilang mga bagay na kinaluluguran ay hindi mapapakinabangan: at ang kanilang sariling mga saksi ay hindi nangakakakita, o nangakakaalam man: upang sila'y mangapahiya.

44:10 Sino ang naganyo sa isang dios, o bumubo ng larawang inanyuan na di pakikinabangan sa anoman?

44:11 Narito, lahat niyang kasama ay mangapapahiya; at ang mga manggagawa ay sa mga tao: mapisan sila, magsitayo sila; sila'y mangatatakot, sila'y mangahihiyang magkakasama.

44:12 Ang panday bakal ay gumagawa ng palakol, at gumagawa sa mga baga, at inaanyuan yaon sa pamamagitan ng mga pamukpok, at ginagawa yaon ng kaniyang malakas na bisig: oo, siya'y gutom, at ang kaniyang lakas ay nawawala; siya'y hindi umiinom ng tubig, at pata.

44:13 Naguunat ang anluwagi ng isang pising panukat; kaniyang tinatandaan ng lapis; kaniyang inaanyuan sa pamamagitan ng mga katam, at kaniyang tinatandaan ng mga kompas, at inaanyuan ng ayon sa anyo ng tao, ayon sa kagandahan ng tao, upang tumahan sa bahay.

44:14 Pumuputol siya sa ganang kaniya ng mga cedro, at kumukuha ng puno ng roble at ng encina, at pinatitibay sa ganang kaniyang sarili ang isa sa gitna ng mga punong kahoy sa gubat: siya'y nagtatanim ng puno ng abeto, at yao'y kinakandili ng ulan.

44:15 Kung magkagayo'y ilalaan sa tao upang ipanggatong; at kumukuha siya niyaon, at nagpapainit; oo, kaniyang pinaliliyaban yaon, at ipinagluluto ng tinapay: oo, kaniyang ginagawang isang dios, at sinasamba; ginagawa niyang larawang inanyuan, at pinagpapatirapaan.

44:16 Kaniyang iginagatong ang bahagi niyaon sa apoy; ang bahagi niyaon ay ikinakain niya ng karne; siya'y nagiihaw ng iihawin, at nabubusog: oo, siya'y nagpapainit, at nagsasabi, Aha, ako'y naiinitan, aking nakita ang apoy:

44:17 At ang labis niyaon ay ginagawa niyang dios, sa makatuwid baga'y kaniyang larawang inanyuan: kaniyang pinagpapatirapaan at sinasamba, at dinadalanginan, at nagsasabi, Iligtas mo ako; sapagka't ikaw ay aking dios.

44:18 Hindi sila mangakakaalam, o nagsisigunita man: sapagka't ipinikit niya ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag mangakakita; at ang kanilang mga puso, upang huwag silang mangakaunawa.

44:19 At walang nagpapaalaala o mayroon mang kaalaman, o unawa upang magsabi, Aking iginatong ang bahagi niyaon sa apoy; oo, ako naman ay nagluto ng tinapay sa mga baga niyaon; ako'y nagihaw ng karne at kinain ko: at gagawin ko baga ang nalabi niyaon na pinaka kasuklamsuklam? magpapatirapa baga ako sa puno ng isang punong kahoy?

44:20 Siya'y kumain ng abo: iniligaw siya ng nadayang puso, at hindi niya mailigtas ang kaniyang kaluluwa, o makapagsabi, Wala bagang kabulaanan sa aking kanang kamay?

44:21 Iyong alalahanin ang mga bagay na ito, Oh Jacob, at Israel; sapagka't ikaw ay aking lingkod: aking inanyuan ka; ikaw ay aking lingkod: Oh Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan.

44:22 Aking pinawi na parang masinsing ulap ang iyong mga pagsalangsang, at, parang alapaap, ang iyong mga kasalanan: manumbalik ka sa akin; sapagka't tinubos kita.

44:23 Magsiawit, Oh kayong mga langit, sapagka't nilikha ng Panginoon; kayo'y magsihiyaw, mga lalong mababang bahagi ng lupa: kayo'y magbiglang magsiawit, kayong mga bundok, Oh gubat, at bawa't punong kahoy na nandiyan: sapagka't tinubos ng Panginoon ang Jacob, at magpapakaluwalhati sa Israel.

44:24 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng iyong Manunubos, at niyang naganyo sa iyo mula sa bahay-bata, Ako ang Panginoon na gumagawa ng lahat na bagay; na naglaladlad, na magisa ng langit; na naglalatag ng lupa;

44:25 Na sumisira ng mga tanda ng mga sinungaling, at nagpapaging ulol sa mga manghuhula; na nagpapaurong sa mga pantas, at nagpapaging kamangmangan ng kanilang kaalaman;

44:26 Na nagpapatatag ng salita ng kaniyang lingkod, at nagsasagawa ng payo ng kaniyang mga sugo; na nagsasabi ng tungkol sa Jerusalem, Siya'y tatahan; at tungkol sa mga bayan ng Juda, Mangatatayo, at aking ibabangon ang mga sirang dako niyaon:

44:27 Na nagsasabi sa kalaliman, Ikaw ay matuyo, at aking tutuyuin ang iyong mga ilog;

44:28 Na nagsasabi tungkol kay Ciro, Siya'y aking pastor, at isasagawa ang lahat kong kaligayahan: na nagsasabi nga rin tungkol sa Jerusalem, Siya'y matatayo; at sa templo, Ang iyong patibayan ay malalagay.

45:1 Ganito ang sabi ng Panginoon sa kaniyang pinahiran ng langis, kay Ciro, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya; at aking kakalagan ang mga balakang ng mga hari; upang magbukas ng mga pintuan sa unahan niya, at ang mga pintuang-bayan ay hindi masasarhan;

45:2 Ako'y magpapauna sa iyo, at, papatagin ko ang mga bakobakong dako: aking pagwawaraywarayin ang mga pintuang tanso, at aking puputulin ang mga halang na bakal:

45:3 At ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanang nasa kadiliman, at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon na tumatawag sa iyo sa inyong pangalan, sa makatuwid baga'y ang Dios ng Israel.

45:4 Dahil sa Jacob na aking lingkod, at sa Israel na aking pinili tinawag kita sa iyong pangalan: aking pinamagatan ka, bagaman hindi mo nakilala ako.

45:5 Ako ang Panginoon, at walang iba; liban sa akin ay walang Dios. Aking bibigkisan ka, bagaman hindi mo ako nakilala.

45:6 Upang kanilang maalaman mula sa sikatan ng araw, at mula sa kalunuran, na walang iba liban sa akin: ako ang Panginoon, at walang iba.

45:7 Aking inilalagay ang liwanag, at nililikha ko ang kadiliman; ako'y gumagawa ng kapayapaan, at lumilikha ako ng kasamaan; ako ang Panginoon, na gumagawa ng lahat na bagay na ito.

45:8 Maghulog, oh kayong mga langit mula sa itaas, at ang alapaap ay pumatak ng katuwiran: bumuka ang lupa, upang maglabas siya ng kaligtasan, at ang katuwiran ay lumabas na kasama niyaon; akong Panginoon ang lumikha.

45:9 Sa aba niya, na nakikipagpunyagi sa May-lalang sa kaniya! isang bibinga sa gitna ng mga bibinga sa lupa! Magsasabi baga ang putik sa nagbibigay anyo sa kaniya, Anong ginagawa mo? o ang iyong gawa, Siya'y walang mga kamay?

45:10 Sa aba niya na nagsasabi sa ama, Ano ang naging anak mo? o sa babae, Ano ang ipinagdamdam mo?

45:11 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Banal ng Israel, at ng May-lalang sa kaniya, Magtanong ka sa akin tungkol sa mga bagay na darating; tungkol sa aking mga anak, at tungkol sa gawa ng aking mga kamay, magutos kayo sa akin.

45:12 Aking ginawa ang lupa, at nilalang ko ang tao rito: ako, sa makatuwid baga'y ang aking mga kamay, nagladlad ng langit, at sa lahat ng natatanaw roon ay nagutos ako.

45:13 Aking ibinangon siya sa katuwiran, at aking tutuwirin ang lahat niyang lakad; kaniyang itatayo ang aking bayan, at kaniyang palalayain ang aking mga natapon, hindi sa halaga o sa kagantihan man, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

45:14 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang yari ng Egipto, at ang kalakal ng Etiopia, at ang mga Sabeo, sa mga taong matatangkad, ay magsisiparito sa iyo, at sila'y magiging iyo; sila'y magsisisunod sa iyo, sila'y magsisidaang may tanikala; at sila'y mangagpapatirapa sa iyo, sila'y magsisipamanhik sa iyo, na mangagsasabi, Tunay na ang Dios ay nasa iyo; at walang ibang Dios.

45:15 Katotohanang ikaw ay Dios na nagkukubli, Oh Dios ng Israel, na Tagapagligtas.

45:16 Sila'y mangapapahiya, oo, mangalilito silang lahat; sila'y magsisipasok sa pagkalito na magkakasama na mga manggagawa ng mga diosdiosan.

45:17 Nguni't ang Israel ay ililigtas ng Panginoon ng walang hanggang kaligtasan: kayo'y hindi mangapapahiya o mangalilito man magpakailan man.

45:18 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon na lumikha ng langit, na siyang Dios na nag-anyo sa lupa at gumawa niyaon, na kaniyang itinatag, at hindi niya nilikha na sira, na kaniyang inanyuan upang tahanan: ako ang Panginoon; at wala nang iba.

45:19 Ako'y hindi nagsalita ng lihim, sa dako ng lupain ng kadiliman; hindi ako nagsabi sa lahi ni Jacob, Hanapin ninyo ako ng walang kabuluhan: akong Panginoon ay nagsasalita ng katuwiran, ako'y nagpapahayag ng mga bagay na matuwid.

45:20 Kayo'y mangagpipisan at magsiparito; magsilapit kayong magkakasama, kayong mga nakatanan sa mga bansa: sila'y walang kaalaman na nangagdadala ng kahoy ng kanilang larawang inanyuan, at nagsisidalangin sa dios na hindi makapagliligtas.

45:21 Kayo'y mangagpahayag, at mangagpasapit; oo, magsanggunian silang magkakasama: sinong nagpakilala nito mula nang mga unang panahon? sinong nagpahayag niyaon nang una? hindi baga ang Panginoon? at walang Dios liban sa akin: isang ganap na Dios at Tagapagligtas; walang iba liban sa akin.

45:22 Kayo'y magsitingin sa akin, at kayo'y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin.

45:23 Ako'y sumumpa ng aking sarili, ang salita ay nakabitaw sa aking bibig sa katuwiran, at hindi babalik, na sa akin ay luluhod ang bawa't tuhod, bawa't dila ay susumpa.

45:24 Sa Panginoon lamang, sasabihin ng isa tungkol sa akin, ang katuwiran at kalakasan: sa makatuwid baga'y sa kaniya magsisiparoon ang mga tao, at ang lahat na nagiinit laban sa kaniya ay mangapapahiya.

45:25 Sa Panginoon ay aariing ganap ang buong lahi ng Israel, at luluwalhati.

46:1 Si Bel ay nagpapatirapa, sa Nebo ay yumuyukod; ang kanilang mga diosdiosan ay pasan sa ibabaw ng mga hayop, at sa ibabaw ng mga baka: ang mga bagay na inyong daladalang inilibot ay mabigat na pasan sa pagod na hayop.

