Sacred Texts  Bible  World Bible  Index  Previous  Next 

Tagalog Bible: 1 Kings

1:1 Si David na hari nga ay matanda at totoong magulang na; at kanilang tinakpan siya ng mga kumot, nguni't siya'y hindi naiinitan.

1:2 Kaya't sinabi ng mga lingkod niya sa kaniya, Ihanap ang aking panginoon na hari ng isang dalaga: at patayuin siya sa harap ng hari, at libangin niya siya; at mahiga siya sa iyong sinapupunan, upang ang aking panginoon na hari ay mainitan.

1:3 Sa gayo'y inihanap nila siya ng isang magandang dalaga sa lahat ng mga hangganan ng Israel, at nasumpungan si Abisag na Sunamita, at dinala sa hari.

1:4 At ang dalaga ay totoong maganda: at kaniyang nilibang ang hari at nagaalaga sa kaniya; nguni't hindi siya ginalaw ng hari.

1:5 Nang magkagayo'y nagmataas si Adonia na anak ni Haggith, na nagsabi, Ako'y magiging hari: at siya'y naghanda ng mga karo at mga mangangabayo, at limang pung lalaking mananakbo sa unahan niya.

1:6 At hindi siya kinasamaan ng loob ng kaniyang ama kailan man, na nagsabi, Bakit ka gumawa ng ganyan? at siya'y totoong makisig na lalake rin naman; at siya'y ipinanganak na kasunod ni Absalom.

1:7 At siya'y nakipagsalitaan kay Joab na anak ni Sarvia, at sa saserdoteng kay Abiathar: at pagsunod nila kay Adonia ay nagsitulong sa kaniya.

1:8 Nguni't si Sadoc na saserdote, at si Benaia na anak ni Joiada, at si Nathan na propeta, at si Semei, at si Reihi, at ang mga makapangyarihang lalake na nauukol kay David, ay hindi kasama ni Adonia.

1:9 At nagpatay si Adonia ng mga tupa, at mga baka at ng mga pinataba sa siping ng bato ng Zoheleth, na nasa tabi ng Enrogel: at kaniyang tinawag ang lahat niyang kapatid na mga anak ng hari, at ang lahat na lalake sa Juda na mga lingkod ng hari.

1:10 Nguni't si Nathan na propeta, at si Benaia, at ang mga makapangyarihang lalake, at si Salomon na kaniyang kapatid ay hindi niya tinawag.

1:11 Nang magkagayo'y nagsalita si Nathan kay Bath-sheba na ina ni Salomon, na nagsasabi, Hindi mo ba nabalitaan na naghahari si Adonia na anak ni Haggith, at hindi nalalaman ni David na ating panginoon?

1:12 Ngayon nga'y parito ka, isinasamo ko sa iyo, na bigyang payo kita, upang iyong mailigtas ang iyong sariling buhay, at ang buhay ng iyong anak na si Salomon.

1:13 Ikaw ay yumaon, at pasukin mo ang haring si David, at sabihin mo sa kaniya, Di ba, panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod, na iyong sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan? bakit nga maghahari si Adonia?

1:14 Narito, samantalang nagsasalita ka pa roon sa hari, ay papasok naman ako na kasunod mo, at aking patototohanan ang iyong mga salita.

1:15 At pinasok ni Bath-sheba ang hari sa silid; at ang hari ay totoong matanda na; at si Abisag na Sunamita ay siyang nagaalaga sa hari.

1:16 At si Bath-sheba ay yumukod at nagbigay galang sa hari. At sinabi ng hari, Anong ibig mo?

1:17 At sinabi niya sa kaniya, Panginoon ko, isinumpa mo ang Panginoon mong Dios sa iyong lingkod, na sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan.

1:18 At ngayo'y narito, si Adonia ay naghahari; at ikaw, panginoon ko na hari, ay hindi mo nalalaman;

1:19 At siya'y pumatay ng mga baka, at mga pinataba, at tupa na sagana, at tinawag ang lahat na anak ng hari, at si Abiathar na saserdote, at si Joab na puno ng hukbo: nguni't si Salomon na iyong lingkod ay hindi niya tinawag.

1:20 At ikaw, panginoon ko na hari, ang mga mata ng buong Israel ay nasa iyo, upang iyong saysayin sa kanila kung sino ang uupo sa luklukan ng aking panginoon na hari pagkamatay niya.

1:21 Sa ibang paraa'y mangyayari, na pagka ang aking panginoon na hari ay natutulog na kasama ng kaniyang mga magulang, na ako at ang aking anak na si Salomon ay mabibilang sa mga may sala.

1:22 At, narito, samantalang siya'y nakikipagsalitaan pa sa hari, ay pumasok si Nathan na propeta.

1:23 At kaniyang isinaysay sa hari, na sinasabi, Narito, si Nathan na propeta. At nang siya'y dumating sa harap ng hari, siya'y yumukod ng kaniyang mukha sa lupa sa harap ng hari.

1:24 At sinabi ni Nathan, Panginoon ko, Oh hari, iyo bang sinabi, Si Adonia ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan?

1:25 Sapagka't siya'y lumusong nang araw na ito, at nagpatay ng mga baka, at mga pinataba, at mga tupa na sagana, at tinawag ang lahat na anak ng hari, at ang mga puno ng hukbo, at si Abiathar na saserdote; at, narito, sila'y nagkakainan at nagiinuman sa harap niya at nagsisipagsabi, Mabuhay ang haring si Adonia.

1:26 Nguni't ako, akong iyong lingkod, at si Sadoc na saserdote, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang iyong lingkod na si Salomon, hindi niya tinawag.

1:27 Ang bagay na ito baga ay ginawa ng aking panginoon na hari, at hindi mo ipinakilala sa iyong mga lingkod kung sino ang uupo sa luklukan ng aking panginoon na hari pagkamatay niya?

1:28 Nang magkagayo'y sumagot ang haring si David, at nagsabi, Tawagin ninyo sa akin si Bath-sheba. At siya'y pumasok sa harap ng hari, at tumayo sa harap ng hari.

1:29 At sumumpa ang hari, at nagsabi, Buhay ang Panginoon, na tumubos ng aking kaluluwa sa lahat ng karalitaan,

1:30 Katotohanang kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon, na Dios ng Israel, na sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan na kahalili ko; katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito.

1:31 Nang magkagayo'y iniyukod ni Bath-sheba ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang sa hari, at nagsabi, Mabuhay ang aking panginoon na haring si David magpakailan man.

1:32 At sinabi ng haring si David, Tawagin ninyo sa akin si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada. At sila'y pumasok sa harap ng hari.

1:33 At sinabi ng hari sa kanila, Ipagsama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang aking anak na si Salomon sa aking sariling mula, at ilusong ninyo siya sa Gihon.

1:34 At pahiran siya ng langis doon ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta na maging hari sa Israel: at kayo'y magsihihip ng pakakak, at magsipagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon.

1:35 Kung magkagayo'y magsisiahon kayong kasunod niya, at siya'y paririto, at uupo sa aking luklukan: sapagka't siya'y magiging hari, na kahalili ko: at inihalal ko siyang maging prinsipe sa Israel at sa Juda.

1:36 At si Benaia na anak ni Joiada ay sumagot sa hari, at nagsabi, Siya nawa: ang Panginoon, ang Dios ng aking panginoon na hari ay magsabi nawa ng ganyan din.

1:37 Kung paanong ang Panginoon ay sumaaking panginoon na hari ay gayon suma kay Salomon at gawin nawa ang kaniyang luklukang lalong dakila kay sa luklukan ng aking panginoong haring si David.

1:38 Sa gayo'y si Sadoc na saserdote at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga Ceretheo, at ang mga Peletheo ay nagsibaba, at pinasakay si Salomon sa mula ng haring si David, at dinala sa Gihon.

1:39 At kinuha ni Sadoc na saserdote ang sisidlang sungay ng langis mula sa Tolda, at pinahiran ng langis si Salomon. At sila'y humihip ng pakakak; at ang buong bayan ay nagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon.

1:40 At ang buong bayan ay nagsiahong kasunod niya, at ang bayan ay humihip ng mga plauta, at nangagalak ng malaking pagkagalak, anopa't ang lupa ay umalingawngaw sa hugong nila.

1:41 At narinig ni Adonia at ng buong inanyayahan na nasa kaniya pagkatapos nilang makakain. At nang marinig ni Joab ang tunog ng pakakak, ay kaniyang sinabi, Anong dahil nitong hugong sa bayan na kaingay?

1:42 Samantalang siya'y nagsasalita pa, narito, si Jonathan na anak ni Abiathar na saserdote ay dumating at si Adonia ay nagsabi, Pumasok ka; sapagka't ikaw ay karapatdapat na tao, at nagdadala ka ng mabubuting balita.

1:43 At si Jonathan ay sumagot, at nagsabi kay Adonia, Katotohanang ginawang hari si Salomon ng ating panginoong haring si David:

1:44 At sinugo ng hari na kasama niya si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga Ceretheo at ang mga Peletheo at pinasakay nila siya sa mula ng hari:

1:45 At siya'y pinapaging hari na pinahiran ng langis ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta sa Gihon: at sila'y nagsiahong galak mula roon, na anopa't ang bayan ay umalingawngaw uli. Ito ang hugong na iyong narinig.

1:46 At si Salomon naman ay nauupo sa luklukan ng kaharian.

1:47 At bukod dito'y ang mga lingkod ng hari ay nagsiparoon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsisipagsabi, Gawin nawa ng iyong Dios ang pangalan ni Salomon na lalong maigi kay sa iyong pangalan, at gawin ang kaniyang luklukan na lalong dakila kay sa iyong luklukan; at ang hari ay yumukod sa kaniyang higaan.

1:48 At ganito pa ang sinabi ng hari, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang nagbigay sa akin ng isa na makakaupo sa aking luklukan sa araw na ito, na nakita ng aking mga mata.

1:49 At ang lahat na inanyayahan ni Adonia ay nangatakot at nagsitindig, at yumaon bawa't isa sa kaniyang lakad.

1:50 At natakot si Adonia dahil kay Salomon: at siya'y tumindig at yumaon, at pumigil sa mga anyong sungay ng dambana.

1:51 At nasaysay kay Salomon na sinasabi, Narito, si Adonia ay natatakot sa haring Salomon: sapagka't, narito, siya'y pumigil sa mga anyong sungay ng dambana, na nagsasabi, Isumpa ng haring Salomon sa akin sa araw na ito, na hindi niya papatayin ng tabak ang kaniyang lingkod.

1:52 At sinabi ni Salomon, Kung siya'y pakikilalang karapatdapat na tao, ay walang malalaglag na isang buhok sa kaniya sa lupa; nguni't kung kasamaan ang masumpungan sa kaniya siya'y mamamatay.

1:53 Sa gayo'y nagsugo ang haring Salomon, at kanilang ibinaba siya mula sa dambana. At siya'y naparoon at nagbigay galang sa haring Salomon; at sinabi ni Salomon sa kaniya, Umuwi ka sa iyong bahay.

2:1 Ang mga araw nga ni David na ikamamatay ay nalalapit; at kaniyang ibinilin kay Salomon na kaniyang anak, na sinasabi,

2:2 Ako'y yumayaon ng lakad ng buong lupa; ikaw ay magpakalakas nga at magpakalalake;

2:3 At iyong ingatan ang bilin ng Panginoon mong Dios, na lumakad sa kaniyang mga daan, na ingatan ang kaniyang mga palatuntunan, ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga kahatulan, at ang kaniyang mga patotoo, ayon sa nasusulat sa kautusan ni Moises, upang ikaw ay guminhawa sa lahat ng iyong ginagawa, at saan ka man pumihit:

2:4 Upang papagtibayin ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita tungkol sa akin, na sinasabi, Kung ang iyong mga anak ay magsisipagingat sa kanilang lakad, na lalakad sa harap ko sa katotohanan ng kanilang buong puso at ng kanilang buong kaluluwa, hindi ka kukulangin (sabi niya) ng lalake sa luklukan ng Israel.

2:5 Bukod dito'y talastas mo naman ang ginawa ni Joab na anak ni Sarvia sa akin, sa makatuwid baga'y ang ginawa niya sa dalawang puno ng mga hukbo ng Israel, kay Abner na anak ni Ner, at kay Amasa na anak ni Jether na kaniyang pinatay, at ibinubo sa kapayapaan ang dugo ng pakikidigma at nabubo ang dugo ng pakikidigma sa kaniyang bigkis na nasa kaniyang mga balakang, at sa loob ng kaniyang mga pangyapak na nasa kaniyang mga paa.

2:6 Gumawa ka nga ng ayon sa iyong karunungan, at huwag mong tulutang ang kaniyang uban sa ulo ay bumabang payapa sa Sheol.

2:7 Nguni't pagpakitaan mo ng kagandahang loob ang mga anak ni Barzillai na Galaadita, at maging kabilang sa nagsisikain sa iyong dulang; sapagka't gayon sila nagsilapit sa akin nang ako'y tumakas kay Absalom na iyong kapatid.

2:8 At, narito, nasa iyo si Semei na anak ni Gera na Benjamita, na taga Bahurim, na siyang sumumpa sa akin ng mahigpit na sumpa nang araw na ako'y pumaroon sa Mahanaim: nguni't nilusong niyang sinalubong ako sa Jordan, at isinumpa ko sa kaniya ang Panginoon, na sinasabi, Hindi kita papatayin ng tabak.

2:9 Ngayon nga'y huwag mong ariing walang sala, sapagka't ikaw ay lalaking pantas: at iyong maaalaman ang dapat gawin sa kaniya, at iyong ilusong na may dugo ang kaniyang uban sa ulo sa Sheol.

2:10 At si David ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa bayan ni David.

2:11 At ang mga araw na ipinaghari ni David sa Israel ay apat na pung taon: pitong taong naghari siya sa Hebron, at tatlong pu't tatlong taong naghari siya sa Jerusalem.

2:12 At si Salomon ay naupo sa luklukan ni David na kaniyang ama: at ang kaniyang kaharian ay natatag na mainam.

2:13 Nang magkagayo'y si Adonia na anak ni Hagith ay naparoon kay Bath-sheba na ina ni Salomon. At kaniyang sinabi, Naparirito ka bang payapa? At sinabi niya, Payapa.

2:14 Kaniyang sinabi bukod dito: Mayroon pa akong sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Sabihin mo.

2:15 At kaniyang sinabi, Talastas mo na ang kaharian ay naging akin, at itinitig ng buong Israel ang kanilang mukha sa akin, upang ako'y maghari: gayon ma'y ang kaharian ay nagbago, at napasa aking kapatid: sapagka't kaniya sa ganang Panginoon.

2:16 At ngayo'y hihingi ako ng isang hiling sa iyo, huwag mo akong pahindian. At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo.

2:17 At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyo na iyong salitain kay Salomon na hari, (sapagka't hindi siya pahihindi sa iyo,) na ibigay niyang asawa sa akin si Abisag na Sunamita.

2:18 At sinabi ni Bath-sheba, Mabuti; aking ipakikiusap ka sa hari.

2:19 Si Bath-sheba nga'y naparoon sa haring Salomon, upang ipakiusap sa kaniya si Adonia. At tumindig ang hari na sinalubong siya, at yumukod siya sa kaniya, at umupo sa kaniyang luklukan, at nagpalagay ng luklukan para sa ina ng hari; at siya'y naupo sa kaniyang kanan.

2:20 Nang magkagayo'y sinabi niya, Ako'y humihingi ng isang munting hiling sa iyo: huwag mo akong pahindian. At sinabi ng hari sa kaniya, Hilingin mo, ina ko: sapagka't hindi kita pahihindian.

2:21 At sinabi niya, Ibigay mong asawa si Abisag na Sunamita sa iyong kapatid na kay Adonia.

2:22 At ang haring Salomon ay sumagot, at nagsabi sa kaniyang ina, At bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonia? hilingin mo para sa kaniya pati ng kaharian; sapagka't siya'y aking matandang kapatid; oo, para sa kaniya, at kay Abiathar na saserdote, at kay Joab na anak ni Sarvia.

2:23 Nang magkagayo'y isinumpa ng haring Salomon ang Panginoon, na sinasabi, Hatulan ako ng Dios, at lalo na kung si Adonia ay hindi nagsalita ng salitang ito laban sa kaniyang sariling buhay.

2:24 Ngayon nga'y buhay ang Panginoon, na nagtatag sa akin, at naglagay sa akin sa luklukan ni David na aking ama, at siyang gumawa sa akin ng isang bahay, gaya ng kaniyang ipinangako, tunay na si Adonia ay papatayin sa araw na ito.

2:25 At nagsugo ang haring Salomon sa pamamagitan ng kamay ni Benaia na anak ni Joiada; at siyang dumaluhong sa kaniya, na anopa't siya'y namatay.

2:26 At kay Abiathar na saserdote ay sinabi ng hari, Umuwi ka sa Anathoth, sa iyong sariling mga bukid; sapagka't ikaw ay karapatdapat sa kamatayan: nguni't sa panahong ito'y hindi kita papatayin, sapagka't iyong dinala ang kaban ng Panginoong Dios sa harap ni David na aking ama, at sapagka't ikaw ay napighati sa lahat ng kinapighatian ng aking ama.

2:27 Sa gayo'y inalis ni Salomon si Abiathar sa pagkasaserdote sa Panginoon upang kaniyang tuparin ang salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita tungkol sa sangbahayan ni Eli, sa Silo.

2:28 At ang mga balita ay dumating kay Joab: sapagka't si Joab ay umanib kay Adonia, bagaman hindi siya umanib kay Absalom. At si Joab ay tumakas na napatungo sa Tolda ng Panginoon, at pumigil sa mga anyong sungay ng dambana.

2:29 At nasaysay sa haring Salomon, Si Joab ay tumakas na napatungo sa Tolda ng Panginoon, at, narito, siya'y nasa siping ng dambana. Nang magkagayo'y sinugo niya si Benaia na anak ni Joiada, na sinasabi, Ikaw ay yumaon, daluhungin mo siya.

2:30 At si Benaia ay naparoon sa Tolda ng Panginoon, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng hari, Lumabas ka. At kaniyang sinabi, Hindi; kundi ako'y mamamatay rito, At dinala ni Benaia sa hari ang salita uli, na sinasabi, Ganito ang sinabi ni Joab, at ganito ang isinagot sa akin.

2:31 At sinabi ng hari sa kaniya, Gawin kung paano ang sinabi niya, at daluhungin mo siya, at ilibing mo siya; upang iyong maalis ang dugo na ibinubo ni Joab ng walang kadahilanan sa akin at sa sangbahayan ng aking ama.

2:32 At ibabalik ng Panginoon ang kaniyang dugo sa kaniyang sariling ulo, sapagka't siya'y dumaluhong sa dalawang lalake, na lalong matuwid, at maigi kay sa kaniya, at mga pinatay ng tabak, at hindi nalalaman ng aking amang si David, sa makatuwid baga'y si Abner na anak ni Ner, na puno ng hukbo ng Israel, at si Amasa na anak ni Jether, na puno ng hukbo ng Juda.

2:33 Sa gayo'y ang kanilang dugo ay mababalik sa ulo ni Joab, at sa ulo ng kaniyang binhi magpakailan man: nguni't kay David, at sa kaniyang binhi, at sa kaniyang sangbahayan, sa kaniyang luklukan ay magkakaroon ng kapayapaan magpakailan man na mula sa Panginoon.

2:34 Nang magkagayo'y sinampa ni Benaia na anak ni Joiada, at dinaluhong siya, at pinatay siya; at siya'y inilibing sa kaniyang sariling bahay sa ilang.

2:35 At inilagay ng hari si Benaia na anak ni Joiada na kahalili niya sa hukbo: at si Sadoc na saserdote ay inilagay ng hari na kahalili ni Abiathar.

2:36 At ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Semei, at sinabi sa kaniya, Magtayo ka ng isang bahay sa Jerusalem, at tumahan ka roon, at huwag kang pumaroon saan man na mula roon.

2:37 Sapagka't sa araw na ikaw ay lumabas, at tumawid sa batis ng Cedron, talastasin mong mainam, na ikaw ay walang pagsalang mamamatay: ang iyong dugo ay sasa iyong sariling ulo.

2:38 At sinabi ni Semei sa hari, Ang sabi ay mabuti: kung paanong sinabi ng aking panginoong hari, gayon gagawin ng iyong lingkod. At si Semei ay tumahan sa Jerusalem na malaon.

2:39 At nangyari, sa katapusan ng tatlong taon, na dalawa sa mga alipin ni Semei ay tumanan na pumaroon kay Achis, na anak ni Maacha, hari sa Gath. At kanilang sinaysay kay Semei, na sinasabi, Narito, ang iyong mga alipin ay nasa Gath.

2:40 At tumindig si Semei, at siniyahan ang kaniyang asno, at napasa Gath kay Achis, upang hanapin ang kaniyang mga alipin: at si Semei ay yumaon at dinala ang kaniyang mga alipin mula sa Gath.

2:41 At nasaysay kay Salomon na si Semei ay naparoon sa Gath mula sa Jerusalem, at bumalik uli.

2:42 At ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Semei, at nagsabi sa kaniya, Di ba ipinasumpa ko sa iyo ang Panginoon, at ipinatalastas kong totoo sa iyo, na aking sinasabi, Talastasin mong tunay na sa araw na ikaw ay lumabas, at yumaon saan man, ay walang pagsalang mamamatay ka? at iyong sinabi sa akin. Ang sabi na aking narinig ay mabuti.

