Sacred Texts  Bible  World Bible  Index  Previous  Next 

Tagalog Bible: John

1:1 Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.

1:2 Ito rin nang pasimula'y sumasa Dios.

1:3 Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya.

1:4 Nasa kaniya ang buhay; at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.

1:5 At ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi napagunawa ng kadiliman.

1:6 Naparito ang isang tao, na sugong mula sa Dios, na ang kaniyang pangalan ay Juan.

1:7 Ito'y naparitong saksi, upang kaniyang patotohanan ang ilaw, upang sa pamamagitan niya'y magsisampalataya ang lahat.

1:8 Hindi siya ang ilaw, kundi pumarito upang kaniyang patotohanan ang ilaw.

1:9 Nagkaroon ng tunay na ilaw, sa makatuwid baga'y ang ilaw na lumiliwanag sa bawa't tao, na pumaparito sa sanglibutan.

1:10 Siya'y nasa sanglibutan, at ang sanglibuta'y ginawa sa pamamagitan niya, at hindi siya nakilala ng sanglibutan.

1:11 Siya'y naparito sa sariling kaniya, at siya'y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya.

1:12 Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan:

1:13 Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios.

1:14 At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.

1:15 Pinatotohanan siya ni Juan, at sumigaw, na nagsasabi, Ito yaong aking sinasabi, Ang pumaparitong nasa hulihan ko ay magiging una sa akin: sapagka't siya'y una sa akin.

1:16 Sapagka't sa kaniyang kapuspusan ay nagsitanggap tayong lahat, at biyaya sa biyaya.

1:17 Sapagka't ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay nagsidating sa pamamagitan ni Jesu-cristo.

1:18 Walang taong nakakita kailan man sa Dios; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, siya ang nagpakilala sa kanya.

1:19 At ito ang patotoo ni Juan, nang suguin sa kaniya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang mga saserdote at mga Levita upang sa kaniya'y itanong, Sino ka baga?

1:20 At kaniyang ipinahayag, at hindi ikinaila; at kaniyang ipinahayag, Hindi ako ang Cristo.

1:21 At sa kaniya'y kanilang itinanong, Kung gayo'y ano nga? Ikaw baga'y si Elias? At sinabi niya, Hindi ako. Ikaw baga ang propeta? At siya'y sumagot, Hindi.

1:22 Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? Upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili?

1:23 Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.

1:24 At sila'y sinugo buhat sa mga Fariseo.

1:25 At sa kaniya'y kanilang itinanong, at sinabi sa kaniya, Bakit nga bumabautismo ka, kung hindi ikaw ang Cristo, ni si Elias, ni ang propeta?

1:26 Sila'y sinagot ni Juan, na nagsasabi, Ako'y bumabautismo sa tubig: datapuwa't sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo nakikilala,

1:27 Siya nga ang pumaparitong sumusunod sa akin, na sa kaniya'y hindi ako karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang pangyapak.

1:28 Ang mga bagay na ito'y ginawa sa Betania, sa dako pa roon ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan.

1:29 Nang kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan!

1:30 Ito yaong aking sinasabi, Sa hulihan ko'y dumarating ang isang lalake na magiging una sa akin: sapagka't siya'y una sa akin.

1:31 At siya'y hindi ko nakilala; datapuwa't upang siya'y mahayag sa Israel, dahil dito'y naparito ako na bumabautismo sa tubig.

1:32 At nagpatotoo si Juan, na nagsasabi, Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit; at dumapo sa kaniya.

1:33 At siya'y hindi ko nakilala; datapuwa't ang nagsugo sa akin upang bumautismo sa tubig, ay siyang nagsabi sa akin, Ang makita mong babaan ng Espiritu, at manahan sa kaniya, ay siya nga ang bumabautismo sa Espiritu Santo.

1:34 At aking nakita, at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Dios.

1:35 Nang kinabukasan ay muling nakatayo si Juan, at ang dalawa sa kaniyang mga alagad;

1:36 At kaniyang tiningnan si Jesus samantalang siya'y naglalakad, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios!

1:37 At narinig siyang nagsalita ng dalawang alagad, at sila'y nagsisunod kay Jesus.

1:38 At lumingon si Jesus, at nakita silang nagsisisunod, at sinabi sa kanila, Ano ang inyong hinahanap? At sinabi nila sa kaniya, Rabi (na kung liliwanagin, ay Guro), saan ka tumitira?

1:39 Sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo, at inyong makikita. Nagsiparoon nga sila at nakita kung saan siya tumitira; at sila'y nagsitirang kasama niya nang araw na yaon: noo'y magiikasangpu na ang oras.

1:40 Ang isa sa dalawang nakarinig ng pagsasalita ni Juan, at sumunod sa kaniya, ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro.

1:41 Una niyang nasumpungan ang kaniyang sariling kapatid na si Simon, at sa kaniya'y sinabi, Nasumpungan namin ang Mesias (na kung liliwanagin, ay ang Cristo).

1:42 Siya'y kaniyang dinala kay Jesus. Siya'y tiningnan ni Jesus, at sinabi, Ikaw ay si Simon na anak ni Juan: tatawagin kang Cefas (na kung liliwanagin, ay Pedro).

1:43 Nang kinabukasan ay pinasiyahan niyang pumaroon sa Galilea, at kaniyang nasumpungan si Felipe: at sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Sumunod ka sa akin.

1:44 Si Felipe nga ay taga Betsaida, sa bayan ni Andres at ni Pedro.

1:45 Nasumpungan ni Felipe si Natanael, at sinabi sa kaniya, Nasumpungan namin yaong isinulat ni Moises sa kautusan, at gayon din ng mga propeta, si Jesus na taga Nazaret, ang anak ni Jose.

1:46 At sinabi sa kaniya ni Natanael, Mangyayari bagang lumitaw ang anomang magaling na bagay sa Nazaret? Sinabi sa kaniya ni Felipe, Pumarito ka at tingnan mo.

1:47 Nakita ni Jesus si Natanael na lumalapit sa kaniya, at sinabi ang tungkol sa kaniya, Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya'y walang daya!

1:48 Sinabi sa kaniya ni Natanael, Saan mo ako nakilala? Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos, ay nakita kita.

1:49 Sumagot si Natanael sa kaniya, Rabi, ikaw ang Anak ng Dios; ikaw ang Hari ng Israel.

1:50 Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Dahil baga sa sinabi ko sa iyo, Kita'y nakita sa ilalim ng puno ng igos, kaya ka sumasampalataya? makikita mo ang mga bagay na lalong dakila kay sa rito.

1:51 At sinabi niya sa kaniya, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik-manaog sa ulunan ng Anak ng tao.

2:1 At nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea; at naroon ang ina ni Jesus:

2:2 At inanyayahan din naman si Jesus, at ang kaniyang mga alagad, sa kasalan.

2:3 At nang magkulang ng alak, ang ina ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Wala silang alak.

2:4 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, anong pakialam ko sa iyo? ang aking oras ay hindi pa dumarating.

2:5 Sinabi ng kaniyang ina sa mga alila, Gawin ninyo ang anomang sa inyo'y kaniyang sabihin.

2:6 Mayroon nga roong anim na tapayang bato na nalalagay alinsunod sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio, na naglalaman ang bawa't isa ng dalawa o tatlong bangang tubig.

2:7 Sinabi sa kanila ni Jesus, Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan. At kanilang pinuno hanggang sa labi.

2:8 At sinabi niya sa kanila, Kunin ninyo ngayon, at inyong iharap sa pangulo ng kapistahan. At kanilang iniharap.

2:9 At nang matikman ng pangulo ng kapistahan ang tubig na naging alak nga, at hindi niya nalalaman kung saan buhat (datapuwa't nalalaman ng mga alila na nagsikuha ng tubig), ay tinawag ng pangulo ng kapistahan ang kasintahang lalake,

2:10 At sinabi sa kaniya, Ang bawa't tao ay unang inilalagay ang mabuting alak; at kung mangakainom nang mabuti ang mga tao, ay saka inilalagay ang pinakamasama: itinira mo ang mabuting alak hanggang ngayon.

2:11 Ang pasimulang ito ng kaniyang mga tanda ay ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea, at inihayag ang kaniyang kaluwalhatian; at nagsisampalataya sa kaniya ang kaniyang mga alagad.

2:12 Pagkatapos nito ay lumusong siya sa Capernaum, siya, at ang kaniyang ina, at ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga alagad; at sila'y nangatira roong hindi maraming araw.

2:13 At malapit na ang paskua ng mga Judio, at umahon si Jesus sa Jerusalem.

2:14 At nasumpungan niya sa templo yaong nangagbibili ng mga baka at mga tupa at mga kalapati, at ang mga mamamalit ng salapi na nangakaupo:

2:15 At ginawa niyang isang panghampas ang mga lubid, itinaboy niyang lahat sa templo, ang mga tupa at gayon din ang mga baka; at ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit, at ginulo ang kanilang mga dulang;

2:16 At sa nangagbibili ng mga kalapati ay sinabi niya, Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na bahay-kalakal.

2:17 Napagalaala ng kaniyang mga alagad na nasusulat, Kakanin ako ng sikap sa iyong bahay.

2:18 Ang mga Judio nga'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Anong tanda ang maipakikita mo sa amin, yamang ginawa mo ang mga bagay na ito?

2:19 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Igiba ninyo ang templong ito, at aking itatayo sa tatlong araw.

2:20 Sinabi nga ng mga Judio, Apat na pu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo sa tatlong araw?

2:21 Datapuwa't sinasalita niya ang tungkol sa templo ng kaniyang katawan.

2:22 Nang magbangon na maguli nga siya sa mga patay, ay naalaala ng kaniyang mga alagad na sinalita niya ito; at nagsisampalataya sila sa kasulatan, at sa salitang sinabi ni Jesus.

2:23 Nang siya nga'y nasa Jerusalem nang paskua, sa loob ng panahon ng kapistahan, ay marami ang mga nagsisampalataya sa kaniyang pangalan, pagkakita ng kaniyang mga tandang ginawa.

2:24 Datapuwa't si Jesus sa kaniyang sarili ay hindi rin nagkatiwala sa kanila, sapagka't nakikilala niya ang lahat ng mga tao,

2:25 Sapagka't hindi niya kinakailangan na ang sinoman ay magpatotoo tungkol sa tao; sapagka't nalalaman nga niya ang isinasaloob ng tao.

3:1 May isang lalake nga sa mga Fariseo, na nagngangalang Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio:

3:2 Ito rin ay naparoon sa kaniya nang gabi, at sa kaniya'y nagsabi, Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Dios; sapagka't walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, maliban na kung sumasa kaniya ang Dios.

3:3 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios.

3:4 Sinabi sa kaniya ni Nicodemo, Paanong maipanganganak ang tao kung siya'y matanda na? makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina, at ipanganak?

3:5 Sumagot si Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios.

3:6 Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga.

3:7 Huwag kang magtaka sa aking sinabi sa iyo, Kinakailangan ngang kayo'y ipanganak na muli.

3:8 Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kaniyang ugong, nguni't hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon: gayon ang bawa't ipinanganak ng Espiritu.

3:9 Sumagot si Nicodemo at sa kaniya'y sinabi, Paanong pangyayari ng mga bagay na ito?

3:10 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Ikaw ang guro sa Israel, at hindi mo nauunawa ang mga bagay na ito?

3:11 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ang nalalaman namin ay sinasalita namin, at ang aming nakita ay pinatototohanan namin; at hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo.

3:12 Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa lupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paanong paniniwalaan ninyo kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa langit?

3:13 At walang umakyat sa langit, kundi ang nanggaling sa langit, sa makatuwid baga'y ang Anak ng tao, na nasa langit.

3:14 At kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, ay gayon kinakailangang itaas ang Anak ng tao;

3:15 Upang ang sinomang sumampalataya ay magkaroon sa kaniya ng buhay na walang hanggan.

3:16 Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

3:17 Sapagka't hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.

3:18 Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios.

3:19 At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka't masasama ang kanilang mga gawa.

3:20 Sapagka't ang bawa't isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.

3:21 Datapuwa't ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa Dios.

3:22 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagsiparoon si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa lupain ng Judea; at doon siya tumira na kasama nila, at bumabautismo.

3:23 At bumabautismo rin naman si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagka't doo'y maraming tubig: at sila'y nagsiparoon, at nangabautismuhan.

3:24 Sapagka't hindi pa ipinapasok sa bilangguan si Juan.

3:25 Nagkaroon nga ng isang pakikipagtalo ang mga alagad ni Juan sa isang Judio tungkol sa paglilinis.

3:26 At sila'y nagparoon kay Juan, at sa kaniya'y sinabi, Rabi, yaong kasama mo sa dako pa roon ng Jordan, na binigyan mong patotoo, narito, siya'y bumabautismo, at ang lahat ng mga tao'y nagsisiparoon sa kaniya.

3:27 Sumagot si Juan at sinabi, Hindi makatatanggap ng anoman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kaniya mula sa langit.

3:28 Kayo man ay magsisisaksi sa akin, na aking sinabi, Hindi ako ang Cristo, kundi, na ako'y sinugo sa unahan niya.

3:29 Ang nagtatangkilik sa kasintahang babae ay ang kasintahang lalake: datapuwa't ang kaibigan ng kasintahang lalake, na nakatayo at nakikinig sa kaniya, ay nagagalak na lubos dahil sa tinig ng kasintahang lalake: ito ngang aking kaligayahan ay naganap.

3:30 Siya'y kinakailangang dumakila, nguni't ako'y kinakailangang bumaba.

3:31 Ang nanggagaling sa itaas ay sumasaibabaw ng lahat: ang galing sa lupa ay taga lupa nga, at ang ukol sa lupa ang sinasalita niya: ang nanggagaling sa langit ay sumasaibabaw ng lahat.

3:32 At kaniyang nakita at narinig, ay siyang pinatototohanan niya; at walang taong tumatanggap ng kaniyang patotoo.

3:33 Ang tumatanggap ng kaniyang patotoo ay naglagay dito ng kaniyang tatak, na ang Dios ay totoo.

3:34 Sapagka't ang sinugo ng Dios ay nagsasalita ng mga salita ng Dios: sapagka't hindi niya ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat.

3:35 Sinisinta ng Ama ang Anak, at inilagay sa kaniyang kamay ang lahat ng mga bagay.

3:36 Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; nguni't ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Dios ay sumasa kaniya.

4:1 Nang maalaman nga ng Panginoon na nabalitaan ng mga Fariseo na si Jesus ay gumagawa at bumabautismo ng lalong maraming alagad kay sa kay Juan

4:2 (Bagaman hindi bumabautismo si Jesus, kundi ang kaniyang mga alagad),

4:3 Nilisan niya ang Judea, at naparoong muli sa Galilea.

4:4 At kinakailangang magdaan siya sa Samaria.

