1:1 Yamang marami ang nagpilit mag-ayos ng isang kasaysayan noong mga bagay na naganap sa gitna natin,
1:2 Alinsunod sa ipinatalos sa atin nilang buhat sa pasimula ay mga saksing nangakakakita at mga ministro ng salita,
1:3 Ay minagaling ko naman, pagkasiyasat na lubos ng pangyayari ng lahat ng mga bagay mula nang una, na isulat sa iyong sunodsunod, kagalanggalang na Teofilo;
1:4 Upang mapagkilala mo ang katunayan tungkol sa mga bagay na itinuro sa iyo.
1:5 Nagkaroon nang mga araw ni Herodes, hari sa Judea, ng isang saserdoteng ang ngala'y Zacarias, sa pulutong ni Abias: at ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron, at ang kaniyang ngala'y Elisabet.
1:6 At sila'y kapuwa matuwid sa harap ng Dios, na nagsisilakad na walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga palatuntunan ng Panginoon.
1:7 At wala silang anak, sapagka't baog si Elisabet, at sila'y kapuwa may pataw ng maraming taon.
1:8 Nangyari nga, na samantalang ginaganap niya ang pagkasaserdote sa harapan ng Dios ayon sa kapanahunan ng kaniyang pulutong,
1:9 Alinsunod sa kaugalian ng tungkuling pagkasaserdote, ay naging palad niya ang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng kamangyan.
1:10 At ang buong karamihan ng mga tao ay nagsisipanalangin sa labas sa oras ng kamangyan.
1:11 At napakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon, na nakatayo sa dakong kanan ng dambana ng kamangyan.
1:12 At nagulumihanan si Zacarias, pagkakita niya sa kaniya, at dinatnan siya ng takot.
1:13 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Zacarias: sapagka't dininig ang daing mo, at ang asawa mong si Elisabet ay manganganak sa iyo ng isang anak na lalake, at tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan.
1:14 At magkakaroon ka ng ligaya at galak; at marami ang maliligaya sa pagkapanganak sa kaniya.
1:15 Sapagka't siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya'y hindi iinom ng alak ni matapang na inumin; at siya'y mapupuspos ng Espiritu Santo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.
1:16 At marami sa mga anak ni Israel, ay papagbabaliking-loob niya sa Panginoon na kanilang Dios.
1:17 At siya'y lalakad sa unahan ng kaniyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papagbaliking-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga suwail ay magsilakad sa karunungan ng mga matuwid, upang ipaglaan ang Panginoon ng isang bayang nahahanda.
1:18 At sinabi ni Zacarias sa anghel, Sa ano malalaman ko ito? sapagka't ako'y matanda na, at ang aking asawa ay may pataw ng maraming taon.
1:19 At pagsagot ng anghel ay sinabi sa kaniya, Ako'y si Gabriel, na nananayo sa harapan ng Dios; at ako'y sinugo upang makipagusap sa iyo, at magdala sa iyo nitong mabubuting balita.
1:20 At narito, mapipipi ka at hindi ka makapangungusap, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito, sapagka't hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na magaganap sa kanilang kapanahunan.
1:21 At hinihintay ng bayan si Zacarias, at nanganggigilalas sila sa kaniyang pagluluwat sa loob ng templo.
1:22 At nang lumabas siya, ay hindi siya makapagsalita sa kanila: at hininagap nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo: at siya'y nagpatuloy ng pakikipagusap sa kanila, sa pamamagitan ng mga hudyat, at nanatiling pipi.
1:23 At nangyari, na nang maganap na ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kaniyang bahay.
1:24 At pagkatapos ng mga araw na ito ay naglihi ang kaniyang asawang si Elisabet; at siya'y lumigpit ng limang buwan, na nagsasabi,
1:25 Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw nang ako'y tingnan niya, upang alisin ang aking pagkaduwahagi sa gitna ng mga tao.
1:26 Nang ikaanim na buwan nga'y sinugo ng Dios ang anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea, ngala'y Nazaret,
1:27 Sa isang dalagang magaasawa sa isang lalake, na ang kaniyang ngala'y Jose, sa angkan ni David; at Maria ang pangalan ng dalaga.
1:28 At pumasok siya sa kinaroroonan niya, at sinabi, Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasa iyo.
1:29 Datapuwa't siya'y totoong nagulumihanan sa sabing ito, at iniisip sa kaniyang sarili kung anong bati kaya ito.
1:30 At sinabi sa kaniya ng anghel, Huwag kang matakot, Maria: sapagka't nakasumpong ka ng biyaya sa Dios.
1:31 At narito, maglilihi ka sa iyong tiyan, at manganganak ka ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalang JESUS.
1:32 Siya'y magiging dakila, at tatawaging Anak ng Kataastaasan: at sa kaniya'y ibibigay ng Panginoong Dios ang luklukan ni David na kaniyang ama:
1:33 At siya'y maghahari sa angkan ni Jacob magpakailan man; at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian.
1:34 At sinabi ni Maria sa anghel, Paanong mangyayari ito, sa ako'y hindi nakakakilala ng lalake?
1:35 At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan: kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios.
1:36 At narito, si Elisabet na iyong kamaganak, ay naglihi rin naman ng isang anak na lalake sa kaniyang katandaan; at ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog.
1:37 Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.
1:38 At sinabi ni Maria, Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel.
1:39 At nang mga araw na ito'y nagtindig si Maria, at nagmadaling napasa lupaing maburol, sa isang bayan ng Juda;
1:40 At pumasok sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elisabet.
1:41 At nangyari, pagkarinig ni Elisabet ng bati ni Maria, ay lumukso ang sanggol sa kaniyang tiyan; at napuspos si Elisabet ng Espiritu Santo;
1:42 At sumigaw siya ng malakas na tinig, at sinabi, Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong tiyan.
1:43 At ano't nangyari sa akin, na ang ina ng aking Panginoon ay pumarito sa akin?
1:44 Sapagka't ganito, pagdating sa aking mga pakinig ng tinig ng iyong bati, lumukso sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan.
1:45 At mapalad ang babaing sumampalataya; sapagka't matutupad ang mga bagay na sa kaniya'y sinabi ng Panginoon.
1:46 At sinabi ni Maria, Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,
1:47 At nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas.
1:48 Sapagka't nilingap niya ang kababaan ng kaniyang alipin. Sapagka't, narito, mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng maghahalihaliling lahi.
1:49 Sapagka't ginawan ako ng Makapangyarihan ng mga dakilang bagay; At banal ang kaniyang pangalan.
1:50 At ang kaniyang awa ay sa mga lahi't lahi. Sa nangatatakot sa kaniya.
1:51 Siya'y nagpakita ng lakas ng kaniyang bisig; Isinambulat niya ang mga palalo sa paggunamgunam ng kanilang puso.
1:52 Ibinaba niya ang mga prinsipe sa mga luklukan nila, At itinaas ang mga may mababang kalagayan.
1:53 Binusog niya ang nangagugutom ng mabubuting bagay; At pinaalis niya ang mayayaman, na walang anoman.
1:54 Tumulong siya sa Israel na kaniyang alipin, Upang maalaala niya ang awa
1:55 (Gaya ng sinabi niya sa ating mga magulang) Kay Abraham at sa kaniyang binhi magpakailan man.
1:56 At si Maria ay natirang kasama niya na may tatlong buwan, at umuwi sa kaniyang bahay.
1:57 Naganap nga kay Elisabet ang panahon ng panganganak; at siya'y nanganak ng isang lalake.
1:58 At nabalitaan ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamaganak, na dinakila ng Panginoon ang kaniyang awa sa kaniya; at sila'y nangakigalak sa kaniya.
1:59 At nangyari, na nang ikawalong araw ay nagsiparoon sila upang tuliin ang sanggol; at siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kaniyang ama.
1:60 At sumagot ang kaniyang ina at nagsabi, Hindi gayon; kundi ang itatawag sa kaniya'y Juan.
1:61 At sinabi nila sa kaniya, Wala sa iyong kamaganak na tinatawag sa pangalang ito.
1:62 At hinudyatan nila ang kaniyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag.
1:63 At humingi siya ng isang sulatan at sumulat, na sinasabi, Ang kaniyang pangalan ay Juan. At nagsipanggilalas silang lahat.
1:64 At pagdaka'y nabuka ang kaniyang bibig, at ang kaniyang dila'y nakalag, at siya'y nagsalita, na pinupuri ang Dios.
1:65 At sinidlan ng takot ang lahat ng nagsisipanahan sa palibot nila; at nabansag ang lahat ng mga bagay na ito sa lahat ng lupaing maburol ng Judea.
1:66 At lahat ng mga nangakarinig nito ay pawang iningatan sa kanilang puso, na sinasabi, Magiging ano nga kaya ang batang ito? Sapagka't ang kamay ng Panginoon ay sumasa kaniya.
1:67 At si Zacarias na kaniyang ama ay napuspos ng Espiritu Santo, at nanghula, na nagsasabi,
1:68 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel; Sapagka't kaniyang dinalaw at tinubos ang kaniyang bayan,
1:69 At nagtaas sa atin ng isang sungay ng kaligtasan Sa bahay ni David na kaniyang alipin
1:70 (Gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang mga banal na propeta na nagsilitaw buhat nang unang panahon),
1:71 Kaligtasang mula sa ating mga kaaway, at sa kamay ng lahat ng nangapopoot sa atin;
1:72 Upang magkaawang-gawa sa ating mga magulang, At alalahanin ang kaniyang banal na tipan;
1:73 Ang sumpa na isinumpa niya kay Abraham na ating ama,
1:74 Na ipagkaloob sa atin na yamang nangaligtas sa kamay ng ating mga kaaway, Ay paglingkuran natin siya ng walang takot,
1:75 Sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya, lahat ng ating mga araw.
1:76 Oo at ikaw, sanggol, tatawagin kang propeta ng kataastaasan; Sapagka't magpapauna ka sa unahan ng mukha ng Panginoon, upang ihanda ang kaniyang mga daan;
1:77 Upang maipakilala ang kaligtasan sa kaniyang bayan, Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan,
1:78 Dahil sa magiliw na habag ng aming Dios, Ang pagbubukang liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin,
1:79 Upang liwanagan ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan; Upang itumpak ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.
1:80 At lumaki ang sanggol, at lumakas sa espiritu, at nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.
2:1 Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan.
2:2 Ito ang unang talaang-mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.
2:3 At nagsisiparoon ang lahat upang sila'y mangatala, bawa't isa sa kaniyang sariling bayan.
2:4 At si Jose naman ay umahon mula sa Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, sa bayan ni David, na kung tawagi'y Bet-lehem, sapagka't siya'y sa angkan at sa lahi ni David;
2:5 Upang patala siya pati ni Maria, na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan.
2:6 At nangyari, samantalang sila'y nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.
2:7 At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito'y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka't wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan.
2:8 At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.
2:9 At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila'y totoong nangatakot.
2:10 At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka't narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan:
2:11 Sapagka't ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.
2:12 At ito ang sa inyo'y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.
2:13 At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi:
2:14 Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.
2:15 At nangyari nang lisanin sila ng mga anghel at nangapasa langit, ang mga pastor ay nangagsangusapan. Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa Bet-lehem, at tingnan natin itong nangyari, na ipinagbigay alam sa atin ng Panginoon.
2:16 At sila'y dalidaling nagsiparoon at nasumpungan kapuwa si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa pasabsaban.
2:17 At nang makita nila yaon, ay inihayag nila ang mga sinabi sa kanila tungkol sa sanggol na ito.
2:18 At lahat ng nangakarinig nito ay nangagtaka sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastor.
2:19 Datapuwa't iningatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na pinagbulaybulay sa kaniyang puso.
2:20 At nangagbalik ang mga pastor, na niluluwalhati at pinupuri ang Dios dahil sa lahat ng mga bagay na kanilang nangarinig at nangakita, ayon sa sinabi sa kanila.
2:21 At nang makaraan ang walong araw upang tuliin siya, ay tinawag na JESUS ang kaniyang pangalan, na siyang itinawag ng anghel bago siya ipinaglihi sa tiyan.
2:22 At nang maganap na ang mga araw na kanilang paglilinis alinsunod sa kautusan ni Moises, ay kanilang dinala siya sa Jerusalem, upang iharap siya sa Panginoon
2:23 (Ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, Ang bawa't lalaking nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal sa Panginoon),
2:24 At upang maghandog ng hain alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, Dalawang batobato, o dalawang inakay ng kalapati.
2:25 At narito, may isang lalake sa Jerusalem, na nagngangalang Simeon; at ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan, na nag-aantay ng kaaliwan ng Israel: at sumasa kaniya ang Espiritu Santo.
2:26 At ipinahayag sa kaniya ng Espiritu Santo, na di niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.
2:27 At siya'y napasa templo sa Espiritu: at nang ipasok sa templo ang sanggol na si Jesus ng kaniyang mga magulang, upang sa kaniya'y magawa nila ang nauukol alinsunod sa kaugalian ng kautusan,
2:28 Ay tinanggap nga niya siya sa kaniyang mga bisig, at pinuri ang Dios, at nagsabi,
2:29 Ngayo'y papanawin mo, Panginoon, ang iyong alipin, Ayon sa iyong salita, sa kapayapaan,
2:30 Sapagka't nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
2:31 Na iyong inihanda sa unahan ng mukha ng lahat ng mga tao;
2:32 Isang ilaw upang ipahayag sa mga Gentil, At ang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.
2:33 At ang kaniyang ama at ang kaniyang ina ay nagsisipanggilalas sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kaniya;
2:34 At sila'y pinagpala ni Simeon, at sinabi sa kaniyang inang si Maria, Narito, ito ay itinalaga sa ikararapa at sa ikatitindig ng marami sa Israel; at pinakatandang tudlaan ng pagsalangsang:
2:35 Oo at paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling kaluluwa; upang mangahayag ang mga pagiisip ng maraming puso.
2:36 At naroroon din naman si Ana, na isang propetisa, anak na babae ni Fanuel, sa angkan ni Aser, (siya'y lubhang matanda na, at may pitong taong nakisama sa kaniyang asawa mula sa kaniyang kadalagahan,
2:37 At siya'y bao nang walongpu't apat na taon), na hindi humihiwalay sa templo, at sumasamba sa gabi at araw sa pamamagitan ng mga pagaayuno at mga pagdaing.
2:38 At pagdating niya sa oras ding yaon, siya'y nagpasalamat sa Dios, at nagsalita ng tungkol sa sanggol sa lahat ng nagsisipaghintay ng katubusan sa Jerusalem.
2:39 At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan ng Panginoon, ay nangagbalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret.
2:40 At lumalaki ang bata, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Dios.
2:41 At nagsisiparoon taon-taon ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem sa kapistahan ng paskua.
2:42 At nang siya'y may labindalawang taon na, ay nagsiahon sila ayon sa kaugalian ng kapistahan;
2:43 At nang kanilang maganap na ang mga araw, sa pagbalik nila, ay naiwan ang batang si Jesus sa Jerusalem; at di nalalaman ng kaniyang mga magulang;
2:44 Nguni't sa pagaakala nilang siya'y nasa kasamahan, ay nagsiyaon sila nang isang araw na paglalakbay; at hinahanap nila siya sa mga kamaganak at mga kakilala;
2:45 At nang di nila siya matagpuan, ay nagsipagbalik sila sa Jerusalem, na hinahanap siya.
2:46 At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, na sila'y pinakikinggan, at sila'y tinatanong:
2:47 At ang lahat ng sa kaniya'y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot.
2:48 At nang siya'y mangakita nila, ay nangagtaka sila; at sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganyan? narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis.
2:49 At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ako hinahanap? di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama.
2:50 At di nila naunawa ang pananalitang sa kanila'y sinabi.
2:51 At lumusong siyang kasama nila, at napasa Nazaret; at napasakop sa kanila: at iniingatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga pananalitang ito.
2:52 At lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.
3:1 Nang ikalabinglimang taon nga ng paghahari ni Tiberio Cesar, na noo'y gobernador sa Judea si Poncio Pilato, at tetrarka sa Galilea si Herodes, at ang kaniyang kapatid na si Felipe ay tetrarka sa lalawigan ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ay tetrarka sa Abilinia,
3:2 Nang kasalukuyang mga pangulong saserdote si Anas at si Caifas, ay dumating ang salita ng Dios kay Juan, anak ni Zacarias, sa ilang.
3:3 At siya'y napasa buong lupain sa palibotlibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan;
3:4 Gaya ng nasusulat sa aklat ng salita ng propeta Isaias, Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.
3:5 Lahat ng libis ay tatambakan, At pababain ang bawa't bundok at burol; At ang liko ay matutuwid, At ang mga daang bakobako ay mangapapatag;
3:6 At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Dios.
3:7 Sinasabi nga niya sa mga karamihang nagsisilabas upang mangagpabautismo sa kaniya, Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang sa inyo'y nagudyok upang tumakas sa galit na darating?
3:8 Kayo nga'y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi, at huwag mangagpasimulang mangagsabi sa inyong sarili, Si Abraham ang siya naming ama; sapagka't sinasabi ko sa inyo, na makapagpapabangon ang Dios ng mga anak ni Abraham maging sa mga batong ito.
3:9 At ngayon pa'y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa't punong kahoy nga na di nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy.
3:10 At tinanong siya ng karamihan, na nangagsasabi, Ano ngang dapat namin gawin?
3:11 At sinagot niya at sinabi sa kanila, Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala; at ang may pagkain ay gayon din ang gawin.
3:12 At dumating naman ang mga maniningil ng buwis upang mangagpabautismo, at sinabi nila sa kaniya, Guro, anong dapat naming gawin?
3:13 At sinabi niya sa kanila, Huwag na kayong sumingil pa ng higit kay sa utos sa inyo.
3:14 At tinanong naman siya ng mga kawal, na nangagsasabi, At kami, anong dapat naming gawin? At sa kanila'y sinabi niya, Huwag kayong kumuhang may karahasan sa kanino man, ni mangagparatang; at mangagkasiya kayo sa bayad sa inyo.
3:15 At samantalang ang mga tao'y nagsisipaghintay at pinagbubulaybulay ng lahat sa kanilang puso ang tungkol kay Juan, kung siya kaya ang Cristo;
3:16 Ay sumagot si Juan na sinasabi sa kanilang lahat, Katotohanang binabautismuhan ko kayo ng tubig; datapuwa't dumarating ang lalong makapangyarihan kay sa akin; ako'y hindi karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang mga pangyapak: kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy:
3:17 Nasa kaniyang kamay ang kaniyang kalaykay, upang linising lubos ang kaniyang giikan, at tipunin ang trigo sa kaniyang bangan; datapuwa't susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mapapatay.
3:18 Sa mga iba pang maraming pangaral ay ipinangangaral nga niya sa bayan ang mabuting balita;
3:19 Datapuwa't si Herodes na tetrarka, palibhasa'y pinagwikaan niya dahil kay Herodias, na asawa ng kaniyang kapatid, at dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ni Herodes,
3:20 Ay naparagdag naman ito sa lahat, na kinulong niya si Juan sa bilangguan.
3:21 Nangyari nga, nang mabautismuhan ang buong bayan, na si Jesus ay binautismuhan naman, at nang nananalangin, ay nabuksan ang langit,
3:22 At bumaba sa kaniya ang Espiritu Santo na may anyong katawan, tulad sa isang kalapati, at nanggaling ang isang tinig sa langit, Ikaw ang sinisinta kong Anak; sa iyo ako lubos na nalulugod.
3:23 At si Jesus din, nang magpasimula siyang magturo ay may gulang na tatlongpung taon, na anak (ayon sa sinasapantaha) ni Jose, ni Eli,
3:24 Ni Matat, ni Levi, ni Melqui, ni Jane, ni Jose,
3:25 Ni Matatias, ni Amos, ni Nahum, ni Esli, ni Nage,
3:26 Ni Maat, ni Matatias, ni Semei, ni Jose, ni Juda,
3:27 Ni Joana, ni Resa, ni Zorobabel, ni Seatiel, ni Neri,
3:28 Ni Melqui, ni Adi, ni Cosam, ni Elmodam, ni Er,
3:29 Ni Jesus, ni Eliezer, ni Jorim, ni Mata, ni Levi,
3:30 Ni Simeon, ni Juda, ni Jose, ni Jonan, ni Eliaquim,
3:31 Ni Melea, ni Mena, ni Matata, ni Natan, ni David,
3:32 Ni Jesse, ni Obed, ni Booz, ni Salmon, ni Naason,
3:33 Ni Aminadab, ni Aram, ni Esrom, ni Fares, ni Juda,
3:34 Ni Jacob, ni Isaac, ni Abraham, ni Tare, ni Nacor,
3:35 Ni Serug, ni Regan, ni Paleg, ni Heber, ni Selah,
3:36 Ni Cainan, ni Arfaxjad, ni Sem, ni Noe, ni Lamec,
3:37 Ni Matusalem, ni Enoc, ni Jared, ni Mahalaleel, ni Cainan,
3:38 Ni Enos, ni Set, ni Adam, ng Dios.