2:43 Bakit nga hindi mo iningatan ang sumpa sa Panginoon, at ang utos na aking ibinilin sa iyo?

2:44 Sinabi pa ng hari kay Semei, Iyong talastas ang buong kasamaan na nalalaman ng iyong puso, na iyong ginawa kay David na aking ama: kaya't ibabalik ng Panginoon ang iyong kasamaan sa iyong sariling ulo.

2:45 Nguni't ang haring si Salomon ay magiging mapalad, at ang luklukan ni David ay magiging matatag sa harap ng Panginoon magpakailan man.

2:46 Sa gayo'y inutusan ng hari si Benaia na anak ni Joiada; at siya'y lumabas, at dumaluhong sa kaniya, na anopa't siya'y namatay. At ang kaharian ay matatag sa kamay ni Salomon,

3:1 At si Salomon ay nakipagkamaganak kay Faraon na hari sa Egipto sa pag-aasawa niya sa anak na babae ni Faraon, at dinala niya sa bayan ni David, hanggang sa kaniyang natapos itayo ang kaniyang sariling bahay, at ang bahay ng Panginoon, at ang kuta ng Jerusalem sa palibot.

3:2 Ang bayan ay naghahain lamang sa mga mataas na dako, sapagka't walang bahay na itinayo sa pangalan ng Panginoon hanggang sa mga araw na yaon.

3:3 At inibig ni Salomon ang Panginoon, na lumalakad sa mga palatuntunan ni David na kaniyang ama: siya'y naghahain lamang at nagsusunog ng kamangyan sa matataas na dako.

3:4 At ang hari ay naparoon sa Gabaon upang maghain doon; sapagka't yaon ang pinakamataas na dako; isang libong handog na susunugin ang inihandog ni Salomon sa dambanang yaon.

3:5 Sa Gabaon ay napakita ang Panginoon kay Salomon sa panaginip sa gabi: at sinabi ng Dios, Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.

3:6 At sinabi ni Salomon, Ikaw ay nagpakita sa iyong lingkod na aking amang kay David ng malaking kagandahang loob, ayon sa kaniyang inilakad sa harap mo sa katotohanan, at sa katuwiran, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan sa kaniya itong dakilang kagandahang loob, na iyong binigyan siya ng isang anak na makauupo sa kaniyang luklukan, gaya sa araw na ito.

3:7 At ngayon, Oh Panginoon kong Dios, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; at ako'y isang munting bata lamang; hindi ko nalalaman ang paglulumabas at pumasok.

3:8 At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan.

3:9 Bigyan mo nga ang iyong lingkod ng isang matalinong puso upang humatol sa iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagka't sino ang makahahatol dito sa iyong malaking bayan?

3:10 At ang pangungusap ay nakalugod sa Panginoon, na hiningi ni Salomon ang bagay na ito.

3:11 At sinabi ng Dios sa kaniya, Sapagka't iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi hiningi mo sa iyo'y katalinuhan upang kumilala ng kahatulan;

3:12 Narito, aking ginawa ayon sa iyong salita: narito, aking binigyan ka ng isang pantas at matalinong puso; na anopa't walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinoman pagkamatay mo.

3:13 At akin namang ibinigay sa iyo ang hindi mo hinihingi, ang kayamanan at gayon din ang karangalan, na anopa't walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga kaarawan.

3:14 At kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos, gaya ng inilakad ng iyong amang si David, ay akin ngang palalaunin ang iyong mga kaarawan.

3:15 At nagising si Salomon, at narito, yao'y isang panaginip: at siya'y naparoon sa Jerusalem, at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin, at naghandog ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at gumawa ng kasayahan sa lahat ng kaniyang mga lingkod.

3:16 Nang magkagayo'y naparoon sa hari ang dalawang babae na mga patutot, at nagsitayo sa harap niya.

3:17 At sinabi ng isang babae, Oh panginoon ko, ako at ang babaing ito ay tumatahan sa isang bahay; at ako'y nanganak ng isang batang lalake sa bahay na kasama ko siya.

3:18 At nangyari, nang ikatlong araw pagkatapos na ako'y makapanganak, na ang babaing ito'y nanganak naman; at kami ay magkasama; walang iba sa amin sa bahay, liban sa kaming dalawa sa bahay.

3:19 At ang anak ng babaing ito ay namatay sa kinagabihan; sapagka't kaniyang nahigan.

3:20 At siya'y bumangon sa hating gabi, at kinuha niya ang anak kong lalake sa siping ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog, at inihiga niya sa kaniyang sinapupunan, at inilagay ang kaniyang patay na anak sa aking sinapupunan.

3:21 At nang ako'y bumangon sa kinaumagahan upang aking pasusuhin ang aking anak, narito, siya'y patay: nguni't nang aking kilalanin ng kinaumagahan, narito, hindi ang aking anak na aking ipinanganak.

3:22 At sinabi ng isang babae, Hindi; kundi ang buhay ay aking anak at ang patay ay iyong anak. At sinabi ng isa: Hindi; kundi ang patay ay ang iyong anak, at ang buhay ay siyang aking anak. Ganito sila nangagsalita sa harap ng hari.

3:23 Nang magkagayo'y sinabi ng hari, Ang isa'y nagsasabi, Ang aking anak ay ang buhay, at ang iyong anak ay ang patay: at ang isa'y nagsasabi, Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buhay.

3:24 At sinabi ng hari, Dalhan ninyo ako ng isang tabak. At sila'y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari.

3:25 At sinabi ng hari, Hatiin ng dalawa ang buhay na bata, at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati ay sa isa.

3:26 Nang magkagayo'y nagsalita ang babae na ina ng buhay na bata sa hari, sapagka't ang kaniyang pagmamahal ay nagniningas sa kaniyang anak, at sinabi niya, Oh panginoon ko, ibigay mo sa kaniya ang buhay na bata, at sa anomang paraa'y huwag mong patayin. Nguni't ang sabi ng isa, Hindi magiging akin ni iyo man; hatiin siya.

3:27 Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi, ibigay sa kaniya ang buhay na bata, at sa anomang paraa'y huwag patayin: siya ang ina niya.

3:28 At nabalitaan ng buong Israel ang kahatulan na inihatol ng hari; at sila'y nangatakot sa hari: sapagka't kanilang nakita na ang karunungan ng Dios ay nasa kaniya, upang gumawa ng kahatulan.

4:1 At ang haring Salomon, ay hari sa buong Israel.

4:2 At ito ang mga naging prinsipe na napasa kaniya: si Azarias, na anak ng saserdoteng si Sadoc.

4:3 Si Elioreph at si Ahia, na mga anak ni Sisa, ay mga kalihim; si Josaphat na anak ni Ahilud, ay kasangguni;

4:4 At si Benaia, na anak ni Joiada ay nangungulo sa hukbo; at si Sadoc at si Abiathar ay mga saserdote;

4:5 At si Azarias na anak ni Nathan ay nangungulo sa mga pinuno; at si Zabud na anak ni Nathan ay pangulong tagapangasiwa, na kaibigan ng hari;

4:6 At si Ahisar ay katiwala sa kaniyang bahay; at si Adoniram na anak ni Abda ay nasa mga magpapabuwis.

4:7 At si Salomon ay may labing dalawang katiwala sa buong Israel, na sila ang nag-iimbak ng pagkain ukol sa hari, at sa kaniyang sangbahayan: bawa't isa sa kanila'y nag-iimbak ng pagkain na isang buwan sa bawa't taon.

4:8 At ito ang kanilang mga pangalan: si Ben-hur sa lupaing maburol ng Ephraim:

4:9 Si Ben-dacer, sa Maccas, at sa Saalbim, at sa Beth-semes, at sa Elonbeth-hanan:

4:10 Si Ben-hesed, sa Aruboth (sa kaniya'y nauukol ang Socho, at ang buong lupain ng Ephet:)

4:11 Si Ben-abinadab sa buong kataasan ng Dor (na ang asawa'y si Taphat na anak ni Salomon:)

4:12 Si Baana na anak ni Ahilud sa Taanach, at sa Megiddo, at sa buong Beth-san na nasa siping ng Zaretan, sa ibaba ng Jezreel, mula sa Bethsan hanggang sa Abel-mehola, na may layong hanggang sa dako roon ng Jocmeam:

4:13 Si Ben-geber, sa Ramoth-galaad; (sa kaniya nauukol ang mga bayan ni Jair na anak ni Manases, na nasa Galaad; sa makatuwid baga'y sa kaniya nauukol ang lupain ng Argob, na nasa Basan, anim na pung malaking bayan na may mga kuta at mga halang na tanso:)

4:14 Si Ahinadab, anak ni Iddo sa Mahanaim:

4:15 Si Ahimaas, sa Nephtali; (Ito rin ang nagasawa kay Basemath na anak na babae ni Salomon.)

4:16 Si Baana, na anak ni Husai sa Aser at sa Alot.

4:17 Si Josaphat, na anak ni Pharua sa Issachar:

4:18 Si Semei, na anak ni Ela sa Benjamin:

4:19 Si Geber, na anak ni Uri sa lupain ng Galaad, na lupain ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, at ni Og na hari sa Basan; at siya lamang ang katiwala sa lupaing yaon.

4:20 Ang Juda at ang Israel ay marami, na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa karamihan, na nagkakainan, at nagiinuman, at nagkakatuwa.

4:21 At si Salomon ay nagpupuno sa lahat ng kaharian na mula sa Ilog hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at hanggang sa hangganan ng Egipto: sila'y nagsipagdala ng mga kaloob, at nagsipaglingkod kay Salomon lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

4:22 At ang pagkain ni Salomon sa isang araw ay tatlong pung takal ng mainam na harina, at anim na pung takal na harina,

4:23 Sangpung matabang baka, at dalawang pung baka na mula sa pastulan, at isang daang tupa, bukod pa ang mga usang lalake at babae, at mga usang masungay, at mga pinatabang hayop na may pakpak.

4:24 Sapagka't sakop niya ang buong lupain ng dakong ito ng Ilog, mula sa Tiphsa hanggang sa Gaza, sa lahat ng mga hari sa dakong ito ng Ilog: at siya'y may kapayapaan sa lahat ng mga dako sa palibot niya.

4:25 At ang Juda at ang Israel ay nagsitahang tiwasay, na bawa't tao'y sa ilalim ng kaniyang puno ng ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, sa lahat ng kaarawan ni Salomon.

4:26 At mayroon si Salomong apat na pung libong kabayo sa kaniyang mga silungan para sa kaniyang mga karo, at labing dalawang libong mangangabayo.

4:27 At ipinag-imbak ng mga katiwalang yaon ng pagkain ang haring Salomon, at ang lahat na naparoon sa dulang ng haring Salomon, bawa't isa'y sa kaniyang buwan: walang nagkulang na anoman.

4:28 Sebada naman at dayami sa mga kabayo, at sa mga matuling kabayo ay nagsipagdala sila sa dakong kinaroroonan ng mga pinuno, bawa't isa'y ayon sa kaniyang katungkulan.

4:29 At binigyan ng Dios si Salomon ng karunungan, at di kawasang katalinuhan at kaluwagan ng puso, gaya ng buhanging nasa tabi ng dagat.

4:30 At ang karunungan ni Salomon ay mahigit kay sa karunungan ng lahat na anak ng silanganan, at kay sa buong karunungan ng Egipto.

4:31 Sapagka't lalong pantas kay sa lahat ng mga tao; kay sa kay Ethan na Ezrahita, at kay Eman, at kay Calchol, at kay Darda, na mga anak ni Mahol: at ang kaniyang kabantugan ay lumipana sa lahat ng mga bansa sa palibot.

4:32 At siya'y nagsalita ng tatlong libong kawikaan; at ang kaniyang mga awit ay isang libo at lima.

4:33 At siya'y nagsalita ng tungkol sa mga punong kahoy, mula sa sedro na nasa Libano hanggang sa isopo na sumisibol sa pader: siya'y nagsalita rin ng tungkol sa mga hayop, at sa mga ibon, at sa nagsisiusad at sa mga isda.

4:34 At naparoon ang mga taong mula sa lahat na bayan, upang marinig ang karunungan ni Salomon na mula sa lahat na hari sa lupa, na nakabalita ng kaniyang karunungan.

5:1 At si Hiram na hari sa Tiro ay nagsugo ng kaniyang mga lingkod kay Salomon; dahil sa kaniyang nabalitaan na siya'y kanilang pinahiran ng langis na maging hari na kahalili ng kaniyang ama, sapagka't si Hiram ay naging laging maibigin kay David.

5:2 At si Salomon ay nagsugo kay Hiram, na kaniyang sinasabi,

5:3 Talastas mo na kung paanong si David na aking ama ay hindi nakapagtayo ng bahay sa pangalan ng Panginoon niyang Dios dahil sa mga pagdidigmaan sa palibot niya sa bawa't dako, hanggang sa inilagay sila ng Panginoon sa ilalim ng mga talampakan ng kaniyang mga paa.

5:4 Nguni't ngayo'y binigyan ako ng Panginoon kong Dios ng katiwasayan sa bawa't dako; wala kahit kaaway, o masamang pangyayari man.

5:5 At, narito, ako'y tumalagang ipagtayo ng bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, gaya ng sinalita ng Panginoon kay David na aking ama, na nagsasabi, Ang iyong anak na aking iuupo sa iyong luklukan na kahalili mo, siya ang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.

5:6 Ngayon nga'y ipagutos mo na iputol nila ako ng mga puno ng sedro sa Libano; at ang aking mga bataan ay makakasama ng iyong mga bataan: at aking bibigyan ka ng kaupahan sa iyong mga bataan ayon sa lahat na iyong sasabihin: sapagka't iyong talastas na wala sinoman sa amin na makapagdadaras ng mga kahoy ng gaya ng mga Sidonio.

5:7 At nangyari nang mabalitaan ni Hiram ang mga salita ni Salomon, na siya'y nagalak na mainam, at nagsabi, Purihin ang Panginoon sa araw na ito, na nagbigay kay David ng isang pantas na anak, sa malaking bayang ito.

5:8 At si Hiram ay nagsugo kay Salomon, na nagsasabi, Aking narinig ang pasugo na iyong ipinasugo sa akin: aking gagawin ang iyong buong nasa tungkol sa kahoy na sedro, at tungkol sa kahoy na abeto.

5:9 Ang aking mga bataan ay magsisipagbaba mula sa Libano hanggang sa dagat: at aking gagawing mga balsa upang dumaan sa dagat hanggang sa dakong iyong pagtuturuan sa akin, at aking ipakakalag doon, at iyong tatanggapin: at iyong tutuparin ang aking nasa, sa pagbibigay ng pagkain sa aking sangbahayan.

5:10 Sa gayo'y binigyan ni Hiram si Salomon ng kahoy na sedro, at kahoy na abeto ayon sa kaniyang buong nasa.

5:11 At binigyan ni Salomon si Hiram ng dalawang pung libong takal na trigo na pinaka pagkain ng kaniyang sangbahayan, at dalawang pung takal na taganas na langis; ganito binigyan ni Salomon si Hiram sa taon-taon.

5:12 At binigyan ng Panginoon si Salomon ng karunungan, gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya; at may kapayapaan si Hiram at si Salomon; at silang dalawa'y gumawa ng kasunduan.

5:13 At ang haring Salomon ay humingi ng mga mang-aatag sa buong Israel; at ang mga mang-aatag ay tatlong pung libong lalake.

5:14 At kaniyang sinusugo sila sa Libano na sangpu-sangpung libo bawa't buwan na halinhinan: isang buwan ay nasa Libano, at dalawang buwan ay sa bahay: at si Adoniram ay tagapamahala sa mga mang-aatag.

5:15 At si Salomon ay may pitong pung libong nagsisipagdala ng mga pasan at walong pung libong mangdadaras sa bundukin:

5:16 Bukod pa ang mga kapatas ni Salomon na nasa gawain, na tatlong libo at tatlong daan, na nagpupuno sa mga taong nagsisigawa ng gawain.

5:17 At ang hari ay nagutos, at nagsitibag sila ng malalaking bato, ng mga mahahalagang bato, upang ilagay ang tatagang-baon ng bahay na gumagamit ng mga batong tabas.

5:18 At tinabas ng mga tagapagtayo ni Salomon, at ng mga tagapagtayo ni Hiram at ng mga Gebalita, at inihanda ang mga kahoy, at ang mga bato upang itayo ang bahay.

6:1 At nangyari nang ikaapat na raan at walong pung taon pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay nangakalabas sa lupain ng Egipto, nang ikaapat na taon ng paghahari ni Salomon sa Israel, nang buwan ng Ziph, na ikalawang buwan, na kaniyang pinasimulang itinayo ang bahay ng Panginoon.

6:2 At ang bahay na itinayo ng haring Salomon ukol sa Panginoon, ang haba niyao'y anim na pung siko, at ang luwang ay dalawang pung siko, at ang taas ay tatlong pung siko.

6:3 At ang portiko sa harap ng templo ng bahay, may dalawang pung siko ang haba, ayon sa luwang ng bahay; at sangpung siko ang luwang niyaon sa harap ng bahay.

6:4 At iginawa ang bahay ng mga dungawan na may silahia.

6:5 At sa karatig ng pader ng bahay ay naglagay siya ng mga grado sa palibot, sa siping ng mga pader ng bahay sa palibot ng templo at gayon din sa sanggunian: at siya'y gumawa ng mga silid sa tagiliran sa palibot:

6:6 Ang kababababaan ay may limang siko ang luwang, at ang pangalawang grado ay may anim na siko ang luwang, at ang ikatlo ay may pitong siko ang luwang: sapagka't siya'y gumawa ng mga tungtungan sa labas ng bahay sa palibot, upang ang mga sikang ay huwag kumapit sa mga pader ng bahay.

6:7 At ang bahay, nang ginagawa, ay ginawa na mga bato na inihanda sa tibagan ng bato: at wala kahit pamukpok o palakol man, o anomang kasangkapang bakal na narinig sa bahay, samantalang itinatayo.

6:8 Ang pintuan sa mga kababababaang silid sa tagiliran ay nasa dakong kanan ng bahay: at sa pamamagitan ng isang hagdanang sinuso ay nakapapanhik sa pangalawang grado, at mula sa pangalawang grado ay sa ikatlo.

6:9 Gayon itinayo niya ang bahay, at tinapos at binubungan ang bahay ng mga sikang at mga tabla ng sedro.

6:10 At kaniyang ginawa ang mga grado na karatig ng buong bahay, na bawa't isa'y limang siko ang taas: at kumakapit sa bahay sa pamamagitan ng kahoy na sedro.

6:11 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Salomon, na sinasabi,

6:12 Tungkol sa bahay na ito na iyong itinatayo, kung ikaw ay lalakad sa aking mga palatuntunan, at gagawin ang aking mga kahatulan, at iingatan ang lahat ng aking mga utos upang lakaran; ay akin ngang pagtitibayin ang aking salita sa iyo, na aking sinalita kay David na iyong ama.

6:13 At ako'y tatahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.

6:14 Gayon itinayo ni Salomon ang bahay, at tinapos.

6:15 At kaniyang ginawa ang mga panig sa loob ng bahay na kahoy na sedro; mula sa lapag ng bahay hanggang sa mga panig ng kisame, na kaniyang binalot ng kahoy sa loob; at kaniyang tinakpan ang lapag ng bahay ng tabla na abeto.

6:16 At siya'y gumawa ng isang silid na dalawang pung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa lapag hanggang sa mga panig sa itaas: na kaniyang ginawa sa loob na ukol sa sanggunian, sa makatuwid baga'y ukol sa kabanalbanalang dako.

6:17 At ang bahay, sa makatuwid baga'y ang templo sa harap ng sanggunian ay apat na pung siko ang haba.

6:18 At may mga sedro sa loob ng bahay na inukitan ng kulukuti at mga bukang bulaklak: lahat ay sedro; walang batong makikita.

6:19 At siya'y naghanda ng isang sanggunian sa gitna ng pinakaloob ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng Panginoon.

6:20 At ang loob ng sanggunian ay may dalawang pung siko ang haba, at dalawang pung siko ang luwang, at dalawang pung siko ang taas: at binalot niya ng taganas na ginto: at binalot niya ng sedro ang dambana.

6:21 Sa gayo'y binalot ni Salomon ang loob ng bahay ng taganas na ginto: at kaniyang kinanaan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng sanggunian; at binalot ng ginto.

6:22 At binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari: gayon din ang buong dambana na nauukol sa sanggunian ay kaniyang binalot ng ginto.

6:23 At sa sanggunian ay gumawa siya ng dalawang querubin na kahoy na olibo, na bawa't isa'y may sangpung siko ang taas.

6:24 At limang siko ang isang pakpak ng querubin, at limang siko ang kabilang pakpak ng querubin: mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sangpung siko.

6:25 At ang isang querubin ay sangpung siko: ang dalawang querubin ay may isang sukat at isang anyo.

6:26 Ang taas ng isang querubin ay may sangpung siko, at gayon din ang isang querubin.

6:27 At kaniyang inilagay ang mga querubin sa pinakaloob ng bahay: at ang mga pakpak ng mga querubin ay nangakabuka na anopa't ang pakpak ng isa ay dumadaiti sa isang panig, at ang pakpak ng ikalawang querubin ay dumadaiti sa kabilang panig; at ang kanilang mga kabilang pakpak ay nagkakadaiti sa gitna ng bahay.

6:28 At kaniyang binalot ng ginto ang mga querubin.

