Sacred Texts  Bible  World Bible  Index  Previous  Next 

Tagalog Bible: Song of Solomon

1:1 Ang awit ng mga awit, na kay Salomon.

1:2 Hagkan niya ako ng mga halik ng kaniyang bibig: sapagka't ang iyong pagsinta ay maigi kay sa alak.

1:3 Ang iyong mga langis ay may masarap na amoy; ang iyong pangalan ay gaya ng langis na ibinuhos; kaya't sinisinta ka ng mga dalaga.

1:4 Batakin mo ako, tatakbo kaming kasunod mo: Ipinasok ako ng hari sa kaniyang mga silid: kami ay matutuwa at magagalak sa iyo. Aming babanggitin ang iyong pagsinta ng higit kay sa alak: matuwid ang pagsinta nila sa iyo.

1:5 Ako'y maitim, nguni't kahalihalina, Oh kayong mga anak na babae ng Jerusalem, gaya ng mga tolda sa Cedar, gaya ng mga tabing ni Salomon.

1:6 Huwag ninyo akong masdan dahil sa ako'y kayumanggi, sapagka't sinunog ako ng araw. Ang mga anak ng aking ina ay nagalit laban sa akin, kanilang ginawa akong tagapagingat ng mga ubasan; nguni't ang sarili kong ubasan ay hindi ko iningatan.

1:7 Saysayin mo sa akin, ikaw na sinisinta ng aking kaluluwa, kung saan mo pinapastulan ang iyong kawan, kung saan mo pinagpapahinga sa katanghaliang tapat: sapagka't bakit ako'y magiging gaya ng nalalambungan sa siping ng mga kawan ng iyong mga kasama?

1:8 Kung hindi mo nalalaman, Oh ikaw na pinakamaganda sa mga babae, yumaon kang sumunod sa mga bakas ng kawan, at pastulan mo ang iyong mga anak ng kambing sa siping ng mga tolda ng mga pastor.

1:9 Aking itinulad ka, Oh aking sinta, sa isang kabayo sa mga karo ni Faraon.

1:10 Pinagaganda ang iyong mga pisngi ng mga tirintas ng buhok, ang iyong leeg ng mga kuwintas na hiyas.

1:11 Igagawa ka namin ng mga kuwintas na ginto na may mga kabit na pilak.

1:12 Samantalang ang hari ay nauupo sa kaniyang dulang, ang aking nardo ay humahalimuyak ng kaniyang bango.

1:13 Ang aking sinta ay gaya ng bigkis ng mira sa akin, na humihilig sa pagitan ng aking mga suso.

1:14 Ang sinta ko ay gaya ng kumpol ng bulaklak ng alhena sa akin sa mga ubasan ng En-gadi.

1:15 Narito, ikaw ay maganda, sinta ko, narito, ikaw ay maganda; ang iyong mga mata ay gaya ng mga kalapati.

1:16 Narito, ikaw ay maganda sinisinta ko, oo, maligaya: ang ating higaan naman ay lungtian.

1:17 Ang mga kilo ng ating bahay ay mga sedro, at ang kaniyang mga bubong ay mga sipres.

2:1 Ako'y rosa ng Saron, lila ng mga libis.

2:2 Kung paano ang lila sa gitna ng mga tinik, gayon ang aking pagsinta sa mga dalaga.

2:3 Kung paano ang puno ng mansanas sa gitna ng mga punong kahoy sa gubat, gayon ang aking sinta sa gitna ng mga anak na lalake. Ako'y nauupo sa ilalim ng kaniyang lilim na may malaking kaluguran. At ang kaniyang bunga ay naging matamis sa aking lasa.

2:4 Dinala niya sa bahay na may pigingan, at ang kaniyang watawat sa akin ay pagsinta.

2:5 Kandilihin ninyo ako ng mga pasas, aliwin ninyo ako ng mga mansanas: sapagka't ako'y may sakit na pagsinta.

2:6 Ang kaniyang kaliwang kamay ay nasa ilalim ng aking ulo, at ang kaniyang kanang kamay ay yumayakap sa akin.

2:7 Pinagbibilinan ko kayo, Oh mga anak na babae ng Jerusalem, alangalang sa mga usang lalake at babae sa parang, na huwag ninyong pukawin, o gisingin man ang aking pagsinta, hanggang sa ibigin niya.

2:8 Ang tinig ng aking sinta! narito, siya'y dumarating, na lumulukso sa mga bundok, lumulundag sa mga burol.

2:9 Ang aking sinta ay gaya ng usa o ng batang usa: narito, siya'y tumatayo sa likod ng ating bakod, siya'y sumusungaw sa mga dungawan, siya'y napakikita sa mga silahia.