4:1 At si Jesus, na puspos ng Espiritu Santo ay bumalik mula sa Jordan at inihatid ng Espiritu sa ilang,
4:2 Sa loob ng apat na pung araw na tinutukso ng diablo. At hindi siya kumain ng anoman nang mga araw na yaon; at nang maganap ang mga yaon ay nagutom siya.
4:3 At sinabi sa kaniya ng diablo, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.
4:4 At sinagot siya ni Jesus, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao.
4:5 At iniakyat pa siya niya, at ipinakita sa kaniya sa sandaling panahon ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan.
4:6 At sinabi sa kaniya ng diablo, Sa iyo'y ibibigay ko ang lahat ng kapamahalaang ito, at ang kaluwalhatian nila: sapagka't ito'y naibigay na sa akin; at ibibigay ko kung kanino ko ibig.
4:7 Kaya nga kung sasamba ka sa harapan ko, ay magiging iyong lahat.
4:8 At si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.
4:9 At dinala niya siya sa Jerusalem, at inilagay siya sa taluktok ng templo, at sinabi sa kaniya, Kung ikaw ay Anak ng Dios, ay magpatihulog ka mula rito hanggang sa ibaba:
4:10 Sapagka't nasusulat, Siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ikaw ay ingatan:
4:11 At, Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.
4:12 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Nasasabi, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios.
4:13 At nang matapos ng diablo ang lahat ng pagtukso, ay hiniwalayan siya niya ng ilang panahon.
4:14 At bumalik si Jesus sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu: at kumalat ang kabantugan tungkol sa kaniya sa palibot ng buong lupain.
4:15 At nagtuturo siya sa mga sinagoga nila, na niluluwalhati ng lahat.
4:16 At siya'y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa.
4:17 At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan,
4:18 Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi,
4:19 Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon.
4:20 At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya.
4:21 At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.
4:22 At siya'y pinatotohanan ng lahat, at nangagtataka sa mga salita ng biyaya na lumalabas sa kaniyang bibig: at sinabi nila, Hindi baga ito ang anak ni Jose?
4:23 At sinabi niya sa kanila, Walang salang sasabihin ninyo sa akin itong talinghaga, Manggagamot, gamutin mo ang iyong sarili: ang anomang aming narinig na ginawa sa Capernaum, ay gawin mo naman dito sa iyong lupain.
4:24 At sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang propetang kinalulugdan sa kaniyang tinubuang lupa.
4:25 Datapuwa't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maraming mga baong babai sa Israel nang mga araw ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan, noong datnan ng malaking kagutom ang buong sangkalupaan;
4:26 At sa kanino man sa kanila ay hindi sinugo si Elias, kundi sa Sarepta sa lupa ng Sidon, sa isang babaing bao.
4:27 At maraming ketongin sa Israel nang panahon ni Eliseo na propeta; at sinoman sa kanila'y hindi nilinis, kundi lamang si Naaman na Siro.
4:28 At nangapuspos ng galit ang lahat ng nangasa sinagoga, sa pagkarinig nila ng mga bagay na ito;
4:29 At sila'y nagsitindig, at ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan at dinala siya hanggang sa ibabaw ng taluktok ng gulod na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang siya'y maibulid nila ng patiwarik.
4:30 Datapuwa't pagdaraan niya sa gitna nila, ay yumaon ng kaniyang lakad.
4:31 At siya'y bumaba sa Capernaum, na isang bayan ng Galilea. At sila'y tinuruan niya sa araw ng sabbath:
4:32 At nangagtaka sila sa kaniyang aral, sapagka't may kapamahalaan ang kaniyang salita.
4:33 At sa sinagoga ay may isang lalake na may espiritu ng karumaldumal na demonio; at siya'y sumigaw ng malakas na tinig,
4:34 Ah! anong mayroon kami sa iyo, Jesus, ikaw na Nazareno? naparito ka baga upang kami'y iyong puksain? nakikilala ko ikaw kung sino ka, ang Banal ng Dios.
4:35 At sinaway siya ni Jesus, na sinasabi, Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya. At nang siya'y mailugmok ng demonio sa gitna, ay lumabas siya sa kaniya, na hindi siya sinaktan.
4:36 At silang lahat ay nangagtaka at nagsalitaan ang isa't isa, na nangagsasabi, Anong salita kaya ito? sapagka't siya na may kapamahalaan at kapangyarihan ay naguutos sa mga karumaldumal na espiritu, at nagsisilabas sila.
4:37 At kumakalat ang alingawngaw tungkol sa kaniya sa lahat ng dako sa palibotlibot ng lupaing yaon.
4:38 At siya'y nagtindig sa sinagoga, at pumasok sa bahay ni Simon. At nilalagnat na mainam ang biyanang babae ni Simon, at siya'y kanilang ipinamanhik sa kaniya.
4:39 At tinunghan niya siya, at sinaway ang lagnat; at inibsan siya: at siya'y nagtindig pagdaka at naglingkod sa kanila.
4:40 At nang lumulubog na ang araw, ang lahat na may mga sakit ng sarisaring karamdaman ay dinala sa kaniya; at ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa bawa't isa sa kanila, at sila'y pinagaling.
4:41 At nagsilabas din sa marami ang mga demonio na nagsisisigaw, na nagsasabi, Ikaw ang anak ng Dios. At sinasaway sila, na di niya sila tinutulutang mangagsalita, sapagka't naalaman nilang siya ang Cristo.
4:42 At nang araw na, ay lumabas siya at naparoon sa isang ilang na dako: at hinahanap siya ng mga karamihan, at nagsiparoon sa kaniya, at pinagpipilitang pigilin siya, upang huwag siyang humiwalay sa kanila.
4:43 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Dapat namang ipangaral ko sa mga ibang bayan ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios: sapagka't sa ganito ay sinugo ako.
4:44 At siya'y nangangaral sa mga sinagoga ng Galilea.
5:1 Nangyari nga, na samantalang siya'y sinisiksik ng karamihan na pinakikinggan ang salita ng Dios, na siya'y nakatayo sa tabi ng dagatdagatan ng Genezaret;
5:2 At nakakita siya ng dalawang daong na nasa tabi ng dagatdagatan: datapuwa't nagsilunsad sa mga yaon ang mga mamamalakaya, at hinuhugasan ang kanilang mga lambat.
5:3 At lumulan siya sa isa sa mga daong, na kay Simon, at ipinamanhik niya dito na ilayo ng kaunti sa lupa. At siya'y naupo at nagturo sa mga karamihan buhat sa daong.
5:4 At pagtigil niya ng pagsasalita, ay sinabi niya kay Simon, Pumaroon ka sa laot, at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang mamalakaya.
5:5 At sumagot si Simon at sinabi, Guro, sa buong magdamag ay nagsipagpagal kami, at wala kaming nahuli: datapuwa't sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.
5:6 At nang magawa nila ito, ay nakahuli sila ng lubhang maraming isda; at nagkampupunit ang kanilang mga lambat;
5:7 At kinawayan nila ang mga kasamahan sa isang daong upang magsilapit at sila'y tulungan. At sila'y nagsilapit at nangapuno ang dalawang daong, ano pa't sila'y nagpasimulang lulubog.
5:8 Datapuwa't nang makita ni Simon Pedro, ay nagpatirapa sa mga tuhod ni Jesus, na nagsasabi, Lumayo ka sa akin; sapagka't ako'y taong makasalanan, Oh Panginoon.
5:9 Sapagka't siya at ang lahat ng kasama niya ay nagsipanggilalas, dahil sa karamihan ng mga isdang kanilang nangahuli:
5:10 At gayon din si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasama ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, Huwag kang matakot; mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.
5:11 At nang maisadsad na nila sa lupa ang kanilang mga daong, ay iniwan nila ang lahat, at nagsisunod sa kaniya.
5:12 At nangyari, samantalang siya'y nasa isa sa mga bayan, narito, may isang lalake na lipos ng ketong: at nang makita niya si Jesus, ay nagpatirapa siya, at namanhik sa kaniya, na sinasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring linisin mo ako.
5:13 At iniunat niya ang kaniyang kamay at siya'y hinipo, na sinasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka'y nilisan siya ng ketong.
5:14 At ipinagbilin niya sa kaniya na huwag sabihin kanino man: kundi yumaon ka ng iyong lakad, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo, alinsunod sa iniutos ni Moises, na pinakapatotoo sa kanila.
5:15 Datapuwa't lalo nang kumakalat ang balita tungkol sa kaniya: at nangagkatipon ang lubhang maraming tao upang makinig, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit.
5:16 Datapuwa't siya'y lumigpit sa mga ilang, at nananalangin.
5:17 At nangyari nang isa sa mga araw na yaon, na siya'y nagtuturo; at may nangakaupo doong mga Fariseo at mga guro sa kautusan, na nagsipanggaling sa bawa't nayon ng Galilea at Judea at Jerusalem: at ang kapangyarihan ng Panginoon ay sumasa kaniya upang magpagaling.
5:18 At narito, dinala ng mga tao na nasa isang higaan ang isang lalaking lumpo: at pinagpipilitan niyang maipasok siya, at ilagay siya sa harap nila.
5:19 At sa hindi pagkasumpong ng mapagpapasukan, dahil sa karamihan, ay nagsiakyat sila sa bubungan ng bahay, at siya'y inihugos mula sa butas ng bubungan pati ng kaniyang higaan, sa gitna, sa harapan ni Jesus.
5:20 At pagkakita sa kanilang pananampalataya, ay kaniyang sinabi, Lalake, ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan.
5:21 At ang mga eskriba at mga Fariseo ay nangagpasimulang mangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Sino ito na nagsasalita ng mga kapusungan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan, kundi ang Dios lamang?
5:22 Datapuwa't si Jesus, na nakatatanto ng kanilang mga iniisip, ay sumagot at sinabi sa kanila, Bakit pinagbubulaybulay ninyo sa inyong mga puso?
5:23 Alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka at lumakad ka?
5:24 Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi niya sa lumpo), Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.
5:25 At pagdaka'y nagtindig siya sa harap nila, at binuhat ang kaniyang hinigan, at napasa kaniyang bahay, na niluluwalhati ang Dios.
5:26 At nagsipanggilalas ang lahat at niluwalhati nila ang Dios; at nangapuspos sila ng takot, na nangagsasabi, Nakakita kami ngayon ng mga bagay na katakataka.
5:27 At pagkatapos ng mga bagay na ito, siya'y umalis, at nakita ang isang maniningil ng buwis, na nagngangalang Levi, na nakaupo sa paningilan ng buwis, at sinabi sa kaniya, Sumunod ka sa akin.
5:28 At iniwan niya ang lahat at nagtindig at sumunod sa kaniya.
5:29 At siya'y ipinagpiging ng malaki ni Levi sa kaniyang bahay: at lubhang maraming maniningil ng buwis at mga iba pa na nangakasalo nila sa dulang.
5:30 At nangagbulongbulungan ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Bakit kayo'y nagsisikain at nagsisiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?
5:31 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanila, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot; kundi ang mga may sakit.
5:32 Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi.
5:33 At sinabi nila sa kaniya, Ang mga alagad ni Juan ay nangagaayunong madalas, at nagsisigawa ng mga pagdaing; gayon din ang mga alagad ng mga Fariseo; datapuwa't ang mga iyo'y nagsisikain at nagsisiinom.
5:34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Mangyayari bagang papagayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila?
5:35 Datapuwa't darating ang mga araw; at pagka inalis sa kanila ang kasintahang lalake, kung magkagayo'y mangagaayuno sila sa mga araw na yaon.
5:36 At sinalita rin naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Walang taong pumilas sa bagong damit at itinagpi sa damit na luma; sa ibang paraa'y sisirain ang bago, at sa luma naman ay hindi bagay ang tagping mula sa bago.
5:37 At walang taong nagsisilid ng alak na bago sa mga balat na luma; sa ibang paraa'y papuputukin ng alak na bago ang mga balat, at mabububo, masisira ang mga balat.
5:38 Kundi dapat isilid ang alak na bago sa mga bagong balat.
5:39 At walang taong nakainom ng alak na laon, ay iibig sa alak na bago; sapagka't sasabihin niya, Mabuti ang laon.
6:1 Nangyari nga nang dumaraan siya sa mga trigohan nang isang sabbath, ay kumitil ng mga uhay ang mga alagad niya, at kinakain pagkaligis sa kanilang mga kamay.
6:2 Datapuwa't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, Bakit ginagawa ninyo ang di matuwid gawin sa araw ng sabbath?
6:3 At pagsagot sa kanila ni Jesus ay sinabi, Hindi baga nabasa ninyo ang ginawa ni David, nang siya'y magutom, siya, at ang mga kasamahan niya;
6:4 Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain ng mga tinapay na handog, at binigyan pati ang kaniyang mga kasamahan; na hindi naaayon sa kautusan na kanin ninoman kundi ng mga saserdote lamang?
6:5 At sinabi niya sa kanila, Ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.
6:6 At nangyari nang ibang sabbath, na siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo: at doo'y may isang lalake, at tuyo ang kaniyang kanang kamay.
6:7 At inaabangan siya ng mga eskriba at ng mga Fariseo, kung siya'y magpapagaling sa sabbath; upang makasumpong sila ng paraan na siya'y maisakdal.
6:8 Datapuwa't nalalaman niya ang kanilang mga kaisipan; at sinabi niya sa lalake na tuyo ang kamay, Magtindig ka at tumayo ka sa gitna. At siya'y nagtindig at tumayo.
6:9 At sinabi sa kanila ni Jesus, Itinatanong ko sa inyo, Matuwid bagang gumawa ng magaling, o gumawa ng masama kung sabbath? magligtas ng isang buhay o pumuksa?
6:10 At minamasdan niya silang lahat sa palibotlibot, at sinabi sa kaniya, Iunat mo ang iyong kamay. At ginawa niyang gayon; at gumaling ang kaniyang kamay.
6:11 Datapuwa't sila'y nangapuno ng galit; at nangagsangusapan, kung ano ang kanilang magagawang laban kay Jesus.
6:12 At nangyari nang mga araw na ito, na siya'y napasa bundok upang manalangin; at sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios.
6:13 At nang araw na, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad; at siya'y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol:
6:14 Si Simon, na tinawag naman niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, at si Santiago at si Juan, at si Felipe at si Bartolome.
6:15 At si Mateo at si Tomas, at si Santiago anak ni Alfeo, at si Simon, na tinatawag na Masikap,
6:16 At si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging lilo;
6:17 At bumaba siya na kasama nila, at tumigil sa isang patag na dako, at ang lubhang marami sa mga alagad niya, at ang lubhang malaking bilang ng mga tao mula sa buong Judea at sa Jerusalem, at sa pangpangin ng dagat ng Tiro at Sidon, na nangagsidalo upang magsipakinig sa kaniya, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit;
6:18 Ang mga pinahihirapan ng mga espiritung karumaldumal ay pinagagaling.
6:19 At pinagpipilitan ng buong karamihan na siya'y mahipo; sapagka't lumalabas sa kaniya ang makapangyarihang bisa, at nagpapagaling sa lahat.
6:20 At itiningin niya ang kaniyang mga mata sa kaniyang mga alagad, at sinabi, Mapapalad kayong mga dukha: sapagka't inyo ang kaharian ng Dios.
6:21 Mapapalad kayong nangagugutom ngayon: sapagka't kayo'y bubusugin. Mapapalad kayong nagsisitangis ngayon: sapagka't kayo'y magsisitawa.
6:22 Mapapalad kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, at kung kayo'y ihiwalay nila, at kayo'y alimurahin, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa Anak ng tao.
6:23 Mangagalak kayo sa araw na yaon, at magsilukso kayo sa kagalakan; sapagka't narito, ang ganti sa inyo'y malaki sa langit; sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga propeta.
6:24 Datapuwa't sa aba ninyong mayayaman! sapagka't tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.
6:25 Sa aba ninyo mga busog ngayon! sapagka't kayo'y mangagugutom. Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon! sapagka't kayo'y magsisitaghoy at magsisitangis.
6:26 Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay mangagsalita ng magaling tungkol sa inyo! sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta.
6:27 Datapuwa't sinasabi ko sa inyong nangakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang nangapopoot sa inyo,
6:28 Pagpalain ninyo ang sa inyo'y sumusumpa at ipanalangin ninyo ang sa inyo'y lumalait.
6:29 Sa sumampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo naman ang kabila; at ang sa iyo'y magalis ng iyong balabal, huwag mong itanggi pati ng iyong tunika.
6:30 Bigyan mo ang bawa't sa iyo'y humihingi; at sa kumuha ng pag-aari mo, ay huwag mong hinging muli.
6:31 At kung ano ang ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gayon din ang gawin ninyo sa kanila.
6:32 At kung kayo'y magsiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ang mga makasalanan man ay nagsisiibig sa nagsisiibig sa kanila.
6:33 At kung magsigawa kayo ng mabuti sa nagsisigawa sa inyo ng mabuti, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ganito rin ang ginagawa ng mga makasalanan.
6:34 At kung kayo'y mangagpahiram doon sa mga inaasahan ninyong may tatanggapin, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? ang mga makasalanan man ay nangagpapahiram sa mga makasalanan, upang muling magsitanggap ng gayon din.
6:35 Datapuwa't ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti, at mangagpahiram kayo, na kailan man ay huwag mawawalan ng pagasa; at malaki ang sa inyo'y magiging ganti, at kayo'y magiging mga anak ng Kataastaasan: sapagka't siya'y magandang-loob sa mga walang turing at sa masasama.
6:36 Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain.
6:37 At huwag kayong mangagsihatol, at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangagpalaya kayo, at kayo'y palalayain:
6:38 Mangagbigay kayo, at kayo'y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Sapagka't sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin.
6:39 At sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Mangyayari bagang umakay ang bulag sa bulag? di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay?
6:40 Hindi higit ang alagad sa kaniyang guro: datapuwa't ang bawa't isa, pagka naging sakdal, ay nagiging katulad ng kaniyang guro.
6:41 At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, datapuwa't hindi mo pinupuna ang tahilan na nasa iyong sariling mata?
6:42 O paanong masasabi mo sa iyong kapatid, Kapatid, pabayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata, kundi mo nakikita ang tahilan na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa iyong sariling mata, kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pagaalis ng puwing na nasa mata ng iyong kapatid.
6:43 Sapagka't walang mabuting punong kahoy na nagbubunga ng masama; at wala rin naman masamang punong kahoy na nagbubunga ng mabuti.
6:44 Sapagka't bawa't punong kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagka't ang mga tao ay di nangakapuputi ng mga igos sa mga dawag, at di nangakapuputi ng ubas sa mga tinikan.
6:45 Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao'y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.
6:46 At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?
6:47 Ang bawa't lumalapit sa akin, at pinakikinggan ang aking mga salita, at ginagawa, ituturo ko sa inyo kung sino ang katulad:
6:48 Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay at pinakalalim, at inilagay ang patibayan sa bato: at nang dumating ang isang baha, ay hinampas ng agos ang bahay na yaon, at hindi nakilos; sapagka't natitirik na mabuti.
6:49 Datapuwa't ang dumirinig, at hindi ginagawa, ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa, na walang patibayan; laban sa yaon ay hinampas ng agos, at pagdaka'y nagiba; at malaki ang naging kasiraan ng bahay na yaon.
7:1 Nang matapos na niya ang lahat ng kaniyang mga pananalita sa mga pakinig ng bayan, ay pumasok siya sa Capernaum.
7:2 At ang alipin ng isang senturion, na minamahal nito, ay may sakit at malapit nang mamatay.
7:3 At nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, ay pinaparoon niya sa kaniya ang matatanda sa mga Judio, na ipamanhik sa kaniya, na pumaroon at iligtas ang kaniyang alipin.
7:4 At nang magsidating sila kay Jesus, ay ipinamanhik nilang mapilit sa kaniya, na sinasabi, Karapatdapat siya na gawin mo sa kaniya ito;
7:5 Sapagka't iniibig niya ang ating bansa, at ipinagtayo niya tayo ng ating sinagoga.