6:29 At kaniyang inukitan ang lahat na panig ng bahay sa palibot ng mga ukit na larawan ng mga querubin, at ng mga puno ng palma, at ng mga bukang bulaklak, sa loob at sa labas.

6:30 At ang lapag ng bahay ay binalot niya ng ginto, sa loob at sa labas.

6:31 At sa pasukan ng sanggunian, siya'y gumawa ng mga pintuan na kahoy na olibo: ang itaas ng pintuan at ang mga haligi niyaon ay ikalimang bahagi ng panig ang laki.

6:32 Sa gayo'y gumawa siya ng dalawang pinto na kahoy na olibo; at kaniyang inukitan ng mga ukit na mga querubin, at mga puno ng palma, at mga bukang bulaklak, at binalot niya ng ginto; at kaniyang ikinalat ang ginto sa mga querubin, at sa mga puno ng palma,

6:33 Sa gayo'y gumawa naman siya sa pasukan ng templo ng mga haligi ng pintuan na kahoy na olibo, sa ikaapat na bahagi ng panig;

6:34 At dalawang pinto na kahoy na abeto; ang dalawang pohas ng isang pinto ay naititiklop, at ang dalawang pohas ng kabilang pinto ay naititiklop.

6:35 At kaniyang pinagukitan ng mga querubin, at mga puno ng palma, at mga bukang bulaklak; at binalot niya ng ginto na kapit sa mga ukit na gawa.

6:36 At kaniyang ginawa ang loob na looban, na tatlong hanay na batong tabas, at isang hanay na sikang na kahoy na sedro.

6:37 Nang ikaapat na taon, sa buwan ng Ziph, inilagay ang mga tatagang-baon ng bahay ng Panginoon.

6:38 At nang ikalabing isang taon, sa buwan ng Bul, na siyang ikawalong buwan ay nayari ang bahay sa lahat ng bahagi niyaon, at ayon sa buong anyo niyaon. Na anopa't pitong taong ginawa.

7:1 At itinayo ni Salomon ang kaniyang sariling bahay na labing tatlong taon, at kaniyang nayari ang kaniyang buong bahay.

7:2 Sapagka't kaniyang itinayo ang bahay na kahoy sa gubat ng Libano; ang haba'y isang daang siko, at ang luwang ay limang pung siko, at ang taas ay tatlong pung siko, sa apat na hanay na haliging sedro na may sikang na sedro sa ibabaw ng mga haligi.

7:3 At binubungan ng sedro sa ibabaw ng apat na pu't limang sikang, na nasa ibabaw ng mga haligi; labing lima sa isang hanay.

7:4 At may mga dungawan sa tatlong grado, at ang liwanag ng mga yaon ay nangagkakatapatan, sa tatlong grado.

7:5 At ang lahat na pintuan at mga haligi ay pawang parisukat ang anyo: at ang mga liwanag ay nangagkakatapatan, sa tatlong grado.

7:6 At siya'y gumawa ng portiko na may mga haligi: ang haba niyao'y limang pung siko, at ang luwang niyao'y tatlong pung siko, at may isang portiko na nasa harap ng mga yaon; at mga haligi at sikang ang nangasa harap ng mga yaon.

7:7 At kaniyang ginawa ang portiko ng luklukan na kaniyang paghuhukuman, sa makatuwid baga'y ang portiko ng hukuman: at nababalot ng sedro sa lapag at lapag.

7:8 At ang kaniyang bahay na tahanan, ibang looban sa loob ng portiko ay sa gayon ding gawa. Kaniyang iginawa rin naman ng bahay ang anak na babae ni Faraon (na naging asawa ni Salomon) na hawig portikong ito.

7:9 Ang lahat na ito'y mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga batong tabas, ayon sa sukat, na nilagari ng mga lagari, sa labas at sa loob, mula sa mga tatagang-baon hanggang sa kataastaasan, at gayon sa labas hanggang sa malaking looban.

7:10 At ang tatagang-baon ay mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga malaking bato, mga batong may sangpung siko, at mga batong may walong siko.

7:11 At sa ibabaw ay may mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga batong tabas, ayon sa sukat, at kahoy na sedro.

7:12 At ang malaking looban sa palibot ay may tatlong hanay ng batong tabas, at isang hanay na sikang na sedro; gaya ng pinakaloob na looban ng bahay ng Panginoon, at ng portiko ng bahay.

7:13 At nagsugo ang haring Salomon, at ipinasundo si Hiram sa Tiro.

7:14 Siya'y anak ng isang babaing bao sa lipi ni Nephtali, at ang kaniyang ama ay lalaking taga Tiro, na manggagawa sa tanso; at siya'y puspos ng karunungan, at katalinuhan, at kabihasahan, upang gumawa ng lahat na gawain sa tanso. At siya'y naparoon sa haring Salomon, at ginawa ang lahat niyang gawain.

7:15 Sapagka't kaniyang tinabas ang dalawang haligi na tanso, na may labing walong siko ang taas ng bawa't isa: at isang panukat na pisi na may labing dalawang siko ay maipalilibid sa bilog ng alinman sa bawa't isa.

7:16 At siya'y gumawa ng dalawang kapitel na binubong tanso, upang ilagay sa mga dulo ng mga haligi: ang taas ng isang kapitel ay limang siko at ang taas ng kabilang kapitel ay limang siko.

7:17 May mga yaring nilambat, at mga tirintas na yaring tinanikala, na ukol sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; pito sa isang kapitel, at pito sa kabilang kapitel.

7:18 Gayon ginawa niya ang mga haligi: at mayroong dalawang hanay sa palibot ng isang yaring lambat, upang takpan ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at gayon ang ginawa niya sa kabilang kapitel.

7:19 At ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi sa portiko ay mga yaring lila, na apat na siko.

7:20 At may mga kapitel naman sa dulo ng dalawang haligi, na malapit sa pinakatiyan na nasa siping ng yaring lambat: at ang mga granada ay dalawang daan, na nahahanay sa palibot sa ikalawang kapitel.

7:21 At kaniyang itinayo ang mga haligi sa portiko ng templo: at kaniyang itinayo ang kanang haligi, at pinanganlang Jachin: at kaniyang itinayo ang kaliwang haligi, at pinanganlang Boaz.

7:22 At sa dulo ng mga haligi ay may yaring lila: sa gayo'y ang gawain sa mga haligi ay nayari.

7:23 At kaniyang ginawa ang binubong dagatdagatan na may sangpung siko mula sa labi't labi, na lubos na mabilog, at ang taas ay limang siko: at isang panukat na pisi na may tatlong pung siko ang maipalilibid sa palibot.

7:24 At sa ilalim ng labi sa paligid ay may mga kulukuti sa palibot, na sangpu sa bawa't siko, na nakalibid sa dagatdagatan sa palibot: ang mga kulukuti ay dalawang hanay, na binubo ng bubuin ang binubong dagatdagatan.

7:25 Nakapatong ang dagatdagatan sa labing dalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa dakong hilagaan, ang tatlo'y nakaharap sa dakong kalunuran, ang tatlo'y nakaharap sa dakong timugan, at ang tatlo'y nakaharap sa dakong silanganan; at ang dagatdagatan ay napapatong sa mga yaon, at ang lahat na puwitan ng mga yaon ay nasa loob.

7:26 At ang kapal ng dagatdagatan ay isang dangkal; at ang labi niyaon ay yaring gaya ng labi ng isang tasa, gaya ng bulaklak na lila: naglalaman ng dalawang libong bath.

7:27 At siya'y gumawa ng sangpung patungang tanso: apat na siko ang haba ng bawa't isa at apat na siko ang luwang, at tatlong siko ang taas.

7:28 At ang pagkayari ng mga patungan ay ganitong paraan: may mga gilid na takip sa pagitan ng mga sugpong:

7:29 At sa mga gilid na takip na nasa pagitan ng mga sugpong ay may mga leon, mga baka, at mga querubin; at sa itaas ng mga sugpong ay may tungtungan sa ibabaw; at sa ibaba ng mga leon, at mga baka, ay may mga tirintas na nangagbitin.

7:30 At bawa't patungan ay may apat na gulong na tanso, at mga ejeng tanso: at ang apat na paa niyao'y may mga lapatan: sa ilalim ng hugasan ay may mga lapatan na binubo, na may mga tirintas sa siping ng bawa't isa.

7:31 At ang bunganga niyaong nasa loob ng kapitel, at ang taas ay may isang siko: at ang bunganga niyao'y mabilog ayon sa pagkayari ng tungtungan, na may isang siko't kalahati: at sa bunganga naman niyao'y may mga ukit, at ang mga gilid ng mga yaon ay parisukat, hindi mabilog.

7:32 At ang apat na gulong ay nasa ibaba ng mga gilid; at ang mga eje ng mga gulong ay nasa patungan: at ang taas ng bawa't gulong ay isang siko at kalahati.

7:33 At ang pagkagawa ng mga gulong ay gaya ng pagkagawa ng mga gulong ng karo: ang mga eje ng mga yaon, at ang mga Ilanta ng mga yaon, at ang mga rayos ng mga yaon at ang mga boha niyaon ay pawang binubo.

7:34 At may apat na lapatan sa apat na panulok ng bawa't patungan: ang mga lapatan ay kaputol ng patungan.

7:35 At sa ibabaw ng patungan ay may isang nakababakod na mabilog na may kalahating siko ang taas: at sa ibabaw ng patunga'y nandoon ang mga panghawak, at ang mga gilid ay kaputol niyaon.

7:36 At sa mga lamina ng mga panghawak niyaon at sa mga gilid niyaon, ay kaniyang inukitan ng mga querubin, mga leon, at mga puno ng palma ayon sa pagitan ng bawa't isa, na may mga tirintas sa palibot.

7:37 Ayon sa paraang ito ay kaniyang ginawa ang sangpung patungan: lahat ng yaon ay iisa ang pagkabubo, iisa ang sukat, at iisa ang anyo.

7:38 At siya'y gumawa ng sangpung hugasang tanso: isang hugasan ay naglalaman ng apat na pung bath: at bawa't hugasan ay may apat na siko: at sa bawa't isa sa sangpung patungan ay isang hugasan.

7:39 At kaniyang inilagay ang mga patungan, lima sa kanang tagiliran ng bahay, at lima sa kaliwang tagiliran ng bahay: at kaniyang inilagay ang dagatdagatan sa tagilirang kanan ng bahay sa dakong silanganan, na dakong timugan.

7:40 At ginawa ni Hiram ang mga hugasan, at ang mga pala, at ang mga mangkok. Gayon tinapos gawin ni Hiram ang lahat na gawa na kaniyang ginawa sa haring Salomon, sa bahay ng Panginoon:

7:41 Ang dalawang haligi, at ang dalawang kabilugan sa paligid ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at ang dalawang yaring lambat na nakaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;

7:42 At ang apat na raang granada sa dalawang yaring lambat; ang dalawang hanay na granada sa bawa't yaring lambat, upang makaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;

7:43 At ang sangpung patungan, at ang sangpung hugasan sa ibabaw ng mga patungan;

7:44 At ang isang dagatdagatan, at ang labing dalawang baka sa ilalim ng dagatdagatan;

7:45 At ang mga palyok, at ang mga pala, at ang mga mangkok: sa makatuwid baga'y lahat ng kasangkapang ito na ginawa ni Hiram sa haring Salomon, sa bahay ng Panginoon, ay pawang tansong binuli.

7:46 Sa kapatagan ng Jordan binubo ng hari, sa malagkit na lupa na nasa pagitan ng Succoth at ng Sarthan.

7:47 At lahat na kasangkapan ay hindi tinimbang ni Salomon, sapagka't totoong napakarami: ang timbang ng tanso ay hindi makukuro.

7:48 At ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapan na nasa bahay ng Panginoon: ang ginintong dambana, at ang dulang na gininto na kinaroroonan ng tinapay na handog;

7:49 At ang mga kandelero na taganas na ginto na lima sa dakong kanan, at lima sa kaliwa sa harap ng sanggunian; at ang mga bulaklak, at ang mga ilawan, at mga pangipit na ginto;

7:50 At ang mga saro, at ang mga panggupit ng micha, at ang mga mangkok, at ang mga panandok, at ang mga suuban, na taganas na ginto; at ang mga pihitang ginto maging ang sa mga pinto ng bahay sa loob, na kabanalbanalang dako, at ang sa mga pinto ng bahay, sa makatuwid baga'y ng templo.

7:51 Ganito nayari ang buong gawa ng haring Salomon na ginawa sa bahay ng Panginoon. At ipinasok ni Salomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kaniyang ama, ang pilak at ang ginto, at ang mga kasangkapan, at ipinasok sa mga silid ng kayamanan ng bahay ng Panginoon.

8:1 Nang magkagayo'y pinisan ni Salomon ang mga matanda ng Israel at ang lahat na pangulo sa mga lipi, ang mga prinsipe sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel, sa haring Salomon sa Jerusalem, upang iahon ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bayan ni David na siyang Sion.

8:2 At ang lahat na lalake sa Israel ay nagpisan kay haring Salomon sa kapistahan, sa buwan ng Ethanim, na siyang ikapitong buwan.

8:3 At ang lahat na matanda sa Israel ay naparoon, at binuhat ng mga saserdote ang kaban.

8:4 At kanilang iniahon ang kaban ng Panginoon, at ang tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat na banal na kasangkapan na nasa Tolda; iniahon nga ang mga ito ng mga saserdote at ng mga Levita.

8:5 At ang haring Salomon at ang buong kapulungan ng Israel na nangagpisan sa kaniya, ay mga kasama niya sa harap ng kaban, na naghahain ng mga tupa at mga baka, na di masasaysay o mabibilang man dahil sa karamihan.

8:6 At ipinasok ng mga saserdote ang kaban ng tipan ng Panginoon sa karoroonan, sa loob ng sanggunian ng bahay, sa kabanalbanalang dako, sa ilalim ng mga pakpak ng mga querubin.

8:7 Sapagka't nangakabuka ang mga pakpak ng mga querubin sa dako ng kaban, at ang mga querubin ay nagbibigay kanlong sa kaban at sa mga pingga niyaon sa ibabaw.

8:8 At ang mga pingga ay nangapakahaba, na ang mga dulo ng mga pingga ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng sanggunian; nguni't hindi nangakikita sa labas: at nandoon hanggang sa araw na ito.

8:9 Walang anomang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises doon sa Horeb, nang ang Panginoon ay makipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Egipto.

8:10 At nangyari, nang ang mga saserdote ay magsilabas sa dakong banal, na napuno ng ulap ang bahay ng Panginoon.

8:11 Na anopa't ang mga saserdote ay hindi makatayo upang mangasiwa dahil sa ulap: sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.

8:12 Nang magkagayo'y nagsalita si Salomon, Ang Panginoo'y nagsabi na siya'y tatahan sa salimuot na kadiliman.

8:13 Tunay na ipinagtayo kita ng isang bahay na tahanan, ng isang dako upang iyong tahanan magpakailan man.

8:14 At ipinihit ng hari ang kaniyang mukha, at binasbasan ang buong kapisanan ng Israel: at ang buong kapisanan ng Israel ay tumayo.

8:15 At kaniyang sinabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsalita ng kaniyang bibig kay David na aking ama, at tinupad ng kaniyang kamay, na sinasabi,

8:16 Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayang Israel sa Egipto, hindi ako pumili ng bayan sa lahat ng mga lipi ng Israel upang magtayo ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; nguni't aking pinili si David upang maging pangulo sa aking bayang Israel.

8:17 Nasa puso nga ni David na aking ama ang ipagtayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.

8:18 Nguni't sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, Sa paraang nasa iyong puso ang ipagtayo ng isang bahay ang aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na inakala mo sa iyong puso;

8:19 Gayon ma'y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang iyong anak na lalabas sa iyong mga balakang, siyang magtatayo ng bahay na ukol sa aking pangalan.

8:20 At pinagtibay ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita: sapagka't ako'y bumangon na kahalili ni David na aking ama, at nakaupo sa luklukan ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay na ukol sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel.

8:21 At doo'y aking ipinaghanda ng isang dako ang kaban, na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon na kaniyang ginawa sa ating mga magulang, nang kaniyang ilabas sila sa lupain ng Egipto.

8:22 At si Salomon ay tumayo sa harap ng dambana ng Panginoon, sa harapan ng buong kapisanan ng Israel, at iginawad ang kaniyang mga kamay sa dakong langit:

8:23 At kaniyang sinabi, Oh Panginoong Dios ng Israel, walang Dios na gaya mo, sa langit sa itaas, o sa lupa sa ibaba; na siyang nagiingat ng tipan at ng kaawaan sa iyong mga lingkod, na lumalakad sa harap mo ng kanilang buong puso.

8:24 Na siyang nagingat sa iyong lingkod na kay David na aking ama ng iyong ipinangako sa kaniya: oo, ikaw ay nagsalita ng iyong bibig, at ginanap mo ng iyong kamay, gaya sa araw na ito.

8:25 Ngayon nga, Oh Panginoon, na Dios ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na kay David na aking ama ang iyong ipinangako sa kaniya, na iyong sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa aking paningin, na uupo sa luklukan ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay magsisipagingat ng kanilang lakad, na magsisilakad sa harap ko na gaya ng inilakad mo sa harap ko.

8:26 Ngayon nga, Oh Dios ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na papangyarihin mo ang iyong salita na iyong sinalita sa iyong lingkod na kay David na aking ama.

8:27 Nguni't katotohanan bang tatahan ang Dios sa lupa? Narito, sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa sa bahay na ito na aking itinayo!

8:28 Gayon ma'y iyong pakundanganan ang dalangin ng iyong lingkod at ang kaniyang pamanhik, Oh Panginoon kong Dios, na dinggin ang daing at dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harap mo sa araw na ito:

8:29 Na anopa't ang iyong mga mata ay idilat sa dako ng bahay na ito gabi at araw, sa dakong iyong sinabi, Ang aking pangalan ay doroon; upang dinggin ang panalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa dakong ito.

8:30 At dinggin mo ang pamanhik ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka sila'y mananalangin sa dakong ito: oo, dinggin mo sa langit na iyong tahanang dako; at pagka iyong narinig patawarin mo.

8:31 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kaniyang kapuwa, at papanumpain siya upang siya'y sumumpa, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito:

8:32 Dinggin mo nga sa langit, at iyong gawin, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na iyong parusahan ang masama, upang iyong dalhin ang kaniyang lakad sa kaniyang sariling ulo; at ariing-ganap ang matuwid, upang bigyan siya ng ayon sa kaniyang katuwiran.

8:33 Pagka ang iyong bayang Israel ay nasaktan sa harap ng kaaway, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo; kung sila'y bumalik sa iyo, at ipahayag ang iyong pangalan, at dumalangin at pumanhik sa iyo sa bahay na ito:

8:34 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang.

8:35 Pagka ang langit ay nasarhan, at walang ulan, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo; kung sila'y dumalangin sa dakong ito, at ipahayag ang iyong pangalan, at talikdan ang kanilang kasalanan, pagka iyong pinighati sila:

8:36 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka iyong tuturuan sila ng mabuting daan na kanilang dapat lakaran; at paulanan mo ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan na pinakamana.

8:37 Kung magkaroon ng kagutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng pagkakatuyot, o amag, balang o tipaklong, kung kulungin sila ng kanilang kaaway sa lupain ng kanilang mga bayan; anomang salot, anomang sakit na magkaroon,

8:38 Anomang dalangin at pamanhik na gawin ng sinomang tao, o ng iyong buong bayang Israel, na makikilala ng bawa't tao ang salot sa kaniyang sariling puso, at iuunat ang kaniyang mga kamay sa dako ng bahay na ito:

8:39 Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at ikaw ay magpatawad at gumawa, at gumanti ka sa bawa't tao ayon sa lahat niyang mga lakad na ang puso ay iyong natataho; (sapagka't ikaw, ikaw lamang ang nakakataho ng mga puso ng lahat ng mga anak ng mga tao;)

8:40 Upang sila'y matakot sa iyo sa lahat ng kaarawan na kanilang ikabubuhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga magulang.

8:41 Bukod dito'y tungkol sa taga ibang lupa, na hindi sa iyong bayang Israel, pagka siya'y magbubuhat sa isang malayong lupain dahil sa iyong pangalan;

8:42 (Sapagka't kanilang mababalitaan ang iyong dakilang pangalan, at ang iyong makapangyarihang kamay, at ang iyong unat na bisig:) pagka siya'y paririto at dadalangin sa dako ng bahay na ito;

8:43 Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at gawin mo ang ayon sa lahat na idalangin sa iyo ng taga ibang lupa; upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, upang matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.

8:44 Kung ang iyong bayan ay lumabas sa pakikipagbaka laban sa kaniyang mga kaaway, saan mo man sila suguin, at manalangin sa Panginoon sa dako ng bayan na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:

8:45 Dinggin mo nga sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang pamanhik, at alalayan mo ang kanilang usap.

