1:1 At ang Moab ay nanghimagsik laban sa Israel pagkamatay ni Achab.
1:2 At si Ochozias ay nahulog sa silahia sa kaniyang silid sa itaas na nasa Samaria, at nagkasakit: at siya'y nagsugo ng mga sugo, at nagsabi sa kanila, Kayo ay magsiyaon, usisain ninyo kay Baal-zebub, na dios sa Ecron, kung ako'y gagaling sa sakit na ito.
1:3 Nguni't sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na Thisbita, Ikaw ay bumangon, umahon ka na salubungin mo ang mga sugo ng hari ng Samaria, at sabihin mo sa kanila, Dahil ba sa walang Dios sa Israel, na kaya kayo'y nagsisiyaon upang magsipagusisa kay Baal-zebub na dios sa Ecron?
1:4 Ngayon nga'y ganito ang sabi ng Panginoon, Ikaw ay hindi bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang ikaw ay mamamatay. At si Elias ay umalis.
1:5 At ang mga sugo ay nagsibalik sa kaniya, at sinabi niya sa kanila. Bakit kayo'y nagsibalik?
1:6 At sinabi nila sa kaniya, May umahong isang lalake na sinalubong kami, at sinabi sa amin, Kayo'y magsiyaon, magsibalik kayo sa hari na nagsugo sa inyo, at sabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Dahil ba sa walang Dios sa Israel na kaya ikaw ay nagsusugo upang magusisa kay Baal-zebub na dios sa Ecron? Kaya't hindi ka bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang ikaw ay mamamatay.
1:7 At sinabi niya sa kanila, Anong anyo ng lalaking yaong umahon na sumalubong sa inyo, at nagsaysay sa inyo ng mga salitang ito?
1:8 At sila'y nagsisagot sa kaniya: Siya'y lalaking mabalahibo at nakabigkis ng bigkis na balat ng hayop sa kaniyang mga balakang. At kaniyang sinabi, Siya'y si Elias na Thisbita.
1:9 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari sa kaniya ng isang punong kawal ng lilimangpuin na kasama ang kaniyang limangpu. At inahon niya siya: at, narito, siya'y nakaupo sa taluktok ng burol. At siya'y nagsalita sa kaniya: Oh lalake ng Dios, sinabi ng hari: Bumaba ka.
1:10 At si Elias ay sumagot, at nagsabi sa punong kawal ng lilimangpuin: Kung ako'y lalake ng Dios, bumaba ang apoy na mula sa langit, at sakupin ka at ang iyong limangpu. At bumaba ang apoy na mula sa langit, at sinupok siya at ang kaniyang limangpu.
1:11 At muli siyang nagsugo sa kaniya ng ibang punong kawal ng limangpuin na kasama ang kaniyang limangpu. At siya'y sumagot, at nagsabi sa kaniya: Oh lalake ng Dios, ganito ang sabi ng hari, Bumaba kang madali.
1:12 At si Elias ay sumagot, at nagsabi sa kanila, Kung ako'y lalake ng Dios, bumaba ang apoy na mula sa langit, at supukin ka at ang iyong limangpu. At ang apoy ng Dios ay bumaba na mula sa langit, at sinupok siya at ang kaniyang limangpu.
1:13 At muling siya'y nagsugo ng punong kawal ng ikatlong lilimangpuin na kasama ng kaniyang limangpu. At ang ikatlong punong kawal ng lilimangpuin ay umahon, at naparoon at lumuhod sa harap ni Elias, at namanhik sa kaniya at nagsabi sa kaniya, Oh lalake ng Dios, isinasamo ko sa iyo na ang aking buhay, at ang buhay ng limangpung ito na iyong mga lingkod ay maging mahalaga nawa sa iyong paningin.
1:14 Narito, bumaba ang apoy na mula sa langit, at sinupok ang dalawang unang punong kawal ng lilimangpuin sangpu ng kanilang limalimangpu; nguni't ang aking buhay nga'y maging mahalaga nawa sa iyong paningin.
1:15 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, Bumaba kang kasama niya: huwag kang matakot sa kaniya. At siya'y tumindig, at bumabang kasama niya hanggang sa hari.
1:16 At sinabi niya sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon: Yamang ikaw ay nagsugo ng mga sugo upang magusisa kay Baal-zebub na dios sa Ecron, dahil ba sa walang Dios sa Israel na mapaguusisaan ng kaniyang salita? kaya't hindi ka bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang mamamatay ka.
1:17 Sa gayo'y namatay siya, ayon sa salita ng Panginoon na sinalita ni Elias. At si Joram ay nagpasimulang maghari na kahalili niya nang ikalawang taon ni Joram na anak ni Josaphat na hari sa Juda; sapagka't wala siyang anak.
1:18 Ang iba nga sa mga gawa ni Ochozias na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
2:1 At nangyari, nang isasampa ng Panginoon si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo, na si Elias ay yumaong kasama ni Eliseo mula sa Gilgal.
2:2 At sinabi ni Elias kay Eliseo, Isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito: sapagka't sinugo ako ng Panginoon hanggang sa Beth-el. At sinabi ni Eliseo, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. Sa gayo'y bumaba sila sa Beth-el.
2:3 At nilabas ng mga anak ng mga propeta na nasa Beth-el si Eliseo, at nagsipagsabi sa kaniya, Talastas mo ba na ihihiwalay ng Panginoon ang iyong panginoon sa iyong ulo ngayon? At kaniyang sinabi, Oo, talastas ko; pumayapa kayo.
2:4 At sinabi ni Elias sa kaniya, Eliseo, isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito; sapagka't sinugo ako ng Panginoon sa Jerico. At kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. Sa gayo'y nagsiparoon sila sa Jerico.
2:5 At nagsilapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nangasa Jerico, at nagsipagsabi sa kaniya, Talastas mo ba na ihihiwalay ng Panginoon ang iyong panginoon sa iyong ulo ngayon? At siya'y sumagot, Oo, talastas ko; pumayapa kayo.
2:6 At sinabi ni Elias sa kaniya, Isinasamo ko sa iyo na maghintay ka rito; sapagka't sinugo ako ng Panginoon sa Jordan. At kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. At silang dalawa ay nagsiyaon.
2:7 At limangpu sa mga anak ng mga propeta ay nagsiyaon, at nagsitayo sa tapat nila sa malayo; at silang dalawa ay nagsitayo sa tabi ng Jordan.
2:8 At kinuha ni Elias ang kaniyang balabal, at tiniklop, at hinampas ang tubig, at nahawi dito at doon, na ano pa't silang dalawa'y nagsidaan sa tuyong lupa.
2:9 At nangyari, nang sila'y makatawid, na sinabi ni Elias kay Eliseo, Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako ihiwalay sa iyo. At sinabi ni Eliseo, Isinasamo ko sa iyo, na ang ibayong bahagi ng iyong diwa ay sumaakin.
2:10 At sinabi niya, Ikaw ay humingi ng mabigat na bagay: gayon ma'y kung makita mo ako pagka ako'y inihiwalay sa iyo, magiging gayon sa iyo; nguni't kung hindi ay hindi magiging gayon.
2:11 At nangyari, samantalang sila'y nagpapatuloy, at nagsasalitaan, na narito, napakita ang isang karong apoy, at mga kabayong apoy, na naghiwalay sa kanila kapuwa; at si Elias ay sumampa sa langit sa pamamagitan ng isang ipoipo.
2:12 At nakita ni Eliseo, at siya'y sumigaw. Ama ko, ama ko, mga karo ng Israel at mga mangangabayo niyaon! At hindi na niya nakita siya: at kaniyang hinawakan ang kaniyang sariling kasuutan, at hinapak ng dalawang hati.
2:13 Kinuha rin niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kaniya, at siya'y bumalik, at tumayo sa tabi ng pangpang ng Jordan.
2:14 At kaniyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kaniya, at hinampas ang tubig, at sinabi, Saan nandoon ang Panginoon, ang Dios ni Elias? at nang kaniyang mahampas naman ang tubig, ay nahawi dito at doon: at si Eliseo ay tumawid.
2:15 At nang makita siya ng mga anak ng mga propeta na nangasa Jerico sa tapat niya, ay kanilang sinabi, Ang diwa ni Elias ay sumasa kay Eliseo. At sila'y nagsiyaon na sinalubong siya, at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa harap niya.
2:16 At kanilang sinabi sa kaniya, Narito ngayon, sa iyong mga lingkod ay may limangpung malalakas na lalake; isinasamo namin sa iyo na payaunin mo sila, at hanapin ang inyong panginoon, baka sakaling itinaas ng Espiritu ng Panginoon, at inihagis sa isang bundok, o sa isang libis. At kaniyang sinabi, Huwag kayong magsipagsugo.
2:17 At nang kanilang pilitin siya hanggang sa siya'y mapahiya, at kaniyang sinabi, Magsipagsugo kayo. Sila'y nagsipagsugo nga ng limangpung lalake, at hinanap nilang tatlong araw, nguni't hindi nasumpungan siya.
2:18 At sila'y nagsibalik sa kaniya, samantalang siya'y naghihintay sa Jerico; at kaniyang sinabi sa kanila, Di ba sinabi ko sa inyo: Huwag kayong magsiyaon?
2:19 At sinabi ng mga lalake sa bayan kay Eliseo: Tingnan mo, isinasamo namin sa iyo, na ang kalagayan ng bayang ito ay maligaya, gaya ng nakikita ng aking panginoon: nguni't ang tubig ay masama, at ang lupa ay nagpapalagas ng bunga.
2:20 At kaniyang sinabi, Dalhan ninyo ako ng isang bagong banga, at sidlan ninyo ng asin. At kanilang dinala sa kaniya.
2:21 At siya'y naparoon sa bukal ng tubig, at hinagisan niya ng asin, at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Aking pinabuti ang tubig na ito; hindi na magkakaroon mula rito ng kamatayan pa o pagkalagas ng bunga.
2:22 Sa gayo'y bumuti ang tubig hanggang sa araw na ito, ayon sa salita ni Eliseo na kaniyang sinalita.
2:23 At siya'y umahon sa Beth-el mula roon: at samantalang siya'y umaahon sa daan, may nagsilabas sa bayan na mga bata, at tinuya siya, at sinabi nila sa kaniya, Umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo; umahon ka, ikaw na kalbo ang ulo.
2:24 At siya'y lumingon sa likuran niya, at nangakita niya, at sinumpa niya sila sa pangalan ng Panginoon. At doo'y lumabas ang dalawang osong babae sa gubat, at lumapa ng apat na pu't dalawang bata sa kanila.
2:25 At siya'y naparoon sa bundok ng Carmelo mula roon, at mula roo'y bumalik siya sa Samaria.
3:1 Si Joram nga na anak ni Achab ay nagpasimulang maghari sa Israel sa Samaria nang ikalabing walong taon ni Josaphat na hari sa Juda, at nagharing labing dalawang taon.
3:2 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; nguni't hindi gaya ng kaniyang ama, at ng kaniyang ina: sapagka't kaniyang inalis ang haligi na pinakaalaala kay Baal na ginawa ng kaniyang ama.
3:3 Gayon ma'y lumakip siya sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na ipinagkasala niya sa Israel; hindi niya hiniwalayan.
3:4 Si Mesa nga na hari sa Moab ay may mga tupa; at siya'y nagbubuwis sa hari sa Israel ng balahibo ng isang daang libong kordero at ng isang daang libong lalaking tupa.
3:5 Nguni't nangyari nang mamatay si Achab, na ang hari sa Moab ay nanghimagsik laban sa hari sa Israel.
3:6 At ang haring Joram ay lumabas sa Samaria nang panahong yaon, at hinusay ang buong Israel.
3:7 At siya'y yumaon, at nagsugo kay Josaphat na hari sa Juda, na nagsasabi, Ang hari sa Moab ay nanghimagsik laban sa akin: yayaong ka ba na kasama ko laban sa Moab upang bumaka? At kaniyang sinabi, Ako'y aahon: ako'y gaya mo, ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan, ang aking mga kabayo ay gaya ng iyong mga kabayo.
3:8 At kaniyang sinabi, Sa aling daan magsisiahon tayo? At siya'y sumagot, Sa daan ng ilang ng Edom.
3:9 Sa gayo'y yumaon ang hari sa Israel, at ang hari sa Juda, at ang hari sa Edom: at sila'y nagsiligid ng pitong araw na paglalakbay; at walang tubig para sa hukbo, o sa mga hayop man na nagsisisunod sa kanila.
3:10 At sinabi ng hari sa Israel, Sa aba natin! sapagka't tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito na magkakasama upang ibigay sa kamay ng Moab.
3:11 Nguni't sinabi ni Josaphat, Wala ba ritong isang propeta ng Panginoon, upang tayo'y makapagusisa sa Panginoon sa pamamagitan niya? At isa sa mga lingkod ng hari sa Israel ay sumagot, at nagsabi, Si Eliseo na anak ni Saphat ay nandito na nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias.
3:12 At sinabi ni Josaphat, Ang salita ng Panginoon ay sumasa kaniya. Sa gayo'y binaba siya ng hari sa Israel, at ni Josaphat at ng hari sa Edom.
3:13 At sinabi ni Eliseo sa hari sa Israel, Anong ipakikialam ko sa iyo? pumaroon ka sa mga propeta ng iyong ama, at sa mga propeta ng iyong ina. At sinabi ng hari sa Israel sa kaniya, Hindi; sapagka't tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito na magkakasama upang ibigay sila sa kamay ng Moab.
3:14 At sinabi ni Eliseo, Buhay ang Panginoon ng mga hukbo, na nakatayo ako sa harap niya, tunay na kung wala akong pagtingin sa harap ni Josaphat na hari sa Juda, hindi kita lilingapin, ni titingnan man.
3:15 Nguni't ngayo'y dalhan ninyo ako ng isang manunugtog. At nangyari, nang ang manunugtog ay tumugtog, na ang kamay ng Panginoon ay suma kaniya.
3:16 At kaniyang sinabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Punuin ninyo ang libis na ito ng mga hukay.
3:17 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y hindi makakakita ng hangin, ni kayo'y makakakita man ng ulan; gayon ma'y ang libis na yaon ay mapupuno ng tubig, at kayo'y iinom, kayo at gayon din ang inyong mga baka, at ang inyong mga hayop.
3:18 At ito'y isang bagay na magaan sa paningin ng Panginoon: kaniya rin namang ibibigay ang mga Moabita sa inyong kamay.
3:19 At inyong sasaktan ang bawa't bayang nakukutaan, at ang bawa't piling bayan, at inyong ibubuwal ang bawa't mabuting punong kahoy, at inyong patitigilin ang lahat na bukal ng tubig, at inyong sisirain ng mga bato ang bawa't mabuting bahagi ng lupain.
3:20 At nangyari, sa kinaumagahan, sa may panahon ng paghahandog ng alay, na, narito, humuho ang tubig sa daan ng Edom, at ang lupain ay napuno ng tubig.
3:21 Nang mabalitaan nga ng lahat na Moabita na ang mga hari ay nagsiahon upang magsilaban sa kanila, ay nagpipisan silang lahat na makapagsasakbat ng sandata at hanggang sa katandatandaan, at nagsitayo sa hangganan.
3:22 At sila'y nagsibangong maaga nang kinaumagahan, at ang araw ay suminag sa tubig, at nakita ng mga Moabita ang tubig sa tapat nila na mapulang gaya ng dugo: at kanilang sinabi,
3:23 Ito'y dugo; ang mga hari ay walang pagsalang lipol, at sinaktan ng bawa't isa sa kanila ang kaniyang kasama: ngayon nga, Moab, sa pagsamsam.
3:24 At nang sila'y dumating sa kampamento ng Israel, ang mga taga Israel ay nagsitindig, at sinaktan ang mga Moabita, na anopa't sila'y tumakas sa harap nila; at sila'y nagpatuloy sa lupain na sinasaktan ang mga Moabita.
3:25 At kanilang giniba ang mga bayan at sa bawa't mabuting bahagi ng lupain ay naghagis ang bawa't tao ng kaniyang bato, at pinuno; at kanilang pinatigil ang lahat ng bukal ng tubig, at ibinuwal ang lahat na mabuting punong kahoy, hanggang sa Cir-hareseth lamang nagiwan ng mga bato niyaon; gayon ma'y kinubkob ng mga manghihilagpos, at sinaktan.
3:26 At nang makita ng hari sa Moab na ang pagbabaka ay totoong malala sa ganang kaniya ay nagsama siya ng pitong daang lalake na nagsisihawak ng tabak, upang dumaluhong sa hari sa Edom: nguni't hindi nila nagawa.
3:27 Nang magkagayo'y kinuha niya ang kaniyang pinaka matandang anak na maghahari sana na kahalili niya, at inihandog niya na pinakahandog na susunugin sa ibabaw ng kuta. At nagkaroon ng malaking galit laban sa Israel: at kanilang nilisan siya, at bumalik sa kanilang sariling lupain.
4:1 Sumigaw nga kay Eliseo ang isang babae na isa sa mga asawa ng mga anak ng mga propeta, na nagsasabi, Ang iyong lingkod na aking asawa ay patay na: at iyong talastas na ang iyong lingkod ay natakot sa Panginoon: at ang pinagkautangan ay naparito upang kuning alipinin niya ang aking dalawang anak.
4:2 At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Anong gagawin ko sa iyo? saysayin mo sa akin; anong mayroon ka sa bahay? At sinabi niya, Ang iyong lingkod ay walang anomang bagay sa bahay liban sa isang palyok na langis.
4:3 Nang magkagayo'y sinabi niya, Ikaw ay yumaon, manghiram ka ng mga sisidlan sa labas sa lahat ng iyong mga kapitbahay, sa makatuwid baga'y ng mga walang lamang sisidlan; huwag kang manghiram ng kaunti.
4:4 At ikaw ay papasok, at ikaw at ang iyong mga anak ay magsasara ng pintuan, at iyong ibubuhos ang langis sa lahat ng sisidlang yaon; at iyong itatabi ang mapuno.
4:5 Sa gayo'y nilisan niya siya, at siya at ang kaniyang mga anak ay nagsara ng pintuan; kanilang dinala ang mga sisidlan sa kaniya, at kaniyang pinagbuhusan.
4:6 At nangyari, nang mapuno ang mga sisidlan, na kaniyang sinabi sa kaniyang anak, Dalhan mo pa ako ng isang sisidlan. At sinabi niya sa kaniya: Wala pang sisidlan. At ang langis ay tumigil.
4:7 Nang magkagayo'y naparoon siya, at kaniyang isinaysay sa lalake ng Dios. At kaniyang sinabi, ikaw ay yumaon, ipagbili mo ang langis, at bayaran mo ang iyong utang, at mabuhay ka at ang iyong mga anak sa nalabi.
4:8 At nangyari, isang araw na si Eliseo ay nagdaan sa Sunem, na kinaroroonan ng isang dakilang babae; at pinilit siya niya na kumain ng tinapay. At nagkagayon, na sa tuwing siya'y daraan doon ay lumiliko roon upang kumain ng tinapay.
4:9 At sinabi niya sa kaniyang asawa, Narito ngayon, aking nahahalata na ito'y isang banal na lalake ng Dios na nagdadaan sa ating palagi.
4:10 Isinasamo ko sa iyo na tayo'y gumawa ng isang maliit na silid sa pader; at ating ipaglagay siya roon ng isang higaan, at ng isang dulang, at ng isang upuan, at ng isang kandelero: at mangyayari, pagka siya'y dumarating sa atin, na siya'y papasok doon.
4:11 At nangyari, isang araw, na siya'y dumating doon, at siya'y lumiko na pumasok sa silid, at nahiga roon.
4:12 At sinabi niya kay Giezi na kaniyang lingkod, Tawagin mo ang Sunamitang ito. At nang matawag niya, siya'y tumayo sa harap niya.