46:2 Sila'y yumuyukod, sila'y nangagpapatirapang magkakasama; hindi nila maiwasan ang pasan, kundi sila ma'y napapasok sa pagkabihag.

46:3 Inyong dinggin ako, Oh sangbahayan ni Jacob, at lahat na nalabi sa sangbahayan ni Israel, na kinalong ko mula sa tiyan, na dala mula sa bahay-bata:

46:4 At hanggang sa katandaan ay ako nga, at hanggang sa magka uban ay dadalhin kita; aking ginawa, at aking dadalhin; oo, aking dadalhin, at aking ililigtas.

46:5 Kanino ninyo ako itutulad, at ipaparis, at iwawangis ako, upang kami ay magkagaya?

46:6 Sila'y dumudukot ng maraming ginto sa supot, at tumitimbang ng pilak sa timbangan, sila'y nagsisiupa ng panday-ginto, at kaniyang ginagawang dios; sila'y nangagpapatirapa, oo, sila'y nagsisisamba.

46:7 Pinapasan nila siya sa balikat, dinadala nila siya, at inilalagay siya sa kaniyang dako, at siya'y nakatayo; mula sa kaniyang dako ay hindi siya makikilos: oo, may dadaing sa kaniya, gayon ma'y hindi siya makasasagot, o makapagliligtas man sa kaniya sa kaniyang kabagabagan.

46:8 Inyong alalahanin ito, at mangagpakalalake kayo: isaisip ninyo uli, Oh ninyong mga mananalangsang.

46:9 Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin; ako'y Dios, at walang gaya ko;

46:10 Na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo ko ay mananayo, at gagawin ko ang aking buong kaligayahan:

46:11 Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.

46:12 Inyong dinggin ako, ninyong may mapagmatigas na loob; na malayo sa katuwiran:

46:13 Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi maglalaon at ang aking pagliligtas ay hindi magluluwat: at aking ilalagay ang kaligtasan sa Sion na ukol sa Israel na aking kaluwalhatian.

47:1 Ikaw ay bumaba, at umupo sa alabok, Oh anak na dalaga ng Babilonia; lumagmak ka sa lupa na walang luklukan, Oh anak na babae ng mga Caldeo: sapagka't hindi ka na tatawaging maselang at mahinhin.

47:2 Ikaw ay kumuha ng gilingang mga bato, at gumiling ka ng harina; magalis ka ng iyong lambong, maghubad ka ng balabal, maglitaw ka ng binti, tumawid ka sa mga ilog.

47:3 Ang iyong kahubaran ay malilitaw, oo, ang iyong kahihiyan ay makikita, ako'y manghihiganti, at hindi tatangi ng tao.

47:4 Ang aming Manunubos, ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang pangalan niya, ang Banal ng Israel.

47:5 Maupo kang tahimik, at masok ka sa kadiliman, Oh anak na babae ng mga Caldeo: sapagka't hindi ka na tatawagin. Ang mahal na babae ng mga kaharian.

47:6 Ako'y napoot sa aking bayan, aking dinumhan ang aking mana, at ibinigay ko sa iyong kamay: hindi mo pinagpakitaan sila ng kaawaan; sa may katandaan ay pinabigat mong mainam ang iyong atang.

47:7 At iyong sinabi, Ako'y magiging mahal na babae magpakailan man: na anopa't hindi mo ginunita ang mga bagay na ito sa iyong kalooban, o inalaala mo man ang huling wakas nito.

47:8 Ngayon nga'y dinggin mo ito, ikaw na hinati sa mga kalayawan, na tumatahang matiwasay, na nagsasabi sa kaniyang puso, Ako nga, at walang iba liban sa akin; hindi ako uupong gaya ng babaing bao, o mararanasan man ang pagkawala ng mga anak:

47:9 Nguni't ang dalawang bagay na ito ay darating sa iyo sa isang sangdali, sa isang araw, ang pagkawala ng mga anak at pagkabao; sa kanilang karamihan ay darating sa iyo, sa karamihan ng iyong panggagaway, at sa totoong kasaganaan ng iyong mga enkanto.

47:10 Sapagka't ikaw ay tumiwala sa iyong kasamaan; iyong sinabi, Walang nakakakita sa akin; ang iyong karunungan at ang iyong kaalaman, nagpaligaw sa iyo: at iyong sinabi sa iyong puso, Ako nga, at walang iba liban sa akin.

47:11 Kaya't ang kasamaan ay darating sa iyo; hindi mo malalaman ang bukang liwayway niyaon: at kasakunaan ay sasapit sa iyo; hindi mo maaalis: at kagibaan ay darating sa iyong bigla, na hindi mo nalalaman.

47:12 Tumayo ka ngayon sa iyong mga enkanto, at sa karamihan ng iyong panggagaway, na iyong ginawa mula sa iyong kabataan: marahil makikinabang ka, marahil mananaig ka.

47:13 Ikaw ay yamot sa karamihan ng iyong mga payo: magsitayo ngayon ang nanganghuhula sa pamamagitan ng langit, at ng mga bituin, ang mga mangingilala ng tungkol sa buwan, at siyang magligtas sa iyo sa mga bagay na mangyayari sa iyo.

47:14 Narito, sila'y magiging gaya ng pinagputulan ng trigo; susunugin sila ng apoy; sila'y hindi makaliligtas sa bangis ng liyab: hindi babaga na mapagpapainitan, o magiging apoy na mauupuan sa harap.

47:15 Ganito mangyayari ang mga bagay sa iyo, na iyong ginawa: silang nangalakal sa iyo mula sa iyong kabinataan ay lalaboy bawa't isa ng kaniyang sariling lakad; walang magliligtas sa iyo.

48:1 Iyong dinggin ito, Oh sangbahayan ni Jacob, na tinatawag sa pangalan ng Israel, at nagsilabas sa bukal ng Juda; na nagsisumpa sa pangalan ng Panginoon, at nagsibanggit ng Dios ng Israel, nguni't hindi sa katotohanan, o sa katuwiran man.

48:2 (Sapagka't sila'y tinatawag ayon sa bayang banal, at nagsitiwala sa Dios ng Israel; ang Panginoon ng mga hukbo ang kaniyang pangalan):

48:3 Aking ipinahayag ang mga dating bagay mula nang una; oo, yao'y lumabas sa aking bibig, at aking ipinakilala: biglang ginawa ko, at nangyari.

48:4 Sapagka't nakilala ko, na ikaw ay mapagmatigas, at ang iyong leeg ay parang litid na bakal, at ang iyong noo ay parang tanso:

48:5 Kaya't aking ipinahayag sa iyo mula nang una; bago nangyari ay ipinakilala ko sa iyo: baka iyong sabihin, Mga ginawa ng aking diosdiosan, at ang aking larawang inanyuan, at ang aking larawang binubo, nagutos sa kanila.

48:6 Iyong narinig; tingnan mong lahat ito; at kayo, hindi ba ninyo ipahahayag? Ako'y nagpakita sa iyo ng mga bagong bagay mula sa panahong ito, sa makatuwid baga'y mga kubling bagay na hindi mo naalaman.

48:7 Mga nalikha ngayon, at hindi mula nang una; at bago dumating ang araw na ito ay hindi mo nangarinig; baka iyong sabihin, Narito, aking nangaalaman.

48:8 Oo, hindi mo narinig; oo, hindi mo naalaman; oo, mula nang una ay hindi nabuksan ang iyong pakinig: sapagka't talastas ko na ikaw ay gumawa na totoong may kataksilan, at tinawag na mananalangsang mula sa bahay-bata.

48:9 Dahil sa aking pangalan ay aking iuurong ang aking galit, at dahil sa kapurihan ko ay aking ititigil, upang huwag kitang ihiwalay.

48:10 Narito dinalisay kita, nguni't hindi parang pilak; pinili kita sa hurno ng kadalamhatian.

48:11 Dahil din sa akin, dahil din sa akin, aking gagawin yaon; sapagka't, bakit lalapastanganin ang aking pangalan? at ang kaluwalhatian ko ay hindi ko ibinigay sa iba.

48:12 Inyong dinggin ako, Oh Jacob, at Israel na tinawag ko: Ako nga; ako ang una, ako rin ang huli.

48:13 Oo, ang aking kamay ay siyang naglagay ng patibayan ng lupa, at ang aking kanan ay siyang nagladlad ng langit: pagka ako'y tumatawag sa kanila, sila'y nagsisitayong magkakasama.

48:14 Kayo'y magpipisan, kayong lahat, at inyong dinggin; sino sa kanila ang nagpahayag ng mga bagay na ito? Siyang iniibig ng Panginoon ay kaniyang tutuparin ang kaniyang kaligayahan sa Babilonia, at bubuhatin niya ang kaniyang kamay sa mga Caldeo.

48:15 Ako, ako nga'y nagsalita; oo, aking tinawag siya; aking dinala siya; at kaniyang pagiginhawahin ang kaniyang lakad.

48:16 Kayo'y magsilapit sa akin, inyong dinggin ito; mula sa pasimula ay hindi ako nagsalita ng lihim; mula nang panahon na nangyari ito, nandoon nga ako: at ngayo'y sinugo ako ng Panginoong Dios, at nang kaniyang Espiritu.

48:17 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng inyong Manunubos, ng Banal ng Israel, Ako ang Panginoon mong Dios, na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong marapat na lakaran.

48:18 Oh kung dininig mo ang aking mga utos! ang iyo ngang kapayapaan ay naging parang ilog, at ang iyong katuwiran ay parang mga alon sa dagat:

48:19 Ang iyo namang lahi ay naging parang buhangin at ang suwi ng iyong tiyan ay parang mga butil niyaon: ang kaniyang pangalan ay hindi mahihiwalay o magigiba man sa harap ko.

48:20 Kayo'y magsilabas sa Babilonia, inyong takasan ang mga Caldeo; kayo'y mangagpahayag na may tinig ng awitan, inyong saysayin ito, itanyag ninyo hanggang sa wakas ng lupa: inyong sabihin, Tinubos ng Panginoon ang Jacob na kaniyang lingkod.

48:21 At sila'y hindi nangauhaw nang pinapatnubayan niya sila sa mga ilang; kaniyang pinaagos ang tubig mula sa bato para sa kanila; kaniyang ginuwangan din naman ang bato, at ang tubig ay bumukal.

48:22 Walang kapayapaan sa masama, sabi ng Panginoon.

49:1 Kayo'y magsipakinig sa akin, Oh mga pulo; at inyong pakinggan, ninyong mga bayan, sa malayo: tinawag ako ng Panginoon mula sa bahay-bata; mula sa bahay-bata ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan:

49:2 At kaniyang ginawa ang aking bibig na parang matalas na tabak; sa lilim ng kaniyang kamay ay ikinubli niya ako: at ginawa niya akong makinang na pana; sa kaniyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako:

49:3 At sinabi niya sa akin, Ikaw ay aking lingkod; Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.

49:4 Nguni't aking sinabi, Ako'y gumawang walang kabuluhan, aking ginugol ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan; gayon ma'y tunay na ang kahatulan sa akin ay nasa Panginoon, at ang kagantihan sa akin ay nasa aking Dios.