7:6 At si Jesus ay sumama sa kanila. At nang siya'y di na lubhang malayo sa bahay, ay nagsugo sa kaniya ang senturion ng mga kaibigan, na nagsisipagsabi sa kaniya, Panginoon, huwag ka nang maligalig, sapagka't di ako karapatdapat na ikaw ay pumasok sa silong ng aking bubungan:
7:7 Dahil dito'y hindi ko inakalang ako'y karapatdapat man lamang pumariyan sa iyo: datapuwa't sabihin mo ang salita, at gagaling ang aking alipin.
7:8 Sapagka't ako rin naman ay taong nasa ilalim ng kapamahalaan, may nasasakupan akong mga kawal: at sinasabi ko rito, Yumaon ka, at siya'y yumayaon; at sa isa, Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, Gawin mo ito, at kaniyang ginagawa.
7:9 At nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito, ay nagtaka siya sa kaniya, at lumingon at sinabi sa karamihang nagsisisunod sa kaniya, Sinasabi ko sa inyo, Hindi ako nakasumpong ng ganitong kalaking pananampalataya, hindi, kahit sa Israel man.
7:10 At pagbalik sa bahay ng mga sinugo, ay kanilang naratnang magaling na ang alipin.
7:11 At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naparoon sa bayan na tinatawag na Nain; at kasama niya ang kaniyang mga alagad, at ang lubhang maraming tao.
7:12 At nang siya nga'y malapit na sa pintuan ng bayan, narito, inilalabas ang isang patay, bugtong na anak na lalake ng kaniyang ina, at siya'y bao: at kasama niya ang maraming tao na taga bayan.
7:13 At pagkakita sa kaniya ng Panginoon, siya'y kinahabagan niya, at sinabi sa kaniya, Huwag kang tumangis.
7:14 At siya'y lumapit at hinipo ang kabaong: at ang nangagdadala ay tumigil. At sinabi niya, Binata, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka.
7:15 At naupo ang patay, at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay niya sa kaniyang ina.
7:16 At sinidlan ng takot ang lahat: at niluluwalhati nila ang Dios, na sinasabi, Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta: at, dinalaw ng Dios ang kaniyang bayan.
7:17 At kumalat ang balitang ito tungkol sa kaniya sa buong Judea, at sa buong palibotlibot ng lupain.
7:18 At ibinalita kay Juan ng kaniyang mga alagad ang lahat ng mga bagay na ito.
7:19 At sa pagpapalapit ni Juan sa kaniya ng dalawa sa kaniyang mga alagad, ay sinugo sila sa Panginoon, na nagpapasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?
7:20 At pagdating sa kaniya ng mga tao, ay kanilang sinabi, Pinaparito kami sa iyo ni Juan Bautista, na ipinasasabi, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?
7:21 Nang oras na yaon ay nagpagaling siya ng maraming may sakit at mga pagkasalot at masasamang espiritu; at kaniyang pinagkaloobang mangakakita ang maraming bulag.
7:22 At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo, at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangakita at nangarinig; ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nagsisilakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, ang mga patay ay ibinabangon, sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita.
7:23 At mapalad ang sinomang hindi makasumpong ng anomang katitisuran sa akin.
7:24 At nang mangakaalis na ang mga sugo ni Juan, ay nagpasimula siyang magsalita tungkol kay Juan sa mga karamihan, Ano ang linabas ninyo upang mamasdan sa ilang? isang tambong inuuga ng hangin?
7:25 Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselang? Narito, ang nagsisipanamit ng maririlag, at nangabubuhay sa pagmamaselang ay nasa mga palasio ng mga hari.
7:26 Datapuwa't ano ang linabas ninyo upang makita? isa bagang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.
7:27 Ito yaong tungkol sa kaniya'y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo.
7:28 Sinasabi ko sa inyo, Sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang dakila kay sa kay Juan: gayon ma'y ang lalong maliit sa kaharian ng Dios ay lalong dakila kay sa kaniya.
7:29 At pagkarinig ng buong bayan, at ng mga maniningil ng buwis ay pinatotohanan ang Dios, na nagsipagbautismo ng bautismo ni Juan.
7:30 Datapuwa't pinawalang halaga ng mga Fariseo at ng mga tagapagtanggol ng kautusan sa kanilang sarili ang payo ng Dios, at hindi napabautismo sa kaniya.
7:31 Sa ano ko itutulad ang mga tao ng lahing ito, at ano ang kanilang katulad?
7:32 Tulad sila sa mga batang nangakaupo sa pamilihan, at nagsisigawan sa isa't isa; na sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisayaw; nanambitan kami at hindi kayo nagsitangis.
7:33 Sapagka't naparito si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, Siya'y may isang demonio.
7:34 Naparito ang Anak ng tao na kumakain at umiinom; at inyong sinasabi, Narito ang isang matakaw na tao, at isang magiinum ng alak, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!
7:35 At ang karunungan ay pinatotohanan ng lahat ng kaniyang mga anak.
7:36 At ipinamanhik sa kaniya ng isa sa mga Fariseo na kumaing kasalo niya. At siya'y pumasok sa bahay ng Fariseo at naupo sa dulang.
7:37 At narito, ang isang babaing makasalanan na nasa bayan; at nang maalaman niyang siya'y nasa dulang ng pagkain sa bahay ng Fariseo ay nagdala siya ng isang sisidlang alabastro na puno ng unguento,
7:38 At nakatayo sa likuran sa kaniyang mga paanan na tumatangis, ay pinasimulan niyang dinilig ng mga luha ang kaniyang mga paa, at ang mga ito'y kinukuskos ng buhok ng kaniyang ulo, at hinahagkan ang kaniyang mga paa, at pinapahiran ng unguento.
7:39 Nang makita nga ito ng Fariseo na sa kaniya'y naganyaya, ay nagsalita sa kaniyang sarili, na sinasabi, Ang taong ito, kung siya'y isang propeta ay nakikilala niya kung sino at kung ano ang babaing ito na sa kaniya'y humihipo, na siya'y makasalanan.
7:40 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Simon, ako'y may isang bagay na sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Guro, sabihin mo.
7:41 Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: at ang isa'y may utang na limang daang denario, at ang isa'y limangpu.
7:42 Nang sila'y walang maibayad, ay kapuwa pinatawad niya. Alin nga sa kanila ang lalong iibig sa kaniya?
7:43 Sumagot si Simon at sinabi, Inaakala ko na yaong pinatawad niya ng lalong malaki. At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang pagkahatol mo.
7:44 At paglingon sa babae, ay sinabi niya kay Simon, Nakikita mo baga ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig na ukol sa aking mga paa: datapuwa't dinilig niya ang aking mga ng kaniyang mga luha, at kinuskos ng kaniyang buhok.
7:45 Hindi mo ako binigyan ng halik: datapuwa't siya, buhat nang ako'y pumasok ay hindi humihinto ng paghalik sa aking mga paa.
7:46 Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo: datapuwa't pinahiran niya ng unguento ang aking mga paa.
7:47 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka't siya ay umibig ng malaki: datapuwa't sa pinatatawad ng kaunti, ay kakaunti ang pagibig.
7:48 At sinabi niya sa babae, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan.
7:49 At ang mga kasalo niyang nangakaupo sa dulang ng pagkain ay nagpasimulang nangagsabi sa kanilang sarili, Sino ito, na nagpapatawad pati ng mga kasalanan?
7:50 At sinabi niya sa babae, Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.
8:1 At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naglalakad sa mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral at dinadala ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios, at kasama niya ang labingdalawa,
8:2 At ang ilang babae na pinagaling sa masasamang espiritu at sa mga sakit, si Maria, na tinatawag na Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang nagsilabas,
8:3 At si Juana na asawa ni Chuza, katiwala ni Herodes, at si Susana, at iba pang marami na ipinaglilingkod sa kanila ang kanilang tinatangkilik.
8:4 At nang magkatipon ang malaking karamihang tao, at ang mga mula sa bawa't bayan na nagsadya sa kaniya, ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:
8:5 Ang manghahasik ay yumaon upang maghasik ng kaniyang binhi: at sa kaniyang paghahasik ang ilan ay nangahulog sa tabi ng daan; at napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa langit.
8:6 At ang iba'y nahulog sa batuhan; at pagsibol, ay natuyo, sapagka't walang halumigmig.
8:7 At ang iba'y nahulog sa mga dawagan; at tumubong kasama ang mga dawag, at yao'y ininis.
8:8 At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, at tumubo at nagbunga ng tigiisang daan. Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, siya ay sumigaw, Ang may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.
8:9 At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, kung ano kaya ang talinghagang ito.
8:10 At sinabi niya, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa mga iba'y sa mga talinghaga; upang kung magsitingin ay huwag silang mangakakita, at mangakarinig ay huwag silang mangakaunawa.
8:11 Ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Dios.
8:12 At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung magkagayo'y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso, upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas.
8:13 At ang mga sa batuhan, ay yaong mga pagkarinig, ay tinatanggap na may galak ang salita; at ang mga ito'y walang ugat, na sila sa sangdaling panaho'y nagsisisampalataya, at sa panahon ng tukso ay nagsisihiwalay.
8:14 At ang nahulog sa dawagan, ay ito ang nangakinig, at samantalang sila'y nagsisiyaon sa kanilang lakad ay iniinis sila ng mga pagsusumakit at mga kayamanan at mga kalayawan sa buhay na ito, at hindi nangagbubunga ng kasakdalan.
8:15 At ang sa mabuting lupa ay ang mga pusong timtiman at mabuti, na iniingatan ang salita pagkarinig, at nangagbubunga may pagtitiis.
8:16 At walang taong pagkapaningas niya ng ilawan ay tinatakpan ng isang banga, o inilalagay kaya ito sa ilalim ng isang higaan; kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan, upang makita ng nagsisipasok ang ilaw.
8:17 Sapagka't walang bagay na natatago, na di mahahayag; o walang lihim, na di makikilala at mapapasa liwanag.
8:18 Ingatan ninyo kung paano ang inyong pakikinig: sapagka't sino mang mayroon ay bibigyan; at ang sinomang wala, pati ng inaakala niyang nasa kaniya ay aalisin.
8:19 At nagsiparoon sa kaniya ang kaniyang ina at mga kapatid, at sila'y hindi mangakalapit sa kaniya dahil sa karamihan ng tao.
8:20 At may nagsabi sa kaniya, Nangakatayo sa labas ang iyong ina at iyong mga kapatid, na ibig nilang makita ka.
8:21 Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay itong nangakikinig ng salita ng Dios, at ginagawa.
8:22 Nangyari nga sa mga araw na yaon, na siya'y lumulan sa isang daong, siya at ang kaniyang mga alagad; at sinabi niya sa kanila, Magsitawid tayo sa kabilang ibayo ng dagatdagatan: at sila'y nagsitulak.
8:23 Datapuwa't samantalang sila'y nangaglalayag, siya'y nakatulog: at bumugso ang isang unos ng hangin sa dagatdagatan; at sila'y nangatitigib ng tubig, at nangasa kapanganiban.
8:24 At sila'y nangagsilapit sa kaniya at siya'y ginising, na nangagsasabi, Guro, guro, tayo'y mangamamatay. At siya'y gumising, at sinaway ang hangin at ang galit ng tubig: at nangagsitigil, at humusay ang panahon.
8:25 At sinabi niya sa kanila, Saan naroon ang inyong pananampalataya? At palibhasa'y nangatakot sila'y nagsisipanggilalas, na sinasabi ng isa sa iba, Sino nga ito, na siya'y naguutos maging sa hangin at sa tubig, at siya'y tinatalima nila?
8:26 At sila'y nagsidating sa lupain ng mga Gadareno, na nasa tapat ng Galilea.
8:27 At pagkalunsad niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan, na may mga demonio; at malaong panahon na hindi siya nagdaramit, at hindi tumatahan sa bahay, kundi sa mga libingan.
8:28 At nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi ng malakas na tinig, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? Ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mo akong pahirapan.
8:29 Sapagka't ipinagutos niya sa karumaldumal na espiritu na lumabas sa tao. Sapagka't madalas siyang inaalihan: at siya'y binabantayan at gapos ng mga tanikala at mga damal; at pagka pinapatid ang gapos ay siya'y itinataboy ng demonio sa mga ilang.
8:30 At tinanong siya ni Jesus, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya, Pulutong; sapagka't maraming demonio ang nagsipasok sa kaniya.
8:31 At ipinamamanhik nila sa kaniya na huwag silang paparoonin sa kalalimlaliman.
8:32 Doon nga'y may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain sa bundok: at ipinamanhik nila sa kaniya na pabayaang sila'y magsipasok sa mga yaon. At sila'y pinahintulutan niya.
8:33 At nagsilabas ang mga demonio sa tao, at nagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagatdagatan, at nangalunod.
8:34 At nang makita ng nagsisipagalaga ng mga yaon ang nangyari, ay nagsitakas, at isinaysay sa bayan at sa bukid.
8:35 At sila'y nagsilabas upang makita ang nangyari; at nagsilapit sila kay Jesus, at kanilang naratnan sa paanan ni Jesus ang taong nilabasan ng mga demonio, na nakaupo, may pananamit, at matino ang kaniyang bait: at sila'y nangatakot.
8:36 At sa kanila'y isinaysay ng nangakakita kung paanong pinagaling ang inaalihan ng mga demonio.
8:37 At ipinamanhik sa kaniya ng lahat ng mga tao sa palibotlibot ng lupain ng mga Gadareno na siya'y umalis sa kanila, sapagka't sila'y napipigilan ng malaking takot: at siya'y lumulan sa daong, at nagbalik.
8:38 Datapuwa't namanhik sa kaniya ang taong nilabasan ng mga demonio, na siya'y ipagsama niya: datapuwa't siya'y pinaalis niya, na sinasabi,
8:39 Umuwi ka sa iyong bahay, at ipahayag mo kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa ng Dios sa iyo. At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, na ibinabalita sa buong bayan, kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus.
8:40 At sa pagbalik ni Jesus, ay sinalubong siyang may galak ng karamihan; sapagka't hinihintay siya nilang lahat.
8:41 At narito, lumapit ang isang lalaking nagngangalang Jairo, at siya'y isang pinuno sa sinagoga: at siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus, at ipinamamanhik sa kaniya, na pumasok sa kaniyang bahay;
8:42 Sapagka't siya'y may isang bugtong na anak na babae, na may labingdalawang taong gulang, at siya'y naghihingalo. Datapuwa't samantalang siya'y lumalakad ay sinisiksik siya ng karamihan.
8:43 At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan, na ginugol sa mga manggagamot ang lahat niyang pagkabuhay, at sinoma'y walang makapagpagaling sa kaniya,
8:44 Ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit at pagdaka'y naampat ang kaniyang agas.
8:45 At sinabi ni Jesus, Sino ang humipo sa akin? At nang tumatanggi ang lahat, ay sinabi ni Pedro, at ng mga kasamahan niya, Guro, iniimpit ka at sinisiksik ka ng karamihan.
8:46 Datapuwa't sinabi ni Jesus, May humipo sa akin, sapagka't naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin.
8:47 At nang makita ng babae na siya'y hindi nalingid, ay lumapit siya na nangangatal, at nagpatirapa sa harapan niya na isinasaysay sa harapan ng buong bayan ang dahil kung bakit siya'y hinipo niya, at kung paanong gumaling siya kapagdaka.
8:48 At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.
8:49 Samantalang nagsasalita pa siya ay dumating ang isa na mula sa bahay ng pinuno sa sinagoga, na nagsasabi, Patay na ang anak mong babae; huwag mong bagabagin ang Guro.
8:50 Datapuwa't nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kaniya, Huwag kang matakot: manampalataya ka lamang, at siya'y gagaling.
8:51 At nang dumating siya sa bahay, ay hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinomang tao, maliban na kay Pedro, at kay Juan, at kay Santiago, at ang ama ng dalaga at ang ina nito.
8:52 At tumatangis ang lahat, at pinananambitanan ang dalaga: datapuwa't sinabi niya, Huwag kayong magsitangis; sapagka't siya'y hindi patay, kundi natutulog.
8:53 At tinawanan nila siya na nililibak, na napagaalamang siya'y patay na.
8:54 Datapuwa't tinangnan niya sa kamay, at tinawag, na sinasabi, Dalaga, magbangon ka.
8:55 At nagbalik ang kaniyang espiritu, at siya'y nagbangon pagdaka: at kaniyang ipinagutos na siya'y bigyan ng pagkain.
8:56 At nangagtaka ang kaniyang mga magulang: datapuwa't ipinagbilin niya sa kanila na huwag sabihin kanino man ang kaniyang ginawa.
9:1 At tinipon niya ang labingdalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at kapamahalaan sa lahat ng mga demonio, at upang magpagaling ng mga sakit.
9:2 At sila'y sinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Dios, at magpagaling ng mga may sakit.
9:3 At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagdala ng anoman sa inyong paglalakad, kahit tungkod, kahit supot ng ulam, kahit tinapay, kahit salapi; at kahit magkaroon ng dalawang tunika.
9:4 At sa anomang bahay na inyong pasukin, doon kayo mangatira, at buhat doo'y magsialis kayo.
9:5 At ang lahat na di magsitanggap sa inyo sa bayang yaon, ay ipagpag ninyo ang alabok sa inyong mga paa, na pinaka patotoo laban sa kanila.
9:6 At sila'y nagsialis, at nagsiparoon sa lahat ng mga nayon, na ipinangangaral ang evangelio, at nagpapagaling saa't saan man.
9:7 Nabalitaan nga ni Herodes na tetrarka ang lahat na ginawa; at siya'y totoong natitilihan, sapagka't sinasabi ng ilan, na si Juan ay muling ibinangon sa mga patay;
9:8 At ng ilan, na si Elias ay lumitaw; at ng mga iba, na isa sa mga datihang propeta ay muling ibinangon.
9:9 At sinabi ni Herodes, Pinugutan ko ng ulo si Juan: datapuwa't sino nga ito, na tungkol sa kaniya'y nababalitaan ko ang gayong bagay? At pinagsisikapan niyang siya'y makita.
9:10 At nang magsibalik ang mga apostol, ay isinaysay nila sa kaniya kung anong mga bagay ang kanilang ginawa. At sila'y isinama niya, at lumigpit na bukod sa isang bayan na tinatawag na Betsaida.
9:11 Datapuwa't nang maalaman ng mga karamihan ay nagsisunod sa kaniya: at sila'y tinanggap niyang may galak at sinasalita sa kanila ang tungkol sa kaharian ng Dios, at pinagagaling niya ang nangagkakailangang gamutin.
9:12 At nagpasimulang kumiling ang araw; at nagsilapit ang labingdalawa, at nangagsabi sa kaniya, Paalisin mo ang karamihan, upang sila'y magsiparoon sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibotlibot, at mangakapanuluyan, at mangakakuha ng pagkain: sapagka't tayo'y nangarito sa isang ilang na dako.
9:13 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila, Wala tayo kundi limang tinapay at dalawang isda; malibang kami'y magsiyaon at ibili ng pagkain ang lahat ng mga taong ito.
9:14 Sapagka't sila'y may limang libong lalake. At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Paupuin ninyo sila ng pulupulutong, na may tiglilimangpu bawa't isa.
9:15 At gayon ang ginawa nila, at pinaupo silang lahat.
9:16 At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad upang ihain sa harap ng karamihan.
9:17 At sila'y nagsikain, at nangabusog ang lahat: at ang lumabis sa kanila na mga pinagputolputol ay pinulot na labingdalawang bakol.
9:18 At nangyari, nang siya'y nananalangin ng bukod, na ang mga alagad ay kasama niya: at tinanong niya sila, na sinasabi, Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako?
9:19 At pagsagot nila'y nangagsabi, Si Juan Bautista; datapuwa't sinasabi ng mga iba, Si Elias; at sinasabi ng mga iba na isa sa mga datihang propeta ay muling nagbangon.
9:20 At sinabi niya sa kanila, Datapuwa't, ano ang sabi ninyo kung sino ako? At pagsagot ni Pedro, ay nagsabi, Ang Cristo ng Dios.
9:21 Datapuwa't ipinagbilin niya, at ipinagutos sa kanila na huwag sabihin ito sa kanino mang tao;
9:22 Na sinasabi, Kinakailangang magbata ng maraming mga bagay ang Anak ng tao, at itakuwil ng matatanda at ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba, at patayin, at muling ibangon sa ikatlong araw.