4:5 Sumapit nga siya sa isang bayan ng Samaria, na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang ibinigay ni Jacob kay Jose na kaniyang anak:

4:6 At naroon ang balon ni Jacob. Si Jesus nga, nang napapagod na sa kaniyang paglalakbay, ay naupong gayon sa tabi ng balon. Magiikaanim na nga ang oras.

4:7 Dumating ang isang babaing taga Samaria upang umigib ng tubig: sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Painumin mo ako.

4:8 Sapagka't napasa bayan ang kaniyang mga alagad upang magsibili ng pagkain.

4:9 Sinabi nga sa kaniya ng babaing Samaritana, Paano ngang ikaw, na isang Judio, ay humingi ng maiinom sa akin, na ako'y babaing Samaritana? (Sapagka't hindi nangakikipagusap ang mga Judio sa mga Samaritano.)

4:10 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Kung napagkikilala mo ang kaloob ng Dios, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, Painumin mo ako; ikaw ay hihingi sa kaniya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buhay.

4:11 Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, wala kang sukat isalok ng tubig, at malalim ang balon: saan nga naroon ang iyong tubig na buhay?

4:12 Dakila ka pa baga sa aming amang si Jacob, na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang mga hayop?

4:13 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Ang bawa't uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw:

4:14 Datapuwa't ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni't ang tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.

4:15 Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, ibigay mo sa akin ang tubig na ito, upang ako'y huwag mauhaw, ni pumarito man sa ganito kalayo upang umigib pa.

4:16 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, tawagin mo ang iyong asawa, at pumarito ka.

4:17 Sumagot ang babae at sinabi sa kaniya, Wala akong asawa. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Mabuti ang pagkasabi mo, Wala akong asawa:

4:18 Sapagka't nagkaroon ka na ng limang asawa; at ang nasa iyo ngayon ay hindi mo asawa: dito'y sinabi mo ang katotohanan.

4:19 Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, napaghahalata kong ikaw ay isang propeta.

4:20 Nagsisamba ang aming mga magulang sa bundok na ito; at sinasabi ninyo, na sa Jerusalem ay siyang dakong kinakailangang pagsambahan ng mga tao.

4:21 Sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Babae, paniwalaan mo ako, na dumarating ang oras, na kahit sa bundok na ito, ni sa Jerusalem, ay hindi ninyo sasambahin ang Ama.

4:22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman: sinasamba namin ang nalalaman namin; sapagka't ang kaligtasan ay nanggagaling sa mga Judio.

4:23 Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.

4:24 Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.

4:25 Sinabi sa kaniya ng babae, Nalalaman ko na paririto ang Mesias (ang tinatawag na Cristo): na pagparito niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay.

4:26 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako na nagsasalita sa iyo ay siya nga.

4:27 At sa ganito'y nagsidating ang kaniyang mga alagad; at sila'y nangagtaka na siya'y nakikipagsalitaan sa isang babae; gayon ma'y walang taong nagsabi, Ano ang iyong hinahanap? o, Bakit nakikipagsalitaan ka sa kaniya?

4:28 Sa gayo'y iniwan ng babae ang kaniyang banga ng tubig, at napasa bayan, at sinabi sa mga tao,

4:29 Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang isang lalake, na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa: mangyayari kayang ito ang Cristo?

4:30 Nagsilabas sila sa bayan, at nagsisiparoon sa kaniya.

4:31 Samantala ay ipinamamanhik sa kaniya ng mga alagad, na nangagsasabi, Rabi, kumain ka.

4:32 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Ako'y may pagkaing kakanin na hindi ninyo nalalaman.

4:33 Ang mga alagad nga ay nangagsangusapan, May tao kayang nagdala sa kaniya ng pagkain?

4:34 Sinabi sa kanila ni Jesus, Ang pagkain ko ay ang aking gawin ang kalooban ng sa akin ay nagsugo, at tapusin ang kaniyang gawa.

4:35 Hindi baga sinasabi ninyo, May apat na buwan pa, at saka darating ang pagaani? narito, sa inyo'y aking sinasabi, Itanaw ninyo ang inyong mga mata, at inyong tingnan ang mga bukid, na mapuputi na upang anihin.

4:36 Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga sa buhay na walang hanggan; upang ang naghahasik at ang umaani ay mangagalak kapuwa.

4:37 Sapagka't dito'y totoo ang kasabihan, Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.

4:38 Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpagalan: iba ang nangagpagal, at kayo'y siyang nagsipasok sa kanilang pinagpagalan.

4:39 At marami sa mga Samaritano sa bayang yaon ang sa kaniya'y nagsisampalataya dahil sa salita ng babae, na nagpatotoo, Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.

4:40 Kaya nang sa kaniya'y magsidating ang mga Samaritano, ay sa kaniya'y ipinamanhik nila na matira sa kanila: at siya'y natira roong dalawang araw.

4:41 At lalo pang marami ang mga nagsisampalataya sa kaniya dahil sa kaniyang salita;

4:42 At sinabi nila sa babae, Ngayo'y nagsisisampalataya kami, hindi dahil sa iyong pananalita: sapagka't kami rin ang nakarinig, at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanglibutan.

4:43 At pagkaraan ng dalawang araw ay umalis siya doon at napasa Galilea.

4:44 Sapagka't si Jesus din ang nagpatotoo, na ang isang propeta ay walang kapurihan sa kaniyang sariling lupain.

4:45 Kaya nang siya'y dumating sa Galilea, ay tinanggap siya ng mga Galileo, nang kanilang mangakita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginawa sa Jerusalem sa kapistahan: sapagka't sila man ay nagsiparoon din sa kapistahan.

4:46 Naparoon ngang muli siya sa Cana ng Galilea, na doo'y kaniyang pinapaging alak ang tubig. At naroroon ang isang mahal na tao, na ang kaniyang anak na lalake ay may-sakit sa Capernaum.

4:47 Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea na mula sa Judea, ay naparoon siya sa kaniya, at ipinamanhik sa kaniya na siya'y lumusong, at pagalingin ang kaniyang anak na lalake; sapagka't siya'y naghihingalo.

4:48 Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, Malibang kayo'y mangakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, ay hindi kayo magsisipaniwala sa anomang paraan.

4:49 Ang mahal na tao ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang aking anak.

4:50 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Yumaon ka ng iyong lakad; buhay ang anak mo. Pinaniwalaan ng lalake ang salitang sinalita sa kaniya ni Jesus, at siya'y yumaon sa kaniyang lakad.

4:51 At samantalang siya'y lumulusong, ay sinalubong siya ng kaniyang mga alipin, na nangagsasabi, na ang kaniyang anak ay buhay.

4:52 Itinanong nga niya sa kanila ang oras nang siya'y pasimulan ng paggaling. Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Kahapon nang ikapitong oras inibsan siya ng lagnat.

4:53 Naunawa nga ng ama na sa oras na yaon nang sabihin sa kaniya ni Jesus, Buhay ang anak mo: at siya'y sumampalataya, at ang kaniyang buong sangbahayan.

4:54 Ito nga ang muling pangalawang tanda na ginawa ni Jesus, nang siya'y pumaroon sa Galilea na mula sa Judea.

5:1 Pagkatapos ng mga bagay na ito'y nagkaroon ng pista ang mga Judio; at umahon si Jesus sa Jerusalem.

5:2 Sa Jerusalem nga'y may isang tangke sa tabi ng pintuan ng mga tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Betesda, na may limang portiko.

5:3 Na sa mga ito ay nangaghandusay ang marami sa kanilang mga maysakit, mga bulag, mga pilay, mga natutuyo.

5:4 Sapagka't lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tangke at kinakalawkaw ang tubig: at ang unang manaog sa tangke, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anomang sakit na dinaramdam.

5:5 At naroon ang isang lalake, na may tatlongpu't walong taon nang maysakit.

5:6 Nang makita ni Jesus na siya'y nakahandusay, at mapagkilalang siya'y malaon nang panahong maysakit, ay sinabi niya sa kaniya, Ibig mo bagang gumaling?

5:7 Sumagot sa kaniya ang lalaking maysakit, Ginoo, wala ng taong maglusong sa akin sa tangke, pagkalawkaw sa tubig: datapuwa't samantalang ako'y naparoroon, ay nakalusong na muna ang iba bago ako.

5:8 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.

5:9 At pagdaka'y gumaling ang lalake, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng sabbath.

5:10 Kaya sinabi ng mga Judio sa kaniya na pinagaling, Ito'y araw ng sabbath, at hindi matuwid na buhatin mo ang iyong higaan.

5:11 Nguni't sila'y sinagot niya, Ang nagpagaling sa akin, ang siya ring sa akin ay nagsabi, Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.

5:12 Tinanong nila siya, Sino ang taong sa iyo'y nagsabi, Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?

5:13 Nguni't hindi nakikilala ng pinagaling kung sino siya; sapagka't si Jesus ay humiwalay, palibhasa'y may isang karamihan sa dakong yaon.

5:14 Pagkatapos ay nasumpungan siya ni Jesus sa templo, at sa kaniya'y sinabi, Narito, ikaw ay gumaling na: huwag ka nang magkasala, baka mangyari pa sa iyo ang lalong masama.

5:15 Umalis ang tao, at sinaysay sa mga Judio na si Jesus ang sa kaniya'y nagpagaling.

5:16 At dahil dito'y pinagusig ng mga Judio si Jesus, sapagka't ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng sabbath.

5:17 Datapuwa't sinagot sila ni Jesus, Hanggang ngayo'y gumagawa ang aking Ama, at ako'y gumagawa.

5:18 Dahil dito nga'y lalo nang pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin, sapagka't hindi lamang sinira ang araw ng sabbath, kundi tinatawag din naman na kaniyang sariling Ama ang Dios, na siya'y nakikipantay sa Dios.

5:19 Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka't ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan.

5:20 Sapagka't sinisinta ng Ama ang Anak, at sa kaniya'y ipinakikita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa: at lalong dakilang mga gawa kay sa mga ito ang sa kaniya'y ipakikita niya, upang kayo'y magsipanggilalas.

5:21 Sapagka't kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayon din naman binubuhay ng Anak ang kaniyang mga ibigin.

5:22 Sapagka't ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;

5:23 Upang papurihan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpapapuri sa Ama. Ang hindi nagpapapuri sa Anak ay hindi nagpapapuri sa Ama na sa kaniya'y nagsugo.

5:24 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan.

5:25 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Dios; at ang mangakarinig ay mangabubuhay.

5:26 Sapagka't kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili:

5:27 At binigyan niya siya ng kapamahalaang makahatol, sapagka't siya'y anak ng tao.

5:28 Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka't dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig,

5:29 At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.

5:30 Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko'y matuwid; sapagka't hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.

5:31 Kung ako'y nagpapatotoo sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi katotohanan.

5:32 Iba ang nagpapatotoo sa akin; at talastas ko na ang patotoong isinasaksi niya sa akin ay totoo.

5:33 Kayo'y nangagsugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan.

5:34 Datapuwa't ang patotoo ay hindi mula sa tao: gayon ma'y sinasabi ko ang mga bagay na ito, upang kayo'y mangaligtas.

5:35 Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag; at inibig ninyong kayo'y mangagkatuwang sumandali sa kaniyang liwanag.

5:36 Datapuwa't ang aking pagpapatotoo ay lalong dakila kay sa kay Juan; sapagka't ang mga gawang ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang gayon ding mga gawa na aking ginagawa, ay nagpapatotoo tungkol sa akin, na ako'y sinugo ng Ama.

5:37 At ang Ama na nagsugo sa akin, ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailan ma'y hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig, ni hindi man ninyo nakita ang kaniyang anyo.

5:38 At kayo'y walang salita niya na nananatili sa inyo: sapagka't hindi kayo nagsisisampalataya sa kaniyang sinugo.

5:39 Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.

5:40 At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo'y magkaroon ng buhay.

5:41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao.

5:42 Datapuwa't nakikilala ko kayo, na kayo'y walang pagibig ng Dios sa inyong sarili.

5:43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin: kung iba ang pumarito sa kaniyang sariling pangalan, ay siya ninyong tatanggapin.

5:44 Paanong kayo'y makapananampalataya, kayong nangagtatanggapan sa isa't isa ng kaluwalhatian at hindi ninyo pinaghahanap ang kaluwalhatiang nanggagaling sa tanging Dios?

5:45 Huwag ninyong isiping ako ang sa inyo'y magsusumbong sa Ama: may isang magsusumbong sa inyo, sa makatuwid baga'y si Moises, yaong pinaglagakan ninyo ng inyong pagasa.

5:46 Sapagka't kung kayo'y nagsisisampalataya kay Moises, ay magsisisampalataya kayo sa akin; sapagka't tungkol sa akin siya'y sumulat.

5:47 Nguni't kung hindi kayo nagsisipaniwala sa kaniyang mga sulat, ay paanong magsisisampalataya kayo sa aking mga salita?

6:1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay naparoon si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea, na siyang dagat ng Tiberias.

6:2 At sumusunod sa kaniya ang lubhang maraming tao, sapagka't kanilang nangakikita ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit.

6:3 At umahon si Jesus sa bundok, at doo'y naupo siya na kasama ng kaniyang mga alagad.

6:4 Malapit na nga ang paskua, na pista ng mga Judio.

6:5 Itinanaw nga ni Jesus ang kaniyang mga mata, at pagkakita na ang lubhang maraming tao'y lumalapit sa kaniya, ay sinabi kay Felipe, Saan tayo magsisibili ng tinapay, upang mangakakain ang mga ito?

6:6 At ito'y sinabi niya upang siya'y subukin: sapagka't nalalaman niya sa kaniyang sarili kung ano ang kaniyang gagawin.

6:7 Sumagot si Felipe sa kaniya, Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawa't isa.

6:8 Sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro,

6:9 May isang batang lalake rito, na mayroong limang tinapay na sebada, at dalawang isda: datapuwa't gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?

6:10 Sinabi ni Jesus, Inyong paupuin ang mga tao. Madamo nga sa dakong yaon. Kaya't nagsiupo ang mga lalake, na may limang libo ang bilang.

6:11 Kinuha nga ni Jesus ang mga tinapay; at nang makapagpasalamat, ay ipinamahagi niya sa kanilang nangakaupo; at gayon din naman binigyan sila ng mga isda kung gaanong ibigin nila.

6:12 At nang sila'y mangabusog, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Pulutin ninyo ang mga pinagputolputol na lumabis, upang walang anomang masayang.

6:13 Kaya't kanilang tinipon, at nangapuno ang labingdalawang bakol ng mga pinagputolputol sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain.

6:14 Kaya't nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya, ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanglibutan.

6:15 Nang mapaghalata nga ni Jesus na sila'y magsisilapit at siya'y agawin, upang siya'y gawing hari, ay muling nagbalik sa bundok na nagiisa.

6:16 At nang kinahapunan, ay nagsilusong ang kaniyang mga alagad sa dagat;

6:17 At nagsilulan sila sa isang daong, at kanilang tinatawid ang dagat hanggang sa Capernaum. At madilim na nga, at hindi dumarating sa kanila si Jesus.