49:5 At ngayo'y sinasabi ng Panginoon na naganyo sa akin mula sa bahay-bata upang maging kaniyang lingkod, upang dalhin uli ang Jacob sa kaniya, at ang Israel ay mapisan sa kaniya: (sapagka't ako'y marangal sa mga mata ng Panginoon, at ang aking Dios ay naging aking kalakasan;)

49:6 Oo, kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.

49:7 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Manunubos ng Israel, na kaniyang Banal, doon sa hinahamak ng tao, doon sa kinayayamutan ng bansa, sa lingkod ng mga pinuno, Ang mga hari at ang mga pangulo, ay mangakakakita at magsisibangon, at sila'y magsisisamba; dahil sa Panginoon na tapat, sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.

49:8 Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa kalugodlugod na panahon ay sinagot kita, at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita: at aking iningatan ka, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, upang ibangon ang lupain, upang ipamana sa kanila ang mga sirang mana;

49:9 Na nagsasabi sa kanilang nangabibilanggo, Kayo'y magsilabas; sa kanilang nangasa kadiliman, Pakita kayo. Sila'y magsisikain sa mga daan, at ang lahat na luwal na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.

49:10 Sila'y hindi mangagugutom, o mangauuhaw man; at hindi man sila mangapapaso ng init, o ng araw man: sapagka't siyang may awa sa kanila ay papatnubay sa kanila, sa makatuwid baga'y sa tabi ng mga bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.

49:11 At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok, at ang aking mga lansangan ay patataasin.

49:12 Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo; at, narito, ang mga ito ay mula sa hilagaan, at mula sa kalunuran; at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.

49:13 Ikaw ay umawit, Oh langit; at magalak, Oh lupa; at kayo'y biglang magsiawit, Oh mga bundok: sapagka't inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, at mahahabag sa kaniyang nagdadalamhati.

49:14 Nguni't sinabi ng Sion, Pinabayaan ako ni Jehova, at nilimot ako ng Panginoon.

49:15 Malilimutan ba ng babae ang kaniyang batang pasusuhin; na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahay-bata? oo, ito'y makalilimot, nguni't hindi kita kalilimutan.

49:16 Narito aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay; ang iyong mga kuta ay laging nangasa harap ko.

49:17 Ang iyong mga anak ay mangagmamadali; ang mga manghahamak sa iyo at ang sumisira sa iyo ay aalis sa iyo.

49:18 Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot, at tingnan mo: lahat ng mga ito ay nagpipipisan, at naparirito sa iyo. Buhay ako, sabi ng Panginoon, ikaw ay mabibihisan ng lahat ng mga yaon, na parang pinakagayak, at mabibigkisan ka ng mga yaon na parang isang kasintahang babae.

49:19 Sapagka't tungkol sa iyong mga sira at sa iyong mga gibang dako at sa iyong lupain na nawasak, tunay na ikaw ngayon ay magiging totoong napakakipot sa mga mananahan, at silang nagsisisakmal sa iyo ay mangalalayo.

49:20 Ang mga anak ng inyong kapanglawan ay mangagsasabi pa sa iyong mga pakinig, Ang dako ay totoong makipot sa ganang akin: bigyan mo ako ng dako upang aking matahanan.

49:21 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa iyong sarili, Sinong nanganak ng mga ito sa akin, dangang nawalan ako ng aking mga anak, at ako'y nagiisa, tapon, at lumalaboy na paroo't parito? at sinong nagpalaki ng mga ito? Narito, ako'y naiwang magisa; mga ito, saan nangandoon?

49:22 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking ikakaway ang aking kamay sa mga bansa, at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan; at sila'y kakalong ng iyong mga anak na lalake sa kanilang sinapupunan, at ang iyong mga anak na babae ay papasanin ng kanilang mga balikat.

49:23 At mga hari ang magiging iyong mga taga kandiling ama, at ang kanilang mga reina, ay iyong mga taga kandiling ina: sila'y magsisiyukod sa iyo ng kanilang mga mukha sa lupa, at hihimuran ang alabok ng inyong mga paa: at iyong makikilala, na ako ang Panginoon, at ang nangaghihintay sa akin ay hindi mangapapahiya.

49:24 Makukuha baga ang huli sa makapangyarihan, o maliligtas ang mga talagang nabihag?

49:25 Nguni't ganito ang sabi ng Panginoon, Pati ng mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin, at ang huli ng kakilakilabot ay maliligtas; sapagka't ako'y makikipaglaban sa kaniya na nakikipaglaban sa iyo, at aking ililigtas ang iyong mga anak.

49:26 At aking pakakanin silang nagsisipighati sa iyo ng kanilang sariling laman; at sila'y mangalalango ng kanilang sariling dugo, na gaya ng matamis na alak: at makikilala ng lahat ng tao, na akong Panginoon ay iyong Tagapagligtas, at iyong Manunubos, na Makapangyarihan ng Jacob.

50:1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Saan nandoon ang sulat ng pagkakahiwalay ng iyong ina, na aking ipinaghiwalay sa kaniya? o sa kanino sa mga nagpapautang sa akin ipinagbili kita? Narito, dahil sa inyong mga kasamaan ay naipagbili kayo, at dahil sa inyong mga pagsalangsang ay nahiwalay ang inyong ina.

50:2 Bakit, nang ako'y parito, ay walang tao? nang ako'y tumawag, ay walang sumagot? naging maiksi na baga ang aking kamay na hindi makatubos? o wala akong kapangyarihang makapagligtas? Narito, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat, aking pinapaging ilang ang mga ilog: ang kanilang isda ay bumabaho, sapagka't walang tubig, at namamatay dahil sa uhaw.

50:3 Aking binibihisan ng kaitiman ang langit at aking ginagawang kayong magaspang ang kaniyang takip.

50:4 Binigyan ako ng Panginoong Dios ng dila ng nangaturuan, upang aking maalaman kung paanong aaliwin ng mga salita siyang nanglulupaypay. Siya'y nagigising tuwing umaga, ginigising niya ang aking pakinig upang makinig na gaya ng mga natuturuan.

50:5 Binuksan ng Panginoong Dios ang aking pakinig, at ako'y hindi naging mapanghimagsik, o tumalikod man.

50:6 Aking ipinain ang aking likod sa mga mananakit, at ang aking mga pisngi sa mga bumabaltak ng balbas; hindi ko ikinubli ang aking mukha sa kahihiyan at sa paglura.

50:7 Sapagka't tutulungan ako ng Panginoong Dios; kaya't hindi ako nalito: kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong pingkian, at talastas ko na hindi ako mapapahiya.

50:8 Siya'y malapit na nagpapatotoo sa akin; sinong makikipaglaban sa akin? tayo'y magsitayong magkakasama: sino ang aking kaaway? bayaang lumapit siya sa akin.

50:9 Narito, tutulungan ako ng Panginoong Dios; sino siya na hahatol sa akin? narito, silang lahat ay mangalulumang parang bihisan; lalamunin sila ng tanga.

50:10 Sino sa inyo ang natatakot sa Panginoon, na sumusunod sa tinig ng kaniyang lingkod? Siyang lumalakad sa kadiliman, at walang liwanag, tumiwala siya sa pangalan ng Panginoon, at umasa sa kaniyang Dios.

50:11 Narito, kayong lahat na nangagsusulsol ng apoy, na kumukubkob ng mga sulo: magsilakad kayo sa liyab ng inyong apoy, at sa gitna ng mga sulo na inyong pinagalab. Ito ang tatamuhin ninyo sa aking kamay; kayo'y hihiga sa kapanglawan.

51:1 Kayo'y magsipakinig sa akin, kayong nagsisisunod sa katuwiran, kayong nagsisihanap sa Panginoon: magsitingin kayo sa malaking bato na inyong kinaputulan, at sa luwang ng hukay na kinahukayan sa inyo.

51:2 Tingnan ninyo si Abraham na inyong ama, at si Sara na nanganak sa inyo; sapagka't nang siya'y iisa ay tinawag ko siya, at aking pinagpala siya, at aking pinarami siya.

51:3 Sapagka't inaliw ng Panginoon ang Sion; kaniyang pinasaya ang lahat niyang sirang dako, at ginawa niyang parang Eden ang kaniyang ilang, at ang kaniyang lupang masukal ay parang halamanan ng Panginoon; kagalakan at kasayahan ay masusumpungan doon, pagpapasalamat, at tinig na mainam.

51:4 Makinig ka sa akin, Oh bayan ko; at pakinggan mo ako, Oh bansa ko: sapagka't isang kautusan ay magmumula sa akin, at ang aking kahatulan ay gagawin kong pinakaliwanag sa mga bayan.

51:5 Ang katuwiran ko ay malapit, ang aking pagliligtas ay lumabas, at hahatol ang aking mga bisig sa mga bayan; ang mga pulo ay magsisipaghintay sa akin, at sa aking bisig ay magsisitiwala sila.

51:6 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit, at magsitungo kayo sa lupa sa ibaba; sapagka't ang mga langit ay mapapawing parang usok, at ang lupa ay malulumang parang bihisan; at silang nagsisitahan doon ay mangamamatay ng gayon ding paraan: nguni't ang pagliligtas ko ay magpakailan man, at ang aking katuwiran ay hindi mawawakasan.

51:7 Inyong pakinggan ako, ninyong nakakaalam ng katuwiran, bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan; huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao, o manglupaypay man kayo sa kanilang mga paglait.

51:8 Sapagka't sila'y lalamunin ng tanga na parang bihisan, at kakanin sila ng uod na parang bihisan na balahibo ng tupa; nguni't ang aking katuwiran ay magiging magpakailan man, at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng sali't saling lahi.

51:9 Gumising ka, gumising ka, magbihis ka ng kalakasan, Oh bisig ng Panginoon; gumising ka na gaya nang kaarawan noong una, nang mga lahi ng mga dating panahon. Hindi baga ikaw ang pumutol ng Rahab, na sumaksak sa buwaya?

51:10 Hindi baga ikaw ang tumuyo sa dagat, sa tubig ng malaking kalaliman; na iyong pinapaging daan ang kalaliman ng dagat upang daanan ng natubos?

51:11 At ang mga tinubos ng Panginoon ay magsisibalik, at magsisiparoong may awitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay sasa kanilang mga ulo: sila'y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan; at ang kapanglawan at pagbubungtong-hininga ay tatakas.

51:12 Ako, ako nga, ay siyang umaaliw sa inyo: sino ka na natatakot sa tao na mamamatay at sa anak ng tao na gagawing parang damo;

51:13 At iyong kinalimutan ang Panginoon na May-lalang sa iyo, na nagladlad ng mga langit, at naglalagay ng mga patibayan ng lupa; at ikaw ay natatakot na lagi buong araw dahil sa pusok ng mamimighati, pagka siya'y nagmamadali upang gumiba? at saan nandoon ang pusok ng mamimighati?

51:14 Ang bihag na tapon ay madaling bibitawan; at hindi mamamatay at bababa sa hukay, o magkukulang man ang kaniyang tinapay.

51:15 Sapagka't ako ang Panginoon mong Dios, na nagpapahugong sa dagat, na ang mga alon niyao'y humuhugong: ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.

51:16 At inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang mga langit, at mailagay ang mga patibayan ng lupa, at magsabi sa Sion, Ikaw ay aking bayan.

51:17 Gumising ka, gumising ka, tumayo ka, Oh Jerusalem, na uminom ka sa kamay ng Panginoon sa saro ng kaniyang kapusukan; iyong ininuman ang saro ng pangpagiray, at iyong sinaid.