9:23 At sinabi niya sa lahat, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin sa arawaraw ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.
9:24 Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay, ay mawawalan nito; datapuwa't sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin, ay maililigtas nito yaon.
9:25 Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan, at mawawala o mapapahamak ang kaniyang sarili?
9:26 Sapagka't ang sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita, ay ikahihiya siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaniyang sariling kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.
9:27 Datapuwa't katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa mangakita nila ang kaharian ng Dios.
9:28 At nangyari, nang makaraan ang may mga walong araw pagkatapos ng mga pananalitang ito, na isinama niya si Pedro at si Juan at si Santiago, at umahon sa bundok upang manalangin.
9:29 At samantalang siya'y nananalangin, ay nagbago ang anyo ng kaniyang mukha, at ang kaniyang damit ay pumuti, at nakasisilaw.
9:30 At narito, dalawang lalake ay nakikipagusap sa kaniya, na ang mga ito'y si Moises at si Elias;
9:31 Na napakitang may kaluwalhatian, at nangaguusapan ng tungkol sa kaniyang pagkamatay na malapit niyang ganapin sa Jerusalem.
9:32 Si Pedro nga at ang kaniyang mga kasamahan ay nangagaantok: datapuwa't nang sila'y mangagising na totoo ay nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian, at ang dalawang lalaking nangakatayong kasama niya.
9:33 At nangyari, samantalang sila'y nagsisihiwalay sa kaniya, ay sinabi ni Pedro kay Jesus, Guro, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: at magsigawa tayo ng tatlong dampa; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias: na hindi nalalaman ang kaniyang sinasabi.
9:34 At samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ay dumating ang isang alapaap, at sila'y naliliman: at sila'y nangatakot nang sila'y mangapasok sa alapaap.
9:35 At may tinig na nanggaling sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang aking Anak, ang aking hirang: siya ang inyong pakinggan.
9:36 At nang dumating ang tinig, si Jesus ay nasumpungang nagiisa. At sila'y di nagsisiimik, at nang mga araw na yao'y hindi nila sinabi kanino mang tao ang alin man sa mga bagay na kanilang nakita.
9:37 At nangyari nang kinabukasan, nang pagbaba nila mula sa bundok, ay sinalubong siya ng lubhang maraming tao.
9:38 At narito, isang lalake sa karamihan, ay sumigaw na nagsasabi, Guro, ipinamamanhik ko sa iyo na iyong tingnan ang aking anak na lalake; sapagka't siya'y aking bugtong na anak;
9:39 At narito, inaalihan siya ng isang espiritu, at siya'y biglang nagsisigaw; at siya'y nililiglig, na pinabubula ang bibig, at bahagya nang siya'y hiwalayan, na siya'y totoong pinasasakitan.
9:40 At ipinamanhik ko sa iyong mga alagad na palabasin siya; at hindi nila magawa.
9:41 At sumagot si Jesus at nagsabi, Oh lahing walang pananampalataya at taksil, hanggang kailan makikisama ako sa inyo at magtitiis sa inyo? dalhin mo rito ang anak mo.
9:42 At samantalang siya'y lumalapit, ay ibinuwal siya ng demonio, at pinapangatal na mainam. Datapuwa't pinagwikaan ni Jesus ang karumaldumal na espiritu, at pinagaling ang bata, at isinauli siya sa kaniyang ama.
9:43 At nangagtaka silang lahat sa karangalan ng Dios. Datapuwa't samantalang ang lahat ay nagsisipanggilalas sa lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad,
9:44 Manuot sa inyong mga tainga ang mga salitang ito: sapagka't ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao.
9:45 Datapuwa't hindi nila napaguunawa ang sabing ito, at sa kanila'y nalilingid, upang ito'y huwag mapagunawa; at nangatatakot silang magsipagtanong sa kaniya ng tungkol sa sabing ito.
9:46 At nagkaroon ng isang pagmamatuwiran sa gitna nila kung sino kaya sa kanila ang pinakadakila.
9:47 Datapuwa't pagkaunawa ni Jesus sa pangangatuwiran ng kanilang puso, ay kumuha siya ng isang maliit na bata, at inilagay sa kaniyang siping,
9:48 At sinabi sa kanila, Ang sinomang tumanggap sa maliit na batang ito sa pangalan ko, ay ako ang tinatanggap: at ang sinomang tumanggap sa akin, ay tinatanggap ang nagsugo sa akin: sapagka't ang pinaka maliit sa inyong lahat, ay siyang dakila.
9:49 At sumagot si Juan at sinabi, Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonio sa pangalan mo; at aming pinagbawalan siya, sapagka't siya'y hindi sumasama sa atin.
9:50 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag ninyong pagbawalan siya: sapagka't ang hindi laban sa inyo, ay sumasa inyo.
9:51 At nangyari, nang nalalapit na ang mga kaarawan na siya'y tatanggapin sa itaas, ay pinapanatili niyang harap ang kaniyang mukha upang pumaroon sa Jerusalem,
9:52 At nagsugo ng mga sugo sa unahan ng kaniyang mukha: at nagsiyaon sila, at nagsipasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang siya'y ipaghanda.
9:53 At hindi nila siya tinanggap, sapagka't ang mukha niya'y anyong patungo sa Jerusalem.
9:54 At nang makita ito ng mga alagad niyang si Santiago at si Juan, ay nangagsabi, Panginoon, ibig mo bagang magpababa tayo ng apoy mula sa langit, at sila'y pugnawin?
9:55 Datapuwa't, lumingon siya, at sila'y pinagwikaan.
9:56 At sila'y nagsiparoon sa ibang nayon.
9:57 At paglakad nila sa daan ay may nagsabi sa kaniya, Susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.
9:58 At sinabi sa kaniya ni Jesus, May mga lungga ang mga sorra, at ang mga ibon sa langit ay may mga pugad; datapuwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.
9:59 At sinabi niya sa iba, Sumunod ka sa akin. Datapuwa't siya'y nagsabi, Panginoon, tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.
9:60 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay; datapuwa't yumaon ka at ibalita mo ang kaharian ng Dios.
9:61 At ang iba nama'y nagsabi, Susunod ako sa iyo, Panginoon; datapuwa't pabayaan mo akong magpaalam muna sa mga kasangbahay ko.
9:62 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Jesus, Walang taong pagkahawak sa araro, at lumilingon sa likod, ay karapatdapat sa kaharian ng Dios.
10:1 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay naghalal ng pitongpu pa, at sila'y sinugong daladalawa, sa unahan ng kaniyang mukha, sa bawa't bayan at dako na kaniyang paroroonan.
10:2 At sinabi niya sa kanila, Sa katotohana'y marami ang aanihin, datapuwa't kakaunti ang mga manggagawa: kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.
10:3 Magsiyaon kayo sa iyong lakad; narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga lobo.
10:4 Huwag kayong magsipagdala ng supot ng salapi, ng supot man ng pagkain, ng mga pangyapak man; at huwag kayong magsibati kanino mang tao sa daan.
10:5 At sa alin mang bahay na inyong pasukin, ay sabihin ninyo muna, Kapayapaan nawa sa bahay na ito.
10:6 At kung mayroon doong anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaa'y mananatili sa kaniya: datapuwa't kung wala, ay babalik ito sa inyong muli.
10:7 At magsipanatili kayo sa bahay ding yaon, na kanin at inumin ninyo ang mga bagay na kanilang ibigay: sapagka't ang manggagawa ay marapat sa kaniyang kaupahan. Huwag kayong mangagpalipatlipat sa bahaybahay.
10:8 At sa alin mang bayan na iyong pasukin, at kayo'y kanilang tanggapin, ay kanin ninyo ang mga bagay na ihain sa inyo:
10:9 At pagalingin ninyo ang mga maysakit na nangaroon, at sabihin ninyo sa kanila, Lumapit na sa inyo ang kaharian ng Dios.
10:10 Datapuwa't sa alin mang bayan na inyong pasukin, at hindi kayo tanggapin, magsilabas kayo sa kanilang mga lansangan at inyong sabihin,
10:11 Pati ng alabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa, ay ipinapagpag namin laban sa inyo: gayon ma'y inyong talastasin ito, na lumapit na ang kaharian ng Dios.
10:12 Sinasabi ko sa inyo, Sa araw na yaon ay higit na mapagpapaumanhinan ang Sodoma kay sa bayang yaon.
10:13 Sa aba mo, Corazin! sa aba mo, Betsaida! sapagka't kung sa Tiro at sa Sidon sana ginawa ang mga gawang makapangyarihang ginawa sa inyo, ay maluwat na dising nangagsisi, na nangauupong may kayong magaspang at abo.
10:14 Datapuwa't sa paghuhukom, higit na mapagpapaumanhinan ang Tiro at Sidon, kay sa inyo.
10:15 At ikaw, Capernaum, magpapakataas ka hanggang sa langit? ikaw ay ibaba hanggang sa Hades.
10:16 Ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig; at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil; at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang sa aki'y nagsugo.
10:17 At nagsipagbalik ang pitongpu na may kagalakan, na nangagsasabi, Panginoon, pati ang mga demonio ay nagsisisuko sa amin sa iyong pangalan.
10:18 At sinabi niya sa kanila, Nakita ko si Satanas, na nahuhulog na gaya ng lintik, mula sa langit.
10:19 Narito, binigyan ko kayo ng kapamahalaan na inyong yurakan ang mga ahas at ang mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway: at sa anomang paraa'y hindi kayo maaano.
10:20 Gayon ma'y huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo; kundi inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit.
10:21 Nang oras ding yaon siya'y nagalak sa Espiritu Santo, at sinabi, Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol: gayon nga, Ama; sapagka't gayon ang nakalulugod sa iyong paningin.
10:22 Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at walang nakakakilala kung sino ang Anak, kundi ang Ama; at kung sino ang Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.
10:23 At paglingon sa mga alagad, ay sinabi niya ng bukod, Mapapalad ang mga matang nangakakakita ng mga bagay na inyong nangakikita:
10:24 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang nangaghahangad na mangakakita ng mga bagay na inyong nangakikita, at hindi nila nangakita at mangarinig ang mga bagay na inyong nangaririnig, at hindi nila nangarinig.
10:25 At narito, ang isang tagapagtanggol ng kautusan ay nagtindig at siya'y tinutukso, na sinasabi, Guro, anong aking gagawin upang magmana ng walang hanggang buhay?
10:26 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang nasusulat sa kautusan? ano ang nababasa mo?
10:27 At pagsagot niya'y sinabi, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
10:28 At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang sagot mo: gawin mo ito, at mabubuhay ka.
10:29 Datapuwa't siya, na ibig magaringganap sa kaniyang sarili, ay nagsabi kay Jesus, At sino ang aking kapuwa tao?
10:30 Sumagot si Jesus at sinabi, Isang tao'y bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem; at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya'y sumamsam at sa kaniya'y humampas, at nagsialis na siya'y iniwang halos patay na.
10:31 At nagkataong bumababa sa daang yaon ang isang saserdote; at nang makita siya ay dumaan sa kabilang tabi.
10:32 At sa gayon ding paraan ang isang Levita naman, nang dumating siya sa dakong yaon, at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi.
10:33 Datapuwa't ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya: at nang siya'y makita niya, ay nagdalang habag,
10:34 At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak; at siya'y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya'y inalagaan.
10:35 At nang kinabukasa'y dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, Alagaan mo siya, at ang anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko.
10:36 Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapuwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?
10:37 At sinabi niya, Ang nagkaawanggawa sa kaniya. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.
10:38 Sa pagyaon nga nila sa kanilang lakad, ay pumasok siya sa isang nayon: at isang babaing nagngangalang Marta, ay tinanggap siya sa kaniyang bahay.
10:39 At siya'y may isang kapatid na tinatawag na Maria, na naupo rin naman sa mga paanan ng Panginoon, at pinakikinggan ang kaniyang salita.
10:40 Nguni't si Marta ay naliligalig sa maraming paglilingkod; at siya'y lumapit sa kaniya, at sinabi, Panginoon, wala bagang anoman sa iyo, na pabayaan ako ng aking kapatid na babae na maglingkod na magisa? iutos mo nga sa kaniya na ako'y tulungan niya.
10:41 Datapuwa't sumagot ang Panginoon, at sinabi sa kaniya, Marta, Marta naliligalig ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay:
10:42 Datapuwa't isang bagay ang kinakailangan: sapagka't pinili ni Maria ang magaling na bahagi, na hindi aalisin sa kaniya.
11:1 At nangyari, nang siya'y nananalangin sa isang dako, nang siya'y matapos, ay sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Panginoon, turuan mo kaming manalangin, na gaya naman ni Juan na nagturo sa kaniyang mga alagad.
11:2 At sinabi niya sa kanila, Pagka kayo'y nagsisipanalangin, inyong sabihin, Ama, Sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo.
11:3 Ibigay mo sa amin arawaraw ang aming pangarawaraw na kakanin.
11:4 At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan; sapagka't aming pinatawad naman ang bawa't may utang sa amin. At huwag mo kaming ihatid sa tukso.
11:5 At sinabi niya sa kanila, Sino sa inyo ang magkakaroon ng isang kaibigan, at paroroon sa kaniya sa hating gabi, at sa kaniya'y sasabihin, Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay;
11:6 Sapagka't dumarating sa akin na galing sa paglalakbay ang isa kong kaibigan, at wala akong maihain sa kaniya;
11:7 At siya na mula sa loob ay sasagot at sasabihin, Huwag mo akong bagabagin: nalalapat na ang pinto, at kasama ko sa hihigan ang aking mga anak; hindi ako makabangon at makapagbigay sa iyo?
11:8 Sinasabi ko sa inyo, Kahit siya'y hindi bumangon, at magbigay sa kaniya, dahil sa siya'y kaibigan niya, gayon ma'y dahil sa kaniyang pagbagabag ay siya'y magbabangon at ibibigay gaano man ang kinakailangan niya.
11:9 At sinasabi ko sa inyo, Magsihingi kayo, at kayo'y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo'y mangakakasumpong; magsituktok kayo, at kayo'y bubuksan.
11:10 Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.
11:11 At aling ama sa inyo, na kung humingi ang kaniyang anak ng isang tinapay, ay bibigyan niya siya ng isang bato? o ng isang isda kaya, at hindi isda ang ibibigay, kundi isang ahas?
11:12 O kung siya'y humingi ng itlog, kaniyang bibigyan kaya siya ng alakdan?
11:13 Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng Espiritu Santo sa nagsisihingi sa kaniya?
11:14 At nagpalabas siya ng isang demoniong pipi. At nangyari, nang makalabas na ang demonio, ang pipi ay nangusap; at nangagtaka ang mga karamihan.
11:15 Datapuwa't sinabi ng ilan sa kanila, Sa pamamagitan ni Beelzebub, na pangulo ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.
11:16 At ang mga iba sa pagtukso sa kaniya'y hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit.
11:17 Datapuwa't siya, na nakatataho ng mga pagiisip nila, sa kanila'y sinabi, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay magkakawatakwatak; at ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba.
11:18 At kung si Satanas naman ay nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili, paanong mananatili ang kaniyang kaharian? sapagka't sinasabi ninyong sa pamamagitan ni Beelzebub nagpapalabas ako ng mga demonio.
11:19 At kung nagpapalabas ako ng mga demonio sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino sila pinalalabas ng inyong mga anak? kaya nga, sila ang inyong magiging mga hukom.
11:20 Nguni't kung sa pamamagitan ng daliri ng Dios ay nagpapalabas ako ng mga demonio, dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios.
11:21 Pagka ang lalaking malakas na nasasandatahang lubos ay nagbabantay sa kaniyang sariling looban, ang kaniyang mga pag-aari ay wala sa panganib.
11:22 Datapuwa't kung siya'y datnan ng ibang lalong malakas kay sa kaniya, at siya'y matalo, ay kukunin nito sa kaniya ang lahat ng kaniyang sandata na kaniyang inaasahan, at ipamamahagi ang mga nasamsam sa kaniya.
11:23 Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat.
11:24 Pagka ang karumaldumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig, na humahanap ng kapahingahan, at pagka hindi makasumpong, ay sinasabing, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko.
11:25 At pagdating niya ay nasusumpungang walis na at nagagayakan.
11:26 Kung magkagayo'y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama pa kay sa kaniya; at sila'y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una.
11:27 At nangyari, na nang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ang isang babaing mula sa karamihan ay naglakas ng kaniyang tinig at sinabi sa kaniya, Mapalad ang tiyang sa iyo'y nagdala, at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.
11:28 Datapuwa't sinabi niya, Oo, bagkus na lalong mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito'y ginaganap.
11:29 At nang ang mga karamihan ay nangagkakatipon sa kaniya, ay nagpasimula siyang magsabi, Ang lahing ito'y isang masamang lahi: siya'y humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ni Jonas.
11:30 Sapagka't kung paanong si Jonas ay naging tanda sa mga Ninivita, ay gayon din naman ang Anak ng tao sa lahing ito.
11:31 Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng mga tao ng lahing ito, at sila'y hahatulan: sapagka't siya'y naparitong galing sa mga wakas ng lupa, upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon.
11:32 Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Ninive na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.
11:33 Walang taong pagkapagpaningas niya ng isang ilawan, ay ilalagay sa isang dakong tago, ni sa ilalim man ng takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw, upang ang nagsisipasok ay makita ang ilaw.
11:34 Ang ilawan ng katawan mo ay ang iyong mata: kung magaling ang iyong mata, ang buong katawan mo naman ay puspos ng liwanag; datapuwa't kung ito'y may sakit, ang katawan mo nama'y puspos ng kadiliman.
11:35 Masdan mo nga kung ang ilaw na nasa iyo ay baka kadiliman.
11:36 Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay puspos ng liwanag, na walang anomang bahaging madilim, ito'y lubos na mapupuspos ng liwanag, na gaya ng pagliliwanag sa iyo ng ilawang may liwanag na maningning.
11:37 Samantala ngang siya'y nagsasalita, ay inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya: at siya'y pumasok, at naupo sa dulang.
11:38 At nang makita ito ng Fariseo, ay nagtaka na siya'y hindi muna naghugas bago mananghali.
11:39 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Gayon nga kayong mga Fariseo na nililinis ninyo ang dakong labas ng saro at ng pinggan; datapuwa't ang loob ninyo'y puno ng panglulupig at kasamaan.
11:40 Kayong mga haling, di baga ang gumawa ng dakong labas ay siya ring gumawa ng dakong loob?
11:41 Datapuwa't ilimos ninyo ang mga bagay na nasa kalooban; at narito, ang lahat ng mga bagay ay malilinis sa inyo.
11:42 Datapuwa't sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, at ng ruda, at ng bawa't gugulayin, at pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pagibig ng Dios: datapuwa't dapat ngang gawin ninyo ang mga ito, at huwag pabayaan di ginagawa ang mga yaon.
11:43 Sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't inyong iniibig ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan.
11:44 Sa aba ninyo! sapagka't kayo'y tulad sa mga libingang hindi nakikita, at di nalalaman ng mga taong nagsisilakad sa ibabaw nila.
11:45 At pagsagot ng isa sa mga tagapagtanggol ng kautusan, ay nagsabi sa kaniya, Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong pinupulaan.
11:46 At sinabi niya, Sa aba rin naman ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasang mahihirap dalhin, at hindi man lamang ninyo hinihipo ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasan.
11:47 Sa aba ninyo! sapagka't inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, at ang mga yao'y pinatay ng inyong mga magulang.
11:48 Kayo nga'y mga saksi at nagsisisangayon sa mga gawa ng inyong mga magulang: sapagka't pinatay ng mga ito ang mga yaon, at itinatayo ninyo ang kanilang mga libingan.
11:49 Kaya nga, sinasabi naman ng karunungan ng Dios, Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; at ilan sa kanila ay kanilang papatayin at paguusigin;
11:50 Upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta, na ibinubo buhat nang itatag ang sanglibutan;
11:51 Mula sa dugo ni Abel, hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuario: oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito.
11:52 Sa aba ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inalis ninyo ang susi ng karunungan: hindi kayo nagsipasok, at inyong sinasansala ang nagsisipasok.
11:53 At paglabas niya roon, ay nangagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na higpitang mainam siya, at akitin siyang magsalita ng maraming mga bagay;
11:54 Na siya'y inaabangan, upang makahuli sa kaniyang bibig ng anoman.