8:46 Kung sila'y magkasala laban sa iyo, (sapagka't walang tao na di nagkakasala,) at ikaw ay magalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, na anopa't sila'y dalhing bihag sa lupain ng kaaway sa malayo o sa malapit;

8:47 Gayon ma'y kung sila'y magbulay sa kanilang sarili sa lupain na pagdadalhang bihag sa kanila, at magbalik-loob, at mamanhik sa iyo sa lupaing pinagdalhan sa kanila na bihag, na magsabi, Kami ay nagkasala, at kami ay gumawa ng kalikuan, kami ay gumawa ng kasamaan;

8:48 Kung sila'y bumalik sa iyo ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang mga kaaway, na nagdala sa kanilang bihag, at manalangin sa iyo sa dako ng kanilang lupain, na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang, na bayang pinili mo, at bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:

8:49 Dinggin mo nga ang kanilang dalangin at ang kanilang pamanhik sa langit na iyong tahanang dako, at alalayan mo ang kanilang usap;

8:50 At patawarin mo ang iyong bayan, na nagkasala laban sa iyo, at ang lahat nilang pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa iyo; at mahabag ka sa kanila sa harap niyaong mga nagdalang bihag sa kanila, upang sila'y mahabag sa kanila:

8:51 (Sapagka't sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas sa Egipto sa gitna ng hurnong bakal):

8:52 Upang ang iyong mga mata'y madilat sa dalangin ng iyong lingkod, at sa dalangin ng iyong bayang Israel, upang iyong dinggin sila sa anomang panahong kanilang idaing sa iyo.

8:53 Sapagka't iyong inihiwalay sila sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa upang maging iyong mana, gaya ng iyong sinalita sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod nang iyong ilabas ang aming mga magulang sa Egipto, Oh Panginoong Dios.

8:54 At nangyari, na pagkatapos ni Salomon na makapanalangin nitong lahat na dalangin at pamanhik sa Panginoon, siya'y tumindig mula sa harap ng dambana ng Panginoon, sa pagkaluhod ng kaniyang mga tuhod na ang kaniyang mga kamay ay nakagawad sa dakong langit.

8:55 At siya'y tumayo, at binasbasan ang buong kapisanan ng Israel ng malakas na tinig, na sinasabi,

8:56 Purihin ang Panginoon na nagbigay kapahingahan sa kaniyang bayang Israel, ayon sa lahat na kaniyang ipinangako: walang nagkulang na isang salita sa lahat niyang mabuting pangako, na kaniyang ipinangako sa pamamagitan ni Moises na kaniyang lingkod.

8:57 Sumaatin nawa ang Panginoon nating Dios, kung paanong siya'y sumaating mga magulang: huwag niya tayong iwan o pabayaan man;

8:58 Upang kaniyang ihilig ang ating mga puso sa kaniya, upang magsilakad sa lahat ng kaniyang mga daan, at ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang mga kahatulan, na kaniyang iniutos sa ating mga magulang.

8:59 At ang mga salitang ito na aking idinalangin sa harap ng Panginoon ay malapit nawa sa Panginoon nating Dios sa araw at gabi, na kaniyang alalayan ang usap ng kaniyang lingkod, at ang usap ng kaniyang bayang Israel, ayon sa kailangan sa araw araw;

8:60 Upang maalaman ng lahat na bayan sa lupa, na ang Panginoon ay siyang Dios: walang iba.

8:61 Kaya't maging sakdal nawa ang inyong puso sa Panginoon nating Dios, na magsilakad sa kaniyang mga palatuntunan, at ingatan ang kaniyang mga utos, gaya sa araw na ito.

8:62 At ang hari, at ang buong Israel na kasama niya, ay naghandog ng hain sa harap ng Panginoon.

8:63 At naghandog si Salomon ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan ng kaniyang inihandog sa Panginoon, na dalawang pu't dalawang libong baka, at isang daan at dalawang pung libong tupa. Ganito itinalaga ng hari at ng lahat ng mga anak ni Israel ang bahay ng Panginoon.

8:64 Nang araw ding yaon ay pinapaging banal ng hari ang gitna ng looban na nasa harap ng bahay ng Panginoon: sapagka't doon niya inihandog ang handog na susunugin, at ang handog na harina, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, sapagka't ang tansong dambana na nasa harap ng Panginoon ay totoong maliit na hindi magkasya roon ang handog na susunugin, at ang handog na harina, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan.

8:65 Sa gayo'y ipinagdiwang ni Salomon ang kapistahan nang panahong yaon at ang buong Israel na kasama niya, isang malaking kapisanan na mula sa pasukan sa Hamath hanggang sa batis ng Egipto sa harap ng Panginoon nating Dios, na pitong araw, at pitong araw, sa makatuwid baga'y labing apat na araw.

8:66 Nang ikawalong araw, ay kaniyang pinapagpaalam ang bayan: at kanilang pinuri ang hari, at naparoon sa kanilang mga tolda na galak at may masayang puso dahil sa lahat na kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David na kaniyang lingkod, at sa Israel na kaniyang bayan.

9:1 At nangyari, nang matapos ni Salomon ang pagtatayo ng bahay ng Panginoon, at ng bahay ng hari, at ang lahat na nasa ni Salomon na kaniyang kinalulugurang gawin.

9:2 Na ang Panginoo'y napakita kay Salomon na ikalawa, gaya ng siya'y pakita sa kaniya sa Gabaon.

9:3 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Aking dininig ang iyong panalangin at ang iyong pamanhik na iyong ipinagbadya sa harap ko: aking pinapaging banal ang bahay na ito na iyong itinayo, upang ilagay ang aking pangalan doon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.

9:4 At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David, na iyong ama sa pagtatapat ng puso at sa katuwiran na gagawa ka ng ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at iingatan mo ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan:

9:5 Ay akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian sa Israel magpakailan man, ayon sa aking ipinangako kay David na iyong ama, na sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa luklukan ng Israel.

9:6 Nguni't kung kayo ay magsisihiwalay sa pagsunod sa akin, kayo o ang inyong mga anak, at hindi ingatan ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan, na aking inilagay sa harap ninyo, kundi kayo'y magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:

9:7 Aking ngang ihihiwalay ang Israel sa lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking pinapaging banal sa aking pangalan, ay aking iwawaksi sa aking paningin; at ang Israel ay magiging kawikaan at kakutyaan sa gitna ng lahat ng bayan:

9:8 At bagaman ang bahay na ito ay totoong mataas, gayon ma'y ang bawa't magdaan sa kaniya ay magtataka at susutsot at kanilang sasabihin, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?

9:9 At sila'y magsisisagot, Sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon nilang Dios na naglabas sa kanilang mga magulang sa lupain ng Egipto, at nagsipanghawak sa ibang mga dios, at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: at kaya't pinarating ng Panginoon sa kanila ang lahat na kasamaang ito.

9:10 At nangyari sa katapusan ng dalawang pung taon, nang si Salomon ay makapagtayo ng dalawang bahay, ng bahay ng Panginoon at ng bahay ng hari,

9:11 (Si Hiram nga na hari sa Tiro ay nagpadala kay Salomon ng mga kahoy na sedro, at mga kahoy na abeto, at ng ginto, ayon sa buo niyang nasa,) na binigyan nga ng haring Salomon si Hiram ng dalawang pung bayan sa lupain ng Galilea.

9:12 At lumabas si Hiram sa Tiro upang tingnan ang mga bayan na ibinigay ni Salomon sa kaniya; at hindi niya kinalugdan.

9:13 At kaniyang sinabi, Anong mga bayan itong iyong ipinagbibigay sa akin, kapatid ko? At tinawag niya: lupain ng Cabul, hanggang sa araw na ito.

9:14 At nagpadala si Hiram sa hari ng isang daan at dalawang pung talentong ginto.

9:15 At ito ang kadahilanan ng atang na iniatang ng haring Salomon, upang itayo ang bahay ng Panginoon at ang kaniyang bahay, at ang Millo at ang kuta sa Jerusalem at ang Hasor, at ang Megiddo, at ang Gezer.

9:16 Si Faraong hari sa Egipto ay umahon, at sinakop ang Gezer, at sinunog ng apoy, at pinatay ang mga Cananeo na nagsisitahan sa bayan, at ibinigay na pinakabahagi sa kaniyang anak na babae, na asawa ni Salomon.

9:17 At itinayo ni Salomon ang Gezer, at ang Beth-horon sa ibaba,

9:18 At ang Baalath, at ang Tamar sa ilang, sa lupain,

9:19 At ang lahat na bayan na imbakan na tinatangkilik ni Salomon, at ang mga bayan sa kaniyang mga karo, at ang mga bayan sa kaniyang mga mangangabayo, at yaong pinagnasaang pagtayuan ni Salomon sa kalulugdan niya sa Jerusalem, at sa Libano, at sa lahat ng lupain na kaniyang sakop.

9:20 Tungkol sa lahat na tao na naiwan, sa mga Amorrheo, mga Hetheo, mga Pherezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo, na hindi sa mga anak ni Israel;

9:21 Sa kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain, na hindi nalipol na lubos ng mga anak ni Israel, ay sa kanila nagtindig si Salomon ng pulutong ng alipin, hanggang sa araw na ito.

9:22 Nguni't hinggil sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Salomon; kundi sila'y mga lalaking mangdidigma, at kaniyang mga lingkod, at kaniyang mga prinsipe, at kaniyang mga punong kawal, at mga pinuno sa kaniyang mga karo, at sa kaniyang mga mangangabayo.

9:23 Ito ang mga punong kapatas na nangasa gawain ni Salomon, limangdaan at limangpu, na nagsisipagpuno sa bayan na nagsisigawa sa gawain.

9:24 Nguni't ang anak na babae ni Faraon ay umahon mula sa bayan ni David sa kaniyang bahay na itinayo ni Salomon na ukol sa kaniya: saka itinayo niya ang Millo.

9:25 At makaitlo sa isang taon na naghahandog si Salomon ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan sa ibabaw ng dambana na kaniyang itinayo sa Panginoon, na pinagsusunugan niya ng kamangyan sa harap ng Panginoon. Ganoon niya niyari ang bahay.

9:26 At nagpagawa ang haring Salomon ng mga sasakyang dagat sa Ezion-geber na nasa siping ng Elath, sa baybayin ng Dagat na Mapula, sa lupain ng Edom.

9:27 At sinugo ni Hiram sa mga sasakyan ang kaniyang mga bataan, mga magdadagat na bihasa sa dagat, na kasama ng mga bataan ni Salomon.

9:28 At sila'y nagsiparoon sa Ophir at nagsikuha mula roon ng ginto, na apat na raan at dalawang pung talento, at dinala sa haring Salomon.

10:1 At nang mabalitaan ng reina sa Seba ang kabantugan ni Salomon tungkol sa pangalan ng Panginoon, ay naparoon siya upang subukin niya siya ng mga mahirap na tanong.

10:2 At siya'y naparoon sa Jerusalem na may maraming kaakbay, may mga kamelyo na may pasang mga espesia at totoong maraming ginto, at mga mahalagang bato: at nang siya'y dumating kay Salomon ay kaniyang inihinga sa kaniya ang lahat na laman ng kaniyang dibdib.

10:3 At isinaysay ni Salomon sa kaniya ang lahat ng kaniyang mga tanong: walang bagay na lihim sa hari na hindi niya isinaysay sa kaniya.

10:4 At nang makita ng reina sa Seba ang buong karunungan ni Salomon, at ang bahay na kaniyang itinayo,

10:5 At ang pagkain sa kaniyang dulang, at ang pagkaayos ng kaniyang mga alila, at ang tayo ng kaniyang mga tagapangasiwa, at ang kanilang mga pananamit, at ang kaniyang mga tagahawak ng saro, at ang kaniyang sampahan na kaniyang sinasampahan sa bahay ng Panginoon; ay nawalan siya ng diwa.

10:6 At sinabi niya sa hari, Tunay na balita ang aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga gawa, at sa iyong karunungan.

10:7 Gayon may hindi ko pinaniwalaan ang mga salita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata: at, narito, ang kalahati ay hindi nasaysay sa akin: ang iyong karunungan at pagkaginhawa ay higit kay sa kabantugan na aking narinig.

10:8 Maginhawa ang iyong mga lalake, maginhawa ang iyong mga lingkod na ito, na nagsisitayong palagi sa harap mo, at nakakarinig ng iyong karunungan.

10:9 Purihin ang Panginoon mong Dios, na nalulugod sa iyo, upang ilagay ka sa luklukan ng Israel: sapagka't minamahal ng Panginoon ang Israel magpakailan man, kaya't ginawa ka niyang hari upang gumawa ng kahatulan at ng katuwiran.

10:10 At siya'y nagbigay sa hari ng isang daan at dalawang pung talentong ginto, at mga espesia na totoong sagana, at mga mahalagang bato; kailan ma'y hindi nagkaroon ng gayong kasaganaan ng mga espesia, gaya ng mga ito na ibinigay ng reina sa Seba sa haring Salomon.

10:11 At ang mga sasakyang dagat naman ni Hiram na nagsipagdala ng ginto mula sa Ophir, ay nagsipagdala ng saganang kahoy na almug at mga mahalagang bato mula sa Ophir.

10:12 At ginawa ng hari na mga haligi ang mga kahoy na almug sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari, at ginawa ring mga alpa. At mga salterio sa mga mangaawit: kailan ma'y hindi dumating ang mga gayong kahoy na almug, o nakita man, hanggang sa araw na ito.

10:13 At ang haring Salomon ay nagbigay sa reina sa Seba ng lahat niyang naibigan, at lahat niyang hiningi, bukod doon sa ibinigay ni Salomon sa kaniya na kaloob-hari. Sa gayo'y bumalik siya, at umuwi sa kaniyang sariling lupain, siya, at ang kaniyang mga lingkod.

10:14 Ang timbang nga ng ginto na dumating kay Salomon sa isang taon ay anim na raan at anim na pu't anim na talentong ginto,

10:15 Bukod doon sa dinala ng mga naglalako, at sa kalakal ng mga mangangalakal, at sa lahat na hari ng halohalong bayan, at sa mga gobernador sa lupain.

10:16 At ang haring Salomon ay gumawa ng dalawang daang kalasag na pinukpok na ginto: anim na raang siklong ginto ang ginamit sa bawa't kalasag.

10:17 At siya'y gumawa ng tatlong daang ibang kalasag na pinukpok na ginto: tatlong librang ginto ang ginamit sa bawa't kalasag: at ipinaglalagay ng hari sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano.

10:18 Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking luklukang garing, at binalot ng gintong pinakamainam.

10:19 May anim na baytang sa luklukan, at ang pinakalangit ng luklukan ay mabilog sa likuran: at may mga pinakakamay sa bawa't tagiliran sa siping ng dako ng upuan, at dalawang leon ang nakatayo sa siping ng mga pinakakamay.

10:20 At labing dalawang leon ang nakatayo roon sa isang dako at sa kabilang dako sa ibabaw ng anim na baytang: walang nagawang gayon sa alinmang kaharian.

10:21 At ang lahat na sisidlang inuman ng haring Salomon ay ginto, at ang lahat na sisidlan sa bahay na kahoy sa gubat ng Libano ay taganas na ginto: walang pilak; hindi mahalaga ito sa mga kaarawan ni Salomon.

10:22 Sapagka't ang hari ay mayroon sa dagat ng mga sasakyan na yari sa Tharsis na kasama ng mga sasakyang dagat ni Hiram: minsan sa bawa't tatlong taon ay nanggagaling ang mga sasakyang dagat na yari sa Tharsis, na nagdadala ng ginto, at pilak, at garing, at mga unggoy, at mga pabo real.

10:23 Sa gayo'y ang haring Salomon ay humigit sa lahat ng mga hari sa lupa sa kayamanan at sa karunungan.

10:24 At hinanap ng buong lupa ang harapan ni Salomon, upang makinig ng kaniyang karunungan, na inilagay ng Dios sa kaniyang puso.

10:25 At sila'y nagsipagdala bawa't isa ng kanikaniyang kaloob, na mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at damit, at sandata, at mga espesia, mga kabayo, at mga mula, na sanggayon taontaon.

10:26 At pinisan ni Salomon ang mga karo, at ang mga mangangabayo: at siya'y may isang libo't apat na raang karo, at labing dalawang libong mangangabayo, na kaniyang inilagay sa mga bayan ng mga karo, at kasama ng hari sa Jerusalem.

10:27 At ginawa ng hari na maging gaya ng mga bato ang pilak sa Jerusalem, at ang mga sedro, ay ginawa niyang maging gaya ng mga puno ng sikomoro na nasa mababang lupa dahil sa kasaganaan.

10:28 At ang mga kabayo na tinatangkilik ni Salomon ay inilabas sa Egipto: at ang mga mangangalakal ng hari ay nagsitanggap ng kawan ng mga yaon, bawa't kawan ay sa halaga.

10:29 At kanilang isinasampa at inilalabas sa Egipto ang isang karo sa halagang anim na raang siklong pilak, at ang isang kabayo, ay sa isang daan at limangpu: at gayon sa lahat ng mga hari sa mga Hetheo, at sa mga hari sa Siria ay kanilang inilabas sa pamamagitan nila.

11:1 Ang haring Salomon nga ay sumisinta sa maraming babaing taga ibang lupa na pati sa anak ni Faraon, mga babaing Moabita, Ammonita, Idumea, Sidonia, at Hethea;

11:2 Sa mga bansa na sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel: Kayo'y huwag makikihalo sa kanila o sila man ay makikihalo sa inyo: sapagka't walang pagsalang kanilang ililigaw ang inyong puso sa pagsunod sa kanilang mga dios: nasabid si Salomon sa mga ito sa pagsinta.

11:3 At siya'y nagkaroon ng pitong daang asawa, na mga prinsesa, at tatlong daang babae: at iniligaw ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso.

11:4 Sapagka't nangyari, nang si Salomon ay matanda na, iniligaw ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso sa ibang mga dios: at ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal sa Panginoon niyang Dios, na gaya ng puso ni David na kaniyang ama.

11:5 Sapagka't si Salomon ay sumunod kay Astaroth, diosa ng mga Sidonio, at kay Milcom, na karumaldumal ng mga Ammonita.

11:6 At gumawa si Salomon ng masama sa paningin ng Panginoon, at hindi sumunod na lubos sa Panginoon, na gaya ng ginawa ni David na kaniyang ama.

11:7 Nang magkagayo'y ipinagtayo ni Salomon ng mataas na dako si Chemos na karumaldumal ng Moab, sa bundok na nasa tapat ng Jerusalem, at si Moloch na kasuklamsuklam ng mga anak ni Ammon.

11:8 At gayon ang ginawa niya sa lahat niyang asawang mga taga ibang lupa, na nagsunog ng mga kamangyan at naghain sa kanikanilang mga dios.

11:9 At ang Panginoo'y nagalit kay Salomon, dahil sa ang kaniyang puso ay humiwalay sa Panginoon, sa Dios ng Israel, na napakita sa kaniyang makalawa,

11:10 At siyang nagutos sa kaniya tungkol sa bagay na ito, na siya'y huwag sumunod sa ibang mga dios; nguni't hindi niya iningatan ang iniutos ng Panginoon.

11:11 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Salomon, Yamang ito'y nagawa mo, at hindi mo iningatan ang aking tipan, at ang aking mga palatuntunan na aking iniutos sa iyo, walang pagsalang aking aagawin ang kaharian sa iyo, at aking ibibigay sa iyong lingkod.

11:12 Gayon ma'y sa iyong mga kaarawan ay hindi ko gagawin alangalang kay David na iyong ama: kundi sa kamay ng iyong anak aking aagawin.

11:13 Gayon ma'y hindi ko aagawin ang buong kaharian; kundi ibibigay ko ang isang lipi sa iyong anak alangalang kay David na aking lingkod, at alangalang sa Jerusalem na aking pinili.

11:14 At ipinagbangon ng Panginoon, si Salomon, ng isang kaaway na si Adad na Idumeo: siya'y sa lahi ng hari sa Edom.

11:15 Sapagka't nangyari, nang si David ay nasa Edom, at si Joab na puno ng hukbo ay umahon upang ilibing ang mga patay, at masaktan ang lahat na lalake sa Edom;

11:16 (Sapagka't si Joab at ang buong Israel ay natira roong anim na buwan, hanggang sa kaniyang naihiwalay ang lahat na lalake sa Edom;)

11:17 Na si Adad ay tumakas, siya at ang ilan sa mga Idumeo na kasama niya na mga bataan ng kaniyang ama, upang pumasok sa Egipto, na si Adad noo'y munting bata pa.

11:18 At sila'y nagsitindig sa Madian, at naparoon sa Paran; at sila'y nagsipagsama ng mga lalake sa Paran, at sila'y nagsiparoon sa Egipto, kay Faraon na hari sa Egipto; na siyang nagbigay sa kaniya ng bahay, at naghanda sa kaniya ng pagkain, at nagbigay sa kaniya ng lupa.

11:19 At si Adad ay nakasumpong ng malaking biyaya sa paningin ni Faraon, na anopa't kaniyang ibinigay na asawa sa kaniya ang kapatid ng kaniyang sariling asawa, ang kapatid ni Thaphenes na reina.

11:20 At ipinanganak ng kapatid ni Thaphenes sa kaniya si Genubath, na anak na lalake niya, na inihiwalay sa suso ni Thaphenes sa bahay ni Faraon: at si Genubath ay nasa bahay ni Faraon sa kasamahan ng mga anak ni Faraon.

11:21 At nang mabalitaan ni Adad sa Egipto na si David ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at si Joab na puno ng hukbo ay namatay, sinabi ni Adad kay Faraon, Payaunin mo ako, upang ako'y makauwi sa aking sariling lupain.

11:22 Sinabi nga ni Faraon sa kaniya, Datapuwa't anong ipinagkukulang mo sa akin, na, narito, ikaw ay nagsisikap na umuwi sa iyong sariling lupain? At siya'y sumagot: Wala: gayon ma'y isinasamo ko sa iyo na payaunin mo ako sa anomang paraan.