51:18 Walang pumatnubay sa kaniya sa lahat na anak na kaniyang ipinanganak; o may humawak man sa kaniya sa kamay sa lahat na anak na kaniyang pinalaki.

51:19 Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo; sinong makikidamdam sa iyo? kagibaan, at kasiraan, at ang kagutom at ang tabak; paanong aaliwin kita?

51:20 Ang iyong mga anak ay nanganglupaypay, sila'y nangahihiga sa dulo ng lahat na lansangan, na gaya ng isang usa sa isang silo; sila'y puspos ng kapusukan ng Panginoon, ng saway ng iyong Dios.

51:21 Kaya't pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati, at lango, nguni't hindi ng alak:

51:22 Ganito ang sabi ng iyong Panginoon na Jehova, at ng iyong Dios na nagsasanggalang ng usap ng kaniyang bayan, Narito, aking inalis sa iyong kamay ang saro na pangpagiray, ang saro nga ng aking kapusukan; hindi ka na iinom pa:

51:23 At aking ilalagay sa kamay nila na nagsisidalamhati sa iyo, na nakapagsabi sa iyong kaluluwa, Ikaw ay dumapa upang kami ay dumaan, at iyong inilagpak ang iyong likod na parang lupa, at parang lansangan sa kanilang nagdaraan.

52:1 Gumising ka, gumising ka, magsuot ka ng iyong kalakasan, Oh Sion; magsuot ka ng iyong mga magandang damit, Oh Jerusalem, na bayang banal: sapagka't mula ngayo'y hindi na papasok pa sa iyo ang hindi tuli at ang marumi.

52:2 Magpagpag ka ng alabok; ikaw ay bumangon, umupo ka sa iyong luklukan, Oh Jerusalem: magkalag ka ng mga tali ng iyong leeg, Oh bihag na anak na babae ng Sion.

52:3 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y naipagbili sa wala; at kayo'y matutubos ng walang salapi.

52:4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Egipto upang makipamayan doon: at pinighati sila ng mga taga Asiria ng walang kadahilanan.

52:5 Ngayon nga, anong ginagawa ko rito, sabi ng Panginoon, yamang ang aking bayan ay dinala ng walang anoano? silang nangagpupuno sa kanila ay nagsisiungal, sabi ng Panginoon, at ang aking pangalan ay natutungayaw na lagi buong araw,

52:6 Kaya't makikilala ng aking bayan ang aking pangalan: kaya't matatalastas nila sa araw na yaon, na ako yaong nagsasalita; narito, ako nga.

52:7 Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nangagdadala ng mga mabuting balita sa ikabubuti, na nagtatanyag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion, Ang iyong Dios ay naghahari!

52:8 Ang tinig ng iyong mga bantay! sila'y naglalakas ng tinig, na magkakasamang nagsisiawit; sapagka't sila'y makakakita ng mukhaan pagka ang Panginoon ay bumalik sa Sion.

52:9 Kayo'y magbiglang magalak, kayo'y magsiawit na magkakasama, kayong mga sirang dako ng Jerusalem; sapagka't inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, kaniyang tinubos ang Jerusalem.

52:10 Hinubdan ng Panginoon ang kaniyang banal na bisig sa harap ng mga mata ng lahat na bansa; at makikita ng lahat na wakas ng lupa ang pagliligtas ng ating Dios.

52:11 Kayo'y magsiyaon, kayo'y magsiyaon, kayo'y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo'y magsilabas sa gitna niya; kayo'y mangagpakalinis, kayong nangagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.

52:12 Sapagka't kayo'y hindi magsisilabas na nagmamadali, o magsisilabas man kayo na takas: sapagka't ang Panginoon ay magpapauna sa inyo; at ang Dios ng Israel ay magiging inyong bantay likod.

52:13 Narito, ang lingkod ko ay gagawang may karunungan, siya'y mabubunyi, at malalagay na mataas, at magiging napakataas.

52:14 Kung paanong marami ang natigilan dahil sa iyo (ang kaniyang mukha ay napakakatuwa kay sa kaninomang lalake, at ang kaniyang anyo ay higit na kumatuwa kay sa mga anak ng mga tao),

52:15 Gayon siya magwiwisik sa maraming bansa; ang mga hari ay magtitikom ng kanilang mga bibig dahil sa kaniya: sapagka't ang hindi nasaysay sa kanila ay kanilang makikita; at ang hindi nila narinig ay kanilang mauunawa.

53:1 Sinong naniwala sa aming balita? at kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?

53:2 Sapagka't siya'y tumubo sa harap niya na gaya ng sariwang pananim, at gaya ng ugat sa tuyong lupa: walang anyo o kagandahan man; at pagka ating minamasdan siya ay walang kagandahan na mananais tayo sa kaniya.

53:3 Siya'y hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang taong sa kapanglawan, at bihasa sa karamdaman: at gaya ng isa na pinagkublihan ng kanilang mukha ng mga tao, na siya'y hinamak, at hindi natin hinalagahan siya.

53:4 Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan; gayon ma'y ating pinalagay siya na hinampas, sinaktan ng Dios, at dinalamhati.

53:5 Nguni't siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.

53:6 Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat.

53:7 Siya'y napighati, gayon man nang siya'y dinalamhati ay hindi nagbuka ng kaniyang bibig; gaya ng kordero na dinadala sa patayan, at gaya ng tupang nasa harap ng mga manggugupit sa kaniya ay pipi, gayon ma'y hindi niya binuka ang kaniyang bibig.

53:8 Sa pamamagitan ng kapighatian at kahatulan ay dinala siya: at tungkol sa kaniyang lahi, sino sa kanila ang gumunita na siya'y nahiwalay sa lupain ng buhay? dahil sa pagsalangsang ng aking bayan ay nasaktan siya.

53:9 At ginawa nila ang kaniyang libingan na kasama ng mga masama, at kasama ng isang lalaking mayaman sa kaniyang kamatayan; bagaman hindi siya gumawa ng pangdadahas, o wala mang anomang karayaan sa kaniyang bibig.

53:10 Gayon ma'y kinalugdan ng Panginoon na mabugbog siya; inilagay niya siya sa pagdaramdam: pagka iyong gagawin ang kaniyang kaluluwa na pinakahandog dahil sa kasalanan, makikita niya ang kaniyang lahi, pahahabain niya ang kaniyang mga kaarawan, at ang pagkalugod ng Panginoon ay lalago sa kaniyang kamay.

53:11 Siya'y makakakita ng pagdaramdam ng kaniyang kaluluwa at masisiyahan: sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman ay aariing ganap ng aking matuwid na lingkod ang marami; at dadalhin niya ang kanilang mga kasamaan.

53:12 Kaya't hahatian ko siya ng bahagi na kasama ng dakila, at kaniyang hahatiin ang samsam na kasama ng malakas; sapagka't kaniyang idinulot ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan, at ibinilang na kasama ng mga mananalangsang: gayon ma'y dinala niya ang kasalanan ng marami, at namagitan sa mga mananalangsang.

54:1 Umawit ka, Oh baog, ikaw na hindi nanganak; ikaw ay magbiglang umawit, at humiyaw ng malakas, ikaw na hindi nagdamdam ng panganganak: sapagka't higit ang mga anak ng binawaan kay sa mga anak ng may asawa, sabi ng Panginoon.

54:2 Iyong palakhin ang dako ng iyong tolda, at maladlad ang mga tabing ng iyong mga tahanan; huwag kang magurong: habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang iyong mga tulos.

54:3 Sapagka't ikaw ay lalago sa kanan at sa kaliwa; at ang iyong lahi ay magaari ng mga bansa, at patatahanan ang mga gibang bayan.

54:4 Huwag kang matakot; sapagka't ikaw ay hindi mapapahiya: o malilito ka man; sapagka't hindi ka malalagay sa kahihiyan: sapagka't iyong kalilimutan ang kahihiyan ng iyong kabataan, at ang pula sa iyong pagkabao ay hindi mo maaalaala pa.

54:5 Sapagka't ang May-lalang sa iyo ay iyong asawa; ang Panginoon ng mga hukbo ay kaniyang pangalan: at ang Banal ng Israel ay iyong Manunubos, ang Dios ng buong lupa tatawagin siya.

54:6 Sapagka't tinawag ka ng Panginoon na parang asawang kinalimutan namamanglaw sa kalooban, parang asawa ng kabataan, pagka siya'y itinatakuwil, sabi ng iyong Dios.

54:7 Sa sangdaling-sangdali ay kinalimutan kita; nguni't pipisanin kita sa pamamagitan ng mga malaking kaawaan.

54:8 Sa kaunting pagiinit ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo sa isang sangdali; nguni't kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob, sabi ng Panginoon, na iyong Manunubos.

54:9 Sapagka't ito ay parang tubig ng panahon ni Noe sa akin; sapagka't kung paanong ako'y sumumpa, na ang tubig ng panahon ni Noe ay hindi na aahon pa sa lupa, gayon ako'y sumumpa na hindi ako magiinit sa iyo, o sasaway sa iyo.

54:10 Sapagka't ang mga bundok ay mangapapaalis, at ang mga burol ay mangapapalipat; nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o ang akin mang tipan ng kapayapaan ay maalis, sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.

54:11 Oh ikaw na nagdadalamhati, na pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw, narito, aking ilalagay ang iyong mga bato na may magandang mga kulay, at ilalapag ko ang iyong mga patibayan na may mga zafiro.

54:12 At gagawin kong mga rubi ang iyong mga dungawan, at mga karbungko ang iyong mga pintuang-bayan, at mga mahahalagang bato ang iyong lahat na hangganan.

54:13 At lahat mong anak ay tuturuan ng Panginoon; at magiging malaki ang kapayapaan ng iyong mga anak.

54:14 Sa katuwiran ay matatatag ka: ikaw ay malalayo sa kapighatian sapagka't yao'y hindi mo katatakutan; at sa kakilabutan, sapagka't hindi lalapit sa iyo.

54:15 Narito, sila'y magkakapisan, nguni't hindi sa pamamagitan ko: sinomang magpipisan laban sa iyo ay mabubuwal dahil sa iyo.

54:16 Narito, aking nilalang ang panday na humihihip sa mga baga, at naglalabas ng kasangkapan para sa kaniyang gawa; at aking nilalang ang manglilipol upang manglipol.

54:17 Walang almas na ginawa laban sa iyo ay pakikinabangan at bawa't dila na gagalaw laban sa iyo sa kahatulan ay iyong hahatulan. Ito ang mana ng mga lingkod ng Panginoon, at ang katuwiran nila ay sa akin, sabi ng Panginoon.

55:1 Oh lahat na nangauuhaw, magsiparito kayo sa tubig at siyang walang salapi; magsiparito kayo, kayo'y magsibili, at magsikain; oo, kayo'y magsiparito, kayo'y magsibili ng alak at gatas ng walang salapi at walang bayad.

55:2 Ano't kayo'y nangaggugugol ng salapi sa hindi pagkain? at ng inyong gawa sa hindi nakabubusog? inyong pakinggan ako, at magsikain kayo ng mabuti, at mangalugod kayo sa katabaan.

55:3 Inyong ikiling ang inyong tainga, at magsiparito kayo sa akin; kayo'y magsipakinig, at ang inyong kaluluwa ay mabubuhay: at ako'y makikipagtipan sa inyo ng walang hanggan, sa makatuwid baga'y ng tunay na mga kaawaan ni David.