12:1 Samantalang nangagkakatipon ang libolibong tao, na ano pa't nagkakayapakan silasila, ay nagpasimula siyang magsalita muna sa kaniyang mga alagad, Mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y pagpapaimbabaw nga.
12:2 Datapuwa't walang bagay na natatakpan, na hindi mahahayag: at natatago, na hindi malalaman.
12:3 Kaya nga, ang anomang sinabi ninyo sa kadiliman ay maririnig sa kaliwanagan, at ang sinalita ninyo sa bulong sa mga silid, ay ipagsisigawan sa mga bubungan.
12:4 At sinasabi ko sa inyo mga kaibigan ko, Huwag kayong mangatakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos niyan ay wala na silang magagawa.
12:5 Datapuwa't ipinagpapauna ko sa inyo kung sino ang inyong katatakutan: Katakutan ninyo yaong pagkatapos na pumatay, ay may kapangyarihang magbulid sa impierno; tunay, sinasabi ko sa inyo, Siya ninyong katakutan.
12:6 Hindi baga ipinagbibili ang limang maya sa dalawang beles? at isa man sa kanila ay hindi nalilimutan sa paningin ng Dios.
12:7 Datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat. Huwag kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kay sa maraming maya.
12:8 At sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin naman siya ng Anak ng tao sa harap ng mga anghel ng Dios:
12:9 Datapuwa't ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao, ay ikakaila sa harap ng mga anghel ng Dios.
12:10 Ang bawa't magsalita ng salitang laban sa Anak ng tao ay patatawarin: nguni't ang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.
12:11 At pagka kayo'y dadalhin sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapamahalaan, ay huwag kayong mangabalisa kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin:
12:12 Sapagka't ituturo sa inyo ng Espiritu Santo sa oras ding yaon ang inyong dapat sabihin.
12:13 At sinabi sa kaniya ng isa sa karamihan, Guro, iutos mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.
12:14 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, Lalake, sino ang gumawa sa aking hukom o tagapamahagi sa inyo?
12:15 At sinabi niya sa kanila, Mangagmasid kayo, at kayo'y mangagingat sa lahat ng kasakiman: sapagka't ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya.
12:16 At nagsaysay siya sa kanila ng isang talinghaga, na sinasabi, Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana:
12:17 At iniisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka't wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga?
12:18 At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pag-aari.
12:19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, matuwa ka.
12:20 Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya?
12:21 Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at hindi mayaman sa Dios.
12:22 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano ang inyong kakanin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramtin.
12:23 Sapagka't ang buhay ay higit kay sa pagkain, at ang katawan kay sa damit.
12:24 Wariin ninyo ang mga uwak, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas man; na walang bangan ni kamalig man; at sila'y pinakakain ng Dios: gaano ang kahigtan ng kahalagahan ninyo kay sa mga ibon!
12:25 At sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kaniyang buhay?
12:26 Kung hindi nga ninyo magawa kahit ang lalong maliit, bakit nangababalisa kayo tungkol sa mga ibang bagay?
12:27 Wariin ninyo ang mga lirio, kung paano silang nagsisilaki: hindi nangagpapagal, o nangagsusulid man; gayon ma'y sinasabi ko sa inyo, Kahit si Salomon man, sa buong kaluwalhatian niya, ay hindi nakapaggayak na gaya ng isa sa mga ito.
12:28 Nguni't kung pinararamtan ng Dios ng ganito ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasan ay iginagatong sa kalan; gaano pa kaya kayo na di niya pararamtan, Oh kayong mga kakaunti ang pananampalataya?
12:29 At huwag ninyong pagsikapan kung ano ang inyong kakanin, at kung ano ang inyong iinumin, o huwag man kayo'y mapagalinlangang pagiisip.
12:30 Sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pinaghahanap ng mga bansa sa sanglibutan: datapuwa't talastas ng inyong Ama na inyong kinakailangan ang mga bagay na ito.
12:31 Gayon ma'y hanapin ninyo ang kaniyang kaharian, at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito.
12:32 Huwag kayong mangatakot, munting kawan; sapagka't nakalulugod na mainam sa inyong Ama ang sa inyo'y ibigay ang kaharian.
12:33 Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik, at kayo'y mangaglimos; magsigawa kayo sa ganang inyo ng mga supot na hindi nangaluluma, isang kayamanan sa langit na hindi nagkukulang, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang tanga.
12:34 Sapagka't kung saan naroroon ang inyong kayamanan, ay doroon naman ang inyong puso.
12:35 Bigkisan ninyo ang inyong mga baywang, at paningasan ang inyong mga ilawan;
12:36 At magsitulad kayo sa mga taong nangaghihintay sa kanilang panginoon kung siya'y bumalik na galing sa kasalan; upang kung siya'y dumating at tumuktok, pagdaka'y mabuksan nila siya.
12:37 Mapapalad yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang nangagpupuyat: katotohanang sinasabi ko sa inyo na siya'y magbibigkis sa sarili, at sila'y pauupuin sa dulang, at lalapit at sila'y paglilingkuran niya.
12:38 At kung siya'y dumating sa ikalawang pagpupuyat, o sa ikatlo, at masumpungan sila sa gayon, ay mapapalad ang mga aliping yaon.
12:39 Datapuwa't talastasin ninyo ito na kung nalalaman lamang ng puno ng sangbahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y magpupuyat, at hindi pababayaang sirain ang kaniyang bahay.
12:40 Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka't sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.
12:41 At sinabi ni Pedro, Panginoon, sinasabi mo baga ang talinghagang ito sa amin, o sa lahat naman?
12:42 At sinabi ng Panginoon, Sino nga baga ang katiwalang tapat at matalino, na pagkakatiwalaan ng kaniyang panginoon ng kaniyang sangbahayan, upang sila'y bigyan ng kanilang bahagi na pagkain sa kapanahunan?
12:43 Mapalad ang aliping yaon, na kung dumating ang kaniyang panginoon ay maratnang gayon ang ginagawa niya.
12:44 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya'y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari.
12:45 Datapuwa't kung sabihin ng aliping yaon sa kaniyang puso, Maluluwatan ang pagdating ng aking panginoon; at magpasimulang bugbugin ang mga aliping lalake at ang mga aliping babae, at kumain at uminom, at maglasing;
12:46 Ang panginoon ng aliping yaon ay darating sa araw na di niya hinihintay, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga di tapat.
12:47 At yaong aliping nakaaalam ng kalooban ng kaniyang panginoon, at hindi naghanda, at hindi gumawa ng alinsunod sa kaniyang kalooban ay papaluin ng marami;
12:48 Datapuwa't ang hindi nakaaalam, at gumawa ng mga bagay na karapatdapat sa mga palo, ay papaluin ng kaunti. At sa sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kaniya: at sa sinomang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingin sa kaniya.
12:49 Ako'y naparito upang maglagay ng apoy sa lupa; at ano pa ang iibigin ko, kung magningas na?
12:50 Datapuwa't ako'y may isang bautismo upang ibautismo sa akin; at gaano ang aking kagipitan hanggang sa ito'y maganap?
12:51 Inaakala baga ninyo na ako'y naparito upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, kundi bagkus pagkakabahabahagi:
12:52 Sapagka't mula ngayon ay magkakabahabahagi ang lima sa isang bahay, tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.
12:53 Sila'y mangagkakabahabahagi, ang ama'y laban sa anak na lalake, at ang anak na lalake ay laban sa ama; ang ina'y laban sa anak na babae, at ang anak na babae ay laban sa kaniyang ina; ang biyanang babae ay laban sa kaniyang manugang na babae, at ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyanang babae.
12:54 At sinabi rin naman niya sa mga karamihan, Pagka nakikita ninyong bumangon sa kalunuran ang isang alapaap, ay agad ninyong sinasabi, Uulan; at gayon ang nangyayari.
12:55 At kung humihihip ang hanging timugan, ay sinasabi ninyo, Iinit na maigi; at ito'y nangyayari.
12:56 Kayong mga mapagpaimbabaw! marunong kayong mangagpaaninaw ng anyo ng lupa at ng langit; datapuwa't bakit di ninyo nalalamang ipaaninaw ang panahong ito?
12:57 At bakit naman hindi ninyo hatulan sa inyong sarili kung alin ang matuwid?
12:58 Sapagka't samantalang pumaparoon ka sa hukom na kasama mo ang iyong kaalit, ay sikapin mo sa daan na makaligtas ka sa kaniya; baka sakaling kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal at ipasok ka ng punong kawal sa bilangguan.
12:59 Sinasabi ko sa iyo, Hindi ka lalabas doon sa anomang paraan, hanggang sa mabayaran mo ang katapustapusang lepta.
13:1 Nang panahon ding ngang yaon ay nangaroon ang ilan, na nagsipagsabi sa kaniya tungkol sa mga Galileo, na ang dugo ng mga ito'y inihalo ni Pilato sa mga hain nila.
13:2 At siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Inaakala baga ninyo na ang mga Galileong ito ay higit ang pagkamakasalanan kay sa lahat ng mga Galileo, dahil sa sila'y nangagbata ng mga bagay na ito?
13:3 Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.
13:4 O yaong labingwalo, na nalagpakan ng moog sa Siloe, at nangamatay, ay inaakala baga ninyo na sila'y lalong salarin kay sa lahat ng taong nangananahan sa Jerusalem?
13:5 Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.
13:6 At sinalita niya ang talinghagang ito, Isang tao ay may isang puno ng igos na natatanim sa kaniyang ubasan; at siya'y naparoong humahanap ng bunga niyaon, at walang nasumpungan.
13:7 At sinabi niya sa nagaalaga ng ubasan, Narito, tatlong taon nang pumaparito akong humahanap ng bunga sa puno ng igos na ito, at wala akong masumpungan: putulin mo; bakit pa makasisikip sa lupa?
13:8 At pagsagot niya'y sinabi sa kaniya, Panginoon, pabayaan mo muna sa taong ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot, at malagyan ng pataba:
13:9 At kung pagkatapos ay magbunga, ay mabuti; datapuwa't kung hindi, ay puputulin mo.
13:10 At siya'y nagtuturo sa mga sinagoga nang araw ng sabbath.
13:11 At narito, ang isang babae na may espiritu ng sakit na may labingwalong taon na; at totoong baluktot at hindi makaunat sa anomang paraan.
13:12 At nang siya'y makita ni Jesus, ay kaniyang tinawag siya, at sinabi niya sa kaniya, Babae, kalag ka na sa iyong sakit.
13:13 At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya: at pagdaka siya'y naunat, at niluwalhati niya ang Dios.
13:14 At ang pinuno sa sinagoga, dala ng kagalitan, sapagka't si Jesus ay nagpagaling nang sabbath, ay sumagot at sinabi sa karamihan, May anim na araw na ang mga tao'y dapat na magsigawa: kaya sa mga araw na iyan ay magsiparito kayo, at kayo'y pagagalingin, at huwag sa araw ng sabbath.
13:15 Datapuwa't sinagot siya ng Panginoon, at sinabi, Kayong mga mapagpaimbabaw, hindi baga kinakalagan ng bawa't isa sa inyo sa sabbath ang kaniyang bakang lalake o ang kaniyang asno sa sabsaban, at ito'y inilalabas upang painumin?
13:16 At ang babaing itong anak ni Abraham, na tinalian ni Satanas, narito, sa loob ng labingwalong taon, hindi baga dapat kalagan ng taling ito sa araw ng sabbath?
13:17 At samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ay nangapahiya ang lahat ng kaniyang mga kaalit: at nangagagalak ang buong karamihan dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kaniyang ginawa.
13:18 Sinabi nga niya, Sa ano tulad ang kaharian ng Dios? at sa ano ko itutulad?
13:19 Tulad sa isang butil ng mostasa na kinuha ng isang tao, at inihagis sa kaniyang sariling halamanan; at ito'y sumibol, at naging isang punong kahoy; at humapon sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.
13:20 At muling sinabi niya, Sa ano ko itutulad ang kaharian ng Dios?
13:21 Tulad sa lebadura na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nalebadurahang lahat.
13:22 At siya'y yumaon sa kaniyang lakad sa mga bayan at mga nayon, na nagtuturo, at naglalakbay na tungo sa Jerusalem.
13:23 At may isang nagsabi sa kaniya, Panginoon, kakaunti baga ang mangaliligtas? At sinabi niya sa kanila,
13:24 Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka't sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari.
13:25 Kung makatindig na ang puno ng sangbahayan, at mailapat na ang pinto, at magpasimula kayong mangagsitayo sa labas, at mangagsituktok sa pintuan, na mangagsasabi, Panginoon, buksan mo kami; at siya'y sasagot at sasabihin sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan;
13:26 Kung magkagayo'y pasisimulan ninyong sabihin, Nagsikain kami at nagsiinom sa harap mo, at nagturo ka sa aming mga lansangan;
13:27 At sasabihin niya, Sinasabi ko sa inyo na hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan; magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan.
13:28 Diyan na nga ang pagtangis, at ang pagngangalit ng mga ngipin, kung mangakita ninyo si Abraham, at si Isaac, at si Jacob, at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Dios, at kayo'y palabasin.
13:29 At sila'y magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at sa timugan at sa hilagaan, at magsisiupo sa kaharian ng Dios.
13:30 At narito, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli.
13:31 Nagsidating nang oras ding yaon ang ilang Fariseo, na nangagsasabi sa kaniya, Lumabas ka, at humayo ka rito: sapagka't ibig kang patayin ni Herodes.
13:32 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo, at inyong sabihin sa sorrang yaon, Narito, nagpapalabas ako ng mga demonio at nagpapagaling ngayon at bukas, at ako'y magiging sakdal sa ikatlong araw.
13:33 Gayon ma'y kailangang ako'y yumaon sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa: sapagka't hindi mangyayari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.
13:34 Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinugo sa kaniya! Makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, at ayaw kayo!
13:35 Narito, sa inyo'y iniwang walang anoman ang inyong bahay: at sinasabi ko sa inyo, Hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.
14:1 At nangyari, sa pagpasok niya sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo nang isang sabbath upang kumain ng tinapay, at inaabangan nila siya.
14:2 At narito, sa kaniyang harapan ay may isang lalaking namamaga.
14:3 At pagsagot ni Jesus, ay nagsalita sa mga tagapagtanggol ng kautusan at sa mga Fariseo, na sinasabi, Matuwid baga o hindi na magpagaling sa sabbath?
14:4 Datapuwa't sila'y di nagsiimik. At siya'y tinangnan niya, at siya'y pinagaling, at siya'y pinayaon.
14:5 At sinabi niya sa kanila, Sino kaya sa inyo ang kung magkaroon ng isang asno o isang bakang lalake na mahulog sa hukay, at pagdaka'y hindi kukunin kahit araw ng sabbath?
14:6 At di na muling nakasagot sila sa kaniya sa mga bagay na ito.
14:7 At nagsalita siya ng isang talinghaga sa mga inanyayahan, nang mamasdan niya na kanilang pinipili ang mga pangulong luklukan; na nagsasabi sa kanila,
14:8 Pagka inaanyayahan ka ninomang tao sa kasalan, huwag kang uupo sa pangulong luklukan; baka mayroon siyang anyayahang lalong marangal na tao kay sa iyo,
14:9 At lumapit yaong naganyaya sa iyo at sa kaniya, at sabihin sa iyo, Bigyan mong puwang ang taong ito; at kung magkagayo'y magpapasimula kang mapahiya na mapalagay ka sa dakong kababababaan.
14:10 Kundi pagka inaanyayahan ka, ay pumaroon ka at umupo ka sa dakong kababababaan; upang kung dumating ang naganyaya sa iyo, ay sa iyo'y sabihin niya, Kaibigan pumaroon ka pa sa lalong mataas: kung magkagayo'y magkakaroon ka ng kaluwalhatian sa harap ng lahat na mga kasalo mong nangakaupo sa dulang.
14:11 Sapagka't ang bawa't nagmamataas ay mabababa; at ang nagpapakababa ay matataas.
14:12 At sinabi rin naman niya sa naganyaya sa kaniya, Pagka naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, ay huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, ni ang iyong mga kapatid, ni ang iyong mga kamaganak, ni ang mayayamang kapitbahay; baka ikaw naman ang kanilang muling anyayahan, at gantihan ka.
14:13 Datapuwa't kung maghahanda ka, ay anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pingkaw, ang mga pilay, ang mga bulag,
14:14 At magiging mapalad ka; sapagka't wala silang sukat ikaganti sa iyo: sapagka't gagantihin sa iyo sa pagkabuhay na maguli ng mga ganap.
14:15 At nang marinig ito ng isa sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay sinabi sa kaniya, Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Dios.
14:16 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan:
14:17 At sa panahon ng paghapon ay sinugo niya ang kaniyang alipin, upang sabihin sa mga inanyayahan, Magsiparito kayo; sapagka't ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na.
14:18 At silang lahat na parang iisa ay nangagpasimulang nangagdahilan. Sa kaniya'y sinabi ng una, Bumili ako ng isang bukid, at kailangan akong umalis at tingnan; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.
14:19 At sinabi ng iba, Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalake, at paroroon ako upang sila'y subukin; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.
14:20 At sinabi ng iba, Bago akong kasal, at kaya nga hindi ako makaparoroon.
14:21 At dumating ang alipin, at isinaysay ang mga bagay na ito sa kaniyang panginoon. Nang magkagayon, sa galit ng puno ng sangbahayan ay sinabi sa kaniyang alipin, Pumaroon kang madali sa mga lansangan at sa mga daang makikipot ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, at ang mga pingkaw, at ang mga bulag, at ang mga pilay.
14:22 At sinabi ng alipin, panginoon, nagawa na ang ipinagutos mo, at gayon ma'y maluwag pa.
14:23 At sinabi ng panginoon sa alipin, Pumaroon ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang magsipasok, upang mapuno ang aking bahay.
14:24 Sapagka't sinasabi ko sa inyo na alin man sa mga taong inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking hapunan.
14:25 Nagsisama nga sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya'y lumingon at sa kanila'y sinabi,
14:26 Kung ang sinomang tao'y pumaparito sa akin, at hindi napopoot sa kaniyang sariling ama, at ina, at asawang babae, at mga anak, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kaniyang sariling buhay man, ay hindi siya maaaring maging alagad ko.
14:27 Sinomang hindi nagdadala ng kaniyang sariling krus, at sumusunod sa akin, ay hindi maaaring maging alagad ko.
14:28 Sapagka't alin sa inyo, ang kung ibig magtayo ng isang moog, ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol kung mayroong maipagtatapos?
14:29 Baka kung mailagay na niya ang patibayan, at hindi matapos, ang lahat ng mga makakita ay mangagpasimulang siya'y libakin,
14:30 Na sabihin, Nagpasimula ang taong ito na magtayo, at hindi nakayang tapusin.
14:31 O aling hari, na kung sasalubong sa pakikidigma sa ibang hari, ay hindi muna uupo at sasangguni kung makahaharap siya na may sangpung libo sa dumarating na laban sa kaniya na may dalawangpung libo?
14:32 O kung hindi, samantalang malayo pa ang isa, ay magsusugo siya ng isang sugo, at hihilingin ang mga kailangan sa pagkakasundo.
14:33 Kaya nga sinoman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad ko.
14:34 Mabuti nga ang asin: datapuwa't kung ang asin ay tumabang, ay ano ang ipagpapaalat?
14:35 Walang kabuluhang maging sa lupa kahit sa tapunan man ng dumi: itinatapon sa labas. Ang may mga pakinig upang ipakinig, ay makinig.
15:1 Nagsisilapit nga sa kaniya ang lahat ng mga maniningil ng buwis at makasalanan upang makinig sa kaniya.
15:2 At ang mga Fariseo at gayon din ang mga eskriba ay nangagbubulongbulungan, na nangagsasabi, Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at sumasalo sa kanila.
15:3 At sinalita niya sa kanila ang talinghagang ito, na sinasabi,
15:4 Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon ay hindi iiwan ang siyam na pu't siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito'y kaniyang masumpungan?
15:5 At pagka nasumpungan niya, ay pinapasan niya sa kaniyang balikat, na natutuwa.
15:6 At paguwi niya sa tahanan, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaniyang mga kapitbahay, na sasabihin sa kanila, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka't nasumpungan ko ang aking tupang nawala.
15:7 Sinasabi ko sa inyo, na gayon din magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kay sa siyam na pu't siyam na taong matutuwid na di nangagkakailangang magsipagsisi.