4:13 At sinabi niya sa kaniya, Sabihin mo ngayon sa kaniya, Narito, ikaw ay naging maingat sa amin ng buong pagiingat na ito; ano nga ang magagawa sa iyo? ibig mo bang ipakiusap kita sa hari, o sa punong kawal ng hukbo? At siya'y sumagot, Ako'y tumatahan sa gitna ng aking sariling bayan.
4:14 At kaniyang sinabi, Ano nga ang magagawa sa kaniya? At sumagot si Giezi. Katotohanang siya'y walang anak, at ang kaniyang asawa ay matanda na.
4:15 At kaniyang sinabi, Tawagin siya. At nang kaniyang tawagin siya, siya'y tumayo sa pintuan.
4:16 At kaniyang sinabi, Sa panahong ito, pagpihit ng panahon, ikaw ang kakalong ng isang anak na lalake. At kaniyang sinabi, Hindi panginoon ko, ikaw na lalake ng Dios huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod.
4:17 At ang babae ay naglihi, at nanganak ng isang lalake nang panahong yaon, nang ang panahon ay makapihit gaya ng sinabi ni Eliseo sa kaniya.
4:18 At nang lumaki ang bata ay nangyari, isang araw, nang siya'y umalis na patungo sa kaniyang ama, sa mga manggagapas.
4:19 At kaniyang sinabi sa kaniyang ama, Ulo ko, ulo ko. At sinabi niya sa kaniyang bataan, Dalhin mo siya sa kaniyang ina.
4:20 At nang kaniyang makuha siya at dalhin siya sa kaniyang ina, siya'y umupo sa kaniyang tuhod hanggang sa katanghaliang tapat, at nang magkagayo'y namatay.
4:21 At siya'y pumanhik at inihiga siya sa higaan ng lalake ng Dios, at pinagsarhan niya ng pintuan siya, at lumabas.
4:22 At kaniyang dinaingan ang kaniyang asawa, at nagsabi, Isinasamo ko sa iyo na iyong suguin sa akin ang isa sa iyong mga bataan, at ang isa sa mga asno, upang aking takbuhin ang lalake ng Dios, at bumalik uli.
4:23 At kaniyang sinabi, Bakit paroroon ka sa kaniya ngayon? hindi bagong buwan o sabbath man. At kaniyang sinabi, Magiging mabuti.
4:24 Nang magkagayo'y siniyahan niya ang isang asno, at nagsabi sa kaniyang bataan, Ikaw ay magpatakbo, at magpatuloy; huwag mong pahinain ang pagpapatakbo sa akin, malibang sabihin ko sa iyo.
4:25 Sa gayo'y yumaon siya at naparoon sa lalake ng Dios sa bundok ng Carmelo. At nangyari, nang makita siya ng lalake ng Dios sa malayo, na kaniyang sinabi kay Giezi na kaniyang lingkod, Narito, nandoon ang Sunamita:
4:26 Tumakbo ka, isinasamo ko sa iyo ngayon, na salubungin siya, at iyong sabihin sa kaniya, Mabuti ka ba? mabuti ba ang iyong asawa? mabuti ba ang bata? At siya'y sumagot, Mabuti.
4:27 At nang siya'y dumating sa lalake ng Dios sa burol, siya'y humawak sa kaniyang mga paa. At lumapit si Giezi upang ihiwalay siya; nguni't sinabi ng lalake ng Dios: Bayaan siya; sapagka't siya'y namamanglaw; at inilihim ng Panginoon sa akin, at hindi isinaysay sa akin.
4:28 Nang magkagayo'y sinabi niya, Ako ba'y humiling ng isang anak sa aking panginoon? di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain?
4:29 Nang magkagayo'y sinabi niya kay Giezi, Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at tangnan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at yumaon ka ng iyong lakad: kung ikaw ay makasasalubong ng sinomang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinoman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin: at ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata.
4:30 At sinabi ng ina ng bata, Buhay ang Panginoon, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi kita iiwan. At siya'y tumindig, at sumunod sa kaniya.
4:31 At si Giezi ay nagpauna sa kanila, at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; nguni't wala kahit tinig, o pakinig man. Kaya't siya'y bumalik na sinalubong siya, at nagsaysay sa kaniya, na nagsabi, Ang bata'y hindi magising.
4:32 At nang si Eliseo ay dumating sa bahay, narito, ang bata'y patay, at nakahiga sa kaniyang higaan.
4:33 Siya'y pumasok nga at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at dumalangin sa Panginoon.
4:34 At siya'y sumampa, at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kaniyang bibig sa bibig niya, at ang kaniyang mga mata sa mga mata niya, at ang kaniyang mga kamay sa mga kamay niya: at siya'y dumapa sa kaniya; at ang laman ng bata ay uminit.
4:35 Nang magkagayo'y bumalik siya, at lumakad sa bahay na paroo't parito na minsan; at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya: at ang bata'y nagbahing makapito, at idinilat ng bata ang kaniyang mga mata.
4:36 At tinawag niya si Giezi, at sinabi, Tawagin mo ang Sunamitang ito. Sa gayo'y tinawag niya siya. At nang siya'y pumaroon sa kaniya, sinabi niya, Kalungin mo ang iyong anak.
4:37 Nang magkagayo'y pumasok siya at nagpatirapa sa kaniyang mga paa, at yumukod sa lupa; at kinalong niya ang kaniyang anak, at umalis.
4:38 At si Eliseo ay bumalik sa Gilgal: at may kagutom sa lupain; at ang mga anak ng mga propeta ay nangakaupo sa harap niya: at sinabi niya sa kaniyang lingkod: Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng lutuin ang mga anak ng mga propeta.
4:39 At ang isa ay lumabas sa bukid upang manguha ng mga gugulayin, at nakasumpong ng isang baging gubat, at namitas doon ng mga kalabasang gubat na ang kaniyang kandungan ay napuno, at bumalik at pinagputolputol sa palayok ng lutuin: sapagka't hindi nila nalalaman.
4:40 Sa gayo'y kanilang ibinuhos para sa mga tao upang kanin. At nangyari, samantalang sila'y nagsisikain ng lutuin, na sila'y nagsisigaw, at nagsipagsabi, Oh lalake ng Dios, may kamatayan sa palayok. At hindi nakain yaon.
4:41 Nguni't kaniyang sinabi, Magdala nga rito ng harina. At kaniyang isinilid sa palayok; at kaniyang sinabi, Ibuhos ninyo para sa bayan, upang sila'y makakain. At wala nang makasasama sa palayok.
4:42 At dumating ang isang lalake na mula sa Baal-salisa, at nagdala sa lalake ng Dios ng tinapay ng mga unang bunga, na dalawang pung tinapay na sebada, at mga murang uhay ng trigo na nangasa kaniyang bayong. At kaniyang sinabi, Ibigay mo sa bayan, upang kanilang makain.
4:43 At sinabi ng kaniyang lingkod: Ano, ilalapag ko ba ito sa harap ng isang daang tao? Nguni't kaniyang sinabi, Ibigay sa bayan upang kanilang makain; sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Sila'y kakain, at magtitira niyaon.
4:44 Sa gayo'y inilapag niya sa harap nila, at sila'y nagsikain, at nagsipagtira niyaon, ayon sa salita ng Panginoon.
5:1 Si Naaman nga, na punong kawal ng hukbo ng hari sa Siria, ay dakilang lalake sa kaniyang panginoon, at marangal, sapagka't sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria: siya rin nama'y malakas na lalake na may tapang, nguni't may ketong.
5:2 At ang mga taga Siria ay nagsilabas na mga pulupulutong, at nagdala ng bihag na mula sa lupain ng Israel na isang dalagita; at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.
5:3 At sinabi niya sa kaniyang babaing panginoon. Mano nawa ang aking panginoon ay humarap sa propeta na nasa Samaria! kung magkagayo'y pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.
5:4 At pumasok ang isa, at isinaysay sa kaniyang panginoon, na sinasabi, Ganito't ganito ang sabi ng dalagita na nagmula sa lupain ng Israel.
5:5 At sinabi ng hari sa Siria, Yumaon ka, yumaon ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari sa Israel. At siya'y yumaon, at nagdala siya ng sangpung talentong pilak, at anim na libong putol na ginto, at sangpung pangpalit na bihisan.
5:6 At kaniyang dinala ang sulat sa hari sa Israel, na sinasabi, At pagka nga dumating sa iyo ang sulat na ito, ay talastasin mo na aking sinugo si Naaman na aking lingkod sa iyo, upang iyong pagalingin siya sa kaniyang ketong.
5:7 At nangyari, nang mabasa ng hari sa Israel ang sulat, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot at nagsabi, Ako ba'y Dios upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ito sa kaniyang ketong? nguni't talastasin mo, isinasamo ko sa iyo, at tingnan mo kung paanong siya'y humahanap ng dahilan laban sa akin.
5:8 At nagkagayon, nang mabalitaan ni Eliseo na lalake ng Dios na hinapak ng hari sa Israel ang kaniyang suot, na siya'y nagsugo sa hari, na nagsabi: Bakit mo hinapak ang iyong mga kasuutan? paparituhin mo siya sa akin, at kaniyang malalaman na may isang propeta sa Israel.
5:9 Sa gayo'y naparoon si Naaman na dala ang kaniyang mga kabayo at ang kaniyang mga karo, at tumayo sa pintuan ng bahay ni Eliseo.
5:10 At si Eliseo ay nagsugo ng sugo sa kaniya, na nagsasabi, ikaw ay yumaon, at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis.
5:11 Nguni't si Naaman ay naginit, at umalis, at nagsabi, Narito, aking inakalang, walang pagsalang lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, at pagagalawgalawin ang kaniyang kamay sa kinaroroonan, at mapapawi ang ketong.
5:12 Hindi ba ang Abana at ang Pharphar, na mga ilog ng Damasco, ay mainam kay sa lahat ng tubig sa Israel? hindi ba ako makapaliligo sa mga yaon, at maging malinis? Sa gayo'y pumihit siya at umalis sa paginit.
5:13 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsilapit, at nagsipagsalita sa kaniya, at nagsabi, Ama ko, kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis?
5:14 Nang magkagayo'y lumusong siya at sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Dios: at ang kaniyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.
5:15 At siya'y bumalik sa lalake ng Dios, siya at ang buong pulutong niya, at naparoon, at tumayo sa harap niya: at siya'y nagsabi, Narito ngayon, aking talastas na walang Dios sa buong lupa, kundi sa Israel: isinasamo ko ngayon sa iyo na tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.
5:16 Nguni't kaniyang sinabi, Buhay ang Panginoon, na nakatayo ako sa harap niya, wala akong tatanggapin. At ipinilit niya sa kaniyang kunin; nguni't siya'y tumanggi.
5:17 At sinabi ni Naaman, Kung hindi, isinasamo ko pa sa iyo, na bigyan ko ang iyong lingkod ng lupang mapapasan ng dalawang mula; sapagka't ang iyong lingkod buhat ngayon ay hindi maghahandog ng handog na susunugin o hain man sa ibang mga dios, kundi sa Panginoon.
5:18 Sa bagay na ito'y patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod, pagka ang aking panginoon ay pumasok sa bahay ni Rimmon upang sumamba roon, at siya'y umagapay sa aking kamay, at ako'y yumukod sa bahay ni Rimmon, pagyukod ko sa bahay ni Rimmon, na patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod sa bagay na ito.
5:19 At sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay yumaong payapa. Sa gayo'y nilisan niya siya ng may aguwat na kaunti.
5:20 Nguni't si Giezi, na lingkod ni Eliseo na lalake ng Dios, ay nagsabi, Narito, pinalagpas ng aking panginoon ang Naamang ito na taga Siria, sa di pagtanggap sa kaniyang mga kamay ng kaniyang dala; buhay ang Panginoon, tatakbuhin ko siya, at kukuha ako ng anoman sa kaniya.
5:21 Sa gayo'y sinundan ni Giezi si Naaman, at nang makita ni Naaman na isa'y humahabol sa kaniya, siya'y bumaba sa karo na sinalubong niya, at sinabi, Lahat ba'y mabuti?
5:22 At kaniyang sinabi, Lahat ay mabuti. Sinugo ako ng aking panginoon, na sinabi, Narito, dumating sa akin ngayon mula sa lupaing maburol ng Ephraim ang dalawang binata sa mga anak ng mga propeta: isinasamo ko sa iyo na bigyan mo sila ng isang talentong pilak, at dalawang pangpalit na bihisan.
5:23 At sinabi ni Naaman, Matuwa ka, kunin mo ang dalawang talento. At ipinilit niya sa kaniya, at ibinalot ang dalawang talentong pilak sa dalawang supot, sangpu ng dalawang pangpalit na bihisan, at mga ipinasan sa dalawa sa kaniyang mga bataan; at dinala nila sa unahan niya.
5:24 At nang siya'y dumating sa burol, kinuha niya sa kanilang kamay, at itinago niya sa bahay: at pinayaon niya ang mga lalake, at sila'y nagsiyaon.
5:25 Nguni't siya'y pumasok at tumayo sa harap ng kaniyang panginoon. At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Saan ka nanggaling Giezi? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay walang pinaroonan.
5:26 At kaniyang sinabi, Hindi ba sumasa iyo ang aking puso nang ang lalake ay bumalik mula sa kaniyang karo na sinasalubong ka? panahon ba ng pagtanggap ng salapi, at pagtanggap ng bihisan, at ng mga olibohan, at ng mga ubasan, at ng mga tupa, at ng mga baka, at ng mga aliping lalake at babae?
5:27 Ang ketong nga ni Naaman ay kakapit sa iyo, at sa iyong binhi magpakailan man. At siya'y umalis sa kaniyang harapan na may ketong na kasingputi ng niebe.
6:1 At sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, Narito ngayon, ang dakong aming kinatitirahan sa harap mo ay totoong gipit sa ganang amin.
6:2 Isinasamo namin sa iyo na kami ay paparoonin sa Jordan, at kumuha roon ang bawa't isa ng sikang, at gumawa kami para sa amin ng isang dako roon, na aming matatahanan. At siya'y sumagot, Magsiyaon kayo.
6:3 At sinabi ng isa, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay matuwa, at yumaon na kasama ng iyong mga lingkod. At siya'y sumagot, Ako'y yayaon.
6:4 Sa gayo'y yumaon siyang kasama nila. At nang sila'y dumating sa Jordan, sila'y nagsiputol ng kahoy.
6:5 Nguni't samantalang ang isa'y pumuputol ng isang sikang, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig: at siya'y sumigaw, at nagsabi, Sa aba ko, panginoon ko! sapagka't hiram.
6:6 At sinabi ng lalake ng Dios, Saan nalaglag? At itinuro niya sa kaniya ang dako. At siya'y pumutol ng isang patpat, at inihagis doon, at pinalutang ang bakal.
6:7 At kaniyang sinabi, Kunin mo. Sa gayo'y kaniyang iniunat ang kaniyang kamay, at kinuha.
6:8 Ang hari nga sa Siria ay nakipagdigma sa Israel; at siya'y kumuhang payo sa kaniyang mga lingkod, na nagsasabi, Sa gayo't gayong dako malalagay ang aking kampamento.
6:9 At ang lalake ng Dios ay nagsugo sa hari sa Israel, na nagsasabi, Magingat ka na huwag dumaan sa dakong yaon; sapagka't doo'y lumulusong ang mga taga Siria.
6:10 At nagsugo ang hari sa Israel sa dakong isinaysay sa kaniya ng lalake ng Dios at ipinagpauna sa kaniya; at siya'y lumigtas doon, na hindi miminsan o mamakalawa.
6:11 At ang puso ng hari sa Siria ay nabagabag na mainam dahil sa bagay na ito; at kaniyang tinawag ang kaniyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, Hindi ba ninyo ipakikilala sa akin kung sino sa atin ang sa hari sa Israel?
6:12 At sinabi ng isa sa kaniyang mga lingkod, Hindi panginoon ko, Oh hari: kundi si Eliseo, na propeta na nasa Israel, ay nagsaysay sa hari sa Israel ng mga salita na iyong sinalita sa iyong silid na tulugan.
6:13 At kaniyang sinabi, Ikaw ay yumaon at tingnan mo kung saan siya nandoon, upang ako'y makapagpasundo at dalhin siya. At nasaysay sa kaniya, na sinabi, Narito, siya'y nasa Dothan.
6:14 Kaya't siya'y nagsugo roon ng mga kabayo at mga karo, at ng isang malaking hukbo: at sila'y naparoon sa gabi, at kinubkob ang bayan sa palibot.
6:15 At nang ang lingkod ng lalake ng Dios ay magbangong maaga, at maglabas, narito, isang hukbo na may mga kabayo at mga karo ay nakalibot sa bayan. At ang kaniyang lingkod ay nagsabi sa kaniya, Sa aba natin, panginoon ko! paano ang ating gagawin?
6:16 At siya'y sumagot, Huwag kang matakot: sapagka't ang sumasaatin ay higit kay sa sumasa kanila.
6:17 At si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na idilat ang kaniyang mga mata, upang siya'y makakita. At idinilat ng Panginoon ang mga mata ng binata; at siya'y nakakita, at narito, ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karo ng apoy sa palibot ni Eliseo.
6:18 At nang kanilang lusungin siya, ay nanalangin si Eliseo sa Panginoon, at nagsabi, Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang bayang ito. At kaniyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo.
6:19 At sinabi ni Eliseo sa kanila, Hindi ito ang daan, o ang bayan man: sumunod kayo sa akin, at dadalhin ko kayo sa lalake na inyong hinahanap. At kaniyang pinatnubayan sila hanggang sa Samaria.
6:20 At nangyari, nang sila'y magsidating sa Samaria, na sinabi ni Eliseo, Panginoon, idilat mo ang mga mata ng mga lalaking ito, upang sila'y makakita. At idinilat ng Panginoon ang kanilang mga mata, at sila'y nangakakita; at, narito, sila'y nangasa gitna ng Samaria.
6:21 At sinabi ng hari sa Israel kay Eliseo, nang makita niya sila, Ama ko, sasaktan ko ba sila? sasaktan ko ba sila?
6:22 At siya'y sumagot. Huwag mong sasaktan sila; sasaktan mo ba ang iyong binihag ng iyong tabak at ng iyong busog? maghain ka ng tinapay at tubig sa harap nila, upang kanilang makain at mainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon.
6:23 At ipinaghanda niya ng malaking pagkain sila: at nang sila'y makakain at makainom, kaniyang pinayaon sila, at sila'y nagsiparoon sa kanilang panginoon. At ang pulutong ng Siria ay hindi na naparoon pa sa lupain ng Israel.
6:24 At nangyari, pagkatapos nito, na pinisan ni Ben-adad na hari sa Siria, ang buo niyang hukbo, at umahon, at kinubkob ang Samaria.
6:25 At nagkaroon ng malaking kagutom sa Samaria: at, narito, kanilang kinubkob, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay naipagbili ng walong pung putol na pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati ay ng limang putol na pilak.
6:26 At pagdaraan sa kuta ng hari sa Israel, humiyaw ang isang babae sa kaniya, na nagsasabi, Saklolo, panginoon ko, Oh hari.
6:27 At kaniyang sinabi, Kung hindi ka saklolohan ng Panginoon, sa ano kita sasaklolohan sa giikan ba, o sa ubasan.
6:28 At sinabi ng hari sa kaniya, Anong nangyayari sa iyo? At siya'y sumagot, Sinabi ng babaing ito sa akin, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya ngayon, at kakanin natin ang anak ko bukas.
6:29 Sa gayo'y pinakuluan namin ang anak ko, at kinain namin siya: at sinabi ko sa kaniya sa sumunod na araw, Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya; at kaniyang ikinubli ang kaniyang anak.