11:23 At ipinagbangon ng Dios si Salomon ng ibang kaaway, na si Rezon na anak ni Eliada, na tumakas sa kaniyang panginoong kay Adadezer na hari sa Soba:

11:24 At siya'y nagpisan ng mga lalake, at naging puno sa isang hukbo, nang patayin ni David ang mga taga Soba; at sila'y nagsiparoon sa Damasco, at tumahan doon, at naghari sa Damasco.

11:25 At siya'y naging kaaway ng Israel sa lahat ng kaarawan ni Salomon, bukod pa sa ligalig na ginawa ni Adad: at kaniyang kinapootan ang Israel, at naghari sa Siria.

11:26 At si Jeroboam na anak ni Nabat, na Ephrateo sa Sereda, na lingkod ni Salomon, na ang pangalan ng ina ay Serva, na baong babae, ay nagtaas din ng kaniyang kamay laban sa hari.

11:27 At ito ang kadahilanan ng kaniyang pagtataas ng kaniyang kamay laban sa hari: itinayo ni Salomon ang Millo at hinusay ang sira ng bayan ni David na kaniyang ama.

11:28 At ang lalaking si Jeroboam ay makapangyarihang lalake na matapang: at nakita ni Salomon ang binata na masipag, at kaniyang ipinagkatiwala sa kaniya ang lahat na gawain ng sangbahayan ni Jose.

11:29 At nangyari, nang panahong yaon, nang si Jeroboam ay lumabas sa Jerusalem, na nasalubong siya sa daan ng propeta Ahias na Silonita; si Ahias nga ay may suot na bagong kasuutan; at silang dalawa ay nag-iisa sa parang.

11:30 At tinangnan ni Ahias ang bagong kasuutan na nakasuot sa kaniya, at hinapak ng labing dalawang putol.

11:31 At kaniyang sinabi kay Jeroboam, Kunin mo sa iyo ang sangpung putol: sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Salomon, at ibibigay ko ang sangpung lipi sa iyo:

11:32 (Nguni't mapapasa kaniya ang isang lipi dahil sa aking lingkod na si David, at dahil sa Jerusalem, na bayan na aking pinili sa lahat ng mga lipi ng Israel:)

11:33 Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at sinamba si Astaroth na diosa ng mga Sidonio, si Chemos na dios ng Moab, at si Milcom na dios ng mga anak ni Ammon; at sila'y hindi nagsilakad sa aking mga daan upang gawin ang matuwid sa aking paningin, at upang ingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan, na gaya ng ginawa ni David na kaniyang ama.

11:34 Gayon ma'y hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kaniyang kamay: kundi aking gagawin siyang prinsipe sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay, dahil kay David na aking lingkod na aking pinili, sapagka't kaniyang iningatan ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan:

11:35 Kundi aking kukunin ang kaharian sa kamay ng kaniyang anak, at ibibigay ko sa iyo, sa makatuwid baga'y ang sangpung lipi.

11:36 At sa kaniyang anak, ay ibibigay ko ang isang lipi upang si David na aking lingkod ay magkaroon ng ilawan magpakailan man sa harap ko sa Jerusalem, na bayang aking pinili upang ilagay ang aking pangalan doon.

11:37 At kukunin kita, at ikaw ay maghahari ayon sa buong ninanasa ng iyong kaluluwa, at magiging hari ka sa Israel.

11:38 At mangyayari, kung iyong didinggin ang lahat na aking iniuutos sa iyo, at lalakad sa aking mga daan, at gagawin ang matuwid sa aking paningin, upang tuparin ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod; na ako'y sasa iyo, at ipagtatayo kita ng isang tiwasay na sangbahayan, gaya ng aking itinayo kay David, at ibibigay ko sa iyo ang Israel.

11:39 At dahil dito'y aking pipighatiin ang binhi ni David, nguni't hindi magpakailan man.

11:40 Pinagsikapan nga ni Salomon na patayin si Jeroboam: nguni't si Jeroboam ay tumindig, at tumakas na napasa Egipto, kay Sisac, na hari sa Egipto, at dumoon sa Egipto hanggang sa pagkamatay ni Salomon.

11:41 Ang iba nga sa mga gawa ni Salomon, at ang lahat na kaniyang ginawa, at ang kaniyang karunungan, hindi ba nasusulat sa aklat ng mga gawa ni Salomon?

11:42 At ang panahon na ipinaghari ni Salomon sa Jerusalem sa buong Israel ay apat na pung taon.

11:43 At natulog si Salomon na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa bayan ni David na kaniyang ama: at si Roboam, na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya,

12:1 At si Roboam ay naparoon sa Sichem: sapagka't ang buong Israel ay naparoon sa Sichem upang gawin siyang hari.

12:2 At nangyari, nang mabalitaan ni Jeroboam na anak ni Nabat (sapagka't siya'y nasa Egipto pa, na doon siya'y tumakas mula sa harapan ng haring Salomon, at tumahan sa Egipto,

12:3 At sila'y nagsugo at ipinatawag nila siya,) si Jeroboam nga at ang buong kapisanan ng Israel ay nagsiparoon, at nagsipagsalita kay Roboam, na sinasabi,

12:4 Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin: ngayon nga'y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang atang na iniatang niya sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.

12:5 At sinabi niya sa kanila, Kayo'y magsiyaon pang tatlong araw, saka magsibalik kayo sa akin. At ang bayan ay yumaon.

12:6 At ang haring Roboam ay kumuhang payo sa mga matanda na nagsitayo sa harap ni Salomon na kaniyang ama samantalang nabubuhay pa, na sinasabi, Anong payo ang ibinibigay ninyo sa akin, upang magbalik ng sagot sa bayang ito?

12:7 At nagsipagsalita sa kaniya, na nagsipagsabi, Kung ikaw ay magiging lingkod sa bayang ito sa araw na ito, at maglilingkod sa kanila, at sasagot sa kanila, at magsasalita ng mabuting mga salita sa kanila, ay iyo ngang magiging lingkod sila magpakailan man.

12:8 Nguni't tinalikdan niya ang payo ng mga matanda na kanilang ibinigay sa kaniya, at kumuhang payo sa mga binata na nagsilaking kasabay niya, na nagsitayo sa harap niya.

12:9 At sinabi niya sa kanila, Anong payo ang ibinibigay ninyo, upang maibalik nating sagot sa bayang ito, na nagsalita sa akin, na nagsasabi, Pagaanin mo ang atang na iniatang ng iyong ama sa amin?

12:10 At ang mga binata na nagsilaking kasabay niya ay nagsipagsalita sa kaniya, na nagsisipagsabi, Ganito ang iyong sasabihin sa bayang ito na nagsalita sa iyo, na nagsasabi, Pinabigat ng iyong ama ang atang sa amin, nguni't pagaanin mo sa amin; ganito ang iyong sasalitain sa kanila, Ang aking kalingkingan ay makapal kay sa mga balakang ng aking ama.

12:11 At yaman ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na atang, ay aking dadagdagan pa ang atang sa inyo: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit; nguni't parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.

12:12 Sa gayo'y naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Roboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, na sinasabi, Magsibalik kayo sa akin sa ikatlong araw.

12:13 At ang hari ay sumagot sa bayan na may katigasan, at tinalikdan ang payo na ibinigay sa kaniya ng mga matanda;

12:14 At nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga binata, na nagsasabi, Pinabigat ng aking ama ang atang sa inyo, nguni't dadagdagan ko pa ang atang sa inyo: pinarusahan kayo ng aking ama ng mga panghagupit, nguni't parurusahan ko kayo ng mga tila alakdan.

12:15 Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan; sapagka't bagay na buhat sa Panginoon upang kaniyang itatag ang kaniyang salita, na sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng kamay ni Ahias na Silonita kay Jeroboam na anak ni Nabat.

12:16 At nang makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, ay sumagot ang bayan sa hari, na nagsasabi, Anong bahagi mayroon kami kay David? at wala man kaming mana sa anak ni Isai: sa iyong mga tolda, Oh Israel: ngayon ikaw ang bahala ng iyong sariling sangbahayan, David. Sa gayo'y yumaon ang Israel sa kanikaniyang tolda.

12:17 Nguni't tungkol sa mga anak ni Israel na nagsitahan sa mga bayan ng Juda, ay pinagharian sila ni Roboam.

12:18 Nang magkagayo'y sinugo ng haring Roboam si Adoram na nasa pagpapaatag; at binato ng buong Israel siya ng mga bato, na anopa't siya'y namatay. At nagmadali ang haring Roboam na sumakay sa kaniyang karo, upang tumakas sa Jerusalem.

12:19 Gayon nanghimagsik ang Israel laban sa sangbahayan ni David, hanggang sa araw na ito.

12:20 At nangyari, nang mabalitaan ng buong Israel na si Jeroboam ay bumalik, na sila'y nagsugo at ipinatawag siya sa kapisanan, at ginawa siyang hari sa buong Israel: walang sumunod sa sangbahayan ni David, kundi ang lipi ni Juda lamang.

12:21 At nang dumating si Roboam sa Jerusalem, kaniyang pinisan ang buong sangbahayan ng Juda, at ang lipi ni Benjamin, na isang daan at walong pung libo na piling lalake, na mga mangdidigma, upang magsilaban sa sangbahayan ng Israel, upang ibalik ang kaharian kay Roboam na anak ni Salomon.

12:22 Nguni't ang salita ng Dios ay dumating kay Semeias na lalake ng Dios, na nagsasabi,

12:23 Salitain mo kay Roboam na anak ni Salomon, na hari sa Juda, at sa buong sangbahayan ng Juda, at ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na sabihin,

12:24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y huwag magsisiahon o magsisilaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel: bumalik ang bawa't isa sa kaniyang bahay; sapagka't ang bagay na ito ay mula sa akin. Sa gayo'y kanilang dininig ang salita ng Panginoon, at sila'y nagsibalik at nagsiyaon, ayon sa salita ng Panginoon.

12:25 Nang magkagayo'y itinayo ni Jeroboam ang Sichem sa lupaing maburol ng Ephraim, at tumahan doon; at siya'y umalis mula roon, at itinayo ang Penuel.

12:26 At sinabi ni Jeroboam sa kaniyang sarili, Ngayo'y mababalik ang kaharian sa sangbahayan ni David:

12:27 Kung ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga hain sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, ang puso nga ng bayang ito'y mababalik sa kanilang panginoon, sa makatuwid baga'y kay Roboam na hari sa Juda; at ako'y papatayin nila, at mababalik kay Roboam na hari sa Juda.

12:28 Kaya't ang hari ay kumuhang payo, at gumawa ng dalawang guyang ginto; at sinabi niya sa kanila, Mahirap sa inyo na magsiahon sa Jerusalem; tingnan mo ang iyong mga dios, Oh Israel, na iniahon ka mula sa lupain ng Egipto.

12:29 At inilagay niya ang isa sa Bethel, at ang isa'y inilagay sa Dan.

12:30 At ang bagay na ito ay naging kasalanan: sapagka't ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng isa, hanggang sa Dan.

12:31 At siya'y gumawa ng mga bahay sa mga mataas na dako, at naghalal ng mga saserdote sa buong bayan, na hindi sa mga anak ni Levi.

12:32 At si Jeroboam ay nagpadaos ng isang kapistahan nang ikawalong buwan, sa ikalabing limang araw ng buwan, gaya ng kapistahan sa Juda, at siya'y sumampa sa dambana; gayon ang ginawa niya sa Beth-el, na kaniyang hinahainan ang mga guya na kaniyang ginawa: at kaniyang inilagay sa Beth-el ang mga saserdote sa mataas na dako, na kaniyang mga inihalal.

12:33 At siya'y sumampa sa dambana na kaniyang ginawa sa Beth-el nang ikalabing limang araw ng ikawalong buwan, sa makatuwid baga'y sa buwan na kaniyang inakala sa kaniyang puso: at kaniyang ipinadaos ang isang kapistahan sa mga anak ni Israel, at sumampa sa dambana upang magsunog ng kamangyan.

13:1 At, narito, dumating ang isang lalake ng Dios na mula sa Juda ayon sa salita ng Panginoon sa Beth-el: at si Jeroboam ay nakatayo sa siping ng dambana upang magsunog ng kamangyan.

13:2 At siya'y sumigaw laban sa dambana ayon sa salita ng Panginoon, at nagsabi, Oh dambana, dambana, ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, isang bata'y ipanganganak sa sangbahayan ni David na ang pangalan ay Josias: at sa iyo'y ihahain ang mga saserdote ng mga mataas na dako na nagsisipagsunog ng kamangyan sa iyo, at mga buto ng mga tao ang kanilang susunugin sa iyo.

13:3 At siya'y nagbigay ng tanda nang araw ding yaon, na nagsasabi, Ito ang tanda na sinalita ng Panginoon: Narito, ang dambana ay mababaak, at ang mga abo na nasa ibabaw ay mabubuhos.

13:4 At nangyari, nang marinig ng hari ang sabi ng lalake ng Dios, na kaniyang isinigaw laban sa dambana sa Beth-el, na iniunat ni Jeroboam ang kaniyang kamay mula sa dambana, na sinasabi, Hulihin siya. At ang kaniyang kamay na kaniyang iniunat laban sa kaniya ay natuyo, na anopa't hindi niya napanauli sa dati.

13:5 Ang dambana naman ay nabaak, at ang mga abo ay nabuhos mula sa dambana, ayon sa tanda na ibinigay ng lalake ng Dios ayon sa salita ng Panginoon.

13:6 At ang hari ay sumagot, at nagsabi sa lalake ng Dios, Isamo mo ngayon ang biyaya ng Panginoon mong Dios, at idalangin mo ako, upang ang aking kamay ay gumaling. At idinalangin ng lalake ng Dios sa Panginoon, at ang kamay ng hari ay gumaling uli, at naging gaya ng dati.

13:7 At sinabi ng hari sa lalake ng Dios, Umuwi kang kasama ko, at kumain ka, at bibigyan kita ng kagantihan.

13:8 At sinabi ng lalake ng Dios sa hari, Kung ang ibibigay mo sa akin ay kalahati ng iyong bahay ay hindi ako yayaong kasama mo, o kakain man ako ng tinapay o iinom man ako ng tubig sa dakong ito:

13:9 Sapagka't gayon ibinilin sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na sinasabi, Huwag kang kakain ng tinapay, o iinom man ng tubig, ni babalik man sa daan na iyong pinanggalingan.

13:10 Sa gayo'y yumaon siya sa ibang daan, at hindi na bumalik sa daan na kaniyang pinanggalingan sa Beth-el.

13:11 Tumatahan nga ang isang matandang propeta sa Beth-el; at isa sa kaniyang mga anak ay naparoon, at isinaysay sa kaniya ang lahat ng mga gawa na ginawa ng lalake ng Dios sa araw na yaon sa Beth-el: ang mga salita na kaniyang sinalita sa hari, ay siya ring isinaysay nila sa kanilang ama.

13:12 At sinabi ng kanilang ama sa kanila, Saan siya napatungo? At itinuro sa kaniya ng kaniyang mga anak ang daang pinatunguhan ng lalake ng Dios na nanggaling sa Juda.

13:13 At sinabi niya sa kaniyang mga anak, Siyahan ninyo sa akin ang asno. Sa gayo'y kanilang siniyahan ang asno sa kaniya: at kaniyang sinakyan.

13:14 At kaniyang sinundan ang lalake ng Dios, at nasumpungan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng encina: at sinabi niya sa kaniya, Ikaw ba ang lalake ng Dios na nanggaling sa Juda? At sinabi niya, Ako nga.

13:15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniya, Umuwi kang kasama ko, at kumain ng tinapay.

13:16 At sinabi niya, Hindi ako makababalik na kasama mo, o makapapasok na kasama mo: ni makakakain man ng tinapay o makaiinom man ng tubig na kasalo mo sa dakong ito:

13:17 Sapagka't isinaysay sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon. Huwag kang kakain ng tinapay o iinom man ng tubig doon, o babalik man na yumaon sa daan na iyong pinanggalingan.

13:18 At sinabi niya sa kaniya, Ako man ay propeta na gaya mo; at isang anghel ay nagsalita sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na nagsasabi, Ibalik mo siya na kasama mo sa iyong bahay, upang siya'y makakain ng tinapay at makainom ng tubig. Nguni't siya'y nagbulaan sa kaniya.

13:19 Sa gayo'y bumalik na kasama niya, at kumain ng tinapay sa kaniyang bahay at uminom ng tubig.

13:20 At nangyari, samantalang sila'y nauupo sa dulang, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta na nagpabalik sa kaniya:

13:21 At siya'y sumigaw sa lalake ng Dios na nanggaling sa Juda, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa paraang ikaw ay naging manunuway sa bibig ng Panginoon, at hindi mo iningatan ang utos na iniutos ng Panginoon sa iyo,

13:22 Kundi ikaw ay bumalik at kumain ng tinapay, at uminom ng tubig sa dakong kaniyang pinagsabihan sa iyo: Huwag kang kumain ng tinapay, at huwag kang uminom ng tubig; ang iyong bangkay ay hindi darating sa libingan ng iyong mga magulang.

13:23 At nangyari, pagkatapos na makakain ng tinapay, at pagkatapos na makainom, na siniyahan niya ang asno para sa kaniya, sa makatuwid baga'y, para sa propeta na kaniyang pinabalik.

13:24 At nang siya'y makayaon, isang leon ay nasalubong niya sa daan, at pinatay siya: at ang kaniyang bangkay ay napahagis sa daan, at ang asno ay nakatayo sa siping; ang leon naman ay nakatayo sa siping ng bangkay.

13:25 At, narito, may mga taong nagsipagdaan, at nakita ang bangkay na nakahagis sa daan, at ang leon ay nakatayo sa siping ng bangkay: at sila'y yumaon at isinaysay nila sa bayan na kinatatahanan ng matandang propeta.

13:26 At nang marinig ng propeta na nagpabalik sa kaniya sa daan, sinabi niya: Lalake nga ng Dios, na naging masuwayin sa bibig ng Panginoon, kaya't ibinigay siya ng Panginoon sa leon, na lumapa sa kaniya at pumatay sa kaniya ayon sa salita ng Panginoon, na sinalita sa kaniya.

13:27 At sinalita niya sa kaniyang mga anak na sinasabi, Siyahan ninyo sa akin ang asno. At kanilang siniyahan.

13:28 At siya'y yumaon, at nasumpungan ang kaniyang bangkay na nakahagis sa daan, at ang leon at ang asno ay nakatayo sa siping ng bangkay: hindi nilamon ng leon ang bangkay, o nilapa man ang asno.

13:29 At kinuha ng propeta ang bangkay ng lalake ng Dios, at ipinatong sa asno, at ibinalik: at naparoon sa bayan ng matandang propeta, upang tumangis, at ilibing siya.

13:30 At inilagay niya ang kaniyang bangkay sa kaniyang sariling libingan; at kanilang tinangisan siya, na sinasabi, Ay kapatid ko!

13:31 At nangyari, pagkatapos na kaniyang mailibing, na siya'y nagsalita sa kaniyang mga anak, na sinasabi, Pagka ako'y namatay, ilibing nga ninyo ako sa libingan na pinaglibingan sa lalake ng Dios: ilagay ninyo ang aking mga buto sa siping ng kaniyang mga buto.

13:32 Sapagka't ang sabi na kaniyang isinigaw sa pamamagitan ng salita ng Panginoon laban sa dambana sa Beth-el, at laban sa lahat ng mga bahay sa mga mataas na dako na nangasa mga bayan ng Samaria, ay walang pagsalang mangyayari.

13:33 Pagkatapos ng bagay na ito, si Jeroboam ay hindi tumalikod sa kaniyang masamang lakad, kundi gumawa uli mula sa buong bayan ng mga saserdote sa mga mataas na dako: sinomang may ibig, kaniyang itinatalaga upang magkaroon ng mga saserdote sa mga mataas na dako.

13:34 At ang bagay na ito ay naging kasalanan sa sangbahayan ni Jeroboam, kaya't inihiwalay at nilipol sa ibabaw ng lupa.

14:1 Nang panahong yaon si Abias na anak ni Jeroboam ay nagkasakit.

14:2 At sinabi ni Jeroboam sa kaniyang asawa, Bumangon ka, isinasamo ko sa iyo at magpakunwari kang iba upang huwag kang makilala na asawa ni Jeroboam; at pumaroon ka sa Silo; narito, naroon si Ahias na propeta na nagsalita tungkol sa akin, na ako'y magiging hari sa bayang ito.

14:3 At magdala ka ng sangpung tinapay, at mga munting tinapay, at isang bangang pulot, at paroon ka sa kaniya: kaniyang sasaysayin sa iyo kung ano ang mangyayari sa bata.

14:4 At ginawang gayon ng asawa ni Jeroboam at bumangon, at naparoon sa Silo, at naparoon sa bahay ni Ahias. Si Ahias nga ay di na makakita; sapagka't ang kaniyang mga mata'y malabo na, dahil sa kaniyang gulang.

14:5 At sinabi ng Panginoon kay Ahias, Narito, ang asawa ni Jeroboam ay naparirito na tinatanong ka tungkol sa kaniyang anak; sapagka't siya'y may sakit: ganito't ganito ang iyong sasabihin sa kaniya: sapagka't mangyayari, pagka siya'y pumasok, na siya'y magpapakunwari na ibang babae.

14:6 At nagkagayon, nang marinig ni Ahias ang ingay ng kaniyang mga paa, pagpasok niya sa pintuan, na sinabi niya, Pumasok ka, ikaw, na asawa ni Jeroboam; bakit ka nagpapakunwaring iba? Sapagka't ako'y sinugo sa iyo na may masamang balita.