2:10 Ang aking sinta ay nagsalita, at nagsabi sa akin, Bumangon ka, sinta ko, maganda ko, at tayo na.

2:11 Sapagka't narito, ang tagginaw ay nakaraan; ang ulan ay lumagpas at wala na;

2:12 Ang mga bulaklak ay namumukadkad sa lupa; ang panahon ng pagaawitan ng mga ibon ay dumarating, at ang tinig ng batobato ay naririnig sa ating lupain;

2:13 Nahihinog ang sariwang mga bunga ng puno ng higos, at ang mga puno ng ubas ay namumulaklak, kanilang pinahahalimuyak ang kanilang bango. Bumangon ka, sinta ko, maganda ko, at tayo na.

2:14 Oh kalapati ko, na nasa mga bitak ng malalaking bato, sa puwang ng matarik na dako, ipakita mo sa akin ang iyong mukha, iparinig mo sa akin ang iyong tinig; Sapagka't matamis ang iyong tinig, at ang iyong mukha ay kahalihalina.

2:15 Hulihin ninyo para sa atin ang mga sora, ang mga munting sora na naninira ng mga ubasan; sapagka't ang ating mga ubasan ay namumulaklak.

2:16 Ang sinta ko ay akin, at ako ay kaniya: pinapastulan niya ang kaniyang kawan sa gitna ng mga lila.

2:17 Hanggang sa ang araw ay lumamig, at ang mga lilim ay mawala, pumihit ka, sinta ko, at ikaw ay maging gaya ng usa o ng batang usa sa mga bundok ng Bether.

3:1 Sa kinagabihan sa aking higaan, ay hinahanap ko siya na sinisinta ng aking kaluluwa: aking hinanap siya, nguni't hindi ko siya nasumpungan.

3:2 Aking sinabi, ako'y babangon at liligid sa bayan, sa mga lansangan at sa mga maluwang na daan, aking hahanapin siya na sinisinta ng aking kaluluwa: aking hinanap siya, nguni't hindi ko siya nasumpungan.

3:3 Ang mga bantay na nagsisilibot sa bayan ay nasumpungan ako: na siya kong pinagsabihan, nakita baga ninyo siya na sinisinta ng aking kaluluwa?

3:4 Kaunti lamang ang inilagpas ko sa kanila. Nang masumpungan ko siya na sinisinta ng aking kaluluwa: pinigilan ko siya, at hindi ko binayaang umalis, hanggang sa siya'y aking nadala sa bahay ng aking ina, at sa silid niya na naglihi sa akin.

3:5 Pinagbibilinan ko kayo, Oh mga anak na babae ng Jerusalem, alangalang sa mga usang lalake at babae sa parang, na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang aking sinta, hanggang sa ibigin niya.

3:6 Sino itong umaahong mula sa ilang na gaya ng mga haliging usok, na napapabanguhan ng mira at ng kamangyan, ng lahat na blanquete ng mangangalakal?

3:7 Narito, ito ang arag-arag ni Salomon; anim na pung makapangyarihang lalake ay nangasa palibot nito, sa mga makapangyarihang lalake ng Israel.

3:8 Silang lahat ay nagsisihawak ng tabak, at bihasa sa pakikidigma: bawa't isa'y may tabak sa kaniyang pigi, dahil sa takot kung gabi.

3:9 Ang haring Salomon ay gumawa para sa kaniya ng palankin na kahoy sa Libano,

3:10 Ginawa niya ang mga haligi niyaon na pilak, ang pinakailalim niyaon ay ginto, at ang upuan ay kulay ube, ang gitna niyaon ay nalalatagan ng pagsinta, na mula sa mga anak na babae ng Jerusalem.

3:11 Magsilabas kayo, Oh kayong mga anak na babae ng Sion, at inyong masdan ang haring Salomon, na may putong na ipinutong sa kaniya ng kaniyang ina, sa kaarawan ng kaniyang pagaasawa, at sa kaarawan ng kasayahan ng kaniyang puso.

4:1 Narito, ikaw ay maganda, sinta ko; narito, ikaw ay maganda; ang iyong mga mata ay gaya ng mga kalapati sa likod ng iyong lambong: ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing, na nagpapahinga sa gulod ng bundok ng Galaad.

4:2 Ang iyong mga ngipin ay gaya ng mga kawan ng mga tupa na bagong gupit, na nagsiahong mula sa pagpaligo, na bawa't isa'y may anak na kambal, at walang baog sa kanila.