55:4 Narito, ibinigay ko siya na pinakasaksi sa mga bayan, na patnubay at tagapagutos sa mga bayan.

55:5 Narito, ikaw ay tatawag ng bansa na hindi mo nakikilala; at bansa na hindi ka nakikilala ay tatakbo sa iyo, dahil sa Panginoon mong Dios, at dahil sa Banal ng Israel; sapagka't kaniyang niluwalhati ka.

55:6 Inyong hanapin ang Panginoon samantalang siya'y masusumpungan, magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya'y malapit:

55:7 Lisanin ng masama ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pagiisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan niya siya; at sa aming Dios, sapagka't siya'y magpapatawad ng sagana.

55:8 Sapagka't ang aking mga pagiisip ay hindi ninyo mga pagiisip, o ang inyo mang mga lakad ay aking mga lakad, sabi ng Panginoon.

55:9 Sapagka't kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip.

55:10 Sapagka't kung paanong ang ulan ay lumalagpak at ang niebe ay mula sa langit, at hindi bumabalik doon, kundi dinidilig ang lupa, at pinasisibulan at pinatutubuan ng halaman, at nagbibigay ng binhi sa maghahasik at pagkain sa mangangain;

55:11 Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa bibig ko: hindi babalik sa akin na walang bunga, kundi gaganap ng kinalulugdan ko, at giginhawa sa bagay na aking pinagsuguan.

55:12 Sapagka't kayo'y magsisilabas na may kagalakan, at papatnubayang may kapayapaan: ang mga bundok at ang mga burol ay magsisibulas ng pagawit sa harap ninyo, at ipapakpak ng lahat na punong kahoy sa parang ang kanilang mga kamay.

55:13 Kahalili ng tinik ay tutubo ang puno ng abeto; at kahalili ng dawag ay tutubo ang arayan: at sa Panginoon ay magiging pinaka pangalan, pinaka walang hanggang tanda na hindi mapaparam.

56:1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y mangagingat ng kahatulan, at magsigawa ng katuwiran; sapagka't ang aking pagliligtas ay malapit nang darating, at ang aking katuwiran ay mahahayag.

56:2 Mapalad ang taong gumagawa nito, at ang anak ng tao na nanghahawak dito; na nangingilin ng sabbath upang huwag lapastanganin, at nagiingat ng kaniyang kamay sa paggawa ng anomang kasamaan.

56:3 At huwag ding magsalita ang taga ibang lupa, na nalakip sa Panginoon, na magsasabi, Tunay na ihihiwalay ako ng Panginoon sa kaniyang bayan; at huwag ding magsabi ang bating, Narito, ako'y punong kahoy na tuyo.

56:4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga bating na nangingilin ng aking mga sabbath, at pumipili ng mga bagay na nakalulugod sa akin, at nagiingat ng aking tipan:

56:5 Sila'y bibigyan ko sa aking bahay at sa loob ng aking mga kuta, ng alaala at pangalan na maigi kay sa mga anak na lalake at babae; aking bibigyan sila ng walang hanggang pangalan, na hindi mapaparam.

56:6 Gayon din ang mga taga ibang lupa, na nakikilakip sa Panginoon, upang magsipangasiwa sa kaniya, at magsiibig sa pangalan ng Panginoon, upang magsipangasiwa sa kaniya, at magsiibig sa pangalan ng Panginoon, upang maging kaniyang mga lingkod, bawa't nangingilin ng sabbath upang huwag lapastangin, at nagiingat ng aking tipan;

56:7 Sila ay dadalhin ko sa aking banal na bundok, at papagkakatuwain ko sila sa aking bahay na dalanginan: ang kanilang mga handog na susunugin at ang kanilang mga hain ay tatanggapin sa aking dambana; sapagka't ang aking bahay ay tatawaging bahay na panalanginan para sa lahat ng mga bayan.

56:8 Ang Panginoong Dios na pumipisan ng mga itinapon sa Israel ay nagsasabi, Magpipisan pa ako ng mga iba sa kaniya, bukod sa kaniyang sarili na nangapisan.

56:9 Kayong lahat na mga hayop sa parang, kayo'y magsiparitong lumamon, oo, kayong lahat na mga hayop sa gubat.

56:10 Ang kaniyang mga bantay ay mga bulag, silang lahat ay walang kaalaman; silang lahat ay mga piping aso, sila'y hindi makatahol; mapanaginipin, mapaghiga, maibigin sa pagidlip.

56:11 Oo, ang mga aso ay matatakaw, sila'y kailan man ay walang kabusugan; at ang mga ito ay mga pastor na hindi nangakakaunawa: sila'y nagsilikong lahat sa kanilang sariling daan na mula sa lahat ng dako, bawa't isa'y sa kaniyang pakinabang.

56:12 Kayo'y magsiparito, sabi nila, ako'y magdadala ng alak, at magpatid-uhaw tayo sa matapang na inumin; at bukas ay magiging gaya ng araw na ito, dakilang araw, na walang kapantay.

57:1 Ang matuwid na namamatay, at walang taong nagdadamdam; at mga taong mahabagin ay pumapanaw, walang gumugunita na ang matuwid ay naalis sa kasamaan na darating.

57:2 Siya'y nanasok sa kapayapaan; sila'y nagpapahinga sa kanilang mga higaan bawa't lumalakad sa kaniyang katuwiran.

57:3 Nguni't magsilapit kayo rito, kayong mga anak ng babaing manghuhula, na lahi ng mangangalunya at ng patutot.

57:4 Laban kanino nakipagaglahian kayo? laban kanino nagluluwang kayo ng bibig, at naglalawit ng dila? hindi baga kayo mga anak ng pagsalangsang, lahing sinungaling,

57:5 Kayong mga nangagaalab sa inyong sarili sa gitna ng mga encina, sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy; na pumapatay ng mga anak sa mga libis, sa mga bitak ng mga bato sa mga bangin?

57:6 Nasa gitna ng mga makinis na bato sa libis ang iyong bahagi; sila, sila ang iyong bahagi; sa kanila ka nga nagbuhos ng inuming handog, ikaw ay naghandog ng alay. Matatahimik baga ako sa mga bagay na ito?

57:7 Sa isang mataas at matayog na bundok ay inilagay mo ang iyong higaan; doon ka naman sumampa upang maghandog ng hain.

57:8 At sa likod ng mga pintuan at ng mga tukod ay itinaas mo ang iyong alaala: sapagka't ikaw ay nagpakahubad sa iba kay sa akin, at ikaw ay sumampa; iyong pinalaki ang iyong higaan, at nakipagtipan ka sa kanila: iyong inibig ang kanilang higaan saan mo man makita.

57:9 At ikaw ay naparoon sa hari na may pahid na langis, at iyong pinarami ang iyong mga pabango, at iyong sinugo ang iyong mga sugo sa malayo, at ikaw ay nagpakababa hanggang sa Sheol.

57:10 Ikaw ay napagod sa kahabaan ng iyong lakad; gayon ma'y hindi mo sinabi, Walang kabuluhan: ikaw ay nakasumpong ng kabuhayan ng iyong lakas; kaya't hindi ka nanglupaypay.

57:11 At kanino ka nangilabot at natakot, na ikaw ay nagsisinungaling, at hindi mo ako inalaala, o dinamdam mo man? hindi baga ako tumahimik na malaong panahon, at hindi mo ako kinatatakutan.

57:12 Aking ipahahayag ang iyong katuwiran; at tungkol sa iyong mga gawa, ang mga yaong hindi makikinabang sa iyo.

57:13 Pagka ikaw ay humihiyaw, iligtas ka nila na iyong pinisan; nguni't tatangayin sila ng hangin, isang hinga ay tatangay sa kanila: nguni't siyang naglalagak ng kaniyang tiwala sa akin ay magaari ng lupain, at magmamana ng aking banal na bundok.

57:14 At kaniyang sasabihin, inyong patagin, inyong patagin, inyong ihanda ang lansangan, inyong alisin ang katitisuran sa lansangan ng aking bayan.

57:15 Sapagka't ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal; Ako'y tumatahan sa mataas at banal na dako na kasama rin niya na may pagsisisi at pagpapakumbabang-loob, upang bumuhay ng loob ng nagpapakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi.

57:16 Sapagka't hindi ako makikipagtalo magpakailan man, o mapopoot man akong lagi; sapagka't ang diwa ay manglulupaypay sa harap ko, at ang mga kaluluwa na aking ginawa.

57:17 Dahil sa kasamaan ng kaniyang kasakiman ay napoot ako, at sinaktan ko siya; aking ikinubli ang aking mukha at ako'y napoot; at siya'y yumaong nanghimagsik ng lakad ng kaniyang puso.

57:18 Aking nakita ang kaniyang mga lakad, at pagagalingin ko siya; akin ding papatnubayan siya, at bibigyan ko ng mga kaaliwan siya, at ang kaniyang nangananangis.

57:19 Aking nililikha ang bunga ng mga labi: Kapayapaan, kapayapaan, sa kaniya na malayo at sa kaniya na malapit, sabi ng Panginoon; at aking pagagalingin siya.

57:20 Nguni't ang masama ay parang maunos na dagat; sapagka't hindi maaring humusay, at ang kaniyang tubig ay umaalimbukay ng burak at dumi.

57:21 Walang kapayapaan, sabi ng aking Dios, sa mga masama.

58:1 Humiyaw ka ng malakas, huwag kang magpigil, ilakas mo ang iyong tinig na parang pakakak, at iyong ipahayag sa aking bayan ang kanilang pagsalangsang, at sa sangbahayan ni Jacob ang kanilang mga kasalanan.

58:2 Gayon ma'y hinahanap nila ako araw-araw, at kinalulugdan nilang maalaman ang aking mga daan: na gaya ng bansa na gumawang matuwid, at hindi lumimot ng alituntunin ng kanilang Dios, hinihingan nila ako ng mga palatuntunan ng katuwiran; sila'y nangalulugod na magsilapit sa Dios.

58:3 Ano't kami ay nangagayuno, sabi nila, at hindi mo nakikita? ano't aming pinagdalamhati ang aming kaluluwa, at hindi mo napapansin? Narito, sa kaarawan ng inyong pagaayuno ay masusumpungan ninyo ang inyong sariling kalayawan, at inyong hinihingi ang lahat ninyong gawa.

58:4 Narito, kayo'y nangagaayuno para sa pakikipagkaalit at pakikipagtalo, at upang manakit ng suntok ng kasamaan: hindi kayo nangagaayuno sa araw na ito, upang inyong iparinig ang inyong tinig sa itaas.

58:5 Iyan baga ang ayuno na aking pinili? ang araw na pagdadalamhatiin ng tao ang kaniyang kaluluwa? Ang iyuko ang kaniyang ulo na parang yantok, at maglatag ng magaspang na kayo at abo sa ilalim niya? iyo bang tatawagin ito na ayuno, at kalugodlugod na araw sa Panginoon?

58:6 Hindi baga ito ang ayuno na aking pinili: na kalagin ang mga tali ng kasamaan, na pagaanin ang mga pasan at papaging layain ang napipighati, at iyong alisin ang lahat na atang?

58:7 Hindi baga ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutom, at dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? pagka nakakakita ka ng hubad, na iyong bihisan; at huwag kang magkubli sa iyong kapuwa-tao?