14:7 Ikaw ay yumaon na saysayin mo kay Jeroboam, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang kita'y itinaas sa gitna ng bayan, at ginawa kitang pangulo sa aking bayang Israel,

14:8 At inagaw ang kaharian mula sa sangbahayan ni David, at ibinigay sa iyo: at gayon ma'y ikaw ay hindi naging gaya ng lingkod kong si David, na nagingat ng aking mga utos, at sumunod sa akin ng kaniyang buong puso, upang gawin ang matuwid lamang sa harap ng aking mga mata;

14:9 Kundi ikaw ay gumawa ng masama na higit kay sa lahat ng nauna sa iyo, at ikaw ay yumaon, at gumawa ka sa ganang iyo ng mga ibang dios, at mga larawang binubo upang mungkahiin mo ako sa galit, at inihagis mo ako sa iyong likuran;

14:10 Kaya't, narito ako'y magdadala ng kasamaan sa sangbahayan ni Jeroboam, at aking ihihiwalay kay Jeroboam ang bawa't lalake ang nakukulong, at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel, at aking lubos na papalisin ang sangbahayan ni Jeroboam, kung paanong pinapalis ng isang tao ang dumi, hanggang sa mapaalis.

14:11 Ang mamatay kay Jeroboam sa bayan ay kakanin ng mga aso; at ang mamatay sa parang ay kakanin ng mga ibon sa himpapawid: sapagka't sinalita ng Panginoon.

14:12 Tumindig ka nga, umuwi ka sa iyong bahay: pagpasok ng iyong mga paa sa bayan ay mamamatay ang bata.

14:13 At tatangisan siya ng buong Israel, at ililibing siya; sapagka't siya lamang ang kay Jeroboam na darating sa libingan: sapagka't siya'y kinasumpungan sa sangbahayan ni Jeroboam, ng bagay na mabuti sa Panginoon, sa Dios ng Israel.

14:14 Bukod dito'y magtitindig ang Panginoon ng isang hari sa Israel, na siyang maghihiwalay ng sangbahayan ni Jeroboam sa araw na yaon; nguni't ano? ngayon din.

14:15 Sapagka't sasaktan ng Panginoon ang Israel ng gaya ng isang tambo na gumagalaw sa tubig; at kaniyang bubunutin ang Israel dito sa mabuting lupa na ibinigay sa kanilang mga magulang, at pangangalatin sila sa dako roon ng ilog; dahil sa kanilang ginawa ang kanilang mga Asera, na minungkahi ang Panginoon sa galit.

14:16 At kaniyang pababayaan ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam, na kaniyang ipinagkasala, at ipinapagkasala sa Israel.

14:17 At ang asawa ni Jeroboam ay tumindig, at yumaon, at naparoon sa Thirsa: at pagpasok niya sa pasukan ng bahay, ang bata'y namatay.

14:18 At inilibing siya ng buong Israel, at tinangisan siya; ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Ahias na propeta.

14:19 At ang iba sa mga gawa ni Jeroboam kung paanong siya'y nakidigma, at kung paanong siya'y naghari, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.

14:20 At ang mga araw na ipinaghari ni Jeroboam ay dalawang pu't dalawang taon: at siya'y natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at si Nadab na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

14:21 At si Roboam na anak ni Salomon ay naghari sa Juda. Si Roboam ay apat na pu't isang taon nang siya'y magpasimulang maghari, at siya'y naghari na labing pitong taon sa Jerusalem, na bayan na pinili ng Panginoon sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kaniyang pangalan doon: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Naama na Ammonita.

14:22 At gumawa ang Juda ng masama sa paningin ng Panginoon, at kanilang minungkahi siya sa paninibugho sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan na kanilang nagawa, na higit kay sa lahat na ginawa ng kanilang mga magulang,

14:23 Sapagka't sila'y nagsipagtayo naman para sa kanila ng mga mataas na dako, at ng mga haligi, at ng mga Asera, sa bawa't mataas na burol, at sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy;

14:24 At nagkaroon din naman ng mga sodomita ang lupain: sila'y nagsigawa ng ayon sa lahat na karumaldumal ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ng Israel.

14:25 At nangyari, nang ikalimang taon ng haring Roboam, na si Sisac na hari sa Egipto ay umahon laban sa Jerusalem:

14:26 At kaniyang dinala ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; kaniya ngang dinalang lahat: at kaniyang dinala ang lahat na kalasag na ginto na ginawa ni Salomon.

14:27 At ang haring Roboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso na kahalili ng mga yaon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga punong kawal na bantay, na nagiingat ng pintuan ng bahay ng hari.

14:28 At nangyari, na pagka nanasok ang hari sa bahay ng Panginoon, ay dinadala ng bantay, at ibinabalik sa silid ng bantay.

14:29 Ang iba nga sa mga gawa ni Roboam at ang lahat na bagay na kaniyang ginawa, hindi ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

14:30 At nagkaroong palagi ng pagdidigmaan si Roboam at si Jeroboam.

14:31 At si Roboam ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Naama na Ammonita. At si Abiam na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

15:1 Nang ikalabing walong taon nga ng haring Jeroboam, na anak ni Nabat, ay nagpasimula si Abiam na maghari sa Juda.

15:2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem, at ang pangalan ng kaniyang ina ay Maacha na anak ni Abisalom.

15:3 At siya'y lumakad sa lahat ng mga kasalanan ng kaniyang ama na ginawa nito na una sa kaniya: at ang kaniyang puso ay hindi sakdal sa Panginoon niyang Dios, na gaya ng puso ni David na kaniyang magulang.

15:4 Gayon ma'y dahil kay David ay binigyan siya ng Panginoon na kaniyang Dios ng isang ilawan sa Jerusalem, upang itaas ang kaniyang anak pagkamatay niya, at upang itatag sa Jerusalem:

15:5 Sapagka't ginawa ni David ang matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at hindi lumihis sa anomang bagay na iniutos niya sa kaniya sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay, liban lamang sa bagay ni Uria na Hetheo.

15:6 Nagkaroon nga ng pagdidigmaan si Roboam at si Jeroboam sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.

15:7 At ang iba nga sa mga gawa ni Abiam, at ang lahat niyang ginagawa, hindi ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda? At nagkaroon ng pagdidigmaan si Abiam at si Jeroboam.

15:8 At si Abiam ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang; at inilibing nila siya sa bayan ni David: at si Asa na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

15:9 At nang ikadalawang pung taon ni Jeroboam na hari sa Israel ay nagpasimula si Asa na maghari sa Juda.

15:10 At apat na pu't isang taong naghari siya sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Maacha, na anak ni Abisalom.

15:11 At ginawa ni Asa ang matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, gaya ng ginawa ni David na kaniyang magulang.

15:12 At kaniyang inalis ang mga Sodomita sa lupain, at inalis ang lahat ng diosdiosan na ginawa ng kaniyang mga magulang.

15:13 At si Maacha naman na kaniyang ina ay inalis niya sa pagkareina, sapagka't gumawa ng karumaldumal na larawan na pinaka Asera; at pinutol ni Asa ang kaniyang larawan, at sinunog sa batis Cedron.

15:14 Nguni't ang matataas na dako ay hindi inalis: gayon ma'y ang puso ni Asa ay sakdal sa Panginoon sa lahat ng kaniyang kaarawan.

15:15 At kaniyang ipinasok sa bahay ng Panginoon ang mga bagay na itinalaga ng kaniyang ama, at ang mga bagay na itinalaga niya, pilak, at ginto, at mga sisidlan.

15:16 At nagkaroon ng pagdidigmaan si Asa at si Baasa na hari sa Israel sa lahat ng kanilang kaarawan.

15:17 At si Baasa na hari sa Israel ay umahon laban sa Juda, at itinayo ang Rama upang huwag niyang matiis na sinoma'y lumabas o pumaroon kay Asa na hari sa Juda.

15:18 Nang magkagayo'y kinuha ni Asa ang lahat na pilak at ginto na naiwan sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari, at ibinigay sa kamay ng kaniyang mga lingkod: at ipinadala ang mga yaon ng haring Asa kay Ben-adad na anak ni Tabrimon, na anak ni Hezion, na hari sa Siria, na tumatahan sa Damasco, na nagsasabi,

15:19 May pagkakasundo ako at ikaw, ang aking ama at ang iyong ama: narito, aking ipinadala sa iyo ang isang kaloob na pilak at ginto; ikaw ay yumaon, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari sa Israel, upang siya'y lumayas sa akin.

15:20 At dininig ni Ben-adad ang haring Asa, at sinugo ang mga puno ng kaniyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at sinaktan ang Ahion at ang Dan, at ang Abel-bethmaacha at ang buong Cinneroth, sangpu ng buong lupain ng Nephtali.

15:21 At nangyari nang mabalitaan yaon ni Baasa, na iniwan ang pagtatayo ng Rama, at tumahan sa Thirsa.

15:22 Nang magkagayo'y itinanyag ng haring Asa ang buong Juda; walang natangi: at kanilang inalis ang mga bato ng Rama, at ang mga kahoy niyaon, na ipinagtayo ni Baasa; at itinayo ng haring Asa sa pamamagitan niyaon ang Gabaa ng Benjamin at ang Mizpa.

15:23 Ang iba nga sa lahat na gawa ni Asa, at sa kaniyang buong kapangyarihan, at ang lahat niyang ginawa, at ang mga bayan na kaniyang itinayo, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda? Nguni't sa panahon ng kaniyang katandaan, siya'y nagkasakit sa kaniyang mga paa.

15:24 At si Asa ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David na kaniyang magulang: at si Josaphat na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

15:25 At si Nadab na anak ni Jeroboam ay nagpasimulang maghari sa Israel sa ikalawang taon ni Asa na hari sa Juda, at siya'y naghari sa Israel na dalawang taon.

15:26 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at lumakad ng lakad ng kaniyang ama, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.

15:27 At si Baasa na anak ni Ahia, sa sangbahayan ni Issachar ay nagbanta laban sa kaniya; at sinaktan siya ni Baasa sa Gibbethon, na nauukol sa mga Filisteo; sapagka't kinukulong ni Nadab at ng buong Israel ang Gibbethon.

15:28 Nang ikatlong taon nga ni Asa na hari sa Juda, ay pinatay siya ni Baasa, at naghari na kahalili niya.

15:29 At nangyari, na pagkapaging hari niya, sinaktan niya ang buong sangbahayan ni Jeroboam, hindi siya nag-iwan kay Jeroboam ng sinomang may hininga, hanggang sa kaniyang nilipol siya, ayon sa sabi ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Ahias na Silonita:

15:30 Dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kaniyang ipinagkasala, at kaniyang ipinapagkasala sa Israel; dahil sa kaniyang pamumungkahi na kaniyang iminungkahing galit sa Panginoon, sa Dios ng Israel.

15:31 Ang iba nga sa mga gawa ni Nadab, at ang lahat niyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

15:32 At nagkaroon ng pagdidigmaan si Asa at si Baasa na hari sa Israel sa lahat ng kanilang kaarawan.

15:33 Nang ikatlong taon ni Asa na hari sa Juda, ay nagpasimulang maghari si Baasa na anak ni Ahia sa buong Israel sa Thirsa, at naghari na dalawang pu't apat na taon.

15:34 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at lumakad ng lakad ni Jeroboam, at sa kaniyang kasalanan na ipinapagkasala sa Israel.

16:1 At ang salita ng Panginoon ay, dumating kay Jehu na anak ni Hanani, laban kay Baasa, na sinasabi,

16:2 Yamang itinaas kita mula sa alabok, at ginawa kitang pangulo sa aking bayang Israel; at ikaw ay lumakad ng lakad ni Jeroboam, at iyong pinapagkasala ang aking bayang Israel, upang mungkahiin mo ako sa galit sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan;

16:3 Narito, aking lubos na papalisin si Baasa at ang kaniyang sangbahayan; at aking gagawin ang iyong sangbahayan na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat.

16:4 Ang mamatay kay Baasa sa bayan ay kakanin ng mga aso; at ang mamatay sa kaniya sa parang ay kakanin ng mga ibon sa himpapawid,

16:5 Ang iba nga sa mga gawa ni Baasa, at ang kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

16:6 At natulog si Baasa na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Thirsa; at si Ela na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

16:7 At bukod dito'y, sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, ay dumating ang salita ng Panginoon laban kay Baasa, at laban sa kaniyang sangbahayan, dahil sa lahat na kasamaan na kaniyang ginawa sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin siya sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kaniyang mga kamay, sa pagkagaya sa sangbahayan ni Jeroboam, at sapagka't sinaktan din niya siya.

16:8 Nang ikadalawang pu't anim na taon ni Asa na hari sa Juda ay nagpasimula si Ela na anak ni Baasa na maghari sa Israel sa Thirsa, at nagharing dalawang taon.

16:9 At ang kaniyang lingkod na si Zimri, na punong kawal sa kalahati ng kaniyang mga karo, ay nagbanta laban sa kaniya. Siya'y nasa Thirsa nga, na nagiinom at lasing sa bahay ni Arsa, na siyang katiwala sa sangbahayan sa Thirsa:

16:10 At pumasok si Zimri, at sinaktan siya, at pinatay siya, nang ikadalawang pu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, at naghari na kahalili niya.

16:11 At nangyari, nang siya'y magpasimulang maghari, pagupo niya sa kaniyang luklukan, ay kaniyang sinaktan ang buong sangbahayan ni Baasa: hindi siya nagiwan ng isa man lamang lalaking bata, kahit kamaganak niya, kahit mga kaibigan niya.

16:12 Ganito nilipol ni Zimri ang buong sangbahayan ni Baasa, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita laban kay Baasa, sa pamamagitan ni Jehu na propeta,

16:13 Dahil sa lahat ng mga kasalanan ni Baasa, at mga kasalanan ni Ela na kaniyang anak, na kanilang ipinagkasala, at kanilang ipinapagkasala sa Israel, upang mungkahiin sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga kalayawan.

16:14 Ang iba nga sa mga gawa ni Ela, at ang lahat na kaniyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

16:15 Nang ikadalawang pu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, ay naghari si Zimri na pitong araw sa Thirsa. Ang bayan nga ay humantong laban sa Gibbethon na nauukol sa mga Filisteo.

16:16 At narinig ng bayan na nasa hantungan na sinabing nagbanta si Zimri, at sinaktan ang hari: kaya't ginawang hari sa Israel ng buong Israel si Omri na punong kawal ng hukbo nang araw na yaon sa kampamento.

16:17 At si Omri ay umahon mula sa Gibbethon, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Thirsa.

16:18 At nangyari, nang makita ni Zimri na ang bayan ay nasakop, na siya'y naparoon sa castilyo ng bahay ng hari, at sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya'y namatay.

16:19 Dahil sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang ipinagkasala sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon sa paglakad sa lakad ni Jeroboam, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ginawa, upang papagkasalahin ang Israel.

16:20 Ang iba nga sa mga gawa ni Zimri, at ang kaniyang panghihimagsik na kaniyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

16:21 Nang magkagayo'y ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Thibni na anak ni Gineth, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri.

16:22 Nguni't ang bayan na sumunod kay Omri ay nanaig laban sa bayan na sumunod kay Thibni na anak ni Gineth: sa gayo'y namatay si Thibni at naghari si Omri.

16:23 Nang ikatatlong pu't isang taon ni Asa na hari sa Juda ay nagpasimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari na labing dalawang taon: anim na taon na naghari siya sa Thirsa.

16:24 At binili niya ang burol ng Samaria kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak; at siya'y nagtayo sa burol, at tinawag ang pangalan ng bayan na kaniyang itinayo, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol, na Samaria.

16:25 At gumawa si Omri ng masama sa paningin ng Panginoon, at gumawa ng masama na higit kay sa lahat na nauna sa kaniya.

16:26 Sapagka't siya'y lumakad sa buong lakad ni Jeroboam na anak ni Nabat, at sa kaniyang mga kasalanan na ipinapagkasala niya sa Israel, upang mungkahiin sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga kalayawan.

16:27 Ang iba nga sa mga gawa ni Omri na kaniyang ginawa, at ang kapangyarihan niya na kaniyang ipinamalas, di ba nasusulat sa mga aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

16:28 Sa gayo'y natulog si Omri na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Samaria; at si Achab na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

16:29 At nang ikatatlong pu't walong taon ni Asa na hari sa Juda, ay nagpasimula si Achab na anak ni Omri na maghari sa Israel: at si Achab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria na dalawang pu't dalawang taon.

16:30 At si Achab na anak ni Omri ay gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon na higit kay sa lahat na nauna sa kaniya.

16:31 At nangyari, na wari isang magaang bagay sa kaniya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na siya'y nagasawa kay Jezabel, na anak ni Ethbaal na hari ng mga Sidonio, at yumaon at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kaniya.

16:32 At kaniyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal na kaniyang itinayo sa Samaria.

16:33 At gumawa si Achab ng Asera; at gumawa pa ng higit si Achab upang mungkahiin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, sa galit kay sa lahat ng mga hari sa Israel na nauna sa kaniya.

16:34 Sa kaniyang mga kaarawan itinayo ni Hiel na taga Beth-el ang Jerico: siya'y naglagay ng talagang-baon sa pagkamatay ni Abiram na kaniyang panganay, at itinayo ang mga pintuang-bayan niyaon sa pagkamatay ng kaniyang bunsong anak na si Segub; ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.

17:1 At si Elias na Thisbita, na sa mga nakikipamayan sa Galaad, ay nagsabi kay Achab: Buhay ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na ako'y nakatayo sa harap niya hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taong ito, kundi ayon sa aking salita.

17:2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsasabi,

17:3 Umalis ka rito, at lumiko ka sa dakong silanganan, at magkubli ka sa tabi ng batis Cherith na nasa tapat ng Jordan.

17:4 At mangyayari, na ikaw ay iinom sa batis; at aking iniutos sa mga uwak na pakanin ka roon.

17:5 Sa gayo'y naparoon siya at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon: sapagka't siya'y pumaroon at tumahan sa tabi ng batis Cherith, na nasa tapat ng Jordan.

17:6 At dinadalhan siya ng tinapay at laman ng mga uwak sa umaga, at tinapay at laman sa hapon, at siya'y umiinom sa batis.

17:7 At nangyari, pagkaraan ng sanggayon, na ang batis ay natuyo, sapagka't walang ulan sa lupain.

17:8 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na sinasabi,

17:9 Ikaw ay bumangon, paroon ka sa Sarepta, na nauukol sa Sidon, at tumahan ka roon: narito, aking inutusan ang isang baong babae roon na pakanin ka.

17:10 Sa gayo'y bumangon siya, at naparoon sa Sarepta; at nang siya'y dumating sa pintuan ng bayan, narito, isang baong babae ay nandoon na namumulot ng mga patpat: at tinawag niya siya, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na dalhan mo ako ng kaunting tubig sa inuman, upang aking mainom.

17:11 At nang siya'y yumayaon upang kumuha, tinawag niya siya, at sinabi, Dalhan mo ako, isinasamo ko sa iyo, ng isang subong tinapay sa iyong kamay.

17:12 At kaniyang sinabi, Ang Panginoon mong Dios ay buhay, ako'y wala kahit munting tinapay, kundi isang dakot na harina sa gusi, at kaunting langis sa banga: at, narito, ako'y namumulot ng dalawang patpat, upang ako'y pumasok, at ihanda sa akin at sa aking anak, upang aming makain, bago kami mamatay.

17:13 At sinabi ni Elias sa kaniya, Huwag kang matakot; yumaon ka, at gawin mo ang iyong sinabi, nguni't igawa mo muna ako ng munting tinapay, at ilabas mo sa akin, at pagkatapos ay gumawa ka para sa iyo at para sa iyong anak.

17:14 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang gusi ng harina ay hindi makukulangan, o ang banga ng langis man ay mababawasan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.

17:15 At siya'y yumaon, at ginawa ang ayon sa sabi ni Elias: at kumain ang babae, at siya, at ang kaniyang sangbahayan na maraming araw.

17:16 Ang gusi ng harina ay hindi nakulangan, o ang banga ng langis man ay nabawasan, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Elias.

17:17 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na ang anak na lalake ng babae, na may-ari ng bahay ay nagkasakit; at ang kaniyang sakit ay malubha, na walang hiningang naiwan sa kaniya.

17:18 At sinabi niya kay Elias, Ano ang ipakikialam ko sa iyo, Oh ikaw na lalake ng Dios? ikaw ay naparito sa akin upang ipaalala mo ang aking kasalanan, at upang patayin ang aking anak!

17:19 At sinabi niya sa kaniya, Ibigay mo sa akin ang iyong anak. At kinuha niya sa kaniyang kandungan, at dinala sa silid na kaniyang tinatahanan, at inihiga sa kaniyang sariling higaan.

17:20 At siya'y dumaing sa Panginoon, at nagsabi, Oh Panginoon kong Dios, dinalhan mo rin ba ng kasamaan ang bao na aking kinatutuluyan, sa pagpatay sa kaniyang anak?

17:21 At siya'y umunat sa bata na makaitlo, at dumaing sa Panginoon, at nagsabi, Oh Panginoon kong Dios, idinadalangin ko sa iyo na iyong pabalikin sa kaniya ang kaluluwa ng batang ito.

17:22 At dininig ng Panginoon ang tinig ni Elias; at ang kaluluwa ng bata ay bumalik sa kaniya, at siya'y muling nabuhay.