6:30 At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot (nagdadaan nga siya sa kuta;) at ang bayan ay tumingin, at, narito, siya'y may magaspang na damit sa loob sa kaniyang katawan.
6:31 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Gawing gayon ng Dios sa akin, at lalo na, kung ang ulo ni Eliseo, na anak ni Saphat ay matira sa kaniya sa araw na ito.
6:32 Nguni't si Eliseo ay nakaupo sa kaniyang bahay, at ang mga matanda ay nagsiupo na kasama niya; at ang hari ay nagsugo ng isang lalake na mula sa harap niya: nguni't bago dumating ang sugo sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa mga matanda, Hindi ba ninyo nakita kung paanong ang anak na ito ng isang mamamatay tao ay nagsugo sa akin na alisin ang aking ulo? masdan ninyo, pagdating ng sugo, sarhan ninyo ang pintuan, at itulak ninyo ang pinto laban sa kaniya: di ba ang ingay ng mga paa ng kaniyang panginoon sa likod niya?
6:33 At samantalang siya'y nakikipagusap sa kanila, narito, nilusong siya ng sugo: at kaniyang sinabi, Narito, ang kasamaang ito'y mula sa Panginoon; bakit pa ako maghihintay sa Panginoon?
7:1 At sinabi ni Eliseo, Dinggin ninyo ang salita ng Panginoon, ganito ang sabi ng Panginoon: Bukas sa may ganitong oras, ang isang takal ng mainam na harina ay maipagbibili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada ay ng dalawang siklo, sa pintuang-bayan ng Samaria.
7:2 Nang magkagayo'y ang punong kawal na pinangangapitan ng hari ay sumagot sa lalaki ng Dios, at nagsabi, Narito, kung ang Panginoo'y gagawa ng mga dungawan sa langit, mangyayari ba ito? At kaniyang sinabi, Narito, makikita mo yaon ng iyong mga mata, nguni't hindi ka kakain niyaon.
7:3 Mayroon ngang apat na may ketong sa pasukan ng pintuang-bayan: at sila'y nagsangusapan. Bakit nauupo tayo rito hanggang sa tayo'y mamatay?
7:4 Kung ating sabihin, Tayo'y magsisipasok sa bayan, ang kagutom nga'y nasa bayan, at tayo'y mamamatay roon: at kung tayo'y magsisitigil ng pagkaupo rito, tayo'y mamamatay rin. Ngayon nga'y halina, at tayo'y lumapit sa hukbo ng mga taga Siria: kung tayo'y iligtas nilang buhay, tayo'y mabubuhay; at kung tayo'y patayin nila, mamamatay lamang tayo.
7:5 At sila'y nagsitindig pagtatakip silim, upang magsiparoon sa kampamento ng mga taga Siria: at nang sila'y magsidating sa pinakamalapit na bahagi ng kampamento ng mga taga Siria, narito, walang tao roon.
7:6 Sapagka't ipinarinig ng Panginoon sa hukbo ng mga taga Siria ang hugong ng mga karo, at ang huni ng mga kabayo, sa makatuwid baga'y ang hugong ng malaking hukbo: at sila'y nagsangusapan. Narito, inupahan ng hari ng Israel laban sa atin ang mga hari ng mga Hetheo, at ang mga hari ng mga taga Egipto, upang magsidaluhong sa atin.
7:7 Kaya't sila'y nagsitindig, at nagsitakas sa pagtatakip silim, at iniwan ang kanilang mga tolda, at ang kanilang mga kabayo, at ang kanilang mga asno, at ang buong kampamento, na gaya ng dati, at nagsitakas dahil sa kanilang buhay.
7:8 At nang ang mga may ketong na ito'y magsidating sa pinakamalapit na bahagi ng kampamento, sila'y nagsipasok sa isang tolda, at nagsikain at nagsiinom, at nagsipagdala mula roon ng pilak, at ng ginto, at ng bihisan, at nagsiyaon at itinago; at sila'y bumalik, at pumasok sa ibang tolda, at nagdala rin mula roon, at nagsiyaon at itinago.
7:9 Nang magkagayo'y nagsangusapan sila. Hindi mabuti ang ginagawa natin: ang araw na ito ay araw ng mabubuting balita, at tayo'y tumatahimik: kung tayo'y magsipaghintay ng hanggang sa pagliliwayway sa kinaumagahan, parusa ang aabot sa atin: ngayon nga'y halina, tayo'y magsiyaon at ating saysayin sa sangbahayan ng hari.
7:10 Sa gayo'y nagsiparoon sila, at nagsitawag sa tagatanod-pinto ng bayan: at kanilang isinaysay sa kanila, na sinasabi, Kami ay nagsiparoon sa kampamento ng mga taga Siria, at, narito, walang lalake roon ni tinig man ng lalake, kundi mga nakataling kabayo, at mga asnong nangakatali, at ang mga tolda na gaya ng dati.
7:11 At tinawag niya ang mga tagatanod-pinto; at kanilang sinaysay sa sangbahayan ng hari sa loob.
7:12 At ang hari ay bumangon sa gabi, at nagsabi sa kaniyang mga lingkod, Ipakikita ko sa inyo ngayon kung ano ang ginawa ng mga taga Siria sa atin. Kanilang talastas na tayo'y gutom; kaya't sila'y nagsilabas ng kampamento upang magsipangubli sa parang, na nagsasabi, Pagka sila'y nagsilabas sa bayan, ating kukunin silang buhay at papasok tayo sa bayan.
7:13 At isa sa kaniyang mga lingkod ay sumagot, at nagsabi, Isinasamo ko sa inyo na kunin ng ilan ang lima sa mga kabayong nalabi, na natira sa bayan (narito, sila'y gaya ng buong karamihan ng Israel na natira roon; narito, sila'y gaya ng buong karamihan ng Israel na nalipol:) at tayo'y magsugo at ating tingnan.
7:14 Sila nga'y nagsikuha ng dalawang karo na may mga kabayo; at ang hari ay nagsugo na pinasundan ang hukbo ng mga taga Siria, na nagsabi, Kayo ay yumaon at tingnan ninyo.
7:15 At kanilang sinundan sila hanggang sa Jordan; at, narito, ang buong daa'y puno ng mga kasuutan at ng mga kasangkapan na mga inihagis ng mga taga Siria sa kanilang pagmamadali. At ang mga sugo ay nagsibalik at nagsaysay sa hari.
7:16 At ang bayan ay lumabas, at sinamsaman ang kampamento ng mga taga Siria. Sa gayo'y ang takal ng mainam na harina ay naipagbili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada ay isang siklo, ayon sa salita ng Panginoon.
7:17 At inihabilin ng hari sa punong kawal na pinangangapitan niya, ang katungkulan sa pintuang-bayan: at niyapakan siya ng bayan sa pintuang-bayan, at siya'y namatay na gaya ng sinabi ng lalake ng Dios, na nagsalita nang lusungin siya ng hari.
7:18 At nangyari, gaya ng sinabi ng lalake ng Dios sa hari, na sinasabi, Ang dalawang takal ng sebada ay maipagbibili isang siklo, at ang isang takal ng mainam na harina ay isang siklo, mangyayari bukas sa may ganitong oras sa pintuang-bayan ng Samaria;
7:19 At ang punong kawal na yaon ay sumagot sa lalake ng Dios, at nagsabi, Ngayon, narito, kung ang Panginoon ay gagawa ng mga dungawan sa langit, mangyayari ba ang gayong bagay? At kaniyang sinabi, Narito, makikita mo yaon ng iyong mga mata, nguni't hindi ka kakain niyaon:
7:20 Nangyari ngang gayon sa kaniya; sapagka't niyapakan siya ng bayan sa pintuang-bayan, at siya'y namatay.
8:1 Nagsalita nga si Eliseo sa babae, na ang anak ay kaniyang sinaulian ng buhay, na sinasabi, Ikaw ay bumangon at yumaon ka at ang iyong sangbahayan, at mangibang bayan ka kung saan ka makakapangibang bayan: sapagka't nagtalaga ang Panginoon ng kagutom; at magtatagal naman sa lupain na pitong taon.
8:2 At ang babae ay bumangon, at ginawa ang ayon sa sinalita ng lalake ng Dios: at siya'y yumaon na kasama ng kaniyang sangbahayan, at nangibang bayan sa lupain ng mga Filisteo na pitong taon.
8:3 At nangyari, sa katapusan ng ikapitong taon, na ang babae ay bumalik na mula sa lupain ng mga Filisteo: at siya'y lumabas upang dumaing sa hari dahil sa kaniyang bahay at dahil sa kaniyang lupain.
8:4 Ang hari nga'y nakipagusap kay Giezi na lingkod ng lalake ng Dios, na sinasabi, Isinasamo ko sa iyo, na saysayin mo sa akin ang lahat na mga dakilang bagay na ginawa ni Eliseo.
8:5 At nangyari, samantalang kaniyang sinasaysay sa hari kung paanong kaniyang isinauli ang buhay niyaon na patay, na narito, ang babae, na ang anak ay kaniyang sinaulian ng buhay, ay dumaing sa hari dahil sa kaniyang bahay at dahil sa kaniyang lupain. At sinabi ni Giezi, Panginoon ko, Oh hari, ito ang babae, at ito ang kaniyang anak na sinaulian ng buhay ni Eliseo.
8:6 At nang tanungin ng hari ang babae, sinaysay niya sa kaniya. Sa gayo'y hinalalan ng hari siya ng isang pinuno, na sinasabi, Isauli mo ang lahat ng kaniya, at ang lahat ng bunga ng bukid mula nang araw na kaniyang iwan ang lupain, hanggang ngayon.
8:7 At si Eliseo ay naparoon sa Damasco; at si Ben-adad na hari sa Siria ay may sakit: at nasaysay sa kaniya, na sinabi, Ang lalake ng Dios ay naparito.
8:8 At sinabi ng hari kay Hazael, Magdala ka ng isang kaloob sa iyong kamay, at yumaon kang salubungin mo ang lalake ng Dios, at magusisa ka sa Panginoon sa pamamagitan niya, na magsabi, Gagaling ba ako sa sakit na ito?
8:9 Sa gayo'y naparoon na sinalubong siya ni Hazael, at nagdala siya ng kaloob, ng bawa't mabuting bagay sa Damasco, na apat na pung pasang kamelyo at naparoon at tumayo sa harap niya, at nagsabi, Sinugo ako sa iyo ng anak mong si Ben-adad na hari sa Siria, na sinasabi, Gagaling ba ako sa sakit na ito?
8:10 At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Ikaw ay yumaon, sabihin mo sa kaniya, Walang pagsalang ikaw ay gagaling? gayon ma'y ipinakilala sa akin ng Panginoon na siya'y walang pagsalang mamamatay.
8:11 At kaniyang itinitig ang kaniyang mukha, hanggang sa siya'y napahiya: at ang lalake ng Dios ay umiyak.
8:12 At sinabi ni Hazael, Bakit umiyak ang panginoon ko? At siya'y sumagot, Sapagka't talastas ko ang kasamaan na iyong gagawin sa mga anak ni Israel: ang kanilang mga katibayan ay iyong sisilaban ng apoy, at ang kanilang mga binata ay iyong papatayin ng tabak, at mga pagpuputol-putulin ang kanilang mga bata, at iyong paluluwain ang bituka ng mga babaing buntis.
8:13 At sinabi ni Hazael, Nguni't ano ang iyong lingkod na isang aso lamang na kaniyang gagawin ang dakilang bagay na ito? At sumagot si Eliseo, Ipinakilala sa akin ng Panginoon, na ikaw ay magiging hari sa Siria.
8:14 Nang magkagayo'y nilisan niya si Eliseo, at naparoon sa kaniyang panginoon; na nagsabi sa kaniya, Ano ang sabi ni Eliseo sa iyo? At siya'y sumagot, Kaniyang sinaysay sa akin na walang pagsalang ikaw ay gagaling.
8:15 At nangyari, nang kinabukasan, na kaniyang kinuha ang munting kumot at binasa sa tubig, at iniladlad sa kaniyang mukha, na anopa't siya'y namatay: at si Hazael ay naghari na kahalili niya.
8:16 At nang ikalimang taon ni Joram na anak ni Achab na hari sa Israel, noong si Josaphat ay hari sa Juda, ay nagpasimulang maghari si Joram na anak ni Josaphat na hari sa Juda.
8:17 Tatlongpu't dalawang taon ang gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing walong taon sa Jerusalem.
8:18 At siya'y lumakad ng lakad ng mga hari sa Israel, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab: sapagka't ang anak ni Achab ay kaniyang asawa: at siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon.
8:19 Gayon ma'y hindi giniba ng Panginoon ang Juda, dahil kay David na kaniyang lingkod gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya na bibigyan siya ng isang ilawan sa ganang kaniyang mga anak magpakailan man.
8:20 Sa kaniyang mga kaarawan ay nanghimagsik ang Edom na humiwalay sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ng Juda, at naghalal sila ng hari sa kanila.
8:21 Nang magkagayo'y nagdaan si Joram sa Seir, at ang lahat niyang mga karo na kasama niya: at siya'y bumangon sa gabi, at sinaktan ang mga Edomeo na kumubkob sa kaniya, at ang mga punong kawal ng mga karo; at ang bayan ay tumakas sa kanilang mga tolda.
8:22 Sa gayo'y nanghimagsik ang Edom sa kamay ng Juda, hanggang sa araw na ito. Nang magkagayo'y nanghimagsik ang Libna nang panahon ding yaon.
8:23 At ang iba sa mga gawa ni Joram, at ang lahat niyang ginawa di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
8:24 At si Joram ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Ochozias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
8:25 Nang ikalabing dalawang taon ni Joram na anak ni Achab na hari sa Israel ay nagpasimulang maghari si Ochozias na anak ni Joram na hari sa Juda.
8:26 May dalawangpu't dalawang taon si Ochozias nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing isang taon sa Jerusalem. At ang pangalan ng kaniyang ina ay Athalia na anak ni Omri na hari sa Israel.
8:27 At siya'y lumakad ng lakad ng sangbahayan ni Achab; at gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab: sapagka't siya'y manugang sa sangbahayan ni Achab.
8:28 At siya'y yumaong kasama ni Joram na anak ni Achab upang makipagdigma laban kay Hazael na hari sa Siria sa Ramoth-galaad: at sinugatan ng mga taga Siria si Joram.
8:29 At ang haring Joram ay bumalik upang magpagaling sa Jezreel, ng mga sugat na isinugat sa kaniya ng mga taga Siria sa Ramoth nang siya'y lumaban kay Hazael na hari sa Siria. At si Ochozias na anak ni Joram na hari sa Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Achab sa Jezreel, sapagka't siya'y nasugatan.
9:1 At tinawag ni Eliseo na propeta ang isa sa mga anak ng mga propeta at nagsabi sa kaniya, Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang sisidlang ito ng langis sa iyong kamay, at pumaroon ka sa Ramoth-galaad.
9:2 At pagdating mo roon, hanapin mo roon si Jehu na anak ni Josaphat na anak ni Nimsi, at iyong pasukin at patayuin mo sa gitna ng kaniyang mga kapatid, at dalhin mo siya sa isang silid sa loob.
9:3 Kung magkagayo'y kunin mo ang sisidlan ng langis, at ibuhos mo sa kaniyang ulo, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinahiran kita upang maging hari sa Israel. Kung magkagayo'y buksan mo ang pintuan, at ikaw ay tumakas at huwag kang maghintay.
9:4 Sa gayon ang binata, sa makatuwid baga'y ang binatang propeta, ay naparoon sa Ramoth-galaad.
9:5 At nang siya'y dumating, narito; ang mga punong kawal ng hukbo ay nangakaupo: at kaniyang sinabi, Ako'y may isang sadya sa iyo, Oh punong kawal. At sinabi ni Jehu, Sa alin sa aming lahat? At kaniyang sinabi, Sa iyo, Oh punong kawal.
9:6 At siya'y tumindig at pumasok sa bahay, at kaniyang ibinuhos ang langis sa kaniyang ulo, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel. Aking pinahiran ka upang maging hari sa bayan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y sa Israel.
9:7 At iyong sasaktan ang sangbahayan ni Achab na iyong panginoon, upang aking ipaghiganti ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat na lingkod ng Panginoon sa kamay ni Jezabel.
9:8 Sapagka't ang buong sangbahayan ni Achab ay malilipol: at aking ihihiwalay kay Achab ang bawa't batang lalake, at ang nakulong at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel.
9:9 At aking gagawin ang sangbahayan ni Achab na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at gaya ng sangbahayan ni Baasa na anak ni Ahia.
9:10 At lalapain ng mga aso si Jezabel sa putol ng lupa ni Jezreel, at walang maglilibing sa kaniya. At kaniyang binuksan ang pintuan, at tumakas.
9:11 Nang magkagayon, nilabas ni Jehu ang mga lingkod ng kaniyang panginoon: at sinabi ng isa sa kaniya, Lahat ba'y mabuti? bakit naparito ang ulol na taong ito sa iyo? At sinabi niya sa kanila, Inyong kilala ang lalake at ang kaniyang pananalita.
9:12 At kanilang sinabi, Kabulaanan nga; saysayin mo sa amin ngayon. At kaniyang sinabi, Ganito't ganito ang sinalita niya sa akin, na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Pinahiran kita ng langis upang maging hari sa Israel.
9:13 Nang magkagayo'y sila'y nangagmadali, at kinuha ng bawa't isa ang kaniyang kasuutan, at inilagay sa ilalim niya sa ibabaw ng hagdan, at humihip ng pakakak, na nagsasabi, Si Jehu ay hari.
9:14 Ganito, si Jehu na anak ni Josaphat, na anak ni Nimsi, nanghimagsik laban kay Joram. (Iningatan nga ni Joram ang Ramoth-galaad niya at ng buong Israel, dahil kay Hazael na hari sa Siria;
9:15 Nguni't bumalik ang haring Joram upang magpagaling sa Jezreel ng mga sugat na isinugat sa kaniya ng mga taga Siria, nang siya'y lumaban kay Hazael na hari sa Siria.) At sinabi ni Jehu, Kung ito ang inyong isipan, huwag tumanan ang sinoman at lumabas sa bayan, upang yumaon na saysayin sa Jezreel.
9:16 Sa gayo'y sumakay si Jehu sa karo at naparoon sa Jezreel; sapagka't si Joram ay nahihiga roon. At si Ochozias na hari sa Juda ay bumaba upang tingnan si Joram.
9:17 Ang tagatanod nga ay tumayo sa moog sa Jezreel, at kaniyang tinanaw ang pulutong ni Jehu habang dumarating siya, at nagsabi, Ako'y nakakakita ng isang pulutong. At sinabi ni Joram, Kumuha ka ng isang mangangabayo, at iyong suguin na salubungin sila, at magsabi, Kapayapaan ba?
9:18 Sa gayo'y naparoon ang isa na nangangabayo na sinalubong siya, at nagsabi, Ganito ang sabi ng hari, Kapayapaan ba? At sinabi ni Jehu, Anong ipakikialam mo sa kapayapaan? bumalik kang kasunod ko. At isinaysay ng tagatanod, na sinasabi, Ang sugo ay dumating sa kanila, nguni't siya'y hindi bumabalik.
9:19 Nang magkagayo'y nagsugo ng ikalawa na nangangabayo na dumating sa kanila, at nagsabi, Ganito ang sabi ng hari, Kapayapaan ba? At sumagot si Jehu, Ano ang iyong ipakikialam sa kapayapaan? bumalik kang kasunod ko.
9:20 At isinaysay ng tagatanod, na sinasabi, Siya'y dumating hanggang sa kanila, at hindi bumabalik: at ang pagpapatakbo ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu, na anak ni Nimsi; sapagka't siya'y nagpapatakbo na magilas.