6:18 At lumalaki ang dagat dahil sa isang malakas na hanging humihihip.

6:19 Nang sila nga'y mangakagaod na ng may dalawangpu't lima o tatlongpung estadio, ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat, at lumalapit sa daong: at sila'y nangahintakutan.

6:20 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Ako nga; huwag kayong mangatakot.

6:21 Malugod nga nilang tinanggap siya sa daong: at pagdaka'y dumating ang daong sa lupang kanilang tinutumpa.

6:22 Nang kinabukasan ay nakita ng karamihang nakatayo sa kabilang ibayo ng dagat na doo'y walang ibang daong, kundi isa, at hindi lumulan sa daong si Jesus na kasama ng kaniyang mga alagad, kundi ang kaniyang mga alagad lamang ang nagsipaglayag

6:23 (Gayon man ay may mga daong na nagsidating na mula sa Tiberias malapit sa dako na kanilang kinainan ng tinapay pagkatapos na makapagpasalamat ang Panginoon):

6:24 Nang makita nga ng karamihan na wala roon si Jesus, ni ang kaniyang mga alagad man, ay nagsilulan sila sa mga daong, at nagsidating sa Capernaum, na hinahanap si Jesus.

6:25 At nang siya'y kanilang masumpungan sa kabilang ibayo ng dagat, ay kanilang sinabi sa kanila, Rabi, kailan ka dumating dito?

6:26 Sinagot sila ni Jesus at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako'y inyong hinahanap, hindi dahil sa inyong nangakitang mga tanda, kundi dahil sa kayo'y nagsikain ng tinapay, at kayo'y nangabusog.

6:27 Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao: sapagka't siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga'y ang Dios.

6:28 Sinabi nga nila sa kaniya, Ano ang kinakailangan naming gawin, upang aming magawa ang mga gawa ng Dios?

6:29 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Ito ang gawa ng Dios, na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo.

6:30 Sinabi nga nila sa kaniya, Ano nga ang inyong ginagawa na pinakatanda, upang aming makita, at sampalatayanan ka namin? ano ang ginagawa mo?

6:31 Nagsikain ang aming mga magulang ng mana sa ilang; gaya ng nasusulat, Tinapay na galing sa langit ang sa kanila'y kaniyang ipinakain.

6:32 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit; kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.

6:33 Sapagka't ang tinapay ng Dios ay yaong bumababang mula sa langit, at nagbibigay buhay sa sanglibutan.

6:34 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Panginoon, bigyan mo kaming palagi ng tinapay na ito.

6:35 Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Ako ang tinapay ng kabuhayan: ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma'y hindi mauuhaw.

6:36 Datapuwa't sinabi ko sa inyo, na nakita ninyo ako, at gayon ma'y hindi kayo nagsisampalataya.

6:37 Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay magsisilapit sa akin; at ang lumalapit sa akin sa anomang paraan ay hindi ko itataboy.

6:38 Sapagka't bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

6:39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin, na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anoman, kundi ibangon sa huling araw.

6:40 Sapagka't ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawa't nakakakita sa Anak, at sa kaniya'y sumampalataya, ay magkaroon ng walang hanggang buhay; at akin siyang ibabangon sa huling araw.

6:41 Ang mga Judio nga ay nagbulongbulungan tungkol sa kaniya sapagka't kaniyang sinabi, Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit.

6:42 At kanilang sinabi, Hindi baga ito'y si Jesus, ang anak ni Jose, na nakikilala natin ang kaniyang ama at ina? paano ngang sinasabi niya, Ako'y bumabang galing sa langit?

6:43 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Huwag kayong mangagbulongbulungan.

6:44 Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya'y magdala sa akin; at siya'y aking ibabangon sa huling araw.

6:45 Nasusulat sa mga propeta, At tuturuan silang lahat ng Dios. Ang bawa't nakarinig sa Ama, at natuto, ay lumalapit sa akin.

6:46 Hindi sa ang sinoma'y nakakita sa Ama, kundi yaong nanggaling sa Dios, siya ang nakakita sa Ama.

6:47 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.

6:48 Ako ang tinapay ng kabuhayan.

6:49 Nagsikain ang inyong mga magulang ng mana sa ilang, at sila'y nangamatay.

6:50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang taong makakain, ay huwag mamatay.

6:51 Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailan man: oo at ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan.

6:52 Ang mga Judio nga'y nangagtatalo, na nangagsasabi, Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang kaniyang laman?

6:53 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili.

6:54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan; at siya'y aking ibabangon sa huling araw.

6:55 Sapagka't ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.

6:56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako'y sa kaniya.

6:57 Kung paanong sinugo ako ng Amang buhay, at ako'y nabubuhay dahil sa Ama; gayon din naman ang kumakain sa akin, siya nama'y mabubuhay dahil sa akin.

6:58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit: hindi gaya ng mga magulang na nagsikain, at nangamatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailan man.

6:59 Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang siya'y nagtuturo sa Capernaum.

6:60 Marami nga sa kaniyang mga alagad, nang kanilang marinig ito, ay nangagsabi, Matigas ang pananalitang ito; sino ang makaririnig noon?

6:61 Datapuwa't pagkaalam ni Jesus sa kaniyang sarili na nagbubulongbulungan ang kaniyang mga alagad tungkol dito, sa kanila'y sinabi, Ito baga'y nakapagpapatisod sa inyo?

6:62 Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng tao sa kinaroroonan niya nang una?

6:63 Ang espiritu nga ang bumubuhay; sa laman ay walang anomang pinakikinabang: ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu, at pawang buhay.

6:64 Datapuwa't may ilan sa inyong hindi nagsisisampalataya. Sapagka't talastas na ni Jesus buhat pa nang una kung sino-sino ang hindi nagsisisampalataya, at kung sino ang sa kaniya'y magkakanulo.

6:65 At sinabi niya, Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, na walang taong makalalapit sa akin, maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama.

6:66 Dahil dito'y marami sa kaniyang mga alagad ay nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya.

6:67 Sinabi nga ni Jesus sa labingdalawa, Ibig baga ninyong magsialis din naman?

6:68 Sinagot siya ni Simon Pedro, Panginoon, kanino kami magsisiparoon? ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.

6:69 At kami'y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal ng Dios.

6:70 Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga hinirang ko kayong labingdalawa, at ang isa sa inyo ay diablo?

6:71 Tinukoy nga niya si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagka't siya ang sa kaniya'y magkakanulo, palibhasa'y isa sa labingdalawa.

7:1 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay naglakad si Jesus sa Galilea: sapagka't ayaw siyang maglakad sa Judea, dahil sa pinagsisikapan ng mga Judio na siya'y patayin.

7:2 Malapit na nga ang pista ng mga Judio, ang pista ng mga tabernakulo.

7:3 Sinabi nga sa kaniya ng kaniyang mga kapatid, Umalis ka rito, at pumaroon ka sa Judea, upang makita naman ng iyong mga alagad ang mga gawang iyong ginagawa.

7:4 Sapagka't walang taong gumagawa ng anomang bagay sa lihim, at nagsisikap ihayag ang kaniyang sarili. Kung ginagawa mo ang mga bagay na ito ay pakilala ka sa sanglibutan.

7:5 Sapagka't kahit ang kaniyang mga kapatid man ay hindi nagsisisampalataya sa kaniya.

7:6 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Hindi pa dumarating ang aking panahon; datapuwa't ang inyong panahon ay laging nahahanda.

7:7 Hindi mangyayaring kayo'y kapootan ng sanglibutan; nguni't ako'y kinapopootan, sapagka't siya'y aking pinatototohanang masasama ang kaniyang mga gawa.

7:8 Mangagsiahon kayo sa pista: ako'y hindi aahon sa pistang ito; sapagka't hindi pa nagaganap ang aking panahon.

7:9 At nang masabi sa kanila ang mga bagay na ito, ay nanahan pa siya sa Galilea.

7:10 Datapuwa't nang mangakaahon na ang kaniyang mga kapatid sa pista, saka naman siya umahon, hindi sa hayag, kundi waring sa lihim.

7:11 Hinahanap nga siya ng mga Judio sa pista, at kanilang sinasabi, Saan naroon siya?

7:12 At nagkaroon ng maraming bulongbulungan tungkol sa kaniya ang karamihan: sinasabi ng ilan, Siya'y taong mabuti; sinasabi ng mga iba, Hindi gayon, kundi inililigaw niya ang karamihan.

7:13 Gayon man ay walang taong nagsasalita ng hayag tungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio.

7:14 Datapuwa't nang ang kapistahan nga'y nasa kalagitnaan na ay umahon si Jesus sa templo, at nagturo.

7:15 Nagsipanggilalas nga ang mga Judio, na nangagsasabi, Paanong nakaaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman nagaral kailan man?

7:16 Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.

7:17 Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili.

7:18 Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ang humahanap ng kaluwalhatian niyaong sa kaniya'y nagsugo, ang gayon ay totoo, at sa kaniya'y walang kalikuan.

7:19 Hindi baga ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan, at gayon ma'y wala sa inyong gumaganap ng kautusan? Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin?

7:20 Sumagot ang karamihan, Mayroon kang demonio: sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?

7:21 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Isang gawa ang aking ginawa, at kayong lahat ay nagsipanggilalas dahil doon.

7:22 Ibinigay sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi sa mga magulang); at tinutuli ninyo sa sabbath ang isang lalake.

7:23 Kung tinatanggap ng lalake ang pagtutuli sa sabbath, upang huwag labagin ang kautusan ni Moises; nangagagalit baga kayo sa akin, dahil sa pinagaling kong lubos ang isang tao sa sabbath?

7:24 Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo ng matuwid na paghatol.

7:25 Sinabi nga ng ilang taga Jerusalem, Hindi baga ito ang kanilang pinagsisikapang patayin?

7:26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at walang anomang sinasabi sila sa kaniya. Napagkikilala kayang tunay ng mga pinuno na ito ang Cristo?

7:27 Gayon man ay nakikilala namin ang taong ito kung taga saan siya: datapuwa't pagparito ng Cristo, sinoma'y walang makakaalam kung taga saan siya.

7:28 Sumigaw nga si Jesus sa templo, na nagtuturo at sinasabi, Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din naman ninyo kung taga saan ako; at hindi ako naparito sa aking sarili, datapuwa't ang nagsugo sa akin ay tunay, na hindi ninyo nakikilala.

7:29 Siya'y nakikilala ko; sapagka't ako'y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin.

7:30 Pinagsisikapan nga nilang siya'y hulihin: at walang taong sumunggab sa kaniya, sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras.

7:31 Datapuwa't sa karamihan ay marami ang nagsisampalataya sa kaniya; at kanilang sinasabi, Pagparito ng Cristo, ay gagawa pa baga siya ng lalong maraming tanda kay sa mga ginawa ng taong ito?

7:32 Nangarinig ng mga Fariseo ang bulongbulungan ng karamihan tungkol sa kaniya; at nangagsugo ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo ng mga punong kawal upang siya'y hulihin.

7:33 Sinabi nga ni Jesus, Makikisama pa ako sa inyong sangdaling panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.

7:34 Hahanapin ninyo ako, at hindi ako masusumpungan: at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon.

7:35 Ang mga Judio nga'y nangagsangusapan, Saan paroroon ang taong ito na hindi natin siya masusumpungan? siya kaya'y paroroon sa nagsisipangalat sa gitna ng mga Griego, at magtuturo sa mga Griego?

7:36 Ano ang salitang ito na kaniyang sinabi, Hahanapin ninyo ako, at hindi ninyo ako masusumpungan; at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon?

7:37 Nang huling araw nga, na dakilang araw ng kapistahan, si Jesus ay tumayo at sumigaw, na nagsasabi, Kung ang sinomang tao'y nauuhaw, ay pumarito siya sa akin, at uminom.

7:38 Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng kasulatan, ay mula sa loob niya ay aagos ang mga ilog ng tubig na buhay.

7:39 (Nguni't ito'y sinalita niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga magsisisampalataya sa kaniya: sapagka't hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu; sapagka't si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.)

7:40 Ang ilan nga sa karamihan, nang marinig ang mga salitang ito, ay nangagsabi, Tunay na ito ang propeta.

7:41 Sinasabi ng mga iba, Ito nga ang Cristo. Datapuwa't sinasabi ng ilan, Ano, sa Galilea baga manggagaling ang Cristo?

7:42 Hindi baga sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni David, at mula sa Bet-lehem, ang nayong kinaroonan ni David?

7:43 Kaya nangyaring nagkaroon ng pagkakabahabahagi sa karamihan dahil sa kaniya.

7:44 At ibig ng ilan sa kanila na siya'y hulihin; datapuwa't walang taong sumunggab sa kaniya.

7:45 Nagsidating nga ang mga punong kawal sa mga pangulong saserdote at sa mga Fariseo; at sinabi nila sa kanila, Bakit hindi ninyo siya dinala?

7:46 Nagsisagot ang mga punong kawal, Kailan ma'y walang taong nagsalita ng gayon.

7:47 Sinagot nga sila ng mga Fariseo, Kayo baga naman ay nangailigaw rin?

7:48 Sumampalataya baga sa kaniya ang sinoman sa mga pinuno, o ang sinoman sa mga Fariseo?

7:49 Datapuwa't ang karamihang ito na hindi nakaaalam ng kautusan ay sinumpa.

7:50 Sinabi sa kanila ni Nicodemo (yaong pumaroon kay Jesus nang una, na isa sa kanila),

7:51 Hinahatulan baga ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya muna'y dinggin at talastasin kung ano ang kaniyang ginagawa?

7:52 Sila'y nagsisagot at sinabi sa kaniya, Ikaw baga'y taga Galilea rin? Siyasatin mo, at tingnan mo na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.

7:53 Ang bawa't tao'y umuwi sa kanikaniyang sariling bahay:

8:1 Datapuwa't si Jesus ay napasa bundok ng mga Olivo.

8:2 At pagka umaga ay nagbalik siya sa templo, at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya; at siya'y naupo, at sila'y tinuruan.

8:3 At dinala sa kaniya ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pangangalunya; at nang mailagay siya sa gitna,

8:4 Ay sinabi nila sa kaniya, Guro, nahuli ang babaing ito sa kasalukuyan ng pangangalunya.

8:5 Sa kautusan nga ay ipinagutos sa amin ni Moises na batuhin ang mga ganyan: ano nga ang iyong sabi tungkol sa kaniya?

8:6 At ito'y kanilang sinabi, na siya'y sinusubok, upang sa kaniya'y may maisumbong sila. Datapuwa't yumuko si Jesus, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa.

8:7 Datapuwa't nang sila'y nangagpatuloy ng pagtatanong sa kaniya, ay umunat siya, at sa kanila'y sinabi, Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kaniya.

8:8 At muli siyang yumuko, at sumulat ng kaniyang daliri sa lupa.