58:8 Kung magkagayo'y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay likod.

58:9 Kung magkagayo'y tatawag ka, at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya'y magsasabi, Narito ako. Kung iyong alisin sa gitna mo ang atang, ang pagtuturo, at ang pagsasalita ng masama:

58:10 At kung magmamagandang-loob ka sa gutom, at iyong sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa; kung magkagayo'y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman, at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang tapat;

58:11 At papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako, at palalakasin ang iyong mga buto; at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat.

58:12 At silang magiging iyo ay magtatayo ng mga dating sirang dako; ikaw ay magbabangon ng mga patibayan ng maraming sali't saling lahi; at ikaw ay tatawagin Ang tagapaghusay ng sira, Ang tagapagsauli ng mga landas na matatahanan.

58:13 Kung iyong iurong ang iyong paa sa sabbath, sa paggawa ng iyong kalayawan sa aking banal na kaarawan; at iyong tawagin ang sabbath na kaluguran, at ang banal ng Panginoon na marangal; at iyong pararangalan, na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad, ni hahanap ng iyong sariling kalayawan, ni magsasalita ng iyong mga sariling salita:

58:14 Kung magkagayo'y malulugod ka nga sa Panginoon; at pangangabayuhin kita sa mga mataas na dako sa lupa; at pakakanin kita ng mana ni Jacob na iyong ama; sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon.

59:1 Narito, ang kamay ng Panginoon ay hindi umiksi, na di makapagligtas; ni hindi man mahina ang kaniyang pakinig, na di makarinig.

59:2 Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig.

59:3 Sapagka't ang inyong mga kamay ay nadumhan ng dugo, at ang inyong mga daliri ng kasamaan; ang inyong mga labi ay nangagsalita ng mga kasinungalingan, ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan.

59:4 Walang dumadaing ng katuwiran at walang nanananggalang ng katotohanan: sila'y nagsisitiwala sa walang kabuluhan, at nangagsasalita ng mga kasinungalingan; sila'y nangaglilihi ng kalikuan, at nanganganak ng kasamaan.

59:5 Sila'y pumipisa ng mga itlog ng ahas, at gumagawa ng bahay gagamba: ang kumakain ng kanilang itlog ay namamatay; at ang napipisa ay nilalabasan ng ulupong.

59:6 Ang kanilang mga bahay gagamba ay hindi magiging mga kasuutan, o magsusuot man sila ng kanilang mga gawa: ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang kilos ng karahasan ay nasa kanilang mga kamay.

59:7 Tinatakbo ng kanilang mga paa ang kasamaan, at sila'y nangagmamadaling magbubo ng walang salang dugo: ang kanilang mga pagiisip ay mga pagiisip ng kasamaan; kawasakan at kagibaan ay nasa kanilang mga landas.

59:8 Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman: at walang kahatulan sa kanilang mga lakad: sila'y nagsigawa para sa kanila ng mga likong landas; sinomang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.

59:9 Kaya't ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami'y nagsisihanap ng liwanag, nguni't narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni't nagsisilakad kami sa kadiliman.

59:10 Kami'y nagsisikapa sa bakod na parang bulag, oo, kami'y nagsisikapa na gaya nila na walang mga mata: kami'y nangatitisod sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi; sa gitna ng mga malakas, kami'y parang mga patay.

59:11 Kaming lahat ay nagsisiungol na parang mga oso, at lubhang dumadaing na parang mga kalapati: kami'y nagsisihanap ng kahatulan, nguni't wala; ng kaligtasan, nguni't malayo sa amin.

59:12 Sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay dumami sa harap mo, at ang aming mga kasalanan ay nagpapatotoo laban sa amin; sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay sumasaamin, at tungkol sa aming mga kasamaan ay nababatid namin.

59:13 Pagsalangsang at pagsisinungaling sa Panginoon at sa pagtigil ng pagsunod sa aming Dios, sa pagsasalita ng pagpighati at panghihimagsik, sa pagaakala at paghango sa puso ng mga salitang kasinungalingan.

59:14 At ang kahatulan ay tumatalikod, at ang katuwiran ay tumatayo sa malayo; sapagka't ang katotohanan ay nahulog sa lansangan, at ang karampatan ay hindi makapasok.

59:15 Oo, ang katotohanan ay nagkukulang, at siyang humihiwalay sa kasamaan ay nagiging sa kaniyang sarili na huli. At nakita ng Panginoon, at isinama ng kaniyang loob na walang kahatulan.

59:16 At kaniyang nakita na walang tao, at namangha na walang tagapamagitan: kaya't ang kaniyang sariling bisig ay nagdala ng kaligtasan sa kaniya; at ang kaniyang katuwiran ay umalalay sa kaniya.

59:17 At siya'y nagsuot ng katuwiran na wari sapyaw, at ng turbante ng kaligtasan sa kaniyang ulo at siya'y nagsuot ng mga bihisan ng panghihiganti na pinakadamit, at nagbihis ng sikap na wari balabal.

59:18 Ayon sa kanilang mga gawa, ay gayon niya gagantihin, pusok ng loob sa kaniyang mga kaaway, kagantihan sa kaniyang mga kaalit; sa mga pulo ay gaganti siya ng kagantihan.

59:19 Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng Panginoon mula sa kalunuran, at ang kaniyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw sapagka't siya'y darating na parang bugso ng tubig na pinayaon ng hinga ng Panginoon.

59:20 At isang Manunubos ay paroroon sa Sion, at sa kanila, na nangaghihiwalay sa Jacob ng pagsalangsang, sabi ng Panginoon.

59:21 At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng Panginoon: ang aking Espiritu na nasa iyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailan pa man.

60:1 Ikaw ay bumangon, sumilang ka: sapagka't ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.

60:2 Sapagka't narito, tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng salimuot na dilim ang mga bayan: nguni't ang Panginoon ay sisikat sa iyo, at ang kaniyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.

60:3 At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong sikat.

60:4 Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin: silang lahat ay nangagpipisan, sila'y nagsiparoon sa iyo: ang iyong mga anak na lalake ay mangagmumula sa malayo at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.

60:5 Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan ka, at ang iyong puso ay titibok at lalaki; sapagka't ang kasaganaan ng dagat ay mababalik sa iyo, ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.

60:6 Tatakpan ka ng karamihan ng kamelyo, ng mga dromedario sa Madian at sa Epha; magsisipanggaling na lahat mula sa Seba: mangagdadala ng ginto at kamangyan, at magtatanyag ng mga kapurihan ng Panginoon.

60:7 Lahat ng kawan sa Cedar ay mapipisan sa iyo, ang mga lalaking tupa sa Nebayoth ay mangahahain sa akin: sila'y kalugodlugod, na tatanggapin sa aking dambana, at aking luluwalhatiin ang bahay ng aking kaluwalhatian.

60:8 Sino ang mga ito na lumalakad na parang alapaap at parang mga kalapati sa kanilang mga dungawan?

60:9 Tunay na ang mga pulo ay mangaghihintay sa akin, at ang mga sasakyang dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna, upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo, ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila, dahil sa pangalan ng Panginoon mong Dios, at dahil sa Banal ng Israel, sapagka't kaniyang niluwalhati ka.

60:10 At itatayo ng mga taga ibang lupa ang iyong mga kuta, at ang kanilang mga hari ay magsisipangasiwa sa iyo: sapagka't sa aking poot ay sinaktan kita, nguni't sa aking biyaya ay naawa ako sa iyo.

60:11 Ang iyo namang mga pintuang-bayan ay mabubukas na lagi; hindi masasara sa araw o sa gabi man; upang ang mga tao ay mangagdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa, at ang kanilang mga hari ay makakasama nila.

60:12 Sapagka't yaong bansa at kaharian na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay; oo, ang mga bansang yaon ay malilipol na lubos.

60:13 Ang kaluwalhatian ng Libano ay darating sa iyo, ang puno ng abeto, ng pino, at ng boj na magkakasama, upang pagandahin ang dako ng aking santuario; at aking gagawin ang dako ng aking mga paa na maluwalhati.

60:14 At ang mga anak nila na dumalamhati sa iyo ay magsisiparoong yuyuko sa iyo; at silang lahat na nagsisihamak sa iyo ay magpapatirapa sa mga talampakan ng iyong mga paa; at tatanawin ka nila Ang bayan ng Panginoon, Ang Sion ng Banal ng Israel.

60:15 Yamang ikaw ay napabayaan at ipinagtanim, na anopa't walang tao na dumadaan sa iyo, gagawin kitang walang hanggang karilagan, na kagalakan ng maraming sali't saling lahi.

60:16 Ikaw naman ay iinom ng gatas ng mga bansa, at sususo sa mga suso ng mga hari; at iyong malalaman na akong Panginoon ay Tagapagligtas sa iyo, at Manunubos sa iyo, Makapangyarihan ng Jacob.

60:17 Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal. Akin namang gagawin na iyong mga pinuno ang kapayapaan, at ang iyong mga maniningil ay katuwiran.

60:18 Karahasan ay hindi na maririnig sa iyong lupain, ni ang kawasakan o kagibaan sa loob ng iyong mga hangganan; kundi tatawagin mo ang iyong mga kuta ng Kaligtasan, at ang iyong mga pintuang-bayan na Kapurihan.

60:19 Ang araw ay hindi na magiging iyong liwanag sa araw; o ang buwan man ay magbibigay sa iyo ng liwanag: kundi ang Panginoon ay magiging sa iyo ay walang hanggang liwanag, at ang iyong Dios ay iyong kaluwalhatian.

60:20 Ang iyong araw ay hindi na lulubog, o ang iyo mang buwan ay lulubog; sapagka't ang Panginoon ay magiging iyong walang hanggang liwanag, at ang mga kaarawan ng iyong pagtangis ay matatapos.

60:21 Ang iyong bayan naman ay magiging matuwid na lahat; sila'y mangagmamana ng lupain magpakailan man, ang sanga ng aking pananim, ang gawa ng aking mga kamay, upang ako'y luwalhatiin.

60:22 Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa: akong Panginoon, ay papapangyarihin kong madali sa kapanahunan.

61:1 Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay sumasa akin; sapagka't pinahiran ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo;

61:2 Upang magtanyag ng kalugodlugod na taon ng Panginoon, at ng kaarawan ng panghihiganti ng ating Dios; upang aliwin yaong lahat na nagsisitangis;

61:3 Upang iukol sila na nagsisitangis sa Sion, upang bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis, ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob; upang sila'y matawag na mga punong kahoy ng katuwiran, na pananim ng Panginoon upang siya'y luwalhatiin.

61:4 At sila'y magtatayo ng mga dating sira, sila'y magbabangon ng mga dating giba, at kanilang huhusayin ang mga sirang bayan, ang mga nagiba sa maraming sali't saling lahi.

61:5 At ang mga taga ibang lupa ay magsisitayo at mangagpapastol ng inyong mga kawan, at ang mga taga ibang lupa ay magiging inyong mga mangaararo at mangungubasan.

61:6 Nguni't kayo'y tatawaging mga saserdote ng Panginoon; tatawagin kayo ng mga tao na mga tagapangasiwa ng ating Dios: kayo'y magsikain ng kayamanan ng mga bansa, at sa kanilang kaluwalhatian ay mangagmamapuri kayo.