9:21 At sinabi ni Joram, Magsingkaw. At kanilang isiningkaw ang kaniyang karo. At si Joram na hari sa Israel at si Ochozias na hari sa Juda ay nagsilabas, bawa't isa sa kaniyang karo, at sila'y nagsilabas upang salubungin si Jehu, at nasumpungan nila siya sa putol ng lupa ni Naboth na Jezreelita.
9:22 At nangyari, nang makita ni Joram si Jehu, na kaniyang sinabi, Kapayapaan ba Jehu? At siya'y sumagot. Anong kapayapaan, habang ang mga pakikiapid ng iyong inang si Jezabel at ang kaniyang panggagaway ay totoong lumalala?
9:23 At ipinihit ni Joram ang kaniyang mga kamay, at tumakas, at nagsabi kay Ochozias. May paglililo, Oh Ochozias.
9:24 At binunot ni Jehu ang kaniyang busog ng kaniyang buong lakas, at sinaktan si Joram sa pagitan ng kaniyang mga balikat, at ang pana ay lumagpas sa kaniyang puso, at siya'y nabuwal sa kaniyang karo.
9:25 Nang magkagayo'y sinabi ni Jehu kay Bidkar na kaniyang punong kawal: Itaas mo, at ihagis mo sa bahagi ng bukid ni Naboth na Jezreelita: sapagka't alalahanin mo kung paanong ako't ikaw ay sumakay na magkasama na kasunod ni Achab na kaniyang ama, na ipinasan ng Panginoon ang pasang ito sa kaniya;
9:26 Tunay na aking nakita kahapon ang dugo ni Naboth, at ang dugo ng kaniyang mga anak, sabi ng Panginoon; at aking sisiyasatin sa iyo sa panig na ito, sabi ng Panginoon. Ngayon nga'y kunin mo, at ihagis mo sa panig ng lupa, ayon sa salita ng Panginoon.
9:27 Nguni't nang makita ito ni Ochozias na hari sa Juda, siya'y tumakas sa daan ng bahay sa halamanan. At si Jehu ay sumunod sa kaniya, at nagsabi, Saktan mo rin siya sa karo: at sinaktan nila siya sa ahunan sa Gur, na nasa siping ng Ibleam. At siya'y tumakas na napatungo sa Megiddo, at namatay roon.
9:28 At dinala siya ng kaniyang mga lingkod sa isang karo sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang libingan na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David.
9:29 At nang ikalabing isang taon ni Joram na anak ni Achab ay nagpasimulang maghari si Ochozias sa Juda.
9:30 At nang si Jehu ay dumating sa Jezreel nabalitaan ni Jezabel; at kaniyang kinulayan ang kaniyang mga mata, at ginayakan ang kaniyang ulo, at dumungaw sa dungawan.
9:31 At samantalang si Jehu ay pumapasok sa pintuang-bayan, kaniyang sinabi, Kapayapaan ba ikaw Zimri, ikaw na mamamatay sa iyong Panginoon?
9:32 At kaniyang itiningala ang kaniyang mukha sa dungawan, at nagsabi, Sino ang sa ganang akin? sino? At dinungaw siya ng dalawa o tatlong bating.
9:33 At kaniyang sinabi, Ibagsak ninyo siya. Sa gayo'y ibinagsak nila siya: at ang iba sa kaniyang dugo ay pumilansik sa pader, at sa mga kabayo: at siya'y kaniyang niyapakan ng paa.
9:34 At pagkapasok niya, siya'y kumain at uminom; at kaniyang sinabi, Tingnan ninyo ngayon ang sinumpang babaing ito, at ilibing ninyo siya: sapagka't anak ng hari.
9:35 At sila'y nagsiyaon upang ilibing siya: nguni't wala na silang nasumpungan sa kaniya kundi ang bungo, at ang mga paa, at ang mga palad ng kaniyang mga kamay.
9:36 Kaya't sila'y nagsibalik, at isinaysay sa kaniya. At kaniyang sinabi, Ito ang salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias na Thisbita, na sinasabi, Sa bahagi ng Jezreel kakanin ng mga aso ang laman ni Jezabel:
9:37 At ang bangkay ni Jezabel ay magiging gaya ng dumi na itinapon sa ibabaw ng bukid sa bahagi ng Jezreel; na anopa't hindi nila sasabihin, Ito'y si Jezabel.
10:1 Si Achab nga'y may pitong pung anak sa Samaria. At sumulat si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa makatuwid baga'y sa mga matanda, at sa kanila na tagapagalaga sa mga anak ni Achab, na nagsasabi,
10:2 At pagdating nga ng sulat na ito sa inyo, sa paraang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karo at mga kabayo, at bayan na nakukutaan naman, at sakbat;
10:3 Piliin ninyo ang pinaka mainam at ang pinaka marapat sa mga anak ng inyong panginoon, at iupo ninyo sa luklukan ng kaniyang ama, at ipakipaglaban ang sangbahayan ng inyong panginoon.
10:4 Nguni't sila'y natakot na mainam, at nagsabi, Narito, ang dalawang hari ay hindi nagsitayo sa harap niya: paano ngang tayo'y tatayo?
10:5 At ang katiwala, at ang tagapamahala ng bayan, gayon din ang mga matanda, at ang mga tagapagalaga sa mga bata, ay nagsipagsugo kay Jehu, na nagsisipagsabi, Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat na iyong iuutos sa amin; hindi namin gagawing hari ang sinoman; gawin mo ang mabuti sa iyong mga mata.
10:6 Nang magkagayo'y sumulat siya ng isang sulat na ikalawa sa kanila, na nagsasabi, Kung kayo'y sasa aking siping, at kung inyong didinggin ang aking tinig, kunin ninyo ang mga ulo ng mga lalake na mga anak ng inyong panginoon, at magsiparito kayo sa akin sa Jezreel sa kinabukasan sa may ganitong panahon. Ang mga anak nga ng hari, yamang pitong pung katao ay nangasa kasamahan ng mga dakilang tao sa bayan, na nagalaga sa kanila.
10:7 At nangyari, nang ang sulat ay dumating sa kanila, na kanilang kinuha ang mga anak ng hari, at pinagpapatay sila, pitongpung katao, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga batulang na ipinadala sa kaniya sa Jezreel.
10:8 At dumating ang isang sugo, at isinaysay sa kaniya, na sinasabi, Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari. At kaniyang sinabi, Inyong ihanay ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan.
10:9 At nangyari, sa kinaumagahan, na siya'y lumabas, at tumayo, at nagsabi sa buong bayan, Kayo'y mga matuwid: narito, aking pinagbantaan ang aking panginoon, at pinatay siya, nguni't sinong sumakit sa lahat ng ito?
10:10 Talastasin ninyo ngayon na walang mahuhulog sa lupa sa salita ng Panginoon, na sinalita ng Panginoon tungkol sa sangbahayan ni Achab: sapagka't ginawa ng Panginoon ang kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias.
10:11 Sa gayo'y sinaktan ni Jehu ang lahat na nalabi sa sangbahayan ni Achab sa Jezreel, at ang lahat niyang dakilang tao, at ang kaniyang mga kasamasamang kaibigan, at ang kaniyang mga saserdote, hanggang sa wala siyang inilabi.
10:12 At siya'y nagtindig at yumaon, at naparoon sa Samaria. At samantalang siya'y nasa pagupitang-bahay ng mga pastor sa daan,
10:13 Ay nasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Ochozias na hari sa Juda, at sinabi, Sino kayo? At sila'y nagsisagot, Kami ay mga kapatid ni Ochozias: at kami ay nagsilusong upang magsibati sa mga anak ng hari at mga anak ng reina.
10:14 At kaniyang sinabi, Hulihin ninyo silang buhay. At hinuli nila silang buhay, at pinatay sa hukay ng pagupitang-bahay, sa makatuwid baga'y apat na pu't dalawang lalake; hindi nagiwan ng sinoman sa kanila.
10:15 At nang siya'y makayaon mula roon, kaniyang nasumpungan si Jonadab na anak ni Rechab na sumasalubong sa kaniya: at kaniyang binati siya, at nagsabi sa kaniya, Ang iyo bang puso ay tapat, na gaya ng aking puso sa iyong puso? At sumagot si Jonadab, Tapat. Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay. At iniabot niya sa kaniya ang kaniyang kamay; at isinampa niya siya sa loob ng karo.
10:16 At kaniyang sinabi, Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sikap sa Panginoon. Sa gayo'y kanilang pinasakay sila sa kaniyang karo.
10:17 At nang siya'y dumating sa Samaria, kaniyang sinaktan ang lahat na nalabi kay Achab sa Samaria, hanggang sa kaniyang naibuwal siya, ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita kay Elias.
10:18 At pinisan ni Jehu ang buong bayan, at sinabi sa kanila, Si Achab ay naglingkod kay Baal ng kaunti: nguni't si Jehu ay maglilingkod sa kaniya ng marami.
10:19 Ngayon nga'y tawagin ninyo sa akin ang lahat na propeta ni Baal, ang lahat niyang mananamba, at ang lahat niyang mga saserdote; huwag may magkulang; sapagka't mayroon akong dakilang haing gagawin kay Baal; sinomang magkulang ay hindi mabubuhay. Nguni't ginawa ni Jehu na may katusuhan, na ang nasa ay kaniyang malipol ang mga mananamba kay Baal.
10:20 At sinabi ni Jehu, Magdaos kayo ng isang dakilang kapulungan kay Baal. At kanilang itinanyag yaon.
10:21 At nagsugo si Jehu sa buong Israel, at ang lahat ng mananamba kay Baal ay nagsiparoon, na anopa't walang naiwan na hindi naparoon. At sila'y nagsipasok sa bahay ni Baal; at ang bahay ni Baal ay napuno sa magkabikabilang dulo.
10:22 At sinabi niya sa kaniya na katiwala sa bihisang-silid, Ilabas mo ang mga kasuutang para sa lahat na mananamba kay Baal. At nilabasan niya sila ng mga kasuutan.
10:23 At si Jehu, at si Jonadab na anak ni Rechab, ay pumasok sa bahay ni Baal; at kaniyang sinabi sa mga mananamba kay Baal, Kayo'y magsihanap, at magsipagmasid kayo na huwag magkaroon sa kasamahan ninyo ng mga lingkod ng Panginoon, kundi mga mananamba kay Baal lamang.
10:24 At sila'y nagsipasok na nangaghandog ng mga hain at ng mga handog na susunugin. Si Jehu nga ay naghalal para sa kaniya ng walongpung lalake sa labas, at nagsabi, Kung sinoman sa mga lalake na aking dalhin sa inyong mga kamay ay makatanan ang buhay ng nagpakawala ay isasagot sa buhay niyaon.
10:25 At nangyari, pagkatapos niyang makapaghandog ng mga handog na susunugin, na sinabi ni Jehu sa bantay at sa mga punong kawal, Kayo'y magsipasok at inyo silang patayin; huwag makalabas ang sinoman. At sinaktan nila sila ng talim ng tabak; at inihagis sila sa labas ng bantay, at ng mga punong kawal, at nagsiparoon sa bayan ng bahay ni Baal.
10:26 At kanilang inilabas ang mga haligi na pinakaalaala na nasa bahay ni Baal, at pinagsunog.
10:27 At kanilang sinira ang haligi na pinakaalaala kay Baal, at sinira ang bahay ni Baal, at ginawang bahay na tapunan ng dumi, hanggang sa araw na ito.
10:28 Ganito ibinuwal ni Jehu si Baal, sa Israel.
10:29 Gayon ma'y ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang pinapagkasala sa Israel, hindi mga hiniwalayan ni Jehu, sa makatuwid baga'y ang pagsunod sa mga guyang ginto na nangasa Beth-el, at nangasa Dan.
10:30 At sinabi ng Panginoon kay Jehu, Sapagka't ikaw ay gumawa ng mabuti sa paggawa ng matuwid sa harap ng aking mga mata, at iyong ginawa sa sangbahayan ni Achab ang ayon sa nasa aking buong puso, ang iyong mga anak sa ikaapat na lahi ay uupo sa luklukan ng Israel.
10:31 Nguni't si Jehu ay hindi nagingat na lumakad sa kautusan ng Panginoon, na Dios ng Israel, ng kaniyang buong puso: siya'y hindi humiwalay sa mga kasalanan ni Jeroboam, na kaniyang ipinagkasala sa Israel.
10:32 Nang mga araw na yaon ay pinasimulan ng Panginoon na pinaikli ang Israel: at sinaktan sila ni Hazael sa lahat ng mga hangganan ng Israel;
10:33 Mula sa Jordan, hanggang sa silanganan, ang buong lupain ng Galaad, ang mga Gadita, at ang mga Rubenita at ang mga Manasita, mula sa Aroer, na nasa siping ng libis ng Arnon, hanggang sa Galaad at Basan.
10:34 Ang iba nga sa mga gawa ni Jehu, at ang lahat niyang ginawa, at ang buo niyang kapangyarihan, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
10:35 At si Jehu ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang: at inilibing nila siya sa Samaria. At si Joachaz na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
10:36 At ang panahon na ipinaghari ni Jehu sa Israel sa Samaria ay dalawangpu't walong taon.
11:1 Nang makita nga ni Athalia na ina ni Ochozias na ang kaniyang anak ay patay, siya'y tumindig at nilipol ang lahat na lahing hari.
11:2 Nguni't kinuha ni Josaba, na anak na babae ng haring Joram, na kapatid na babae ni Ochozias, si Joas na anak ni Ochozias, at kinuhang lihim siya sa gitna ng mga anak ng hari na nangapatay, siya, at ang kaniyang yaya, at inilagay sila sa silid na tulugan; at kaniyang ikinubli siya kay Athalia, na anopa't siya'y hindi napatay.
11:3 At siya'y nakakubling kasama niya sa bahay ng Panginoon na anim na taon: at si Athalia ay naghari sa lupain.
11:4 At nang ikapitong taon, si Joiada ay nagsugo, at kinuha ang mga punong kawal ng dadaanin, sa mga Cariteo, at sa bantay, at ipinagsama niya sa bahay ng Panginoon; at siya'y nakipagtipan sa kanila, at pinasumpa sila sa bahay ng Panginoon, at ipinakita sa kanila ang anak ng hari;
11:5 At kaniyang iniutos sa kanila, na sinasabi, ito ang bagay na inyong gagawin: ang ikatlong bahagi ninyo na papasok sa sabbath ay magiging bantay sa bahay ng hari;
11:6 At ang ikatlong bahagi ay malalagay sa pintuang-bayan ng Sur; at ang ikatlong bahagi ay sa pintuang-bayan sa likod ng bantay: gayon kayo magbabantay sa bahay, at magiging hadlang.
11:7 At ang dalawang pulutong ninyo, sa makatuwid baga'y ang lahat na nagsilabas sa sabbath, ay magbabantay ng bahay ng Panginoon sa palibot ng hari.
11:8 At inyong kukulungin ang hari sa palibot, na bawa't isa'y may dalang kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay; at ang pumasok sa hanay, patayin: at kayo'y magsiabay sa hari pagka siya'y lumalabas, at pagka siya'y pumapasok.
11:9 At ginawa ng mga punong kawal ng dadaanin ang ayon sa lahat na iniutos ni Joiada na saserdote: at kinuha ng bawa't lalake ang kaniyang mga lalake, yaong nagsisipasok sa sabbath na kasama ng mga nagsisilabas sa sabbath, at nagsiparoon kay Joiada na saserdote.
11:10 At ibinigay ng saserdote sa mga punong kawal ng dadaanin ang mga sibat at ang mga kalasag na naging sa haring David, na nangasa bahay ng Panginoon.
11:11 At ang bantay ay tumayo, bawa't isa'y may kaniyang mga sandata sa kaniyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa siping ng dambana at ng bahay, sa siping ng hari sa palibot.
11:12 Nang magkagayo'y inilabas niya ang anak ng hari, at inilagay niya ang putong sa kaniya, at binigyan siya ng patotoo; at ginawa nila siyang hari, at pinahiran siya ng langis; at kanilang ipinakpak ang kanilang mga kamay, at nagsipagsabi, Mabuhay ang hari.
11:13 At nang marinig ni Athalia ang ingay ng bantay at ng bayan, ay naparoon siya sa bayan sa loob ng bahay ng Panginoon.
11:14 At siya'y tumingin, at, narito, ang hari ay nakatayo sa siping ng haligi ayon sa kaugalian, at ang mga punong kawal at ang mga pakakak sa siping ng hari; at ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at humihip ng mga pakakak. Nang magkagayo'y hinapak ni Athalia ang kaniyang kasuutan, at humiyaw Paglililo! paglililo!
11:15 At si Joiada na saserdote ay nagutos sa mga punong kawal ng dadaanin na nalalagay sa hukbo, at nagsabi sa kanila, Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay, at ang sumunod sa kaniya, patayin ng tabak: sapagka't sinabi ng saserdote, Huwag patayin siya sa bahay ng Panginoon.
11:16 Sa gayo'y binigyang daan nila siya, at siya'y naparoon sa daan na pinapasukan ng mga kabayo sa bahay ng hari; at doon siya pinatay.
11:17 At si Joiada ay nakipagtipan sa Panginoon at sa hari at sa bayan, na sila'y magiging bayan ng Panginoon; gayon din sa hari at sa bayan.
11:18 At ang buong bayan ng lupain ay naparoon sa bahay ni Baal, at ibinagsak; ang kaniyang mga dambana at ang kaniyang mga larawan ay pinagputolputol nilang mainam, at pinatay si Mathan na saserdote ni Baal sa harap ng mga dambana. At ang saserdote ay naghalal ng mga katiwala sa bahay ng Panginoon.
11:19 At kaniyang ipinagsama ang mga punong kawal ng mga dadaanin, at ang mga Cariteo, at ang bantay, at ang buong bayan ng lupain; at kanilang ibinaba ang hari mula sa bahay ng Panginoon, at nagsipagdaan sa pintuang-bayan ng bantay hanggang sa bahay ng hari. At siya'y naupo sa luklukan ng mga hari.
11:20 Sa gayo'y ang buong bayan ng lupain ay nagalak, at ang bayan ay tahimik. At pinatay nila ng tabak si Athalia sa bahay ng hari.
11:21 Si Joas ay may pitong taon nang magpasimulang maghari.
12:1 Nang ikapitong taon ni Jehu ay nagpasimulang maghari si Joas: at siya'y nagharing apat na pung taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Sibia na taga Beerseba.
12:2 At gumawa si Joas ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, sa lahat ng kaniyang kaarawan na ipinagturo sa kaniya ni Joiada na saserdote.
12:3 Gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.
12:4 At sinabi ni Joas sa mga saserdote, Ang buong salapi ng mga bagay na itinalaga na napasok sa bahay ng Panginoon, na karaniwang salapi, na salapi na inihalaga sa mga pagkatao na hiniling sa bawa't isa, at ang buong salapi na nagudyok sa puso ng sinomang lalake na dalhin sa bahay ng Panginoon.
12:5 Kunin ng mga saserdote, ng bawa't isa sa kaniyang kakilala: at kanilang huhusayin ang mga sira ng bahay saan man makakasumpong ng anomang sira.
12:6 Nguni't nangyari, nang ikadalawangpu't tatlong taon ng haring si Joas, na hindi hinusay ng mga saserdote ang mga sira ng bahay.
12:7 Nang magkagayo'y tinawag ng haring si Joas si Joiada na saserdote, at ang ibang mga saserdote, at sinabi sa kanila, Bakit hindi ninyo hinuhusay ang mga sira ng bahay? ngayon nga'y huwag na kayong magsikuha pa ng salapi sa inyong mga kakilala, kundi inyong ibigay para sa mga sira ng bahay.