15:8 O aling babae na may sangpung putol na pilak, na kung mawalan siya ng isang putol, ay hindi baga magpapaningas ng isang ilawan, at wawalisan ang bahay, at hahanaping masikap hanggang sa ito'y masumpungan niya?
15:9 At pagka nasumpungan niya, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na sinasabi, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka't nasumpungan ko ang isang putol na nawala sa akin.
15:10 Gayon din, sinasabi ko sa inyo, na may tuwa sa harapan ng mga anghel ng Dios, dahil sa isang makasalanang nagsisisi.
15:11 At sinabi niya, May isang tao na may dalawang anak na lalake:
15:12 At sinabi sa kaniyang ama ng bunso, Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng iyong kayamanang nauukol sa akin. At binahagi niya sa kanila ang kaniyang pagkabuhay.
15:13 At hindi nakaraan ang maraming araw, ay tinipong lahat ng anak na bunso ang ganang kaniya, at naglakbay sa isang malayong lupain; at doo'y inaksaya ang kaniyang kabuhayan sa palunging pamumuhay.
15:14 At nang magugol na niyang lahat, ay nagkaroon ng isang malaking kagutom sa lupaing yaon; at siya'y nagpasimulang mangailangan.
15:15 At pumaroon siya at nakisama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing yaon; at sinugo niya siya sa kaniyang mga parang, upang magpakain ng mga baboy.
15:16 At ibig sana niyang mabusog ang kaniyang tiyan ng mga ipa na kinakain ng mga baboy: at walang taong magbigay sa kaniya.
15:17 Datapuwa't nang siya'y makapagisip ay sinabi niya, Ilang mga alilang upahan ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, at ako rito'y namamatay ng gutom?
15:18 Magtitindig ako at paroroon sa aking ama, at aking sasabihin sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin:
15:19 Hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo: gawin mo akong tulad sa isa sa iyong mga alilang upahan.
15:20 At siya'y nagtindig, at pumaroon sa kaniyang ama. Datapuwa't samantalang nasa malayo pa siya, ay natanawan na siya ng kaniyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, at siya'y hinagkan.
15:21 At sinabi ng anak sa kaniya, Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo.
15:22 Datapuwa't sinabi ng ama sa kaniyang mga alipin, Dalhin ninyo ritong madali ang pinakamabuting balabal, at isuot ninyo sa kaniya; at lagyan ninyo ng singsing ang kaniyang kamay, at mga panyapak ang kaniyang mga paa:
15:23 At kunin ninyo ang pinatabang guya, at inyong patayin, at tayo'y magsikain, at mangagkatuwa:
15:24 Sapagka't patay na ang anak kong ito, at muling nabuhay; siya'y nawala, at nasumpungan. At sila'y nangagpasimulang mangagkatuwa.
15:25 Nasa bukid nga ang anak niyang panganay: at nang siya'y dumating at malapit sa bahay, ay narinig niya ang tugtugan at ang sayawan.
15:26 At pinalapit niya sa kaniya ang isa sa mga alipin, at itinanong kung ano kaya ang mga bagay na yaon.
15:27 At sinabi niya sa kaniya, Dumating ang kapatid mo; at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya'y tinanggap niya na ligtas at magaling.
15:28 Datapuwa't nagalit siya, at ayaw pumasok: at lumabas ang kaniyang ama, at siya'y namanhik sa kaniya.
15:29 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniyang ama, Narito, maraming taon nang kita'y pinaglilingkuran, at kailan ma'y hindi ako sumuway sa iyong utos; at gayon ma'y hindi mo ako binigyan kailan man ng isang maliit na kambing, upang ipakipagkatuwa ko sa aking mga kaibigan:
15:30 Datapuwa't nang dumating itong anak mong umubos ng iyong pagkabuhay sa mga patutot, ay ipinagpatay mo siya ng pinatabang guya.
15:31 At sinabi niya sa kaniya, Anak, ikaw ay palaging nasa akin, at iyo ang lahat ng akin.
15:32 Datapuwa't karapatdapat mangagkatuwa at mangagsaya tayo: sapagka't patay ang kapatid mong ito, at muling nabuhay; at nawala, at nasumpungan.
16:1 At sinabi rin naman niya sa mga alagad, May isang taong mayaman, na may isang katiwala; at ito'y isinumbong sa kaniya na siya'y nagsisira ng kaniyang mga pag-aari.
16:2 At tinawag niya siya, at sa kaniya'y sinabi, Ano ito na nababalitaan ko tungkol sa iyo? magbigay sulit ka ng pagiging katiwala; sapagka't hindi ka na maaaring maging katiwala pa.
16:3 At sinabi ng katiwala sa kaniyang sarili, Anong gagawin ko, yamang inaalis sa akin ng panginoon ko ang pagiging katiwala? Magdukal ng lupa'y wala akong kaya; magpalimos ay nahihiya ako.
16:4 Nalalaman ko na ang gagawin ko, upang, kung mapaalis ako sa pagiging katiwala, ako ay matanggap nila sa kanilang mga bahay.
16:5 At pagtawag niya sa bawa't isa sa mga may utang sa kaniyang panginoon, ay sinabi niya sa una, Gaano ang utang mo sa aking panginoon?
16:6 At sinabi niya, Isang daang takal na langis. At sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at maupo kang madali at isulat mong limangpu.
16:7 Nang magkagayon ay sinabi niya sa iba, At ikaw, gaano ang utang mo? At sinabi niya, Isang daang takal na trigo. Sinabi niya sa kaniya, Abutin mo ang iyong kasulatan, at isulat mong walongpu.
16:8 At pinuri ng kaniyang panginoon ang lilong katiwala, sapagka't siya'y gumawang may katalinuhan: sapagka't ang mga anak ng sanglibutang ito, sa kanilang sariling lahi, ay matatalino kay sa mga anak ng ilaw.
16:9 At sinabi ko sa inyo, Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng kayamanan ng kasamaan; upang, kung kayo'y magkulang, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tabernakulo.
16:10 Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami: at ang di matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami.
16:11 Kung kayo nga'y di naging mapagtapat sa masamang kayamanan, sino nga ang magkakatiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan?
16:12 At kung di kayo naging mapagtapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sa inyong sarili.
16:13 Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa; o di kaya'y magtatapat sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Dios at sa mga kayamanan.
16:14 At ang mga Fariseo, na pawang maibigin sa salapi, ay nangakikinig ng lahat ng mga bagay na ito; at siya'y tinutuya nila.
16:15 At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagaaring-ganap sa inyong sarili sa paningin ng mga tao; datapuwa't nakikilala ng Dios ang inyong mga puso; sapagka't ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Dios.
16:16 Ang kautusan at ang mga propeta ay nanatili hanggang kay Juan: mula noo'y ang evangelio ng kaharian ng Dios ay ipinangangaral, at ang bawa't tao ay pumapasok doon na nagpipilit.
16:17 Nguni't lubhang magaan pa ang mangawala ang langit at ang lupa, kay sa mahulog ang isang kudlit ng kautusan.
16:18 Ang bawa't lalaki na inihihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing inihiwalay ng kaniyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.
16:19 Mayroon ngang isang taong mayaman, at siya'y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain ng sagana:
16:20 At isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, lipos ng mga sugat, ay inilalagay sa kaniyang pintuan,
16:21 At naghahangad na mapakain ng mga mumo na nangahuhulog mula sa dulang ng mayaman; oo, at lumapit pati ang mga aso at hinihimuran ang kaniyang mga sugat.
16:22 At nangyari, na namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham: at namatay naman ang mayaman, at inilibing.
16:23 At sa Hades na nasa mga pagdurusa ay itiningin niya ang kaniyang mga mata, at natanaw sa malayo si Abraham, at si Lazaro ay nasa kaniyang sinapupunan.
16:24 At siya'y sumigaw at sinabi, Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kaniyang daliri, at palamigin ang aking dila; sapagka't naghihirap ako sa alab na ito.
16:25 Datapuwa't sinabi ni Abraham, Anak, alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng iyong mabubuting bagay sa iyong pamumuhay, at si Lazaro sa gayon ding paraan ay masasamang bagay: datapuwa't ngayon, ay inaaliw siya rini, at ikaw ay nasa kahirapan.
16:26 At bukod sa lahat ng ito, ay may isang malaking banging nakalagay sa pagitan namin at ninyo, upang ang mga magibig tumawid buhat dini hanggang sa inyo ay hindi maari, at gayon din walang makatawid mula diyan hanggang sa amin.
16:27 At sinabi niya, Ipinamamanhik ko nga sa iyo, ama, na suguin mo siya sa bahay ng aking ama;
16:28 Sapagka't ako'y may limang kapatid na lalake; upang sa kanila'y patotohanan niya, baka pati sila'y mangaparito sa dakong ito ng pagdurusa.
16:29 Datapuwa't sinabi ni Abraham, Nasa kanila si Moises at ang mga propeta; bayaang sila'y pakinggan nila.
16:30 At sinabi niya, Hindi amang Abraham: datapuwa't kung ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila, sila'y mangagsisisi.
16:31 At sinabi niya sa kaniya, Kung di nila pinakikinggan si Moises at ang mga propeta, ay di rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay.
17:1 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad Hindi mangyayari na di dumating ang mga kadahilanan ng pagkakatisod; datapuwa't sa aba niyaong pinanggalingan.
17:2 Mabuti pa sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang gilingang bato, at siya'y ihagis sa dagat, kay sa siya'y magpatisod sa isa sa maliliit na ito.
17:3 Mangagingat kayo sa inyong sarili: kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya; at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya.
17:4 At kung siya'y makapitong magkasala sa isang araw laban sa iyo, at makapitong magbalik sa iyo na sasabihin, Pinagsisisihan ko; patawarin mo siya.
17:5 At sinabi ng mga apostol sa Panginoon, Dagdagan mo ang pananampalataya namin.
17:6 At sinabi ng Panginoon, Kung mangagkaroon kayo ng pananampalataya na kasing laki ng isang butil ng binhi ng mostasa, sasabihin ninyo sa puno ng sikomorong ito, Mabunot ka, at matanim ka sa dagat; at kayo'y tatalimahin.
17:7 Datapuwa't sino sa inyo, ang may isang aliping nagaararo o nagaalaga ng mga tupa, na pagbabalik niyang galing sa bukid ay magsasabi sa kaniya, Parito ka agad at maupo ka sa dulang ng pagkain;
17:8 At hindi sasabihin sa kaniya, Ipaghanda mo ako ng mahahapunan, at magbigkis ka, at paglingkuran mo ako, hanggang sa ako'y makakain at makainom; at saka ka kumain at uminom?
17:9 Nagpapasalamat baga siya sa alipin sapagka't ginawa ang iniutos sa kaniya?
17:10 Gayon din naman kayo, pagka nangagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na sa inyo'y iniutos, inyong sabihin, Mga aliping walang kabuluhan kami; ginawa namin ang katungkulan naming gawin.
17:11 At nangyari, na samantalang sila'y napapatungo sa Jerusalem, na siya'y nagdaraan sa mga hangganan ng Samaria at Galilea.
17:12 At sa pagpasok niya sa isang nayon, ay sinalubong siya ng sangpung lalaking ketongin, na nagsitigil sa malayo:
17:13 At sila'y nagsisigaw na nagsisipagsabi, Jesus, Guro, maawa ka sa amin.
17:14 At pagkakita niya sa kanila, ay sinabi niya sa kanila, Magsihayo kayo at kayo'y pakita sa mga saserdote. At nangyari, na samantalang sila'y nagsisiparoon, ay nangalinis sila.
17:15 At isa sa kanila, nang makita niyang siya'y gumaling, ay nagbalik, na niluluwalhati ang Dios ng malakas na tinig;
17:16 At siya'y nagpatirapa sa kaniyang paanan, na nagpapasalamat sa kaniya: at siya'y isang Samaritano.
17:17 At pagsagot ni Jesus ay nagsabi, Hindi baga sangpu ang nagsilinis? datapuwa't saan nangaroon ang siyam?
17:18 Walang nagbalik upang lumuwalhati sa Dios, kundi itong taga ibang lupa?
17:19 At sinabi niya sa kaniya, Magtindig ka, at yumaon ka sa iyong lakad: pinagaling ka ng iyong pananampalataya.
17:20 At palibhasa'y tinanong siya ng mga Fariseo, kung kailan darating ang kaharian ng Dios, ay sinagot niya sila at sinabi, Ang kaharian ng Dios ay hindi paririto na mapagkikita:
17:21 Ni sasabihin man nila, Naririto! o Naririyan! sapagka't narito, ang kaharian ng Dios ay nasa loob ninyo.
17:22 At sinabi niya sa mga alagad, Darating ang mga araw, na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng tao, at hindi ninyo makikita.
17:23 At sasabihin nila sa inyo, Naririyan! Naririto! huwag kayong magsisiparoon, ni magsisisisunod man sa kanila:
17:24 Sapagka't gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan.
17:25 Datapuwa't kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito.
17:26 At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao.
17:27 Sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom, sila'y nangagaasawa, at sila'y pinapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe, at dumating ang paggunaw, at nilipol silang lahat.
17:28 Gayon din naman kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Lot; sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom, sila'y nagsisibili, sila'y nangagbibili, sila'y nangagtatanim, sila'y nangagtatayo ng bahay.
17:29 Datapuwa't nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, ay umulan mula sa langit ng apoy at asupre, at nilipol silang lahat:
17:30 Gayon din naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng tao ay mahayag.
17:31 Sa araw na yaon, ang mapapasa bubungan, at nasa bahay ng kaniyang mga pag-aari, ay huwag silang manaog upang kunin: at ang nasa bukid ay gayon din, huwag siyang umuwi.
17:32 Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.
17:33 Sinomang nagsisikap ingatan ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: datapuwa't ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay ay maiingatan yaon.
17:34 Sinasabi ko sa inyo, Sa gabing yaon ay dalawang lalake ang sasa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
17:35 Magkasamang gigiling ang dalawang babae; kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan.
17:36 Mapapasa bukid ang dalawang lalake; ang isa'y kukunin at ang isa'y iiwan.
17:37 At pagsagot nila ay sinabi sa kaniya, Saan, Panginoon? At sinabi niya sa kanila, Kung saan naroon ang bangkay ay doon din naman magkakatipon ang mga uwak.
18:1 At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga, na sila'y dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganglupaypay;
18:2 Na sinasabi, May isang hukom sa isang bayan, na hindi natatakot sa Dios, at walang taong pinagpipitaganan:
18:3 At sa bayang yaon ay may isang babaing bao; at siya'y naparoroong madalas sa kaniya, na sinasabi, Iganti mo ako sa aking kaalit.
18:4 At may ilang panahon na siya'y tumatanggi: datapuwa't pagkatapos ay sinabi sa kaniyang sarili, Bagaman di ako natatakot sa Dios, at di nagpipitagan sa tao:
18:5 Gayon man, sapagka't nililigalig ako ng baong ito, ay igaganti ko siya, baka niya ako bagabagin ng kapaparito.
18:6 At sinabi ng Panginoon, Pakinggan ninyo ang sinabi ng likong hukom.
18:7 At hindi baga, igaganti ng Dios ang kaniyang mga hirang, na sumisigaw sa kaniya sa araw at gabi, at siya'y may pagpapahinuhod sa kanila?
18:8 Sinasabi ko sa inyo, na sila'y madaling igaganti niya. Gayon ma'y pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?
18:9 At kaniyang sinalita naman ang talinghagang ito sa nagsisiasa sa kanilang sarili, na nangagpapanggap na sila'y matutuwid, at pinawawalang halaga ang lahat ng mga iba:
18:10 May dalawang lalaking nagsipanhik sa templo upang magsipanalangin; ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis.
18:11 Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kaniyang sarili ng ganito, Dios, pinasasalamatan kita, na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga manglulupig, mga liko, mga mapangalunya, o hindi man lamang gaya ng maniningil ng buwis na ito.
18:12 Makalawa akong nagaayuno sa isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinakamtan.
18:13 Datapuwa't ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo, ay ayaw na itingin man lamang ang kaniyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, Dios, ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan.
18:14 Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito na inaaaringganap kay sa isa: sapagka't ang bawa't nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa; datapuwa't ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.
18:15 At dinala naman nila sa kaniya ang kanilang mga sanggol, upang kaniyang hipuin sila; datapuwa't nang mangakita ito ng mga alagad, ay sila'y sinaway nila.
18:16 Datapuwa't pinalapit sila ni Jesus sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.
18:17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na gaya ng isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.
18:18 At tinanong siya ng isang pinuno, na sinasabi, Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay?
18:19 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit mo ako tinatawag na mabuti? walang mabuti, kundi isa, ang Dios lamang.
18:20 Talastas mo ang mga utos, Huwag kang mangalunya, Huwag kang pumatay, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ina.
18:21 At sinabi niya, Ginanap ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata.
18:22 At nang marinig ito ni Jesus, ay sinabi niya sa kaniya, Isang bagay pa ang kulang sa iyo: ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.
18:23 Datapuwa't nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y namanglaw na lubha; sapagka't siya'y totoong mayaman.
18:24 At sa pagmamasid sa kaniya ni Jesus ay sinabi, Pagkahiraphirap na makapasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan!
18:25 Sapagka't magaan pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Dios.
18:26 At sinabi ng mga nakarinig nito, Sino nga kaya ang makaliligtas?
18:27 Datapuwa't sinabi niya, Ang mga bagay na di mangyayari sa mga tao ay may pangyayari sa Dios.
18:28 At sinabi ni Pedro, Narito, iniwan namin ang aming sarili, at nagsisunod sa iyo.
18:29 At sinabi niya sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Dios,
18:30 Na di tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at sa sanglibutang darating, ng walang hanggang buhay.
18:31 At isinama niya ng bukod ang labingdalawa, at sa kanila'y sinabi, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta ay mangagaganap sa Anak ng tao.
18:32 Sapagka't siya'y ibibigay sa mga Gentil, at siya'y aalimurahin, at duduwahaginin, at luluraan.
18:33 At kanilang papaluin at papatayin siya: at sa ikatlong araw ay muling magbabangon siya.
18:34 At wala silang napagunawa sa mga bagay na ito; at ang sabing ito ay nalingid sa kanila, at hindi nila napagtalastas ang sinabi.
18:35 At nangyari, na nang nalalapit na sila sa Jerico, isang bulag ay nakaupo sa tabi ng daan na nagpapalimos:
18:36 At pagkarinig na nagdaraan ang maraming tao, ay itinanong niya kung ano ang ibig sabihin noon.
18:37 At sinabi nila sa kaniya, na nagdaraan si Jesus na taga Nazaret.
18:38 At siya'y nagsisigaw, na sinasabi, Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.
18:39 At siya'y sinaway ng nangasa unahan, upang siya'y tumahimik: datapuwa't siya'y lalong nagsisigaw, Ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.
18:40 At si Jesus ay tumigil, at ipinagutos na dalhin siya sa kaniya: at nang mailapit siya, ay itinanong niya sa kaniya,
18:41 Anong ibig mo na sa iyo'y gawin ko? At sinabi niya, Panginoon, na tanggapin ko ang aking paningin.
18:42 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Tanggapin mo ang iyong paningin: pinagaling ka ng pananampalataya mo.
18:43 At pagdaka'y tinanggap niya ang kaniyang paningin, at sumunod sa kaniya, na niluluwalhati ang Dios: at pagkakita nito ng buong bayan, ay nangagpuri sa Dios.
19:1 At siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico.
19:2 At narito, isang lalake na tinatawag sa pangalang Zaqueo; at siya'y isang puno ng mga maniningil ng buwis, at siya'y mayaman.
19:3 At pinagpipilitan niyang makita si Jesus kung sino kaya siya; at hindi mangyari, dahil sa maraming tao, sapagka't siya'y pandak.
19:4 At tumakbo siya sa unahan, at umakyat sa isang punong kahoy na sikomoro upang makita siya: sapagka't siya'y magdaraan sa daang yaon.
19:5 At nang dumating si Jesus sa dakong yaon, ay siya'y tumingala, at sinabi sa kaniya, Zaqueo, magmadali ka, at bumaba ka; sapagka't ngayo'y kinakailangang ako'y tumuloy sa bahay mo.
19:6 At siya'y nagmadali, at bumaba, at tinanggap siyang may tuwa.
19:7 At nang makita nila ito, ay nangagbulongbulungan silang lahat, na nangagsasabi, Siya'y pumasok na nanunuluyan sa isang taong makasalanan.