8:9 At sila, nang ito'y kanilang marinig, ay nagsialis na isa-isa, na nagpasimula sa katandatandaan, hanggang sa kahulihulihan: at iniwang magisa si Jesus at ang babae, sa kinaroroonan nito, sa gitna.

8:10 At umunat si Jesus, at sa kaniya'y sinabi, Babae, saan sila nangaroroon? wala bagang taong humatol sa iyo?

8:11 At sinabi niya, Wala sinoman, Panginoon. At sinabi ni Jesus, Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo'y huwag ka nang magkasala.

8:12 Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.

8:13 Sinabi nga sa kaniya ng mga Fariseo, Nagpapatotoo ka sa iyong sarili; hindi totoo ang patotoo mo.

8:14 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Bagama't ako'y nagpapatotoo sa akin din, ay totoo ang aking patotoo; sapagka't nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako paroroon; datapuwa't hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako paroroon.

8:15 Nagsisihatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kanino mang tao.

8:16 Oo, at kung ako'y humahatol, ang hatol ko'y totoo; sapagka't hindi ako nagiisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin.

8:17 Oo, at sa inyong kautusan ay nasusulat, na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo.

8:18 Ako ang nagpapatotoo sa akin din, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo sa akin.

8:19 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Saan naroroon ang iyong Ama? Sumagot si Jesus, Hindi ninyo nakikilala ako, ni ang aking Ama: kung ako'y inyong makilala, ay makikilala rin ninyo ang aking Ama.

8:20 Sinalita niya ang mga salitang ito sa dakong kabang-yaman, nang nagtuturo siya sa templo: at walang taong humuli sa kaniya; sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras.

8:21 Muli ngang sinabi niya sa kanila, Yayaon ako, at ako'y inyong hahanapin, at mangamamatay kayo sa inyong kasalanan: sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon.

8:22 Sinabi nga ng mga Judio, Siya kaya'y magpapakamatay, sapagka't kaniyang sinabi, Sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon.

8:23 At sa kanila'y kaniyang sinabi, Kayo'y mga taga ibaba; ako'y taga itaas: kayo'y mga taga sanglibutang ito; ako'y hindi taga sanglibutang ito.

8:24 Sinabi ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.

8:25 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Sino ka baga? Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya rin na sinalita ko sa inyo mula pa nang una.

8:26 Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya'y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan.

8:27 Hindi nila napagunawa na tungkol sa Ama ang kaniyang sinasalita sa kanila.

8:28 Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama.

8:29 At ang nagsugo sa akin ay sumasa akin; hindi niya ako binayaang nagiisa; sapagka't ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya'y nakalulugod.

8:30 Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito, ay maraming nagsisampalataya sa kaniya.

8:31 Sinabi nga ni Jesus sa mga Judiong yaon na nagsisisampalataya sa kaniya, Kung kayo'y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad ko;

8:32 At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo.

8:33 Sa kaniya'y kanilang isinagot, Kami'y binhi ni Abraham, at kailan ma'y hindi pa naging alipin ninomang tao: paanong sinasabi mo, Kayo'y magiging laya?

8:34 Sinagot sila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't nagkakasala ay alipin ng kasalanan.

8:35 At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailan man: ang anak ang nananahan magpakailan man.

8:36 Kung palayain nga kayo ng Anak, kayo'y magiging tunay na laya.

8:37 Talastas ko na kayo'y binhi ni Abraham; gayon ma'y pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagka't ang salita ko'y hindi magkasiya sa inyo.

8:38 Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama: at ginagawa rin ninyo ang mga bagay na inyong narinig sa inyong Ama.

8:39 Sila'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Si Abraham ang aming ama. Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Kung kayo'y mga anak ni Abraham, ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.

8:40 Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham.

8:41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama. Sinabi nila sa kaniya, Hindi kami inianak sa pakikiapid; may isang Ama kami, ang Dios.

8:42 Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka't ako'y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka't hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako.

8:43 Bakit hindi ninyo napaguunawa ang aking pananalita? sapagka't hindi ninyo mangyayaring dinggin ang aking salita.

8:44 Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito.

8:45 Nguni't dahil sa sinasabi ko ang katotohanan, ay hindi ninyo ako sinasampalatayanan.

8:46 Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi ninyo ako sinasampalatayanan?

8:47 Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios.

8:48 Nagsisagot ang mga Judio at sa kaniya'y sinabi, Hindi baga magaling ang aming pagkasabi na ikaw ay isang Samaritano, at mayroon kang demonio?

8:49 Sumagot si Jesus, Ako'y walang demonio; kundi pinapupurihan ko ang aking Ama, at ako'y inyong sinisiraan ng puri.

8:50 Nguni't hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian: may isang humahanap at humahatol.

8:51 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi siya makakakita magpakailan man ng kamatayan.

8:52 Sinabi ng mga Judio sa kaniya, Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonio. Namatay si Abraham, at ang mga propeta; at sinasabi mo, Kung ang sinoman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailan man ang kamatayan.

8:53 Dakila ka pa baga sa aming amang Abraham, na namatay? at nangamatay ang mga propeta: sino ang ipinalalagay mo sa iyong sarili?

8:54 Sumagot si Jesus, Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang anoman: ang aking Ama'y siyang lumuluwalhati sa akin; na tungkol sa kaniya'y sinasabi ninyo, na siya'y inyong Dios;

8:55 At hindi ninyo siya napagkilala: nguni't nakikilala ko siya; at kung aking sasabihin, na hindi ko siya nakikilala, ay ako'y matutulad sa inyo, na sinungaling: datapuwa't nakikilala ko siya, at tinutupad ko ang kaniyang salita.

8:56 Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita ang aking araw; at nakita niya, at natuwa.

8:57 Sinabi nga sa kaniya ng mga Judio, Wala ka pang limangpung taon, at nakita mo si Abraham?

8:58 Sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga.

8:59 Sila nga'y nagsidampot ng mga bato upang ihagis sa kaniya: datapuwa't nagtago si Jesus, at lumabas sa templo.

9:1 At sa pagdaraan niya, ay nakita niya ang isang lalaking bulag mula sa kaniyang kapanganakan.

9:2 At itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, upang siya'y ipanganak na bulag?

9:3 Sumagot si Jesus, Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, ni ang kaniyang mga magulang man: kundi upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios.

9:4 Kinakailangan nating gawin ang mga gawa niyaong nagsugo sa akin, samantalang araw: dumarating ang gabi, na walang taong makagagawa.

9:5 Samantalang ako'y nasa sanglibutan, ako ang ilaw ng sanglibutan.

9:6 Nang masabi niya ang ganito, siya'y lumura sa lupa, at pinapagputik ang lura, at pinahiran ang mga mata niya ng putik,

9:7 At sinabi sa kaniya, Humayo ka, maghugas ka sa tangke ng Siloe (na kung liliwanagin ay Sinugo). Siya nga'y humayo, at naghugas, at nagbalik na nakakakita.

9:8 Ang mga kapitbahay nga, at ang nangakakita sa kaniya nang una, na siya'y pulubi, ay nangagsabi, Hindi baga ito ang nauupo at nagpapalimos?

9:9 Sinabi ng mga iba, Siya nga: sinabi ng mga iba, Hindi, kundi nakakamukha niya. Sinabi niya, Ako nga.

9:10 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Paano nga ang pagkadilat ng iyong mga mata?

9:11 Sumagot siya, Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, at pinahiran ang aking mga mata, at sinabi sa akin, Humayo ka sa Siloe, at maghugas ka: kaya't ako'y humayo at naghugas, at ako'y tumanggap ng paningin.

9:12 At sinabi nila sa kaniya, Saan naroon siya? Sinabi niya, Hindi ko nalalaman.

9:13 Dinala nila sa mga Fariseo siya na nang una'y bulag.

9:14 Araw nga ng sabbath nang gumawa ng putik si Jesus, at padilatin ang kaniyang mga mata.

9:15 Muli ngang tinanong naman siya ng mga Fariseo kung paanong tumanggap siya ng kaniyang paningin. At sinabi niya sa kanila, Nilagyan niya ng putik ang ibabaw ng aking mga mata, at naghugas ako, at ako'y nakakakita.

9:16 Ang ilan nga sa mga Fariseo ay nangagsabi, Ang taong ito'y hindi galing sa Dios, sapagka't hindi nangingilin sa sabbath. Datapuwa't sinasabi ng mga iba, Paano bagang makagagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan? At nagkaroon ng pagkakabahabahagi sa gitna nila.

9:17 Muling sinabi nga nila sa bulag, Ano ang sabi mo tungkol sa kaniya, na siyang nagpadilat ng iyong mga mata? At kaniyang sinabi, Siya'y isang propeta.

9:18 Hindi nga nagsipaniwala ang mga Judio tungkol sa kaniya, na siya'y naging bulag, at tumanggap ng kaniyang paningin, hanggang sa kanilang tinawag ang mga magulang niyaong tumanggap ng kaniyang paningin,

9:19 At nangagtanong sa kanila, na sinasabi, Ito baga ang inyong anak, na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? paano ngang nakakakita siya ngayon?

9:20 Nagsisagot ang kaniyang mga magulang, at nangagsabi, Nalalaman naming ito'y aming anak, at siya'y ipinanganak na bulag:

9:21 Datapuwa't kung paanong siya'y nakakakita ngayon, ay hindi namin nalalaman; o kung sino ang nagpadilat ng kaniyang mga mata, ay hindi namin nalalaman: tanungin siya; siya'y may gulang na; siya'y magsasalita para sa sarili niya.

9:22 Ang mga bagay na ito'y sinabi ng kaniyang mga magulang, sapagka't nangatatakot sa mga Judio: sapagka't pinagkaisahan na ng mga Judio, na kung ang sinomang tao'y ipahayag siya na siya ang Cristo, ay palayasin siya sa sinagoga.

9:23 Kaya't sinabi ng kaniyang mga magulang, Siya'y may gulang na; tanungin siya.

9:24 Dahil dito'y tinawag nilang bilang ikalawa ang taong naging bulag, at sinabi sa kaniya, Luwalhatiin mo ang Dios: nalalaman naming makasalanan ang taong ito.

9:25 Sumagot nga siya, Kung siya'y makasalanan ay hindi ko nalalaman: isang bagay ang nalalaman ko, na, bagaman ako'y naging bulag, ngayo'y nakakakita ako.

9:26 Sinabi nga nila sa kaniya, Ano ang ginawa niya sa iyo? paano ang pagkapadilat niya sa iyong mga mata?

9:27 Sinagot niya sila, Kasasabi ko lamang sa inyo, at hindi ninyo pinakinggan; bakit ibig ninyong marinig uli? ibig baga naman ninyong kayo'y maging mga alagad niya?

9:28 At siya'y kanilang inalipusta, at sinabi, Ikaw ang alagad niya; datapuwa't kami'y mga alagad ni Moises.

9:29 Nalalaman naming nagsalita ang Dios kay Moises: datapuwa't tungkol sa taong ito, ay hindi namin nalalaman kung taga saan siya.

9:30 Sumagot ang tao at sa kanila'y sinabi, Narito nga ang kagilagilalas, na hindi ninyo nalalaman kung siya'y taga saan, at gayon ma'y pinadilat niya ang aking mga mata.

9:31 Nalalaman naming hindi pinakikinggan ng Dios ang mga makasalanan: datapuwa't kung ang sinomang tao'y maging mananamba sa Dios, at ginagawa ang kaniyang kalooban, siya'y pinakikinggan niya.

9:32 Buhat nang lalangin ang sanglibutan ay hindi narinig kailan man na napadilat ng sinoman ang mga mata ng isang taong ipinanganak na bulag.

9:33 Kung ang taong ito'y hindi galing sa Dios, ay hindi makagagawa ng anoman.

9:34 Sila'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Ipinanganak kang lubos sa mga kasalanan, at ikaw baga ang nagtuturo sa amin? At siya'y pinalayas nila.

9:35 Nabalitaan ni Jesus na siya'y pinalayas nila; at pagkasumpong sa kaniya, ay sinabi niya, Sumasampalataya ka baga sa Anak ng Dios?

9:36 Sumagot siya at sinabi. At sino baga siya, Panginoon, upang ako'y sumampalataya sa kaniya?

9:37 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Siya'y nakita mo na, at siya nga na nakikipagsalitaan sa iyo.

9:38 At sinabi niya, Panginoon, sumasampalataya ako. At siya'y sinamba niya.

9:39 At sinabi ni Jesus, Sa paghatol ay naparito ako sa sanglibutang ito, upang ang mga hindi nakakakita ay mangakakita; at upang ang mga nakakakita, ay maging mga bulag.

9:40 Yaong mga Fariseo na kasama niya ay nangakarinig ng mga bagay na ito, at sinabi sa kaniya, Kami baga naman ay mga bulag din?

9:41 Sa kanila'y sinabi ni Jesus, Kung kayo'y mga bulag, ay hindi kayo magkakaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayo'y sinasabi ninyo, Kami'y nangakakakita: nananatili ang inyong kasalanan.

10:1 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang gayon ay tulisan at magnanakaw.

10:2 Datapuwa't ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastor ng mga tupa.

10:3 Binubuksan siya ng bantaypinto; at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig: at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid sa labas.

10:4 Pagka nailabas na niya ang lahat ng sariling kaniya, ay pinangungunahan niya sila, at nagsisisunod sa kaniya ang mga tupa: sapagka't nakikilala nila ang kaniyang tinig.

10:5 At sa iba'y hindi sila magsisisunod, kundi magsisitakas sa kaniya: sapagka't hindi nila nakikilala ang tinig ng mga iba.

10:6 Sinalita ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: datapuwa't hindi nila napagunawa kung anong mga bagay ang sa kanila'y sinasalita.

10:7 Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa.

10:8 Ang lahat ng nangauna sa aking nagsiparito ay mga magnanakaw at mga tulisan: datapuwa't hindi sila dininig ng mga tupa.

10:9 Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan.

10:10 Hindi pumaparito ang magnanakaw, kundi upang magnakaw, at pumatay, at pumuksa: ako'y naparito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.

10:11 Ako ang mabuting pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa.

10:12 Ang nagpapaupa, at hindi ang pastor, na hindi may-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo, at pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas, at inaagaw sila ng lobo, at pinapangangalat:

10:13 Siya'y tumatakas sapagka't siya'y upahan, at hindi ipinagmamalasakit ang mga tupa.

10:14 Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako,

10:15 Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa.

10:16 At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.

10:17 Dahil dito'y sinisinta ako ng Ama, sapagka't ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli.

10:18 Sinoma'y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli. Tinanggap ko ang utos na ito sa aking Ama.

10:19 At muling nagkaroon ng isang pagbabahabahagi sa gitna ng mga Judio dahil sa mga salitang ito.

10:20 At sinasabi ng marami sa kanila, Mayroon siyang demonio, at siya'y nauulol; bakit ninyo siya pinakikinggan?