12:8 At pinayagan ng mga saserdote na huwag na silang magsikuha pa ng salapi sa bayan, o husayin man ang mga sira ng bahay.
12:9 Nguni't si Joiada na saserdote ay kumuha ng isang kaban, at binutasan ang takip niyaon, at inilagay sa tabi ng dambana sa dakong kanan ng pumapasok sa bahay ng Panginoon: at isinilid doon ng mga saserdote na tagatanod-pinto ang buong salapi na dinala sa bahay ng Panginoon.
12:10 At nagkagayon, nang makita nila na maraming salapi sa kaban, na ang kalihim ng hari at ang dakilang saserdote ay sumampa, at kanilang isinilid sa mga supot at binilang ang salapi na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.
12:11 At ibinigay nila ang salapi na tinimbang sa mga kamay nila na gumawa ng gawain, na siyang mga tagapangasiwa sa bahay ng Panginoon; at kanilang ibinayad sa mga anluwagi at sa mga manggagawa, na gumawa sa bahay ng Panginoon,
12:12 At sa mga mangdadaras ng bato, at sa mga mananabas ng bato, at sa pagbili ng mga kahoy, at mga batong tabas upang husayin ang mga sira ng bahay ng Panginoon, at sa lahat sa magugugol sa bahay upang husayin.
12:13 Nguni't walang ginawa para sa bahay ng Panginoon na mga tasang pilak, mga gunting, mga mangkok, mga pakakak, anomang mga kasangkapang ginto, o mga kasangkapang pilak, sa salapi na napasok sa bahay ng Panginoon:
12:14 Sapagka't kanilang ibinigay yaon sa kanila na nagsigawa ng gawain, at ipinaghusay ng bahay ng Panginoon.
12:15 Bukod dito'y hindi sila nangakikipagtuos sa mga lalake, na pinagabutan nila sa kamay ng salapi upang ibigay sa nagsisigawa ng gawain: sapagka't sila'y nagsisigawang may pagtatapat.
12:16 Ang salaping handog dahil sa pagkakasala, at ang salaping handog dahil sa kasalanan, ay hindi ipinasok sa bahay ng Panginoon: yao'y sa mga saserdote nga.
12:17 Nang magkagayo'y si Hazael na hari sa Siria ay umahon, at lumaban sa Gath, at sinakop yaon: at itinanaw ni Hazael ang kaniyang mukha upang umahon sa Jerusalem.
12:18 At kinuha ni Joas sa hari sa Juda ang lahat na bagay na itinalaga ni Josaphat, at ni Joram, at ni Ochozias, na kaniyang mga magulang, na mga hari sa Juda, at ang kaniyang mga itinalagang bagay, at ang lahat na ginto na masusumpungan sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ng bahay ng hari, at ipinadala kay Hazael na hari sa Siria: at siya'y umalis sa Jerusalem.
12:19 Ang iba nga sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
12:20 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsibangon, at nagsipagbanta, at sinaktan si Joas sa bahay sa Millo, sa daan na palusong sa Silla.
12:21 Sapagka't sinaktan siya ni Josachar na anak ni Simaath, at ni Jozabad na anak ni Somer, na kaniyang mga lingkod, at siya'y namatay; at inilibing nila siya na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at naghari si Amasias na kaniyang anak na kahalili niya.
13:1 Nang ikadalawangpu't tatlong taon ni Joas na anak ni Ochozias na hari sa Juda, nagpasimulang maghari si Joachaz na anak ni Jehu sa Israel sa Samaria, at nagharing labing pitong taon.
13:2 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, at sumunod sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel; hindi niya hiniwalayan ang mga yaon.
13:3 At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at palagi niyang ibinigay sila sa kamay ni Hazael na hari sa Siria, at sa kamay ni Ben-adad na anak ni Hazael.
13:4 At si Joachaz ay dumalangin sa Panginoon, at dininig siya ng Panginoon: sapagka't nakita niya ang kapighatian ng Israel, kung paanong inapi sila ng hari sa Siria.
13:5 (At binigyan ng Panginoon ang Israel ng isang tagapagligtas, na anopa't sila'y nagsilabas na mula sa kamay ng mga taga Siria: at ang mga anak ni Israel ay nagsitahan sa kanilang mga tolda, gaya ng dati.
13:6 Gayon ma'y hindi sila nagsihiwalay sa mga kasalanan ng sangbahayan ni Jeroboam, na ipinapagkasala sa Israel, kundi nilakaran nila: at nalabi ang Asera naman na Samaria).
13:7 Sapagka't hindi siya nagiwan kay Joachaz sa mga tao liban sa limangpung nangangabayo, at sangpung karo, at sangpung libong taong lakad; sapagka't nilipol sila ng hari sa Siria, at ginawa silang parang alabok sa giikan.
13:8 Ang iba nga sa mga gawa ni Joachaz, at ang lahat niyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
13:9 At si Joachaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang: at inilibing nila siya sa Samaria: at si Joas na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
13:10 Nang ikatatlongpu't pitong taon ni Joas na hari sa Juda ay nagpasimula si Joas na anak ni Joachaz na maghari sa Israel sa Samaria, at nagharing labing anim na taon.
13:11 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; siya'y hindi humiwalay sa lahat na kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel; kundi kaniyang nilakaran.
13:12 Ang iba nga sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinakipaglaban kay Amasias na hari sa Juda, hindi ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
13:13 At si Joas ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang; at si Jeroboam ay naupo sa kaniyang luklukan; at si Joas ay nalibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel.
13:14 Si Eliseo nga ay nagkasakit ng sakit na kaniyang ikinamatay: at binaba siya at iniyakan siya ni Joas na hari sa Israel, at nagsabi, Ama ko, ama ko, ang mga karo ng Israel at ang mga nangangabayo niyaon!
13:15 At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Kumuha ka ng busog at mga pana: at siya'y kumuha ng busog at mga pana.
13:16 At sinabi niya sa hari sa Israel, Ilagay mo ang iyong kamay sa busog: at inilagay niya ang kaniyang kamay roon. At inilagay ni Eliseo ang kaniyang mga kamay sa mga kamay ng hari.
13:17 At kaniyang sinabi, Buksan mo ang dungawan sa dakong silanganan: at binuksan niya. Nang magkagayo'y sinabi ni Eliseo, Magpahilagpos ka: at siya'y nagpahilagpos. At kaniyang sinabi, Ang pana nga ng pagtatagumpay ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang pana ng pagtatagumpay sa Siria: sapagka't iyong sasaktan ang mga taga Siria sa Aphec, hanggang sa iyong mangalipol.
13:18 At kaniyang sinabi, Tangnan mo ang mga pana: at tinangnan niya ang mga yaon. At sinabi niya sa hari sa Israel, Humampas ka sa lupa: at siya'y humampas na makaitlo, at tumigil.
13:19 At ang lalake ng Dios ay naginit sa kaniya, at nagsabi, Marapat nga sana na iyong hampasing makalima o makaanim; sinaktan mo nga sana ang Siria hanggang sa iyong nalipol: kaya't ngayo'y sasaktan mo ang Siria na makaitlo lamang.
13:20 At namatay si Eliseo, at kanilang inilibing siya. Ang mga pulutong nga ng mga Moabita ay nagsilusob sa lupain sa pagdating ng taon.
13:21 At nangyari, samantalang kanilang inililibing ang isang lalake, na, narito, kanilang natanaw ang isang pulutong; at kanilang inihagis ang lalake sa libingan ni Eliseo: at pagkasagi ng tao ng mga buto ni Eliseo, siya'y nabuhay uli, at tumayo sa kaniyang mga paa.
13:22 At pinighati ni Hazael na hari sa Siria ang Israel sa lahat ng kaarawan ni Joachaz.
13:23 Nguni't ang Panginoo'y naawa sa kanila at nahabag sa kanila, at kaniyang pinakundanganan sila, dahil sa kaniyang tipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, at hindi nilipol sila o pinalayas man sila sa kaniyang harapan hanggang noon.
13:24 At si Hazael na hari sa Siria ay namatay; at si Ben-adad na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
13:25 At inalis uli ni Joas na anak ni Joachaz sa kamay ni Ben-adad na anak ni Hazael ang mga bayan na kaniyang inalis sa kamay ni Joachaz na kaniyang ama sa pakikipagdigma. Makaitlong sinaktan siya ni Joas, at binawi ang mga bayan ng Israel.
14:1 Nang ikalawang taon ni Joas na anak ni Joachaz na hari sa Israel ay nagpasimula si Amasias na anak ni Joas na hari sa Juda na maghari.
14:2 Siya'y may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Joaddan na taga Jerusalem.
14:3 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, gayon man di gaya ni David na kaniyang magulang: kaniyang ginawa ang ayon sa lahat na ginawa ni Joas na kaniyang ama.
14:4 Gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.
14:5 At nangyari, pagkatatag ng kaharian sa kaniyang kamay, na kaniyang pinatay ang kaniyang mga lingkod na nagsipatay sa hari na kaniyang ama.
14:6 Nguni't ang mga anak ng mga mamamatay tao ay hindi niya pinatay; ayon doon sa nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, o ang mga anak man ay papatayin dahil sa mga ama; kundi bawa't tao ay mamamatay dahil sa kaniyang sariling kasalanan.
14:7 Siya'y pumatay sa mga Idumeo ng sangpung libo sa Libis ng Asin, at sinakop ang Sela sa pakikipagdigma, at pinanganlang Jocteel, hanggang sa araw na ito.
14:8 Nang magkagayo'y nagsugo ng mga sugo si Amasias kay Joas na anak ni Joachaz na anak ni Jehu, na hari sa Israel, na sinasabi, Halika, tayo'y magtitigan,
14:9 At si Joas na hari sa Israel ay nagsugo kay Amasias na hari sa Juda, na nagsasabi, Ang dawag na nasa Libano ay nagsugo sa sedro na nasa Libano, na nagsasabi, Ibigay mong asawa ang iyong anak na babae sa aking anak: at nagdaan ang isang mabangis na hayop na nasa Libano, at niyapakan ang dawag.
14:10 Iyong tunay na sinaktan ang Edom, at pinapagmataas ka ng iyong puso: lumuwalhati ka nawa, at tumahan sa bahay: sapagka't bakit ka nakikialam sa ikasasama, upang ikaw ay mabuwal, ikaw, at ang Juda na kasama mo?
14:11 Nguni't hindi dininig ni Amasias. Sa gayo'y umahon si Joas na hari sa Israel; at siya, at si Amasias na hari sa Juda ay nagtitigan sa Beth-semes, na ukol sa Juda.
14:12 At ang Juda ay napariwara sa harap ng Israel; at sila'y tumakas bawa't isa sa kaniyang tolda.
14:13 At kinuha ni Joas na hari sa Israel si Amasias na hari sa Juda, na anak ni Joas na anak ni Ochozias, sa Beth-semes, at naparoon sa Jerusalem, at ibinagsak ang kuta ng Jerusalem mula sa pintuang-bayan ng Ephraim hanggang sa pintuang-bayan ng sulok, na apat na raang siko.
14:14 At kinuha niya ang lahat na ginto at pilak, at ang lahat na kasangkapan na masumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ng mga sanglang tao at bumalik sa Samaria.
14:15 Ang iba nga sa mga gawa ni Joas na kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, at kung paanong siya'y lumaban kay Amasias na hari sa Juda, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
14:16 At natulog si Joas na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel; at si Jeroboam na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
14:17 At si Amasias na anak ni Joas na hari sa Juda ay nabuhay pagkamatay ni Joas na anak ni Joachaz na hari sa Israel, na labing limang taon.
14:18 Ang iba nga sa mga gawa ni Amasias, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
14:19 At sila'y nagsipagbanta laban sa kaniya sa Jerusalem; at siya'y tumakas sa Lachis: nguni't pinasundan nila siya sa Lachis, at pinatay siya roon.
14:20 At dinala nila siya na nakapatong sa mga kabayo: at siya'y nalibing sa Jerusalem na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David.
14:21 At kinuha ng buong bayan ng Juda si Azarias na may labing anim na taon, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama na si Amasias.
14:22 Kaniyang itinayo ang Elath, at isinauli sa Juda pagkatapos na ang hari ay matulog na kasama ng kaniyang mga magulang.
14:23 Nang ikalabing limang taon ni Amasias na Anak ni Joas na hari sa Juda, si Jeroboam na anak ni Joas na hari sa Israel ay nagpasimulang maghari sa Samaria, at nagharing apat na pu't isang taon.
14:24 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon: hindi niya hiniwalayan ang lahat na kasalanan ni Jeroboam na Anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
14:25 Kaniyang isinauli ang hangganan ng Israel mula sa pasukan ng Hamath hanggang sa dagat ng Araba, ayon sa salita ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Jonas na anak ni Amittai, na propeta na taga Gath-hepher.
14:26 Sapagka't nakita ng Panginoon ang kapighatian ng Israel, na totoong masaklap: sapagka't walang nakulong o naiwan sa kaluwangan man, o sinomang tumulong sa Israel.
14:27 At hindi sinabi ng Panginoon na kaniyang papawiin ang pangalan ng Israel mula sa silong ng langit, kundi iniligtas nila siya sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam na anak ni Joas.
14:28 Ang iba nga sa mga gawa ni Jeroboam, at ang lahat na kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong binawi niya para sa Israel ang Damasco at ang Hamath, na nangaukol sa Juda, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
14:29 At si Jeroboam ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, sa makatuwid baga'y ng mga hari sa Israel; at si Zacharias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
15:1 Nang ikadalawangpu't pitong taon ni Jeroboam na hari sa Israel ay nagpasimulang maghari si Azarias na anak ni Amasias na hari sa Juda.
15:2 May labing anim na taon siya nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limangpu't dalawang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Jecolia na taga Jerusalem.
15:3 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang amang si Amasias.
15:4 Gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.
15:5 At sinaktan ng Panginoon ang hari, na anopa't siya'y nagkaketong hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan, at tumahan na bukod sa bahay. At si Jotham na anak ng hari ay nasa pamamahala ng sangbahayan na humahatol sa bayan ng lupain.
15:6 Ang iba nga sa mga gawa ni Azarias, at ang lahat ng kaniyang ginawa di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
15:7 At si Azarias ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang; at inilibing nila siya na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Jotham na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
15:8 Nang ikatatlongpu't walong taon ni Azarias na hari sa Juda, ay naghari sa Israel si Zacharias na anak ni Jeroboam sa Samaria na anim na buwan.
15:9 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng kaniyang mga magulang: hindi niya hiniwalayan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
15:10 At si Sallum na anak ni Jabes ay nagbanta laban sa kaniya, at sinaktan siya sa harap ng bayan, at pinatay siya, at naghari na kahalili niya.
15:11 Ang iba nga sa mga gawa ni Zacharias, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.
15:12 Ito ang salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita kay Jehu, na sinasabi, Ang iyong mga anak sa ikaapat na salin ng lahi ay magsisiupo sa luklukan ng Israel. At gayon ang nangyari.
15:13 Si Sallum na anak ni Jabes ay nagpasimulang maghari nang ikatatlongpu't siyam na taon ni Uzzia na hari sa Juda; at siya'y naghari sa loob ng isang buwan sa Samaria.
15:14 At si Manahem na anak ni Gadi ay umahon mula sa Thirza, at naparoon sa Samaria, at sinaktan si Sallum na anak ni Jabes sa Samaria, at pinatay niya siya at naghari na kahalili niya.
15:15 Ang nalabi nga sa mga gawa ni Sallum, at ang pagbabanta niya na kaniyang ginawa, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.
15:16 Nang magkagayo'y sinaktan ni Manahem si Tiphsa, at ang lahat na nandoon, at ang mga hangganan niyaon, mula sa Thirza: sapagka't hindi nila siya pinabuksan, kaya't sinaktan niya; at ang lahat na babae na nandoon na buntis ay pinaluwa niya ang bituka.
15:17 Nang ikatatlongpu't siyam na taon ni Azarias na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari sa Israel si Manahem na anak ni Gadi, at nagharing sangpung taon sa Samaria.
15:18 At kaniyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon: siya'y hindi humiwalay ng lahat niyang kaarawan sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
15:19 Naparoon laban sa lupain si Phul na hari sa Asiria; at binigyan ni Manahem si Phul ng isang libong talentong pilak, upang ang kamay niya'y sumakaniya, upang pagtibayin ang kaharian sa kaniyang kamay.
15:20 At siningil ni Manahem ng salapi ang Israel, ang lahat na makapangyarihang lalake na mayaman, na bawa't lalake ay limangpung siklo na pilak upang ibigay sa hari sa Asiria. Sa gayo'y ang hari sa Asiria ay bumalik, at hindi tumigil doon sa lupain.
15:21 Ang iba nga sa mga gawa ni Manahem, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
15:22 At natulog si Manahem na kasama ng kaniyang mga magulang; at si Pekaia na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
15:23 Nang ikalimangpung taon ni Azarias na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari sa Israel si Pekaia na anak ni Manahem sa Samaria, at nagharing dalawang taon.
15:24 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon: hindi niya hiniwalayan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
15:25 At si Peka na anak ni Remalias, na kaniyang punong kawal, ay nagbanta laban sa kaniya, at sinaktan siya sa Samaria, sa castilyo ng bahay ng hari, na kasama si Argob at si Ariph; at kasama niya'y limangpung lalake na mga Galaadita: at pinatay niya siya, at naghari na kahalili niya.
15:26 Ang iba nga sa mga gawa ni Pekaia, at ang lahat niyang ginawa, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.
15:27 Nang ikalimangpu't dalawang taon ni Azarias na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari si Peka na anak ni Remalias sa Israel sa Samaria, at nagharing dalawangpung taon.
15:28 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon: hindi niya hiniwalayan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
15:29 Nang mga kaarawan ni Peka na hari sa Israel ay naparoon si Tiglathpileser na hari sa Asiria, at sinakop ang Ihion, at ang Abel-bethmaacha, at ang Janoa, at ang Cedes, at ang Asor, at ang Galaad, at ang Galilea, ang buong lupain ng Nephtali; at kaniyang dinalang bihag sila sa Asiria.
15:30 At si Oseas na anak ni Ela ay nagbanta laban kay Peka na anak ni Remalias, at sinaktan niya siya, at pinatay niya siya, at naghari na kahalili niya, nang ikadalawangpung taon ni Jotham na anak ni Uzzia.
15:31 Ang iba nga sa mga gawa ni Peka, at ang lahat niyang ginawa, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.
15:32 Nang ikalawang taon ni Peka na anak ni Remalias na hari sa Israel, ay nagpasimulang maghari si Jotham na anak ni Uzzia na hari sa Juda.
15:33 Siya'y may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari, at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Jerusa na anak ni Sadoc.
15:34 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon: kaniyang ginawa ang ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang amang si Uzzia.
15:35 Gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi nangaalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako. Itinayo niya ang mataas na pintuang-bayan sa bahay ng Panginoon.
15:36 Ang iba nga sa mga gawa ni Jotham, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
15:37 Nang mga araw na yao'y pinasimulan ng Panginoon na suguin laban sa Juda si Resin na hari sa Siria, at si Peka na anak ni Remalias.
15:38 At si Jotham ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David na kaniyang magulang: at si Achaz na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
16:1 Nang ikalabing pitong taon ni Peka na anak ni Remalias ay nagpasimulang maghari si Achaz na anak ni Jotham na hari sa Juda.
16:2 May dalawangpung taon si Achaz nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at hindi siya gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon niyang Dios, na gaya ni David na kaniyang magulang.
16:3 Kundi siya'y lumakad ng lakad ng mga hari sa Israel, oo, at kaniyang pinaraan ang kaniyang anak sa apoy, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon mula sa harap ng mga anak ni Israel.