19:8 At si Zaqueo ay nagtindig, at sinabi sa Panginoon, Narito, Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha; at kung sakali't nakasingil akong may daya sa kanino mang tao, ay isinasauli ko ng makaapat.
19:9 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas, sapagka't siya'y anak din naman ni Abraham.
19:10 Sapagka't ang Anak ng tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang nawala.
19:11 At samantalang pinakikinggan nila ang mga bagay na ito, ay dinugtungan niya at sinalita ang isang talinghaga, sapagka't siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagka't kanilang inakala na pagdaka'y mahahayag ang kaharian ng Dios.
19:12 Sinabi nga niya, Isang mahal na tao ay naparoon sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian na ukol sa kaniyang sarili, at magbalik.
19:13 At tinawag niya ang sangpu sa kaniyang mga alipin at binigyan sila ng sangpung mina, at sinabi sa kanila, Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating.
19:14 Datapuwa't kinapopootan siya ng kaniyang mga mamamayan, at ipinahabol siya sa isang sugo, na nagsasabi, Ayaw kami na ang taong ito'y maghari pa sa amin.
19:15 At nangyari, na nang siya'y muling magbalik, nang matanggap na ang kaharian, ay ipinatawag niya sa kaniyang harapan ang mga aliping yaon, na binigyan niya ng salapi, upang maalaman niya kung gaano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.
19:16 At dumating sa harapan niya ang una, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng sangpung mina pa.
19:17 At sinabi niya sa kaniya, Mabuting gawa, ikaw na mabuting alipin: sapagka't nagtapat ka sa kakaunti, magkaroon ka ng kapamahalaan sa sangpung bayan.
19:18 At dumating ang ikalawa, na nagsasabi, Panginoon, nagtubo ang iyong mina ng limang mina.
19:19 At sinabi niya sa kaniya, Magkaroon ka naman ng kapamahalaan sa limang bayan.
19:20 At dumating ang iba pa, na nagsasabi, Panginoon, narito ang iyong mina, na aking itinago sa isang panyo:
19:21 Dahil sa ako'y natakot sa iyo, sapagka't ikaw ay taong mabagsik kinukuha mo ang hindi mo inilagay, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.
19:22 Sinabi niya sa kaniya, Sa sariling bibig mo kita hinahatulan ikaw na masamang alipin. Nalalaman mo na ako'y taong mabagsik, na kumukuha ng hindi ko inilagay, at gumagapas ng hindi ko inihasik;
19:23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang salapi ko sa bangko, at nang sa aking pagbalik ay mahingi ko yaon pati ng tinubo?
19:24 At sinabi niya sa mga nahaharap, Alisin ninyo sa kaniya ang mina, at ibigay ninyo sa may sangpung mina.
19:25 At sinabi nila sa kaniya, Panginoon, siya'y mayroong sangpung mina.
19:26 Sinasabi ko sa inyo, na bibigyan ang bawa't mayroon; datapuwa't ang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.
19:27 Datapuwa't itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito, at patayin ninyo sila sa harapan ko.
19:28 At nang masabi niyang gayon, ay nagpatuloy siya sa unahan, na umahon sa Jerusalem.
19:29 At nangyari, na nang siya'y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olivo, ay sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad,
19:30 Na sinasabi, Magsiyaon kayo sa inyong lakad sa katapat na nayon; sa pagpasok ninyo roon, ay masusumpungan ninyo ang isang nakatali na batang asno, na hindi pa nasasakyan ng sinomang tao: kalagin ninyo siya, at dalhin ninyo siya rito.
19:31 At kung may sinomang tumanong sa inyo, Bakit ninyo kinakalag iyan? ganito ang inyong sasabihin, Kinakailangan siya ng Panginoon.
19:32 At nagsiparoon ang mga sugo at nasumpungan ng ayon sa sinabi niya sa kanila.
19:33 At nang kinakalag nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga mayari niyaon, Bakit kinakalag ninyo ang batang asno?
19:34 At sinabi nila, Kinakailangan siya ng Panginoon.
19:35 At dinala nila siya kay Jesus: at inilagay nila ang kanilang mga damit sa ibabaw ng batang asno, at isinakay nila si Jesus sa ibabaw noon.
19:36 At samantalang siya'y lumalakad, ay inilalatag nila ang kanilang mga damit sa daan.
19:37 At nang nalalapit siya sa libis ng bundok ng mga Olivo, ang buong karamihan ng mga alagad ay nangagpasimulang mangagkatuwa at mangagpuri sa Dios ng malakas na tinig dahil sa lahat ng mga gawang makapangyarihan na kanilang mangakita.
19:38 Na sinasabi, Mapalad ang Hari na pumaparito sa pangalan ng Panginoon: kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa kataastaasan.
19:39 At ilan sa mga Fariseo na mula sa karamihan ay nangagsabi sa kaniya, Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.
19:40 At sumagot siya at nagsabi, Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mangagsiimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw.
19:41 At nang malapit na siya, nakita niya ang bayan, at ito'y kaniyang tinangisan,
19:42 Na sinasabi, Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong sarili, ang mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan! datapuwa't ngayo'y pawang nangatatago sa iyong mga mata.
19:43 Sapagka't darating sa iyo ang mga araw, na babakuran ka ng kuta ng mga kaaway mo, at kukubkubin ka, at gigipitin ka sa magkabikabila,
19:44 At ilulugso ka sa lupa, at ang mga anak mo na nasa loob mo; at sa iyo'y hindi sila magiiwan ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato; sapagka't hindi mo nakilala ang panahon ng sa iyo'y pagdalaw.
19:45 At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nangagbibili,
19:46 Na sinasabi sa kanila, Nasusulat nga, At ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan: datapuwa't ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.
19:47 At nagtuturo siya arawaraw sa templo. Datapuwa't ang mga pangulong saserdote, at ang mga eskriba, at ang mga taong pangunahin sa bayan ay nangagsisikap na siya'y patayin:
19:48 At di nila masumpungan kung ano ang kanilang magagawa; sapagka't natitigilan ang buong bayan sa pakikinig sa kaniya.
20:1 At nangyari, sa isa sa mga araw, samantalang tinuturuan niya ang bayan sa templo, at ipinangangaral ang evangelio, na nagsilapit sa kaniya ang mga saserdote, at ang mga eskriba pati ng matatanda;
20:2 At sila'y nangagsalita, na nangagsasabi sa kaniya, Sabihin mo sa amin: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? o sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?
20:3 At siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Tatanungin ko naman kayo ng isang tanong; at sabihin ninyo sa akin:
20:4 Ang bautismo ni Juan, ay mula baga sa langit, o sa mga tao?
20:5 At sila'y nangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Mula sa langit; ay sasabihin niya, Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?
20:6 Datapuwa't kung sabihin natin, Mula sa mga tao; ay babatuhin tayo ng buong bayan, sapagka't sila'y nanganiniwala na si Juan ay propeta.
20:7 At sila'y nagsisagot, na hindi nila nalalaman kung saan mula.
20:8 At sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.
20:9 At siya'y nagpasimulang magsabi sa bayan ng talinghagang ito: Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at ipinagkatiwala sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain na mahabang panahon.
20:10 At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang siya'y bigyan ng bunga ng ubas: datapuwa't hinampas siya ng mga magsasaka, at pinauwing walang dala.
20:11 At nagsugo pa siya ng ibang alipin: at ito nama'y kanilang hinampas, at inalimura, at pinauwing walang dala.
20:12 At nagsugo pa siya ng ikatlo: at kanila ring sinugatan ito, at pinalayas.
20:13 At sinabi ng panginoon ng ubasan, Anong gagawin ko? aking susuguin ang minamahal kong anak; marahil siya'y igagalang nila.
20:14 Datapuwa't nang makita siya ng mga magsasaka, ay nangagsangusapan sila, na sinasabi, Ito ang tagapagmana; atin siyang patayin upang ang mana ay maging atin.
20:15 At itinaboy nila siya sa ubasan, at pinatay siya. Ano nga kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?
20:16 Paroroon siya at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa mga iba. At nang marinig nila ito, ay sinabi nila, Huwag nawang mangyari.
20:17 Datapuwa't kaniyang tinitigan sila, at sinabi, Ano nga baga ito na nasusulat, Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali. Ay siya ring ginawang pangulo sa panulok?
20:18 Ang bawa't mahulog sa ibabaw ng batong yaon ay madudurog; datapuwa't sinomang kaniyang malagpakan, ay kaniyang pangangalating gaya ng alabok.
20:19 At pinagsisikapan siyang hulihin sa oras ding yaon ng mga eskriba at ng mga pangulong saserdote; at sila'y nangatatakot sa bayan: sapagka't nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila.
20:20 At siya'y inaabangan nila, at sila'y nangagsugo ng mga tiktik, na nangagpakunwaring mga matuwid, upang siya'y mahuli sa kaniyang salita, na siya'y maibigay sa pamiminuno at sa kapamahalaan ng gobernador.
20:21 At kanilang tinanong siya, na sinasabi, Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid, at wala kang itinatanging tao, kundi itinuturo mo ang katotohanan ng daan ng Dios.
20:22 Matuwid bagang kami ay bumuwis kay Cesar, o hindi?
20:23 Datapuwa't napagkilala niya ang kanilang lalang, at sinabi sa kanila,
20:24 Pagpakitaan ninyo ako ng isang denario. Kanino ang larawan at ang nasusulat dito? At sinabi nila, Kay Cesar.
20:25 At sinabi niya sa kanila, Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at ang sa Dios ang sa Dios.
20:26 At sila'y hindi nakahuli sa kaniyang mga pananalita sa harap ng bayan: at sila'y nanganggilalas sa kaniyang sagot, at hindi nangagsiimik.
20:27 At may lumapit sa kaniyang ilan sa mga Saduceo, na nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli;
20:28 At kanilang itinanong sa kaniya, na sinasabi, Guro, isinulat sa amin ni Moises, na kung ang kapatid na lalake ng isang lalake ay mamatay, na may asawa, at siya'y walang anak, ay kunin ng kaniyang kapatid ang asawa, at bigyang anak ang kaniyang kapatid.
20:29 Mayroon ngang pitong lalaking magkakapatid: at nagasawa ang panganay, at namatay na walang anak;
20:30 At ang pangalawa:
20:31 At ang pangatlo'y nagasawa sa bao; at gayon din ang pito naman ay hindi nagiwan ng mga anak, at nangamatay.
20:32 Pagkatapos ay namatay naman ang babae.
20:33 Sa pagkabuhay na maguli nga, kanino sa kanila magiging asawa kaya ang babaing yaon? sapagka't siya'y naging asawa ng pito.
20:34 At sinabi sa kanila ni Jesus, Nagsisipagasawa ang mga anak ng sanglibutang ito, at pinapagaasawa:
20:35 Datapuwa't ang mga inaaring karapatdapat magkamit ng sanlibutang yaon, at ng pagkabuhay na maguli sa mga patay, ay hindi mangagaasawa, ni papagaasawahin:
20:36 Sapagka't hindi na sila maaaring mangamatay pa: sapagka't kahalintulad na sila ng mga anghel; at sila'y mga anak ng Dios, palibhasa'y mga anak ng pagkabuhay na maguli.
20:37 Datapuwa't tungkol sa pagbabangon ng mga patay, ay ipinakilala rin naman ni Moises sa Mababang punong kahoy, nang tinawag niya ang Panginoon na Dios ni Abraham, at Dios ni Isaac, at Dios ni Jacob.
20:38 Siya nga'y hindi Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: sapagka't nangabubuhay sa kaniya ang lahat.
20:39 At pagsagot ng ilan sa mga eskriba, ay nangagsabi, Guro, mabuti ang pagkasabi mo.
20:40 Sapagka't hindi na nga sila nangahas tumanong pa sa kaniya ng anomang tanong.
20:41 At kaniyang sinabi sa kanila, Paanong sinasabi nila na ang Cristo ay anak ni David?
20:42 Sapagka't si David din ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; Maupo ka sa aking kanan,
20:43 Hanggang sa gawin ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa.
20:44 Dahil dito tinatawag siyang Panginoon ni David, at paanong siya'y anak niya?
20:45 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, na naririnig ng buong bayan,
20:46 Mangagingat kayo sa mga eskriba na ibig magsilakad na may mahahabang damit, at iniibig nila ang sila'y pagpugayan sa mga pamilihan, at ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pangulong dako sa mga pigingan;
20:47 Na sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing bao, at sa pagpakunwaring banal ay nanalangin ng mahaba: ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan.
21:1 At siya'y tumunghay, at nakita ang mga taong mayayaman na nangaghuhulog ng kanilang mga alay sa kabangyaman.
21:2 At nakita niya ang isang dukhang babaing bao na doo'y naghuhulog ng dalawang lepta.
21:3 At sinabi niya, Sa katotohana'y sinasabi ko sa inyo, Ang dukhang babaing baong ito ay naghulog ng higit kay sa kanilang lahat.
21:4 Sapagka't ang lahat ng mga yaon ay nangaghulog sa mga alay ng sa kanila'y labis; datapuwa't siya, sa kaniyang kasalatan ay inihulog ang buong kaniyang ikabubuhay na nasa kaniya.
21:5 At samantalang sinasalita ng ilan ang tungkol sa templo, kung paanong ito'y pinalamutihan ng magagandang bato at mga hain, ay kaniyang sinabi,
21:6 Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nangakikita, ay darating ang mga araw, na walang maiiwan ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato, na hindi ibabagsak.
21:7 At kanilang itinanong sa kaniya, na sinasabi, Guro, kailan nga mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging tanda pagka malapit ng mangyari ang mga bagay na ito?
21:8 At sinabi niya, Mangagingat kayo na huwag kayong mangailigaw: sapagka't marami ang paririto sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at, Malapit na ang panahon: huwag kayong magsisunod sa kanila.
21:9 At pagka kayo'y nangakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, ay huwag kayong mangasindak: sapagka't kinakailangang mangyari muna ang mga bagay na ito; datapuwa't hindi pa malapit ang wakas.
21:10 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanila, Magtitindig ang isang bansa laban sa bansa, at ang isang kaharian laban sa kaharian;
21:11 At magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakagutom at magkakasalot; at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit.
21:12 Datapuwa't bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito, ay huhulihin kayo, at paguusigin kayo, na kayo'y ibibigay sa mga sinagoga at sa mga bilangguan, na kayo'y dadalhin sa harapan ng mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.
21:13 Ito'y magiging patotoo sa inyo.
21:14 Pagtibayin nga ninyo ang inyong mga puso, na huwag munang isipin kung paano ang inyong isasagot:
21:15 Sapagka't bibigyan ko kayo ng isang bibig at karunungan, na hindi mangyayaring masalangsang o matutulan man ng lahat ninyong mga kaalit.
21:16 Datapuwa't kayo'y ibibigay ng kahit mga magulang, at mga kapatid, at mga kamaganak, at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang iba sa inyo.
21:17 At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.
21:18 At hindi mawawala kahit isang buhok ng inyong ulo.
21:19 Sa inyong pagtitiis ay maipagwawagi ninyo ang inyong mga kaluluwa.
21:20 Datapuwa't pagka nangakita ninyong nakukubkob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo'y talastasin ninyo na ang kaniyang pagkawasak ay malapit na.
21:21 Kung magkagayo'y ang mga nasa Judea ay magsitakas sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng bayan ay magsilabas; at ang mga nasa parang ay huwag magsipasok sa bayan.
21:22 Sapagka't ito ang mga araw ng paghihiganti, upang maganap ang lahat ng mga bagay na nangasusulat.
21:23 Sa aba ng mga nagdadalangtao, at ng mga nagpapasuso sa mga araw na yaon! sapagka't magkakaroon ng malaking kahapisan sa ibabaw ng lupa, at kagalitan sa bayang ito.
21:24 At sila'y mangabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak, at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa: at yuyurakan ang Jerusalem ng mga Gentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil.
21:25 At magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin; at sa lupa'y magkakaroon ng kasalatan sa mga bansa, na matitilihan dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong;
21:26 Magsisipanglupaypay ang mga tao dahil sa takot, at dahil sa paghihintay ng mga bagay na darating sa ibabaw ng sanglibutan: sapagka't mangangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit.
21:27 At kung magkagayo'y makikita nila ang Anak ng tao na pariritong nasa isang alapaap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
21:28 Datapuwa't kung magpasimulang mangyari ang mga bagay na ito, ay magsitingin kayo, at itaas ninyo ang inyong mga ulo; sapagka't malapit na ang pagkatubos ninyo.
21:29 At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga: Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punong kahoy:
21:30 Pagka nangagdadahon na sila, ay nakikita ninyo at nalalaman ninyo sa inyong sarili na malapit na ang tagaraw.
21:31 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Dios.
21:32 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.
21:33 Ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.
21:34 Datapuwa't mangagingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo:
21:35 Sapagka't gayon darating sa kanilang lahat na nangananahan sa ibabaw ng buong lupa.
21:36 Datapuwa't mangagpuyat kayo sa bawa't panahon, na mangagsidaing, upang kamtin ninyo ang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang mangakatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.
21:37 At araw-araw ay nagtuturo siya sa templo; at lumalabas gabi-gabi at tumatahan sa bundok na tinatawag na Olivo.
21:38 At ang buong bayan ay maagang pumaparoon sa kaniya sa templo, upang makinig sa kaniya.
22:1 Malapit na nga ang pista ng mga tinapay na walang lebadura, na tinatawag na Paskua.
22:2 At pinagsisikapan ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba kung paanong kanilang maipapapatay siya; sapagka't nangatatakot sila sa bayan.
22:3 At pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa labingdalawa.
22:4 At siya'y umalis, at nakipagusap sa mga pangulong saserdote at mga punong kawal kung paanong maibibigay niya siya sa kanila.
22:5 At sila'y nangagalak, at pinagkasunduang bigyan siya ng salapi.
22:6 At pumayag siya, at humanap ng ukol na panahon upang kaniyang maibigay siya sa kanila, nang hindi kaharap ang karamihan.
22:7 At dumating ang araw ng mga tinapay na walang lebadura, na noon ay kinakailangang ihain ang paskua.
22:8 At sinugo niya si Pedro at si Juan, na sinasabi, Magsihayo kayo at magsipaghanda kayo ng kordero ng paskua para sa atin, upang tayo'y magsikain.
22:9 At kanilang sinabi sa kaniya, Saan mo ibig na aming ihanda?
22:10 At kaniyang sinabi sa kanila, Narito, pagpasok ninyo sa bayan, ay masasalubong ninyo ang isang lalake na may dalang isang bangang tubig; sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kaniyang papasukan.
22:11 At sasabihin ninyo sa puno ng sangbahayan, Sinasabi ng Guro sa iyo, Saan naroon ang tuluyang aking makakanan ng kordero ng paskua na kasalo ng aking mga alagad?
22:12 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan: doon ninyo ihanda.
22:13 At nagsiparoon sila, at nasumpungan ayon sa sinabi niya sa kanila: at inihanda nila ang kordero ng paskua.
22:14 At nang dumating ang oras, ay naupo siya, at ang mga apostol ay kasalo niya.
22:15 At sinabi niya sa kanila, Pinakahahangad kong kanin na kasalo ninyo ang kordero ng paskuang ito bago ako maghirap:
22:16 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, Ito'y hindi ko kakanin, hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Dios.
22:17 At siya'y tumanggap ng isang saro, at nang siya'y makapagpasalamat, ay sinabi niya, Kunin ninyo ito, at inyong pagbahabahaginin:
22:18 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na hindi na ako iinom mula ngayon ng bunga ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Dios.
22:19 At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, ay kaniyang pinagputolputol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, Ito'y aking katawan, na ibinibigay dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa akin.
22:20 Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y ang bagong tipan sa aking dugo, na nabubuhos nang dahil sa inyo.
22:21 Datapuwa't narito, ang kamay ng nagkakanulo sa akin, ay kasalo ko sa dulang.
22:22 Sapagka't ang Anak ng tao nga ay yayaon, ayon sa itinakda: datapuwa't sa aba niyaong taong nagkakanulo sa kaniya!
22:23 At sila'y nagpasimulang nangagtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa ng bagay na ito.
22:24 At nagkaroon naman ng isang pagtatalotalo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ibibilang na pinakadakila.
22:25 At kaniyang sinabi sa kanila, Ang mga hari ng mga Gentil ay napapanginoon sa kanila; at ang mga may kapamahalaan sa kanila'y tinatawag na mga Tagapagpala.