61:7 Kahalili ng inyong kahihiyan ay nagtatamo kayo ng ibayong karangalan; at kahalili ng pagkalito ay magagalak sila sa kanilang bahagi: kaya't sa kanilang lupain ay mangagaari sila ng ibayong kasaganaan, walang hanggang kagalakan ang mapapasa kanila.

61:8 Sapagka't ako, ang Panginoon, ay umiibig ng kahatulan, aking ipinagtatanim ang pagnanakaw sangpu ng kasamaan; at aking ibibigay sa kanila ang kanilang kagantihan sa katotohanan, at ako'y makikipagtipan sa kanila ng walang hanggan.

61:9 At ang kanilang lahi makikilala sa gitna ng mga bansa, at ang kanilang lahi sa gitna ng mga bayan: lahat na nangakakakita sa kanila ay mangakakakilala sa kanila, na sila ang lahi na pinagpala ng Panginoon.

61:10 Ako'y magagalak na mainam sa Panginoon, ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Dios; sapagka't binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan; kaniyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran, gaya ng kasintahang lalake na nagpuputong ng putong na bulaklak, at gaya ng kasintahang babae na naggagayak ng kaniyang mga hiyas.

61:11 Sapagka't kung paanong ang lupa'y nagsisibol ng pananim, at kung paanong ang halamanan ay nagsisibol ng mga bagay na natanim sa kaniya; gayon pasisibulin ng Panginoong Dios ang katuwiran at kapurihan sa harap ng lahat na bansa.

62:1 Dahil sa Sion ay hindi ako tatahimik, at dahil sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga, hanggang sa ang kaniyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning, at ang kaniyang kaligtasan ay parang ilawan na nagniningas.

62:2 At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran, at ng lahat na hari ang inyong kaluwalhatian; at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan, na ipangangalan ng bibig ng Panginoon.

62:3 Ikaw naman ay magiging putong ng kagandahan sa kamay ng Panginoon, at diademang hari sa kamay ng iyong Dios.

62:4 Hindi ka na tatawagin pang Pinabayaan; hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na Giba: kundi ikaw ay tatawaging Hephzi-bah, at ang iyong lupain ay Beulah: sapagka't ang Panginoon ay nalulugod sa iyo, at ang iyong lupain ay tatangkilikin.

62:5 Sapagka't kung paanong ang binata ay nakikipagtipan sa dalaga, gayon nakikipagtipan ang iyong mga anak na lalake sa iyo; at kung paanong ang kasintahang lalake ay nagagalak sa kasintahang babae, gayon magagalak ang Dios sa iyo.

62:6 Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga kuta, Oh Jerusalem; sila'y hindi magsisitahimik kailan man sa araw o sa gabi: kayong mga mapagalaala sa Panginoon, huwag kayong mangagpahinga,

62:7 At huwag ninyong bigyan siya ng kapahingahan, hanggang sa siya'y matatag, at hanggang sa kaniyang gawing kapurihan sa lupa ang Jerusalem.

62:8 Ang Panginoon ay sumumpa ng kaniyang kanang kamay, at ng bisig ng kaniyang kalakasan, Tunay na hindi na ako magbibigay ng iyong trigo na pinakapagkain sa iyong mga kaaway; at ang mga taga ibang lupa ay hindi magsisiinom ng iyong alak, na iyong pinagpagalan.

62:9 Kundi silang nangagimbak niyaon ay magsisikain niyaon, at magsisipuri sa Panginoon; at silang nangagtipon niyaon ay magsisiinom niyaon sa mga looban ng aking santuario.

62:10 Kayo'y magsidaan, kayo'y magsidaan sa mga pintuang-bayan; inyong ihanda ang lansangan ng bayan; inyong patagin; inyong patagin ang maluwang na lansangan; inyong pulutin ang mga bato; mangagtaas kayo ng watawat na ukol sa mga bayan.

62:11 Narito, ang Panginoon ay nagtanyag hanggang sa wakas ng lupa, Inyong sabihin sa anak na babae ng Sion, Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating; narito, ang kaniyang kagantihan ay nasa kaniya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.

62:12 At tatawagin nila sila Ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon: at ikaw ay tatawagin Hinanap, Bayang hindi pinabayaan.

63:1 Sino ito na nanggagaling sa Edom, na may mga kasuutang tinina mula sa Bosra? itong maluwalhati sa kaniyang suot, na lumalakad sa di kawasang lakas? Ako na nagsasalita ng katuwiran, makapangyarihang magligtas.

63:2 Bakit ka mapula sa iyong kasuutan, at ang iyong damit ay gaya niyaong yumayapak sa alilisan ng alak?

63:3 Aking niyapakang magisa ang alilisan ng alak; at sa mga bayan ay walang isang sumasa akin: oo, aking niyapakan siya sa aking galit, at aking niyurakan sila sa aking kapusukan; at ang kanilang dugong buhay ay pumilansik sa aking mga suot, at natigmak ang buong suot ko.

63:4 Sapagka't ang kaarawan ng panghihiganti ay nasa aking puso, at ang taon ng aking mga tinubos ay dumating.

63:5 At ako'y lumingap, at walang tumulong; at ako'y namangha na walang umalalay: kaya't iniligtas ako ng aking sariling kamay; at ang aking kapusukan, ay umalalay sa akin.

63:6 At aking niyapakan ang mga bayan sa aking galit, at nilango ko sila sa aking kapusukan, at ibinubo sa lupa ang kanilang dugong buhay.

63:7 Aking babanggitin ang mga kagandahang-loob ng Panginoon, at ang mga kapurihan ng Panginoon, ayon sa lahat na ipinagkaloob ng Panginoon sa amin, at ang malaking kabutihan na kaniyang ginawa sa sangbahayan ni Israel na kaniyang ginawa sa kanila ayon sa kaniyang mga kaawaan, at ayon sa karamihan ng kaniyang mga kagandahang-loob.

63:8 Sapagka't kaniyang sinabi, Tunay, sila'y aking bayan, mga anak na hindi magsisigawang may kasinungalingan: sa gayo'y siya'y naging Tagapagligtas sa kanila.

63:9 Sa lahat nilang kadalamhatian ay nagdadalamhati siya, at iniligtas sila ng anghel na nasa kaniyang harapan: sa kaniyang pagibig at sa kaniyang pagkaawa ay tinubos niya sila; at kaniyang kinilik sila at kinalong silang lahat noong araw.

63:10 Nguni't sila'y nanganghimagsik, at namanglaw ang kaniyang banal na Espiritu: kaya't siya'y naging kaaway nila, at siya rin ang nakipaglaban sa kanila.

63:11 Nang magkagayo'y inalaala niya ang mga araw nang una, si Moises at ang kaniyang bayan, na sinasabi, Saan nandoon siya na nagahon sa kanila mula sa dagat, na kasama ng mga pastor ng kaniyang kawan? saan nandoon siya na kumakasi ng kaniyang banal na Espiritu sa kanila?

63:12 Na inaakbayan ng kaniyang maluwalhating bisig ang kanang kamay ni Moises? na humawi ng tubig sa harap nila, upang gawan ang kaniyang sarili ng walang hanggang pangalan?

63:13 Na pumatnubay sa kanila sa mga kalaliman, na parang isang kabayo sa ilang, upang sila'y huwag mangatisod?

63:14 Kung paanong ang kawan na bumababa sa libis, ay pinapagpapahinga ng Espiritu ng Panginoon: gayon mo pinatnubayan ang iyong bayan, upang gawan mo ang iyong sarili ng maluwalhating pangalan.

63:15 Tumungo ka mula sa langit, at tumingin ka, mula sa tahanan ng iyong kabanalan at ng iyong kaluwalhatian: saan nandoon ang iyong sikap at ang iyong mga makapangyarihang gawa? ang iyong pagmamagandang-loob at ang iyong mga habag ay iniurong mo sa akin.

63:16 Sapagka't ikaw ay aming Ama, bagaman hindi kami kinilala ni Abraham, at hindi kami kilala ng Israel: ikaw, Oh Panginoon, ay aming Ama, aming Manunubos na mula sa walang pasimula ay siya mong pangalan.

63:17 Oh Panginoon; bakit mo kami iniligaw na inihiwalay sa iyong mga daan, at pinapagmatigas mo ang aming puso na inihiwalay sa takot sa iyo? Ikaw ay magbalik dahil sa iyong mga lingkod, na mga lipi ng iyong mana.

63:18 Inaring sangdali lamang ng iyong banal na bayan: niyapakan ng aming mga kaaway ang iyong santuario.

63:19 Kami ay naging gaya ng hindi mga pinagpunuan kailan man, gaya ng hindi nangatawag sa iyong pangalan.

64:1 Oh buksan mo sana ang langit, na ikaw ay bumaba, na ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan.

64:2 Gaya ng kung nililiyaban ng apoy ang siitan, at ng kung pinakukulo ng apoy ang tubig; upang ipakilala ang iyong pangalan sa iyong mga kaaway, upang ang mga bansa ay manginig sa iyong harapan!

64:3 Nang ikaw ay gumawa ng mga kakilakilabot na bagay na hindi namin hinihintay, ikaw ay bumaba, ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan.

64:4 Sapagka't hindi narinig ng mga tao mula nang una, o naulinigan man ng pakinig, o ang mata ay nakakita man ng Dios liban sa iyo, na iginagawa niya ng kabutihan ang naghihintay sa kaniya.

64:5 Iyong sinasalubong siya na nagagalak at gumagawa ng katuwiran, yaong nagsialaala sa iyo sa iyong mga daan: narito, ikaw ay napoot, at kami ay nagkasala: napasa kanila kaming malaong panahon; at maliligtas baga kami?

64:6 Sapagka't kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi: at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin.

64:7 At walang tumatawag ng iyong pangalan, na gumigising upang manghawak sa iyo; sapagka't ikinubli mo ang iyong mukha sa amin, at iyong pinugnaw kami sa aming mga kasamaan.

64:8 Nguni't ngayon, Oh Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.

64:9 Huwag kang lubhang mapoot, Oh Panginoon, o umalaala man ng kasamaan ng magpakailan man: narito, tingnan mo, isinasamo namin sa iyo, kaming lahat ay iyong bayan.

64:10 Ang iyong mga bayang banal ay naging ilang, ang Sion ay naging giba, ang Jerusalem ay sira.

64:11 Ang aming banal at magandang bahay, na pinagpupurihan sa iyo ng aming mga magulang ay nasunog sa apoy; at lahat naming maligayang bagay ay nasira.

64:12 Magpipigil ka baga sa mga bagay na ito, Oh Panginoon? ikaw baga'y tatahimik, at pagdadalamhatiin mo kaming mainam?

65:1 Ako'y napagsasangunian ng mga hindi nagsipagtanong tungkol sa akin; ako'y nasusumpungan nila na hindi nagsihanap sa akin: aking sinabi, Narito ako, narito ako, sa bansa na hindi tinawag sa aking pangalan.

65:2 Aking iniunat ang aking mga kamay buong araw sa mapanghimagsik na bayan, na lumalakad sa daang hindi mabuti, ayon sa kanilang sariling mga pagiisip;

65:3 Bayan na minumungkahi akong palagi ng mukhaan, na naghahain sa mga halamanan, at nagsusunog ng kamangyan sa ibabaw ng mga laryo;

65:4 Na nauupo sa gitna ng mga libingan, at tumitigil sa mga lihim na dako; na kumakain ng laman ng baboy, at ang sabaw ng mga kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan;

65:5 Na nagsasabi, Humiwalay ka, huwag kang lumapit sa akin, sapagka't ako'y lalong banal kay sa iyo. Ang mga ito ay usok sa aking ilong, apoy na nagliliyab buong araw.