16:4 At siya'y naghain, at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako, at sa mga burol, at sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy.
16:5 Nang magkagayo'y si Resin na hari sa Siria at si Peka na anak ni Remalias na hari sa Israel ay umahon sa Jerusalem upang makipagdigma: at kanilang kinulong si Achaz, nguni't hindi nila nadaig.
16:6 Nang panahong yaon ay binawi ni Resin na hari sa Siria ang Elath sa Siria at pinalayas ang mga Judio sa Elath: at ang mga taga Siria ay nagsiparoon sa Elath, at tumanan doon, hanggang sa araw na ito.
16:7 Sa gayo'y nagsugo si Achaz ng mga sugo kay Tiglath-pileser na hari sa Asiria, na ipinasabi, Ako ang iyong lingkod at ang iyong anak: ikaw ay umahon, at iligtas mo ako sa kamay ng hari sa Siria at sa kamay ng hari sa Israel, na bumabangon laban sa akin.
16:8 At kinuha ni Achaz ang pilak at ginto na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari, at ipinadalang kaloob sa hari sa Asiria.
16:9 At dininig siya ng hari sa Asiria; at ang hari sa Asiria ay umahon laban sa Damasco, at sinakop, at dinala sa Cir ang bayan na bihag, at pinatay si Resin.
16:10 At ang haring si Achaz ay naparoon sa Damasco upang salubungin si Tiglath-pileser na hari sa Asiria: at nakita ang dambana na nasa Damasco: at ipinadala ng haring si Achaz kay Urias na saserdote ang ayos ng dambana at ang anyo niyaon, ayon sa buong pagkayari niyaon.
16:11 At si Urias na saserdote ay nagtayo ng isang dambana: ayon sa buong ipinadala ng haring si Achaz mula sa Damasco, gayon ginawa ni Urias na saserdote, bago dumating ang haring Achaz mula sa Damasco.
16:12 At nang dumating ang hari mula sa Damasco, ay nakita ng hari ang dambana: at ang hari ay lumapit sa dambana, at naghandog doon.
16:13 At kaniyang sinunog ang kaniyang handog na susunugin, at ang kaniyang handog na harina, at ibinuhos ang kaniyang inuming handog, at iniwisik ang dugo ng kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan sa ibabaw ng dambana.
16:14 At ang dambana na tanso na nasa harap ng Panginoon ay kaniyang dinala mula sa harapan ng bahay, mula sa pagitan ng kaniyang dambana at ng bahay ng Panginoon, at inilagay sa dakong hilagaan ng kaniyang dambana.
16:15 At inutusan ng haring Achaz si Urias na saserdote, na sinasabi, Sa ibabaw ng malaking dambana, ay magsunog ka ng handog na susunugin sa umaga, at ng handog na harina sa hapon, at ng handog na susunugin ng hari at ng kaniyang handog na harina sangpu ng handog na susunugin ng buong bayan ng lupain at ng kanilang handog na harina, at ng kanilang mga handog na inumin; at iwisik mo roon ang buong dugo ng handog na susunugin, at ang buong dugo ng hain: nguni't ang dambanang tanso ay mapapasa akin upang pagusisaan.
16:16 Ganito ang ginawa ni Urias na saserdote, ayon sa buong iniutos ng haring Achaz.
16:17 At pinutol ng haring Achaz ang mga hangganan ng mga tungtungan, at inalis sa mga yaon ang hugasan, at ibinaba ang dagatdagatan mula sa mga bakang tanso na nasa ilalim niyaon, at ipinatong sa isang pavimentong bato.
16:18 At ang dakong natatakpan na daan sa sabbath na kanilang itinayo sa bahay, at ang pasukan ng hari na nasa labas, ibinago sa bahay ng Panginoon, dahil sa hari sa Asiria.
16:19 Ang iba nga sa mga gawa ni Achaz na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda.
16:20 At si Achaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Ezechias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
17:1 Nang ikalabing dalawang taon ni Achaz na hari sa Juda ay nagpasimula si Oseas na anak ni Ela na maghari sa Samaria sa Israel, at nagharing siyam na taon.
17:2 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, bagaman hindi gaya ng mga hari sa Israel na mga una sa kaniya.
17:3 Laban sa kaniya ay umahon si Salmanasar na hari sa Asiria; at si Oseas ay naging kaniyang lingkod, at dinalhan siya ng mga kaloob.
17:4 At ang hari sa Asiria ay nakasumpong kay Oseas ng pagbabanta; sapagka't siya'y nagsugo ng mga sugo kay So na hari sa Egipto, at hindi naghandog ng kaloob sa hari sa Asiria, na gaya ng kaniyang ginagawa taontaon; kaya't kinulong siya ng hari sa Asiria, at ipinangaw siya sa bilangguan.
17:5 Nang magkagayon ay umahon ang hari sa Asiria sa buong lupain, at umahon sa Samaria, at kinulong na tatlong taon.
17:6 Nang ikasiyam na taon ni Oseas, sinakop ng hari sa Asiria ang Samaria, at dinala ang Israel sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga bayan ng mga Medo.
17:7 At nagkagayon, sapagka't ang mga anak ni Israel ay nangagkasala laban sa Panginoon nilang Dios, na siyang nagahon sa kanila mula sa lupain ng Egipto, mula sa kamay ni Faraon na hari sa Egipto, at sila'y natakot sa ibang mga dios.
17:8 At lumakad sa mga palatuntunan ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel, at ng mga hari ng Israel, na kanilang ginawa.
17:9 At ang mga anak ni Israel ay nagsigawa ng mga lihim na bagay na hindi matuwid sa Panginoon nilang Dios, at sila'y nagsipagtayo sa kanila ng mga mataas na dako sa lahat nilang bayan mula sa moog ng mga bantay hanggang sa bayang nakukutaan.
17:10 At sila'y nangagsipaglagay ng mga haligi na pinakaalaala at mga Asera sa bawa't mataas na burol, at sa ilalim ng lahat na sariwang punong kahoy;
17:11 At doo'y nagsunog sila ng kamangyan sa lahat na mataas na dako, gaya ng ginawa ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harap nila; at nagsigawa ng masasamang bagay upang mungkahiin ang Panginoon sa galit;
17:12 At sila'y nagsipaglingkod sa mga diosdiosan, na siyang sa kanila ay sinabi ng Panginoon, Huwag ninyong gagawin ang bagay na ito.
17:13 Gayon ma'y tumutol ang Panginoon sa Israel, at sa Juda, sa pamamagitan ng bawa't propeta, at ng bawa't tagakita, na sinasabi, Iwan ninyo ang inyong masasamang lakad, at ingatan ninyo ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan, ayon sa buong kautusan na aking iniutos sa inyong mga magulang, at aking ipinadala sa inyo, sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta.
17:14 Gayon ma'y hindi nila dininig, kundi kanilang pinatigas ang kanilang ulo, na gaya ng ulo ng kanilang mga magulang, na hindi nagsisampalataya sa Panginoon nilang Dios.
17:15 At kanilang itinakuwil ang kaniyang mga palatuntunan, at ang kaniyang tipan na kaniyang itinipan sa kanilang mga magulang, at ang kaniyang mga patotoo na kaniyang ipinatotoo sa kanila; at sila'y nagsisunod sa walang kabuluhan, at naging walang kabuluhan, at nagsisunod sa mga bansa na nangasa palibot nila, ayon sa ibinilin ng Panginoon na huwag silang magsigawa ng gaya ng mga yaon.
17:16 At kanilang iniwan ang lahat na utos ng Panginoon nilang Dios, at nagsigawa ng mga larawang binubo, sa makatuwid baga'y ng dalawang guya, at nagsigawa ng isang Asera, at sinamba ang buong natatanaw sa langit, at nagsipaglingkod kay Baal.
17:17 At kanilang pinaraan ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy, at nagsihilig sa panghuhula at mga panggagaway, at nangapabili upang magsigawa ng masama sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin siya sa galit.
17:18 Kaya't ang Panginoon ay totoong nagalit sa Israel, at inalis sila sa kaniyang paningin: walang naiwan kundi ang lipi ni Juda lamang.
17:19 Hindi rin naman iningatan ng Juda ang mga utos ng Panginoon nilang Dios, kundi nagsilakad sa mga palatuntunan ng Israel na kanilang ginawa.
17:20 At itinakuwil ng Panginoon ang buong binhi ng Israel, at pinighati sila at ibinigay sila sa kamay ng mga mananamsam hanggang sa kaniyang pinalayas sila sa kaniyang paningin.
17:21 Sapagka't kaniyang inihiwalay ang Israel sa sangbahayan ni David, at kanilang ginawang hari si Jeroboam na anak ni Nabat: at pinahiwalay ni Jeroboam ang Israel sa pagsunod sa Panginoon at pinapagkasala sila ng malaking kasalanan.
17:22 At ang mga anak ni Israel ay nagsilakad sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na kaniyang ginawa; hindi nila hiniwalayan;
17:23 Hanggang sa inihiwalay ng Panginoon ang Israel sa kaniyang paningin, gaya ng kaniyang sinalita sa pamamagitan ng lahat niyang lingkod na mga propeta. Gayon dinala ang Israel sa Asiria na mula sa kanilang sariling lupain, hanggang sa araw na ito.
17:24 At ang hari sa Asiria ay nagdala ng mga tao na mula sa Babilonia, at sa Cutha, at sa Ava, at sa Hamath at sa Sepharvaim, at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria na kahalili ng mga anak ni Israel: at kanilang inari ang Samaria, at nagsitahan sa mga bayan niyaon.
17:25 At nagkagayon, sa pasimula ng kanilang pagtahan doon, na hindi sila nangatakot sa Panginoon: kaya't ang Panginoon ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila, na pinatay ang ilan sa kanila.
17:26 Kaya't kanilang sinalita sa hari sa Asiria, na sinasabi, Ang mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga bayan ng Samaria, hindi nakaaalam ng paraan ng Dios sa lupain; kaya't siya'y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at, narito, pinatay sila, sapagka't hindi sila nakakaalam ng paraan ng Dios sa lupain.
17:27 Nang magkagayo'y nagutos ang hari sa Asiria, na nagsasabi, Dalhin ninyo roon ang isa sa mga saserdote na inyong dinala mula roon; at inyong payaunin at patahanin doon, at turuan niya sila ng paraan ng Dios sa lupain.
17:28 Sa gayo'y isa sa mga saserdote na kanilang dinala mula sa Samaria ay naparoon at tumahan sa Beth-el, at tinuruan sila kung paanong sila'y marapat na matakot sa Panginoon.
17:29 Gayon ma'y bawa't bansa ay gumawa ng mga dios sa kanikaniyang sarili, at ipinaglalagay sa mga bahay sa mga mataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, na bawa't bansa ay sa kanilang mga bayan na kanilang tinatahanan.
17:30 At itinayo ng mga lalake sa Babilonia ang Succoth-benoth, at itinayo ng mga lalake sa Cutha ang Nergal, at itinayo ng mga lalake sa Hamath ang Asima,
17:31 At itinayo ng mga Avveo ang Nibhaz at ang Tharthac, at sinunog ng mga Sepharvita ang kanilang mga anak sa apoy sa Adrammelech at sa Anammelech, na mga dios ng Sefarvaim.
17:32 Sa gayo'y nangatakot sila sa Panginoon, at nagsipaghalal sila sa gitna nila ng mga saserdote sa mga mataas na dako, na siyang naghahain para sa kanila sa mga bahay, na nangasa mga mataas na dako.
17:33 Sila'y nangatakot sa Panginoon, at nagsipaglingkod sa kanilang sariling mga dios, ayon sa paraan ng mga bansa na kinadalhang bihag nila.
17:34 Hanggang sa araw na ito ay ginagawa nila ang ayon sa mga dating paraan: sila'y hindi nangatatakot sa Panginoon, o nagsisigawa man ng ayon sa kanilang mga palatuntunan, o ayon sa kanilang mga ayos, o ayon sa kautusan, o ayon sa utos na iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Jacob, na kaniyang pinanganlang Israel,
17:35 Na siyang pinakipagtipanan ng Panginoon, at pinagbilinan na sinasabi, Kayo'y huwag mangatatakot sa ibang mga dios, o nagsisiyukod man sa kanila, o magsisipaglingkod man sa kanila, o magsisipaghain man sa kanila:
17:36 Kundi ang Panginoon, na nagahon sa inyo mula sa lupain ng Egipto na may dakilang kapangyarihan at may unat na kamay, siya ninyong katatakutan, at sa kaniya kayo magsisiyukod, at sa kaniya kayo magsisipaghain.
17:37 At ang mga palatuntunan, at ang mga ayos, at ang kautusan, at ang utos na kaniyang sinulat para sa inyo ay inyong isasagawa magpakailan man; at kayo'y huwag mangatatakot sa ibang mga dios:
17:38 At ang tipan na aking ipinakipagtipan sa inyo, huwag ninyong kalilimutan; ni mangatatakot man kayo sa ibang mga dios:
17:39 Nguni't sa Panginoon ninyong Dios ay mangatatakot kayo; at kaniyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ninyong mga kaaway.
17:40 Gayon ma'y hindi nila dininig, kundi kanilang ginawa ang ayon sa kanilang dating paraan.
17:41 Sa gayo'y ang mga bansang ito ay nangatakot sa Panginoon, at nagsipaglingkod sa kanilang mga larawang inanyuan; ang kanilang mga anak ay gayon din, at ang mga anak ng kanilang mga anak, kung ano ang ginawa ng kanilang mga magulang ay gayon ang ginawa nila hanggang sa araw na ito.
18:1 Nangyari nga, nang ikatlong taon ni Oseas na anak ni Ela na hari sa Israel, na si Ezechias na anak ni Achaz na hari sa Juda ay nagpasimulang maghari.
18:2 May dalawangpu't limang taon siya nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Abi na anak ni Zacharias.
18:3 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni David na kaniyang magulang.
18:4 Kaniyang inalis ang mga mataas na dako, at sinira ang mga haligi, at ibinagsak ang mga Asera: at kaniyang pinagputolputol ang ahas na tanso na ginawa ni Moises; sapagka't hanggang sa mga araw na yaon ay pinagsusunugan ng kamangyan ng mga anak ni Israel; at pinanganlang Nehustan.
18:5 Siya'y tumiwala sa Panginoon, na Dios ng Israel; na anopa't nang mamatay siya ay walang naging gaya niya sa lahat ng hari sa Juda, o sa nangauna man sa kaniya.
18:6 Sapagka't siya'y lumakip sa Panginoon; siya'y hindi humiwalay ng pagsunod sa kaniya, kundi iningatan ang kaniyang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises.
18:7 At ang Panginoon ay sumasa kaniya; saan man siya lumabas ay gumiginhawa siya; at siya'y nanghimagsik laban sa hari sa Asiria, at hindi niya pinaglingkuran.
18:8 Kaniyang sinaktan ang mga Filisteo hanggang sa Gaza, at ang mga hangganan niyaon, mula sa moog ng bantay hanggang sa bayang nakukutaan.
18:9 At nangyari, nang ikaapat na taon ng haring Ezechias, na siyang ikapitong taon ni Oseas na anak ni Ela na hari sa Israel, na si Salmanasar na hari sa Asiria ay umahon laban sa Samaria, at kinubkob niya.
18:10 At sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop: sa makatuwid baga'y nang ikaanim na taon ni Ezechias, na siyang ikasiyam na taon ni Oseas na hari sa Israel, ang Samaria ay sinakop.
18:11 At dinala ng hari sa Asiria ang Israel sa Asiria, at inilagay sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga bayan ng mga Medo:
18:12 Sapagka't hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon nilang Dios, kundi kanilang sinalangsang ang kaniyang tipan, ang lahat na iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon, at hindi dininig o ginawa man.
18:13 Nang ikalabing apat na taon nga ng haring Ezechias ay umahon si Sennacherib na hari sa Asiria laban sa lahat na bayang nakukutaan ng Juda, at pinagsakop.
18:14 At si Ezechias na hari sa Juda ay nagsugo sa hari sa Asiria sa Lachis, na nagsasabi, Ako'y nagkasala; talikdan mo ako: ang iyong ipabayad sa akin ay aking babayaran. At siningil ng hari sa Asiria si Ezechias na hari sa Juda ng tatlong daang talentong pilak at tatlong pung talentong ginto.
18:15 At ibinigay ni Ezechias ang lahat na pilak na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari.
18:16 Nang panahong yaon ay inihiwalay ni Ezechias ang ginto sa mga pintuan ng templo ng Panginoon, at sa mga haligi na binalutan ni Ezechias na hari sa Juda, at ibinigay sa hari sa Asiria.
18:17 At sinugo ng hari sa Asiria si Thartan at si Rab-saris, at si Rabsaces, sa haring kay Ezechias na mula sa Lachis na may malaking hukbo sa Jerusalem. At sila'y nagsiahon at nagsiparoon sa Jerusalem. At nang sila'y mangakaahon, sila'y nagsiparoon at nagsitayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan sa parang ng tagapagpaputi ng kayo.
18:18 At nang matawag na nila ang hari, ay nilabas sila ni Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang katiwala ng bahay, at ni Sebna na kalihim, at ni Joah na anak ni Asaph na kasangguni.
18:19 At sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sabihin ninyo ngayon kay Ezechias, Ganito ang sabi ng dakilang hari, ng hari sa Asiria, Anong pagasa ito sa iyong tinitiwalaan?
18:20 Iyong sinasabi (nguni't mga salitang walang kabuluhan lamang) May payo at kalakasan sa pakikipagdigma. Ngayon, kanino ka tumitiwala, na ikaw ay nanghimagsik laban sa akin?
18:21 Ngayon, narito, ikaw ay tumitiwala sa tungkod na ito na kahoy na lapok, sa makatuwid baga'y sa Egipto; na kung sinoman ay sumandal, ay tutuhog sa kaniyang kamay, at palalagpasan: gayon si Faraon na hari sa Egipto sa lahat na tumitiwala sa kaniya.
18:22 Nguni't kung inyong sabihin sa akin: Kami ay tumitiwala sa Panginoon naming Dios: hindi ba siya'y yaong inalisan ni Ezechias ng mga mataas na dako, at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, Kayo'y magsisisamba sa harap ng dambanang ito sa Jerusalem?
18:23 Isinasamo ko nga ngayon sa iyo na magbigay ka ng mga sangla sa aking panginoon na hari sa Asiria, at bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay sa ganang iyo ng mga mangangabayo sa mga yaon.
18:24 Paano ngang iyong mapapipihit ang mukha ng isang punong kawal sa pinaka mababa sa mga lingkod ng aking panginoon, at iyong ilalagak ang iyong tiwala sa Egipto dahil sa mga karo at sa mga mangangabayo?
18:25 Ako ba'y umahon na di ko kasama ang Panginoon laban sa dakong ito upang lipulin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.
18:26 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliacim na anak ni Hilcias, at si Sebna, at ni Joah, kay Rabsaces. Isinasamo ko sa iyo na magsalita ka sa iyong mga lingkod ng wikang Siria; sapagka't aming naiintindihan yaon; at huwag kang magsalita sa amin ng wikang Judio, sa mga pakinig ng bayan na nasa kuta.
18:27 Nguni't sinabi ni Rabsaces sa kanila, Sinugo ba ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang salitain ang mga salitang ito? di ba niya ako sinugo sa mga lalake na nangakaupo sa kuta, upang magsikain ng kanilang sariling dumi, at upang magsiinom ng kanilang sariling ihi na kasalo ninyo?
18:28 Nang magkagayo'y si Rabsaces ay tumayo at sumigaw ng malakas sa wikang Judio, at nagsalita, na sinasabi, Dinggin ninyo ang salita ng dakilang hari, ng hari sa Asiria.