10:21 Sinasabi ng mga iba, Hindi sa inaalihan ng demonio ang mga sabing ito. Maaari bagang ang demonio ay makapagpadilat ng mga mata ng bulag?

10:22 At niyao'y kapistahan ng pagtatalaga sa Jerusalem:

10:23 Noo'y tagginaw; at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Salomon.

10:24 Nilibot nga siya ng mga Judio, at sa kaniya'y sinabi, Hanggang kailan mo pa baga pagaalinlanganin kami? Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mong maliwanag sa amin.

10:25 Sinagot sila ni Jesus, Sinabi ko sa inyo, at hindi kayo nagsisampalataya: ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama, ay siyang nangagpapatotoo sa akin.

10:26 Datapuwa't hindi kayo nagsisampalataya, sapagka't hindi kayo sa aking mga tupa.

10:27 Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin:

10:28 At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay.

10:29 Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kay sa lahat; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama.

10:30 Ako at ang Ama ay iisa.

10:31 Nagsidampot uli ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin.

10:32 Sinagot sila ni Jesus, Maraming mabubuting gawa na mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin sa mga gawang yaon ang ibinabato ninyo sa akin?

10:33 Sinagot siya ng mga Judio, Hindi dahil sa mabuting gawa ay binabato ka namin, kundi sa pamumusong; at sapagka't ikaw, bagaman ikaw ay tao, ay nagpapakunwari kang Dios.

10:34 Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga nasusulat sa inyong kautusan, Aking sinabi, Kayo'y mga dios?

10:35 Kung tinawag niyang mga dios, yaong mga dinatnan ng salita ng Dios (at hindi mangyayaring sirain ang kasulatan),

10:36 Sinasabi baga ninyo tungkol sa kaniya, na pinabanal ng Ama at sinugo sa sanglibutan, Ikaw ay namumusong; sapagka't sinasabi ko, Ako ang anak ng Dios?

10:37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag ninyo akong sampalatayanan.

10:38 Datapuwa't kung ginagawa ko, ang mga yaon kahit hindi kayo magsisampalataya sa akin, ay magsisampalataya kayo sa mga gawa; upang maalaman ninyo at mapagunawa na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama.

10:39 Muling pinagsikapan nilang siya'y hulihin: at siya'y tumakas sa kanilang mga kamay.

10:40 At siya'y muling naparoon sa dako pa roon ng Jordan sa dako nang una'y pinagbautismuhan ni Juan; at siya'y tumira doon.

10:41 At marami ang mga nagsiparoon sa kaniya; at kanilang sinabi, Katotohanang si Juan ay hindi gumawa ng tanda: nguni't lahat ng mga bagay na sinalita ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.

10:42 At marami ang mga nagsisampalataya sa kaniya roon.

11:1 Isang tao nga na may-sakit, si Lazaro na taga Betania, na nayon ni Maria at ni Marta na kaniyang kapatid.

11:2 At ito'y yaong si Maria na nagpahid sa Panginoon ng unguento, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok, na ang kaniyang kapatid na si Lazaro ay may-sakit.

11:3 Nagpasugo nga sa kaniya ang mga kapatid na babae, na nagsasabi, Panginoon, narito, siya na iyong iniibig ay may-sakit.

11:4 Nguni't pagkarinig ni Jesus nito, ay sinabi niya, Ang sakit na ito'y hindi sa ikamamatay, kundi sa ikaluluwalhati ng Dios, upang ang Anak ng Dios ay luwalhatiin sa pamamagitan niyaon.

11:5 Iniibig nga ni Jesus si Marta, at ang kaniyang kapatid na babae, at si Lazaro.

11:6 Nang mabalitaan nga niya na siya'y may-sakit, siya'y tumahang dalawang araw nang panahong yaon sa dating kinaroroonan niya.

11:7 Saka pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, Tayo nang muli sa Judea.

11:8 Sinabi sa kaniya ng mga alagad, Rabi, ngayo'y pinagsisikapang batuhin ka ng mga Judio; at muli kang paroroon doon?

11:9 Sumagot si Jesus, Hindi baga ang araw ay may labingdalawang oras? Kung ang isang tao'y lumalakad samantalang araw, ay hindi siya natitisod, sapagka't nakikita niya ang ilaw ng sanglibutang ito.

11:10 Nguni't ang isang taong lumalakad samantalang gabi, ay natitisod siya, sapagka't walang ilaw sa kaniya.

11:11 Ang mga bagay na ito'y sinalita niya: at pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni't ako'y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog.

11:12 Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling.

11:13 Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa't sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog.

11:14 Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus ng malinaw, Si Lazaro ay patay.

11:15 At ikinagagalak ko dahil sa inyo rin na ako'y wala roon, upang kayo'y magsipaniwala; gayon ma'y tayo na sa kaniya.

11:16 Si Tomas nga, na tinatawag na Didimo, ay nagsabi sa mga kapuwa niya alagad, Tayo'y magsiparoon din naman, upang tayo'y mangamatay na kasama niya.

11:17 Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw na siya'y nalilibing.

11:18 Ang Betania nga'y malapit sa Jerusalem, na may layong labing-limang estadio;

11:19 At marami sa mga Judio ang nangakaparoon na kay Marta at kay Maria, upang sila'y aliwin tungkol sa kanilang kapatid.

11:20 Si Marta nga, nang marinig niyang si Jesus ay dumarating, ay yumaon at sumalubong sa kaniya: nguni't si Maria ay nanatiling nakaupo sa bahay.

11:21 Sinabi nga ni Marta kay Jesus, Panginoon, kung ikaw sana'y narito, disin ang kapatid ko ay hindi namatay.

11:22 At ngayon man nama'y nalalaman ko na, anomang hingin mo sa Dios, ay ipagkakaloob sa iyo ng Dios.

11:23 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magbabangon uli ang iyong kapatid.

11:24 Si Marta ay nagsabi sa kaniya, Nalalaman ko na siya'y magbabangon uli sa pagkabuhay na maguli sa huling araw.

11:25 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya;

11:26 At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man. Sinasampalatayanan mo baga ito?

11:27 Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon: sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang naparirito sa sanglibutan.

11:28 At nang masabi na niya ito, ay yumaon siya, at tinawag ng lihim si Maria na kapatid niya, na sinasabi, Ang Guro ay narito, at tinatawag ka.

11:29 At siya, nang marinig niya ito, ay nagtindig na madali, at pumaroon sa kaniya.

11:30 (Hindi pa nga dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa dakong kinasalubungan sa kaniya ni Marta.)

11:31 Ang mga Judio nga na kaniyang mga kasama sa bahay, at nangagsisialiw sa kaniya, pagkakita nilang si Maria, na siya'y nagtindig na madali at lumabas, ay nagsisunod sa kaniya, na inaakalang paroroon siya sa libingan upang doo'y tumangis.

11:32 Si Maria nga, pagdating niya sa kinaroroonan ni Jesus, at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa sa kaniyang paanan, na sinabi sa kaniya, Panginoon, kung ikaw sana'y narito, disin ay hindi namatay ang aking kapatid.

11:33 Nang makita nga ni Jesus na siya'y tumatangis, at gayon din ang mga Judiong nagsisitangis na kasama niyang dumating, ay nalagim siya sa espiritu, at nagulumihanan,

11:34 At sinabi, Saan ninyo siya inilagay? Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, halika at tingnan mo.

11:35 Tumangis si Jesus.

11:36 Sinabi nga ng mga Judio, Tingnan ninyo kung gaano ang pagibig niya sa kaniya!

11:37 Datapuwa't ang ilan sa kanila'y nagsipagsabi, Hindi baga magagawa ng taong ito, na nagpadilat ng mga mata ng bulag, na ang taong ito naman ay huwag mamatay?

11:38 Si Jesus nga sa muling pagkalagim sa kaniyang sarili ay naparoon sa libingan. Yaon nga'y isang yungib, at mayroong isang batong nakatakip sa ibabaw noon.

11:39 Sinabi ni Jesus, Alisin ninyo ang bato. Si Marta, na kapatid niyaong namatay, ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, sa ngayon ay nabubulok na ang bangkay sapagka't may apat na araw nang siya'y namamatay.

11:40 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Di baga sinabi ko sa iyo, na, kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Dios?

11:41 Kaya't inalis nila ang bato. At itiningin ni Jesus sa itaas ang kaniyang mga mata, at sinabi, Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, na ako'y iyong dininig.

11:42 At nalalaman ko na ako'y lagi mong dinirinig: nguni't ito'y sinabi ko dahil sa karamihang nasa palibot, upang sila'y magsisampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin.

11:43 At nang masabi niya ang gayon, ay sumigaw siya ng malakas na tinig, Lazaro, lumabas ka.

11:44 Siya na patay ay lumabas, na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panglibing; at ang kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya'y inyong kalagan, at bayaan ninyo siyang yumaon.

11:45 Marami nga sa mga Judio ang nagsiparoon kay Maria at nangakakita ng ginawa niya, ay nagsisampalataya sa kaniya.

11:46 Datapuwa't ang ilan sa kanila ay nagsiparoon sa mga Fariseo, at sinaysay sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.

11:47 Ang mga pangulong saserdote nga at ang mga Fariseo ay nangagpulong, at nagsipagsabi, Ano ang ginagawa natin? sapagka't ang taong ito'y gumagawa ng maraming tanda.

11:48 Kung siya'y ating pabayaang gayon, ang lahat ng mga tao ay magsisisampalataya sa kaniya: at magsisiparito ang mga Romano at pagkukunin ang ating kinaroroonan at gayon din naman ang ating bansa.

11:49 Nguni't ang isa sa kanila na si Caifas, na dakilang saserdote nang taong yaon, ay nagsabi sa kanila, Kayo'y walang nalalamang anoman.

11:50 Ni inyong niwawari na sa inyo'y nararapat na ang isang tao ay mamatay dahil sa bayan, at hindi ang buong bansa ay mapahamak.

11:51 Ito nga'y sinabi niya na hindi sa kaniyang sarili: kundi palibhasa ay dakilang saserdote nang taong yaon, ay hinulaan niya na si Jesus ay dapat mamatay dahil sa bansa;

11:52 At hindi dahil sa bansa lamang, kundi upang matipon din naman niya sa isa ang mga anak ng Dios na nagsisipangalat.

11:53 Kaya't mula nang araw na yaon ay pinagsanggunianan nilang ipapatay siya.

11:54 Si Jesus ay hindi na naglalakad ng hayag sa gitna ng mga Judio, kundi naparoon doon sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim; at siya'y nanahanan doong kasama ng mga alagad.

11:55 Ang paskua nga ng mga Judio ay malapit na: at maraming nagsiahon sa Jerusalem mula sa lupaing yaon bago magpaskua, upang magsipaglinis.

11:56 Pinaghahanap nga nila si Jesus, at pinaguusapan ng isa't isa, samantalang nangakatayo sila sa templo, Anong akala ninyo? Na hindi na kaya siya paririto sa pista?

11:57 Ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo nga ay nangagutos, na, kung ang sinomang tao'y nakakaalam ng kung saan siya naroroon, ay dapat niyang ihayag, upang kanilang madakip siya.

12:1 Anim na araw nga bago magpaskua ay naparoon si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay.

12:2 Kaya't iginawa siya doon ng isang hapunan: at si Marta ay naglilingkod; datapuwa't si Lazaro ay isa sa nangakaupo sa pagkain na kasalo niya.

12:3 Si Maria nga'y kumuha ng isang libra ng unguentong taganas na nardo, na totoong mahalaga, at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok: at ang bahay ay napuno ng amoy ng unguento.

12:4 Datapuwa't si Judas Iscariote, na isa sa kaniyang mga alagad, na sa kaniya'y magkakanulo, ay nagsabi,

12:5 Bakit hindi ipinagbili ang unguentong ito ng tatlong daang denario, at ibigay sa mga dukha?

12:6 Ito'y sinabi nga niya, hindi sapagka't ipinagmalasakit niya ang mga dukha; kundi sapagka't siya'y magnanakaw, at yamang nasa kaniya ang supot ay kinukuha niya ang doon ay inilalagay.

12:7 Sinabi nga ni Jesus, Pabayaan ninyong ilaan niya ito ukol sa araw ng paglilibing sa akin.

12:8 Sapagka't ang mga dukha ay laging nasa inyo; nguni't ako'y hindi laging nasa inyo.

12:9 Ang karaniwang mga tao nga sa mga Judio ay naalaman na siya'y naroroon: at sila'y nagsiparoon, hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro naman, na muling ibinangon niya mula sa mga patay.

12:10 Datapuwa't nangagsanggunian ang mga pangulong saserdote upang kanilang maipapatay pati si Lazaro;

12:11 Sapagka't dahil sa kaniya'y marami sa mga Judio ang nagsisialis at nagsisipanampalataya kay Jesus.

12:12 Nang kinabukasan ang isang malaking karamihan na nagsiparoon sa pista, pagkabalita nila na si Jesus ay dumarating sa Jerusalem,

12:13 Ay nagsikuha ng mga palapa ng mga puno ng palma, at nagsilabas na sumalubong sa kaniya, na nagsisigawan, Hosanna: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang Hari ng Israel.

12:14 At si Jesus, pagkasumpong sa isang batang asno, ay sumakay doon, gaya ng nasusulat,

12:15 Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion: narito, ang iyong Hari ay pumaparito, na nakasakay sa isang anak ng asno.

12:16 Ang mga bagay na ito ay hindi napagunawa ng kaniyang mga alagad sa pasimula: nguni't nang si Jesus ay maluwalhati na, ay saka nila naalaala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kaniya, at kanilang ginawa ang mga bagay na ito sa kaniya.

12:17 Ang karamihan ngang kasama niya nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y ibangon sa mga patay, ay siyang nangagpapatotoo.

12:18 Dahil dito rin naman ang karamihan ay nagsiyaon at sumalubong sa kaniya, sapagka't nabalitaan nila na siyang gumawa ng tandang ito.

12:19 Ang mga Fariseo nga'y nangagsangusapan, Tingnan ninyo kung paanong kayo'y walang anomang ikapanaig; narito, ang sanglibutan ay sumusunod sa kaniya.

12:20 Mayroon ngang ilang Griego sa nagsiahon sa kapistahan upang magsisamba:

12:21 Ang mga ito nga'y nagsilapit kay Felipe, na taga Betsaida ng Galilea, at nagsipamanhik sa kaniya, na sinasabi, Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.

12:22 Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres: lumapit si Andres, at si Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.

12:23 At sinagot sila ni Jesus, na nagsasabi, Dumating na ang oras, na ang Anak ng tao ay luluwalhatiin.

12:24 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maliban ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ay natitira siyang magiisa; nguni't kung mamatay, ay nagbubunga ng marami.

12:25 Ang umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang napopoot sa kaniyang buhay sa sanglibutang ito ay maiingatan yaon sa buhay na walang hanggan.

12:26 Kung ang sinomang tao'y naglilingkod sa akin, ay sumunod sa akin; at kung saan ako naroroon, ay doon naman doroon ang lingkod ko: kung ang sinomang tao'y maglingkod sa akin, ay siya'y pararangalan ng Ama.