4:3 Ang iyong mga labi ay gaya ng pising mapula, at ang iyong bibig ay kahalihalina: ang iyong mga pisngi ay gaya ng putol ng granada. Sa likod ng iyong lambong.

4:4 Ang iyong leeg ay gaya ng moog ni David na itinayo na pinaka sakbatan, na kinabibitinan ng libong kalasag, ng lahat na kalasag ng mga makapangyarihang lalake.

4:5 Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa na mga kambal ng isang inahin, na nagsisisabsab sa gitna ng mga lila.

4:6 Hanggang sa ang araw ay lumamig at ang mga lilim ay tumakas, ako'y paroroon sa bundok ng mira, at sa burol ng kamangyan.

4:7 Ikaw ay totoong maganda, sinta ko; at walang kapintasan sa iyo.

4:8 Sumama ka sa akin mula sa Libano, kasintahan ko, na kasama ko mula sa Libano: tumanaw ka mula sa taluktok ng Amana, mula sa taluktok ng Senir at ng Hermon, mula sa mga yungib ng mga leon, mula sa mga bundok ng mga leopardo.

4:9 Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko, iyong inagaw ang aking puso ng isang sulyap ng iyong mga mata, ng isang kuwintas ng iyong leeg.

4:10 Pagkaganda ng iyong pagsinta, kapatid ko, kasintahan ko! Pagkaigi ng iyong pagsinta kay sa alak! At ang amoy ng iyong mga langis kay sa lahat na sari-saring pabango!

4:11 Ang iyong mga labi, Oh kasintahan ko, na nagsisitulo na gaya ng pulot-pukyutan: pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila; at ang amoy ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Libano.

4:12 Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko; bukal na nababakuran, balon na natatakpan.

4:13 Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada, na may mahalagang mga bunga; albena sangpu ng mga pananim na nardo,

4:14 Nardo at azafran, calamo at kanela, sangpu ng lahat na punong kahoy na kamangyan; mira at mga eloe, sangpu ng lahat na pinakamainam na especia.

4:15 Ikaw ay bukal ng mga halamanan, balon ng mga buhay na tubig, at mga balong na tubig na mula sa Libano.

4:16 Gumising ka, Oh hilagaang hangin; at parito ka, ikaw na timugan; humihip ka sa aking halamanan, upang ang mga bango niya'y sumalimuoy. Masok ang aking sinta sa kaniyang halamanan, at kumain siya ng kaniyang mahalagang mga bunga.

5:1 Ako'y dumating sa aking halamanan, kapatid ko, kasintahan ko: aking dinampot ang aking mira pati ang aking especia; aking kinain ang aking pulotpukyutan pati ang aking pulot; aking ininom ang aking alak pati ang aking gatas. Magsikain kayo, Oh mga kaibigan; magsiinom kayo, oo, magsiinom kayo ng sagana, Oh sinisinta.

5:2 Ako'y nakatulog, nguni't ang aking puso ay gising: ang tinig ng aking sinta ang siyang tumutuktok, na kaniyang sinasabi, pagbuksan mo ako, kapatid ko, sinta ko, kalapati ko, sakdal ko: sapagka't ang aking ulo ay basa ng hamog, ang aking mga kulot na buhok ay ng mga patak ng gabi.

5:3 Aking hinubad ang aking suot; paanong aking isusuot? Aking hinugasan ang aking mga paa paanong sila'y aking dudumhan?

5:4 Isinuot ng aking sinta ang kaniyang kamay sa butas ng pintuan, at nakilos ang aking puso sa kaniya.

5:5 Ako'y bumangon upang pagbuksan ang aking sinta; at ang aking mga kamay ay tutulo ng mira, at ang aking mga daliri ng malabnaw na mira. Sa mga tatangnan ng trangka.

5:6 Aking pinagbuksan ang aking sinta: nguni't ang aking sinta ay umurong at nakaalis, napanglupaypay na ako ng aking kaluluwa nang siya'y magsalita: aking hinanap siya, nguni't hindi ko nasumpungan siya; aking tinawag siya, nguni't hindi siya sumagot sa akin.

5:7 Nasumpungan ako ng mga bantay na nagsisilibot sa bayan, sinaktan nila ako, sinugatan nila ako, inalis sa akin ang aking balabal ng mga tanod ng mga kuta.

5:8 Pinagbibilinan ko kayo, Oh mga anak na babae ng Jerusalem, kung inyong masumpungan ang aking sinta, na inyong saysayin sa kaniya, na ako'y may sakit, na pagsinta.

5:9 Ano ang iyong sinta na higit kay sa ibang sinta, Oh ikaw na pinakamaganda sa mga babae? Ano ang iyong sinta na higit kay sa ibang sinta, na iyong ibinibilin sa amin ng ganyan?