17:23 At kinuha ni Elias ang bata, at ibinaba sa loob ng bahay na mula sa silid, at ibinigay siya sa kaniyang ina: at sinabi ni Elias, Tingnan mo, ang iyong anak ay buhay.

17:24 At sinabi ng babae kay Elias, Ngayo'y talastas ko na ikaw ay lalake ng Dios, at ang salita ng Panginoon sa iyong bibig ay katotohanan.

18:1 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, na ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias, sa ikatlong taon, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, pakita ka kay Achab; at ako'y magpapaulan sa lupa.

18:2 At si Elias ay yumaon napakita kay Achab. At ang kagutom ay malala sa Samaria.

18:3 At tinawag ni Achab si Abdias na siyang katiwala sa bahay. (Si Abdias nga ay natatakot na mainam sa Panginoon:

18:4 Sapagka't nangyari, nang ihiwalay ni Jezabel ang mga propeta ng Panginoon, na kumuha si Abdias ng isang daang propeta, at ikinubli na limalimangpu sa isang yungib, at pinakain sila ng tinapay at tubig,)

18:5 At sinabi ni Achab kay Abdias, Lakarin mo ang lupain, hanggang sa lahat ng mga bukal ng tubig, at hanggang sa lahat ng mga batis: marahil tayo'y makakasumpong ng damo, at maililigtas nating buhay ang mga kabayo at mga mula upang huwag tayong mawalan ng lahat na hayop.

18:6 Sa gayo'y pinaghati nila ang lupain sa gitna nila upang lakarin: si Achab ay lumakad ng kaniyang sarili sa isang daan, at si Abdias ay lumakad ng kaniyang sarili sa isang daan.

18:7 At samantalang si Abdias ay nasa daan, narito, nasalubong siya ni Elias: at nakilala niya siya, at nagpatirapa, at nagsabi, Di ba ikaw, ang panginoon kong si Elias?

18:8 At siya'y sumagot sa kaniya, Ako nga: ikaw ay yumaon, saysayin mo sa iyong panginoon, Narito, si Elias ay nandito.

18:9 At kaniyang sinabi, Sa ano ako nagkasala na iyong ibibigay ang iyong lingkod sa kamay ni Achab, upang patayin ako?

18:10 Buhay ang Panginoon mong Dios, walang bansa o kaharian man na hindi pinagpahanapan sa iyo ng aking panginoon: at pagka kanilang sinasabi, Siya'y wala rito, kaniyang pinasusumpa ang kaharian at bansa, na hindi kinasusumpungan sa iyo.

18:11 At ngayo'y iyong sinasabi, Ikaw ay yumaon, saysayin mo sa iyong panginoon, Narito, si Elias ay nandito.

18:12 At mangyayari, pagkahiwalay ko sa iyo na dadalhin ka ng Espiritu ng Panginoon sa hindi ko nalalaman; na anopa't pagka ako'y pumaroon at isinaysay ko kay Achab, at ikaw ay hindi niya nasumpungan, papatayin niya ako: nguni't akong iyong lingkod ay natatakot sa Panginoon mula sa aking pagkabinata.

18:13 Hindi ba nasaysay sa aking panginoon, kung ano ang aking ginawa nang patayin ni Jezabel ang mga propeta ng Panginoon, kung paanong nagkubli ako ng isang daan sa mga propeta ng Panginoon, na limalimangpu sa isang yungib, at pinakain ko sila ng tinapay at tubig?

18:14 At ngayo'y iyong sinasabi, Ikaw ay yumaon, saysayin mo sa iyong panginoon. Narito, si Elias ay nandito; at papatayin niya ako.

18:15 At sinabi ni Elias, Buhay ang Panginoon ng mga hukbo, na sa harap niya'y nakatayo ako, ako'y walang salang pakikita sa kaniya ngayon.

18:16 Sa gayo'y yumaon si Abdias upang salubungin si Achab, at sinaysay sa kaniya: at si Achab ay yumaon upang salubungin si Elias.

18:17 At nangyari, nang makita ni Achab si Elias, na sinabi ni Achab sa kaniya, Di ba ikaw, ang mangbabagabag sa Israel?

18:18 At siya'y sumagot, Hindi ko binagabag ang Israel; kundi ikaw, at ang sangbahayan ng iyong ama, sa inyong pagkapabaya ng mga utos ng Panginoon, at ikaw ay sumunod kay Baal.

18:19 Ngayon nga'y magsugo ka, at pisanin mo sa akin ang buong Israel sa bundok ng Carmelo, at ang mga propeta ni Baal na apat na raan at limangpu, at ang mga propeta ni Asera na apat na raan, na nagsikain sa dulang ni Jezabel.

18:20 Sa gayo'y nagsugo si Achab sa lahat ng mga anak ni Israel, at pinisan ang mga propeta sa bundok ng Carmelo.

18:21 At si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, Hanggang kaylan kayo mangagaalinlangan sa dalawang isipan? kung ang Panginoon ay Dios, sumunod kayo sa kaniya: nguni't kung si Baal, sumunod nga kayo sa kaniya. At ang bayan ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita.

18:22 Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, Ako, ako lamang, ang naiwang propeta ng Panginoon; nguni't ang mga propeta ni Baal ay apat na raan at limang pung lalake.

18:23 Bigyan nga nila tayo ng dalawang baka; at pumili sila sa ganang kanila ng isang baka, at katayin, at ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim: at ihahanda ko ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko lalagyan ng apoy sa ilalim.

18:24 At tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, at tatawagan ko ang pangalan ng Panginoon: at ang Dios na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang maging Dios. At ang buong bayan ay sumagot, at nagsabi, Mabuti ang pagkasabi.

18:25 At sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, Magsipili kayo ng isang baka sa ganang inyo, at inyong ihandang una, sapagka't kayo'y marami; at tawagan ninyo ang pangalan ng inyong dios, nguni't huwag ninyong lagyan ng apoy sa ilalim.

18:26 At kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, at kanilang inihanda, at tinawagan ang pangalan ni Baal mula sa kinaumagahan hanggang sa kinatanghaliang tapat, na nagsisipagsabi, Oh Baal dinggin mo kami. Nguni't walang tinig, o sinomang sumagot. At sila'y nagsisilukso sa siping ng dambana na ginawa.

18:27 At nangyari, nang kinatanghaliang tapat, na biniro sila ni Elias, at sinabi, Sumigaw kayo ng malakas: sapagka't siya'y dios; siya nga'y nagmumunimuni, o nasa tabi, o nasa paglalakbay, o marahil siya'y natutulog, at marapat gisingin.

18:28 At sila'y nagsisigaw ng malakas, at sila'y nagsipagkudlit ayon sa kanilang kaugalian ng sundang at mga sibat, hanggang sa bumuluwak ang dugo sa kanila.

18:29 At nangyari nang makaraan ang kinatanghaliang tapat, na sila'y nanghula hanggang sa oras ng paghahandog ng alay na ukol sa hapon: nguni't wala kahit tinig, ni sinomang sumagot, ni sinomang makinig.

18:30 At sinabi ni Elias sa buong bayan, Lumapit kayo sa akin; at ang buong bayan ay lumapit sa kaniya. At kaniyang inayos ang dambana ng Panginoon na nabagsak.

18:31 At kumuha si Elias ng labing dalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kaniya ang salita ng Panginoon ay dumating, na sinasabi, Israel ang magiging iyong pangalan.

18:32 At sa pamamagitan ng mga bato ay kaniyang itinayo ang dambana sa pangalan ng Panginoon; at kaniyang nilagyan ng hukay sa palibot ng dambana, na ang laki ay kasisidlan ng dalawang takal na binhi.

18:33 At kaniyang inilagay ang kahoy na maayos, at kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy. At kaniyang sinabi, Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na susunugin, at sa kahoy.

18:34 At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikalawa; at kanilang ginawang ikalawa. At kaniyang sinabi, Gawin ninyong ikaitlo; at kanilang ginawang ikaitlo.

18:35 At ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana; at kaniyang pinuno naman ng tubig ang hukay.

18:36 At nangyari, sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, na si Elias, na propeta ay lumapit, at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel, pakilala ka sa araw na ito, na ikaw ay Dios sa Israel, at ako ang iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat na bagay na ito sa iyong salita.

18:37 Dinggin mo ako, Oh Panginoon, dinggin mo ako, upang matalastas ng bayang ito, na ikaw, na Panginoon, ay Dios, at iyong pinapanumbalik ang kanilang puso.

18:38 Nang magkagayo'y ang apoy ng Panginoon ay nalaglag, at sinupok ang handog na susunugin at ang kahoy, at ang mga bato, at ang alabok, at hinimuran ang tubig na nasa hukay.

18:39 At nang makita ng buong bayan, sila'y nagpatirapa: at kanilang sinabi, Ang Panginoon ay siyang Dios; ang Panginoon ay siyang Dios.

18:40 At sinabi ni Elias sa kanila, Dakpin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag makatanan ang sinoman sa kanila. At kanilang dinakip sila: at sila'y ibinaba ni Elias sa batis ng Cison, at pinatay roon.

18:41 At sinabi ni Elias kay Achab, Ikaw ay umahon, kumain ka at uminom ka; sapagka't may hugong ng kasaganaan ng ulan.

18:42 Sa gayo'y umahon si Achab upang kumain at uminom. At si Elias ay umahon sa taluktok ng Carmelo; at siya'y yumukod sa lupa, at inilagay ang kaniyang mukha sa pagitan ng kaniyang mga tuhod.

18:43 At kaniyang sinabi sa kaniyang lingkod, Umahon ka ngayon, tumingin ka sa dakong dagat. At siya'y umahon at tumingin, at nagsabi, Walang anomang bagay. At kaniyang sinabi, Yumaon ka uling makapito.

18:44 At nangyari, sa ikapito, na kaniyang sinabi, Narito, may bumangong isang ulap sa dagat, na kasingliit ng kamay ng isang lalake. At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon, sabihin mo kay Achab, Ihanda mo ang iyong karo, at ikaw ay lumusong baka ka mapigil ng ulan.

18:45 At nangyari, pagkaraan ng sangdali, na ang langit ay nagdilim sa alapaap at hangin, at nagkaroon ng malakas na ulan. At si Achab ay sumakay, at naparoon sa Jezreel.

18:46 At ang kamay ng Panginoon ay nasa kay Elias; at kaniyang binigkisan ang kaniyang mga balakang, at tumakbong nagpauna kay Achab sa pasukan ng Jezreel.

19:1 At sinaysay ni Achab kay Jezabel ang lahat na ginawa ni Elias, at kung paanong kaniyang pinatay ng tabak ang lahat ng mga propeta.

19:2 Nang magkagayo'y nagsugo si Jezabel ng sugo kay Elias, na nagsasabi, Ganito ang gawin sa akin ng mga dios, at lalo na, kung hindi ko gawin ang buhay mo na gaya ng buhay ng isa sa kanila kinabukasan sa may ganitong panahon.

19:3 At nang makita niya ay bumangon siya, at yumaon dahil sa kaniyang buhay, at naparoon sa Beerseba, na nauukol sa Juda, at iniwan ang kaniyang lingkod doon.

19:4 Nguni't siya'y lumakad ng paglalakbay na isang araw sa ilang at naparoon, at umupo sa ilalim ng isang punong kahoy na enebro: at siya'y humiling sa ganang kaniya na siya'y mamatay sana, at nagsabi, Sukat na; ngayon, Oh Panginoon kunin mo ang aking buhay; sapagka't hindi ako mabuti kay sa aking mga magulang.

19:5 At siya'y nahiga at natulog sa ilalim ng punong kahoy na enebro; at, narito, kinalabit siya ng isang anghel, at sinabi sa kaniya, Ikaw ay gumising at kumain.

19:6 At siya'y tumingin, at, narito, na sa kaniyang ulunan ang isang munting tinapay na luto sa baga, at isang sarong tubig. At siya'y kumain at uminom, at nahiga uli.

19:7 At ang anghel ng Panginoon ay nagbalik na ikalawa, at kinalabit siya, at sinabi, Ikaw ay bumangon at kumain; sapagka't ang paglalakbay ay totoong malayo sa ganang iyo.

19:8 At siya'y bumangon, at kumain, at uminom, at siya'y yumaon sa lakas ng pagkaing yaon, na apat na pung araw at apat na pung gabi hanggang sa Horeb sa bundok ng Dios.

19:9 At siya'y naparoon sa isang yungib, at tumuloy roon: at, narito, ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, at sinabi niya sa kaniya, Ano ang ginagawa mo rito Elias?

19:10 At sinabi niya, Ako'y naging totoong marubdob dahil sa Panginoon, sa Dios ng mga hukbo; sapagka't pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta: at ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang pinaguusig ang aking buhay, upang kitlin.

19:11 At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon. At, narito, ang Panginoon ay nagdaan, at bumuka ang mga bundok sa pamamagitan ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputolputol ang mga bato sa harap ng Panginoon; nguni't ang Panginoon ay wala sa hangin: at pagkatapos ng hangin ay isang lindol; nguni't ang Panginoon ay wala sa lindol:

19:12 At pagkatapos ng lindol ay apoy; nguni't ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang marahang bulong na tinig.

19:13 At nangyari, nang marinig ni Elias, ay tinakpan niya ang kaniyang mukha ng kaniyang balabal, at lumabas, at tumayo sa pasukan sa yungib. At, narito, dumating ang isang tinig sa kaniya, at nagsabi, Ano ang ginagawa mo rito Elias?

19:14 At kaniyang sinabi, Ako'y naging totoong marubdob dahil sa Panginoon, sa Dios ng mga hukbo: sapagka't pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta; at ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang pinaguusig ang buhay ko, upang kitlin.

19:15 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Ikaw ay yumaon, bumalik ka sa iyong lakad sa ilang ng Damasco: at pagdating mo, ay iyong pahiran ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria.

19:16 At si Jehu na anak ni Nimsi ay iyong papahiran ng langis upang maging hari sa Israel: at si Eliseo na anak ni Saphat sa Abel-mehula ay iyong papahiran ng langis upang maging propeta na kahalili mo.

19:17 At mangyayari na ang makatanan sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu: at ang makatanan sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo.

19:18 Gayon ma'y iiwan ko'y pitong libo sa Israel, lahat na tuhod na hindi nagsiluhod kay Baal, at lahat ng bibig na hindi nagsihalik sa kaniya.

19:19 Sa gayo'y umalis siya roon at nasumpungan niya si Eliseo na anak ni Saphat, na nag-aararo, na may labing dalawang parehang baka sa unahan niya, at siya'y kasabay ng ikalabing dalawa: at dinaanan siya ni Elias at inihagis sa kaniya ang balabal niya.

19:20 At kaniyang iniwan ang mga baka, at tumakbong sinundan si Elias, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na pahagkan mo sa akin ang aking ama at aking ina, at susunod nga ako sa iyo. At sinabi niya sa kaniya, Bumalik ka uli; sapagka't ano ang ginawa ko sa iyo?

19:21 At siya'y bumalik na mula sa pagsunod sa kaniya, at kinuha ang parehang mga baka, at pinatay ang mga yaon, at inilaga ang laman ng mga yaon sa pamamagitan ng mga kasangkapan ng mga baka, at ibinigay sa bayan, at kanilang kinain. Nang magkagayo'y tumindig siya, at sumunod kay Elias, at naglingkod sa kaniya.

20:1 At pinisan ni Ben-adad na hari sa Siria ang buong hukbo niya: at may tatlong pu't dalawang hari na kasama siya, at mga kabayo, at mga karo: at siya'y umahon at kinubkob ang Samaria, at nilabanan yaon.

20:2 At siya'y nagsugo ng mga sugo kay Achab na hari sa Israel, sa loob ng bayan, at sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ben-adad,

20:3 Ang iyong pilak at ang iyong ginto ay akin: pati ng iyong mga asawa at ng iyong mga anak, ang mga pinaka mahusay, ay akin.

20:4 At ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, Ayon sa iyong sabi, panginoon ko, Oh hari; ako'y iyo, at lahat ng aking tinatangkilik.

20:5 At ang mga sugo ay bumalik, at nagsabi, Ganito ang sinasalita ni Ben-adad na sinasabi, Ako'y tunay na nagsugo sa iyo, na nagpapasabi, Iyong ibibigay sa akin ang iyong pilak, at ang iyong ginto, at ang iyong mga asawa, at ang iyong mga anak;

20:6 Nguni't susuguin ko sa iyo kinabukasan ang aking mga lingkod; sa may ganitong panahon, at kanilang sasaliksikin ang iyong bahay, at ang mga bahay ng iyong mga lingkod, at mangyayari, na anomang maligaya sa harap ng iyong mga mata ay hahawakan nila ng kanilang kamay, at dadalhin.

20:7 Nang magkagayo'y tinawag ng hari ng Israel ang lahat na matanda sa lupain, at sinabi, Isinasamo ko sa inyo na inyong tandaan at tingnan kung paanong ang taong ito'y humahanap ng pakikipagkaalit: sapagka't kaniyang ipinagbilin ang aking mga asawa, at aking mga anak, at aking pilak, at aking ginto; at hindi ko ipinahindi sa kaniya.

20:8 At sinabi sa kaniya ng lahat na matanda at ng buong bayan, Huwag mong dinggin, o tulutan man.

20:9 Kaya't kaniyang sinabi sa mga sugo ni Ben-adad, Saysayin ninyo sa aking panginoon na hari, Ang lahat na iyong ipinasugo sa iyong lingkod ng una ay aking gagawin: nguni't ang bagay na ito ay hindi ko magagawa. At ang mga sugo ay nagsialis at nagsipagbalik ng salita sa kaniya.

20:10 At si Ben-adad ay nagsugo sa kaniya, at nagsabi, Gawing gayon ng mga dios sa akin, at lalo na kung ang alabok sa Samaria ay magiging sukat na dakutin ng buong bayan na sumusunod sa akin.

20:11 At ang hari sa Israel ay sumagot, at nagsabi, Saysayin ninyo sa kaniya na huwag maghambog ang nagbibigkis ng sakbat na gaya ng naghuhubad.

20:12 At nangyari, nang marinig ni Ben-adad ang pasugong ito, sa paraang siya'y umiinom, siya, at ang mga hari sa mga kulandong, na kaniyang sinabi sa kaniyang mga lingkod, Magsihanay kayo. At sila'y nagsihanay laban sa bayan.

20:13 At, narito, isang propeta ay lumapit kay Achab na hari sa Israel, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Nakita mo ba ang lubhang karamihang ito? narito, aking ibibigay sa iyong kamay sa araw na ito; at iyong makikilala na ako ang Panginoon.

20:14 At sinabi ni Achab, Sa pamamagitan nino? At kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan. Nang magkagayo'y sinabi niya, Sino ang magpapasimula ng pagbabaka? At siya'y sumagot, Ikaw.

20:15 Nang magkagayo'y kaniyang hinusay ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at sila'y dalawang daan at tatlong pu't dalawa; at pagkatapos ay kaniyang pinisan ang buong bayan, ang lahat ng mga anak ni Israel, na may pitong libo.

20:16 At sila'y nagsialis ng katanghaliang tapat. Nguni't si Ben-adad ay umiinom na lango sa mga kulandong, siya, at ang mga hari, na tatlong pu't dalawang hari na nagsisitulong sa kaniya.

20:17 At ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan ay nagsilabas na una; at si Ben-adad ay nagsugo, at isinaysay nila sa kaniya, na sinabi, May mga taong nagsilabas na mula sa Samaria.

20:18 At kaniyang sinabi, Maging sila'y magsilabas sa ikapapayapa, ay hulihin ninyong buhay; o maging sila'y magsilabas sa pakikidigma, ay hulihin ninyong buhay.

20:19 Sa gayo'y ang mga ito ay lumabas sa bayan, ang mga bataan ng mga prinsipe sa mga lalawigan, at ang hukbong sumusunod sa kanila.

20:20 At pinatay ng bawa't isa ang kanikaniyang kalabang lalake; at ang mga taga Siria ay nagsitakas, at hinabol sila ng Israel; at si Ben-adad na hari sa Siria ay tumakas na nakasakay sa isang kabayo na kasama ng mga mangangabayo.

20:21 At ang hari sa Israel ay lumabas, at sinaktan ang mga kabayo at mga karo, at pinatay ang mga taga Siria ng malaking pagpatay.

20:22 At ang propeta ay lumapit sa hari sa Israel, at nagsabi sa kaniya, Ikaw ay yumaon, magpakalakas ka, at iyong tandaan, at tingnan mo kung ano ang iyong ginagawa; sapagka't sa pagpihit ng taon ay aahon ang hari sa Siria laban sa iyo.

20:23 At sinabi ng mga lingkod ng hari sa Siria sa kaniya, Ang kanilang dios ay dios sa mga burol; kaya't sila'y nagsipanaig sa atin: nguni't magsilaban tayo laban sa kanila sa kapatagan, at walang pagsalang tayo'y magiging lalong malakas kay sa kanila.

20:24 At gawin mo ang bagay na ito; alisin mo ang mga hari sa kanikaniyang kalagayan, at maglagay ka ng mga punong kawal na kahalili nila:

20:25 At bumilang ka sa iyo ng isang hukbo, na gaya ng hukbo na iyong ipinahamak, kabayo kung kabayo, at karo kung karo: at tayo'y magsisilaban sa kanila sa kapatagan, at walang pagsalang tayo'y magiging lalong malakas kay sa kanila. At kaniyang dininig ang kanilang tinig at ginawang gayon.