12:27 Ngayon ay nagugulumihanan ang aking kaluluwa; at ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako sa oras na ito. Nguni't dahil dito ay naparito ako sa oras na ito.

12:28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan. Dumating nga ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.

12:29 Ang karamihan ngang nangaroroon, at nangakarinig, ay nagsipagsabing kumulog: sinabi ng mga iba, Isang anghel ang nakipagusap sa kaniya.

12:30 Sumagot si Jesus at sinabi, Ang tinig na ito'y hindi dumating dahil sa akin, kundi dahil sa inyo.

12:31 Ngayon ang paghatol sa sanglibutang ito: ngayon ang prinsipe ng sanglibutang ito ay palalayasin.

12:32 At ako, kung ako'y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin ko sa akin din.

12:33 Datapuwa't ito'y sinabi niya, na ipinaaalam kung sa anong kamatayan ang ikamamatay niya.

12:34 Sinagot nga siya ng karamihan, Aming narinig sa kautusan na ang Cristo ay lumalagi magpakailan man: at paanong sinasabi mo, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay mataas? sino ang Anak ng taong ito?

12:35 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Kaunting panahon na lamang sasagitna ninyo ang ilaw. Kayo'y magsilakad samantalang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng kadiliman: at ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo.

12:36 Samantalang nasa inyo ang ilaw, ay magsisampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw. Ang mga bagay na ito'y sinalita ni Jesus, at siya'y umalis at nagtago sa kanila.

12:37 Nguni't bagaman gumawa siya sa harap nila ng gayon maraming mga tanda, gayon ma'y hindi sila nagsisampalataya sa kaniya:

12:38 Upang maganap ang salita ng propeta Isaias, na kaniyang sinalita, Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita? At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?

12:39 Dahil dito'y hindi sila makapaniwala, sapagka't muling sinabi ni Isaias,

12:40 Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakaunawa ng kanilang puso At mangagbalik-loob, At sila'y mapagaling ko.

12:41 Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagka't nakita niya ang kaniyang kaluwalhatian; at siya'y nagsalita ng tungkol sa kaniya.

12:42 Gayon man maging sa mga pinuno ay maraming nagsisampalataya sa kaniya; datapuwa't dahil sa mga Fariseo ay hindi nila ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga:

12:43 Sapagka't iniibig nila ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios.

12:44 At si Jesus ay sumigaw at nagsabi, Ang sumasampalataya sa akin, ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin.

12:45 At ang nakakita sa akin, ay nakakita doon sa nagsugo sa akin.

12:46 Ako'y naparito na isang ilaw sa sanglibutan, upang ang sinomang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman.

12:47 At kung ang sinomang tao'y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka't hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan.

12:48 Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya'y hahatol sa huling araw.

12:49 Sapagka't ako'y hindi nagsasalita na mula sa aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain.

12:50 At nalalaman ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng Ama, gayon ko sinasalita.

13:1 Bago nga magpista ng paskua, sa pagkaalam ni Jesus na dumating na ang kaniyang oras ng paglipat niya mula sa sanglibutang ito hanggang sa Ama, sa pagkaibig sa mga kaniya na nangasa sanglibutan, ay inibig niya sila hanggang sa katapusan.

13:2 At habang humahapon, nang mailagay na ng diablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, ang pagkakanulo sa kaniya.

13:3 Si Jesus, sa pagkatalastas na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Dios, at sa Dios din paroroon,

13:4 Ay nagtindig sa paghapon, at itinabi ang kaniyang mga damit; at siya'y kumuha ng isang toalya, at ibinigkis sa kaniyang sarili.

13:5 Nang magkagayo'y nagsalin ng tubig sa kamaw, at pinasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at kinuskos ng toalya na sa kaniya'y nakabigkis.

13:6 Sa gayo'y lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi niya sa kaniya, Panginoon, huhugasan mo baga ang aking mga paa?

13:7 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Ang ginagawa ko'y hindi mo nalalaman ngayon; datapuwa't mauunawa mo pagkatapos.

13:8 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Huwag mong huhugasan ang aking mga paa kailan man. Sinagot siya ni Jesus, Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.

13:9 Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ng aking mga kamay at ang aking ulo.

13:10 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ang napaliguan na ay walang kailangang hugasan maliban ang kaniyang mga paa, sapagka't malinis nang lubos: at kayo'y malilinis na, nguni't hindi ang lahat.

13:11 Sapagka't nalalaman niya ang sa kaniya'y magkakanulo; kaya't sinabi niya, Hindi kayong lahat ay malilinis.

13:12 Kaya't nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kaniyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, Nalalaman baga ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?

13:13 Tinatawag ninyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka't ako nga.

13:14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa't isa.

13:15 Sapagka't kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.

13:16 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon; ni ang sinugo man ay dakila kay sa nagsugo sa kaniya.

13:17 Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin.

13:18 Hindi ko sinasalita tungkol sa inyong lahat: nalalaman ko ang aking mga hinirang: nguni't upang matupad ang kasulatan, Ang kumakain ng aking tinapay ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.

13:19 Mula ngayon ay sinasalita ko sa inyo bago mangyari, upang, pagka nangyari, kayo'y magsisampalataya na ako nga.

13:20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang tumatanggap sa sinoman sinusugo ko ay ako ang tinatanggap; at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.

13:21 Nang masabing gayon ni Jesus, siya'y nagulumihanan sa espiritu, at pinatotohanan, at sinabi, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.

13:22 Ang mga alagad ay nangagtingintinginan, na nangagaalinlangan kung kanino niya sinasalita.

13:23 Sa dulang ay may isa sa kaniyang mga alagad, na minamahal ni Jesus na nakahilig sa sinapupunan ni Jesus.

13:24 Hinudyatan nga siya ni Simon Pedro, at sinabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin kung sino ang sinasalita niya.

13:25 Ang nakahilig nga sa dibdib ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, sino yaon?

13:26 Sumagot nga si Jesus, Yaong aking ipagsawsaw at bigyan ng tinapay ay siya nga. Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote.

13:27 At pagkatapos na maisubo, si Satanas nga ay pumasok sa kaniya. Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, Ang ginagawa mo, ay gawin mong madali.

13:28 Hindi nga natalastas ng sinomang nasa dulang kung sa anong kadahilanan sinalita niya ito.

13:29 Sapagka't iniisip ng ilan, na sapagka't si Judas ang may tangan ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kaniya, Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista; o, magbigay siya ng anoman sa mga dukha.

13:30 Nang kaniya ngang matanggap ang subo ay umalis agad: at noo'y gabi na.

13:31 Nang siya nga'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, Ngayon ay niluluwalhati ang Anak ng tao, at ang Dios ay niluluwalhati sa kaniya:

13:32 At luluwalhatiin siya ng Dios sa kaniyang sarili, at pagdaka'y luluwalhatiin siya niya.

13:33 Maliliit na anak, sumasa inyo pa ako ng kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin: at gaya ng sinabi ko sa mga Judio, Sa paroroonan ko, ay hindi kayo mangakaparoon: gayon ang sinasabi ko sa inyo ngayon.

13:34 Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa.

13:35 Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa.

13:36 Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, saan ka paroroon? Sumagot si Jesus, Sa paroroonan ko, ay hindi ka makasusunod sa akin ngayon: nguni't pagkatapos ay makasusunod ka.

13:37 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko dahil sa inyo.

13:38 Sumagot si Jesus. Ang buhay mo baga'y iyong ibibigay dahil sa akin? Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi titilaok ang manok, hanggang ikaila mo akong makaitlo.

14:1 Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin.

14:2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka't ako'y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan.

14:3 At kung ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.

14:4 At kung saan ako paroroon, ay nalalaman ninyo ang daan.

14:5 Sinabi sa kaniya ni Tomas, Panginoon, hindi namin nalalaman kung saan ka paroroon; paano ngang malalaman namin ang daan?

14:6 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.

14:7 Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong mangakikilala, at siya'y inyong nakita.

14:8 Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin.

14:9 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako'y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama; paanong sinasabi mo, Ipakita mo sa amin ang Ama?

14:10 Hindi ka baga nananampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasalita sa aking sarili: kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

14:11 Magsisampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin: o kungdi kaya'y magsisampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa rin.

14:12 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka't ako'y paroroon sa Ama.

14:13 At ang anomang inyong hingin sa aking pangalan, ay yaon ang aking gagawin, upang ang Ama ay lumuwalhati sa Anak.

14:14 Kung kayo'y magsisihingi ng anoman sa pangalan ko, ay yaon ang aking gagawin.

14:15 Kung ako'y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.

14:16 At ako'y dadalangin sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man,

14:17 Sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan: na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka't hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya'y nakikilala ninyo; sapagka't siya'y tumatahan sa inyo, at sasa inyo.

14:18 Hindi ko kayo iiwang magisa: ako'y paririto sa inyo.

14:19 Kaunti pang panahon, at hindi na ako makikita ng sanglibutan; nguni't inyong makikita ako: sapagka't ako'y nabubuhay, ay mangabubuhay rin naman kayo.

14:20 Sa araw na yao'y makikilala ninyong ako'y nasa aking Ama, at kayo'y nasa akin, at ako'y nasa inyo.

14:21 Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya'y iibigin ko, at ako'y magpapakahayag sa kaniya.

14:22 Si Judas (hindi ang Iscariote) ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, ano't mangyayari na sa amin ka magpapakahayag, at hindi sa sanglibutan?

14:23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Kung ang sinoman ay umiibig sa akin, ay kaniyang tutuparin ang aking salita: at siya'y iibigin ng aking Ama, at kami'y pasasa kaniya, at siya'y gagawin naming aming tahanan.

14:24 Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita: at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

14:25 Ang mga bagay na ito'y sinalita ko sa inyo, samantalang ako'y tumatahang kasama pa ninyo.

14:26 Datapuwa't ang Mangaaliw, sa makatuwid baga'y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo'y aking sinabi.

14:27 Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.

14:28 Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako'y inyong iniibig, kayo'y mangagagalak, dahil sa ako'y pasasa Ama: sapagka't ang Ama ay lalong dakila kay sa akin.

14:29 At ngayon ay sinabi ko sa inyo bago mangyari, upang, kung ito'y mangyari, ay magsisampalataya kayo.

14:30 Hindi na ako magsasalita pa ng marami sa inyo, sapagka't dumarating ang prinsipe ng sanglibutan: at siya'y walang anoman sa akin;

14:31 Datapuwa't upang maalaman ng sanglibutan na ako'y umiibig sa Ama, at ayon sa kautusang ibinigay sa akin ng Ama, ay gayon din ang aking ginagawa. Magsitindig kayo, at magsialis tayo rito.

15:1 Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang magsasaka.

15:2 Ang bawa't sanga na sa akin ay hindi nagbubunga, ay inaalis niya: at ang bawa't sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga.

15:3 Kayo'y malilinis na sa pamamagitan ng salita na sa inyo'y aking sinalita.

15:4 Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo'y manatili sa akin.

15:5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka't kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa.

15:6 Kung ang sinoman ay hindi manatili sa akin, ay siya'y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at mga titipunin at mga ihahagis sa apoy, at mangasusunog.

15:7 Kung kayo'y magsipanatili sa akin, at ang mga salita ko'y magsipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin, at gagawin sa inyo.

15:8 Sa ganito'y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magsipagbunga ng marami; at gayon kayo'y magiging aking mga alagad.

15:9 Kung paanong inibig ako ng Ama, ay gayon din naman iniibig ko kayo: magsipanatili kayo sa aking pagibig.

15:10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kaniyang pagibig.

15:11 Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang ang aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos.

15:12 Ito ang aking utos, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo.

15:13 Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan.

15:14 Kayo'y aking mga kaibigan, kung gawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo.

15:15 Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin; sapagka't hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon: nguni't tinatawag ko kayong mga kaibigan; sapagka't ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay mga ipinakilala ko sa inyo.

15:16 Ako'y hindi ninyo hinirang, nguni't kayo'y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo'y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga: upang ang anomang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay niya sa inyo.

15:17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo'y mangagibigan sa isa't isa.

15:18 Kung kayo'y kinapopootan ng sanglibutan, ay inyong talastas na ako muna ang kinapootan bago kayo.

15:19 Kung kayo'y taga sanglibutan, ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarili: nguni't sapagka't kayo'y hindi taga sanglibutan, kundi kayo'y hinirang ko sa sanglibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanglibutan.

15:20 Alalahanin ninyo ang salitang sa inyo'y aking sinabi, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon. Kung ako'y kanilang pinagusig, kayo man ay kanilang paguusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din.

15:21 Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagka't hindi nila nakikilala ang sa akin ay nagsugo.

15:22 Kung hindi sana ako naparito at nagsalita sa kanila, ay hindi sila magkakaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayo'y wala na silang madadahilan sa kanilang kasalanan.

15:23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din naman sa aking Ama.

15:24 Kung ako sana'y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinomang iba, ay hindi sana sila nangagkaroon ng kasalanan: datapuwa't ngayon ay kanilang nangakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama.

15:25 Nguni't nangyari ito, upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, Ako'y kinapootan nila na walang kadahilanan.

15:26 Datapuwa't pagparito ng Mangaaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan, na nagbubuhat sa Ama, ay siyang magpapatotoo sa akin:

15:27 At kayo naman ay magpapatotoo, sapagka't kayo'y nangakasama ko buhat pa nang una.

16:1 Ang mga bagay na ito'y aking sinalita sa inyo, upang kayo'y huwag mangatisod.

16:2 Kayo'y palalayasin nila sa mga sinagoga: oo, dumarating ang oras, na ang sinomang pumatay sa inyo ay aakalaing naghahandog siya ng paglilingkod sa Dios.

16:3 At ang mga bagay na ito'y gagawin nila, sapagka't hindi nila nakikilala ang Ama, ni ako man.

16:4 Datapuwa't ang mga bagay na ito'y sinalita ko sa inyo, upang kung dumating ang kanilang oras, ay inyong mangaalaala, kung paanong sinabi ko sa inyo. At ang mga bagay na ito'y hindi ko sinabi sa inyo buhat pa nang una, sapagka't ako'y sumasa inyo.

16:5 Datapuwa't ngayong ako'y paroroon sa nagsugo sa akin; at sinoman sa inyo ay walang nagtatanong sa akin, Saan ka paroroon?

16:6 Nguni't sapagka't sinalita ko ang mga bagay na ito sa inyo, ay napuno ng kalumbayan ang inyong puso.

16:7 Gayon ma'y sinasalita ko sa inyo ang katotohanan: Nararapat sa inyo na ako'y yumaon; sapagka't kung hindi ako yayaon, ang Mangaaliw ay hindi paririto sa inyo; nguni't kung ako'y yumaon, siya'y susuguin ko sa inyo.