22:26 Datapuwa't sa inyo'y hindi gayon: kundi bagkus ang lalong dakila sa inyo ay maging tulad sa lalong bata; at ang nangungulo ay maging gaya ng naglilingkod.
22:27 Sapagka't alin ang lalong dakila, ang nakaupo baga sa dulang, o ang naglilingkod? hindi baga ang nakaupo sa dulang? datapuwa't ako'y nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod.
22:28 Datapuwa't kayo ay yaong nagsipanatili sa akin sa mga pagtukso sa akin;
22:29 At kayo'y inihahalal kong isang kaharian, na gaya nga ng pagkahalal sa akin ng aking Ama,
22:30 Upang kayo'y magsikain at magsiinom sa aking dulang sa kaharian ko; at kayo'y magsisiupo sa mga luklukan, na inyong huhukuman ang labingdalawang angkan ni Israel.
22:31 Simon, Simon, narito, hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo:
22:32 Datapuwa't ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.
22:33 At sinabi niya sa kaniya, Panginoon, nakatalaga akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.
22:34 At kaniyang sinabi, Sinasabi ko sa iyo, Pedro, na hindi titilaok ngayon ang manok, hanggang sa ikaila mong makaitlo na ako'y hindi mo nakikilala.
22:35 At sinabi niya sa kanila, Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, at supot ng pagkain, at mga pangyapak, kinulang baga kayo ng anoman? At kanilang sinabi, Hindi.
22:36 At sinabi niya sa kanila, Nguni't ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayon din ang supot ng pagkain; at ang wala, ay ipagbili niya ang kaniyang balabal, at bumili ng isang tabak.
22:37 Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kinakailangang matupad sa akin itong nasusulat, At ibinilang siya sa mga suwail: sapagka't ang nauukol sa akin ay may katuparan.
22:38 At sinabi nila, Panginoon, narito ang dalawang tabak. At sinabi niya sa kanila, Sukat na.
22:39 At siya'y lumabas, at pumaroon, ayon sa kaniyang kaugalian, sa bundok ng mga Olivo; at nagsisunod naman sa kaniya ang mga alagad.
22:40 At nang siya'y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa kanila, Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso.
22:41 At siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang itsang bato; at siya'y nanikluhod at nanalangin,
22:42 Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.
22:43 At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya.
22:44 At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa.
22:45 At nang magtindig siya sa kaniyang pananalangin, ay lumapit siya sa mga alagad, at naratnan silang nangatutulog dahil sa hapis,
22:46 At sinabi sa kanila, Bakit kayo nangatutulog? mangagbangon kayo at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso.
22:47 Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang karamihan, at siyang tinatawag na Judas, na isa sa labingdalawa, ay nangunguna sa kanila; at siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan.
22:48 Datapuwa't sinabi ni Jesus sa kaniya, Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao?
22:49 At nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari, ay kanilang sinabi, Panginoon, magsisipanaga baga kami ng tabak?
22:50 At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kanang tainga niya.
22:51 Datapuwa't sumagot si Jesus, na nagsabi, Pabayaan ninyo sila hanggang dito. At hinipo niya ang tainga ng alipin, at ito'y pinagaling.
22:52 At sinabi ni Jesus sa mga pangulong saserdote, at sa mga punong kawal sa templo, at sa mga matanda, na nagsidating laban sa kaniya, Kayo'y nagsilabas, na tila laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas?
22:53 Nang ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, ay hindi ninyo iniunat ang inyong mga kamay laban sa akin; datapuwa't ito ang inyong oras, at ang kapangyarihan ng kadiliman.
22:54 At kanilang dinakip siya, at dinala siya, at ipinasok siya sa bahay ng pangulong saserdote. Datapuwa't sa malayo'y sumusunod si Pedro.
22:55 At nang makapagpadikit nga sila ng apoy sa gitna ng looban, at mangakaupong magkakasama, si Pedro ay nakiumpok sa gitna nila.
22:56 At isang alilang babae, na nakakakita sa kaniya samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, ay tinitigan siya, at sinabi, Ang taong ito ay kasama rin niya.
22:57 Datapuwa't siya'y nagkaila, na nagsasabi, Babae, hindi ko siya nakikilala.
22:58 At pagkaraan ng isang sangdali ay nakita siya ng iba, at sinabi, Ikaw man ay isa sa kanila. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, ako'y hindi.
22:59 At nang makaraan ang may isang oras, ay pinatotohanan ng iba pa, na nagsasabi, Sa katotohanan, ang taong ito'y kasama rin niya; sapagka't siya'y Galileo.
22:60 Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo. At pagdaka, samantalang siya'y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok.
22:61 At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalaala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo.
22:62 At siya'y lumabas, at nanangis ng kapaitpaitan.
22:63 At nililibak si Jesus, at siya'y sinasaktan ng mga taong nangagbabantay.
22:64 At siya'y piniringan nila, at tinatanong siya, na sinasabi, Hulaan mo; sino ang sa iyo'y humampas?
22:65 At sinabi nila ang ibang maraming bagay laban sa kaniya, na siya'y inaalimura.
22:66 At nang araw na, ay nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga pangulong saserdote, at gayon din ang mga eskriba, at dinala siya sa kanilang Sanedrin, na sinasabi,
22:67 Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mo sa amin. Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Kung sabihin ko sa inyo, ay hindi ninyo ako paniniwalaan:
22:68 At kung kayo'y aking tanungin, ay hindi kayo magsisisagot.
22:69 Datapuwa't magmula ngayon ang Anak ng tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Dios.
22:70 At sinabi nilang lahat, Kung gayo'y ikaw baga ang Anak ng Dios? At sinabi niya sa kanila, Kayo ang nangagsasabi na ako nga.
22:71 At sinabi nila, Ano pa ang kailangan natin ng patotoo? sapagka't tayo rin ang nangakarinig sa kaniyang sariling bibig.
23:1 At nagsitindig ang buong kapulungan nila, at dinala siya sa harap ni Pilato.
23:2 At nangagpasimula silang isumbong siya, na sinasabi, Nasumpungan namin ang taong ito na pinasasama ang aming bansa, at ipinagbabawal na bumuwis kay Cesar, at sinasabi na siya rin nga ang Cristo, ang hari.
23:3 At tinanong siya ni Pilato, na nagsasabi, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At sumagot siya at sinabi, Ikaw ang nagsasabi.
23:4 At sinabi ni Pilato sa mga pangulong saserdote at sa mga karamihan, Wala akong masumpungang kasalanan sa taong ito.
23:5 Datapuwa't sila'y lalong nangagpipilit na sinasabi, Ginugulo niya ang bayan, na nagtuturo sa buong Judea, magbuhat sa Galilea hanggang sa dakong ito.
23:6 Datapuwa't nang ito'y marinig ni Pilato, ay itinanong niya kung ang taong yaon ay Galileo.
23:7 At nang maunawa na siya'y nasasakop ni Herodes, ay ipinadala niya siya kay Herodes, na nang mga araw na yaon ay nasa Jerusalem din naman.
23:8 Nang makita nga ni Herodes si Jesus, ay nagalak siyang lubha: sapagka't malaon nang hinahangad niya na makita siya, sapagka't siya'y nakabalita tungkol sa kaniya; at siya'y naghihintay na makakita ng ilang himalang gawa niya.
23:9 At tinanong niya siya ng maraming salita; datapuwa't siya'y hindi sumagot ng anoman.
23:10 At ang mga pangulong saserdote at mga eskriba ay nagsitindig, na isinusumbong siyang mainam.
23:11 At si Herodes na kasama ang kaniyang mga kawal ay inalimura siya, at siya'y nilibak, at sinuutan siya ng maringal na damit, at ipinabalik siya kay Pilato.
23:12 At nang araw ding yaon ay naging magkaibigan si Herodes at si Pilato: sapagka't dating sila'y nagkakagalit.
23:13 At tinipon ni Pilato ang mga pangulong saserdote, at ang mga pinuno at ang bayan,
23:14 At sinabi sa kanila, Dinala ninyo sa akin ang taong ito na gaya ng isang nagpapasama sa bayan: at narito, nang aking siyasatin siya sa harapan ninyo, ay wala akong nasumpungang anomang sala sa taong ito, tungkol sa mga bagay na isinusumbong ninyo laban sa kaniya;
23:15 Wala, kahit si Herodes man; sapagka't siya'y ipinabalik niyang muli sa atin; at narito, walang anomang karapatdapat sa kamatayan na ginawa niya.
23:16 Siya nga'y aking parurusahan, at siya'y pawawalan.
23:17 Kinakailangan nga niyang sa kanila'y magpakawala ng isang bilanggo sa kapistahan.
23:18 Datapuwa't silang lahat ay nagsisigawang paminsan, na nangagsabi, Alisin mo ang taong ito, at pawalan mo sa amin si Barrabas:
23:19 Isa na ibinilanggo dahil sa isang paghihimagsik na ginawa sa bayan, at sa pagpatay.
23:20 At si Pilato'y nagsalitang muli sa kanila, sa pagnanais na pawalan si Jesus;
23:21 Datapuwa't sila'y nagsigawan, na sinasabi, Ipako sa krus, ipako siya sa krus.
23:22 At kaniyang sinabi sa kanila, na bilang ikatlo, Bakit, anong masama ang ginawa ng taong ito? Wala akong nasumpungang anomang kadahilanang ipatay sa kaniya: parurusahan ko nga siya, at siya'y pawawalan.
23:23 Datapuwa't pinipilit nilang hingin sa malalakas na tinig, na siya'y ipako sa krus. At nanaig ang kanilang mga tinig.
23:24 At hinatulan ni Pilato na gawin ang kanilang hinihingi,
23:25 At pinawalan niya yaong ibinilanggo dahil sa paghihimagsik at sa pagpatay, na siyang kanilang hiningi; datapuwa't ibinigay si Jesus sa kalooban nila.
23:26 At nang siya'y kanilang dalhin ay kanilang pinigil ang isang Simong taga Cirene, na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kaniya ang krus, upang dalhin sa likuran ni Jesus.
23:27 At siya'y sinusundan ng isang makapal na karamihan sa bayan, at ng mga babaing nagiiyakan at nananambitan dahil sa kaniya.
23:28 Datapuwa't paglingon sa kanila ni Jesus ay sinabi, Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan, kundi tangisan ninyo ang inyong sarili, at ang inyong mga anak.
23:29 Sapagka't narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyang kailan ma'y hindi nangagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailan man ay hindi nangagpapasuso.
23:30 Kung magkagayon ay magpapasimulang sabihin nila sa mga bundok, mangahulog kayo sa ibabaw namin; at sa mga burol, Takpan ninyo kami.
23:31 Sapagka't kung ginagawa ang mga bagay na ito sa punong kahoy na sariwa, ano kaya ang gagawin sa tuyo?
23:32 At dinala rin naman na kasama niya, ang dalawang tampalasan, upang patayin.
23:33 At nang dumating sa dakong tinatawag na Bungo, ay kanilang ipinako roon siya sa krus, at ang mga tampalasan, isa sa kanan at isa sa kaliwa.
23:34 At sinabi ni Jesus, Ama, patawarin mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. At sa pagbabahabahagi nila ng kaniyang mga suot ay kanilang pinagsapalaranan.
23:35 At nakatayong nanonood ang bayan. At tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; iligtas niya ang kaniyang sarili, kung ito ang Cristo ng Dios, ang hinirang niya.
23:36 At nililibak rin naman siya ng mga kawal, na nagsisilapit sa kaniya, na dinudulutan siya ng suka,
23:37 At sinabi, Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.
23:38 At mayroon naman sa itaas niya na isang pamagat, ITO'Y ANG HARI NG MGA JUDIO.
23:39 At siya'y inalipusta ng isa sa mga tampalasang nabibitin, na sinasabi, Hindi baga ikaw ang Cristo? iligtas mo ang iyong sarili at kami.
23:40 Datapuwa't sumagot ang isa, at pagsaway sa kaniya'y sinabi, Hindi ka pa baga natatakot sa Dios, yamang ikaw ay nasa gayon ding kaparusahan?
23:41 At tayo sa katotohanan ay ayon sa katuwiran; sapagka't tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa; datapuwa't ang taong ito'y hindi gumagawa ng anomang masama.
23:42 At sinabi niya, Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.
23:43 At sinabi niya sa kaniya, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso.
23:44 At nang may oras na ikaanim na, ay nagdilim sa ibabaw ng buong lupa, hanggang sa oras na ikasiyam,
23:45 At nagdilim ang araw: at nahapak sa gitna ang tabing ng templo.
23:46 At si Jesus, na sumigaw ng malakas na tinig, ay nagsabi, Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu: at pagkasabi nito, ay nalagot ang hininga.
23:47 At nang makita ng senturion ang nangyari, ay niluwalhati niya ang Dios na nagsasabi, Tunay na ito'y isang taong matuwid.
23:48 At ang lahat ng mga karamihang nangagkatipon sa panonood nito, pagkakita nila sa mga bagay na nangyari ay nangagsiuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib.
23:49 At ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kaniya'y nagsisunod buhat sa Galilea, at nangasa malayo na pinagmamasdan ang mga bagay na ito.
23:50 At narito ang isang lalaking nagngangalang Jose, na isang kasangguni, isang lalaking mabuti at matuwid:
23:51 (Siya'y hindi umayon sa kanilang payo at gawa), isang lalaking taga Arimatea, bayan ng mga Judio, na naghihintay ng kaharian ng Dios;
23:52 Ang taong ito'y naparoon kay Pilato: at hiningi ang bangkay ni Jesus.
23:53 At ito'y ibinababa niya, at binalot ng isang kayong lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo'y wala pang nalilibing.
23:54 At noo'y araw ng Paghahanda, at nalalapit na ang sabbath.
23:55 At ang mga babae, na nagsisama sa kaniya mula sa Galilea, ay nagsisunod, at tiningnan ang libingan, at kung paano ang pagkalagay ng kaniyang bangkay.
23:56 At sila'y nagsiuwi, at nangaghanda ng mga pabango at mga unguento. At nang araw ng sabbath sila'y nangagpahinga ayon sa utos.
24:1 Datapuwa't nang unang araw ng sanglinggo pagkaumagang-umaga, ay nagsiparoon sila sa libingan, na may dalang mga pabango na kanilang inihanda.
24:2 At nasumpungan nilang naigulong na ang bato mula sa libingan.
24:3 At sila'y nagsipasok, at hindi nila nangasumpungan ang bangkay ng Panginoong Jesus.
24:4 At nangyari, na samantalang sila'y nangatitilihan dahil dito, narito, tumayo sa tabi nila ang dalawang lalake na nakasisilaw ang mga damit:
24:5 At nang sila'y nangatatakot at nangakatungo ang kanilang mga mukha sa lupa ay sinabi nila sa kanila, Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay?
24:6 Wala siya rito, datapuwa't nagbangon: alalahanin ninyo ang salita niya sa inyo nang siya'y nasa Galilea pa,
24:7 Na sinasabi, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw.
24:8 At naalaala nila ang kaniyang mga salita,
24:9 At nagsibalik mula sa libingan, at ibinalita ang lahat ng mga bagay na ito sa labingisa, at sa lahat ng mga iba pa.
24:10 Sila nga'y si Maria Magdalena, si Juana, at si Mariang ina ni Santiago: at iba pang mga babaing kasama nila ang nangagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol.
24:11 At ang mga salitang ito'y inakala nilang walang kabuluhan; at hindi nila pinaniwalaan.
24:12 Datapuwa't nagtindig si Pedro, at tumakbo sa libingan; at nang siya'y tumungo pagtingin niya sa loob, ay nakita niya ang mga kayong lino na nangasa isang tabi; at umuwi siya sa kaniyang bahay na nanggigilalas sa nangyaring yaon.
24:13 At narito, dalawa sa kanila ay naparoroon nang araw ding yaon sa isang nayong ngala'y Emaus, na may anim na pung estadio ang layo sa Jerusalem.
24:14 At kanilang pinaguusapan ang lahat ng mga bagay na nangyari.
24:15 At nangyari, na samantalang sila'y naguusap at nagtatanongan, na si Jesus din ay lumapit, at nakisabay sa kanila.
24:16 Datapuwa't sa mga mata nila'y may nakatatakip upang siya'y huwag nilang makilala.
24:17 At sinabi niya sa kanila, Ano ang mga salitaan ninyong ito sa inyong paglalakad? At sila'y nagsitigil, na nangalulumbay ang mga mukha.
24:18 At isa sa kanila, na nagngangalang Cleopas, sa pagsagot ay sinabi sa kaniya, Ikaw baga'y nakikipamayan lamang sa Jerusalem, at hindi nakaalam ng mga bagay na doo'y nangyari nang mga araw na ito?
24:19 At sinabi niya sa kanila, Anong mga bagay? At sinabi nila sa kaniya, Ang mga bagay tungkol kay Jesus na Nazareno, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Dios at ng buong bayan:
24:20 At kung paano ang pagkabigay sa kaniya ng mga pangulong saserdote at ng mga pinuno upang hatulan sa kamatayan, at siya'y ipako sa krus.
24:21 Datapuwa't hinihintay naming siya ang tutubos sa Israel. Oo at bukod sa lahat ng mga ito ay ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.
24:22 Bukod sa rito iba sa mga babaing kasamahan namin na nagsiparoong maaga sa libingan, ay nakapagtaka sa amin;
24:23 At nang hindi mangasumpungan ang kaniyang bangkay, ay nangagbalik sila, na nangagsabing sila nama'y nakakita ng isang pangitain ng mga anghel, na nangagsabing siya'y buhay.
24:24 At nagsiparoon sa libingan ang ilang kasama namin, at nasumpungan nila alinsunod sa sinabi ng mga babae: datapuwa't siya'y hindi nila nakita.
24:25 At sinabi niya sa kanila, Oh mga taong haling, at makukupad ang mga pusong magsisampalataya sa lahat ng salita ng mga propeta!
24:26 Hindi baga kinakailangang si Cristo ay maghirap ng mga bagay na ito, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?
24:27 At magmula kay Moises at sa mga propeta, ay ipinaaninaw niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniya sa lahat ng mga kasulatan.
24:28 At sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan: at naganyo siyang wari may paroroonang lalo pang malayo.
24:29 At siya'y kanilang pinigil, na sinasabi, tumuloy ka sa amin, sapagka't gumagabi na, at kumikiling na ang araw. At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.
24:30 At nangyari, nang siya'y nakaupo na kasalo nila sa dulang ng pagkain, ay kaniyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito'y pinagputolputol, at ibinigay sa kanila.
24:31 At nangabuksan ang kanilang mga mata, at siya'y nakilala nila; at siya'y nawala sa kanilang mga paningin.
24:32 At sila-sila'y nangagsabihan, Hindi baga nagaalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?
24:33 At sila'y nagsitindig sa oras ding yaon, at nangagbalik sa Jerusalem, at naratnang nangagkakatipon ang labingisa, at ang kanilang mga kasama.
24:34 Na nangagsasabi, Tunay na nagbangong muli ang Panginoon, at napakita kay Simon,
24:35 At isinaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan, at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputolputulin ang tinapay.
24:36 At samantalang kanilang pinaguusapan ang mga bagay na ito, siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila'y nagsabi, Kapayapaa'y suma inyo.
24:37 Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.
24:38 At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso?
24:39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.
24:40 At pagkasabi niya nito, ay ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at ang kaniyang mga paa.
24:41 At samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas, ay sinabi niya sa kanila, Mayroon baga kayo ritong anomang makakain?
24:42 At binigyan nila siya ng isang putol na isdang inihaw.
24:43 At kaniyang inabot yaon, at kumain sa harap nila.
24:44 At sinabi niya sa kanila, Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, nang ako'y sumasa inyo pa, na kinakailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nangasusulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa mga awit.
24:45 Nang magkagayo'y binuksan niya ang kanilang mga pagiisip, upang mapagunawa nila ang mga kasulatan;
24:46 At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw;
24:47 At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem.
24:48 Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.
24:49 At narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, datapuwa't magsipanatili kayo sa bayan, hanggang sa kayo'y masangkapan ng kapangyarihang galing sa itaas.
24:50 At kaniyang dinala sila sa labas hanggang sa tapat ng Betania: at itinaas niya ang kaniyang mga kamay, at sila'y binasbasan.
24:51 At nangyari, na samantalang sila'y binabasbasan niya, ay iniwan niya sila; at dinala siya sa itaas sa langit.
24:52 At siya'y sinamba nila, at nagsibalik sila sa Jerusalem na may malaking galak:
24:53 At palaging sila'y nasa templo, na nangagpupuri sa Dios.