18:29 Ganito ang sabi ng hari, Huwag kayong dayain ni Ezechias; sapagka't hindi niya kayo maililigtas sa kaniyang kamay.
18:30 Ni patiwalain man kayo ni Ezechias sa Panginoon, na sabihin, Walang pagsalang ililigtas tayo ng Panginoon, at ang bayang ito ay hindi mabibigay sa kamay ng hari sa Asiria.
18:31 Huwag ninyong dinggin si Ezechias: sapagka't ganito ang sabi ng hari sa Asiria, Makipagpayapaan kayo sa akin, at labasin ninyo ako; at kumain ang bawa't isa sa inyo ng bunga ng kaniyang puno ng ubas, at ang bawa't isa ng bunga ng kaniyang puno ng igos, at uminom ang bawa't isa sa inyo ng tubig ng kaniyang sariling balon;
18:32 Hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan, na lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mangabuhay, at huwag mangamatay: at huwag ninyong dinggin si Ezechias, pagka kayo'y hinihikayat niya, na sinasabi, Ililigtas tayo ng Panginoon.
18:33 Nagligtas ba kailan man ang sinoman sa mga dios sa mga bansa ng kaniyang lupain sa kamay ng hari sa Asiria?
18:34 Saan nandoon ang mga dios ng Hamath, at ng Arphad? Saan nandoon ang mga dios ng Sepharvaim, ng Hena, at ng Hiva? Iniligtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?
18:35 Sino sa kanila sa lahat na dios ng mga lupain, ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?
18:36 Nguni't ang bayan ay tumahimik, at hindi sumagot ng kahit isang salita: sapagka't utos ng hari, na sinasabi, Huwag ninyong sagutin siya.
18:37 Nang magkagayo'y naparoon si Eliacim na anak ni Hilcias, na siyang katiwala sa sangbahayan, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaph na kasangguni, kay Ezechias na ang kanilang suot ay hapak, at isinaysay sa kaniya ang mga salita ni Rabsaces.
19:1 At nangyari, nang mabalitaan ng haring Ezechias, ay hinapak niya ang kaniyang mga suot, at nagbalot ng kayong magaspang, at pumasok sa bahay ng Panginoon.
19:2 At kaniyang sinugo si Eliacim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang mga matanda sa mga saserdote na may mga balot na kayong magaspang, kay Isaias na propeta na anak ni Amos.
19:3 At sinabi nila sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ezechias, Ang araw na ito ay araw ng kabagabagan, at ng pagsaway, at ng pagkutya: sapagka't ang mga anak ay nagsidating sa kapanganakan, at walang kalakasang ilabas.
19:4 Marahil ay didinggin ng Panginoon mong Dios ang lahat ng mga salita ni Rabsaces na siyang sinugo ng kaniyang panginoon na hari sa Asiria upang tungayawin ang buhay na Dios, at sasansalain ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Dios: kaya't idalangin mo ang labis na natitira.
19:5 Sa gayo'y ang mga lingkod ng haring Ezechias ay nagsiparoon kay Isaias.
19:6 At sinabi ni Isaias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ipinanungayaw sa akin ng mga lingkod ng hari sa Asiria.
19:7 Narito, ako'y maglalagay ng isang espiritu sa kaniya, at siya'y makakarinig ng kaingay, at babalik sa kaniyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.
19:8 Sa gayo'y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka't nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis.
19:9 At ng kaniyang marinig na sabihin ang tungkol kay Thiraca na hari sa Ethiopia, Narito, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo, siya'y nagsugo ng mga sugo uli kay Ezechias, na sinasabi,
19:10 Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang dayain ng Dios na iyong tinitiwalaan na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mabibigay sa kamay ng hari sa Asiria.
19:11 Narito, nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, sa paglipol na lubos sa kanila: at maliligtas ka ba?
19:12 Iniligtas ba sila ng mga dios ng mga bansa na nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, at ng Haran, at ng Reseph, at ng mga anak ni Eden na nangasa Thalasar?
19:13 Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari sa bayan ng Sepharvaim, ng Hena, at ng Hiva?
19:14 At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa; at pumanhik si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at iniladlad sa harap ng Panginoon.
19:15 At si Ezechias ay dumalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ng Israel na nauupo sa mga querubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.
19:16 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka: at dinggin mo ang mga salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasugo upang ipanungayaw sa buhay na Dios.
19:17 Sa katotohanan, Panginoon, sinira ng mga hari sa Asiria ang mga bansa, at ang kanilang mga lupain,
19:18 At inihagis ang kanilang mga dios sa apoy: sapagka't sila'y hindi mga dios, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, na kahoy at bato; kaya't kanilang nilipol ang mga yaon.
19:19 Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami, isinasamo ko sa iyo sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa na ikaw ang Panginoong Dios, ikaw lamang.
19:20 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria, dininig kita.
19:21 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya. Niwalang kabuluhan ka ng anak na dalaga ng Sion at tinatawanan ka, ang anak na babae ng Jerusalem ay iginalaw ang kaniyang ulo sa iyo.
19:22 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? sa makatuwid baga'y laban sa Isang Banal ng Israel.
19:23 Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay iyong pinulaan ang Panginoon, at sinabi mo, Sa karamihan ng aking mga karo ako'y nakaahon sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking ibubuwal ang mga matayog na sedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa kaniyang pinaka malayong tuluyan, sa gubat ng kaniyang mabungang bukid.
19:24 Ako'y humukay at uminom ng tubig ng iba, at aking tutuyuin ang lahat na ilog ng Egipto ng talampakan ng aking mga paa.
19:25 Hindi mo ba nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking iniakma ng una? ngayo'y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guho na bunton.
19:26 Kaya't ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila'y nanganglupaypay at nangatulig; sila'y gaya ng damo sa bukid, at ng sariwang gugulayin, na gaya ng damo sa mga bubungan, at gaya ng trigo na lanta bago nakalaki.
19:27 Nguni't talastas ko ang iyong pagupo, at ang iyong paglabas, at ang iyong pagpasok, at ang iyong pag-iinit laban sa akin.
19:28 Dahil sa iyong galit laban sa akin, at dahil sa iyong kagilasan ay dumating sa aking mga pakinig, kaya't aking ikakawit ang aking taga sa iyong ilong, at ang aking paningkaw sa iyong mga labi, at ibabalik kita sa daan na iyong pinanggalingan.
19:29 At ito ang magiging tanda sa iyo: ikaw ay kakain sa taong ito ng tumutubo sa sarili, at sa ikalawang taon ay ang tumubo roon; at sa ikatlong taon ay maghasik kayo, at umani, at mag-ubasan, at kanin ninyo ang bunga niyaon.
19:30 At ang nalabi na nakatanan sa mga anak ni Juda ay maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas,
19:31 Sapagka't sa Jerusalem ay lalabas ang isang nalabi, at sa bundok ng Sion ay silang magtatanan: gaganapin ito ng sikap ng Panginoon.
19:32 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, tungkol sa hari sa Asiria. Siya'y hindi paririto sa bayang ito, o magpapahilagpos man ng pana riyan, ni haharap man siya riyan na may kalasag, o maghahagis man ng bunton laban doon.
19:33 Sa daang kaniyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya darating sa bayang ito, sabi ng Panginoon.
19:34 Sapagka't aking ipagsasanggalang ang bayang ito upang iligtas, dahil sa akin at dahil sa aking lingkod na si David.
19:35 At nangyari, nang gabing yaon, na ang anghel ng Panginoon ay lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria ng isang daan at walong pu't limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.
19:36 Sa gayo'y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, at yumaon, at bumalik, at tumahan sa Ninive.
19:37 At nangyari, nang siya'y sumamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adramelech, at ni Saresar: at sila'y nagsitanan na patungo sa lupain ng Ararat. At si Esar-hadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
20:1 Nang mga araw na yaon ay may sakit na ikamamatay si Ezechias. At si Isaias na propeta na anak ni Amos ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayusin mo ang iyong bahay; sapagka't ikaw ay mamamatay, at hindi mabubuhay.
20:2 Nang magkagayo'y kaniyang ipinihit ang kaniyang mukha sa panig ng bahay, at nanalangin sa Panginoon, na nagsasabi,
20:3 Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon, na iyong alalahanin, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo sa katotohanan, at may dalisay na puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin. At si Ezechias ay umiyak na mainam.
20:4 At nangyari, bago si Isaias ay lumabas sa pinakaloob ng bayan, na ang salita ng Panginoon ay dumating sa kaniya, na nagsasabi,
20:5 Bumalik ka uli, at sabihin mo kay Ezechias na pangulo ng aking bayan. Ganito ang sabi ng Panginoon ng Dios ni David na iyong magulang, Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking pagagalingin ka: sa ikatlong araw ay sasampa ka sa bahay ng Panginoon.
20:6 At aking idadagdag sa iyong mga kaarawan ay labing limang taon; at aking ililigtas ka at ang bayang ito sa kamay ng hari sa Asiria; at aking ipagsasanggalang ang bayang ito dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.
20:7 At sinabi ni Isaias, Kayo'y magsikuha ng isang binilong igos. At kinuha nila at itinapal sa bukol at siya'y gumaling.
20:8 At sinabi ni Ezechias kay Isaias, Ano ang magiging tanda na ako'y pagagalingin ng Panginoon, at ako'y sasampa sa bahay ng Panginoon sa ikatlong araw?
20:9 At sinabi ni Isaias, Ito ang magiging tanda sa iyo na mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na kaniyang sinalita: magpapauna ba ang anino ng sangpung grado, o magpapahuli ng sangpung grado?
20:10 At sumagot si Ezechias, Magaang bagay sa anino na kumiling ng sangpung grado: hindi, kundi pahulihin ang anino ng sangpung grado.
20:11 At si Isaias na propeta ay dumalangin sa Panginoon: at kaniyang pinapagpahuli ang anino ng sangpung grado, na nakababa na sa orasan ni Achaz.
20:12 Nang panahong yaon ay si Berodach-baladan, na anak ni Baladan, na hari sa Babilonia, ay nagpadala ng mga sulat at ng kaloob kay Ezechias: sapagka't kaniyang nabalitaan na si Ezechias ay nagkasakit.
20:13 At dininig ni Ezechias sila, at ipinakita sa kanila ang buong bahay ng kaniyang mahalagang mga bagay, ang pilak, at ang ginto, at ang mga espesia, at ang mahalagang langis, at ang bahay na taguan ng kaniyang sandata, at ang lahat na nasusumpungan sa mga kayamanan niya: walang anoman sa kaniyang bahay, o sa buong kaniyang sakop, na hindi ipinakita sa kanila ni Ezechias.
20:14 Nang magkagayo'y naparoon si Isaias na propeta sa haring Ezechias, at nagsabi sa kaniya, Anong sinasabi ng mga lalaking ito? at saan nagsipanggaling na napasa iyo? At sinabi ni Ezechias, Sila'y nagsipanggaling sa malayong lupain, sa makatuwid baga'y sa Babilonia.
20:15 At kaniyang sinabi, Anong kanilang nakita sa iyong bahay? At sumagot si Ezechias. Lahat na nasa aking bahay ay kanilang nakita: walang anomang bagay na nasa aking mga kayamanan na di ko ipinakita sa kanila.
20:16 At sinabi ni Isaias kay Ezechias, Dinggin mo ang salita ng Panginoon.
20:17 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, na ang lahat na nangasa iyong bahay, at ang itinago ng iyong mga magulang hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia: walang maiiwan, sabi ng Panginoon.
20:18 At ang ilan sa iyong mga anak na magmumula sa iyo na iyong ipanganganak, sila'y dadalhin; at sila'y magiging bating sa bahay ng hari sa Babilonia.
20:19 Nang magkagayo'y sinabi ni Ezechias kay Isaias, Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinalita. Kaniyang sinabi, bukod dito, Hindi ba, kung magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga kaarawan?
20:20 Ang iba nga sa mga gawa ni Ezechias, at ang buo niyang kapangyarihan, at kung paano niyang ginawa ang tipunan ng tubig, at ang padaluyan, at nagdala ng tubig sa bayan, hindi ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
20:21 At natulog si Ezechias na kasama ng kaniyang mga magulang: at si Manases na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
21:1 Si Manases ay may labing dalawang taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing limangpu't limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Hepsi-ba.
21:2 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
21:3 Sapagka't kaniyang itinayo uli ang mga mataas na dako na iginiba ni Ezechias na kaniyang ama; at kaniyang ipinagtayo ng mga dambana si Baal, at gumawa ng Asera, gaya ng ginawa ni Achab na hari sa Israel, at sumamba sa lahat ng natatanaw sa langit, at naglingkod sa kanila.
21:4 At siya'y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na pinagsabihan ng Panginoon, Sa Jerusalem ay ilalagay ko ang aking pangalan.
21:5 At kaniyang ipinagtayo ng mga dambana ang lahat na natatanaw sa langit sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon.
21:6 At kaniyang pinaraan ang kaniyang anak sa apoy, at nagpamahiin, at nagsanay ng panghuhula, at nakipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga mahiko: siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, upang mungkahiin niya siya sa galit.
21:7 At siya'y naglagay ng larawang inanyuan na Asera, na kaniyang ginawa, sa bahay na pinagsabihan ng Panginoon kay David, at kay Salomon na kaniyang anak, Sa bahay na ito, at sa Jerusalem, na aking pinili sa lahat na lipi ng Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailan man.
21:8 At hindi ko na pagagalain pa ang mga paa ng Israel sa labas ng lupain na aking ibinigay sa kanilang mga magulang, kung kanila lamang tutuparing gawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa kanila, at ayon sa buong kautusan na iniutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises.
21:9 Nguni't hindi nila dininig: at hinikayat sila ni Manases na gumawa ng lalong masama kay sa ginawa ng mga bansa, na pinaglipol ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
21:10 At ang Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta, na nagsasabi,
21:11 Sapagka't ginawa ni Manases na hari sa Juda ang mga karumaldumal na ito, at gumawa ng kasamaan na higit kay sa lahat na ginawa ng mga Amorrheo, na una sa kaniya, at ipinapagkasala sa Juda naman sa pamamagitan ng kaniyang mga diosdiosan:
21:12 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, aking dadalhin ang ganiyang kasamaan sa Jerusalem at sa Juda, na sinomang makabalita ay magpapanting ang dalawang tainga.
21:13 At aking paaabutin sa Jerusalem ang pising panukat ng Samaria, at ang pabato ng bahay ni Achab: at aking lilinisin ang Jerusalem gaya ng paglilinis ng isang tao ng isang pinggan, na nililinis at itinataob.
21:14 At aking ihihiwalay ang nalabi sa aking mana, at aking ibibigay sa kamay ng kanilang mga kaaway: at sila'y magiging bihag at samsam sa lahat nilang kaaway.
21:15 Sapagka't gumawa sila ng masama sa aking paningin at minungkahi nila ako sa galit, mula nang araw na ang kanilang mga magulang ay magsilabas sa Egipto, hanggang nga sa araw na ito.
21:16 Bukod dito'y nagbubong mainam si Manases ng dugong walang sala, hanggang sa kaniyang napuno ang Jerusalem mula sa isang dulo hanggang sa kabila; bukod sa kaniyang sala na kaniyang ipinapagkasala sa Juda, sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon.
21:17 Ang iba nga sa mga gawa ni Manases, at ang lahat niyang ginawa, at ang sala na kaniyang ipinagkasala, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
21:18 At si Manases ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa halamanan ng kaniyang sariling bahay, sa halamanan ng Uzza: at si Amon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
21:19 Si Amon ay may dalawang pu't dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Mesalemeth na anak ni Harus na taga Jotba.
21:20 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon gaya ng ginawa ni Manases na kaniyang ama.
21:21 At siya'y lumakad ng buong lakad na inilakad ng kaniyang ama, at naglingkod sa mga diosdiosan na pinaglingkuran ng kaniyang ama, at sinamba niya ang mga yaon:
21:22 At binayaan ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang, at hindi lumakad sa daan ng Panginoon.
21:23 At ang mga lingkod ni Amon ay nagsipagbanta laban sa kaniya, at pinatay ang hari sa kaniyang sariling bahay.
21:24 Nguni't pinatay ng bayan ng lupain ang lahat na nagsipagbanta laban sa haring Amon; at ginawang hari ng bayan ng lupain si Josias na kaniyang anak na kahalili niya.
21:25 Ang iba nga sa mga gawa ni Amon na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
21:26 At siya'y nalibing sa kaniyang libingan sa halamanan ng Uzza; at si Josias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
22:1 Si Josias ay may walong taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlongpu't isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Idida na anak ni Adaia na taga Boscat.
22:2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad sa buong lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.
22:3 At nangyari, nang ikalabing walong taon ng haring Josias, na sinugo ng hari si Saphan na anak ni Azalia, na anak ni Mesullam, na kalihim, sa bahay ng Panginoon, na sinasabi,
22:4 Ahunin mo si Hilcias na dakilang saserdote, upang kaniyang bilangin ang salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon, na tinipon sa bayan ng tagatanod-pinto:
22:5 At ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang tumitingin ng gawain sa bahay ng Panginoon; at ibigay sa mga manggagawa na nangasa bahay ng Panginoon, upang husayin ang mga sira ng bahay.
22:6 Sa mga anluwagi, at sa mga manggagawa, at sa mga kantero at sa pagbili ng kahoy, at ng batong tabas upang husayin ang bahay.
22:7 Gayon ma'y walang pagtutuos na ginawa sila sa kanila sa salapi na nabigay sa kanilang kamay; sapagka't kanilang ginawang may pagtatapat.
22:8 At si Hilcias na dakilang saserdote ay nagsabi kay Saphan na kalihim, Aking nasumpungan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon. At ibinigay ni Hilcias ang aklat kay Saphan, at kaniyang binasa.
22:9 At si Saphan na kalihim ay naparoon sa hari, at nagbalik ng salita sa hari, at nagsabi, Inilabas ng iyong mga lingkod ang salapi na nasumpungan sa bahay, at ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang tumitingin ng gawain sa bahay ng Panginoon.
22:10 At isinaysay ni Saphan na kalihim, sa hari na sinasabi, Si Hilcias na saserdote ay nagbigay sa akin ng isang aklat.
22:11 At binasa ni Saphan sa harap ng hari. At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng aklat ng kautusan, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot.
22:12 At ang hari ay nagutos kay Hilcias na saserdote, at kay Ahicam na anak ni Saphan, at kay Achbor na anak ni Michaia, at kay Saphan na kalihim, at kay Asaia na lingkod ng hari, na sinasabi,
22:13 Kayo'y magsiyaon, isangguni ninyo sa Panginoon ako, at ang bayan, at ang buong Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na ito na nasumpungan: sapagka't malaki ang pagiinit ng Panginoon na nabugso sa atin, sapagka't hindi dininig ng ating mga magulang ang mga salita ng aklat na ito, na gawin ang ayon sa lahat na nasusulat tungkol sa atin.
22:14 Sa gayo'y si Hilcias na saserdote, at si Ahicam, at si Achbor, at si Saphan, at si Asaia, ay nagsiparoon kay Hulda na propetisa, na asawa ni Sallum na anak ni Ticva na anak ni Araas, na katiwala sa mga kasuutan (siya nga'y tumatahan sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila'y nakipagsanggunian sa kaniya.
22:15 At sinabi niya sa kanila, Ganito, ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Saysayin ninyo sa lalake na nagsugo sa inyo sa akin,
22:16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito, at sa mga tagarito, sa makatuwid baga'y lahat na salita ng aklat na nabasa ng hari sa Juda:
22:17 Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at nagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, upang ipamungkahi nila ako sa galit sa lahat na gawa ng kanilang mga kamay, kaya't ang aking pagiinit ay magaalab sa dakong ito, at hindi mapapatay.