5:10 Ang aking sinisinta ay maputi at mapulapula na pinakamainam sa sangpung libo.

5:11 Ang kaniyang ulo ay gaya ng pinakamainam na ginto: ang kaniyang kulot na buhok ay malago at maitim na gaya ng uwak.

5:12 Ang kaniyang mga mata ay gaya ng mga kalapati sa siping ng mga batis ng tubig; na hinugasan ng gatas at bagay ang pagkalagay.

5:13 Ang kaniyang mga pisngi ay gaya ng pitak ng mga especia, gaya ng mga bunton ng mga mainam na gulay: ang kaniyang mga labi ay gaya ng mga lila na tumutulo ng malabnaw na mira.

5:14 Ang kaniyang mga kamay ay gaya ng mga singsing na ginto na may lakip na berilo: ang kaniyang katawan ay gaya ng yaring garing na binalot ng mga zafiro.

5:15 Ang kaniyang mga hita ay gaya ng haliging marmol, na nalalapag sa mga tungtungan na dalisay na ginto: ang kaniyang anyo ay gaya ng Libano na marilag na gaya ng mga sedro.

5:16 Ang kaniyang bibig ay pinakamatamis: Oo, siya'y totoong kaibigibig. Ito'y aking sinta at ito'y aking kaibigan, Oh mga anak na babae ng Jerusalem.

6:1 Saan naparoon ang iyong sinisinta, Oh ikaw na pinakamaganda sa mga babae? Saan tumungo ang iyong sinisinta, upang siya'y aming mahanap na kasama mo?

6:2 Ang sinisinta ko'y bumaba sa kaniyang halamanan, sa mga pitak ng mga especia, upang magaliw sa mga halaman, at upang mamitas ng mga lila.

6:3 Ako'y sa aking sinisinta, at ang sinisinta ko ay akin: pinapastulan niya ang kaniyang kawan sa gitna ng mga lila.

6:4 Ikaw ay maganda, sinta ko, na gaya ng Tirsa, kahalihalina na gaya ng Jerusalem, kakilakilabot na gaya ng hukbo na may mga watawat.

6:5 Ihiwalay mo ang iyong mga mata sa akin, Sapagka't kanilang dinaig ako. Ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing, na nangahihilig sa gulod ng Galaad.

6:6 Ang iyong mga ngipin ay gaya ng kawan ng mga babaing tupa, na nagsiahong mula sa pagpaligo; na bawa't isa'y may anak na kambal, at walang baog sa kanila.

6:7 Ang iyong mga pisngi ay gaya ng putol ng granada sa likod ng iyong lambong.

6:8 May anim na pung reina, at walong pung babae; at mga dalaga na walang bilang.

6:9 Ang aking kalapati, ang aking sakdal ay isa lamang; siya ang bugtong ng kaniyang ina; siya ang pili ng nanganak sa kaniya. Nakita siya ng mga anak na babae, at tinawag siyang mapalad; Oo, ng mga reina at ng mga babae, at pinuri siya nila.

6:10 Sino siyang tumitinging parang umaga, maganda na parang buwan, maliwanag na parang araw, kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat?

6:11 Ako'y bumaba sa halamanan ng mga pile, upang tingnan ang mga sariwang pananim ng libis, upang tingnan kung nagbubuko ang puno ng ubas, at ang mga puno ng granada ay namumulaklak.

6:12 Bago ko naalaman, inilagay ako ng aking kaluluwa sa gitna ng mga karo ng aking marangal na bayan.

6:13 Bumalik ka, bumalik ka, Oh Sulamita; bumalik ka, bumalik ka, upang ikaw ay aming masdan. Bakit ninyo titingnan ang Sulamita, nang gaya sa sayaw ng Mahanaim.

7:1 Pagkaganda ng iyong mga paa sa mga panyapak, Oh anak na babae ng pangulo! Ang mga pagkakaugpong ng iyong mga hita ay gaya ng mga hiyas, na gawa ng mga kamay ng bihasang manggagawa.

7:2 Ang iyong katawan ay gaya ng mabilog na tasa, na hindi pinagkukulangan ng alak na may halo: ang iyong tiyan ay gaya ng bunton ng trigo na nalalagay sa palibot ng mga lila.

7:3 Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa na mga kambal na usa.

7:4 Ang iyong leeg ay gaya ng moog na garing; ang iyong mga mata ay gaya ng mga lawa sa Hesbon sa siping ng pintuang-bayan ng Batrabbim; ang iyong ilong ay gaya ng moog ng Libano na nakaharap sa Damasco.