65:6 Narito, nasulat sa harap ko: hindi ako tatahimik, kundi ako'y gaganti, oo, ako'y gaganti sa kanilang sinapupunan,

65:7 Ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga kasamaan ng inyong mga magulang na magkakasama, sabi ng Panginoon, na mangagsunog ng kamangyan sa mga bundok, at nagsitungayaw sa akin sa mga burol: ay susukatan ko nga ng kanilang unang gawa sa kaniyang sinapupunan.

65:8 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung paanong nasusumpungan ang bagong alak sa kumpol, at may nagsasabi, Huwag mong sirain, sapagka't iyan ay mapapakinabangan: gayon ang gagawin ko sa ikagagaling ng aking mga lingkod, upang huwag kong malipol silang lahat.

65:9 At ako'y maglalabas ng lahi na mula sa Jacob, at mula sa Juda ng isang tagapagmana ng aking mga bundok; at mamanahin ng aking pinili, at tatahanan ng aking mga lingkod.

65:10 At ang Saron ay magiging kulungan ng mga kawan, at ang libis ng Achor ay dakong higaan ng mga bakahan, dahil sa aking bayan na humanap sa akin.

65:11 Nguni't kayo, na nangagpapabaya sa Panginoon, na nagsisilimot ng aking banal na bundok, na nangaghahanda ng dulang para sa Kapalaran, at pinupuno ang saro ng alak na haluan para sa Kaukulan;

65:12 Aking iuukol kayo sa tabak, at kayong lahat ay magsisiyuko sa patayan; sapagka't nang ako'y tumawag, kayo'y hindi nagsisagot; nang ako'y magsalita, kayo'y hindi nangakinig; kundi inyong ginawa ang masama sa harap ng aking mga mata, at inyong pinili ang di ko kinaluluguran.

65:13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking mga lingkod ay magsisikain, nguni't kayo'y mangagugutom; narito, ang aking mga lingkod ay magsisiinom, nguni't kayo'y mangauuhaw; narito, mangagagalak ang aking mga lingkod, nguni't kayo'y mangapapahiya;

65:14 Narito, ang aking mga lingkod ay magsisiawit dahil sa kagalakan ng puso, nguni't kayo'y magsisidaing dahil sa kapanglawan ng puso, at aangal dahil sa pagkabagbag ng loob.

65:15 At inyong iiwan ang inyong pangalan na pinakasumpa sa aking mga pinili, at papatayin ka ng Panginoong Dios; at kaniyang tatawagin ang kaniyang mga lingkod ng ibang pangalan:

65:16 Na anopa't siyang nagpapala sa lupa ay magpapala sa Dios ng katotohanan; at siyang sumusumpa sa lupa ay susumpa sa pangalan ng Dios ng katotohanan; sapagka't ang mga dating kabagabagan ay nalimutan, at sapagka't nangakubli sa aking mga mata.

65:17 Sapagka't narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit, at ng bagong lupa, at ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa isip man.

65:18 Nguni't kayo'y mangatuwa at mangagalak magpakailan man sa aking nilikha; sapagka't, narito, aking nililikha na kagalakan ang Jerusalem, at kaligayahan ang kaniyang bayan.

65:19 At ako'y magagalak sa Jerusalem, at maliligaya sa aking bayan; at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kaniya, o ang tinig man ng daing.

65:20 Hindi na magkakaroon mula ngayon ng sanggol na mamamatay, o ng matanda man na hindi nalubos ang kaniyang mga kaarawan; sapagka't ang bata ay mamamatay na may isang daang taong gulang, at ang makasalanan na may isang daang taon ang gulang ay susumpain.

65:21 At sila'y mangagtatayo ng mga bahay, at ang mga yao'y kanilang tatahanan; at sila'y mangaguubasan, at magsisikain ng bunga niyaon.

65:22 Sila'y hindi magtatayo, at iba ang tatahan; sila'y hindi magtatanim, at iba ang kakain; sapagka't kung paano ang mga kaarawan ng punong kahoy, ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan, at ang aking mga pinili ay mangagagalak na malaon sa gawa ng kanilang mga kamay.

65:23 Sila'y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan, sapagka't sila ang lahi ng mga pinagpala ng Panginoon, at ang kanilang mga anak na kasama nila.

65:24 At mangyayari, na bago sila magsitawag, sasagot ako; at samantalang sila'y nangagsasalita, aking didinggin.

65:25 Ang lobo at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka; at alabok ang magiging pagkain ng ahas. Sila'y hindi mananakit o magpapahamak man sa aking buong banal na bundok, sabi ng Panginoon.

66:1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang langit ay aking luklukan, at ang lupa ay aking tungtungan: anong anyong bahay ang inyong itatayo sa akin? at anong dako ang magiging aking pahingahan?

66:2 Sapagka't lahat ng mga bagay na ito ay nilikha ng aking kamay, at sa gayo'y nangyari ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng Panginoon: nguni't ang taong ito ay titingnan ko, sa makatuwid baga'y siyang dukha at may pagsisising loob, at nanginginig sa aking salita.

66:3 Siyang pumapatay ng baka ay gaya ng pumapatay ng tao; siyang naghahain ng kordero ay gaya ng bumabali ng leeg ng aso; siyang naghahandog ng alay ay gaya ng naghahandog ng dugo ng baboy; siyang nagsusunog ng kamangyan ay gaya ng pumupuri sa isang diosdiosan. Oo, sila'y nagsipili ng kanilang sariling mga lakad, at ang kanilang kaluluwa ay nalulugod sa kanilang mga kasuklamsuklam na bagay;

66:4 Akin namang pipiliin ang kanilang mga kakutyaan, at dadalhan ko sila ng kanilang takot, sapagka't nang ako'y tumawag, walang sumagot; nang ako'y magsalita ay walang nakinig; kundi sila'y nagsigawa ng masama sa harap ng aking mga mata, at pinili ang hindi ko kinaluluguran.

66:5 Inyong pakinggan ang salita ng Panginoon, ninyong nanginginig sa kaniyang salita, Ang inyong mga kapatid na nangagtatanim sa inyo na nangagtatakuwil sa inyo dahil sa akin, nangagsabi, Luwalhatiin ang Panginoon, upang makita namin ang inyong kagalakan; nguni't sila'y mangapapahiya.

66:6 Ang ingay ng kagulo na mula sa bayan, ang tinig na mula sa templo, ang tinig ng Panginoon na naggagawad ng kagantihan sa kaniyang mga kaaway.

66:7 Bago siya nagdamdam, siya'y nanganak; bago dumating ang kaniyang paghihirap, siya'y nanganak ng isang lalake.

66:8 Sinong nakarinig ng ganyang bagay? sinong nakakita ng ganyang mga bagay? ipanganganak baga ang lupain sa isang araw? ilalabas bagang paminsan ang isang bansa? sapagka't pagdaramdam ng Sion, ay nanganak ng kaniyang mga anak.

66:9 Dadalhin ko baga sa kapanganakan, at hindi ko ilalabas? sabi ng Panginoon; magsasara baga ako ng bahay bata, akong nagpapanganak? sabi ng iyong Dios.

66:10 Kayo'y mangagalak na kasama ng Jerusalem, at mangatuwa dahil sa kaniya, kayong lahat na nagsisiibig sa kaniya: kayo'y mangagalak ng kagalakan na kasama niya, kayong lahat na nagsisitangis dahil sa kaniya:

66:11 Upang kayo'y makasuso at mabusog sa pamamagitan ng mga suso ng kaniyang mga kaaliwan; upang kayo'y makagatas, at malugod sa kasaganaan ng kaniyang kaluwalhatian.

66:12 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y maggagawad ng kapayapaan sa kaniya na parang isang ilog, at ang kaluwalhatian ng mga bansa ay parang malaking baha, at inyong sususuhin yaon; kayo'y kikilikin, at lilibangin sa mga tuhod.

66:13 Kung paanong ang sinoma'y inaaliw ng ina gayon ko aaliwin kayo; at kayo'y mangaaliw sa Jerusalem.

66:14 At inyong makikita, at magagalak ang inyong puso, at ang inyong mga buto ay giginhawang parang sariwang damo: at ang kamay ng Panginoon ay makikilala sa kaniyang mga lingkod, at siya'y magagalit laban sa kaniyang mga kaaway.

66:15 Sapagka't, narito, ang Panginoon ay darating na may apoy, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo; upang igawad ang kaniyang galit na may kapusukan, at ang kaniyang saway na may ningas ng apoy.

66:16 Sapagka't sa pamamagitan ng apoy makikipagpunyagi ang Panginoon, at sa pamamagitan ng kaniyang tabak, sa lahat ng mga tao: at ang mapapatay ng Panginoon ay magiging marami.

66:17 Silang nangagpapakabanal, at nangagpapakalinis na nagsisiparoon sa mga halamanan, sa likuran ng isa sa gitna, na nagsisikain ng laman ng baboy, at ng kasuklamsuklam, at ng daga; sila'y darating sa isang wakas na magkakasama, sabi ng Panginoon.

66:18 Sapagka't kilala ko ang kanilang mga gawa at ang kanilang mga pagiisip: ang panahon ay dumarating na aking pipisanin ang lahat na bansa at ang mga may iba't ibang wika; at sila'y magsisiparoon, at mangakikita ang aking kaluwalhatian.

66:19 At ako'y maglalagay ng tanda sa gitna nila, at aking susuguin ang mga nakatanan sa kanila sa mga bansa, sa Tarsia, Pul, at Lud, na nagsisihawak ng busog, sa Tubal at Javan, sa mga pulong malayo na hindi nangakarinig ng aking kabantugan, o nakakita man ng aking kaluwalhatian; at sila'y mangagpapahayag ng aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa.

66:20 At kanilang dadalhin ang lahat ninyong mga kapatid mula sa lahat na bansa na pinakahandog sa Panginoon, na nasasakay sa mga kabayo, at sa mga karo, at sa mga duyan, at sa mga mula, at sa mga maliksing hayop, sa aking banal na bundok na Jerusalem, sabi ng Panginoon, gaya ng pagdadala ng mga anak ni Israel ng kanilang handog sa malinis na sisidlan sa bahay ng Panginoon.

66:21 At sa kanila rin naman ako kukuha ng mga pinaka saserdote at mga pinaka Levita, sabi ng Panginoon.

66:22 Sapagka't kung paanong ang mga bagong langit at ang bagong lupa, na aking lilikhain ay mananatili sa harap ko, sabi ng Panginoon, gayon mananatili ang inyong lahi, at ang inyong pangalan.

66:23 At mangyayari, na mula sa bagong buwan hanggang sa panibago, at mula sa isang sabbath hanggang sa panibago, paroroon ang lahat na tao upang sumamba sa harap ko, sabi ng Panginoon.

66:24 At sila'y magsisilabas, at magsisitingin sa mga bangkay ng mga taong nagsisalangsang laban sa akin: sapagka't ang kanilang uod ay hindi mamamatay, o mamamatay man ang kanilang apoy; at sila'y magiging kayamutan sa lahat ng mga tao.


Next: Jeremiah