22:18 Nguni't sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo upang magusisa sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel. Tungkol sa mga salita na inyong narinig.
22:19 Sapagka't ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakababa sa harap ng Panginoon, nang iyong marinig ang aking sinalita laban sa dakong ito, at laban sa mga tagarito na sila'y magiging kagibaan, at sumpa, at hinapak mo ang iyong kasuutan, at umiyak sa harap ko: ay dininig naman kita, sabi ng Panginoon.
22:20 Kaya't narito, ipipisan kita sa iyong mga magulang, at ikaw ay malalagay sa iyong libingan na payapa, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito. At sila'y nagbalik ng salita sa hari.
23:1 At ang hari ay nagsugo, at pinisan nila sa kaniya ang lahat na matanda sa Juda, at sa Jerusalem.
23:2 At sumampa ang hari sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na lalake ng Juda, at ang lahat na taga Jerusalem na kasama niya, at ang mga saserdote, at ang mga propeta, at ang buong bayan, maliit at gayon din ang malaki: at kanilang binasa sa kanilang mga pakinig ang lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.
23:3 At ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon, at upang ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, ng buong puso at ng buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito: at ang buong bayan ay nananayo sa tipan.
23:4 At inutusan ng hari si Hilcias na dakilang saserdote, at ang mga saserdote sa ikalawang hanay, at ang mga tagatanod-pinto, na ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat na kasangkapan na ginawa kay Baal at sa mga Asera, at sa lahat na natatanaw sa langit; at kaniyang sinunog sa labas ng Jerusalem sa mga parang ng Cedron, at dinala ang mga abo niyaon sa Beth-el.
23:5 At kaniyang inalis ang mga saserdote na palasamba sa mga dios-diosan na inihalal ng mga hari sa Juda na nagpasunog ng kamangyan sa mga mataas na dako sa mga bayan ng Juda, at sa mga dakong nangasa palibot ng Jerusalem; pati silang nagsisipagsunog ng kamangyan kay Baal, sa araw, at sa buwan, at sa mga tala, at sa lahat ng natatanaw sa langit.
23:6 At kaniyang inilabas ang mga Asera sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem sa batis ng Cedron, at sinunog sa batis ng Cedron, at dinurog, at inihagis ang nangadurog niyaon sa libingan ng karaniwang mga tao.
23:7 At kaniyang ibinagsak ang mga bahay ng mga sodomita, na nangasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga tabing ng mga babae para sa mga Asera.
23:8 At dinala ang lahat na saserdote mula sa mga bayan ng Juda, at nilapastangan ang mga mataas na dako, sa pinagsusunugan ng kamangyan ng mga saserdote, mula sa Geba hanggang sa Beerseba; at kaniyang ibinagsak ang mga mataas na dako ng mga pintuang-bayan na nangasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng bayan, na nangasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng bayan.
23:9 Gayon ma'y ang mga saserdote sa mga mataas na dako ay hindi sumampa sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila'y nagsikain ng tinapay na walang lebadura sa gitna ng kanilang mga kapatid.
23:10 At kaniyang nilapastangan ang Topheth, na nasa libis ng mga anak ni Hinnom, upang huwag paraanin ng sinoman ang kaniyang anak na lalake o babae sa apoy kay Moloch.
23:11 At kaniyang inalis ang mga kabayo na ibinigay ng hari ng Juda sa araw, sa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa siping ng silid ni Nathan-melech na kamarero, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karo ng araw.
23:12 At ang mga dambana na nangasa bubungan ng silid sa itaas ni Achaz, na ginawa ng mga hari sa Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang looban ng bahay ng Panginoon ay ipinagbabagsak ng hari, at pinaggigiba mula roon, at inihagis ang alabok ng mga yaon sa batis ng Cedron.
23:13 At ang mga mataas na dako na nangasa harap ng Jerusalem, na nasa kanan ng bundok ng kapahamakan, na itinayo ng haring Salomon kay Asthareth na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Chemos na karumaldumal ng Moab, at sa kay Milcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon, ay nilapastangan ng hari.
23:14 At kaniyang pinagputolputol ang mga haligi na pinakaalaala, at pinutol ang mga Asera, at pinuno ang kanilang mga dako ng mga buto ng tao.
23:15 Bukod dito'y ang dambana na nasa Bethel at ang mataas na dako na ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nabat, na nakapagkasala sa Israel, sa makatuwid baga'y ang dambanang yaon at ang mataas na dako ay kaniyang ibinagsak; at kaniyang sinunog ang mataas na dako at dinurog, at sinunog ang mga Asera.
23:16 At pagpihit ni Josias, ay kaniyang natanawan ang mga libingan na nangasa bundok; at siya'y nagsugo, at kinuha ang mga buto sa mga libingan, at sinunog sa dambana, at dinumhan, ayon sa salita ng Panginoon na itinanyag ng lalake ng Dios, na siyang nagtanyag ng mga bagay na ito.
23:17 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi, Anong monumento yaong aking nakikita? At isinaysay ng mga lalake ng bayan sa kaniya, Yao'y libingan ng lalake ng Dios, na nanggaling sa Juda, at itinanyag ang mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Beth-el.
23:18 At kaniyang sinabi, Bayaan ninyo; huwag galawin ng sinoman ang mga buto niya. Sa gayo'y binayaan nila ang mga buto niya, na kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.
23:19 At ang lahat na bahay naman sa mga mataas na dako na nangasa bayan ng Samaria, na ginawa ng mga hari sa Israel upang mungkahiin ang Panginoon sa galit, ay pinagaalis ni Josias, at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat na gawa na kaniyang ginawa sa Beth-el.
23:20 At kaniyang pinatay ang lahat na saserdote sa mga mataas na dako na nangandoon, sa ibabaw ng mga dambana, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga yaon; at siya'y bumalik sa Jerusalem.
23:21 At iniutos ng hari sa buong bayan, na sinasabi, Ipagdiwang ninyo ang paskua sa Panginoon ninyong Dios, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.
23:22 Tunay na hindi ipinagdiwang ang gayong paskua mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa lahat ng mga araw man ng mga hari sa Israel, o ng mga hari man sa Juda;
23:23 Kundi nang ikalabing walong taon ng haring Josias ay ipinagdiwang ang paskuang ito sa Panginoon sa Jerusalem.
23:24 Bukod dito'y sila na nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at ang mga manghuhula, at ang mga terap, at ang mga diosdiosan, at ang lahat na karumaldumal na natanawan sa lupain ng Juda, at sa Jerusalem, ay pinagaalis ni Josias, upang kaniyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na nasumpungan ni Hilcias na saserdote sa bahay ng Panginoon.
23:25 At walang naging hari na gaya niya na una sa kaniya, na bumalik sa Panginoon ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, at ng buong kapangyarihan niya, ayon sa buong kautusan ni Moises; ni may bumangon mang sumunod sa kaniya na gaya niya.
23:26 Gayon ma'y hindi tinalikdan ng Panginoon ang bagsik ng kaniyang malaking pag-iinit, na ipinagalab ng kaniyang galit laban sa Juda, dahil sa lahat na pamumungkahi na iminungkahi ni Manases sa kaniya.
23:27 At sinabi ng Panginoon, Akin ding aalisin ang Juda sa aking paningin, gaya ng aking pagaalis sa Israel, at aking itatakuwil ang bayang ito na aking pinili, sa makatuwid baga'y ang Jerusalem, at ang bahay na aking pinagsabihan. Ang pangalan ko'y doroon.
23:28 Ang iba nga sa mga gawa ni Josias, at ang lahat na kaniyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
23:29 Nang mga kaarawan niya, si Faraon-nechao na hari sa Egipto at umahon laban sa hari sa Asiria, sa ilog Eufrates: at ang haring Josias ay naparoon laban sa kaniya; at pinatay niya siya sa Megiddo, nang makita niya siya.
23:30 At dinala siyang patay ng kaniyang mga lingkod sa isang karo, mula sa Megiddo at dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang sariling libingan. At kinuha ng bayan ng lupain si Joachaz na anak ni Josias, at pinahiran ng langis siya, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama.
23:31 Si Joachaz ay may dalawangpu't tatlong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong buwan sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.
23:32 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.
23:33 At inilagay ni Faraon-nechao siya sa pangawan sa Ribla, sa lupain ng Hamath, upang siya'y huwag makapaghari sa Jerusalem; at siningilan ang bayan ng isang daang talentong pilak, at isang talentong ginto.
23:34 At ginawa ni Faraon-nechao si Eliacim na anak ni Josias, na hari na kahalili ni Josias, na kaniyang ama, at pinalitan ang kaniyang pangalan ng Joacim: nguni't kaniyang dinala si Joachaz; at siya'y naparoon sa Egipto, at namatay roon.
23:35 At ibinigay ni Joacim ang pilak at ginto kay Faraon; nguni't kaniyang pinabuwis ang lupain upang magbigay ng salapi ayon sa utos ni Faraon; kaniyang siningil ang pilak at ginto ng bayan ng lupain, sa bawa't isa ayon sa ipinabuwis niya upang ibigay kay Faraon-nechao.
23:36 Si Joacim ay may dalawangpu't limang taon nang magpasimulang maghari: at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Zebuda na anak ni Pedaia na taga Ruma.
23:37 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang mga magulang.
24:1 Nang kaniyang mga kaarawan ay umahon si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at si Joacim ay naging kaniyang alipin na tatlong taon: nang magkagayo'y bumalik siya at nanghimagsik laban sa kaniya.
24:2 At ang Panginoon ay nagsugo laban sa kaniya ng mga pulutong ng mga Caldeo, at ng mga pulutong ng mga taga Siria, at ng mga pulutong ng mga Moabita, at ng mga pulutong ng mga anak ni Ammon, at sinugo sila laban sa Juda upang lipulin ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta.
24:3 Tunay na sa utos ng Panginoon ay dumating ito sa Juda, upang alisin sila sa kaniyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat niyang ginawa.
24:4 At dahil naman sa walang salang dugo na kaniyang ibinubo; sapagka't kaniyang pinuno ang Jerusalem ng walang salang dugo: at hindi pinatawad ng Panginoon.
24:5 Ang iba nga sa mga gawa ni Joacim, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda.
24:6 Sa gayo'y natulog si Joacim na kasama ng kaniyang mga magulang: at si Joachin na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
24:7 At ang hari sa Egipto ay hindi na bumalik pa mula sa kaniyang lupain: sapagka't sinakop ng hari ng Babilonia, mula sa batis ng Egipto hanggang sa ilog Eufrates, lahat na nauukol sa hari sa Egipto.
24:8 Si Joachin ay may labing walong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y naghari sa Jerusalem na tatlong buwan: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Neusta na anak na babae ni Elnathan na taga Jerusalem.
24:9 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang ama.
24:10 Nang panahong yao'y ang mga lingkod ni Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay nagsiahon sa Jerusalem, at ang bayan ay nakubkob.
24:11 At si Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay naparoon sa bayan, samantalang ang kaniyang mga lingkod ay nangakukulong.
24:12 At nilabas ni Joachin na hari sa Juda ang hari sa Babilonia, niya, at ng kaniyang ina, at ng kaniyang mga lingkod, at ng kaniyang mga prinsipe, at ng kaniyang mga pinuno: at kinuha siya ng hari ng Babilonia sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari.
24:13 At dinala niya mula roon ang lahat na kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at pinagputolputol ang lahat na kasangkapang ginto na ginawa ng haring Salomon sa templo ng Panginoon, gaya ng sinabi ng Panginoon.
24:14 At kaniyang dinala ang buong Jerusalem, at ang lahat na prinsipe, at ang lahat na makapangyarihang lalake na may tapang, sa makatuwid baga'y sangpung libong bihag, at ang lahat na manggagawa at mangbabakal; walang nalabi liban sa mga pinakadukha sa bayan ng lupain.
24:15 At dinala niya si Joachin sa Babilonia; at ang ina ng hari, at ang mga asawa ng hari, at ang kaniyang mga pinuno, at ang mga pinakamahal sa lupain, ay dinala niya sa pagkabihag sa Babilonia mula sa Jerusalem.
24:16 At ang lahat na makapangyarihang lalake na pitong libo, at ang mga manggagawa at ang mga mangbabakal na isang libo, lahat na sa kanila ay malakas at matalino sa pakikipagdigma, ay pinagdadalang bihag sa Babilonia ng hari.
24:17 At ginawa ng hari sa Babilonia na hari si Matanias na kapatid ng ama ni Joachin na kahalili niya, at binago ang kaniyang pangalan ng Sedecias.
24:18 Si Sedecias ay may dalawangpu't isang taon nang magpasimulang maghari, at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.
24:19 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni Joachin.
24:20 Sapagka't sa pamamagitan ng galit ng Panginoon ay nangyari sa Jerusalem at sa Juda, hanggang sa kaniyang itinaboy sila sa kaniyang harap: at si Sedecias ay nanghimagsik laban sa hari sa Babilonia.
25:1 At nangyari nang ikasiyam na taon ng kaniyang paghahari sa ikasangpung buwan, nang ikasangpung araw ng buwan, na si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay naparoon, siya at ang buo niyang hukbo, laban sa Jerusalem, at humantong laban doon; at nagsipagtayo sila ng mga kuta sa palibot laban doon.
25:2 Sa gayo'y nakubkob ang bayan hanggang sa ikalabing isang taon ng haring Sedecias.
25:3 Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, ang kagutom ay lumala sa bayan, na anopa't walang tinapay sa bayan ng lupain.
25:4 Nang magkagayo'y gumawa ng isang butas sa kuta ng bayan, at ang lahat na lalaking mangdidigma ay nagsitakas sa gabi sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta, na nasa siping ng halamanan ng hari (ang mga Caldeo nga ay nangasa tapat ng palibot ng bayan;) at ang hari ay yumaon sa daan ng Araba.
25:5 Nguni't hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan nila siya sa mga kapatagan ng Jerico: at ang buo niyang hukbo ay nangalat sa kaniya.
25:6 Nang magkagayo'y kinuha nila ang hari at dinala nila siya sa hari sa Babilonia sa Ribla; at sila'y nangagbigay ng kahatulan sa kaniya.
25:7 At kanilang pinatay ang mga anak ni Sedecias, sa harap ng kaniyang mga mata, at inukit ang mga mata ni Sedecias at siya'y nilagyan ng damal, at dinala siya sa Babilonia.
25:8 Nang ikalimang buwan nga, nang ikapitong araw ng buwan, na siyang ikalabing siyam na taon ng haring Nabucodonosor, na hari sa Babilonia, ay naparoon sa Jerusalem si Nabuzaradan na punong kawal ng bantay, na lingkod ng hari sa Babilonia.
25:9 At kaniyang sinunog ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari; at ang lahat na bahay sa Jerusalem, sa makatuwid baga'y bawa't malaking bahay, ay sinunog niya ng apoy.
25:10 At ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem sa palibot, ng buong hukbo ng mga Caldeo, na kasama ng punong kawal ng bantay.
25:11 At ang nalabi na mga tao na naiwan sa bayan, at yaong nagsihiwalay, na nagsihilig sa hari sa Babilonia, at ang labi sa karamihan, ay dinalang bihag ni Nabuzaradan na punong kawal ng bantay.
25:12 Nguni't iniwan ng punong kawal ng bantay ang mga pinakadukha sa lupain upang maging maguubas at magbubukid.
25:13 At ang mga haliging tanso na nangasa bahay ng Panginoon, at ang mga tungtungan at ang dagatdagatan na tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay dinurog ng mga Caldeo, at dinala ang tanso sa Babilonia.
25:14 At ang mga palayok, at ang mga pala, at ang mga gunting, at ang mga kutchara, at ang lahat na kasangkapan na tanso na kanilang ipinangangasiwa, ay kanilang dinala.
25:15 At ang mga apuyan, at ang mga mangkok; na ang sa ginto, ay ginto, at ang sa pilak ay pilak, pinagdadala ng punong kawal ng bantay.
25:16 Ang dalawang haligi, ang dagatdagatan, at ang mga tungtungan, na ginawa ni Salomon sa bahay ng Panginoon; ang tanso ng lahat ng kasangkapang ito ay walang timbang.
25:17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang kapitel na tanso ang nasa dulo niyaon; at ang taas ng kapitel ay tatlong siko, na may yaring lambat at mga granada sa kapitel sa palibot, lahat ay tanso; at mayroong gaya ng mga ito ang ikalawang haligi na may yaring lambat.
25:18 At kinuha ng punong kawal ng bantay si Saraias na dakilang saserdote, at si Sophonias na ikalawang saserdote, at ang tatlong tagatanod-pinto:
25:19 At sa bayan ay kumuha siya ng isang pinuno na inilagay sa mga lalaking mangdidigma: at limang lalake sa kanila na nakakita ng mukha ng hari na nangasumpungan sa bayan: at ang kalihim, ang punong kawal ng hukbo, na humusay ng bayan ng lupain; at anim na pung lalake ng bayan ng lupain, na nangasumpungan sa bayan.
25:20 At kinuha sila ni Nabuzaradan na punong kawal ng bantay, at dinala sila sa hari sa Babilonia sa Ribla.
25:21 At sinaktan sila ng hari sa Babilonia, at pinatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamath. Sa gayo'y dinala ang Juda na bihag mula sa kaniyang lupain.
25:22 At tungkol sa bayan na naiwan sa lupain ng Juda, na iniwan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, ay sa mga yaon ginawa niyang tagapamahala si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan.
25:23 Nang mabalitaan nga ng lahat ng pinuno ng mga hukbo, nila, at ng kanilang mga lalake, na ginawang tagapamahala si Gedalias ng hari sa Babilonia, ay nagsiparoon sila kay Gedalias sa Mizpa, sa makatuwid bagay si Ismael na anak ni Nathanias, at si Johanan na anak ni Carea, at si Saraia na anak ni Tanhumet, na Netofatita, at si Jaazanias na anak ng Maachateo, sila at ang kanilang mga lalake.
25:24 At si Gedalias ay sumampa sa kanila at sa kanilang mga lalake, at nagsabi sa kanila, Kayo'y huwag mangatakot ng dahil sa mga lingkod ng mga Caldeo: magsitahan kayo sa lupain, at kayo'y magsipaglingkod sa hari sa Babilonia, at ikabubuti ninyo.
25:25 Nguni't nangyari nang ikapitong buwan, na si Ismael na anak ni Nathanias, na anak ni Elisama, na mula sa lahing hari, at sangpung lalake na kasama niya, ay naparoon, at sinaktan si Gedalias, na anopa't namatay, at ang mga Judio at ang mga Caldeo, na mga kasama niya sa Mizpa.
25:26 At ang buong bayan, maliit at gayon din ang malaki, at ang mga pinuno ng hukbo, ay nagsitindig, at nagsiparoon sa Egipto; sapagka't sila'y nangatakot sa mga Caldeo.
25:27 At nangyari nang ikatatlongpu't pitong taon ng pagkabihag ni Joachin na hari sa Juda, nang ikalabing dalawang buwan, nang ikadalawangpu't pitong araw ng buwan, na si Evil-merodach na hari sa Babilonia, nang taon na siya'y magpasimulang maghari, ay itinaas ang ulo ni Joachin na hari sa Juda sa bilangguan;
25:28 At siya'y nagsalita na may kagandahang loob sa kaniya, at inilagay ang kaniyang luklukan sa itaas ng luklukan ng mga hari na kasama niya sa Babilonia.
25:29 At kaniyang pinalitan ang kaniyang damit na pagkabihag. At kumain si Joachin ng tinapay sa harap niya na palagi sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.
25:30 At tungkol sa kaloob sa kaniya, may palaging kaloob na ibinibigay sa kaniya ang hari, bawa't araw isang bahagi ng pagkain, lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.