7:5 Ang iyong ulo sa iyo ay gaya ng Carmelo, at ang buhok ng iyong ulo ay gaya ng kulay ube; ang hari ay nabibihag sa mga kinulot niyaon.

7:6 Pagkaganda at pagkaligaya mo, Oh sinta, sa mga kaluguran!

7:7 Itong iyong tayo ay parang puno ng palma, at ang iyong mga suso ay sa mga buwig ng mga ubas.

7:8 Aking sinabi, ako'y aakyat sa puno ng palma, ako'y hahawak sa mga sanga niyaon; ang iyong mga suso ay maging gaya ng mga buwig ng puno ng ubas, at ang amoy ng iyong hinga ay gaya ng mga mansanas;

7:9 At ang iyong bibig ay gaya ng pinakamainam na alak, na tumutulong marahan para sa aking sinisinta, na dumudulas sa mga labi ng nangatutulog.

7:10 Ako'y sa aking sinisinta, at ang kaniyang nasa ay sa akin.

7:11 Parito ka, sinisinta ko, lumabas tayo sa parang; tumigil tayo sa mga nayon.

7:12 Sampahin nating maaga ang mga ubasan: tingnan natin kung ang puno ng ubas ay nagbubuko, at kung ang kaniyang mga bulaklak ay nagsisibuka, at kung ang mga granada ay namumulaklak: doo'y idudulot ko sa iyo ang aking pagsinta.

7:13 Ang mga mandragora ay nagpapahalimuyak ng bango, at nasa ating mga pintuan ang lahat na sarisaring mahalagang bunga, bago at luma, na aking inilapag para sa iyo, Oh sinisinta ko.

8:1 Oh ikaw sana'y naging aking kapatid, na humitit ng mga suso ng aking ina! Pagka nasumpungan kita sa labas, hahagkan kita; Oo, at walang hahamak sa akin.

8:2 Aking papatnubayan ka, at dadalhin kita sa bahay ng aking ina, na magtuturo sa akin; aking paiinumin ka ng hinaluang alak, ng katas ng aking granada.

8:3 Ang kaniyang kaliwang kamay ay malalagay sa ilalim ng aking ulo, at ang kaniyang kanang kamay ay yayakap sa akin.

8:4 Pinagbibilinan ko kayo, Oh mga anak na babae ng Jerusalem, na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang sinta ko, hanggang sa ibigin niya.

8:5 Sino itong umaahong mula sa ilang, na humihilig sa kaniyang sinisinta? Sa ilalim ng punong mansanas ay ginising kita: doon nagdamdam sa iyo ang iyong ina, doon nagdamdam yaong nanganak sa iyo.

8:6 Ilagay mo akong pinakatatak sa iyong puso, pinakatatak sa iyong bisig: sapagka't ang pagsinta ay malakas na parang kamatayan, panibugho ay mabagsik na parang Sheol: ang mga liyab niyaon ay parang mga liyab ng apoy, isang pinaka liyab ng Panginoon.

8:7 Ang maraming tubig ay hindi makapapatay sa pagsinta, ni mapauurong man ng mga baha; kung ibigay ng lalake ang lahat na laman ng kaniyang bahay dahil sa pagsinta, siya'y lubos na kukutyain.

8:8 Tayo'y may isang munting kapatid na babae, at siya'y walang mga suso: ano ang ating gagawin sa ating kapatid na babae sa araw na siya'y ipakikiusap?

8:9 Kung siya'y maging isang kuta, pagtatayuan natin siya ng moog na pilak: at kung siya'y maging isang pintuan, ating tatakpan ng mga tablang sedro.

8:10 Ako'y isang kuta, at ang aking mga suso ay parang mga moog niyaon: ako nga'y naging sa harap ng kaniyang mga mata ay parang nakakasumpong ng kapayapaan.

8:11 Si Salomon ay may ubasan sa Baal-hamon; kaniyang pinaupahan ang ubasan sa mga tagapamahala; bawa't isa'y nagdadala dahil sa bunga niyaon ng isang libong putol na pilak.

8:12 Ang aking ubasan na akin ay nasa harap ko; ikaw, Oh Salomon, ay magkakaroon ng libo, at ang nangagiingat ng bunga niyaon ay dalawang daan.

8:13 Ikaw na tumatahan sa mga halamanan, ang mga kasama ay nangakikinig ng iyong tinig: iparinig mo sa akin.

8:14 Ikaw ay magmadali, sinisinta ko, at ikaw ay maging parang usa o batang usa sa mga bundok ng mga especia.


Next: Isaiah