16:8 At siya, pagparito niya, ay kaniyang susumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan, at sa katuwiran, at sa paghatol:

16:9 Tungkol sa kasalanan, sapagka't hindi sila nagsisampalataya sa akin;

16:10 Tungkol sa katuwiran, sapagka't ako'y paroroon sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita;

16:11 Tungkol sa paghatol, sapagka't ang prinsipe ng sanglibutang ito ay hinatulan na.

16:12 Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni't ngayon ay hindi ninyo mangatitiis.

16:13 Gayon ma'y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka't hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating.

16:14 Luluwalhatiin niya ako: sapagka't kukuha siya sa nasa akin, at sa inyo'y ipahahayag.

16:15 Ang lahat ng mga bagay na nasa Ama ay akin: kaya sinabi ko, na siya'y kukuha sa nasa akin, at sa inyo'y ipahahayag.

16:16 Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita; at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita.

16:17 Ang ilan sa kaniyang mga alagad nga ay nangagsangusapan, Ano itong sinasabi niya sa atin, Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita; at muling sangdali pa, at ako'y inyong makikita: at, Sapagka't ako'y paroroon sa Ama?

16:18 Sinabi nga nila, Ano nga itong sinasabi niya, Sangdali na lamang? Hindi namin nalalaman kung ano ang sinasabi niya.

16:19 Natalastas ni Jesus na sa kaniya'y ibig nilang itanong, at sa kanila'y sinabi niya, Nangagtatanungan kayo tungkol dito sa aking sinabi, Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sangdali pa, at ako'y inyong makikita?

16:20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo'y magsisiiyak at magsisipanaghoy, datapuwa't ang sanglibutan ay magagalak: kayo'y mangalulumbay, datapuwa't ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan.

16:21 Ang babae pagka nanganganak ay nalulumbay, sapagka't dumating ang kaniyang oras: nguni't pagkapanganak niya sa sanggol, ay hindi na niya naalaala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanglibutan.

16:22 At kayo nga sa ngayon ay may kalumbayan: nguni't muli ko kayong makikita, at magagalak ang inyong puso, at walang makapagaalis sa inyo ng inyong kagalakan.

16:23 At sa araw na yaon ay hindi kayo magtatanong sa akin ng anomang tanong. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y hihingi ng anoman sa Ama, ay ibibigay niya sa inyo sa aking pangalan.

16:24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihinging anoman sa pangalan ko: kayo'y magsihingi, at kayo'y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan.

16:25 Sinalita ko sa inyo ang mga bagay na ito sa malalabong pananalita: darating ang oras, na hindi ko na kayo pagsasalitaan sa malalabong pananalita, kundi maliwanag na sa inyo'y sasaysayin ko ang tungkol sa Ama.

16:26 Sa araw na yao'y magsisihingi kayo sa aking pangalan: at sa inyo'y hindi ko sinasabi, na kayo'y idadalangin ko sa Ama;

16:27 Sapagka't ang Ama rin ang umiibig sa inyo, sapagka't ako'y inyong inibig, at kayo'y nagsisampalataya na ako'y nagbuhat sa Ama.

16:28 Nagbuhat ako sa Ama, at naparito ako sa sanglibutan: muling iniiwan ko ang sanglibutan, at ako'y paroroon sa Ama.

16:29 Sinasabi ng kaniyang mga alagad, Narito, ngayo'y nagsasalita kang malinaw, at wala kang sinasalitang anomang malabong pananalita.

16:30 Ngayon ay nakikilala namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay, at hindi nangangailangan na tanungin ka ng sinoman: dahil dito'y nagsisisampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Dios.

16:31 Sinagot sila ni Jesus, Ngayon baga'y nagsisisampalataya kayo?

16:32 Narito, ang oras ay dumarating, oo, dumating na, na kayo'y mangangalat, ang bawa't tao sa kanikaniyang sarili, at ako'y iiwan ninyong magisa: at gayon ma'y hindi ako nagiisa, sapagka't ang Ama ay sumasa akin.

16:33 Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo'y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni't laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.

17:1 Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak:

17:2 Gaya ng ibinigay mo sa kaniya ang kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya.

17:3 At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.

17:4 Niluwalhati kita sa lupa, pagkaganap ko ng gawa na ipinagawa mo sa akin.

17:5 At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyo rin ng kaluwalhatiang aking tinamo sa iyo bago ang sanglibutan ay naging gayon.

17:6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: sila'y iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin; at tinupad nila ang iyong salita.

17:7 Ngayon ay nangakilala nila na ang lahat ng mga bagay na sa akin ay ibinigay mo ay mula sa iyo:

17:8 Sapagka't ang mga salitang sa akin ay ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; at kanilang tinanggap, at nangakilala nilang tunay na nagbuhat ako sa iyo, at nagsipaniwalang ikaw ang nagsugo sa akin.

17:9 Idinadalangin ko sila: hindi ang sanglibutan ang idinadalangin ko, kundi yaong mga sa akin ay ibinigay mo; sapagka't sila'y iyo:

17:10 At ang lahat ng mga bagay ay iyo, at ang mga iyo ay akin: at ako'y lumuluwalhati sa kanila.

17:11 At wala na ako sa sanglibutan, at ang mga ito ay nasa sanglibutan, at ako'y paririyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin.

17:12 Samantalang ako'y sumasa kanila, ay iningatan ko sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin: at sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila'y walang napahamak, kundi ang anak ng kapahamakan; upang matupad ang kasulatan.

17:13 Nguni't ngayon ay napaririyan ako sa iyo; at sinasalita ko ang mga bagay na ito sa sanglibutan, upang sila'y mangagtamo ng aking kagalakang ganap sa kanila rin.

17:14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita: at kinapootan sila ng sanglibutan, sapagka't hindi sila taga sanglibutan, gaya ko naman na hindi taga sanglibutan.

17:15 Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanglibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama.

17:16 Hindi sila taga sanglibutan, na gaya ko naman na hindi taga sanglibutan.

17:17 Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan.

17:18 Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanglibutan, sila'y gayon ding sinusugo ko sa sanglibutan.

17:19 At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay mangagpakabanal sa katotohanan.

17:20 Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita;

17:21 Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako'y sa iyo, na sila nama'y suma atin: upang ang sanglibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.

17:22 At ang kaluwalhatiang sa aki'y ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila; upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa;

17:23 Ako'y sa kanila, at ikaw ay sa akin, upang sila'y malubos sa pagkakaisa; upang makilala ng sanglibutan na ikaw ang sa akin ay nagsugo, at sila'y iyong inibig, na gaya ko na inibig mo.

17:24 Ama, yaong mga ibinigay mo sa akin ay ibig ko kung saan ako naroroon, sila naman ay dumoong kasama ko, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa akin: sapagka't ako'y iyong inibig bago natatag ang sanglibutan.

17:25 Oh Amang banal, hindi ka nakikilala ng sanglibutan, nguni't nakikilala kita; at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin;

17:26 At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan, at ipakikilala ko; upang ang pagibig na sa akin ay iniibig mo ay mapasa kanila, at ako'y sa kanila.

18:1 Nang masalita ni Jesus ang mga salitang ito, siya'y umalis na kasama ng kaniyang mga alagad na nagsitawid ng batis ng Cedron, na doo'y may isang halamanan, na pinasok niya at ng kaniyang mga alagad.

18:2 Si Judas nga rin naman, na sa kaniya'y nagkanulo, ay nalalaman ang dako: sapagka't madalas na si Jesus ay nakikipagkatipon sa kaniyang mga alagad doon.

18:3 Si Judas nga, pagkatanggap ng pulutong ng mga kawal, at mga punong kawal na mula sa mga pangulong saserdote at mga Fariseo, ay nagsiparoon na may mga ilawan at mga sulo at mga sandata.

18:4 Si Jesus nga, na nakatataho ng lahat ng mga bagay na sasapit sa kaniya, ay lumabas, at sa kanila'y sinabi, Sino ang inyong hinahanap?

18:5 Sinagot niya sila, Si Jesus na taga Nazaret. Sinabi sa kanila ni Jesus, Ako nga. At si Judas din naman, na sa kaniya'y nagkanulo, ay nakatayong kasama nila.

18:6 Pagkasabi nga niya sa kanila, Ako nga, ay nagsiurong sila, at nangalugmok sa lupa.

18:7 Muli ngang sila'y tinanong niya, Sino ang inyong hinahanap? At sinabi nila, Si Jesus na taga Nazaret.

18:8 Sumagot si Jesus, Sinabi ko sa inyo na ako nga; kung ako nga ang inyong hinahanap, ay pabayaan ninyo ang mga ito na magsiyaon sa kanilang lakad.

18:9 Upang matupad ang salitang sinalita niya, Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ko iniwala kahit isa.

18:10 Si Simon Pedro nga na may tabak ay nagbunot nito, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinagpas ang kaniyang kanang tainga. Ang pangalan ng aliping yaon ay Malco.

18:11 Sinabi nga ni Jesus kay Pedro, Isalong mo ang iyong tabak: ang sarong sa akin ay ibinigay ng Ama, ay hindi ko baga iinuman?

18:12 Kaya dinakip si Jesus ng pulutong at ng pangulong kapitan, at ng mga punong kawal ng mga Judio, at siya'y ginapos.

18:13 At siya'y dinala muna kay Anas; sapagka't siya'y biyenan ni Caifas, na dakilang saserdote nang taong yaon.

18:14 Si Caifas nga na siyang nagpayo sa mga Judio, na dapat na ang isang tao'y mamatay dahil sa bayan.

18:15 At sumunod si Simon Pedro kay Jesus, at gayon din ang isa pang alagad. Ang alagad ngang yaon ay kilala ng dakilang saserdote, at pumasok na kasama ni Jesus sa looban ng dakilang saserdote;

18:16 Nguni't si Pedro ay nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya't ang isang alagad, na kilala ng dakilang saserdote ay lumabas at kinausap ang babaing tanod-pinto, at ipinasok si Pedro.

18:17 Sinabi nga kay Pedro ng dalagang tanod-pinto, Pati baga ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito? Sinabi niya, Ako'y hindi.

18:18 Nangakatayo nga doon ang mga alipin at ang mga punong kawal, na nangagpapaningas ng sigang uling; sapagka't maginaw; at sila'y nangagpapainit: at si Pedro rin naman ay kasama nila, na nakatayo at nagpapainit.

18:19 Tinanong nga ng dakilang saserdote si Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad, at sa kaniyang pagtuturo.

18:20 Sinagot siya ni Jesus, Ako'y hayag na nagsalita sa sanglibutan; ako'y laging nagtuturo sa mga sinagoga, at sa templo, na siyang pinagkakatipunan ng lahat ng mga Judio; at wala akong sinalita sa lihim.

18:21 Bakit ako'y iyong tinatanong? tanungin mo silang nangakarinig sa akin, kung anong sinalita ko sa kanila: narito, ang mga ito ang nangakakaalam ng mga bagay na sinabi ko.

18:22 At nang kaniyang masabi ito, ay sinampal si Jesus ng isa sa mga punong kawal na nakatayo roon, na nagsasabi, Ganyan ang pagsagot mo sa dakilang saserdote?

18:23 Sinagot siya ni Jesus, Kung ako'y nagsalita ng masama, patotohanan mo ang kasamaan; datapuwa't kung mabuti, bakit mo ako sinasampal?

18:24 Ipinadala nga siyang gapos ni Anas kay Caifas na dakilang saserdote.

18:25 Nakatayo nga si Pedro na nagpapainit. Sinabi nga nila sa kaniya, Ikaw baga ay isa rin naman sa kaniyang mga alagad? Siya'y kumaila, at sinabi, Ako'y hindi.

18:26 Ang isa sa mga alipin ng dakilang saserdote, na kamaganak niyaong tinagpas ni Pedro ang tainga, ay nagsabi, Hindi baga ikaw ay nakita kong kasama niya sa halamanan?

18:27 Muli ngang kumaila si Pedro: at pagdaka'y tumilaok ang manok.

18:28 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas hanggang sa Pretorio: at niyao'y maaga pa; at sila'y hindi nagsipasok sa Pretorio, upang huwag silang madungisan, upang sila'y mangyaring makakain ng kordero ng paskua.

18:29 Nilabas nga sila ni Pilato, at sinabi, Anong sakdal ang dala ninyo laban sa taong ito?

18:30 Sila'y nagsisagot at sinabi sa kaniya, Kung ang taong ito'y hindi manggagawa ng masama, ay hindi sana namin dinala sa iyo.

18:31 Sa kanila nga'y sinabi ni Pilato, Kunin ninyo siya, at siya'y inyong hatulan ayon sa inyong kautusan. Ang mga Judio'y nangagsabi sa kaniya, Sa amin ay hindi naaayon sa kautusan na magpapatay ng sinomang tao:

18:32 Upang matupad ang salitang sinalita ni Jesus, na ipinaalam kung sa anong paraan ng kamatayan siya mamamatay.

18:33 Si Pilato nga'y muling pumasok sa Pretorio, at tinawag si Jesus, at sa kaniya'y sinabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio?

18:34 Sumagot si Jesus, Sinasabi mo baga ito sa iyong sarili, o sinabi sa iyo ng mga iba tungkol sa akin?

18:35 Si Pilato ay sumagot, Ako baga'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga pangulong saserdote ang sa iyo'y nagdala sa akin: anong ginawa mo?

18:36 Sumagot si Jesus, Ang kaharian ko ay hindi sa sanglibutang ito: kung ang kaharian ko ay sa sanglibutang ito, ang aking mga alipin nga ay makikipagbaka, upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio: nguni't ngayo'y ang aking kaharian ay hindi rito.

18:37 Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga'y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa't isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.

18:38 Sinabi sa kaniya ni Pilato, Ano ang katotohanan? At nang masabi niya ito ay lumabas siyang muli sa mga Judio, at sa kanila'y sinabi, Wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya.

18:39 Nguni't kayo'y may ugali, na pawalan sa inyo ang isa sa paskua: ibig nga baga ninyong sa inyo'y pawalan ko ang Hari ng mga Judio?

18:40 Sila nga'y nagsigawang muli, na nangagsasabi, Huwag ang taong ito, kundi si Barrabas. Si Barrabas nga'y isang tulisan.

19:1 Nang magkagayon nga'y tinangnan ni Pilato si Jesus, at siya'y hinampas.

19:2 At ang mga kawal ay nangagkamakama ng isang putong na tinik, at ipinutong sa kaniyang ulo, at siya'y sinuutan ng isang balabal na kulay-ube;

19:3 At sila'y nagsilapit sa kaniya, at nangagsabi, Magalak, Hari ng mga Judio! at siya'y kanilang pinagsuntukanan.

19:4 At si Pilato ay lumabas na muli, at sa kanila'y sinabi, Narito, siya'y inilabas ko sa inyo, upang inyong matalastas na wala akong masumpungang anomang kasalanan sa kaniya.

19:5 Lumabas nga si Jesus, na may putong na tinik at balabal na kulay-ube. Sa kanila'y sinabi ni Pilato, Narito, ang tao!