20:26 At nangyari, sa pagpihit ng taon, na hinusay ni Ben-adad ang mga taga Siria at umahon sa Aphec upang lumaban sa Israel.

20:27 At ang mga anak ng Israel ay nangaghusay rin, at nangagbaon, at nagsiyaon laban sa kanila: at ang mga anak ng Israel ay humantong sa harap nila na wari dalawang munting kawang anak ng kambing; nguni't linaganapan ng mga taga Siria ang lupain.

20:28 At isang lalake ng Dios ay lumapit at nagsalita sa hari ng Israel at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sapagka't sinabi ng mga taga Siria, Ang Panginoon ay dios sa mga burol, nguni't hindi siya dios sa mga libis: kaya't aking ibibigay ang buong malaking karamihang ito sa iyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

20:29 At sila'y humantong na ang isa ay tapat sa isa na pitong araw. At nagkagayon, nang sa ikapitong araw, ay sinimulan ang pagbabaka; at ang mga anak ni Israel ay nagsipatay sa mga taga Siria ng isang daang libong nangaglalakad sa isang araw.

20:30 Nguni't ang nangatira ay nagsitakas sa Aphec sa loob ng bayan; at ang kuta ay nabuwal sa dalawang pu't pitong libong lalake na nangatira. At si Ben-adad ay tumakas at pumasok sa bayan, sa isang silid na pinakaloob.

20:31 At sinabi ng kaniyang mga lingkod sa kaniya, Narito, ngayon, aming narinig na ang mga hari sa sangbahayan ng Israel ay maawaing mga hari: isinasamo namin sa iyo na kami ay papagbigkisin ng magaspang na kayo sa aming mga balakang, at mga lubid sa aming mga leeg at labasin namin ang hari ng Israel: marahil, kaniyang ililigtas ang iyong buhay.

20:32 Sa gayo'y nagsipagbigkis sila ng magaspang na kayo sa kanilang mga balakang, at mga lubid sa kanilang mga leeg, at nagsiparoon sa hari ng Israel, at nagsipagsabi, Sinasabi ng iyong lingkod na si Ben-adad, Isinasamo ko sa iyo, na tulutan mong ako'y mabuhay. At sinabi niya, Siya ba'y buhay pa? siya'y aking kapatid.

20:33 Minatyagan ngang maingat ng mga lalake, at nagsipagmadaling hinuli kung sa ano nandoon ang kaniyang pagiisip: at kanilang sinabi, Ang iyong kapatid na si Ben-adad. Nang magkagayo'y sinabi niya, Kayo'y magsiyaon, dalhin ninyo siya sa akin. Nang magkagayo'y nilabas siya ni Ben-adad; at kaniyang pinasampa sa karo.

20:34 At sinabi ni Ben-adad sa kaniya, Ang mga bayan na sinakop ng aking ama sa iyong ama ay aking isasauli; at ikaw ay gagawa sa ganang iyo ng mga lansangan sa Damasco, gaya ng ginawa ng aking ama sa Samaria. At ako, sabi ni Achab, payayaunin kita sa tipang ito. Sa gayo'y nakipagtipan siya sa kaniya, at pinayaon niya siya.

20:35 At isang lalake sa mga anak ng mga propeta ay nagsabi sa kaniyang kasama sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, Isinasamo ko sa iyo na saktan mo ako. At tumanggi ang lalake na saktan niya.

20:36 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniya, Sapagka't hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, narito, pagkahiwalay mo sa akin, ay papatayin ka ng isang leon. At pagkahiwalay niya sa kaniya, ay nasumpungan siya ng isang leon, at pinatay siya.

20:37 Nang magkagayo'y nakasumpong siya ng isang lalake, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na saktan mo ako. At sinaktan siya ng lalake, na sinaktan at sinugatan siya.

20:38 Sa gayo'y umalis ang propeta at hinintay ang hari sa daan, at nagpakunwari na may isang piring sa kaniyang mga mata.

20:39 At pagdadaan ng hari ay kaniyang sinigawan ang hari: at kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay lumabas sa gitna ng pagbabaka; at, narito, isang lalake ay lumihis, at nagdala ng isang lalake sa akin, at nagsabi, Ingatan mo ang lalaking ito: kung sa anomang paraan ay makatanan siya, ang iyo ngang buhay ang mapapalit sa kaniyang buhay, o magbabayad ka kaya ng isang talentong pilak.

20:40 At sa paraang ang iyong lingkod ay may ginagawa rito at doon, siya'y nakaalis. At sinabi ng hari ng Israel sa kaniya, Magiging ganyan ang iyong kahatulan: ikaw rin ang magpasiya.

20:41 At siya'y nagmadali, at inalis niya ang piring sa kaniyang mga mata; at nakilala siya ng hari ng Israel na siya'y isa sa mga propeta.

20:42 At sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sapagka't iyong pinabayaang makatanan sa iyong kamay ang lalake na aking itinalaga sa kamatayan, ang iyo ngang buhay ay papanaw na kapalit ng kaniyang buhay, at ang iyong bayan ng kaniyang bayan.

20:43 At ang hari ng Israel ay umuwi sa kaniyang bahay na yamot at lunos at, naparoon sa Samaria.

21:1 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na si Naboth na Jezreelita ay mayroong isang ubasan na nasa Jezreel, na malapit sa bahay ni Achab na hari ng Samaria.

21:2 At sinalita ni Achab kay Naboth, na sinabi, Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, upang aking tangkilikin na pinaka halamanang pananim, sapagka't malapit sa aking bahay; at aking ipapalit sa iyo na kahalili niyaon ang isang mainam na ubasan kay sa roon; o kung inaakala mong mabuti, aking ibibigay sa iyo ang halaga niyaon na salapi.

21:3 At sinabi ni Naboth kay Achab, Huwag itulot ng Panginoon sa akin, na aking ibigay ang mana sa aking mga magulang sa iyo.

21:4 At pumasok si Achab sa kaniyang bahay na yamot at lunos dahil sa salita na sinalita ni Naboth na Jezreelita sa kaniya: sapagka't kaniyang sinabi, Hindi ko ibibigay sa iyo ang mana sa aking mga magulang. At siya'y nahiga sa kaniyang higaan, at ipinihit ang kaniyang mukha, at ayaw kumain ng tinapay.

21:5 Nguni't si Jezabel na kaniyang asawa ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Bakit ang iyong diwa ay totoong malungkot na hindi ka kumakain ng tinapay?

21:6 At sinabi niya sa kaniya, Sapagka't nagsalita ako kay Naboth na Jezreelita, at nagsabi sa kaniya, Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan sa kahalagahang salapi; o kung dili, kung iyong minamabuti, papalitan ko sa iyo ng ibang ubasan: at siya'y sumagot, Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.

21:7 At sinabi ni Jezabel na kaniyang asawa sa kaniya, Ikaw ba ngayon ang namamahala sa kaharian ng Israel? ikaw ay bumangon, at kumain ng tinapay, at pasayahin mo ang iyong puso: aking ibibigay sa iyo ang ubasan ni Naboth na Jezreelita.

21:8 Sa gayo'y sumulat siya ng mga sulat sa pangalan ni Achab, at pinagtatakan ng kaniyang tatak; at ipinadala ang mga sulat sa mga matanda at sa mga maginoo na nangasa kaniyang bayan, at nagsisitahang kasama ni Naboth.

21:9 At kaniyang isinulat sa mga sulat, na sinasabi, Mangagtanyag kayo ng isang ayuno at ilagay ninyo si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan:

21:10 At lumagay ang dalawang lalake na mga hamak na tao sa harap niya, at mangagsisaksi laban sa kaniya, na magsipagsabi, Ikaw ay namusong sa Dios at sa hari. At ilabas nga siya, at batuhin siya upang siya'y mamatay.

21:11 At ginawa ng mga tao sa kaniyang bayan, sa makatuwid baga'y ng mga matanda at ng mga maginoo na nagsisitahan sa kaniyang bayan, kung ano ang ipinagutos ni Jezabel sa kanila, ayon sa nangasusulat sa mga sulat na kaniyang ipinadala sa kanila.

21:12 Sila'y nangagtanyag ng isang ayuno, at inilagay si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan.

21:13 At ang dalawang lalake na mga hamak na tao ay nagsipasok at nagsiupo sa harap niya: at ang mga lalake na hamak ay nagsisaksi laban sa kaniya, sa makatuwid baga'y laban kay Naboth sa harap ng bayan, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay namusong sa Dios at sa hari. Nang magkagayo'y inilabas nila sa bayan, at binato nila siya ng mga bato, na anopa't siya'y namatay.

21:14 Nang magkagayo'y sila'y nagsipagsugo kay Jezabel, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay.

21:15 At nangyari, nang mabalitaan ni Jezabel na si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay, na sinabi ni Jezabel kay Achab, Ikaw ay bumangon, ariin mo ang ubasan ni Naboth, na Jezreelita na kaniyang ipinagkait na ibigay sa iyo sa halaga ng salapi: sapagka't si Naboth ay hindi buhay, kundi patay.

21:16 At nangyari, nang mabalitaan ni Achab na patay si Naboth, na bumangon si Achab na bumaba sa ubasan ni Naboth na Jezreelita, upang ariin.

21:17 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na nagsabi,

21:18 Bumangon ka, panaugin mong salubungin si Achab na hari ng Israel, na tumatahan sa Samaria: narito, siya'y nasa ubasan ni Naboth na kaniyang pinapanaog upang ariin.

21:19 At iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyo bang pinatay at iyo rin namang inari? at iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa dakong pinaghimuran ng mga aso ng dugo ni Naboth ay hihimuran ng mga aso ang iyong dugo, sa makatuwid baga'y ang iyong dugo.

21:20 At sinabi ni Achab kay Elias, Nasumpungan mo ba ako, Oh aking kaaway? At sumagot siya, Nasumpungan kita: sapagka't ikaw ay napabili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.

21:21 Narito, aking dadalhan ng kasamaan ka, at aking lubos na papalisin ka, at aking ihihiwalay kay Achab ang bawa't anak na lalake, at ang nakukulong at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel.

21:22 At aking gagawin ang iyong sangbahayan na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at gaya ng sangbahayan ni Baasa na anak ni Ahia, dahil sa pamumungkahi na iyong iminungkahi sa akin sa galit, at iyong pinapagkasala ang Israel.

21:23 At tungkol kay Jezabel ay nagsalita naman ang Panginoon, na nagsabi, Lalapain ng mga aso si Jezabel sa tabi ng kuta ng Jezreel.

21:24 Ang mamatay kay Achab sa bayan ay lalapain ng mga aso; at ang mamatay sa parang ay tutukain ng mga ibon sa himpapawid.

21:25 (Nguni't walang gaya ni Achab na nagbili ng kaniyang sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, na hinikayat ni Jezabel na kaniyang asawa.

21:26 At siya'y gumawa ng totoong karumaldumal sa pagsunod sa mga diosdiosan, ayon sa lahat na ginawa ng mga Amorrheo, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.)

21:27 At nangyari, nang marinig ni Achab ang mga salitang yaon, na kaniyang hinapak ang kaniyang mga damit, at nagsuot ng kayong magaspang sa kaniyang katawan, at nagayuno, at nahiga sa kayong magaspang, at lumakad ng marahan.

21:28 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na sinabi,

21:29 Nakita mo ba kung paanong si Achab ay nagpakababa sa harap ko? sapagka't siya'y nagpakababa sa harap ko, hindi ko dadalhin ang kasamaan sa kaniyang mga kaarawan: kundi sa mga kaarawan ng kaniyang anak dadalhin ko ang kasamaan sa kaniyang sangbahayan.

22:1 At sila'y nagpatuloy na tatlong taon na walang pagdidigma ang Siria at ang Israel.

22:2 At nangyari, nang ikatlong taon, na binaba ni Josaphat na hari sa Juda ang hari sa Israel.

22:3 At sinabi ng hari sa Israel sa kaniyang mga lingkod, Di ba talastas ninyo na ang Ramoth-galaad ay atin, at tayo'y tatahimik, at hindi natin aagawin sa kamay ng hari sa Siria?

22:4 At sinabi niya kay Josaphat, Sasama ka ba sa akin sa pagbabaka sa Ramoth-galaad? At sinabi ni Josaphat sa hari sa Israel, Ako'y gaya mo, ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan, ang aking mga kabayo ay gaya ng iyong mga kabayo.

22:5 At sinabi ni Josaphat sa hari sa Israel, Sumangguni ka, isinasamo ko sa iyo, sa salita ng Panginoon ngayon.

22:6 Nang magkagayo'y pinisan ng hari sa Israel ang mga propeta na may apat na raang lalake, at nagsabi sa kanila, Yayaon ba akong laban sa Ramoth-galaad upang bumaka, o uurong ako? At sinabi nila, Umahon ka: sapagka't ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.

22:7 Nguni't sinabi ni Josaphat, Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon upang makapagusisa tayo sa kaniya?

22:8 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, May isa pang lalake na mapaguusisaan natin sa Panginoon, si Micheas na anak ni Imla: nguni't kinapopootan ko siya; sapagka't hindi siya nanghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan. At sinabi ni Josaphat: Huwag sabihing gayon ng hari.

22:9 Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang punong kawal, at nagsabi, Dalhin mo ritong madali si Micheas na anak ni Imla.

22:10 Ang hari nga sa Israel at si Josaphat na hari sa Juda, ay nagsiupo kapuwa sa kanikaniyang luklukan, na nakapanamit hari sa isang hayag na dako sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria; at ang lahat na propeta ay nagsipanghula sa harap nila.

22:11 At si Sedechias na anak ni Chanaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga Siria hanggang sa mangalipol.

22:12 At ang lahat na propeta ay nagsisipanghulang gayon, na nagsisipagsabi, Umahon ka sa Ramoth-galaad, at guminhawa ka: sapagka't ibibigay ng Panginoon sa kamay ng hari.

22:13 At ang sugo na yumaong tumawag kay Micheas ay nagsalita sa kaniya, na nagsasabi, Narito ngayon, ang mga salita ng mga propeta ay mabuti sa hari na magkakaisa: isinasamo ko sa iyo na ang iyong bibig ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng mabuti.

22:14 At sinabi ni Micheas, Buhay ang Panginoon kung ano ang sabihin ng Panginoon sa akin, yaon ang aking sasalitain.

22:15 At nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kaniya, Micheas, paroroon ba kami sa Ramoth-galaad upang bumaka, o uurong kami? At kaniyang isinagot sa kaniya, Ikaw ay yumaon, at guminhawa; at ibibigay ng Panginoon yaon sa kamay ng hari.

22:16 At sinabi ng hari sa kaniya, Makailang manunumpa ako sa iyo, na ikaw ay huwag magsalita ng anoman sa akin, kundi ng katotohanan sa pangalan ng Panginoon?

22:17 At kaniyang sinabi, Aking nakita ang buong Israel na nangangalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastor: at sinabi ng Panginoon, Ang mga ito ay walang panginoon; umuwi ang bawa't lalake sa kaniyang bahay na payapa.

22:18 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Di ba isinaysay ko sa iyo na siya'y hindi manghuhula ng mabuti tungkol sa akin, kundi ng kasamaan?

22:19 At sinabi ni Micheas, Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon: Aking nakita ang Panginoon na nakaupo sa kaniyang luklukan, at ang buong hukbo ng langit ay nakatayo sa siping niya sa kaniyang kanan at sa kaniyang kaliwa.

22:20 At sinabi ng Panginoon, Sinong dadaya kay Achab, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramoth-galaad? At ang isa'y nagsalita ng ganitong paraan; at ang iba'y nagsalita ng gayong paraan.

22:21 At lumabas ang isang espiritu at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, Aking dadayain siya.

22:22 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Paano? At kaniyang sinabi, Ako'y lalabas, at magiging magdarayang espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta. At kaniyang sinabi, Iyong dadayain siya, at mananaig ka rin: lumabas ka, at gawin mong gayon.

22:23 Ngayon nga, narito, inilagay ng Panginoon ang magdarayang espiritu sa bibig ng lahat ng iyong mga propetang ito: at ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.

22:24 Nang magkagayo'y lumapit si Sedechias na anak ni Chanaana, at sinampal si Micheas, at sinabi, Saan nagdaan ang Espiritu ng Panginoon na mula sa akin, upang magsalita sa iyo?

22:25 At sinabi ni Micheas, Narito, iyong makikita sa araw na yaon pagka ikaw ay papasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.

22:26 At sinabi ng hari sa Israel, Kunin mo si Micheas, at ibalik mo kay Amon na tagapamahala ng bayan, at kay Joas na anak ng hari;

22:27 At iyong sabihin, Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ninyo ang taong ito sa bilangguan, at pakanin ninyo siya ng tinapay ng kadalamhatian at ng tubig ng kadalamhatian hanggang sa ako'y dumating na payapa.

22:28 At sinabi ni Micheas, Kung ikaw ay bumalik sa anomang paraan na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko. At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, ninyong mga bayan, ninyong lahat.

22:29 Sa gayo'y ang hari sa Israel, at si Josaphat na hari sa Juda ay nagsiahon sa Ramoth-galaad.

22:30 At sinabi ng hari sa Israel kay Josaphat, Ako'y magpapakunwaring iba, at paroroon sa pagbabaka; nguni't ikaw ay magsuot ng iyong mga balabal-hari. At ang hari ng Israel ay nagpakunwaring iba, at naparoon sa pagbabaka.

22:31 Ang hari nga ng Siria ay nagutos sa tatlong pu't dalawang punong kawal ng kaniyang mga karo, na nagsasabi, Huwag kayong magsilaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari sa Israel.

22:32 At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo si Josaphat na kanilang sinabi, Walang pagsalang hari sa Israel; at sila'y nagsibalik upang magsilaban sa kaniya: at si Josaphat ay humiyaw.

22:33 At nangyari, nang makita ng mga punong kawal ng mga karo na hindi siyang hari sa Israel, na sila'y humiwalay ng paghabol sa kaniya.

22:34 At inihilagpos ng isang lalake ang kaniyang pana sa pagbabakasakali, at tinamaan ang hari sa Israel sa pagitan ng mga pagkakasugpong ng sakbat; kaya't kaniyang sinabi sa nagpapatakbo ng kaniyang karo, Ipihit mo ang iyong kamay, at ihiwalay mo ako sa hukbo; sapagka't ako'y nasugatan ng malubha.

22:35 At ang pagbabaka ay lumala nang araw na yaon; at ang hari ay natigil sa kaniyang karo sa harap ng mga taga Siria, at namatay sa kinahapunan: at ang dugo ay bumuluwak sa sugat sa pinakaloob ng karo.

22:36 At nagkaroon ng hiyawan sa buong hukbo sa may paglubog ng araw, na nagsasabi, Bawa't lalake ay sa kaniyang bayan, at bawa't lalake ay sa kaniyang lupain.

22:37 Sa gayo'y namatay ang hari at dinala sa Samaria; at kanilang inilibing ang hari sa Samaria.

22:38 At kanilang hinugasan ang karo sa tabi ng tangke ng Samaria; at hinimuran ng mga aso ang kaniyang dugo (ang mga masamang babae nga ay nagsipaligo roon;) ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita.

22:39 Ang iba nga sa mga gawa ni Achab, at ang lahat niyang ginawa, at ang bahay na garing na kaniyang itinayo, at ang lahat na bayan na kaniyang itinayo, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?

22:40 Sa gayo'y natulog si Achab na kasama ng kaniyang mga magulang; at si Ochozias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

22:41 At si Josaphat na anak ni Asa ay nagpasimulang maghari sa Juda, nang ikaapat na taon ni Achab na hari sa Israel.

22:42 Si Josaphat ay tatlong pu't limang taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang pu't limang taon sa Jerusalem. At ang pangalan ng kaniyang ina ay Azuba na anak ni Silai.

22:43 At siya'y lumakad ng buong lakad ni Asa na kaniyang ama; hindi siya lumiko sa paggawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon: gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ang bayan ay nagpatuloy na naghahain, at nagsusunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.

22:44 At si Josaphat ay nakipagpayapaan sa hari ng Israel.

22:45 Ang iba nga sa mga gawa ni Josaphat, at ang kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinakita, at kung paanong siya'y nakidigma, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?

22:46 At ang nangalabi sa mga sodomita na nangalabi sa mga kaarawan ng kaniyang ama na si Asa, ay pinaalis niya sa lupain.

22:47 At walang hari sa Edom: isang kinatawan ay hari.

22:48 Si Josaphat ay gumawa ng mga sasakyang dagat sa Tharsis, upang pumaroon sa Ophir dahil sa ginto: nguni't hindi sila nagsiparoon; sapagka't ang mga sasakyan ay nangasira sa Ezion-geber.

22:49 Nang magkagayo'y sinabi ni Ochozias na anak ni Achab kay Josaphat, Magsiyaon ang aking mga lingkod na kasama ng iyong mga lingkod sa mga sasakyan. Nguni't tumanggi si Josaphat.

22:50 At si Josaphat ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David na kaniyang magulang: at si Joram na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

22:51 Si Ochozias na anak ni Achab ay nagpasimulang maghari sa Israel sa Samaria, nang ikalabing pitong taon ni Josaphat na hari sa Juda, at siya'y nagharing dalawang taon sa Israel.

22:52 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa lakad ng kaniyang ama, at sa lakad ng kaniyang ina, at sa lakad ni Jeroboam na anak ni Nabat, na ipinagkasala niya sa Israel.

22:53 At siya'y naglingkod kay Baal, at sumamba sa kaniya, at minungkahi sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang ama.


Next: 2 Kings