19:6 Pagkakita nga sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga punong kawal, ay sila'y nangagsigawan, na sinasabi, Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus: sapagka't ako'y walang masumpungang kasalanan sa kaniya.

19:7 Nagsisagot sa kaniya ang mga Judio, Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang yaon ay nararapat siyang mamatay, sapagka't siya'y nagpapanggap na Anak ng Dios.

19:8 Pagkarinig nga ni Pilato ng salitang ito, ay lalong sinidlan siya ng takot;

19:9 At siya'y muling pumasok sa Pretorio, at sinabi kay Jesus, Taga saan ka? Nguni't hindi siya sinagot ni Jesus.

19:10 Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Sa akin ay hindi ka nagsasalita? Hindi mo baga nalalaman na ako'y may kapangyarihang sa iyo'y magpawala, at may kapangyarihang sa iyo'y magpako sa krus?

19:11 Sumagot si Jesus sa kaniya, Anomang kapangyarihan ay hindi ka magkakaroon laban sa akin malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas: kaya't ang nagdala sa iyo sa akin ay may lalong malaking kasalanan.

19:12 Dahil dito'y pinagsisikapan ni Pilato na siya'y pawalan: nguni't ang mga Judio ay nagsisigawan, na nangagsasabi, Kung pawalan mo ang taong ito, ay hindi ka kaibigan ni Cesar: ang bawa't isang nagpapanggap na hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar.

19:13 Nang marinig nga ni Pilato ang mga salitang ito, ay inilabas niya si Jesus, at siya'y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Pavimento, datapuwa't sa Hebreo ay Gabbatha.

19:14 Noon nga'y Paghahanda ng paskua: at noo'y magiikaanim ng oras. At sinabi niya sa mga Judio, Narito, ang inyong Hari!

19:15 Sila nga'y nagsigawan, Alisin siya, alisin siya, ipako siya sa krus! Sinabi sa kanila ni Pilato, Ipapako ko baga sa krus ang inyong Hari? Nagsisagot ang mga pangulong saserdote, Wala kaming hari kundi si Cesar.

19:16 Nang magkagayon nga'y ibinigay siya sa kanila upang maipako sa krus.

19:17 Kinuha nga nila si Jesus: at siya'y lumabas, na pasan niya ang krus, hanggang sa dakong tinatawag na Dako ng bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota:

19:18 Na doo'y ipinako nila siya sa krus, at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawa't tagiliran, at si Jesus sa gitna.

19:19 At sumulat din naman si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa ulunan ng krus. At ang nasusulat ay, JESUS NA TAGA NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO.

19:20 Marami nga sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagka't ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa bayan; at ito'y nasusulat sa Hebreo, at sa Latin, at sa Griego.

19:21 Sinabi nga kay Pilato ng mga pangulong saserdote ng mga Judio, Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio; kundi, ang kanyang sinabi, Hari ako ng mga Judio.

19:22 Sumagot si Pilato, Ang naisulat ko ay naisulat ko.

19:23 Ang mga kawal nga, nang si Jesus ay kanilang maipako na sa krus, ay kanilang kinuha ang kaniyang mga kasuutan at pinagapat na bahagi, sa bawa't kawal ay isang bahagi; at gayon din naman ang tunika: at ang tunika ay walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas.

19:24 Nangagsangusapan nga sila, Huwag natin itong punitin, kundi ating pagsapalaranan, kung mapapakanino: upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi, Binahagi nila sa kanila ang aking mga kasuutan, At ang aking balabal ay kanilang pinagsapalaran.

19:25 Ang mga bagay ngang ito ay ginawa ng mga kawal. Datapuwa't nangakatayo sa piling ng krus ni Jesus ang kaniyang ina, at ang kapatid ng kaniyang ina, na si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena.

19:26 Pagkakita nga ni Jesus sa kanyang ina, at sa nakatayong alagad na kaniyang iniibig, ay sinabi niya sa kaniyang ina, Babae, narito, ang iyong anak!

19:27 Nang magkagayo'y sinabi niya sa alagad, Narito, ang iyong ina! At buhat nang oras na yaon ay tinanggap siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.

19:28 Pagkatapos nito, pagkaalam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na nga, upang matupad ang kasulatan, ay sinabi, Nauuhaw ako.

19:29 Mayroon doong isang sisidlang puno ng suka: kaya't naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka sa isang tukod na isopo, at kanilang inilagay sa kaniyang bibig.

19:30 Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, Naganap na: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.

19:31 Ang mga Judio nga, sapagka't noo'y Paghahanda, upang ang mga katawan ay huwag mangatira sa krus sa sabbath (sapagka't dakila ang araw ng sabbath na yaon), ay hiniling nila kay Pilato na mangaumog ang kanilang mga hita, at upang sila'y mangaalis doon.

19:32 Nagsiparoon na ang mga kawal, at inumog ang mga hita ng una, at ng sa isa na ipinako sa krus na kasama niya:

19:33 Nguni't nang magsiparoon sila kay Jesus, at makitang siya'y patay na, ay hindi na nila inumog ang kaniyang mga hita:

19:34 Gayon ma'y pinalagpasan ang kaniyang tagiliran ng isang sibat ng isa sa mga kawal, at pagdaka'y lumabas ang dugo at tubig.

19:35 At ang nakakita ay nagpatotoo, at ang kaniyang patotoo ay totoo: at nalalaman niyang siya'y nagsasabi ng totoo, upang kayo naman ay magsisampalataya.

19:36 Sapagka't ang mga bagay na ito ay nangyari, upang matupad ang kasulatan, Ni isa mang buto niya'y hindi mababali.

19:37 At sinabi naman sa ibang kasulatan, Magsisitingin sila sa kaniya na kanilang pinagulusanan.

19:38 At pagkatapos ng mga bagay na ito si Jose na taga Arimatea, palibhasa'y alagad ni Jesus, bagama't lihim dahil sa katakutan sa mga Judio, ay namanhik kay Pilato na makuha niya ang bangkay ni Jesus; at ipinahintulot ni Pilato sa kaniya. Naparoon nga siya, at inalis ang kaniyang bangkay.

19:39 At naparoon naman si Nicodemo, yaong naparoon nang una sa kaniya nang gabi, na may dalang isang pinaghalong mirra at mga aloe, na may mga isang daang libra.

19:40 Kinuha nga nila ang bangkay ni Jesus, at binalot nila ng mga kayong lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.

19:41 Sa dako nga ng pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan; at sa halamana'y may isang bagong libingan na kailan ma'y hindi pa napaglalagyan ng sinoman.

19:42 Doon nga, dahil sa Paghahanda ng mga Judio (sapagka't malapit ang libingan) ay kanilang inilagay si Jesus.

20:1 Nang unang araw nga ng sanglinggo ay naparoong maaga sa libingan si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, at nakita ang bato na naalis na sa libingan.

20:2 Tumakbo nga siya, at naparoon kay Simon Pedro, at sa isang alagad na iniibig ni Jesus, at sa kanila'y sinabi, Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin maalaman kung saan nila siya inilagay.

20:3 Umalis nga si Pedro, at ang isang alagad, at nagsitungo sa libingan.

20:4 At sila'y kapuwa tumakbong magkasama: at ang isang alagad ay tumakbong matulin kay sa kay Pedro, at dumating na una sa libingan;

20:5 At nang kaniyang tunghan at tingnan ang loob, ay nakita niyang nangakalatag ang mga kayong lino; gayon ma'y hindi siya pumasok sa loob.

20:6 Dumating naman nga si Simon Pedro, na sumusunod sa kaniya, at pumasok sa libingan; at nakita niyang nangakalatag ang mga kayong lino,

20:7 At ang panyo na nasa kaniyang ulo, ay hindi kasamang nakalatag ng mga kayong lino, kundi bukod na natitiklop sa isang tabi.

20:8 Nang magkagayo'y pumasok din naman nga ang isang alagad, na unang dumating sa libingan, at siya'y nakakita at sumampalataya.

20:9 Sapagka't hindi pa nila napaguunawa ang kasulatan, na kinakailangang siya'y muling magbangon sa mga patay.

20:10 Kaya't ang mga alagad ay muling nagsitungo sa kanikanilang sariling tahanan.

20:11 Nguni't si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na umiiyak: sa gayon, samantalang siya'y umiiyak, siya'y yumuko at tumingin sa loob ng libingan;

20:12 At nakita niya ang dalawang anghel na nararamtan na nangakaupo, ang isa'y sa ulunan, at ang isa'y sa paanan, ng kinalalagyan ng bangkay ni Jesus.

20:13 At sinabi nila sa kaniya, Babae, bakit ka umiiyak? Sinabi niya sa kanila, Sapagka't kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko maalaman kung saan nila inilagay siya.

20:14 Pagkasabi niya ng gayon, siya'y lumingon, at nakitang nakatayo si Jesus, at hindi nalalaman na yaon ay si Jesus.

20:15 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap? Siya, sa pagaakalang yao'y maghahalaman, ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin.

20:16 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria. Lumingon siya, at nagsabi sa kaniya sa wikang Hebreo, Raboni; na ang ibig sabihin ay, Guro.

20:17 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.

20:18 Naparoon si Maria Magdalena at sinabi sa mga alagad, Nakita ko ang Panginoon; at kung paanong sinabi niya sa kaniya ang mga bagay na ito.

20:19 Nang kinahapunan nga, nang araw na yaon, na unang araw ng sanglinggo, at nang nangapipinid ang mga pintong kinaroroonan ng mga alagad, dahil sa katakutan sa mga Judio ay dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, Kapayapaan ang sumainyo.

20:20 At nang masabi niya ito, ay kaniyang ipinakita sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang tagiliran. Ang mga alagad nga'y nangagalak, nang makita nila ang Panginoon.

20:21 Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: kung paanong pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko kayo.

20:22 At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo:

20:23 Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; sinomang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad.

20:24 Nguni't si Tomas, isa sa labingdalawa, na tinatawag na Didimo, ay wala sa kanila nang dumating si Jesus.

20:25 Sinabi nga sa kaniya ng ibang mga alagad, Nakita namin ang Panginoon. Nguni't sinabi niya sa kanila, Malibang aking makita sa kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.

20:26 At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kaniyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus, nang nangapipinid ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, Kapayapaan ang sumainyo.

20:27 Nang magkagayo'y sinabi niya kay Tomas, idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo siya sa aking tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.

20:28 Sumagot si Tomas, at sa kaniya'y sinabi, Panginoon ko at Dios ko.

20:29 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Sapagka't ako'y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma'y nagsisampalataya.

20:30 Gumawa rin nga si Jesus ng iba't ibang maraming tanda sa harap ng kaniyang mga alagad, na hindi nangasusulat sa aklat na ito:

20:31 Nguni't ang mga ito ay nangasulat, upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.

21:1 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias; at siya'y napakita sa ganitong paraan.

21:2 Samasama nga si Simon Pedro, at si Tomas na tinatawag na Didimo, at si Natanael na taga Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kaniyang mga alagad.

21:3 Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, Mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya, Kami man ay magsisisama sa iyo. Sila'y nagsiyaon, at nagsilulan sa daong; at nang gabing yaon ay wala silang nahuling anoman.

21:4 Nguni't nang nagbubukang liwayway na, si Jesus ay tumayo sa baybayin: gayon ma'y hindi napagalaman ng mga alagad na yaon ay si Jesus.

21:5 Sa kanila nga'y sinabi ni Jesus, Mga anak, mayroon baga kayong anomang makakain? Nagsisagot sila sa kaniya, Wala.

21:6 At kaniyang sinabi sa kanila, Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng daong, at makakasumpong kayo. Inihulog nga nila, at hindi na nila mahila dahil sa karamihan ng mga isda.

21:7 Yaong alagad nga na iniibig ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, Ang Panginoon nga. Kaya't pagkarinig nga ni Simon Pedro na yao'y ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kaniyang tunika (sapagka't siya'y hubo't hubad), at tumalon sa dagat.

21:8 Datapuwa't ang ibang mga alagad ay nagsilapit sa maliit na daong (sapagka't sila'y hindi lubhang malayo sa lupa, kundi may mga dalawangdaang siko), na hinihila ang lambat na puno ng mga isda.

21:9 Kaya't nang sila'y magsilunsad sa lupa, ay nakakita sila doon ng mga bagang uling, at isda ang nakalagay sa ibabaw, at tinapay.

21:10 Sinabi sa kanila ni Jesus, Mangagdala kayo rito ng mga isdang inyong nangahuli ngayon.

21:11 Umahon nga si Simon Pedro, at hinila ang lambat sa lupa, puno ng malalaking isda, na isang daan at limangpu at tatlo, at sa ganoong karami ay hindi napunit ang lambat.

21:12 Sinabi sa kanila ni Jesus, Magsiparito kayo at mangagpawing gutom. At sinoman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya'y tanungin, Sino ka? sa pagkaalam na yaon ang Panginoon.

21:13 Lumapit si Jesus, at dinampot ang tinapay, at sa kanila'y ibinigay, at gayon din ang isda.

21:14 Ito'y ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y magbangon sa mga patay.

21:15 Kaya't nang mangakapagpawing gutom sila, ay sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Pakanin mo ang aking mga kordero.

21:16 Sinabi niya sa kaniyang muli sa ikalawa, Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi niya sa kaniya, Alagaan mo ang aking mga tupa.

21:17 Sinabi niya sa kaniya sa ikatlo, Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga ako? Nalumbay si Pedro sapagka't sa kaniya'y sinabing makaitlo, Iniibig mo baga ako? At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman mo na kita'y iniibig. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa.

21:18 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Nang ikaw ay bata pa, ikaw ay nagbibihis, at ikaw ay lumalakad kung saan mo ibig; nguni't pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.

21:19 Ito nga'y sinalita niya, na ipinaalam kung sa anong kamatayan ang iluluwalhati niya sa Dios. At pagkasalita niya nito, ay sinabi niya sa kaniya, Sumunod ka sa akin.

21:20 Si Pedro, paglingon, ay nakita yaong alagad na iniibig ni Jesus na sumusunod; na siya ring humilig sa kaniyang dibdib sa paghapon, at nagsabi, Panginoon, sino ang sa iyo'y magkakanulo?

21:21 Pagkakita nga ni Pedro sa kaniya ay nagsabi kay Jesus, Panginoon, at ano ang gagawin ng taong ito?

21:22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo? sumunod ka sa akin.

21:23 Kumalat nga ang sabing ito sa gitna ng mga kapatid, na ang alagad na yaon ay hindi mamamatay: gayon ma'y hindi sinabi ni Jesus, sa kaniya na hindi siya mamamatay; kundi, Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo?

21:24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at sumulat ng mga bagay na ito; at nalalaman namin na ang kaniyang patotoo ay totoo.

21:25 At mayroon ding iba't ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanglibutan ay hindi magkakasiya ang mga aklat na susulatin.


Next: Acts